Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3 (Ikaapat na Bahagi)

Maliban sa mga walang pananalig, mayroon ding matatandang kapatid na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, “Hindi na masyadong malakas ang katawan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi maayos ang pagsasalita ko, at wala akong karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at kulang na ako sa enerhiya, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Maliban sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at mahangad ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?” Kapag iniisip nila ang mga ito, nagsisimula silang mabahala, iniisip na, “Bakit ba kung kailan matanda na ako ay saka lang ako sumampalataya sa Diyos? Bakit ba hindi ako katulad niyong mga nasa edad 20 at 30, o maging niyong mga nasa edad 40 at 50? Bakit ba natagpuan ko lang ang gawain ng Diyos kung kailan napakatanda ko na? Hindi naman sa masama ang aking kapalaran; kahit papaano ngayon ay natagpuan ko na ang gawain ng Diyos. Maganda ang kapalaran ko, at naging mabuti ang Diyos sa akin! May isang bagay lang na hindi ako nasisiyahan, at iyon ay ang masyado na akong matanda. Hindi na matalas ang aking memorya, at hindi na rin malakas ang kalusugan ko, ngunit matatag ang kalooban ko. Kaya lang ay hindi na ako sinusunod ng katawan ko, at inaantok ako pagkatapos kong makinig nang matagal-tagal sa mga pagtitipon. Minsan ay pumipikit ako upang magdasal at nakakatulog ako, at lumilipad ang isip ko kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Matapos magbasa nang kaunti, inaantok ako at nakakatulog, at hindi ko nauunawaan ang mga salita. Ano ang magagawa ko? Nang may ganitong mga praktikal na suliranin, mahahangad at mauunawaan ko pa ba ang katotohanan? Kung hindi, at kung hindi ako makapagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng aking pananampalataya? Hindi ba’t mabibigo akong makamtan ang kaligtasan? Ano ang puwede kong gawin? Nag-aalala ako nang husto! Sa ganitong edad, wala nang mahalaga pa. Ngayong nananalig na ako sa Diyos, wala na akong mga inaalala o ikinababalisa, at malalaki na ang aking mga anak at hindi na nila ako kailangan para alagaan o itaguyod sila, ang pinakahinihiling ko sa buhay ay ang mahangad ang katotohanan, magampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa huli ay makamtan ang kaligtasan sa mga taon na natitira sa akin. Gayunpaman, kung titingnan ngayon ang aking aktuwal na sitwasyon, malabo ang mata dahil sa katandaan at magulo ang isip, mahina ang kalusugan, hindi magampanan nang maayos ang aking tungkulin, at minsan ay nagdudulot ng mga problema kapag sinusubukan kong gawin ang lahat ng aking makakaya, tila ba hindi magiging madali para sa akin na makamit ang kaligtasan.” Paulit-ulit nilang iniisip ang mga bagay na ito at nababalisa sila, at pagkatapos ay iniisip nila, “Tila ba ang magagandang bagay ay nangyayari lamang sa mga kabataan at hindi sa matatanda. Mukhang kahit gaano pa kaganda ang mga bagay, hindi ko na matatamasa pa ang mga ito.” Habang lalo nilang iniisip ang mga bagay na ito, lalo silang nababahala at lalo silang nababalisa. Hindi lamang nila inaalala ang kanilang sarili, kundi nasasaktan din sila. Kung umiyak sila, nararamdaman nilang hindi ito karapat-dapat na iyakan, at kung hindi sila umiyak, palagi nilang nadarama ang kirot at ang sakit. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Partikular na may matatandang nais gumugol ng kanilang buong oras para sa Diyos at gumanap ng kanilang tungkulin, ngunit mahina ang kanilang katawan. Mayroong may altapresyon, mataas ang blood sugar, may problema sa gastrointestinal, at hindi sapat ang kanilang lakas para matugunan ang mga hinihingi ng kanilang tungkulin, kaya nababahala sila. Nakikita nila ang mga kabataan na nakakakain at nakakainom, nakakatakbo at nakakatalon, at naiinggit sila. Habang mas nakikita nila ang mga kabataan na nagagawa ang gayong mga bagay, mas lalo silang nababagabag, iniisip na, “Nais kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at hangarin at unawain ang katotohanan, at nais ko ring isagawa ang katotohanan, kaya bakit napakahirap nito? Napakatanda ko na at wala akong silbi! Ayaw ba ng Diyos sa matatanda? Talaga bang walang silbi ang matatanda? Hindi ba kami makapagkakamit ng kaligtasan?” Malungkot sila at hindi nila magawang maging masaya paano man nila ito pag-isipan. Ayaw nilang palampasin ang gayon kagandang panahon at pagkakataon, ngunit hindi nila magugol ang kanilang sarili at magampanan ang kanilang tungkulin nang buong-puso at kaluluwa gaya ng mga kabataan. Nahuhulog sa malalim na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang matatandang ito dahil sa kanilang edad. Sa tuwing nahaharap sila sa ilang pagsubok, kabiguan, paghihirap, o hadlang, sinisisi nila ang kanilang edad, at napopoot pa nga sila sa kanilang sarili at hindi nila gusto ang kanilang sarili. Pero anu’t anuman, wala itong saysay, walang solusyon, at wala silang daan pasulong. Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring magampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Katanggap-tanggap naman na gampanan ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan, at maging ang mga kabataan ay hindi rin naman maunawaan ang lahat ng ito. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Tama ba sila? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, may karamdaman, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at pananaw sa lahat ng bagay. Kaya hindi dapat isipin ng matatanda na dahil matanda na sila, mas kaunti ang kanilang maluluhong kagustuhan kaysa sa mga kabataan, at mas matatag sila, wala na silang malalaking pangarap o ninanasa, at mas kaunti na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—ito ay isang maling paniniwala. Maaaring makipagkumpetensya para sa puwesto ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? Ang mga kabataan ay maaaring gumawa ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo at kumilos nang pabasta-basta, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? (Oo, maaari.) Maaaring maging mayabang ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari ding maging mayabang ang matatanda? Gayunpaman, kapag mayabang ang matatanda, dahil sa kanilang edad ay hindi sila ganoon kaagresibo, at hindi masyadong matindi ang kanilang pagiging mayabang. Mas malinaw ang pagpapamalas ng mga kabataan ng kayabangan dahil sa kanilang maliliksing katawan at isipan, samantalang mas hindi halata ang mga pagpapamalas ng kayabangan ng mga nakatatanda dahil sa kanilang mahihinang kasukasuan at saradong isipan. Subalit iisa ang diwa ng kanilang kayabangan at iisa ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Gaano katagal man nang nananalig ang isang matanda sa Diyos, o ilang taon na niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, mananatili ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang ilang matatandang namumuhay nang mag-isa ay sanay na sa pamumuhay nang mag-isa at ayaw na nilang baguhin ang kanilang mga nakagawian: May mga itinakda na silang oras at mga sarili nilang pagsasaayos para sa kanilang pagkain, pagtulog, at pagpapahinga, at ayaw nilang magambala ang ayos ng mga bagay-bagay sa kanilang buhay. Sa panlabas, ang matatandang ito ay tila mabubuting tao, ngunit mayroon pa rin silang mga tiwaling disposisyon, at matutuklasan mo ito pagkatapos mo silang makasama nang matagal. May matatandang sobrang pabigla-bigla at mayabang; kinakailangan talaga na makain nila ang gusto nilang kainin, at walang makapipigil sa kanila kapag gusto nilang pumunta kung saan para maglibang. Kapag nakapagdesisyon na silang gagawin nila ang isang bagay, walang sinumang makapipigil sa kanila. Walang makapagpapabago sa kanila, at pabigla-bigla sila sa buong buhay nila. Ang gayong matatanda na matitigas ang ulo ay mas nakagugulo pa kaysa sa mga suwail na kabataan! Kaya naman, kapag sinasabi ng ilang tao na, “Ang matatanda ay hindi kasingtiwali ng mga kabataan. Ang matatanda ay nabuhay sa panahong mas