Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3 (Ikatlong Bahagi)
Maliban sa karamdaman, madalas na nababagabag, nababalisa, at nag-aalala ang mga tao tungkol sa iba pang mga totoong problema sa kanilang buhay. Maraming totoong problema sa buhay, halimbawa, may matatanda o mga bata sa iyong tahanan na kailangang alagaan at itaguyod, kailangan ng iyong mga anak ng pera para sa kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na gastusin, kailangan ng matatanda ng pera para gamutin ang kanilang mga medikal na kondisyon, at ang malalaking halaga ng pera na kinakailangan para sa pang-araw-araw na gastusin. Nais mong gampanan ang iyong tungkulin, ngunit kung bibitiwan mo ang iyong trabaho, paano ka mabubuhay? Madaling mauubos ang iyong ipon sa tahanan, kaya ano na ang gagawin mo kung wala ka nang pera? Kung maghahanap ka ng pagkakakitaan, makakaantala ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin, ngunit kung bibitiwan mo naman ang iyong trabaho upang gampanan ang iyong tungkulin, hindi mo malulutas ang mga problema sa tahanan. Kaya ano ang dapat mong gawin? Maraming tao ang nahihirapan at naguguluhan sa gayong mga bagay, kaya inaasam nilang lahat ang araw ng pagparito ng Diyos at iniisip nila kung kailan darating ang malalaking sakuna at kung kailangan ba nilang mag-imbak ng pagkain. Kung maghahanda sila, wala silang sobrang pera sa tahanan at magiging napakahirap ng buhay. Nakikita nila ang ibang tao na may mas magagandang damit at mas masasarap na pagkain, kaya nalulungkot sila at naiisip na sobrang hirap ng kanilang buhay. Matagal silang hindi kumakain ng karne, at kung may mga itlog sila, nag-aatubili silang kainin ang mga ito, at nagmamadali silang pumunta sa palengke para ibenta ang mga ito at kumita ng kaunting pera. Habang iniisip nila ang lahat ng pagsubok na ito ay nagsisimula silang mag-alala: “Kailan matatapos ang mahihirap na araw na ito? Palagi nilang sinasabing, ‘Paparating na ang araw ng Diyos, paparating na ang araw ng Diyos’ at ‘Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos,’ pero kailan ba may magsasabi sa akin kung kailan talaga mangyayari ito? Sino ang makapagsasabi nito nang tiyak?” May ilang tao na gumugugol ng ilang taon sa pagganap ng kanilang tungkulin na malayo sa kanilang tahanan, at paminsan-minsan ay iniisip nila, “Hindi ko alam kung gaano na kalaki ang mga anak ko ngayon, o kung maayos ba ang kalusugan ng aking mga magulang. Ilang taon na akong malayo sa aking tahanan at hindi ko sila naaalagaan. Mayroon kaya silang mga suliranin? Ano ang gagawin nila kung magkasakit sila? May mag-aalaga ba sa kanila? Marahil ay nasa edad otsenta o nobenta na ang aking mga magulang ngayon, at ni hindi ko alam kung buhay pa ba sila.” Kapag iniisip nila ang mga bagay na ito, isang hindi maipaliwanag na pagkabalisa ang umuusbong sa kanilang puso. Higit pa sa pagkabalisa, nag-aalala sila, ngunit kailanman ay walang nalulutas ang pag-aalala, kaya nagsisimula silang mabagabag. Kapag sobra silang nababagabag, nababaling ang kanilang atensyon sa gawain ng Diyos at sa araw ng Diyos, at napapaisip sila, “Bakit hindi pa dumarating ang araw ng Diyos? Lagi ba tayong mamumuhay nang ganito na walang patutunguhan at nang nag-iisa? Kailan darating ang araw ng Diyos? Kailan matatapos ang gawain ng Diyos? Kailan wawasakin ng Diyos ang mundong ito? Kailan mamamalas ang kaharian ng Diyos sa lupa? Kailan natin matutunghayan ang presensya ng Diyos?” Iniisip nila ang mga bagay na ito nang paulit-ulit, at ang mga negatibong emosyon ng pag-aalala, pagkabalisa, at pagkabagabag ay umuusbong sa kanilang puso, biglang nakikita ang pag-aalala sa kanilang mukha, hindi na sila masaya, naglalakad sila nang walang sigla, kumakain nang walang gana, at araw-araw magulo ang kanilang isipan. Maganda ba ang mabuhay sa loob ng gayong mga