Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6 (Ikalawang Bahagi)
Nitong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang dahilan kung bakit lumilitaw ang negatibong emosyon ng pagpipigil sa mga tao. Ito ay sa kadahilanang hindi nila magawa ang anumang gusto nila. Ngayon ay patuloy tayong magbabahaginan sa isa pang dahilan ng paglitaw nitong negatibong emosyon ng pagpipigil—ang mga tao ay madalas na nabubuhay sa mapagpigil na damdaming ito dahil hindi nila magamit ang kanilang kadalubhasaan. Hindi ba’t isang dahilan pa ito? (Oo.) Nitong huli, pinag-usapan natin kung paanong madalas naisin ng ilang tao na gawin ang anumang gusto nila sa iglesia o sa kanilang pang-araw-araw na buhay, walang ginagawa at hindi naaasikaso ang kanilang nararapat na gawain, kaya kapag hindi natutupad ang kanilang mga ninanais, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Sa pagkakataong ito, magbabahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas ng ibang grupo ng mga tao. Ang mga taong ito ay nagtataglay ng mga partikular na kaloob, kalakasan, o propesyonal na kasanayan at abilidad, o naging dalubhasa sila sa isang partikular na uri ng teknikal na propesyon, at iba pa, pero hindi nila magamit nang normal ang kanilang mga kaloob, kalakasan, at propesyonal na kasanayan sa loob ng iglesia, at bilang resulta, madalas silang nalulumbay, nararamdaman na ang buhay sa kapaligirang ito ay hindi komportable at hindi masaya, at na wala silang kagalakan. Sa madaling salita, ang salitang naglalarawan sa damdaming ito ay pagpipigil. Sa sekular na lipunan, ano ang tawag sa mga taong ganito? Tinatawag silang mga propesyonal, teknikal na eksperto, at espesyalistang dalubhasa—sa madaling salita, tinutukoy sila bilang mga eksperto. Anong mga katangian ang taglay ng mga eksperto? Malalapad ang kanilang noo at matitingkad ang kanilang mata, nakasuot sila ng salamin, at tiwala sila sa kanilang sarili, mabilis maglakad, desidido at mahusay na inaasikaso ang mga bagay-bagay. Ang pinakakapansin-pansing tanda sa kanila ay na nagdadala sila ng mga laptop sa kanilang bag saanman sila magpunta. Agad silang kinikilala bilang mga propesyonal at teknikal na eksperto. Sa madaling salita, ang ganitong mga tao ay may mga partikular na propesyonal na abilidad o mga medyo bihasa sa isang partikular na uri ng teknolohiya. Nakatanggap sila ng propesyonal na edukasyon at pagtuturo, at sumailalim sila sa propesyonal na instruksyon at pagsasanay, o ang ilan sa kanila ay maaaring hindi nakatanggap ng propesyonal na pagtuturo at pagsasanay, ngunit ipinanganak sila na nagtataglay ng ilang talento at katangian. Ang mga taong tulad nito ay kilala bilang mga propesyonal at teknikal na eksperto. Kapag ang mga taong ito ay sumapi sa iglesia, tulad ng sa lipunan, madalas nilang dala-dala ang kanilang laptop sa paligid, at nais nilang makilala bilang mga propesyonal at teknikal na eksperto saanman sila nagtatrabaho. Nasisiyahan silang matawag na eksperto at mas gusto pa nga nilang idagdag ang salitang “Propesor” bago ang kanilang apelyido, at iba pa; gusto nilang matrato at matawag sa ganitong paraan. Gayunpaman, ang iglesia ay isang espesyal na lugar, at isang lugar ng espesyal na gawain. Naiiba ito sa alinmang grupo o anumang organisasyon o institusyon sa sekular na lipunan. Ano ang kadalasang tinatalakay rito? Ang katotohanan, mga prinsipyo, mga panuntunan, at mga pagsasaayos ng gawain, gayundin ang pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at patotoo sa Diyos. Siyempre, ang mas kongkreto, hinihingi rin sa mga tao na isagawa ang katotohanan, magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at sa mga prinsipyong ipinapahayag nito, at iba pa. Sa sandaling maisulong ang mga malinaw na panuntunang ito, at kinakailangan ng mga tao na isagawa at sundin ang mga ito, mararamdaman ng mga ekspertong ito na sumapi sa iglesia na medyo naagrabyado sila. Ang mga kasanayang natutunan nila o ang kaalamang hawak nila sa ilang aspeto ay madalas na hindi nagagamit sa iglesia. Karaniwan na sila ay hindi inilalagay sa mahahalagang posisyon o hindi tinitingala, at madalas silang isinasantabi. Natural na nararamdaman nilang wala silang ginagawa, at na hindi nagagamit ang kanilang mga abilidad. Ano ang nasasa-isip nila? “Naku, katulad lang ito ng kasabihang, ‘Kung ang isang tigre ay bumaba sa kapatagan, siya ay iinsultuhin ng mga aso’! Noong nagtrabaho ako sa isang kompanya na pagmamay-ari ng estado o ng dayuhan, napakaringal niyon! Hindi ko man lang kinakailangang bitbitin ang sarili kong bag, isinasaayos ng iba ang bawat aspeto ng aking pang-araw-araw na buhay at nagtatrabaho sila para sa akin. Hindi ko kinakailangang mag-alala sa anumang bagay. Isa akong ekspertong may mataas na ranggo, isang dalubhasang technician, kaya malaking asset ako sa kompanya. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang malaking asset? Nangangahulugan ito na kung wala ako, hindi gagana ang kompanya, hindi ito makakakuha ng anumang order, at kakailanganin ng lahat ng empleyado nito na huminto muna sa pagtatrabaho—manganganib na malugi ang kompanya, hindi nito kaya nang wala ako. Iyon ang mga araw ng kaluwalhatian, isang panahon na talagang nararamdaman kong napapansin ako!” Ngayong nananampalataya sila sa Diyos, gusto pa rin nilang tamasahin ang parehong antas ng kaluwalhatian. Iniisip nila, “Sa mga abilidad kong ito, lalong dapat na magkaroon ako ng posisyon para sumikat sa sambahayan ng Diyos. Kaya bakit hindi ako nagagamit? Bakit lagi akong nakakaligtaan ng mga lider at ng mga kapatid sa iglesia? Ano ba ang kulang ko kumpara sa iba? Kung hitsura ang pag-uusapan, may hitsura naman ako; pagdating sa pag-uugali, hindi naman ako mas masama kaysa sa iba; pagdating sa reputasyon at katanyagan, wala akong anumang problema; at pagdating sa mga teknikal na kadalubhasaan, nangunguna ako. Kaya, bakit walang pumapansin sa akin? Bakit walang nakikinig sa aking mga salita at mungkahi? Bakit hindi ako pinahahalagahan sa sambahayan ng Diyos? Maaari kayang hindi nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng isang ekspertong tulad ko? Bakit walang anumang pagkakataon para sa akin na magamit ang mga kasanayan ko mula nang pumarito ako? Tiyak na ang isang aspeto ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay nangangailangan ng mga teknikal na kasanayan na natutunan ko. Dapat pinahahalagahan ang aking kadalubhasaan dito! Isa akong propesyonal, dapat akong maging lider ng grupo, isang superbisor, isang pinuno—dapat kong pamunuan ang ibang tao. Bakit ba lagi na lang akong isang tauhan? Walang pumapansin sa akin, walang gumagalang sa akin. Ano ang nangyayari? Ito ba talaga ang pagtrato na dapat kong matanggap kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan?” Paulit-ulit nila itong itinatanong sa kanilang sarili, ngunit kailanman ay hindi nila mahanap ang mga kasagutan, kaya’t nasasadlak sila sa pagpipigil.
Nang umakyat ang choir sa entablado para kumanta, minsan nilang tinanong sa Akin ang tungkol sa ayos ng kanilang buhok. Sabi Ko, “Maaaring ipusod ng mga sister ang kanilang buhok o gupitin ito na ang haba ay hanggang sa tainga o hanggang balikat. Siyempre, maaari din nila itong itali at ipulupot sa likod ng kanilang ulo. Ang mga brother ay maaaring magpagupit ng crew cut o hawiin ang kanilang buhok. Hindi na kailangan ng anumang palamuti o pag-eestilo. Siguraduhin lamang na mukha itong maayos, malinis, pulido, at natural. Sa madaling salita, hangga’t mukha kang matuwid at marangal, at mukha kang Kristiyano, ayos lang iyon. Ang pinakamahalaga ay ang kumanta nang maayos at gampanan ang programa.” Malinaw ba ang pagkasabi ng Aking mga salita? Madali bang intindihin ang mga ito? (Oo.) Ang mga ayos ng buhok para sa mga lalaki at babae ay nailinaw. Ano ang mga prinsipyo para sa pagpili ng mga ayos ng buhok? Ang mga brother ay maaaring hawiin ang kanilang buhok o magpa-crew cut, at ang mga sister ay maaaring magkaroon ng maikli o mahabang buhok. Kung mahaba ito, maaari nilang ipusod ito, at kung maikli naman, siguraduhin lang na hindi ito masyadong maikli. Iyon ang isang prinsipyo. Ang isa pang prinsipyo ay kalinisan at kaayusan, isang hitsura na positibo at marangal, at isang positibong karakter. Hindi natin nilalayon na maging mga kilalang tao o sikat na tao sa lipunan. Hindi tayo naghahangad ng isang glamorosong imahe, kundi isang matuwid at marangal na hitsura lamang. Sa madaling salita, dapat malinis, maayos, matuwid at marangal tingnan ang isang tao. Malinaw ba Ako? Madali bang maunawaan at maisakatuparan ang dalawang prinsipyong ito? (Madali.) Sa sandaling marinig ito ng mga tao, malinaw nilang nauunawaan ang mga ito sa puso nila, at hindi na kailangang ulitin ang mga ito. Lahat ito ay napakadaling magawa. Pagkatapos nang mahigit sampung araw, pinadalhan nila Ako ng video. Habang pinapanood ko ito, nakita ko ang tatlo o apat na hanay ng mga sister. Ang unang hilera ay may naka-estilo na buhok, bawat isa ay may iba’t ibang hairstyle at pagkakaayos. Magkakaiba ang hitsura ng bawat isa, kakatwa ang hitsura ng bawat estilo, at ang ilang sister na nasa edad bente ay tila edad treinta