konserbatibo at sarado pa ang mga isipan, kaya ang henerasyong ito ng matatanda ay hindi masyadong natiwali,” totoo ba ang kasabihan na ito? (Hindi.) Ito ay pangangatwiran lamang para sa sarili nilang kapakinabangan. Ayaw ng mga kabataan na makatrabaho ang iba, at hindi ba’t maaaring ganoon din ang matatanda? (Maaari.) May matatanda na may mas malulubhang tiwaling disposisyon kaysa sa mga kabataan, palaging ipinagmamalaki ang kanilang katandaan at ipinagyayabang ang kanilang edad, sinasabing, “Matanda na ako. Ilang taon ka na ba? Ako ba ang matanda, o ikaw? Hindi mo gugustuhing marinig ito, pero papunta ka pa lang ay pabalik na ako, at kailangan mong makinig sa akin. Marami na akong karanasan at kaalaman. Ano ba ang alam ninyong mga kabataan? Nananalig na ako sa Diyos bago ka pa ipanganak!” Hindi ba’t mas nakakagulo ito? (Oo.) Kapag may titulo na silang “matanda na”, maaaring maging mas nakakagulo ang nakatatanda. Kaya hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang pwedeng gawin. Ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga kamangmangan at katigasan ng ulo, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na kakatwa na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang alisin, suriin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang mabagabag, mabalisa, at mag-alala kapag wala kang ginagawa—hindi ito ang iyong gawain o responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagamat tumatanda ka na at medyo tumatanda na rin ang iyong katawan, dapat ay parang sa kabataan pa rin ang iyong pag-iisip. Bagamat tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan. Kung ang isang tao ay nasa 70 na ngunit hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog at hindi niya kaya ang gawain. Samakatuwid, walang kinalaman ang edad pagdating sa katotohanan, at higit pa rito, walang kinalaman ang edad pagdating sa mga tiwaling disposisyon. Si Satanas ay libu-libong taon, daan-daang milyong taon nang umiiral, at ito ay si Satanas pa rin, ngunit kinakailangan pa rin nating magdagdag ng isang pang-uring naglalarawan bago ang salitang “Satanas,” at ito ay ang “matandang Satanas,” ibig sabihin, ito ay sobra-sobrang masama, tama ba? (Oo.) Kaya paano dapat magsagawa ang matatanda? Ang isang aspekto nito ay na dapat kang magkaroon ng kaisipang katulad ng sa mga kabataan, dapat mong hangarin ang katotohanan at kilalanin ang iyong sarili, at kapag nakilala mo na ang iyong sarili, dapat kang magsisi. Ang isa pang aspekto ay na dapat mong hanapin ang mga prinsipyo sa pagganap ng iyong tungkulin at dapat kang magsagawa nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mo dapat isiping hindi mo na kayang hangarin ang katotohanan, sabihin na matanda ka na, may edad na, na wala ka nang mga aktibong kaisipan na mayroon ang mga kabataan, na wala ka nang mga tiwaling disposisyon na mayroon ang mga kabataan, na naranasan mo na ang lahat sa buhay na ito, na may kabatiran ka na sa lahat ng ito, at kaya wala kang malalaking ambisyon o mga ninanasa. Ang ibig mo talagang sabihin sa pagsasabi nito ay, “Ang aking mga tiwaling disposisyon ay hindi ganoon kalubha, kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay para sa inyong mga kabataan. Wala itong kinalaman sa aming matatanda. Kaming matatanda ay ginagawa at ginugugol kung ano lang ang kaya namin sa sambahayan ng Diyos, at sa gayon ay nagawa na namin nang maayos ang aming tungkulin at maliligtas na kami. Tungkol naman sa pagbubunyag ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon, sa mga anticristong disposisyon, at sa anticristong diwa ng mga tao, iyon dapat ang maunawaan ninyong mga kabataan. Maaari ninyong maingat na pakinggan ito, at sapat nang pinatutuloy namin kayo nang maayos at binabantayan ang paligid upang mapanatili kayong ligtas. Kaming matatanda ay walang malalaking ambisyon. Tumatanda na kami, mabagal na kaming mag-isip, kaya lahat ng aming tugon ay positibo. Bago kami mamatay, nagiging mabuti ang aming mga puso. Kapag ang mga tao ay tumatanda na, bumubuti