Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2 (Ikalawang Bahagi)
Sa pagbabahagi sa ganitong paraan, nauunawaan na ba ninyo kung ang mga iniisip at pananaw ng mga taong palaging nagsasabing may masama silang kapalaran ay tama o mali? (Mali sila.) Malinaw na ang mga taong ito ay nakakaranas ng emosyon ng depresyon dahil sa pagkalugmok sa pagiging sagad-sagaran. Dahil sa kanilang matinding emosyon ng depresyon na dulot ng kanilang sagad-sagarang mga iniisip at pananaw, hindi nila maharap nang tama ang mga bagay na nangyayari sa buhay, hindi nila normal na magamit ang mga kakayahan na dapat taglay ng mga tao, ni magampanan ang mga tungkulin, responsabilidad o obligasyon ng isang nilikha. Samakatuwid, katulad sila ng iba’t ibang uri ng taong nalulugmok sa mga negatibong emosyon na ating tinalakay sa huli nating pagbabahaginan. Bagamat nananalig sa Diyos ang mga taong ito na nag-iisip na may masama silang kapalaran at handa silang bitiwan ang mga bagay-bagay, gugulin ang kanilang sarili at sumunod sa Diyos, hindi pa rin nila magampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa isang malaya, magaan, at mapanatag na paraan. Bakit hindi nila ito magawa? Ito ay dahil sa kanilang kalooban ay nagtataglay sila ng ilang sukdulan at abnormal na mga kaisipan at pananaw na nagdudulot na umusbong sa kanila ang mga matinding emosyon. Dahil sa mga matinding emosyon na ito, ang paraan ng kanilang paghusga sa mga bagay-bagay, ang paraan ng kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nagmumula sa isang sagad-sagaran, hindi wasto, at maling pananaw. Tinitingnan nila ang mga isyu at mga tao mula sa sagad-sagaran at maling pananaw na ito, kung kaya’t sila ay paulit-ulit na namumuhay, tumitingin sa mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sa ilalim ng epekto at impluwensya ng negatibong emosyong ito. Sa huli, paano man sila mamuhay, tila napapagod sila nang husto na hindi na nila kayang magpakita ng anumang sigla sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Paano man nila piliing mamuhay, hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin nang positibo o aktibo, at kahit na maraming taon na silang nananalig sa Diyos, hindi sila kailanman tumutuon sa pagganap ng kanilang tungkulin nang buong puso at kaluluwa o sa pagganap ng kanilang tungkulin nang maayos, at siyempre, lalong hindi sila naghahangad ng katotohanan, o nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit nga ba ganito? Sa panghuling pagsusuri, ito ay dahil palagi nilang iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, at dahil dito ay labis silang nalulugmok sa depresyon. Lubos silang nawawalan ng sigla, pakiramdam nila ay wala silang magagawa, para silang naglalakad na bangkay, walang kabuhay-buhay, hindi nagpapakita ng anumang positibo o optimistikong pag-uugali, lalo na ng anumang determinasyon o tibay na ialay ang katapatan na dapat nilang ialay sa kanilang tungkulin, mga responsabilidad, at obligasyon. Sa halip, mabigat ang loob silang nagsisikap araw-araw nang may pabayang saloobin, nang walang direksyon at magulo ang pag-iisip, at iniraraos pa nga nila ang mga araw nang wala sa sarili. Wala silang kamalay-malay kung gaano katagal nilang iraraos ang mga bagay-bagay. Sa huli, wala silang ibang magagawa kundi paalalahanan ang kanilang sarili, sabihin na, “Ay, itutuloy ko na lamang na iraos ang mga bagay-bagay hangga’t kaya ko! Kung isang araw ay hindi na ako makakapagpatuloy, at naisin ng iglesia na itiwalag ako at paalisin, dapat na lang nila akong paalisin. Ito ay dahil may masama akong kapalaran!” Makikita mo na maging sa kanilang sinasabi ay sumuko na sila. Ang emosyong ito ng depresyon ay hindi lamang isang simpleng lagay ng kalooban, kundi, higit pa rito, may malubha itong epekto sa mga iniisip, puso, at paghahangad ng mga tao. Kung hindi mo mababago kaagad ang iyong mga damdamin na nalulugmok sa depresyon, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong buong buhay, sisirain din nito ang iyong buhay at dadalhin ka sa iyong kamatayan. Kahit pa nananalig ka sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan at kaligtasan, at sa huli, mamamatay ka. Kaya naman, iyong mga naniniwalang may masama silang kapalaran ay dapat magising na ngayon; ang palaging pagnanais na malaman kung maganda o masama ba ang kanilang kapalaran, ang palaging paghahangad ng isang uri ng kapalaran, ang palaging pag-aalala sa kanilang kapalaran—ito ay hindi magandang bagay. Dahil palagi mong sineseryoso ang iyong kapalaran, kapag naharap ka isang maliit na kaguluhan o hindi kaaya-ayang pangyayari, o kapag nagkaroon ng pagkabigo, mga dagok, o kahihiyan, kaagad kang naniniwala na ito ay dahil sa sarili mong masamang kapalaran at kamalasan. Kaya’t paulit-ulit mong pinaaalalahanan ang iyong sarili na mayroon kang masamang kapalaran, na hindi maganda ang kapalaran mo tulad ng ibang tao, at paulit-ulit na nilulugmok mo ang iyong sarili sa depresyon, napapaligiran, naigagapos, at naiipit ng negatibong emosyong ito ng depresyon, at hindi mo ito matakasan. Labis na nakakatakot at mapanganib na mangyari ito. Bagama’t ang emosyong ito ng depresyon ay maaaring hindi magdulot sa iyo na mas lalong maging mayabang o mapanlinlang, o magdulot sa iyo na maghayag ng kasamaan o pagmamatigas, o ng iba pang mga tiwaling disposisyon; bagama’t maaaring hindi ito umabot sa antas na maghahayag ka ng tiwaling disposisyon at susuwayin mo ang Diyos, o maghahayag ka ng tiwaling disposisyon at lalabagin ang mga katotohanang prinsipyo, o magdudulot ka ng pagkagambala at kaguluhan, o gagawa ng masasamang gawain, pagdating sa diwa, ang emosyong ito ng depresyon ay isang napakalubhang pagpapamalas ng kawalang kasiyahan ng mga tao sa realidad. Sa diwa, ang pagpapamalas na ito ng kawalang kasiyahan sa realidad ay isa ring kawalang kasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. At ano ang mga kahihinatnan ng kawalang kasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Tiyak na napakalulubha ng mga ito at magdudulot kahit papaano sa iyo na magrebelde laban sa Diyos at suwayin Siya, at dahil sa mga ito ay hindi mo matatanggap ang mga binibigkas at tinutustos ng Diyos, at hindi mo mauunawaan at pakikinggan ang mga turo, tagubilin, paalala, at babala ng Diyos. Dahil puno ka ng emosyon ng depresyon, hindi mo magawang tanggapin ang