Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 20 (Ikalawang Bahagi)
Ang pinagbabahaginan natin sa yugtong ito ay ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Sa huli nating pagtitipon, pinagbahaginan natin ang tungkol sa pagbitiw sa mga partikular na pasaning mula sa pamilya ng isang tao. Tungkol sa paksa ng mga pasaning mula sa pamilya ng isang tao, una nating pinagbahaginan ang tungkol sa mga ekspektasyong pinanghahawakan ng mga magulang, pagkatapos, ang tungkol sa mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga supling. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi ba? (Oo.) Tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao, nagtala tayo ng apat na elemento sa kabuuan. Ang unang elemento ay mga hilig at libangan, ang pangalawa ay pag-aasawa, at ang pangatlo ay pamilya—napagbahaginan na natin ang tatlong ito. Ano ang huling natitirang elemento? (Mga propesyon.) Ang pang-apat na elemento ay mga propesyon; dapat nating pagbahaginan ang elementong ito. Napag-isipan na ba ng sinuman sa inyo ang paksang ito noon? Kung gayon, pwede kayong maunang magsalita. (Dati, iniisip kong ang tagumpay o pagkabigo ng isang tao sa kanyang propesyon ay sumasalamin sa kanyang tagumpay o pagkabigo bilang isang tao. Akala ko, kung ang isang tao ay walang dedikasyon o nakasisira sa kanyang propesyon, ipinahihiwatig nitong nabigo siya bilang isang tao.) Ngayon, pagdating sa usapin ng pagbitiw sa mga propesyon, ano ang dapat na bitiwan? (Dapat na bitiwan ng mga tao ang kanilang mga ambisyon at pagnanais hinggil sa kanilang mga propesyon.) Isang paraan iyon ng pagtingin dito. Ano ang mga bagay na naiisip ninyong bitiwan pagdating sa mga “propesyon” sa loob ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao? Hindi ba’t dapat ninyong lutasin ang iba’t ibang suliraning idinudulot sa inyo ng isang propesyon sa proseso ng paghahangad sa katotohanan? (Dati, noong nasa sekular na mundo pa ako, inakala kong kailangan kong maging matagumpay sa aking propesyon, na kailangan kong magkamit ng kaunting pagkilala. Bilang resulta, labis kong hinangad ang aking propesyon, ninanais na makilala ako. Kahit noong sumasampalataya na ako sa Diyos, ninais ko pa ring mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, na hikayatin ang iba na tingalain ako. Naging isang malaking sagabal ang suliraning ito sa aking pagpasok sa buhay.) Ang pagkaunawa ninyo sa propesyon ay isa talagang pansariling paghahangad; tumutukoy rin ito sa landas na tinatahak ng isang tao. Kaya, sa ating pagbabahaginan tungkol sa “mga propesyon” sa ilalim ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao, hindi na muna Ako magbabanggit ng anumang paksang tumutukoy sa mga paghahangad ng mga tao. Pangunahin nating pag-uusapan ang literal na kahulugan ng “propesyon.” Ano ba ang tinutukoy ng “propesyon”? Ito ang gawain o trabahong ginagawa ng mga tao upang tustusan ang kanilang mga pamilya habang nabubuhay sa mundo. Nakapaloob ang paksang ito sa saklaw ng “mga propesyon” sa ilalim ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao, na nais nating pagbahaginan. Ito ang saklaw at mga prinsipyo para sa pagtatrabaho upang matustusan ang pamilya ng isang tao, at para sa pagpili ng hanapbuhay sa lipunan, habang sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan. Natural, medyo mababanggit dito ang bahagi ng paksa tungkol sa mga paghahangad ng mga tao at tungkol sa mga hinihingi ng Diyos para sa gawaing inaasikaso ng isang mananampalataya. Masasabi ring nauugnay ito sa mga kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng isang mananampalataya ukol sa iba’t ibang trabaho at propesyon sa mundo. Medyo malawak ang mga paksang tumutukoy sa mga propesyon; uuriin natin ang mga iyon sa mga kategorya, at sa paggawa niyon ay matutulungan nito ang mga taong maunawaan kung ano-ano ang mga pamantayan at hinihingi ng Diyos para sa mga propesyong isinasagawa ng mga mananampalataya at naghahangad sa katotohanan, pati na kung ano-ano ang mga kaisipan at pananaw na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga mananampalataya at naghahangad sa katotohanan habang isinasagawa o hinaharap nila ang mga hanapbuhay. Bibigyang-daan nito ang mga taong mabitiwan ang mga paghahangad at pagnanais na may kaugnayan sa mga propesyong umiiral sa kanilang mga kuru-kuro at kagustuhan. Kasabay niyon, maitatama rin nito ang mga maling pananaw ng mga tao tungkol sa mga hanapbuhay na kanilang isinasagawa o sa mga propesyong hinahangad nila sa mundo. Paghihiwalayin natin ang paksa tungkol sa mga propesyon na dapat bitiwan ng mga tao sa apat na pangunahing elemento: Ang unang elementong kailangang maunawaan ng mga tao ay huwag magkawanggawa; ang pangalawang elemento, makontento na sa pagkain at damit; ang pangatlong elemento, lumayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan; ang pang-apat na elemento, lumayo sa politika. Pagbabahaginan natin ang tungkol sa mga usaping may kaugnayan sa pagbitiw sa mga propesyon batay sa nilalaman ng apat na elementong ito. Pag-isipan ninyo, may anumang kaugnayan ba ang nilalaman ng apat na elementong ito sa pinagbabahaginan ninyo? (Wala.) Ano ba ang pinagbabahaginan ninyo? (Mga pansariling paghahangad.) Walang kinalaman ang pinagbabahaginan ninyo sa mga katotohanang prinsipyo, may kaugnayan lamang ito sa kaunting maliliit na pansariling paghahangad. Ang apat na puntong ating pinagbabahaginan ay may kinalaman sa iba’t ibang prinsipyong nakapaloob sa paksa ng mga propesyon. Kung mauunawaan ng mga tao ang iba’t ibang prinsipyong ito, magiging madali para sa kanilang bitiwan ang kailangan nilang bitiwan kaugnay sa mga propesyon habang nasa proseso ng paghahangad sa katotohanan. Magiging madali para sa kanilang bitiwan ang mga bagay na iyon dahil naiintindihan nila ang mga aspetong ito ng katotohanan. Gayunpaman, kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang ito, magiging masyadong mahirap para sa iyong bitiwan ang mga bagay na ito. Isa-isa nating pagbahaginan ang apat na prinsipyong ito para sa pagbitiw sa mga propesyon.
Una, huwag kang magkawanggawa. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkakawanggawa? Madaling intindihin ang literal na kahulugan ng mga salita. Lahat kayo ay medyo may kaunting konsepto sa usapin ng kawanggawa, hindi ba? Halimbawa, ang mga bahay-ampunan, bahay-kanlungan, at kung anu-ano pang organisasyon ng pagkakawanggawa sa lipunan—ang lahat ng ito ay mga organisasyon at katawagang may kaugnayan sa pagkakawanggawa. Kaya, pagdating sa mga propesyong isinasagawa ng mga tao, ang unang hinihingi ng Diyos ay na huwag silang magkawanggawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, hindi dapat gumawa ang mga tao ng mga bagay na may kinalaman sa kawanggawa o magsagawa sa anumang industriyang may kaugnayan sa kawanggawa. Hindi ba’t madali lang itong maunawaan? Bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos, na nabubuhay sa isang pisikal na katawan, na may pamilya at buhay, at nangangailangan ng pera upang tustusan ang iyong sarili at pamilya, kailangan mong maghanapbuhay. Anumang uri ng hanapbuhay ang isagawa mo, ang unang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay huwag magkawanggawa. Hindi ka dapat magkawanggawa dahil sumasampalataya ka sa Diyos, o magkawanggawa alang-alang sa iyong sariling pisikal na kabuhayan. Ang gawaing iyon ay hindi ang hanapbuhay na dapat mong isagawa. Hindi ito isang hanapbuhay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at talagang hindi ito isang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ang mga bagay na tulad ng pagkakawanggawa ay walang kaugnayan sa mga mananampalataya ng Diyos o sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, maaaring sabihin ng isang tao na kung magkakawanggawa ka, hindi ito aalalahanin ng Diyos. Kahit pa gawin mo ito nang mabuti, nang husto, at makamit mo ang pagkilala ng lipunan at maging ng mga kapatid, hindi ito kikilalanin o aalalahanin ng Diyos. Hindi ka aalalahanin ng Diyos, o pagpapalain sa huli, o palalagpasin at papayagang magtamo ng kaligtasan, o bibigyan ng magandang hantungan dahil sa minsan kang nagkawanggawa, dahil minsan kang naging isang dakilang pilantropo, tumulong sa maraming tao, gumawa ng maraming mabubuting gawa, nagbigay-pakinabang sa maraming tao, o nagligtas pa nga ng maraming buhay. Ibig sabihin, ang pagkakawanggawa ay hindi isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, ano ang kalakip ng mga usapin ng kawanggawa? Sa realidad, sa ilang paraan, ang lahat ng tao ay may iniisip na isa o dalawang bagay na talagang maituturing na isang uri ng pagkakawanggawa. Halimbawa, ang pag-aampon sa mga asong gala. Dahil may ilang bansang hindi mahigpit ang pagkontrol sa mga alagang hayop, o dala ng mahirap na kalagayang pang-ekonomiya, madalas kang makakikita ng mga asong gala sa mga kalye o sa mga partikular na lugar. Ano ang ibig sabihin ng “mga asong gala”? Ibig sabihin nito ay may ilang taong hindi kayang kupkupin o ayaw alagaan ang kanilang mga aso, kaya inaabandona nila ang mga ito, o maaaring naligaw ang mga aso sa kung anong kadahilanan, at ngayon ay pagala-gala na sila sa mga kalye. Maaari mong isiping, “Sumasampalataya ako sa Diyos, kaya dapat kong ampunin ang mga hayop na ito, dahil ang paggawa ng mabubuting gawa ay kalooban ng Diyos, isa itong bagay na nagdadala ng kaluwalhatian sa pangalan ng Diyos, at isa itong responsabilidad na dapat akuin ng mga taong sumasampalataya sa Diyos. Isa itong obligasyong hindi maaaring takasan.” Kaya, kapag nakakakita ka ng mga aso o pusang gala, iniuuwi at inaampon mo ang mga ito, namumuhay ka nang matipid upang mabilhan sila ng pagkain. May ilang tao pa ngang inilalaan ang kanilang mga suweldo at panggastos sa araw-araw para dito, at sa huli ay parami nang parami ang inaampon nilang mga aso at pusa, at kinakailangan nang umupa ng bahay. Sa paggawa niyon, labis na nagkukulang ang pera para sa sarili nilang panggastos sa araw-araw, at hindi na nagkakasya ang sweldo nila, kaya wala na silang ibang magawa kundi mangutang. Ngunit kahit na maging gaano pa kahirap ang mga bagay, pakiramdam nila ay isa itong obligasyong hindi nila pwedeng takasan, isang responsabilidad na hindi nila maaaring isantabi, at na dapat nila itong ituring na isang mabuting gawa at gawin ito nang naaangkop. Inaakala nilang isinasagawa nila ang katotohanan at itinataguyod ang mga prinsipyo. Gumugugol sila ng maraming pera, lakas, at panahon sa pag-aampon sa mga pusa at asong gala na ito upang magkawanggawa, at labis na napapanatag at nasisiyahan ang kanilang mga puso, napakaganda ng pakiramdam nila sa kanilang sarili, at iniisip pa nga ng ilang tao, “Nakaluluwalhati ito sa Diyos, nag-aampon ako ng mga nilalang na ginawa ng Diyos—isa itong hindi masusukat na mabuting gawa, at tiyak na aalalahanin ito ng Diyos.” Tama ba ang mga kaisipang ito? (Hindi tama ang mga ito.) Hindi ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang gawaing ito. Hindi mo ito obligasyon ni responsabilidad. Kung makakikita ka ng mga pusa o asong gala at magustuhan mo ang mga iyon, ayos lang na mag-ampon ng isa o dalawa. Gayunpaman, kung ituturing mo ang pag-aampon ng mga galang hayop bilang isang klase ng pagkakawanggawa, naniniwalang ang pagkakawanggawa ay isang bagay na dapat gawin ng isang mananampalataya ng Diyos, maling-mali ka. Isa itong maling pagkaunawa at pagkaintindi.
May mga tao rin na, sa paniniwala sa sarili nilang kakayahang mabuhay, gumagastos ng kaunting sobrang pera na mayroon sila upang tulungan ang mahihirap sa paligid nila. Binibigyan nila ang mga ito ng mga damit, pagkain, pang-araw-araw na pangangailangan, at maging pera, itinuturing itong isang uri ng obligasyong dapat nilang tuparin. Maaari pa ngang magdala sila ng ilang mahihirap na tao sa kanilang mga tahanan, magbahagi ng ebanghelyo sa mga ito, at bigyan ang mga ito ng perang panggastos. Pumapayag ang mahihirap na taong ito na sumampalataya sa Diyos, at pagkatapos, tinutustusan nila ang mga ito ng pagkain at tirahan, iniisip na tinutupad nila ang sarili nilang tungkulin at obligasyon. May mga tao ring nakapapansin na may mga partikular na ulila sa lipunan na hindi pa naaampon. May kaunti silang sobrang pera na panggastos, kaya tinutulungan nila ang mga ulilang ito, nagtatayo sila ng mga bahay-kanlungan at bahay-ampunan, at inaampon ang mga ulila. Matapos ampunin ang mga ito, tinutustusan nila ng pagkain, tirahan, at pag-aaral ang mga ito, at pinalalaki pa ang mga ito hanggang sa hustong gulang. Bukod sa ipinagpapatuloy nila ang paggawa nito, ipinapasa rin nila ito sa susunod na henerasyon. Naniniwala silang isa itong hindi masusukat na mabuting gawa, isang bagay na tiyak na pagpapalain, at isang kilos na karapat-dapat alalahanin ng Diyos. Kahit sa mga panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, may ilang taong nakakikita ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo mula sa mahihirap na lugar na may mga paniniwala sa relihiyon at pakiramdam nila ay kailangan nilang tulungan at bigyan ng limos ang mga ito. Ngunit ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi ito pagkakawanggawa o pagbibigay ng tulong. Ang layon ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay madala ang mga taong kayang umunawa sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa katotohanan, na tupa ng Diyos, tungo sa Kanyang sambahayan, sa Kanyang presensiya, at binibigyan sila ng pagkakataon para sa kaligtasan. Hindi ito tungkol sa pagtulong sa mga naghihikahos na tao upang may makain at maisuot ang mga ito, upang magkaroon ang mga ito ng buhay ng isang normal na tao at hindi magutom. Samakatuwid, mula sa anumang perspektiba at sa anumang aspeto, pagbibigay man ito ng tulong sa mga alaga o hayop, o pag-alalay sa mga naghihikahos na indibidwal o sa mga taong hindi matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, ang usaping ito ng pagkakawanggawa ay hindi ang bagay na hinihingi ng Diyos bilang bahagi ng tungkulin, responsabilidad, o obligasyong dapat tuparin ng isang tao. Wala itong kaugnayan sa pagsampalataya ng mga tao sa Diyos at pagsasagawa sa katotohanan. Kung mabuti ang puso ng mga tao at handa silang gawin ito, o paminsan-minsan ay makatatagpo sila ng mga partikular na taong nangangailangan ng tulong, pwede nila itong gawin kung kaya nila. Gayunpaman, hindi mo ito dapat tingnan bilang isang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Kung mayroon kang kakayahan at taglay mo ang mga kondisyon, pwede kang tumulong paminsan-minsan, ngunit kumakatawan lamang ito sa iyo mismo, hindi sa sambahayan ng Diyos, at talagang hindi sa mga hinihingi ng Diyos. Siyempre, ang paggawa nito ay hindi nangangahulugang natupad mo na ang kalooban ng Diyos, at talagang hindi ito nangangahulugang nagsasagawa ka ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa pansarili mong asal. Kung gagawin mo ito paminsan-minsan, hindi ka hahatulan ng Diyos dahil dito, ngunit hindi rin Niya ito aalalahanin—iyon lamang. Kung gagawin mo itong isang propesyon, magbubukas ka ng mga bahay para sa matatanda, bahay-kalinga, bahay-ampunan, kanlungan ng mga hayop, o magpiprisinta pa sa mga panahon ng sakuna at maglilikom ng mga pondo mula sa mga kapatid sa iglesia o mula sa pamayanan upang ibigay sa mga lugar o taong nasalanta ng kalamidad, gaano kahusay sa tingin mo ang ginagawa mo? Dagdag pa rito, may ilang taong lumalapit sa iglesia upang humingi ng mga donasyon mula sa mga kapatid kapag tinatamaan ang mga partikular na lugar ng mga lindol, baha, o ibang natural o gawa ng taong kalamidad. Ang malala pa, may ilang tao pa ngang gumagamit ng mga handog upang tulungan ang mga lugar at taong nasalanta ng kalamidad. Naniniwala silang obligasyon ito ng bawat mananampalataya, at isang obligasyong dapat tuparin ng iglesia bilang isang organisasyon ng pamayanang panlipunan. Itinuturing nila itong isang matuwid na adhikain, bukod sa humihingi sila ng mga kontribusyon mula sa mga kapatid, hinihimok din nila ang iglesia na ilaan ang mga handog upang tumulong sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad. Ano ang palagay ninyo rito? (Masama ito.) Masama lamang ba ito? Talakayin ninyo ang kalikasan ng bagay na ito. (Ang mga handog ay nakalaan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, para sa pagpapalawak sa gawain ng ebanghelyo. Hindi nakalaan ang mga iyon para sa pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna o pagtulong sa mahihirap.) (Ang pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna ay walang kaugnayan sa katotohanan; hindi ipinahihiwatig ng paggawa nito na naisasagawa ang katotohanan, at talagang hindi ito nagpapatotoo sa isang pagbabago sa disposisyon.) May ilang taong naniniwala na yamang naninirahan ang lahat ng tao sa iisang planeta, ang mga naninirahan sa daigdig ay bumubuo sa isang malaking pamilya, at kapag nalalagay sa panganib ang isang partido, dapat na magsama-sama ang iba upang umalalay. Iniisip nilang dapat nilang lubos na iparamdam sa mga taong nasa isang lugar ng sakuna ang kabutihan ng kanilang kapwa tao, at iparanas ang kabutihan at tulong mula sa iglesia. Itinuturing nila itong isang hindi masusukat na mabuting gawa, isang kilos na nagpaparangal sa Diyos, at isang magandang pagkakataon upang magpatotoo sa Diyos. May ilang taong, kapag hiningi mong panghawakan nila ang mga prinsipyo habang tumutupad sa mga tungkulin at iayon ang kanilang mga pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsasaayos ng gawain, ay nawawalan ng sigla at gana. Hindi nila pinag-iisipan ang mga bagay na ito sa kanilang puso. Ngunit tungkol naman sa paglalaan ng mga handog upang magbigay ng tulong sa mga taong mula sa mga naghihikahos o atrasadong bansa, pagbili sa kanila ng mga kagamitan para sa pagtupad ng mga tungkulin, at pagtulong sa kanilang mabuhay nang may sapat na pagkain at kasuotan, masyado silang nagiging masigasig at nasasabik na magtrabaho, nagnanais na gumawa ng higit at higit pang mga bagay. Bakit masyado silang masigasig? Dahil nais nilang maging mga dakilang pilantropo. Sa sandaling mabanggit ang isang dakilang pilantropo, nagsisimula silang makaramdam ng pagiging masyadong marangal. Nakararamdam sila ng matinding karangalan na isakripisyo ang kanilang mga pagsisikap alang-alang sa mga pamumuhay ng mahihirap na taong ito at gamitin ang sarili nilang liwanag at kabutihan. Labis silang nasasabik tungkol dito, at dahil dito, gustong-gusto ng ilang taong isagawa ang mga aktibidad na ito. Ngunit ano ang layon sa likod ng pambihirang kagustuhang ito na gawin ang mga bagay na ito? Para ba talaga parangalan ang Diyos? Kailangan ba ng Diyos ang ganitong uri ng karangalan? Kailangan ba ng Diyos ang ganitong uri ng patotoo? Maaari bang magdanas ng kahihiyan ang pangalan ng Diyos kung hindi ka magbibigay ng pera o magbibigay ng tulong? Mawawala ba sa Diyos ang Kanyang kaluwalhatian? Posible bang maluwalhati ang Diyos kapag ginawa mo ito? Mabibigyang-lugod ba Siya? Totoo ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang nangyayari? Bakit gustong-gusto ng mga taong ito na gawin ito? Ang layunin ba nila ay bigyang-lugod ang sarili nilang banidad? (Oo.) Ito ay upang makakuha ng pagsang-ayon mula sa mga taong kanilang natulungan, upang mapapurihan para sa kanilang pagkabukas-palad, kagandahang-loob, at kayamanan. May ilang taong palaging magiting ang espiritu: Nais nilang maging mga tagapagligtas. Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Alam mo ba kung anong klase ka ng tao? Kung may kakayahan kang iligtas ang iba, bakit hindi mo mailigtas ang iyong sarili? Kung napakabukas-palad mo, bakit hindi mo ibenta ang iyong sarili at ibigay ang pera sa mga taong iyon para matulungan sila? Bakit ka gagamit ng mga handog? Kung taglay mo ang kakayahang ito, dapat kang tumigil sa pagkain at pag-inom, o kumain ka lang nang isang beses sa isang araw, at gamitin mo ang perang matitipid mo upang tulungan ang mga taong iyon, upang hayaan silang makakain nang mabuti at makapagbihis nang maayos. Bakit mo ginagamit ang mga handog sa Diyos sa mga maling bagay? Hindi ba’t pagiging bukas-palad ito na nakapipinsala sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ang pagiging bukas-palad na nakapipinsala sa sambahayan ng Diyos, pagkakamit sa titulong “dakilang pilantropo” mula sa iba, pagtupad sa sarili mong walang kabuluhang pagnanais na kailanganin ng iba—hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? (Oo.) Yamang isa itong kahiya-hiyang gawain, dapat ba itong isakatuparan o hindi? (Hindi dapat.) Ang kalikasan ng pagpapalawak ng sambahayan ng Diyos sa ebanghelyo ay hindi upang magkawanggawa; tungkol ito sa paghahanap sa mga tupang kayang umunawa sa mga salita ng Diyos, pagbabalik sa mga taong ito sa presensiya ng Diyos, pagtanggap sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos. Pakikipagtulungan ito sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa pagliligtas sa sangkatauhan, hindi pagkakawanggawa, hindi pagbibigay ng tulong o pangangaral ng ebanghelyo kung saan man may kahirapan. Pagkakawanggawa iyon na kunwari ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, upang masigurong makakakain nang mabuti at makapagbibihis nang maayos ang mga taong ito, makagagamit ng makabagong teknolohiya, at magtatamasa ng makabagong buhay—makapagliligtas ba ng mga tao ang mga kilos na ito? Hindi makakamit ng gayong mga kilos ang layon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagliligtas sa mga tao. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi pagkakawanggawa; tungkol ito sa pagkuha ng mga loob, pagdadala sa mga tao sa harap ng Diyos, pagbibigay-daan sa kanilang tanggapin ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos—hindi ito tungkol sa pagbibigay ng tulong. Dahil sa mga pangangailangan ng gawain sa iglesia, iniiwanan ng ilang tao ang kanilang trabaho at pamilya upang full-time na tumuon sa kanilang mga tungkulin, at binibigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng panggastos sa araw-araw. Ngunit hindi ito tulong, ni pagkakawanggawa. Kapag ipinalalaganap ng sambahayan ng Diyos ang ebanghelyo at itinatatag ang iglesia, hindi ito nagtatayo ng mga institusyong nagkakalinga o bahay-kanlungan. Hindi ito tungkol sa paggamit sa mga pakinabang o pondong ito upang suhulan ang mga tao o papasukin sila sa sambahayan ng Diyos upang mamalimos ng pagkain at inumin. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi nagsusuporta sa mga palamunin o pulubi, ni nagkukupkop ng mga palaboy o ulila, ni nagbibigay ng tulong para sa mga taong walang makain. Kung hindi makabili ng pagkain ang isang tao, ito ay dahil sa siya ay tamad o walang kakayahan. Kasalanan niya ito, at wala itong kinalaman sa pagpapalaganap natin ng ebanghelyo. Ipinalalaganap natin ang ebanghelyo upang mahikayat ang mga tao, upang mahikayat ang mga taong kayang umunawa sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa katotohanan, hindi upang makita kung sino ang mahirap, sino ang kaawa-awa, sino ang naaapi, o sino ang walang malalapitan, upang kupkupin o tulungan natin sila. May sariling mga prinsipyo at pamantayan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at may mga kinakailangan at pamantayan para sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Hindi ito tungkol sa paghahanap sa mga pulubi. Samakatuwid, kung itinuturing mong isang mapagkawanggawang pagsisikap ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, nagkakamali ka. O kung naniniwala kang kapag tinutupad mo ang tungkuling ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pag-aasikaso sa gawaing ito, nagkakawanggawa ka, mas mali pa iyon. Ang direksyong ito, pati na ang pinagsimulan, ay parehong likas na mali. Kung ang sinuman ay may gayong pananaw o gumagamit ng gayong direksyon sa kanyang mga kilos, dapat na agad niyang itama at baguhin ang kanyang perspektiba. Hindi kailanman kinaaawaan ng Diyos ang mahihirap o ang mga naaaping tao sa laylayan ng lipunan. Sino ang kinahahabagan ng Diyos? Kahit papaano, kailangan ay isa itong taong sumasampalataya sa Diyos, isang taong kayang tumanggap sa katotohanan. Kung hindi mo sinusunod ang Diyos, at nilalabanan at nilalapastangan mo ang Diyos, kahahabagan ka ba ng Diyos? Imposible ito. Samakatuwid, hindi dapat maling isipin ng mga taong, “Ang Diyos ay isang mahabaging Diyos. Kinaaawaan Niya ang mga taong naaapi, kinaiinisan, hinahamak, minamaliit at walang malalapitan sa lipunan. Kinaaawaan silang lahat ng Diyos, at hinahayaan sila ng Diyos na pumasok sa Kanyang sambahayan.” Mali ito! Kuru-kuro at imahinasyon mo ito. Kailanman ay walang sinabi o ginawa ang Diyos na ganoon. Sarili mo lamang itong pagpapantasya, mga ideya mo ng kabutihan ng tao, na walang kaugnayan sa katotohanan. Tingnan mo ang mga taong pinili at dinala ng Diyos sa Kanyang sambahayan. Anuman ang katayuan nila sa lipunan, mayroon bang sinuman na kinaawaan o kinahabagan ng Diyos dahil sa wala siyang makain, at dinala siya sa Kanyang sambahayan? Wala ni isa. Sa kabaligtaran, ang mga taong pinili ng Diyos, anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan—kahit pa mga magsasaka sila—walang pagkakataong hindi sila nakakain, at walang pulubi sa kanila. Isa itong patotoo sa mga pagpapala ng Diyos. Kung pinili ka ng Diyos, at isa ka sa mga hinirang na tao ng Diyos, hindi ka Niya hahayaang labis na maghikahos na hindi ka na makakain, o umabot sa puntong kakailanganin mong mamalimos ng pagkain. Sa halip, masagana kang bibigyan ng Diyos ng kasuotan at pagkain. May ilang taong sumasampalataya sa Diyos na palaging may mga partikular na maling ideya. Ano ang inaakala nila? “Karamihan sa mga mananampalataya ng Diyos ay mula sa pinakamabababang antas ng lipunan, at maaaring pulubi pa nga ang ilan.” Totoo ba ito? (Hindi, hindi ito totoo.) May mga tao pa ngang nagkakalat ng mga usap-usapan na dati Akong pulubi. Sabi Ko, “Kung gayon, kahit kailan ba ay nagsuot Ako ng telang-sako o humawak ng tungkod? Kung sinasabi ninyong dati Akong pulubi, paanong hindi Ko alam ang tungkol doon?” Ako ang pinag-uusapan natin, subalit kahit Ako ay hindi Ko alam iyon; talagang kalokohan ito! Nang sabihin ng Diyos na, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo,” ano ang ibig sabihin nito? Sinasabi ba ng Diyos na naging pulubi Siya? Sinasabi ba Niyang hindi Siya suportado at hindi Siya makabili ng makakain? (Hindi.) Hindi ganoon. Kung gayon ay ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Ibig sabihin nito, tinalikuran ng mundo at ng sangkatauhan ang Diyos; ipinakikita nitong walang puwang para sa Diyos, at pumarito ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, subalit hindi nila Siya tinanggap. Walang sinumang handang tumanggap sa Diyos. Tumutukoy ang pahayag na ito sa hindi magandang panig ng tiwaling sangkatauhan at sumasalamin sa mga paghihirap na tiniis ng Diyos na nagkatawang-tao sa mundo ng tao. Nang sabihin ito ng Diyos, naisip ng ilang tao, “Gusto ng Diyos ang mga pulubi, at mas maganda pa ang kalagayan natin kaysa sa mga pulubi, kaya mas mataas ang ating katayuan sa mga mata ng Diyos.” Dahil dito, handa silang tumulong sa mga pulubi. Isa itong lubos na maling pagkaunawa sa panig ng mga tao, kabilang ito sa mga maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Wala talaga itong kaugnayan sa diwa ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, o sa Kanyang habag at pag-ibig.
Sinasabi ng ilang tao, “Tinatalakay Mo ang tungkol sa pagbitiw sa ‘propesyon’ sa loob ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao, at sinasabihan Mo ang mga taong huwag magkawanggawa. Ngunit bakit lagi Mong binibigyang-diin ang pagtrato nang mabuti sa mga hayop at hindi pananakit sa mga iyon? Ano ang ibig sabihin nito? Kinukupkop pa nga ang mga aso at pusa sa sambahayan ng Diyos, at hindi pinahihintulutan ang mga taong saktan ang mga iyon.” Sabihin ninyo sa Akin, may kaibahan ba ito sa pagkakawanggawa? Magkapareho ba ang mga iyon? (Hindi, hindi magkapareho ang mga iyon.) Ano ang nangyayari dito? (Ang hindi pananakit sa iba’t ibang uri ng hayop ay isang pagpapahayag ng normal na pagkatao.) Isa itong pagpapahayag ng normal na pagkatao. Kung gayon, ano ang dapat na maging pagsasagawa at pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Yamang pinili ng isang taong kupkupin ang mga iyon, kailangan niyang tuparin ang kanyang responsabilidad.) Ang patupad sa responsabilidad ng isang tao—may mas partikular pa ba roon? (Kailangan niyang alagaan ang mga iyon.) Isa iyong partikular na kilos. Ano-ano ang mga prinsipyong dapat na sundin? May kinalaman ito sa katotohanan. Hayaan ninyong ipaliwanag Ko, at pakinggan at tingnan ninyo kung may kinalaman ito sa katotohanan. Ang pagmamalasakit sa mga nilalang na nilikha ng Diyos ay isang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Mas partikular na, ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong responsabilidad sa mga iyon at pag-aalaga sa mga iyon nang mabuti. Yamang pinili mong kupkupin ang mga iyon, kailangan mong tuparin ang responsabilidad mo. Ang mga alagang hayop ay nararapat lamang na kupkupin at alagaan ng mga tao. Ang mga iyon ay hindi tulad ng mga ligaw na hayop na hindi kailangan ng pag-aalaga mo. Ang pinakamalaking paggalang at malasakit na maipakikita mo sa mga ligaw na hayop ay iwasan ang sadyang pagsira sa kanilang tirahan at huwag silang hulihin o patayin. Para naman sa maaamong ibon, hayop na pambukid, o mga alagang hayop na pwedeng panatilihin ng mga tao sa kanilang mga tahanan, yamang pinili mong kupkupin sila, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad. Ibig sabihin, batay sa iyong sitwasyon, samahan mo sila sandali kung may panahon ka, at kung abala ka, tiyakin mo lang na nakakakain at komportable sila. Ang gusto lamang sabihin nito, dapat mo silang pahalagahan. Ano ang ibig sabihin ng pagpapahalaga sa kanila? Igalang mo ang buhay na nilikha ng Diyos at alagaan mo ang mga nilalang na Kanyang nilikha. Pahalagahan mo sila, alagaan mo sila: hindi ito pagkakawanggawa, pagtrato ito sa kanila nang tama. Isa ba itong prinsipyo? (Oo.) Hindi ito pagkakawanggawa. Ano ba ang tinutukoy ng kawanggawa? Hindi ito tungkol sa pagtupad sa isang responsabilidad o sa pagpapahalaga sa buhay. Tungkol ito sa pagkilos nang higit sa saklaw ng iyong kakayahan at lakas at paggawa sa bagay na ito na isang propesyon. Wala itong kinalaman sa pagpapalaki ng mga alagang hayop. Kung ang isang tao ay ni hindi kayang magkaroon ng simpleng pagmamahal o responsabilidad sa mga alagang kanilang kinukupkop, anong uri ng tao siya? Nagtataglay ba siya ng pagkatao? (Hindi siya nagtataglay ng pagkatao.) Sa paanuman, walang pagkatao ang taong ito. Sa realidad, hindi masyadong marami ang hinihingi ng mga aso at pusa sa mga tao. Gaano man katindi ang pagmamahal mo sa kanila o kung gusto mo man sila o hindi, kahit papaano, dapat kang maging responsable sa pag-aalaga sa kanila, dapat mo silang pakainin sa oras, at iwasan mo silang pagmalupitan—sapat na iyon. Depende sa kalagayan ng iyong kabuhayan, anumang pagkain o sitwasyon ng pamumuhay na kaya mo ay dapat mong ibigay sa kanila. Iyon na iyon. Kaunti lang ang mga hinihingi nilang kondisyon para mabuhay. Dapat mo lamang iwasan ang pagmamalupit sa kanila. Kung hindi man lamang magkakaroon ang mga tao ng ganito kakaunting pagmamahal, ipinakikita nito kung gaano sila kawalang-pagkatao. Ano ba ang nakapaloob sa pagmamalupit? Ang pananakit at pagsigaw sa kanila nang walang dahilan, hindi pagpapakain sa kanila kapag kailangan silang pakainin, hindi pagpapalakad sa kanila kapag kailangan nilang maglakad, at hindi pag-aalaga sa kanila kapag may sakit sila. Kung hindi ka masaya o masama ang lagay ng loob mo, ibinubunton mo ang galit mo sa kanila sa pamamagitan ng pananakit at pagsigaw sa kanila. Tinatrato mo sila sa paraang hindi makatao. Pagmamalupit iyon. Kung maiiwasan mo ang pagmamalupit at kung kaya mo lang tuparin ang iyong responsabilidad, sapat na iyon. Kung wala ka man lang ng kaunting habag na ito upang tuparin ang iyong responsabilidad, hindi ka dapat magkupkop ng alagang hayop. Dapat mo itong pakawalan, humanap ka ng isang taong may gusto rito at hayaan siyang alagaan ito, bigyan mo ito ng pagkakataong mabuhay. Ang ilang taong nagkukupkop ng mga aso ay hindi man lang mapigilan ang pagmamalupit sa mga ito. Nagkukupkop sila ng mga aso nang ang tanging layon ay ilabas ang kanilang mga sama ng loob, ginagamit ang mga asong ito bilang mapaglalabasan kapag masama ang lagay ng loob nila o nalulumbay sila at kailangan nilang magpalabas ng kinikimkim na damdamin. Hindi sila nangangahas na manakit o manigaw ng ibang tao, natatakot sila sa mga kahihinatnan at pananagutang kakailanganin nilang pasanin. Nagkataong may alaga sila sa bahay, isang aso, kung kaya’t inilalabas nila ang mga sama ng loob nila sa aso, dahil kung tutuusin, hindi naman ito nakauunawa at hindi ito mangangahas na lumaban. Walang pagkatao ang gayong mga tao. May mga tao ring nagkukupkop ng mga aso at pusa ngunit hindi kayang tumupad sa kanilang mga responsabilidad. Kung ayaw mo ito, huwag kang magkupkop ng alaga. Ngunit kung pipiliin mong kupkupin ito, kailangan mong tuparin ang iyong responsabilidad. May sarili itong buhay at mga emosyonal na pangangailangan. Kailangan nito ng tubig kapag nauuhaw at pagkain kapag nagugutom. Kailangan din nitong maging malapit sa mga tao at mapanatag nila. Kung masama ang lagay ng loob mo at sasabihin mong, “Wala akong panahon para bigyan ka ng atensyon, alis!”—hindi iyon magandang pagtrato sa isang alagang hayop. May konsiyensiya o katwiran ba rito? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao, “Gaano na ba katagal mula nang huli mong pinaliguan ang aso at pusa mo? Napakadungis nila!” “Sus, paliguan sila? Ni hindi ko nga alam kung sino ang magpapaligo sa akin. Kapag ilang araw na akong hindi naliligo parang wala namang may pakialam!” Makatao ba ito, o nagpapakita ba ito ng anumang sensibilidad ng tao? (Hindi.) Maganda man ang lagay ng loob nila o hindi, kapag kumikiskis o naglalambing sa kanila ang isang pusa o aso, sinisipa lang nila ito palayo, sinasabing, “Alis nga riyan, bwisit! Gaya lang ng maniningil-utang, laging may problema kapag nandito ka. Gusto mo lang ng makakain o maiinom. Hindi maganda ang lagay ng loob ko para makipaglaro sa iyo!” Kung wala kang kahit kaunting habag, hindi ka dapat magkupkop ng anumang alagang hayop. Dapat mo silang pakawalan agad-agad. Nagdurusa ang pusa o asong iyon dahil sa iyo! Masyado kang makasarili at hindi ka karapat-dapat na magkaroon ng mga alaga. Sa tuwing magkukupkop ka ng isang pusa o isang aso, nakasalalay ang kanilang pagkain at inumin sa iyong pangangalaga. Dapat mong maunawaan ang prinsipyong ito. Bakit ka nakikipagkompetensya sa mga hayop? Sinasabi mo, “Wala namang magpapaligo sa akin, sino ang magpapaligo sa akin?” Sino ang magpapaligo sa iyo? Tao ka. Dapat mong paliguan ang sarili mo. Kaya mong alagaan ang iyong sarili, ngunit kailangan ng mga pusa at aso ang pag-aalaga mo dahil ikaw ang nagpapalaki sa kanila, at dahil ikaw ang nagpapalaki sa kanila, may obligasyon kang alagaan sila. Kung ni hindi mo kayang tuparin ang obligasyong ito, hindi ka karapat-dapat na magkupkop sa kanila. Bakit kailangan mong makipagkompetensya sa kanila? Sinasabi mo pa ngang, “Inaalagaan kita, ngunit sino ang nag-aalaga sa akin? Kapag nalulumbay ka, lumalapit ka sa akin para mapanatag. Kapag nalulumbay ako, sino ang nagpapagaan sa loob ko?” Hindi ba’t tao ka? Ang mga tao ay dapat na magkontrol ng sarili at makibagay ng sarili. Mas simple ang mga pusa at aso: Hindi nila kayang magkontrol ng sarili, kaya kailangan nila ang mga tao para mapanatag sila. Ito ang pagkakaiba ng paraan ng pagtrato mo sa mga hayop at ng pagkakawanggawa. Ano ang prinsipyo para sa paraan ng pagtrato mo sa mga hayop? Pahalagahan mo ang buhay, igalang mo ang buhay, at huwag mo silang pagmalupitan. Sa pakikitungo sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, sundin mo ang mga likas nilang batas, tratuhin mo ang iba’t ibang nilalang na nilikha ng Diyos nang tama alinsunod sa mga kautusang Kanyang itinakda, magpanatili ka ng mga wastong kaugnayan sa lahat ng uri ng nilalang, at huwag mong sirain o kalbuhin ang kanilang mga tirahan. Ang mga ito ang mga prinsipyo sa paggalang at pagpapahalaga sa buhay. Gayunpaman, ang mga prinsipyo para sa paggalang at pagpapahalaga sa buhay ay hindi tungkol sa pagkakawanggawa. Isa itong prinsipyong mula sa mga kautusang pansansinukob na itinakda ng Diyos na dapat sundin ng bawat nilikha. Ngunit ang pagsunod sa prinsipyong ito ay hindi katumbas ng pagkakawanggawa.
Ngunit may ilang taong nagtatanong, “Bakit hindi kami pinapayagan ng Diyos na magkawanggawa pagdating sa usaping propesyon? Kung hindi Niya kami papayagang magkawanggawa, ano ang dapat gawin sa lipunan sa mga tao o mga bagay na may buhay na nangangailangan ng tulong? Sino ang tutulong sa kanila?” Mayroon bang anumang kinalaman sa iyo kung sino ang tutulong sa kanila? (Wala itong kinalaman sa amin.) Hindi ba’t kabilang ka sa sangkatauhan? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa iyo? (Wala, hindi ito ang misyon ng mga tao.) Eksakto, hindi ito ang misyon mo, hindi rin ito ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ano ang misyon mo? Ang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, pakinggan ang mga salita ng Diyos, magpasakop sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang katotohanan upang magtamo ng kaligtasan, gawin kung ano ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, at layuan ang mga bagay na sinasabi ng Diyos na huwag mong gawin. Sino ang mag-aasikaso sa mga bagay na may kinalaman sa kawanggawa? Hindi mo na dapat alalahanin kung sino ang mag-aasikaso sa mga iyon. Anu’t ano man, hindi mo kinakailangang asikasuhin o alalahanin ang mga iyon. Ang pamahalaan man o iba’t ibang organisasyon sa pamayanan ang mangangasiwa sa mga usapin ng kawanggawa, hindi ito ang paksang ating pinag-uusapan. Sa madaling salita, dapat na ituring ng mga taong sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ang pagsunod sa daan ng Diyos at sa Kanyang kalooban bilang kanilang mga pamantayan, layon ng pagsasagawa, at direksyon. Isa itong bagay na dapat maunawaan ng mga tao, at isa itong walang hanggang katotohanan na hinding-hindi magbabago. Siyempre, ang paminsan-minsang paggawa ng isang bagay upang makatulong sa iba ay hindi isang propesyon; isa itong paminsan-minsang kilos, at hindi ito panghahawakan ng Diyos laban sa iyo. Itinatanong ng ilang tao, “Hindi ba inaalala ng Diyos ang gayong mga bagay?” Hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon. Kung minsan kang nagbigay ng pera sa isang pulubi o sa isang taong walang pamasahe pauwi, o tumulong sa isang taong palaboy; kung ginagawa mo ang tulad nito paminsan-minsan, o kahit ilang beses lang sa iyong buong buhay, sa mga mata ng Diyos, inaalala ba Niya ang gayong mga bagay? Hindi, hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon. Kung gayon, paano tinitimbang ng Diyos ang mga kilos na ito? Hindi inaalala o kinokondena ng Diyos ang mga ito—hindi Niya tinitimbang ang mga ito. Bakit? Walang kinalaman ang mga ito sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ay mga pansariling kilos na walang kaugnayan sa pagsunod sa daan ng Diyos o sa pagsasakatuparan sa Kanyang kalooban. Kung personal mong nais na gawin ang mga iyon, kung gagawa ka ng isang mabuting bagay dala ng isang panandaliang bugso ng kagandahang-loob o pansamantalang pang-uudyok ng iyong konsiyensiya, o kung gagawa ka ng isang mabuting bagay sa isang sandali ng kasiglahan o simbuyo, kung pagsisisihan mo man ito kalaunan o hindi, makatatanggap ka man ng gantimpala o hindi, wala itong kaugnayan sa pagsunod sa daan ng Diyos o sa pagsasakatuparan sa Kanyang kalooban. Hindi ito inaalala ng Diyos, hindi ka rin Niya kinokondena dahil dito. Ano ang ibig sabihin ng hindi pag-alala ng Diyos dito? Ibig sabihin nito, hindi ka palalagpasin ng Diyos sa Kanyang pagkastigo at paghatol sa buong panahon ng iyong kaligtasan dahil minsan mong ginawa ang bagay na ito, hindi ka rin Niya palalagpasin at hahayaang maligtas dahil gumawa ka ng ilang mabuti o mapagkawanggawang bagay. Ano ang ibig sabihin ng hindi ka kokondenahin ng Diyos para dito? Ibig sabihin nito, ang mabubuting bagay na iyong ginawa ay walang kinalaman sa katotohanan, kumakatawan lamang ang mga iyon sa sarili mong mabuting pag-uugali, hindi nakalalabag ang mga iyon sa mga atas administratibo ng Diyos, ni nanghihimasok sa mga interes ng sinuman. Siyempre, hindi rin naman ipinahihiya ng mga iyon ang pangalan ng Diyos, lalong hindi niluluwalhati ang Kanyang pangalan. Hindi nilalabag ng mga iyon ang mga hinihingi ng Diyos, ni wala ring kinalaman ang mga iyon sa paglabag sa kalooban ng Diyos, at talagang walang kinalaman ang mga iyon sa pagrerebelde sa Diyos. Bunga nito, hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil sa mga iyon, kumakatawan lamang ang mga iyon sa isang uri ng pansariling mabuting gawa. Bagaman ang gayong mabubuting gawa ay maaaring makakuha ng papuri mula sa mundo at ng pagkilala mula sa lipunan, sa mga mata ng Diyos, walang kaugnayan ang mga iyon sa katotohanan. Hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon, ni hindi rin Niya kinokondena ang isang tao dahil sa mga iyon, na nangangahulugang sa harapan ng Diyos, wala masyadong halaga ang mga kilos na ito. Gayunpaman, may isang posibilidad, iyon ay, kung ililigtas mo ang isang tao, at bibigyan siya ng pinansiyal na tulong o kung anong klase ng materyal na tulong, o bibigyan pa nga siya ng emosyonal na tulong, at bibigyang-daan mo ang masamang taong iyon na magtagumpay sa kanyang mga pagsisikap, hahayaan siyang gumawa ng mas maraming krimen at magdulot ng panganib sa lipunan at sangkatauhan, na magbubunga ng mga partikular na kawalan, magiging ibang usapan na ang mga iyon. Sa kaso ng isang pangkaraniwang gawaing pangkawanggawa, ang pananaw ng Diyos ay hindi Niya ito inaalala ni kinokondena. Ngunit ang katunayang hindi Niya ito inaalala ni kinokondena ay hindi nangangahulugang sinusuportahan o hinihikayat ka ng Diyos na magkawanggawa. Gayunpaman, inaasahan pa ring hindi mo ilalaan ang iyong lakas, panahon, at pera sa mga bagay na lubos na walang kaugnayan sa kaligtasan o sa pagsasagawa sa katotohanan at sa pagtupad sa iyong tungkulin, dahil may mas mahahalaga kang bagay na dapat gawin. Ang iyong panahon, lakas, at buhay ay hindi nakalaan para sa pagkakawanggawa, at hindi nakalaan ang mga iyon para ipakita ang iyong pansariling karakter at karisma sa pamamagitan ng isang propesyon ng kawanggawa. Lalo na para sa mga taong nagbubukas ng mga pabrika, namamahala ng mga paaralan, o nagpapatakbo ng negosyo na ang layon ay makapagbigay ng mga pangunahing pangangailangan sa mas maraming naghihikahos na tao o tumulong sa mga itong tuparin ang mga mithiin ng mga ito, ginagawa nila ang mga bagay na ito upang makatulong sa mahihirap. Kung pipiliin mong umalalay sa mahihirap sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito, walang dudang kakain ito ng malaking bahagi ng iyong panahon at lakas. Hahantong ka sa paggugol at paggamit ng malaking bahagi ng panahon at lakas ng iyong buhay para sa adhikaing ito, at dahil dito, mababawasan ang panahon mo para sa paghahangad sa katotohanan; maaari ka pa ngang mawalan ng panahong hangarin ang katotohanan, at tiyak na hindi ka magkakaroon ng pagkakataong tuparin ang sarili mong tungkulin. Sa halip, sasayangin mo ang iyong lakas sa mga tao, pangyayari, at bagay na walang kaugnayan sa katotohanan o sa gawain ng iglesia. Katawa-tawang pag-uugali ito. Ang pangunahing dahilan ng katawa-tawang pag-uugaling ito ay ang palaging pagnanais ng ilang taong baguhin ang tadhana ng tao at ang mundo sa pamamagitan ng mabubuti nilang layunin at ilang limitadong kakayahan. Nais nilang baguhin ang tadhana ng tao sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap at kagandahang-loob. Isa itong katawa-tawang pagsisikap. Yamang isa itong katawa-tawang pagsisikap, huwag mo itong akuin. Siyempre, ang batayan para sa hindi pag-ako rito ay na isa kang taong naghahangad sa katotohanan, na nais mong hangarin ang katotohanan at kaligtasan. Kung sasabihin mong, “Hindi ako interesado sa kaligtasan, at hindi ganoon kahalaga sa akin ang paghahangad sa katotohanan,” pwede mong gawin ang gusto mo. Tungkol sa usapin ng kawanggawa, kung ito ang iyong mithiin at paghahangad, kung naniniwala kang sa ganitong paraan naipapakita ang iyong halaga, na pagkakawanggawa ang tanging bagay na makapagpapakita ng halaga ng iyong buhay, sige, gawin mo. Maaari mong gamitin ang anumang kasanayan at kakayahang mayroon ka, walang pumipigil sa iyo. Ang batayang pinagbabahaginan natin dito sa hindi pagsasagawa ng mga aktibidad na pagkakawanggawa ay, yamang nais mong hangarin ang katotohanan at kaligtasan, dapat mong bitiwan ang mithiin at hangaring magkawanggawa. Huwag mo itong pagpursigihan bilang mithiin at hangarin ng iyong buhay. Huwag mong isagawa ang aktibidad na ito sa isang personal na antas, at hindi rin ito isasagawa ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, may isang sitwasyon sa sambahayan ng Diyos, iyon ang pagmamalasakit sa mga buhay sa tahanan ng mga partikular na naghihikahos na kapatid. May kasama itong batayan. Sa palagay Ko ay alam na ninyong lahat ang batayang ito: Hindi ito pagkakawanggawa, isa itong pagsasaayos ng gawain na panloob sa sambahayan ng Diyos hinggil sa mga buhay ng mga kapatid. Wala itong kaugnayan sa pagkakawanggawa. Sa sambahayan ng Diyos, maliban sa hindi pagkakawanggawa, wala ring pakikilahok sa anumang aktibidad na pangkawanggawa ng lipunan; halimbawa, ang sambahayan ng Diyos ay hindi nagtatayo ng mga paaralan, nagbubukas ng mga pabrika, nagpapatakbo ng mga negosyo. Kung ang sinuman ay magbubukas ng mga pabrika, magtatayo ng mga paaralan, magpapatakbo ng negosyo, o makikibahagi sa anumang komersyal na aktibidad sa ngalan ng pagkakaroon ng mapagkukunan ng pondo para sa normal na operasyon ng gawain ng iglesia, ang lahat ng ito ay makalalabag sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at dapat na mapigilan. Kung gayon, ano ang pinansiyal na pinagkukunan para sa operasyon ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Alam ba ninyo? Nanggagaling ang mga iyon sa mga donasyon ng mga kapatid, sa mga handog upang mapanatili ang normal na operasyon ng gawain. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang perang ibinigay ng mga kapatid, ang kanilang mga donasyon sa Diyos, ay mga handog, at ano ang gamit ng isang handog? Ito ay upang ingatan ang normal na operasyon ng gawain ng iglesia. Siyempre, may iba’t ibang gastusing may kinalaman sa normal na operasyong ito, at ang mga gastusing ito ay dapat na pamahalaan alinsunod sa mga prinsipyo at hindi dapat lumabag sa mga prinsipyong ito. Dahil dito, kapag may mga pinansyal na suliraning sangkot sa gawain ng iglesia, at may ilang lider at manggagawang naglulustay ng mga handog at nagdudulot ng malalaking kawalan sa mga handog na iyon, magpapataw ang sambahayan ng Diyos ng mabigat na kaparusahan sa kanila. Bakit magkakaroon ng mabigat na kaparusahan? Bakit walang nakalulusot na taong naglulustay ng mga handog? (Dahil ang mga handog sa Diyos ay ibinigay ng mga kapatid sa Diyos, at tanging ang Diyos ang maaaring magtamasa sa mga iyon. Sa isa pang aspeto, ang mga handog na ito ay nakalaan upang panatilihin ang wastong operasyon ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung lulustayin ng mga lider o manggagawa ang mga handog, direkta itong magdudulot ng epekto at kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Nakagagambala at nakagugulo ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya dapat na magpataw ng mabigat na kaparusahan ang sambahayan ng Diyos.) Sabihin ninyo sa Akin, dapat bang magpataw ng mabigat na kaparusahan ang sambahayan ng Diyos? (Oo.) Bakit kailangan nitong gawin iyon? Bakit kailangan nitong magpataw ng mabigat na kaparusahan? (Ang paglulustay ng mga handog ay pag-uugali ng mga anticristo. Ang pag-uugali ng isang tao ukol sa mga handog ay sumasalamin sa kanyang saloobin sa Diyos. Kung kaya ng taong ito na maglustay ng mga handog, ipinakikita nitong ganap siyang walang pusong takot sa Diyos.) Isa ngang aspeto ang nasabi ninyo. Ngayong araw, pagbahaginan natin nang kaunti ang usapin kung bakit kinakailangan ng mabigat na kaparusahan para sa mga taong naglulustay ng mga handog.