Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 3)
Bigo ang isang malaking bilang ng mga mananampalataya na bigyang-halaga ang pagbabago sa buhay disposisyon, sa halip ay itinutuon nila sa at inaalala ang saloobin ng Diyos sa kanila at kung may lugar sila o wala sa puso ng Diyos. Palagi nilang sinusubukang hulaan kung paano sila nakikita ng Diyos at kung may posisyon ba sila o wala sa Kanyang puso. Maraming tao ang nagkikimkim ng mga ganitong uri ng kaisipan, at kung makakaharap nila ang Diyos, palagi nilang pinagmamasdan kung masaya o nagagalit Siya kapag nakikipag-usap Siya sa kanila. Tapos ay may mga taong laging nagtatanong sa iba na, “Nabanggit ba ng Diyos ang aking mga paghihirap? Ano ba ang tingin Niya sa akin? Nagpapakita ba Siya ng anumang pag-aalala para sa akin?” Ang ilan ay may mas seryoso pang mga isyu—kung napapasulyap man lang ang Diyos sa kanila, para bang may natuklasan silang isang bagong problema: “Naku, kakasulyap lang sa akin ng Diyos, at tila hindi masyadong masaya ang tingin sa Kanyang mga mata, hindi ito magandang senyales.” Binibigyan ng mga tao ng malaking pagpapahalaga ang gayong mga bagay. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang pinananaligan nating Diyos ay ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya’t kung hindi Niya tayo pinapansin, hindi ba’t nangangahulugan iyon ng wakas para sa atin?” Ang ibig nilang sabihin dito ay, “Kung wala tayong lugar sa puso ng Diyos, bakit pa tayo mag-aabalang manampalataya? Dapat tumigil na lang tayo sa pananampalataya!” Hindi ba ito kawalan ng katwiran? Alam mo ba kung bakit dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos? Hindi kailanman pinag-iisipan ng mga tao kung may lugar ba ang Diyos sa kanilang puso, gayunpaman ay gusto nila ng lugar sa puso ng Diyos. Kay yabang at palalo nila! Ito ang bahagi nila na pinakawalang katwiran. Mayroon pa ngang mga tao na sobrang walang katwiran na kapag tinatawag ng Diyos ang ibang tao, at hindi binabanggit ang pangalan nila, o nagpapakita ng pagmamalasakit at pangangalaga sa iba kaysa sa kanila, hindi sila nasisiyahan at nagsisimulang magmaktol at magreklamo tungkol sa Diyos, sinasabing hindi Siya matuwid at ni hindi man lang patas at makatwiran. Ito ay isang problema sa kanilang katwiran, at sa medyo abnormal din nilang pag-iisip. Sa karaniwang mga pagkakataon, palaging sinasabi ng mga tao na magpapasakop sila sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, na hindi sila kailanman magrereklamo sa kung paano man sila tinatrato ng Diyos, at na ayos lang sa kanilang pungusan, hatulan, o kastiguhin sila ng Diyos, pero kapag nakatatagpo sila ng gayong mga bagay sa realidad, hindi nila tinatanggap ang mga ito. May katwiran ba ang mga tao? Napakataas ng tingin ng mga tao sa kanilang sarili at pinaniniwalaan nilang napakaimportante nila na kung inaakala man lang nilang tiningnan sila ng Diyos sa maling paraan, pakiramdam nila ay wala silang pag-asa na makamit ang kaligtasan, lalo pa kung talagang pupungusan sila ng Diyos. O, kung kinakausap sila ng Diyos sa mas malupit na tono at ito ay tumatagos sa kanilang puso, nagiging negatibo sila at nagsisimulang mag-isip na walang kabuluhan ang pananampalataya nila sa Diyos. Iniisip nilang, “Paano ako patuloy na mananalig sa Diyos kung hindi Niya ako pinapansin?” Ang ilan ay walang pagkilatis sa ganitong uri ng tao at iniisip na: “Tingnan mo kung gaano katotoo ang pananampalataya nila sa Diyos. Napakahalaga ng Diyos sa kanila. Nagagawa pa nga nilang interpretahin ang kahulugan ng Diyos mula sa isang sulyap. May malalim silang katapatan sa Diyos—talagang nakikita nila ang Diyos sa lupa bilang