Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan (Unang Bahagi)
Gustung-gusto ng tiwaling sangkatauhan ang reputasyon at katayuan. Lahat sila ay naghahangad ng kapangyarihan. Kayong mga lider at manggagawa na ngayon, hindi ba ninyo nararamdaman na dinadala ninyo ang inyong titulo o ranggo sa inyong mga ikinikilos? Gayon din ang mga anticristo at huwad na lider, nararamdaman nilang lahat na sila ay mga opisyal sa sambahayan ng Diyos, na mas mahusay sila kaysa sa iba, na nakahihigit sila sa iba. Kung wala silang opisyal na mga titulo at ranggo, wala silang pasanin sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at hindi sila masigasig na gagawa. Itinuturing ng lahat ang pagiging lider at manggagawa bilang katumbas ng pagiging opisyal, at lahat ay handang kumilos bilang isang opisyal. Kung titingnan sa positibong anggulo, tinatawag natin itong paghahangad ng isang propesyon—ngunit kung sa negatibong anggulo, ito ay tinatawag na pag-aasikaso ng mga pansariling usapin. Ito ay pagtatayo ng isang independiyenteng kaharian upang matugunan ang sariling mga ambisyon at hangarin. Sa huli, mabuti ba o masama ang magkaroon ng katayuan? Sa mga mata ng tao, isa itong magandang bagay. Kapag mayroon kang opisyal na titulo, nagiging iba ang pagsasalita at pagkilos. Ang iyong mga salita ay may kapangyarihan, at susunod ang mga tao sa mga ito. Bobolahin ka nila nang husto, magmamartsa sila sa harap mo habang sumisigaw at aalalayan ka nila mula sa likuran. Ngunit kung wala ang iyong katayuan at mga titulo, magbibingi-bingihan sila sa iyong mga salita. Bagamat maaaring totoo ang iyong mga salita, puno ng mabuting katuturan, at kapaki-pakinabang sa mga tao, walang sinuman ang susunod sa iyo. Ano ang ipinapakita nito? Lahat ng tao ay iginagalang ang katayuan. Lahat sila ay may mga ambisyon at hangarin. Lahat sila ay naghahangad sa pagsamba ng iba at mahilig pangasiwaan ang mga bagay mula sa posisyon ng katayuan. Maisasakatuparan ba ng isang tao ang mabubuting gawa mula sa isang posisyon ng katayuan? Makagagawa ba siya ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao? Hindi iyon tiyak. Depende ito sa landas na iyong tinatahak at kung paano mo itinuturing ang katayuan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, ngunit gusto mo palagi na paboran ka ng ibang tao, ninanais na tugunan ang sarili mong mga ambisyon at hangarin, at tuparin ang pananabik mo sa katayuan, kung gayon ay tumatahak ka sa landas ng mga anticristo. Ang isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay makakaayon ba sa katotohanan sa kanyang paghahangad at pagganap sa kanyang tungkulin? Talagang hindi. Ito ay dahil ang landas na pipiliin ng isang tao ang magpapasya sa lahat. Kung pipiliin ng isang tao ang maling landas, ang lahat ng kanyang mga pagsisikap, kanyang pagganap sa tungkulin, at kanyang paghahangad ay hinding-hindi aayon sa katotohanan. Ano sa mga ito ang salungat sa katotohanan? Ano ang hinahangad niya sa kanyang mga ikinikilos? (Katayuan.) Ano ang ipinapakita ng lahat ng tao na gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan? Sabi ng ilan, “Palagi silang sumasambit ng mga salita ng doktrina, hindi sila nagbabahagi ng katotohanang realidad kailanman, lagi silang nagpapakitang gilas, lagi silang nagsasalita para sa sarili nilang kapakanan, hindi nila pinupuri o pinatototohanan ang Diyos kailanman. Ang mga taong nagpapakita ng gayong mga bagay ay kumikilos para lamang sa katayuan.” Tama ba ito? (Oo.) Bakit sila sumasambit ng mga salita ng doktrina at nagpapakitang gilas? Bakit hindi nila pinupuri at pinatototohanan ang Diyos? Dahil sa kanilang puso, naroon lamang ang katayuan, at ang kanilang reputasyon at pakinabang—lubusang wala ang Diyos sa kanilang mga puso. Partikular na iniidolo ng gayong mga tao ang katayuan at awtoridad. Napakahalaga sa kanila ng kanilang reputasyon at pakinabang; naging buhay na nila ang kanilang reputasyon, pakinabang, at katayuan. Wala ang Diyos sa kanilang mga puso, hindi nila kinatatakutan ang Diyos, at lalo namang hindi sila sumusunod sa Kanya; pinupuri lamang nila ang kanilang sarili, pinatototohanan ang kanilang sarili, at nagpapakitang-gilas upang makuha ang paghanga ng iba. Kaya, madalas nilang ipinagmamayabang ang kanilang sarili, kung ano ang kanilang nagawa, kung gaano sila nagdusa, kung paano nila binigyang-lugod ang Diyos, kung gaano sila naging mapagpasensya noon nang iwinawasto sila, lahat ng ito upang makuha ang simpatiya at paghanga ng mga tao. Ang mga taong ito ang kauri ng mga anticristo, tinatahak nila ang landas ni Pablo. At ano ang kahahantungan nila sa huli? (Sila ay nagiging mga anticristo at itinitiwalag.) Alam ba ng mga taong ito na naghihintay sa kanila ang gayong kalalabasan? (Alam nila.) Alam nila? Kung alam nila, bakit patuloy nilang ginagawa ang gayong ginagawa nila? Ang totoo, hindi nila alam. Naniniwala sila na mabuti at tama ang kanilang mga kilos. Hindi nila kailanman tinatanong ang kanilang sarili upang malaman kung alin sa mga bagay na kanilang ginagawa ang lumalaban sa Diyos o hindi nakalulugod sa Diyos, o alin sa mga bagay na ginagawa nila ang may kaunting intensiyon sa likod ng mga ito, o kung anong landas ang kanilang tinatahak. Palagi silang nabibigong siyasatin ang mga gayong bagay.