mga kasalukuyang binibigkas ng Diyos, at wala kang paraan upang tanggapin ang makatotohanang gawain ng Diyos o ang kaliwanagan, patnubay, tulong, suporta, at panustos ng Banal na Espiritu para sa iyo. Kahit na gumagawa ang Diyos, hindi mo ito maramdaman; kahit na gumagawa ang Diyos at ang Banal na Espiritu, hindi mo ito magawang tanggapin. Hindi mo magawang tanggapin ang mga positibong bagay na ito, ang mga hinihingi at panustos na ito mula sa Diyos, ang iyong puso ay puno at okupado lamang ng emosyong ito ng depresyon, at wala sa anumang ginagawa ng Diyos ang may anumang epekto sa iyo. Sa huli, mapapalampas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, mapapalampas mo ang bawat yugto ng Kanyang mga binibigkas, at mapapalampas mo maging ang bawat yugto ng gawain ng Diyos at ang Kanyang panustos para sa iyo. Kapag ang mga pagbigkas ng Diyos at ang mga hakbang ng Kanyang gawain ay ganap nang natapos lahat, hindi mo pa rin malulutas ang iyong depresyon, hindi mo ito mabibitiwan, mananatili kang napalilibutan at puno ng emosyong ito ng depresyon, at kung magkagayon, ganap mo nang napalampas ang gawain ng Diyos. Sa sandaling ganap mo nang napalampas ang gawain ng Diyos, sa huli, ikaw ay mahaharap sa hayagang paghatol at pagkondena ng Diyos sa sangkatauhan, at iyon ang oras kung kailan iaanunsyo ng Diyos ang katapusan ng sangkatauhan. Saka mo lamang mapagtatanto na, “Naku, dapat kong pagnilay-nilayan ang aking sarili, dapat kong bitiwan ang mga damdaming ito ng depresyon, dapat akong magbasa pa ng mga salita ng Diyos, lumapit sa Diyos upang humingi ng Kanyang tulong at suporta, hangarin ang Kanyang panustos, alamin kung paano tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol at ako ay malinis Niya, upang makapagpasakop ako sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.” Subalit huli na! Napalampas mo na ang lahat ng iyon. Huli na upang magising ka ngayon, at ano ang naghihintay sa iyo? Hahampasin mo ang iyong dibdib at maghihinagpis ka at mapupuno ka ng pagsisisi. Bagama’t ang depresyon ay isang uri lamang ng emosyon, dahil labis na malubha ang kalikasan at mga kahihinatnan na dala nito, dapat mong suriin ang iyong sarili nang mabuti at huwag mong hayaan ang mga damdaming ito ng depresyon na maghari sa iyo o kontrolin ang iyong mga iniisip at mga mithiin na iyong hinahangad. Kailangan mo itong lutasin at huwag hayaang maging hadlang sa iyong landas ng paghahangad sa katotohanan o maging isang pader na makakaharang sa iyong paglapit sa Diyos. Kung kaya mong magkaroon ng malinaw na kamalayan dito, o kung masusumpungan mo ang malubhang damdaming ito ng depresyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa iyong sarili, dapat mong baguhin agad ang takbo ng iyong buhay, bitiwan ang damdaming ito at talikdan ang mga damdaming ito ng depresyon. Huwag kang patuloy na kumapit sa ganitong takbo ng iyong buhay, na mapagmatigas na iniisip na, “Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, alam kong masama ang kapalaran ko. Dahil masama ang kapalaran ko, dapat akong malugmok sa depresyon. Dahil masama ang kapalaran ko, dapat tanggapin ko na lang ito at huwag na talagang umasa pa.” Ang harapin ang lahat ng bagay na nangyayari nang may gayong negatibong saloobin ay pagiging matigas ang ulo. Kapag napagtanto mo na may mga damdamin ka ng depresyon, dapat mong baguhin ang iyong sarili at lutasin ito sa lalong madaling panahon. Huwag mong hintayin na pagharian ka na nito nang lubusan, dahil sa oras na iyon ay magiging huli na upang magising ka pa rito.
Sabihin ninyo sa Akin, ang paniniwala ba sa kapalaran ay isang ekspresyon ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang tamang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pagharap sa usapin ng kapalaran? (Dapat silang maniwala sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos at magpasakop sa mga ito.) Tama iyan. Kung ang isang tao ay palaging nakatuon sa kung ang kanyang kapalaran ay maganda o masama, anong problema ang malulutas niyon? Ang kilalanin na ang kanyang kapalaran ay masama ngunit maniwala na ang masamang kapalaran ay pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos at ang maging handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, tama ba o mali ang pananaw na ito? (Mali ito.) Bakit ito mali? (Dahil pinanghahawakan pa rin ng pananaw na iyon ang interpretasyon na ang kanyang kapalaran ay maganda o masama.) Ito ba ay isang tuntunin? Ano ang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao rito? (Hindi natin masasabing maganda o masama ang kapalaran. Ang lahat ng itinatakda ng Diyos ay mabuti, at ang mga tao ay dapat magpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos.) Dapat maniwala ang mga tao na ang kapalaran ay pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos, at dahil lahat ito ay pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos, hindi nila puwedeng sabihin kung ito ay maganda o masama. Kung ito ay maganda o masama ay hinuhusgahan batay sa pananaw, mga opinyon, kagustuhan at damdamin ng mga tao, at ang paghusga na ito ay batay sa kanilang mga imahinasyon at pananaw at hindi nakaayon sa katotohanan. May mga taong nagsasabi, “Maganda ang kapalaran ko, isinilang ako sa isang pamilya ng mga mananampalataya. Kailanman ay hindi ako naimpluwensyahan ng kapaligiran ng sekular na mundo at kailanman ay hindi ako naimpluwensyahan, naakit o nalinlang ng mga kalakaran ng mga hindi mananampalataya. Bagama’t mayroon din akong mga tiwaling disposisyon, lumaki ako sa iglesia at kailanman ay hindi ako nalihis. Napakaganda ng kapalaran ko!” Tama ba ang kanilang sinasabi? (Hindi.) Bakit hindi? (Pauna nang itinakda ng Diyos na sila ay isisilang sa isang pamilya ng mga mananampalataya, ito ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Wala itong kinalaman sa kung maganda ba o masama ang kanilang kapalaran.) Tama, nakuha mo ang punto. Ito ay ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Isa itong paraan kung paano isinasaayos at paano nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga kapalaran ng tao, at ito ay isang anyo ng kapalaran—hindi dapat gamitin ng mga tao ang pagiging maganda o masama ng kanilang kapalaran para husgahan ang usaping ito. May mga taong nagsasabi na maganda ang kanilang kapalaran dahil isinilang sila sa isang Kristiyanong pamilya, kaya