Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6 (Unang Bahagi)

Nagbahaginan tayo nitong huli tungkol sa “pagbitiw,” na isa sa mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Ang unang bahagi ng “pagbitiw” ay nangangahulugan ng pagbitiw sa lahat ng negatibong emosyon. Ilang beses na tayong nagbahaginan tungkol sa paksang ito. Nagbahaginan ba tayo tungkol sa negatibong damdamin ng pagpipigil nitong huli? (Oo.) Ano ang pinagbahaginan natin tungkol dito? Ano ang nagsasanhi sa mga tao na makaramdam ng pagpipigil? (Nagbahagi ang Diyos na ginagawa ng mga tao ang anumang gusto nila sa kanilang mga tungkulin, at ayaw nilang sumunod sa mga tuntunin at regulasyon ng iglesia o sumailalim sa mga paghihigpit. Dahil sa kanilang pagiging matigas ang ulo at sa hindi nila pagkilos ayon sa mga prinsipyo, hindi nila magawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kaya madalas silang tinatabasan at iwinawasto. Kung hindi nila pagninilay-nilayan ang kanilang mga kilos at hindi nila lulutasin ang kanilang mga problema sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, makararamdam sila ng pagpipigil.) Nitong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang uri ng sitwasyon kung saan nararamdaman ng mga tao ang negatibong damdamin ng napipigilan, na pangunahing dahil sa hindi nila magawa ang anumang gusto nila. Ang pagbabahaginang iyon ay pangunahing nauukol sa: mga sitwasyon kung saan hindi magawa ng mga tao ang anumang gusto nila, kung anong mga bagay ang nais gawin ng mga tao ayon sa gusto nila, at kung anong mga karaniwang pag-uugali ang taglay ng mga taong nagpapakalunod sa emosyon ng pagpipigil. Pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa landas na dapat tahakin ng isang tao upang malutas ang emosyong ito. Mayroon na ba kayong anumang naging mga konklusyon matapos marinig ang mga pagbabahaginang ito tungkol sa pagbitiw sa mga negatibong emosyon, kung inihahayag ba ng mga pagbabahaginang ito ang mga pagpapamalas ng mga negatibong emosyon ng tao, o kung sinasabi ba nito sa mga tao ang landas para sa pagbitiw ng mga negatibong emosyon? Sa anong bagay nakatuon ang pagsasagawang ito ng pagbitiw sa mga negatibong emosyon? Pagkatapos makinig sa mga pagbabahaginang ito, pinagnilayan ba ninyo ito? (O Diyos, ang pagkakaunawa ko ay na ang pagsasagawang ito ay nakatuon sa mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay.) Tama, iyan ay isang aspeto nito. Nauukol ito sa mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay. Ang mga pananaw na ito ay pangunahing patungkol sa iba’t ibang ideya at pananaw na kinakapitan ng isang tao sa harap ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay, at pangunahing nakatuon sa iba’t ibang problema na kinakaharap ng isang tao sa kanyang normal na buhay at pag-iral. Kabilang sa mga halimbawa nito ay ang: kung paano makisalamuha sa iba, kung paano pagaanin ang poot, ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao ukol sa pag-aasawa, pamilya, trabaho, sa kanyang mga inaasam-asam, pagkakasakit, pagtanda, kamatayan, at maliliit na bagay sa buhay. Patungkol din ito sa kung paano dapat harapin ng isang tao ang kanyang kapaligiran at kung paano niya dapat harapin ang tungkulin na dapat niyang tuparin, bukod sa iba pang mga isyu. Hindi ba’t ang mga bagay na ito ang tinutukoy ng mga pananaw na ito ng mga tao? (Oo nga.) Tungkol naman sa lahat ng malaking isyu at usapin ng prinsipyo na nauugnay sa isang normal na buhay at pag-iral ng tao—kung ang isang tao ay may mga tamang ideya, pananaw, at saloobin, magiging normal ang kanyang pagkatao. Ang ibig Kong sabihin sa “normal” ay ang pagkakaroon ng normal na katwiran at normal na perspektiba at paninindigan sa mga bagay-bagay. Ang mga nagtataglay lamang ng mga tamang ideya at pananaw ang madaling makauunawa at makapapasok sa katotohanan kapag hinahangad nila ito. Nangangahulugan ito na tanging ang mga may normal na ideya at mga normal na pananaw, perspektiba, at paninindigan sa mga tao at bagay ang magkakamit ng mga partikular na resulta sa kanilang paghahangad sa katotohanan. Kung ang perspektiba at paninindigan ng isang tao sa mga tao at bagay, at ang kanilang mga ideya, pananaw, at saloobin ay lahat negatibo, hindi umaayon sa konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at radikal, mapagmatigas at marumi—sa madaling salita, kung lahat ng ito ay negatibo, nakapipinsala, at nakapanlulumo—kung hahangarin ng isang taong nagtataglay ng mga ganitong uri ng negatibong ideya at pananaw ang katotohanan, magiging madali ba sa kanya na maunawaan at maisagawa ito? (Hindi.) Madali lang para sa inyo na sabihin iyon mula sa isang teoretikal na perspektiba, pero ang totoo, hindi talaga ninyo ito nauunawaan. Sa madaling salita, patungkol sa iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbabahaginan natin, kung ang isang tao ay may negatibo at hindi tumpak na perspektiba at paninindigan sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay na nakakaharap niya sa kanyang buhay at sa kanyang landas sa buhay, mauunawaan ba niya ang katotohanan? (Hindi.) Kung palagi siyang nagpapakalunod sa mga negatibong emosyon, magkakaroon ba siya ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung palagi siyang pinangingibabawan, kinokontrol, at naiimpluwensyahan ng mga kaisipan at pananaw ng mga negatibong emosyon, hindi ba’t magiging negatibo ang kanyang perspektiba at paninindigan sa lahat ng bagay, at ang kanyang mga pananaw sa mga bagay na nangyayari sa kanya? (Ganoon na nga.) Ano ang ibig sabihin ng “negatibo” rito? Una, masasabi ba natin na sumasalungat ito sa katunayan at mga obhektibong batas? Nilalabag ba nito ang mga batas ng kalikasan na dapat sundin ng tao, gayundin ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Oo.) Kung dala-dala ng mga tao ang mga negatibong ideya at pananaw na ito habang nakikinig at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, makakaya ba talaga nilang tumanggap at magpasakop sa Kanyang mga salita? Makapagpapasakop ba sila sa Diyos at magiging katugma ng Diyos? (Hindi.) Magbigay ng isang halimbawa na naglalarawan nito, upang makita Ko kung naintindihan ninyo. Maghanap ng isang halimbawa kung saan ang isang tao ay nahaharap sa malalaking isyu ng kanyang buhay at kaligtasan, tulad ng mga isyu tungkol sa pag-aasawa, pamilya, mga anak, o karamdaman, tungkol sa kanyang kinabukasan, kapalaran, kung maayos ang takbo ng kanyang buhay, tungkol sa kanyang kahalagahan, katayuan sa lipunan, mga pansaraling interes, at iba pa. (Naaalala ko na nakipagbahaginan ang Diyos noong nakaraan na kapag nagkakasakit ang mga tao, nagpapakalunod sila sa mga negatibong emosyon tulad ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at takot na takot silang mamatay. Nakakaapekto ito sa kanilang kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin at mamuhay nang normal, at hindi nila kayang sumunod sa mga obhektibong batas dahil dito. Ang totoo, ang buhay at kamatayan ng mga tao, kapag nagkasakit sila, at kung gaano sila nagdurusa ay lahat pauna nang itinakda ng Diyos. Dapat harapin at danasin ng mga tao ang mga sitwasyong ito nang may wasto at positibong saloobin. Dapat nilang hanapin ang gamot na kailangan nila, at gawin ang tungkulin na dapat nilang gawin—dapat nilang panatilihin ang isang positibong kalagayan at hindi makulong sa kanilang karamdaman. Ngunit kapag nagpapakalunod ang mga tao sa mga negatibong emosyon, hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi sila naniniwala na pauna nang itinakda ng Diyos ang kanilang buhay at kamatayan. Nag-aalala, natatakot, at nababalisa lamang sila sa kanilang karamdaman. Lalo silang nag-aalala at natatakot—hindi sila pinamumunuan ng katotohanan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, at wala ang Diyos sa puso nila.) Isa iyang magandang halimbawa. May kaugnayan ba ito sa katanungan ng kung anong pananaw ang dapat taglayin ng mga tao sa mahalagang usapin ng buhay at kamatayan? (Oo.) May alam ba kayong lahat tungkol sa paksang ito? Isa itong usapin ng pagharap sa sariling buhay at kamatayan. May kaugnayan ba ito sa mga problema sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao? (Oo.) Isa itong malaking isyu na dapat harapin ng lahat. Kahit na bata ka pa o malusog at hindi ka pa nakaranas ng mga usapin ng buhay at kamatayan, hindi maiiwasang darating ang araw na mararanasan mo ito—isa itong bagay na dapat harapin ng lahat. Bilang isang normal na tao, hindi mahalaga kung personal kang naaapektuhan nito, o kung malayong-malayong mangyari ito sa iyo, ano’t anuman, ito ang pinakamahalagang isyu na haharapin mo sa buhay. Kaya, kapag naharap sa mahalagang usapin ng kamatayan, hindi ba’t dapat na pagnilayan ng mga tao kung paano nila dapat pangasiwaan ang isyung ito? Hindi ba’t panghahawakan nila ang ilang pamamaraan ng tao para harapin ito? Anong mga pananaw ang dapat kapitan ng mga tao? Hindi ba’t isa itong praktikal na isyu? (Oo.) Kung nagpapakalunod ang mga tao sa mga negatibong emosyon, ano ang iisipin nila? Nagbahaginan tayo tungkol dito noon—kung namumuhay ang mga tao sa mga kaisipan at pananaw ng mga negatibong emosyon, naaayon ba sa katotohanan ang kanilang mga kilos at pagpapahayag o hindi? Naaayon ba ang mga ito sa pag-iisip ng normal na pagkatao o hindi? (Hindi ito naaayon.) Hindi naaayon ang mga ito sa pag-iisip ng normal na pagkatao, at lalong hindi naaayon sa katotohanan. Hindi naaayon ang mga ito sa mga obhektibong katunayan o mga obhektibong batas, at tiyak na hindi naaayon sa kataas-tasang kapangyarihan ng Diyos.

Ano ang panghuling resulta ng ating pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon? Paano mo partikular na maisasakilos at maisasagawa ang “pagbitiw” upang taglayin ang pag-iisip at katwiran ng normal na pagkatao, sa madaling salita, upang taglayin ang mga kaisipan, perspektiba, at pananaw na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao at katwiran? Ano ang mga partikular na hakbang o landas ng pagsasagawa ang kabilang sa “pagbitiw” na ito? Hindi ba’t ang unang hakbang ay ang makilala kung tama ang iyong mga pananaw sa mga bagay na kinakaharap mo at kung nagdudulot ng anumang negatibong emosyon ang mga ito? Ito ang unang hakbang. Halimbawa, hinggil sa halimbawang binanggit natin kanina tungkol sa pagharap sa sakit at kamatayan, dapat mo munang suriin ang iyong mga pananaw sa gayong mga usapin, kung mayroon bang anumang negatibong emosyon sa mga ito, tulad ng kung nakararamdam ka ba ng anumang pagkabagabag, pag-aalala, o pagkabalisa tungkol sa mga isyung ito at kung paano lumitaw ang iyong pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa, at dapat mong alamin ang ugat ng mga problemang ito. Sunod, magpatuloy sa pagsusuri, at matutuklasan mo na hindi mo pa lubos na nauunawaan ang mga usaping ito. Hindi mo malinaw na napagtatanto na ang lahat ng sa sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kahit na magkasakit o maharap sila sa kamatayan, hindi dapat masilo ang mga tao sa mga bagay na ito. Sa halip, dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, nang hindi natatakot o nalalamon sa sakit o kamatayan. Hindi sila dapat matakot sa mga bagay na ito, ni hayaang maimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang sariling normal na buhay at pagtupad sa mga tungkulin. Sa isang aspeto, dapat nilang aktibong danasin at pahalagahan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos habang dumaranas ng karamdaman, at maaari silang magpagamot kung kinakailangan. Ibig