Bilang mga lider at manggagawa, ni minsan ba ay napag-isipan ninyo ang mga katanungang ito: Ang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ay isang espesyal na atas, hindi ang ordinaryong tungkulin ng isang ordinaryong tagasunod. Ang tungkuling ito ay nangangailangan ng espesyal na responsabilidad at may espesyal na kabuluhan. Kaya, sa pagganap ng espesyal na tungkuling ito at pagsabalikat sa responsabilidad na ito, anong landas ang dapat kong tahakin upang umayon sa kalooban ng Diyos, o kahit papaano ay maiwasan ang poot ng Diyos? Paano ako dapat maghangad upang magawang perpekto ng Diyos at maiwasan ang mapalayas pagkatapos tahakin ang landas ng mga anticristo? Naisip na ba ninyo ang mga katanungang ito? (Pakiramdam ko ay itinaas ako ng Diyos noong nagsimula akong maglingkod bilang lider at manggagawa. Bagamat alam kong dapat kong hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang aking tungkulin, hindi ko pa rin maiwasan na palaging hangarin ang reputasyon at katayuan dahil sa aking likas na kayabangan. Pagkatapos kong mapagtanto ito, nagawa kong manalangin sa Diyos at makahanap ng mga nauugnay na sipi sa Kanyang mga salita upang magkaroon ng solusyon. Medyo nabago ko ang aking direksiyon noong panahong iyon, pero mangyayaring muli sa hinaharap ang sitwasyong ito, at kahit pa lubos kong kinasusuklaman ang aking sarili, mahirap na ganap na lutasin ang problemang ito.) Hindi mo makokontrol ang iyong mga iniisip at ideya, at ang iyong ambisyon at pagnanais na hangarin ang kasikatan at katayuan ay wala rin sa iyong kontrol. Ito ay patunay na nag-ugat na sa puso mo ang isang tiwaling disposisyon. Hindi ito pansamantalang pakiramdam o panandaliang emosyon, at hindi rin ito ipinuwersa sa iyo ng iba. Hindi ito kailangang ituro sa iyo ng ibang tao; ito ang likas na tendensiya ng iyong mga iniisip at ang natural na direksiyon ng iyong kilos. Ito ang iyong kalikasan. Ang mga bagay na likas sa isang tao ay yaong mga pinakamahirap baguhin. Kung may satanikong kalikasan, samakatuwid, sa sandaling magtamo ng katayuan ang mga tao, nanganganib na sila. Kaya ano ang dapat gawin? Wala ba silang landas na susundan? Sa sandaling masadlak sila sa mapanganib na sitwasyong iyon, wala na bang paraan para makabalik sila? Sabihin mo sa Akin, sa sandaling magtamo ang mga tiwaling tao ng katayuan—sino man sila—sila ba ay nagiging mga anticristo? Tiyak ba ito? (Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon sila ay magiging mga anticristo, ngunit kung hinahangad nga nila ang katotohanan, hindi sila magkakagayon.) Tama talaga iyan: Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, siguradong magiging mga anticristo sila. At totoo bang ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay ginagawa iyon dahil sa katayuan? Hindi, ang pangunahing dahilan niyon ay wala silang pagmamahal sa katotohanan, dahil hindi sila ang mga tamang tao. May katayuan man sila o wala, ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tumatahak lahat sa landas ng mga anticristo. Gaano man karaming sermon ang narinig nila, hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, sa halip ay determinado silang tahakin ang maling landas. Maitutulad ito sa paraan ng pagkain ng mga tao: May ilang hindi kumakain ng nagpapalusog ng kanilang katawan at sumusuporta ng isang normal na buhay, ngunit sa halip ay ipinipilit ang pagkonsumo ng mga bagay na nakasasama sa kanila, na sa huli ay nakapipinsala sa kanilang mga sarili. Hindi ba nila ito sariling pagpili? Matapos mapalayas, ang ilang lider at manggagawa ay nagpapakalat ng mga kuru-kuro, sinasabing, “Huwag kang mamuno, at huwag hayaan ang sarili mong magtamo ng anumang katayuan. Mapapahamak ang mga tao sa sandaling nagtamo sila ng katayuan, at ilalantad sila ng Diyos! Sa sandaling sila ay malantad, ni hindi sila magiging kwalipikado na maging mga karaniwang mananampalataya, at hindi talaga makakatanggap ng mga pagpapala.” Anong uri ba ng pananalita iyan? Sa pinakamababaw, kinakatawan nito ang maling pagkaintindi sa Diyos; sa pinakamalala, ito ay kalapastanganan sa Kanya. Kung hindi mo tinatahak ang tamang landas, hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi sinusunod ang daan ng Diyos, sa halip ay pinipilit mong tahakin ang daan ng mga anticristo at humantong sa landas ni Pablo, nagkaroon ng kaparehong kinalabasan sa huli, kaparehong katapusan gaya ng kay Pablo, sinisisi pa rin ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, hindi ba ikaw ang tunay na pantukoy ng isang anticristo? Isinumpa ang gayong pag-uugali! Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, lagi silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kadalasang nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos, at nadarama na salungat ang mga kilos ng Diyos sa sarili nilang mga kuru-kuro, kaya nagkakaroon sila ng negatibong emosyon; nangyayari ito dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Nagsasabi sila ng mga bagay na negatibo at naghihinanakit dahil napakaliit ng kanilang pananampalataya, napakaliit ng kanilang tayog, at lubhang kakaunti ang katotohanang kanilang nauunawaan—na pawang mapapatawad, at hindi maaalala ng Diyos. Pero, mayroong mga hindi tumatahak sa tamang landas, na partikular na tumatahak sa landas ng panlilinlang, pagtutol, pagtataksil sa Diyos, at paglaban sa Diyos. Ang mga taong ito ay pinarurusahan at isinusumpa ng Diyos sa huli, at isinasadlak sa kapahamakan at pagkalipol. Paano sila umaabot sa puntong ito? Dahil hindi nila pinagnilayan at kinilala ang kanilang sarili kailanman, dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at sila ay walang ingat at may sariling pasya, at matigas na tumatangging magsisi, at nagrereklamo pa nga tungkol sa Diyos matapos silang ilantad at palayasin, na sinasabing ang Diyos ay hindi matuwid. Maaari bang maligtas ang gayong mga tao? (Hindi.) Hindi maaari. Kaya, totoo ba na lahat ng inilalantad at pinalalayas ay hindi na maliligtas? Hindi masasabi na ganap silang hindi na matutubos. Mayroong mga lubhang kakaunti ang katotohanang nauunawaan, at bata pa at walang karanasan—na, kapag naging mga lider o manggagawa at nagkaroon ng katayuan, ay namamanduhan ng kanilang tiwaling disposisyon, at naghahangad ng katayuan, at nagagalak sa katayuang ito, kaya natural na tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kung, matapos malantad at mahatulan, nagawa nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at tunay na magsisi, na tinatalikdan ang kasamaan tulad ng mga tao ng Ninive, hindi na tumatahak sa landas ng kasamaan na tulad ng dati, may pagkakataon pa rin silang maligtas. Pero ano ang mga kondisyon ng gayong pagkakataon? Dapat ay tunay silang magsisi at magawa nilang tanggapin ang katotohanan. Kung magagawa nila ito, mayroon pa rin silang kaunting pag-asa. Kung hindi nila kayang pagnilayan ang kanilang sarili, hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, at walang intensyon na tunay na magsisi, ganap silang palalayasin.
Ang salitang “katayuan” mismo, ay hindi isang pagsubok o isang tukso. Depende ito sa kung paano pinangangasiwaan ng mga tao ang katayuan. Kung gagawin mong tungkulin mo ang gawain ng pamumuno, bilang responsabilidad na dapat mong ipatupad, hindi ka mapipigilan ng katayuan. Kung tatanggapin mo ito bilang isang opisyal na titulo o posisyon, mahihirapan ka at tiyak na babagsak sa lupa. Ano, kung gayon, ang mentalidad na dapat taglayin ng isang tao kapag naging lider at manggagawa ng iglesia? Saan dapat nakatuon ang paghahangad mo? Kailangan mong magkaroon ng landas! Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan at wala kang landas ng pagsasagawa, mabibitag ka ng katayuan mong ito, at babagsak ka. Ang ilang tao ay nag-iiba kapag nagkakaroon sila ng katayuan, at nagbabago ang kanilang mentalidad. Hindi nila alam kung paano magbihis, kung paano makipag-usap sa iba, kung anong tono ang dapat gamitin, kung paano makisalamuha sa mga tao, o kung anong mga ekspresyon ang ipapakita. Bilang resulta, nagsisimula silang bumuo ng imahe para sa kanilang sarili. Hindi ba’t kabuktutan ito? Ang ilang tao ay tumitingin sa mga ayos ng buhok ng mga hindi mananampalataya, sa mga damit na isinusuot ng mga ito, at sa mga katangian ng pananalita at tindig ng mga ito. Ginagaya nila ang mga ito at sinusunod ang direksyon ng mga hindi mananampalataya sa landas na ito. Isa ba itong positibong bagay? (Hindi.) Ano ang nangyayari dito? Bagamat mukhang mabababaw na mga kagawian ito, ang totoo, ang mga ito ay isang uri ng paghahangad. Ang mga ito ay isang imitasyon. Hindi ito ang tamang paraan. Ngayon, kaya na ninyong tukuyin ang tama sa mali sa malilinaw na imahe at pagbabalatkayong ito, ngunit kaya ba ninyong tanggihan at talikuran ang mali? (Oo, kapag alam namin ito.) Ito ang kasalukuyan ninyong tayog. Kapag sariwa sa puso ninyo ang mga ideyang ito, matutukoy at makikilala ninyo ang mga ito. Kung may motibasyon kayong hangarin ang katayuan, maaari ninyong pahupain ang pagnanais na ito nang mag-isa, para hindi kayo matulad sa nahuhumaling na tagahanga, na sa kanyang paghahabol sa kanyang idolo, ay tila isang mabangis na hayop na nawalan ng katwiran. Sa sarili mo, kaya mong makilala at matukoy ang mga ideyang iyon. Kaya mong talikdan