Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon (Sipi 55)

Ginagampanan man ng isang tao ang kanyang tungkulin o nag-aaral ng propesyonal na kaalaman, dapat siyang maging masigasig, at pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Huwag harapin ang mga bagay na ito nang pabasta-basta o nang wala sa loob. Ang layunin ng pag-aaral ng propesyonal na kaalaman ay upang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at dapat mo itong pagsumikapan—ito ay isang bagay na dapat makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi handa ang isang tao na gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos at palagi siyang nakakahanap ng mga katwiran at dahilan upang hindi mag-aral ng propesyonal na kaalaman, ipinapakita nito na hindi niya tapat na ginugugol ang kanyang sarili sa Diyos, at na ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ba’t ito ay isang taong walang konsensiya at katwiran? Hindi ba’t mapanggulo ang isang tao na may gayong karakter? Hindi ba’t napakahirap niyang pangasiwaan? Bagamat ang isang tao ay nag-aaral ng isang propesyon, dapat din niyang hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi dapat lumampas ang isang tao sa saklaw na ito at hindi maaaring maging magulo ang isip ng isang tao, gaya ng isang walang pananampalataya. Ano ang saloobin ng mga walang pananampalataya ukol sa gawain? Marami sa kanila ang pinalilipas lang ang kanilang mga araw at inaaksaya ang kanilang oras, iniraraos lang ang bawat araw para sa kanilang pang-araw-araw na suweldo, at ginagawa ang mga bagay sa pabasta-bastang paraan hangga’t maaari. Wala silang pakialam sa pagiging mahusay na mahusay, o sa pagkilos batay sa konsensiya, at wala silang seryoso at responsableng saloobin. Hindi nila sinasabi, “Ipinagkatiwala ito sa akin, kaya dapat ko itong panagutan hanggang sa matapos ito, dapat kong pangasiwaan nang maayos ang bagay na ito, at pasanin ang responsabilidad na ito.” Wala silang ganitong konsensiya. Dagdag pa, ang mga walang pananampalataya ay may isang partikular na klase ng tiwaling disposisyon. Kapag nagtuturo sila sa ibang tao ng isang propesyonal na kaalaman o kasanayan, iniisip nila, “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng kanyang guro, mawawalan ng kanyang kabuhayan ang kanyang guro. Kung ituturo ko ang lahat ng nalalaman ko sa iba, wala nang titingala o hahanga sa akin at mawawala na ang buong katayuan ko bilang isang guro. Hindi maaari ito. Hindi ko maaaring ituro sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, kailangang may ilihim ako. Otsenta porsiyento lamang ng nalalaman ko ang ituturo ko sa kanila at ililihim ko ang iba pa; ito lamang ang paraan para maipakita na mas magaling ang mga kasanayan ko kaysa sa iba.” Anong uri ng disposisyon ito? Panlilinlang ito. Kapag nagtuturo ka sa iba, tumutulong sa iba, o nagbabahagi sa kanila ng isang bagay na pinag-aralan mo, anong saloobin ang dapat taglayin mo? (Dapat kong gawin ang lahat, at huwag maglihim.) Paano nagagawa ng isang tao na hindi maglihim ng kahit ano? Kung sinasabi mo, “Wala akong inililihim na anuman pagdating sa mga bagay na natutunan ko, at wala akong problemang sabihin sa inyong lahat ang tungkol sa mga ito. Mas mataas naman talaga ang kahusayan ko kaysa sa inyo, at kaya ko pa ring maunawaan ang mas matataas na bagay”—iyan ay paglilihim pa rin at ito ay pagiging mapagpakana. O kung sinasabi mo, “Ituturo ko sa inyo ang lahat ng batayang bagay na natutunan ko, walang problema. May mas mataas pa rin akong kaalaman, at kahit na matutunan ninyo ang lahat ng ito, hindi pa rin kayo magiging kasinggaling ko”—iyan ay paglilihim pa rin. Kung ang isang tao ay masyadong makasarili, hindi siya magkakaroon ng pagpapala ng Diyos. Dapat matutunan ng mga tao na isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Dapat mong ibahagi sa sambahayan ng Diyos ang mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay na naunawaan mo, upang ang mga ito ay matutunan ng mga hinirang ng Diyos at maging dalubhasa sila sa mga ito—iyan lang ang tanging paraan upang matamo ang pagpapala ng Diyos, at ipagkakaloob Niya sa iyo ang mas