Paano Hangarin ang Katotohanan (8) Ikaanim na Bahagi
Pagkahilig na Makihalubilo at Pagiging Mapagsarili
Ang pagkahilig na makihalubilo—anong aspekto ito? (Isang likas na kondisyon.) Isa itong likas na kondisyon, isang pamamaraan ng mga makamundong pakikitungo habang kasama ang mga grupo ng mga tao. Ang ilang tao ay nasisiyahan sa pakikisalamuha sa iba, hinding-hindi sila napapagod dito, at anuman ang personalidad ng ibang mga tao, kaya nila at handa silang makisalamuha sa mga ito. Gayumpaman, may ilang tao na mas gustong umiwas sa karamihan at ayaw makisalamuha. Mayroon itong partikular na kaugnayan sa likas na personalidad ng isang tao. Kapag may kinalaman ito sa personalidad, tiyak na may kinalaman ito sa mga likas na kondisyon. Ang pagkahilig na makihalubilo ay nauugnay sa personalidad ng isang tao; wala itong kinalaman sa mga merito o mga pagkukulang ng pagkatao, at siyempre, wala itong kinalaman sa anumang tiwaling disposisyon. Ito ay isang medyo simpleng pagpapamalas. Ang pagiging mapagsarili—sa anong aspekto naman ito nabibilang? (Parte ito ng personalidad ng isang tao simula nang ipanganak siya.) (Isa itong depekto ng pagkatao.) Mayroong kaunting pagkakaiba ng opinyon dito—kaya, anong uri nga ba ng isyu ang pagiging mapagsarili? (Ipinapahiwatig ng pagiging mapagsarili na hindi mabuti ang personalidad ng isang tao.) Ang pagkakaroon ng hindi mabuting personalidad ay isang depekto ng pagkatao. Ang personalidad mismo ay isa ring aspekto ng mga likas na kondisyon ng isang tao, kaya ang katangiang ito ng pagiging mapagsarili ay parehong isang likas na kondisyon at isang depekto ng pagkatao. Hindi ito nabibilang sa isang tiwaling disposisyon at walang kinalaman dito ang sariling asal ng isang tao. Ang pagiging mapagsarili ay nangangahulugan ng palaging pag-iwas sa mga tao, pag-ayaw na ipagbigay-alam ang sariling mga kaisipan sa iba, pagiging mas gustong gumawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa, pag-ayaw na makihalubilo sa iba, at pag-ayaw na manirahan kasama ang mga tao. Gusto lang ng gayong mga tao na manatili sa isang kapaligiran na nag-iisa sila o sa isang sulok. Kapag maraming tao, ayaw nilang magsalita. Hindi sila mahusay sa pakikipag-usap sa iba. Kapag nakikipag-usap nga sila sa iba, nababalisa at natataranta sila, o humahantong sila sa mga kahiya-hiya at nakakaasiwang sitwasyon. Isa itong isyu sa personalidad sa loob ng mga likas na kondisyon at, siyempre, isa rin itong depekto ng pagkatao, tama ba? (Tama.)
Pagiging Matatakutin at Pagiging Mapangahas
Ngayon tingnan naman natin ang pagiging matatakutin—anong uri ng isyu ito? (Isang likas na kondisyon.) (Isang depekto ng pagkatao.) Isa itong likas na kondisyon at isa ring depekto ng pagkatao. Sabihin mo sa Akin, ano ang ibig sabihin ng pagiging matatakutin? Ang pagiging takot na lumabas sa gabi, takot sa mga daga, alupihan, at alakdan, gayundin ang pagiging takot na malagay sa gulo at pag-ayaw na humarap sa mga komplikadong isyu—lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng pagiging matatakutin. Ang ilang tao ay nawawalan ng malay dahil sa sindak kapag nakakakita sila ng ahas. May ilan naman na nanginginig ang buong katawan sa sobrang takot kapag nababalitaan nila ang tungkol sa isang aksidente sa kotse. Ang ilang tao, pagkarinig na inuusig ang mga mananampalataya sa Diyos at maaaring arestuhin, sentensiyahan, at ikulong ang mga ito, ay sobrang natatakot na hindi na sila naglalakas-loob na manampalataya. Mayroon ding mga hindi nangangahas na sumakay sa mga roller coaster. Ang gayong mga tao ay hindi nangangahas na sumali sa o sumubok ng kahit anong bagay kung mayroong kahit maliit na bagay na hindi nila nakikilatis o kung isa itong bagay na hindi pa nila nagawa dati. Bukod sa hindi sila nangangahas na sumubok ng mapanganib na gawain o ng mga mapanganib na aktibidad, natatakot din sila na gumawa ng mga bagay