Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 21 (Ikaapat na Bahagi)

Pagdating sa kung ano ang politika, medyo napagbahaginan na ang paksang ito, kaya medyo malinaw na dapat kung paano lumayo sa politika. Paano ka lumalayo sa politika? Una, pag-usapan natin kung paano lumayo sa politika, at pagkatapos ay tatalakayin natin kung bakit mo ito kailangang gawin. Katatapos lang nating talakayin kung ano ang politika. Ano ba ang politika? Una sa lahat, ito ay pakikibahagi sa mga labanan ng kapangyarihan—katumbas ito ng pakikibahagi sa politika. Mga karaniwang tao tayong lahat, kaya huwag nating pag-usapan ang mga taong tulad ng mga presidente, pangulo ng partido, o mga taong humahawak ng mga posisyon sa mataas na antas ng mga pambansang grupong pampulitika. Sa halip, pag-usapan natin ang mauunawaan ng mga pangkaraniwang tao, tulad ng kalihim ng sangay ng partido sa isang ahensya ng gobyerno. Isa bang politikal na tao ang kalihim ng sangay ng partido? Kapag ang isang tao ay humahawak ng pampartidong posisyon sa loob ng ahensya ng pamahalaan, siya ay nagiging isang prominenteng politikal na tao. Kaya, paano ka lalayo sa politika? Ano ang ibig sabihin ng paglayo? (Hindi pakikipag-ugnayan sa mga politikal na taong ito.) Hindi pakikipag-ugnayan sa kanila? Ngunit hindi mo naman talaga sila maiiwasan sa iyong pinagtatrabahuhan. Kung iiwasan mo sila, maaari ka nilang hanapan ng mali at sabihing, “Bakit hindi mo ako kinakausap? Bakit mo ako pinagtataguan? Ayaw mo ba sa akin na kalihim ng sangay ng partido? Kung mayroon kang anumang opinyon tungkol sa akin, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay may isyu sa paraan mo ng pag-iisip? Mag-usap tayo.” Gugustuhin nilang “mag-tsaa” kasama ka. Kasiya-siya ba ang tsaang iyon? Maglalakas-loob ka bang pumunta? Halimbawa, nilapitan ka ng kalihim ng sangay ng partido at tinanong, “Uy, Xiao Zhang, gaano katagal ka nang nagtatrabaho rito?” At sinabi mo, “Maraming taon na rin, mga lima.” Pagkatapos ay tumugon siya, “Mukhang mabait kang tao. Sumapi ka na ba sa partido?” Paano ka tutugon? Ano ang angkop na sagot upang dumistansya sa politika? (Sabihin mo lang, “Hindi ko naabot ang mga pamantayan upang maging miyembro ng partido sa ngayon.”) Matalino iyon. Totoo ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Ang totoo ay isa lang itong paraan upang tanggihan siya. Iisipin mo, “Ikaw na mautak at tusong tao, ano naman sa iyo kung sumapi man ako sa partido o hindi? Gusto mong sumapi ako sa partido. Kung gayon, ano ba ang halaga ng partido?” Iyon ang iniisip mo, pero hindi mo pwedeng sabihin iyon sa tusong tao na ito. Sa halip, kailangan mong palitawing magalang ang panlabas mong pag-uugali. Sasabihin mo, “Ay, ikaw talagang batikang miyembro ng partido, hindi mo nauunawaan ang mga paghihirap na hinaharap naming mga kabataan. Limitado lang ang karanasan namin at hindi pa kami nakakakita ng mga resulta sa trabaho namin, kaya hindi kami kwalipikadong sumapi sa partido. Sagrado ang partido; hindi pwedeng basta-basta na lang kaming sumapi nang walang magandang dahilan. Pinag-iisipan ko nang sumapi sa partido….” Sagutin mo lang siya nang ilang salita. Sa iyong puso, gusto mo bang sumapi sa partido? (Hindi.) Kahit na bigyan ka nila ng mga espesyal na kondisyon, at pagkatapos sumapi ay makatanggap ka ng promosyon o ng isang opisyal na posisyon, hindi ka naman interesado, hindi ba? Ang mga pangunahing kondisyon sa paghawak ng katungkulan at pagkakaroon ng propesyon bilang isang opisyal ay kailangan mo munang sumapi sa organisasyon, sumapi sa partido, o makipaglapit sa partido. Kailangan mong makipaglapit sa partido bago ka makahawak ng katungkulan o umangat. Upang lumayo sa politika, ang unang hakbang ay dumistansya sa mga politikal na partido. Maaaring tanungin ng ilang tao, “Ang ibig sabihin ba niyon ay paglayo lang sa Partido Komunista?” Hindi, ang ibig sabihin nito ay paglayo sa lahat ng uri ng partido. Ano ba ang kinakatawan ng isang partido? Kumakatawan ito sa isang politikal na puwersa. Ang isang grupong itinuturing ang politikal na manipesto, programa, at mga mithiin ng partido bilang layon nito ay tinatawag na isang partido. Anuman ang layon at programa ng isang partido, ang tanging mithiin nila ay ang bumuo ng isang puwersa, at gamitin ang kanilang puwersa at lakas upang makipag-agawan para sa higit na puwersa at kapangyarihan sa politikal na larangan at kapaligiran. Ito ang layunin ng pag-iral ng isang politikal na partido. Ang layunin ng pag-iral ng anumang partido ay hindi para sa pakinabang ng mga tao, kundi para sa puwersa at kapangyarihan. Sa madaling salita, alang-alang ito sa paghawak ng kapangyarihan at pagkakaroon ng sarili nilang puwersa. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Samakatuwid, ang unang hakbang sa paglayo sa politika ay huwag pormal na sumapi sa anumang politikal na partido. Maaaring tanungin ng ilang tao, “Paano kung dati akong miyembro ng ganito at ganyang partido?” Medyo mahirap iyon. Kung handa kang magbitiw sa partido, iyon ang magiging pinakamainam, at pormal mong puputulin ang ugnayan mo sa kanila. Kung ayaw mong magbitiw sa partido o kung mahirap magbitiw, dapat mong pag-isipang mag-isa kung ano ang gagawin mo. Ano’t ano man, pormal man o sa kalooban, dapat kang lumayo sa unang malaking usaping may kinalaman sa politika, at ito ay ang paglayo sa mga partido. Sa sandaling dumistansya ka sa mga partido, magiging isa kang malayang tao. Hindi ka matatangay ng anumang politikal na puwersa, ni magtatrabaho para sa anumang politikal na puwersa. Ang hindi pagsapi sa anumang partido ay ang pinakapundamental na ispesipikong landas na dapat isagawa upang makalayo sa politika. Dagdag pa rito, pagdating sa anumang politikal na puwersa, gaya ng kalihim ng sangay ng partido, direktor, o opisyal ng mga tauhan ng isang tanggapan ng pamahalaan, ang prinsipyo sa pakikitungo sa kanila ay ang dumistansya. Halimbawa, kung sasabihin sa iyo ng kalihim ng sangay ng partido na, “Xiao Zhang, may kaunting oras ka ba? Sabay na tayong maghapunan pagkatapos ng trabaho. Katapusan na ng linggo bukas, maglaro tayo ng basketball,” pwede mong sabihing, “Ay, nagkataon namang may sakit ang anak ko. Nilagnat siya kahapon. Dahil sa trabaho, wala akong oras para mapatingnan siya sa doktor. Kailangan ko siyang dalhin sa ospital bukas.” Sa ibang pagkakataon naman, sasabihin ng kalihim, “Xiao Zhang, medyo matagal na mula nang huli tayong makapagkuwentuhan. Mag-usap naman tayo nang masinsinan, ano sa palagay mo?” Ano ang layunin niya? Gusto ka niyang ihanda bilang kahalili niya. Kung hindi mo pa ito napagtatanto, kailangan mong isipin nang mabuti kung ano talaga ang gusto niya. Kung napagtanto mo na ito, kailangan mong magmadali at umiwas sa kanya, sabihin mong, “Ay, kahapon sinabi ng nanay kong masama ang pakiramdam niya at gusto niyang magpadala sa akin sa ospital. Ang sama naman ng pagkakataon, ano?” Paulit-ulit mo siyang itutulak palayo, at kapag nakita ito ng kalihim, iisipin niya, “Sa tuwing iimbitahan ko siya, may nangyayari, sa tuwing makikipaglapit ako sa kanya, may nangyayari; hindi siya marunong magpahalaga sa mga pabor, maghahanap na ako ng iba!” Puwede siyang humanap ng sinumang naisin niya, ngunit hindi ka pa rin makikipaglapit sa kanya. Kadalasan, medyo magiliw ka sa kanya, ngunit kung gusto ka niyang ihanda bilang kahalili o itaas ang iyong posisyon, maghahanap ka ng mga dahilan para iwasan siya, at mawawalan ka ng sigasig para hindi niya malaman kung ano ang iniisip mo. Sa katunayan, sa iyong puso ay napakalinaw mong nalalamang, “Hindi ako makikipaglapit sa iyo, diyablo! Nasa puso ko ang Diyos, at sinasabi sa akin ng Diyos na lumayo sa politika. Isa kang politikal na tao, at lalayo ako sa iyo. Gusto mong itaas ang puwesto ko sa isang opisyal na posisyon at gamitin ang mga talento ko upang makatulong sa iyo, ngunit hindi kita bibigyan man lang ng pagkakataon! Kahit na nagwawalis lang ako ng sahig at nagtatapon ng basura sa tanggapan ng pamahalaang ito, hindi ako magiging isang opisyal! Kumikita lang ako nang sapat para masuportahan ang aking sarili, hindi ko kayo paglilingkuran!” Ngunit sa realidad, sa halip ay ito ang kailangan mong sabihin, “Nasa puso ninyong mga lider ang bayan, napakarami ninyong gawaing pinangangasiwaan, at naglilingkod kayo sa mga tao, nagmamalasakit sa mga karaniwang mamamayan! Kaming mga ordinaryong tao, kaunti lang ang kamalayan namin, at interesado lang kami sa sarili naming sikmura; hindi tayo magkapantay, at hindi namin kayang gawin ang ginagawa ninyong mga lider.” Lagi kang magmamaang-maangan sa harapan niya, para hindi niya malaman kung ano ang iniisip mo. Kahit na may mga talento ka, hindi mo ipakikita ang mga iyon. Ipakikita mo lang nang kaunti ang mga iyon sa mga kritikal na sandali, at makikita niyang may talento ka talaga. Karaniwan kang gagawa ng ilang maliliit na pagkakamali upang isipin niyang hindi ka ganoon kagaling, ngunit hindi pa rin niya kaya nang wala ka sa trabaho. Karunungan ang tawag dito. Pinaglalaruan mo ang diyablo, ginagamit siya upang magserbisyo, at kumita ng pera niya, ngunit hindi ka nakikipaglapit sa kanya, at kinasusuklaman mo siya sa iyong puso, hindi ba’t tama iyon? Ito ang ibig sabihin ng hindi pakikipaglapit. Kaya mo ba itong gawin? (Oo.) Pagsapit ng tanghali, imamaneho ng lider ang maliit niyang sedan at maghahanap siya kung saan-saan ng isang kilalang kainan. Tatawagin ka niya, “Xiao Zhang, lumabas tayo at kumain; ano ba ang gusto mong kainin ngayong araw?” Sasabihin mo, “Ilang araw na akong hindi nakakakain ng pansit, at matagal na akong hindi nakakakain ng puto; iyon ang gusto kong kainin. Uuwi na ako para magtanghalian, gusto mo ba niyon?” Sasagutin mo siya nang ganito, at kapag narinig niya ito, sasabihin niya, “Kumain ng ano? Kaning-baboy iyon, hindi kumakain ng ganoon ang mga tao!” Ayaw niyang kainin ang anumang sabihin mo sa kanya, at iisipin niya, “Ang taong ito ay tulad nga ng sinasabi nila—ang taong ipinanganak na hangal ay hindi na magagamot. Sino pa ba ang kumakain ng puto at pansit sa panahon ngayon? Mas masarap doon ang kinakain ng mga opisyal!” Pumupunta ang mga opisyal na ito sa mga kainan at ginagastos ang pondo ng bayan, tinatamasa nila ang kaluwalhatian at kaningningan ng pagiging isang opisyal, at mga mamahaling pagkain lang ang kinakain nila: Ang isang kain ay nagkakahalaga ng mahigit isang libong yuan. Kumakain sila ng mga utak ng unggoy at balat ng hedgehog. Kinakain ng mga demonyo at diyablong ito ang kahit na ano, wala silang hindi kinakain o iniinom. Ano ang iniisip mo sa iyong puso? “Hindi ako makikibahagi sa mga kasalanan ninyo, lalayuan kita, kayong grupo ng mga diyablo, kayong mga kasuklam-suklam na taong kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao! Mas gugustuhin ko pang bumalik at kumain ng pansit at puto kaysa tamasahin ang marangya mong pamumuhay. Kahit pa kailanganin kong kumain ng mga rasyon ng halo-halong butil, hindi pa rin ako lalapit sa iyo; hindi ako masasangkot sa kasamaan mo o magkakaroon ng anumang bahagi sa mga kasalanan mo. Ang pagkain ng laman ng tao at pag-inom ng dugo ng tao ay gawain ng mga diyablo, hindi ng mga tao. Ano ang magiging panghuling resulta? Tiyak na mapupunta ka sa impiyerno at haharap sa kaparusahan! Nagpaparaya at nakikipagkompromiso ako at naghahanapbuhay ako sa ilalim ng iyong kapangyarihan, ngunit ang mithiin ko ay panatilihin ang aking kabuhayan, sundin ang Diyos, at gawin ang aking tungkulin. Hindi ko sinusubukang mapataas ang posisyon ko o masangkot sa politika; kinasusuklaman kita mula sa kaibuturan ng aking puso!” Kaya, paano ka man suyuin ng lider na kumain nang marami, hindi ka sasama. Sa katapusan ng linggo, kung iimbitahan ka niyang mag-karaoke, mapaligiran ng magagandang babae, at uminom ng mamahaling alak; kung iimbitahan ka niya sa isang tsaahan para magpahinga at maglibang, o para manood ng drag show, sasama ka ba o hindi? Kung gusto mong mapalapit sa organisasyon o sa partido, kakailanganin mong pumunta sa mga lugar na ito. Ngunit sa sandaling ito, sasabihin mong, “Isinasagawa ko ang mga salita ng Diyos, lumalayo ako sa politika, hindi ako makikibahagi sa alinman dito, hindi ako makikibahagi sa kanilang mga kasalanan.” Kinabukasan, kapag nagtipon-tipon sila, pag-uusapan nila kung gaano kaganda si Binibining Ganito at Ganyan, kung paanong siya ang pinakamagandang babae sa kasiyahan, kung gaano siya kagaling kumanta, kung gaano kasarap ang alak na mula sa partikular na panahon sa Pransya, kung saan pupunta para maglibang, kung saan maglulublob sa maiinit na bukal…. Pinagkukwentuhan nila ang mga bagay na ito—naiinggit ka ba sa kanila? Nagseselos ka ba? Kailangan mong magsuot ng headphones, pasakan mo ang mga tenga mo; huwag mong pakinggan ang mga diyablong ito na nagsasabi ng mga maladiyablong salita, layuan mo sila, panatilihin mong payapa ang iyong puso, huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng mga makasalanan, layuan mo ang marurumi nilang buhay, at huwag kang masangkot sa kanilang kasamaan. Ang layunin mo ay ang lumayo sa politika. Ang mga taong naghahangad ng pag-abante, na nagnanais na mapalapit sa organisasyon, at nagnanais na mapataas ang kanilang posisyon: Ang layunin nila sa pamumuhay nang ganoon, sa totoo, ay ang makibahagi sa politika, diretsong makapasok sa politika, na ang layon ay makakuha ng posisyon sa mga politikal na grupo at magkaroon ng buhay na hindi akma kapwa sa isang tao o sa isang demonyo. Gayunpaman, kabaligtarang-kabaligtaran ka nila. Kailangan mong lumayo sa ganoon karuming buhay. Ang layunin ng paglayo sa ganitong uri ng buhay ay ang hindi maghangad ni maging interesado sa anumang politikal na plano. Ang iyong kinabukasan ay ang hangarin ang katotohanan at magtamo ng kaligtasan. Samakatuwid, dapat na makatiyak ka sa iyong puso na ang lahat ng ginagawa mo ngayon ay makabuluhan at mahalaga; para ito sa paghahangad sa katotohanan, alang-alang sa pagtamo ng kaligtasan. Hindi ito isang walang kabuluhang sakripisyo, at hindi ka rin kumikilos sa isang hindi pangkaraniwang paraan. Higit pa rito, hindi ka nag-iisa. Kaya, ang pinakalayunin ng paglayo sa mga makasalanang buhay na ito ay, sa totoo, ang maihiwalay ang iyong sarili sa mga taong ito, ang maidistansya ang iyong sarili sa tinatawag nilang politika. Ito ang pangalawang prinsipyo ng paglayo sa politika—huwag kang makipaglapit.

Ang hindi pakikipaglapit sa mga politiko ay ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin, at dagdag pa rito ay hindi dapat makibahagi. Halimbawa, kung may pagkakataong mapataas ang posisyon sa isang pinuno ng seksyon, direktor, o pinuno ng kawanihan, nasasabik ang lahat na magpasikat, pag-igihin ang kanilang pagtatrabaho, magbigay ng mga regalo sa mga lider, gumamit ng impluwensiya, sumubok ng mga pamamaraan, at subukan ang bawat diskarte upang maipakita sa mga lider at nakatataas sa kanila ang kanilang mga talento, kakayahan, at halaga, at maging ang halaga nilang mapagsamantalahan. Mas pipiliin nilang maging mga mambobola, mas pipiliing sumipsip sa mga lider at nakatataas sa kanila at gawin ang anumang ipagawa ng mga ito sa kanila, kahit na ayaw nila itong gawin. May ilang tao na nagbibigay ng pera, at may ilan namang iniaalay pa ang kanilang mga katawan upang makibahagi sa mga labanan sa politika. Sa mga labanang ito, may ilang tao na bumubuo ng koneksyon sa mga lider, ang iba ay nagbibigay ng malaking pera at mga regalo sa mga lider, at may ilang tao naman na iniaalay ang kanilang mga katawan sa mga lider, na ang pinakamithiin ay mapataas ang posisyon o maturuan ng mga lider na ito at tahakin ang landas ng politika. Bilang isang mananampalataya ng Diyos, kung alam mong may kinalaman ang mga pagsasagawang ito sa pakikibahagi sa politika, dapat kang lumayo. Una, huwag kang magbigay ng mga regalo o bumuo ng mga koneksyon alang-alang sa sarili mong mga politikal na plano o sa isang opisyal na posisyon. Isa pa, huwag mong aktibong ihayag ang mga kalakasan mo sa mga lider, at talagang huwag kang gumamit ng mga labis-labis na hakbang upang makipagkumpitensya para mapansin nila. Hayaan mong magtagisan ang iba nang hindi ka kasama. Sa tuwing irerekomenda ka ng pinuno bilang kandidato, sabihin mo, “Hindi ako sasali sa isang ito, hindi ako kwalipikado.” Kailangan mo lang sabihing hindi ka kwalipikado at hayaan mong magpatuloy ang iba; maraming taong magpiprisinta na lumaban. Kapag sinabi ng pinuno na, “Xiao Zhang, ikaw naman ngayon,” sabihin mo, “Hindi pa ako kwalipikado, boss, ipagpaumanhin mo. Hindi ko pa kaya. Hayaan mong si Xiao Li na ang mauna, at kung hindi kaya ni Xiao Li, hayaan mong si Xiao Wang ang tumakbo. Hayaan mong gawin nila ito.” Sasabihin ng pinuno, “Hangal ka ba? Kung tatanggapin nila ito, hindi ka makakukuha ng alinman sa mga benepisyo: Hindi ka makatatanggap ng bahay, o ng anumang bonus o pagtaas sa sahod.” Pagkatapos ay sasabihin mo, “Kung wala akong anumang makukuha, puwes, wala akong anumang makukuha. May sapat akong pagkain at sapat na panggastos, kaya mapanatag ka, sir. Kung hindi ka pa rin napapanatag, bigyan mo na lang ako ng kaunti pang bonus sa katapusan ng taon.” Huwag kang makibahagi sa kanilang labanan. Kung sinuman ang gustong lumaban, hayaan mong gawin niya iyon. Hindi ka mauuwi sa anumang pamamaraan, mag-uubos ng anumang lakas, o magbabayad ng anumang halaga. Wala kang gagastusin ni isang kusing, sasabihin ni isang salita, gagawing anumang karagdagan, o labis na magsusumikap para sa promosyon. Kahit pa nasa iyo ang mga kondisyon, koneksyon, at angkop na grupo ng mga tao, hindi ka pa rin makikibahagi. Ito ang tinatawag na tunay na pagbitiw, tunay na paglayo. Palagi kang titingnan ng mga makamundong tao nang may awa at paulit-ulit nilang sasabihing, “Hangal ka, mangmang ka!” Ngunit sasabihin mo, “Sabihin na ninyo ang gusto ninyo tungkol sa akin; hindi pa rin ako makikibahagi.” Itatanong ng mga tao, “Bakit ayaw mong makibahagi?” Sasabihin mo, “Sapat naman ang kinikita ko bilang panggastos. Hindi ako kwalipikado. Mas mahuhusay kayong lahat kaysa sa akin, kaya kayo na ang tumakbo.” Nakaiwas ka ba sa pakikibahagi? (Oo.) Siyempre, kung may pagkakataong mapataas ang posisyon mo sa kahaliling pinuno ng seksyon o kahaliling direktor, pwede mo itong tanggihan, ngunit kung iaalok sa iyo ang mga posisyon ng pinuno ng kawanihan o gobernador ng probinsya, magagawa mo ba ang parehong bagay? Baka hindi ito maging madali: Kapag mas mataas ang posisyon, mas nagiging kaakit-akit ito, at kapag mas malawak ang awtoridad nito, mas malaki ang tukso, dahil kapag mas malawak ang awtoridad mo, makatatanggap ka ng mas magandang pagtrato, nagiging mas maimpluwensiya ang iyong mga salita, at nadaragdagan ang pisikal mong kasiyahan. Kita mo na, ang alkalde, ang gobernador, at ang presidente ay may sari-sariling opisyal na tirahang lahat. Ang lahat ng gastos nila, sa pag-alis man o sa tahanan, ay sagot ng estado. Samakatuwid, habang mas nakikisalamuha ka sa mga nasa matataas na antas ng lipunan, mas lumalaki ang tukso nila sa iyo, at kapag mas marami ang mga pagkakataon mong makisalamuha sa kanila, lalong nagiging mahirap na isuko ang mga pagkakataong ito. Upang makaiwas sa tukso, magtatrabaho ka sa pinakamababang antas, hindi tutuntong sa mga komunidad ng nakatataas na antas ng lipunan. Hinding-hindi ka tutuntong sa mga komunidad na ito. Ito ang tinatawag na paglayo. Wala kang sasabihin o gagawing may anumang kinalaman sa politika; ang lahat ay ukol sa paglayo sa mga bagay na ito. Kung sinuman ang matagumpay na mahahalal bilang mataas na opisyal sa bawat partikular na kompetisyon, kung sinuman ang makahahawak ng malaking kapangyarihan, hindi mo siya kaiinggitan, hindi ka masasaktan, at hindi mo ito pagsisisihan, dahil sa isa na namang pagsubok o sitwasyong pinangangasiwaan ng Diyos, naisagawa mo ang prinsipyo ng paglayo sa politika na hinihingi ng Diyos. Natupad mo ang hinihingi ng Diyos, at sa harapan ni Satanas, ikaw ay matagumpay; sa harapan ng Diyos, isa kang mananagumpay, at sinasang-ayunan ka ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kung sinasang-ayunan ako ng Diyos, patataasin ba Niya nang kaunti ang sweldo ko?” Hindi, ang pagsang-ayon at pagkilala sa iyo ng Diyos bilang isang mananagumpay ay nangangahulugang mas malapit ka na sa kaligtasan, at tinitingnan ka ng Diyos nang mas may higit na pabor—isa itong malaking karangalan. Madali bang umiwas sa pakikibahagi sa mga politikal na aktibidad? Kung sinuman ang nasisiyahan sa kompetisyon, hayaan mo siyang makipagkumpitensya. Kung sinuman ang nagnanais na magsalita para sa gayong mga aktibidad, hayaan mong gawin niya iyon. Kung sinuman ang mahilig magpakaabala sa mga iyon, hayaan mo siyang maging abala. Ano’t ano man, wala kang pakialam, at hindi ka rin mag-aalala tungkol sa mga bagay na ito, dahil hindi ka naghahangad ng pag-unlad at wala kang mga mithiin para sa isang opisyal na propesyon. Ito ang pangatlong prinsipyo ng paglayo sa politika—ang hindi pakikibahagi.

Ang pang-apat na prinsipyo ng paglayo sa politika ay ang hindi pagkampi sa anumang panig. Ang “pagkampi sa isang panig” ay isang uri ng pananalitang ginagamit ng mga politikal na tao, at isang karaniwang pangyayari sa politikal na mundo ang pagkampi sa isang panig. Kapag nakibahagi ka sa politika, dapat mong linawin ang iyong paninindigan, kung kumakampi ka sa Partido A o sa Partido B. Sa sandaling masangkot ka sa politika, kailangan mong kumampi sa isang panig. Kung hindi ka masasangkot, hindi mo kailangang kumampi sa anumang panig, o maaari mong sabihing hindi ka kumakampi sa anumang panig. Kung mananatili kang walang kinikilingan at hindi mo bibigyang-pansin ang kanilang mga pagtatalo o kung bakit nag-aaway ang dalawang panig, hindi ka kumakampi sa anumang panig. Kung sinusuportahan mo man ang Partido A o Partido B, walang resulta o sagot mula sa iyo. Sasabihin mo, “Hindi ako kumakampi sa anumang panig, hindi ako nakikisali. Parehong maganda ang ugnayan ko sa A at B, ngunit hindi ako nakikipaglapit sa alinman sa kanila. Hindi ako nakikisali sa alinman sa mga away nila.” Naguguluhan ang mga taong ito: Ano ba talaga? Sa Partido A o Partido B ka ba? Palagi ka nilang sinusubukang mahikayat, ngunit walang makagagawa niyon. Ang panghuling resulta ay nauunawaan nilang hindi ka kumakampi sa anumang partido. Sa wakas, sasabihin ng direktang superbisor mo, “Tusong tao ka, bakit hindi mo ako sinuportahan sa ganoon kakritikal na sandali?” Sasabihin mo, “Boss, hindi ako nangangahas na maghangad ng gayon kalaking karangalan, hindi kasinlalim ang kaisipan ko, at hindi rin ako masyadong magaling sa aking trabaho; natatakot akong mabigo kita. Boss, pakiusap, hayaan mo na ako, isa lang akong hamak na taong pumupulot pa rin ng barya; isa lang akong karaniwang tao, hindi ako nangangahas na kumampi sa anumang panig. Pakiusap, huwag kang maging malupit sa akin at palagpasin mo na ito, talagang susuportahan na kita sa susunod.” Sa realidad, binabalewala mo lang siya. Hindi mo napasama ang loob niya, at wala siyang magagawa tungkol dito. Pwede silang mag-away-away at magtalo-talo paano man nila naisin, wala itong kinalaman sa iyo, isa kang tagalabas. Bakit Ko ba sinasabing isa kang tagalabas? Hindi ka naghahangad ng isang opisyal na propesyon, ng pagiging opisyal, pagiging prominente, pagdadala ng kaluwalhatian sa iyong mga ninuno, o pagpasok sa politika. Hindi ka naghahangad ng mga politikal na pag-asa; ang mithiin mo ay ang lumayo sa isang opisyal na propesyon at sa mga politikal na taong ito. Kaya, sadya mong pinipiling hindi kumampi sa anumang panig, hindi piliin ang Partido A o Partido B, at kung sinuman ang kumakampi sa anumang panig ay walang kinalaman sa iyo. Sa tuwing susubukan kang hikayatin ng isang tao, tatawanan mo lang ito at magkukunwari kang hangal, sasabihing, “Hindi ko alam kung sino ang tama, mabubuting kaibigan ko kayong lahat, magiging masaya ako kahit sino pa ang manalo.” Sasabihin nila, “Napakatuso mo namang tao!” At sasabihin mo, “Hindi ako tuso, hangal lang ako; kayo ang mga eksperto!” Magkukunwari kang naguguluhan sa kanila. Ayos lang bang hindi kumampi sa anumang panig? Huwag kang maging ignorante, huwag kang sumang-ayon sa mga taong sumusubok na manamantala sa iyo. Kahit na sa anumang antas ng politika, palaging maputik ang tubig—hindi mo makikita ang ilalim. Hindi ito tulad ng malinaw na bukal kung saan makikita mo ang ilalim; maputik na tubig ito, isang kumunoy. Kung maganda ang trato sa iyo ng isang lider, makikipaglapit ka sa kanya at papanig sa kanya, ngunit hindi mo alam kung mabuti o masama ang idudulot nito sa iyo. Hindi mo matutukoy kung ano ang magiging kinabukasan niya, kung hahantong siya sa bilangguan o magiging prominente. Ang mga taong iyon ay pawang mga buwaya sa isang bakawan, may malalaki at maliliit na buwaya. Bilang isang hamak na tao, hindi mo matutukoy kung totoo ang bawat salitang kanilang sinasabi o hindi, kung sino ang tinatrato nila nang mabuti at sino ang hindi, at kung ano ang layon ng kanilang mga pang-araw-araw na kilos—hindi mo talaga matutukoy. Samakatuwid, kung gusto mong protektahan ang iyong sarili, ang pinakatuwiran at pinakamataas na prinsipyo ay huwag kumampi sa anumang panig. Kung mabuti sila sa iyo, maging masigasig ka sa kanila; kung hindi, maging masigasig ka pa rin sa kanila, ngunit huwag ka lamang kumampi sa kanila. Kapag may nangyari, tawanan mo lang ito at magkunwari kang nagugulugan; kapag may tinanong sila sa iyo, sabihin mong hindi mo alam, hindi ka sigurado, o ngayon ka lang nakakita ng ganito. Kaya mo bang tumugon sa ganitong paraan? (Oo, kaya ko na ngayon.) Angkop bang gamitin ang mga prinsipyong ito sa iglesia? (Hindi ito angkop.) Ang mga diskarteng ito ay angkop lamang sa mga lugar kung saan naninirahan ang mga diyablo, hindi upang gamitin sa gitna ng mga kapatid. Karunungan ito. Sa mga lugar kung saan naninirahan ang mga diyablo, kailangan mong magpakatalinong gaya ng mga ahas; hindi ka maaaring maging hangal, kailangan mong maging matalino. Kung sinuman ang hihila sa iyo palapit sa kanya, huwag kang sumama at pumanig doon. Kung sinuman ang makikipag-alitan sa iyo o maiinis sa iyo, huwag mo siyang kontrahin o labanan. Paniwalain mo siyang hindi ka niya kalaban. Karunungan ang katumbas ng mga bagay na ito. Huwag kang makipagkumpitensya sa anumang politikal na puwersa, huwag kang makipaglapit sa alinman sa mga iyon, at huwag kang makipagsabwatan o magpakita ng kagandahang-loob sa kanino man sa kanila. Ito ay karunungan, hindi ito pagkampi sa anumang panig. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Natutuhan mo na ba kung paano ito gawin? (Oo.) Sa mga kritikal na pagkakataon, kailangan mong magkunwaring pipi at bingi, baliw at hangal, at hayaan mong makita ka nila bilang isang mangmang na walang-alam. Kung may ipagagawa sila sa iyo, gawin mo ito, tanggapin mo ang payo nila nang hindi ito kinukuwestiyon, at ipakita mo sa kanila kung gaano ka kamasunurin. Hanggang saan ang pagkamasunurin? Tulad ng isang sipsip, na palaging nakikinig, hindi kailanman nagsasalita nang hindi nararapat, hindi kailanman nagtatanong tungkol sa balita sa pinuno, o tungkol sa impormasyon ukol kay ganito at ganyan—maging lalong masunurin. Ngunit hinding-hindi mo dapat ilantad sa kanila ang totoong mga iniisip mo; sa sandaling ilantad mo ang tunay mong mga iniisip at intensyon, parurusahan at tuturuan ka nila ng leksyon. Kung wala ka sa panig nila, hindi mo ito maaaring ipaalam sa kanila—kahit na tanggihan mo sila ay hindi mo dapat hayaang malaman nila ito. Bakit dapat mo itong gawin? Dahil sa kanilang mga mata, kung hindi ka nila kaibigan, kalaban ka. Sa sandaling maging kalaban na ang tingin nila sa iyo, ikaw na ang pupuntiryahin nilang parusahan: Tatratuhin ka nila bilang isang nakayayamot na tao, bilang tinik sa kanilang dibdib, at kakailanganin ka nilang parusahan. Kaya, kailangan mong gumamit ng karunungan at magkunwaring hangal. Huwag mong ipakita ang mga kakayahan mo; kung ipahahayag mo ang iyong mga iniisip, pananaw, paninindigan, o saloobin tungkol sa anumang bagay, hangal ka. Naunawaan mo ba? (Naunawaan ko.) Sa harapan ni Satanas at ng mga diyablo, lalo na kapag napalapit ka sa isang grupo sa mundo ng politika, kailangan mong maging mas maingat, protektahan mo ang iyong sarili, huwag kang mag-isip na mautak ka o kumilos nang walang pakundangan, huwag mong ipangalandakan ang iyong sarili, huwag mong subukang patunayan ang halaga mo—kailangan ay hindi ka maging kapansin-pansin. Kung gusto mong masiguro ang pagtagal mo sa gayong masalimuot na kapaligiran, at gusto mo ring sumampalataya sa Diyos, gawin ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan, at magtamo ng kaligtasan, ang unang bagay na nararapat mong gawin ay protektahan ang iyong sarili. Ang isa sa mga paraan upang protektahan ang iyong sarili ay huwag mong galitin ang anumang politikal na puwersa at huwag kang maging puntirya ng kanilang pag-atake o pagpaparusa—sa ganitong paraan ka mananatiling bahagyang mas ligtas. Kung palagi kang tatangging makinig sa kanila, sumunod sa kanila, o makipaglapit sa kanila, kaiinisan ka nila at gugustuhin nilang parusahan ka. Sa kabilang banda, kung makikita nilang may talento at kakayahan kang magtrabaho, at kung makikita nilang kapaki-pakinabang ka sa kanila, at na kung ikaw ang hahalili sa kanila, hindi mo ilalantad ang mga lihim nila o sisirain ang kanilang reputasyon sa hinaharap, nanaisin nilang maging tagapagturo mo. Magandang bagay ba na turuan ka nila? (Hindi.) Kung makursunadahan ka nila at naisin nilang turuan ka, sabihin mo sa Akin, hindi ba’t para ka na ring nasapian ng masamang espiritu? (Oo.) Kung makursunadahan ka nila, lagot ka. Kaya, bago ka nila makursunadahan, hindi mo maaaring hayaang magustuhan ka nila; kailangan mong magkunwaring hangal, na para bang wala kang anumang magagawa nang mahusay. Gawin mo nang katanggap-tanggap ang karamihan sa mga bagay. Bagama’t maaaring hindi sila masiyahan dito, hindi sila makakakita ng anumang pagkakamali sa iyo o makahahanap ng mga dahilan upang paalisin ka. Sapat na iyon, at nakukuha niyon ang ninanais na epekto. Kung masyado mong paghuhusayan ang mga bagay-bagay, kung ang lahat ay magagawa mo nang maayos at masyado silang masisiyahan sa iyo at tataas ang tingin nila sa iyo, hindi iyon maganda. Sa isang aspeto, makikita ka nila bilang isang banta sa kanilang direksyon sa politika, at sa isa pa, maaaring naisin nilang turuan ka, at wala sa mga iyon ang mabuti para sa iyo. Kaya, upang mapatatag ang iyong sarili sa lipunang ito, bukod sa pag-iwas at paglayo sa iba’t ibang puwersa, may isa pang bagay na mas mahalaga, ito ay ang lubusang pangasiwaan ang mga ugnayan at usapin hinggil sa iba’t ibang puwersa o sa iyong direktang superbisor. Halimbawa, kung masyado kang magpapasikat, kung labis mong nanaising patunayan ang iyong sarili, o kung gagawin mo ang mga bagay-bagay nang walang anumang karunungan, maaari kang malagay sa isang mahirap na kalagayan kung saan hindi mo maisasantabi ang anumang bagay o kakailanganin mong gawin ang ayaw mong gawin. Ano ang pwedeng gawin tungkol dito? Samakatuwid, mahirap pangasiwaan ang bagay na ito. Kailangan mong magdasal nang madalas sa Diyos, maging tahimik sa Kanyang harapan, hayaan mong patnubayan ka ng Diyos, bigyan ka ng karunungan, ibigay sa iyo ang mga salitang sasabihin, gabayan ka sa kung ano ang dapat mong gawin, at tulungan kang malaman kung paano pangangasiwaan ang sitwasyon, upang maprotektahan mo ang iyong sarili at maingatan ka ng Diyos sa gayong mga masalimuot na komunidad. Kapag natanggap mo na ang pag-iingat ng Diyos at naprotektahan mo na ang iyong sarili, saka mo lamang makakamit ang mga pangunahing kondisyon upang maging tahimik sa harapan ng Diyos, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, pagnilayan ang mga iyon, at hangarin ang katotohanan. Nauunawaan mo ba ang mga bagay na ito? (Oo, nauunawaan ko.) Ito ang prinsipyo ng hindi pagkampi sa anumang panig.

May isa pang prinsipyo ng paglayo sa politika, iyon ay, ang hindi pagpapaalam sa paninindigan ng isang tao. May kinalaman man ito sa mga politikal na pananaw, saloobin, o kalakaran, o sa layunin at hangarin ng mga lider, sa kanilang mga pagpapahayag, kanilang mga kaisipan, o kung tama man sila o mali, hindi mo dapat ipaalam ang iyong paninindigan. Kapag tinanong ka ng pinuno, “Sang-ayon ka ba sa sinabi ko? Ano ang paninindigan mo?” Sasabihin mo, “Ano ba ang sinabi mo? Mahina ang tenga ko, hindi kita narinig.” Magagalit ang pinuno pagkarinig dito at hindi na ito makikipag-usap sa iyo. Sa iyong puso, iniisip mo, “Mabuti, wala rin naman akong gustong sabihin!” Dapat kang magkunwaring pipi at bingi, at hindi mo dapat palaging ipaalam ang iyong paninindigan, o ipakita kung gaano ka katalino, sabihing, “Boss, may ilan akong opinyon, may ilan akong ideya.” Kung palagi kang magtataas ng kamay at magkakaroon ng paninindigan, kalokohan talaga iyon. Hindi ka dapat magsalita kapag may mga opinyon ka tungkol sa boss, at kapag may mga opinyon ka tungkol sa ganito at ganyang katrabaho mo o nakita mong may ginagawang mali ang boss mo, huwag kang kumibo. Ngayon, paano kung tanungin ka ng lider tungkol sa mga bagay na ito, ano ang sasabihin mo? “Ang galing ng pagkakagawa mo nito, iba ang antas mo sa aming maliliit na manggagawa. Napakamapagmalasakit mo talaga!” Dapat mo siyang purihin, kausapin mo siya nang may labis na pambobola hanggang sa makaramdam siya ng matinding kaligayahan, at kapag nakita mong nakamit mo na ang layunin mo, itigil mo na ang pagpuri sa kanya, dahil halos masuka ka na roon. Anuman ang mga polisiya, opinyon, gawaing dapat ipatupad mula sa itaas na sinasabi ng boss mo, o kanyang saloobin sa anumang bagay, magkukunwari kang hangal at magsasabi ng ilang malabong pangungusap. Kapag narinig ka ng boss, sasabihin niya, “Noon pa man ay naguguluhan na ang taong ito, kaya normal lang na naguguluhan din siya tungkol sa bagay na ito.” Sige, matagumpay ka nang nakaraos sa pamamagitan ng pagpapanggap. Anuman ang sabihin ng boss, hinding-hindi mo dapat ipaalam ang iyong paninindigan. Kung sabay kayong kumakain ng boss at gusto niyang sabihin mo ang paninindigan mo sa isang bagay, sabihin mong, “Ay, tingnan mo kung gaano karaming kanin ang nakain ko; ang taas ng asukal ko at medyo nahihilo ako, kaya hindi ko masyadong narinig nang malinaw ang sinabi mo. Boss, pwede bang pag-usapan na lang ulit natin ito sa susunod?” Maging malabo ka lang sa kanya. Kung magpapadala ang boss ng isang tao upang alamin ang iyong mga pananaw tungkol sa kanya, sa komite ng partido, o sa mga pambansang polisiya, dapat ka bang magpahayag ng anumang pananaw? (Hindi.) Ang dapat na pampublikong saloobin mo ay na wala kang pananaw, ngunit paano naman ang tunay mong saloobin? Kahit pa may mga pananaw ka, huwag mong sabihin ang mga iyon: Ito ang tinatawag na panlilinlang sa isang multo. May isang matalinhagang kasabihan, “Paglalagay ng plastik na bulaklak sa puntod ng isang tao—panlilinlang sa isang multo,” hindi ba’t tama iyon? Kapag nahaharap sa malalaking usapin ng tama at mali, bagama’t mayroon kang mga saloobin at pananaw, hindi mo dapat ipahayag ang mga iyon. Bakit? Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa pananampalataya sa Diyos, walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, ang lahat ng ito ay mga usapin ng mundo ng mga diyablo, at walang kinalaman sa ating mga mananampalataya. Hindi mahalaga kung ano ang ating mga saloobin, ang mahalaga ay walang kinalaman sa atin ang mga bagay na ito; bagama’t maaaring may saloobin tayo, sa realidad ay isa itong pagkaunawa at pagkilatis sa kanilang diwa; ang ating saloobin at ating prinsipyo ng pagsasagawa ay ang lumayo sa kanila, tanggihan sila, at tanggihan ang kanilang impluwensya at kontrol. Para naman sa mga saloobin ng ibang mga tao, walang kinalaman sa atin ang mga iyon; isa itong usapin ng mundo ng mga diyablo at walang kinalaman sa mga mananampalataya ng Diyos. Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa paghahangad sa katotohanan, wala ring kinalaman ang mga ito sa kaligtasan, lalong walang kinalaman sa anumang saloobin ng Diyos sa iyo; kaya, hindi mo kailangang magkaroon ng anumang saloobin, at hindi mo rin kailangang magpahayag ng anumang saloobin. Maaaring tawanan mo lang ito at sabihing, “Boss, mababaw ang paraan ng pag-iisip ko, at magulo ang isipan ko; mahabang panahon kong pinag-aralan ang politika, ngunit kailanman ay hindi pa ako nakaranas ng anumang politikal na rebolusyon sa aking isipan, kaya bilang isang karaniwang tao, hindi ko pa rin maintindihan ang mga polisiyang galing sa itaas o ang iyong ibig sabihin. Pasensya na.” Sapat na ang sagot na ito. Panlilinlang ba ito sa multo? (Oo.) O pwede mo ring sabihing, “Nagniningning ang mga mata ng boss, at malinaw ang mga mata ng mga tao, pero ako lang ang mukhang naguguluhan ang mga mata: Wala akong anumang nakikita o nauunawaan! Hindi ako miyembro ng partido, kaya wala sa akin ang espiritu ng partido. Hindi ko maunawaan ang mga bagay na ito. Kausapin mo kami, boss, mas mahalaga ka sa amin. Anuman ang sasabihin mo, pakikinggan at isasagawa namin ito. Sapat na iyon para sa akin.” Hindi ba’t simple lang ito? Natutupad ba nito ang prinsipyo ng hindi pagpapaalam ng paninindigan ng isang tao? (Oo, natutupad nito.) Ang pagpapanggap na ito at hindi paglilinaw sa iyong paninindigan ay nagbibigay-daan sa iyong protektahan ang iyong sarili. Alam ba ng boss ang ibig mong sabihin dito? Hindi. Iniisip niyang isa ka lang hangal na nag-iisip na, “Ang taong ito ay hindi naghahangad ng pag-unlad. Sa ganito kagagandang kondisyon, tumaas na ang posisyon ng karamihan, baka alkade pa nga. Maaaring maging gobernador ng probinsya ang taong ito, pero ayaw lang talaga niyang umunlad, palagi siyang nagkukunwaring hangal, at hindi siya nakikipaglapit sa organisasyon—isa siyang tipikal na hangal!” Ano ang iisipin mo sa iyong puso? “Sa iyong mga mata, isa akong hangal. Ngunit sa mga mata ng Diyos, isa akong matimtimang kalapati. Mas mahalaga ako kaysa sa iyo. Ikaw na tusong tao, humahawak ka ng opisyal na posisyon at nakikibahagi sa kaunting politika, at akala mo ay nakatataas ka na dahil doon. Sa aking mga mata, wala kang pinagkaiba sa maliit na balang!” Pwede ba ninyong sabihin iyon? (Hindi, hindi namin pwedeng sabihin iyon.) Hindi ninyo pwedeng sabihin iyon. Mag-ingat kayo dahil may tenga ang lupa; pwede mong kausapin ang aso mo sa bahay at hanggang doon na lang. Kakaunti lang ang tao sa mundong ito na mapagkakatiwalaan o mapagsasabihan mo ng mga personal na bagay; kaya, kapag nahaharap ka sa malalaking usapin ng prinsipyo, sa mga politikal na komunidad man o sa anumang grupong panlipunan, dapat mong matutuhang hindi ipaalam ang iyong paninindigan, lalo na kapag may kinalaman ito sa politika, kapangyarihan, o pagkampi sa anumang panig. Talagang hindi mo dapat linawin ang iyong paninindigan. Kung gagawin mo iyon, parang inilalagay mo ang sarili mo sa ibabaw ng apoy para ihawin. Ano ba ang pakiramdam ng mailagay sa ibabaw ng apoy para ihawin? Kung gusto mong malaman, manindigan ka lang at tingnan mo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Posible bang hindi ipaalam ang iyong paninindigan? Depende ito sa kung ano ang hinahangad mo sa iyong puso. Kung tunay kang naghahangad ng isang opisyal na propesyon, kung gusto mong maging isang opisyal, bukod sa magkakaroon ka ng paninindigan, malinaw mo ring ipahahayag ang iyong paninindigan, at gagawin mo ito sa harapan ng iyong boss, at unti-unti ka ring aakyat—kung gayon, magiging isa kang walang kwentang tao. Hindi ka lumalayo sa politika; nakikibahagi ka rito. Kung nakikibahagi ka sa politika, sige, umalis ka na. Huwag ka nang manatili sa sambahayan ng Diyos. Isa kang walang pananampalataya, nabibilang ka sa mundo, sa diyablo, hindi sa sambahayan ng Diyos—hindi ka kabilang sa mga hinirang na tao ng Diyos. Kahit na namamalagi ka sa sambahayan ng Diyos, pumuslit ka papasok dito, ninais mong makakain, makatanggap ng pagpapala—hindi tinatanggap dito ang taong tulad nito. Ngunit, sa kabilang banda, kung maganda ang mga personal mong kwalipikasyon at nasa posisyon ka upang magkaroon ng maraming pagkakataong maging isang opisyal at magsimula ng isang propesyon, subalit kaya mo pa ring umiwas na makipaglapit, makibahagi, kumampi sa anumang panig, at magkaroon ng paninindigan, makalalayo ka sa politika. Natatandaan mo ba ang mga prinsipyong ito? Posible bang magawa ang mga ito? (Oo, posibleng magawa ang mga ito.) Alam mo kasi, ang lahat ng tao sa mga politikal na komunidad na palaging nagnanais na itampok ang kanilang mga sarili, mangibabaw, pati na ang mga taong nagnanais na ipahayag ang kanilang mga pananaw at saloobin, na may napakatinding kagustuhang ipahayag ang kanilang mga sarili—lahat sila ay iisa lang ang mithiin: Gusto nilang humawak ng isang opisyal na posisyon. Sa magandang pananalita, gusto nilang makibahagi sa politika; ngunit sa totoo, gusto lang nilang humawak ng katungkulan, magkaroon ng awtoridad, at magtamasa ng magandang buhay sa pamamagitan ng kanilang posisyon. Gusto nilang gamitin ang posisyon nila upang matupad ang iba’t ibang pansariling mithiin at madagdagan ang kanilang katanyagan. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo, ganoon nga.) May ilang taong hindi masyadong maganda ang mga katangian; may kapintasan sila. Gayunpaman, gusto pa rin nilang maging mga opisyal at makibahagi sa politika. Ang resulta, umaasa sila sa mga pagsisikap nila at unti-unting umaakyat anuman ang kapalit; sumisipsip sila sa mga nakatataas sa kanila, at kumikilos bilang mga personal na tauhan ng mga opisyal ng gobyerno. Kalaunan, nakakamit nila ang mithiin nilang makibahagi sa politika at natutupad ang pangarap nilang magkaroon ng opisyal na propesyon.

Tungkol naman sa paglayo sa politika, limang prinsipyo na ang napagbahaginan natin. Ang unang prinsipyo ay ang hindi pagsapi sa anumang partido. Alam mo, ang mga tagapamahala ng anumang bansa ay nabibilang lahat sa isang politikal na partido, bukod pa sa mga lider ng mga awtoritaryang bansa, na nabibilang din sa isang politikal na partido. Samakatuwid, ang unang prinsipyo ng paglayo sa politika ay huwag sumapi sa anumang partido. Hindi ba’t kasasabi Ko lang niyon? (Oo.) Kung gayon, ano ang pangalawang prinsipyo? (Hindi pakikipaglapit sa kanila.) Huwag kang makipaglapit sa kanila o sa mga politikal na komunidad. Ano ang pangatlong prinsipyo? (Hindi pakikibahagi.) Tama iyon, hindi pakikibahagi sa alinman sa kanilang mga aktibidad, kilusan, o ideolohikal na talakayan, ibig sabihin, hindi pakikibahagi sa kanila. Ano ang pang-apat na prinsipyo? (Hindi pagkampi sa anumang panig.) Huwag kang kumampi sa anumang panig, hayaan mo silang magtalo-talo kung sino ang tama at mali; sa madaling salita, hindi ka kakampi sa anumang panig. Ano ang panlimang prinsipyo? (Hindi pagpapaalam ng paninindigan ng isang tao.) Hindi pagpapaalam ng paninindigan ng isang tao. May nagsasabing, “Kung hindi mo ipaaalam ang iyong paninindigan, hindi ba’t nakagugulo ka lang?” Sasabihin mo, “Wala akong opinyon, isa lang akong karaniwang tao, hindi ako masyadong nakapag-aral, hindi ganoon kahusay ang paraan ng aking pag-iisip—anong uri ng opinyon ang tataglayin ko? Isa lang akong karaniwang mamamayan, tigilan mo na ako.” Hinding-hindi ka magkakaroon ng opinyon kahit na kailan. Kapag ipinatawag ka upang magkaroon ng paninindigan, magpapanggap kang naghihilik, natutulog, at kapag nakita ng mga taong hindi ka interesado sa pag-unlad, hindi na nila hihilingin sa iyong ipaalam ang iyong opinyon, na tamang-tama naman, hindi ba? Ilang prinsipyo ba ito sa kabuuan? (Lima.) Kung susundin mo ang limang prinsipyong ito, makalalayo ka sa politika at hindi ka maiimpluwensyahan, maaapektuhan, o maaantala ng anumang politikal na puwersa. Nakikitungo man sa mga politikal na komunidad sa itaas o sa ibaba, kung isasagawa mo ang limang prinsipyong ito, makalalayo ka sa politika. Isa itong paksang naaangkop sa propesyonal na karera ng isang tao. Siyempre, kahit na wala kang propesyon, nananatiling ganito pa rin ang mga prinsipyong ito, hindi nagbabago. Kahit na wala kang trabaho, dapat mo pa ring isagawa ang mga prinsipyong ito upang lumayo sa politika—hindi nagbabago ang mga prinsipyo. Kaya bakit ka ba dapat na lumayo sa politika? Ano ba ang politika? Isa itong labanan, isang tagisan ng kapangyarihan. Ang politika ay kapwa sabwatan at diskarte. Ano pa ba ang politika? Ang politika ay ang mga kilusan o aktibidad ding nililikha ng iba’t ibang puwersa. Nakita mo na, ni hindi na nga ninyo maipaliwanag kung ano ang politika, subalit inaakusahan pa ng malaking pulang dragon ang mga tao sa iglesia na sangkot sa politika. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t madaling makahanap ng mali kapag gusto nila? (Oo.) Malinaw na isa itong maling paratang. May ilang hangal at naguguluhang tao, na matapos makinig sa mga maladiyablong salita ng malaking pulang dragon, ay napipigilan na nito at hindi na naglalakas-loob na gumamit ng pagkilatis kapwa rito o kay Satanas. Sa tuwing mababanggit ang paksa ng pagkilatis sa malaking pulang dragon o kay Satanas, nagtatago sila sa isang sulok at hindi nangangahas na magsalita; tumitikhim lang sila o nagkukunwaring naguguluhan. Para saan ba sila nagkukunwari? Hindi nila kailangang magkunwari: Ni hindi nga nila nauunawaan kung ano ang politika, kaya paano sila makikibahagi sa politika? Magagawa bang makibahagi sa politika ng isang taong magulo ang isip na tulad nila? Samakatuwid, para sa karamihan ng karaniwang tao, ang paglayo sa politika ay posibleng magawa sa realidad. Katatapos lang nating bigyang-diin ang isang punto sa prinsipyo; ito ay ang hindi paggawa ng anumang hangal na bagay, maiwasang masangkot sa politika nang hindi namamalayan, matangay sa politika nang hindi man lamang nalalaman, at sa huli ay mapagbuntunan ng sisi o maging sangkalan nang hindi nauunawaan kung ano ang nangyari. Kaya, ang dahilan kung bakit pinagbabahaginan natin ang mga prinsipyong ito, sa isang aspeto ay upang ipaalam sa iyo na hindi talaga sapat ang talino mo upang maunawaan ang tunay na diwa ng politika. Sa isa pa, kung isasagawa mo ang mga prinsipyong ito, mapoprotektahan mo nang mas maigi ang iyong sarili at maiiwasan mong masamantala sa anumang sitwasyon, o sa mga sitwasyon kung saan wala kang kamalayan o wala kang alam. Sa pamamagitan lang ng pagsunod sa mga prinsipyong ito, matitiyak mo ang sarili mong relatibong kaligtasan sa anumang grupo. Samakatuwid, bukod sa agimat mo ng proteksyon ang mga prinsipyong ito, mga prinsipyo rin itong ipinaaalala sa iyo ng Diyos na sundin sa larangan ng politika. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyong ito, matatamasa mo ang mga pakinabang na dulot sa iyo ng katotohanan, at masasabi rin ng isang taong iniingatan ka ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay malabo at walang kabuluhan ang pag-iingat ng Diyos, at hindi mo ito nakikita o nararamdaman, maaari mong piliing isagawa ang limang prinsipyong ito. Sa ganitong paraan, tunay mong mararanasan ang pag-iingat ng Diyos, na isang mas totoong uri ng pag-iingat. Hindi lang ito paggamit sa mga salita ng Diyos upang protektahan ang iyong sarili, kundi pagpoprotekta rin ito sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo na inihayag ng Diyos sa iyo. Ano’t ano pa man, matutupad ang pinakamithiin, at sa pamamagitan ng paglayo sa politika ay mapananatili mong ligtas ang iyong sarili mula sa masasamang grupo ng tao, makaiiwas ka sa iba’t ibang tukso at krisis, at sa gayon ay mapatatahimik mo ang iyong katawan at isipan sa harapan ng Diyos sa isang kalmado, payapa, at ligtas na kalagayan, nang sa gayon ay mahangad mo ang katotohanan. Gayunpaman, kung hangal ka at hindi mo alam kung paano sundin ang mga prinsipyong itinuro ng Diyos, at susubukan mong mangibabaw at basta-bastang itampok ang iyong sarili, madalas kang kikilos nang walang karunungan at masasangkot sa iba’t ibang pagtatalo at alitan na nagmumula sa politika at mga grupo; kung madalas kang mahulog sa iba’t ibang patibong at tukso, at ang pang-araw-araw mong buhay ay matatangay at magugulo ng mga bagay na ito, at igugugol mo ang lahat ng oras mo sa pangangasiwa at pagtugon sa mga labanang ito na may kinalaman sa mga pagtatalo at kaguluhan, masasabing hinding-hindi makahaharap sa Diyos ang iyong puso, at hinding-hindi ka magiging tunay na tahimik sa harapan Niya. Kung hindi mo kayang makamit ang maliit na bagay na ito, wala ka nang pag-asang maintindihan ang mga salita ng Diyos, mapalalim o maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan upang maligtas. Kung nabitag ka ng mga bagay na ito, katumbas ito ng mabitag ng diyablo. Kung wala kang mga prinsipyo upang pangasiwaan ang mga bagay na ito, ang pinakawakas mo ay lalamunin ka ng mga bagay na ito. Ang iyong pang-araw-araw na buhay, ang iyong puso, at ang iyong buhay ay masasangkot sa mga pagtatalo at labanang ito. Ang tanging iisipin mo ay kung paano maiwawaksi ang mga bagay na ito, kung paano makikipag-away at makikipagtalo sa mga taong iyon, at kung paano patutunayan ang pagiging walang-sala mo at humingi ng katarungan. Ang resulta, habang mas nasasangkot ka sa mga aktibidad na ito, lalo kang magnanais na agad na mapatunayan ang pagiging walang-sala mo, humingi ng katarungan, at makakuha ng paliwanag, at lalong magiging magulo at komplikado ang iyong puso. Kapag mas komplikado ang iyong panlabas na kapaligiran, lalong magiging komplikado ang iyong panloob na pagkatao, at kapag mas magulo ang iyong panlabas na kapaligiran, lalong magiging magulo ang panloob mong pagkatao. Sa ganitong paraan, malalagot ka na talaga, makokontrol at mabibihag ka na ni Satanas. Kung nais mo pa ring hangarin ang katotohanan at maligtas, magiging imposible iyon! Ganap ka nang mawawalan ng halaga, hindi ka na matutubos pa. Pagsapit ng oras na iyon, sasabihin mo, “Pinagsisisihan ko ang lahat ng ito. Ang politikal na komunidad ni Satanas ay walang iba kundi isang kumunoy! Kung alam ko lang, nakinig sana ako sa mga salita ng Diyos.” Matagal Ko nang sinabi sa iyo, ngunit hindi ka naniwala sa Akin. Ipinagpilitan mong makakuha ng paliwanag mula sa kanila, makakuha ng patas na salita, ng salita ng papuri at pagkilala mula sa kanilang mga bibig. Tumanggi kang sumunod sa mga prinsipyo at pamantayang sinabi sa iyo ng Diyos, kaya karapat-dapat kang madamay sa kanila hanggang sa ikaw ay mamatay. Sa huli, mapupuksa si Satanas, at mapupuksa kang kasama nito, nagiging handog para sa libing nito. Dapat lang ito sa iyo! Sino ba ang pumilit sa iyong sumunod kay Satanas? Sino ba ang pumilit sa iyong maghangad ng paliwanag mula kay Satanas? Sino ang pumilit sa iyong maging sobrang hangal? Binigyan ka ng Diyos ng karunungan, ngunit hindi mo ito ginamit. Binigyan ka Niya ng mga prinsipyo, ngunit hindi mo sinunod ang mga iyon. Ipinagpilitan mong gawin ang sarili mong kagustuhan, makipaglaban sa mga taong iyon gamit ang sarili mong isipan, mga talento, at mga kaloob. Kaya mo bang talunin ang diyablo? Higit pa rito, ang paglaban sa diyablo ay hindi ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay ang sumunod sa Kanyang daan, hindi ang makipaglaban sa diyablo. Walang saysay na makipaglaban ka rito. Hindi ito inaalala ng Diyos. Kahit pa matalo mo ito, hindi ka magtatamo ng kaligtasan. Nauunawaan mo na ba ngayon? Samakatuwid, sa industriya at komunidad ng politika, kailangan mong tandaan ang mga prinsipyong ito na nararapat sundin ng mga tao. Marahil kayong mga kasalukuyang full time na gumagawa sa inyong tungkulin ay mag-iisip na hindi makatotohanan at medyo malayo sa inyo ang mga salitang ito. Ngunit kahit papaano man lang, pinahihintulutan ka ng mga itong malaman kung ano ang politika, kung paano mo dapat tratuhin ang politika, kung paano mo titingnan ang mga taong namumuhay sa mga politikal na komunidad o naghahangad ng mga politikal na plano, at kung paano sila tutulungang tumugon sa kanilang mga problema kung sumasampalataya sila sa Diyos. Ang mga ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat ninyong malaman. Sa sandaling lubos mong maunawaan at matanggap ang mga prinsipyong ito, matutulungan mo sila, at kapag nakaharap ka ng gayong mga tao, mapangangasiwaan at malulutas mo ang kanilang mga suliranin gamit ang mga kaukulang prinsipyo. Kung gayon, itigil na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksa ng paglayo sa politika. Paalam!

Hunyo 18, 2023