Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2 (Unang Bahagi)
Sa ating nakaraang pagtitipon, nagbahaginan tayo sa isang malaking paksa: paano sikaping matamo ang katotohanan. Paano sikaping matamo ang katotohanan—paano nga ba tayo nagbahaginan sa usaping ito? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa dalawang aspeto: Ang una ay ang “pagbitaw,” at ang pangalawa ay ang “pag-aalay.” Tungkol sa pagbitaw, tinalakay ng Diyos ang mga negatibong damdamin na umiiral sa tao. Partikular na nagbahagi ang Diyos tungkol sa mga epekto at kahihinatnan sa ating tungkulin ng mga negatibong damdamin ng pagiging mas mababa, pagkagalit, at pagkamuhi. Ang pagbabahagi ng Diyos ay nagbigay sa atin ng ibang pagkaunawa sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Nakita natin kung paano natin madalas na hindi napapansin ang mga negatibong emosyon na inihahayag natin araw-araw, at kadalasan ay hindi natin nakikilatis o nauunawaan ang ating mga negatibong emosyon. Hindi patas tayong humuhusga na sadyang ganitong uri tayo ng tao. Dinadala natin sa ating tungkulin ang mga negatibong damdamin na ito, at may direktang epekto ito sa mga resulta ng tungkuling iyon. Naiimpluwensyahan din nito kung paano natin tingnan ang mga tao at bagay-bagay at kung paano natin harapin ang mga suliranin sa ating buhay. Dahil dito ay napakahirap para sa atin na tahakin ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan.) Sa huling pagtitipon natin, nagbahagi Ako tungkol sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Pagdating sa pagsasagawa, may dalawang pangunahing landas—ang pagbitaw at ang pag-aalay. Noong huli, binuod natin ang mga pangunahing isyu na kaugnay ng unang aspeto ng unang landas, ang “pagbitaw”—ibig sabihin, kailangan ng isang tao na bitawan ang iba’t ibang uri ng emosyon. Karamihan sa mga ito ay mga negatibong emosyon—yaong mga hindi normal, hindi makatwiran, at hindi umaayon sa konsiyensiya at katwiran. Sa mga ito, ang ating pagbabahaginan ay nakatuon sa mga negatibong emosyon ng pagiging mas mababa, pagkagalit, at pagkamuhi, pati na rin sa ilang pag-uugaling resulta ng pamumuhay sa mga negatibong emosyon na ito, iba’t ibang negatibong emosyon na resulta ng ilang partikular na pangyayari o karanasan sa pag-unlad, at mga negatibong emosyon na ipinakikita ng isang hindi normal na pagkatao. Bakit nga ba kailangan bitawan ang mga negatibong emosyon na ito? Sapagkat ang mga emosyong ito, sa obhetibong pagtingin, ay nagdudulot ng mga negatibong perspektiba at pananaw sa mga tao, na nakaiimpluwensya sa kanilang nagiging panininidigan kapag nahaharap sa mga tao, pangyayari, o bagay-bagay. Kaya, ang unang aspeto ng paraang ito ng pagsasagawa—ang pagbitaw—ay nangangailangan na bitawan ng mga tao ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Nitong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa mga negatibong emosyong ito. Ngunit bukod sa pagiging mas mababa, pagkagalit, at pagkamuhi na pinagbahaginan natin, siyempre ay mayroong iba’t ibang emosyon na maaaring makaapekto sa mga pananaw ng normal na pagkatao. Nakakasagabal ang mga ito sa konsiyensiya, katwiran, pag-iisip, at paghusga ng normal na pagkatao, at maaaring makaapekto sa mga resulta ng pagsisikap ng tao na matamo ang katotohanan. Ibig sabihin, ang mga negatibong emosyon na ito ang mga unang bagay na kailangang bitawan ng sangkatauhan sa pagsisikap nitong matamo ang katotohanan. Sa ating pagtitipon ngayon, itutuloy natin ang paksa—kung paano bitawan ang iba’t ibang negatibong emosyon. Una, magbabahaginan tayo sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga negatibong emosyon, at sa pamamagitan ng Aking pagbabahagi tungkol sa mga pagpapamalas na ito, makakakuha ang tao ng kaalaman tungkol sa mga negatibong emosyon, maihahambing niya ang mga ito sa kanyang sarili, at makakapag-umpisa siyang lutasin ang mga ito nang paisa-isa, sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng paghahanap at pag-unawa sa katotohanan, at sa pagkilala at sa pagsusuri sa mga negatibong kaisipan at opinyon, pati na rin sa mga hindi normal na perspektiba at paninindigan, na idinudulot ng mga negatibong emosyon sa mga tao, makapagsisimula siyang lutasin ang mga negatibong damdaming iyon.
Nitong huli, pinag-usapan natin ang negatibong emosyon na “depresyon.” Una sa lahat, karamihan ba ng mga tao ay nararamdaman ang depresyon? Nauunawaan ba ninyo ang uri ng damdamin at lagay ng kalooban na depresyon, at kung ano ang mga pagpapamalas nito? (Oo.) Madali itong maunawaan. Hindi na natin pag-uusapan nang husto ang “depresyon,” ilalarawan lang natin ang mga pagpapamalas na dulot ng damdamin na depresyon sa mga nananalig at sumusunod sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “depresyon?” Ang ibig sabihin nito ay ang pagiging malungkot, pagiging hindi maganda ng pakiramdam, kawalan ng interes sa anumang ginagawa mo, kawalan ng sigla, kawalan ng motibasyon, pagkakaroon ng negatibo at pasibong saloobin sa mga ginagawa mo, at kawalan ng anumang determinasyong magpursigi. Kaya, ano nga ba ang ugat ng mga pagpapamalas na ito? Ito ang pangunahing isyu na kailangang suriin. Sa sandaling maintindihan na ninyo ang iba’t ibang pagpapamalas ng depresyon, pati na ang iba’t ibang lagay ng pag-iisip, kaisipan, at saloobin sa paggawa ng mga bagay-bagay na dulot ng negatibong emosyon na ito, dapat ninyong maunawaan kung ano ang mga dahilan ng mga negatibong emosyon na ito, ang ibig sabihin, kung ano ang mga ugat na nasa likod ng mga negatibong emosyon na ito, na nagdudulot ng mga ito sa mga tao. Bakit nahuhulog ang mga tao sa depresyon? Bakit wala silang nararamdamang motibasyon na gumawa ng mga bagay-bagay? Bakit sila palaging negatibo, pasibo, at walang determinasyon kapag gumagawa ng mga bagay-bagay? Malinaw na may dahilan ito. Halimbawa, nakikita mo ang isang tao na palaging malungkot at pasibo sa paggawa ng mga bagay-bagay, wala siyang enerhiya, ang kanyang mga emosyon at saloobin ay hindi gaanong positibo o optimistiko, at palagi siyang nagpapakita ng isang saloobin na negatibo, mapanisi, at walang pag-asa. Binibigyan mo siya ng payo pero kailanman ay hindi niya pinakikinggan ito, at bagamat kinikilala niyang ang landas na itinuro mo sa kanya ay ang tamang landas at na mahusay ang katwiran mo, wala pa rin siyang sigla kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, at negatibo at pasibo pa rin siya. Sa malulubhang kaso, sa mga kilos ng