ang kanilang asal, kaya kami ay may mabubuting asal.” Ang ibig talaga nilang sabihin ay na wala silang mga tiwaling disposisyon. Kailan ba natin sinabi na ang matatanda ay hindi kinakailangang maghangad sa katotohanan o na ang paghahangad sa katotohanan ay iba-iba depende sa inyong edad? May sinabi ba tayong ganito kailanman? Wala. Sa sambahayan ng Diyos at pagdating sa katotohanan, ang matatanda ba ay isang espesyal na grupo? Hindi. Ang edad ay walang kinalaman sa katotohanan, gayundin sa iyong mga tiwaling disposisyon, sa lalim ng iyong pagkatiwali, kung ikaw ay kwalipikado bang hangarin ang katotohanan, kung makakamtan mo ba ang kaligtasan, o kung ano ba ang tsansa na ikaw ay maliligtas. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Maraming taon na nating pinagbabahaginan ang katotohanan, pero hindi tayo kailanman nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang uri ng katotohanan ayon sa iba’t ibang edad ng mga tao. Kailanman, hindi pa napagbahaginan ang katotohanan o nalantad ang mga tiwaling disposisyon nang eksklusibo para sa mga kabataan o matatanda, hindi rin kailanman sinabi na dahil sa kanilang katandaan, saradong isipan, at kawalan ng kakayahan na tanggapin ang mga bagong bagay, ay natural na bumababa at nagbabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon—hindi kailanman sinabi ang mga bagay na ito. Wala ni isang katotohanan ang pinagbahaginan nang partikular na ayon sa edad ng mga tao at nang hindi isinasama ang matatanda. Ang matatanda ay hindi isang espesyal na grupo sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, o sa harap ng Diyos, kundi pareho lang sila sa iba pang mga grupo ng edad. Walang espesyal sa kanila, sadya lamang na mas matagal na silang nabubuhay kaysa sa iba, na sila ay dumating sa mundong ito nang mas maaga nang ilang taon kaysa sa iba, na ang kanilang buhok ay medyo mas maputi kaysa sa iba, at ang kanilang katawan ay medyo tumanda nang mas maaga kaysa sa iba; maliban sa mga bagay na ito, wala nang pagkakaiba. At kung gayon, kung palaging iniisip ng matatanda, “Matanda na ako kaya ibig sabihin ay mabuti ang asal ko, wala akong mga tiwaling disposisyon, at mayroon lang akong kaunting katiwalian,” hindi ba’t ito ay isang maling pagkaunawa? (Ganoon nga.) Hindi ba’t medyo kawalang kahihiyan ito? Ang ilang matatanda ay mga matanda at tusong kawatan, sobrang mapanlinlang. Sinasabi nilang wala silang mga tiwaling disposisyon, at sinasabi pa nga nilang ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay nawala na, samantalang ang totoo, ang kanilang mga inihahayag na mga tiwaling disposisyon ay kasingdami lang din naman ng sa ibang tao. Sa realidad, mailalarawan natin sa maraming paraan ang mga tiwaling disposisyon at kalidad ng pagkatao ng ganitong uri ng matanda. Halimbawa, “ang mga matanda at tusong kawatan” at “ang matandang luya ang pinakamaanghang, talo ng karanasan ang kabataan”—pareho itong gumagamit ng salitang “matanda,” tama? (Tama.) Ano pa ang ibang paglalarawan na may salitang “matanda”? (Matatandang mahilig magpakana.) Oo, tama iyan, “matatandang mahilig magpakana”. Nakikita ninyo, lahat ng mga ito ay gumagamit ng salitang “matanda.” Nariyan din ang “matandang Satanas” at “matatandang diyablo”—ang pinakatipikal na matatanda! Ano ang paniniwala ng mga tao kapag bahagi sila ng isang grupo ng matatanda? Naniniwala silang, “Lahat ng aming tiwaling disposisyon ay napawi na. Ang mga tiwaling disposisyon ay isang usaping para sa inyong mga kabataan. Mas malalim kayong natiwali kaysa sa amin.” Hindi ba’t ito ay sadyang pangbabaluktot? Nais nilang pagandahin ang imahe nila at magbuhat ng kanilang sariling bangko, pero ang totoo, hindi iyon ang tunay na nangyayari, at hindi ganoon ang mga bagay-bagay. Ang “matatandang diyablo,” “matandang Satanas,” “matatandang mahilig magpakana,” “mga matanda at tusong kawatan,” at “ipinagmamalaki ang katandaan”—ang mga paglalarawang ito na gumagamit ng salitang “matanda” ay hindi mabubuting bagay, at hindi positibong bagay ang mga ito.

