Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5 (Unang Bahagi)
Sa panahong ito, nagbahaginan tayo sa unang aspeto ng kung paano hangarin ang katotohanan, na tungkol sa pagbitiw. Pangunahin nating pinag-usapan ang unang bahagi ng paksang ito—ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Ilang beses na ba nating tinalakay ang usapin ng pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon? (Apat na beses.) Mayroon ba kayong anumang landas kung paano bitiwan ang mga negatibong emosyon? Ang iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbahaginan at sinuri natin ay tila mga uri ng emosyon o kaisipan sa panlabas, pero ang totoo, umuusbong ang mga ito mula sa mga maling pagtingin sa buhay at maling pagpapahalaga ng mga tao, at mga maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Siyempre, ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao ay humahantong sa pag-usbong ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, na siya namang nagsasanhi ng iba’t ibang negatibong emosyon. Samakatuwid, ang pag-usbong ng iba’t ibang negatibong emosyon ay mayroong pinagmulan at mga kadahilanan. Ang mga negatibong emosyon na tinalakay natin ay hindi mga panandalian o biglaang kaisipan, ni mga simpleng kaisipan at pananaw lamang, o mga lumilipas na pakiramdam. Kayang maimpluwensyahan ng mga emosyong ito ang paraan ng pamumuhay ng mga tao, kung ano ang kanilang isinasagawa, at ang kanilang mga kaisipan at pananaw, pati na ang mga perspektiba at saloobing ginagamit nila upang tingnan ang mga tao at bagay. Malalim na nakakubli ang mga negatibong emosyong ito sa puso at isipan ng mga tao, palagi nilang kasama ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at nakaaapekto ang mga ito sa kanilang mga nagiging perspektiba at paninindigan kapag tinitingnan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang mga negatibong emosyong ito ay may malaking negatibong epekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao, sa kanilang asal, at sa mga landas na pinipili nila sa buhay. Hindi nakikitang nauuwi ang mga ito sa iba’t ibang masasamang kahihinatnan ng mga tao. Kaya, dapat ay dahan-dahang maunawaan at malutas ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at unti-unting mabitiwan ang mga ito. Ang pagbitiw sa mga negatibong emosyong ito ay hindi gaya ng pagtapon sa isang pisikal na bagay, na hindi na ninyo iniisip pa, at na hindi na kayo pinangingibabawan pagkatapos; hindi ito isang usapin ng simpleng pagpulot lang sa isang bagay at pagbitiw rito. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “bitiwan” sa kontekstong ito? Pangunahin itong nangangahulugan na dapat ninyong ilantad at suriin ang inyong mga maling kaisipan at pananaw at ang mga maling perspektiba at saloobing ginagamit ninyo upang tingnan ang mga tao at bagay, hanggang sa maunawaan ninyo ang katotohanan. Pagkatapos ay magagawa na ninyong tunay na talikuran ang inyong mga negatibong emosyon. Anumang negatibong emosyon ang umuusbong sa inyo, dapat ninyong lutasin ang mga iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa mga nauugnay na katotohanan, hanggang sa taglayin ninyo ang mga prinsipyo at landas sa pagsasagawa sa katotohanan. Saka lamang ninyo magagawang ganap na makawala sa pagpapahirap, pagkakagapos, at impluwensya ng mga negatibong emosyon, at sa huli ay matamo ang kakayahang makapagpasakop sa katotohanan at sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, at sa gayon ay makapanindigan sa inyong pagpapatotoo. Dapat ninyong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Matapos gawin ito ay saka lamang ninyo ganap na mabibitiwan ang inyong mga negatibong emosyon at mga maling kaisipan at pananaw. Bakit kailangan ang ganito kakomplikadong proseso para ganap na mapakawalan ang mga iyon? Ito ay dahil mga hindi nahahawakang bagay ang mga negatibong emosyong ito. Ang mga ito ay hindi mga emosyon na pansamantala lamang na namamayani o nagpapahirap sa isipan ng isang tao. Ang mga ito ay naitatag na, dati nang umiiral, o malalim pa ngang nakatanim na mga kaisipan at pananaw na nabubuo sa loob-loob ng mga tao, at malubha talaga ang impluwensya ng mga ito sa mga tao. Kaya, iba’t ibang pamamaraan at hakbang ang kinakailangan para mapakawalan ang mga negatibong emosyong ito. Ang prosesong ito ng pagbitiw ay ang proseso rin ng paghahangad sa katotohanan, hindi ba? (Oo.) Ang proseso ng pagbitiw sa mga negatibong emosyong ito ay ang proseso nga ng paghahangad sa katotohanan. Kaya, ang tanging paraan para harapin ang mga negatibong emosyon ay ang hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan ba ninyo ang ibig sabihin ng pahayag na ito? (Oo.)
