Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 4)

Ang pinakamahalagang bahagi ng paghahanap ng katotohanan ay ang magtuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang dami ng maaaring matamo ng isang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nakasalalay sa kanyang kakayahang umunawa. Bagama’t ang lahat ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, may ilan na kayang umunawa ng tunay na kahulugan at makahanap ng liwanag mula sa mga ito, at hangga’t nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, may makukuha silang pakinabang. Subalit hindi ganoon ang iba. Nakatuon lamang sila sa pag-unawa sa mga doktrina kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Bunga nito, pagkatapos ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang maraming doktrina, subalit tuwing nakararanas sila ng mga problema, hindi nila kayang malutas ang mga ito; wala sa kanilang natutunan ang kapaki-pakinabang. Ano ang nangyayari dito? Kahit na nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang lahat ng tao, magkaiba ang mga resulta. Natatanggap ito ng mga taong umiibig sa katotohanan, samantalang ayaw itong tanggapin ng mga hindi umiibig sa katotohanan kahit pa nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Hindi nila hahanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos anumang mga problema ang kaharapin nila. Kayang talakayin ng mga taong may kaunting karanasan ang ilang praktikal na bagay kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at nagsasalita tungkol sa kanilang praktikal na kaalaman ng katotohanan—pagkaunawa ito sa katotohanan. Nauunawaan lamang ng mga walang karanasan ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at wala sila ni katiting na kaalaman at karanasan—hindi ito maituturing na pagkaunawa sa katotohanan. Madalas sabihin sa iba ng ilang lider na ang mismong dahilan kaya sila pumupunta sa iglesia ay upang magkaloob ng katotohanan. Tama ba ang pahayag na ito? Hindi dapat sabihin nang basta-basta ang mga salitang “magkaloob ng katotohanan.” Sino ba ang nagtataglay ng katotohanan? Sino ba ang nangangahas magsabi na nagkakaloob sila ng katotohanan? Hindi ba’t labis-labis ang pahayag na ito? Kapag nananalig kayo sa Diyos at sumusunod sa Kanya, isang tao lamang kayo na tumatanggap at naghahanap ng katotohanan. Kung kaya ninyo itong gawin, napakabuti na niyon. Kahit pa kaya ng isang tao na maunawaan ang ilang katotohanan at makapagsalita tungkol sa kaunting karanasan at kaalaman sa katotohanan, hindi masasabing siya ay nagkakaloob ng katotohanan dahil walang taong nagtataglay ng katotohanan. Paano matatawag na pagkakaloob ng katotohanan ang pagsasalita tungkol sa kaunting karanasan at kaalaman? Samakatuwid, mailalarawan lamang ang mga lider at manggagawa bilang gumaganap sa gawain ng pagdidilig, at bilang partikular na responsable sa buhay pagpasok ng mga kapatid sa iglesia. Hindi maaaring sabihing sila ay nagkakaloob ng katotohanan. Kahit pa ang isang tao ay may kaunting tayog, hindi pa rin maaaring sabihin na siya ay nagkakaloob ng katotohanan sa iba. Hinding-hindi ito maaaring sabihin. Ilang tao ba ang nakauunawa sa katotohanan? Ang tayog ba ng isang tao ang batayan kung kuwalipikado siyang magkaloob ng katotohanan? Kahit pa may kaunting karanasan at kaalaman sa katotohanan ang isang tao, hindi maaaring sabihing nakapagkakaloob siya ng katotohanan. Hinding-hindi iyon maaaring sabihin, napakasalat nito sa katwiran. May mga taong