kanyang katawan, sa kanyang hugis ng katawan, paraan ng paglakad, tono ng pananalita, at mga salitang sinasabi, makikita mo sa mga damdamin ng taong ito na mayroon talaga siyang depresyon, na wala siyang sigla sa lahat ng kanyang ginagawa, at na siya ay parang isang napiping bunga, at ang sinumang matagal na makakasama ng taong iyon ay maaapektuhan niya. Ano nga ba ito? Ang iba’t ibang pag-uugali, ekspresyon ng mukha, tono ng pananalita, at maging ang mga kaisipan at pananaw na ipinapahayag ng mga taong nabubuhay sa depresyon ay may mga negatibong katangian. Kaya, ano ba ang dahilan sa likod ng mga negatibong pangyayaring ito? Nasaan ang ugat nito? Siyempre, iba-iba ang pinag-uugatan ng pag-usbong ng negatibong damdamin na depresyon sa bawat tao. Ang pagkaramdam ng depresyon ng isang uri ng tao ay maaaring nagmumula sa kanyang palagiang paniniwala na mayroon siyang masamang kapalaran. Hindi ba’t isa ito sa mga sanhi? (Oo.) Noong siya ay bata pa, nakatira siya sa probinsya o sa isang mahirap na lugar, ang kanyang pamilya ay hindi mayaman at maliban sa ilang simpleng kagamitan, wala siyang masyadong mahalagang pag-aari. Marahil ay mayroon siyang isa o dalawang set ng damit na kailangan niyang isuot kahit na may mga butas na ang mga ito, at karaniwan na hindi siya nakakakain ng masasarap na pagkain, kundi kailangan pa niyang maghintay ng Bagong Taon o ng mga pista upang makakain ng karne. Minsan siya ay nagugutom at wala siyang sapat na maisusuot upang hindi siya ginawin, at ang pagkakaroon ng isang malaking mangkok na puno ng karne ay isang malabong pangarap lamang, at kahit ang paghanap ng isang pirasong prutas para makain ay mahirap. Dahil siya ay nabubuhay sa gayong kapaligiran, nararamdaman niya na iba siya sa ibang mga tao na nakatira sa malaking lungsod, na may mayayamang magulang, at nakakakain at nakakapagsuot ng anumang naisin nila, na agad nakukuha ang lahat ng naisin nila, at maalam sa mga bagay-bagay. Iniisip niya, “Ang ganda ng kapalaran nila. Bakit ang aking kapalaran ay napakasama?” Gusto niya na palaging mamukod-tangi at mabago ang kanyang kapalaran. Ngunit hindi ganoon kadaling baguhin ang kapalaran ng isang tao. Kapag isinilang ang isang tao sa gayong sitwasyon, kahit na subukan pa niya, mababago ba niya nang husto ang kanyang kapalaran, at mapapabuti ba niya ito nang husto? Kapag nasa hustong gulang na siya, hinaharang siya ng mga hadlang saanmang dako siya pumunta sa lipunan, siya ay inaapi saanman siya magpunta, kaya palagi niyang nararamdaman na malas siya. Iniisip niya, “Bakit ba napakamalas ko? Bakit ba palagi akong nakakatagpo ng masasamang tao? Mahirap ang buhay noong bata pa ako, at sadyang ganoon talaga iyon. Ngayong ako ay matanda na, mahirap pa rin ang sitwasyon. Gusto ko palaging ipakita kung ano ang kaya kong gawin, pero kailanman ay hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon. Kung hindi ako magkakaroon ng pagkakataon kailanman, hindi bale na. Gusto ko lang naman magsikap at kumita ng sapat na pera upang magkaroon ng magandang buhay. Bakit ba kahit iyon ay hindi ko magawa? Bakit ba napakahirap na magkaroon ng magandang buhay? Hindi ko naman kailangang mamuhay nang nakahihigit sa lahat ng iba pa. Gusto kong mamuhay na parang isang taong tagalungsod man lang at hindi mahamak ng mga tao, at hindi maging mas mababang klase na mamamayan. Kahit papaano, kung tatawagin ako ng mga tao ay hindi sila sisigaw ng ‘Hoy ikaw, halika rito!’ Kahit papaano ay tatawagin nila ako sa aking pangalan at kakausapin nang may respeto. Pero hindi ko man lang matamasa na kausapin ako nang may respeto. Bakit ba napakalupit ng aking tadhana? Kailan ba ito matatapos?” Noong hindi pa nananalig sa Diyos ang gayong tao, itinuturing niyang malupit ang kanyang tadhana. Ngunit pagkatapos niyang magsimulang manalig sa Diyos at makita na ito ang tunay na daan, iniisip na niya na, “Sulit ang lahat ng paghihirap noon. Lahat ng iyon ay pinangasiwaan at ginawa ng Diyos, at mabuti ang ginawa ng Diyos. Kung hindi ako nagdusa nang ganoon, hindi sana ako nanalig sa Diyos. Ngayong nananalig na ako sa Diyos, kung matatanggap ko ang katotohanan, dapat ay maging mas maganda na ang tadhana ko. Ngayon ay nakapamumuhay na ako ng patas na buhay sa iglesia kasama ng mga kapatid ko, at tinatawag ako ng mga tao na ‘Brother’ o ‘Sister,’ at kinakausap nila ako nang may paggalang. Ngayon, natatamasa ko na ang pakiramdam na nirerespeto ako ng iba.” Mukhang nagbago na ang tadhana niya, at tila hindi na siya nagdurusa at wala na siyang masamang kapalaran. Sa sandaling magsimula siyang manalig sa Diyos, nagiging determinado siyang magampanan nang mabuti ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nagagawa niyang magtiis ng mga paghihirap at magpakasipag, mas nakakayanan niya ang anumang usapin kaysa sa ibang tao, at nagsusumikap siyang makamit ang pagsang-ayon at paggalang ng karamihan. Iniisip niya na baka mapili pa siyang lider sa iglesia, isa sa mga tagapamahala, o lider ng grupo, at kung magkagayon, hindi ba’t bibigyang-karangalan niya ang kanyang mga ninuno at pamilya? Hindi ba’t nabago na niya ang kanyang tadhana kung magkagayon? Ngunit ang kanyang mga pangarap ay hindi natutupad sa realidad, kaya pinanghihinaan siya ng loob at iniisip niya, “Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at magandang-maganda ang ugnayan ko sa mga kapatid, pero bakit tuwing panahon na para pumili ng lider, ng tagapamahala, o ng lider ng grupo, hindi ako kailanman napipili? Dahil ba sobrang ordinaryo ng hitsura ko, o dahil hindi ganoon kahusay ang pagganap ko, at walang nakapansin sa akin? Tuwing may botohan, umaasa ako nang kaunti, at magiging masaya na ako kung mapipili ako bilang isang lider ng grupo man lang. Punong-puno ako ng kasiglahan na masuklian ang Diyos, pero lagi lang akong nadidismaya sa tuwing may botohan at hindi man lang ako nasasali sa mga ibinoboto. Bakit ganoon? Maaari kayang ang kaya ko lang talagang gawin sa buong buhay ko ay ang maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang taong hindi kahanga-hanga? Kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking pagkabata, kabataan, at noong may edad na ako, ang landas na aking tinahak ay palaging napakaordinaryo at wala akong nagawang anumang kahanga-hanga. Hindi naman sa wala akong ambisyon, o na masyadong kulang ang aking kakayahan, at hindi rin sa kulang ako sa pagsusumikap o na hindi ko kayang magtiis ng hirap. May mga pangarap at mithiin ako, at masasabi pa ngang may ambisyon ako. Kaya bakit ba kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi? Sa huling pagsusuri, masama lang talaga ang aking kapalaran at nakatadhana na akong magdusa, at ganito isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin.” Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas pumapangit ang tingin niya sa kanyang kapalaran. Sa ordinaryong takbo ng kanyang mga tungkulin, kung nagbibigay siya ng ilang mungkahi o nagpapahayag ng ilang opinyon at palaging nakatatanggap ng mga pagtutol, at walang nakikinig sa kanya o sumeseryoso sa kanya, lalo pa siyang nalulungkot, at iniisip niya, “Naku, masama talaga ang tadhana ko! Sa bawat grupo na kinabibilangan ko, palaging may masamang tao na humaharang sa aking pag-usad at nang-aapi sa akin. Kailanman ay walang sumeseryoso sa akin at kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi. Sa huli ay dito lang din nauuwi: masama lang talaga ang tadhana ko!” Anuman ang mangyari sa kanila, palagi nilang iniuugnay ito sa pagkakaroon nila ng masamang kapalaran; palagi nilang pinaglalaanan ng lakas ang ideyang ito ng pagkakaroon ng masamang kapalaran, nagsusumikap silang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa at pagpapahalaga rito, at habang iniisip nila ito, mas lalong nalulugmok sa depresyon ang kanilang damdamin. Kapag nakagagawa sila ng maliit na pagkakamali sa pagganap ng kanilang tungkulin, iniisip nila, “Naku, paano ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko kung ganito kasama ang kapalaran ko?” Sa mga pagtitipon, nagbabahagi ang kanilang mga kapatid at iniisip nila ito nang paulit-ulit, ngunit hindi nila ito nauunawaan, at iniisip nila, “Naku, paano ko mauunawaan ang mga bagay-bagay kung ganito kasama ang kapalaran ko?” Tuwing nakakakita sila ng isang taong mas magaling magsalita kaysa sa kanila, na kayang mas malinaw at mas maliwanag na talakayin ang pagkaunawa nito kaysa sa kanila, lalo pa silang nalulugmok sa depresyon. Kapag nakakakita sila ng isang taong kayang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, na nakakakita ng mga resulta sa pagganap ng tungkulin nito, na nakatatanggap ng pagsang-ayon ng kanyang mga kapatid at naitataas ang ranggo, nararamdaman nila ang kalungkutan sa kanilang puso. Kapag nakakakita sila ng isang tao na nagiging lider o manggagawa, lalo pa silang nalulugmok sa depresyon, at kahit kapag nakakakita sila ng isang taong mas magaling kumanta at sumayaw kaysa sa kanila, at nadarama nilang mas mababa sila sa taong iyon, ay nalulugmok sila sa depresyon. Sinumang mga tao, o anumang mga pangyayari, o bagay ang kanilang nakahaharap, o anumang sitwasyon ang kanilang nakahaharap, palagi silang tumutugon sa mga ito nang may mga damdamin na lugmok sa depresyon. Kahit kapag nakakakita sila ng isang taong may suot na damit na medyo mas maganda kaysa sa kanila o na ang ayos ng buhok ay medyo mas maganda, palagi silang nalulungkot, at umuusbong ang selos at inggit sa kanilang puso hanggang sa wakas ay malugmok silang muli sa depresyon. Ano ang mga idinadahilan nila? Iniisip nila, “O, hindi ba’t ito ay dahil sa masama ang kapalaran ko? Kung medyo mas may hitsura ako, kung ang tikas ko ay katulad ng sa kanila, kung ako ay matangkad na may magandang pangangatawan, may magagarang damit at maraming pera, may mabubuting magulang, kung nagkagayon, hindi ba’t iba ang magiging lagay ng mga bagay kumpara sa ngayon? Kung nagkagayon, hindi ba’t titingalain ako ng mga tao, at maiinggit at magseselos sila sa akin? Sa huli, masama ang kapalaran ko at wala akong ibang masisisi. Sa ganito kasamang kapalaran, walang nangyayaring tama sa akin, at hindi ako makalakad kahit saan nang hindi natitisod. Ito’y bunga lamang ng masama kong kapalaran, at wala akong magagawa tungkol dito.” Gayundin, kapag sila ay tinatabasan at iwinawasto, o kapag sinasaway o pinupuna sila ng mga kapatid, o nagmumungkahi ang mga ito sa kanila, tumutugon sila sa mga ito nang may damdaming lugmok sa depresyon. Anu’t anuman, kung ito man ay isang bagay na nangyayari sa kanila o ang lahat ng bagay na nasa kanilang paligid, palagi silang tumutugon nang may iba’t ibang negatibong kaisipan, pananaw, saloobin, at perspektiba na umuusbong mula sa kanilang emosyon na lugmok sa depresyon.
Ang mga taong tulad nito, na palaging iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, ay palaging nadarama na parang ang kanilang puso ay dinudurog ng isang malaking bato. Dahil palagi silang naniniwala na lahat ng nangyayari sa kanila ay nangyayari dahil sa kanilang masamang kapalaran, pakiramdam nila ay hindi nila ito mababago, kahit anong mangyari. Kaya, ano ang kanilang ginagawa? Nagiging negatibo na lang sila at nagpapakatamad at tinatanggap na lang nila ang kanilang masamang kapalaran. Ano nga ba ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Kong tinatanggap na lang nila ang kanilang masamang kapalaran? Iniisip nila, “Ah, iraraos ko na lang nang ganito ang buhay!” Kapag ang ibang tao ay pinupungusan at iwinawasto, nagagawang pagnilayan ng mga taong iyon ang kanilang sarili at sabihing, “Bakit ako pinungusan at iwinasto? Ano ang nagawa ko na salungat sa mga katotohanang prinsipyo? Anong mga tiwaling disposisyon ang aking naihayag? Sapat ba ang lalim at pagkakongkreto ng aking pagkaunawa? Paano ko dapat unawain at lutasin ang mga isyung ito?” Nagsasabi sila ng ganitong mga bagay, at ito ay isang tao na naghahangad sa katotohanan. Subalit, kapag ang taong may diumano’y masamang kapalaran ay pinungusan at iwinasto, pakiramdam niya ay hinahamak siya ng iba, na masama ang kanyang kapalaran, kaya hindi siya nagugustuhan ninuman, at puwede siyang iwasto ng sinumang nagnanais na iwasto siya. Kapag walang nagwawasto sa kanya, napapawi nang kaunti ang kanyang depresyon, ngunit sa sandaling may magwasto sa kanya, lalong lumalala ang kanyang depresyon. Kapag iwinawasto ang ibang tao, maaaring makaramdam sila ng pagkanegatibo sa loob ng ilang araw. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos, at sa tulong at suporta ng kanilang mga kapatid, nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan at unti-unti silang nagbabago, at nakakaalis sila sa negatibong kalagayan na iyon. Subalit, ang mga taong iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, bukod sa hindi nila iniiwan ang negatibong emosyon na iyon, sa kabaligtaran ay mas lalo siyang nakatitiyak na mayroon nga silang masamang kapalaran. Bakit nga ba ganito? Sa pagdating nila sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila ay hindi kailanman lubusang nagagamit ang kanilang mga kakayahan, na palaging sila ang iwinawasto at sinisisi. Iniisip nila, “Nakita mo ba? Ginagawa ito ng ibang tao pero hindi sila iwinawasto, kaya bakit ako iwinawasto kapag ginagawa ko ito? Tiyak na ipinapakita nito na mayroon akong masamang kapalaran!” Kaya sila ay nalulugmok sa depresyon at kawalan ng pag-asa. Paano man subukan ng ibang tao na magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito lubos na nauunawaan, at sinasabi nila, “Kapag iwinawasto kayo ay saglit lang, pero iba ang nangyayari kapag ako ang iwinawasto. Wala akong magawang tama at isinilang ako upang magtiis ng pagwawasto. Wala akong ibang masisisi, sadyang masama lang talaga ang kapalaran ko.” Dahil palagi silang naniniwala na may masama silang kapalaran, at na sila ay mananatili sa ganitong kalagayan hangga’t sila ay nabubuhay, paano man sabihan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao kung paano hangarin ang katotohanan, kung paano gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at kung paano gampanan ang kanilang tungkulin nang pasok sa pamantayan, wala silang nauunawaan sa mga ito. Dahil palagi silang nakatitiyak na mayroon silang masamang kapalaran, pakiramdam nila ay hindi sila bahagi ng kamangha-manghang bagay na ito ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, kaya’t hindi sila gaanong maingat sa pagganap sa kanilang tungkulin. Sigurado sila sa kanilang mga puso na “Ang mga taong may masamang kapalaran ay hindi kayang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin; tanging ang mga taong may magandang kapalaran ang maayos na nakagaganap sa kanilang tungkulin. Kapag ang isang tao ay may magandang kapalaran, nagugustuhan sila ng mga tao kahit saan sila magpunta, at lahat ay madali para sa kanila. May masama akong kapalaran at palagi akong nakatatagpo ng masasamang tao, kailanman ay hindi maganda ang pakiramdam ko kapag gumagawa ako ng aking mga tungkulin—sunud-sunod na nangyayari ang mga kamalasang ito!” Dahil naniniwala silang may masama silang kapalaran, palagi silang nalulumbay at nalulugmok sa depresyon. Palagi silang naniniwala na ang paghahangad sa katotohanan ay isang bagay na pinag-uusapan lamang at na ang isang taong tulad nila na may masamang kapalaran ay walang makakamit kailanman sa paghahangad sa katotohanan. Pakiramdam nila, kahit pa hangarin nila ang katotohanan, wala silang makakamit sa huli, at palagi nilang iniisip na, “Paano makakapasok sa kaharian ang mga taong may masamang kapalaran? Paano magkakamit ng kaligtasan ang mga taong may masamang kapalaran?” Hindi sila nangangahas na paniwalaan ito, kaya’t palagi nilang nililimitahan ang kanilang sarili, iniisip na, “Dahil masama ang kapalaran ko at isinilang ako upang magdusa, hindi naman gaanong masama kung mabuhay ako at maging isang tagapaglingkod sa huli. Mangangahulugan iyon na ang mabubuting gawa ng aking mga ninuno ay magbubunga sa akin, at pagpapalain nila ako ng magandang kapalaran. Dahil masama ang kapalaran ko, bagay lang ako sa paggawa ng hindi espesyal na mga tungkulin, tulad ng pagluluto, paglilinis, o pangangalaga sa mga anak ng mga kapatid, o ng ilang simpleng trabaho, at iba pa. Para naman sa mga gawain sa sambahayan ng Diyos na nagdudulot na ikaw ay mamukod-tangi, malamang na wala akong magiging kinalaman sa mga iyon sa buong buhay ko. Alam mo, pumasok ako sa sambahayan ng Diyos na puno ng sigla, at ano ang nangyari sa akin sa huli? Nagluluto at gumagawa na lamang ng mga manu-manong gawain. Walang nakakapansin kung gaano ako kapagod o kung gaano ito kahirap, walang nakakakita, at walang may pakialam. Kung hindi ito masamang kapalaran ay ewan ko na lang! Ang ibang tao ay mga pangunahing aktor o mga ekstra, gumagawa ng sunud-sunod na mga pelikula, ng sunud-sunod na mga video—sobrang kahanga-hanga ito! Kahit minsan ay hindi pa ako namukod-tangi. Napakahirap ng buhay na ito! Napakasama ng kapalaran ko! Sino ang dapat sisihin sa masamang kapalaran ko? Hindi ba’t kasalanan ko ito? Magpapatuloy lang ako hanggang sa oras ko nang mamatay.” Nalulubog sila nang nalulubog sa negatibong emosyong ito. Bukod sa hindi nila nagagawang pagnilay-nilayan at kilalanin ang kanilang sariling negatibong emosyon, o kung bakit ito nabuo, o kung may anumang kinalaman ba ito sa pagkakaroon ng magandang kapalaran o ng masamang kapalaran, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan upang maunawaan ang mga bagay na ito, sa halip, pikit-mata silang kumakapit sa ideyang lahat ng kanilang problema ay dahil sa masamang kapalaran nila. Ang resulta nito ay lalo silang nalulubog sa mga negatibong emosyong ito at hindi na sila makaahon. Sa huli, dahil sa palaging paniniwala nila na may masama silang kapalaran, nalulugmok sila sa kawalan ng pag-asa, namumuhay nang walang tunay na layunin at kain-tulog na lamang, naghihintay ng kamatayan; sa gayon, lalo at lalo silang nawawalan ng interes sa paghahangad sa katotohanan, sa maayos na pagganap ng kanilang tungkulin, sa pagkakamit ng kaligtasan, at sa iba pang mga hinihingi ng Diyos, at lalo pa nga nilang tinututulan at tinatanggihan ang mga bagay na ito. Ginagawa nilang dahilan at batayan ang kanilang masamang kapalaran para hindi hangarin ang katotohanan at hindi magawang kamtin ang kaligtasan gaya ng inaasahan. Hindi nila sinusuri ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon o negatibong emosyon sa mga sitwasyon na kanilang kinakaharap at sa gayon ay hindi nila nalalaman at nalulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, sa halip, ginagamit nila ang kanilang pananaw sa pagkakaroon ng masamang kapalaran sa kanilang pagtugon sa bawat tao, pangyayari at bagay na nakakaharap at nararanasan nila, at dahil dito ay lalo pa silang nalulugmok sa depresyon. Hindi ba’t ganoon nga ang nangyayari? (Oo.) Kaya, tama ba o mali ang emosyong ito na depresyon kung saan iniisip ng mga tao na may masama silang kapalaran? (Mali ito.) Paano ito naging mali? (Sa palagay ko, medyo radikal ang emosyong ito. Ginagamit nila ang kanilang masamang kapalaran sa kanilang pagpapaliwanag at paglilimita sa lahat ng nangyayari sa kanila. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi sila nagninilay-nilay o bumubuo ng konklusyon sa kung bakit lumilitaw ang mga problemang ito, ni hindi sila naghahanap o nagmumuni-muni. Ito ay ganap na radikal at nakalilimitang paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay.) Paano nga ba nabubuo ang radikal at katawa-tawang paraan na ito ng pagharap sa mga bagay-bagay? Ano ang ugat ng mga damdaming ito na depresyon? (Sa palagay ko, ang ugat ng emosyong ito ay na mali ang landas na sinusundan nila, at mali ang simula ng kanilang paghahanap. Mayroon silang ilang matitinding pagnanasa, palagi silang nakikipagkumpetensya at ikinukumpara ang kanilang sarili sa iba, at kapag hindi nila natutugunan ang kanilang matitinding pagnanasa, lumilitaw ang negatibong emosyon na ito na nasa kalooban nila.) Hindi pa ninyo malinaw na nauunawaan ang diwa ng isyung ito—ang pangunahing kadahilanan ay na mali ang kanilang pananaw sa usapin ng “kapalaran.” Palagi silang naghahangad ng isang magandang kapalaran o gusto nila ng kapalaran na ang lahat ay madali at maginhawa para sa kanila. Palagi silang tumitingin sa kapalaran ng mga tao, at kapag nagsimula silang maghangad ng gayong bagay, ano ang nangyayari sa kanila? Tinitingnan nila ang pamumuhay ng mga tao sa iba’t ibang mga kalagayan, kung ano ang kinakain, sinusuot, pinaglilibangan ng mga ito, at pagkatapos ay ikinukumpara nila ito sa kanilang sariling kalagayan at nararamdaman nila na mas masama ang lahat ng aspeto ng kanilang kalagayan, na ang lahat ay may mas magandang kalagayan kaysa sa kanila, kaya naniniwala silang may masama silang kapalaran. Sa katunayan, hindi naman sila ang may pinakamasamang kalagayan, ngunit palagi nilang inihahambing at sinusukat ang kanilang sarili sa iba, palagi silang nagsisikap na pagnilayan at obserbahan ang usaping ito ng “kapalaran” at pinag-aaralan nila ito nang husto. Ginagamit nila ang perspektiba at pananaw kung ang kapalaran ba ay maganda o masama upang sukatin ang lahat ng bagay, palaging nagsusukat, hanggang sa sila ay malugmok na lamang sa isang sulok at wala nang landas pasulong, at sa huli ay nalulubog sila sa pagkanegatibo. Palagi nilang ginagamit ang pananaw kung maganda o masama ba ang kapalaran upang sukatin ang panlabas na anyo ng lahat ng nangyayari sa halip na tingnan ang diwa ng mga bagay-bagay. Ano ang kanilang nagiging pagkakamali sa paggawa nito? Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay mali at katawa-tawa, at mali ang kanilang mga ideya tungkol sa kapalaran. Ang kapalaran ng tao ay isang napakalalim na usapin na walang sinuman ang malinaw na makakaunawa. Hindi lamang ang petsa ng kapanganakan ng isang tao o ang eksaktong oras ng kanyang kapanganakan ang nagtatakda kung ang kapalaran ng isang tao ay magiging mabuti o masama—ito ay isang misteryo.
Ang isinaayos ng Diyos na kapalaran ng isang tao, ito man ay maganda o masama, ay hindi dapat tingnan o sukatin gamit ang mga mata ng tao o ang mga mata ng manghuhula, ni hindi ito dapat sukatin batay sa laki ng yaman at kabantugang natatamasa ng taong iyon sa kanyang buong buhay, o kung gaano karaming paghihirap ang kanyang nararanasan, o kung gaano siya kamatagumpay sa kanyang paghahangad sa mga oportunidad, kasikatan, at kayamanan. Gayunpaman, ito mismo ang malubhang pagkakamali na ginagawa ng mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran, ito rin ay isang paraan ng pagsukat ng kapalaran ng isang tao na ginagamit ng karamihan ng mga tao. Paano ba sinusukat ng karamihan sa mga tao ang kanilang sariling kapalaran? Paano sinusukat ng mga makamundong tao kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama? Pangunahin na ibinabatay nila ito sa kung ang takbo ng buhay ng taong iyon ay maayos o hindi, kung siya ay nakakapagtamasa o hindi ng yaman at kabantugan, kung siya ay nakapamumuhay nang higit na marangya kaysa sa iba, kung gaano siya nagdurusa at kung gaano karami ang natatamasa niya sa kanyang buong buhay, kung gaano siya katagal mabubuhay, kung ano ang kanyang propesyon, kung ang kanyang buhay ay puno ba ng hirap o kaya ay maginhawa at madali—ang mga ito at iba pa ang kanilang ginagamit upang sukatin kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama. Hindi ba’t ganito niyo rin sinusukat ito? (Oo.) Kaya, kapag ang karamihan sa inyo ay nakakaharap ng isang bagay na hindi ninyo gusto, kapag dumaranas kayo ng paghihirap, o hindi ninyo magawang matamasa ang isang mas mataas na uri ng pamumuhay, iisipin ninyong may masamang kapalaran din kayo, at malulugmok kayo sa depresyon. Ang mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran ay hindi naman laging totoong may masamang kapalaran, gayundin, ang mga nagsasabing sila ay may magandang kapalaran ay hindi naman laging totoong may magandang kapalaran. Paano nga ba nasusukat kung maganda o masama ang kapalaran? Ang iyong kapalaran ay maganda kung nananalig ka sa Diyos, at hindi ito maganda kung hindi ka nananalig sa Diyos—tama bang sabihin ito? (Hindi lagi.) Sinabi ninyong “hindi lagi,” na ibig sabihin ay may ilang nananalig sa Diyos na totoong may masamang kapalaran at ilang mayroon namang magandang kapalaran. Kung ganito nga, may mga hindi nananalig sa Diyos na mayroon ding magandang kapalaran at mayroon ding may masamang kapalaran—tama bang sabihin ito? (Hindi, mali iyon.) Sabihin ninyo sa Akin ang inyong mga dahilan kung bakit ninyo sinasabi ito. Bakit ito mali? (Hindi ako naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay may kinalaman sa kung nananalig siya sa Diyos.) Tama iyan; kung maganda o masama ang kapalaran ng isang tao ay walang kinalaman sa pananalig sa Diyos. Kaya, ano ba ang may kinalaman dito? May kinalaman ba ito sa landas na tinatahak ng mga tao o sa kanilang mga hangarin? Ibig bang sabihin, may magandang kapalaran ang isang tao kung siya ay naghahangad sa katotohanan, ngunit masama ang kapalaran niya kung hindi siya naghahangad sa katotohanan? Sabihin ninyo sa Akin, may magandang kapalaran ba ang isang biyuda? Para sa mga makamundong tao, ang mga biyuda ay may masamang kapalaran. Kung sila ay namatayan ng asawa noong sila ay tatlumpu hanggang apatnapu, tunay na may masama silang kapalaran, talagang napakahirap nito para sa kanila! Ngunit kung ang isang biyuda ay sobrang nagdurusa dahil sa pagkawala ng kanyang asawa, at nanampalataya siya sa Diyos, mahirap pa rin ba ang kanyang kapalaran? (Hindi.) Dahil ang mga hindi pa namatayan ng asawa ay namumuhay nang masaya, maayos ang lahat sa buhay nila, marami silang suporta, pagkain at damit, may pamilya sila na maraming anak at apo, namumuhay sila nang komportable, wala silang anumang