Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan (Ikalawang Bahagi)

Gustong-gusto ng tiwaling tao na hangarin ang katayuan at tamasahin ang mga pakinabang nito. Totoo ito para sa sinumang tao, kasalukuyan ka mang may katayuan o wala: Napakahirap talikuran ang katayuan at alisin ang mga tukso nito. Nangangailangan ito ng higit na kooperasyon ng tao. Ano ang kaakibat ng naturang pagtutulungan? Una, ang paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at malinaw na pag-arok sa diwa ng mga problema. Magkakaroon ng pananalig ang isang tao na madaig ang tukso ng katayuan kapag mayroon siya ng mga bagay na ito. Dagdag pa rito, dapat kang mag-isip ng mabibisang paraan para maiwaksi mo ang tukso at maisakatuparan ang kalooban ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng mga landas ng pagsasagawa. Titiyakin nito na mananatili ka sa tamang landas. Kung walang mga landas ng pagsasagawa, madalas kang mahuhulog sa tukso. Bagamat gugustuhin mong tahakin ang tamang landas, hindi gaanong magtatagumpay ang iyong mga pagsusumikap sa huli, gaano ka man magsikap. Kaya, ano ang mga tukso na madalas ninyong nakahaharap? (Kapag nagkamit ako ng kaunting tagumpay sa pagganap ng aking tungkulin at nakuha ko ang mataas na paggalang ng mga kapatid, nasisiyahan ako sa aking sarili at labis akong nasisiyahan sa pakiramdam na ito. Minsan, hindi ko namamalayan ito; minsan natatanto ko na mali ang kalagayang ito, ngunit hindi ko pa rin ito matalikuran.) Iyan ay isang tukso. Sino pa ang magsasalita? (Dahil isa akong lider, minsan ay binibigyan ako ng espesyal na pagtrato ng mga kapatid namin.) Tukso rin iyan. Kung wala kang malay sa mga tuksong nakahaharap mo, bagkus ay hindi mo ito maayos na napangangasiwaan at hindi ka nakakagawa ng mga tamang pagpapasya, magdadalamhati at magiging miserable ka dahil sa mga ito. Bilang halimbawa, sabihin nating ang espesyal na pagtrato ng mga kapatid sa iyo ay may kasamang mga materyal na pakinabang na tulad ng pagpapakain sa iyo, pagbibihis sa iyo, pagpapatira sa iyo, at pagbibigay ng iyong pang-araw-araw na mga pangangailangan. Kung ang tinatamasa mo ay mas maganda kaysa sa mga ibinibigay nila sa iyo, hahamakin mo ito, at maaaring tanggihan mo ang kanilang mga regalo. Gayunpaman, kung makakilala ka ng isang mayamang tao at binigyan ka niya ng magagandang damit, at sinabing hindi niya isinusuot ito, makapaninindigan ka ba sa harap ng gayong tukso? Maaaring pag-iisipan mo ang sitwasyon, sasabihin sa iyong sarili na, “Mayaman siya, at balewala sa kanya ang mga damit na ito. Hindi naman niya isinusuot ang mga ito. Kung hindi niya ito ibibigay sa akin, itatambak na lamang niya ito sa kung saan. Kaya, tatanggapin ko ang mga ito.” Ano ang tingin mo sa desisyong iyon? (Tinatamasa na nila ang mga pakinabang ng katayuan.) Bakit ito pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Dahil tinanggap nila ang magagandang bagay.) Pagtatamasa ba sa mga pakinabang ng katayuan ang tanggapin lang ang magagandang bagay na inaalok sa iyo? Kung inalok sa iyo ang isang ordinaryong bagay, pero talagang ito ang kailangan mo at kaya tinanggap mo ito, maituturing din ba itong pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo. Sa tuwing tinatanggap nila ang mga bagay mula sa iba upang tugunan ang kanilang mga makasariling pagnanais, ito ay pagtatamasa.) Mukhang hindi malinaw sa iyo ito. Ni minsan ba ay naisip mo ito: Kung hindi ka isang lider at wala kang katayuan, iaalok pa rin ba niya ang regalong ito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Isa kang lider kaya niya ibinibigay ang regalong ito sa iyo. Nagbago na ang sirkumstansya ng bagay na ito. Hindi ito karaniwang kagandahang-loob, at narito ang problema. Kung tatanungin mo siya, “Kung hindi ako lider, kundi isang ordinaryong kapatid lamang, bibigyan mo ba ako ng gayong regalo? Kung kailangan ng isang kapatid ang bagay na ito, ibibigay mo ba ito sa kanya?” Sasabihin niyang, “Hindi. Hindi ako pwedeng basta-basta na lang magbigay ng mga bagay-bagay kahit kanino. Ibinibigay ko ito sa iyo dahil ikaw ang lider ko. Kung wala kang ganitong espesyal na katayuan, bakit kita bibigyan ng gayong regalo?” Ngayon, tingnan mo kung paano ka nabigong unawain ang sitwasyon. Naniwala ka sa kanya noong sinabi niyang hindi niya ginagamit ang magandang damit na iyon, pero nililinlang ka niya. Ang layon niya ay tanggapin mo ang kanyang regalo upang, sa hinaharap, magiging mabuti ka sa kanya at bibigyan mo siya ng espesyal na pagtrato. Ito ang intensyon sa likod ng kanyang regalo. Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi ka niya bibigyan ng gayong regalo kung wala kang katayuan, ngunit tinanggap mo pa rin ito. Sa salita, sinasabi mong “Salamat sa Diyos. Natanggap ko ang regalong ito mula sa Diyos, ito ay kabutihan ng Diyos sa akin.” Hindi mo lang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, kundi tinatamasa mo rin ang mga bagay ng mga hinirang ng Diyos, na para bang karapat-dapat ka sa mga ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? Kung ang tao ay walang konsiyensiya at walang anumang kahihiyan, kung gayon ay iyon ang problema. Isa lang ba itong usapin ng pag-uugali? Mali lang ba talaga na tanggapin ang mga bagay mula sa iba at tama ba na tanggihan ang mga ito? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa gayong sitwasyon? Dapat mong tanungin ang nagreregalo kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang ginagawa niya. Sabihin sa kanya na, “Hanapin natin ang patnubay mula sa salita ng Diyos o ang mga administratibong regulasyon ng iglesia at tingnan kung ang ginagawa mo ay naaayon sa mga prinsipyo. Kung hindi, hindi ko matatanggap ang regalong iyon.” Kung maipababatid ng mga sangguniang iyon sa nagreregalo na lumalabag ang kilos nito sa mga prinsipyo ngunit nais pa rin nitong ibigay sa iyo ang regalo, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito kayang mapagtagumpayan ng mga ordinaryong tao. Nananabik silang mabigyan ng iba ng higit pa, at nais nilang matamasa ang higit na espesyal na pagtrato. Kung ikaw ang tamang uri ng tao, dapat kang magdasal kaagad sa Diyos kapag naharap sa gayong sitwasyon, sabihin mo na, “O Diyos, ang kinakaharap ko ngayon ay tiyak na tanda ng Iyong mabuting kalooban. Isa itong aral na itinakda Mo para sa akin. Handa akong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo.” Masyadong matindi ang mga tuksong kinakaharap ng mga may katayuan, at sa sandaling may dumating na tukso, mahirap ngang malampasan ito. Kailangan mo ang proteksyon at tulong ng Diyos; dapat kang manalangin sa Diyos, at dapat mo ring hanapin ang katotohanan at madalas na pagnilayan ang iyong sarili. Sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang pakiramdam mo. Gayunpaman, kung hinihintay mong makatanggap ng gayong mga regalo bago magdasal, makakaramdam ka pa rin ba ng gayong kapanatagan at kapayapaan? (Hindi na.) Ano ang iisipin ng Diyos sa iyo kung gayon? Malulugod ba ang Diyos sa mga kilos mo, o masusuklam Siya? Kamumuhian Niya ang mga kilos mo. Isa lang ba itong problema ng kung tinatanggap mo ba ang isang bagay? (Hindi.) Kung gayon, nasaan ang problema? Ang problema ay matatagpuan sa mga opinyon at saloobin na pinanghahawakan mo kapag kinakaharap ang gayong sitwasyon. Nagpapasya ka ba nang ikaw lang o hinahanap mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang pamantayan ng konsiyensiya? Mayroon ka bang takot sa Diyos sa iyong puso? Nagdarasal ka ba sa Diyos sa tuwing nakakaharap mo ang sitwasyon? Hinahangad mo bang matugunan muna ang mga sarili mong pagnanais, o nagdarasal ka ba at hinahangad muna ang kalooban ng Diyos? Nabubunyag ka sa bagay na ito. Paano mo dapat pangasiwaan ang gayong sitwasyon? Dapat mayroon kang mga prinsipyo sa iyong pagsasagawa. Una, sa panlabas, dapat mong tanggihan ang mga espesyal na materyal na pabor na ito, ang mga tuksong ito. Kahit na inalok ka ng isang bagay na talagang gusto mo o siyang mismong bagay na kailangan mo, dapat mo ring tanggihan ito. Ano ang ibig sabihin ng mga materyal na bagay? Ang pagkain, damit, at tirahan, at ang mga bagay na gamit sa pang-araw-araw ay kasama lahat. Ang mga espesyal na materyal na pabor na ito ay dapat tanggihan. Bakit kailangan mong tanggihan ang mga ito? Ang paggawa ba niyon ay isang usapin lamang ng kung paano ka kumilos? Hindi; usapin ito ng iyong matulungin na saloobin. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, palugurin ang Diyos, at iwasan ang tukso, kailangan mo munang magkaroon ng ganitong matulungin na saloobin. Sa ganitong saloobin, magagawa mong iwasan ang tukso, at magiging payapa ang konsiyensiya mo. Kung iaalok sa iyo ang isang bagay na gusto mo at tatanggapin mo ito, medyo mararamdaman ng puso mo ang pagsaway ng iyong konsiyensiya. Gayunpaman, dahil sa mga palusot mo at pangangatwiran sa sarili, sasabihin mo na dapat kang mabigyan ng bagay na ito, na nararapat ito sa iyo. At pagkatapos, ang kirot ng iyong konsiyensiya ay hindi magiging tumpak o malinaw. Kung minsan, maaaring maimpluwensiyahan ng iyong mga iniisip at pananaw ang iyong konsiyensiya, kaya hindi halata ang kirot nito. Kaya, isa bang maaasahang pamantayan ang iyong konsiyensiya? Hindi. Isa itong pang-alerto na nagbababala sa mga tao. Anong uri ng babala ang ibinibigay nito? Na walang seguridad sa pag-asa sa mga nararamdaman lamang ng konsiyensiya; dapat ding hanapin ng isang tao ang mga prinsipyo ng katotohanan. Iyon ang mapagkakatiwalaan. Kung walang katotohanang pipigil sa kanila, maaari pa ring mahulog sa tukso ang mga tao, magbibigay ng iba’t ibang dahilan at palusot na magtutulot sa kanilang tugunan ang kanilang kasakiman sa mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, bilang lider, dapat mong sundin sa puso mo ang isang prinsipyong ito: Palagi kong tatanggihan, palaging iiwasan, at ganap na tatanggihan ang anumang espesyal na pagtrato. Ang ganap na pagtanggi ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan. Kung taglay mo ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan, ikaw ay medyo nasa ilalim na ng proteksyon ng Diyos. At kung mayroon kang gayong mga prinsipyo sa iyong pagsasagawa at pinanghahawakan mo ang mga ito, ginagawa mo na ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos. Tinatahak mo na ang tamang landas. Kapag tinatahak mo ang tamang landas at nabibigyang-kasiyahan mo na ang Diyos, kakailanganin pa rin bang suriin ang iyong konsiyensiya? Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagsasagawa ng katotohanan ay mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensiya. Kung ang isang tao ay may determinasyong makipagtulungan at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, napalugod na niya ang Diyos. Ito ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao.

Ang abilidad ng isang tao na magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan ay higit na nakasalalay sa kanyang pakikipagtulungan. Ang pakikipagtulungan ay napakahalaga. Nang matakot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan, sa tayog at realidad na taglay niya noon, malamang na hindi siya natakot na mahulog sa anumang tukso. Kung nakaupo siya sa hapag ng piging, hindi sana siya madaling nagkasala sa Diyos sa anumang salita o gawa. Kung gayon, bakit tumanggi pa rin siyang dumalo sa gayong mga piging? (Hindi niya gusto ang mga ito.) Hindi niya gusto ang gayong mga okasyon. Ito ay isang obhektibong dahilan, ngunit mayroon ding praktikal na isyu na maaaring hindi ninyo naisip. Si Job ay may takot sa Diyos at umiwas siya sa kasamaan. Gumawa siya ng mga hakbang at pinanghawakan ang mga patakaran upang matanggap niya ang proteksyon ng Diyos, nag-iingat laban sa paggawa ng kasalanan o pagkakasala sa Diyos. Ginamit niya ang mga pamamaraan ng pakikipagtulungan ng tao. Isa itong aspeto ng usapin. Bukod pa rito, may ilang sitwasyon kung saan hindi kayang kontrolin ng tao ang kanyang tiwaling kalikasan nang mag-isa, kaya hindi dumalo si Job sa mga okasyon kung saan matutukso siya. Sa ganitong paraan, naiwasan niya ang tukso. Ngayon, naiintindihan na ba ninyo kung bakit hindi dumadalo si Job sa gayong mga piging? Ito ay dahil ang gayong okasyon ay magiging napakalaking tukso para sa sinuman. Ano ang ibig sabihin kapag ang isang bagay ay isang napakalaking tukso? Maaaring makagawa ng kasalanan ang mga tao at magkasala sa Diyos anumang oras, saanman sila naroroon. Kung mag-isa ka lang, ang takot sa Diyos sa puso mo, at ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong determinasyon, ay hindi sapat para palayain ang sarili mo sa tukso. Hindi ka nito mapipigilan na magkasala sa Diyos kapag ikaw ay natutukso. Naiintindihan mo ba? Dapat mo talagang tanggihan ang espesyal na pagtrato sa iyo ng iba. Dapat kang tumanggi sa bawat pagkakataon. Anong uri ng paraan ito ng paggawa sa mga bagay-bagay? Sa aling aspeto ng mga problema ng tao nakatuon ang gayong mga prinsipyo at regulasyon? (Nakatuon ang mga ito sa sakim na kalikasan ng tao.) Dahil sa tiwaling disposisyon ng tao, madali siyang mahulog sa tukso. Samakatuwid, dapat mong panghawakan ang ilang prinsipyo o pamamaraan para maiwasan ang gayong mga tukso, upang hindi ka magkasala sa Diyos. Ito ay isang makapangyarihan at epektibong paraan ng