ikinararangal ang pagdidilig sa iglesia at pagkakaloob ng katotohanan, na para bang marami silang nauunawaan sa katotohanan. Gayunman, hindi nila makilala ang mga huwad na lider at mga anticristo. Hindi ba’t isa itong kontradiksiyon? Kung may magtatanong sa iyo kung ano ang katotohanan, at sasagutin mo ng, “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; ang katotohanan ay ang salita ng Diyos,” nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kaya mo lamang magsabi ng mga salita at doktrina, at kulang ka sa karanasan at kaalaman kung ano ba ang katotohanan, kaya hindi ka nararapat na magkaloob nito sa iba. Sa ngayon, kulang pang lahat sa karanasan ang mga naglilingkod bilang lider; may kaunti lamang silang kakayahan at pagnanais na hanapin ang katotohanan. Angkop sila sa pag-aaruga at pagsasanay, at kaya nilang manguna sa pagtupad ng mga tungkulin. Kahit pa kaya nilang magbahagi ng kaunting kaalaman, paano masasabing nagkakaloob sila ng katotohanan? Kayang magsalita ng karamihan sa mga lider at manggagawa tungkol sa kaunting kaalaman, pero hindi ibig sabihin niyon na mayroon silang katotohanang realidad. Kung tutuusin, maraming taon na silang nakinig sa mga sermon at may kaunti silang mababaw na kaalaman; handa silang magbahagi tungkol sa katotohanan at kaya nilang medyo makatulong sa iba, pero hindi maaaring sabihing nagkakaloob sila ng katotohanan. May kakayahan ba ang mga lider at manggagawa na magkaloob ng katotohanan? Walang-wala. Nangangaral at nagdidilig sa iglesia ang mga lider at manggagawa; ang pinakamahalaga, kailangan ay kaya nilang lumutas ng praktikal na mga problema, iyon ang tanging paraan upang tunay nilang madiligan ang iglesia. Sa ngayon, hindi pa rin kayang lutasin ng karamihan sa mga lider at manggagawa ang maraming praktikal na problema. Kahit pa nakakapagbahagi sila ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan, ang karamihan pa rin sa kanilang sinasabi ay mga salita at doktrina lamang. Hindi nila kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa realidad ng katotohanan, samakatuwid ay kaya ba talaga nilang lumutas ng mga problema? May kaunting kakayahan lamang na umunawa ang karamihan sa mga lider at manggagawa at wala pa silang gaanong praktikal na karanasan. Maaari bang sabihin na mas nauunawaan nila ang katotohanan at higit silang may katotohanang realidad kaysa sa iba? Hindi ito maaaring sabihin, kapos pa sila rito. May mga lider at manggagawa na itinaas ang ranggo nang may tanging layon ng pagtutustos; hinahayaan silang magsagawa dahil may kaunti silang kakayahan, at taglay nila ang kaunting kakayahan na umunawa, at angkop ang kanilang kapaligirang pampamilya. Hindi naman ibig sabihin ng pagtataas ng ranggo ng isang tao ay nagtataglay siya ng katotohanang realidad at kaya niyang magkaloob ng katotohanan. Ibig sabihin lamang nito na ang mga naghahanap ng katotohanan ay nagtatamo ng kaliwanagan at liwanag bago ang iba, pero kapos ang liwanag na ito sa katotohanan, hindi ito bahagi ng katotohanan, umaayon lamang ito sa katotohanan. Tanging ang tuwirang ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan. Ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu ay sumusunod lamang sa katotohanan, dahil ang Banal na Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa mga tao ayon sa kanilang tayog. Hindi Niya tuwirang ipinahahayag sa mga tao ang katotohanan. Sa halip, nagbibigay Siya sa kanila ng liwanag na kaya nilang makamit. Kailangan mo itong maunawaan. Kung may kaunting kabatiran ang isang tao sa mga salita ng Diyos at may natamo siyang kaunting kaalaman mula sa karanasan, maibibilang ba ito na katotohanan? Hindi. May kaunti lamang siyang pagkaunawa sa katotohanan. Ang mga salita ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay hindi kumakatawan sa mga salita ng Diyos, hindi kumakatawan sa katotohanan, at hindi ang katotohanan. Ang taong iyon ay may kaunti lamang pagkaunawa sa katotohanan, at medyo naliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung nagtatamo ang isang tao ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan at pagkatapos ay naipagkakaloob ito sa iba, ang pawang ginagawa lamang niya ay magkaloob sa iba ng kanyang pagkaunawa at karanasan. Hindi mo maaaring sabihing nagkakaloob siya ng katotohanan sa iba. Ayos lang kung sabihin mong nagbabahagi siya tungkol sa katotohanan; ito ay angkop na paglalarawan. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ang ibinabahagi mo ay ang pagkaunawa mo sa katotohanan; hindi ito katumbas ng katotohanan mismo. Samakatuwid, masasabi mo lamang na nagbabahagi ka tungkol sa kaunting pagkaunawa at karanasan; paano mo masasabing nagkakaloob ka ng katotohanan? Ang pagkakaloob ng katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Sino ang karapat-dapat na magsabi ng pangungusap na ito? Tanging ang Diyos lamang ang may kakayahan na magkaloob ng katotohanan sa mga tao. May kakayahan ba ang mga tao? Samakatuwid, kailangan mong makita nang malinaw ang bagay na ito. Hindi lamang ito isang isyu ng paggamit ng mga maling salita, ang pinakabuod ay nilalabag at binabaluktot mo ang mga katunayan. Kalabisan ang ipinapahayag mo. Maaaring ang mga tao ay may kaunting pagkaunawa at karanasan sa mga salita ng Diyos, pero hindi mo masasabing mayroon silang katotohanan, o na sila ay may katotohanan. Hinding-hindi mo ito masasabi. Kahit gaano pa ang pagkaunawang nakakamit ng mga tao mula sa katotohanan, hindi mo masasabing taglay nila ang buhay ng katotohanan, lalong hindi masasabing sila ay may katotohanan. Hinding-hindi mo ito masasabi. Ang nauunawaan lamang ng mga tao ay kaunting katotohanan at may kaunti lang silang liwanag at ilang paraan ng pagsasagawa. May kaunti lamang silang realidad ng pagsunod, at kaunting tunay na pagbabago. Pero hindi mo masasabing nakamit na nila ang katotohanan. Pinagkakalooban ng Diyos ng buhay ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Ipinag-uutos din ng Diyos na maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makamit ang katotohanan upang mapaglingkuran at mapalugod nila Siya. Kahit pa dumating ang araw na maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos hanggang sa puntong tunay na nilang nakamit ang katotohanan, hindi mo pa rin masasabing may katotohanan ang mga tao, lalo ang sabihing taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil kahit pa may maraming taon ng karanasan ang mga tao, may hangganan ang dami ng katotohanan na makakamit nila, at ito ay napakakaunti. Ang katotohanan ang pinakamalalim at pinakamahiwagang bagay; ito ang tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Kahit maranasan ng mga tao ang katotohanan sa buong buhay nila, ang makakamit nila rito ay napakalimitado. Hindi kailanman lubusang makakamit ng mga tao ang katotohanan, lubusang mauunawaan ito, o lubusang maisasabuhay ito. Ito ang ibig sabihin ng Diyos kapag sinasabi Niya na palaging magiging mga sanggol ang mga tao sa Kanyang presensiya.

