Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4 (Ikalawang Bahagi)
Ang paghahangad sa katotohanan ay napakahalaga, pero hindi iyon nangangahulugan na kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan ay hindi nila mararating ang kanilang hantungan; iyon ay hindi tiyak. Ang lahat ng tao ay mga nilikha, at hangga’t sila ay hindi mga diyablo o mga Satanas, hindi nila aktibong aatakihin ang Diyos, o aktibong aatakihin at lalapastangin ang Diyos nang may malinaw na kamalayan. Samakatuwid, ang Diyos ay makatarungan at makatwiran sa ordinaryong tiwaling sangkatauhan, at binibigyan Niya silang lahat ng oportunidad na makamit ang kaligtasan. Habang nararanasan ng tao ang pagkakamit ng kaligtasan, mabuti ang Diyos sa kanila, pinoprotektahan Niya sila, at binabantayan sila. Kaya, ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong diyablo at mga Satanas? Nakikita nila ang Diyos bilang ang kanilang kaaway at patuloy nilang hinuhusgahan, inaatake, at nilalapastangan ang Diyos, sinisira ang Kanyang gawain, at kahit kailan ay hinding-hindi sila marunong magsisi. Kung makikipag-ugnayan sila sa ibang tao, may ilan silang makakasundo, ngunit kapag humaharap sila sa Diyos, hindi talaga nila nakakasundo ang Diyos, kahit sa loob man lang ng isang minuto o ng isang segundo; hindi nila kayang makipagtulungan sa Diyos o makasama ang Diyos o makasundo ang Diyos sa anumang bagay, at ito ay nagpapakita na sila ay tipikal na mga diyablo at mga Satanas. Hinding-hindi pinahihintulutan ng Diyos ang gayong mga tao, at hinding-hindi pinapanatili ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Kapag may isang natuklasan, siya ay pinapaalis; kapag may dalawang natuklasan, sila ay pinapaalis; gaano man karami ang mabunyag, ganoon din karami ang tinatanggal—ang araw na sila ay mabunyag ay ang araw ng kanilang katapusan. Kapag ang mabubuting tao ay itinaas ang ranggo at binigyan ng mahalagang papel, iyon ang oras na sila ay pineperpekto, pinagpapala, at inaani nila ang pinakamalaking ani; kapag ang masasamang tao at mga diyablo ay itinaas ang ranggo at binigyan ng mahalagang papel, natural silang nailalantad at itinitiwalag, at dumating na ang kanilang huling araw. Isipin ninyo ang mga nasa paligid ninyo na kamakailan lamang o maaga pa lang ay inilantad, itiniwalag, o pinaalis na, at iyong mga tinanggal na sa listahan ang mga pangalan. Nang marating na nila ang rurok ng kanilang “propesyon” sa sambahayan ng Diyos ay saka sila itiniwalag, ang kanilang huling araw ay dumating na, at tinuldukan na nang malaki ang kanilang buhay ng pananampalataya sa Diyos. Ang mga hindi mananampalataya ay pumapasok at lumalabas sa iglesia at hindi sila makahanap ng angkop na lugar para sa kanilang sarili, hindi rin sila makaganap ng kahit anong tungkulin. Sa sandaling gumawa sila ng masama, sila ay nailalantad, at dumating na ang kanilang huling araw. Ang mga diyablo ay mahilig gumawa ng mga bagay-bagay na nakakaagaw ng pansin at nais nilang maging tanyag, at ang araw na sila ay pinakanagsasaya sa kanilang karangalan ay ang kanilang huling araw. Bakit Ko sinasabi ito? Alam mo ba? Ganito ang mga bagay-bagay. Pinakakampante sila kapag sila ay pinakanagsasaya sa kanilang karangalan, at hindi ba’t kapag sila ay pinakakampante ay saka sila pinakamadaling makalimot sa kanilang sarili? (Oo.) Kapag wala silang tagumpay at karangalan, ang mga diyablong ito ay ayaw mapansin. Pero kahit na sinasabi Kong ayaw nilang mapansin, hindi ibig sabihin na naisasagawa nila ang katotohanan, ang ibig Ko lang sabihin ay ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang sobrang maingat at mapagbantay, palaging may pusong mapagbantay at hindi isang pusong may takot sa Diyos. Sa sandaling makakita sila ng oportunidad, o magkaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, at nakokontrol na nila ang kanilang kapaligiran, nagiging kampante sila at nakakalimot sa kanilang sarili, iniisip na, “Dumating na ang oras ko. Oras na para ilabas ko ang aking mga abilidad at kalakasan at gamitin ang aking mga kakayahan!” At agad silang kumikilos. Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang mga kilos at ano ang pinagmulan ng kanilang mga kilos? Saan nanggagaling ang kanilang motibasyon at ang pinagmulan ng kanilang mga kilos? Nanggaling ang mga ito sa mga diyablo, kay Satanas, at sa kanilang matitinding ambisyon at pagnanasa. Sa gayong mga sitwasyon, ang mga bagay ba na kanilang ginagawa ay makatutugma sa mga katotohanang prinsipyo? Maaari ba silang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos habang ginagawa nila ang mga bagay-bagay? Mapapangasiwaan ba nila ang mga usapin ayon sa kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay hindi, hindi nila ito magagawa. At ano ang mga kahihinatnan? (Nagdudulot sila ng mga pagkagambala at kaguluhan.) Tama iyan, ang mga kahihinatnan ay na nagdudulot sila ng malulubhang pagkagambala at kaguluhan, at maaari pa nga silang magdulot ng malulubhang kaguluhan at kawalan sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Kaya naman, alinsunod sa mga prinsipyo