negatibong emosyon? (Hindi.) Kahit ang maliliit na problema sa buhay ay maaaring magdulot sa mga tao na paminsan-minsang malubog sa mga negatibong emosyong ito ng pagiging pasibo, at minsan kahit walang dahilan, o walang partikular na konteksto, o walang partikular na tao na nagsasabi ng anumang espesyal na bagay, ang mga negatibong emosyong ito ay hindi mamamalayang uusbong sa kanilang puso. Kapag ang mga negatibong emosyong ito ay umusbong sa puso ng mga tao, ang mga kahilingan ng mga tao, ang kanilang pag-aasam sa araw ng pagparito ng Diyos, na matapos na ang Kanyang gawain, at sa pagdating ng Kanyang kaharian, ay mas tumitindi pa. May ilang tao na taimtim pa ngang lumuluhod at nagdarasal sa Diyos habang umaagos ang kanilang luha, sinasabing, “Diyos ko, napopoot ako sa mundong ito, at napopoot ako sa sangkatauhang ito. Pakiusap, tapusin Mo na ang lahat ng ito sa lalong madaling panahon, tapusin ang makalamang buhay ng mga tao, at tapusin ang lahat ng paghihirap na ito.” Maraming beses silang nagdarasal nang ganito nang walang resulta, at ang kanilang puso ay nababalot pa rin ng mga negatibong emosyon ng pag-aalala, pagkabalisa, at pagkabagabag, at nananatili ang mga ito sa kanilang mga pag-iisip at sa kaibuturan ng kanilang espiritu, malalim na nakakaimpluwensya sa kanila at pinaliligiran sila. Sa katunayan, nangyayari ito dahil lang inaasam nilang mas mapaaga ang pagdating ng araw ng Diyos, na mas mapaaga ang pagtatapos ng gawain ng Diyos, na makatanggap sila ng mga pagpapala sa lalong madaling panahon, na magkaroon sila ng magandang hantungan, na makapasok sila sa langit o sa kahariang laman ng kanilang imahinasyon at na inaasam nila sa kanilang sariling mga kuru-kuro; kaya palagi silang labis na naaapektuhan ng mga bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa panlabas, ipinapakita nilang labis silang naaapektuhan, pero ang totoo, sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala. Kapag ang mga tao ay palaging napaliligiran ng mga damdaming ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, nagkakaroon sila ng aktibong kaisipan, iniisip nila, “Kung matagal pang darating ang araw ng Diyos, at hindi pa matatapos ang gawain ng Diyos sa lalong madaling panahon, dapat kong samantalahin ang aking kabataan at kakayahan upang magsumikap nang husto. Gusto kong magtrabaho at kumita ng pera, magtrabaho nang maigi sa mundo nang pansamantala at magsaya sa buhay. Kung matagal pa bago dumating ang araw ng Diyos, gusto kong bumalik sa aking tahanan at makasamang muli ang aking pamilya, humanap ng mapapangasawa, mamuhay nang maayos nang ilang panahon, suportahan ang aking mga magulang, palakihin ang aking mga anak. Kapag matanda na ako, marami na akong anak at kasama ko sila sa bahay, at tatamasahin namin ang buhay pamilya—kayganda ng ganoong eksena! Kaytamis na imahe!” Nang nag-iisip nang ganito, nasasabik silang matamasa ang ganoong uri ng buhay. Sa tuwing naiisip ng mga tao na malapit nang dumating ang araw ng Diyos at malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, lalong umiigting ang kanilang pagnanasa, at lalong tumitindi ang kanilang pagnanais na matapos na ang gawain ng Diyos sa lalong madaling panahon. Sa gayong sitwasyon, kapag hindi tumutugma ang mga katunayan sa nais ng mga tao, kapag hindi nila nakikita ang anumang palatandaan na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos o darating na ang araw ng Diyos, lalong lumalala ang kanilang damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Nag-aalala sila na, sa loob ng ilang taon, kapag tumanda na sila at hindi pa nakakahanap ng asawa, sino ang mag-aalaga sa kanila sa kanilang pagtanda. Nag-aalala sila, kung palagi nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos at pinutol na nila ang lahat ng ugnayan sa lipunan, kung makababalik pa ba sila sa