Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon (Sipi 52)
Hindi kailanman naghahanap ng katotohanan ang ilang tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa lamang nila kung anong gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, at palaging pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi talaga sila tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “pabasta-basta at padalos-dalos”? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong mapagmagaling? Hindi madali para sa mga taong masyadong mapagmagaling at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, “Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!” sumasagot ka, “Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,” at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, “Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,” hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: “Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.” Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman. Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at padalos-dalos? Sabihin na, halimbawa, na may nangyari sa iyo at may sarili kang mga ideya at plano. Bago mo pagpasyahan kung ano ang gagawin, dapat mong hanapin ang katotohanan, at dapat ka man lang magbahagi sa lahat tungkol sa iniisip at sa pinaniniwalaan mo tungkol sa bagay na iyon, na hinihiling sa lahat na sabihin sa iyo kung tama ang iyong mga iniisip at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan, at na magsagawa sila ng mga pagsusuri para sa iyo. Ito ang pinakamagandang paraan para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Una, maaari mong ipaliwanag ang mga pananaw mo at hanapin ang katotohanan—ito ang unang hakbang ng pagsasagawa para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, sinisiyasat Niya ang kanilang saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad para ibunyag ka at ilantad ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan, kung makikipagbahaginan ka sa lahat, kung gayon ay magsisimulang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng isang ideya. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, hindi ba’t nagtagumpay ka nang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at kasabay niyon ay naiwasan mo na ang pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Hindi ba’t ito ang proteksyon ng Diyos? (Oo.) Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong nagpapasakop. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang mga layunin ng Diyos. Saan lubos na nakasalalay ang kakayahan mong maisagawa ang katotohanan sa gayong paraan? Pangunahin itong nakasalalay sa pagkakaroon mo ng mga tamang intensyon at saloobin. Lubos na mahalaga ito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu, sinisiyasat Niya ang mga intensyon at saloobin ng mga tao, at nagpapasya Siya kung bibigyan sila ng kaliwanagan o gagabayan sila batay sa mga salik na ito. Kung mauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos at makikita nang malinaw ang bagay na ito, malalaman nila kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan. Nakikita mo ba ito nang malinaw? Madalas, inaasam ng mga taong umiwas sa paggawa ng masama, at nais nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ngunit nakasalalay ito sa pag-uugali ng mga tao ukol sa katotohanan at kung sila ay mayroong pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos. Kung mabibitiwan mo ang mga personal na intensyon mo at magkakaroon ka ng kaisipan ng pagpapasakop sa Diyos, nananalangin at naghahanap mula