pakikipagtulungan. Kung mabibigo kang gawin ito, kung huhusgahan mo ang sitwasyon at kung minsan ay tatanggapin ang espesyal na pagtrato at sa ibang pagkakataon naman ay tatanggihan ito, mayroon ka bang mabuting pagkaunawa sa bagay na ito? (Wala.) Bakit wala kang mabuting pagkaunawa rito? (Dahil ang tao ay may satanikong kalikasan at hindi kayang kontrolin ang kanyang sarili.) Ang mga walang takot sa Diyos sa kanilang puso ay walang mga prinsipyo kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon. Tinatanggap nila ang lahat at kailanman ay wala silang tinatanggihan. Kung may nagsasabi sa kanila na ito ay isang handog, isang bagay na inihahandog sa Diyos, hindi pa rin sila natatakot. Inilalagay lang nila ito sa sarili nilang bulsa. Nangangahas silang agawin at samsamin ang gayong mga handog, nang walang kahit kaunting pagsaway sa sarili. Malinaw na wala silang kahit katiting na takot sa Diyos, likas na nahuhulog sa gayong mga kondisyon, gaya ng ginagawa nila. Mananampalataya pa ba sila sa Diyos? Ito ang kahihinatnan ng paghahanap ng kaginhawahan at kaalwanan at pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan. Kung madalas kang nahuhulog sa tukso at hindi ito iniiwasan, hindi maiiwasang maaakay ka, nang hindi nahahalata, pababa sa landas na ito. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang umaakay sa kanya sa maling landas. Maaari bang maging maayos ang mga bagay-bagay kung hindi malulutas ang problemang ito? Kaya naman, anuman ang mga problemang nakakaharap mo, dapat kang sumunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, gumamit ng mga espesyal na paraan upang makayanan ang mga espesyal na problema. Ang mahigpit na pagsunod sa mga panuntunan ay hindi ang paraan. Anumang mga pamamaraan ang nagtutulot sa iyo na manalo laban sa tukso, katanggap-tanggap ang mga ito.

Mas madaling madaig ang mga materyal na tukso. Hangga’t mayroon kang makakain, maisusuot, at isang kontentong puso, magagawa mo ito. Kung gayon, ang gayong mga tukso ay madaling madadaig. Gayunpaman, ang mga tukso ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ang pinakamahirap sa lahat na madaig. Halimbawa, kapag ang dalawang tao ay nagtutulungan, kung ang katayuan ng kasama mo ay mas mababa sa iyo, kung ang katayuan mo ay mas mataas kaysa sa kanya, matutuwa ka. Ngunit kung ang katayuan mo ay mas mababa sa kanya, hindi ka matutuwa. Mababalisa ang puso mo, mapipigilan ka, masisiraan ng loob, at manghihina, at hindi ka magdarasal. Madali bang lutasin ang problemang ito? Wala itong madaling solusyon. Kayang tanggihan at iwasan ng mga tao ang mga materyal na tukso, iniiwasan ang karumihan ng mga ito, ngunit ang katayuan, pakinabang, kasikatan, banidad, at reputasyon ang mga pinakamahirap daigin. Bagamat hindi ito madali, mayroon naman talagang solusyon. Hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, at matukoy ang kawalang-kabuluhan ng kasikatan, pakinabang, at katayuan upang maarok ang diwa ng mga ito, magkakaroon ka ng kumpiyansa na iwaksi ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Dahil dito, hindi ka mahuhulog sa mga tukso nito. Ang mga tao ay may tiwaling kalikasan, na nagsasanhi sa kanilang magbunyag at magsabuhay ng iba’t ibang tiwaling disposisyon. Inaakay sila nito na lumaban at maghimagsik sa Diyos. Ang isinasabuhay nila ay hindi makatao at hindi naaayon sa katotohanan. Kung kayabangan man ng tao ang tumatangging magpasakop sa katotohanan, o panlilinlang ng tao na kumikilos nang may buktot na intensyon, o kasakiman, ambisyon, at pagnanasa ng tao, ano ang nagsasanhi ng lahat ng bisyong ito? (Ang tiwaling disposisyon ni Satanas.) Nagmumula ang mga ito sa tiwaling disposisyon ni Satanas at ginagawa ng satanikong kalikasan na kumokontrol sa tao. Ang pagsusumikap ng tao sa katayuan ay isa lamang pagpapamalas nito. Ang pagpapamalas na ito, tulad ng mayabang na disposisyon ng tao, tulad ng kanyang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, ay nagmumula sa kanyang satanikong kalikasan. Anong pamamaraan ang maaaring gamitin para malutas ito? Dapat mo pa ring gamitin ang pinakapangunahing pamamaraan. Hangga’t sinusunod mo ang daan ng Diyos at tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, lahat ng problemang ito ay malulutas. Kapag wala kang katayuan, maaari mong suriin ang sarili mo nang madalas at kilalanin ang iyong sarili. Maaaring makinabang ang iba rito. Kapag mayroon kang katayuan