Diyos sa langit.” Ganito ba ito? Masyadong magulo ang pag-iisip ng mga taong ito, masyadong nagkukulang sa kabatiran sa lahat ng bagay; masyadong mababa ang kanilang tayog at tunay silang nagbubunyag ng lahat ng uri ng kapangitan. May napakahinang katwiran ang mga tao—masyadong marami silang hinihingi sa Diyos at humihingi sila nang sobra-sobra mula sa Kanya, wala silang kahit katiting na katwiran. Palaging hinihingi ng mga tao na gawin ito o iyon ng Diyos at hindi nila makayang ganap na magpasakop sa Kanya o sumamba sa Kanya. Sa halip, humihingi sila ng mga di-makatwirang bagay mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kagustuhan, hinihinging maging sobrang mapagbigay Siya, na hindi Niya kailanman ikagagalit ang anumang bagay, at na kapag nakikita Niya ang mga tao, dapat ay palagi Siyang nakangiti at palaging nakikipag-usap sa kanila, at nagbibigay sa kanila ng katotohanan at nagbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Hinihingi rin nilang lagi Siyang maging mapagpasensya at magpanatili Siya ng isang kaaya-ayang ekspresyon kapag kasama sila. Masyadong maraming hinihingi ang mga tao; masyado silang maselan! Dapat ninyong suriin ang mga bagay na ito. Napakahina ng katwiran ng tao, hindi ba? Hindi lang sa hindi kaya ng mga taong ganap na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos o tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, bagkus, nagpapataw sila ng mga karagdagang hinihingi sa Diyos. Paano magiging tapat sa Diyos ang mga taong may gayong mga hinihingi? Paano sila makapagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Paano nila makakayang mahalin ang Diyos? May mga hinihingi ang lahat ng tao sa kung paano sila dapat mahalin, pagtimpian, bantayan, protektahan, at pangalagaan ng Diyos, pero wala sa kanila ang may anumang hinihingi sa kanilang sarili kung paano dapat mahalin ang Diyos, isipin ang Diyos, maging maalalahanin sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, magkaroon ng Diyos sa kanilang puso, at sumamba sa Diyos. Umiiral ba ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao? Ito ang mga bagay na dapat isakatuparan ng mga tao, kaya’t bakit hindi sila masigasig na sumusulong sa mga bagay na ito? May mga taong kayang maging masigasig sandali at medyo kayang talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang kanilang sarili, pero hindi ito pangmatagalan; ang pagkakaroon ng isang maliit na aberya ay maaaring magdulot sa kanila ng pagkahina ng loob, kawalan ng pag-asa, at pagreklamo. Napakaraming paghihirap ng mga tao, at napakakaunting tao ang naghahangad sa katotohanan at naghahangad na mahalin at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Lubos na nagkukulang sa katwiran ang mga tao, mali ang kanilang pinaninindigan, at nakikita ang kanilang mga sarili bilang napakahalaga. Mayroon ding mga taong nagsasabing: “Itinatangi tayo ng Diyos. Hindi Siya nagdalawang-isip na pahintulutan ang Kanyang bugtong na Anak na ipako sa krus para tubusin ang sangkatauhan. Nagbayad ang Diyos ng malaking halaga para tubusin tayo—napakahalaga natin at lahat tayo ay may lugar sa puso ng Diyos. Espesyal na grupo tayo ng mga tao at may mas mataas na katayuan kaysa sa mga walang pananampalataya—tayo ay mga tao ng kaharian ng langit.” Iniisip nilang medyo matayog at dakila ang kanilang sarili. Noon, maraming lider ang may ganitong pag-iisip, naniniwalang mayroon silang tiyak na katayuan at posisyon sa sambahayan ng Diyos pagkatapos mabigyan ng promosyon. Inisip nilang, “Mataas ang pagpapahalaga sa akin ng Diyos at maganda ang tingin Niya sa akin, at pinahintulutan Niya akong maglingkod bilang isang lider. Dapat