o kwarenta na, at ang ilan ay mukhang matatandang babae. Sa madaling salita, magkakaiba ang ayos ng buhok ng bawat tao. Sinabi ng taong nagpadala ng video, “Naghanda kami ng maraming iba’t ibang ayos ng buhok para mapagpipilian Mo. Maaari Kang pumili ng alinman sa mga ito, at magagawa namin ito. Hindi ito magiging mahirap para sa amin! Pagkatapos Mong pumili, sabihin Mo lang sa amin at magagawa namin ito, walang problema!” Ano sa tingin ninyo ang naramdaman Ko pagkatapos panoorin ang video na ito? Medyo nasuklam Ako, at nang suriin Ko ito nang mas malapitan, nagsimula Akong mainis. Nang maalala ko ang mga prinsipyong ipinaliwanag Ko sa kanila, sa huli ay hindi Ako nakaimik. Hindi Ko alam ang sasabihin. Naisip Ko, “Hindi nakakaintindi ang mga taong ito ng wika ng tao.” Pinagnilayan Ko ang mga salitang sinabi Ko at ang mga prinsipyong ipinahayag Ko sa kanila, tungkol sa kung paanong ang lahat ng ito ay mga bagay na kayang maunawaan at maintindihan ng sinuman. Ang gayong mga simpleng bagay ay hindi mahirap para sa mga tao, at magagawa ito ng mga tao—ngunit bakit nila Ako pinadalhan ng ganoong video? Pagkatapos magsiyasat, napagtanto Ko na hindi ito dahil sa hindi Ko naipaliwanag nang malinaw ang Aking punto, at lalong hindi dahil sa sinabi Ko sa kanila na gumawa ng iba’t ibang ayos ng buhok. Mayroong dalawang dahilan ang pag-uugaling ito: Ang isang dahilan ay na hindi nila naunawaan ang Aking mga salita. Ang isa pang dahilan ay na, sa sandaling magawa ng mga tao ang isang bagay, sa sandaling nauunawaan nila ang isang bagay at naging dalubhasa sila sa ilang kasanayan at pamamaraan, hindi na nila alam ang kanilang posisyon sa sansinukob. Hindi nila iginagalang ang sinuman at palaging gustong magpakitang-gilas. Labis-labis silang nagiging mayabang. Kahit na nauunawaan nila ang Aking mga salita, hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga ito. Hindi nila isinasapuso ang Aking mga salita, hindi itinuturing na mahalaga ang mga ito, at binabalewala lang ang sinasabi Ko. Sadyang hindi sila interesado sa kung ano ang ipinagagawa Ko sa kanila o sa kung ano ang kailangan Ko. Nang tanungin nila Ako tungkol sa mga prinsipyo, ang totoo ay natukoy na nila kung ano ang kanilang gagawin at kung paano nila ito gagawin. Ang pagtanong nila sa Akin ay isa lamang na hakbang sa kanilang proseso. Hindi ba’t isang uri ng pangungutya na itanong nila iyon? (Oo.) Pagkatapos ng kanilang pangungutya, anuman ang sabihin Ko, sa huli ay ginagawa nila kung ano ang gusto nila, nang hindi man lang sinusunod ang Aking mga salita. Masyadong matigas ang ulo nila! Ano ba ang iniisip nila? “Minamaliit Mo kami. Kami ay mga propesyonal na technician. Nakikipag-ugnayan kami sa mga maimpluwensyang tao sa lipunan. Mayroon kami nitong mga kasanayan at kadalubhasaan, at saan man kami magpunta, makapamumuhay kami nang maganda at makakukuha ng respeto ng mga tao. Kapag pumapasok kami sa sambahayan ng Diyos, saka lang kami nagiging mga tagapagserbisyo, at palagi kaming minamaliit. Mayroon kaming mga kasanayan, mga eksperto kami, hindi kami mga ordinaryong tao. Dapat kaming igalang sa sambahayan ng Diyos. Hindi Mo maaaring pigilan ang aming mga talento nang ganito. Ginagamit namin ang aming kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos, at dapat na suportahan at tulungan Mo kami.” Hindi ba’t ito ay walang galang at hindi makatwiran? (Oo.) Mayroon bang anumang normal na pagkatao rito? (Wala.) Nang makita Ko ito, naisip Ko, “Ah, hindi mapakikiusapan ang mga taong ito!” Nang sabihin Ko sa kanila ang mga prinsipyo, paulit-ulit Ko pa silang tinanong, “Naiintindihan ba ninyo? Matatandaan ba ninyo?” Masinsinan silang nangako sa harap Ko, ngunit sa sandaling tumalikod sila ay agad nilang binawi ang pangako nila. Nagsabi sila ng mga bagay na napakagandang pakinggan, “Narito ako para tuparin ang aking tungkulin, narito ako para palugurin ang Diyos.” Iyan ba ang tinatawag mong pagtupad sa iyong tungkulin? Talaga bang pinalulugod mo ang Diyos? Pinalulugod mo ang iyong sariling laman, ang iyong sariling reputasyon. Narito ka para hangarin ang sarili mong propesyon, hindi para gampanan ang iyong tungkulin. Sa madaling salita, pumasok ka sa sambahayan ng Diyos upang gumawa ng kaguluhan. Sabihin mo sa Akin, sino ang may huling salita sa mga prinsipyong dapat itaguyod ng mga tao sa lahat ng aspeto ng gawain sa sambahayan ng Diyos? Ikaw ba o ang Diyos? (Ang Diyos ang may huling salita.) Ang iyong mga salita ba ang katotohanan, o ang sa Diyos? (Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan.) Lahat ng sinasabi