Paano Hangarin ang Katotohanan (9) Ikatlong Bahagi
Pagkamanhid
Talakayin natin ang isa pang pagpapamalas—ang pagkamanhid. Anong problema ito? (Isang depekto ng pagkatao.) Ang pagkamanhid ay isang depekto ng pagkatao. Ano-ano ang mga tipikal na pagpapamalas ng pagkamanhid sa mga tao? Mabagal na pagtugon, makupad na pagkilos, at kawalan ng pagkapleksible habang gumagawa ng mga bagay-bagay, at kapag nag-iisip tungkol sa mga problema, mayroong kakaunting ideya o nakakapagbulay-bulay lang sa medyo kakaunting aspekto ng mga problema. Ang lahat ng ito ay tinatawag na pagkamanhid. Aling aspekto ng pagkatao ang kaugnay ng pagkamanhid? Kaugnay rito ang kalaliman ng pananaw ng isang tao tungkol sa mga tao at bagay, ang kalaliman ng sariling pag-asal at pagkilos ng isang tao, pati na rin ang katalinuhan o kakayahan ng isang tao pagdating sa pagtingin sa mga tao at bagay at sa pag-asal at pagkilos. Sa pangkalahatan, anong uri ng tao ang inilalarawan ng terminong “manhid”? (Isang tao na medyo may mahinang kakayahan.) Ang pagkamanhid ay nangangahulugan na ang isang tao ay may mahinang kakayahan, mababang katalinuhan, at mabagal na pagtugon—ang pagkakaroon ng mga ganitong pagpapamalas ay pagkamanhid. Ang pagkamanhid ay isang malaking depekto ng pagkatao. Ang pagkamanhid na ito ay hindi tumutukoy sa pagkamanhid ng iyong braso o binti at pagkawala ng sensasyon—hindi ito ganitong uri ng pisikal na kawalan ng pagkasensitibo. Hindi rin ito tumutukoy sa isang katangian ng personalidad na pagiging mapurol, matigas, at hindi nababaluktot. Sa halip, ito ay isang mental na reaksiyon o pagpapamalas ng katalinuhan ng isang tao sa pangangasiwa sa mga problema. Ang ganitong uri ng tao ay madalas na nasa kalagayan ng pagiging manhid, mapurol ang isip, at walang reaksiyon pagdating sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid niya. Ibig sabihin, nakikita niya ang mga bagay, pero hindi niya makilatis ang diwa ng mga bagay na iyon at hindi mapansin ang mga problema sa loob. Kapag pinaalalahanan mo siya na may problema rito, wala man lang siyang reaksiyon at hindi niya alam na problema ito. Kahit may isang tao na nagbabanggit ng problema sa kanya, hindi pa rin niya malinaw na maunawaan ang kalubhaan ng problema o ang diwa ng problema. Dahil dito, napakabagal niyang pinangangasiwaan ang maraming usapin. Ito ay pagkamanhid. Ang mismong pagkamanhid ay isang depekto ng pagkatao. Tungkol naman sa mga taong manhid, anuman ang edad nila o manhid man ang anumang parte ng kanilang pisikal na katawan, sa usapin ng mga pagpapamalas ng kanilang pagkatao sa aspektong ito, hindi nila kayang gumawa ng partikular na esensiyal na gawain, ni kayang pumasan ng gawain na may kaugnay na teknikal na nilalaman o na may likas na mataas na espesyalisasyon. Siyempre, hindi rin kaya ng gayong mga tao na maging mga lider at manggagawa. Kung manhid ang isang lider o manggagawa, lilitaw ang gulo sa gawaing kanyang ginagawa, ito ay mahihinto at hindi makakausad. Hindi niya napapansin ang mga problema, at hindi niya magawang agarang malutas ang mga ito, kaya, kapag may iba’t ibang problemang lumilitaw, hindi niya mapansin ang mga ito, at hindi malutas ang mga problema. Hindi niya makita ang mga problema gamit ang kanyang mga mata, kaya hindi niya masimulang lutasin ang mga ito, at hindi niya alam kung anong gawain ang pinakamahalagang gawin. Araw-araw, kaya lang niyang gumawa ng kaunting panlabas na gawain sa nakagawiang paraan. Anumang mga pagsasaayos ng gawain ang iniaatas ng ang Itaas, ipinapasa niya ang mga iyon, pero pagkatapos niyang ipasa ang mga iyon, wala siyang ideya kung maipapatupad ba nang maayos ang mga iyon, kung anong mga resulta ang maaaring matamo, o kung ano ang magiging kasunod na mga epekto. Hindi niya makilatis ang anumang bagay. Gaano man karaming tao sa paligid niya ang gumagawa ng kasamaan, o nagdudulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, hindi niya ito mahiwatigan. Hindi rin niya alam kung gaano karaming gawain ang kailangang subaybayan o aling partikular na gawain ang kailangang maipatupad. May taong nagtatanong sa kanya: “Naitalaga at naisaayos mo na ba ang gawain?” Sasabihin niya: “Naisaayos na ang lahat. Nakipagbahaginan ako sa kanila at binasa ko nang malakas ang pagsasaayos ng gawain minsan—alam ito ng lahat.” Ito ba ay pagpapatupad sa pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Ang pagpapatupad sa pagsasaayos ng gawain ay nangangailangan muna ng maayos na pagtatalaga sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pagtukoy kung sinong lider ang dapat humawak sa isang partikular na gawain, at