Paano Hangarin ang Katotohanan (9) Unang Bahagi
Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw
Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos, at sa Pagkamapanlaban ng Isang Tao sa Diyos
I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos
F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon
Sa panahong ito, medyo malawak ang saklaw ng paksa ng ating pagbabahaginan, hindi ba? (Oo.) Nakapaloob dito ang ilan pang mas partikular na isyu ng pagkatao, at pati na rin ang ilang isyu sa buhay ng tao. Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa mga paksang may kinalaman sa kakayahan, at pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano kilatisin ang mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Sa kabuuan, natapos na ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksa ng kakayahan; mula ngayon, maaari ninyong husgahan kung ano mismo ang kakayahan ng isang tao batay sa nilalamang ito. Noong nagbabahaginan tayo tungkol sa tatlong aspektong ito—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon—nagbahaginan tayo tungkol sa ilang pagpapamalas at pagbubunyag ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay para mahusgahan kung ang mga ito ay kabilang sa kanilang mga likas na kondisyon, pagkatao, o mga tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan tungkol sa tatlong aspekto ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon, mayroon na ba kayong kongkretong pagkaunawa ngayon sa batayang estruktura ng mga tao bilang mga nilikha? (Mas nauunawaan na namin ito nang kaunti kaysa sa dati.) Ang dahilan kung bakit natin pinagbabahaginan ang tatlong aspekto ng mga pagpapamalas na nabubunyag sa buhay ng mga tao ay na ang nilikhang sangkatauhan ay binubuo ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Isa ka mang lalaki o babae, bata ka man o matanda, anuman ang lahi mo o saang bansa ka man nakatira, sa aling panahon ka man nabubuhay, o sa kung anong uri ng kapaligirang panlipunan at pinanggalingan ka namumuhay—sa madaling salita, anuman ang iyong panlabas na hitsura—basta’t isa kang nilikhang tao, binubuo ka ng tatlong aspektong ito: mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Sa madaling salita, ang bawat tao na kabilang sa tiwaling sangkatauhan ay binubuo ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at ng buhay ng mga tiwaling disposisyon. Ibig sabihin, ang bawat nilikhang tao ay nagtataglay ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Siyempre, ang mga likas na kondisyon ng isang tao ay inorden ng Diyos. Ang pagkatao ay bahagyang naiimpluwensiyahan ng mga likas na kondisyon, at bahagya ring nakondisyon at naimpluwensiyahan ng pagpapalaki ng pamilya, ng kapaligirang panlipunan, at ng turo ni Satanas. Samantala, ang mga tiwaling disposisyon ay mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan ng isang tao na bunga ng panlilihis at pagtitiwali ni Satanas. Ang tiwaling kalikasang ito ay bahagyang nagmumula sa pamilya ng isang tao, bahagyang nagmumula sa lipunan, at bahagyang nagmumula sa mga impluwensiya at pagkokondisyon na nararanasan ng isang tao sa iba’t ibang kapaligiran. Mula sa perspektibang ito, ang sinumang nilikhang tao ay hindi naman talaga anumang uri ng misteryo, dahil binubuo sila ng tatlong aspektong ito: mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, ang pagkilatis sa kung anong uri ng tao ang isang tao, sa totoo lang, ay dapat madali. Kung isasantabi natin ang mga likas na kondisyong inorden at ipinagkaloob ng Diyos, ang natitira ay ang pagkilatis kung ano ang pagkatao ng isang tao at kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon siya—ang mga ito ang tumutukoy kung ano ang diwa ng isang tao. Sa ganitong paraan ng pagkilatis, nagiging napakalinaw ng mga bagay-bagay. Ang pagkilatis sa diwa ng isang tao batay sa mga bagay na ito ay hindi isang mahirap na usapin. Ang pagkilatis sa ganitong paraan ay may batayan at mayroon ding pamantayan ng pagsukat.
6. Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Likas na Kondisyon, ng Pagkatao, at ng mga Tiwaling Disposisyon
Noong nakaraan, inilista natin ang ilang partikular na pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, na walang kinalaman sa mga tiwaling disposisyon. Ang mga likas na kondisyon ay ang pundasyon na sinasandalan ng mga tao para sa patuloy na pagiging buhay, at ang mga ito ang mga kondisyon na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan. Ito man ay mga kondisyong nauugnay sa kapanganakan ng isang tao, gaya ng oras, kapaligiran, at lugar ng kapanganakan, o mga aspekto gaya ng hitsura, kakayahan, mga kalakasan, instinto, mga hilig at libangan, at personalidad—ang lahat ng ito ay parte ng mga likas na kondisyon ng isang tao. Ang mga likas na kondisyong ito ay hindi nagtitiwali sa mga tao, at siyempre, ang mga likas na kondisyong ito ay hindi rin naglalaman ng anumang tiwaling disposisyon. Sa pangkalahatan, ang mga likas na kondisyon ay ilang batayang kondisyon na dapat taglayin ng isang nilikhang tao para patuloy na mabuhay at mamuhay. Ang pagkatao ay tumutukoy sa kung ano ang isinasabuhay kaugnay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, na nabubunyag mula sa isang katawan na nagtataglay ng mga likas na kondisyon. Tungkol naman sa mga tiwaling disposisyon, ito ay simple—ang mga tiwaling disposisyon ay ang resulta ng pagtiwali ni Satanas sa buhay ng katawang ito na nagtataglay ng mga likas na kondisyon at pagkatao. Medyo abstrakto ba ito? Sa pangkalahatan, ang mga nilikhang tao ay mga nilikha na pinangingibabawan ng mga tiwaling disposisyon at nagtataglay ng batayang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Ang mga nilikhang ito ay mayroong iba’t ibang likas na kondisyon na inorden ng Diyos. Ito ang batayang estruktura ng sangkatauhang nilikha ng Diyos. Dito, mas madaling maunawaan ang mga likas na kondisyon at tiwaling disposisyon, pero maaaring medyo abstrakto ang pagkatao. Sa madaling salita, ang pagkatao ay isang natatanging katangian ng nilikhang sangkatauhan na nagbubukod sa kanila mula sa ibang mga nilalang. Ang mga nilikha, na mayroon nitong natatanging katangian, ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, karakter, at pati ng abilidad na makilala ang kaibahan ng tama at mali. Ang mga natatanging katangiang ito, na nagbubukod sa sangkatauhan mula sa ibang nilalang, ay bumubuo sa pagkatao. Siyempre, kabilang sa pagkataong ito ang abilidad na magpahayag gamit ang wika, ang abilidad na makilala kung ano ang tama at mali, ang abilidad na makaunawa, ang abilidad na tanggapin ang mga bagong bagay, ang abilidad na tanggapin ang mga salita ng Lumikha, at ang abilidad na tanggapin ang atas ng Diyos at pangasiwaan ang anumang usapin. Ito ay pagkatao. Ang pinakasimpleng pagkaunawa sa pagkatao ay na ito ay isang likas na katangian ng nilikhang sangkatauhan na nagbubukod sa kanila mula sa ibang mga nilalang. Ang pinakabatayang katangian ng katangiang ito ay konsensiya at katwiran. Ito ang pinakasimpleng paraan para maunawaan ito. May ilang detalye sa loob nito, tulad ng integridad at karakter na dapat taglayin ng pagkatao, ang pagtutukoy sa kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay, at ang pagpili at pagsasagawa ng mga positibong bagay. Sa pundamental, ang mga bagay na ito ang dapat maunawaan at malaman ng mga tao tungkol sa tatlong aspekto ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Naisip na ba ninyo dati ang mga isyung ito? (Hindi pa namin naisip ang mga ito dati.) Sa pagharap sa mga isyung ito sa unang pagkakataon, nauunawaan ba ninyo ang mga ito? Naaarok ba ninyo ang mga ito? (Medyo nauunawaan namin ang mga ito.) May sinuman ba na nakararamdam na masyadong malalim at medyo abstrakto ang paksang ito na pinag-uusapan natin, at gaya ng pagtatalakay ng pilosopiya ay medyo di-maarok? Batay sa mga partikular na pagpapamalas ng tatlong aspektong ito ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon na napagbahaginan natin nitong mga nakaraang araw, hindi dapat maging abstrakto para sa inyo kung ano ang napag-usapan ngayon lang. Ang mga partikular na pagpapamalas ng tatlong aspektong ito ay dapat na nauunawaan ninyo. Dagdag pa rito, hindi ba’t dapat maging malinaw rin ang mga ugnayan sa pagitan ng tatlong aspektong ito? Ang pagkatao ay ang integridad, karakter, konsensiya, at katwiran na ibinubunyag ng isang tao batay sa pundasyon ng pagkakaroon ng mga batayang likas na kondisyon. Ang mga tiwaling