ninyo ay isang uri ng doktrina. Kung ang doktrinang iyon ay hindi umaayon sa katotohanan, nagiging isang maling paniniwala ito. Yamang inaamin ninyo na ang sinasabi Ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ito magawang tanggapin? Bakit kapag kinakausap Ko kayo, wala itong epekto? Nagsasabi kayo ng magagandang bagay sa harap Ko, pero sa likod Ko, hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan. Ano ba ang nangyayari? Kapag nagtataglay ang tiwaling sangkatauhan ng kaunting talento, kadalubhasaan, o ideya, nagiging mayabang sila at lumalabis ang kanilang pagtingin sa sarili, at tumatanggi silang magpasakop kaninuman. Hindi sila nakikinig sa sinasabi ng sinuman sa kanila. Hindi ba’t masyado itong hindi makatwiran? Kung iniisip ninyong tama ang ginagawa ninyo, kung gayon ay bakit ninyo pinapasuri sa Akin ito? Kapag tinutukoy Ko ang inyong mga kapintasan at inilalantad ang inyong mga pagkakamali, bakit hindi ninyo ito kayang tanggapin? Hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, pero pwede Akong makipagbahaginan sa inyo tungkol sa katotohanan. Alam Ko kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, alinsunod sa mga prinsipyo, nang angkop sa mga banal. Alam Ko kung paano kumilos sa paraang nagpapatibay sa iba. Kayo ba? Kung hindi man lang ninyo alam ang mga bagay na ito, bakit hindi pa rin ninyo matanggap ang katotohanan? Bakit hindi ninyo gawin ang sinasabi Ko?
Ang ilang tao ay mahuhusay sa pagsusulat; likas silang may talento sa paggamit ng wika at paghahatid ng mga ideya. Maaari ding may antas sila ng galing sa kakayahang pampanitikan, gumagamit ng partikular na mga pamamaraan at istilo kapag naglalarawan ng mga bagay-bagay. Ngunit ang pagkakaroon ba ng mga katangiang ito ay nangangahulugan na nauunawaan nila ang katotohanan? (Hindi.) Ito ay isang aspeto lamang ng kaalaman, isang aspeto ng mga kaloob at talento ng isang tao. Nangangahulugan ito na nagtataglay ka ng isang partikular na talento, na ikaw ay mahusay sa pagsusulat at pagpapahayag ng mga ideya sa pamamagitan ng wika, at na ikaw ay may malawak na kaalaman sa paggamit ng mga salita. Dahil sa pagiging magaling sa gayong mga bagay, napapaisip ang ilang tao, “Ako ang mahusay magsulat sa sambahayan ng Diyos; dapat akong lumahok sa tekstuwal na gawain.” Mabuti na magkaroon ng maraming tao na nakikibahagi sa tekstuwal na gawain; kailangan ito ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos ay hindi lamang kung saan ka mahusay, o ang iyong mga propesyonal na kakayahan. Ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan ay mga kasangkapan lamang para sa gawaing sinasalihan mo. Anuman ang iyong mga propesyonal na abilidad at antas ng kasanayan, dapat mong iayon ang iyong sarili sa mga prinsipyo at kamtin ang ninanais na mga resulta at layon na itinakda ng sambahayan ng Diyos. May mga hinihinging pamantayan at nauugnay na prinsipyo para sa mga resulta at layong ito ang sambahayan ng Diyos; hindi ka nito hinahayaang kumilos batay sa iyong personal na panlasa o mga kagustuhan. Halimbawa, ang ilang tao ay may mga mahusay na kasanayan sa pagsusulat, at sumusulat sila ng mga script na may detalyadong wika at malinaw na organisadong balangkas. Ngunit nakakamit ba niyon ang ninanais na resulta? Malayo na makamit ng mga ito ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, ang gayong mga script ay sadyang hindi pumapasa sa pamantayan. Gayunpaman, ang mga scriptwriter na ito ay nakakaramdam ng kasiyahan at kumpiyansa sa kanilang abilidad na magsulat ng magarbong wika, at mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Hindi nila nauunawaang dapat makamit ng isang script ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, ng pagpapalaganap ng salita ng Diyos. Ito ang layon. Kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos ang isang script, ang script na iyon ay dapat naglalarawan sa mga salita ng Diyos na binabasa ng pangunahing tauhan, at sa tunay na pagkaunawang nakakamit ng pangunahing tauhan sa pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos sa ilalim ng patnubay ng gawain ng Diyos. Sa isang aspeto, dapat itong magsilbing patotoo sa Diyos, at sa isa pang aspeto, dapat nitong ipalaganap ang Kanyang salita. Saka lamang nakakamit ng script ang ninanais na resulta. Ito ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Sa tingin ba ninyo ay mahirap ang mga ito para sa mga tao? (Hindi.) Hindi, ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, ang mga scriptwriter na ito ay ayaw gawin ito sa ganitong paraan. Ang saloobin nila ay, “Perpekto at