at nasusuri at nauunawaan mo pa rin ang iyong sarili nang madalas, tinutulutan ang mga tao na makita ang iyong mga kalakasan, na nauunawaan mo ang katotohanan, na mayroon kang praktikal na karanasan, at na tunay kang nagbabago, hindi pa ba makikinabang dito ang iba? Mayroon ka mang katayuan o wala, basta’t naisasagawa mo ang katotohanan at mayroon kang tunay na karanasan at patotoo, na nagtutulot sa mga tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos at ang katotohanan mula sa iyong karanasan, hindi ba nakikinabang dito ang mga tao? Ano, kung gayon, ang kahulugan ng katayuan sa iyo? Sa katunayan, ang katayuan ay isa lamang pasobra, isang karagdagang bagay, tulad ng isang piraso ng damit o sumbrero. Isang palamuti lamang ito. Wala itong totoong silbi, at hindi naaapektuhan ng presensya nito ang anumang bagay. Mayroon ka mang katayuan o wala, ikaw pa rin ang taong iyan. Nauunawaan man ng mga tao ang katotohanan at nakakamit ang katotohanan at buhay ay walang kinalaman sa katayuan. Basta’t hindi mo ginagawang napakalaking bagay ang katayuan, hindi ka nito mapipigilan. Kung mahal mo ang katayuan at binibigyan ito ng natatanging pagpapahalaga, lagi itong itinuturing bilang mahalagang bagay, mapapasailalim ka ng kontrol nito; hindi ka na magiging handang magtapat, maglantad ng iyong sarili, kilalanin ang iyong sarili, o isantabi ang iyong tungkulin sa pamumuno upang kumilos, magsalita at makipag-ugnayan sa iba at tuparin ang iyong tungkulin. Anong uri ng suliranin ito? Hindi ba’t isa itong usapin ng pagiging napipigilan ng katayuan? Nangyayari ito dahil nagsasalita at kumikilos ka mula sa isang mataas na katayuan at hindi maitigil ang pagmamataas. Hindi ba’t pinahihirapan mo lamang ang sarili mo sa paggawa nito? Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at kung maaari kang magkaroon ng katayuan nang hindi umaasta na gaya ng ginagawa mo, kundi sa halip ay matututukan mo kung paano gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, gawin ang lahat ng dapat mong gawin at tuparin ang lahat ng nararapat mong tungkulin, at kung nakikita mo ang sarili bilang karaniwang kapatid, hindi mo ba naitakwil kung gayon ang pamatok ng katayuan? Kapag hindi ka napipigilan ng katayuan at may normal kang pagpasok sa buhay, ikukumpara mo pa rin ba ang sarili mo sa iba? Kapag mas mataas ang katayuan ng iba, hind ka pa rin ba magiging komportable? Dapat mong hanapin ang katotohanan at palayain ang iyong sarili sa mga pagpipigil ng katayuan at lahat ng iba pang tao, usapin, at bagay. Wala nang mas mabuti pa kaysa sa paggawa nang maayos sa iyong tungkulin. Saka ka lamang magiging isang taong nagtataglay ng realidad ng katotohanan.

Lahat ng natiwaling tao ay nagdurusa mula sa isang magkakatulad na suliranin: Kapag wala silang katayuan, hindi sila nagmamalaki kapag nakikipag-ugnay o nakikipag-usap sa sinuman, o hindi sila gumagamit ng partikular na estilo o tono sa kanilang pananalita; sila ay karaniwan lamang at normal, at hindi na kailangang balutan ang kanilang mga sarili. Hindi sila nakararamdam ng anumang sikolohikal na presyon, at nakapagbabahagi nang bukas at mula sa puso. Madali silang lapitan at madaling makahalubilo; nararamdaman ng iba na napakabuti nilang mga tao. Sa sandaling magkamit sila ng katayuan, sila ay nagiging mapagmataas, hindi nila pinapansin ang mga karaniwang tao, walang sinumang nakakalapit sa kanila; pakiramdam nila ay mas mataas sila, at na sila ay iba sa mga karaniwang tao. Mababa ang tingin nila sa karaniwang tao, nagmamalaki sila kapag nagsasalita, at tumitigil sila sa hayagang pagbabahagi sa iba. Bakit hindi na sila nagbabahagi nang hayagan? Nararamdaman nilang may katayuan na sila ngayon, at sila ay mga pinuno. Iniisip nilang dapat magkaroon ng partikular na imahe ang mga pinuno, maging mataas nang bahagya kaysa sa ordinaryong tao, magkaroon ng higit na tayog at maging mas mahusay na tumupad ng responsabilidad; naniniwala sila na kung ihahambing sa mga karaniwang tao, dapat magtaglay ang mga pinuno ng higit na pasensya, magawang magdusa at gumugol nang higit, at mapaglabanan ang anumang tukso mula kay Satanas. Kahit na mamatay ang kanilang mga magulang o ibang kapamilya, pakiramdam nila ay dapat mayroon silang pagpipigil sa sarili na huwag maiyak, o na dapat man lang ay umiyak sila nang lihim, nang hindi nakikita ng iba, upang walang makakita ng anuman sa kanilang mga pagkukulang, kapintasan, o