galingan ko sa pagiging abala at pagtatrabaho para sa Kanya.” Labis silang nasiyahan sa kanilang sarili. Gayunpaman, pagkaraan ng ilang panahon, gumawa sila ng isang masamang bagay at naipakita ang tunay nilang kulay, at pagkatapos sila ay pinalitan, at sila ay nanlumo at iniyuko ang kanilang ulo. Nang nailantad at napungos ang kanilang maling pag-uugali, mas naging negatibo sila, at hindi na nakapagpatuloy sa pananampalataya. Naisip nila sa kanilang sarili na, “Hindi isinasaalang-alang ng Diyos ang aking damdamin, wala talaga Siyang pakialam na isalba ang pagpapahalaga ko sa aking sarili. Sinasabi nilang may simpatya ang Diyos sa mga kahinaan ng tao, kung gayon bakit ako tinanggal pagkatapos ng ilang maliliit na pagsalangsang?” Pagkatapos ay pinanghinaan sila ng loob at ginustong abandonahin ang kanilang pananampalataya. Ang gayong mga tao ba ay may tunay na pananampalataya sa Diyos? Kung ni hindi man lang nila matanggap na mapungusan, kung gayon ay napakababa ng kanilang tayog, at hindi tiyak kung matatanggap ba nila ang katotohanan sa hinaharap. Nasa panganib ang gayong mga tao.
Hindi humihingi ng mataas ang mga tao sa kanilang mga sarili, pero mataas ang hinihingi sa Diyos. Hinihingi nila sa Kanya na maging napakabait sa kanila, at maging mapagpasensya at matulungin sa kanila, itangi sila, pagkalooban sila, at ngitian sila, maging mapagparaya sa kanila, makibagay sa kanila, at pangalagaan sila sa maraming paraan. Inaasahan nila na hindi Siya maging istrikto man lamang sa kanila o gawan ng anumang bagay na hindi nila magugustuhan kahit kaunti, at nasisiyahan lamang sila kung kinakausap Niya nang malambing araw-araw ang mga ito. Ang mga tao’y mayroong napakahinang katwiran! Hindi malinaw sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin, kung ano ang dapat nilang tuparin, kung anong mga pananaw ang dapat nilang taglayin, kung anong posisyon ang dapat nilang panindigan upang paglingkuran ang Diyos, at kung anong posisyon ang angkop na paglagyan ng kanilang sarili. Ang mga taong may kaunting katayuan ay may napakataas na pagtingin sa kanilang sarili, at ang mga taong walang katayuan ay bahagya ring mataas ang tingin sa kanilang sarili. Kailanma’y hindi nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili. Dapat marating ang isang punto sa inyong paniniwala sa Diyos kung saan, paano man Siya magsalita sa inyo, gaano man Siya kahigpit, at gaano man Siya maaaring hindi mamansin, nagagawa mo na manatiling naniniwala nang walang reklamo at patuloy na ginagawa ang tungkulin tulad ng dati. Sa gayon, ikaw ay magiging isang nasa gulang at makaranasang tao, at totoong magkakaroon ng kaunting tayog at kaunting katwiran ng isang normal na tao. Hindi hihingi sa Diyos, hindi na magkakaroon pa ng labis-labis na mga pagnanasa, at hindi na hihiling pa sa iba o sa Diyos ayon sa sariling kagustuhan. Ipakikita nito na sa ano’t anuman, taglay ninyo ang wangis ng isang tao. Sa ngayon, napakarami ninyong hinihingi, ang mga hinihinging ito ay masyadong labis-labis, at ng mayroon kang napakaraming pantaong layunin. Nagpapatunay ito na ikaw ay hindi nakatayo sa tamang posisyon; napakataas ng iyong posisyon na kinatatayuan, at tiningnan mo ang iyong sarili bilang napakarangal—na tila ba hindi ka higit na mababa sa posisyon kaysa sa Diyos. Samakatuwid ay mahirap kang pakitunguhan, at ito mismo ang kalikasan ni Satanas. Kung umiiral ang mga ganitong kalagayan sa iyong kalooban, tiyak na magiging negatibo ka nang mas madalas at magiging normal nang mas bihira, kaya’t magiging mabagal ang iyong buhay paglago. Sa kabilang banda, iyong mga may dalisay na puso at di-masyadong maselan ay mas