Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 2)

Dapat maarok ng mga nananalig sa Diyos ang ilang mahahalagang bagay. Kahit papaano man lang, dapat alam nila sa kanilang puso ang kahulugan ng manalig sa Diyos; kung aling mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga nananalig sa Diyos; kung paano dapat isagawa ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos; pati na rin ang, sa pagpapasakop sa Diyos, kung aling mga katotohanan at aling mga salita Niya ang dapat maunawaan ng isang tao, at kung aling mga realidad ang dapat tinataglay ng isang tao upang makapagpalugod sa Kanya. Kung mayroon kang ganitong pananampalataya at ganitong determinasyon, kahit pa paminsan-minsan ay may ilan kang kuru-kuro o nagkikimkim ka ng ilang layunin, magiging madaling bitiwan ang mga iyon. Palaging magiging mapili sa pagpapasakop nila iyong mga taong walang ganitong pananampalataya, at paminsan-minsan, magiging maselan din sila, magiging palaaway, magkikimkim ng hinanakit, at magrereklamo…. Magaganap paminsan-minsan ang lahat ng uri ng mapaghimagsik na pag-uugali! Hindi lamang ito paminsan-minsang isa o dalawang mga pagkakataon, ni hindi isang panandaliang kaisipan, kundi ang kakayahang magsabi ng mapaghimagsik na mga salita at gumawa ng mapaghimagsik na mga bagay. Ipinahihiwatig nito ang isang napakalalang mapaghimagsik na disposisyon. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at kahit pa determinado silang magpasakop sa Diyos, limitado ang pagpapasakop nila; relatibo ito, at ito rin ay paminsan-minsan, panandalian, at kondisyonal. Hindi ito lubos. Kapag may tiwaling disposisyon, napakatindi ng kanilang paghihimagsik. Kinikilala nila ang Diyos ngunit hindi sila makapagpasakop sa Kanya, at handa silang makinig sa mga salita Niya ngunit hindi sila makapagpasakop sa mga ito. Alam nilang mabuti ang Diyos, at nais nilang mahalin Siya ngunit hindi nila ito magawa. Hindi nila magawang ganap na makinig sa Diyos, hindi nila magawang hayaan Siyang mamatnugot sa lahat ng bagay, at mayroon pa rin silang mga sarili nilang pagpipilian, nagkikimkim sila ng kanilang sariling mga layunin at mga motibo, at may sarili silang mga pakana, mga ideya, at paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang pagkakaroon nila ng kanilang sariling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ng sarili nilang mga pamamaraan, ay nangangahulugang hindi nila magagawang magpasakop sa Diyos. Ang kaya lamang nilang gawin ay ang kumilos ayon sa sarili nilang mga ideya at maghimagsik sa Diyos. Ganito kamapaghimagsik ang mga tao! Kaya, ang kalikasan ng tao ay hindi lamang mga simpleng tiwaling disposisyon tulad ng mababaw na pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagtingin sa sarili, o paminsan-minsang mga pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos; sa halip, ang diwa na ni Satanas ang naging diwa ng tao. Paanong ipinagkanulo noon ng arkanghel ang Diyos? At paano naman ang mga tao sa kasalukuyan? Sa totoo lang, matatanggap man ninyo o hindi, ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi lamang ganap na ipinagkakanulo ang Diyos tulad ng ginawa ni Satanas, kundi tuwiran din silang mapanlaban sa Diyos sa kanilang mga puso, sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga ideolohiya. Ito ang pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan upang maging diyablo sila; tunay ngang naging anak na ni Satanas ang mga tao. Sasabihin ninyo marahil: “Hindi kami mapanlaban sa Diyos. Pinakikinggan namin anuman ang sinasabi ng Diyos.” Mababaw iyan; para ka lang nakikinig sa kung anumang sinasabi ng Diyos. Ang katunayan, kapag pormal Akong nagbabahagi at nagsasalita, walang mga kuru-kuro at mabuti ang pagkilos at masunurin ang karamihan ng mga tao, ngunit kapag nagsasalita Ako at gumagawa Ako ng mga bagay sa normal na pagkatao, o namumuhay at kumikilos Ako sa normal na pagkatao, umuusbong ang mga kuru-kuro nila. Sa kabila ng pagnanais na bigyan Ako ng puwang sa kanilang mga puso, hindi nila Ako mapaunlakan, at paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila mabitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Ipinakikita nito na ang kaya lamang ng tao ay medyo magpasakop sa Diyos, hindi ganap. Alam mong Siya ang Diyos, at alam mong dapat magkaroon ng normal na katauhan ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya bakit ka hindi lubusang makapagpasakop sa Diyos? Ang Diyos na naging tao ay si Cristo, ang Anak ng tao; kapwa Siya may pagka-Diyos at normal na pagkatao. Sa panlabas, mayroon Siyang normal na pagkatao, ngunit nabubuhay at gumagawa sa loob ng normal na pagkataong ito ang Kanyang pagka-Diyos. Ngayon, naging tao ang Diyos bilang si Cristo, nagtataglay ng pagka-Diyos at pagkatao. Ngunit nakapagpapasakop lamang ang ilang tao sa ilan sa Kanyang mga banal na salita at gawain, tinatangkilik lamang nila ang Kanyang mga banal na salita at malalim na wika bilang mga salita ng Diyos, habang binabalewala nila ang ilan sa Kanyang mga salita at gawain sa normal na pagkatao. May mga tao pa ngang mayroong ilang ideya at kuru-kuro sa kanilang mga puso, naniniwalang ang Kanyang banal na wika lamang ang salita ng Diyos at na ang Kanyang pantaong wika ay hindi. Matatanggap ba ng ganitong mga tao ang lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos? Maaari ba silang dalisayin at gawing perpekto ng Diyos? Hindi maaari, dahil nakauunawa ang mga ganitong tao sa isang kakatwang paraan at hindi nila makakamit ang katotohanan. Sa madaling salita, lubhang komplikado ang panloob na mundo ng tao, at lalo nang komplikado ang mga mapaghimagsik na bagay na ito—hindi na ito kailangang ipaliwanag pa. Kaya ng mga tao na magpasakop sa pagka-Diyos ng Diyos, ngunit hindi nila kayang magpasakop sa ilan sa gawain at mga salita ng Kanyang normal na pagkatao, na nagpapakitang hindi sila tunay na nagpasakop sa Diyos. Palaging may kondisyon ang pagpapasakop ng mga tao sa Diyos; pinakikinggan nila ang anumang pinaniniwalaan nilang tama at makatwiran, at ayaw nilang pakinggan ang pinaniniwalaan nilang hindi tama at hindi makatwiran. Hindi sila nagpapasakop sa kung ano ang ayaw nilang pakinggan o sa kung ano ang hindi nila kayang gawin. Matatawag ba itong tunay na pagpapasakop? Talagang hindi. Ipinakikita nito na hindi mabubuti ang disposisyon ng mga tao, na talagang ubod ng sama at hindi mabuti ang kanilang mga disposisyon—napakahalaga nito! Ibig sabihin, kahit kapag nagpapasakop nang kaunti ang mga tao sa Diyos, palagi itong pagpapasakop na mapili at may kondisyon, at hindi kailanman ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung sinasabing nakikinig at nagpapasakop ang isang tao, medyo totoo lamang ito, dahil hindi mo pa naaapektuhan ang kanilang mga interes o tunay silang pinungusan, hindi mo pa sila prangkahan at direktang pinungusan. Sa sandaling tunay mo silang pungusan, magiging laban sila sa iyo at sisimangot buong araw. Kung may itatanong ka sa kanila, hindi sila sasagot, at kung may ipagagawa ka, ayaw nila itong gawin. Kapag may pinagawa kang ayaw nilang gawin, magsisimula silang manira ng mga bagay at maging matigas ang ulo sa iyo. Napakasama ng maaaring maging disposisyon ng isang tao! Alam mo namang Siya ang Diyos, bakit ganyan ang pagtrato mo sa Kanya? Wala itong pinagkaiba sa mga Pariseo at kay Pablo noon. Alam ba ni Pablo na Diyos si Jesus? Bakit niya inusig ang mga disipulo ni Jesus? Bakit niya inaresto ang napakarami sa kanila? Sa huli, nakita ni Jesus na sumobra na si Pablo sa pag-uusig nito, at sa daan patungong Damasco, pinabagsak Niya si Pablo. Nagliwanag sa paligid ni Pablo, at bumagsak ito sa lupa. Pagkatapos bumagsak, tinanong nito si Jesus: “Sino ka baga, panginoon?” Sabi sa kanya ni Jesus: “Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig” (Mga Gawa 9:5). Mula noon, mas higit nang malumanay si Pablo. Kung hindi siya “tinanglawan” at pinabagsak ni Jesus, hindi tatanggapin ni Pablo si Jesus, lalo na ang mangaral para sa Kanya. Anong pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na napakasama ng mga kalikasan ng mga tao.

Madalas sabihin ng mga tao: “Lahat tayong mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; wala sa atin ang makapagpapalugod sa Diyos,” at, “Napakamapagmagaling at napakalabis na mapagpahalaga sa sarili ang mga tao. Palagi silang naniniwalang mabuti sila, na mas mabuti sila kaysa sa iba!” Ang totoo, ito ang pinakapahapyaw na mga pang-unawa; isa lamang itong maliit na aspekto ng isang tiwaling disposisyon. Bakit hindi mo tinatalakay iyong mga kaisipan at layuning maghimagsik at lumaban sa Diyos na nasa sarili mong kalikasan? Hinihingi ng Diyos na gawin mo ang isang bagay sa isang paraan, pero gagawin mo ito sa iba pang paraan. Gumagawa ang Diyos sa isang paraan, pero hihingin mong gumawa Siya sa iba pang paraan. Hindi ba ito pakikipagtalo sa Diyos? May ganitong uri ng disposisyon ang lahat; walang makatatakas dito. Marahil sasabihin ng ilang tao: “Hindi ako ganito, hindi ko alam!” Iyon ay dahil hindi ka pa nakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag nagawa mo na iyon, at pagkatapos ng isang linggo ng unti-unting pagkilala sa Kanya, garantisadong magbabago ka at mabubunyag ang tunay mong pagkatao. Hindi ito isang labis na pahayag, ni pangmamaliit sa iyo. Sa kasalukuyan, ang mga tao ay hindi lamang may mga tiwaling disposisyon; naging tiwali na rin ang kanilang mga kalikasan. Naging napakatiwali na ng kanilang normal na pagkatao na ito ay gula-gulanit at lubusan nang nawala; ibig sabihin, wala nang normal na pagkatao ang mga tao. May normal na pagkatao ang Diyos na nagkatawang-tao, ngunit ang mga tao ay lahat mayroong mga tiwaling disposisyon, at walang gaanong normal na pagkatao, kung kaya’t imposible para sa kanila na makatugma ng Diyos. Tiyak na magkakaroon sila ng mga pagkakaiba at alitan sa Diyos