detalyado na ang isinulat ko. Kung hihilingin mo sa akin na idagdag ang materyal na iyon, labag ito sa aking intensyon. Hindi ako nasisiyahan dito, at ayaw kong isulat ito sa ganoong paraan.” Bagamat ang materyal na ito ay atubiling idinagdag kalaunan, malaki na ang ipinagbago ng kanilang emosyon sa panahong iyon. Sinasabi ng ilan, “Masyado kaming napipigilan na gawin ang tungkulin namin sa sambahayan ng Diyos. Laging may mga taong nagwawasto at naghahanap ng mali sa amin. Pakiramdam ko ay talagang ginigipit ako, sabi nga nila, hindi maaaring maging mapili ang mga nanlilimos. Kung pwede lang sana na ako ang may huling salita at na masusulat ko kung ano ang gusto ko, napakaganda sana niyon! Habang ginagampanan ang tungkulin namin sa sambahayan ng Diyos, palagi kong kailangang makinig sa iba at tanggapin ang pagtatabas at pagwawasto. Masyado akong napipigilan nito!” Ito ba ang tamang saloobin? Anong klase ng disposisyon ito? Masyado itong mayabang at mapagmagaling! May mga nasa choir din na tumutupad sa kanilang tungkulin sa paglalagay ng make-up. Gusto nila ang mga hairstyle ng mga hindi nananalig, ngunit ang naging resulta ng mga hairstyle na iyon ay tinanggihan. Bakit? Sapagkat ayaw ng sambahayan ng Diyos ng mga mala-demonyong hairstyle; gusto nito ang mga hairstyle na normal, marangal, at matuwid. Anuman ang hairstyle na kaya mong gawin, maaari kang pumaroon at ipakita ito sa mundo ng mga hindi nananalig. Kailangan nila ang gayong mga eksperto, ngunit hindi ito kailangan ng sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na handa silang magtrabaho nang libre sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi itinuturing na kinakailangan o mahalaga ang trabaho nila; nakakasuklam na masaksihan ito. Ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos ay ang magmukha kang marangal at matuwid, tulad ng isang disenteng tao. Hindi nito kailangan na maging elegante ka, magmukhang maharlika sa palasyo, at tiyak na hindi tulad ng isang prinsesa, isang maharlikang babae, isang mayamang binata, o isang maharlikang lalaki. Tayo ay mga ordinaryong tao, walang anumang katayuan, posisyon, o halaga, ang pinakanormal at hindi kapansin-pansing mga tao. Pinakamainam na maging isang ordinaryong tao, hindi marangal o pino, na magsuot ng mga ordinaryong damit at magmukhang isang ordinaryong tao, na hindi magpanggap, kundi masiyahan sa kung ano ang kaya mong gawin at makontento sa pamumuhay bilang isang ordinaryong tao nang walang ambisyon o hangarin. Ito ang pinakamainam, ito ang buhay ng isang taong may normal na pagkatao. Isa ka lang ordinaryong tao, ngunit palagi kang nagsisikap na kumilos tulad ng isang marangal na tao. Hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? (Kasuklam-suklam iyon.) Palagi mong sinusubukang ipakita ang iyong kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos at magpakitang-gilas. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, mahalaga ba na ipangalandakan ang iyong kadalubhasaan? Kung tunay na may halaga ito, kung gayon, katanggap-tanggap ito. Ngunit kung wala itong anumang halaga at sa halip ay nakagagambala at nakasisira, kung gayon ay ipinapakita mo lang ang iyong kasuklam-suklam na kalikasan at mga hindi kanais-nais na katangian. Alam mo ba ang mga kahihinatnan ng pagbubunyag ng mga gayong bagay? Kung hindi mo alam, mangyaring huwag ibunyag ang mga ito. Kung anong kaya mong gawin, anong mga teknikal na kasanayan ang taglay mo, anong mga espesyal na talento na likas kang mahusay o taglay mo, wala sa mga iyon ang itinuturing na marangal; isa ka lang ordinaryong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Bihasa ako sa maraming wika.” Kung gayon, magtrabaho ka bilang isang tagasalin ng wika at gawin nang maayos ang iyong pagsasalin; pagkatapos ay maaari ka nang ituring na isang mabuting tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kaya kong bigkasin ang buong Xinhua Dictionary.” Ano naman ngayon kung nasaulo mo na ang buong Xinhua Dictionary? Binibigyan ka ba niyon ng kakayahan na maipalaganap ang ebanghelyo? Binibigyan ka ba niyon ng kakayahan na magpatotoo sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Kaya kong magbasa ng sampung linya sa isang sulyap. Kaya kong magbasa ng 100 pahina ng salita ng Diyos sa isang araw. Tingnan mo ang kasanayang ito, hindi ba’t kahanga-hanga ito?” Maaaring nakakabasa ka ng 100 pahina ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao sa isang araw, ngunit ano ang naiintindihan mo mula rito? Anong aspeto ng katotohanan ang nauunawaan mo? Kaya mo bang isagawa