disposisyon ay ang isinasabuhay sa loob ng pagkatao sa pamamagitan ng mga likas na kondisyon, at ang mga ito ang iba’t ibang disposisyong isinasabuhay ng mga tao na pinangingibabawan ng buhay na ikinikintal ni Satanas sa kanila. Sa ganitong paraan, anuman ang taglay na mga likas na kondisyon ng isang tao, ang mga ito ay ang pinakabatayang panlabas na talukab lang, samantalang ang buhay na maaaring tunay na makapangibabaw sa diwa ng isang tao ay ang mga tiwaling disposisyon na ikinintal sa kanila ni Satanas. Ibig sabihin, para makilatis kung ano ang diwa ng isang tao, tingnan ang mga disposisyong ibinubunyag niya. Kung ang mga disposisyong ibinubunyag niya ay ang mga tiwaling disposisyon ng kayabangan, pagkamatigas ng kalooban, panlilinlang, kabuktutan, o kalupitan, kung gayon, mabuti man o masama ang kanyang karakter, ang taong ito ay kay Satanas sa diwa, dahil ang buhay niya ay tiwaling disposisyon ni Satanas. Samakatwid, ang katangian ng isang tao ay nakasalalay sa buhay na taglay niya sa loob, hindi sa kanyang mga likas na kondisyon. Kung ang buhay niya ay tiwaling disposisyon ni Satanas, kung gayon, gaano man karangal o dakilang tingnan ang kanyang mga likas na kondisyon sa panlabas, siya ay kay Satanas sa diwa, at siya ay isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Kung ang buhay ng isang tao ay isang buhay kung saan ang katotohanan ay ang kanyang buhay, kung gayon, gaano man kaordinaryo, kanormal, o kamukhang minamaliit ang kanyang mga likas na kondisyon sa panlabas—at kahit na may ipinapakita siyang ilang kahinaan, kakulangan, at mga depekto sa kanyang pagkatao sa panlabas—parte pa rin siya ng sangkatauhang nailigtas. Sa esensiya, siya ay nasa panig ng Diyos, at hindi kay Satanas. Nagbabago ang diwa niya. Sa sandaling magbago ang diwa niya, nagbabago rin ang kinabibilangan niya—siya ay nabibilang sa katotohanan at nasa panig ng Diyos. Samakatwid, ang salik na nagpapasya sa kinabibilangan, diwa, at huling kalalabasan ng isang tao ay hindi ang kanyang mga likas na kondisyon, at siyempre, hindi rin ganap na ang kanyang pagkatao, kundi kung ano ang buhay niya. Kung mula sa umpisa hanggang katapusan, ang buhay ng isang tao ay isang buhay kung saan ang mga tiwaling disposisyon ay ang kanyang buhay, at siya ay kay Satanas, kung gayon, ang kabibilangan niya ay kay Satanas; kung mayroon siyang katotohanan bilang ang kanyang buhay, siya ay nasa panig ng Diyos, at kaya, ang kabibilangan niya ay sa Diyos, sa magandang hantungang inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas at sa diwa ng mga tao sa lahat ng aspekto, ano ang kasalukuyang kinabibilangan ng mga tao? Ang mga tao ay mayroon bang isang buhay na kung saan ang katotohanan ay ang kanilang buhay? (Wala.) Kung gayon, saan ba mismo nakasalalay ang diwa ng isang tao? (Sa kung ano ang mayroon siya bilang buhay niya.) Mismo; anuman ang buhay mo sa loob-loob, iyon ang diwa mo. Kung magbago ang buhay na nasa loob mo, at hindi na mga tiwaling disposisyon ang buhay mo, kundi ang katotohanan, kung gayon, pagdating sa diwa mo, ikaw ay nasa panig ng Diyos at sa katotohanan. Siyempre, hindi nagbabago ang katangian ng pagiging tao ng mga tao—tao pa rin ang mga tao, at pagdating sa kanilang katangian, sila ay mga nilikhang tao pa rin. Gayumpaman, dahil nagbago na ang buhay mo, nagbago na rin ang kinabibilangan mo. Sa pagbubuod, ang mga likas na kondisyon ay mga batayang kondisyon na bumubuo sa nilikhang sangkatauhan. Ibig sabihin, hangga’t tinatawag kang isang nilikhang tao, dapat umiral sa iyo ang mga likas na kondisyong ito—ang mga ito ang mga batayang kondisyon. Ang pagkatao ay kung ano ang ibinubunyag mula sa at isinasabuhay sa normal na pagkatao ng isang tao habang namumuhay siya sa ilalim ng kanyang mga likas na kondisyon. Ang mga tiwaling disposisyon ay ang buhay na likas sa tiwaling sangkatauhan, nakatago ito sa ilalim ng mga likas na kondisyon at sa talukab ng pagkatao. Ang mga ugnayan at pagkakaiba sa pagitan ng tatlong aspektong ito, pati na ang mga papel na ginagampanan ng bawat isa sa mga ito o ang mga silbi ng bawat isa sa mga ito sa nilikhang sangkatauhan, ay gaya mismo ng inilarawan. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang pagpapamalas kaugnay sa tatlong aspektong ito ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao. Gayumpaman, higit na lumalagpas pa sa pinagbahaginan natin ang nilalaman kaugnay sa tatlong aspektong ito, kaya kailangan nating patuloy na magbahaginan tungkol sa paksang ito ngayon.