Nang una nating simulang pagbahaginan ang mga negatibong emosyon, sa pangkalahatan ay hindi pa natatalakay ng iba’t ibang katotohanang pinag-usapan natin noon ang paksang ito, kaya masyado itong hindi pamilyar na usapin para sa inyong lahat. Inaakala ng mga tao na normal na magkaroon ng mga negatibong emosyon, at inaakala nila na hiwalay ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon; naniniwala sila na ang mga negatibong emosyon ay hindi mga tiwaling disposisyon, at na walang kinalaman ang mga ito sa isa’t isa. Mali ito. Naniniwala ang ilang tao na ang mga negatibong emosyon ay mga pansamantalang kaisipan o ideya lamang na walang epekto sa mga tao, kung kaya’t naniniwala sila na hindi mahalaga kung pakawalan nila o hindi ang mga ito. Ngayon, sa pamamagitan ng maraming sesyon ng pagbabahaginan at pagsusuri, napatunayan nang mayroon ngang totoong epekto sa mga tao ang mga negatibong emosyon. Noon, palagi tayong nagbabahaginan sa pag-unawa at pagsuri sa mga tiwaling disposisyon, at pinag-usapan lang natin nang kaunti ang mga negatibong emosyon habang naglalantad ng mga tiwaling disposisyon, pero hindi natin detalyadong pinagbahaginan ang mga iyon. Ngayon, matapos ang ilang kongkretong talakayan, sana ay kaya ninyong pagtuunan ang paksang ito at magsimulang matutunang suriin at maunawaan ang mga negatibong emosyong ito sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay. Kapag nauunawaan ninyo ang diwa ng mga ito, magagawa ninyong tanggihan at talikuran ang mga ito, at unti-unting pakawalan ang mga ito. Matapos mapakawalan ang mga negatibong emosyong ito ay saka lamang kayo makatatapak sa tamang landas ng paghahangad sa katotohanan at makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang mga hakbang na dapat ninyong gawin, malinaw ba? (Oo.) Bagamat maaaring hindi pinaghaharian at kinokontrol ng mga negatibong emosyon ang mga tao sa kaparehong antas ng mga tiwaling disposisyon pagdating sa buhay, pag-iral, at landas na tinatahak ng mga tao, hindi rin maiiwasan ang mga negatibong emosyong ito. Sa ilang sitwasyon at sa isang partikular na antas, ang mga negatibong epekto ng mga ito pagdating sa paggapos sa mga kaisipan ng mga tao at sa pag-impluwensya sa kanilang pagtanggap sa katotohanan at kung tinatahak ba nila o hindi ang tamang landas, ay malaki rin gaya ng sa mga tiwaling disposisyon nila. Unti-unti ninyong masisimulang mapahalagahan ito sa inyong mga paghahangad, karanasan, at pagsasagawa sa hinaharap. Sa ngayon, dahil kakatagpo pa lang ninyo sa paksang ito, walang magiging kamalayan o kaalaman ang ilan sa inyo tungkol dito, at lalo nang wala silang magiging pagpapahalaga. Kapag naranasan mo ang bagay na ito sa hinaharap, madarama mong ang mga negatibong emosyon ay hindi pala ganoon kasimple. Mayroong malaking lugar at puwang ang mga ito sa mga kaisipan ng mga tao, sa kaibuturan ng kanilang puso, at maging sa kanilang kamalayan. Maaaring sabihin na labis na itinutulak at inuudyukan ng mga negatibong emosyong ito ang mga indibidwal na kumilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at na itinutulak at inuudyukan ng mga ito ang kontrol at pagkakagapos ng mga tiwaling disposisyon sa mga tao. Idinudulot ng mga ito sa mga tao na mapagmatigas na mamuhay nang ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon pagdating sa kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano sila umasal at kumilos, kaya hindi mo dapat maliitin ang mga negatibong emosyong ito. Sa katunayan, sa isang banda, maraming negatibong kaisipan at pananaw ang nakakubli sa mga negatibong emosyon, at sa isa pang banda, iba’t ibang negatibong emosyon ang nakakubli sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa iba’t ibang