pagsisiguro na ang bawat aytem ng gawain ay naitatalaga sa mga partikular na tao. Dagdag pa rito, dapat masabihan ang mga lider at manggagawa kung paano ito kongkretong gagawin at nang naaayon sa mga partikular na prinsipyo. Ang lahat ng usaping ito ay dapat malinaw na maipaliwanag para malaman ng lahat kung paano gawin ang gawain. Ito lang ang nangangahulugan ng pagtatalaga ng gawain. Kapag gumagampan ng gawain, binabasa lang nang malakas ng ilang tao sa iba ang pagsasaayos ng gawain at hinahayaan ang lahat na magbahagi ng kanilang pagkaunawa at mga damdamin tungkol dito, at iyon na iyon. Basta’t nakikita nila na abala ang lahat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, ipinagpapalagay nila na naipatupad na nang maayos ang pagsasaayos ng gawain. Sa puntong ito, kung tatanungin mo sila, “Mayroon bang anumang suliranin ang mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? Mayroon pa bang anumang problema? Nakipagbahaginan ka ba para lutasin ang mga iyon?” sasagot sila, “Wala akong nabalitaang anumang problema—titingnan ko.” Sa totoo lang, hindi nagbanggit ng anumang problema o mga suliranin ang taong namamahala sa gawain, pero totoong umiiral ang mga suliraning iyon. Ito ay dahil masyado silang manhid na hindi nila mapansin ang mga iyon. Halimbawa, ni hindi nila nahihiwatigan kapag may dalawang tao na hindi magawang makipagtulungan at nag-aagawan sa katayuan habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at nakakaapekto ito sa gawain. Sinasabi pa nga nila, “Medyo maayos naman ang ugnayan nila—nag-uusap at nakikipag-ugnayan sila sa isa’t isa. Kung hindi nila magawang makipagtulungan, hindi sana sila nag-uusap.” Tinatanong sila ng mga tao, “Nag-aagawan ba sila ng katayuan? Kaya ba nilang makipagtulungan nang may pagkakasundo?” Sumasagot sila, “Hindi ko alam iyan.” Pagkatapos magtanong-tanong, saka lang natutuklasan na hindi pala magawang makipagtulungan ng dalawang taong ito at nakikipagkompetensiya sila sa isa’t isa—nakikipagkompetensiya sa kung sino ang nangangaral ng mas matatayog na sermon, kaninong boses ang mas malakas, at kung sino ang nakakapagsalita nang mas matagal. Matagal nang napansin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga bagay na ito. Kung tatanungin mo ang taong iyon, “Maagap ba na nalutas ang mga problemang ito?” sasagot siya, “Hindi, hindi pa nalutas ang mga ito. Hindi ko alam na ito pala ay gawaing dapat kong gawin.” Ni hindi niya alam na lutasin ang ganoon kalaking problema—hindi ba’t mahina ang pag-iisip niya? (Oo.) Isang beses niyang binasa nang malakas ang mga pagsasaayos ng gawain at pagkatapos ay hinihingi niya na gumawa ang lahat ng deklarasyon at panata na gagawin nang maayos ang tungkulin ng mga ito, at pagkatapos niyon, itinuturing niya na tapos na ang kanyang trabaho. Sinasabi niya sa kanyang sarili, “Naaalala ko kung sino ang lider ng iglesia, kung sino ang partikular na responsable sa kung aling aytem ng gawain, at kung sino ang namamahala sa gawain ng paggawa ng pelikula,” pero hindi talaga niya makita kung paano dapat isagawa ang partikular na mga aytem na iyon ng gawain. Ganito ang hitsura ng pagiging manhid at mapurol ang isip—siya ay isang hangal na indibidwal. Hindi niya mapansin ang anumang problema at hindi niya alam kung paano magbahaginan tungkol sa anumang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo. Pagdating sa mga problemang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, hindi niya alam kung paano pagbahaginan ang katotohanan para malutas ang mga ito. Pagdating sa mga problemang may kaugnayan sa mga tauhan o gawaing administratibo, hindi rin niya mahiwatigan ang anuman sa mga ito. Kahit na totoong nakikita niya na hindi kayang gawin ng isang tao ang gawain, hindi niya alam kung paano ito lutasin. Hindi niya makilatis ang anumang bagay. Ito ang ibig sabihin ng pagiging manhid. Marunong lang siyang magsalita ng ilang doktrina, pero hindi siya mahusay sa gawain—may hitsura siya ng pagiging manhid at mapurol ang isip. Sabihin mo sa Akin, ang ganitong tao ba ay isang lider na pasok sa pamantayan? (Hindi.) Kung manhid ang mga lider at manggagawa, malaking problema ito—talagang hindi sila makakagawa ng anumang gawain. Kung hindi niya ginagawa ang gawaing dapat niyang gawin, at kapag may isang taong nag-uulat ng problema, hindi rin niya ito pinapangasiwaan, kung gayon, hindi na ito simpleng isyu ng pagkamanhid, bagkus, ito ay kawalan ng normal na pagkatao, at pagkawala ng normal na paggana ng konsensiya at katwiran.