paano mo ito pabubulaanan? Maaaring sabihin mo, “Isinilang ka sa isang Kristiyanong pamilya at sinasabi mong maganda ang kapalaran mo, kaya’t sinuman na hindi isinilang sa isang Kristiyanong pamilya ay malamang na may masamang kapalaran. Ibig mo bang sabihin na masama ang kapalaran na isinaayos ng Diyos para sa lahat ng taong iyon?” Tama bang pabulaanan sila nang ganito? (Tama.) Tama na pabulaanan sila nang ganito. Sa pamamagitan ng pagpapabulaan sa kanila nang ganito, ipinapakita mo na ang kanilang sinasabi na may magandang kapalaran ang mga taong isinilang sa mga pamilyang Kristiyano ay hindi mapaninindigan at hindi naaayon sa katotohanan. Ngayon, mas tumpak na ba nang kaunti ang opinyon ninyo tungkol sa maganda at masamang kapalaran? (Oo.) Anong pananaw ang dapat taglayin ng mga tao tungkol sa usapin ng paniniwala sa kapalaran na pinakatama, pinakaangkop, at naaayon sa katotohanan? Una, hindi ninyo mahuhusgahan kung maganda ba o masama ang kapalaran mula sa perspektiba ng mga makamundong tao. Bukod pa rito, dapat maniwala kayo na ang kapalaran ng bawat kasapi ng sangkatauhan ay isinaayos ng kamay ng Diyos. May mga taong nagtatanong, “Kapag sinabing isinaayos ng kamay ng Diyos, ibig bang sabihin ay ang Diyos Mismo ang nagsaayos nito?” Hindi. Maraming pamamaraan, gawi at daan na ginagamit ang Diyos sa pagsasaayos ng mga kapalaran ng tao at may mga komplikadong detalye ito sa espirituwal na daigdig na hindi Ko na isasalaysay rito. Lubos na komplikado ang usaping ito, ngunit sa pangkalahatan, lahat ng ito ay isinaayos ng Lumikha. Ang ilan sa mga pagsasaayos na ito ay ginawa ng Diyos Mismo para sa iba’t ibang uri ng tao, samantalang ang iba ay may kasamang pagkakategorya ng iba’t ibang uri ng mga tao at grupo ng mga tao ayon sa mga regulasyon, atas administratibo, prinsipyo, at sistema na itinakda ng Diyos; batay sa kanilang kategorya at sa landas ng kanilang kapalaran na itinakda ng Diyos, ang mga kapalaran ng mga tao ay isinaayos at dinisenyo sa espirituwal na mundo, at pagkatapos ay isinilang sila. Napakadetalyado ng usaping ito, ngunit sa pangkalahatan, ang Diyos ang nagsasaayos at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Kasama sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang mga prinsipyo, batas, at alituntunin ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Walang mabuti o masama rito, lahat ito ay natural na gawi para sa Diyos, na may kinalaman sa sanhi at bunga. Tungkol naman sa nadarama ng mga tao tungkol sa kapalaran, maaaring mayroon silang maganda o masamang pakiramdam, may mga kapalaran kung saan ang lahat ay umaayon, mga kapalaran na puno ng mga hadlang, mahihirap na kapalaran, at malulungkot na kapalaran—walang maganda o masamang kapalaran. Ano ang dapat na maging saloobin ng mga tao tungkol sa kapalaran? Dapat kang sumunod sa mga pagsasaayos ng Lumikha, aktibo at masikap na hanapin ang layunin at kahulugan ng Lumikha sa Kanyang pagsasaayos ng lahat ng ito at maunawaan ang katotohanan, gamitin ang iyong pinakamahusay na kakayahan sa buhay na ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo, gampanan ang mga tungkulin, responsabilidad, at obligasyon ng isang nilikha, at gawing mas makabuluhan at mas mahalaga ang iyong buhay, hanggang sa wakas ay matuwa sa iyo ang Lumikha at maalala ka Niya. Siyempre, mas mainam kung makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng iyong paghahanap at pagsisikap nang husto—ito ang pinakamagandang resulta. Anu’t anuman, sa usapin ng kapalaran, ang pinakaangkop na saloobin na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan ay hindi ang paghuhusga at paglilimita nang walang pasubali, o ang paggamit ng mga sukdulang pamamaraan para harapin ito. Siyempre, lalong hindi dapat subukang labanan, piliin, o baguhin ng mga tao ang kanilang kapalaran, bagkus dapat nilang gamitin ang kanilang puso upang pahalagahan ito, at hanapin, siyasatin, at sundin ito, bago ito harapin nang positibo. Sa huli, sa kapaligirang pinamumuhayan at sa landas sa buhay na inilaan para sa iyo ng Diyos, dapat mong hanapin ang paraan ng pag-asal na itinuturo sa iyo ng Diyos, hanapin ang landas na hinihingi ng Diyos na iyong tahakin, at danasin ang kapalaran na itinakda ng Diyos para sa iyo sa ganitong paraan, at sa huli, ikaw ay pagpapalain. Kapag iyong naranasan ang kapalaran na isinaayos ng Lumikha para sa iyo sa ganitong paraan, ang iyong mapahahalagahan ay hindi lamang paghihinagpis, kalungkutan, mga luha, kirot, pighati, at pagkabigo, sa halip, higit pa rito ay iyong mararanasan ang kasiyahan, kapayapaan, at kaginhawahan, pati na rin ang kaliwanagan at pagtanglaw ng katotohanan na ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo. Bukod pa rito, kapag ikaw ay naligaw sa iyong landas sa buhay, kapag ikaw ay naharap sa pighati at pagkabigo, at kinakailangan mong pumili, mararanasan mo ang paggabay ng Lumikha, at sa huli ay magkakamit ka ng pang-unawa, karanasan, at pagpapahalaga sa kung paano mamuhay nang pinakamakabuluhan. Kaya hindi ka na muling maliligaw sa buhay, hindi ka na laging mag-aalala, at siyempre, hindi ka na muling magrereklamo na masama ang iyong kapalaran, at lalong hindi ka na malulugmok sa depresyon dahil sa pakiramdam mo na masama ang iyong kapalaran. Kung mayroon ka ng ganitong saloobin at gagamitin mo ang paraang ito upang harapin ang kapalaran na isinaayos ng Lumikha para sa iyo, hindi lamang magiging mas normal ang iyong pagkatao, magkakaroon ka rin ng normal na pagkatao, at ng mga kaisipan, pananaw, at prinsipyo sa kung paano tingnan ang mga bagay ng normal na pagkatao, ngunit magkakaroon ka rin, siyempre, ng mga pananaw at pang-unawa sa kabuluhan ng buhay na hindi kailanman tataglayin ng mga hindi nananalig. Laging sinasabi ng mga hindi nananalig na, “Saan tayo nanggaling? Saan tayo pupunta? Bakit tayo nabubuhay?” Palaging may nagtatanong ng mga tanong na ito, at ano ang mga sagot na kanilang natatagpuan sa huli? Mga tanong lang din ang natatagpuan nila sa huli, hindi mga sagot. Bakit hindi nila mahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito? Kahit na naniniwala sa kapalaran ang ilang taong matalino, wala silang ideya kung paano harapin ang usapin ng kapalaran o kung paano harapin ang maraming kahirapan, pighati, kabiguan, at kalungkutan na lumilitaw sa kanilang kapalaran; hindi rin nila alam