Nagbabahaginan tayo ngayon tungkol dito upang magbigay ng babala, payo, at patnubay sa matatanda, at upang maprotektahan din ang mga kabataan. Ang layunin sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay pangunahin upang malutas ang anong problema? Ito ay upang malutas ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng matatanda, at masigurong nauunawaan nila na sobra-sobra na at hindi kinakailangan ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala na ito. Kung nais mong gumanap ng isang tungkulin at angkop kang gumanap ng isang tungkulin, tatanggihan ka ba ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Ang sambahayan ng Diyos ay tiyak na magbibigay sa iyo ng pagkakataon na gumanap ng isang tungkulin. Hinding-hindi nito sasabihing, “Hindi ka maaaring gumanap ng tungkulin dahil matanda ka na. Lumabas ka na. Hindi ka namin bibigyan ng pagkakataon.” Hindi, patas ang pagtrato ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng tao. Hangga’t ikaw ay naangkop na gumanap ng isang tungkulin at walang natatagong panganib, bibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon at tutulutan ka nitong gumanap ng tungkulin sa abot ng iyong makakaya. Dagdag pa rito, kung nais mong kilalanin ang iyong sarili at hangarin ang katotohanan, may mangungutya ba sa iyo at magsasabing, “Ang tulad mo bang matanda ay kwalipikadong hangarin ang katotohanan?” May mangungutya ba sa iyo? (Wala.) May magsasabi bang, “Matanda ka na at nalilito. Ano ang silbi ng paghahangad mo sa katotohanan? Hindi ililigtas ng Diyos ang isang matanda na gaya mo”? (Wala.) Wala, walang magsasabi niyan. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, at ang bawat isa ay tinatrato nang patas. Baka lang hindi mo hangarin ang katotohanan at palagi mong gawing palusot na ikaw ay matanda na, palaging iniisip na, “Ako ay matanda na at hindi ko na magagampanan ang anumang tungkulin.” Sa totoo lang, maraming tungkulin na maaari mong gampanan hanggang sa abot ng iyong makakaya. Kung hindi ka gaganap ng anumang tungkulin at sa halip ay ipagmamalaki mo ang iyong katandaan, nagnanais na turuan ang iba, sino ang gugustuhing makinig sa iyo? Wala. Palagi mong sinasabi, “Kayong mga kabataan ay hindi talaga makaunawa sa mga bagay-bagay!” at “Kayong mga kabataan ay napakamakasarili!” at “Kayong mga kabataan ay mayayabang!” at “Kayong mga kabataan ay tamad. Kaming matatanda ay masisipag, at noong kapanahunan namin, kami ay ganito at ganyan.” Ano ang silbi ng pagsasabi ng gayong mga bagay? Huwag mo nang ikwento ang tungkol sa iyong “kamangha-manghang” kasaysayan; walang interesado rito. Walang saysay na pag-usapan pa ang mga lumang bagay na iyon; hindi kinakatawan ng mga iyon ang katotohanan. Kung nais mong pag-usapan ang isang bagay, pagsikapan mo ang katotohanan, unawain mo ang katotohanan nang kaunti pa, kilalanin mo ang iyong sarili, tingnan mo ang iyong sarili bilang isang karaniwang tao lamang at hindi bilang isang miyembro ng espesyal na grupo na dapat respetuhin ng iba, sambahin ng iba, igalang ng iba at pinaliligiran ng ibang tao. Ito ay isang magarang kagustuhan, at ito ay maling pag-iisip. Ang edad ay hindi isang simbolo ng iyong pagkakakilanlan, ang edad ay hindi sumisimbolo sa kwalipikasyon, at ang edad ay hindi sumisimbolo sa seniority, mas lalong hindi ito sumisimbolo na taglay mo ang katotohanan o pagkatao, at hindi mapapahina ng edad ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kaya, katulad ka lang din ng ibang tao. Huwag mong palaging tukuyin ang sarili mo bilang “matanda” upang ihiwalay ang sarili mo sa iba, at ihiwalay pa nga ang sarili mo bilang isang banal. Ipinapakita niyon na hindi mo talaga kilala ang iyong sarili! Habang sila ay nabubuhay, ang matatanda ay mas lalong dapat na magsumikap na hangarin ang katotohanan, hangarin ang pagpasok sa buhay, at makipagtulungan nang matiwasay sa mga kapatid upang magampanan ang kanilang tungkulin; sa ganitong paraan lang maaaring lumago ang kanilang tayog. Ang matatanda ay hinding-hindi dapat na isiping mas senior sila kaysa sa iba at ipagmalaki ang kanilang katandaan. Ang mga kabataan ay maaaring maghayag ng lahat ng uri