Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon (Sipi 56)

Kapag naglilingkod bilang mga lider o manggagawa ang ilang tao, palagi silang natatakot na makagawa ng pagkakamali at mabunyag at matiwalag, kaya madalas nilang sinasabi sa iba, “Hindi kayo dapat maging isang lider. Sa oras na magkaroon ng problema, matitiwalag kayo, at wala nang babalikan!” Hindi ba’t isang maling paniniwala ang pahayag na ito? Anong ibig sabihin ng “wala nang babalikan”? Anong klaseng mga lider at manggagawa ang tinitiwalag? Lahat sila ay masasamang tao na, sa kabila ng mga paulit-ulit na babala, walang habas na ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay nagkamali lamang dahil mababa ang kanyang tayog, o dahil mahina ang kanyang kakayahan, o dahil kulang siya sa karanasan, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan at tunay na magsisi, ititiwalag ba siya ng sambahayan ng Diyos? Kahit na walang magawa na anumang totoong gawain ang taong iyon, aayusin lang nila ang kanyang tungkulin. Kung gayon, hindi ba’t binabaluktot ng mga taong nagsasabi ng mga ganoong bagay ang mga katunayan? Hindi ba’t nagpapalaganap sila ng mga haka-haka para ilihis ang iba? Ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos ay demokratikong inihahalal, hindi naman ito para bang kahit sinong may gusto ng mga tungkuling ito ay makukuha ang mga iyon. Itinuturing ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo; tanging iyong mga huwad na lider lamang na talagang hindi tumatanggap sa katotohanan at ang mga anticristong naghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at labis na tumatangging magsisi, ang ititiwalag. Iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, iyong mga tumatanggap na mapungusan, at iyong mga tunay na nagsisisi, ay hindi ititiwalag. Iyong mga nagpapakalat ng haka-haka na “masyadong mapanganib na maging isang lider” ay may mga intensyon at layunin. Nilalayon nilang ilihis ang mga tao, pigilang maging lider ang iba, at samantalahin ang pagkakataong handog nito. Hindi ba’t pagkakaroon ito ng lihim na motibo? Kung nag-aalala kang matiwalag, dapat kang maging maingat, magdasal sa Diyos at magsisi sa Kanya, at tanggapin ang katotohanan para maitama mo ang iyong mga kamalian. Kung gayon, hindi ba’t malulutas nito ang problema? Kung nagkamali ang isang tao, at, noong naharap siya sa pagpupungos, ay hindi niya tinanggap ang katotohanan, at wala siyang intensyon na tunay na magsisi, at patuloy siyang nagiging pabasta-basta, at labis na nanggugulo, dapat siyang itiwalag. Kapag ang ilang tao ay nagsisilbi bilang mga lider o manggagawa, nagiging matapang sila at malakas ang loob, nagsasalita at kumikilos sila nang walang pag-aalinlangan, at gustong linlangin ang lahat. Hindi lang nila hindi ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kundi tinutunton at ibinubukod din nila iyong mga nagsusumbong ng mga problema sa Itaas. Kapag nalaman ng Itaas ang tungkol sa isyung ito at pinanagot sila, nagiging para silang mga dagang takot sa pusa, mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang ginawa. Akala nila, kapag tumanggi silang akuin ito, matatakasan nila ito at hindi na tutugisin ng sambahayan ng Diyos ang bagay na ito. Ganoon lang ba talaga iyon kadali? Malinaw na titiyakin ng sambahayan ng Diyos ang bagay na ito, at pagkatapos ay haharapin ito batay sa mga prinsipyo; ang sinumang may pananagutan ay hindi makakatakas. Kapag hindi naghahanap ng katotohanan ang mga tao sa mga bagay na kanilang ginagawa, at kumikilos nang basta-basta, walang pakundangan, at ayon sa kanilang mga sariling kagustuhan, na nauuwi sa panlilinlang at pagkukunwari, at labis na tumatangging akuin ang kanilang mga pagkakamali kapag nagkaproblema, anong klaseng problema ito? Ito ba ang tamang pag-uugali? Malulutas ba ang problema sa paggamit ng panlilinlang at pagkukunwari, at mahigpit na pagtangging akuin ang kanilang mga ginawa? Naaayon ba ang pag-uugaling ito sa katotohanan? Mayroon bang tunay na pagpapasakop dito? Natatakot silang magkamali at malantad at maisumbong, natatakot silang pananagutin sila ng sambahayan ng Diyos, at natatakot silang mahusgahan, makondena, at