antas. Sa madaling salita, pinamamahayan ng mga negatibong emosyong ito ang puso ng mga tao, at magkapareho ng diwa ang mga ito at ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Parehong aspeto ng pagiging negatibo ang mga ito, at mga negatibong bagay ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng “mga negatibong bagay” rito? Ano ang tinutukoy nito? Ang isang aspeto ay na walang ginagampanang positibong papel ang mga negatibong emosyong ito sa pagpasok sa buhay ng mga tao. Hindi ka magagabayan o matutulungan ng mga itong makaharap sa Diyos, na aktibong mahanap ang Kanyang kalooban, at pagkatapos ay masunod Siya. Kapag nakakubli sa loob-loob ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito, malayo ang kanilang puso sa Diyos, nag-iingat sila laban sa Kanya at iniiwasan nila Siya, at maaari pa nga nilang palihim, pasimple, at hindi sinasadyang paghinalaan, tanggihan, at husgahan ang Diyos. Mula sa perspektibang ito, mga positibong bagay ba ang mga negatibong emosyong ito? (Hindi, hindi positibo ang mga ito.) Isa iyang aspeto. Sa isa pang aspeto, hindi inaakay ng mga negatibong emosyong ito ang mga tao papunta sa harapan ng Diyos upang magpasakop sa katotohanan. Inaakay ng mga ito ang mga tao sa mga landas at patungo sa mga mithiin at direksyong sumasalungat at kumakalaban sa katotohanan. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ang silbi ng mga negatibong emosyong ito sa loob-loob ng isang tao ay hikayatin siyang protektahan ang kanyang sarili, pangalagaan ang mga interes ng kanyang laman, at panatilihin ang kanyang banidad, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan. Palagi kang kinokontrol at iginagapos ng mga ito, pinipigilan kang makinig sa mga salita ng Diyos, na maging isang matapat na tao, at na isagawa ang katotohanan. Pinaniniwala ka ng mga ito na madedehado ka kung isasagawa mo ang katotohanan, na mapapahiya ka at mawawalan ng katayuan, na pagtatawanan ka ng iba, at na malalantad sa buong mundo ang tunay na ikaw. Kinokontrol ng mga negatibong emosyong ito ang mga tao, pinangingibabawan ang kanilang mga kaisipan at ipinapaisip lang sa kanila ang mga negatibong bagay na ito. Ngayon, salungat ba sa katotohanan ang diwa ng mga negatibong bagay na ito? (Oo.) Kaya, habang palaging ipinaaalala sa iyo ng mga negatibong emosyon ang mga bagay na ito, kasabay nito ay palagi ka ring pinipigilan ng mga ito na isagawa at hangarin ang katotohanan. Nagsisilbing mga pader ang mga ito sa iyong paghahangad sa katotohanan at mga sagabal sa iyong landas papasok sa katotohanang realidad. Sa tuwing nais mong isagawa ang katotohanan, magsalita nang tapat, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at kumilos ayon sa mga prinsipyo, o taos-pusong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos, magbayad ng halaga, at ipakita ang iyong katapatan sa Diyos, agad na lumilitaw ang mga negatibong emosyong ito at pinipigilan kang isagawa ang katotohanan. Palaging umuusbong ang mga ito sa iyong mga naiisip at sumasagi sa iyong isipan, sinasabi sa iyong madedehado ka kung kikilos ka sa ganoong paraan, kung ano ang iyong magiging katapusan, kung ano ang mga kahihinatnan, at kung ano ang iyong makakamit. Paulit-ulit kang pinaaalalahanan at binabalaan ng mga ito, pinipigilan kang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Sa halip, hinihikayat ka ng mga ito na isipin ang iyong sarili, isaalang-alang ang sarili mong mga interes, at bilang resulta, hindi mo nagagawang isagawa ang katotohanan o magpasakop na lang sa Diyos. Sa isang saglit, nagagapos at nakokontrol ng mga negatibong emosyong ito ang iyong mga naiisip. Bagamat nais mong isagawa ang katotohanan sa simula, at handa kang magpasakop sa Diyos, at gusto mo Siyang mapalugod, kapag umuusbong ang mga negatibong emosyon sa loob-loob mo, hindi sinasadyang sinusunod mo ang mga ito at nakokontrol ka ng mga ito. Binubusalan ng mga ito ang iyong bibig, iginagapos ang iyong mga kamay at paa, at pinipigilan kang gawin ang dapat mong gawin at sabihin ang mga salitang dapat mong sabihin. Sa halip, nauuwi kang bumibigkas ng mga huwad, mapanlinlang, at mapanghusgang salita, at gumagawa ng mga pagkilos na salungat sa