sabihin, dapat nilang aktibong harapin, danasin, at pahalagahan ang proseso. Sa ibang aspeto, dapat silang magkaroon ng tamang pagkaunawa sa puso nila tungkol sa mga bagay na ito at maniwala na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaari lamang gawin ng mga tao ang kanilang parte, at para sa mga natitirang parte, dapat na silang magpasakop sa kalooban ng Langit. Sapagkat ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang buhay at kamatayan ng mga tao ay pauna nang itinakda ng Diyos. Kahit pa gawin ng mga tao ang dapat nilang gawin, ang panghuling kalalabasan ng lahat ng ito ay hindi nagbabago ayon sa kanilang kagustuhan, at hindi ito itinatakda ng mga tao, tama ba? (Tama.) Kapag nahaharap sa karamdaman, dapat mong suriin muna ang iyong sariling puso at tukuyin ang anumang negatibong emosyon. Dapat mong suriin ang iyong pagkaunawa sa usapin at ang mga pananaw na pinanghahawakan mo sa iyong puso, kung nasa ilalim ka ba ng kontrol o gapos ng mga negatibong emosyon at kung paano lumitaw ang mga negatibong emosyon na ito. Dapat mong suriin ang mga sumusunod, tulad ng kung ano ang ipinag-aalala mo, kung ano ang iyong kinakatakutan, kung saan ka nakararamdam ng kawalan ng katiyakan, at kung ano ang hindi mo kayang bitiwan dahil sa iyong karamdaman, at pagkatapos ay suriin ang sanhi ng mga bagay na ito na nagpaparamdam sa iyo ng pag-aalala, takot, o pangamba, at unti-unting lutasin ang bawat isa sa mga ito. Dapat mo munang suriin at tuklasin kung umiiral sa loob mo ang mga negatibong elementong ito, at kung ganoon nga, suriin at tiyakin kung tama ang mga ito o kung may mga elemento na hindi umaayon sa katotohanan. Kung nakatutuklas ka ng mga elementong hindi naaayon sa katotohanan, dapat mong hanapin ang mga sagot sa mga salita ng Diyos at unti-unting hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong sikaping maabot ang isang kalagayan kung saan hindi ka nababagabag, naaapektuhan, o nakagapos sa mga negatibong elementong ito, nang sa gayon ay hindi nito maapektuhan ang iyong normal na buhay o trabaho o ang pagganap sa iyong mga tungkulin, o makagambala sa kaayusan ng iyong buhay. At, siyempre, hindi ito dapat makaapekto sa iyong pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Bilang buod, ang layon ay upang magawa mong harapin ang mga ganitong uri ng problemang nararanasan mo o mararanasan, nang may katwiran, kawastuhan, kawalang-kinikilingan, at katumpakan. Hindi ba’t ito ang proseso ng pagbitiw? (Oo.) Ito ang partikular na landas ng pagsasagawa. Maaari ba ninyong ibuod kung ano ang partikular na landas ng pagsasagawa? (Una, kailangang maunawaan ng isang tao ang bagay na kinakaharap niya, suriin kung mayroon siyang anumang negatibong emosyon sa prosesong ito, pagkatapos ay maghanap siya ng mga kasagutan sa mga salita ng Diyos, hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito, at huwag hayaan ang kanyang sarili na mabagabag ng mga negatibong emosyong ito, ni maapektuhan ang kanyang buhay at ang pagtupad ng kanyang mga tungkulin. Gayundin, dapat siyang maniwala na ang mga bagay na kinakaharap niya ay nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kapag may ganitong uri ng pagkaunawa, magagawa ng mga tao na magpasakop at isakatuparan ang isang positibo at maagap na pagsasagawa sa huli.) Sabihin mo sa Akin, kung ang mga tao ay namumuhay sa mga negatibong emosyon, ano ang karaniwan nilang pag-uugali tuwing nahaharap sila sa karamdaman? Paano mo malalaman kung mayroon kang mga negatibong emosyon? (Una, may matinding takot, at kung anu-ano ang maiisip natin tulad ng, “Anong uri ng sakit ito? Magdurusa ba ako nang husto kung hindi ko ito mapapagamot? Mamamatay ba ako dahil dito sa huli? Magagawa ko pa ba ang tungkulin ko kalaunan?” Pag-iisipan natin ang mga bagay na ito, mag-aalala tayo tungkol sa mga ito, at matatakot. Ang ilang tao ay nagsisimulang mas bigyang-pansin ang kanilang kalusugan, hindi handang bayaran ang halaga ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin, iniisip na kung hindi sila gaanong magbabayad ng halaga, maaaring maibsan ang kanilang karamdaman. Lahat ito ay negatibong emosyon.) Ang mga negatibong emosyon ay maaaring suriin mula sa dalawang anggulo. Sa isang anggulo, dapat mong malaman kung ano ang iniisip mo sa iyong sariling isipan. Kapag nagkasakit ka, marahil ay iisipin mong, “Naku, paano ko nakuha ang sakit na ito? Nahawaan ba ako nito? Dahil ba ito sa pagod ako? Kung patuloy kong papagurin ang sarili ko, mas lalala ba ang karamdamang ito? Mas magiging masakit ba ito?” Ito ay isang anggulo; mahihiwatigan mo ang mga bagay-bagay sa loob ng iyong isipan. Sa ibang anggulo, kapag mayroon kang ganitong mga iniisip, paano naipapamalas ang mga ito sa iyong pag-uugali? Kapag ang mga tao ay may mga iniisip, naiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang mga kilos. Ang mga kilos, pag-uugali, at pamamaraan ng mga tao ay lahat pinamumunuan ng iba’t ibang kaisipan. Kapag ang mga tao ay may ganitong mga negatibong emosyon, nagbubunga ito ng iba’t ibang kaisipan, at pinamumunuan sila ng mga kaisipang ito, at nagbabago ang kanilang mga saloobin o pamamaraan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Halimbawa, sa nakaraan, kung minsan ay sinisimulan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin pagkagising na pagkagising nila. Pero ngayon, kapag oras na para bumangon sa kama, napapaisip sila, “Maaari kayang dahil sa sobrang pagod ang sakit na ito? Siguro kailangan ko pang matulog nang kaunti. Masyado akong nagdusa noon at napapagod nang husto. Ngayon kailangan kong tumutok sa pag-aalaga sa aking katawan para hindi na lumala ang sakit.” Dahil pinangungunahan ng mga aktibong kaisipang ito, sa huli ay mas matagal na silang