marami pang bagay. Gaya ng sinabi, “Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa sa tumanggap.” Ilaan mo sa Diyos ang lahat ng iyong talento at kaloob, ipinapakita ang mga ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin upang makinabang ang lahat, at magkaroon ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Kung ibinabahagi mo ang mga kaloob at talento mo nang buong-buo, magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa lahat ng mga gumagawa sa tungkuling iyon, at sa gawain ng iglesia. Huwag mo lang basta sasabihin sa lahat ang ilang simpleng bagay at pagkatapos ay iisipin mong maganda ang nagawa mo o na wala kang inilihim na anuman—hindi ito uubra. Nagtuturo ka lang ng ilang teorya o mga bagay na literal na mauunawaan ng mga tao, ngunit ang diwa at mahahalagang punto ay hindi maunawaan ng isang baguhan. Nagbibigay ka lang ng buod, nang hindi ito pinalalawak o idinedetalye, samantalang iniisip mo pa rin sa sarili mo, “Ano’t anuman, nasabi ko na sa iyo, at wala akong sinadyang ipagkait na anuman. Kung hindi mo nauunawaan, ito ay dahil lubhang napakababa ng iyong kakayahan, kaya huwag mo akong sisihin. Tingnan na lang natin kung paano ka gagabayan ng Diyos ngayon.” Ang gayong pag-iisip ay may kasamang panlilinlang, hindi ba? Hindi ba iyon makasarili at kasuklam-suklam? Bakit hindi mo maituro sa mga tao ang lahat ng nasa puso mo at lahat ng nauunawaan mo? Bakit sa halip ay ipinagkakait mo ang kaalaman? Problema ito sa iyong mga layon at iyong disposisyon. Kapag ipinaaalam sa karamihan ng mga tao sa unang pagkakataon ang ilang partikular na aspeto ng propesyonal na kaalaman, kaya lamang nilang maunawaan ang literal na kahulugan nito; mangangailangan ng panahon ng pagsasagawa bago magawang maunawaan ang mga pangunahing punto at diwa. Kung naging dalubhasa ka na sa mga pangunahing punto at diwang ito, dapat direkta mong sabihin ang mga ito sa iba; huwag kang magpaliguy-ligoy at magsayang ng oras sa pagpapasikot-sikot. Responsabilidad mo ito; ito ang dapat mong gawin. Wala kang ililihim, at hindi ka magiging makasarili, kung sasabihin mo sa kanila ang pinaniniwalaan mo na mga pangunahing punto at diwa. Kapag nagtuturo ka ng mga kasanayan sa iba, nakikipag-usap sa kanila tungkol sa iyong propesyon, o nakikipagbahaginan tungkol sa pagpasok sa buhay, kung hindi mo kayang lutasin ang mga makasarili at kasuklam-suklam na mga aspekto ng iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo, na sa ganoong kaso, hindi ka isang taong nagtataglay ng pagkatao, o ng konsensiya at katwiran, o isang taong nagsasagawa sa katotohanan. Dapat mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at marating ang punto kung saan ikaw ay wala nang taglay na mga makasariling motibo, at isinasaalang-alang lang ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Masyadong nakakapagod kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at mamumuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon gaya ng mga walang pananampalataya. Ang kompetisyon ay laganap sa mga walang pananampalataya. Ang pagiging dalubhasa sa diwa ng isang kasanayan o isang propesyon ay hindi simpleng bagay, at kapag nalaman ito ng ibang tao, at naging dalubhasa siya mismo rito, mamimiligro ang iyong kabuhayan. Para maprotektahan ang kabuhayang iyon, napipilitang kumilos ang mga tao sa ganitong paraan—kailangan nilang maging maingat sa lahat ng oras. Ang pinagkadalubhasaan nila ang kanilang pinakamahalagang puhunan, ito ang kanilang kabuhayan, ang kanilang kapital, ang pinakamahalaga sa buhay nila, at hindi nila dapat hayaang malaman ito ng iba. Ngunit naniniwala ka sa Diyos—kung ganito ka kung mag-isip at kumilos sa sambahayan ng Diyos, hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya. Kung hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, at patuloy kang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon, hindi ka isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kung palagi kang mayroong mga makasariling motibo at makitid ang isip mo habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, hindi mo matatanggap ang pagpapala ng Diyos.