lipunan kapag umuwi sila para mamuhay sa kanilang tahanan. Nag-aalala sila, kung babalik sila sa pagnenegosyo o pagtatrabaho pagkatapos ng ilang taon, kung makakasabay pa ba sila sa panahon, kung magagawa pa ba nilang mamukod-tangi sa karamihan, at kung mabubuhay ba sila. Habang mas nag-aalala sila sa mga bagay na ito at habang mas nababalisa at nababagabag sila sa mga ito, mas lalong hindi nila magampanan nang kalmado ang kanilang tungkulin at masundan ang Diyos sa sambahayan ng Diyos. Kaya mas lalo nilang inaalala ang kanilang kinabukasan, ang mga oportunidad para sa kanila, at ang kanilang buhay pamilya, pati na rin ang lahat ng paghihirap na maaaring lumitaw sa buhay sa hinaharap. Iniisip nila ang lahat ng kanilang kayang isipin, inaalala nila ang lahat ng kanilang kayang alalahanin; inaalala pa nga nila pati ang kanilang mga apo at kung paano ang magiging buhay ng mga inapo ng kanilang apo. Malayo ang nararating ng kanilang pag-iisip, ang kanilang mga iniisip ay sobrang detalyado, at pinag-iisipan nila ang lahat. Kapag may ganitong mga alalahanin, ikinababalisa at ikinababagabag ang mga tao, hindi na nila magampanan nang kalmado ang kanilang tungkulin, at hindi nila masundan na lang ang Diyos, sa halip, madalas na mayroon silang mga aktibong kaisipan at pabago-bago ang kanilang damdamin. Kapag nakikita nilang maayos ang takbo ng gawain ng pag-eebanghelyo, iniisip nila, “Malapit nang dumating ang araw ng Diyos. Kailangan kong gampanan nang mabuti ang aking tungkulin! Tuloy lang! Dapat kong ituloy ito nang ilang taon pa, hindi na ito magtatagal. Lahat ng pagdurusang ito ay magiging sulit at magbubunga, at wala na akong aalalahanin pa!” Ngunit pagkalipas ng ilang taon, hindi pa rin dumarating ang malalaking sakuna at walang nagbabanggit tungkol sa araw ng Diyos, kaya nanlalamig ang kanilang puso. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalalang ito, pati na rin ang kanilang mga aktibong kaisipan, ay patuloy na pabalik-balik at paulit-ulit sa ganitong paraan, paikot-ikot lang ayon sa pandaigdigang sitwasyon at sa sitwasyon sa sambahayan ng Diyos, at wala silang magawa upang kontrolin ang mga ito—hindi nila mabago ang kanilang kalagayan anuman ang sabihin ninuman. May gayon bang mga tao? (Mayroon.) Madali ba para sa ganitong mga tao na manatiling matatag? (Hindi.) Ang kanilang saloobin at lagay ng loob sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at ang dami ng enerhiyang inilalaan nila sa kanilang mga tungkulin, ay batay lahat sa “pinakabagong balita.” May mga taong nagsasabi, “Ayon sa mapagkakatiwalaang balita, ang ebanghelyo ng Diyos ay lumalaganap nang kamangha-mangha!” At may mga taong nagsasabi, “Ang pinakabagong balita ay na napakadalas nang mangyari ng mga sakuna sa buong mundo, at lumalabas na ang sitwasyon ng mundo at ang mga sakuna ay tumutupad sa mga ganito at ganyang sakuna sa Aklat ng Pahayag. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, malapit nang dumating ang araw ng Diyos, at sobrang ingay na ng mundo ng relihiyon!” Sa tuwing naririnig nila ang “pinakabagong balita” o “mapagkakatiwalaang balita,” pansamantalang tumitigil ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala at hindi na sila nagugulo ng mga ito at binibitiwan muna nila ang kanilang aktibong mga kaisipan. Gayunpaman, kapag hindi sila nakarinig kamakailan ng anumang “mapagkakatiwalaang balita” o “tumpak na balita”, bigla na lang bumubulusok ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, pati na rin ang kanilang mga aktibong kaisipan. May mga taong naghahanda pa nga sa pamamagitan ng pag-iisip kung saan sila mag-a-aplay ng trabaho, saan sila magtatrabaho, ilang anak ang gusto nila, saan mag-aaral ang kanilang mga anak pagkalipas ng ilang taon, paano nila ihahanda ang pangmatrikula sa kolehiyo, at nagpaplano pa silang bumili