Pagkabulol at Pagkautal
Saan tayo huminto noong huli tungkol sa iba’t ibang pagbubunyag ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon? Sa pagiging matatakutin at pagiging mapangahas, tama ba? (Oo.) Natapos na ang pagbabahaginang iyon. Ngayon naman, tingnan natin ang pagkabulol at pagkautal kapag nagsasalita—anong klaseng problema ito? (Isang likas na kondisyon.) Isa itong likas na kondisyon at isa rin itong uri ng pisikal na depekto. Siyempre, magkakaiba ang mga anyo ng pagkabulol. May ilang taong nabubulol na nagpapahaba ng isang pantig, samantalang may iba naman na palaging paulit-ulit sa isang pantig, inaabot ng buong araw nang hindi nakakapagbigkas ng isang kompletong pangungusap. Sa madaling salita, isa itong likas na kondisyon at siyempre, isa rin itong uri ng pisikal na depekto. Kaugnay ba rito ang isang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Wala itong kaugnay na tiwaling disposisyon. Kung may magsasabi na, “Nauutal ka kapag nagsasalita; siguradong tuso ka!” o, “Nabubulol ka pa nga kapag nagsasalita; paanong napakayabang mo?”—tumpak ba ang mga gayong pahayag? (Hindi.) Ang pagkabulol, bilang isang depekto o kapintasan, ay walang kinalaman sa anumang aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kaya, ang pagkabulol ay isang likas na kondisyon at isang uri ng pisikal na depekto. Malinaw na wala itong kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao at walang anumang koneksiyon sa mga ito. May isa pang sitwasyon kaugnay sa pagkabulol: Hindi karaniwang nauutal ang ilang tao kapag nagsasalita, pero kapag tinatanong mo sila, nag-aatubili at nauudlot sila sa pagsasalita; umaabot sila ng isang buong araw para lang makapagsalita ng isang pangungusap, at hindi mo pa rin matukoy kung ano ang sinusubukan nilang sabihin. Hindi kailanman sapat na espesipiko ang kanilang pananalita, palagi na lang pinapahulaan sa iyo ang ibig nitong sabihin—anuman ang hula mo, iyon ang nagiging kahulugan. Kung hindi naman, ngumingiti na lang sila. Sa madaling salita, sadyang hindi nila direktang sinasagot ang katanungan mo. Halimbawa, tatanungin mo sila, “Saan ka galing?” Sasabihin nila: “Ako… ako… basta, naglibot-libot lang ako at …” Pagkarinig nito, hindi mo pa rin alam kung saan sila galing. O kaya, tatanungin mo sila, “Paano mo sinusuri ang kakayahan ng taong iyon?” Sasabihin nila, “Ang … kakayahan niya, eh … ang lahat, alam mo … kaming lahat … ahm … ay hindi talaga … malinaw.” Bakit sila nagsasalita sa gayong paraan na pahinto-hinto at paputol-putol? Ito ba ay pagkabulol o pagkautal? Mukhang hindi naman. Kung gayon, bakit sila ganito magsalita? Kung hindi ito dahil sa pagkabulol o pagkautal, ano ang dahilan? (Sila ay pinangingibabawan ng isang tiwaling disposisyon.) Malinaw na ito ay pagbubunyag ng isang disposisyon. Ibig sabihin, kapag ipinapahayag o ginagawa nila ang isang bagay, pinangingibabawan sila ng isang disposisyon, na parte ng buhay nila, na nagtutulak sa kanila na magsalita at kumilos para makamit ang isang partikular na pakay. Ano ang pakay na ito? Ito ay ang itago ang mga totoong katunayan, ang iwasang sabihin sa iyo ang mga totoong katunayan; ayaw nilang ipaliwanag nang napakalinaw ang mga bagay-bagay. Bakit sila kumikilos nang ganito? Dahil naniniwala sila na kapag ipinaliwanag nila kung ano talaga ang nangyayari, kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan—maaaring mapasama ang loob ng isang tao o magdulot ng pinsala sa kanilang sarili. Ayaw nilang pasanin ang mga kahihinatnang ito; ayaw nilang malaman mo ang mga totoong katunayan. Isa itong paraan at estilo ng pagsasalita at pagkilos sa ilalim