Pagkatapos mong makapanalig sa Diyos, kinain at ininom mo na ang mga salita ng Diyos, at tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kaya napagnilay-nilayan mo na ba ang iyong mga tiwaling disposisyon at nakilala mo na ba ang mga ito? Nagbago na ba ang mga prinsipyo na batayan ng pagsasalita at pagkilos mo, ang pananaw mo sa mga bagay-bagay, at ang mga prinsipyo at mithiin ng iyong pag-asal? Kung hindi ka pa rin naiiba sa isang walang pananampalataya, kung gayon ay hindi kikilalanin ng Diyos ang paniniwala mo sa Kanya. Sasabihin Niya na ikaw ay isa pa ring walang pananampalataya, at na ikaw ay lumalakad pa rin sa landas ng isang walang pananampalataya. Kaya, ito man ay sa iyong asal o sa pagganap ng iyong tungkulin, dapat kang magsagawa batay sa mga salita ng Diyos, at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, gamitin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, lutasin ang mga tiwaling disposisyong inilalantad mo, at lutasin ang mga mali mong kaisipan, pananaw, at pagsasagawa. Sa isang banda, dapat mong tuklasin ang mga problema sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili at pagsisiyasat sa sarili. Sa kabilang banda, dapat mo ring hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, at kapag natuklasan mo ang mga tiwaling disposisyon, dapat agad mong lutasin ang mga ito, maghimagsik laban sa laman, at talikuran ang sarili mong kalooban. Kapag nalutas mo na ang mga tiwaling disposisyon mo, hindi ka na kikilos batay sa mga ito, at magagawa mo nang bitiwan ang sarili mong mga intensyon at interes, at magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang katotohanang realidad na dapat taglayin ng isang tunay na tagasunod ng Diyos. Kung kaya mong pagnilay-nilayan ang iyong sarili, kilalanin ang iyong sarili, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema sa ganitong paraan, kung gayon, ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan. Hinihingi ng paniniwala sa Diyos ang gayong pakikipagtulungan, at ang makapagsagawa sa ganitong paraan ay pinakapinagpapala ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ikaw ay kumikilos alang-alang sa gawain ng iglesia, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at para sa kapakanan ng mga kapatid, at kasabay nito, isinasagawa mo ang katotohanan. Ito mismo ang sinasang-ayunan ng Diyos; ang mga ito ay mabubuting gawa, at sa pagsasagawa ng katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay nagpapatotoo para sa Diyos. Gayunman, kung hindi mo ito ginagawa, at hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya, kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng mga walang pananampalataya sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay, at sa kanilang pamamaraan ng pag-asal, ito ba ay pagpapatotoo? (Hindi.) Anu-ano ang ibinubunga nito? (Ipinahihiya nito ang Diyos.) Ipinahihiya nito ang Diyos! Bakit mo sinasabing ipinahihiya nito ang Diyos? (Dahil hinirang tayo ng Diyos, nagpahayag Siya ng napakaraming katotohanan, personal Niya tayong ginabayan, tinustusan tayo, at diniligan tayo, ngunit hindi natin tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, at namumuhay pa rin tayo batay sa mga satanikong bagay, at hindi nagpapatotoo sa harap ni Satanas. Ipinahihiya nito ang Diyos.) (Kung narinig ng isang mananampalataya ng Diyos na magbahagi ang Diyos ng napakaraming katotohanan at landas ng pagsasagawa, ngunit kapag siya ay kumikilos, namumuhay pa rin siya alinsunod sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng mga walang pananampalataya, at partikular siyang mapanlinlang at pinaglilingkuran ang sariling interes, mas masahol pa siya at mas masama kaysa sa mga walang pananampalataya.) Maaaring kayong lahat ay may bahagyang pagkaunawa tungkol sa