Ang pagkamanhid ay isang depekto ng pagkatao. Bagama’t ang depektong ito ay hindi umaabot sa antas ng isang tiwaling disposisyon, sa mismong kalikasan nito, nakakamatay ang problemang ito. May isang buhay na tao na nakatayo roon, nang may mga gumaganang pandama at mga biyas, pero sadyang wala siyang abilidad ng isang normal na tao para tingnan ang mga tao at bagay, o umasal at kumilos. Kapag gumawa siya ng gawain, para siyang isang walang silbing tao na walang mga kaisipan—hindi niya mapansin ang anumang problema, lalo pang hindi niya kayang lutasin ang mga problema kapag binabanggit ng mga tao ang mga ito, at hindi niya makita kung anong gawain ang dapat gawin. Sa isipan niya, para bang wala siyang inaalala. Bilang resulta, hindi siya makagawa ng anumang gawain—wala siyang kuwenta, isang taong walang silbi. Hindi ba’t sapat na malubha ang problemang ito? Kita mo, ang mga taong matigas ang ulo at ang mga sensitibo ay may mga aktibong kaisipan kahit papaano—nagtataglay sila ng pag-iisip ng isang normal na tao; ibig sabihin, palaging gumagana ang isipan nila. Pero simple lang ang isipan ng mga manhid na tao; parang paralisado ang kanilang isipan, para bang sila ay patay. Bagama’t mayroon silang mga mata, anuman ang makita nila, walang reaksiyon sa kanilang isipan, at hindi nila ito pagbubulay-bulayan sa kanilang isipan; wala silang mga kaisipan at sila ay ganap na mga rebultong kahoy. Ano ang mga rebultong kahoy? Sila ay mga taong inukit sa kahoy; kahawig sila ng mga tao sa panlabas, pero kapag kinakausap mo sila, hindi sila tumutugon. Inuutusan mo sila na bantayan ang bahay, pero kapag ninanakawan ang bahay, wala silang ginagawa. Tatanungin mo sila, “Bakit hindi mo binantayan ang bahay?” at wala pa rin silang reaksiyon. Kung walang reaksiyon ang isang tao sa anumang bagay, napakalaking problema nito. Sa madaling salita, ang mga silbi na dapat gampanan ng mga instinto ng pagkatao—tulad ng mga silbi ng kaisipan at kamalayan, at mga silbi na dapat gampanan ng mga mata, tainga, utak, at puso—ay hindi maisagawa. Hindi sila nagtataglay o kulang sila ng mga kaisipang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Ito ang tinatawag na pagiging manhid. Hindi gaanong naiiba ang mga manhid na tao sa mga taong walang silbi. Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi mo na manhid ang mga ganitong uri ng tao, na hindi magampanan ng kanilang mga mata, tainga, at utak ang kanilang mga silbi. Pero kung iinsultuhin mo sila, magkakaroon sila ng reaksiyon. Kung magdurusa sila ng kawalan, magkakaroon sila ng reaksiyon. Kaya, maituturing pa ba sila na mga hangal na tao?” Maging ang ilang hayop ay nakakaintindi ng pananalita ng tao—naiintindihan nila ang parehong mabubuti at masamang bagay na sinasabi mo tungkol sa kanila. Kung ang isang tao, bilang tao, ay hindi makaintindi ng pananalita ng tao, kung gayon, hindi niya naaabot ang pamantayan ng pagiging tao. Kaya, para masukat kung ang isang tao ay tao, dapat gamitin ang pamantayan para sa mga tao. Bakit Ko binabanggit ang mga hayop? Ito ay para malaman mo na isa kang buhay na nilalang na nasa loob ng kategorya ng mga nilikhang tao, hindi isang hayop. Kung ikaw, bilang tao, ay walang mga kaisipan na tinataglay kahit ng mga hayop, kung gayon, masyado kang malayo sa pamantayan. Kahit ang mga hayop ay marunong maging mabait at makipaglapit sa mga mabuti ang trato sa kanila at nagbibigay ng kanilang pang-araw-araw na pagkain. Kung ikaw, bilang tao, ay walang gayong pagkatao, karapat-dapat ka pa bang tawaging tao? Bakit Ko ito kinukumpara? Ito ay para ipaalam sa iyo na hindi ka isang hayop o isang mataas na uri ng hayop; isa kang tao, ikaw ang pinakamataas na antas ng nilalang sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—isang tao. Mayroon kang abilidad sa wika, abilidad na mag-isip, at abilidad na umunawa sa katotohanan. Nilikha ka ng Diyos para maging pinuno sa lahat ng bagay, para pamahalaan ang lahat ng bagay at ibang buhay na nilalang. Ikaw ang tagapamahala ng lahat ng buhay na nilalang sa lahat ng bagay. Para mapamahalaan ang mga ito, dapat mas nakahihigit ka sa mga ito. Dapat mas mahusay ka kaysa sa mga ito para magkaroon ka ng abilidad na pamahalaan ang mga ito. Samakatwid, ang pagbabanggit sa mga hayop ay hindi para maliitin ka kundi para paalalahanan at ipaunawa sa iyo na dapat mas mahusay ka kaysa sa mga ito. Dapat mong gamitin ang mga abilidad na dapat taglay ng iyong pagkatao, pati na ang iba’t ibang uri ng sentido komun at abilidad na natutunan mo mula pa noong isinilang ka, para pamahalaan at pamunuan ang mga ito, ginagawa ang dapat gawin ng isang tao, kung ano ang iniatas ng Diyos na gawin mo. Kung itinuturing mo ang sarili mo bilang isang nilikhang