ng kung paano pangasiwaan ang mga tao sa sambahayan ng Diyos, paano dapat pangasiwaan ang mga taong nagdudulot ng gayong mga kahihinatnan sa gawain ng iglesia? Kung ito ay isang maliit na usapin, dapat silang palitan, at kung ito ay isang seryosong usapin, dapat silang paalisin. Kapag ang isang tao ay itinaas ang ranggo at binigyan ng mahalagang papel, o isinaayos na gumawa siya ng ilang gawain, palaging malinaw na makikipagbahaginan sa kanya ang sambahayan ng Diyos tungkol sa mga prinsipyo ng paggawa. Maraming prinsipyo at detalye ang sinasabi sa taong iyon, at kapag naintindihan at naunawaan na niya, at naisulat na niya ang lahat, ay saka lamang itinuturing na kumpleto na ang pagpapasa ng gawain. Ngunit kapag nararapat siyang gumawa at gumanap ng kanyang tungkulin, ginagawa niya ito nang nakalantad ang mahahaba niyang kuko ng diyablo at nagsisimulang lumitaw ang totoong siya na isang diyablo. Hinding-hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sa halip ay ginagawa niya ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang sariling kagustuhan, ginagawa ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto niya, sa anumang paraang nais niya. Walang makakakontrol sa kanya, at wala siyang pinakikinggan, iniisip niya na, “Ang sambahayan ng Diyos, ang Diyos, at ang katotohanan ay lahat maaaring tumabi muna! Dito, ako ang nasusunod!” Ganito ginagawa ng mga diyablo ang mga bagay-bagay, at ito ang saloobin ng mga diyablo sa tungkulin at sa katotohanan. Kung mayroon kang ganitong saloobin sa katotohanan, ikaw ay malalantad. Kung itinuturing mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang iyong tungkulin bilang mga bagay na walang halaga at hindi mo ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo na ipinapasunod sa iyo ng sambahayan ng Diyos, hindi ka tatratuhin nang may paggalang. May mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa ng mga tao; ang mga dapat na tanggalin sa kanilang posisyon ay tinatanggal, at ang mga dapat na paalisin ay pinapaalis, at iyon na ang lahat ng masasabi tungkol dito. Hindi ba’t totoo ito? Hindi ba’t ito ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos? At hindi ba’t ganito inilalantad ang mga diyablo? At hindi ba’t ito ang kanilang motibasyon sa paggawa ng mga bagay-bagay, ang pinagmumulan ng kanilang mga kilos, at ang paraan ng kanilang paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo.) Sa pamamagitan ng pangangasiwa sa kanila sa ganitong paraan, tinatrato ba sila ng sambahayan ng Diyos nang hindi makatarungan? (Hindi.) Ito ba ay isang angkop na paraan ng pagtrato sa kanila? (Oo.) Talagang angkop na angkop ito! Ang isang normal na tao ay tinatanggap ang kanyang tungkulin, tumatanggap ng pagtataas ng ranggo, at binibigyan ng mahalagang papel. Tinutupad niya ang kanyang gawain ayon sa sarili niyang mga abilidad at kakayahan, at sa malaki o maliit na antas, nang ayon sa mga prinsipyo ng gawain na kanyang nauunawaan, o sa mga prinsipyong ipinapasunod sa kanya ng sambahayan ng Diyos. Bagamat madalas siyang naghahayag ng mga tiwaling disposisyon, hindi ito nakakaapekto sa normal na pagganap ng kanyang tungkulin. Anuman ang mga pagsubok na kanyang kaharapin, anuman ang maling kalagayan na kanyang mapasukan, o anuman ang pagkagambala na kanyang tiisin, sa huli ay makakamit niya ang ilang positibong resulta sa pagganap ng kanyang tungkulin, at ang mga resultang ito ay katanggap-tanggap sa lahat. Gayunpaman, gaano katagal man nang ginagampanan ng mga hindi mananampalatayang iyon ang kanilang tungkulin, hindi sila kailanman nagkakamit ng anumang positibong resulta. Palagi silang gumagawa ng masasamang bagay at sinusubukan nilang sirain ang mga bagay, at hindi lamang ito nakakaapekto sa gawain ng iglesia, pinipinsala rin nito ang mga interes ng iglesia, lumilikha ng masamang atmospera sa kanilang gawain at ginugulo ito. Kung ginagambala at sinisira ng isang diyablo ang ilang gawain, malamang na maraming tao sa likod ng eksena ang umuulit sa gawain mula sa simula, sinasayang ang pagsisikap ng mga tao at ang pondo ng sambahayan ng Diyos, at ginagalit ang maraming hinirang ng Diyos. Kapag tinanggal na ang diyablo, ang gawain ng iglesia ay agad na nagiging mas maganda, at ang mga resulta ng gawain ay nagiging iba. Ang diyablong nagdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ay hindi na pinahihintulutan sa iglesia, ang mga tao ay nagkakaroon na ng malayang kaisipan, mas bumibilis ang paggawa, at ang lahat ay gumaganap ng kanilang mga tungkulin nang normal. Kung gayon, ang mga taong ito na mula sa mga diyablo at kay Satanas ay tila mga tao mula sa labas, at anuman ang kanilang edad o gaano man sila kaedukado, hangga’t sila ay masama, maaari silang gumawa ng masasamang bagay, at ginagampanan nila ang papel ng mga diyablo at ni Satanas na nagtitiwali at nanggugulo sa mga tao. Halimbawa, nagluluto ka ng sinabawang manok na pinananabikang kainin ng lahat, nang biglang may langaw na dumapo sa sabaw. Sabihin mo sa Akin, maaari pa bang kainin itong sinabawang manok? Wala ka nang magagawa kundi itapon