bagay na ito. Kinakain at iniinom ng mga tao ang mga salita ng Diyos, tinatamasa ang lahat ng ipinagkakaloob ng Diyos, ngunit sinusunod pa rin nila si Satanas. Ano pa mang mga bagay o mahihirap na kapaligiran ang sumapit sa kanila, hindi pa rin nila nagagawang makinig sa mga salita ng Diyos o magpasakop sa Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi sila naninindigan sa kanilang patotoo. Hindi ba’t ito ay pagtataksil sa Diyos? Ito nga ay pagtataksil sa Diyos. Kapag kailangan ka ng Diyos, hindi ka nakikinig sa Kanyang tawag o sa Kanyang mga salita, at sa halip ay sinusunod mo ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, pinakikinggan si Satanas, sinusunod si Satanas, at nagsasagawa alinsunod sa lohika ni Satanas, at sa mga prinsipyo at pamamaraan nito sa pamumuhay. Ito ay pagtataksil sa Diyos. Hindi ba’t ang pagtataksil sa Diyos ay paglapastangan at pagpapahiya sa Diyos? Alalahanin mo sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden—Sabi ng Diyos, “Sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:17). Kaninong mga salita ito? (Mga salita ito ng Diyos.) Ang mga ito ba ay mga ordinaryong salita? (Hindi.) Ano ang mga ito? Ang mga ito ang katotohanan, ang mga ito ang dapat na sundin ng mga tao, at ang dapat na paraan ng pagsasagawa ng mga tao. Sinabi ng Diyos sa mga tao kung paano dapat na ituring ang kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ang prinsipyo ng pagsasagawa ay huwag kumain mula rito, at pagkatapos ay sinabi Niya sa mga tao ang kahihinatnan—tiyak na sila ay mamamatay sa araw na kumain sila mula rito. Sinabi sa mga tao ang prinsipyo ng pagsasagawa at kung ano ang nakataya. Pagkatapos na marinig ito, naunawaan ba nila ito o hindi? (Naunawaan nila ito.) Ang totoo, naunawaan nila ang mga salita ng Diyos, ngunit kinalaunan ay narinig nilang sinabi ng ahas, “Sinabi ng Diyos na mamamatay kayo sa araw na kumain kayo mula sa punong iyon, ngunit hindi tiyak na kayo ay mamamatay. Maaari ninyo itong subukan,” at pagkatapos magsalita ni Satanas, pinakinggan nila ang mga salita nito at kumain sila mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ito ay pagtataksil sa Diyos. Hindi nila piniling makinig sa mga salita ng Diyos at magsagawa alinsunod sa mga ito. Hindi nila ginawa ang ayon sa iniutos ng Diyos, bagkus ay pinaniwalaan at tinanggap nila ang mga salita ni Satanas, at kumilos alinsunod sa mga ito. Ano ang naging resulta nito? Ang kalikasan ng kanilang pag-uugali at pagkilos ay pagtataksil at pagpapahiya sa Diyos, at ang resulta ay ginawa silang tiwali ni Satanas at sila ay naging mababa. Ang mga tao ngayon ay katulad nina Adan at Eba noon. Naririnig nila ang mga salita ng Diyos ngunit hindi nila isinasagawa ang mga ito, nauunawaan pa nga nila ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Ang kalikasan nito ay katulad ng hindi pakikinig nina Adan at Eba sa mga salita ng Diyos o sa Kanyang mga utos—ito ay pagtataksil at pagpapahiya sa Diyos. Kapag pinagtataksilan at ipinapahiya ng mga tao ang Diyos, ang resulta nito ay sila ay patuloy na ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas, at kinokontrol ng kanilang satanikong disposisyon. Kaya, hindi sila kailanman makakalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, o makakatakas sa pang-aakit, sa mga tukso, pag-atake, manipulasyon, at pagsila ni Satanas. Kung hindi ka kailanman makakalaya mula sa mga bagay na ito, ang buhay mo ay tiyak na magiging puno ng pasakit at kaguluhan, at hindi ito magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan. Mararamdaman mo na ang lahat ay mababaw, at maaari pa ngang gustuhin mong hangarin ang kamatayan upang wakasan ang lahat ng ito. Ito ang kahabag-habag na kalagayan ng mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.