madaling tatanggapin ang katotohanan at magkakaroon ng mas mabilis na paglago. Iyong mga may dalisay na puso ay hindi nakararanas ng labis na pagdurusa, pero mayroon kang napakalakas na damdamin, masyado kang maselan, at palagi kang humihingi sa Diyos, kaya’t nahaharap ka sa malalaking balakid sa pagtanggap sa katotohanan at nagiging mabagal ang pag-usad ng iyong buhay paglago. May ilang tao na naghahangad pa rin paano man sila atakihin at ibukod ng iba, at hindi apektado kahit kaunti ng mga ito. Ang mga taong tulad nito ay mapagbigay, kaya’t hindi sila masyadong nagdurusa at mas kaunting hadlang ang kinakaharap nila sa kanilang buhay pagpasok. Maselan ka at laging naaapektuhan ng isang bagay o ibang bagay—kung sino ang tumingin sa iyo nang masama, kung sino ang nangmaliit sa iyo, kung sino ang hindi pumansin sa iyo, o kung ano ang sinabi ng Diyos na nakaapekto sa iyo, o kung anong masasakit na salita ang Kanyang sinabi na tumagos sa iyong puso at nakasakit sa pagpapahalaga mo sa iyong sarili, o kung anong mabuting bagay ang Kanyang ibinigay sa iba at hindi sa iyo—at pagkatapos ay nagiging negatibo ka at nagkakaroon pa ng maling pagkaunawa sa Diyos. Ang mga ganitong tao ay maselan at medyo hindi tinatablan ng katwiran. Gaano man ang pagbabahagi ng isang tao ng katotohanan sa kanila, hindi lang nila ito tatanggapin at hindi malulutas ang kanilang mga problema. Ang mga taong ito ang pinakamahirap pakitunguhan.
Madalas Ko kayong naririnig na nagbabahaginan nang ganito: “Nagkamali ako habang may ginagawa at nang maglaon, pagkatapos dumaan sa ilang pagdurusa, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa.” Karamihan ng mga tao ay nagkaroon ng ganitong uri ng karanasan—napakababaw ng karanasang ito. Maaaring nakamit itong kakaunting pagkaunawa na ito pagkatapos ng ilang taon ng mga karanasan, at maaaring nakaranas ang mga tao ng maraming pagdurusa at dumaan sa maraming paghihirap para lang makamit ang kakaunting pagkaunawa at pagbabagong ito. Kahabag-habag naman iyon! Napakaraming dumi sa pananampalataya ng mga tao, napakahirap para sa kanilang manalig sa Diyos! Hanggang ngayon, marami pa ring dumi sa loob ng bawat tao, at marami pa rin silang hinihingi sa Diyos—lahat ito ay mga dumi ng tao. Ang pagkakaroon ng gayong dumi ay patunay na may problema sa kanilang pagkatao, at isa itong pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon. May pagkakaiba sa pagitan ng mga tama at di-tamang hinihingi ng mga tao sa Diyos—dapat itong malinaw na makilatis. Dapat maging malinaw sa isang tao kung anong pananaw ang dapat pinaninindigan ng tao at kung anong katwiran ang dapat taglayin ng tao. Napansin Kong palaging nakatuon ang ilang tao sa kung anong uri ng ekspresyon ang mayroon Ako kasama ng ibang tao at palaging pinag-aaralan kung sino ang tinatrato ng Diyos nang mabuti at kung sino ang tinatrato Niya nang hindi mabuti. Kung nakikita nila ang Diyos na tinitingnan sila nang may negatibong ekspresyon, o naririnig Siyang inilalantad o kinokondena sila, hindi nila ito mapalalagpas—kahit paano ka pa makipagbahaginan sa kanila ay hindi ito uubra, at gaano man katagal ang lumipas na panahon, hindi sila magbabago. Hinahatulan nila ang kanilang sarili, pinanghahawakan iyong isang nasambit na parirala at ginagamit ito para tukuyin ang saloobin ng Diyos sa kanila. Nalulugmok sila sa pagiging negatibo, at kahit magbahagi ng katotohanan ang sinuman sa kanila, hindi nila ito kusang-loob na tinatanggap. Hindi ito makatwiran. Malinaw na nagkukulang ang tao ng kahit katiting na kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos at hindi niya talaga ito nauunawaan. Hangga’t kayang magsisi at