ito, at nasayang ang dalawa o tatlong oras mong paggawa. Pagkatapos ay kakailanganin mong hugasan ang pinaglutuan nang ilang beses, at kahit pagkatapos mong mahugasan ito, tila hindi pa rin ito malinis para sa iyo, at nakakaramdam ka pa rin ng pandidiri. Ano ang gumulo sa iyo? (Ang langaw.) Bagamat napakaliit niyong langaw, labis na nakakadiri ang maruming diwa nito. Ang mga taong ito na mula sa mga diyablo ay parang mga langaw. Pumapasok sila sa iglesia at nagdudulot ng malubhang pagkagambala sa normal na ayos ng buhay-iglesia, at ginugulo nila ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Kaya, ngayon ba ay may malinaw na kayong pagkaunawa sa mga taong ito na mula sa mga diyablo? Ang himukin silang magserbisyo nang kaunti at gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos ay mas mahirap pa kaysa sa himukin ang isang baka na umakyat sa puno; para itong paghimok sa isang pato na dumapo sa dapuan. Ang pinakamahirap ay ang himukin ang mga diyablo at mga Satanas na isagawa ang katotohanan, gayundin ang himukin ang mga hindi mananampalataya na tapat na gampanan ang kanilang tungkulin. Sadyang ganito ang mga bagay-bagay. Kung makakatagpo kayo ng mga taong kay Satanas at mga hindi mananampalataya, at kailangan ninyong pansamantalang magpatulong sa kanila, ayos lang iyon. Pero kung isasaayos mo na gumanap sila ng isang tungkulin o gumawa ng isang gawain, nagiging bulag ka at ikaw ay naloloko. Lalo na kung hihilingin mong gumawa sila ng ilang mahahalagang gawain, mas lalo kang nagiging hangal. Kung talagang wala kang mahanap na angkop na makakatulong sa iyo na gumawa ng isang bagay kaya nagpatulong ka sa kanila, ayos lang na hingan sila ng tulong, pero dapat mo silang bantayan at huwag balewalain ang bagay na iyon. Ang mga taong tulad nila ay hinding-hindi maaasahan; dahil hindi sila tao, kundi mga diyablo, hindi talaga sila maaasahan. Kaya ngayon, tingnan mo ang mga taong namumuno sa mga grupo o ang mga lider ng grupo, at ang mga gumaganap ng mga susing tungkulin at mahahalagang gawain, at tingnan mo kung katulad ba sila ng mga diyablong ito. Kung maaari mo silang palitan, palitan mo sila sa lalong madaling panahon; kung hindi mo sila mapalitan dahil walang ibang angkop na pumalit sa kanilang puwesto, bantayan mo sila nang mabuti, subaybayan mo sila nang maigi. Hindi mo dapat bigyan ng pagkakataon ang mga diyablo at mga Satanas na magdulot ng kaguluhan. Ang isang diyablo ay palaging magiging isang diyablo, walang pagkatao, at wala itong konsensiya at katwiran—dapat mo itong tandaan palagi! Ang mga hindi mananampalataya ay pawang sa mga diyablo at kay Satanas, at hindi mo sila dapat paniwalaan! Dito na natin tapusin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.
Noong magbahaginan tayo dati sa kung paano hangarin ang katotohanan, tinalakay natin ang dalawang bagay. Ano iyong una? (Pagbitiw.) Ang isa sa mga ito ay ang pagbitiw. Ano naman iyong isa pa? (Pag-alay.) Pag-alay. Tatlong beses nating tinalakay iyong una, ang “pagbitiw.” Ano ang huli nating pinagbahaginan? (Noong huli, sinuri ng Diyos ang mga dahilan kung bakit lumilitaw sa mga tao ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, mula sa perspektiba ng mga paghihirap na kanilang kinakaharap, at ng kanilang saloobin sa gawain ng Diyos at sa katotohanan.) Maraming dahilan kung bakit maaaring lumitaw ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, ngunit sa pangkalahatan, ito ay dulot ng obhetibong dahilan na hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Ito ang isa sa mga dahilan. May isa pang dahilan, at iyon ay ang pangunahing dahilan na hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan. Kapag hindi naiintindihan o hinahangad ng mga tao ang katotohanan, at wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, hindi sila tunay na nagpapasakop, kaya natural na umuusbong sa kanila ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Sa pang-araw-araw na buhay, dahil sa mga praktikal na suliraning nararanasan ng mga tao sa kanilang buhay at dahil sa iba’t ibang problema na kanilang nakakaharap sa kanilang pag-iisip, nararamdaman nila ang lahat ng uri ng negatibong emosyon sa kanilang obhetibong kapaligiran. Sa partikular, ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala na pinag-usapan natin noong huli, ay umuusbong lahat dahil kinakaharap ng mga tao ang iba’t ibang uri ng paghihirap at problemang may kaugnayan sa buhay ng kanilang laman. Sapagkat kapag kinakaharap ng mga tao ang mga problemang ito ay hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi sila nananalig sa sinasabi ng Diyos, lalong hindi nila hinahanap sa mga salita ng Diyos ang katotohanang dapat nilang maunawaan at maisagawa, na magbibigay sa kanila ng kakayahan na bitiwan ang kanilang mga maling pananaw, ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa mga usaping ito, pati na rin na bitiwan ang kanilang mga maling paraan ng pangangasiwa at pagharap sa mga bagay na ito, ang mga araw ay lumilipas, ang oras ay tumatakbo, at ang iba’t ibang paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay ay nagsasanhi ng lahat ng uri ng mga kaisipang gumugulo at pumipigil sa kanila sa kaibuturan ng kanilang puso. Lingid sa kanilang kaalaman, ang mga kaisipang ito ang nagsasanhing lumitaw ang mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa buhay ng kanilang laman at sa iba’t ibang isyu na kanilang kinakaharap. Sa katunayan, kapag ang mga tao ay hindi pa lumalapit sa Diyos o kapag wala silang pagkaunawa sa katotohanan, ang mga isyung ito ay magsasanhi na lumitaw ang mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa bawat tao sa iba’t ibang antas—hindi ito maiiwasan. Para sa mga nananahan sa laman, ang anumang mangyari sa kanila ay magsasanhi ng tiyak na kaguluhan at epekto sa kanilang buhay at sa kanilang mga kaisipan. Kapag ang kaguluhan at epektong ito ay lumampas na sa kanilang kayang tiisin at pasanin, o kapag ang kanilang mga likas na gawi, abilidad, at katayuan sa lipunan ay hindi sapat upang suportahan sila o lutasin o pawiin ang mga paghihirap na ito, ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay natural na uusbong at maiipon sa kaibuturan ng kanilang puso, at ang mga damdaming ito ang kanilang magiging normal na kalagayan. Ang pag-aalala sa iba’t ibang bagay tulad ng mga oportunidad sa hinaharap, pagkain, inumin, at pag-aasawa ng isang tao, ang pag-aalala sa kanyang kaligtasan o kalusugan sa hinaharap, sa kanyang pagtanda, at sa kanyang katayuan at reputasyon sa lipunan ay isang kalagayang nararanasan ng buong sangkatauhan batay sa kawalan ng tao ng pagkaunawa sa katotohanan at sa kanyang hindi pananalig sa Diyos. Ngunit kapag nagsimula nang manalig ang mga tao sa Diyos, kapag nakaunawa na sila ng kaunting katotohanan, ang kanilang kapasyahang hangarin ang katotohanan ay titindi nang titindi. Sa ganitong paraan, ang mga praktikal na paghihirap at problema na kanilang kinakaharap ay unti-unti nang mababawasan, at ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay unti-unti nang hihina at mapapawi—ito ay labis na natural. Ito ay dahil, pagkatapos mabasa ng mga tao ang maraming salita ng Diyos at maunawaan ang ilang katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos, palagi nilang titimbangin at haharapin ang diwa, simula, at pinagmulan ng mga isyu na kanilang kinakaharap sa buong buhay nila nang alinsunod sa mga salita ng Diyos. Sa panghuling pagsusuri, sa wakas ay mauunawaan nila na ang kanilang kapalaran at ang lahat ng bagay na ito na kanilang nararanasan sa kanilang buhay ay nasa kamay ng Diyos, kaya mauunawaan nila mula sa isang pangkalahatang perspektiba na ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala sa mga ito ang nakasalalay sa kanila. Kaya naman, ang pinakasimpleng dapat gawin ng mga tao ay ang magpasakop—magpasakop sa mga pagsasaayos at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Langit. Hindi sila dapat makipaglaban sa kanilang kapalaran, sa halip, kapag kinakaharap nila ang anumang bagay, dapat na palagi nilang positibo at aktibong hanapin ang mga layunin ng Diyos at mula roon ay hanapin ang pinakaangkop na paraan para lutasin ang isyu—ito ang pinakasimpleng bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Ibig sabihin, pagkatapos manalig ng mga tao sa Diyos, dahil sa mga katotohanang kanilang nauunawaan at dahil sa pangkalahatan ay nagpapasakop sila sa Diyos, unti-unti nang mapapawi ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ibig sabihin, ang mga emosyong ito ay hindi na labis na gugulo sa kanila, o magpaparamdam sa kanila ng pagkalito, o pagkatuliro, o na ang kanilang hinaharap ay madilim at hindi tiyak, kung kaya’t madalas silang makaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, dahil nagsimula na silang manalig sa Diyos at makaunawa sa ilang katotohanan, at magkaroon ng kaunting pagkilatis at pagkaunawa sa iba’t ibang usapin sa buhay, o magkaroon ng mas angkop na paraan para pangasiwaan ang mga bagay na ito, unti-unti nang mapapawi ang kanilang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Gayunpaman, bagamat maraming taon ka nang nananalig sa Diyos at nakapakinig ka na ng maraming sermon, ang iyong mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi pa rin natatanggal o humihina—ibig sabihin, ang iyong saloobin sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay at kung paano ka umasal at kumilos, at ang iyong mga kaisipan at pananaw, at ang paraan kung paano mo hinarap ang mga bagay-bagay bago ka manalig sa Diyos ay hindi pa nagbabago—ibig sabihin, pagkatapos mong manalig sa Diyos, hindi mo tinanggap ang katotohanan o nakamit ang katotohanan o ginamit ang katotohanan upang malutas ang mga isyung ito matapos mong basahin ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon, nang sa gayon ay malutas mo ang mga negatibong emosyong ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kung hindi mo kailanman hinahanap ang katotohanan upang malutas ang mga negatibong emosyong ito, hindi ba’t ipinapakita nitong may problema ka? (Oo.) Anong problema ang ipinapakita nito? Maraming taon ka nang nananalig sa Diyos ngunit sa tingin mo ay ganap