ang laman nang walang anumang tukso kapag hindi ka napapalibutan ng mga tao. Ngunit paano kung susundan ka ng mga tao, palilibutan ka, aasikasuhin ang pang-araw-araw mong pangangailangan, pakakainin at bibihisan ka, at tutugunan ang bawat pangangailangan mo? Anong mga damdamin ang mapupukaw sa puso mo? Hindi ba’t tatamasahin mo ang mga pakinabang ng katayuan? Magagawa mo pa rin bang talikdan ang laman kung gayon? Kapag nagtitipon-tipon ang mga tao sa paligid mo, kapag pinalilibutan ka nila na para kang isang bituin, paano mo pangangasiwaan ang iyong katayuan kung gayon? Ang mga bagay sa iyong kamalayan tulad ng mga bagay sa gitna ng iyong mga iniisip at ideya—pagpapahalaga sa katayuan, pagtatamasa sa katayuan, kasakiman, o maging pagkahaling sa katayuan—kaya mo bang suriin ang puso mo para hanapin ang mga bagay na ito? Makikilala mo ba ang mga ito? Kung masusuri mo ang iyong puso at makikilala ang mga bagay na ito sa loob ng iyong puso, kaya mo bang talikdan ang laman sa sitwasyong iyon? Kung wala kang kagustuhang isagawa ang katotohanan, hindi mo tatalikuran ang mga bagay na ito. Tatamasahin mo ang mga ito at ipagdiriwang ang mga ito. Puno ng kasiyahan sa sarili, sasabihin mong, “Ang magkaroon ng katayuan bilang isang mananampalataya sa Diyos ay talagang kamangha-mangha. Bilang lider at manggagawa, ginagawa ng lahat ang sinasabi ko. Ang sarap sa pakiramdam. Ako ang namumuno at nagdidilig sa mga taong ito. Masunurin na sila sa akin ngayon. Kapag sinasabi kong pumunta sa silangan, walang pumupunta sa kanluran. Kapag sinasabi kong magdasal, walang nangangahas kumanta. Isa iyong tagumpay.” Pagkatapos ay magsisimula ka nang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ano na ang magiging kahulugan sa iyo ng katayuan kung gayon? (Lason.) At bagamat lason ito, hindi mo kailangang katakutan ito. Sa mismong sitwasyong ito, kailangan mong magkaroon ng tamang paghahangad at mga tamang pamamaraan ng pagsasagawa. Kadalasan, kapag ang mga tao ay may katayuan, ngunit hindi pa nakapagkamit ng mga resulta ang gawain nila, sasabihin nila na, “Hindi ko natatamasa ang katayuan, at hindi ko natatamasa ang lahat ng naidudulot sa akin ng katayuan.” Gayunpaman, kapag nagpapakita na ng kaunting tagumpay ang kanilang gawain, at nararamdaman nilang matatag ang kanilang katayuan, nawawala sila sa katwiran at nagsasaya sa mga pakinabang na dulot ng katayuan. Naniniwala ka ba na, dahil lamang sa nakikilala mo ang tukso ay kaya mo nang talikdan ang laman? Taglay mo ba talaga ang ganoong tayog? Ang totoo ay wala kang ganoong tayog. Ang iyong pagkakilala at pagtalikod ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng konsiyensiya ng tao at ng pinakamababang katwiran na taglay ng tao. Iyon ang mga nagsasabi sa iyo na huwag kumilos sa ganitong paraan. Ang pamantayan ng konsiyensiya at ang kaunting katwiran na nakakamit mo sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ang tumutulong sa iyo o naglalayo sa iyo sa maling landas. Ano ang konteksto nito? Ito ay na kapag mahal mo ang katayuan ngunit hindi mo pa ito nakakamit, maaaring taglay mo pa rin ang iyong kaunting konsiyensiya at katwiran. Maaari ka pa ring mapigilan ng mga salitang ito at maipabatid sa iyo na ang pagtatamasa ng katayuan ay hindi mabuti at hindi umaayon sa katotohanan, na hindi ito ang tamang daan, at ito ay paglaban sa Diyos, at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Pagkatapos, kaya mo nang sadyang talikdan ang laman at tigilan ang pagtamasa ng katayuan. Kaya mong talikdan ang laman kapag wala kang mga tagumpay o mga kahusayang maipakita, ngunit sa sandaling nakagawa ka ng kahanga-hangang gawain, mapipigilan ka ba ng iyong pakiramdam ng kahihiyan, ng iyong konsiyensiya, katwiran, at ng iyong mga moral na konsepto? Ang maliit na pamantayan ng konsiyensiya na taglay mo ay malayong-malayo sa pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos, at wala man lang magiging silbi ang iyong kaunting pananalig. Kaya, ang kaunting konsiyensiya ba na taglay mo ngayon ay katumbas ng katotohanang realidad? Malinaw na hindi. At dahil hindi ito ang katotohanang realidad, kung ano ang kaya mong gawin ay hindi maaaring higit pa sa kung ano ang nagmumula sa mga limitasyon ng konsiyensiya at katwiran ng tao. Dahil hindi ninyo taglay ngayon ang realidad ng mga salita ng Diyos bilang buhay ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa sandaling magkaroon kayo ng katayuan at opisyal na mga titulo? Tatahakin ba ninyo ang landas ng mga anticristo? (Hindi iyon sigurado.) Ito ang pinakamapanganib na panahon. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? Sabihin ninyo sa Akin, mapanganib ba ang maging isang lider at manggagawa? (Mapanganib.) Sa kabila ng kaalaman sa panganib na ito, handa pa rin ba kayong gampanan ang tungkuling ito? (Oo.) Ang kahandaang ito na gampanan ang inyong tungkulin ay kalooban ng tao, at isa itong positibong bagay. Gayunpaman, sapat na ba ang positibong bagay na ito upang maisagawa ninyo ang katotohanan? Magagawa ba ninyong talikdan ang mga kagustuhan ng laman? Sa pag-asa sa mabubuting layunin ng tao at kalooban ng tao, at sa pag-asa sa mga hangarin at mithiin ng tao, magagawa ba ninyong tuparin ang inyong kalooban? (Hindi.) Kung gayon, dapat ninyong pag-isipan kung ano ang dapat ninyong gawin upang ang iyong mga kahilingan, mga mithiin, at kagustuhan ay maging realidad mo at tunay mong tayog. Hindi iyon masyadong problema talaga. Ang tunay na problema ay na dahil sa kasalukuyang kalagayan at tayog ng tao, at dahil sa mga katangian ng kanyang pagkatao, hindi niya matugunan ang mga kondisyon ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang karakter ninyo bilang tao ay nagtataglay ng hindi hihigit sa isang katiting na konsiyensiya at katwiran, hindi ng kagustuhang hangarin ang katotohanan. Kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, maaaring ninanais ninyo na huwag maging pabaya o pabasta-basta, o huwag subukang lansihin ang Diyos, ngunit gagawin ninyo ito. Batay sa inyong kasalukuyan, tunay na kalagayan at tayog, kayo ay nanganganib na. Paniniwalaan pa rin ba ninyo na ang pagkakaroon ng katayuan ay mapanganib, at ang kawalan nito ay nangangahulugan na ligtas kayo? Sa katunayan, ang kawalan ng katayuan ay mapanganib din. Hangga’t namumuhay kayo sa isang tiwaling disposisyon, nasa panganib kayo. Ngayon, totoo ba na delikado lamang ang maging isang lider, samantalang ligtas naman ang mga hindi lider? (Hindi.) Kung isa kang taong hindi naghahangad sa katotohanan at hindi nagtataglay ng katiting na katotohanang realidad, nanganganib ka, ikaw man ay lider o hindi. Kaya, paano mo dapat hangarin ang katotohanan para makatakas sa panganib na ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito? Kung mayroon ka lamang kaunting pagnanais at sumusunod lamang sa ilang panuntunan, gagana ba iyon? Makakatakas ka ba talaga sa panganib sa ganitong paraan? Maaaring gumana ito sa maikling panahon, ngunit hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa pagtagal-tagal ng panahon. Kaya, ano ang dapat gawin? Sinasabi ng ilang tao na ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamainam na paraan. Ganap itong tama, ngunit sa anong paraan dapat maghangad ang isang tao upang makapasok sa katotohanang realidad nito? Paano lalago ang buhay ng tao? Hindi simpleng usapin ang mga ito. Una, dapat mong maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat mo itong isagawa. Hangga’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kalahati ng mga problemang ito ay nalutas na. Magagawa niyang pagnilayan ang sarili niyang kalagayan at makikita ito nang malinaw. Mararamdaman niya ang panganib na kanyang kinalalagyan. Maagap niyang maisasagawa ang katotohanan. Ang gayong pagsasagawa ay likas na umaakay sa isang tao tungo sa pagsunod sa Diyos. Ligtas na ba sa kapahamakan ang isang taong sumusunod sa Diyos? Kailangan mo ba talaga ng sagot? Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay hindi na magrerebelde o lalaban sa Diyos, lalong hindi na Siya ipagkakanulo ng mga ito. Natitiyak ang kanilang kaligtasan. Hindi ba’t ganap na ligtas na sa panganib ang gayong tao? Samakatuwid, ang pinakamainam na paraan ng paglutas ng mga problema ay ang pagiging seryoso ng isang tao sa katotohanan at ang pagsisikap ng isang tao sa katotohanan. Sa sandaling tunay na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, lahat ng problema ay malulutas.
Para sa inyo, ano ang espesyal sa pagiging lider at manggagawa? (Ang pag-ako ng higit pang responsabilidad.) Ang responsabilidad ay bahagi nito. Ito ay isang bagay na alam ninyong lahat, ngunit paano ninyo magagampanan nang maayos ang inyong mga responsabilidad? Saan kayo magsisimula? Ang pagtupad sa responsabilidad na ito nang maayos ay, sa katunayan, pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Kung pakikinggan, tila may kung anong espesyal sa salitang “responsabilidad”, ngunit sa huling pagsusuri, ito ay tungkulin ng isang tao. Para sa inyo, hindi madaling gawin nang maayos ang inyong tungkulin, dahil maraming bagay sa harap ninyo ang humahadlang, mga bagay tulad ng paghadlang ng katayuan, na siyang pinakamahirap para sa inyo na malampasan. Kung wala kang anumang katayuan at isa ka lamang ordinaryong mananampalataya, maaaring maharap ka sa mas kaunting tukso at magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Maaaring mamuhay ka ng isang espirituwal na buhay araw-araw, tulad ng ginagawa ng mga ordinaryong tao, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at nagbabahaginan sa katotohanan, at nagagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Sapat na ito. Gayunpaman, kung mayroon kang