ng pangingibabaw ng isang tiwaling disposisyon. Ang buhay na nangingibabaw sa kanila para kumilos sa ganitong paraan ay kumakatawan sa kanilang kalikasan, at ang kanilang pagkilos sa ganitong paraan ay nagpapatunay na wala silang anumang katotohanan. Hindi sila nagsasalita ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ganoon, paano dapat magsalita ang isang tao para makapagsalita ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Para magawa ito, dapat maging isang matapat na tao ang isang tao, gaya ng sinasabi ng Diyos: “Datapuwat ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Ginagawa ba nila ito? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Hindi sila nagsasabi ng oo kapag ito ay oo, ni hindi kapag ito ay hindi. Anong pamamaraan ang ginagamit nila? Nagsasalita sila nang malabo ang kahulugan, gumagamit ng mga mapanlinlang at buktot na paraan para ipahayag ang ibig nilang sabihin, nang sa gayon ay makamit ang layon nilang maprotektahan ang kanilang sarili. Ginagamit nila ang mga pamamaraang itinuro at ikinintal sa kanila ni Satanas para pangasiwaan ang isang usapin o ipahayag ang isang bagay. Malinaw na ito ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi ito isang mababaw na pagbubunyag ng pagkatao, kundi isang pagbubunyag ng isang paraan ng pagkilos sa ilalim ng pangingibabaw ng tiwaling disposisyon ni Satanas.
Pagsasaya sa mga Kapana-panabik na Bagay
Magpatuloy tayo sa isa pang pagpapamalas: pagsasaya sa mga kapana-panabik na bagay at pag-ayaw sa kawalang-kawilihan; paggawa ng lahat ng bagay at pagpili ng bawat estilo ng pamumuhay alang-alang sa mga kapana-panabik na bagay. Anong klaseng problema ito? Una sa lahat, kabilang ba ito sa mga hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon? (Oo.) Ganoon ba? Pag-isipang mabuti—nabibilang ba talaga ito roon? Normal ba sa pagkamakatwiran ng isang tao ang pagsasaya sa mga kapana-panabik na bagay? (Hindi ito normal.) Kung gayon, naaangkop bang ikategorya ito sa ilalim ng mga likas na kondisyon? (Hindi.) Kung titingnan sa ganitong paraan, hindi ito naaangkop. Anong uri ng problema ang ganitong pagpapamalas? Kung sasabihin nating isang tiwaling disposisyon ang pagsasaya sa mga kapana-panabik na bagay, anong uri ng tiwaling disposisyon ito? Ito ba ay kayabangan, panlilinlang, o kalupitan? (Wala sa mga ito.) Wala itong kaugnayan sa anumang klase ng tiwaling disposisyon. Kung gayon, anong uri ng problema ito? (Ito ay isang problema sa pagkatao.) Anong uri ng problema sa pagkatao ito? Ito ba ay pagiging medyo wala sa lugar? (Oo.) Ito ay pag-asal nang hindi wasto at sa paraang wala sa lugar, pagsasaya sa mga kapana-panabik na bagay, at pagiging di-mapakali. Ang pagiging di-mapakali ay nagpapahiwatig ng kakulangan sa normal na pagkatao. Wala itong kinalaman sa konsensiya pero ito ay pangunahing sumasalamin sa kakulangan ng pagkamakatwiran sa normal na pagkatao. Ang mga gayong tao ay hindi makapanatili sa isang gampanin o makagawa sa kanilang mga tungkulin sa isang paraan na sumusunod sa patakaran at responsable. Hindi nila magawa ang mga bagay-bagay gaya ng mga nasa hustong gulang; kulang sila sa mature na pag-iisip, sa mature na estilo ng pansariling asal, at sa mature na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Sa pinakamababa, ito ay isang depekto ng kanilang pagkatao. Siyempre, hindi pa ito umaabot sa antas ng pagiging isang problema sa kanilang karakter, kundi nauugnay ito sa isang saloobin sa kanilang pag-asal at pagkilos. Ang pagsasaya sa mga bago at kapana-panabik na bagay, pagiging paiba-iba sa anumang ginagawa nila, kawalan ng kakayahang magpursige, at