na malungkot at madilim pa rin ang iyong hinaharap. Madalas ay nararamdaman mo pa rin sa iyong puso ang kahungkagan at kawalan ng pag-asa, at madalas mo pa ring maramdaman na hindi mo alam ang gagawin mo at kung paano ka uusad. Hindi mo alam kung saan patungo ang iyong buhay, at pakiramdam mo ay nangangapa ka pa rin sa dilim, walang landas, walang direksyon upang makausad. Ano ang ibig sabihin nito? Sa pinakamababa, ang ibig sabihin nito ay hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, hindi ba? At kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, ano ba ang iyong ginagawa sa loob ng mahabang panahong ito? Hinahangad mo ba ang katotohanan? (Hindi.) Kung, habang binibitiwan mo ang mga bagay-bagay, iginugugol ang sarili mo, at ginagampanan ang iyong mga tungkulin, ay hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo ginagamit ang katotohanan upang malutas ang mga praktikal na problema, ano ba ang ginagawa mo sa buong panahong ito? (Nag-aaksaya ng oras at iniraraos lang ang mga bagay-bagay.) Maraming tao ang gumaganap ng kanilang tungkulin nang padaskul-daskol, at ang totoo, ang mga taong ito ay nagtatrabaho. Ang mga trabahador ay kontento na sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, pagbabayad ng kaunting halaga, at paghihirap nang kaunti, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan. Kaya’t pagkatapos manampalataya sa Diyos nang maraming taon, hindi man lang sila nagbabago. Ang totoo, ang mga taong ito ay mga trabahador, at kung sasabihin natin ang dating sinasabi, pwede nating sabihing sila ay lumalahok sa mga aktibidad na panrelihiyon. Tingnan mo ang mga aktibidad na panrelihiyon sa mundo ng relihiyon—tuwing Linggo, sumasamba at nagtitipon-tipon ang mga tao, at karaniwan ay nagdarasal sila sa umaga, nagdarasal bago kumain, nagpapasalamat para sa lahat ng bagay, pinagpapala ang mga tao sa kanilang mga dasal, at kapag nakakakita sila ng ibang tao ay sinasabi nilang, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, protektahan ka nawa ng Diyos.” Kapag nakakakita sila ng isang taong mukhang interesado, ipinapangaral nila rito ang ebanghelyo at binabasahan nila ito ng isang sipi mula sa Bibliya. Ang mas mabubuti ay naglilinis ng iglesia, at kapag may dumarating na mangangaral, buong-sigla nila itong pinapatuloy sa kanilang tahanan; kapag nakakakita sila ng matatanda na nahihirapan sa buhay, tinutulungan nila ang mga ito, at nasisiyahan silang tulungan ang mga ito. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay mga aktibidad na panrelihiyon? Ang pagkain ng Easter Egg tuwing Easter, ang pagdiriwang ng pasko at ang pag-awit ng mga himnong pangpasko—ito ang mga aktibidad na kanilang nilalahukan. Ang inyong mga aktibidad ngayon ay medyo mas madalas na ginagawa kaysa sa mga aktibidad ng mga relihiyosong tao. Marami sa inyo ang nililisan ang inyong mga tahanan at ginagampanan ang inyong mga tungkulin nang full-time. Ginagampanan ninyo ang inyong mga espirituwal na debosyon sa umaga, ang ilang gawain sa iglesia sa araw, nagpupunta kayo sa mga regular na pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at bago kayo matulog sa gabi, nagdarasal kayo sa Diyos at hinihiling ninyo sa Kanya na protektahan Niya kayo, na makatulog kayo nang mahimbing at hindi magkaroon ng masasamang panaginip, at pagkatapos ay gagawin ninyo ulit ang lahat ng ito kinabukasan. Ang inyong pang-araw-araw na buhay ay sobrang regular, ngunit sobrang nakakabagot at nakakainip din ang mga ito. Wala kayong nakakamit at nauunawaan sa loob ng mahabang panahon, at hindi ninyo kailanman pinagninilayan o kinikilala itong mga pinakabatayang negatibong emosyon, ni kailanman tinutuklas o nilulutas ang mga ito. Sa iyong bakanteng oras, o kapag mayroong hindi kanais-nais na nangyayari sa iyong tungkulin, o kapag nakatanggap ka ng mensahe mula sa iyong pamilya na nagsasabing hindi maganda ang kalagayan ng iyong mga magulang, o kapag may masamang nangyari sa iyong pamilya, wala ka nang ganang gampanan ang iyong tungkulin at nagiging mahina ka sa loob ng ilang araw. Habang ikaw ay nanghihina, ang mga negatibong emosyong iyon na matagal mo nang iniipon sa loob mo ay muling sumasabog. Iniisip-isip mo ang mga ito araw-gabi, at sinusundan ka ng mga ito na parang mga anino. Mayroon pa ngang ilan na bigla na lamang sumasabog muli ang mga kaisipan at pananaw na taglay nila bago sila nanampalataya sa Diyos kapag sila ay nanghihina at nagiging negatibo, iniisip nila, “Marahil mas naging mabuti sana kung nagkolehiyo ako, kung nag-aral ako ng isang kurso, at nakahanap ng isang magandang trabaho—baka nga may asawa na ako ngayon. Ang dating kaklase ko na si ganito at ganyan ay tila hindi naman espesyal noong magkasama pa kami sa paaralan, ngunit pagkatapos niyon ay nagkolehiyo siya. Tumaas ang ranggo niya pagkatapos niyang makakuha ng trabaho, at ngayon ay ganap nang masaya ang buhay pamilya niya. May sasakyan at bahay siya, at maganda ang kanyang buhay.” Kapag naiisip nila ang mga bagay na ito at nalulugmok sila sa mga negatibong kalagayan, sa isang iglap ay nagsisilabasan ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Iniisip nila ang kanilang pamilya, ang kanilang ina, at nangungulila sila sa mga panahong nagdaan, at ang magagandang bagay, masasamang bagay, masasakit na bagay, masasayang bagay, at hindi malilimutang mga bagay ay bumabalik lahat sa kanilang isipan, at habang iniisip nila ang lahat ng ito, sila ay nalulungkot, at tumutulo ang luha mula sa kanilang mga mata. Ano ang ipinapakita ng lahat ng ito? Ipinapakita nito na ang dati mong paraan ng pamumuhay at ang dati mong paraan ng pag-asal ay maaaring sumagi sa isipan mo paminsan-minsan at makagulo sa iyong kasalukuyang buhay at sa kalagayan ng iyong buhay ngayon. Ang mga bagay na ito ay maaari pa ngang pangibabawan ang paraan ng iyong pamumuhay ngayon at ang iyong saloobin sa buhay, pati na rin ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Palaging ginugulo at pinangingibabawan ng mga ito ang iyong buhay. Hindi mo ito sinasadya, kundi ito ay isang sitwasyon kung saan ikaw ay natural na nalulugmok sa mga negatibong emosyong ito. Maaaring isipin mo ngayon na wala ka ng ganitong mga emosyon, ngunit ito ay dahil lang hindi pa dumarating ang tamang oras at kapaligiran. Sa sandaling dumating na ang tamang oras at kapaligiran, anumang oras at saanmang lugar ay maaari kang humantong sa ganitong mga emosyon. Ngayon, kapag ikaw ay humantong sa mga emosyong ito, nasa panganib ka, nasa panganib kang bumalik sa iyong orihinal na paraan ng pamumuhay anumang oras at saanmang lugar at masakop ng iyong orihinal na mga iniisip at pananaw—ito ay napakamapanganib. Ang panganib na ito ay maaaring ipagkait sa iyo ang pagkakataon at pag-asa na makamtan ang kaligtasan sa anumang oras at saanmang lugar, at anumang oras at saanmang lugar ay maaari ka nitong dalhin palayo sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Kaya kahit gaano pa katindi ang iyong determinasyon at pagnanais na gampanan ang iyong tungkulin ngayon, o kahit gaano pa kalalim at kataas sa iyong isipan ang mga katotohanang naiintindihan mo, o kahit gaano pa kataas ang iyong tayog, hangga’t ang iyong mga kaisipan ay hindi nagbabago, hangga’t ang iyong pananaw sa buhay ay hindi nagbabago, hangga’t ang paraan ng iyong pamumuhay ay hindi nagbabago, at hangga’t ang iyong pagnanasa para sa iyong ninanais sa buhay ay hindi nagbabago—na pawang nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga emosyong ito—kung gayon, ikaw ay manganganib sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar; kapag maaari kang lamunin, mapangibabawan, at madala ng mga kaisipan at pananaw na ito sa anumang oras at saanmang lugar, ikaw ay nasa panganib. Kaya’t huwag mong balewalain ang mga negatibong emosyong ito. Sa anumang oras at saanmang lugar, maaari kang tanggalan ng mga ito ng pagkakataong makamtan ang kaligtasan at maaaring sirain ng mga ito ang iyong pagkakataon na maligtas, at ito ay hindi maliit na usapin.
Ang sanhi ng lahat ng negatibong emosyon ng tao ay ang kanilang iba’t ibang maling kaisipan, maling pananaw, maling pamumuhay, at mali at satanikong pilosopiya sa buhay. May ilang bagay rin na nangyayari sa iyong tunay na buhay, lalo na sa mga pagkakataon na hindi mo kayang malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, maaari kang napakadaling matakot at matigilan sa hitsura ng mga bagay na ito, at maaari kang napakadaling malito, kaya babalik ka sa mga dati mong paraan ng pamumuhay; hindi mo mamamalayang poprotektahan mo ang iyong sarili, tatalikdan ang Diyos, tatalikdan ang katotohanan, at gagamitin ang iyong sariling mga pamamaraan at gawi na pinaniniwalaan mong pinakatradisyonal at pinakamaaasahan upang ikaw ay makalabas, makahanap ng paraan kung paano mamuhay, at makahanap ng pag-asa para patuloy na mabuhay. Bagamat, sa panlabas, ang mga negatibong emosyong ito ay tila mga emosyon lamang, at kung ilalarawan natin ang mga emosyong ito gamit ang mga salita ay tila mababaw lang at hindi gaanong seryoso ang mga ito kung literal na iintindihin, may ilang tao na mahigpit na kumakapit sa mga negatibong emosyong ito at ayaw bitiwan ang mga ito, animo’y kumakapit sa patalim upang manatiling buhay, at sila ay mahigpit na nagagapos at napipigilan ng mga bagay na ito. Sa katunayan, ang pagkakagapos sa kanila ng mga negatibong emosyong ito ay talagang dulot ng iba’t ibang paraang inaasahan ng tao para manatiling buhay, pati na rin ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nangingibabaw sa kanila, at ng kanilang iba’t ibang saloobin sa pamumuhay at pag-iral. Kaya, bagamat pawang negatibo ang mga emosyon ng pagkalugmok sa depresyon, pagkabagabag, pagkabalisa, pag-aalala, pagiging mas mababa, poot, galit, at iba pa, iniisip pa rin ng mga tao na maaari silang umasa sa mga ito, at napapanatag lang sila, at nararamdaman lang nilang natagpuan na nila ang kanilang sarili at na sila ay umiiral, kapag nalulugmok na sila sa mga emosyong ito. Ang totoo, ang pagkakalugmok ng mga tao sa mga emosyong ito ay salungat at malayo sa katotohanan, pati na rin sa mga tamang paraan ng pag-iisip, sa mga tamang kaisipan at