tao, dapat mong gamitin ang pamantayan para sa nilikhang sangkatauhan para sukatin ang iyong pagkatao at ang iyong diwa. Hindi dapat mas mababa ang pamantayang ito kaysa sa pamantayang itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan. Samakatwid, para masukat ang kakayahan ng isang tao at ang mga problema sa iba’t ibang aspekto ng kanyang pagkatao, kailangang gamitin ang pamantayan para sa mga tao. Maraming tao ang manhid ang pag-iisip at mabagal ang reaksiyon sa usapin ng pagkatao, na nagsasanhing hindi nila magampanan nang maayos ang marami sa kanilang mga tungkulin sa panahong ginagawa nila ang mga ito—hindi sila mahusay sa gawain ng iglesia, at hindi sila makapagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, dapat mong kilalanin ang sarili mo at alamin kung ano ang sukat mo. Kung hindi mo taglay ang ganitong uri ng kakayahan o pagkatao, o kung taglay mo ang depekto ng pagkamanhid sa iyong pagkatao, hindi ka dapat makipag-agawan sa pagiging lider o superbisor. Kung ikaw ay magiging isang lider o superbisor, alinmang gawain ng iglesia ang responsabilidad mo, magiging paralisado ang iglesiang iyon. Anumang aytem ng gawain ang responsabilidad mo, magiging lubos na magulo ang gawaing iyon. Kung hindi mo kayang maging mahusay rito, dapat tumabi ka na lang at hayaan ang mga may kakayahan na gumawa nito. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, at ang pagkatutong magbigay-daan sa mga mas may kakayahan at ang pagrekomenda sa iba—ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Sinasabi ng ilang tao, “Napakamanhid ko na hindi ko matukoy kung sino ang magaling—paano ko mairerekomenda ang sinuman?” Kung hindi mo matukoy kung sino ang may mahusay na kakayahan at hindi ka makagawa ng mga rekomendasyon, kailangan mong matuto ng ilang aral. Kapag may nakikita kang isang tao na nakakaunawa sa katotohanan at kayang kumilatis sa iba, dapat kang matuto mula sa kanya. Sa pamamagitan ng higit na pakikipagbahaginan sa kanya, matututo ka ng ilang bagay. Dahil taglay mo ang depekto ng pagkamanhid sa iyong pagkatao, huwag kang maging mapili o maarte sa mga tungkuling ibinibigay sa iyo. Taglay mo mismo ang depektong ito, kaya hindi maraming uri ng gawain at mga tungkulin ang kaya mong gawin. Kung, sa pamamagitan ng labis na pagsisikap, ay nakahanap ng isang angkop na posisyon para sa iyo, at nagiging mapili at maarte ka pa rin, hindi na ito isang problema ng pagkamanhid o isang depekto ng pagkatao, bagkus, ito ay isang tiwaling disposisyon. Anong tiwaling disposisyon? Ito ay tiwaling disposisyon ng kayabangan, ng hindi pagpapasakop, at ng hindi pagkilala sa sarili mong sukat. Ikaw ay walang kuwenta, isa lang inutil, isang tunggak, pero gusto mo pa ring gumawa ng mga tungkulin na marangal, na hindi nakakapagod, at na tinitingala ng iba—nagpapahiwatig ito ng mayabang na disposisyon. Kung napakamanhid mo, mayroong gawaing dapat mong gawin at mga usaping dapat mong asikasuhin pero hindi mo naman ginagawa o napapansin ang mga ito, kung hindi ka man lang nag-aabalang kumilos nang kaunti kapag nagkakaproblema ang mga bagay-bagay, at kahit kapag nakikita mo na may isang bagay na nakapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, binabalewala mo ito at iniisip mong, “Hindi naman sa sarili kong pamamahay ang problemang ito, kaya hindi ako makikialam dito,” hindi na ito simpleng pagkamanhid, kundi ito ay kawalan na ng konsensiya at katwiran. Kung mayroon kang kahit kaunting konsensiya at katwiran at itinuturing mo ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos bilang sarili mong mga usapin, kung gayon, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad at huwag hayaang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero kung wala ka ng ganitong mabuting layunin at wala kang ginagawang kahit isang mabuting bagay, hindi ba’t ikaw ay isang taong mapurol ang isip at manhid? Diyan nagtatapos ang talakayan natin tungkol sa pagpapamalas ng pagkamanhid.
Pagiging Makapal ang Mukha nang Hindi Nahihiya