ng tiwaling disposisyon, at ganoon ka rin; ang mga kabataan ay maaaring makagawa ng lahat ng klase ng kahangalan, at ganoon ka rin; ang mga kabataan ay nagkikimkim ng mga kuru-kuro, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay maaaring magrebelde, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay maaaring maghayag ng anticristong disposisyon, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay may malalaking ambisyon at pagnanais, at gayundin ang matatanda, nang walang anumang pinagkaiba; ang mga kabataan ay maaaring magdulot ng pagkagambala at panggugulo at mapaalis sa iglesia, at gayundin ang matatanda. Samakatuwid, bukod sa kakayahan nilang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, marami pa silang magagawa. Maliban na lamang kung ikaw ay hangal, may problema sa isip, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at maliban na lamang kung hindi mo na kayang alagaan ang iyong sarili, marami kang dapat gawin. Katulad ng mga kabataan, maaari mong hangarin ang katotohanan, maaari mong hanapin ang katotohanan, at maaari kang madalas na lumapit sa Diyos upang manalangin, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sikaping tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ka dapat mabagabag, mabalisa, at mag-alala dahil matanda ka na, dahil marami kang sakit, o dahil tumatanda na ang iyong katawan. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi ang tamang gawin—ito ay mga hindi makatwiran na pagpapamalas. Ang matatanda ay dapat bitiwan ang kanilang titulo na “matanda”, makisama sa mga kabataan at umupo bilang kapantay ng mga ito. Hindi ninyo dapat ipagmalaki ang inyong katandaan, palaging iniisip na napakabuti ninyo at karapat-dapat kayong igalang, na napakataas ng inyong kwalipikasyon, na kaya ninyong pamahalaan ang mga kabataan, na kayo ang mga senior at nakakatanda sa mga kabataan, palaging nag-aambisyon na kontrolin ang mga kabataan, at palaging may kagustuhang pamahalaan ang mga kabataan—ito ay isang napakalinaw na tiwaling disposisyon. Yamang ang matatanda ay may mga tiwaling disposisyon gaya lang din ng mga kabataan, at madalas silang naghahayag ng kanilang tiwaling disposisyon sa buhay at sa pagganap ng kanilang mga tungkulin gaya lang din ng mga kabataan, bakit hindi ginagawa ng matatanda kung ano ang tama, at sa halip ay palagi silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang katandaan at sa mangyayari sa kanila pagkatapos mamatay? Bakit hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin gaya ng ginagawa ng mga kabataan? Bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan gaya ng ginagawa ng mga kabataan? Ibinigay sa iyo ang pagkakataong ito, kaya kung hindi mo ito susunggaban, at talagang tatanda ka nang husto na hindi ka na makarinig o makakita o hindi mo na maalagaan ang iyong sarili, pagsisisihan mo ito, at ang iyong buhay ay lilipas nang ganito. Naiintindihan mo ba? (Oo.)

Nalutas na ba ngayon ang problema sa mga negatibong emosyon ng matatanda? Kapag kayo ay tumanda, ipagmamalaki ba ninyo ang inyong katandaan? Kayo ba ay magiging mga matanda at tusong kawatan at matatandang mahilig magpakana? Kapag nakakita kayo ng isang matanda, tatawagin ba ninyo siyang “matandang brother” o “matandang sister”? May pangalan siya ngunit hindi ninyo siya tinatawag sa kanyang pangalan, sa halip ay idinadagdag ninyo ang salitang “matanda.” Kung palagi mong idinadagdag ang salitang “matanda” kapag kausap ninyo ang matatanda, hindi ba ito makakasama sa kanila? Iniisip na nila na sila ay matanda na at may mga negatibong emosyon na sila, kaya kung tatawagin mo silang “matanda,” para bang sinasabi mo sa kanilang, “Matanda ka na, mas matanda kaysa sa akin, at wala ka nang silbi.” Magiging komportable ba sila kapag narinig nilang sinabi mo ito? Tiyak na malulungkot sila. Hindi ba ito makakasakit sa kanila kung tatawagin mo sila sa ganitong paraan? May matatanda na matutuwa kapag narinig nila na tinatawag mo sila nang ganito, at iisipin nilang, “Nakita ninyo, napakabuti ko at karapat-dapat akong igalang at may maganda akong reputasyon. Kapag nakikita ako ng mga kapatid, hindi nila ako tinatawag sa aking