pagdating sa maraming bagay, hanggang sa maging mapanlaban pa nga sila sa Kanya. Ito ay dahil walang may-takot-sa-Diyos o pusong nagpapasakop sa Diyos ang mga tao. Hindi maaaring hingin ng isang tao sa mga tao na, “Dahil sa kinikilala mong Siya ang Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya anuman ang sabihin Niya,” lalong hindi niya maaaring hingin na magparaya sila sa Diyos sa bawat bagay. Hindi ito tungkol sa pagpaparaya; ang mga tao ay mga nilikha, at sa huli, ang Diyos ay Diyos at ang tao ay tao—dapat may hangganan sa pagitan nila. Paano nagdasal ang tagapaglingkod ni Abraham sa Diyos na si Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan? “O Diyos na Jehova, Diyos ng aking panginoong si Abraham” (Genesis 24:12). Malinaw niyang kinilala ang pagkakaiba-iba ng posisyon, samantalang ang mga tao sa kasalukuyan ay naniniwalang: “Hindi gaanong naiiba ang Diyos sa atin. Mayroon din Siyang normal na pagkatao, at mayroon Siya ng mga pangangailangan, ng lahat ng uri ng damdamin, ng buhay, at ng mga aktibidad ng normal na pagkatao. Bagama’t gumagawa Siya ng banal na gawain, hindi maaaring mawala ang Kanyang normal na pagkatao!” Sa sandaling magkaroon ang mga tao nitong mababaw na ideya ng “normal na pagkatao” sa loob nila, magkakaroon sila ng tendensiyang ituring ang gawain ng Diyos, ang mga salita Niya, at ang disposisyon Niya bilang normal na pagkatao ng tao, at itanggi ang Kanyang banal na diwa. Ito ay isang napakalaking pagkakamali; ginagawa nitong imposibleng makilala ang Diyos, hindi ba? Hindi pa kayo nakikipag-ugnayan sa Diyos; sino sa inyo ang mangangahas sabihing, “Kung makikipag-ugnayan ako sa Diyos sa loob ng isang taon, ginagarantiya kong ni hindi ako magiging mapaghimagsik”? Walang sinuman ang makatitiyak. Mahigit 10 o 20 taon nang nananalig sa Diyos ang karamihan ng mga tao, ngunit walang sinumang kayang makakamit ng tunay na pagpapasakop sa Kanya. Sapat na ito upang ipakitang labis nang ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at na nakabaon na sa puso ng mga tao ang disposisyon ni Satanas; may ilang tiwaling bagay na hindi ninyo man lang kayang hukaying mag-isa. Napakarami Ko nang sinabing salita, nagpahayag na Ako ng napakaraming katotohanan, ngunit halos walang nakauunawa talaga sa katotohanan. Matigas ang ulo at mali ang pag-iisip ng mga tao ngayon; sila ay manhid at labis na mapurol ang utak. Hindi sa medyo mangmang lang sila—nabuo na ang kanilang mga mapaghimagsik na kalikasan, ngunit hindi ninyo pa rin nakikita ito nang malinaw.

Ang ilang tao, kapag nakakaharap si Cristo sa loob ng isa o dalawang araw, ay nakikitang Siya ay hindi pamilyar at medyo nararamdaman nilang napipigilan sila: “Narito ang Diyos!” Nasa mga puso nila ang kaisipang ito, ngunit pagkatapos ng 10 araw o dalawang linggong pakikipag-ugnayan sa Kanya, habang paunti-unti silang nagiging mas pamilyar at malapit sa Kanya, sila ay nagiging maluwag sa mga puso nila at hindi na nila pinagkakaiba ang katayuan nila at ang katayuan Niya. Ito ay na para bang mayroong lubos na pagkakapantay-pantay, nang walang anumang herarkiya; iniisip nilang nararapat para sa Diyos na ibahagi sa kanila ang buhay at kagalakan. Paminsan-minsan ay pinag-iisipan Ko, paano kaya naging ganito ang mga taong ito? Kung palagi Ko