ang pagiging di-mapakali at hindi wasto, at palaging gustong maghanap ng mga kapana-panabik na bagay at sumubok ng magagarang bagong bagay—ang mga ganitong klase ng isyu ay kabilang sa mga depekto ng pagkatao. Ang mga taong natutuwa sa mga kapana-panabik na bagay ay walang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao; hindi madali para sa kanila na pasanin ang mga responsabilidad at gawaing dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang. Anuman ang trabahong ginagawa nila, basta’t ginagawa nila ito sa loob ng mahabang panahon at hindi na ito bago, nababagot sila rito, nawawalan ng interes sa paggawa nito, at gusto nilang maghanap ng may pakiramdam ng pagiging bago at kapana-panabik. Kung walang mga kapana-panabik na bagay, pakiramdam nila ay hindi kawili-wili ang mga bagay-bagay at maaari pa ngang makaranas sila ng isang pakiramdam ng espirituwal na kahungkagan. Kapag ganito ang nararamdaman nila, hindi mapakali ang puso nila, at gusto nilang maghanap ng mga kapana-panabik na bagay o mga bagay na interesante para sa kanila. Palagi nilang gustong gumawa ng isang bagay na hindi kinaugalian. Sa tuwing nararamdaman nilang nakakabagot o hindi interesante ang gawaing ginagawa nila o ang mga usaping pinangangasiwaan nila, nawawalan sila ng pagnanais na magpatuloy. Kahit pa ito ay isang gawain na dapat nilang gawin o gawain na makabuluhan at may halaga, hindi nila kayang magpursige. Tingnan ninyo kung paanong, sa gitna ng mga walang pananampalataya, marami ang madalas na gumagamit ng droga. Anuman ang mga dahilan sa likod nito, nasisiyahan sila sa paggamit ng droga para makahanap ng pakiramdam ng pananabik at makahanap ng mga di-makatwirang sensasyon na lampas sa taglay ng mga normal na tao. Ang mga taong nasisiyahan sa mga kapana-panabik na bagay ay katulad ng mga umaasa sa droga para sa pampasigla. Wala silang pagkamakatwiran ng mga normal na tao sa kanilang paraan ng pag-asal at palagi nilang gustong maghangad ng mga di-makatotohanan at higit-sa-karaniwan na sensasyon sa pagpili ng kanilang pamumuhay. Napakadelikado nito. Kadalasan, ang mga ganitong uri ng tao ay mukhang walang malalaking problema sa panlabas. Kung hindi mo kikilatisin ang gayong mga tao o malinaw na mauunawaan ang kanilang diwa o ang diwa sa ganitong uri ng problema, maaari mong isipin na, “Sadyang hindi lang matatag ang mga disposisyon ng mga taong ito; nasa trenta o kuwarenta anyos na sila pero hindi pa rin mature na gaya ng mga bata.” Sa totoo lang, sa kaloob-looban nila, ang mga ganitong uri ng tao ay patuloy na naghahanap ng mga kapana-panabik na bagay. Anuman ang ginagawa nila, wala silang mga kaisipan at kamalayan ng mga taong nasa hustong gulang na, pati na ng diskarte at saloobin ng kung paano pinangangasiwaan ng mga taong nasa hustong gulang ang mga usapin. Kaya, ang gayong mga tao ay napakahirap pakitunguhan. Marahil hindi naman masama ang pagkatao nila, at hindi naman talaga ubod ng sama ang karakter nila, pero dahil sa depektong ito sa kanilang pagkatao, napakahirap para sa kanila na maging mahusay para sa mahalagang gawain, lalo na sa partikular na mahahalagang aytem ng gawain. Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan, sinasabi nila, “Nauunawaan ko ang lahat; hindi ko lang ito kayang gawin.” Hindi sila makapamuhay o makapagtrabaho nang maayos at responsable nang may mga kaisipan at saloobin ng mga normal na tao. Palaging hindi mapakali ang puso nila. Ang mga taong may gayong mga pagpapamalas ay napakalaking problema rin. Dito nagtatapos ang talakayan natin tungkol sa pagpapamalas ng pagsasaya sa mga kapana-panabik na bagay.