Pag-usapan natin ngayon ang pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya. Anong uri ng problema ang pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? (Isang depekto ng pagkatao.) Isa ba itong depekto? (Isa itong problema ng mababang karakter.) Ang mababang karakter ay nangangahulugan ng masamang pagkatao. Aling aspekto ng pagkatao ang kaugnay ng pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? Kaugnay rito ang konsensiya at katwiran, pati na ang integridad at dignidad. Kaugnay rito ang aspekto ng karakter ng isang tao. Ano-ano ang mga partikular na pagpapamalas ng pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? Anong mga bagay ang nagpapahiwatig na ang isang tao ay makapal ang mukha nang hindi nahihiya? Anumang mga walang kahihiyang bagay ang ginagawa nila ay tiyak na mga pagpapamalas ng pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya. Ang pambobola at paninipsip nang hindi man lang naaasiwa sa bagay na ito—hindi ba’t ito ay pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? (Oo.) Bakit natin sinasabing ito ay pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? Dahil ang paggawa nito ay nagpapahiwatig na walang pakiramdam ng kahihiyan ang isang tao. Kaya niyang magsabi ng ilang salita na lumalabag sa konsensiya ng normal na pagkatao o na hindi umaayon sa mga katunayan, gaano man kanakakaasiwa o kahindi kasiya-siya ang mga salitang iyon, nang hindi man lang namumula ang mukha o bumibilis ang tibok ng puso, at wala siyang pakialam kung ano ang tingin ng iba sa kanya matapos siyang marinig; kahit pagtawanan siya ng iba, wala siyang pakialam. Wala siyang pakiramdam ng kahihiyan, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t ang kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan ay ang mismong pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? Isa pa, kapag malinaw na walang kuwenta ang isang tao, pero hayagan pa rin siyang nakikipag-agawan para sa katayuan at para maging lider—hindi ba’t ito ay pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? (Oo.) Hindi lang siya nakikipag-agawan nang hayagan, kundi sa panahon ng mga halalan, pinepeke rin niya ang mga balota. Habang ang iba ay nagbibigay ng isang boto kada tao, dinodoble niya ang boto para sa sarili niya—hindi ba’t ito ay pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya? (Oo.) Kapag hindi sila ibinoboto ng iba, ibinoboto nila ang kanilang sarili. Ang gayong mga tao ay nakikipag-agawan para maging lider nang hindi nahihiya at walang anumang pakiramdam ng kahihiyan—talagang sila ay makapal ang mukha nang hindi nahihiya! Sa pangkalahatan, ang mga nagmamahal sa katayuan at may ambisyon ay pawang nagnanais na ipresenta nang maayos ang kanilang sarili para maaari silang piliin ng iba bilang lider. Sa sandaling mapili sila bilang lider, labis silang nakakaramdam ng pagmamalaki sa sarili, pero kung hindi sila mapili, nalulungkot at nadidismaya sila—isa itong normal na pagpapamalas. Gayumpaman, hindi ganito ang mga makapal ang mukha nang hindi nahihiya. Gagamitin nila ang kahit anong paraang kinakailangan para maging isang lider. Sinasabi nila, “Ayaw sa akin ng lahat at ayaw nila akong iboto, pero hahanap ako ng paraan para maging lider. Kahit pa kakailanganin kong mandaya at gumamit ng mga pakubling pamamaraan, idudulot ko na ako ang iboto ng lahat bilang lider!” Sinasabi naman ng iba, “Kahit pa maging lider ka, hindi ka pa rin magugustuhan ng lahat. Wala kaming magandang opinyon tungkol sa iyo, at masama ang reputasyon mo. Kung magsasaayos ka ng anumang gawain, walang makikinig sa iyo.” Sasagot sila, “Kahit hindi kayo makinig sa akin, sisikapin ko pa ring maging lider!” Talagang ang mga gayong tao ay labis na makapal ang mukha nang hindi nahihiya! Batay rito, hindi ba’t walang kamalayan sa sarili ang mga gayong tao? (Oo.) Wala silang kamalayan sa sarili at mayroon silang medyo agresibong katangian. Batay sa mga kaisipan at pananaw ng mga makapal ang mukha nang hindi nahihiya patungkol sa kanilang sariling asal, wala silang pakiramdam ng kahihiyan sa kanilang pagkatao, wala silang pakialam tungkol sa integridad o karakter, walang konsensiya o pakiramdam ng kahihiyan, wala rin silang pakialam tungkol sa moralidad at sa batayan ng kanilang sariling asal—binabalewala nila ang lahat ng ito. Batay sa kanilang mga kaisipan at kamalayan, sila ay sobrang hangal, mangmang, at mababang-uri. Kaya naman, sinasabing mayroon silang mababa at masamang karakter. Kaya, ang mga walang-kahihiyang bagay na ginagawa nila ay tiyak na bunsod ng kanilang mga maling kaisipan at pananaw. Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, iginigiit nilang piliin ang kanilang sarili, iboto ang kanilang sarili, at maging lider—hindi katanggap-tanggap para sa kanila ang mabigong maging lider, at kung hindi sila magiging lider, kamumuhian nila ang mga kapatid dahil sa hindi pagboto ng mga ito sa kanila. Sa sandaling malaman nila na hindi mo sila binoto, hindi sila malulugod sa iyo. Kahit ano pa ang sabihin mo, pabubulaanan nila ito. Lubha silang malupit kapag nakikipag-usap sa iyo, na para bang bumubuga sila ng apoy. Iniisip din nila kung paano ka gagantihan o pahihirapan, at maaari pa ngang tumanggi silang makipag-usap sa iyo sa buong buhay nila. Ang ibinubunyag sa mga partikular na kilos na ito ng mga gayong tao ay isang tiwaling disposisyon. Anong uri ng tiwaling disposisyon ito? (Kalupitan.) Sa banayad na pananalita, ito ay kayabangan at pagiging masyadong bilib sa sariling mga abilidad—sadyang gusto nilang maging lider. Gayumpaman, batay sa kanilang mga paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay at iba’t ibang pagpapamalas, sila ay mga taong may malupit na disposisyon. Kitang-kita ang tiwaling disposisyon nitong mga makapal ang mukha nang hindi nahihiya na may ubod ng samang pagkatao. Ang lahat ng kilos nila ay maaaring umabot sa antas ng mga tiwaling disposisyon. Ang pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya ay isang pagpapamalas ng kanilang karakter; sa kanilang pananalita at mga kilos, pinamumunuan sila ng aspektong ito ng karakter nila, at dahil dito ay nakakagawa sila ng maraming walang kahihiyang gawa, at nagbubunyag sila ng iba’t ibang tiwaling disposisyon, gaya ng kayabangan at kalupitan. Samakatwid, sa partikular na antas, ang mga ubod ng samang pagpapamalas na nabubunyag mula sa karakter ng isang tao ay kabilang sa mga tiwaling disposisyon; ang mga pagpapamalas na ito ay pawang konektado at nakatali sa kanilang kalikasang diwa, at ang kanilang mga partikular na pagbubunyag ng anumang tiwaling disposisyon ay nagmumula sa kanilang ubod ng samang karakter. Kaya, ang ubod ng samang karakter at mga tiwaling disposisyon ay magkakaugnay. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabubuo pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Halimbawa, ang mga aspekto ng ubod ng samang karakter sa loob ng pagkatao ng mga tao, gaya ng pagiging matigas ang ulo, makitid ang utak, at makapal ang mukha nang hindi nahihiya, ay pawang resulta ng pagtiwali at paghubog ni Satanas sa mga tao. Bago tanggapin ang katotohanan, pawang tinatanggap muna ng mga tao ang pagtitiwali at panlilihis ng maraming walang-katotohanan, masama, at negatibong kaisipan at pananaw—tinatanggap nila ang mga walang-katotohanang bagay na ito sa kanilang puso bilang kanilang buhay, at nangangahulugan ito na nagiging buhay nila ang mga tiwaling disposisyon.
May ilan pang ibang pagpapamalas ang pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya. Ang ilang lider at manggagawa ay malinaw na gumagawa ng mga kilos na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, nililinlang ang mga nakatataas sa kanila habang pinaglilihiman ang mga nasa ilalim nila, o sumasalungat sa mga pagsasaayos ng gawain, at ang mga kilos nila ay nagdudulot pa nga ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia. Pero bukod pa sa hindi nila pinagninilay-nilayan at nakikilala ang sarili nilang mga problema o inaamin ang katunayan ng paggawa nila ng masama na panggugulo sa gawain ng iglesia, sa kabaligtaran, naniniwala pa nga sila na mahusay ang nagawa nila, at gusto nilang makakuha ng pagkilala at mga gantimpala, nagmamalaki at nagpapatotoo kahit saan kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano katinding pagdurusa ang tiniis nila, kung gaano karaming kontribusyon ang nagawa nila sa kanilang gawain, kung gaano karaming tao ang nakamit nila sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo habang gumagawa, at iba pa. Hindi nila inaamin kahit kaunti kung gaano kalaking kasamaan ang nagawa nila o kung anong malaking kapinsalaan ang naidulot nila sa gawain ng iglesia. Siyempre, hindi rin sila nagsisisi, at lalong hindi bumabalik sa tamang landas. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ang gayong mga tao ay makapal ang mukha nang hindi nahihiya? (Ganoon nga sila.) Kung tatanungin mo sila, “Isinagawa mo ba ang gawain ng iglesia ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Umayon ba ang gawain mo sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos?” iniiwasan nila ang paksa. Kung ilalantad ng ibang tao na nagdulot sila ng malulubhang kawalan sa mga handog ng Diyos habang nasa kanilang gawain—umaabot ng ilang daang yuan ang ilang kawalan, ang iba ay ilang libo, at ang ilan ay umaabot pa nga ng sampu-sampung libo—ano ang magiging reaksiyon nila kapag pinapabayaran ang mga iyon sa kanila? Ang mga normal na tao na may konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan ay napapalupasay na lang pagkarinig nito, nakakaramdam ng pagkapahiya at kahihiyan mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Paniniwalaan nila na hindi nila nagampanan nang maayos ang gawain nila at na labis silang nagkautang sa Diyos, at kaya, hindi nila susubukang pangatwiranan ang kanilang