Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5 (Ikalawang Bahagi)
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa mga negatibong emosyon gaya ng pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa. Ngayon, pagbabahaginan natin ang isa pang aspeto ng mga negatibong emosyon, na sa diwa ay halos kapareho lang ng pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa pero lalo pang negatibo ang kalikasan. Ano ang emosyong ito? Ito ay ang lagay ng pag-iisip na pinakamadalas na nakakatagpo ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay—ang pagkasupil. Narinig na ba ninyong lahat ang salitang “pagkasupil”? (Oo, narinig na namin.) Kung gayon, pakiusap ay gumawa kayo ng isang pangungusap o magbigay kayo ng isang halimbawa na gumagamit sa salitang “pagkasupil.” Magsisimula Ako ng isa. Sinasabi ng ilang tao, “O, madalas pakiramdam ko ay nasusupil ako habang tinutupad ko ang aking tungkulin, at hindi ako makawala roon.” Tama ba ang pagkakagawa sa pangungusap na ito? (Oo.) Ngayon, kayo naman. (Palagi akong naghahayag ng katiwalian kapag may nangyayari sa akin, at palagi kong kailangang magnilay at subukang kilalanin ang aking sarili, kaya pakiramdam ko ay nasusupil ako.) Pakiramdam mo ay nasusupil ka dahil sinusubukan mo masyadong kilalanin ang sarili mo. Ano ang konteksto sa pagkasupil na ito? Ano ang nagsasanhi nito? Iyon ay na alam mong wala ka talaga, at tila ba walang naghihintay sa iyong pagkakataon o hantungan, at na wala kang pag-asang maligtas kailanman, kaya pakiramdam mo ay nasusupil ka. Sino pang gustong magbahagi? (Sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pananalig sa Diyos ay nagpaparamdam sa mga tao na nasusupil sila.) Ito ay pagkaramdam na nasusupil dahil sa kapaligiran ng isang tao. (Ang palaging pangasiwaan ng aking lider habang tinutupad ko ang aking tungkulin ay nagpaparamdam sa akin na nasusupil ako.) Maganda ang pagkakasabi niyan, napakakongkretong ipinapahayag niyan ang emosyon ng pagkasupil. (Palagi akong nahaharap sa mga kabiguan at dagok habang tinutupad ko ang aking tungkulin, dahil dito, pakiramdam ko ay nasusupil ako.) Pakiramdam ninyo ay nasusupil kayo dahil sa mga dagok at kabiguan, na para bang walang daan pasulong. Kapag mabagal na umuusad ang inyong gawain, pakiramdam ba ninyo ay nasusupil kayo? (Oo.) Mayroon iyang medyo positibong ipinahihiwatig. Magsabi pa kayo ng iba sa Akin. (Pakiramdam ko ay nasusupil ako kapag palagi akong iwinawasto at pinupungusan habang tinutupad ko ang aking tungkulin.) Iyan ang realidad, hindi ba? (Pakiramdam ko ay nasusupil ako kapag hindi ako nakakukuha ng magagandang resulta sa aking tungkulin.) Ano ang dahilan ng pagkasupil na ito? Talaga bang dahil ito sa hindi kayo nakakuha ng magagandang resulta? Hindi ba’t natatakot kayo na iaangkop ang inyong tungkulin o na palalayasin kayo? (Oo.) Ito ang mga kongkretong dahilan ng inyong pagkasupil. May iba pa bang pagkaramdam ng pagkasupil? Sabihin ninyo sa Akin ang mga iyon. (Mas magaling sa akin ang lahat ng kapareha ko, kaya pakiramdam ko ay nasusupil ako.) Iyan ang problemang idinudulot ng inggit—ang pagkasupil. May iba pa bang isyu ng pagkasupil? (Pakiramdam ko ay nasusupil ako dahil sa matagal nang kawalan ng pag-usad sa aking linya ng gawain.) Ito ba ay pagkagipit o pagkasupil? Ito ay kaunting pagkagipit. Isang mabuting bagay ang pagkakaroon ng pagkagipit na ito, kung gayon. Hindi ba’t kailangan lang ninyong gawing motibasyon ang pagkagipit na ito? Kapag palaging iniaangkop ang mga tungkulin ng mga miyembro ng bawat pangkat, hindi ba’t pakiramdam ninyo ay nasusupil kayo? (Oo.) Pakiramdam ninyo ay nasusupil din kayo, kung gayon. Mula sa mga pangungusap na inyong ibinigay, tila ba lahat kayo ay nararanasan ang emosyon na pagkasupil. Tila ba ang natatagong sarili ng mga tao ay lubhang hindi mapakali, palaging balisa, at nasa ilalim ng isang uri ng di-nakikitang pagkagipit, kung kaya’t umuusbong sa kalooban nila ang emosyon na pagkasupil, at pagkatapos ay namumuhay sila sa gitna ng negatibong emosyon na pagkasupil. Isa ba itong mabuting bagay? (Hindi, hindi ito mabuti.) Hindi ito isang mabuting bagay. Hindi ba’t dapat itong lutasin, kung gayon? Dahil hindi ito isang mabuting bagay, dapat itong lutasin. Kapag palaging namumuhay ang mga tao sa gitna ng isang negatibong emosyon, alinmang emosyon iyon, sa mas mababang antas ay maaari itong magkaroon ng masasamang epekto sa kanilang katawan at isipan, na pipigil sa kanila na mamuhay nang malusog at lumaking malakas. Sa mas mataas na antas, ang epekto ng iba’t ibang negatibong emosyon sa mga tao ay hindi limitado sa mga pangunahin nilang pangangailangan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, gaya ng pagkain, kasuotan, tirahan, at transportasyon. Higit pang mahalaga, naaapektuhan nito kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay-bagay, pati na rin ang kanilang asal at mga kilos. Sa mas partikular, iniimpluwensyahan nito ang kanilang bilis, pag-usad, at pagiging epektibo sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, higit pang mahalaga ay naaapektuhan nito kung ano ang natatamo nila sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin at ang mga pakinabang na dapat maani ng mga tao mula sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Palaging ginagambala at nililimitahan ng mga negatibong emosyong ito ang kaisipan ng mga tao, ang puso nila ay palaging ginugulo, at madalas silang namumuhay sa mga damdamin gaya ng pagkabagabag, pagkabalisa, at kapusukan. Kapag nakukulong ang mga tao sa mga damdaming ito, nagagambala, naaapektuhan, at nasisira ang kanilang normal na konsiyensiya at katwiran, pati na ang kanilang normal na mga buhay at ang kanilang normal na pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Kaya, dapat mong agad na lutasin ang mga negatibong emosyong ito at iwasan na lalo pang maapektuhan ng mga ito ang iyong normal na buhay at gawain. Ang konsepto ng pagkasupil na tinalakay natin ngayon ay may kaparehong diwa ng iba’t ibang negatibong emosyong pinag-usapan natin noong