kahinaan. Nararamdaman pa nga nila na hindi maaaring ipaalam ng mga pinuno sa sinuman kung sila ay naging negatibo; sa halip, dapat nilang itago ang lahat ng ganoong mga bagay. Naniniwala silang ganito dapat kumilos ang isang may katayuan. Kapag pinipigilan nila ang kanilang sarili nang ganito, hindi ba ang katayuan ay nagiging kanilang Diyos, kanilang Panginoon? At dahil dito, nagtataglay pa rin ba sila ng normal na pagkatao? Kapag mayroon silang ganitong mga ideya—kapag ikinulong nila ang kanilang sarili rito, at ginawa nila ito—hindi ba sila nahumaling sa katayuan? Sa tuwing may ibang mas malakas at mas mahusay kaysa sa kanila, nakakaapekto ito sa kanilang malubhang kahinaan. Madadaig kaya nila ang laman? Kaya ba nilang tratuhin nang wasto ang ibang tao? Siguradong hindi. Upang mapalaya ang sarili mo mula sa kontrol ng katayuan, ano ang unang dapat mong gawin? Kailangan mo muna itong tanggalin sa iyong mga intensyon, iyong mga saloobin, at iyong puso. Paano ito nakakamit? Dati-rati, noong wala kang katayuan, hindi mo papansinin ang mga hindi kaakit-akit sa iyo. Ngayong mayroon ka nang katayuan, kung makakakita ka ng isang taong hindi kahanga-hanga, o mayroong mga isyu, pakiramdam mo ay responsabilidad mong tulungan siya, at kaya gumugugol ka ng mas maraming oras sa pakikipagbahaginan sa kanya, sinusubukang lutasin ang ilang praktikal na problemang mayroon siya. At ano ang nararamdaman ng puso mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito? Nakararamdam ito ng kagalakan at kapayapaan. Gayundin, dapat kang magtapat sa mga tao at mas madalas na maging bukas sa kanila kapag nahihirapan ka o nakararanas ng kabiguan, magbahagi sa iyong mga problema at kahinaan, kung paano mo sinuway ang Diyos, at kung paano mo ito nalampasan, at nagawang tuparin ang kalooban ng Diyos. At ano ang epekto ng pagtatapat sa kanila sa ganitong paraan? Walang duda na ito ay positibo. Hindi ka mamaliitin ng sinuman—at maaaring mainggit pa sila sa iyong abilidad na pagdaanan ang mga karanasang ito. Palaging iniisip ng ilang tao na kapag ang mga tao ay may katayuan, dapat silang mas kumilos na parang mga opisyal at magsalita sa isang partikular na paraan para seryosohin at igalang sila. Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? Kung mapagtatanto mo na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, dapat kang manalangin sa Diyos at talikuran ang mga bagay ng laman. Huwag magmayabang, at huwag lumakad sa landas ng pagpapaimbabaw. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kaisipan, dapat mong tugunan ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, ang kaisipang ito, ang pananaw na ito, ay magkakaroon ng anyo at magkakaugat sa puso mo. Bilang resulta, mangingibabaw ito sa iyo at magbabalatkayo ka at gagawa ka ng iyong imahe hanggang sa puntong wala nang sinumang makakikita sa iyo o makauunawa sa iyong mga iniisip sa likod ng imaheng ito. Makikipag-usap ka sa iba sa likod ng isang maskara na nagtatago ng iyong tunay na puso mula sa kanila. Dapat kang matutong hayaan ang iba na makita ang puso mo, at matutong buksan ang iyong puso sa iba at maging malapit sa kanila. Dapat mong talikdan ang mga kagustuhan ng laman at umasal ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, makararamdam ang puso mo ng kapayapaan at kaligayahan. Anumang mangyari sa iyo, pagnilayan mo muna kung anong mga problema ang umiiral sa iyong sariling ideolohiya. Kung ninanais mo pa ring magbalatkayo at gumawa ng isang imahe para sa sarili mo, dapat kang manalangin kaagad sa Diyos: “O Diyos! Gusto ko na namang magbalatkayo. Mapanlinlang na naman akong nagpapakana. Tunay ngang isa akong diyablo! Tiyak na talagang kamuhi-muhi ako sa Iyo! Lubos akong nasusuklam sa aking sarili. Nagmamakaawa ako sa Iyo na sawayin, disiplinahin, at parusahan Mo ako.” Dapat kang magdasal, ihayag ang saloobin mo, at umasa sa Diyos na ibunyag ito, himay-himayin ito, at paghigpitan ito. Kung susuriin at paghihigpitan mo nga ito, hindi magdudulot ng mga problema ang mga kilos mo dahil napipigilan ang iyong tiwaling disposisyon at hindi ito kusang nabubunyag. Sa oras na ito, anong mga emosyon ang nasa puso mo? Kahit papaano, makararamdam ka ng kaunting paglaya. Magagalak at mapapayapa ang puso mo. Mababawasan ang iyong pasakit, at hindi ka magdurusa sa pagpipino. Sa pinakamalalang senaryo, magkakaroon ng mga pagkakataon kung saan saglit kang