pangalan. Sa sambahayan ng Diyos, ang matatanda ay hindi tinatawag na tiyo, o lolo, o lola. Sa halip, kapag tinatawag ako ng mga kapatid, idinadagdag nila ang salitang ‘matanda,’ at tinatawag akong ‘matandang brother’ (o ‘matandang sister’). Tingnan ninyo kung gaano ako karangal, at tingnan ninyo kung gaano ako nirerespeto ng iba. Mabuti ang sambahayan ng Diyos—iginagalang ng mga tao ang matatanda at inaalagaan ang mga kabataan!” Karapat-dapat ka bang igalang? Ano na ang iyong naituro sa iyong mga kapatid? Anong pakinabang na ang idinulot mo sa kanila? Ano ang kontribusyon mo sa sambahayan ng Diyos? Gaano karami sa katotohanan ang nauunawaan mo? Gaano karami sa katotohanan ang isinasagawa mo? Iniisip mong napakabuti mo at karapat-dapat kang igalang ngunit wala ka man lang naging kontribusyon, kaya karapat-dapat ka bang tawagin bilang “matandang brother” o “matandang sister” ng iyong mga kapatid? Hinding-hindi! Ipinagmamalaki mo ang iyong katandaan at palagi mong gusto na respetuhin ka ng ibang tao! Maganda bang matawag na “matandang brother” o “matandang sister”? (Hindi.) Hindi, hindi ito maganda, pero madalas Ko itong naririnig. Napakasama nito, ngunit madalas pa ring tinatawag ng mga tao ang matatanda sa ganitong paraan. Anong uri ng atmospera ang nalilikha nito? Nakakasuya ito, hindi ba? Habang lalo mong tinatawag ang isang matanda bilang “matandang brother” o “matandang sister,” mas lalo niyang iisipin na siya ay karapat-dapat, at mas lalo niyang iisipin na napakabuti niya at karapat-dapat siyang igalang; habang lalo mo siyang tinatawag na “matandang ganito at ganyan,” mas lalo niyang iniisip na espesyal siya, mas importante at mas mahusay kaysa sa iba, ang kanyang puso ay mas bumabaling sa pamumuno ng ibang tao, at mas napapalayo siya mula sa paghahangad sa katotohanan. Palagi niyang gustong pamunuan ang ibang tao at pamahalaan ang ibang tao, palaging itinuturing ang kanyang sarili na mas mahusay kaysa sa iba, palaging iniisip na hindi kanais-nais ang ibang tao, palaging nakikita ang mga problema sa ibang tao at wala sa kanyang sarili. Sabihin ninyo sa Akin, mahahangad pa ba ng ganitong tao ang katotohanan? Hindi. Kaya, ang pagtawag sa mga tao bilang “matandang brother” o “matandang sister” ay walang pakinabang sa kanila, at ang maidudulot lamang nito ay ang saktan at ipahamak sila. Kung tatawagin mo sila sa kanilang pangalan lamang at tatanggalin mo ang titulong “matanda,” kung ituturing mo sila nang tama, at uupo ka bilang kanilang kapantay, magiging normal ang kanilang kalagayan at ang kanilang mentalidad, at hindi na nila ipagmamalaki ang kanilang edad at hahamakin ang iba. Sa ganitong paraan, magiging madali para sa kanila na ituring ang kanilang sarili bilang kapantay ng ibang tao, maituturing na nila nang tama ang kanilang sarili at ang ibang tao, makikita na nilang katulad lang sila ng ibang tao, katulad lang ng mga karaniwang tao, at hindi mas mahusay kaysa sa ibang tao. Sa ganitong paraan, mas liliit ang kanilang mga paghihirap, at hindi nila mararanasan ang mga negatibong emosyong maaaring lumitaw dahil sa kanilang katandaan at dahil sa hindi nila pagkamit sa katotohanan, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng pag-asa na mahangad ang katotohanan. Kapag ang mga negatibong emosyong ito ay hindi lumitaw, titingnan nila ang sarili nilang mga problema, lalo na ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nang may tamang pag-iisip. Ito ay may positibo at nakatutulong na epekto sa kanilang paghahangad sa katotohanan, sa kanilang kaalaman sa sarili, at sa kanilang kakayahan na sundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t malulutas ang mga isyu ng mga negatibong emosyon sa matatanda kung gayon? (Oo.) Malulutas ang mga ito, at wala nang magiging mga paghihirap. Kaya, ano ang dapat munang maging pag-iisip ng matatanda? Dapat silang magkaroon ng isang positibong pananaw; hindi sila dapat maging maingat lang, kundi mapagbigay rin. Hindi nila dapat palakihin ang mga bagay na may kaugnayan sa mga kabataan, bagkus ay dapat silang maging halimbawa, at dapat nilang ipakita ang daan sa mga kabataan, at huwag maging masyadong malupit sa mga ito. Madaling uminit ang ulo ng mga kabataan at mabilis silang magsalita, kaya huwag palakihin ang mga bagay-bagay tungkol sa kanila. Sila ay bata pa, kulang pa sa gulang, at wala pang masyadong karanasan, at makakatulong sa kanila ang ilang taon ng pagdidisiplina. Ito ang dapat na mangyari, at dapat itong maunawaan ng matatanda. Kaya, anong pag-iisip ang dapat mayroon ang matatanda na naaayon sa katotohanan? Dapat nilang tratuhin nang tama ang mga kabataan, at kasabay nito, hindi sila dapat maging mayabang at maging labis ang pagtingin sa sarili, iniisip na marami na silang karanasan at may malalim na kaalaman. Dapat nilang ituring ang kanilang sarili bilang karaniwang tao at katulad lamang ng iba—ito ang tamang gawin. Ang matatanda ay hindi dapat mapigilan ng kanilang edad, at hindi rin sila dapat magbago upang maging katulad ng sa mga kabataan ang pag-iisip nila. Ang pagbabago para magkaroon ng pag-iisip na katulad ng sa mga kabataan ay hindi rin normal, kaya huwag ka na lang magpapigil sa iyong edad. Huwag mong palaging isipin na, “Hay, masyado na akong matanda, hindi ko ito magagawa, hindi ko ito masasabi, hindi ko iyon magagawa. Dahil ako ay matanda na, dapat ganito at ganyan ang aking gawin, dapat akong umupo at tumayo sa isang partikular na paraan, at dapat pa nga akong kumain sa isang partikular na magandang paraan, lahat ng ito ay para makita ng mga kabataan, upang hindi nila hamakin ang matatanda.” Mali ang ganitong pag-iisip, at sa pag-iisip nang ganito, ikaw ay nakokontrol at nalilimitahan ng isang uri ng maling pag-iisip, at ikaw ay medyo nagiging artipisyal, peke, at huwad. Huwag kang magpapigil sa iyong edad, maging katulad ka ng iba, gawin mo ang anumang makakaya mo, at gawin mo ang nararapat mong gawin—sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng normal na pag-iisip. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Kaya, kapag ang isang matanda ay may normal na pag-iisip, ang iba’t ibang negatibong emosyon na maaaring lumitaw sa kanya dahil sa kanyang katandaan ay mawawala nang hindi niya namamalayan; hindi ka na matatali ng mga ito, ang pinsala na idinudulot ng mga ito sa iyo ay maglalaho rin, at pagkatapos ay magiging medyo normal ang iyong pagkatao, katwiran, at konsiyensiya. Kapag mayroong normal na konsiyensiya at katwiran ang mga tao, ang kanilang pagsisimula ay medyo nagiging tama para sa paghahangad sa katotohanan, pagganap ng kanilang tungkulin, pakikilahok sa anumang aktibidad at anumang gawain, at ang mga resultang natatamo ay nagiging medyo tama rin. Una, ang matatanda ay hindi na napipigilan ng kanilang edad at sa halip ay masusuri na nila ang kanilang sarili sa obhetibo at praktikal na paraan, magagawa na nila ang dapat nilang gawin, magiging katulad sila ng ibang tao, at magagampanan nila ang tungkuling nararapat nilang gampanan sa abot ng kanilang makakaya. Hindi dapat isipin ng mga kabataan na, “Napakatanda mo na, kahit kailan ay hindi mo ako pinagbibigyan, at hindi mo rin ako inaalagaan. Napakatanda mo na, dapat ay may karanasan ka na, pero hindi mo ako binibigyan ng mga payo kung paano gawin ang mga bagay-bagay at walang pakinabang ang makasama ka. Matanda ka na, kaya bakit hindi mo alam kung paano maging mapang-unawa sa mga kabataan?” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Hindi angkop na gumiit nang ganoon sa matatanda. Samakatuwid, ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Kung ang lahat ng iyong iniisip ay praktikal, obhetibo, tumpak, at makatwiran, tiyak na ito ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi ka apektado ng anumang obhetibong kondisyon, sanhi, kapaligiran, o kahit ng anong kadahilanan, kung ang ginagawa mo lamang ay ang mga bagay na dapat gawin ng mga tao at ang ginagawa mo lamang ay kung ano ang itinuturo ng Diyos na dapat gawin ng mga tao, tiyak na ang iyong mga ginagawa ay angkop at wasto, pangunahing naaayon sa katotohanan. Hindi ka rin mahuhulog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa iyong katandaan, at malulutas ang problemang ito.

Mahusay, dito Ko na tatapusin ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!

Oktubre 22, 2022