katotohanan. Agad na nagdidilim ang iyong puso at nakukulong sa paghihirap. Magaganda ang iyong orihinal na ideya at plano—nais mong isagawa ang katotohanan, at ialay ang iyong debosyon upang magawa mo nang maayos ang iyong tungkulin, at mayroon kang motibasyon, pagnanais, at kagustuhang isagawa ang katotohanan. Subalit sa mga kritikal na sandali, kinokontrol ka ng mga negatibong emosyong ito. Hindi mo kayang talikuran o tanggihan ang mga ito, at sa huli, maaari ka lamang sumuko sa mga negatibong emosyong ito. Kapag pinamamalagian at ginugulo ng mga negatibong emosyon ang mga tao, kapag kinokontrol ng mga ito ang mga naiisip ng mga tao at pinipigilan silang isagawa ang katotohanan, nagmumukhang lubos na walang kapangyarihan, walang magawa, at kaawa-awa ang mga tao. Kapag walang malaking isyung nangyayari at kapag walang sangkot na prinsipyo, iniisip ng mga tao na mayroon silang walang-hanggang lakas, na malakas ang kanilang paninindigan at pananampalataya, at pakiramdam nila ay puno sila ng motibasyon. Naniniwala sila na hindi nila magagawang mahalin nang sapat ang Diyos, iniisip nila na mayroon silang pusong may takot sa Diyos, at na wala silang magagawang mali, na wala silang kakayahang makagambala o makagulo, at na tiyak na wala silang kakayahang sadyang gumawa ng kasamaan. Pero kapag may nangyayari, bakit hindi nila mapigilan ang reaksyon nila? Ang mga hindi sinasadyang pagkilos nilang ito ay hindi planado o ginusto, pero nangyayari pa rin ang mga ito at nagiging realidad, at malayo ang mga ito sa kung paano nais na kumilos ng mga taong iyon. Kailangang sabihin na ang pag-iral ng mga bagay na ito at ang paulit-ulit na paglitaw ng ganoong pangyayari ay dahil sa mga negatibong emosyon. Malinaw na ang epekto ng mga negatibong emosyon sa mga tao, at ang kontrol ng mga ito sa mga tao, ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao, ni kasingdaling lutasin, at lalo nang hindi ito kasingdaling pakawalan o talikdan. Gaano man kalakas palaging ipagsigawan ng mga tao ang kanilang mga sawikain, gaano man katindi ang kanilang paninindigan kadalasan, o gaano man kataas ang kanilang mga hinahangad, o gaano man kadakila ang kanilang pagmamahal at pananampalataya sa Diyos, kapag nahaharap sa realidad, bakit hindi nagkakaroon ng anumang epekto ang paninindigan at pananampalatayang iyon, at ang mga hinahangad at pinapangarap na iyon? Paano naiimpluwensyahan at napipigilan ng mga pansamantalang negatibong emosyon ang mga iyon? Malinaw rito na nag-ugat na sa buhay ng mga tao ang mga negatibong emosyon; umiiral ang mga ito kasama ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao at kayang impluwensyahan at kontrolin ng mga ito ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, gaya ng ginagawa ng mga tiwaling disposisyon. Kasabay nito, at mas seryoso, kinokontrol ng mga ito ang mga salita at kilos ng mga tao, at higit pa rito, kinokontrol ng mga ito ang bawat kaisipan at ideya nila, at ang bawat kilos at asal nila sa harap ng lahat ng uri ng sitwasyon. Kaya, hindi ba’t napakahalaga na lutasin ang mga negatibong emosyong ito? (Oo.) Ang mga negatibong emosyon ay hindi mga positibong bagay, maipapakita ito sa dalawang paraan: Una, hindi maaakay ng mga negatibong emosyon ang isang tao na aktibong lumapit sa harapan ng Diyos; pangalawa, hindi mabibigyang-kakayahan ng mga ito ang isang tao na matagumpay na maisagawa ang katotohanan sa harap ng realidad, at na makapasok sa katotohanan, gaya ng gusto nila. Ang mga ito ay mga balakid sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, hinahadlangan ng mga ito ang mga tao sa paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, dapat ay malutas ang mga negatibong emosyon. Sa pagtingin sa epekto at diwa ng mga negatibong emosyon, makikita ng isang tao na hindi mga positibong bagay ang mga ito. Bukod pa roon, maaaring sabihin na sa diwa ng mga ito ay mas kaya ng mga ito na pigilan at kontrolin ang mga tao, hanggang sa isang partikular na punto, kaysa sa mga tiwaling disposisyon. Kaya, masasabi ba ninyong ang pag-iral ng mga negatibong emosyong ito ay isang seryosong problema? (Oo.) Kung hindi malulutas ang mga negatibong emosyong ito, anong mga kahihinatnan ang maaasahan? Makatitiyak kayo na gagawin ng mga emosyong ito na mamuhay nang matagal sa pagiging negatibo ang isang tao, at lalo pang kaya ng mga ito na pigilan at igapos ang mga tao, na hinahadlangan sila na hangarin ang katotohanan. Dapat bang malutas ang ganito kaseryosong problema? Dapat itong malutas. Kasabay ng pagharap sa kanilang mga tiwaling disposisyon, dapat ding lutasin ng mga tao ang kanilang mga negatibong emosyon. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga negatibong emosyon at tiwaling disposisyon, higit na mas magiging maayos ang kanilang paghahangad sa katotohanan, at hindi magkakaroon ng anumang malaking hadlang dito.
Nakakubli ang mga tiwaling disposisyon sa ilang paimbabaw na pagpapamalas at pamamaraan ng mga tao, pati na sa ilang kalagayan, kaya paano mo nakikilatis ang mga negatibong emosyon? Paano mo makikita ang kaibahan ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? Napag-isipan na ba ninyo ito noon? (Hindi.) Dalawang magkaibang uri ng bagay ang mga disposisyon at mga emosyon. Kung pag-uusapan lang natin ang mga disposisyon at mga emosyon, madali bang makita ang pagkakaiba ng mga literal na kahulugan ng mga ito? Ang mga disposisyon ay tumutukoy sa mga bagay na naipamamalas mula sa kalikasang diwa ng isang tao, habang ang mga emosyon naman ay pangunahing isang uri ng lagay ng pag-iisip na mayroon ang mga tao habang gumagawa ng isang bagay. Paano man natin literal na bigyang kahulugan ang mga katawagang ito, sa anumang kaso, ang mga emosyon ng tao—lalo na ang kanilang mga negatibong emosyon—ay nagtataglay ng maraming negatibong kaisipan. Kapag nagkikimkim ang isang tao ng mga negatibong emosyong ito, maaaring magdulot ito sa kanila na mamuhay sa isang negatibong kalagayan at pangibabawan ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, hindi ba? (Oo.) Maaaring matagal na manatiling nakakubli sa puso ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila mamamalayan kailanman ang mga emosyong ito o madarama ang presensya ng mga ito; kasama ng mga tao ang mga ito sa lahat ng oras, gaya lang ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kadalasan, nakakubli ang mga negatibong emosyong ito sa loob ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw ng mga tao, at ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay nagdudulot sa mga tao na pagdudahan ang Diyos, mawalan ng kanilang tunay na pananampalataya, at maging ang gumawa ng lahat ng uri ng hindi makatwirang paghingi sa Diyos, at mawalan ng kanilang normal na katwiran. Habang nakabalot bilang iba’t ibang katwiran, kaisipan, at pananaw, nakakubli ang mga negatibong emosyong ito sa loob ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao at sa loob ng kanyang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, ganap na kinakatawan ang kalikasang diwa ng taong iyon. Nagpapamalas ang mga tiwaling disposisyon sa iba’t ibang kalagayang inihahayag sa pamamagitan ng asal at kilos ng mga tao—tinataglay ng iba’t ibang kalagayang ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao sa loob ng mga ito. Bagamat magkaiba ang mga negatibong emosyon at ang mga tiwaling disposisyon, mayroong kinakailangang pagkakaugnay sa pagitan ng mga ito sa ibang aspeto, at maaari pa ngang maging magkaugnay at hindi mapaghihiwalay ang mga ito. Sa ilang aspeto, maaaring suportahan ng mga ito ang isa’t isa, palakasin ang isa’t isa, at asahan ang isa’t isa at magkasamang umiral. Halimbawa, ang pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa na pinagbahaginan natin noong nakaraan ay isang uri ng negatibong emosyon. Ang ganitong uri ng negatibong emosyon ang nagsasanhi sa mga tao na mamuhay nang may pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa. Kapag nakakulong ang mga tao sa mga emosyong ito, natural na magkakaroon sila ng ilang kaisipan at pananaw, na magdudulot sa kanila na magduda, magpalagay, mag-ingat, magkamali sa pag-unawa, at maging ang manghusga at mang-atake sa Diyos, at maaari din silang gumawa ng mga di-makatwiran at transaksyonal na paghingi sa Diyos. Sa puntong ito, lumala na at naging isa nang tiwaling disposisyon ang mga negatibong emosyong ito. Kaya, ano na ang naunawaan ninyo mula sa halimbawang ito? Nakikita ba ninyo ang pagkakaiba ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? Sabihin ninyo sa Akin. (Ang mga negatibong emosyon ay nagsasanhi na umusbong ang ilang maling kaisipan at pananaw, habang ang mga tiwaling disposisyon naman ay mas malalim na nakabaon, at nagsasanhi sa mga tao na magkamali sa pag-unawa at na mag-ingat laban sa Diyos.) Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Gamitin nating halimbawa ang mga negatibong emosyon na pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa. Sabihin nang nagkasakit ang isang tao, at iniisip niya ang kanyang sakit at nakararanas siya ng pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa bilang resulta. Kinokontrol ng mga ito ang kanyang puso, ginagawa siyang matakot na lalala ang kanyang sakit at matakot sa iba’t ibang kahihinatnan na kasama ng kamatayan. Pagkatapos ay nagsisimula niyang katakutan ang kamatayan, tanggihan ang kamatayan, at naising matakasan ito. Ang sunud-sunod na kaisipan at ideyang ito ay umuusbong dahil sa kanyang karamdaman. Sa konteksto ng karamdamang ito, nagkakaroon ng maraming aktibong iniisip ang taong ito. Ang pinagmumulan ng mga aktibong kaisipang ito ay batay sa mga interes ng kanyang laman at malinaw na hindi ito batay sa katunayan na ang Diyos ang naghahari sa lahat ng bagay, o sa katotohanan. Iyan ang dahilan kung bakit itinuturing natin ang mga ito bilang mga negatibong emosyon. Masama ang pakiramdam ng taong iyon dahil sa kanyang karamdaman, pero mayroon na siyang karamdaman, at kailangan niya itong harapin—hindi niya ito matatakasan, kaya iniisip niya, “Naku, paano ko dapat harapin ang karamdamang ito? Dapat ko ba itong gamutin o hindi? Anong mangyayari kung hindi ko ito gagamutin? Anong mangyayari kung gagamutin ko ito?” Habang nagpapatuloy siya sa pag-iisip, nababahala siya. Dahil sa iba’t iba niyang kaisipan at pananaw tungkol sa kanyang sakit ay nakukulong siya sa pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa. Hindi ba’t sa panahong iyon ay nagsimula nang makaapekto ang negatibong emosyong ito? (Oo.) Noong una niyang simulang maranasan ang sakit, binabalak niyang subukan itong gamutin, pero pagkatapos ay nadarama niya na hindi angkop na gawin iyon, at sa halip ay pinaplano niyang mabuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, normal na tinutupad ang kanyang tungkulin, habang nag-aalala pa rin na lalala ang kanyang karamdaman. Ano ang angkop na paraan para harapin ito? Wala siyang landas. Sa pangingibabaw ng kanyang mga negatibong emosyon, palagi siyang nababahala, nag-aalala, at nababalisa tungkol sa bagay na ito, at sa sandaling umusbong sa kalooban niya ang pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa ay hindi niya mapakawalan ang mga ito. Binabagabag siya ng kanyang karamdaman—ano ang dapat niyang gawin tungkol dito? Nagsisimula niyang isipin, “Ayos lang, nananalig ako sa Diyos. Pagagalingin ako ng Diyos. May pananampalataya ako.” Subalit, pagtagal-tagal, hindi bumubuti ang karamdaman, at hindi siya pinagagaling ng Diyos. Nagpapatuloy ang taong iyon na mabahala, mag-alala, at mabalisa tungkol doon, sinasabing “Pagagalingin ba ako ng Diyos o hindi? Kailangan ko lang maghintay, pagagalingin ako ng Diyos. May pananampalataya ako.” Sinasabi niya na may pananampalataya siya, pero sa kaibuturan niya, ang totoo ay namumuhay siya sa gitna ng kanyang mga negatibong emosyon, iniisip na, “Paano kung hindi ako pagalingin ng Diyos, at lumala ang sakit ko at mamatay ako? Mawawalan ba ng saysay ang pagganap ko sa tungkulin ko? Hindi ba ako makatatanggap ng anumang mga pagpapala? Dapat kong hilingin sa Diyos na pagalingin ako.” Kaya nagdarasal siya sa Diyos, sinasabing, “Diyos ko, batay sa maraming taon na tinupad ko ang tungkulin ko, puwede Mo bang alisin ang sakit ko?” Pagkatapos ng higit pang pagninilay, napagtatanto niya, “Hindi tama na hilingin ko iyon sa Diyos. Hindi ako dapat humingi nang labis-labis sa Diyos. Dapat ay manampalataya ako.” Kapag nananampalataya siya, pakiramdam niya ay medyo bumuti na ang kanyang karamdaman, pero pagtagal-tagal ay iniisip niya, “Hindi ko nararamdaman na talagang bumuti na ang sakit