nakaraan. Kadalasan ay nag-aalala at nag-aalinlangan ang mga tao sa napakaraming bagay, o nagkikimkim ng maraming pagkabalisa sa kaibuturan ng kanilang puso, kaya pakiramdam nila ay nasusupil sila. Kung matagal na mananatiling hindi nalulutas ang emosyong ito na pagkasupil, lalo pang magiging balisa at nababagabag ang mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa ilang partikular na kapaligiran at konteksto, maaari pa ngang makawala ang mga tao sa kontrol ng konsiyensiya at katwiran ng pagkatao, makagawa ng ilang sukdulang pamamaraan para mapagtagumpayan ang kanilang mga sitwasyon. Ito ay dahil mayroong hangganan ang likas na kakayahan ng katawan ng tao na kayanin ang ilang negatibong emosyon. Kapag naabot na ang hangganan at sukdulang iyon, makakawala ang mga tao sa mga limitasyon ng katwiran ng pagkatao at gagamit sila ng ilang sukdulang pamamaraan para mailabas ang kanilang mga emosyon, at para mailabas ang lahat ng uri ng di-makatwirang ideya na nasa kaibuturan ng kanilang puso.
Nagpahayag lang kayo ng ilan sa iba’t ibang dahilan kung kaya’t pakiramdam ng mga tao ay nasusupil sila sa pamamagitan ng mga pangungusap na ibinigay ninyo. Ngayon ay pangunahin nating pagbabahaginan ang tatlo sa mga sanhi at dahilan kung bakit umuusbong sa mga tao ang negatibong emosyong ito na pagkasupil. Ang una ay na maraming tao, sa kanilang pang-araw-araw na buhay man o sa proseso ng pagtupad ng kanilang mga tungkulin, ang nadarama na hindi nila maaaring gawin kung ano ang gusto nila. Ito ang unang dahilan: ang kawalan ng kakayahang gawin ng isang tao ang kanyang gusto. Ano ang ibig sabihin ng hindi magawa ng isang tao kung ano ang gusto niya? Ang ibig sabihin nito ay ang hindi magawang kumilos ayon sa bawat pagnanais na sumasagi sa isip ng isang tao. Ang magawa ang gusto niya, kung kailan niya gusto, at kung paano niya gusto ay isang bagay na hinihingi ng mga taong ito kapwa sa kanilang trabaho at buhay. Subalit, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kasama na ang mga batas, kapaligirang pinamumuhayan, o mga patakaran, sistema, kondisyon, at pamamaraan ng pagdidisiplina ng isang grupo, at iba pa, hindi makakilos ang mga tao ayon sa sarili nilang mga kagustuhan at imahinasyon. Dahil dito, pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso ay nasusupil sila. Sa diretsahang pananalita, nangyayari ang pagkasupil na ito dahil ang pakiramdam ng mga tao ay agrabyado sila—ang pakiramdam pa nga ng ilang tao ay na ginawan sila ng mali. Sa prangkang pananalita, ang hindi magawa ng isang tao ang gusto niya ay nangangahulugang hindi siya makakikilos nang ayon sa sarili niyang kalooban—nangangahulugan ito na hindi maaaring maging sutil o malayang mapagpalayaw ang isang tao dahil sa iba’t ibang kadahilanan at mga paglilimita ng iba’t ibang obhetibong kapaligiran at kondisyon. Halimbawa, ang ilang tao ay palaging pabasta-basta at naghahanap ng mga pamamaraan para magtamad-tamaran habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung minsan, kailangan sa gawain ng iglesia ang pagmamadali, pero gusto lang nilang gawin kung ano ang gusto nila. Kung hindi gaanong maganda ang pakiramdam ng katawan nila, o kung hindi maganda ang lagay ng kalooban nila o malungkot sila nang dalawang araw, ayaw nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magawa ang gawain ng iglesia. Sa partikular ay tamad sila at nag-aasam ng ginhawa. Kapag wala silang motibasyon, magiging mabagal ang kanilang katawan, at hindi nila gugustuhing gumalaw, pero natatakot silang iwasto ng mga lider at tawaging tamad ng kanilang mga kapatid, kaya wala silang magawa kundi gampanan ang gawain nang mabigat ang loob kasama ng lahat ng iba. Subalit, labis silang magiging umaayaw, hindi masaya, at napipilitan dito. Madarama nilang ginawan sila ng masama, na inagrabyado sila, na naiinis sila, at pagod na pagod. Gusto nilang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, pero hindi sila nangangahas na kumawala o sumalungat sa mga hinihingi at kondisyon ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, sa paglipas ng panahon ay nagsisimulang umusbong sa kalooban nila ang isang emosyon—ang pagkasupil. Sa sandaling mag-ugat sa kanila ang emosyon na pagkasupil na ito, magsisimula silang unti-unting magmukhang balisa at mahina. Gaya ng isang makina, hindi na sila magkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa ginagawa nila, pero gagawin pa rin nila ang anumang sabihin sa kanilang gawin araw-araw, sa paraang sabihin sa kanilang gawin iyon. Bagamat sa panlabas ay magpapatuloy silang isagawa ang kanilang mga gampanin nang hindi humihinto, nang hindi tumitigil sandali, nang hindi lumalayo sa kapaligiran ng kanilang pagganap sa kanilang tungkulin, sa kanilang puso ay mararamdaman nilang nasusupil sila, at iisipin nila na ang buhay nila ay sobrang nakakapagod at puno ng hinaing. Ang pinakaninanasa nila sa kasalukuyan ay na balang araw ay hindi na sila kokontrolin ng iba, hindi na lilimitahan ng mga kondisyon ng sambahayan ng Diyos, at mapapalaya na sila sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Gusto nilang gawin ang anumang gusto nila, kung kailan man nila gusto, gumawa ng kaunting gawain kung maganda ang pakiramdam nila, at hindi gumawa kung hindi maganda ang pakiramdam nila. Inaasam nilang hindi masisi, hindi mapungusan o maiwasto kailanman, at hindi mapangasiwaan, masubaybayan, o mapamahalaan ninuman. Iniisip nila na pagdating ng araw na iyon ay magiging magandang araw iyon, at madarama nilang labis silang malaya at napakawalan na. Subalit, ayaw pa rin nilang umalis o sumuko; natatakot sila na kung hindi nila tutuparin ang kanilang mga tungkulin, kung talagang gagawin nila ang gusto nila at magiging malaya at napakawalan na sila balang araw, natural silang mapapalayo sa Diyos, at natatakot sila na kung ayaw na sa kanila ng Diyos ay hindi nila magagawang magtamo ng anumang pagpapala. Nalalagay sa alanganin ang ilang tao: Kung susubukan nilang magreklamo sa kanilang mga kapatid, mahihirapan silang magsalita. Kung babaling sila sa Diyos sa panalangin, madarama nilang hindi nila maibuka ang kanilang bibig. Kung magrereklamo sila, madarama nila na sila mismo ang mali. Kung hindi sila magrereklamo, hindi sila mapapakali. Nagtataka sila kung bakit parang puno ng hinaing ang buhay nila, kung bakit ito napakasalungat sa kalooban nila, at sobrang nakakapagod. Ayaw nilang mamuhay nang ganoon, ayaw nilang maging kaisa ng lahat ng iba, gusto nilang gawin ang anumang gusto nila, kung paano man nila gusto, at nagtataka sila kung bakit hindi nila ito magawa. Dati ay pakiramdam nila na katawan lang nila ang pagod na pagod, pero ngayon, pakiramdam nila ay pagod na rin ang puso nila. Hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t idinudulot ito ng mga emosyon na pagkasupil? (Oo.)
Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi ng lahat na malaya at napakawalan na ang mga nananalig, na partikular na masaya, tahimik, at maligaya ang buhay ng mga nananalig. Bakit hindi ako makapamuhay nang kasingsaya at kasingtahimik ng iba? Bakit wala akong nararamdamang ligaya? Bakit pakiramdam ko ay labis akong nasusupil at pagod na pagod? Bakit ang sasaya ng buhay ng ibang tao? Bakit napakamiserable ng buhay ko?” Sabihin ninyo sa Akin, ano ang sanhi nito? Ano ang dahilan ng kanilang pagkasupil? (Hindi nasiyahan ang pisikal nilang katawan at nagdusa ang kanilang laman.) Kapag nagdurusa ang pisikal na katawan ng isang tao at pakiramdam niya ay ginawan ito ng mali, kung matatanggap niya ito sa kanyang puso at isipan, hindi ba’t madarama niyang hindi na sobrang tindi ang kanyang pisikal na pagdurusa? Kung makahahanap siya ng kaginhawahan, kapayapaan, at kaligayahan sa kanyang puso at isipan, madarama pa ba niyang nasusupil siya? (Hindi.) Kaya, hindi tamang sabihin na ang pagkasupil ay dulot ng pisikal na pagdurusa. Kung umuusbong ang pagkasupil dahil sa labis-labis na pisikal na pagdurusa, hindi ba’t nagdurusa kayo? Pakiramdam ba ninyo ay nasusupil kayo dahil hindi ninyo magawa ang gusto niyo? Nakukulong ba kayo sa mga emosyon na pagkasupil dahil hindi ninyo magawa ang gusto ninyo? (Hindi.) Abala ba kayo sa inyong pang-araw-araw na gawain? (Medyo abala.) Medyo abala nga kayong lahat, nagtatrabaho mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Bukod sa pagtulog at pagkain, ginugugol ninyo ang halos buong araw ninyo sa harap ng isang computer, pinapagod ang inyong mga mata at utak, at labis na pinapagod ang inyong katawan, pero pakiramdam mo ba ay nasusupil ka? Magdudulot ba sa iyo ng pagkasupil ang pagod na ito? (Hindi.) Ano ang sanhi ng pagkasupil ng mga tao? Tiyak na hindi ito dahil sa pisikal na pagkapagod, kung gayon, ano ang nagsasanhi nito? Kung palaging maghahanap ng pisikal na kaginhawahan at kasiyahan ang mga tao, kung palagi silang maghahangaad ng pisikal na kasiyahan at kaginhawahan, at ayaw nilang magdusa, maging ang katiting na pisikal na pagdurusa, ang pagdurusa nang medyo higit sa iba, o ang pagkaramdam na nagtrabaho sila nang medyo higit sa karaniwan, ay magdudulot na maramdaman nilang nasusupil sila. Ito ang isa sa mga sanhi ng pagkasupil. Kung hindi ituturing ng mga tao ang kaunting pisikal na pagdurusa bilang isang malaking bagay, at hindi sila maghahangad ng pisikal na kaginhawahan, kundi sa halip ay hahangarin nila ang katotohanan at gugustuhing tuparin ang kanilang mga tungkulin upang mapalugod ang Diyos, kadasalan ay hindi sila makadarama ng pisikal na pagdurusa. Kahit pa paminsan-minsan ay mararamdaman nilang medyo abala, pagod, o patang-pata sila, pagkatapos nilang matulog ay magigising sila na mas maganda ang pakiramdam, at pagkatapos ay magpapatuloy sila sa kanilang gawain. Magtutuon sila sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain; hindi nila ituturing ang kaunting pisikal na pagkapagod bilang malaking isyu. Subalit, kapag umuusbong ang isang problema sa pag-iisip ng mga tao at palagi silang naghahangad ng pisikal na kaginhawahan, anumang oras na medyo maagrabyado o hindi makuntento ang kanilang katawan ay uusbong ang ilang negatibong emosyon sa kalooban nila. Kaya, bakit laging nakukulong sa negatibong emosyong ito na pagkasupil ang ganitong uri ng tao, na palaging gustong gawin ang gusto niya at bigyang-layaw ang kanyang laman at magpakasaya sa buhay, sa tuwing hindi siya kontento? (Ito ay dahil naghahangad siya ng kaginhawahan at pisikal na kasiyahan.) Totoo iyan sa ilang tao. May isa pang grupo ng mga tao na hindi naghahangad ng pisikal na kaginhawahan. Gusto nilang gawin ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga kapritso at sundin ang lagay ng kanilang kalooban. Kapag masaya sila, kaya nilang magtiis ng higit na pagdurusa, kaya nilang magtrabaho nang tuloy-tuloy buong araw, at kung tatanungin mo sila kung pagod sila, sasabihin nila, “Hindi ako pagod, paano ako mapapagod sa pagtupad ng aking tungkulin?” Pero kung hindi sila masaya isang araw, sasama ang loob nila kung hihingin mo sa kanilang gumugol kahit isang dagdag na minuto lang sa isang bagay, at kung medyo pagsasabihan mo sila, sasabihin nila, “Tumigil ka sa pagsasalita! Pakiramdam ko ay nasusupil ako. Kung magpapatuloy kang magsalita, hindi ko tutuparin ang tungkulin ko, at magiging kasalanan mo iyon. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala sa hinaharap, magiging kasalanan mo iyon, at ikaw ang mananagot para sa lahat ng iyon!” Salawahan ang mga tao kapag sila ay nasa hindi normal na kalagayan. Kung minsan ay makakaya nilang magdusa at magbayad ng halaga, pero sa ibang panahon ay magrereklamo sila tungkol sa kaunting pagdurusa lang, at maiinis sila kahit sa isang maliit na isyu lamang. Kapag hindi maganda ang lagay ng kanilang kalooban, hindi na nila gugustuhing tuparin ang kanilang mga tungkulin, basahin ang mga salita ng Diyos, kantahin ang mga himno, o daluhan ang mga pagtitipon at pakinggan ang mga sermon. Gugustuhin lang nilang mapag-isa sandali, at magiging imposible para kaninuman na tulungan o suportahan sila. Pagkaraan ng ilang araw, baka mapakawalan na nila iyon at gumanda ang pakiramdam nila. Pakiramdam nila ay nakasusupil sa kanila ang anumang hindi kayang magpalugod sa kanila. Hindi ba’t partikular na sutil ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Partikular silang sutil. Halimbawa, kung nais nilang matulog agad-agad, ipipilit nilang gawin iyon. Sasabihin nila, “Pagod na ako, at gusto ko nang matulog ngayon din. Kapag wala akong anumang lakas, kailangan kong matulog!” Kung sasabihin ng isang tao, “Hindi mo ba kayang magpatuloy nang sampung minuto pa? Malapit na talagang matapos ang gampaning ito, at pagkatapos ay puwede na tayong lahat magpahinga, paano kung ganoon?” sasagot sila, “Hindi, kailangan ko nang matulog ngayon din!” Kung may makahihikayat sa kanila, mabigat sa kalooban silang magpapatuloy nang sandali, pero makararamdam sila ng pagkasupil at pagkainis. Madalas, pakiramdam nila ay nasusupil sila sa mga bagay na ito at ayaw nilang tumanggap ng tulong mula sa kanilang mga kapatid o mapangasiwaan ng mga lider. Kung magkakamali sila, hindi nila hahayaan ang iba na iwasto o pungusan sila. Ayaw nilang malimitahan sa anumang paraan. Iniisip nila, “Nananalig ako sa Diyos para makahanap ako ng kaligayahan, kaya bakit ko pahihirapan ang sarili ko? Bakit kailangang maging sobrang nakakapagod ang buhay ko? Dapat mamuhay nang masaya ang mga tao. Hindi nila dapat masyadong pansinin ang mga patakarang ito at ang mga sistemang iyon. Ano ang silbi ng palaging pagsunod sa mga iyon? Sa ngayon, sa sandaling ito, gagawin ko ang anumang gusto ko. Wala sa inyo ang dapat may masabi tungkol doon.” Partikular na sutil at walang pagpipigil ang ganitong uri ng tao: Hindi nila hinahayaang magtiis ng anumang paglilimita ang kanilang sarili, at hindi rin nila nais na maramdamang nalilimitahan sila sa anumang kapaligiran sa trabaho. Ayaw nilang sumunod sa mga patakaran at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang tanggapin ang mga prinsipyong dapat pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang pag-asal, at ni ayaw nilang sundin ang sinasabi ng konsiyensiya at katwiran na dapat nilang gawin. Gusto nilang gawin ang gusto nila, gawin ang anumang magpapasaya sa kanila, ang anumang magbibigay sa kanila ng pakinabang at kaginhawahan. Naniniwala sila na ang mamuhay sa ilalim ng mga paglilimitang ito ay lalabag sa kanilang kalooban, na magiging isa itong uri ng pang-aabuso sa sarili, na magiging napakahirap nito para sa kanila, at na hindi dapat mamuhay nang ganoon ang mga tao. Iniisip nila na dapat mamuhay nang malaya at nang napakawalan na ang mga tao, bigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa nang walang limitasyon, pati na rin ang kanilang mga minimithi at ninanais. Iniisip nila na dapat nilang bigyang-layaw ang lahat ng kanilang ideya, sabihin ang anumang gusto nila, gawin ang anumang gusto nila, at pumunta kung saan man nila gusto, nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang mga kahihinatnan o ang mga damdamin ng ibang tao, at lalo na nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang sarili nilang mga responsabilidad at obligasyon, o ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga nananalig, o ang mga katotohanang realidad na dapat nilang itaguyod at isabuhay, o ang landas sa buhay na dapat nilang tahakin. Ang grupong ito ng mga tao ay palaging gustong gawin ang gusto nila sa lipunan at kasama ng ibang mga tao, pero saanman sila magpunta, hindi nila iyon matatamo kailanman. Naniniwala sila na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga karapatang pantao, na binibigyan nito ng lubos na kalayaan ang mga tao, at na inaalala nito ang sangkatauhan, at ang pagpaparaya at pagtitimpi sa mga tao. Inaakala nila na matapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos ay dapat malaya nilang mabigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa, pero dahil may mga atas administratibo at patakaran ang sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila magawa ang gusto nila. Kaya, ang negatibong emosyon nilang ito na pagkasupil ay hindi malulutas kahit pagkatapos nilang sumapi sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila nabubuhay para tuparin ang anumang uri ng mga responsabilidad o para tapusin ang anumang misyon, o para maging isang tunay na tao. Ang pananalig nila sa Diyos ay hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, tapusin ang kanilang misyon, at kamtin ang kaligtasan. Kahit sino pa ang mga taong kasama nila, kahit ano pa ang mga kapaligiran nila, o ang propesyon nila, ang sukdulan nilang minimithi ay ang mahanap at mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang layunin ng lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot dito, at ang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili ang kanilang ninanasa sa buong buhay nila at ang minimithi ng kanilang paghahangad.
Ang iba sa inyo ay responsable para sa pagpapatuloy sa mga kapatid at pagluluto ng pagkain nila, at sa ganyang kaso, kailangan mong tanungin ang mga kapatid kung ano ang gusto nilang kainin, tanungin ang iyong sarili kung ano ang mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay patuluyin sila batay sa dalawang uring ito ng mga prinsipyo. Kung nagpapatuloy ka ng mga tao mula sa Hilagang Tsina, mas magluto ka ng mga pagkaing gawa sa trigo gaya ng mga siopao, Mandarin roll, at tinapay na may palaman. Paminsan-minsan, maaari ka ring magluto ng kanin o ng pansit na gawa sa bigas na kinakain ng mga taga-Katimugang Tsina. Ang lahat ng ito ay katanggap-tanggap. Ipagpalagay na ang karamihan ng mga taong pinatutuloy mo ay mula sa Katimugang Tsina. Hindi nila gusto ang mga pagkaing gawa sa trigo, mas gusto nila ang kanin, at pakiramdam nila ay hindi pa sila kumakain kung wala silang kanin. Kaya, kung pinatutuloy mo sila, kailangan mong mas madalas na magluto ng kanin at siguraduhin mong ang mga pagkain mo ay nababagay sa panlasa ng mga tao mula sa Katimugang Tsina. Kung nagpapatuloy ka ng mga taong kapwa mula sa Katimugan at Hilagang Tsina, maaari kang magluto ng dalawang uri ng pagkain at hayaan ang mga taong piliin kung ano ang gusto nila, at bigyan sila ng kalayaang pumili. Ang pagpapatuloy sa mga kapatid nang ganito ay umaayon sa mga prinsipyo—isa itong napakasimpleng bagay. Hanggat nasisiyahan ang karamihan ng mga tao, sapat na iyon. Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa iilan-ilang naiibang indibidwal na hindi nasisiyahan. Subalit, kung ang taong responsable para sa pagpapatuloy ay hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi niya alam kung paano asikasuhin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at palagi siyang kumikilos batay sa sarili niyang mga kagustuhan, nagluluto ng anumang pagkaing gusto niya nang hindi isinasaalang-alang kung masisiyahan ba ang mga tao na kainin iyon—anong uri ng problema iyan? Iyan ay labis-labis na pagkasutil at pagkamakasarili. Ang ilang tao ay mula sa Katimugang Tsina, at ang karamihan sa mga taong pinatutuloy nila ay mula sa Hilaga. Nagluluto sila ng kanin araw-araw nang hindi isinasaalang-alang kung sanay ba ang mga kapatid dito, at kapag sinubukan mo silang iwasto at medyo payuhan, umuusbong sa kalooban nila ang isang uri ng emosyon, at ang puso nila ay nagiging palaban, masuwayin, at puno ng hinanakit, at sinasabi nila, “Hindi madaling magluto sa sambahayan ng Diyos. Napakahirap pagsilbihan ang mga taong ito. Nagsusumikap ako mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon para ipagluto kayo, pero sobrang mapili pa rin kayo. Ano bang masama sa pagkain ng kanin? Hindi ba’t kaming mga taga-Timog ay kumakain ng kanin tatlong beses sa isang araw? Hindi ba’t maganda iyong paraan ng pamumuhay? Mas malakas kami sa inyo at mas marami kaming enerhiya. Ano bang maganda sa palaging pagkain ng pansit at mga siopao? Mabubusog ba kayo riyan? Bakit hindi ako nasasarapan sa pansit? Bakit hindi ako nabubusog kapag kinakain ko iyon? Buweno, wala na akong magagawa pa. Palagay ko, kailangan ko na lang magtiis at pigilan ang aking sarili para matupad ko ang aking tungkulin. Kung hindi ko pipigilan ang aking sarili, baka palitan ako o palayasin. Kakailanganin ko na lang magluto ng pansit at mga siopao, kung ganoon!” May hinanakit nilang ginagawa ito araw-araw, iniisip na, “Ni hindi ako makakain ng kanin kapag oras ng pagkain. Gusto ko lang naman kumain ng kanin tuwing oras ng pagkain. Hindi ako mabubuhay kung walang kanin. Gusto kong kumain ng kanin!” Bagamat mabigat sa loob silang nagluluto ng pansit at mga siopao araw-araw, napakalungkot ng kanilang pakiramdam. Bakit napakalungkot ng kanilang pakiramdam? Ito ay dahil pakiramdam nila ay nasusupil sila. Iniisip nila, “Kailangan ko kayong pagsilbihan at ipagluto ng pagkaing gusto ninyong kainin, at hindi ng gusto kong kainin. Bakit ba kailangang laging kayo at hindi ang sarili ko ang bigyan ko ng kasiyahan?” Pakiramdam nila ay agrabyado sila, nasusupil, at na sobrang nakakapagod ang kanilang buhay. Tumatanggi silang gumawa ng anumang dagdag na gawain, at kapag gumagawa sila ng kaunting gawain ay ginagawa nila ito nang pabasta-basta; natatakot silang mapalitan o mapalayas kung hindi sila gagawa ng anumang gawain. Dahil dito, ang tangi nilang magagawa ay ang kumilos at tumupad ng kanilang tungkulin nang ganito nang napipilitan at mabigat ang kalooban, nang hindi dumaranas ng anumang sandali ng kaligayahan, kalayaan, o pagpapalaya. Tinatanong sila ng mga tao, “Anong pakiramdam mo tungkol sa pagpapatuloy sa mga kapatid at pagluluto ng mga pagkain?” Sumasagot sila, “Hindi naman iyon masyadong nakakapagod, pero pakiramdam ko ay nasusupil ako.” Sinasabi ng mga tao, “Bakit pakiramdam mo ay nasusupil ka? Mayroon kang bigas, harina, at mga gulay—lahat ay mayroon ka. Ni hindi mo kailangang gumastos ng sarili mong pera para bilhin ang mga ito. Kailangan mo lang magpagod at gumawa ng kaunti pang gawain kaysa sa ibang mga tao paminsan-minsan. Hindi ba’t iyan ang dapat mong gawin? Nakasisiyang mga bagay ang manalig sa Diyos at tumupad ng tungkulin ng isang tao. Kusang-loob ang mga ito. Kaya bakit pakiramdam mo ay nasusupil ka?” Sumasagot sila, “Bagamat kusang-loob kong ginagawa ang mga ito, hindi ako madalas na makakain ng kanin at hindi ko magawa ang gusto ko, makain ang gusto ko at kung ano ang masarap para sa akin. Natatakot akong mabatikos kung makikitang sinusubukan kong magluto ng isang pagkaing masarap para sa akin, kaya pakiramdam ko ay nasusupil ako, at hindi ako kailanman masaya.” Ang mga ganitong tao ay namumuhay sa gitna ng mga emosyon na pagkasupil dahil hindi nila mabigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanais sa pagkain.
Nagtatanim ang ilang tao sa mga bukirin ng iglesia. Paano nila ito dapat gawin? Dapat silang magtanim ng isang naaangkop na uri ng gulay batay sa panahon, klima, temperatura, at bilang ng tao na kailangan nilang pakainin. Mayroong mga patakaran sa sambahayan ng Diyos tungkol sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay, na baka mahirap para sa maraming tao. May ilang gulay na gustong kainin ng mga tao araw-araw, at may ilan na hindi nasisiyahan ang mga tao na kainin. Ang ilan ay kinokontrol ang dami, at ang iba ay kinakain batay sa panahon. Sa ganitong paraan, ang dami na puwedeng kainin ng mga tao ay limitado. Inisip ng ilang tao, “Ay, hindi kami kailanman puwedeng magpakasasa sa pagkain ng mga gulay na ito. Kumain kami nang kaunti, at pagkatapos ay naubos na ang mga ito. Kulang ang mga ito! Gaya ng maliliit na kamatis, isang maliit na dakot lang ang nakukuha namin bawat beses, at ubos na ang mga ito bago pa namin malasap ang mga ito. Maganda sana kung puwede kaming kumain nito nang tasa-tasa!” Kaya, sa isang lugar na pinamamahayan ng humigit-kumulang sampung tao, nagtanim sila ng dalawang daang halaman na maliliit na kamatis. Nagsimula silang kumain nang tasa-tasa nito pagkagising nila sa umaga at nagpatuloy silang kumain nito hanggang sa matulog sila sa gabi. Lubhang kapana-panabik para sa kanila na kumain ng tasa-tasang maliliit na kamatis at mga regular na kamatis, at na kumain ng basket-basket na pipino. Pakiramdam nila ay para silang nasa langit noong mga panahong iyon, na maligaya sila. Ang mga