magbago ng mga tao, magbabago rin ang saloobin ng Diyos sa kanila. Kung ang iyong saloobin sa Diyos ay hindi nagbabago, magbabago ba ang saloobin ng Diyos sa iyo? Kung magbabago ka, magbabago ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa iyo, pero kung hindi ka magbabago, hindi rin magbabago ang pagtrato ng Diyos sa iyo. May ilang tao na wala pa ring alam sa kung ano ang kinamumuhian ng Diyos, kung ano ang gusto Niya, ang Kanyang kagalakan, galit, pighati, at kaligayahan, ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at ang Kanyang karunungan, at hindi man lang sila makapagsalita tungkol sa ilang kaalamang pananaw—ito ang dahilan kung bakit napakahirap pakitunguhan ang tao. Nalilimutan ng tao ang lahat ng mabubuting salitang sinasabi sa kanya ng Diyos, subalit may masabi lang Siyang isang istriktong puna o masabing isang pangungusap ng pagpupungos o paghatol, tumatagos ito sa puso ng tao. Bakit hindi sineseryoso ng mga tao ang mga salita ng positibong patnubay, habang nababagabag, nagiging negatibo, at hindi sila nakababawi kapag nakaririnig ng mga salita ng paghatol at pagpupungos? Sa huli, maaaring mangailangan ng mahabang panahon ng pagmumuni-muni bago sila magbago, at magigising lang sila pagkatapos itong isama sa ilang nakakapagpalubag-loob na salita ng Diyos. Kung wala ang mga nakakapagpalubag-loob na salitang ito, hindi sila makakaalis mula sa kanilang pagiging negatibo. Kapag nagsisimula pa lang maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, marami silang maling kaalaman at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos. Palagi silang naniniwala na sila ay tama, palaging kumakapit sa sarili nilang mga ideya, at hindi nila pinakikinggan ang mga sinasabi ng ibang tao. Pagkatapos lang nilang magkaroon ng tatlo hanggang limang taon ng karanasan saka sila unti-unting nagsisimulang makaunawa, magkaroon ng kabatiran, makilalang sila ay nagkamali, at maramdaman kung gaano sila kahirap pakitunguhan. Tila ba noon lang sila tumanda. Habang nagkakaroon sila ng higit na karanasan, nauunawaan nila ang Diyos, at nababawasan ang kanilang mga maling pagkakaunawa sa Kanya, hindi na sila nagrereklamo, at nagsisimula silang magkaroon ng normal na pananampalataya sa Diyos. Kung ikukumpara noon, mas nahahawig ang kanilang tayog sa isang nakatatanda. Dati ay para silang mga bata—mahilig magtampo, nagiging negatibo, at lumalayo sa Diyos paminsan-minsan. Maaaring nagreklamo sila kapag kaharap ng mga partikular na bagay, sa partikular na mga salita ng Diyos na maaaring naging paksa ng kanilang pinakabagong kuru-kuro, at maaaring nagsimula silang pagdudahan ang Diyos paminsan-minsan—ganito ito kapag masyadong mababa ang tayog ng sinuman. Ngayong marami na silang naranasan at nabasa na mga salita ng Diyos sa loob ng ilang taon, lumago na sila, at naging mas matatag kaysa noon. Ang lahat ng ito ay resulta ng pagkaunawa sa katotohanan—ito ang nagiging epekto ng katotohanan sa kalooban nila. Kaya, hangga’t nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nakakayang tanggapin ito, walang problemang hindi nila kayang lutasin, at palagi silang may makakamit, gaano man katagal silang dumanas para dito. Siyempre, hindi ito mangyayari kung ang karanasan nila ay hindi sapat ang tagal, pero hangga’t umaani sila ng mga pakinabang mula sa bawat karanasan nila, mabilis silang lalago sa buhay.