silang pupungusan at sesermunan, tiyak na sila ay magiging mabuti ang pag-uugali at mapagpasakop. Kapag nakikipag-usap Ako sa isang tao paminsan-minsan bilang isang kapantay, iniisip niya: “Hmm, tingnan mo kung gaano kabuti sa akin ang Diyos!” Ang pagiging mabuti sa iyo ay hindi nagpapatunay na wala kang mapaghimagsik na disposisyon o na mabuti ang iyong kalikasang diwa. Hindi ba? Ang ilang tao, kapag tinatrato Ko sila nang medyo mas mabuti at medyo nginingitian Ko sila ay nakakalimutan nila ang kanilang posisyon sa sansinukob, nakalilimutan nila kung saan sila nanggaling at kung ano ang kanilang pagkakakilanlan at diwa—nakalilimutan nila ang lahat ng ito. Tunay na napakasama ng mga kalikasan ng mga tao; wala silang anumang katwiran! Kung naniniwala ang ilang tao na napakabuti nila, sige at makipag-ugnayan ka sa Diyos sa loob ng ilang panahon at tingnan mo kung paanong malalantad ang lahat ng paghihimagsik at paglaban na nasa loob mo. Makipag-ugnayan ka sa Diyos sa loob ng ilang panahon—hindi kita paaalalahanan, pagagalitan, o pupungusan, at walang sinumang makikipagbahaginan sa iyo; daranas kang mag-isa, at makikita natin kung hanggang saan ang mararanasan mo. Kung hindi mo matatamo ang katotohanan, tiyak na labis kang mabibigo, ang mga kahihinatnan ay magiging matindi. Masyadong malala ang mga mapaghimagsik na disposisyon ng mga tao; ang mga puso nila ay hindi kayang paunlakan ang iba! Ang iyong mapaghimagsik na disposisyon, satanikong kalikasan, at mayabang na puso ay hindi kayang paunlakan ang ibang mga tao. Marahil ang ilang tao, pagkatapos makipag-ugnayan sa Akin sa loob ng ilang panahon, ay nagkakaroon ng ilang maling kaisipan; kung hindi malulutas ang mga ito, sa sandaling maging mga kuru-kuro at panghuhusga ang mga ito, malalagay sila sa panganib. Sinasabi ng ilang tao: “Iyan ay dahil masyado Kang pangkaraniwan at normal. Hindi ako ganito sa pananampalataya ko sa Panginoong Jesus.” Pareho ito sa pananampalataya mo kay Jesus. Kung inilagay kayo sa kapanahunan ni Jesus, magiging kagaya lang kayo ng mga Pariseo, mapupuno ang mga isip ninyo ng mga kuru-kuro. Huwag mong isiping mahihigitan mo si Hudas. Nagawa niyang ipagkanulo at pagnakawan ng salapi ang Panginoon para sa kanyang sariling panggastos; maaaring hindi mo ipagkanulo ang Panginoon o walang ingat na gastusin ang salapi ng iglesia, ngunit hindi ka magiging isang taong nagpasakop sa Panginoon, at tiyak na mapupuno ka ng mga kuru-kuro, paghihimagsik, at paglaban. Ang mga salita at ang gawain ng Panginoong Jesus ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Bakit sinalungat ni Hudas ang Panginoon? Napakasama ng kalikasan niya; hindi niya napaunlakan si Cristo at iginiit niyang maging mapanlaban kay Cristo. Hindi ba’t labis ding nagdusa si Pedro noon? Sa huli, dahil medyo mas mabuti ang pagkatao niya kaysa sa iba noong panahong iyon, at dahil nagawa niyang hangaring mahalin ang Diyos, sa huli ay ginawa siyang perpekto. Noon, mayroon din siyang ilang kuru-kuro at opinyon tungkol kay Jesus, ngunit dahil nagawa niyang hangarin na mahalin ang Panginoon, sa huli ay nakamit niya ang ilang kaalaman tungkol sa Panginoong Jesus. Kaya, huwag kang magyabang; huwag mong garantiyahing magtatagumpay ka at magkakamit ng perpektong marka sa isang bagay na