katayuan, kailangan mo munang malampasan ang balakid na kaakibat ng katayuan. Kailangan mo munang makapasa sa pagsubok na ito. Paano mo malalampasan ang hadlang na ito? Hindi ito madali para sa mga ordinaryong tao, dahil malalim na nakaugat sa tao ang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at likas na nahuhumaling sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Pagkatapos magpakahirap sa pagkamit ng katayuan sa wakas, sino ang hindi lubusang magpapakasaya sa mga pakinabang nito? Kung mahal mo ang katotohanan sa puso mo at mayroon kang kaunting takot sa Diyos, maingat at mapagbantay mong pangangasiwaan ang iyong katayuan, habang nagagawa mo ring hanapin ang katotohanan sa pagganap ng iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, hindi magkakaroon ng puwang sa puso mo ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi rin makakahadlang ang mga ito sa pagganap ng iyong tungkulin. Kung masyadong mababa ang tayog mo, dapat kang manalangin nang madalas, pigilan ang sarili mo gamit ang mga salita ng Diyos. Kakailanganin mong maghanap ng mga paraan para gumawa ng patikular na mga bagay o sadyang iwasan ang ilang kapaligiran at tukso. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay isang lider. Kapag kasama mo ang ilang ordinaryong kapatid, hindi ba’t iisipin nila na medyo nakatataas ka sa kanila? Magiging ganito ang tingin ng tiwaling sangkatauhan dito, at isa na itong tukso para sa iyo. Hindi ito isang pagsubok, ngunit isang tukso! Kung naniniwala ka rin na nakatataas ka sa kanila, lubha itong mapanganib, ngunit kung iniisip mong mga kapantay mo sila, ang iyong mentalidad ay normal at hindi ka magugulo ng mga tiwaling disposisyon. Kung iniisip mo na bilang lider, mas mataas ang katayuan mo kaysa sa kanila, paano ka nila tatratuhin? (Titingalain nila ang lider.) Titingalain ka lang ba nila at hahangaan, wala nang iba? Hindi. Kakailanganin nilang magsalita at kumilos batay rito. Halimbawa, kung nagkasipon ka at nagkasipon din ang isang ordinaryong kapatid, sino ang una nilang aalagaan? (Ang lider.) Hindi ba’t may pinapaboran kapag gayon? Hindi ba’t isa ito sa mga pakinabang ng katayuan? Kung magkakaroon ka ng alitan sa isang kapatid, tatratuhin ka ba nila nang patas dahil sa katayuan mo? Papanigan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ay mga tuksong kinakaharap mo. Maiiwasan mo ba ang mga ito? Paano mo dapat harapin ito? Kung tinatrato ka ng isang tao nang masama, maaaring hindi mo siya magustuhan at iisipin mo kung paano siya aatakihin, ibubukod, at gagantihan, gayong sa katunayan ay wala namang mali sa taong iyon. Sa kabilang banda, maaaring purihin ka ng ilang tao, at maliban sa hindi ka magiging tutol dito, talagang masisiyahan ka pa sa pakiramdam na ito. Hindi ba’t nakakabahala iyon? Hindi ba’t agad mong sisimulan na itaas ang ranggo at sanayin ang tagapuri mo upang siya ang mapagkakatiwalaan mo at susunod sa iniuutos mo? Kung gagawin mo iyon, anong landas ang matatahak mo? (Ang landas ng mga anticristo.) Kung mahuhulog ka sa mga tuksong ito, manganganib ka. Mabuting bagay ba na magkaroon ng mga tao sa paligid mo buong araw? Narinig Ko na ang ilang tao, pagkatapos maging lider, ay hindi ginagawa ang sarili nilang gawain o nilulutas ang mga praktikal na problema. Sa halip, ang iniisip lamang nila ay ang mga kasiyahan ng laman. Minsan ay kumakain pa sila ng mga pagkaing ginawa para lang sa kanila, habang pinaglalaba nila ang iba ng kanilang maruruming damit. Pagkaraan ng ilang panahon, nalalantad at napapalayas sila. Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa ganitong bagay? Kung nagtataglay ka ng katayuan, pupurihin ka ng mga tao at tatratuhin ka nang may espesyal na konsiderasyon. Kung malalampasan at matatanggihan mo ang mga tuksong ito at patuloy na matatrato nang patas ang mga tao, anuman ang maging pagtrato nila sa iyo, nagpapatunay ito na ikaw ay ang nararapat na tao. Kung mayroon kang katayuan, titingalain ka ng ilang tao. Palagi silang nasa paligid mo, nambobola at pumupuri. Kaya mo bang wakasan ito? Paano ninyo pinangangasiwaan ang mga ganitong sitwasyon? Kapag hindi kayo kailangang alagaan, ngunit may isang taong nag-aabot sa inyo ng “tulong” at nanunulsol sa inyo, maaaring lihim kayong nagagalak, iniisip na dahil sa mayroon kayong katayuan ay naiiba na kayo at na dapat ninyong tamasahin nang lubos ang espesyal na pagtrato. Hindi ba’t nangyayari ang gayong mga bagay? Hindi ba’t isa itong tunay na problema? Kapag nangyari sa iyo ang gayong mga bagay, sinasaway ka ba ng puso mo? Nakararamdam ka ba ng pagkasuklam at pagkamuhi? Kung ang isang tao ay hindi nakararamdam ng pagkasuklam at pagkamuhi, at hindi ito tinatanggihan, at malaya ang puso sa akusasyon at paninisi, bagkus ay gustong-gusto niyang tamasahin ang mga bagay na ito, nararamdamang magandang magkaroon ng katayuan, ang