sarili; kahit na gumawa sila ng kaunting kongkretong gawain at nagtiis ng matinding pagdurusa, hindi nila iisipin na karapat-dapat itong banggitin. Kung tunay na nagawa nang maayos ang gawain nila, makakapagdulot ba ito ng labis na pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Batay lang sa pinsalang naidulot nila, mapatutunayan na hindi nagawa nang maayos ang gawain nila, kaya dapat silang umamin ng pagkakamali at magsisi. Nangangailangan man ng kabayaran o hindi ang mga kawalang idinulot nila, kahit papaano, dapat nilang aminin ang katunayan na nakapagdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa gawain ng iglesia ang kanilang gawain. Tanging ang mga taong lubos na walang kahihiyan ang tatangging umamin sa katunayang ito. Sasabihin nila, “Kahit bayaran ko pa ang mga kawalan, hindi ko aaminin na nagkamali ako o na may ginawa akong mali sa gawain ko. Kahit mabayaran ko ang mga utang, isa pa rin akong taong nakagawa ng mga dakilang gawa, mas mahusay kaysa sa isang karaniwang tao sa sambahayan ng Diyos. Mayroon akong maluwalhating kasaysayan!” Anong uri ng pagkatao ito? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang anumang pakiramdam ng kahihiyan ang mga ganitong uri ng tao? Kaya man lang ba nilang baybayin ang mga salitang “pakiramdam ng kahihiyan”? Kung tunay na wala silang pakiramdam ng kahihiyan, problema iyon. Kung malinaw nilang alam sa puso nila na nakagawa sila ng kasamaan pero mapagmatigas silang tumatangging aminin iyon nang pasalita, hindi ba’t napakatigas ng kalooban ng mga gayong tao? Kung kinikilala nila sa puso nila na may nagawa silang kasamaan at kaya rin nila itong aminin nang pasalita, kung gayon, maituturing pa rin na nagtataglay sila ng konsensiya—mayroon pa rin silang pakiramdam ng kahihiyan sa loob nila. Kung bukod sa tumatanggi silang aminin ito nang pasalita ay masuwayin din sila sa puso nila, palaging lumalaban at nagpapakalat pa nga ng mga pahayag sa lahat ng dako na hindi sila tinatrato nang patas ng sambahayan ng Diyos at na sila ay mga biktima ng kamalasan, kung gayon, malubha ang problema nila. Gaano kalubha? Wala silang anumang konsensiya at katwiran. Ang konsensiya ay dapat parehong may kasamang pagpapahalaga sa katarungan at kabutihan. Ang isang aspekto ng pagpapahalaga sa katarungan ay na dapat mayroon ang mga tao ng pakiramdam ng kahihiyan. Kapag alam ng mga tao kung ano ang kahihiyan, saka lang sila maaaring maging matuwid, magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan, at magmahal sa mga positibong bagay at kumapit sa mga ito. Gayumpaman, kung wala kang pakiramdam ng kahihiyan sa iyong konsensiya at sa iyong pagpapahalaga sa katarungan, at hindi mo alam kung ano ang kahihiyan—at kung, kahit matapos makagawa ng mali, hindi ka nahihiya tungkol dito, at hindi mo alam na magnilay-nilay o kamuhian ang iyong sarili, at wala kang nararamdamang pagsisisi, at wala kang pakialam kung paano ka inilalantad ng iba, at hindi namumula ang mukha mo at wala kang nararamdamang kahihiyan—kung gayon, may problema ang konsensiya mo bilang tao, at masasabi rin na wala kang konsensiya. Sa ganoong kaso, mahirap tukuyin kung masahol ba o masama ang puso mo—posible na masama ang puso mo, na ito ang puso ng isang lobo; hindi positibo kundi negatibo. Ang mga taong walang konsensiya at walang pagkatao ay mga demonyo. Kung may ginawa kang mali at wala kang nararamdamang anumang kahihiyan, at walang nararamdamang anumang pagsisisi o pagkakonsensiya, at bukod sa hindi ka nagninilay-nilay sa iyong sarili, ikaw rin ay nakikipagtalo, kumokontra, at nagtatangkang ipagtanggol at pangatwiranan ang iyong sarili, nagpapanggap na may magandang anyo, kung gayon, kung susukatin ayon sa pamantayan ng pagkatao, may problema sa pagkatao mo. Anuman ang lagay ng katwiran mo, kung hindi ka pasok sa pamantayan ng konsensiya, mahirap tukuyin kung mayroon ka nga bang pagkatao o wala. Huwag nating pag-usapan kung ano ang iyong panloob na espiritu, kung saan ka nanggaling, o kung anong kasamaan ang nagawa mo noon; huwag nating pag-usapan ang iyong nakaraang buhay. Sa usapin lang ng konsensiyang dapat mayroon ka sa buhay na ito, kung wala kang pakiramdam ng kahihiyan, hindi ka pasok sa pamantayan bilang isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Makapal ang mukha ko nang hindi nahihiya, kaya basta kong kinukuha ang kahit anong gusto ko.” Pero depende iyon sa kung saan mo ito ginagawa—hindi uubra ang paggawa niyon sa sambahayan ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar na puwede kang maging palamunin. Kung igigiit mong maging palamunin doon, nakatakda kang