kung paano harapin ang mga bagay na nangyayari sa kanilang kapalaran na nagdudulot sa kanila ng kasiyahan at kaligayahan—hindi nila alam kung paano harapin ang mga ito. Sa una ay sinasabi nilang maganda ang kanilang kapalaran, tapos bigla na lang nilang sasabihin na masama ang kanilang kapalaran; una ay sinasabi nilang masaya ang kanilang buhay, tapos bigla na lang nilang sasabihing malas ang kanilang buhay—sa iisang bibig nila sinasabi ang parehong bagay na ito. Iba ang sinasabi nila kapag sila ay masaya at iba naman kapag sila ay malungkot; iba ang sinasabi nila kapag ang mga bagay ay maayos para sa kanila, at iba naman kapag ang mga bagay ay hindi maayos; sila ang nagsasabi na sila ay malas, at sila rin ang nagsasabi na maganda ang kanilang kapalaran. Malinaw na nabubuhay sila nang walang kaliwanagan o pang-unawa. Palagi silang nangangapa sa dilim, namumuhay sa kalituhan, nang walang paraan para makaalpas. Kaya naman, ang mga tao ay dapat magkaroon ng malinaw na pag-unawa at malinaw na landas patungo sa kung paano nila dapat tratuhin nang tama ang kapalaran, kung ano ang dapat nilang gawin, at kung paano dapat harapin ang malaking usaping ito sa buhay. Sa sandaling nalutas na ang isyung ito, ang mga saloobin at pananaw ng mga tao tungkol sa kapalaran ay dapat maging tama na at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa gayon ay hindi na sila magiging sagad-sagaran sa usapin na ito.
Ang mga kasabihan bang ito tungkol sa kapalaran na kababahagi Ko lang ay naaayon sa katotohanan? (Oo.) Alam ba ninyo ang mga katangian ng mga kasabihan na naaayon sa katotohanan? (Kapag naririnig ng mga tao ang mga ito, mas nagiging malinaw at maginhawa ang pakiramdam nila.) (Praktikal ang mga ito at naglalaman ng mga landas ng pagsasagawa.) Tama iyan, praktikal nga ang mga ito; mas tumpak na sabihin ito nang ganito. May mas tumpak pa na mga paraan upang ilarawan ito. Sino ang susunod na magsasalita? (Nalulutas ng mga ito ang mga kasalukuyang problema ng mga tao.) Ito ay epekto ng praktikalidad ng mga ito. Nakakalutas ang mga ito ng mga problema dahil sa praktikal ang mga ito. Naniniwala ang mga tao sa kapalaran, pero ang kanilang mga isipan ay laging natatali sa ideya ng magagandang kapalaran at masasamang kapalaran, kaya’t sabihin ninyo sa Akin, malaya ba sila sa kaibuturan ng kanilang puso, o nakagapos ba sila? (Nakagapos sila.) Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, palagi kang magagapos sa ideyang ito. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, bukod sa mararamdaman mong praktikal ito at na may paraan ka upang magpatuloy, ano pa ang mararamdaman mo? (Malaya.) Tama iyan, mararamdaman mong malaya ka na. Kapag mayroon ka nang landas ng pagsasagawa at hindi ka na nakakulong, hindi ba’t magiging malaya na ang iyong espiritu? Ang mga baluktot at katawa-tawang pananaw na iyon ay hindi na maigagapos ang iyong mga iniisip o ang iyong mga kamay at paa; may landas ka nang susundan, at hindi ka na makokontrol ng mga pananaw na iyon. Sa sandaling marinig mo ang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa mga kapalaran ng tao, mararamdaman mong malaya ka na, at sasabihin mo, “Ah, kaya pala! Grabe, ang dati kong pag-unawa tungkol sa kapalaran ay sobrang baluktot at sagad-sagaran! Ngayon ay nauunawaan ko na, at hindi na ako nagugulo ng maling ideya ng pagiging maganda o masama ng mga kapalaran. Hindi na ako nababahala rito. Kung hindi ko ito naunawaan, palagi kong iisipin na maganda ang kapalaran ko sa umpisa tapos bigla na lang magiging masama, at mapapaisip ako kung maganda nga ba o masama ang kapalaran ko! Palagi ko itong aalalahanin.” Kapag nauunawaan mo na ang katotohanang ito, may landas ka nang susundan, may tumpak ka nang opinyon tungkol dito, at may tumpak na landas ka na ng pagsasagawa—ibig sabihin, malaya ka na. Kaya naman, upang makilatis kung ang mga salita ng isang tao ay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kung ang mga ito ba ay ang katotohanan, kailangan mong pakinggan kung ang mga salitang ito ay praktikal ba o hindi; kasabay nito, dapat mong obserbahan kung ang iyong mga paghihirap at problema ay nalutas na kapag narinig mo na ang mga salitang ito—kung nalutas nga ang mga ito, mararamdaman mong malaya ka na, na para bang nawala na ang mabigat na pasaning dala-dala mo. Kaya naman, sa tuwing nauunawaan mo ang isang katotohanang prinsipyo, magagawa mong lutasin ang ilang nauugnay na problema at maisasagawa mo ang ilang katotohanan, at dahil dito ay madarama mong malaya ka na. Hindi ba’t ito ang magiging resulta? (Oo.) Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano mismo ang epekto ng katotohanan? (Oo.) Ano ang maaaring maging epekto ng katotohanan? (Dahil dito ay makadarama ng kalayaan ang espiritu ng mga tao.) Ito lamang bang isang ito ang epekto ng katotohanan? Ito lamang bang isang pakiramdam na ito? (Pangunahin na nilulutas nito ang mga mali at radikal na pananaw na kinikimkim ng mga tao sa mga bagay-bagay. Sa sandaling tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay sa dalisay na paraan at nang naaayon sa katotohanan, madarama nila na malaya ang kanilang espiritu, at hindi na sila maigagapos o magugulo ng mga negatibong bagay na mula kay Satanas.) Bukod sa pagiging malaya ng iyong espiritu, ang mahalaga ay mabibigyan ka nito ng kakayahan na pumasok sa isang partikular na katotohanang realidad, upang hindi ka na maigapos o maimpluwensyahan ng mga mali at baluktot na kaisipan at pananaw. Ang puwang ng mga ito ay naokupa na ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan at pagkatapos ay makakapasok ka na sa katotohanang realidad na iyon. Dito Ko na tatapusin ang Aking pagbabahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong nakadarama ng depresyon dahil iniisip nilang masama ang kanilang kapalaran.