Naniniwala ang ilang tao na kapag taglay na nila ang karanasan at kaalaman sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, at may lubusan na silang pagkaunawa sa bawat aspeto ng katotohanan, at kaya na nilang kumilos ayon sa katotohanan ay magagawa na nilang magpahayag ng katotohanan. Iniisip nilang sa paggawa nito, mabubuhay silang gaya ni Cristo, katulad lang ng sinabi ni Pablo, “Para sa akin, ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21). Tama ba ang pananaw na ito? Hindi ba’t isa rin itong pagsusulong ng argumentong “Diyos-tao?” Maling-mali ito! Kailangang maunawaan ng mga tao ang isang bagay: Gaano man kalawak ang karanasan at kaalaman mo sa katotohanan, o kahit pa nakapasok ka na sa katotohanang realidad, at kaya mong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at kaya mong magpasakop sa Diyos at magpatotoo para sa Diyos, at gaano man kataas o kalalim ang iyong maging pagpasok sa buhay, ang buhay mo ay buhay pa rin ng isang tao, at hindi kailanman maaaring maging Diyos ang isang tao. Isa itong ganap na katotohanang kailangang maunawaan ng mga tao. Kahit pa, sa wakas, ay may karanasan at pagkaunawa ka sa bawat aspeto ng katotohanan, at nagpapasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos at nagiging isa kang pinerpektong tao, hindi pa rin masasabing may katotohanan ka. Kahit pa kaya mong magpahayag ng tunay na patotoong batay sa karanasan, hindi ito nangangahulugang kaya mong magpahayag ng katotohanan. Noon, karaniwang sinasabi ng mga relihiyosong grupo na ang isang tao ay may “buhay ni Cristo sa kalooban nito.” Ito ay isang mali at malabong pahayag. Bagama’t hindi na ito sinasabi ng mga tao ngayon, nananatiling malabo ang kanilang pagkaunawa sa bagay na ito. Iniisip ng ilang tao, “Dahil nakamit na namin ang katotohanan at nasa kalooban namin ang katotohanan, taglay namin ang katotohanan, at nasa puso namin ang katotohanan, at kaya rin namin itong ipahayag.” Hindi ba’t mali rin ito? Madalas pag-usapan ng mga tao kung nasa kanila ba o wala ang katotohanan, na pangunahing tumutukoy sa kung mayroon o wala silang karanasan at kaalaman sa katotohanan, at kung kaya nila o hindi na gumawa ayon sa katotohanan. Nararanasan ng lahat ang katotohanan, pero iba-iba ang kalagayang nararanasan ng bawat tao. Iba-iba rin ang nakakamit ng bawat tao mula sa katotohanan. Kung pagsasama-samahin mo ang karanasan at pagkaunawa ng lahat, hindi pa rin nito lubos na maipapakita ang diwa ng katotohanan. Gayon kalalim at kahiwaga ang katotohanan! Bakit Ko sinasabing hindi maaaring humalili sa katotohanan ang lahat ng nakamit mo at lahat ng pagkaunawa mo? Pagkatapos marinig ng mga tao ang pagbabahagi mo ng ilan sa iyong karanasan at pagkaunawa, mauunawaan nila ito, at hindi nila kailangang dumanas nang mahabang panahon upang lubusang maunawaan at makamit ito. Kahit pa isa itong bagay na medyo mas malalim, hindi nila kakailanganin ang maraming taon ng karanasan. Pero pagdating sa katotohanan, hindi mararanasan ng mga tao ang kalahatan nito sa kanilang buong buhay. Kahit pa pagsama-samahin mo ang lahat ng tao, hindi nila mararanasan itong lahat. Tulad ng nakikita mo, lubhang malalim at mahiwaga ang katotohanan. Hindi kaya ng mga salita na maipaliwanag nang lubos ang katotohanan. Ang katotohanang ipinahahayag sa wika ng tao ay totoo para sa mga tao. Hindi kailanman mararanasan ng mga tao ang kalahatang ito, at hindi nila kailanman lubusang maisasabuhay ang katotohanan. Ito ay dahil kahit pa gumugol ang mga tao ng libo-libong taon, hindi pa rin nila lubusang mararanasan ang ni isang katotohanan. Gaano karaming taon man ang maranasan ng mga tao, magiging limitado pa rin ang katotohanang nauunawaan at nakakamit nila. Masasabing walang-hanggang bukal ng buhay ng sangkatauhan ang katotohanan. Ang Diyos ang pinagmulan ng katotohanan, at ang pagpasok sa mga katotohanang realidad ay isang gawaing walang katapusan.

Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo; kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya. Kung sinasabi mo na sa pagkakaroon ng kaunting karanasan at kaalaman ay mayroon ka nang katotohanan, nagtamo ka na ba ng kabanalan? Bakit nagpapakita ka pa rin ng katiwalian? Bakit hindi ka makakilala sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga tao? Bakit hindi ka makapagpatotoo sa Diyos? Kahit nauunawaan mo ang ilang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang Diyos? Maisasabuhay mo ba ang disposisyon ng Diyos? Maaaring mayroon kang kaunting karanasan at kaalaman tungkol sa isang partikular na aspeto ng isang katotohanan, at maaaring makapagbigay ka ng kaunting kaliwanagan sa pananalita mo, ngunit ang maipagkakaloob mo sa mga tao ay lubhang limitado at hindi magtatagal. Ito ay dahil hindi kumakatawan sa diwa ng katotohanan ang pagkaunawa at liwanag na iyong natamo, at hindi ito kumakatawan sa kabuuan ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa isang bahagi o isang maliit na aspeto ng katotohanan, isang antas lamang ito na maaaring makamtan ng mga tao, at malayo pa ito sa diwa ng katotohanan. Ang kaunting liwanag, kaliwanagan, karanasan, at kaalamang ito ay hinding-hindi makakapalit sa katotohanan. Kahit pa nagtamo ng ilang resulta ang lahat ng tao sa pagdanas ng isang katotohanan, at pagsama-samahin ang lahat ng kanilang karanasan at kaalaman, hindi iyon aabot sa kabuuan at diwa ng kahit isang linya ng katotohanang ito. Nasabi na ito noong araw, “Binubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa kalipunan ng mga tao, wala ni isa mang umiibig sa Akin.” Ang pangungusap na ito ang katotohanan, ang tunay na diwa ng buhay, isang napakalalim na bagay, at isang pagpapahayag ng Diyos Mismo. Pagkaraan ng tatlong taon ng karanasan, maaaring magkaroon ka ng kaunting mababaw na pagkaunawa, at pagkaraan ng pito o walong taon, maaaring magkaroon ka ng kaunti pang pagkaunawa, ngunit ang pagkaunawang ito ay hinding-hindi makahahalili sa linyang ito ng katotohanan. Pagkaraan ng dalawang taon, maaaring may ibang tao na magkaroon ng kaunting pagkaunawa, o kaunti pang pagkaunawa pagkaraan ng sampung taon, o medyo malalim na pagkaunawa pagkatapos ng habambuhay, ngunit hindi makahahalili sa linyang ito ng katotohanan ang pinagsamang pagkaunawa ninyong dalawa. Gaano man kalaki ang pinagsamang kabatiran, liwanag, karanasan, o kaalamang mayroon kayong dalawa, hinding-hindi ito makahahalili sa linyang ito ng katotohanan. Ibig sabihin, ang buhay ng tao ay palaging buhay ng tao, at paano man umaayon ang iyong kaalaman sa katotohanan, kalooban ng Diyos, o mga hinihingi ng Diyos, hinding-hindi ito makahahalili sa katotohanan. Ang sabihin na nasa mga tao ang katotohanan ay nangangahulugan na tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, isinasabuhay ang ilan sa mga realidad ng salita ng Diyos, may kaunting tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, at kayang dakilain at patotohanan ang Diyos. Gayunman, hindi masasabi na taglay na ng mga tao ang katotohanan, dahil napakalalim ng katotohanan. Isang linya lamang ng salita ng Diyos ay maaari nang abutin ng habambuhay para maranasan ng mga tao, at kahit pagkaraan ng ilang habambuhay ng karanasan, o libu-libong taon, hindi lubos na mararanasan ang isang linya ng salita ng Diyos. Malinaw na talagang walang katapusan ang proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa Diyos, at na may limitasyon kung gaano kalaking katotohanan ang mauunawaan ng mga tao sa isang habambuhay ng karanasan. Sinasabi ng ilang tao na nasa kanila ang katotohanan sa sandaling naunawaan na nila ang tekstuwal na kahulugan ng salita ng Diyos. Hindi ba ito kalokohan? Pagdating sa kapwa liwanag at kaalaman, mayroong usapin ng kalaliman. Ang mga katotohanang realidad na maaaring pasukin ng isang tao sa loob ng isang habambuhay ng paniniwala ay limitado. Samakatuwid, dahil lamang taglay mo ang kaunting kaalaman at liwanag ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang mga katotohanang realidad. Ang pangunahing bagay na dapat mong tingnan ay kung nauugnay sa liwanag at kaalamang ito ang diwa ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Nadarama ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan kapag nakapagpapaliwanag sila o nakapag-aalok sila ng kaunting mababaw na pagkaunawa. Pinasasaya sila nito, kaya nagiging mayabang sila at may labis na pagtingin sa sarili. Sa katunayan, malayo pa rin silang makapasok sa katotohanang realidad. Anong katotohanan ang taglay ng mga tao? Maaari bang mabuwal kahit kailan at kahit saan ang mga taong nagtataglay ng katotohanan? Kapag taglay ng mga tao ang katotohanan, paano pa nila malalabanan at mapagkakanulo ang Diyos? Kung sinasabi mo na taglay mo ang katotohanan, pinatutunayan nito na sa loob mo ay ang buhay ni Cristo—kakila-kilabot iyan! Naging Panginoon ka na, naging si Cristo ka na? Isang kakatwang pahayag ito, at lubusang hinuha ng mga tao; hinggil ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at hindi isang mapaninindigang katayuan sa Diyos.