na dapat gawin ng mga normal na tao sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, kapag sinabihan silang mag‑aral na magmaneho, sasagot sila, “Hindi ako naglalakas-loob na magmaneho. Napakaraming kotse sa kalsada, at napakabilis nilang magpatakbo—paano kung mabangga ako?” Sasabihin naman ng isa, “Bakit ba palagi kang nag-aalala na mabangga? Hindi ba puwedeng mas mag-ingat ka na lang kapag nagmamaneho?” Pero natatakot pa rin sila: “Kapag umandar na ang kotse, hindi ko na ito kontrolado. Kung talagang may mangyayaring banggaan, walang makakakontrol niyon!” Palaging nasa negatibong direksiyon ang pag-iisip nila, kaya wala silang anumang nagagawa. Ang pagiging matatakutin ay isang likas na kondisyon, at isa rin itong depekto ng pagkatao. Ang mga taong matatakutin ay sobrang maingat at metikuloso sa lahat ng ginagawa nila. Kadalasang hindi sila gumagawa ng malalaking pagkakamali o ng malalaking maling gawain. Pero mula sa anumang perspektiba, hindi ito maituturing na merito—isa itong depekto ng pagkatao. Paano naman ang pagiging mapangahas? Anong mga termino ang karaniwang nauugnay sa pagiging mapangahas? (Ang pagiging hangal na mapangahas, pagkilos nang walang ingat dahil sa kapangahasan.) Ang “pagkilos nang walang ingat dahil sa kapangahasan,” “pagiging lubhang mapangahas,” at “pagiging walang sinasanto” ay pawang tumutukoy sa pagiging mapangahas. Kaya, mabuti ba ang pagiging mapangahas o hindi? (Depende ito sa usapin.) Nakadepende ito sa sitwasyon at sa kung anong uri ng tao sila. Kung titingnan mula sa perspektiba ng pagkatao, ang pagiging mapangahas ay hindi maikaklasipika bilang isang merito o pagkukulang—ikakategorya natin ito bilang isang likas na kondisyon. Dapat isaalang-alang ang kapangahasan ng isang tao batay sa usapin; dagdag pa rito, kailangan mong tingnan kung mayroon ba siyang mga hangganan sa paggawa ng mga bagay-bagay at kung ano ang karakter niya. Kung masama ang karakter niya, ang kapangahasan ay maaaring magtulak sa kanya na lumabag sa batas, gumawa ng kasamaan, at gumawa ng mga krimen, magsamantala, makinabang sa maling paraan, at manggantso at mandaya sa iba kahit saan. Kung may mag-aalok sa kanya ng pera para gumawa ng masamang gawain, kaya niyang gawin iyon. Upang makapagsamantala, nangangahas siyang gawin ang anumang masamang gawa, nang hindi iniisip ang mga kahihinatnan o isinasaalang-alang ang iba. Mabuti ba ang ganitong pagkilos nang walang ingat dahil sa kapangahasan? (Hindi.) Ang ilang tao ay nanlilinlang ng iba sa lahat ng dako alang-alang sa kanilang negosyo. Ilegal ang negosyong pinapatakbo nila—isa lang itong kompanya sa papel na walang tunay na operasyon. Pero dahil sa kanilang kapangahasan na sinamahan ng kanilang abilidad na manlinlang, pansamantala silang yumayaman, tumitira sa mga villa, at nagmamaneho ng sedan—nagtatamasa sila ng napakagandang buhay, pero ang pera at mga materyal na pag-aaring tinatamasa nila ay pawang natamo lahat sa pamamagitan ng panlilinlang bilang resulta ng kanilang kapangahasan. Mabuting bagay ba ito? Sabihin mo sa Akin, mabuti ba ang ganitong kapangahasan? (Hindi.) Kung gayon, pagdating sa mga taong mapangahas, kailangan mong tingnan ang landas na tinatahak nila. Kung nangangahas silang manggantso at mandaya sa iba dahil sa kanilang kapangahasan, gumagawa sila ng malaking kasamaan. Habang mas nanlilinlang at mas nagsasamantala ka ng ibang tao, mas mabigat ang parusang matatanggap mo sa hinaharap, hindi ba? Hindi ba’t nagdudulot ito ng kalamidad? (Oo.) Kung matatakutin ka at gusto mong manggantso at mandaya ng iba, makikibahagi ka sa medyo mas kaunting panlilinlang, at magiging mas magaan ang parusang matatanggap mo sa hinaharap. Kaya, para sa mga taong hindi naglalakad sa tamang landas, mas mabuti ba para sa kanila na maging medyo matatakutin o medyo mapangahas? (Medyo mas mabuti ang maging medyo matatakutin.) Para sa mga