hindi mo pa naranasan. Hindi ito tunay o makatotohanan. Kailangang maranasan mo muna ito; saka lamang magiging praktikal ang ibabahagi mong kaalaman at mga kabatiran. Huwag mong sabihing: “Diyos ko, halika sa bahay ko, ipinapangako kong hindi Kita gagalitin nang tulad ng iba. Ipinapangako kong hindi ako magiging kasing di-makatao gaya ng iba.” Hindi ito tiyak, dahil ang mga sangkap ng normal na pagkatao na nasa loob ng mga tao ay nawasak na; wala na ang kanilang normal na pagkatao, pati na rin ang kanilang konsensiya at katwiran—sa simple at tapat na pananalita, ang sentido komun ng normal na pagkatao, at ang kakayahang makinig at maging mapagpasakop, ang lahat ng positibong bagay na ito, ay nawala na sa loob ng mga tao. Kaya, ang mga prinsipyo ng mga tao sa pamumuhay at ang kanilang mga mithiin sa buhay ay nagbago na; sumusunod silang lahat sa satanikong pilosopiya at pinangingibabawan sila ng kalikasan ni Satanas. Tuso at mapanlinlang ang pananalita nila, pumupunta sila sa kung saanmang direksyon ang ihip ng hangin, at mahusay sila sa pagsasabi ng mga bagay na kaaya-ayang pakinggan—naniniwala silang napakasarap mamuhay nang ganito. Bakit sinasabing napakalalim nang nagawang tiwali ang mga tao? Matapos ang napakalalim na pagkatiwali, mayroon pa bang normal na pagkatao ang mga tao? Naniniwala kang mayroon kang isang tiwaling disposisyon, na pinaniniwalaan mong pagiging medyo mayabang, mapagmagaling at mapagmataas lamang, pagiging medyo mapanlinlang sa pananalita, o pagiging medyo pabasta-basta sa pagganap ng iyong mga tungkulin—iyon lamang. Ngunit napakababaw ng kaalamang ito; panlabas lamang ito. Ang susi ay na likas na masama ang tao, iginagalang ng lahat ng tao ang kasamaan at ikinakaila at nilalabanan nila ang Diyos, at naglaho na sa balat ng lupa ang kanilang normal na pagkatao. Hindi ba’t ganito ito? Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao upang maabot nila ang pamantayan ng pagiging isang nilikha? Ang susi ay ang makahanap ng isang landas ng pagsasagawa, isang angkop na paraan ng pagsasagawa, mula sa mga salita ng Diyos. Alam ninyong lahat na walang katangi-tanging mabubuting tao sa sangkatauhan, kaya bakit sinasabi ngayon na may mga taong may pagkatao samantalang ang iba naman ay wala? Kaya ba talagang isagawa ng mga taong may pagkatao ang mga katotohanang ito? Hindi rin nila kayang isagawa ang mga ito; sila ay medyo mas mabait at mas malumanay lang sa mga puso nila, at medyo mas responsable sa kanilang gawain—ngunit relatibo ang lahat ng ito, hindi lubos. Kung susuriin mo ang isang tao at sasabihin mong ganap na mabuti ang taong ito at wala siyang anumang mga kapintasan o paghihimagsik, na ganap siyang masunurin at mapagpasakop, at na hindi man lang siya pabasta-basta sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, hindi ba’t isa itong pagmamalabis? Naaayon ba ito sa mga katotohanan? Mayroon ba talagang ganitong tao? Kung ganito kayo makaunawa ng mga bagay, iyan ay baluktot. Ngunit kung naniniwala kayong, “Katapusan na naming mga tao. Wala ni isa sa amin ang mabuti, kaya ano pang silbi ng pananalig sa Diyos? Hihinto na lamang ako sa pananalig at hihintayin ang kamatayan ko!” katawa-tawa rin ito. Palagi kang lumalabis, na para bang hindi ka nakauunawa ng payak na pananalita; palagi