Kapag sinasabing nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at ipinamumuhay ito bilang kanilang buhay, ano ang tinutukoy ng “buhay” na ito? Nangangahulugan ito na naghahari ang katotohanan sa kanilang mga puso, nangangahulugan ito na kaya nilang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at nangangahulugan ito na mayroon silang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos at isang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag taglay ng mga tao sa loob nila ang bagong buhay na ito, lubos itong nakakamtan sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakabatay ito sa pundasyon ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, at nakakamtan ito sa pamamagitan ng pamumuhay nila sa saklaw ng nasasakupan ng katotohanan; ang tanging nilalaman ng buhay ng mga tao ay ang kanilang kaalaman at karanasan sa katotohanan. Iyon ang pundasyon nito, at hindi ito lumalampas sa saklaw na iyon; ito ang buhay na tinutukoy kapag nagsasalita tungkol sa pagkamit sa katotohanan at buhay. Ang magawang mamuhay ayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na nasasaloob ng mga tao ang buhay ng katotohanan, ni nangangahulugan ito na kung taglay nila ang katotohanan bilang kanilang buhay, ay nagiging katotohanan sila, at ang kanilang panloob na buhay ay nagiging buhay ng katotohanan; lalong hindi masasabi na sila ang katotohanan at buhay. Sa huli, ang kanilang buhay ay buhay pa rin ng isang tao. Kung nakakapamuhay ka nang ayon sa mga salita ng Diyos at nagtataglay ng kaalaman tungkol sa katotohanan, kung ang kaalamang ito ay nag-uugat sa iyong kalooban, at nagiging buhay mo, at ang katotohanang iyong nakamit sa pamamagitan ng karanasan ang nagiging batayan ng iyong pag-iral, kung mamumuhay ka ayon sa mga salitang ito ng Diyos, walang sinumang makapagbabago nito, at hindi ka malilinlang o magagawang tiwali ni Satanas, pagkatapos ay makakamit mo na ang katotohanan at buhay. Ibig sabihin, ang iyong buhay ay naglalaman lamang ng katotohanan, ibig sabihin ay ang iyong pagkaunawa, karanasan, at kabatiran sa katotohanan; at anuman ang gawin mo, mamumuhay ka ayon sa mga bagay na ito, at hindi ka lalampas sa saklaw ng mga ito. Ito ang kahulugan ng pagtataglay ng katotohanang realidad, at ang gayong mga tao ang nais makamit ng Diyos sa huli sa Kanyang gawain. Ngunit gaano man kahusay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang kanilang diwa ay isa pa ring sa sangkatauhan, at hindi man lamang maikukumpara sa diwa ng Diyos. Ito ay dahil hindi nila kailanman mararanasan ang lahat ng katotohanan, at imposible para sa kanila na buong-buong isabuhay ang katotohanan; maaari lamang nilang isabuhay ang napakalimitadong bahagi ng katotohanan na maaaring makamtan ng mga tao. Paano, kung gayon, sila maaaring maging Diyos? Kung personal na pinerpekto ng Diyos ang isang grupo ng mga tao upang maging mas matataas na Diyos at mas mabababang Diyos, hindi ba’t magiging gulo iyon? Bukod dito, imposible at kalokohan ang gayong bagay—katawa-tawang ideya ito ng tao. Nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at pagkatapos ay nilikha Niya ang tao, upang ang tao ay sumunod at sumamba sa Kanya. Ang paglikha ng Diyos sa tao ang pinakamakabuluhang gawa. Tao lamang ang nilikha ng Diyos; hindi