magdulot ng kalamidad sa sarili mo. Iniisip ng ilang tao, “Kasingkapal ng sa buwaya ang balat ko. Kahit saan ako magpunta, ganito ako kumilos, palamye-lamyerda na parang ako ang may-ari ng lugar! Wala akong pakialam sa sinasabi ng iba tungkol sa akin—mayroon bang sinumang may magagawa laban sa akin?” Maaaring walang magawang anuman ang mga tao tungkol sa iyo, pero dahil nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong bigyang-pansin kung paano sinusukat at sinusuri ng Diyos ang lahat ng ginagawa mo, kung paano ka Niya tinutukoy at anong hatol ang ibinibigay Niya sa iyo. Kung hindi mo ito binibigyang-pansin, isa ka pa rin bang taong nananampalataya sa Diyos? Kung wala ka man lang pakialam tungkol dito, isa kang hindi mananampalataya. Maaaring binabalewala mo ang sinasabi ng mga tao tungkol sa iyo, pero hindi ba’t dapat may pakialam ka sa pagsusuri ng Diyos tungkol sa iyo, sa Kanyang pananaw sa iyo, at sa mga hatol na ibinibigay Niya sa iyo? Kung ang pagsusuri ng Diyos sa iyo ay na ikaw ay makapal ang mukha nang hindi nahihiya, walang anumang pagkapahiya, at walang pakiramdam ng kahihiyan, na maraming kulang sa pagkatao mo, at na may ilang napakahalagang bagay na wala sa iyo, kung gayon, dapat kang magsimulang umasal nang panibago—dapat kang magsisi at huminto sa pagbuo ng sarili mong pangangatwiran. Kahit na mayroon kang libo-libong dahilan, ang nag-iisang katunayan na ikaw ay makapal ang mukha nang hindi nahihiya ay sapat na para matukoy na mayroong napakalaking problema sa pagkatao at konsensiya mo. Sa ganito lamang na pagsukat, napakalubha na ng problema mo. Kung nauunawaan mo ang sinasabi Ko, dapat kang magsisi at huminto sa pag-iisip ng sarili mong pangangatwiran sa loob ng puso mo. Ang pangangatwiran mo ay nagmumula sa pagkamainitin ng ulo, sa mga emosyon, kay Satanas—kahit pa naniniwala ka na hindi mali ang pangangatwiran mo, hindi ito ang katotohanan. Hindi lubos na nakabatay sa iyong mga tiwaling disposisyon ang pagsusuri ng Diyos sa iyo. Bago isaalang-alang ang iyong mga tiwaling disposisyon, tinitingnan muna ng Diyos ang pagkatao mo. Kung ano ang iyong pagkatao at ang iyong saloobin sa bawat usapin ay natutukoy ng iyong karakter. Ang naoobserbahan ng Diyos ay tiyak na tumpak, at ang pamantayang ginagamit Niya sa pagsukat sa iyo ay umaayon din sa katotohanan. Kahit sino ang sukatin Niya, hindi ito kailanman nababatay sa panlabas na anyo, kundi sa kung ano ang aktuwal na ginagawa ng tao, sa mga pagbubunyag at mga pagpapamalas nito sa pang-araw-araw na buhay, sa mga kaisipan, pananaw, at saloobin nito kapag nangangasiwa sa bawat usapin, pati na sa saloobin nito tungkol sa mga positibong bagay, sa katotohanan, at sa Diyos. Kahit paano ka tukuyin o suriin ng Diyos sa huli, hindi ka magagawan ng mali. Hindi ito nakabatay sa iyong pansamantalang pagpapamalas o paminsan-minsang pagsalangsang; ito ay isang pagsusuri na batay sa iyong kabuuang mga pagpapamalas. Kaya, tumpak at obhetibo ang pagsusuri ng Diyos sa bawat tao. Hindi ba? (Oo.) Ang pagpapamalas ng pagiging makapal ang mukha nang hindi nahihiya ay kaugnay sa karakter ng isang tao. Siyempre, sa isang partikular na antas, umaabot din ito sa antas ng tiwaling disposisyon. Dahil mayroong ganitong aspekto ng pagkatao ang mga gayong tao, ginigiya sila nito na gumawa ng mga partikular na bagay, at kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito, ibinubunyag nila ang kanilang tiwaling disposisyon. Anumang uri ng tiwaling disposisyon ang ibinunyag, ang mga tiwaling disposisyong ibinunyag at ang mga pagkilos ng mga taong makapal ang mukha nang hindi nahihiya ay hindi nahihiwalay sa kanilang pagkatao. Kaya, kung maaaring magbago at maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay nakasalalay sa kung ano ang karakter niya. Kung ang karakter niya ay masama, kung nilalabanan niya ang katotohanan, nasusuklam at tutol siya sa katotohanan, at tumatangging tanggapin ang katotohanan, kung gayon, magiging mahirap iwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at hindi siya magkakamit ng kaligtasan. Gayumpaman, kung sa usapin ng kanyang karakter ay hindi siya isang masamang tao, at kaya niyang arukin at tanggapin ang katotohanan, hindi matigas ang ulo niya, at wala siyang mga problema ng ubod ng samang karakter, kung gayon, makakayang iwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, pero ano ang tumutukoy sa kung kaya bang iwaksi ng isang tao ang katiwalian at kamtin ang kaligtasan? (Nakasalalay ito sa kung ano ang karakter ng isang tao.) Mismo—nakasalalay ito sa kung mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang tao.