bumabangon kaysa sa nakagawian. Pagdating sa pagkain, iniisip nila, “Maaaring may kaugnayan ang sakit ko sa kakulangan sa nutrisyon. Noon, pwede akong kumain ng kahit ano, pero ngayon kailangan kong maging mapili. Dapat akong kumain ng mas maraming itlog at karne upang tumaas ang aking nutrisyon at lumakas ang katawan ko—sa ganitong paraan, hindi na ako magdurusa pa sa sakit ko.” Pagdating sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, palagi rin nilang iniisip kung paano aalagaan ang kanilang katawan. Noon, pagkatapos ng tuluy-tuloy na pagtatrabaho sa loob ng isa o dalawang oras, nag-iinat lang sila o tumatayo at gumagalaw-galaw. Pero ngayon, nagtatakda sila ng patakaran para sa kanilang sarili na gumalaw-galaw kada kalahating oras, upang hindi sila mapagod. Sa tuwing nagbabahaginan sa mga pagtitipon, sinisikap nilang magsalita nang kaunti hangga’t maaari, iniisip na, “Kailangan kong matutong alagaan ang katawan ko.” Noon, anuman ang itanong ng isang tao, o kahit kailan ito itanong, sasagot sila nang walang pag-aalinlangan. Pero ngayon, gusto nilang hindi gaanong magsalita, para magtipid ng lakas, at kung may isang taong napakaraming katanungan, sasabihin nilang, “Kailangan ko nang magpahinga.” Kita mo, lalo silang nag-aalala tungkol sa kanilang pisikal na katawan, na hindi katulad ng dati. Kadalasan ay palagi rin nilang binibigyang-pansin ang pag-inom ng mga suplemento sa pagkain, kumakain sila ng prutas at regular na nag-eehersisyo. Iniisip nila, “Noon, masyado akong hangal at ignorante at hindi ko alam kung paano alagaan ang aking katawan. Sinunod ko ang aking hilig sa pagkain at nagpakasasa sa katakawan. Ngayong may mga problema na ang katawan ko, kung hindi ko pagtuunang-pansin ang aking kalusugan, at kung lalala ang sakit ko at hindi ko magagampanan ang aking tungkulin, makakatanggap pa rin ba ako ng mga pagpapala? Dapat kong bigyang-pansin ang pag-aalaga sa aking katawan sa hinaharap at huwag hayaang lumitaw ang anumang karamdaman.” Kaya nagsisimula silang bigyang-pansin ang kanilang kalusugan, at hindi na nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang may buong dedikasyon. Nagsisisi pa nga sila at hindi nasisiyahan sa pagdurusang dinaranas at sa halagang ibinabayad nila noon habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t ang mga kaisipan at pag-uugaling ito ay naiimpluwensyahan at nagmumula sa mga negatibong emosyon? Ang mga kaisipan at pag-uugaling ito ay talaga ngang dulot ng mga negatibong emosyong ito. Kung gayon, ang mga pag-iisip at pag-uugaling ito, kalakip ang mga negatibong emosyon nito, ay makakatulong ba sa kanila na magkaroon ng higit na pananampalataya sa Diyos at maging mas tapat sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin? Talagang hindi. Ano ang magiging resulta sa huli? Gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta at walang debosyon. Kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, kaya ba nilang hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? (Hindi, hindi nila kaya.) Gagawin nila ang anumang gusto nila habang pinangungunahan ng mga negatibong emosyong ito, isinasantabi ang katotohanan, hindi ito pinahahalagahan o isinasagawa. Lahat ng kanilang ginagawa, lahat ng kanilang isinasagawa ay iikot sa mga kaisipang nabuo ng sarili nilang mga negatibong emosyon. Makakamit ba ng isang taong tulad nito ang paghahangad sa katotohanan? (Hindi, hindi nila makakamit.) Kung gayon, ang mga ganitong uri ba ng kaisipan ang dapat taglayin na mga kaisipan ng mga taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Dahil ang mga ganitong uri ng kaisipan ay hindi ang mga kaisipang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, sa palagay ninyo, saan sila nagkakamali? (Ang mga tao ay walang anumang pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang totoo, ang mga sakit na ito ay nasa mga kamay ng Diyos lahat. Ang dami ng pagdurusang dapat tiisin ng isang tao ay itinatakda at isinasaayos din ng Diyos. Gayunpaman, kapag namumuhay ang isang tao sa mga negatibong emosyon, may tendensiya siyang magpakana at pinamumunuan siya ng mga maling kaisipan at pananaw. Umaasa siya sa mga pamamaraan ng tao at pinahahalagahan ang kanyang sariling pisikal na katawan.) Tama ba para sa isang tao na pahalagahan ang kanyang pisikal na katawan nang ganito? Kapag ang isang tao ay labis na nag-aalala tungkol sa kanyang pisikal na katawan at pinananatili itong busog, malusog, at malakas, ano ang halaga nito sa kanya? Ano ang kabuluhan ng pamumuhay nang ganito? Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Mangyaring ibahagi ang inyong mga saloobin. (Upang matupad ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. Sabihin ninyo sa Akin, kung ang pang-araw-araw na kilos at kaisipan ng isang tao sa buong buhay niya ay nakatuon lamang sa pag-iwas sa sakit at kamatayan, sa pagpapanatiling malusog at malaya sa mga sakit ang kanilang katawan, at pagsusumikap na magkaroon ng mahabang buhay, ito ba ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? (Hindi.) Hindi iyon ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao. Kaya, ano ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? Ngayon lang, may nagbanggit ng pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha, na isang partikular na aspeto. May iba pa ba? Sabihin ninyo sa Akin ang mga mithiin na karaniwang mayroon kayo habang nananalangin o nagpapasya. (Ang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos para sa amin.) (Ang gampanan nang mabuti ang tungkuling itinalaga ng Diyos para sa amin, at tuparin ang aming misyon at responsabilidad.) May iba pa ba? Sa isang aspeto, ito ay tungkol sa pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pa, ito ay tungkol sa paggawa ng lahat