ng bahay, lupa, o kotse. Gayunpaman, kapag narinig nila ang “mapagkakatiwalaang balita,” pansamantala nilang iniiwan ang mga bagay na ito. Hindi ba ito tila isang biro? (Oo.) Nananalig sila sa Diyos ngunit hindi nila isinasapuso ito at sinasabi na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas sa buhay, na ito ang pinakamakabuluhang buhay, na ang mabuhay nang ganito ang may pinakamataas na halaga; paano man sila akayin ng Diyos o anuman ang ginagawa ng Diyos, nakatitiyak silang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa para iligtas ang mga tao, at kaya susunod sila sa Diyos hanggang sa pinakadulo. Abutin man ito ng pagtanda ng langit at lupa, hanggang sa magbago ang posisyon ng mga bituin, hanggang sa matuyo ang mga karagatan, maging alikabok ang mga bato, o hanggang sa ang karagatan ay maging lupa at ang lupa ay maging karagatan, ang kanilang puso ay hindi magbabago, at mananatili itong matatag. Ang kanilang puso ay iaalay sa Diyos sa buong buhay nila, at kung may isa pang buhay pagkatapos nito, susunod pa rin sila sa Diyos. Subalit hindi ganito mag-isip ang mga taong may napakaraming paghihirap sa buhay. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay nauukol lamang sa pagmamasid sa ngayon, at namumuhay sila sa kung anong paraan nila naiisip na dapat mamuhay. Hindi nila babaguhin ang paraan ng kanilang pamumuhay o ang kanilang mga nais o plano dahil lang sa nananalig sila sa Diyos at sumusunod sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Anuman ang kanilang mga plano noong una, hindi nila binabago ang mga ito dahil lang sa nananalig sila sa Diyos, hindi nila binabago ang anuman, at hinahangad nilang mamuhay sa kung anumang paraan namumuhay ang mga hindi nananalig. Subalit ang pananampalataya sa Diyos ay may kasamang isang espesyal na bagay, at iyon ay ang malapit nang dumating ang araw ng Diyos, malapit nang dumating ang kaharian ng Diyos, at malapit nang mangyari ang malalaking sakuna. Ang mga nananalig sa Diyos ay makatatakas sa mga sakuna, hindi sila mahuhulog sa mga sakuna, maaari silang maligtas, at dahil lamang sa espesyal na bagay na ito kaya sila ay sobrang interesado na manalig sa Diyos. Samakatuwid, ang kanilang layunin at ang kanilang pinagtutuunan ng pansin sa kanilang pananalig sa Diyos ay itong isang bagay lamang na ito. Kahit gaano karaming sermon ang kanilang pakinggan, o kahit gaano karaming pakikipagbahaginan sa katotohanan ang kanilang marinig sa mga tao, o gaano katagal na silang nananalig sa Diyos, hindi kailanman nagbabago ang paraan ng kanilang pananalig sa Diyos, at hindi nila ito kailanman binibitawan. Hindi sila nagbabago o bumibitiw sa kanilang mga maling pananaw sa pananalig sa Diyos dahil lang sa mga sermon na kanilang pinakikinggan o sa mga katotohanang nauunawaan nila. Kaya naman, mayroon mang ilang pagbabago o ilang kasabihan tungkol sa sitwasyon sa mundo sa labas o sa sambahayan ng Diyos, palagi itong may epekto sa bagay na ito na pinakainaalala nila sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung marinig nila na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, labis silang nagagalak; subalit kung marinig nila na masyado pang maaga para matapos ang gawain ng Diyos, at hindi na nila kayang magpatuloy, ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay araw-araw na lalago, at magsisimula silang maghanda na iwanan ang sambahayan ng Diyos at ang kanilang mga kapatid anumang oras, upang maging maayos ang kanilang pag-alis sa sambahayan ng Diyos. Siyempre, mayroon ding mga taong, sa anumang oras, ay nagsisimulang maghanda na tuluyang burahin ang lahat ng impormasyon para makaugnayan ang kanilang mga kapatid at ang lahat ng mensahe nila, at ibalik sa iglesia ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na ipinadala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Iniisip