gayong tao ba ay may konsiyensiya? Nagtataglay ba siya ng katwiran? Ito ba ay isang taong naghahanap sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang ipinapakita nito? Ito ay pagnanasa para sa mga pakinabang ng katayuan. Bagamat hindi ka makaklasipikang isang anticristo dahil dito, nagsimula ka nang tumahak sa landas ng mga anticristo. Kapag nasanay ka na sa espesyal na pagtrato, kung isang araw, hindi ka na makatanggap ng gayong espesyal na pagtrato, hindi ka ba magagalit? Kung ang ilang kapatid ay mahirap at walang pera upang magpatuloy sa iyo, tatratuhin mo ba sila nang patas? Kung may sasabihin sila sa iyong isang katunayan na ikayayamot mo, gagamitin mo ba ang iyong kapangyarihan laban sa kanila at mag-iisip ka ba kung paano sila parurusahan? Mayayamot ka ba kapag nakita mo sila at gugustuhin mo bang turuan sila ng leksyon? Kapag naiisip mo ang mga ito, malamang na gagawa ka ng kasamaan, hindi ba? Madali bang matatahak ng mga tao ang landas ng mga anticristo? Madali bang maging anticristo? (Oo.) Lubha itong nakakabalisa! Bilang mga lider at manggagawa, kung hindi ninyo hahanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, lumalakad kayo sa landas ng mga anticristo.
Ang ilang tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, at hindi nila alam kung paano nagliligtas ang Diyos o kung sino ang inililigtas Niya. Nakikita nila na ang lahat ng tao ay taglay ang disposisyon ng mga anticristo at maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo, at kaya nararamdaman nila na ang gayong mga tao ay tiyak na walang pag-asang mailigtas. Sa huli, hahatulan silang lahat bilang mga anticristo. Hindi sila maliligtas at dapat silang mamatay lahat. Tama ba ang gayong mga kaisipan at pananaw? (Hindi.) Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Una, kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos. Ang tiwaling tao ay maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo at lumaban sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos. Kaya, paano tunay na makakasunod ang tao sa Diyos, sa halip na tumahak sa landas ng mga anticristo? Kailangan niyang maunawaan ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, alamin ang sarili niyang tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan. Pagkatapos, kailangan niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Sa gayon mo lang masisiguro na hindi mo matatahak ang landas ng mga anticristo, maiiwasang maging isang anticristo mismo at maging isang taong kinasusuklaman at tinatanggihan ng Diyos. Ang Diyos ay hindi gumagawa sa mga supernatural na paraan. Sa halip, malalim Siyang naghahanap sa puso ng mga tao. Kung palagi mong tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, sasawayin ka lang ng Diyos. Ipapaunawa Niya sa iyo ang pagkakamaling ito upang masuri mo ang iyong sarili at malaman na hindi ito nakaayon sa katotohanan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kung mapagtatanto mo ito, at masusuri at makikilala ang iyong sarili, hindi ka mahihirapang lutasin ang problema. Ngunit kung matagal kang namumuhay sa ganoong kalagayan, palaging tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, hindi nagdarasal sa Diyos o hindi sinusuri ang sarili mo, at hindi hinahanap ang katotohanan, kung gayon, walang gagawin ang Diyos. Tatalikuran ka Niya, para hindi mo maramdaman na kasama mo Siya. Ipapaunawa sa iyo ng Diyos na, kung magpapatuloy ka nang ganito, tiyak na magiging isa kang taong kinasusuklaman ng Diyos. Ipapaalam ng Diyos sa iyo na mali ang landas na ito, na mali ang pamumuhay mo. Ang layon ng Diyos sa pagbibigay ng gayong kabatiran sa mga tao ay upang ipaalam sa kanila ang mga tama at maling pagkilos, upang gumawa sila ng tamang pasya. Gayunpaman, kung kaya ng isang tao na tahakin ang tamang landas ay nakasalalay sa kanyang pananalig at pakikipagtulungan. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ginagabayan ka Niya tungo sa pag-unawa sa katotohanan, ngunit higit pa riyan, ipinapaubaya Niya sa iyo ang kapangyarihang magpasya, at ang pinakamahalaga ay kung tinatahak mo ba ang tamang landas. Kailanman ay hindi ka pinipilit ng Diyos. Kailanman ay hindi ka Niya sapilitang kinokontrol o inuutusan na gumawa ng isang bagay, na ipinapagawa sa iyo ang kung ano-ano. Hindi gayon kumikilos ang Diyos. Hinahayaan ka Niyang magpasya nang malaya. Sa gayong mga pagkakataon, ano ang dapat gawin ng isang tao? Kapag napagtanto mo na mali ang iyong ginagawa, na mali ang iyong pamumuhay, makapagsasagawa ka ba kaagad alinsunod sa mga tamang pamamaraan? Magiging napakahirap niyon. Mayroong magiging labanan dito, dahil ang mga bagay na minamahal ng tao ay ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas, na sumasalungat sa katotohanan. Kung minsan, alam mo kung ano ang magiging tama at kung ano ang magiging mali, at