ng bagay na saklaw ng iyong abilidad at kapasidad sa abot ng iyong makakaya, kahit umabot man lang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsiyensiya, kung saan maaaring maging payapa ang konsiyensiya mo at mapatunayang katanggap-tanggap ka sa paningin ng iba. Dagdag pa rito, sa buong buhay mo, saang pamilya ka man isinilang, anuman ang pinag-aralan mo, o mga personal na katangian, dapat mayroon kang pag-unawa sa mga prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao sa buhay. Halimbawa, anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao, paano sila dapat mamuhay, at paano mamuhay nang makabuluhan—dapat mong tuklasin kahit kaunti ang tunay na halaga ng buhay. Hindi maaaring ipamuhay nang walang kabuluhan ang buhay na ito, at hindi maaaring pumarito sa mundong ito ang isang tao nang walang kabuluhan. Sa isa pang aspeto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pinag-uusapan natin; pero kahit papaano, dapat may matamo ka. Halimbawa, sa iglesia, ibinubuhos ng ilang tao ang lahat ng kanilang pagsisikap sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, inilalaan ang lakas ng kanilang buong buhay, nagbabayad ng malaking halaga, at nakapagpapabalik-loob ng maraming tao. Dahil dito, pakiramdam nila ay hindi naging walang kabuluhan ang buhay nila, at na mayroon silang halaga at kapanatagan. Kapag nahaharap sa sakit o kamatayan, kapag ibinubuod ang kanilang buong buhay at ginugunita ang lahat ng kanilang ginawa, ang landas na kanilang tinahak, napapanatag ang kanilang puso. Hindi sila nakokonsiyensiya o nagsisisi. Ang ilang tao ay nagsisikap nang husto habang namumuno sa iglesia o habang nagiging responsable para sa isang partikular na aspeto ng gawain. Inilalabas nila ang kanilang pinakamalaking potensyal, ibinibigay ang lahat ng kanilang lakas, iginugugol ang lahat ng kanilang sigla at binabayaran ang halaga para sa gawain nila. Sa pamamagitan ng kanilang pagdidilig, pamumuno, tulong, at suporta, tinutulungan nila ang maraming tao, sa kabila ng sarili nilang mga kahinaan at pagkanegatibo, na maging matatag at na manindigan, na hindi umatras, at sa halip ay bumalik sa presensya ng Diyos at makapagpatotoo pa nga sa Kanya sa wakas. Higit pa rito, sa panahon ng kanilang pamumuno, naisasakatuparan nila ang maraming mahalagang gawain, inaalis ang higit sa iilang masamang tao, pinoprotektahan ang maraming hinirang ng Diyos, at binabawi ang ilang mabigat na kawalan. Ang lahat ng tagumpay na ito ay nagaganap sa panahon ng kanilang pamumuno. Sa pagbabalik-tanaw sa landas na kanilang tinahak, paggunita sa gawain nila at sa halagang binayad nila sa paglipas ng mga taon, wala silang nararamdamang pagsisisi o pagkakonsiyensiya. Naniniwala sila na wala silang dapat pagsisihan, at namumuhay sila nang may halaga, at katatagan at ginhawa sa puso nila. Kamangha-mangha iyon! Hindi ba’t ito ang resulta? (Oo.) Ang pakiramdam na ito ng katatagan at kaginhawaan, ang kawalan ng pinagsisisihan, ang mga ito ang resulta at gantimpala ng paghahangad sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Huwag tayong magtakda ng matataas na pamantayan para sa mga tao. Isaalang-alang natin ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ang isang tao sa isang gampanin na dapat niyang gawin o gustong gawin sa kanyang buhay. Matapos matuklasan ang kanyang layon, matatag siyang naninindigan sa kanyang posisyon, pinanghahawakan ang kanyang posisyon, nagsusumikap nang husto, nagbabayad ng halaga, at naglalaan ng lahat ng kanyang lakas upang magawa at matapos ang dapat niyang pagsikapan at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na siya sa harap ng Diyos para mag-ulat, medyo nasisiyahan siya, nararamdaman niyang malinis ang kanyang konsiyensiya o na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang puso. Maginhawa ang kalooban niya at nararamdaman niyang nagantimpalaan siya, na nakapamuhay siya nang may halaga. Hindi ba’t isa itong makabuluhang layon? Anuman ang sukat nito, sabihin mo sa Akin, praktikal ba ito? (Ito ay praktikal.) Ito ba ay espesipiko? Sapat na itong espesipiko, praktikal, at makatotohanan. Kaya, upang makapamuhay siya nang may halaga at sa huli ay makamit ang ganitong uri ng gantimpala, sa tingin mo ba ay sulit para sa pisikal na katawan ng isang tao na magdusa nang kaunti at magbayad ng kaunting halaga, kahit na nakararanas siya ng pagkahapo at pisikal na karamdaman? (Sulit ito.) Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para lamang sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para lamang sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin at unawain ang katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka dapat mag-atubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang mas nakakatulong sa isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang ibig sabihin ng mamuhay nang makabuluhan ay ang makaramdam ng mga resulta at kaginhawaan sa puso mo. Paano naman iyong mga busog, at nagpapanatili ng kulay-rosas na kutis hanggang kamatayan? Hindi sila naghahangad ng makabuluhang buhay, kaya, ano ang nararamdaman nila kapag namatay sila? (Na parang namuhay sila nang walang kabuluhan.) Ang apat na salitang ito ay tumatagos—namumuhay nang walang kabuluhan. Ano ang ibig sabihin ng “namumuhay nang walang kabuluhan”? (Ang sayangin ang buhay ng isang tao.) Namumuhay nang walang kabuluhan, sinasayang ang buhay ng isang tao—ano ang batayan ng dalawang pariralang ito? (Sa dulo ng kanilang buhay, napagtatanto nila na wala silang nakamit.) Ano ang dapat makamit ng isang tao kung gayon? (Dapat niyang makamit ang katotohanan o maisakatuparan ang mga mahalaga at makabuluhang bagay sa buhay na ito. Dapat niyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang nilikha. Kung mabibigo siyang gawin ang lahat ng iyon at mamumuhay lamang para sa kanyang pisikal na katawan, mararamdaman niya na hindi naging makabuluhan ang buhay niya at nasayang lang ito.) Kapag nahaharap sa kamatayan, pagninilayan niya ang kanyang nagawa sa buong buhay niya. Sasabihin niyang, “Ang iniisip ko lang araw-araw ay kumain, uminom, at magsaya. Mabuti ang kalusugan ko, at hindi ako nakaranas ng anumang sakit. Naging mapayapa ang buong buhay ko. Pero ngayong tumatanda na ako at malapit nang mamatay, saan ako pupunta pagkatapos mamatay? Pupunta ba ako sa impiyerno o sa langit? Paano isasaayos ng Diyos ang katapusan ko? Saan ako pupunta para sa aking hantungan?” Hindi siya mapapalagay. Dahil tinatamasa niya ang pisikal na kaginhawahan sa buong buhay niya, wala siyang anumang kamalayan noon, pero ngayon ay hindi siya mapalagay habang papalapit na ang kamatayan. Dahil nababalisa siya, hindi ba’t naiisip niyang bumawi sa mga kamaliang nagawa? May oras pa ba para bumawi sa puntong iyon? (Wala nang oras.) Wala na siyang lakas na tumakbo pa, ni wala na siyang lakas na magsalita. Kahit na gusto niyang magbayad ng kaunting halaga o magtiis ng kaunting paghihirap, hindi sapat ang kanyang pisikal na lakas. Kahit na gusto niyang lumabas at ipangaral ang ebanghelyo, hindi nakakondisyon ang kanyang katawan para dito. Higit pa rito, hindi niya nauunawaan ang anumang katotohanan at hindi makapagbahagi kahit kaunti tungkol dito. Wala na siyang oras para bumawi sa kanyang mga pagkakamali. Sabihin nating gusto niyang makinig sa ilang himno. Habang nakikinig, naiidlip siya. Sabihin nating gusto niyang makinig sa isang sermon. Habang nakikinig, inaantok siya. Wala na siyang sigla, at hindi na maituon ang kanyang atensiyon. Iniisip niya kung ano ang ginawa niya sa lahat ng taong iyon, at kung saan niya ginugol ang kanyang lakas. Ngayon, matanda na siya, at gusto niyang asikasuhin ang nararapat na gawain para sa kanya, pero hindi na siya pinahihintulutan ng kanyang nanghihinang katawan. Sadyang wala na siyang lakas, wala na siyang anumang matututunan kahit pa gustuhin niya, at mabagal ang kanyang mga tugon. Hindi niya maunawaan ang maraming katotohanan, at kapag sinusubukan niyang magbahagi sa iba, abala ang lahat at walang oras na makipagbahaginan sa kanya. Wala siyang mga prinsipyo o landas sa anumang ginagawa niya. Ano ang mangyayari sa kanya sa huli? Habang mas nagninilay-nilay siya, mas lalong hindi siya napapalagay. Habang mas nagninilay-nilay siya, mas lalo siyang nakokonsiyensiya. Habang mas nagninilay-nilay siya, mas marami siyang pinagsisisihan. Sa huli, wala na siyang magagawa kundi ang maghintay sa kamatayan. Tapos na ang kanyang buhay, at wala nang paraan para makabawi pa. Nakokonsiyensiya ba siya? (Oo.) Huli na! Wala nang natitirang oras. Kapag nahaharap sa kamatayan, napagtatanto niya na ang pagtatamasa sa isang buhay ng pisikal na kaginhawahan ay pawang walang kabuluhan. Nauunawaan na niya ang lahat, at nais niyang makabalik sa dati para hangarin ang katotohanan at tuparin ang kanyang tungkulin at gawin ang isang bagay nang maayos, ngunit hindi niya kayang makamit ang anuman o magsikap para sa anumang bagay sa anumang aspeto. Malapit nang matapos ang buhay na ito, nagtatapos ito sa pagsisisi, nang may dalang pagkakonsiyensiya at pagkabalisa. Ano ang huling kahihinatnan para sa mga taong tulad nito kapag nahaharap sa kamatayan? Maaari lamang silang mamatay nang nagsisisi, nakokonsiyensiya, at nababalisa. Ang buhay na ito ay naging walang kabuluhan! Ang kanilang pisikal na katawan ay hindi nagtiis ng anumang paghihirap. Nagtamasa lamang sila ng kaginhawahan, nang hindi nalalantad sa hangin o araw, o nang hindi nakikipagsapalaran. Hindi sila nagbayad ng anumang halaga. Namuhay sila nang may mabuting kalusugan, bihirang makaranas ng anumang sakit, halos hindi pa nga sila nagkakasipon. Naalagaan nilang mabuti ang kanilang pisikal na katawan, ngunit sa kasamaang-palad, hindi nila natupad ang anumang tungkulin o nakamit ang anumang katotohanan. Sa sandali lamang ng kamatayan sila nakararamdam ng pagsisisi. At paano kung nagsisisi nga sila? Ito ay tinatawag na pagdurusa bilang resulta ng kanilang sariling mga kilos!

Kung nais ng isang tao na mamuhay nang may halaga at makabuluhan, dapat niyang hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, dapat siyang magkaroon ng tamang pananaw sa buhay, gayundin ng tamang mga kaisipan at pananaw sa iba’t ibang malalaki at maliliit na bagay na kanyang kinakaharap sa buhay at sa kanyang landas sa buhay. Dapat din niyang tingnan ang lahat ng bagay na ito mula sa tamang perspektiba at paninindigan, sa halip na harapin ang iba’t ibang problemang nakakaharap niya sa kanyang buhay o sa kanyang pang-araw-araw na buhay gamit ang labis-labis o radikal na mga kaisipan at pananaw. Siyempre, hindi rin niya dapat tingnan ang mga bagay na ito mula sa isang sekular na perspektiba, at sa halip ay dapat niyang bitiwan ang gayong negatibo at maling mga kaisipan at pananaw. Kung nais mong makamit ito, dapat mo munang suriin, ilantad, at kilalanin ang iba’t ibang negatibong kaisipan na kinikimkim ng mga tao, at pagkatapos ay magawang baguhin at itama ang iyong iba’t ibang negatibong emosyon, bitiwan ang mga ito, at tamuhin ang mga tama at positibong kaisipan at pananaw, gayundin ang mga tamang perspektiba at paninindigan sa pagtingin sa mga tao at bagay. Sa paggawa nito, tataglayin mo ang konsiyensiya at katwiran na kinakailangan para mahangad ang katotohanan. Siyempre, partikular na masasabing kapag ang isang tao ay nagtataglay ng mga tamang pananaw, perspektiba, at paninindigan para sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng normal na pagkatao. Kung nagtataglay ang mga tao ng