ito? Sinasabi ng ilang tao, “Isa akong batang henyo. Kaya ko nang kumanta at magsulat ng mga tula sa edad na lima.” Kapaki-pakinabang ba iyon? Maaaring hinahangaan ka ng mga hindi mananampalataya, ngunit wala kang silbi sa sambahayan ng Diyos. Sabihin nating hinihiling Ko sa iyo na gumawa ng isang kanta ngayon na nagpupuri sa Diyos. Magagawa mo ba ito? Kung hindi mo magagawa, ibig sabihin ay hindi mo nauunawaan ang anumang aspeto ng katotohanan. Ang pagkakaroon lamang ng mga kaloob ay hindi isang malaking bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, wala kang anumang matatamo. Anuman ang mga kaloob, kasanayan, o talento na taglay ng isang tao, ang totoo ay mga kasangkapan lamang ang mga ito. Kung magagamit ang mga ito para sa mga positibong bagay at magkakaroon ng positibong epekto, maaaring sabihin na may halaga ang mga ito. Kung hindi magagamit ang mga ito para sa mga positibong bagay o kung wala itong positibong epekto, kung gayon, walang halaga ang mga ito, at walang silbi at pabigat lang sa iyo ang matutunan ang mga ito. Kung magagamit mo ang iyong mga propesyonal na kasanayan o talento sa pagganap ng iyong tungkulin at matutupad mo ang isang gampanin sa sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, masasabing nagamit sa tamang lugar at nagkaroon ng silbi ang iyong mga propesyonal na kasanayan at talento—ito ang halagang taglay ng mga ito. Sa kabilang banda, kung hindi mo man lang magamit ang mga ito sa iyong pagganap ng tungkulin, kung gayon, ang iyong mga propesyonal na kasanayan at talento ay walang halaga at wala ring halaga sa Akin. Halimbawa, ang ilang tao ay likas na magaling magsalita at mahusay magpahayag, at mga bihasang lingguwista at mabilis mag-isip. Maaari itong ituring na isang talento. Sa mundo, kung ang ganitong mga tao ay lumalahok sa pampublikong pagsasalita, publisidad, o negosasyon, o nagtatrabaho bilang mga hukom, abogado, o sa mga kaparehong trabaho, kung gayon, mayroon silang lugar para sa kanilang mga talento. Subalit sa sambahayan ng Diyos, kung nagtataglay ka ng gayong talento ngunit hindi mo nauunawaan ang anumang aspeto ng katotohanan, maging ang isang batayang pagkaunawa sa katotohanan ng mga pangitain, at hindi mo kayang magpahayag ng ebanghelyo o magpatotoo sa Diyos, kung gayon, walang halaga ang iyong kaloob o talento. Kung palagi kang umaasa sa iyong kaloob, ibinibida ang iyong talento saan ka man magpunta, nagyayabang at nangangaral ng mga salita ng doktrina, magiging kasuklam-suklam ka sa mga tao. Dahil ang bawat salitang sasabihin mo ay magiging nakakasuka, at ang bawat kaisipan o pananaw na ipapahayag mo ay magiging nakakayamot. Kung gayon, mas mabuting manahimik ka na lang. Habang mas sinusubukan mong ipresenta ang iyong sarili at gumanap, mas nagiging kasuklam-suklam ka. Sasabihin ng mga tao na, “Manahimik ka na! Ang mga sinasabi mo ay pawang doktrina, pero sino ba ang hindi pa nakauunawa nito? Ilang taon ka nang nangangaral? Walang ipinagkaiba ang mga salita mo sa mga salita ng mga Pariseo, puno ng mga walang kabuluhang teorya na nagpaparumi sa kapaligiran ng iglesia. Walang gustong makinig!” Kita mo, dahil dito ay nagagalit at nasusuklam ang mga tao. Samakatuwid, mas mainam para sa iyo na lalong tumuon sa katotohanan at lalong maghangad ng pagkaunawa sa katotohanan, at iyon ay isang tunay na abilidad. Habang mas sinasabi Ko ito, mas lalong napipigilan itong mga taong “may kakayahan” at “eksperto”, iniisip nila na, “Ito na ang katapusan, wala nang magagawa. Noon pa man ay itinuturing ko na ang sarili ko na may talento, mahusay at inilalagay sa mahahalagang posisyon saanman ako magpunta. Hindi ba’t may kasabihan na, ‘Kung ito ay ginto, sa malao’t madali ay kikinang ito’? Ngunit sa hindi inaasahan, wala akong nagawa sa sambahayan ng Diyos. Napipigilan ako, masyado akong napipigilan! Paano ako humantong sa ganito?” Ang pananampalataya sa Diyos ay isang magandang bagay, kaya bakit ang mga napakahusay at magaling na ekspertong tulad nito ay napipigilan kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos? Napakatagal na nilang nararamdamang napipigilan sila, kaya’t nagdurusa sila sa depresyon. Ni hindi na nga sila marunong magsalita o kumilos. Sa huli, sinasabi ng ilan, “Masyadong nakapipigil sa pakiramdam ang palaging maiwasto. Ngayon, mas maayos na ang ugali ko, at sumasang-ayon ako sa anumang sinasabi ng mga lider ng iglesia o ng mga lider ng grupo, palaging tumutugon ng ‘oo’ o ‘sige.’” Maaaring mukhang natuto na silang magpasakop at sumunod, ngunit hindi pa rin nila nauunawaan ang mga prinsipyo o kung paano