malilito at maiisip mo na, “Isa akong lider, isang taong may katayuan at posisyon, bakit ako magiging katulad lamang ng mga ordinaryong tao? Bakit ako makikipag-usap sa mga ordinaryong tao sa isang taos-puso, tunay, at bukas na paraan? Masyado ko namang ibinababa ang aking sarili kung ganito!” Gaya ng nakikita mo, medyo problema ito. Ang tiwaling disposisyon ng tao ay hindi agad maiwawaksi lahat, hindi rin ito ganap na malulutas sa maikling panahon. Inakala mo na ang paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay magiging napakasimple, na katulad ito ng kung ano ang iniisip ng mga tao—na sa sandaling malinaw silang nakapagbabahagi sa katotohanan at nakakikilala sa kanilang tiwaling disposisyon, agad nilang maaalis ito sa kanilang sarili. Hindi ito isang napakasimpleng bagay. Ang proseso kung saan isinasagawa ng tao ang katotohanan ay ang proseso ng pakikipaglaban sa kanyang tiwaling disposisyon. Ang indibidwal na kalooban, imahinasyon, at labis na pagnanais ng tao ay hindi ganap na nalulutas sa pamamagitan ng tuluyang pagtalikod at pagdaig sa mga ito sa panalangin. Sa halip, ganap lamang na maiwawaksi ang mga ito pagkatapos ng maraming paulit-ulit na labanan. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, saka lang tunay na magbubunga ang prosesong ito. Lalo na sa mas malalaking bagay, mas titindi ang labanan sa puso mo, na may walang katapusang pagkaligalig na kung minsan ay tumatagal ng isa o dalawang buwan, minsan anim na buwan o isang taon pa nga. Medyo matigas ang tiwaling disposisyon ng tao. Walang uri ng tiwaling disposisyon ang malulutas sa pamamagitan ng isa o dalawang pagbabahaginan sa katotohanan. Lalabanan ka nito nang paulit-ulit, at dapat mong ipagpatuloy ang paghahangad sa katotohanan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang katotohanan, lubusang makilala ang iyong tiwaling disposisyon, at magsimulang kamuhian ang laman at si Satanas. Pagkatapos, magiging isang ordinaryong bagay na lang sa iyo ang pagsasagawa sa katotohanan, isang bagay na natural at walang kahirap-hirap. Ito ang ibig sabihin ng madaig ang laman at manalo laban kay Satanas. Sa panahon ng labanan, dapat magdasal ang mga tao sa Diyos sa lahat ng oras at gumugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Hindi sila dapat pumunta sa mga hindi mananampalataya o kay Satanas at sa mga diyablo para hanapin ang daan. Dapat silang umasa at tumingala sa Diyos. Dapat nilang hanapin ang katotohanan at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan alinsunod sa mga salita ng Diyos. Kapag tunay na nilang nauunawaan ang katotohanan, saka lang nila madadaig ang laman at si Satanas. Paano ito tinitingnan ng Diyos? Nakikita ng Diyos ang puso mo. Nakikita Niya na mahal mo ang katotohanan, na may takot ka sa Diyos, at handa kang iwaksi ang kawalang-katuwiran at iwasan ang kasamaan. Bagamat ang iyong tiwaling disposisyon ay nakapagdulot sa iyo ng mga kaisipan, ideya, at intensiyon, hindi kinokontrol ng mga kaisipan at intensiyong ito ang pag-uugali mo, hindi sinisira at niyuyurakan ng mga ito ang iyong kalooban. Sa huli, magagawa mong talunin ang mga ito, at gugunitain ka ng Diyos. Kung madalas mong isasagawa ito, bubuti ang iyong panloob na kalagayan. Sa anong punto masasabing ganap mong nalampasan ang aspetong ito ng iyong tiwaling disposisyon, na nagbago ka sa aspetong ito ng iyong disposisyon at nakapasok ka sa realidad ng katotohanan? Ibig sabihin, bagamat paminsan-minsan pa ring pumapasok sa isip mo ang masasamang kaisipan at ideya, at nagdudulot pa rin ang mga ito ng ilang intensiyon at hangarin, ang mga bagay na ito ay hindi na nakaaapekto sa puso mo. Nararamdaman mo nang hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at makikilala mo ang mga ito sa sandaling lumitaw ang mga ito. Hindi mo na kailangang kunwaring magpigil sa mga ito at talikuran ang mga ito, at hindi mo na kailangang sadyang hilingin sa Diyos na obserbahan, disiplinahin, at parusahan ka. Ang gayong mga pamamaraan ay hindi na kinakailangan sa iyo. Madali mo na itong malalampasan at mabibitiwan. Ang puso mo ay hindi na nababahala at wala ka nang nararamdamang kawalan. Ito ay mabuti. Nagtataglay ka na ngayon ng tayog at nabago na ang disposisyon mo. Nagkamit na ba kayo ngayon ng pagpasok kahit papaano? Medyo nagbago na ba kayo? (Hindi.) Kung gayon, tunay na napakababa ng tayog ninyo, at kailangan pa rin ninyong magsikap na hangarin