Isa pang dahilan kung bakit nalulugmok sa depresyon ang ilan, bagamat hindi nila iniisip na ganoon kasama ang kanilang kapalaran, ay dahil nararamdaman nila na palagi silang malas at walang magandang nangyayari sa kanila kahit kailan, gaya lamang ng sinasabi ng mga hindi nananalig: “Ang Diyos ng Suwerte ay palagi akong nilalampasan.” Kahit pa hindi nila nararamdaman na ganoon kasama ang kanilang sitwasyon, at sila ay matangkad at may hitsura, edukado at may talento, at sila ay mahuhusay na manggagawa, nagtataka sila kung bakit hindi sila kailanman pinapaboran ng Diyos ng Suwerte. Dahil dito ay palagi silang dismayado, at lagi nilang iniisip na sila ay malas. Simula sa taon ng kanilang pagsusulit para makapasok sa kolehiyo, puno ng pag-asa ang kanilang mga puso na makapag-aral sa kolehiyo, ngunit pagdating ng araw ng pagsusulit, sila ay tinrangkaso at nilagnat. Nakaapekto ito sa pagsagot nila sa pagsusulit, at dahil lang sa dalawa o tatlong puntos ay nawalan sila ng pagkakataong makapasok sa kolehiyo. Iniisip nila: “Bakit sobra akong minalas? Mahusay naman ako sa pag-aaral at karaniwan akong nagsisikap nang mabuti. Bakit naman sa lahat ng araw ay sa araw ng pagsusulit para sa kolehiyo pa ako nilagnat? Ay naku! Nakaranas na ako agad ng pagkabigo sa unang malaking pangyayari sa buhay ko. Ano na ang dapat kong gawin ngayon? Sana ay maging mas masuwerte ako sa hinaharap.” Subalit kalaunan sa kanilang buhay, makakaranas sila ng iba’t ibang paghihirap at problema. Halimbawa, may isang negosyo na naghahanap ng mga bagong empleyado at naghahanda pa lang silang mag-apply nang matuklasan nila na napuno na ang lahat ng bakanteng posisyon at hindi na kailangan pa ng kompanya ng dagdag na empleyado. Iniisip nila, “Paano ako naging sobrang malas? Bakit nilalagpasan ako palagi tuwing may magandang oportunidad? Napakamalas nito!” At sa unang araw ng kanilang pagtatrabaho sa isang lugar, ang ibang tao ay kakataas lang ng ranggo bilang manager, deputy manager, at department head. Gaano man sila magsumikap, wala itong saysay; kailangan pa nilang maghintay sa susunod na pagkakataon para maitaas ang kanilang ranggo. Dahil magaling silang magtrabaho at mataas ang tingin sa kanila ng kanilang mga superyor, iniisip nilang itataas ang ranggo nila sa susunod, ngunit sa huli, nagpasok ang mga superyor nila ng isang manager mula sa ibang lugar, at muli silang natalo. Iniisip nila, “Ay naku! Mukhang totoo nga na malas ako. Kahit kailan ay hindi ako sinuwerte—hindi ako pinapaboran kailanman ng Diyos ng Suwerte.” Makalipas ang ilang panahon, sila ay nagsisimulang manampalataya sa Diyos, at dahil sa kanilang hilig sa pagsusulat, nais nilang gumanap ng tungkulin na may kinalaman sa pagsusulat, subalit sa huli ay hindi naging masyadong mahusay ang resulta ng kanilang pagsusulit at bumagsak sila. Iniisip nila, “Karaniwan ay magaling akong sumulat, kaya bakit hindi ako nagtagumpay sa pagsusulit? Hindi ako binigyang-liwanag o inakay ng Diyos! Inakala ko na sa pagganap sa isang tungkuling may kinalaman sa pagsusulat, mas makakakain at makakainom ako ng mga salita ng Diyos at mas mauunawaan ko ang katotohanan. Sayang at malas ako. Bagamat maganda ang plano, hindi ito nagtagumpay.” Sa huli, pipili sila sa marami pang ibang tungkulin, at sasabihin nilang, “Sasama ako sa isang grupo ng mga tagapag-ebanghelyo upang magpalaganap ng ebanghelyo.” Sa simula, maganda ang takbo ng mga bagay sa grupo ng mga tagapag-ebanghelyo at nararamdaman nila na sa pagkakataong ito ay nahanap na nila ang tamang lugar para sa kanila, na para bang magagamit na nila ang kanilang mga kakayahan sa kapaki-pakinabang na paraan. Iniisip nila na sila ay matalino, may kakayahan sa kanilang trabaho, at handang gumawa ng praktikal na gawain. Dahil sa pagsisikap, nakapagkamit sila ng ilang resulta, at sila ay naging superbisor. Gayunpaman, may nagawa silang mali, at natuklasan ito ng kanilang lider. Sinabihan sila na ang kanilang ginawa ay labag sa mga prinsipyo at na nakaapekto ito sa gawain ng iglesia. Pagkatapos maiwasto at matabasan ang kanilang pangkat, may nagsabi sa kanila, “Maganda ang takbo ng lahat bago ka dumating. Nang dumating ka, iwinasto kami sa pinakaunang pagkakataon.” Iniisip nila, “Hindi ba’t kamalasan ko pa rin ito?” Makaraan ang ilang panahon, inilipat ang mga tao dahil sa mga pagbabago sa gawain ng ebanghelyo at mula sa pagiging superbisor ay naging simpleng miyembro na lamang sila ng grupo, at sila ay ipinadala sa bagong lugar upang magpalaganap ng ebanghelyo. Iniisip nila, “Naku, pababa ang posisyon ko imbes na pataas. Wala pang nailipat bago ako dumating dito, kaya bakit nangyayari ang malaking paglilipat na ito ngayon na nandito na ako? Ngayong ipinadala na ako rito, wala nang pag-asa na maitaas pa ang ranggo ko.” Kaunti lang ang mga iglesia at mga miyembro ng iglesia sa bagong lugar. Nakaranas sila ng mga paghihirap sa pag-uumpisa ng gawain at wala silang anumang karanasan. Kinailangan nilang lutasin ito nang ilang panahon, at may mga problema rin sa wika, kaya’t ano ang magagawa nila? Gusto na nilang sumuko at umalis, ngunit hindi sila naglalakas-loob; nais nilang magawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin subalit napakahirap at nakakapagod ito, at iniisip nila, “Hay, ito ay dahil sa sobrang malas ko! Paano ko mababago ang aking suwerte?” May mga balakid saanmang direksyon sila tumungo, dama nila na malas sila palagi, na mayroong humaharang sa kanilang bawat galaw, at bawat hakbang ay napakahirap. Nagsumikap sila nang husto para makapagkamit ng ilang resulta, at makakita ng kaunting pag-asa, at pagkatapos ay nagbago ang kanilang sitwasyon, at naglaho ang pag-asa, kaya wala silang ibang magawa kundi ang magsimulang muli. Lalo silang nalulugmok sa depresyon, iniisip na, “Bakit ba sobrang hirap para sa akin na magkamit ng ilang resulta at makuha ang pagsang-ayon ng mga tao? Bakit ba sobrang hirap magkaroon ng matibay na pundasyon sa isang grupo ng mga tao? Bakit ba sobrang hirap na maging isang taong sinasang-ayunan at gusto ng mga tao? Bakit ba sobrang hirap na maging maayos at magaan ang lahat ng bagay? Bakit ba maraming bagay sa buhay ko ang hindi umaayon sa aking mga plano? Bakit ba napakaraming hadlang? Bakit ba palaging may balakid sa lahat ng ginagawa ko?” Partikular na may ilang tao na hindi kailanman nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kahit saan sila pumunta, at palagi silang napapalitan at napapalayas. Palagi silang nalulugmok sa depresyon at naniniwalang malas sila, iniisip na, “Ako ay parang isang mabilis na kabayo na hindi kailanman napapansin. Gaya nga ng kasabihan, ‘Maraming mabilis na kabayo, ngunit iilan lang ang nakakakilala sa mga ito.’ Para akong isang mabilis na kabayo na hindi pa natutuklasan. Sa huli, sadyang malas ako at wala akong makamit na anuman o magawa nang mahusay sa alinmang larangan saanman ako magpunta. Kailanman ay hindi ko magamit ang aking mga kalakasan, o maipakitang-gilas ang mga ito, o makuha ang gusto ko. Hay, sobrang malas ko! Ano bang nangyayari dito?” Palagi silang naniniwala na malas sila at araw-araw silang nababahala, iniisip na, “Naku! Huwag naman sana akong ilipat sa ibang tungkulin,” o “Naku! Wala sanang mangyaring masama,” o “Naku! Wala sanang maging anumang pagbabago,” o “Naku! Huwag naman sanang magkaroon ng iba pang malalaking problema.” Bukod sa nalulugmok sila sa depresyon, sila rin ay labis na hindi mapakali, balisa, iritable, at nababahala. Palagi nilang iniisip na malas sila, kaya nalulugmok sila nang husto sa depresyon, at ang depresyon na ito ay nagmumula sa kanilang personal na pagkadama ng pagiging malas. Palagi nilang nararamdaman na malas sila, kailanman ay hindi itinataas ang ranggo nila, kailanman ay hindi sila maaaring maging lider ng grupo o superbisor, at kailanman ay hindi sila nagkakaroon ng pagkakataon na mamukod-tangi. Ang mabubuting bagay na ito ay hindi nangyayari sa kanila kailanman, at hindi nila maunawaan kung bakit ganito ang kanilang kalagayan. Iniisip nila, “Wala namang pagkukulang sa akin sa anumang aspeto, kaya bakit hindi ako magustuhan ng sinuman kahit saan ako magpunta? Wala naman akong pinasama ng loob at wala akong pinahirapan, kaya bakit sobrang malas ko?” Dahil palagi silang kumakapit sa gayong mga damdamin, ang emosyon na ito ng depresyon ay palaging nagpapaalala sa kanila, sinasabi na, “Malas ka, kaya huwag kang maging kampante, huwag kang magmayabang, at huwag mong palaging naisin na mamukod-tangi. Malas ka, kaya ni huwag mo nang isipin na magiging lider ka. Malas ka, kaya kailangan mong mas mag-ingat kapag gumaganap sa iyong tungkulin at magpigil ka nang kaunti, sakaling isang araw ay malantad ka at palitan, o sakaling may magsumbong sa iyo nang hindi mo nalalaman at maghanap ng dahilan upang pinsalain ka, o sakaling lagi kang nangunguna at magkamali ka at maiwasto ka. Kahit maging lider ka pa, kailangan mo pa ring maging maingat at mapagbantay sa lahat ng oras, na para bang ikaw ay nasa mata ng panganib. Huwag maging arogante, kailangan mong maging mapagpakumbaba.” Ang negatibong emosyon na ito ay palaging nagpapaalala sa kanila na maging mapagpakumbaba, maging masunurin, at huwag na muling kumilos nang may dangal. Ang ideya, pag-iisip, pananaw, o kamalayan na malas sila ay palaging nagpapaalala sa kanila na huwag maging positibo o aktibo, na huwag pangatwiranan ang kanilang sarili, at huwag ilagay ang kanilang sarili sa kapahamakan. Sa halip, kailangan nilang manatiling lugmok sa depresyon, hindi naglalakas-loob na mamuhay nang nakikita ng iba. Kahit pa ang lahat ay nasa iisang bahay, kailangan nilang maghanap ng mauupuan na medyo tago upang walang masyadong makapansin sa kanila. Hindi dapat sila magmukhang masyadong mayabang, sapagkat sa sandaling magsimula silang magpakita ng kahit kaunting kayabangan, babalik ang kamalasan nila. Dahil ang emosyon ng depresyon ay palaging nakapaligid sa kanila at palaging nagbababala sa kanila tungkol sa mga bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso, sila ay kimi at maingat sa lahat ng kanilang ginagawa. Palaging may kaba sa kanilang puso, hindi nila kailanman mahanap ang tamang lugar para sa kanila, at hindi nila kailanman maibigay ang kanilang buong puso, isip, at lakas sa pagtupad ng kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Para bang may binabantayan sila at may hinihintay na mangyari. Nagbabantay sila laban sa pagdating ng kamalasan, laban sa masasamang bagay at mga kahihiyang idudulot sa kanila ng kanilang kamalasan. Kaya naman, maliban sa mga tunggalian sa kaibuturan ng kanilang puso, ang emosyon ng depresyon ang mas nangingibabaw sa mga paraan ng kanilang pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang asal at kilos. Palagi nilang ginagamit ang suwerte o malas upang sukatin ang kanilang sariling pag-uugali, at suriin kung tama ba ang paraan ng kanilang pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at ang kanilang asal at kilos, at ito ang dahilan kung bakit sila palaging nalulugmok sa emosyon ng depresyon at hindi nila maiahon ang kanilang sarili, at kung bakit hindi nila magamit ang tamang pag-iisip at mga pananaw upang harapin ang diumano’y mga “malas” na bagay na ito, o upang harapin at lutasin ang tinatawag nilang kamalasan nila. Sa ganito kasamang siklo, palagi silang kontrolado at naiimpluwensyahan ng emosyon ng depresyon. Dahil sa kanilang labis na pagsusumikap, naipagtatapat nila ang nilalaman ng kanilang puso at nakapagbabahagi sila sa iba tungkol sa kanilang kalagayan o mga ideya, ngunit sa mga pagtitipon, ang mga salita na binibitiwan ng mga kapatid sa pagbabahaginan, sadya man o hindi, ay nauugnay sa kanilang kalagayan at isyu, na nagpapadama sa kanila na parang nasaktan ang kanilang dangal at dignidad. Naniniwala pa rin sila na ito ay isang pagpapamalas ng kanilang kamalasan, at iniisip nila, “Kita mo na? Sobrang hirap para sa akin na sabihin ang nasa aking puso, at sa sandaling gawin ko ito, may agad na sumusunggab nito at nagtatangka na pinsalain ako. Sobrang malas ko!” Naniniwala sila na ito ay dahil sa kanilang kamalasan at na kapag ang isang tao ay malas, tiyak na lahat ng bagay ay magiging salungat sa kanya.
Ano ang problema sa mga taong palaging iniisip na malas sila? Palagi nilang ginagamit ang pamantayan ng suwerte upang sukatin kung tama o mali ang kanilang mga ikinikilos, at upang timbangin kung aling landas ang dapat nilang tahakin, ang mga bagay na dapat nilang maranasan, at ang anumang problema na kanilang hinaharap. Tama ba iyon o mali? (Mali.) Nilalarawan nila ang masasamang bagay bilang malas at ang mabubuting bagay bilang suwerte o kapaki-pakinabang. Tama ba o mali ang perspektibang ito? (Mali.) Ang pagsukat ng mga bagay mula sa ganitong uri ng perspektiba ay mali. Ito ay isang sagad-sagaran at maling paraan at pamantayan ng pagsukat ng mga bagay-bagay. Dahil sa ganitong uri ng pamamaraan, madalas na nalulugmok ang mga tao sa depresyon, at madalas silang nababagabag, at pakiramdam nila ay hindi kailanman nangyayari ang mga gusto nila, at na kailanman ay hindi nila nakukuha ang gusto nila, at sa huli, dahil dito ay palagi silang nababalisa, iritable, at nababagabag. Kapag hindi nalulutas ang mga negatibong emosyon na ito, patuloy na nalulugmok sa depresyon ang mga taong ito at nararamdaman nilang hindi sila pinapaboran ng Diyos. Iniisip nila na mabait ang Diyos sa iba ngunit hindi sa kanila, at na inaalagaan ng Diyos ang iba ngunit sila ay hindi. “Bakit lagi akong nababahala at nababalisa? Bakit palaging nangyayari sa akin ang masasamang bagay? Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang mabubuting bagay? Kahit isang beses lang, iyon lang ang hinihiling ko!” Kapag tinitingnan mo ang mga bagay-bagay gamit ang ganitong maling paraan ng pag-iisip at perspektiba, ikaw ay mahuhulog sa bitag ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay patuloy na nahuhulog sa bitag na ito, patuloy kang makadarama ng depresyon. Sa gitna ng depresyon na ito, lalo kang magiging sensitibo sa kung ang mga bagay na nagaganap sa iyo ay suwerte ba o malas. Kapag ito ay nangyari, pinapatunayan nito na kontrolado ka na ng perspektiba at ideya ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay kontrolado ng ganitong uri ng perspektiba, ang iyong mga pananaw at saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay ay wala na sa saklaw ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at sa halip ay naging sagad-sagaran na. Kapag ikaw ay naging sagad-sagaran na, hindi ka makakaahon sa iyong depresyon. Paulit-ulit kang malulugmok sa depresyon, at kahit na ikaw ay karaniwang hindi nakakaramdam ng depresyon, sa sandaling may mangyaring hindi kanais-nais, sa sandaling madama mo na may nangyaring kamalasan, agad kang malulugmok sa depresyon. Ang depresyong ito ay makakaapekto sa iyong normal na paghusga at pagpapasya, at maging sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan. Kapag ito ay nakaapekto sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan, guguluhin at sisirain nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, pati na rin ang iyong kagustuhan at pagnanais na sundin ang Diyos. Kapag ang mga positibong bagay na ito ay nasira, ang ilang katotohanan na iyong naunawaan ay mawawala na parang bula at hindi makakatulong sa iyo. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag ikaw ay nahulog sa masamang siklo na ito, magiging mahirap para sa iyo na isagawa ang ilang katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan. Kapag iyo nang nadama na nasa iyo na ang suwerte, kapag hindi ka na nasusupil ng depresyon, ay saka mo lamang kayang mabigat sa loob na magbayad ng kaunting halaga, magdusa ng kaunting hirap, at magpakita ng kaunting sinseridad habang ginagawa ang mga bagay na handa kang gawin. Sa sandaling madama mong nawala na ang iyong suwerte at nangyayari na sa iyong muli ang mga kamalasan, mabilis kang pinangingibabawang muli ng iyong depresyon, at ang iyong sinseridad, katapatan, at kahandaang magtiis ng hirap ay biglang mawawala sa iyo. Kaya naman, ang mga taong naniniwala na sila ay malas o yaong labis na sineseryoso ang suwerte, ay katulad lang ng mga taong naniniwala na masama ang kanilang kapalaran. Madalas na mayroon silang sagad-sagarang mga emosyon—partikular na madalas silang nalulugmok sa mga negatibong emosyon tulad ng depresyon. Sila ay lalo pang negatibo at mahina, at may tendensiya pa ngang maging pabago-bago ang lagay ng kanilang loob. Kapag nadarama nilang suwerte sila, sila ay puno ng kasiyahan, puno ng enerhiya, at kaya nilang magtiis ng mga hirap at magbayad ng halaga; kaya nilang matulog nang mas kaunting oras sa gabi, at kumain nang mas kaunti tuwing umaga, handa silang magtiis ng anumang hirap, at kung makaramdam sila ng panandaliang pananabik, masaya nilang iaalay ang kanilang buhay. Ngunit sa sandaling maramdaman nila na sila ay malas kamakailan, kapag tila wala na yatang tama na nangyayari sa kanila, agad na napupuno ng damdamin ng depresyon ang kanilang puso. Nababalewala ang lahat ng panata at resolusyong ginawa nila noon; bigla silang nagiging parang isang bola na sumingaw, wala nang enerhiya, o nanlambot na, ayaw gumawa ng anuman o magsabi ng anuman. Iniisip nila, “Ang mga katotohanang prinsipyo, paghahangad sa katotohanan, pagkamit ng kaligtasan, pagsunod sa Diyos—walang kinalaman sa akin ang mga ito. Ako ay malas at walang halaga kahit gaano karaming katotohanan ang aking isagawa o gaano kalaking halaga ang aking ibayad, hindi ko kailanman makakamit ang kaligtasan. Katapusan ko na. Para akong isang sumpa, isang malas na indibidwal. Kung ganoon, bahala na, malas naman talaga ako!” Kita mo, sa una ay para silang bolang sasabog na sa dami ng hangin nito, tapos bigla na lang silang lumalambot. Hindi ba’t problematiko ito? Paano nangyayari ang problemang ito? Ano ang ugat ng problema? Palagi nilang inoobserbahan ang sarili nilang kapalaran, na para bang inoobserbahan nila ang stock market, upang makita kung ito ba ay umaangat o bumabagsak, kung ito ba ay isang bull market o bear market. Palagi silang balisa, lubhang sensitibo sa usapin ng kanilang kapalaran, at sobrang matigas ang ulo. Ang ganitong uri ng sagad-sagarang tao ay madalas na malulugmok sa emosyon ng depresyon dahil sobra nilang iniintindi ang kanilang sariling kapalaran at namumuhay sila batay sa lagay ng kanilang loob. Kung masama ang gising nila sa umaga, iniisip nila, “Naku! Sigurado akong hindi ako magiging suwerte ngayong araw. Ilang araw nang pumipintig ang talukap ng kaliwa kong mata, ang aking dila ay parang naninigas, at ang aking utak ay mabagal. Nakagat ko ang dila ko habang kumakain, at hindi maganda ang panaginip ko kagabi.” O iniisip nila, “Ang mga unang salita na narinig ko na sinabi ng isang tao ngayong araw ay tila isang masamang pangitain.” Palagi silang praning, walang tigil na nagsasalita tungkol sa kung anu-ano, at sinisiyasat nila nang husto ang mga bagay-bagay. Lubos silang nag-aalala sa kanilang sariling kapalaran, direksyon, at lagay ng loob araw-araw at sa bawat yugto. Inoobserbahan din nila ang pagtingin, ugali, at maging ang tono ng boses sa kanila ng lahat ng kanilang kapatid sa iglesia. Ang kanilang puso ay abala sa mga bagay na ito, na nagdudulot sa kanila na palaging malugmok sa depresyon. Alam nila na hindi maganda ang kalagayan nila, ngunit hindi sila nagdarasal sa Diyos, o naghahanap sa katotohanan upang malutas ito, at ano man ang mga tiwaling disposisyon na kanilang inihahayag, hindi nila binibigyang-pansin o sineseryoso ang mga ito. Hindi ba’t ito ay isang problema? (Oo, ito ay isang problema.)