ko. Ang totoo, tila ba lumala ito. Anong dapat kong gawin? Lalo pa akong magsisikap at magpupunyagi sa aking tungkulin, titiisin ko ang higit pang pagdurusa, magbabayad ako ng mas malaki pang halaga, at pagsisikapan kong pagalingin ako ng Diyos. Ipakikita ko sa Diyos ang aking katapatan at ang aking pananampalataya, at ipakikita ko sa Kanya na kaya kong tanggapin ang pagsubok na ito.” Pagtagal-tagal, hindi lang sa hindi bumubuti ang kanyang karamdaman, kundi lumalala ito, at lalo siyang nalulungkot nang nalulungkot, at iniisip niya: “Hindi pa ako pinagagaling ng Diyos. Anong dapat kong gawin? Pagagalingin ba ako ng Diyos o hindi?” Tumitindi ang kanyang pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa. Sa kontekstong ito, patuloy siyang namumuhay sa gitna ng mga negatibong emosyon gaya ng pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa dahil sa kanyang karamdaman. Paminsan-minsan, nagkakaroon siya ng kaunting “pananampalataya” sa Diyos at kung minsan ay naghahandog siya ng kaunti niyang katapatan at determinasyon. Anuman ang gawin niya o paano man niya ito harapin, sa anumang kaso ay palagi siyang nakakulong sa mga emosyon na pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa. Mahigpit siyang iginapos ng kanyang karamdaman, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay para mapabuti at mapagaling ang kanyang karamdaman, at para makalaya rito. Kapag namumuhay ang isang tao sa gitna ng gayong mga negatibong emosyon, hindi lang niya panandaliang iniisip ang kanyang karamdaman; sa halip, sa ilalim ng paghahari ng mga negatibong emosyong iyon, madalas na napakaaktibo ng kanyang pag-iisip. Kapag hindi mapalalampas ang mga aktibong kaisipang ito o kapag hindi umaayon ang realidad sa gusto niya, paminsan-minsan ay maraming ideya o maging pamamaraan ang nabubuo sa isipan niya nang labag sa kalooban niya. Sinasabi niya, “Kung hindi ako pagagalingin ng Diyos, tutuparin ko pa rin ang aking tungkulin, pero kung talagang hindi ako pagagalingin ng Diyos, walang silbi ang pananampalataya ko sa Kanya, at kailangan ko mismong pagalingin ang sakit ko.” Kita mo, iniisip niya, “Kung hindi ako pagagalingin ng Diyos, maayos ko pa ring gagampanan ang tungkulin ko—pagsubok ito ng Diyos sa akin,” pero kasabay niyon ay iniisip niya rin, “Kung talagang hindi ako pagagalingin ng Diyos, kakailanganin ko mismong gamutin ang sakit ko. Kung kailangan ko mismong gamutin ito, hindi ko tutuparin ang tungkulin ko. Kung ni hindi mapagaling ng pananampalataya ko sa Diyos ang aking sakit, bakit pa ako dapat manalig sa Diyos? Bakit pinagagaling ng Diyos ang iba pero hindi ako?” Patuloy siyang natatali ng kanyang mga negatibong emosyon, at hindi lamang niya hindi magawang baligtarin o baguhin ang kanyang mga maling kaisipan at pananaw, kundi inaakay pa siya ng mga negatibong emosyong ito para unti-unting maling maunawaan ang Diyos, magreklamo tungkol sa Diyos, at pagdudahan ang Diyos habang dinaranas niya ang kanyang karamdaman. Ang prosesong ito ay ang unti-unting pagbabago ng kanyang mga negatibong emosyon, at ang pagpasok niya sa pagkilos nang ayon sa kanyang tiwaling disposisyon. Sa sandaling pangunahan ng tiwaling disposisyon ang mga kilos ng isang tao, hindi na lang magtataglay ng mga negatibong emosyon ang taong iyon—uusbong sa kalooban niya ang ilang kaisipan at pananaw, o ilang panghuhusga at kapasyahan, at gagawin niya ang ilang pagkilos. Kapag naging isang uri ng kalagayan ang isang uri ng emosyon, hindi na ito basta usapin lang ng mga negatibong emosyon, ng pag-iisip sa isang bagay o pamumuhay sa isang estado, tungkol ito sa pagbuo ng estadong ito ng mga kaisipan, pananaw, at kapasyahan, pagbuo ng paggalaw at mga pagkilos. Kaya, ano ang nangingibabaw sa mga kaisipan, pananaw, paggalaw, at pagkilos na ito? Isang tiwaling disposisyon ang nangingibabaw sa mga ito. Hindi ba’t naayos na ngayon ang buong prosesong ito ng pagbabago? (Oo.) Sa simula, nagkakaroon ng mga negatibong emosyon ang mga tao sa loob ng isang konteksto, at ang mga negatibong emosyong ito ay ilang simpleng kaisipan, pananaw, at ideya lamang, pero ang lahat ng ideyang ito ay negatibo. Nabubulok ang mga negatibong ideyang ito sa loob ng mga emosyon ng mga tao at nagsasanhi na makabuo sila ng iba’t ibang maling kalagayan. Kapag namumuhay sa mga maling kalagayan ang mga tao, at nagpapasya sila kung ano ang gagawin, paano ito gagawin, at anong mga pamamaraan ang gagamitin, nabubuo sa loob nila ang mga maling pananaw at teorya, at ang mga ito naman ay may kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon. Ganoon lang iyon kasimple. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo, malinaw na.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin ang tungkol dito. (Sa ilang konteksto, nagkakaroon ng ilang negatibong emosyon ang mga tao. Sa simula ay hanggang ilang negatibong ideya lamang ang mga negatibong emosyong ito. Kapag nagdulot ang mga negatibong ideyang ito na umusbong ang iba’t ibang maling kalagayan at nagsimula ang mga tao na magpasya kung ano ang gagawin at gumamit ng ilang pamamaraan, pinangingibabawan sila ng ilang kaisipan at teorya. Pagkatapos ay nagkakaroon ito ng kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon.) Pagnilayan ninyo ito at tingnan ninyo kung nauunawaan ninyo ito. Hindi ba’t simple lang ito? (Oo.) Mukha itong simple, pero nakikita ba ninyo ang pagkakaiba ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? Madali man o hindi na mapag-iba ang mga ito sa teorya, sa anumang kaso, naunawaan na ba ninyo ang kaibahan ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? (Oo.)
Kung umiiral sa inyo mismong puso ang iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbahaginan natin, nakikilala at nasusuri ba ninyo ang mga ito? (Medyo nakikilala namin ang mga ito.) Kung taglay ninyo ang mga ito, dapat ay kaya ninyong makilala ang mga ito. Ang layunin ng pagkilala sa mga maling emosyon ay hindi lang ang magkaroon ng pangkalahatang teoretikal na pagkaunawa sa mga ito o ang maunawaan ang kahulugan ng mga ito at iyon na iyon. Ito ay ang makalaya sa pagpapahirap ng mga negatibong emosyon pagkatapos magkamit ng praktikal na pagkakilala sa mga ito, at ang mapakawalan ang iba’t ibang negatibong emosyong ito na hindi dapat umiiral sa kalooban ng mga tao, gaya ng mga negatibong emosyong napagbahaginan natin noong nakaraan. Ngayon, batay sa pagkakaiba ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon na katatapos lang natin pagbahaginan, masasabi ba natin na ang mga negatibong emosyon ay isang pinag-ugatang dahilan o isang konteksto na umaakay sa mga tao na maghayag ng kanilang mga tiwaling disposisyon? Halimbawa, sa kaso ng karamdaman, kung hindi ka magkakaroon ng mga negatibong emosyon gaya ng pagkabahala, pag-aalala, at pagkabalisa dahil sa karamdaman, pinatutunayan nito na mayroon kang kaalaman at karanasan sa bagay na iyon, na nagtataglay ka ng mga tamang kaisipan at pananaw, at ng tunay na pagsunod. Dahil dito, ang iyong mga kaisipan at kilos pagdating doon ay dapat na umaayon sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung palagi kang nakararanas ng mga negatibong emosyon sa isang bagay, at nananatili kang palaging nakakulong sa mga negatibong emosyon dahil doon, natural lang na uusbong ang iba’t ibang negatibong kalagayan sa iyong kalooban dahil sa mga negatibong emosyong ito. Magsasanhi ang mga negatibong kalagayang ito na natural mong ihayag ang iyong tiwaling disposisyon habang ikaw ay nasa mga maling kalagayang iyon. Pagkatapos, kikilos ka ayon sa mga satanikong pilosopiya, lalabagin mo ang katotohanan sa lahat ng aspeto, at mamumuhay ka ayon sa tiwali mong disposisyon. Samakatuwid, paano man natin pag-ibahin ang mga negatibong emosyon at ang mga tiwaling disposisyon, ang suma total ay magkaugnay at hindi mapaghihiwalay ang dalawang ito. Sa partikular, may isang diwa na parehong taglay ng mga ito, na ang mga negatibong emosyon at mga tiwaling disposisyon ay kapwa mga negatibong bagay—iisa ang diwa at mga pinagmumulang kaisipan at pananaw ng mga ito. Puro negatibo ang mga kaisipan at pananaw na nagdudulot na umusbong ang mga negatibong emosyon, lahat ng ito ay mga satanikong pilosopiya, at inaakay ng mga negatibong bagay na ito ang mga tao na maghayag ng kanilang mga tiwaling disposisyon at umasal at kumilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba? (Oo.)