hirap o nadaramang anumang espirituwal na pangangailangan, sila ay hindi nananalig sa Diyos at hindi sila mananalig sa Diyos gaano mo man subukang ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Kaya sino ang may magandang kapalaran? (Ang biyuda ang may magandang kapalaran sapagkat siya ay sumampalataya sa Diyos.) Kasi, dahil itinuturing ng mga makamundong tao na may masamang kapalaran ang biyuda, at siya ay labis na nagdurusa, nagbabago siya ng direksyon at nagsisimulang sundan ang ibang landas, at nananalig siya sa Diyos at sumusunod sa Diyos—hindi ba’t ibig sabihin nito ay mayroon na siyang magandang kapalaran ngayon, at siya ay nabubuhay nang maligaya? (Oo.) Ang kanyang masamang kapalaran ay naging magandang kapalaran na. Kung sasabihin mong siya ay may masamang kapalaran, ang kanyang kapalaran sa buhay ay dapat palaging masama at hindi niya ito mababago; kung gayon, paano ba ito mababago? Nagbago ba ang kanyang kapalaran nang magsimula siyang sumampalataya sa Diyos? (Hindi, ito ay dahil nagbago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay.) Dahil nagbago ang kanyang pagtingin sa mga bagay-bagay. Nagbago ba ang obhetibong katunayan ng kanyang sariling kapalaran? (Hindi.) Bago magsimulang sumampalataya sa Diyos ang biyuda, naiinggit siya sa mga babae na hindi pa namamatayan ng asawa, iniisip na, “Tingnan mo siya, kayganda ng kapalaran niya. May asawa siya, may tahanan, namumuhay siya nang masaya at kontento. Hindi niya nararanasan ang sakit na ito na dulot ng pagiging biyuda.” Subalit pagkatapos niyang sumampalataya sa Diyos, iniisip niya, “Ako ngayon ay nananalig na sa Diyos at pinili Niya akong sundan Siya, at magagampanan ko ang aking tungkulin at makakamtan ko ang katotohanan. Sa hinaharap ay makakamit ko ang kaligtasan at makapapasok ako sa kaharian. Kayganda ng kapalarang ito! Hindi siya nabiyuda, ngunit ano ang kanyang kapalaran? Lagi siyang naghahangad na masiyahan sa buhay, naghahangad ng kasikatan, kayamanan, at katayuan, at umaasang magtatagumpay sa kanyang propesyon, at magtatamasa ng kasaganaan at kayamanan, ngunit kalaunan, kapag siya ay namatay, mapupunta pa rin siya sa impiyerno. Masama ang kapalaran niya. Mas maganda ang kapalaran ko kaysa sa kanya!” Nagbago na ang kanyang pananaw, ngunit hindi nagbago ang mga obhetibong katunayan. Ang taong hindi nananalig sa Diyos ay iniisip pa rin na, “Hmph! Mas maganda ang kapalaran ko kaysa sa iyo! Isa kang biyuda, ako ay hindi. Mas maganda ang buhay ko kaysa sa iyo. Maganda ang kapalaran ko!” Gayunpaman, sa mga mata ng babae na nananalig sa Diyos, hindi maganda ang kapalaran nito. Paano nangyari ang pagbabagong ito? Nagbago ba ang obhetibong kapaligiran ng biyuda? (Hindi.) Kaya paano nagbago ang kanyang mga pananaw? (Ang kanyang pamantayan sa pagsukat kung maganda ba o masama ang mga bagay-bagay ay nagbago na.) Oo, ang kanyang mga pananaw sa kung paano sukatin at tingnan ang mga usapin ay nagbago na. Dati ay iniisip niya na ang babaeng hindi nabiyuda ay may magandang kapalaran ngunit ngayon ay iniisip na niya na masama ang kapalaran nito, at dati ay iniisip niya na masama ang kapalaran niya ngunit ngayon ay iniisip na niyang maganda ang kapalaran niya. Magkaibang-magkaiba ang dalawang pananaw na ito kumpara dati, ganap na nagbago ang mga ito. Ano ang nangyayari dito? Hindi nagbago ang obhetibong mga katunayan at kapaligiran, kaya bakit nagbago ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay sa huli? (Pagkatapos niyang matanggap ang katotohanan at ang mga positibong bagay, ginagamit na niya ngayon ang mga tamang pamantayan sa kanyang mga pananaw sa pagsukat kung maganda ba o masama ang mga bagay-bagay.) Nagbago na ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, ngunit nagbago ba ang aktuwal na mga katunayan? (Hindi.) Ang biyuda ay biyuda pa rin, at ang babaeng namumuhay nang masaya ay patuloy pa ring namumuhay nang masaya—wala namang naging pagbabago sa aktuwal na mga katunayan. Kaya, sino ang may magandang kapalaran at sino ang may masamang kapalaran sa huli? Maipapaliwanag mo ba? Iniisip dati ng biyuda na masama ang kapalaran niya, isang dahilan nito ay ang kanyang obhetibong sitwasyon sa buhay, at isa pang dahilan ay ang mga kaisipan at pananaw na dulot ng kanyang obhetibong kapaligiran. Matapos niyang manalig sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa ilang katotohanan, sunod na ring nagbago ang kanyang mga kaisipan, at ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay ay iba na. Kaya, pagkatapos niyang manalig sa Diyos, hindi na niya itinuturing ang sarili niyang may masamang kapalaran, kundi bilang isang taong may magandang kapalaran, sapagkat nagkaroon siya ng pagkakataon na tanggapin ang gawain ng Diyos, at nauunawaan niya ang katotohanan at nakakamit ang kaligtasan—ito ay isang bagay na pauna nang itinakda ng Diyos, at siya ay lubos na pinagpala. Sa sandaling siya ay nanalig na sa Diyos, nakatuon na lamang siya sa paghahangad sa katotohanan, na iba sa mga layuning pinagsikapan niyang matamo noon. Bagamat ang kanyang mga kalagayan sa pamumuhay, kapaligirang pinamumuhayan, at kalidad ng buhay ay pareho pa rin at hindi nagbago, ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nagbago na. Sa katunayan, talaga bang nagkaroon siya ng magandang kapalaran dahil nananalig siya sa Diyos? Hindi naman. Sadya lamang na ngayong nananalig na siya sa Diyos, may pag-asa siya, nakadarama siya ng kasiyahan sa kanyang puso, nagbago na ang mga mithiing kanyang hinahangad, iba na ang kanyang mga pananaw, kaya naman ang kanyang kasalukuyang kapaligirang pinamumuhayan ay nagbibigay sa kanya ng kaligayahan, kasiyahan, kagalakan, at kapayapaan. Nararamdaman niya na ang kanyang kapalaran ay napakaganda na ngayon, higit na mas maganda kaysa sa kapalaran ng babaeng hindi nabiyuda. Ngayon lamang niya napagtatanto na ang kanyang pananaw noon, noong naniniwala siyang masama ang kanyang kapalaran, ay mali pala. Ano ang maaari ninyong makita rito? May mga bagay bang matatawag na “magandang kapalaran” at “masamang kapalaran”? (Wala.) Wala, walang ganito.