Ang katotohanang nililinang kayo ngayon para maging isang lider, manggagawa, o superbisor, o para gampanan ang mahahalagang tungkulin ay hindi nagpapatunay na kayo ay may mas mataas na tayog. Ang ibig sabihin lang nito ay bahagya kayong may mas mahusay na kakayahan kaysa sa karaniwang tao, na medyo mas masugid kayo sa inyong hangarin, at medyo may mas malaking halaga sa paglilinang sa inyo. Tiyak na hindi ito nangangahulugang kaya ninyong magpasakop sa Diyos o ilagay ang inyong sarili sa pamamatnugot ng Diyos, at hindi ito nangangahulugang isinantabi ninyo ang inyong mga inaasam-asam at pag-asa. Wala pang ganitong uri ng katwiran ang mga tao. Mayroon pa rin kayong kaunting pagiging negatibo, gayundin ng mga layunin at adhikaing magkamit ng mga pagpapala, at maging ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, habang ikaw ay nagtatrabaho. Kasabay nito, may dala kayong ilang pasanin habang ginagawa ang inyong trabaho, na para bang pinagbabayaran ninyo ang mga dating kasalanan sa pamamagitan ng mabubuting gawa sa halip na magtrabaho mula sa kagustuhang gawin ito. Hindi pa rin kayo umabot sa punto kung saan kahit paano kayo tratuhin ng Diyos, ang tanging inaalala mo ay kung paano kikilos nang ayon sa Kanyang mga layunin at mga hinihingi. Kaya ba ninyong makamit ito? Walang ganitong katwiran ang mga tao. Gusto nilang lahat na mabasa ang Diyos, iniisip na: “Ano ba talaga ang saloobin ng Diyos sa akin? Ginagamit Niya ba ako para magserbisyo o para iligtas at perpektuhin ako?” Gusto nilang lahat na mabasa ang ganito, hindi lang sila nangangahas na sabihin ito. Ang katotohanang hindi sila nangangahas na sabihin ito ay nagpapatunay na mayroon pa ring ideyang nangingibabaw sa kanila: “Walang saysay na pag-usapan ito—kalikasan ko lang ito at hindi ito posibleng baguhin. Hangga’t pinipigilan ko ang aking sarili sa paggawa ng anumang masama, sapat na iyon—wala akong masyadong hinihingi sa sarili ko.” Ikinukulong nila ang kanilang sarili sa pinakamababang posibleng posisyon at hindi lumalago sa huli, habang nagtataglay rin sila ng isang pabasta-bastang paraan ng pag-iisip habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Pagkatapos lang na makasamang makipagbahaginan nang ilang beses na nagsisimula kayong lahat na maunawaan ang kaunting katotohanan at malaman ang kaunting realidad ng katotohanan. Ginagamit ka man o hindi, o kung ano man ang saloobin sa iyo ng Diyos—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang susi ay nakasalalay sa iyong maagap na mga pagsisikap, ang landas na pinili mong tahakin, at kung kaya mo bang magbago sa huli o hindi—ito ang mga pinakamahalagang punto. Gaano man kabuti ang saloobin ng Diyos sa iyo, walang mangyayari kung hindi ka magbabago. Kung magkakamali ka sa tuwing may nangyayari sa iyo, at wala kang kahit katiting na katapatan, gaano man kabuti ang saloobin ng Diyos sa iyo, wala itong silbi. Ang pinakamahalaga ay ang landas na pipiliin mong tahakin. Maaaring isinumpa ka ng Diyos at pinagsalitaan ka nang may poot at pagkamuhi noon, pero kung nagbago ka na ngayon, magbabago rin ang saloobin ng Diyos sa iyo. Palaging natatakot, hindi mapalagay, at walang tunay na pananampalataya ang mga tao, na nagpapahiwatig na hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ngayong mayroon na kayong kaunting pagkaunawa, magiging negatibo at mahina pa rin ba kayo kapag may mga nangyayari sa inyo sa hinaharap? Makakapagsagawa ba kayo ng katotohanan at makakapanindigan sa iyong pagpapatotoo? Magagawa ba ninyong tunay na magpasakop sa Diyos? Kung makakamit ninyo ang mga bagay na ito, magkakaroon kayo ng katwiran ng normal na pagkatao. Wala ba kayo ngayong ilang kaalaman sa mga tiwaling disposisyon ng tao at sa kaligtasan at mga layunin ng Diyos? Mayroon ka kahit papaanong ideya. Kapag, isang araw, makapasok ka sa ilang realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan, ganap mong maisasabuhay ang normal na pagkatao.