kang humihilig sa isang banda o sa kabila. Kung magsasalita Ako nang mas mahina at marahan, mabibigo kayong makilala ang mga sarili ninyo, ngunit kung magsasalita Ako nang masyadong mahigpit at malupit, yuyuko kayo, magiging negatibo, at susukuan pa ninyo ang inyong mga sarili. Kapag naririnig ng ilang tao ang mga salita ng paghatol at pagkondena ng Diyos, agad silang napaparalisa at naniniwalang katapusan na nila, na wala silang pag-asang maligtas. Ang mga taong ito ang mismong mga pinakamahirap iligtas, dahil hindi sila nakauunawa ng payak na pananalita! Ngayon, kapag nagsasalita ang Diyos at naglalantad Siya ng mga tao, ito ay para ipaunawa sa kanila ang ugat ng tiwaling kalikasan ng tao at ipaunawa sa kanila kung bakit nagagawa ng tao na maghimagsik laban sa Diyos. Kapaki-pakinabang sa mga tao ang paglalantad ng mga bagay na ito. Kung hindi ilalantad ang mga bagay na ito, mananalig ka hanggang katapusan nang hindi mo kailanman nakikilala ang iyong sarili, palagi mong sasabihing mayabang ang arkanghel, o sasabihing mapagmataas ang taong ito at ang taong iyon naman ay mapaghimagsik. Paano naman ang sarili mo? May mga tao ring palaging sinasabing, “Tunay ngang mapaghimagsik kami sa Diyos,” ngunit hindi pa rin nila alam ang ugat ng kanilang paghihimagsik at hindi nila naaarok o naiintindihan ang diwa ng mga kalagayang iyon. Nangangahulugan ito na hindi nila kayang magbago at hindi sila maililigtas. Nauunawaan ba ninyo ang mga salitang ito? (Oo.)

Mayroong dalawang pangunahing aspekto sa katatapos Ko lamang ibahagi. Ang isang aspekto ay na, sa pananalig sa Diyos, dapat maisakatuparan ng isang tao ang tunay na pagpapasakop, dapat ganap niyang maabot ang pamantayan ng isang nilikha. Ang isa pa ay na ang paglalantad sa paghihimagsik na nasa loob ng mga tao at paglalantad sa kanilang kalikasan ay nagpapahintulot sa kanila na makilala ang kanilang mga sarili. Kung hindi sila ilalantad nang ganito at hahayaang makilala ang mga sarili nila, sasabihin ng lahat na mabuti sila at mas mabuti sila kaysa sa iba. Halimbawa, sasabihin ng ilang tao, “Napakalalim din ng pagkatiwali sa akin,” ngunit kapag nakikipag-ugnayan sila sa iba sa loob ng ilang panahon, naniniwala silang mas mabuti pa rin sila kaysa sa iba, iniisip nila: “Hindi ako mabuti; nakikita kong hindi ka mas mabuti, at sa totoo lang ay mas masahol ka pa kaysa sa akin!” Huwag mong isiping mas mabuti ka kaysa sa iba. Hindi ka mas mabuti kaysa sa iba sa anumang paraan; pare-pareho lang ang mga mapaghimagsik na kalikasan ng mga tao. Malinaw ba ang lahat ng ito? Ngayong natapos na nating pagbahaginan ito, ano sa palagay ninyong lahat? Iniisip ba ninyong: “Napakaraming taon na akong nananalig sa Diyos, at akala ko ay isa akong taong nagpasakop sa Diyos. Sa araw na ito, ngayong natapos nang magbahagi ang Diyos, sa wakas ay napagtanto kong wala akong tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi ko pa rin Siya tinatrato bilang Diyos. Ni hindi ko magawang magpasakop sa Diyos—ako ay ganap na walang katwiran at napakagulo ng pananampalataya ko!” Kung talagang mayroon kang ganitong uri ng kaalaman, may pag-asa ka pang makapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos at maging isang taong nagpapasakop sa Kanya; saka mo lamang matatamo ang kaligtasan.