ganitong uri ng normal na pagkatao at ng mga tamang kaisipan at pananaw na ito, nagiging hindi gaanong mahirap at nagiging lubos na mas madali para sa kanila na hangarin ang katotohanan. Katulad ito ng kapag nais ng isang tao na marating ang isang destinasyon—kung siya ay nasa tamang landas at patungo sa tamang direksyon, anuman ang kanyang bilis, makakarating siya sa destinasyong iyon sa huli. Gayunpaman, kung ang isang tao ay patungo sa direksyon na salungat sa kanyang nilalayon na patutunguhan, gaano man siya kabilis o kabagal, mas mapapalayo lamang siya sa kanyang layon. Ano ang tingin mo sa idyomang iyon? “Sinusubukang pumunta sa timog sa pamamagitan ng pagmamaneho pa-hilaga.” Katulad lang ito ng kung paanong nananampalataya sa Diyos ang ilang tao at nagnanais ng kaligtasan, ngunit hinahangad nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, na nangangahulugan na hindi nila makakamit ang kaligtasan. Ano ang kanilang kalalabasan sa huli? Tiyak na sila ay maparurusahan. Upang magbigay ng isang halimbawa, sabihin nating ang isang tao ay nagkaroon ng cancer at natatakot siyang mamatay. Ayaw niyang tanggapin ang kamatayan at palagi siyang nagdarasal sa Diyos na protektahan siya mula sa kamatayan at pahabain ang kanyang buhay nang ilang taon pa. Dala-dala niya ang mga negatibong emosyon ng pagkabalisa, pag-aalala, at pagkabahala araw-araw, bagaman nagawa niyang mabuhay nang ilan pang taon, natatamo ang kanyang layon at nararanasan ang kaligayahan na nagmumula sa pag-iwas sa kamatayan. Pakiramdam niya ay masuwerte siya, at naniniwala na napakabuti ng Diyos, na ang Diyos ay tunay na kahanga-hanga. Sa pamamagitan ng sariling pagsisikap ng taong iyon, paulit-ulit na pagsusumamo, pagmamahal sa sarili, at pag-aalaga sa sarili, naiiwasan niya ang kamatayan, at sa huli, nagpapatuloy siyang mabuhay, gaya ng nais niya. Nagpapahayag siya ng pasasalamat sa pangangalaga, biyaya, pagmamahal, at awa ng Diyos. Araw-araw siyang nagpapasalamat sa Diyos at lumalapit sa Kanya upang mag-alay ng papuri para dito. Madalas siyang umiiyak habang kumakanta ng mga himno at nagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at iniisip niya kung gaano kamangha-mangha ang Diyos: “Talagang kontrolado ng Diyos ang buhay at kamatayan; tinulutan Niya akong mabuhay.” Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa bawat araw, madalas niyang iniisip kung paano uunahin ang pagdurusa at ilalagay sa huli ang kasiyahan, at kung paano magiging mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng bagay, upang mapangalagaan niya ang kanyang sariling buhay at maiwasan ang kamatayan—sa huli, nabubuhay siya nang ilang taon pa, at lubos na nasisiyahan at masaya. Ngunit isang araw, lumalala ang kanyang sakit, at binibigyan siya ng doktor ng panghuling abiso, sinasabi sa kanya na maghanda na para sa katapusan. Nahaharap siya ngayon sa kamatayan; tunay na nasa bingit na siya ng kamatayan. Ano kaya ang magiging reaksyon niya? Dumating na ang pinakakinatatakutan niya, nangyayari na ang pinaka-inaalala niya. Dumating na ang araw na pinakaayaw niyang makita at maranasan. Sa isang iglap, nasisiraan siya ng loob at nawawalan ng pag-asa. Ayaw na niyang gampanan ang kanyang tungkulin, at wala na siyang mga natitirang salita para ipanalangin sa Diyos. Ayaw na niyang purihin ang Diyos o pakinggan ang Diyos na magsalita ng anumang salita o magtustos ng anumang katotohanan. Hindi na siya naniniwala na ang Diyos ay pagmamahal, katuwiran, awa, at kabaitan. Kasabay nito, nagsisisi siya, “Sa lahat ng taon na ito, nakalimutan kong kumain ng mas masarap na pagkain at lumabas at magsaya sa mga libre kong oras. Ngayon wala na akong pagkakataon na gawin ang mga bagay na iyon.” Puno ng mga hinaing at panaghoy ang isipan niya, at puno ng pasakit ang puso niya, pati na rin ng mga reklamo, hinanakit, at pagtatatwa sa Diyos. Pagkatapos, nang may pagsisisi, nililisan niya ang mundong ito. Bago siya umalis, nasa puso pa rin ba niya ang Diyos? Naniniwala pa rin ba siya sa pag-iral ng Diyos? (Hindi na siya naniniwala.) Paano nangyari ang kinalabasang ito? Hindi ba’t nagsimula ito sa mga maling pananaw na pinanghahawakan niya tungkol sa buhay at kamatayan mula pa sa simula? (Oo.) Hindi lamang siya nagtataglay ng maling mga kaisipan at pananaw mula sa simula, kundi ang mas malala pa, pagkatapos nito ay sumunod at umayon siya sa sarili niyang mga kaisipan at pananaw sa kanyang paghahangad pasulong. Hindi siya kailanman sumuko, at sumugod at tumakbo siya papunta sa maling landas nang hindi lumilingon. Bilang resulta, nawalan siya ng pananalig sa Diyos sa huli—ang kanyang paglalakbay sa pananalig ay nagtapos sa ganitong paraan, at ganoon nagwakas ang kanyang buhay. Natamo ba niya ang katotohanan? Nakamit ba siya ng Diyos? (Hindi.) Nang sa wakas ay mamatay siya, nagbago ba ang mga perspektiba at saloobin sa kamatayan na pinanghahawakan niya? (Hindi.) Namatay ba siya nang may ginhawa, kagalakan, at kapayapaan, o nang may pagsisisi, pag-aatubili, at sama ng loob? (Namatay siya nang may pag-aatubili at sama ng loob.) Wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan, at hindi rin siya nakamit ng Diyos. Kaya, masasabi ba ninyo na natamo ng ganitong uri ng tao ang kaligtasan? (Hindi.) Hindi siya naligtas. Bago siya namatay, hindi ba’t hindi siya masyadong nagpakaabala at gumugol nang husto? (Oo, ganoon na nga.) Tulad ng ibang tao, nanampalataya siya sa Diyos at tinupad ang kanyang tungkulin, at sa panlabas, tila wala siyang pagkakaiba sa iba. Nang makaranas siya ng sakit at kamatayan, nagdasal siya sa Diyos at hindi pa rin niya tinalikuran ang kanyang tungkulin. Patuloy siyang nagtatrabaho gaya ng dati. Gayunpaman, mayroong isang bagay na dapat maunawaan at makita ng mga tao: Ang