may labanan sa puso mo. Sa panahon ng gayong labanan, dapat kang magdasal nang madalas, hayaan ang Diyos na gabayan ka, at hayaan Siyang sawayin ka, para malaman mo ang mga bagay na hindi mo dapat gawin. Pagkatapos ay kusang tumalikod, umiwas, at lumayo sa gayong mga tukso. Nangangailangan ito ng iyong kooperasyon. Sa panahon ng labanan, magkakamali ka pa rin, at madaling tumahak sa maling landas. Bagamat maaaring piliin mo ang tamang direksyon sa iyong puso, hindi natitiyak na tatahakin mo ang tamang landas. Hindi ba’t ganito talaga ang mga bagay-bagay? Sa isang sandali ng kapabayaan, tatahakin mo ang maling landas. Ano ang ibig sabihin dito ng “isang sandali ng kapabayaan”? Nangangahulugan ito na masyadong malakas ang isang tukso. Para sa iyo, maaaring sanhi ito ng mga pagsasaalang-alang sa reputasyon, o sa iyong mood, o sa ilang espesyal na konteksto o espesyal na kapaligiran. Sa katunayan, ang pinakamahalagang salik ay ang iyong tiwaling disposisyon, na nangingibabaw at kumokontrol sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit mahirap para sa iyo na sundin ang tamang landas. Maaaring may kaunti kang pananalig, ngunit pabaling-baling ka pa rin kahit saan at naiimpluwensiyahan ng sitwasyon. Hangga’t hindi ka iwinawasto at tinatabasan, hangga’t hindi ka pinarurusahan at dinidisiplina, hangga’t hindi nagkakalat sa daan mo ang mga balakid at wala kang nakikitang daang pasulong, hindi mo mapagtatanto na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay hindi ang tamang daan, kundi ito ay isang bagay na kinamumuhian at isinusumpa ng Diyos, na ang pagtahak lamang sa landas na hinihingi ng Diyos ang tamang daan sa buhay, at na kung hindi mo itatakda ang iyong kalooban sa pagtahak sa landas na ito, tuluyan kang mapapalayas. Ang mga tao ay hindi umiiyak hangga’t hindi nila nakikita ang kabaong! Gayunpaman, sa takbo ng labang ito, kung may matibay na pananampalataya ang isang tao, isang malakas na determinasyon na makipagtulungan, at isang kahandaan na hangarin ang katotohanan, magiging mas madali para sa kanya na madaig ang mga tuksong ito. Kung ang napakalaking kahinaan mo ay ang partikular na pag-aalala sa dignidad at pagmamahal sa katayuan, ang kasakiman para sa kasikatan at pakinabang at mga kasiyahan ng laman, at lubhang matindi ang paghihirap mo sa mga aspetong ito, mahihirapan kang magtagumpay. Ano ang ibig sabihin nito, na mahihirapan kang magtagumpay? Nangangahulugan ito na magiging mahirap para sa iyo na piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya sa halip ay maaaring piliin mo ang maling landas, na magiging sanhi upang kamuhian at talikdan ka ng Diyos. Gayunpaman, kung palagi kang maingat at marunong, at madalas na nakakaharap sa Diyos para masaway at madisiplina ng Diyos, at kung hindi ka nasisiyahan sa mga pakinabang ng katayuan, o nagnanasa ng kasikatan, pakinabang, o mga kaginhawaan ng laman, at kung, kapag mayroon kang gayong mga pag-iisip, umaasa ka sa Diyos na matalikdan mo ang mga ito nang buong lakas, bago umepekto ang mga ito, at nananalangin ka sa Diyos at hinahanap ang katotohanan, at sa huli ay nakakalakad sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan at nakapapasok sa realidad na iyon, sa kabila ng lahat, hindi ba’t mas malamang na pipiliin mo ang tamang direksyon kapag naharap ka sa matinding tukso? (Oo.) Depende ito sa mga naipon mo sa paglipas ng panahon. Sabihin mo sa Akin: Kung nahaharap ang isang tao sa isang malaking tukso, lubos ba niyang matutugunan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang kasalukuyang tayog, sa sarili niyang kalooban, o sa kanyang karaniwang naipong lakas? (Hindi.) Maaari ba niya itong matugunan nang bahagya? (Oo.) Maaaring matugunan ito ng tao nang bahagya, ngunit kapag naharap siya sa matitinding paghihirap, kakailanganing makialam ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang katotohanan, ang umasa lamang sa pagkaunawa ng tao sa katotohanan at kalooban ng tao ay hindi makapagbibigay sa iyo ng ganap na proteksyon, ni hindi mo maisasakatuparan ang kalooban ng Diyos at ganap na maiiwasan ang kasamaan. Ang susi ay na dapat magkaroon ng determinasyon ang tao na makipagtulungan, at umasa sa mga gawain ng Diyos sa iba pang bagay. Kung sasabihin mong, “Nagsikap ako nang husto para makamit ang layong ito at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Anumang tukso o sitwasyon ang mararanasan ko sa hinaharap, limitado lang ang tayog ko, at limitado lang ang magagawa ko.” Kapag nakikita kang kumikilos nang ganito, ano ang gagawin ng Diyos? Babantayan ka ng Diyos laban sa mga tuksong ito. Kapag pinoprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito, maisasagawa mo ang katotohanan, magiging mas matatag ang pananampalataya mo, at unti-unting lalago ang tayog mo.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.