Siya lumikha ng mga Diyos. Gumagawa ang Diyos sa anyo ng pagkakatawang-tao, pero hindi ito kapareho ng paglikha Niya ng isang Diyos. Hindi nilikha ng Diyos ang Kanyang Sarili; may sarili Siyang diwa, at hindi ito nagbabago. Hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya’t dapat silang magbasa ng higit pang mga salita ng Diyos; mauunawaan lamang ng mga tao ang katotohanan kung palagi nila itong hinahanap. Hindi dapat magsalita nang walang saysay ang mga tao batay sa kanilang imahinasyon. Kung mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, at namumuhay ayon sa tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, unti-unti mong magiging buhay ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi mo pa rin masasabi na ang katotohanan ang buhay mo o na ang ipinahahayag mo ay ang katotohanan; kung gayon ang iyong opinyon, mali ka. Kung mayroon ka lamang ilang karanasan sa isang partikular na aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito mismo ang pagtataglay mo ng katotohanan? Maituturing ba itong pagtatamo ng katotohanan? Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, mula sa katotohanan? Kung hindi makakamtan ang mga epektong ito, nagpapatunay ito na ang maranasan lamang ang isang partikular na aspeto ng katotohanan ay hindi maituturing na tunay na pagkaunawa sa katotohanan, o pagkilala sa Diyos, lalong hindi masasabi na nakamit na ang katotohanan. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan; nararanasan nila ito sa loob ng limitado nitong saklaw, at hindi nila mararanasan ang lahat ng di-mabilang na aspeto ng katotohanan. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil lamang ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Masasabi lamang na umaayon ang mga ito sa katotohanan. Ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos, at ang mga panloob na kahulugan at mga realidad ng katotohanan ay napakalawak ang sakop, at walang sinumang nakakaarok o nakapagpapabulaan niyon. Basta’t mayroon kang tunay na pagkaunawa sa katotohanan at sa Diyos, mauunawaan mo ang ilang katotohanan; walang sinuman ang makakagawang pabulaanan ang mga tunay na pagkaunawang ito, at ang mga patotoong naglalaman ng mga katotohanang realidad ay mapaninindigan magpakailanman. Pinupuri ng Diyos ang mga nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan, at kaya mong umasa sa Diyos para maranasan ang mga salita ng Diyos at kaya mong tanggapin ang katotohanan bilang iyong buhay anuman ang sitwasyon mo, magkakaroon ka ng isang landas, magagawa mong makaligtas, at makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kahit umaayon sa katotohanan ang kakaunting nakakamit ng mga tao, hindi masasabi na ito ang katotohanan, lalo nang hindi masasabi na nakamit na nila ang katotohanan. Ang kakaunting liwanag na natamo ng mga tao ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o sa ilang nakapaloob sa isang tiyak na saklaw, ngunit hindi magiging angkop sa loob ng isang naiibang saklaw. Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao, napakalimitado pa rin nito, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makaaabot sa lalim ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao at ang pagkaunawa ng isang tao ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.