ang katotohanan at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos, kapag nangyaring muli sa iyo ang gayong mga bagay, malalaman mo na kung paano isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin para makapanindigan sa iyong patotoo. Pagkatapos, tunay kang magkakaroon ng tayog. Tanging ang mga nakapagsasagawa sa katotohanan at nakapaninindigan sa kanilang patotoo ang makapapasok sa realidad ng katotohanan. Hindi pa ninyo ito mauunawaan sa kasalukuyan. Sa ngayon ay nangangapa pa kayo. Kung pag-uusapan ang mga aktuwal na sitwasyong ito, nararamdaman ninyo na lahat ng problemang ito ay mayroon kayo, ngunit hindi ninyo kailanman hinanap ang katotohanan para malutas ang mga ito. Nangangahulugan ba ito na napakababa ng tayog ninyo? Kung hindi pa kayo nakapasok sa realidad ng katotohanan, magkakaroon ba kayo ng buhay? Hindi pa ninyo nakamit ang katotohanan at wala pa kayong buhay. Kung ipinamumuhay mo lamang ang buhay ng laman at namumuhay lamang sa iyong satanikong disposisyon, kung gayon ay namumuhay ka sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas. Hindi mo pa nakakamit ang kaligtasan ng Diyos. Ang kaligtasan ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao kapag iniisip nila na, kung kaya mong bumigkas ng mga salita at doktrina at sumunod sa ilang panuntunan, maliligtas ka. Dapat mong tunay na kilalanin ang iyong sarili, maialis ang ilang tiwaling disposisyon sa sarili mo, makita ang diwa ng reputasyon at katayuan, mabitiwan ang katayuan, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang mayroong kaligtasan.

Sa katunayan, ang solusyon sa problema ng katayuan ay kapareho ng solusyon sa iba pang problema. Ang mga problemang ito ay pawang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Lahat ito ay mga kagustuhan at paghahangad ng tao. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Kung aalisin mo ang iyong tiwaling disposisyon, hindi magiging problema sa iyo ang katayuan. Ang mga tao ay nakikipagkumpitensya sa isa’t isa para sa katayuan, sinasabing “Maaaring mas mataas ka sa akin ngayon, pero bukas ay hihigitan kita.” Ano ang problema rito? Lumilitaw ba ito dahil lamang sa katayuan? (Hindi.) Ano ang nagsanhi nito? (Ang tiwaling disposisyon ng tao.) Tama ito. Ang problemang ito ay nagmumula sa tiwaling disposisyon ng tao. Sa sandaling malutas ang tiwaling disposisyong ito, malulutas ang lahat ng problemang ito. Sa huli, ang mga gustong pumili sa landas ng paghahangad sa katotohanan ay dapat tumuon sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa kanilang sarili sa lahat ng bagay. Dapat nilang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon bago sila makapagsimula sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung mabibigo silang lutasin ang kanilang tiwaling disposisyon, magbubunga ito ng maraming paghihirap at balakid. Kahit pa gawin nila ang kanilang mga tungkulin, iraraos lamang nila ito pero hindi sila magtatamo ng resulta. Upang lutasin ang mga problemang ito, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya sa paghahangad sa katotohanan, gawin ang lahat ng makakaya na makilala ang iyong tiwaling disposisyon, at gawin ang lahat ng makakaya para lutasin ang mga problema. Huwag lamang sabihin na, “Sapat na ang hangarin ang katotohanan, manalangin nang higit pa, at magbasa pa ng maraming salita ng Diyos.” Masyado itong malabo. Kung walang praktikal na landas, hindi ito sapat. Ang mga partikular na problema ay dapat partikular na harapin. Huwag sundin ang mahihigpit na panuntunan at makalumang mga batas. Ang katotohanan ay isang buhay, praktikal na bagay, at ang pabasta-bastang paggamit ng mga panuntunan ay hindi ang paraan. Dapat mong lutasin ang mga praktikal na problema ayon sa prinsipyo ng katotohanan. Kung hindi kayang lutasin ng isang tao ang mga praktikal na problema sa pamamagitan ng paggamit ng katotohanan, ang gayong tao ay hindi kuwalipikadong maging lider at manggagawa. Ang sinumang hindi kayang gumamit ng katotohanan sa paglutas ng mga problema ay hindi isang taong nakauunawa sa katotohanan. Kahit na maaaring maging lider at manggagawa siya, hindi niya magagamit ang katotohanan sa paglutas ng mga problema, hindi siya magkakaroon ng katotohanan, at magiging imposible para sa kanya na kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ang gayong lider at manggagawa ay talagang walang realidad ng katotohanan.

Pebrero 16, 2017