Ang mga taong ito na laging nag-aalala kung sila ay suwerte o malas—tama ba ang paraan ng kanilang pagtingin sa mga bagay? Mayroon bang suwerte o malas? (Wala.) Ano ang batayan para sabihin na hindi umiiral ang mga ito? (Ang mga tao na ating nakakasalamuha at ang mga bagay na nangyayari sa atin araw-araw ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Wala talagang suwerte o malas; lahat ng bagay ay nangyayari dahil sa pangangailangan at may kabuluhan sa likod nito.) Tama ba ito? (Oo, ito ay tama.) Ang pananaw na ito ay tama, at ito ang teoretikal na batayan para sabihing hindi umiiral ang suwerte. Anuman ang mangyari sa iyo, maging ito man ay maganda o masama, lahat ng ito ay normal lamang, tulad lang ng panahon sa apat na season—hindi pwedeng araw-araw ay maaraw. Hindi mo maaaring sabihing ang mga araw na masikat ang araw ay isinaayos ng Diyos, samantalang ang mga araw na maulap, ang ulan, hangin, at mga bagyo ay hindi. Ang lahat ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at ito ay nagmumula sa natural na kalikasan. Ang natural na kalikasan na ito ay umuusbong ayon sa mga batas at tuntunin na isinaayos at itinakda ng Diyos. Lahat ng ito ay kinakailangan at mahalaga, kaya anuman ang lagay ng panahon, ito ay nagmula sa mga batas ng kalikasan at idinulot ng mga ito. Walang maganda o masama rito—ang mga damdamin lang ng mga tao tungkol dito ang maganda o masama. Hindi maganda ang pakiramdam ng mga tao kapag umuulan, mahangin, o maulap, o kapag umuulan ng yelo. Lalong ayaw ng mga tao kapag maulan at basa ang paligid, sumasakit ang mga kasu-kasuan nila at nanghihina sila. Maaaring hindi mo gusto ang mga araw na maulan, pero masasabi mo bang malas ang mga araw na maulan? Ito ay pakiramdam lamang na idinudulot ng panahon sa mga tao—walang kinalaman ang suwerte sa katunayan na umuulan sa araw na iyon. Maaaring sabihin mo na mainam kapag maaraw. Kung maaraw sa loob ng tatlong buwan, nang walang kahit isang patak ng ulan, maganda ang pakiramdam ng mga tao. Araw-araw nilang nakikita ang araw, at tuyo ang paligid at hindi maginaw at paminsan-minsan ay humahangin, at nakakalabas sila ng bahay kailanman nila gustuhin. Pero hindi ito nakakayanan ng mga halaman, at ang mga pananim ay namamatay dahil sa tagtuyot, kaya’t walang ani sa taon na iyon. Kaya, talaga bang maganda ito dahil lang sa pakiramdam mong maganda ito? Kapag dumating ang taglagas, at wala kang makain, sasabihin mo, “Naku po, hindi rin maganda na masyadong mahaba ang tag-araw. Kung hindi uulan, magdurusa ang mga pananim, walang maaaning pagkain, at magugutom ang mga tao.” Sa puntong ito, mapagtatanto mo na hindi rin maganda ang walang katapusang tag-araw. Ang totoo, ang pagkagusto o hindi ng isang tao sa isang bagay ay batay sa kanyang sariling mga motibo, ninanasa, at interes, sa halip na sa diwa ng bagay na iyon mismo. Kaya naman, ang batayan ng mga tao sa pagsukat kung ang isang bagay ay maganda ba o masama ay hindi tumpak. Dahil ang batayan ay hindi tumpak, ang pangwakas na mga konklusyon na kanilang nabubuo ay hindi rin tumpak. Bumalik tayo sa paksa ng suwerte o malas, ngayon ay alam na ng lahat na ang kasabihang ito tungkol sa suwerte ay walang saysay, at na ito ay hindi maganda at hindi rin masama. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo, maging ang mga ito man ay maganda o masama, ay pawang itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya dapat harapin mo nang wasto ang mga ito. Tanggapin mo ang magandang bagay mula sa Diyos, at tanggapin mo rin ang masamang bagay mula sa Diyos. Huwag mong sabihing suwerte ka kapag mabubuting bagay ang nangyayari, at na malas ka kapag masasamang bagay ang nangyayari. Masasabi lamang na mayroong mga aral na dapat matutunan ang mga tao sa lahat ng bagay na ito, at hindi nila ito dapat tanggihan o iwasan. Pasalamatan ang Diyos para sa mabubuting bagay, ngunit pasalamatan din ang Diyos para sa masasamang bagay, sapagkat ang lahat ng ito ay isinaayos Niya. Ang mabubuting tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran ay nagbibigay ng mga aral na dapat matutunan nila, ngunit may mas higit pa na matututunan sa masasamang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran. Lahat ng ito ay mga karanasan at senaryo na dapat maging bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi dapat gamitin ng mga tao ang ideya ng suwerte para sukatin ang mga ito. Kaya, ano ang mga iniisip at pananaw ng mga taong gumagamit ng suwerte para sukatin kung ang mga bagay ay mabuti ba o masama? Ano ang diwa ng gayong mga tao? Bakit masyado nilang binibigyang-pansin ang suwerte at malas? Ang mga tao bang masyadong nakatuon sa suwerte ay umaasa na suwerte sila, o umaasa ba silang malas sila? (Umaasa silang suwerte sila.) Tama iyan. Sa katunayan, hinahangad nila ang suwerte at na mangyari sa kanila ang mabubuting bagay, at sinasamantala lang nila ang mga ito at pinakikinabangan ang mga ito. Wala silang pakialam kung gaano man magdusa ang iba, o kung gaano karaming paghihirap o suliranin ang kailangang tiisin ng iba. Ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang bagay na sa tingin nila ay malas. Sa madaling salita, ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang masama: walang mga dagok, pagkabigo o pagkapahiya, walang pagwawasto o pagtatabas, walang kawalan, pagkatalo, o pagkalinlang. Kapag nangyari ang anuman sa mga iyon, iniisip nilang malas ito. Sinuman ang nagsaayos nito, kung mangyari ang masasamang bagay, malas ito. Umaasa sila na ang lahat ng mabubuting bagay—ang maitaas ang ranggo, mamukod-tangi, at ang masamantala ang iba, ang makinabang mula sa ibang bagay, kumita nang malaki, o maging opisyal na mataas ang ranggo—ay mangyayari sa kanila, at iniisip nila na suwerte iyon. Palagi nilang sinusukat batay sa suwerte ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap nila. Hinahangad nila ang suwerte, hindi ang malas. Sa sandaling magkaroon ng aberya sa kaliit-liitang bagay, sila ay nagagalit, nayayamot, at hindi nasisiyahan. Sa mas prangkang pananalita, makasarili ang ganitong uri ng mga tao. Hinahangad nilang masamantala ang iba, makinabang, manguna, at mamukod-tangi. Masisiyahan sila kung sa kanila lang mangyayari ang lahat ng mabubuting bagay. Ito ang kanilang kalikasang diwa; ito ang tunay nilang mukha.