ganitong tao ay hindi kayang sundin ang mga kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa kanilang mga pagkilos, at hindi nila kayang sundin ang mga prinsipyo ng agham. Tumatanggi silang makinig kaninuman, inuuna nila ang sarili nilang mga interes, at isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nila sa lahat ng bagay, at ginagawa ang gusto nila. Bilang resulta, sa ilalim ng kontrol, pangangasiwa, at pamamahala ng sambahayan ng Diyos, isinailalim sa paglilimita ang mga taong ito na nais punuin ang bibig nila kapag kumakain ng prutas, at ang ilan sa kanila ay iwinasto at pinungusan. Sabihin ninyo sa Akin, ano sa palagay ninyo ang nadarama nila ngayon? Hindi ba’t nakararamdam sila ng labis na pagkadismaya? Hindi ba’t pakiramdam nila ay mapanglaw ang mundo, at na walang pagmamahal o init sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t pakiramdam nila ay labis silang nasusupil? (Oo.) Palagi nilang iniisip, “Ano bang masama sa paggawa ng gusto ko? Hindi ko ba puwedeng tamasahin lang ang pagkain ng ilang gulay? Ni ayaw nila akong payagang kumain ng tasa-tasang maliliit na kamatis. Napakadamot! Hindi binibigyan ng sambahayan ng Diyos ng kalayaan ang mga tao. Kung gusto naming kumain ng maliliit na kamatis, pinagtatanim nila kami niyon batay sa dami ng taong kailangang pakainin. Ano bang problema kung magtanim ako ng dalawa o tatlong daang halaman? Kung hindi namin makakain ang lahat ng iyon, ipapakain na lang namin ang mga iyon sa mga hayop.” Naaangkop ba na kumain ka nang tasa-tasa? Hindi ba’t dapat ay may pagtitimpi at may limitasyon sa iyong kinakain? Ang proporsyon na kinakain ng mga tao sa iba’t ibang pagkaing nilikha ng Diyos ay dapat nakabatay sa dami ng ani at kapanahunan ng mga ito. Ang mga pangunahing pagkain ay dapat iyong mga mataas ang ani, habang iyong may mabababang ani, na sa maiikling panahon lang namumunga o tumutubo, o na limitado ang ani ay dapat kainin nang mas kaunti—sa ilang partikular na lugar, ni hindi nga kinakain ng mga tao ang mga iyon, at hindi naman iyon kawalan sa kanila. Ito ay makatwiran. Palaging nagkikimkim ng mga pagnanais ang mga tao, at palagi nilang hinihiling na mabigyang-layaw ang kanilang gana. Naaangkop ba ito? Hindi naaangkop na palaging magkimkim ng mga pagnanais at gana. Ang sambahayan ng Diyos ay may sarili nitong mga patakaran. Mayroong mga panuntunan, pamamahala, at naaangkop na sistema sa lahat ng aspeto ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Kung nais mong maging kasapi ng sambahayan ng Diyos, dapat kang mahigpit na sumunod sa mga panuntunan nito. Hindi ka dapat mapilit, kundi matuto kang magpasakop at kumilos sa paraang katanggap-tanggap para sa lahat. Umaayon ito sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran. Wala sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos ang ginawa para makinabang ang iisang tao, ginawa ang mga ito para sa kapakanan ng lahat ng tao sa sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ay naglalayon na mapangalagaan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang mga panuntunan at sistemang ito ay makatwiran at kung nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ang mga tao ay dapat nilang sundin ang mga ito. Kaya, anuman ang iyong ginagawa, sa isang aspeto ay kailangan mo iyong gawin nang ayon sa mga panuntunan at sistema ng sambahayan ng Diyos, at sa isa pang aspeto ay mayroon ka ring responsabilidad at obligasyong itaguyod ang lahat ng ito, sa halip na palaging kumilos nang ayon sa iyong mga personal na interes at perspektiba. Hindi ba’t gayon? (Oo.) Kung partikular mong nararamdaman na nasusupil ka sa pamumuhay at paggawa sa sambahayan ng Diyos, hindi ito dahil sa anumang problema sa mga panuntunan, sistema, o paraan ng pamamahala sa sambahayan ng Diyos, kundi sa halip ay sa isa mong personal na isyu. Ipagpalagay na lagi mong hinahangad na masiyahan ka at na mapalugod mo ang sarili mong mga ninanais sa sambahayan ng Diyos, at palagi mong nararamdamang labis kang nasusupil, hindi malaya, at hindi pa napalaya, na wala kang anumang kapayapaan o kasiyahan. Sabihin nang palagi mong nararamdaman na hindi ka maginhawa at na naagrabyado ka, na hindi mo magawa ang gusto mo sa anumang bagay, na hindi ka makakain o makapanamit gaya ng gusto mo, na hindi ka pinapayagang manamit nang sunod sa moda o nang kaakit-akit, at pakiramdam mo ay miserable ka at hindi mapakali bawat araw dahil sa mga ito. Ipagpalagay nang palagi kang hindi komportableng makipag-ugnayan sa iyong mga kapatid, at iniisip mong, “Palaging nagbabahagi sa akin tungkol sa katotohanan ang mga taong ito, masyadong nakakaligalig! Ayaw kong umasal nang ganito. Gusto ko lang mamuhay nang masaya, kontento, at malaya. Pakiramdam ko ay hindi ako kasingsaya at kasinglaya gaya ng naguni-guni ko sa pananalig sa Diyos. Ayaw kong malimitahan ninuman. Palaging may mga taong namamahala at naglilimita sa akin, at pakiramdam ko ay nasusupil ako.” Hindi gusto ng mga ganitong tao ang ganitong uri ng kapaligirang pinamumuhayan at ayaw nila iyon. Subalit, alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala, wala silang magagawa kundi ang ilaan ang sarili nila rito. Wala silang mapaglalabasan ng kanilang mga pagkadismaya, hindi sila nangangahas na magreklamo, at palagi nilang nadaramang nasusupil sila. Ang tanging solusyon, ang pinakamagandang paraan para iwasto ang ganitong mga tao, ay ang sabihan silang: “Maaari kang umalis. Humayo ka at kainin ang gusto mo, isuot ang mga damit na nais mo, mamuhay gaya ng gusto mo, gawin ang mga bagay na ninanais mo, magkaroon ng propesyong gusto mo, at hangarin ang mga mithiin at direksyong nais mong hangarin. Hindi ka pinipigilan ng sambahayan ng Diyos. Malaya at hindi nakatali ang iyong mga kamay at paa, pati na rin ang iyong puso. Hindi ka iginagapos ninuman. Maliban sa paglalaan mo ng iyong sarili sa sambahayan ng Diyos upang matamo mo ang isang mithiin, walang sinumang nagpataw ng mga panuntunang ito sa iyo, na nagsasabing kailangan mo, na nararapat ka, at na dapat kang manatili sa sambahayan