pananaw, at sa tamang saloobin at mga pananaw sa mga bagay na sinasabi sa kanila ng Diyos na dapat nilang taglayin. Anumang negatibong emosyon ang nararanasan mo, habang mas nalulugmok ka rito, mas lalo kang magagapos nito; habang mas lalo kang nagagapos nito, mas mararamdaman mo ang pangangailangang protektahan ang iyong sarili; habang mas nararamdaman mo ang pangangailangang protektahan ang iyong sarili, mas aasamin mong ikaw ay lumakas at mas humusay at gumaling upang ikaw ay magkaroon ng mga pagkakataon na mabuhay at makahanap ng iba’t ibang paraan ng pamumuhay upang malagpasan mo ang mga pagsubok ng mundo, mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap na iyong hinaharap sa mundo, at mapagtagumpayan ang lahat ng suliranin at hirap ng buhay. Habang mas nalulugmok ka sa mga emosyong ito, mas lalo mong ginugustong kontrolin o lutasin ang lahat ng paghihirap na iyong nakakaharap sa buhay. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo, ganoon nga.) Kaya, paano lumilitaw ang mga kaisipang ito ng tao? Gawin nating halimbawa ang pag-aasawa. Nakadarama ka ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pag-aasawa, ngunit ano ba ang mismong isyu sa likod ng lahat ng ito? Ano ang inaalala mo? Saan nagmumula ang pag-aalalang ito? Ito ay nagmumula sa kawalan mo ng kaalaman na ang pag-aasawang ito ay isinasaayos at pinamumunuan ng tadhana, at na ito ay isinasaayos at pinamumunuan ng Langit. Dahil hindi mo ito alam, gusto mo palaging ikaw ang magdesisyon para sa sarili mo, ang magplano, magmungkahi, at magpakana, paulit-ulit na iniisip ang mga bagay na tulad ng: “Anong klase ng asawa ang dapat kong hanapin? Gaano siya dapat katangkad? Ano dapat ang hitsura niya? Anong klase ng personalidad ang dapat mayroon siya? Gaano siya dapat kaedukado? Anong klase ng pamilya ang dapat niyang panggalingan?” Habang mas detalyado ang iyong mga plano, mas lalo kang nag-aalala, hindi ba? Habang mas mataas at mas marami ang iyong mga hinihingi, mas lalo kang nag-aalala, hindi ba? At lalong nagiging mas mahirap na makahanap ng mapapangasawa, tama ba? (Oo.) Kapag hindi mo alam kung ang isang tao ay angkop sa iyo o hindi, mas tumitindi ang iyong mga paghihirap, at habang mas tumitindi ang iyong mga paghihirap, mas tumitindi ang iyong pagkabagabag at pagkabalisa, tama ba? Habang mas tumitindi ang iyong pagkabagabag at pagkabalisa, mas lalo kang nagugulo ng mga emosyong ito. Kaya, paano mo malulutas ang problemang ito? Sabihin nang nauunawaan mo ang diwa ng pag-aasawa, at na nauunawaan mo ang tamang paraan ng pagsulong at ang tamang direksyong dapat na tahakin—ano, kung gayon, ang tamang pagharap sa pag-aasawa? Sinasabi mo, “Ang pag-aasawa ay isang malaking kaganapan sa buhay, at anuman ang piliin ng mga tao, ito ay pawang itinakda na noon pa man. Noon pa man ay inorden at isinaayos na ng Diyos kung sino ang magiging asawa mo at kung anong klase siya ng tao. Hindi dapat maging masyadong padalos-dalos ang mga tao o umasa sa kanilang mga imahinasyon, lalo na sa kanilang mga kagustuhan. Ang pag-asa ng isang tao sa kanyang mga imahinasyon at kagustuhan at ang pagiging padalos-dalos ay pawang pagpapamalas ng kamangmangan at hindi umaayon sa realidad. Hindi dapat hayaan ng mga tao na mamayani ang kanilang mga kagustuhan, at ang lahat ng imahinasyon ay salungat sa realidad. Ang pinakapraktikal na gawin ay ang hayaang maganap ang mga bagay-bagay nang natural at hintayin ang taong isinaayos ng Diyos para sa iyo.” Kaya, gamit ang teoryang ito at ang praktikal na pagkaunawang ito bilang iyong pundasyon, paano ka dapat magsagawa tungkol sa bagay na ito? Dapat kang magkaroon ng pananampalataya, dapat mong hintayin ang oras ng Diyos, at hintayin ang pagsasaayos ng Diyos. Kung isinaayos ng Diyos ang isang angkop na asawa para sa iyo sa buhay na ito, darating ito sa tamang oras, sa tamang lugar, at sa tamang kapaligiran. Mangyayari ito kapag angkop na ang mga kondisyon, at ang kailangan mo na lang gawin ay ang makipagtulungan sa usaping ito pagdating ng gayong oras, at sa gayong lugar at kapaligiran. Ang tanging magagawa mo ay ang maghintay—hintayin ang oras na ito, hintayin ang lugar na ito, hintayin ang kapaligirang ito, hintaying magpakita ang taong ito, hintaying maganap ang lahat ng ito, nang hindi ka nagiging aktibo o pasibo, kundi naghihintay lang na mangyari at dumating ang lahat ng ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa “maghintay”? Ang ibig Kong sabihin ay ang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin, hindi aktibo o pasibo; ang saloobing ito ay isang naghahanap at mapagpasakop na saloobin, nang walang anumang pagpipilit. Kapag ganito na ang iyong saloobin, makadarama ka pa rin ba ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pag-aasawa? (Hindi na.) Ang iyong mga indibidwal na plano, imahinasyon, pagnanais, hilig, at ang lahat ng iyong hangal na kaisipang hindi tugma sa mga katunayan ay mawawala. Ang iyong puso ay magiging kalmado, at hindi ka na makakaramdam ng mga negatibong emosyon tungkol sa usapin ng pag-aasawa. Ikaw ay magiging panatag, malaya, at