sa Diyos nang mataimtim, hindi magtatagal ay matatanggap mo ang kaliwanagan ng Diyos. Gagamit ang Diyos ng ilang pamamaraan upang maipaunawa sa iyo kung ano ang mga prinsipyo ng katotohanan at kung saan matatagpuan ang mahahalagang punto ng katotohanan. Kapag nananalangin at naghahanap ka sa Diyos, basta’t tama ang kaisipan mo at ikaw ay tapat, bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos. Ang nakakabahala lang ay kung hindi tunay na hinahanap ng mga tao ang katotohanan, bagkus ay ginagawa lang ang mga bagay at mga pormalidad nang wala sa loob upang makita ng iba. Kung ganoon, hindi nila makakamtan ang kaliwanagan ng Diyos. Kung ang iyong saloobin ay matigas na magpumilit, itatwa ang katotohanan, tanggihan ang mga mungkahi ng sinumang iba pa, hindi hanapin ang katotohanan, magtiwala lamang sa iyong sarili, at gawin lamang kung ano ang gusto mo—kung ito ang iyong saloobin anuman ang gawin o hingin ng Diyos, ano ang reaksyon ng Diyos? Hindi ka papansinin ng Diyos, isasantabi ka Niya. Hindi ba’t matigas ang ulo mo? Hindi ka ba mayabang? Hindi mo ba palaging iniisip na tama ka? Kung wala kang pagpapasakop, kung hindi ka kailanman naghahanap, kung ang puso mo ay lubusang sarado at palaban sa Diyos, hindi ka papansinin ng Diyos. Bakit hindi ka papansinin ng Diyos? Dahil kung sarado ang puso mo sa Diyos, matatanggap mo ba ang kaliwanagan ng Diyos? Madarama mo ba kapag kinagagalitan ka ng Diyos? Kapag nagmamatigas ang mga tao, kapag lumalabas ang kanilang satanikong kalikasan at pagiging halimaw, hindi nila nadarama ang anumang ginagawa ng Diyos, lahat ng iyon ay walang saysay—kaya hindi gumagawa ang Diyos ng gawaing walang silbi. Kung ganito katigas ang uri ng iyong pagiging palaban, ang tanging ginagawa ng Diyos ay manatiling tago mula sa iyo, hindi gagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi kailangan. Kapag ganito katigas ang iyong pagiging palaban, at ganito ka kasarado, hindi pipilitin ng Diyos kailanman na gumawa ng anumang bagay sa iyo, o ipipilit sa iyo ang anumang bagay, hindi Niya kailanman patuloy na sisikaping antigin ka at bigyan ka ng kaliwanagan, nang paulit-ulit—hindi ganito kumilos ang Diyos. Bakit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan? Dahil higit sa lahat ay nakita na ng Diyos ang isang partikular na uri ng disposisyon sa iyo, isang pagiging halimaw na tutol sa katotohanan at hindi tinatablan ng katwiran. At sa palagay mo ba ay makokontrol ng mga tao ang isang mabangis na hayop kapag lumalabas ang pagiging halimaw nito? May nagagawa ba ang pagsigaw at paghiyaw rito? May silbi ba ang pangangatwiran o pag-aliw rito? Nangangahas ba ang mga tao na lapitan ito? May isang magandang paraan ng paglalarawan dito: Hindi ito tinatablan ng katwiran. Kapag sumisiklab ang iyong pagiging halimaw at hindi ka nakikinig sa katwiran, ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi ka pinapansin ng Diyos. Ano pa ang masasabi sa iyo ng Diyos kapag hindi ka tinatablan ng katwiran? Walang silbing magsalita pa ng anuman. At kapag hindi ka pinapansin ng Diyos, pinagpapala ka ba, o nagdurusa? Nagkakamit ka ba ng kaunting pakinabang, o nawawalan? Walang dudang mawawalan ka. At sino ang nagsanhi nito? (Kami.) Ikaw ang nagsanhi nito. Walang namilit sa iyo na kumilos nang ganito, subalit naiinis ka pa rin. Hindi ba ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo? Hindi ka pinapansin ng Diyos, hindi mo nadarama ang Diyos, may kadiliman sa puso mo, at nakokompromiso ang buhay mo—ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo, ito ang nararapat sa iyo.