ng Diyos, kung hindi ay may gagawin sa iyo ang sambahayan ng Diyos.” Sinasabi Ko sa iyo ang katotohanan, walang gagawin sa iyo ang sambahayan ng Diyos. Kung gusto mong umalis, maaari kang umalis anumang oras. Basta ibalik mo lang sa iglesia ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ibigay ang anumang gawaing hawak mo. Maaari kang umalis kailan mo man gusto. Hindi ka nililimitahan ng sambahayan ng Diyos, hindi mo ito bilangguan, o kulungan. Isang malayang lugar ang sambahayan ng Diyos, at malayang nakabukas ang mga pinto nito. Kung pakiramdam mo ay nasusupil ka, ito ay dahil hindi mo magawa ang gusto mo, at nangangahulugan iyon na hindi naaangkop para sa iyo ang lugar na ito. Hindi ito ang masayang tahanang nais mong mahanap, ni ang lugar kung saan dapat kang manatili. Kung namumuhay ka sa isang paraang labis na salungat sa iyong kalooban, dapat kang umalis. Nauunawaan mo ba? Hindi kailanman pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang mga hindi nananalig o ang mga hindi naghahangad sa katotohanan. Kung nais mong magnegosyo, yumaman, magkaroon ng propesyon, o maglakbay sa mundo at gumawa ng pangalan, iyan ang iyong personal na hinahangad, at dapat kang bumalik sa sekular na mundo. Hindi kailanman nililimitahan ng sambahayan ng Diyos ang kalayaan ng mga tao. Ang mga pinto ng sambahayan ng Diyos ay malayang nakabukas. Ang mga hindi nananalig at ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay maaaring lumabas at lumisan mula sa sambahayan ng Diyos anumang oras.
Ang ilang tao ay sadyang ayaw gawin ang kanilang mga tungkulin at magbahagi tungkol sa katotohanan. Hindi pa sila umaangkop sa buhay-iglesia, hindi nila kayang umangkop dito, at palagi nilang nadarama na partikular silang miserable at walang magawa. Buweno, sasabihin Ko sa mga taong iyon: Dapat kang magmadaling umalis. Pumunta ka sa sekular na mundo para hanapin ang sarili mong mga mithiin at direksyon, at ipamuhay ang buhay na dapat mong ipamuhay. Hindi kailanman pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang sinuman. Wala sa mga panuntunan, sistema, o atas administratibo ng iglesia ang nakatuon sa iyo bilang isang indibidwal. Kung nahihirapan ka sa mga ito, kung hindi mo masunod ang mga ito, at partikular kang miserable at nasusupil, maaari mong piliing umalis. Ang mga taong kayang tanggapin ang katotohanan at itaguyod ang mga prinsipyo ang mga taong nababagay na manatili sa iglesia. Siyempre, kung pakiramdam mo ay hindi ka nababagay manatili sa sambahayan ng Diyos, magkakaroon ba ng iba pang nababagay na lugar para sa iyo? Oo, malawak ang mundo, at magkakaroon ng nababagay na lugar para sa iyo. Sa madaling salita, kung pakiramdam mo ay nasusupil ka rito, kung hindi ka makahanap ng paglaya, kung lagi mong gustong maglabas ng hinanakit, at palaging may posibilidad na magpapamalas ang iyong kalikasan, nanganganib ka at hindi ka nababagay na manatili sa sambahayan ng Diyos. Malawak ang mundo, at palaging magkakaroon ng nababagay na lugar para sa iyo. Malaya kang hanapin iyon mismo. Hindi ba’t naaangkop na paraan ito para harapin ang isyung ito? Hindi ba’t makatwiran ito? (Oo.) Kung labis na hindi komportable ang pakiramdam ng mga taong ito, at gusto mo pa rin silang panatilihin dito, hindi ba’t nagpapakahangal ka? Hayaan natin silang umalis at hilingin nating magtagumpay sila sa pagsasakatuparan ng kanilang mga pangarap, ayos ba? Ano ang mga pangarap nila? (Ang kumain ng tasa-tasang maliliit na kamatis.) Gusto rin nilang kumain ng kanin at isda tuwing oras ng pagkain, sa buong taon. Ano pa ang iba nilang mga pangarap? Ang kusang magising araw-araw, ang magtrabaho kung kailan nila gusto, at ang hindi sila pamahalaan o pangasiwaan ninuman kapag ayaw nilang magtrabaho. Hindi ba’t ito ang kanilang pangarap? (Oo.) Napakataas na pangarap! Napakatayog nito! Sabihin ninyo sa Akin, may magaganda bang maaasahan ang mga ganitong tao? Inaasikaso ba nila ang nauukol nilang gawain? (Hindi.) Bilang pagbubuod, palaging nararamdaman ng mga ganitong tao na nasusupil sila. Sa simpleng pananalita, ang kahilingan nila ay na mabigyang-layaw nila ang kanilang laman at mabigyang-kasiyahan nila ang kanilang mga ninanasa. Masyado silang makasarili, gusto nilang gawin ang lahat nang ayon sa sarili nilang mga kapritso at sa paraang gusto nila, nang binabalewala ang mga patakaran at hindi inaasikaso ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo, nang ginagawa lang ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang mga damdamin, kagustuhan, at ninanais, at kumikilos batay sa sarili nilang mga interes. Wala silang normal na pagkatao at hindi inaasikaso ng ganitong mga tao ang nauukol nilang gawain. Nadarama ng mga taong hindi inaasikaso ang nauukol nilang gawain na nasusupil sila sa lahat ng gawin nila, saanman sila magpunta. Kahit pa mamuhay sila nang mag-isa, madarama nilang nasusupil sila. Sa pananalitang magandang pakinggan, walang magandang maaasahan sa mga taong ito at hindi nila inaasikaso ang nauukol nilang gawain. Para mas maging tumpak, hindi normal ang kanilang pagkatao, at medyo mahina ang utak nila. Paano mailalarawan ang mga taong inaasikaso ang nauukol nilang gawain? Sila ay mga taong tinitingnan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, kasuotan, tirahan, at transportasyon sa isang simpleng paraan. Hanggat naaabot ng mga ito ang isang normal na pamantayan, sapat na iyon para sa kanila. Mas inaalala nila ang landas nila sa buhay, ang kanilang misyon bilang mga tao, ang kanilang pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga. Ano ang pinag-iisipan sa buong araw ng mga taong walang magandang maaasahan? Palagi nilang pinag-iisipan kung paano magpapakatamad, kung paano manlilinlang para makatakas sila sa responsabilidad, kung paano kakain nang mabuti at magpapakasaya, kung paano mamumuhay nang maginhawa at komportable ang katawan, nang hindi nagsasaalang-alang ng nauukol na mga bagay. Kaya, pakiramdam nila ay nasusupil sila sa sitwasyon at kapaligiran ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na matuto ng ilang karaniwan at propesyonal na kaalamang may kinalaman sa kanilang mga tungkulin, para mas mabuti nilang magampanan ang mga ito. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na madalas na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para makapagkamit sila ng mas mabuting pagkaunawa sa katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at malaman nila kung ano ang mga prinsipyo sa bawat pagkilos. Ang lahat ng ito na ibinabahagi at binabanggit ng sambahayan ng Diyos ay may kaugnayan sa mga paksa, praktikal na mga bagay, at iba pa, na nasa saklaw ng buhay ng mga tao at ng pagtupad nila sa kanilang tungkulin, at nilalayon ng mga ito na matulungan ang mga taong maasikaso ang nauukol nilang gawain at matahak ang tamang landas. Ang mga indibidwal na ito na hindi inaasikaso ang kanilang nauukol na gawain at na ginagawa ang gusto nila ay hindi nagnanais na gawin ang mga nauukol na bagay na ito. Ang sukdulang layunin na ninanais nilang makamit sa paggawa ng anumang gusto nila ay ang pisikal na kaginhawahan, kasiyahan, at kadalian, at ang hindi malimitahan o maagrabyado sa anumang paraan. Ito ay ang sapat na makakain ng anumang gusto nila, at na magawa ang gusto nila. Dahil sa kalidad ng kanilang pagkatao at sa mga hinahangad ng kanilang kalooban kung kaya’t madalas ay nararamdaman nilang nasusupil sila. Paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi sila magbabago, at hindi malulutas ang kanilang pagkasupil. Ganoong klase ng mga tao lang sila; mga bagay lang sila na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Bagamat sa panlabas ay tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan o na hindi sila masasamang tao, at bagamat mukha lang silang nabigong itaguyod ang mga prinsipyo at panuntunan, ang totoo, ang kanilang kalikasang diwa ay na hindi sila nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain o tumatahak sa tamang landas. Ang mga ganitong tao ay walang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at hindi nila matatamo ang katalinuhan ng normal na pagkatao. Hindi nila pinag-iisipan, pinagninilayan, o hinahangad ang mga mithiing dapat hangarin ng mga taong may normal na pagkatao, o ang mga saloobin sa buhay at pamamaraan ng pag-iral na dapat magkaroon ang mga taong may normal na pagkatao. Araw-araw na napupuno ang kanilang isip ng mga kaisipan ng kung paano makahahanap ng pisikal na kaginhawahan at kasiyahan. Subalit, sa kapaligirang pinamumuhayan ng iglesia, hindi nila mabigyang-kasiyahan ang mga pisikal nilang kagustuhan kaya pakiramdam nila ay hindi sila komportable at nasusupil sila. Ganyan umuusbong ang mga emosyon nilang ito. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t lubhang nakapapagod ang buhay ng mga ganitong tao? (Oo.) Kaawa-awa ba ang kanilang buhay? (Hindi, hindi kaawa-awa ang mga iyon.) Tama iyan, hindi kaawa-awa ang mga iyon. Sa madaling salita, sila ang uri ng mga tao na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Sa lipunan, sino ang mga taong hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain? Sila ang mga walang ginagawa, ang mga hangal, tamad, basagulero, sanggano, at tambay—ang ganyang mga tao. Hindi nila ninanais na matuto ng anumang bagong kasanayan o kakayahan, at ayaw nilang maghangad ng mga seryosong propesyon o maghanap ng trabaho para makaraos sila. Sila ang mga walang ginagawa at ang mga tambay ng lipunan. Pinapasok nila ang iglesia, at pagkatapos ay gusto nilang may makuha sila nang walang kapalit, at na matamo nila ang bahagi nila sa mga pagpapala. Sila ay mga oportunista. Ang mga oportunistang ito ay hindi kailanman handang tumupad ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi masusunod ang gusto nila, kahit bahagya lang, pakiramdam nila ay nasusupil sila. Palagi nilang hinihiling na makapamuhay nang malaya, ayaw nilang gumanap ng anumang uri ng gawain, pero gusto pa rin nilang kumain ng masasarap na pagkain at magsuot ng magagandang kasuotan, at kumain ng anumang naisin nila at matulog kailan man nila gusto. Iniisip nila na kapag dumating ang ganitong araw ay tiyak na magiging napakaganda nito. Ayaw nilang magtiis ng ni katiting na paghihirap at nagnanais sila ng buhay na mapagpalayaw. Labis pa ngang nakakapagod sa mga taong ito ang mabuhay; nagagapos sila ng mga negatibong emosyon. Madalas ay pagod at nalilito sila dahil hindi nila magawa ang gusto nila. Ayaw nilang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain o harapin ang mga bagay-bagay na nauukol sa kanila. Ayaw nilang manatili sa isang trabaho at paulit-ulit itong gawin mula simula hanggang katapusan, na tratuhin ito bilang sarili nilang propesyon at tungkulin, bilang kanilang obligasyon at responsabilidad; ayaw nilang tapusin ito at makapagtamo ng mga resulta, o na gawin ito sa pinakamataas na pamantayang maaari. Hindi sila kailanman nag-isip nang ganyan. Gusto lang nilang kumilos nang pabasta-basta at na gamitin ang tungkulin nila bilang paraan para kumita sila ng ikabubuhay. Kapag nahaharap sila sa kaunting kagipitan o sa isang uri ng kontrol, o kapag medyo tinaasan ang pamantayang kailangan nilang maabot, o pinagpasan sila ng kaunting responsabilidad, pakiramdam nila ay hindi sila komportable at na nasusupil sila. Umuusbong sa kalooban nila ang mga negatibong emosyong ito, pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay, at miserable sila. Isang pangunahing dahilan kung bakit pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay ay dahil walang katwiran ang ganitong mga tao. Napinsala ang kanilang pangangatwiran, ginugugol nila ang buong araw sa pagpapantasya, pamumuhay sa isang pangarap, sa mga ulap, palaging ginuguni-guni ang mga pinakamatitinding bagay. Iyan ang dahilan kung bakit napakahirap lutasin ng kanilang pagkasupil. Hindi sila interesado sa katotohanan, hindi sila mga nananalig. Ang tanging magagawa natin ay ang hingin sa kanila na lisanin ang sambahayan ng Diyos, na bumalik sa mundo at hanapin ang sarili nilang lugar ng kadalian at kaginhawahan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.