nila, “Hindi ko talaga kayang magpatuloy sa landas na ito ng pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Inakala ko na ang pananalig sa Diyos ay nangangahulugan na mamumuhay ako nang masaya, magkakaroon ng mga anak, makatatanggap ng mga pagpapala, at makapapasok sa kaharian ng langit. Ngayon, nawasak na ang magandang pangarap na ito, kaya pipiliin ko pa ring mamuhay nang masaya, magkaroon ng mga anak, at tamasahin ang buhay. Gayunpaman, hindi ko pa rin kayang iwanan ang aking pananalig sa Diyos. Kung may pagkakataon akong makatanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay, hindi ba’t mas maganda iyon?” Ito ang kanilang pananaw sa pananalig sa Diyos, ito ang kanilang plano, at siyempre, ito rin ang kanilang ginagawa. Ito ang pag-iisip at pagpaplano sa kaibuturan ng puso ng mga taong umaasa sa kanilang mga imahinasyon sa kanilang pananalig sa Diyos, na palaging nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa buhay ng kanilang laman, at kinakatawan nito kung ano ang kanilang hinahangad at ang landas na sinusunod nila sa kanilang pananalig sa Diyos. Ano ba talaga ang kanilang iniisip nang husto? Ang pinag-iisipan nila nang husto ay kung kailan darating ang araw ng Diyos, kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kailan mangyayari ang malalaking sakuna, at kung makatatakas ba sila sa malalaking sakuna—ito ang iniisip nila nang husto.
Para naman sa mga taong laging nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa buhay ng kanilang laman, ang kanilang hangarin sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang “makatanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay.” Gayunpaman, ayaw nilang marinig kung gaano kalayo na ang naging pag-usad ng gawain ng Diyos, kung nakakamit ba ng mga nananalig sa Diyos ang resulta ng pagtatamo ng kaligtasan, kung ilang tao na ba ang nakapagkamit ng katotohanan, nakakilala sa Diyos, at nakapagbigay ng magandang patotoo, na para bang walang kinalaman sa kanila ang mga bagay na ito. Kaya ano ang nais nilang marinig? (Kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos.) Mas mataas ang kanilang mga inaasahan, tama ba? Karamihan sa mga tao ay masyadong makitid ang pag-iisip. Tingnan ang mga bagay na kanilang inaasam at ang inaasam nila ay ang malalaking bagay lamang—napakatayog ng kanilang kalagayan! Karamihan sa mga tao ay masyadong mababaw, palaging nagsasalita tungkol sa pagbabago ng disposisyon, pagpapasakop sa Diyos, tapat na pagganap ng kanilang tungkulin, paggawa ng mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ano ba ang mga taong ito? Napakakitid ng kanilang pag-iisip! Ano ang sinasabi ng mga Tsino? Napakababa nila. Ano ang ibig sabihin ng mababa? Napakababaw nila. At ano ang inaasam ng mga taong ito? Inaasam nila ang malalaking bagay, matataas na bagay, at mararangyang bagay. Ang mga nag-aasam sa mararangyang bagay ay laging nagnanais na umangat, patuloy na umaasa nang walang saysay na isang araw ay itataas sila ng Diyos sa alapaap upang makasama Siya. Gusto mong makatagpo ang Diyos, ngunit hindi mo itinatanong kung gusto ka bang makatagpo ng Diyos—patuloy mo lang na ninanais ang mga kamangha-manghang bagay na ito! Ilang beses mo pa lang bang nakatagpo ang Diyos? Hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya kapag nakatagpo mo Siya ay susuwayin mo pa rin Siya. Kaya ano ang dahilan sa likod ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng mga taong ito? Talaga bang lahat ito ay dahil sa mga paghihirap sa kanilang buhay? Hindi, hindi dahil sa may mga paghihirap talaga sila sa kanilang buhay, ito ay dahil itinuon nila ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa buhay ng kanilang laman. Ang sentro ng kanilang paghahangad ay hindi ang katotohanan, kundi ay ang mamuhay nang masaya, ang matamasa ang magandang buhay, at matamasa ang magandang kinabukasan. Madali bang lutasin ang mga problema ng mga taong ito? May ganitong mga tao ba sa iglesia? Palagi nilang tinatanong ang iba, “Kailan ba darating ang araw ng Diyos? Hindi ba’t sinabi ilang taon na ang nakalilipas na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos? Kaya bakit hindi pa ito natatapos?” Mayroon bang paraan para pakitunguhan ang ganitong mga tao? Dalawang salita lang ang sabihin sa kanila, at sabihin sa kanila, “Malapit na!” Pagdating sa ganitong mga tao, tanungin muna sila, “Palagi kang nagtatanong tungkol dito. May mga plano ka na ba? Kung mayroon, huwag ka nang mag-abala pa na manatili rito kung ayaw mo naman. Gawin mo na lang kung ano ang gusto mo. Huwag mong salungatin ang sarili mong mga kagustuhan, at huwag mong pahirapan ang sarili mo. Hindi ka pinananatili rito ng sambahayan ng Diyos, hindi ka nito ikinukulong dito. Pwede kang umalis kahit kailan mo gusto. Huwag mong palaging tanungin kung ano ang bagong balita. Sa anumang balita ay sasabihin lamang sa iyo na, ‘Malapit na!’ Kung hindi ka masaya sa sagot na iyon, kung nakagawa ka na ng mga plano sa puso mo at ipapatupad mo rin naman ang mga ito sa malao’t madali, tanggapin mo ang payo ko: Ibalik mo sa iglesia ang mga aklat mo ng mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon, iempake mo ang mga gamit mo at umalis ka na. Magpapaalam na lang tayo sa isa’t isa, at hindi mo na kailangan pang mabagabag, mabalisa, at mag-alala tungkol sa mga bagay na ito kailanman. Umuwi ka na sa inyo at gawin ang gusto mo sa buhay mo. Hinihiling ko na mapabuti ka! Hinihiling ko na maging masaya at kontento ka sa buhay at sana ay makamit mo ang iyong mga ninanais sa hinaharap!” Ano ang palagay mo rito? (Maganda ito.) Payuhan silang umalis sa iglesia; huwag subukan na pigilan sila. Bakit hindi susubukan na pigilan sila? (Hindi sila totoong nananalig sa Diyos, kaya wala na ring saysay na pigilan pa sila.) Tama iyan; sila ay mga walang pananalig! Ano pa ang magiging silbi ng pagpapanatili sa mga hindi nananalig at hindi pagtataboy sa kanila? May mga nagsasabi, “Pero wala naman silang ginawang anumang kasamaan, at wala naman silang ginambala.” Kailangan bang may gambalain sila? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t panggagambala ang pananatili ng ganitong tao sa isang grupo ng mga tao? Saanman sila magpunta, nakagagambala na ang kanilang asal at mga ikinikilos. Hinding-hindi sila nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon, hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman nagdarasal o nakikipagbahaginan sa mga pagtitipon, iniraraos lang nila ang kanilang mga tungkulin, palaging nagtatanong kung ano ang bagong balita. Labis silang emosyonal at pabigla-bigla. Masyado rin silang nakatuon sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at mayroon pa ngang mga tamad, mga nagpapakasarap sa pagkain, mga mahilig sa pagtulog, mga nagpapakatamad, at mga naroroon lamang upang punan ang bilang sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila inaalala ang pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mga tambay lang sila. Kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, naghahanap lamang sila ng mga bagay na mapapakinabangan at masasamantala nila. Kung hindi sila makapagsasamantala, agad-agad silang aalis. Dahil nakikita namang agad-agad din silang umaalis, hindi ba’t mas maganda kung umalis na sila nang mas maaga? Ni hindi makapagserbisyo hanggang huli ang ganitong mga tao, at walang magandang epekto ang kanilang pagseserbisyo. Kapag nagseserbisyo man sila, hindi nila ginagawa ang tamang mga bagay—sadyang wala silang pananalig. Sa kanilang pananalig sa Diyos, tinitingnan nila ang mga isyu mula sa panlabas na pananaw. Kapag maunlad ang sambahayan ng Diyos, masaya sila, iniisip nilang may pag-asa silang mapagpala, na may benepisyo sila, na hindi nawalan ng saysay ang pananalig nila sa Diyos, na hindi sila nalugi, at na tumaya sila sa panig ng mananalo. Gayunpaman, kung ang sambahayan ng Diyos ay inaapi ng mga satanikong puwersa, tinatalikdan ng lipunan, sinisiraan at inuusig, at nasa malubhang kalagayan, maliban sa hindi sumasama ang kanilang loob, tinatawanan pa nila ang nangyayari. Maaari ba nating panatilihin ang ganitong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Sila ay mga walang pananalig at mga kaaway! Kung nasa tabi mo ang isang kaaway pero itinuturing mo pa rin siyang isang kapatid, hindi ba’t nagiging hangal ka na kung gayon? Kung ang ganitong mga tao ay ayaw magserbisyo, dapat silang itaboy, tama? (Tama.) Tama nga, gawin ito nang maagap at lubusan. Hindi na sila kailangang payuhan pa, panatag lamang na hilingin sa kanila na umalis. Hindi na kailangang mag-aksaya pa ng hininga sa kanila, dapat mo lang silang pauwiin. Sa diwa, hindi sila mga taong nabibilang sa sambahayan ng Diyos, sila ay mga walang pananalig lang na nakapasok sa iglesia. Maaaring bumalik na lang sila sa kung saan sila nanggaling, at pwedeng sabihan mo na lang sila na umalis. Pagkatapos nilang pumasok sa iglesia, may mga taong talagang nililinaw ang pagkakaiba nila sa mga kapatid at sa sambahayan ng Diyos. Ito ay dahil alam nila kung ano ang ipinunta nila, alam nila kung tunay ba silang nananalig o hindi, at maliban sa kanilang mga inaasahan sa kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos at kung makakatanggap ba sila ng mga pagpapala, walang gawain sa sambahayan ng Diyos o anuman sa mga katotohanang hinihingi ng Diyos sa mga tao para makapasok ang may anumang kinalaman sa kanila; hindi nila binibigyang-pansin ang mga bagay na ito, hindi nila binabasa ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na ipinapadala sa kanila ng iglesia upang basahin, at hinahayaan lang nila ang mga ito na nakabalot pa. Sinasabi lang ng gayong mga tao na nananalig sila sa Diyos; sa panlabas, mukha silang nananalig tulad ng iba at iniraraos nila ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, ngunit hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos. Hindi pa sila kailanman nagbukas ng aklat ng mga salita ng Diyos, hindi pa sila nagbuklat ng kahit isang pahina—wala pa silang nabasa sa mga ito kahit kailan. Hindi nila pinanonood kailanman ang mga video ng patotoong batay sa karanasan, ang mga pelikula ng ebanghelyo, o ang mga himno at iba pang inilalathala ng sambahayan ng Diyos online. Ano ang karaniwan nilang pinapanood? Pinapanood nila ang mga balita, sikat na palabas, video clip, at komedya, tanging mga walang kabuluhan ang kanilang pinapanood. Ano ba ang mga taong ito? Paminsan-minsan silang bumibisita sa iglesia upang magtanong, “Sa ilang bansa na ba lumaganap ang gawain ng ebanghelyo ngayon? Ilang tao na ang bumaling sa Diyos? Sa ilang bansa na naitatag ang mga iglesia? Ilang iglesia na ang mayroon? Nasaang yugto na ang gawain ng Diyos?” Sa kanilang libreng oras, palagi nilang itinatanong ang mga bagay na ito. Hindi ba’t kahina-hinala na baka espiya ang taong ito? Sabihin ninyo sa Akin, ayos lang bang panatilihin ang ganitong tao? (Hindi.) Kung hindi sila kusang aalis sa iglesia, dapat ninyo silang alisin sa sandaling sila ay matuklasan ninyo at alisin ninyo ang mga salot na ito sa iglesia. Walang silbing panatilihin sila at magdudulot lang sila ng gulo. Kaya, ang mga bagay na ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala ng mga taong ito ay walang anumang kinalaman sa atin. Huwag nang mag-abalang payuhan pa sila, at wala nang silbing makipagbahaginan pa sa kanila tungkol sa katotohanan. Alisin na lang sila at tapusin na ito—ito ang pinakamainam na paraan para pakitunguhan ang ganitong mga tao.