Noon pa man ay pauna nang itinakda ng Diyos ang kapalaran ng mga tao, at hindi mababago ang mga ito. Ang “magandang kapalaran” at “masamang kapalaran” na ito ay magkakaiba sa kada tao, at ito ay nakadepende sa kapaligiran, sa kung ano ang nararamdaman ng mga tao at kung ano ang kanilang hinahangad. Kaya naman, ang kapalaran ng isang tao ay hindi maganda at hindi rin masama. Maaaring napakahirap ng buhay mo, ngunit maaari mong isipin na, “Hindi ako naghahangad ng marangyang buhay. Masaya na ako na may sapat akong makakain at maisusuot. Lahat ay dumaranas ng paghihirap sa kanilang buhay. Sinasabi ng mga makamundong tao, ‘Hindi mo makikita ang bahaghari maliban na lang kung umuulan,’ kaya’t may halaga ang paghihirap. Hindi ito masyadong masama, at hindi masama ang kapalaran ko. Binigyan ako ng langit ng kaunting pasakit, ilang pagsubok, at pagdurusa. Iyon ay dahil mataas ang tingin Niya sa akin. Ito ay isang magandang kapalaran!” May mga tao namang nag-iisip na ang paghihirap ay masama, na ito ay nangangahulugan na may masama silang kapalaran, at tanging ang pamumuhay na walang paghihirap, na puno ng kaginhawahan at kaalwanan, ang nangangahulugang may maganda silang kapalaran. Para sa mga hindi mananampalataya, “kanya-kanyang opinyon ito ng mga tao sa usapin.” Paano itinuturing ng mga nananalig sa Diyos ang usaping ito ng “kapalaran”? Pinag-uusapan ba natin ang pagkakaroon ng “magandang kapalaran” o “masamang kapalaran”? (Hindi.) Hindi natin sinasabi ang ganitong mga bagay. Sabihin nang may maganda kang kapalaran dahil nananalig ka sa Diyos, kung gayon, kung hindi mo susundin ang tamang landas sa iyong pananampalataya, kung ikaw ay parurusahan, ilalantad at palalayasin, nangangahulugan ba ito na may magandang kapalaran ka o may masamang kapalaran? Kung hindi ka nananalig sa Diyos, imposibleng ikaw ay mailalantad o mapapaalis. Ang mga hindi nananalig at ang mga relihiyoso ay hindi nagsasalita tungkol sa paglalantad o pagkilatis sa mga tao, at hindi rin sila nagsasalita tungkol sa pagpapaalis o pagpapalayas ng mga tao. Dapat sana ay nangangahulugan ito na may magandang kapalaran ang mga tao kapag sila ay nakakapanalig sa Diyos, ngunit kung sila ay maparurusahan sa huli, ibig bang sabihin niyon na may masama silang kapalaran? Ang dati nilang magandang kapalaran ay biglang nagiging masama—kaya alin nga ba rito? Kung maganda man o hindi ang kapalaran ng isang tao ay hindi isang bagay na maaaring husgahan, hindi ito kayang husgahan ng mga tao. Lahat ng ito ay ginawa ng Diyos, at ang lahat ng isinasaayos ng Diyos ay maganda. Sadyang magkakaiba lang talaga ang takbo ng kapalaran ng bawat indibidwal, o ang kanilang kapaligiran, at ang mga tao, pangyayari, at mga bagay na kanilang kinakaharap, at ang landas sa buhay na kanilang nararanasan sa kanilang mga buhay ay magkakaiba; ang mga bagay na ito ay magkakaiba sa kada tao. Ang kapaligirang pinamumuhayan at kapaligirang kinalalakhan ng bawat indibidwal, na parehong isinaayos ng Diyos, ay lahat magkakaiba. Ang mga bagay na nararanasan ng bawat indibidwal sa kanilang mga buhay ay lahat magkakaiba. Walang tinatawag na magandang kapalaran o masamang kapalaran—lahat ng ito ay isinasaayos ng Diyos, at lahat ng ito ay ginawa ng Diyos. Kung titingnan natin ang usapin mula sa perspektiba na lahat ng ito ay ginawa ng Diyos, lahat ng ginagawa ng Diyos ay maganda at tama; sadya lamang na sa perspektiba ng mga hilig, damdamin, at mga pagpili ng tao, may ilang taong pumipili ng komportableng buhay, pinipiling magkaroon ng kasikatan at kayamanan, ng magandang reputasyon, na magkaroon ng kasaganaan sa mundo, at maging matagumpay. Naniniwala sila na nangangahulugan ito na mayroon silang magandang kapalaran, at na ang mabuhay nang pangkaraniwan at hindi matagumpay, palaging nasa pinakababa ng lipunan, ay isang masamang kapalaran. Ganito nakikita ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng mga hindi nananalig at ng mga makamundong taong naghahangad ng mga makamundong bagay at naglalayon na mabuhay sa mundo, at ganito umuusbong ang ideya ng magandang kapalaran at masamang kapalaran. Ang ideya ng magandang kapalaran at masamang kapalaran ay umuusbong lamang mula sa makitid na pang-unawa at mababaw na pananaw ng tao sa kapalaran, at mula sa mga paghusga ng mga tao sa dami ng pisikal na paghihirap na kanilang tinitiis, at sa dami ng kasiyahan, at kasikatan at yaman na kanilang nakakamit, at iba pa. Sa totoo lang, kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, walang gayong mga interpretasyon na magandang kapalaran o masamang kapalaran. Hindi ba’t tumpak ito? (Oo.) Kung titingnan mo ang kapalaran ng tao mula sa perspektiba ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, at ito ang kailangan ng bawat indibidwal. Ito ay dahil ang sanhi at bunga ay may bahagi sa mga nakaraan at kasalukuyang buhay, ang mga ito ay paunang itinakda ng Diyos, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, at ang Diyos ang nagpaplano at nagsasaayos sa mga ito—walang magagawa rito ang tao. Kung titingnan natin ito mula sa ganitong pananaw, hindi dapat husgahan ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran bilang maganda o masama, hindi ba? Kung kaswal na huhusgahan ng mga tao ang usaping ito, hindi ba’t nakagagawa sila ng malaking pagkakamali? Hindi ba’t nagagawa nila ang pagkakamali na husgahan ang mga plano, pagsasaayos, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Oo.) At hindi ba’t malubha ang pagkakamaling iyon? Hindi ba’t makakaapekto ito sa landas na tatahakin nila sa buhay? (Makakaapekto ito.) Kung gayon, ang pagkakamaling iyon ang magdadala sa kanila sa pagkawasak.
Ano ang dapat gawin ng mga tao bilang tugon sa mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang kapalaran? (Magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos.) Una, dapat mong hangarin na alamin kung bakit isinaayos ng Lumikha ang ganitong uri ng kapalaran at sitwasyon ng pamumuhay para sa iyo, kung bakit ka Niya pinahaharap sa ilang bagay at pinararanas sa iyo ang mga ito, at kung bakit gayon ang kapalaran mo. Mula rito, dapat mong maunawaan kung ano ang inaasam ng puso mo at kung ano ang kailangan nito, gayundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Matapos mong maunawaan at malaman ang mga bagay na ito, hindi ka dapat lumaban, gawin ang sarili mong mga pagpapasya tungkol sa iyong sariling kapalaran, tanggihan, kontrahin, o iwasan ito. Siyempre pa, hindi mo rin dapat subukang makipagtawaran sa Diyos. Sa halip, dapat kang magpasakop. Bakit ka dapat magpasakop? Dahil ikaw ay isang nilikha, hindi mo mapapangasiwaan ang iyong kapalaran at wala kang kataas-taasang kapangyarihan doon. Ang Diyos ang nagpapasya sa iyong kapalaran. Pagdating sa iyong kapalaran, wala kang magagawa at wala kang pagpipilian. Ang dapat mo lamang