Kapag nahaharap sa isang usapin, kung ang mga tao ay masyadong matigas ang ulo at ipinipilit ang sarili nilang mga ideya nang hindi hinahanap ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Itataboy ng Diyos ang mga taong ito at isasantabi sila. Ano ang magiging bunga nito? Tiyak na masasabi na naroroon ang panganib na sila ay maititiwalag. Gayunman, makakamit ng mga naghahanap sa katotohanan ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu, at bilang resulta, makakamit nila ang pagpapala ng Diyos. Ang dalawang magkaibang saloobin ng paghahanap at hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring makapagdulot ng dalawang magkaibang kalagayan sa iyo at ng dalawang magkaibang resulta. Anong uri ng resulta ang pipiliin mo? (Pipiliin kong makamit ang kaliwanagan ng Diyos.) Kung nais ng mga tao na maliwanagan at magabayan ng Diyos, at matanggap ang mga biyaya ng Diyos, anong klaseng saloobin ang kailangan nilang taglayin? Kailangan ay madalas nilang taglayin ang saloobing naghahangad at nagpapasakop sa harap ng Diyos. Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay kumakapit ka sa iyong sarili, masyado kang palaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng malaking kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan kailanman upang malutas ito, ang kalalabasan nito sa huli ay hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan gaano man karami ang kanilang maranasan, ilang sitwasyon man ang makaharap nila, ilang aral man ang itakda ng Diyos para sa kanila, at sa huli ay mananatili silang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanang realidad, hindi nila makakayang sundan ang daan ng Diyos, at kung hindi nila kailanman masusundan ang daan ng Diyos, kung gayon ay hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at magkaroon ng takot sa Diyos at maiwasan ang kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung may saloobin ka ng paghahanap at pagpapasakop sa harap ng mga bagay-bagay, poprotektahan ka nito. Ang pangunahing mithiin ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang maipaunawa sa iyo ang katotohanan, at makapasok ka sa katotohanang realidad, at matamo ang kaligtasan ng Diyos—ito ang pangunahing mithiin. Kung ganito ang pag-uugali mo sa lahat ng nararanasan mo, hindi mo na madarama na ang pagganap sa iyong tungkulin at pagtugon sa mga layunin ng Diyos ay mga hungkag na salita at mga sawikain; hindi na ito parang napakahirap. Sa halip, bago mo pa matanto, mauunawaan mo na ang ilang katotohanan. Kung susubukan mong dumanas sa ganitong paraan, tiyak na aani ka ng mga gantimpala. Hindi mahalaga kung sino ka, kung ilang taon ka na, kung gaano ka kaedukado, kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, o kung anong tungkulin ang ginagampanan mo. Basta’t mayroon kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, basta’t ganito ang nararanasan mo, sa huli, tiyak na mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Gayunman, kung hindi mo ugaling maghanap at magpasakop sa lahat ng nangyayari sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo magagawang pumasok sa katotohanang realidad. Iniisip ng mga hindi kailanman nakakaunawa sa katotohanan at hindi makakapasok kailanman sa katotohanang realidad, “Ano ang katotohanan at ano ang mga doktrina? Ano ang katotohanang realidad at ano ang hindi pagkakaroon ng katotohanang realidad? Bakit hindi ko ito nauunawaan?” Madalas silang nakikinig sa mga sermon at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, bumabangon sila nang maaga at nagpupuyat sa gabi sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, higit na nakikinig, nag-aaral, at nagsusulat. Isinusulat nila sa kanilang mga kuwaderno ang mga nakakapagpatibay na bagay na naririnig nila, pinupuno ang ilang buong aklat. Nagbuhos sila ng maraming pagsisikap, ngunit sa kasamaang-palad, hindi nila kailanman naunawaan ang katotohanan. Bunga nito, pakiramdam nila ay napakalalim ng katotohanan. Pagkatapos nilang makinig sa loob ng ilang taon, naunawaan na nila ang ilang doktrina, ngunit bakit hindi nila ito maisagawa? Bakit sila nalilito kapag nahaharap sa mga bagay-bagay? Itinuturing nila ang pag-unawa sa katotohanan at ang pagpasok sa katotohanang realidad bilang napaka-abstrakto at nararamdaman nilang ang mga bagay na ito ay napakahirap na matamo. Ang totoo, mali ang naging pagkaunawa nila rito. Ang paniniwala sa Diyos at pagkaunawa sa katotohanan ay hindi tungkol sa paglalaro ng mga salita, hindi ito tungkol sa pagkakaroon ng kakayahang matalakay ang ilan sa mga salita at doktrina, at iyon na iyon—hindi iyon ang ibig sabihin nito. Ang pinakabinibigyang-diin ng paniniwala sa Diyos ay ang pagsasagawa sa katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang mga prinsipyo sa pagsasagawa sa katotohanan. Tanging sa pamamagitan ng pagkaunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ano ang pangangasiwa sa mga bagay nang may mga prinsipyo, masasabi na naunawaan na ng isang tao ang katotohanan at nakapasok na siya sa katotohanang realidad. Ang pagkakaroon ng kakayahang maisagawa ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad ang pinakaimportanteng bagay.