matiwalag. May problema ba sa takot na ito? Ang takot na ito ay hindi isang positibong bagay; saan ba ito nanggagaling? (Sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon.) Tama iyan. Kung gayon, ano mismo ang nasa takot na ito? Himayin natin ito. Bakit sila natatakot? Ang kanilang takot ay nagmumula sa pag-aalala na oras na malantad ang mga bagay, matatanggal at mapapalitan sila, at mawawala ang kanilang katayuan at kabuhayan. Kaya naman gumagamit sila ng kasinungalingan at panlilinlang, at mahigpit silang tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa. Batay sa pag-uugaling ito, sila man ay mga taong tumatanggap ng katotohanan o hindi, mapagmataas at mapagmagaling man sila o hindi, at mapanlinlang man sila o hindi, ay nabunyag dito. Hindi ba’t sila ay mga diyablo? Sa wakas ay naipakita na nila ang kanilang tunay na kalikasan. Tuwing kailan ba pinakanabubunyag ang mga tao? Kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, lalo na kapag nabunyag ang mga mali nilang gawa, tingnan niyo kung ano ang pag-uugali nila—pinakanabubunyag sila sa mga sandaling ito. Ang kanilang makikitid na pag-iisip, panlilinlang, panloloko, at mahigpit na pagtanggi na akuin ang kanilang mga pagkakamali, at iba pa—ang lahat ng mga tiwaling disposisyon na ito ay sabay-sabay na sumasambulat. Hindi ba’t ito ang pinakamadaling panahon para makilala ang mga tao? Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, ititiwalag siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahanap ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na silang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno sila ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, sila ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ganap na silang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay kung gayon mga hindi mananampalataya at maaari lamang na itiwalag. Paanong hindi mabubunyag at matitiwalag ang mga hindi mananampalataya na naglilingkod bilang mga lider at manggagawa? Ang isang hindi mananampalataya, anuman ang tungkulin na kanyang ginagampanan, ay ang pinakamadaling mabunyag sa lahat, dahil masyadong marami at halata ang mga tiwaling disposisyon na kanyang ibinubunyag. Bukod dito, hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at kumikilos nang walang pag-iingat at basta-basta na lamang. Sa huli, kapag siya ay natiwalag, at nawalan ng pagkakataong gampanan ang kanyang tungkulin, magsisimula siyang mag-alala, iniisip na, “Wala na akong pag-asa. Kung hindi na ako papayagang gampanan ang aking tungkulin, hindi na ako maliligtas. Ano ang dapat kong gawin?” Ang totoo ay palaging mag-iiwan ng paraan ang Kalangitan para sa tao. May isang pangwakas na landas, iyon ay ang tunay na magsisi, at magmadaling ipalaganap ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao, pangbawi sa kanyang mga kamalian sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawa. Kung hindi niya tatahakin ang landas na ito, talagang wala na siyang pag-asa. Kung may taglay siyang katwiran at alam niyang wala siyang anumang kakayahan, dapat niyang ihanda nang wasto ang kanyang sarili sa katotohanan at magsanay na ipalaganap ang ebanghelyo—ito ay pagganap din ng isang tungkulin. Ito ay lubos na magagawa. Kung inaamin ng isang tao na siya ay natiwalag dahil hindi niya ginampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, pero hindi pa rin niya tinatanggap ang katotohanan at wala siyang ni katiting na mapagsising puso, at sa halip ay inabandona niya ang kanyang sarili tungo sa kawalan ng pag-asa, hindi ba’t kahangalan at kamangmangan iyon? Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaang makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng paglutas sa iyong takot, gayundin sa iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos. Paano umuusbong ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos? Kapag maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa isang tao, talagang hindi siya nagkakamali ng pag-unawa sa Kanya. Naniniwala siyang ang Diyos ay mabuti, na ang Diyos ay kagalang-galang, na ang Diyos ay matuwid, na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, na ang Diyos ay tama sa lahat ng bagay na ginagawa Niya. Gayunman, kapag naharap siya sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, iniisip niya, “Mukhang hindi masyadong matuwid ang Diyos, kahit paano ay hindi sa bagay na ito.” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Paanong hindi matuwid ang Diyos? Ano ang nagpausbong sa maling pagkaunawang ito? Bakit nagkaroon ka ng ganitong opinyon at pagkaunawa na hindi matuwid ang Diyos? Masasabi mo ba kung ano iyon? Aling pangungusap iyon? Aling bagay? Aling sitwasyon? Sabihin mo, para mapag-isipan ng lahat at makita kung may katwiran ka. At kapag nagkakamali ng pagkaunawa ang isang tao sa Diyos o nahaharap sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, ano ang saloobing dapat niyang taglayin? (Yaong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop.) Kailangan niyang magpasakop muna at isipin: “Hindi ko maunawaan, pero magpapasakop ako dahil ito ang ginawa ng Diyos at hindi ito isang bagay na dapat suriin ng tao. Dagdag pa riyan, hindi ko maaaring pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang Kanyang gawain dahil ang salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Hindi ba’t ganito ang saloobing dapat taglayin ng isang tao? Kapag may ganitong saloobin, magdudulot pa rin ba ng problema ang iyong maling pagkaunawa? (Hindi na.) Hindi nito maaapektuhan o magagambala ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin. Sino sa palagay ninyo ang kayang maging tapat—ang isang taong nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa habang gumaganap sa kanyang tungkulin o ang hindi? (Ang isang taong hindi nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa sa pagganap sa kanyang tungkulin ay kayang maging tapat.) Kung kaya’t kailangan mo munang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin. Bukod pa riyan, kailangan mong maniwala man lang na ang Diyos ay ang katotohanan, na ang Diyos ay matuwid, at na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Ito ang mga paunang kondisyon na magpapasya kung maaari kang maging tapat sa pagganap sa iyong tungkulin. Kung natutugunan mo ang parehong paunang kondisyon na ito, ang mga maling pagkaunawa ba sa iyong puso ay makakaapekto sa pagganap sa iyong tungkulin? (Hindi.) Hindi makakaapekto ang mga ito. Ibig sabihin nito, hindi mo madadala ang mga maling pagkaunawang ito sa pagganap sa iyong tungkulin. Una sa lahat, kailangan mong lutasin ang mga ito mula sa umpisa pa lamang, at tiyaking mananatili lamang ang mga ito sa kanilang maagang yugto. Anong sunod na dapat mong gawin? Lutasin ang mga ito sa pinakaugat. Paano mo dapat lutasin ang mga ito? Magbasa ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos kasama ang lahat tungkol sa bagay na ito. Tapos, magbahaginan kayo kung bakit ganoon kumilos ang Diyos, ano ang layunin ng Diyos, at ano-anong resulta ang makakamit mula sa pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan. Magbahaginan kayo nang lubusan tungkol sa mga bagay na ito, pagkatapos ay magkakaroon ka ng pagkaunawa sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kung hindi mo lulutasin ang mga mali mong pagkaunawa tungkol sa Diyos at magdadala ka ng mga haka-haka sa pagganap sa iyong tungkulin, at sinasabi mong, “Sa bagay na ito, mali ang ikinilos ng diyos, at hindi ako magpapasakop. Ipaglalaban ko ito, makikipagtalo ako sa sambahayan ng diyos. Hindi ako naniniwalang gawa ito ng diyos”—anong disposisyon ito? Ito ay isang tipikal na satanikong disposisyon. Ang mga ganoong salita ay hindi dapat sinasabi ng mga tao; hindi ito ang pag-uugali na dapat mayroon ang isang nilikha. Kung kaya mong tutulan ang Diyos sa ganitong paran, karapat-dapat mo bang gampanan ang tungkuling ito? Hindi. Dahil isa kang diyablo, at wala kang pagkatao, hindi ka karapat-dapat na gumanap sa isang tungkulin. Kung may tinataglay na katwiran ang isang tao, at magkaroon siya ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, magdarasal siya sa Diyos, at hahanapin din niya ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kalaunan, malinaw niyang makikita ang mga bagay. Ito ang dapat gawin ng mga tao.

Sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, maraming bagay ang hindi maunawaan o matanggap ng mga tao. Basta’t sila ay may mga mapagpasakop na puso, ang mga isyung ito ay unti-unting malulutas, at makakahanap sila ng mga kasagutan sa mga ito sa mga salita ng Diyos. Kahit na hindi sila makakuha ng mga resulta sa ngayon, natural nilang mauunawaan ang mga bagay na ito pagkatapos ng ilang taon ng karanasan. Kung hindi kailanman maunawaan ng isang tao ang mga ito kapag nahaharap sa mga problema, at kinakalaban niya ang mga lider at manggagawa, o nakikipagtalo siya sa sambahayan ng Diyos, ang tao bang ito ay nagtataglay ng katwiran? Para sumunod sa Diyos, dapat magtaglay man lamang ng katwiran ng normal na pagkatao at pundamental na pananampalataya ang isang tao, doon lang magiging madali sa kanya na magpasakop sa Diyos. Kung palagi mong tinututulan ang Diyos at kinakalaban mo Siya, at pagkatapos ay hindi mo hinahanap ang katotohanan o wala kang mapagsising puso, hindi ka nararapat na gumanap sa isang tungkulin o sumunod sa Diyos, at hindi ka nararapat na tumanggap ng Kanyang atas. Kung wala kang tunay na pananampalataya, pero ginagampanan mo pa rin ang isang tungkulin at sumusunod sa Diyos, hindi ka magkakaroon ng matibay na panghahawakan, at tiyak na matitiwalag ka. Hindi ba’t nagdudulot lamang ito ng gulo sa buhay mo? Pagpapahiya sa sarili ang tawag dito. Kung gayon, para malutas ang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, ang pag-uugali na dapat taglayin ng mga tao ay ang magpasakop muna, at maniwala na anumang gawin ng Diyos ay tama. Huwag kang magtiwala sa sarili mong paningin at paghusga—kung palagi kang magtitiwala sa sarili mong paghusga at paningin, magdudulot iyan ng gulo. Hindi ikaw ang Diyos; wala sa iyo ang katotohanan. Ikaw ay isang tao na may mga tiwaling disposisyon; puwede kang makagawa ng mga pagkakamali, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kinokondena ka ba ng Diyos? Hindi ka kinokondena ng Diyos, pero dapat mong hanapin ang katotohanan. Binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon at panahon na maghanap, at Siya ay naghihintay. Naghihintay sa ano? Naghihintay sa iyo na hanapin ang katotohanan sa panahong ito. Kapag naunawaan mo at nagpasakop ka, magiging maayos ang lahat, at hindi na gagawin ng Diyos na alalahanin ito o kondenahin ka. Gayunpaman, kung patuloy mong gagawin ang mga parehong pagkakamali mo dati, talagang wala ka nang pag-asa at imposible nang matubos ka.