mga kaisipan at pananaw na kinikimkim ng taong ito ay palaging negatibo at mali. Gaano man siya nagdusa o gaano man kalaki ang halagang ibinayad niya habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kinimkim niya ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa kanyang paghahangad. Palagi siyang pinamumunuan ng mga ito at dinadala ang kanyang mga negatibong emosyon sa kanyang tungkulin, naghahangad na ialay sa Diyos ang pagtupad ng kanyang tungkulin kapalit ng sarili niyang kaligtasan, para makamit ang kanyang pakay. Ang layon ng kanyang paghahangad ay hindi upang maunawaan o makamit ang katotohanan, o magpasakop sa lahat ng pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang layon ng kanyang paghahangad ay ang mismong kabaligtaran nito. Nais niyang mamuhay ayon sa sarili niyang kagustuhan at mga hinihingi, makuha ang nais niyang hangarin. Gusto niyang isaayos at pangasiwaan ang sarili niyang kapalaran at maging ang sarili niyang buhay at kamatayan. At kaya, sa huli, ang nagiging kahihinatnan niya ay na wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan at sa huli ay itinatwa niya ang Diyos, at nawalan siya ng pananalig sa Diyos. Kahit na papalapit na ang kamatayan, bigo pa rin siyang maunawaan kung paano dapat mamuhay ang mga tao at kung paano dapat ituring ng isang nilikha ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Iyon ang pinakakahabag-habag at pinakakalunos-lunos na bagay sa kanya. Kahit nasa bingit na ng kamatayan, bigo siyang maunawaan na sa buong buhay ng isang tao, ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Kung nais ng Lumikha na mabuhay ka, kung gayon, kahit na naghihirap ka sa isang nakamamatay na sakit, hindi ka mamamatay. Kung nais ng Lumikha na mamatay ka, kung gayon, kahit na bata ka pa, malusog, at malakas, kapag oras mo na, dapat kang mamatay. Ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, ito ang awtoridad ng Diyos, at walang sinuman ang makakahigit dito. Nabigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katotohanan—hindi ba’t kahabag-habag iyon? (Oo.) Sa kabila ng pananampalataya niya sa Diyos, pagdalo sa mga pagtitipon, pakikinig sa mga sermon, at pagtupad sa kanyang tungkulin, sa kabila ng kanyang paniniwala sa pag-iral ng Diyos, paulit-ulit siyang tumatangging kilalanin na ang tadhana ng tao, kabilang na ang buhay at kamatayan, ay nasa mga kamay ng Diyos sa halip na nasasailalim sa kagustuhan ng tao. Walang namamatay dahil lang sa gusto ng taong iyon, at walang nabubuhay dahil lang sa gusto niyang mabuhay at takot siya sa kamatayan. Bigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katunayan, bigo siyang makita ito kahit na nahaharap sa nalalapit na kamatayan, at hindi pa rin niya alam na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay hindi itinatakda ng kanyang sarili, at sa halip ay nakasalalay ito sa paunang pagtatalaga ng Lumikha. Hindi ba’t kalunos-lunos ito? (Oo.) Samakatuwid, bagamat tila hindi mahalaga sa mga tao ang iba’t ibang negatibong emosyon, lahat sila ay kabilang sa saloobin ng isang tao sa pagtingin sa mga tao at mga bagay sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Kung positibong mahaharap ng isang tao ang bawat uri ng bagay na nangyayari sa isang normal na buhay at pag-iral ng tao, medyo magiging mas kaunti ang kanyang mga negatibong emosyon. Masasabi rin na ang kanyang konsiyensiya at katwiran ay magiging medyo normal, kaya’t magiging mas madali para sa kanya na hangarin ang katotohanan at pumasok sa realidad, binabawasan ang mga paghihirap at hadlang na kakaharapin niya. Kung ang puso ng isang tao ay puspos ng lahat ng uri ng negatibong emosyon, na nangangahulugan na punong-puno siya ng iba’t ibang negatibong kaisipan sa kanyang pagharap sa mga hamon ng buhay at pag-iral, kung gayon, mahaharap siya sa mas maraming hadlang at paghihirap sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Kung hindi malakas ang kagustuhan niyang hangarin ang katotohanan, kung wala siyang labis na sigasig, o napakalaking pagnanais para sa Diyos, kung gayon, magiging malaki ang mga paghihirap at hadlang na kakaharapin niya sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na mahihirapan siyang pumasok sa katotohanang realidad. Kung isinasantabi ang kalubhaan ng kanyang tiwaling disposisyon, magagapos na siya ng mga negatibong emosyon lang na ito, na magpapahirap sa kanyang bawat hakbang. Kapag ang ilang tao ay nahaharap sa poot, galit, iba’t ibang uri ng pasakit, o iba pang problema, ang iba’t ibang saloobin na umuusbong mula sa kanila ay negatibo. Ibig sabihin, sa halos lahat ng bagay, palaging pinangingibabawan ng mga negatibong emosyon ang kanyang katayuan. Kung wala ka ng kinakailangang determinasyon at tiyaga para malutas ang mga negatibong emosyon na ito at makaahon mula sa katayuang ito ng mga negatibong emosyon, magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Hindi ito magiging madali. Nangangahulugan ito na bago pumasok sa realidad ng paghahangad sa katotohanan, dapat munang taglayin ng mga tao ang pinakapangunahing tamang pag-iisip, pananaw, at paninindigan hinggil sa bawat problemang nauugnay sa normal na pagkatao. Saka lamang nila mauunawaan at matatanggap ang katotohanan, at unti-unti silang makapapasok sa katotohanang realidad. Bago pormal na hangarin ang katotohanan, kailangan mo munang lutasin ang iyong iba’t ibang negatibong emosyon at lampasan ang yugtong ito. Sa sandaling malampasan ng mga tao ang yugtong ito, at tama lahat ang kanilang mga kaisipan at pananaw hinggil sa iba’t ibang bagay, gayundin ang perspektiba at paninindigan nila sa pagtingin ng mga tao at mga bagay, kung gayon, magiging mas madali para sa kanila ang paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad.