Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 20 (Unang Bahagi)
Ang iba’t ibang paksang ating pinagbabahaginan ay may kinalaman sa mga praktikal na usapin sa pang-araw-araw na buhay. Matapos pakinggan ang paksang ito, hindi ba’t ramdam ninyong may kabuluhan ang katotohanan, na hindi ito isang salawikain, isang uri ng teorya, o lalong hindi isang uri ng kaalaman? Saan nauugnay ang katotohanan? (Nauugnay ito sa ating tunay na buhay.) Nauugnay ang katotohanan sa tunay na buhay, sa iba’t ibang pangyayaring nagaganap sa tunay na buhay. Tumutukoy ito sa lahat ng aspeto ng buhay ng tao, sa iba’t ibang suliraning kinahaharap ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay, at partikular itong nauugnay sa mga mithiing hinahangad ng mga tao at sa mga landas na kanilang tinatahak. Lahat ng mga katotohanang ito ay may kabuluhan, at talagang hindi puwedeng balewalain ang mga ito; mahalagang makamit ng mga tao ang lahat ng ito. Sa pang-araw-araw na buhay, pagdating sa mga partikular na praktikal na suliranin, kung kaya mong harapin, lutasin, at pangasiwaan ang mga bagay na ito batay sa mga katotohanang prinsipyong pinagbabahaginan natin, ikaw ay pumapasok sa katotohanang realidad. Kung sa pang-araw-araw na buhay mo, paninindigan mo ang mga orihinal mong kaisipan at pananaw ukol sa mga suliraning ito na may kinalaman sa katotohanan, at hindi ka magbabago, kung haharapin mo ang mga suliraning ito mula sa sarili mong perspektiba bilang tao, at walang kinalaman sa katotohanan ang mga prinsipyo at batayan kung paano mo tinitingnan ang mga bagay na ito, malinaw na hindi ka isang taong pumapasok sa katotohanang realidad, ni isang taong naghahangad sa katotohanan. Anumang aspeto ng katotohanan ang ating pinagbabahaginan, ang mga paksang nakapaloob ay tungkol lahat sa pagtatama at pagbabago sa mga maling kaisipan, pananaw, kuru-kuro, at imahinasyong taglay ng mga tao sa iba’t ibang usapin, nang sa gayon ay maaari silang magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw tungkol sa iba’t ibang usaping kinahaharap nila sa pang-araw-araw na buhay, at nang sa gayon, matingnan nila ang mga bagay na ito na nangyayari sa tunay na buhay mula sa tamang mga perspektiba at anggulo, at magamit nila ang katotohanan bilang kanilang pamantayan upang lutasin at tugunan ang mga iyon. Ang pakikinig sa mga sermon ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng sangkap ng doktrina o kaalaman, hindi ito tungkol sa pagpapalawak sa mga karanasan ng isang tao o pagtatamo ng kabatiran—tungkol ito sa pag-unawa sa katotohanan. Ang layon ng pag-unawa sa katotohanan ay hindi upang pagyamanin ang mga kaisipan o espiritu ng isang tao, o pagyamanin ang pagkatao ng isang tao, kundi upang bigyang-daan ang mga taong hindi humiwalay sa tunay na buhay habang nasa landas ng pagsampalataya sa Diyos, at, sa tuwing mahaharap sila sa iba’t ibang bagay sa pang-araw-araw na buhay, tingnan nila ang mga tao at bagay, at umasal, at kumilos sila na ang kanilang batayan ay ang mga salita ng Diyos at ang kanilang pamantayan ay ang katotohanan. Kung ganito karaming taon ka nang nakikinig sa mga sermon at nagkaroon ka na ng pag-usad sa mga aspeto ng doktrina at kaalaman, at pakiramdam mo ay napalakas ang iyong espiritu at mas tumayog na ang iyong mga kaisipan, ngunit kapag nahaharap ka sa maraming bagay sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo pa rin kayang tingnan ang mga suliraning ito mula sa tamang perspektiba, ni magpursige sa pagsasagawa, pagtingin sa mga tao at bagay, pag-asal, at pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, malinaw na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, ni isang taong pumapasok sa katotohanang realidad. Ang mas malala pa rito, hindi ka pa nakarating sa punto ng pagpapasakop sa katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, o pagkakaroon ng takot sa Kanya. Siyempre, malinaw na malinaw na makukumpirmang hindi ka nakatahak sa landas na patungo sa kaligtasan. Hindi ba’t totoo naman? (Oo.)
Batay sa inyong tunay na tayog at sitwasyon ngayon, sa palagay ninyo, sa anong mga aspeto na kayo nakapasok sa katotohanang realidad? Sa anong mga aspeto kayo may pag-asa sa kaligtasan? Sa aling mga aspeto kayo hindi pa nakapapasok sa katotohanang realidad bagkus ay labis na kinukulang sa pamantayan para sa kaligtasan? Masusukat mo ba ito? (Sa mga sitwasyon kung saan ginugulo ng mga anticristo at masasamang tao ang gawain ng iglesia, nagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala akong pagpapahalaga sa katarungan at tunay na katapatan sa Diyos. Hindi ko magawang tumindig at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala akong patotoo sa napakahahalagang usaping ito. Sa aspetong ito, malinaw na labis akong kinukulang sa pamantayan para sa kaligtasan.) Isa itong tunay na problema. Hayaan ninyong higit pa itong talakayin ng lahat. Maliban sa pagtukoy sa inyong tayog na may kinalaman sa mga suliranin ng pagkilatis at pagtanggi sa mga anticristo, sa ibang mga aspeto, ano nang mga bagay ang nakaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay na nagparamdam sa iyong hindi ka nakapasok sa realidad, na hindi ka makapagsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na bagaman nakauunawa ka ng doktrina, hindi pa rin malinaw sa iyo ang katotohanan, wala kang malinaw na landas, at hindi mo alam kung paano umayon sa kalooban ng Diyos, o kung paano sumunod sa mga prinsipyo? (Matapos tuparin ang aking tungkulin sa loob ng napakaraming taon, akala ko ay kaya ko nang iwanan ang aking pamilya, talikuran ang aking karera, at sa ilang paraan, bitiwan ang aking mga damdamin para sa aking mga magulang at kamag-anak. Gayunpaman, paminsan-minsan ay nahaharap ako sa mga partikular na sitwasyon sa tunay na buhay na nagpapatanto sa aking may mga damdamin pa rin sa loob ko, at gusto kong makapiling ang mga magulang ko, alagaan sila at maging mapagmahal sa kanila. Kung hindi ko ito magagawa, pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa kanila. Sa pamamagitan ng pakikinig sa kamakailang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa hindi natin pagkakaroon ng utang sa ating mga magulang, napagtanto kong hindi ko nauunawaan ang aspetong ito ng katotohanan, at hindi ako nakapagpasakop sa katotohanan o sa Diyos.) Sino pa ang gustong magpatuloy? Hindi ba kayo nahaharap sa mga paghihirap sa inyong pang-araw-araw na buhay? O naninirahan ba kayo nang malayo sa impluwensiya ng iba at hindi kailanman nahaharap sa anumang problema? Nakahaharap ba kayo ng mga paghihirap kapag tumutupad sa inyong mga tungkulin? Naging pabasta-basta na ba kayo? (Oo.) Nagpasasa na ba kayo sa makamundong kaginhawaan? Nagtatrabaho ba kayo para sa katanyagan at katayuan? Madalas ba kayong nag-aalala o nababalisa tungkol sa inyong mga plano at alternatibo? (Oo.) Kung gayon ay paano ninyo pinangangasiwaan ang mga sitwasyong ito kapag nahaharap kayo sa mga ito? Nagagamit ba ninyo ang katotohanan upang lutasin ang mga ito? Pinanghahawakan ninyo ang isang alternatibong plano kapag itinataas ang ranggo ninyo, at nag-aalala kayo tungkol sa inyong mga plano at destinasyon, nagkakaroon kayo ng maling pagkaunawa o paninisi sa Diyos, o ipinangangalandakan ninyo ang inyong mga kwalipikasyon kapag tinatanggal kayo sa inyong posisyon—taglay ba ninyo ang mga problemang ito? (Oo.) Paano ninyo pinangangasiwaan at nilulutas ang mga sitwasyong ito kapag nahaharap kayo sa mga ito? Sinusunod mo ba ang mga makasariling pagnanais mo, o kaya mo bang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, talikdan ang laman, at talikdan ang iyong tiwaling disposisyon upang maisagawa ang katotohanan? (Diyos ko, sa tuwing nahaharap ako sa mga sitwasyong ito, nauunawaan ko batay sa doktrina na hindi ako dapat kumilos alinsunod sa mga kagustuhan ng aking laman o sa aking tiwaling disposisyon. Kung minsan ay napupukaw at nauusig ang aking konsiyensiya, at medyo binabago ko ang aking pag-uugali. Ngunit hindi ito dahil sa nagbago na ang aking mga pananaw tungkol sa mga bagay na ito, o dahil sa nakapagsasagawa ako ng katotohanan. Kung minsan, kung masyadong matindi ang mga makasariling pagnanais ko, at pakiramdam ko ay masyadong matindi ang paghihirap na ito, kahit pa magkaroon ako ng bugso ng lakas, hindi ko pa rin ito maisagawa. Sa puntong iyon, susundin ko ang aking tiwaling disposisyon, at mawawala na rin kahit na ang panlabas na mabuting pag-uugali.) Anong uri ng sitwasyon ito? Humahantong ka ba sa pagsasagawa sa katotohanan at paninindigan sa iyong patotoo, o nabibigo ka? (Nabibigo ako.) Pagkatapos ba ay nagninilay-nilay ka at nakokonsiyensiya? Makagagawa ka ba ng mga pagpapabuti kapag muli kang naharap sa parehong mga sitwasyon? (Matapos mabigo, nakararamdam ako ng kaunting pagkabahala sa aking konsiyensiya, at kapag kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos, naiuugnay ko ang mga iyon sa aking sarili, ngunit sa susunod na pagkakataong maharap ako sa mga sitwasyong ito, nahahayag pa rin ang parehong tiwaling disposisyon. Bahagya lang ang pag-usad sa aspetong ito.) Hindi ba’t namamalayan ng karamihan sa mga tao na nasa ganitong kalagayan sila? Paano ninyo tinitingnan ang bagay na ito? Sa tuwing nahaharap sila sa parehong mga sitwasyon, sa mga paraan ng pagharap ng mga tao sa mga iyon, maliban sa pagbuti ng kanilang pag-uugali dulot ng epekto ng kanilang mga konsiyensiya, o sa pagiging medyo marangal at kung minsan ay medyo masama ng kanilang pag-uugali ayon sa kanilang mga sitwasyon at kalagayan sa panahong iyon, at ayon sa kanilang magkakaibang lagay ng loob—bukod sa mga ito, walang kinalaman sa katotohanan ang kanilang pagsasagawa. Ano ang problema rito? Kumakatawan ba ito sa tayog ng isang tao? Anong uri ng tayog ito? Isa ba itong mababang tayog, o ito ba ay kahinaan, isang kakulangan sa kanilang pagkatao, o isang pagpapamalas ng hindi pagsasagawa sa katotohanan? Ano ito? (Isang mababang tayog.) Kapag mababa ang tayog ng isang tao, hindi niya kayang isagawa ang katotohanan, at dahil hindi niya kayang isagawa ang katotohanan, mababa ang kanyang tayog. Gaano ito kababa? Nangangahulugan itong hindi mo pa natatamo ang katotohanan sa usaping ito. Ano ang ibig sabihin ng hindi mo pa natatamo ang katotohanan? Ibig sabihin nito, hindi mo pa nagiging buhay ang mga salita ng Diyos; isa pa ring uri ng teksto, doktrina, o argumento sa iyo ang mga salita ng Diyos. Hindi pa tumitimo sa iyo ang mga iyon o nagiging buhay mo. Kung gayon, ang mga diumanong katotohanang iyong nauunawaan ay isa lamang uri ng doktrina o salawikain. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hindi mo magawang realidad mo ang doktrinang ito. Kapag humaharap ka sa mga bagay-bagay sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo pinangangasiwaan ang mga iyon alinsunod sa katotohanan; pinangangasiwaan mo pa rin ang mga iyon alinsunod sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa ilalim ng impluwensya ng konsiyensiya. Kaya malinaw na, kahit kaunti, hindi mo taglay ang katotohanan sa bagay na ito, at hindi ka nagtamo ng buhay. Ang hindi pagtatamo ng buhay ay nangangahulugang hindi pagkakaroon ng buhay; ang hindi pagkakaroon ng buhay ay nangangahulugang sa bagay na ito, hindi ka talaga nailigtas, at namumuhay ka pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kahit pa ang isinasagawa sa ilalim ng impluwensya ng konsiyensiya ay mabuting pag-uugali o isang uri ng pagpapamalas, hindi ito kumakatawan sa buhay; isa lamang itong pagpapamalas ng normal na pagkatao. Kung ang pagpapamalas na ito ay may kasamang impluwensya ng konsiyensiya, sa pinakamabuti, isa itong uri ng mabuting pag-uugali. Kung hindi konsiyensiya ang pangunahing salik, bagkus ay ang tiwaling disposisyon ng isang tao, hindi maituturing na mabuting pag-uugali ang pag-uugaling ito; ito ang tiwaling disposisyong nahahayag. Kaya, sa aling mga usapin na ninyo nagawang realidad ang katotohanan, at natamo ang buhay? Sa aling mga bagay ninyo hindi pa natamo ang katotohanan at nagawa itong inyong buhay, at hindi pa nagawang realidad ang katotohanan? Sa madaling salita, sa aling mga usapin mo naisasabuhay ang mga salita ng Diyos at naituturing ang mga iyon na iyong pamantayan, at sa aling mga bagay mo ito hindi pa nagagawa? Kalkulahin mo kung ilan ang mga iyon. Kung nakalkula mo na ang lahat ng iyon, subalit sa kasamaang palad, hindi ka nakakilos o nakapamuhay batay sa mga salita ng Diyos sa kahit isang bagay, bagkus ay kumilos ka alinsunod sa iyong pagiging padalos-dalos, sa iyong mga kuru-kuro, sa mga kagustuhan o pagnanais ng laman, o sa iyong tiwaling disposisyon, ano ang magiging panghuling resulta? Masama ang magiging resulta, hindi ba? (Oo.) Sa ngayon, maraming taon na kayong nakapakinig ng mga sermon, tumalikod sa inyong pamilya, iniwanan ang inyong karera, nagdanas ng paghihirap, at nagbayad ng halaga. Kung ito ang resulta, isa ba itong bagay na dapat ikasiya at ipagdiwang o isang bagay na dapat ikalungkot at ipag-alala? (Ikalungkot at ipag-alala.) Ang isang taong hindi ginagawang realidad ang katotohanan, hindi ginagawang buhay niya ang mga salita ng Diyos, anong klase ng tao iyon? Hindi ba’t isa itong taong namumuhay sa ilalim ng ganap na kontrol ng tiwaling disposisyon ni Satanas, na hindi nakakikita sa pag-asa ng kaligtasan? (Oo.) Napag-isipan na ba ninyo ang mga katanungang ito kapag karaniwan kayong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagsusuri ng inyong sarili? Hindi pa iyon nagawa ng karamihan sa mga tao, hindi ba? Iniisip lang ng karamihan, “Nagsimula akong sumampalataya sa Diyos sa edad na labing pito, at ngayon ay apatnapu’t pito na ako. Napakaraming taon ko nang sumasampalataya sa Diyos, at ilang beses na akong natugis, ngunit pinanatili akong ligtas at tinulungan akong makatakas ng Diyos. Nanirahan ako sa mga kweba at kubo, hindi kumain nang ilang araw at gabi, at gumugol ng napakaraming oras nang walang tulog. Napakarami ko nang tiniis na pagdurusa at itinakbong milya, alang-alang lahat sa pagtupad sa aking tungkulin, sa paggawa sa aking trabaho, at sa pagtapos sa aking gampanin. Napakalaki ng pag-asa ko sa kaligtasan, nasimulan ko na ang pagtahak sa landas ng kaligtasan. Napakapalad ko! Salamat talaga sa Diyos. Ito ang Kanyang biyaya! Wala akong halaga sa mga mata ng sekular na mundo, mababa ang tingin sa akin ng lahat, at kailanman ay hindi ko itinuring ang sarili kong isang espesyal na tao, ngunit dahil sa pag-aangat ng Diyos, dahil sa itinaas Niya ako—ang nangangailangan—mula sa dumi, napunta ako sa landas ng kaligtasan, binibigyan ako ng karangalang tuparin ang aking tungkulin sa Kanyang sambahayan. Itinaas at minamahal Niya ako! Ngayon ay napakarami ko nang nauunawaang katotohanan at napakaraming taon ko nang nagtatrabaho. Tiyak na ang pagtanggap ko ng gantimpala sa hinaharap. Sino ang makaaagaw niyon?” Kung ang mga ito lamang ang naiisip ninyo kapag sinusuri ang inyong sarili, hindi ba’t magiging nakababahala iyon? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, napakaraming taon na ninyong sumasampalataya sa Diyos, napakarami na ninyong pinagdaanan, napakalayo na ng inyong nilakbay, at napakarami na ninyong natapos na gawain. Bakit pagkatapos ng ganito katinding pagsampalataya ay nailipat ang ilang tao sa Pangkat B? Bakit maraming lider at manggagawa ang nangangailangan na ngayong magbayad ng mga handog at magpasan ng mga utang? Ano ang nangyayari? Hindi ba’t nailigtas na sila? Hindi ba’t taglay na nila ang katotohanan at hindi ba’t nagtamo na sila ng buhay? May ilang taong itinuturing ang kanilang sarili na mga haligi at batong-panulok ng sambahayan ng Diyos, na mga pambihirang taong may talento rito. Kumusta na ang mga bagay ngayon? Kung ang ganito karaming taon ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay nagresulta sa pagtanggap nila ng buhay at pagkakaroon ng katotohanang realidad, sa pagpapasakop nila sa mga salita ng Diyos, pagkakaroon ng tunay na takot sa Diyos, at tapat na pagtupad sa kanilang mga tungkulin, matatanggal o maililipat ba ang mga taong ito sa Pangkat B? Magpapasan ba sila ng utang o makatatanggap ng malaking demerito? Mangyayari ba ang mga problemang ito? Talagang kahiya-hiya ito, hindi ba? (Oo.) Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo kung ano ang suliranin? Ang tindi ng pagdurusang kayang tiisin ng isang tao o ang laki ng halagang kanyang binabayaran para sa kanyang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang tanda ng kaligtasan o ng pagpasok sa katotohanang realidad, ni isang tanda na mayroon siyang buhay. Kung gayon, ano ang tanda ng pagkakaroon ng buhay at ng katotohanang realidad? Sa pangkalahatan, ito ay kung kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan at pangasiwaan ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo; partikular na, ito ay kung tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, umaasal at kumikilos siya nang may mga katotohanang prinsipyo, kung kaya niyang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung, sa pagtupad mo ng mga tungkulin, kaya mong mapagtagumpayan ang iyong sarili, magtiis ng pagdurusa, at magbayad ng halaga sa lahat ng bagay na iyong ginagawa, ngunit sa kasamaang palad, hindi mo maisakatuparan ang pinakamahalagang punto, ibig sabihin, hindi mo kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo; kung anuman ang gawin mo, palagi mong isinasaalang-alang ang sarili mong mga interes, palagi kang naghahanap ng paraan para makatakas, palaging nagnanais na ingatan ang sarili mo; at kung kahit kailan ay hindi mo itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga salita ng Diyos ay doktrina lamang para sa iyo, kung gayon, huwag mong sabihin kung mahalaga ka, o kung may kabuluhan ang iyong buhay o wala; sa pinakapangunahing punto, wala kang buhay. Ang taong walang buhay ay ang pinakakaawa-awa. Ang sumasampalataya sa Diyos subalit hindi pumapasok sa katotohanang realidad, ang hindi magtamo ng buhay, ay ang pinakakaawa-awang uri ng tao at ang pinakakalunos-lunos na bagay. Hindi ba’t totoo naman? (Oo.) Hindi Ko hinihinging makapagsagawa kayo alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, ngunit kahit papaano, sa pagganap sa iyong mahahalagang tungkulin at sa mahahalagang bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay na may kinalaman sa mga prinsipyo, dapat kang makakilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit papaano, kailangan mong makamit ang pamantayang ito upang makita ang pag-asa ng kaligtasan sa iyong sarili. Ngunit sa ngayon, hindi mo man lamang naabot ang pinakasaligang kinakailangan, hindi mo nakamit ang alinman dito. Labis na kalunos-lunos at lubhang nakababahala ang bagay na ito.
Sa unang tatlong taon ng pagsampalataya nila sa Diyos, masaya at nagagalak ang mga tao. Araw-araw, iniisip nila ang pagtanggap sa mga pagpapala at pagkakaroon ng magandang hantungan. Naniniwala silang ang mga panlabas na mabuting pag-uugali, gaya ng pagdurusa para sa Diyos, pagiging abalang-abala at higit na pagtulong sa mga tao, paggawa ng mas maraming mabuting gawa, at paghahandog ng mas maraming pera, ay mga bagay na kailangang gawin ng mga mananampalataya ng Diyos. Matapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, bagaman nauunawaan nila ang ilang doktrina, sumasampalataya pa rin ang mga tao sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Namumuhay sila ayon sa mabubuting pag-uugali, sa kanilang mga konsiyensiya, at mabuting pagkatao, sa halip na mamuhay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, o gawin ang mga salita ng Diyos na kanilang buhay at pamantayan kung paano nila titingnan ang mga tao at bagay, at aasal at kikilos. Ano ang landas na sinusundan ng gayong mga tao? Hindi ba’t ito ang landas na sinundan ni Pablo? (Ito nga.) Hindi ba ninyo namamalayang nasa ganitong kalagayan kayo? Kung kadalasan ninyong namamalayang nasa ganito kayong kalagayan, kapaki-pakinabang ba ang pakikinig sa napakaraming sermon? Alinmang uri ng mga sermon ang iyong pinakikinggan, hindi ka nakikinig upang maunawaan ang katotohanan, o upang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, sa halip ay nakikinig ka alang-alang sa pagpapayaman sa iyong espirituwal na mundo at sa iyong mga karanasan bilang tao. Kung gayon, hindi mo naman kailangang pakinggan ang mga iyon, hindi ba? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi pwedeng hindi makinig sa mga sermon. Kung hindi ako makikinig sa mga sermon, walang sigla ang aking pananampalataya sa Diyos, at wala akong sigla o gana pagdating sa pagganap sa aking tungkulin. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermon paminsan-minsan, may kaunting sigla ang aking pananampalataya, medyo mas nasisiyahan at napagyayaman ang pakiramdam ko, at pagkatapos, kapag naharap ako sa anumang paghihirap o pagiging negatibo sa aking tungkulin, may kaunti akong motibasyon, at kadalasan ay hindi ako nagiging negatibo.” Ginagawa ba ang pakikinig sa mga sermon alang-alang sa pagkakamit ng epektong ito? Ang karamihan sa mga taong nakapakinig ng mga sermon sa paglipas ng mga taon ay hindi umaalis sa iglesia, kahit paano pa sila iwasto, disiplinahin, o sawayin. Ang pagkakamit sa epektong ito ay may partikular na kaugnayan sa pakikinig sa mga sermon, ngunit ang nais Kong makita ay hindi lamang na muling mag-alab ang nauupos na apoy sa inyong puso pagkatapos ninyong makinig sa bawat sermon. Hindi lamang ito tungkol doon. Walang saysay ang sigla lamang. Hindi dapat gamitin ang sigla sa paggawa ng kasamaan o sa paglabag sa mga katotohanang prinsipyo. Ang sigla ay para hikayatin kang hangarin ang katotohanan nang mas may mithiin at direksyon—dapat kang magsikap tungo sa mga katotohanang prinsipyo at isagawa mo ang mga iyon. Kaya, makakamit ba ng pakikinig sa mga sermon ang epektong ito? Pagkatapos ng bawat sermon, para bang may alab sa iyong puso, para bang nakargahan ka ng kuryente o nabombahang puno ng hangin. Pakiramdam mo ay muli kang napuno ng sigla, alam mo kung sa aling aspeto ka dapat susunod na tutulak, nang hindi kailanman nagpapabaya o nagiging negatibo, at bihirang nagiging mahina. Gayunpaman, ang mga pagpapamalas na ito ay hindi ang mga kondisyon para sa pagtatamo ng kaligtasan. May ilang kondisyon sa pagtatamo ng kaligtasan: Una, kailangan mong maging handang magbasa ng mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon; pangalawa, at ito rin ang pinakamahalagang kondisyon, anumang malalaki o maliliit na bagay ang makaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, lalo na ang mga bagay na may kaugnayan sa pagganap sa iyong tungkulin at sa pangunahing gawain ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong magawang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sa halip na kumilos batay sa sarili mong mga ideya, gawin ang anumang naisin mo, o maging pabasta-basta at pabaya. Ang layon ng walang-sawa Kong pakikipagbahaginan sa inyo tungkol sa katotohanan at pagpapaliwanag sa mga prinsipyo ng iba’t ibang usaping tulad nito ay hindi upang ipagawa sa inyo ang imposible o puwersahin kayo nang higit sa inyong mga kakayahan, at hindi para lamang pasiglahin kayo. Sa halip, ito ay upang ipaunawa sa inyo nang mas tumpak ang kalooban ng Diyos, upang maunawaan ninyo ang mga prinsipyo at batayan sa paggawa ng iba’t ibang bagay, at kung paano dapat kumilos ang mga tao upang matupad ang kalooban ng Diyos, hindi kumilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaisipan at pananaw, at kaalaman kapag nahaharap sa mga bagay, kundi palitan ang mga bagay na ito ng mga katotohanang prinsipyo. Isa ito sa mga pangunahing paraan ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao. Ito ay upang magamit mo ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at mga prinsipyo sa lahat ng bagay na iyong kahaharapin, at upang maghari ang Kanyang mga salita sa bawat bagay. Sa madaling salita, ito ay upang magawa mong pangasiwaan at lutasin ang bawat bagay batay sa mga salita ng Diyos, sa halip na umasa sa talino at mga kagustuhan ng tao, o harapin ang mga iyon alinsunod sa mga panlasa, ambisyon, at pagnanais ng tao. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ng pangangaral at pagbabahagi ng katotohanan, tumitimo sa mga tao ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, binibigyang-daan silang mabuhay na ang kanilang realidad ay ang katotohanan. Ito ang tanda ng kaligtasan. Anumang mga bagay ang iyong kaharapin, dapat mong mas pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga salita ng Diyos. Ito ang uri ng taong naghahangad ng kaligtasan at matalino. Ang mga taong palaging nagsusumikap para sa mga panlabas na pag-uugali, pormalidad, doktrina, at salawikain, ay mga hangal na tao. Hindi sila ang mga taong naghahangad ng kaligtasan. Kahit kailan ay hindi pa ninyo naisaalang-alang ang mga bagay na tulad nito, o bihirang maisaalang-alang ang mga ito, kaya pagdating sa mga usaping ito ng pagsasagawa sa mga katotohanang prinsipyo, talagang blangko ang inyong isipan. Hindi ninyo iniisip na mahalaga ang bagay na ito, kaya sa tuwing haharap kayo sa mga sitwasyong may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, lalo na pagdating sa mga partikular na mahalagang sitwasyon, kapag humaharap kayo sa mga anticristo o masasamang taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, pasibong-pasibo kayo palagi. Hindi ninyo alam kung paano pangangasiwaan ang mga ganitong bagay, at hinaharap ninyo ang mga ito batay sa sarili ninyong makasariling mga motibo at damdamin. Hindi kayo nakatitindig upang ipaglaban ang gawain ng iglesia, at sa huli, palagi kayong humahantong sa pagkabigo, at pabaya at madalian ninyong tinutuldukan ang usapin. Kung hindi magkakaroon ng mga imbestigasyon sa mga usaping ito, magagawa mong iraos lang ito. Kung magkakaroon ng mga imbestigasyon upang alamin kung sino ang may kasalanan, maaari kang maalis sa iyong posisyon o mailipat sa ibang tungkulin; o mas malala pa, maaari kang maipatapon sa Pangkat B, o maaari pa ngang mapaalis ang ilang tao. Ito ba ang mga resultang nais ninyong makita? (Hindi.) Kung isang araw ay matanggal talaga kayo sa inyong posisyon o mapatigil sa paggawa ng inyong tungkulin, o sa isang mas malubhang kaso, kung maipadala kayo sa isang pangkaraniwang iglesia o sa Pangkat B, pagninilayan ba ninyo ang inyong sarili? “Sumampalataya ba ako sa Diyos para lang mauwi rito? Isinuko ko ba ang aking trabaho, mga plano, ang aking pamilya, at tinalikdan ang napakaraming bagay para lang mailagay sa Pangkat B o mapaalis? Sumampalataya ba ako sa Diyos para labanan Siya? Sigurado namang hindi dapat iyon ang layon ng aking pananampalataya sa Diyos? Kung gayon ay para saan ba ako sumasampalataya sa Diyos? Hindi ba’t dapat ko itong pagnilayan? Isinasantabi sa ngayon ang pagsampalataya sa Diyos upang tuparin ang Kanyang kalooban, kahit papaano, dapat akong magtamo ng buhay at pumasok sa katotohanang realidad. Kahit papaano, dapat kong mapakiramdaman kung aling aspeto ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang naging buhay ko. Dapat ay magawa kong umasa sa katotohanan upang mabuhay, at magwagi ako laban kay Satanas at sa mga tiwaling disposisyon ko, at dapat kong matalikdan ang sarili kong laman at mabitiwan ang sarili kong mga kuru-kuro. Kapag may mga bagay na nangyari sa akin, dapat ay ganap kong maitaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ako dapat kumilos alinsunod sa aking mga tiwaling disposisyon, dapat ay maayos at natural akong makakilos alinsunod sa mga salita ng Diyos, nang walang anumang paghihirap o sagabal. Dapat kong lubos na madamang ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay tumimo na sa akin, naging buhay ko na, at naging bahagi na ng aking pagkatao. Isa itong kasiya-siyang bagay, at isa itong bagay na karapat-dapat ipagdiwang.” Karaniwan bang ganito ang nararamdaman ninyo? Kapag tinuos ninyo ang pagdurusang inyong tiniis at ang mga halagang inyong binayaran sa inyong pananampalataya sa Diyos sa paglipas ng mga taon, gagaan ang inyong puso, madarama ninyong may pag-asa para sa inyong kaligtasan, at na natikman na ninyo ang tamis ng pagkaunawa sa katotohanan at paggugol sa inyong sarili para sa Diyos. Nadama o naranasan na ba ninyo ang gayong mga bagay? Kung hindi pa, ano ang dapat ninyong gawin? (Magsimulang seryosong hangarin ang katotohanan mula ngayon.) Simulan ninyo itong seryosong hangarin mula ngayon—ngunit paano ninyo ito dapat hangarin? Kailangan ninyong pagnilayan ang mga usapin kung saan madalas kayong nagrerebelde sa Diyos. Paulit-ulit nang nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo upang turuan ka ng aral, upang baguhin ka sa pamamagitan ng mga bagay na ito, upang itimo ang Kanyang mga salita sa iyo, upang papasukin ka sa isang aspeto ng katotohanang realidad, at upang pigilan kang mamuhay alinsunod sa tiwaling disposisyon ni Satanas sa mga bagay na iyon, at upang sa halip ay mamuhay ka alinsunod sa mga salita ng Diyos, upang tumimo sa iyo ang Kanyang mga salita at maging buhay mo ang mga ito. Ngunit madalas kang nagrerebelde sa Diyos sa mga bagay na ito, hindi nagpapasakop sa Diyos ni tumatanggap ng katotohanan, hindi itinuturing ang Kanyang mga salita na mga prinsipyong dapat mong sundin, at hindi isinasabuhay ang Kanyang mga salita. Nakasasakit ito sa Diyos, at paulit-ulit kang nawawalan ng pagkakataon para sa kaligtasan. Kaya, paano mo dapat baguhin ang iyong sarili? Magmula sa araw na ito, sa mga bagay na matutukoy mo sa pamamagitan ng pagninilay-nilay at malinaw na mararamdaman, dapat mong sundin ang pangangasiwa ng Diyos, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanang realidad, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang buhay, at baguhin ang paraan ng iyong pamumuhay. Kapag nahaharap ka sa mga sitwasyong tulad nito, dapat mong talikdan ang iyong laman at mga kagustuhan, at kumilos ka alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t ito ang landas ng pagsasagawa? (Ito nga.) Kung nilalayon mo lamang na masigasig na maghangad sa hinaharap ngunit wala kang partikular na landas ng pagsasagawa, walang saysay iyon. Kung mayroon ka ng partikular na landas ng pagsasagawang ito at handa kang talikdan ang iyong laman at magsimula nang panibago tulad nito, may pag-asa pa para sa iyo. Kung hindi ka handang magsagawa sa ganitong paraan at bagkus ay magpapatuloy ka sa mga dati nang landas, panghahawakan mo ang mga lumang ideya, at mamumuhay ka ayon sa iyong mga tiwaling disposisyon, wala na kaming dapat pang sabihin. Kung kontento ka nang maging tagapagserbisyo lang, ano pa bang dapat na sabihin? Wala kang kinalaman sa usapin ng kaligtasan, at hindi ka naman interesado rito, kaya wala nang dapat pang pag-usapan. Kung talagang handa kang hangarin ang katotohanan at kaligtasan, ang unang hakbang ay simulan mong itigil ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang iyong iba’t ibang maling kaisipan, kuru-kuro, at kilos. Tanggapin mo ang mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat, pagsubok, pagkastigo, at paghatol, pagsumikapan mong unti-unting magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag may mga bagay na nangyari sa iyo, at ang mga salita ng Diyos ay unti-unti mong gawing mga prinspiyo at pamantayan para sa paraan ng pag-asal at pagkilos mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, at sa iyong buhay. Ito ang dapat na mamalas sa isang taong naghahangad sa katotohanan, at ito ang dapat na mamalas sa isang taong naghahangad ng kaligtasan. Mukha itong madali, simple ang mga hakbang, at walang mahabang paliwanag, ngunit hindi ganoon kadali ang pagsasagawa rito. Ito ay dahil napakaraming tiwaling bagay sa loob ng mga tao: ang kanilang kakitiran ng pag-iisip, mga munting pakana, pagiging makasarili at masama, ang kanilang mga tiwaling disposisyon at lahat ng uri ng pandaraya. Dagdag pa rito, may ilang taong may taglay na kaalaman, natuto sila ng ilang pilosopiya sa pamumuhay at mga mapagmanipulang taktika sa lipunan, at nagtataglay sila ng ilang pagkukulang at kapintasan pagdating sa kanilang pagkatao. Halimbawa, ang ilang tao ay masiba at tamad, ang ilan ay matamis ang dila, ang ilan ay may napakasamang kalikasan, ang iba ay banidoso, o padalos-dalos at pabigla-bigla kung kumilos, at marami pang ibang kahinaan. Maraming kakulangan at problemang kailangang mapagtagumpayan ng mga tao pagdating sa kanilang pagkatao. Gayunpaman, kung nais mong matamo ang kaligtasan, kung nais mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at matamo ang katotohanan at buhay, kailangan mong mas magbasa ng mga salita ng Diyos, magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan, makapagsagawa at makapagpasakop sa Kanyang mga salita, at magsimula sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Ilang simpleng pangungusap lamang ito, subalit hindi alam ng mga tao kung paano isagawa o danasin ang mga ito. Anuman ang iyong kakayahan o pinag-aralan, at anuman ang iyong edad o ilan ang taon ng pananampalataya, anu’t ano man, kung nasa tamang landas ka ng pagsasagawa sa katotohanan, sa tamang mga mithiin at direksyon, at kung ang hinahangad at iginugugol mo ay alang-alang lahat sa pagsasagawa sa katotohanan, walang dudang ang matatamo mo sa huli ay ang katotohanang realidad at ang mga salita ng Diyos na nagiging buhay mo. Una ay tukuyin mo ang iyong mithiin, pagkatapos, unti-unti kang magsagawa alinsunod sa landas na ito, at sa huli, tiyak na may makakamit ka. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.)