gampanan nang tama ang kanilang mga tungkulin. Dala nila itong pakiramdam ng napipigilan at nararamdaman nilang galit sila at na hindi sila pinahahalagahan. Kapag tinanong tungkol sa antas ng kanilang edukasyon, sinasabi ng ilan, “Nakuha ko ang aking bachelor’s degree,” ang iba naman, “Mayroon akong Master’s,” ang iba, “Mayroon akong PhD,” o “Nagtapos ako sa paaralang pangmedisina,” “Nag-aral ako ng finance,” o “Nag-aral ako ng management,” habang ang iba ay mga programmer o inhinyero. Kung wala pa silang “Dr.” na titulo sa pangalan nila, mayroon silang ibang pormal na titulo. Ang mga taong ito ay hindi tinatawag na ganoon sa sambahayan ng Diyos, hindi rin sila tinatrato nang may anumang mataas na pagpapahalaga. Madalas silang napipigilan at pakiramdam nila nawawalan sila ng pagkakakilanlan. Ang iglesia ay may lahat ng uri ng eksperto, kabilang ang mga musikero, mananayaw, gumagawa ng pelikula, technician, propesyonal sa negosyo, ekonomista, at maging mga pulitiko. Habang kasama ang mga kapatid, madalas sabihin ng mga taong ito, “Isa akong respetadong executive sa isang kompanyang pag-aari ng estado. Ako ang senior executive ng isang multinasyonal na korporasyon. Ako ang CEO, sino ang kinatakutan ko ni minsan? Kanino ako nagpasakop ni minsan? Ipinanganak akong may mga kasanayan sa pamamahala, at saan man ako magpunta, dapat nasa posisyon ako ng awtoridad, dapat ako ang namumuno, ang palaging namamahala sa ibang tao, at walang sinuman ang maaaring mamahala sa akin. Kaya, sa sambahayan ng Diyos, dapat hindi ako bababa pa sa pagiging isang lider ng grupo o sa isang taong namamahala!” Hindi nagtatagal, nagiging malinaw sa lahat na ang mga taong ito ay walang katotohanang realidad, walang kakayahang gumawa ng anumang gampanin, at talagang mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Nabibigo silang tuparin nang tama ang anumang tungkulin, at sa huli, ang ilan sa kanila ay maaari lamang italaga sa mga manual labor, habang ang iba ay palaging ayaw magpasakop, palaging nagsisikap na ipakita ang kanilang mga abilidad, at nanggugulo. Bilang resulta, nagdudulot sila ng napakalaking kaguluhan, ginagalit nila ang kongregasyon, at sa huli ay pinapaalis sila. Hindi ba’t mararamdaman ng mga taong ito na napipigilan sila? Sa huli, ibinubuod nila ang kanilang karanasan sa isang pahayag: “Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para sa mga taong may talento tulad natin. Katulad tayo ng mga kabayong may purong lahi, ngunit walang nakakakilalang hukom sa sambahayan ng Diyos. Ang mga nananalig sa Diyos ay mga mangmang at walang alam, lalo na iyong mga lider sa iba’t ibang antas. Bagamat nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila nakikilala na kami ay mga purong lahi. Dapat kaming umalis at maghanap ng taong makakapansin sa aming mga talento.” Sa huli, umabot sila sa kongklusyong ito. May ibang nagsasabi na, “Masyadong maliit ang lugar sa sambahayan ng Diyos para pagkasyahin kami. Lahat kami ay mahahalagang tao, habang ang mga nananalig sa Diyos ay mga hamak na tao mula sa mabababang uri ng lipunan: mga magsasaka, mga nagtitinda sa kalsada, at mga may-ari ng maliliit na negosyo. Walang mga nangungunang eksperto sa kanila. Bagamat maliit ang iglesia, ang mundo ay malawak, at sa napakalaking mundo, siguradong may lugar para sa amin. Kaming mga mahuhusay ay makakahanap din ng magpapahalaga sa amin sa takdang panahon!” Hilingin natin na maging mapalad ang mga taong ito sa paghahanap ng isang taong magpapahalaga sa kanila, maaari ba nating gawin iyon? (Sige.) Sa araw na magpaalam sila sa atin pagkatapos makahanap ng magpapahalaga sa kanila, bigyan natin sila ng isang hapunan ng pamamaalam at hilingin na mahanap nila ang lugar na nararapat sa kanila, na malaya sa anumang emosyon ng pagpipigil. Nawa’y magkaroon sila nang mas magandang buhay kaysa sa atin, at magkaroon sila ng mapayapang buhay. Sa pagsasabi natin nito, medyo gumaan ba ang pakiramdam ng mga taong ito na may napipigilang emosyon? Ang kanilang mga pakiramdam ng paninikip sa dibdib, pamamaga sa ulo, bigat sa puso, iniinda sa katawan, at pagkabalisa—naglaho ba ang mga damdaming iyon? Sana ay matupad ang kanilang mga hiling, nang hindi na sila mapipigilan, at nang makapamuhay na sila nang masaya at malaya.
Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ba ninyo, sadyang pinahihirapan ng sambahayan ng Diyos ang mahuhusay na indibidwal na ito? (Hindi.) Talagang hindi. Kung gayon, bakit ang iba’t ibang prinsipyo, pagsasaayos ng gawain, at ang mga hinihingi para sa bawat gawain sa sambahayan ng Diyos ay nagbubunga na maramdaman nilang napipigilan sila? Bakit nakukulong ang mahuhusay na indibidwal na ito sa loob ng mga damdaming napipigilan sa sambahayan ng Diyos? Nagkamali ba ang sambahayan ng Diyos? O sadyang pinahihirapan ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito? (Wala sa mga ito ang dahilan.) Kung doktrina ang pag-uusapan, nauunawaan ninyong lahat na talagang mali ang dalawang paliwanag na ito. Kung gayon, bakit ito nangyayari? (Ito ay dahil ipinagpipilitan ng mga tao ang kadalubhasaang nakuha nila sa sekular na mundo o ang kanilang mga pansariling kagustuhan sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos habang tinutupad nila ang kanilang mga tungkulin.) Ngunit tinutulutan ba sila ng sambahayan ng Diyos na ipagpilitan ang mga bagay na ito sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan? Talagang hindi. Napipigilan ang ilang tao dahil hindi ito pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos. Ano sa tingin ninyo ang dapat nilang gawin tungkol doon? (Bago gampanan ang bawat tungkulin, kailangan muna nilang maunawaan ang mga hinihingi at prinsipyo na mayroon ang sambahayan ng Diyos para sa tungkuling iyon. Matapos tumpak na maunawaan ang mga prinsipyong ito, maaari na nilang gamitin ang propesyonal na kadalubhasaan nila sa makatwirang paraan.) Tama ang prinsipyong ito. Ngayon sabihin ninyo sa Akin, ang palagiang pagnanais ba na ipakita ang kadalubhasaan ng isang tao at ang pagpapasikat ng kanyang mga abilidad sa sambahayan ng Diyos ang tamang panimula? (Hindi.) Bakit ito mali? Pakipaliwanag ang dahilan. (Ang layunin nila ay magpakitang-gilas at maitangi ang kanilang sarili—hinahangad nila ang sarili nilang propesyon. Hindi nila iniisip kung paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin o kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, gusto nilang kumilos ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, nang hindi pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano tinitingnan ng iba ang bagay na ito? (Ang palaging pagpapakitang-gilas sa tuwing may nangyayari ay isang satanikong disposisyon. Hindi nila iniisip kung paano tuparin ang kanilang mga tungkulin at magpatotoo sa Diyos; palagi nilang gustong magpatotoo sa kanilang sarili, at likas na mali ang landas na ito.) Ang panimulang puntong ito ay likas na hindi tama, tiyak iyon. Kaya, bakit ito mali? Isa itong isyu na lahat kayo ay hindi kayang pabulaanan. Tila lahat kayo ay napipigilan, at na gusto ninyong lahat na ipakita ang inyong kadalubhasaan para maipakitang-gilas ang inyong mga abilidad—hindi ba’t tama iyon? Sa mga hindi nananalig, may isang kasabihan, ano ito? “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para may isang bagay kang titingnan.” Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng “pagpapakitang-gilas sa iyong mga abilidad”? (Oo.) Ang pagpapakitang-gilas sa iyong mga abilidad ay nangangahulugan ng pagnanais na ipakita ang iyong mga kakayahan at magpasikat, upang magkamit ng katanyagan at katayuan sa ibang tao, at upang hangaan. Sa pinakamababa, ito ay tungkol sa pagnanais na gamitin ang pagkakataong maipakitang-gilas ang mga abilidad ng isang tao upang ipaalam at abisuhan ang iba na: “Mayroon akong ilang tunay na kasanayan, hindi ako isang ordinaryong tao, huwag ninyo akong maliitin, isa akong indibidwal na may talento.” Kahit papaano, iyon ang kahulugan sa likod nito. Kaya, kapag ang isang tao ay may ganoong mga intensiyon at laging gustong ipakitang-gilas ang kanyang mga abilidad, ano ang likas na katangian nito? Gusto niyang hangarin ang sarili niyang propesyon, pamahalaan ang sarili niyang katayuan, matiyak ang kanyang posisyon at katanyagan sa mga tao. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi nila ito ginagawa para tuparin ang kanilang tungkulin, o para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila naghahangad sa katotohanan at kumikilos ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ginagawa nila ito para sa kanilang sarili, upang mas maging kilala sila, upang maiangat ang kanilang halaga at reputasyon; ginagawa nila ito para ihalal sila ng mga tao bilang superbisor o lider. Sa sandaling mahalal sila bilang lider o manggagawa, hindi ba’t magkakaroon na sila ng katayuan? Hindi ba’t magiging sentro na sila ng atensyon? Ito ang kanilang hinahangad, gayon kasimple ang kanilang panimulang punto—ito ay walang iba kundi ang paghahangad ng katayuan. Sadya nilang hinahangad ang katayuan, at hindi nila pinoprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang mga interes nito.