Kapag ang mga tao ay may kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, nakakaunawa ng ilang katotohanan at ng kaunting kalooban ng Diyos, kapag may kaunti silang kaalaman sa Diyos, at ang kanilang disposisyon ay medyo nagbago na at nalinis na, maaari pa rin lamang sabihin na sila ay isang tao, at isang nilikhang tao, pero ito mismo ang uri ng normal na tao na ninanais makamit ng Diyos. Kung gayon, anong uri ka ng tao? May ilang tao na nagsasabing, “Ako ay isang tao na nagtataglay ng katotohanan.” Hindi ito naaangkop na sabihin. Maaari mo lamang sabihing, “Ako ay isang tao na ginawang tiwali ni Satanas, at na nakaranas ng paghatol at pagpaparusa ng mga salita ng Diyos. Sa wakas ay naunawaan ko ang katotohanan, at nalinis na ang aking tiwaling disposisyon. Ako ay isang tao lamang na iniligtas ng Diyos.” Kung sasabihin mong, “Ako ay isang tao na nagtataglay ng katotohanan. Naranasan ko na ang lahat ng salita ng Diyos at lubos na naunawaan ang lahat ng iyon. Alam ko ang kahulugan ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at ang konteksto at mga sitwasyon kung kailan sinabi ang mga salitang iyon. Alam kong lahat ito. Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay taglay ko ang katotohanan?” ikaw ay nagkakamali na naman. Hindi ka nagiging isang taong nagtataglay ng katotohanan dahil lang mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos at nagkamit ka ng kaunting liwanag mula sa mga iyon. Lalo nang hindi kuwalipikadong magpahayag ng gayon ang mga may kakayahan lamang na makaunawa at magtalakay ng ilang doktrina. Kailangang malinaw na maunawaan ng mga tao kung ano ang dapat na maging posisyon ng isang tao sa harap ng Diyos at sa harap ng katotohanan, kung ano ang mga tao, kung ano ang buhay sa kalooban ng tao, at kung ano ang buhay ng Diyos. Kailangang maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao. Matapos maranasan ang gawain ng Diyos nang ilang araw, at maunawaan ang ilang salita at doktrina, ipinapalagay ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan. Ito ang mga taong pinakamayabang, at walang-wala sila sa katwiran. Kailangang masuri ang bagay na ito upang tunay na maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili at makilala nila ang sangkatauhan, at upang maunawaan nila kung ano ang tiwaling sangkatauhan, kung anong antas ang kayang maabot ng mga tao pagkatapos silang maperpekto sa wakas, at kung ano ang angkop na paraan upang tawagin at pangalanan sila. Dapat malaman ito ng mga tao at hindi bigyang-layaw ang mga kathang-isip. Mas mainam para sa mga tao ang maging mas makatotohanan sa kanilang asal, nang sa gayon ay magiging medyo mas praktikal sila. May ilang taong nananalig sa Diyos ang palaging pinagsisikapang matamo ang sarili nilang mga pangarap at palaging naghahangad na maisabuhay ang buhay at imahe ng Diyos. Makatotohanan ba ito? Ninanais lagi ng mga tao na taglayin ang buhay ng Diyos—hindi ba’t isa itong mapanganib na bagay? Mapagmataas na ambisyon ito ng mga tao, at katulad lamang ito ng mapagmataas na ambisyon ni Satanas. Ang ilang tao, matapos magtrabaho sa iglesia nang ilang panahon, ay nagsisimulang mag-isip, “Pagkatapos mawalan ng kapangyarihan ang malaking pulang dragon, dapat ba kaming maging mga hari at magkaroon ng kapangyarihan? Ilang lungsod ang dapat kontrolin ng bawat isa sa amin?” Kung kayang sabihin ng isang tao ang gayong mga bagay, napakasama niyon. Ang mga taong walang karanasan ay mahilig magsalita tungkol sa mga doktrina at magpalayaw ng mga pantasya. At habang ginagawa nila iyon, pakiramdam pa nga nila ay matalino sila, na para bang nagtagumpay sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang namumuhay sila bilang si Cristo at ang Diyos. Lahat sila ay mga alagad ni Pablo, at tinatahak nila ang landas ni Pablo. Kung paninindigan nilang hindi magsisi, ang lahat ng taong ito ay magiging mga anticristo at magbabata ng matinding kaparusahan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.