gawin ay ang magpasakop. Hindi ka dapat gumawa ng sarili mong mga pagpapasya sa iyong kapalaran o umiwas dito, hindi ka dapat makipagtawaran sa Diyos, at hindi ka dapat sumalungat sa iyong kapalaran o magreklamo. Siyempre pa, lalong hindi ka dapat magsabi ng mga bagay na gaya ng, “Ang sama ng kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin. Miserable ito at mas masahol kaysa sa kapalaran ng iba,” o “Ang sama ng kapalaran ko at hindi ako makapagtamasa ng anumang kaligayahan o kasaganahan. Ang sama ng pagsasaayos ng Diyos sa mga bagay-bagay para sa akin.” Ang mga salitang ito ay panghuhusga at sa pagsambit ng mga ito, lumalagpas ka sa iyong posisyon. Ang mga ito ay hindi mga salita na dapat sambitin ng isang nilikha at hindi mga pananaw o saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha. Sa halip, dapat mong kalimutan ang iba’t ibang huwad na pagkaunawa, pakahulugan, pananaw, at pagkaintinding ito sa kapalaran. Kasabay nito, dapat magawa mong taglayin ang isang tamang saloobin at paninindigan upang makapagpasakop sa lahat ng bagay na mangyayari bilang bahagi ng kapalarang isinaayos ng Diyos para sa iyo. Hindi ka dapat lumaban, at lalong hindi ka dapat malungkot at magreklamo na hindi patas ang Langit, na ang sama ng pagsasaayos ng Diyos sa mga bagay-bagay para sa iyo, at hindi ibinigay sa iyo ang pinakamainam. Ang mga nilikha ay walang karapatang piliin ang kanilang kapalaran. Hindi ka binigyan ng Diyos ng ganitong uri ng obligasyon at hindi Niya ipinagkaloob ang karapatang ito sa iyo. Kaya, hindi mo dapat subukang gumawa ng mga pagpapasya, mangatwiran sa Diyos, o humingi ng mga karagdagang kahilingan sa Kanya. Dapat kang umayon at humarap sa mga pagsasaayos ng Diyos, anuman ang mga iyon. Dapat mong harapin at subuking maranasan at pasalamatan ang anumang isinaayos ng Diyos. Dapat kang ganap na magpasakop sa lahat ng dapat mong maranasan sa pamamagitan ng mga pagsasaayos ng Diyos. Dapat kang sumunod sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa iyo. Kahit ayaw mo sa isang bagay, o kung nagdurusa ka dahil dito, kahit nilalagay nito sa panganib at pinipigilan ang iyong kapalaluan at dignidad, basta’t ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, isang bagay na pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos para sa iyo, dapat kang magpasakop dito at wala kang magagawa tungkol dito. Dahil isinasaayos ng Diyos ang mga kapalaran ng mga tao at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, hindi maaaring makipagnegosasyon sa Kanya tungkol sa mga ito. Kaya, kung matitino ang mga tao at may katwiran ng normal na mga tao, hindi sila dapat magreklamo na masama ang kanilang kapalaran o na ang bagay-bagay ay hindi mabuti para sa kanila. Hindi nila dapat harapin ang kanilang tungkulin, ang kanilang buhay, ang landas na sinusundan nila sa kanilang pagsampalataya, ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, o ang Kanyang mga hinihingi sa kanila nang nanlulumo dahil lamang sa nadarama nila na masama ang kanilang kapalaran. Ang ganitong uri ng depresyon ay hindi simple o panandaliang pagrerebelde lamang, hindi rin ito pansamantalang pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon, lalong hindi ito pagpapamalas ng isang tiwaling kalagayan. Sa halip, ito ay isang tahimik na paglaban sa Diyos, at isang hindi kontento at tahimik na paglaban sa kapalarang isinaayos para sa kanila ng Diyos. Bagama’t maaaring ito ay isang simpleng negatibong emosyon, mas malubha ang mga idinudulot nito sa mga tao kaysa sa mga idinudulot ng isang tiwaling disposisyon. Maliban sa hinahadlangan ka nito na magkaroon ng positibo at tamang saloobin sa tungkuling dapat mong gampanan, at sa iyong pang-araw-araw na buhay at paglalakbay sa buhay, ang mas malubha pa, maaari ka ring mawasak nito dahil sa depresyon. Kaya’t ang matatalinong tao ay dapat na magmadaling baguhin ang kanilang mga maling pananaw, pagnilay-nilayan at kilalanin ang kanilang sarili ayon sa mga salita ng Diyos, at tingnan kung ano ang nagsasanhi sa kanilang maniwala na mayroon silang masamang kapalaran; dapat nilang tingnan kung paano napinsala ang kanilang dangal o paano nasaktan ang kanilang puso, na nagresulta sa mga negatibong kaisipan tulad ng pakiramdam na may masama silang kapalaran, na nagdulot sa kanilang malugmok sa negatibong emosyon na depresyon, kung saan hindi na sila kailanman nakaahon, kahit hanggang sa kasalukuyan. Ito ay isang isyu na dapat mong pagnilayan at suriin. Ang ilang bagay ay maaaring malalim nang nakatatak sa iyong puso, o marahil may nagsabi ng masamang bagay sa iyo na sumugat sa iyong respeto sa sarili, at dahil dito ay naramdaman mong may masama kang kapalaran, at kaya ikaw ay nalulugmok sa depresyon; o marahil sa iyong buhay o habang lumalaki ka, may kung anong kaisipan o pananaw tungkol kay Satanas o sa mundo na umusbong at nagdulot sa iyong magkaroon ng maling pagkaunawang ito sa kapalaran at nagsanhi na maging labis kang sensitibo sa kung may maganda o masama kang kapalaran; o marahil sa isang punto, pagkatapos mong maranasan ang isang bagay na nakakasama ng loob, naging lalo kang seryoso at sensitibo tungkol sa iyong kapalaran, at nag-alab ang iyong damdamin at naging determinado kang baguhin ang iyong kapalaran—lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong suriin. Gayunpaman, paano mo man suriin ang mga bagay na ito, ang dapat mong maunawaan sa huli ay ito: Hindi mo dapat gamitin ang mga iniisip at pananaw ukol sa kung maganda o masama ang kapalaran para sukatin ang iyong sariling kapalaran. Ang kapalaran ng buhay ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos at matagal na itong isinaayos ng Diyos; hindi ito isang bagay na mababago ng mga tao. Gayunpaman, nasa tao na ang pagpapasya sa kung anong uri ng landas ang tatahakin niya sa buong buhay niya at kung siya ay mamumuhay nang may halaga. Maaaring piliin mo na mamuhay nang may halaga, mabuhay para sa mga bagay na may halaga, mabuhay para sa mga plano at pamamahala ng Lumikha, at para sa makatarungang layunin ng sangkatauhan. Siyempre, maaari mo ring piliin na hindi mabuhay para sa mga positibong bagay, at sa halip ay mabuhay para sa paghahangad ng kasikatan at kayamanan, isang opisyal na propesyon, kasaganaan, at mga makamundong kalakaran. Maaaring piliin mo ang buhay na walang anumang halaga at maging tulad ng isa sa mga naglalakad na bangkay. Lahat ng ito ay mga pagpapasyang maaari mong piliin.