maginhawa tungkol sa usaping ito, at hahayaan mong maganap ang mga bagay-bagay nang natural. Kapag tama na ang iyong saloobin, ang lahat ng iyong mga gagawin at ang lahat ng iyong mga ipapahayag ay magiging makatwiran at naaangkop. Ang mga emosyong naipapamalas sa loob ng iyong normal na pagkatao ay natural na hindi dapat pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, sa halip ang mga ito ay dapat na payapa at matatag. Ang mga emosyon ay hindi nakakalungkot o radikal—maghintay ka lang. Ang iyong tanging paraan ng pagsasagawa at saloobin sa usaping ito sa iyong puso ay ang maghintay at magpasakop: “Nais kong magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa akin. Wala akong personal na mga hinihingi o plano.” Hindi ba’t nabitiwan mo na ang mga negatibong emosyong ito kapag nagkagayon? At hindi ba’t hindi na lilitaw ang mga emosyong ito? Kahit pa naramdaman mo ang mga ito, hindi ba’t unti-unti mo ring bibitiwan ang mga ito? Kaya, anong uri ng proseso ang pagbitiw sa mga negatibong emosyong ito? Ito ba ay pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan? Ipinapakita nito na kapwa mo hinahangad at isinasagawa ang katotohanan. Ang huling resultang nakakamit sa paghahangad sa katotohanan ay ang pagsasagawa sa katotohanan—ito ay ipinapatupad sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag naabot mo na ang antas ng pagsasagawa sa katotohanan, ang iyong pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi na susunod sa iyo na para bang mga anino; lubusan nang naalis ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso. Ang proseso ba ng pag-aalis ng mga emosyong ito ang proseso ng pagbitiw? (Oo.) Ang pagsasagawa sa katotohanan ay ganito lang kasimple. Madali ba ito? Ang pagsasagawa sa katotohanan ay isang pagbabago ng mga kaisipan at pananaw at, higit sa lahat, ito ay pagbabago ng saloobin ng isang tao sa mga bagay. Upang mabitiwan ang isang simpleng negatibong emosyon, kailangan isagawa at isakatuparan ng isang tao ang mga prosesong ito. Una, ang isang tao ay dapat na sumailalim sa pagbabago ng kanyang mga kaisipan at pananaw, pagkatapos ay sa pagbabago ng kanyang saloobin na magsagawa, at pagkatapos ay sumailalim sa pagbabago ng paraan ng kanyang pagsasagawa, ng kanyang mga prinsipyo sa pagsasagawa, at ng kanyang landas ng pagsasagawa. Hindi ba’t nabitiwan mo na ang negatibong emosyong iyon kapag nagkagayon? Ganito lang ito kasimple. Ang pinakahuling resulta na nakakamit mo sa “pagbitiw” ay ang hindi ka na magugulo, malilito, at makokontrol ng negatibong emosyong ito, at kasabay nito, hindi ka na mumultuhin ng lahat ng uri ng mga negatibong kaisipan at pananaw na idinudulot ng negatibong emosyong ito. Sa ganitong paraan, ikaw ay mamumuhay nang panatag, maginhawa, at malaya. Siyempre, ang pagiging panatag, maginhawa, at malaya ay mga damdamin lamang ng tao—ang tunay na pakinabang na nakakamit ng mga tao ay ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Ang batayan ng pag-iral ng tao ay ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Kung ang mga tao ay umaasa sa kanilang mga imahinasyon para mabuhay sila sa iba’t ibang negatibong emosyon para maprotektahan nila ang kanilang sarili, kung umaasa sila sa kanilang sarili at sa kanilang sariling kakayahan, gawi, at mga pamamaraan para pangalagaan ang kanilang sarili, at tumatahak sila sa sarili nilang landas, napalayo na sila sa katotohanan at sa Diyos, at natural na mabubuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, kapag ikaw ay nahaharap sa mga kaparehong paghihirap at sitwasyon, dapat mayroon kang pagkaunawa sa iyong puso, at likas mong maiisip, “Hindi ko kailangang mag-alala sa mga bagay na ito. Walang silbi ang pag-aalala. Ang mga taong matatalino at marurunong ay aasa sa Diyos at ipagkakatiwala ang lahat ng bagay na ito sa Diyos, magpapasakop sila sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, hihintayin nila ang lahat ng bagay na isinasaayos ng Diyos, at hihintayin nila ang oras, lugar, tao, o bagay na isinasaayos ng Diyos. Ang dapat at maaari lang gawin ng tao ay ang makipagtulungan at magpasakop—ito ang pinakamakatwirang desisyon.” Siyempre, kung hindi mo ito gagawin at hindi ka magsasagawa sa ganitong paraan, ang lahat ng isinasaayos ng Diyos ay mangyayari pa rin sa huli—walang tao, walang pangyayari, at walang sitwasyon ang mababago ng kalooban ng tao. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng tao ay isang sakripisyo lamang na wala namang kabuluhan, at ang mga ito ay mga hangal na kaisipan at mangmang na pagpapamalas lamang ng tao. Gaano man kalalim o katindi ang iyong pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, o gaano mo man lubos na pag-isipan ang isang usapin, ang lahat ng iyon ay walang silbi sa huli at dapat na iwaksi. Ang pangwakas na mga katunayan at resulta ay hindi mababago ng kalooban ng tao. Sa huli, ang tao ay dapat mamuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; walang makababago sa mga bagay na ito, at walang makakawala sa lahat ng ito. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.)