taong ito na hindi tumatahak sa tamang landas, na may kakayahang manggantso at mandaya ng iba, na nagbabalewala sa batas at palaging naghahanap ng mga butas sa batas na malulusutan para sa mabilisang kita, at na kayang lumabag sa batas anumang oras, ang kapangahasan ay isang kalamidad—isa itong depekto at isang kahinaan sa kanilang pagkatao. Ang pagiging matatakutin, sa kabilang banda, ay nagiging isang mabuting bagay—isa pa nga itong pananggalang para sa kanila. Kumikita ng kaunting pera ang mga matatakuting tao para matustusan nila ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya at ng kanilang sarili, at nagtatamasa rin sila ng kaunting luho, at hanggang doon lang sila. Magiging mas magaan ang parusang matatanggap nila sa hinaharap. Ang mga taong mapangahas ay naglalakas-loob na walang-ingat na gumawa ng mga maling gawa, at nandaraya at nanggagantso ng iba, kinukuha ang pag-aari ng iba para sila mismo ay mas maraming matamasa. Sinasamantala nila ang iba—hindi ba’t kakailanganin nilang magbayad para dito sa hinaharap? (Oo.) Kung mayroon silang kabilang buhay, magiging mabigat ang parusang matatanggap nila roon—baka nga hindi nila magawang bayaran ito nang buo sa loob ng isa o dalawang buhay. Ginugugol ng ilang tao ang buong buhay nila sa pagpapatakbo ng restawran o negosyo, kumikita ng isa o dalawang milyon, o sampu-sampung milyon pa nga sa mga asset, pero hindi nila mismo natatamasa ang alinman dito dahil nagagamit ang lahat sa pagbabayad ng utang. Kahit pagdating ng panahon na nasa mga setenta o otsenta anyos na sila, hindi pa rin sila natatapos sa pagbabayad ng utang. Ano ang nangyayari dito? Ito ay retribusyong may kinalaman sa sanhi—marahil dahil sa kanilang mga nakaraang buhay, napakarami nilang kinuha mula sa iba dahil sa kasakiman, kaya nagbabayad sila ng mga utang sa loob ng ilang buhay na ito. Hindi ba’t, sa nakaraan nilang buhay, sobra silang sakim, sobrang mapangahas, at labis-labis na nagsamantala sa iba, na nagreresulta sa retribusyon sa kasalukuyan nilang buhay? (Oo.) Para sa mga taong hindi tumatahak sa tamang landas, ang pagiging medyo matatakutin ay isang pananggalang para sa kanila, samantalang ang kapangahasan ay isang masamang palatandaan.
Kung tumatahak sa tamang landas ang isang tao, mabuting bagay ba ang kapangahasan? (Oo.) Ano ang mabuti rito? (Kung mapangahas siya, kaya pa rin niyang magpursigi sa pananampalataya sa Diyos kapag nahaharap sa pag-uusig.) Ang kapangahasang ito ay hindi lang tumutukoy sa tapang ng laman. Kung ito ay ang uri ng kapangahasan na tapang ng laman, ito ay kawalang-ingat at pagpapadalos-dalos—medyo pabigla-bigla at bulag ito. Halimbawa, kung mapangahas ka, at naaresto ka dahil sa pananampalataya sa Diyos, matatakot ka ba na mapahirapan? Matatakot ka ba sa kamatayan? Matatakot ka ba na makulong sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon? Kung matatakot ka, ang sinasabi mo na, “Hindi ako natatakot” nang magsimula kang manampalataya sa Diyos ay kawalang-ingat, hindi tunay na kapangahasan. Anong pagpapamalas ang hindi kawalang-ingat? Ito ay na, kapag nagsimula kang manampalataya sa Diyos, mayroon kang partikular na tapang, pero mayroon ka ring tunay na pananalig. Ano ang tinutukoy ng tunay na pananalig na ito? Nangangahulugan ito na sa pananampalataya sa Diyos, mayroon kang determinasyon: “Kung uusigin, aarestuhin, at pahihirapan ako dahil sa pananampalataya sa Diyos, kailangan kong maging handa na ialay ang buhay ko. Paano man ako pahirapan at gaano man kasaklap, hindi ko ipagkakanulo ang iglesia o hindi ako magiging isang Hudas—hindi ako natatakot sa kamatayan!” Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na, kung tunay kang naaresto at inusig, at binabantaan ka ng malaking pulang dragon para ipagkanulo mo ang iglesia, nakikilatis mo ang mga pakana ni Satanas, at hindi ka nalilimitahan nito, at naninindigan ka sa iyong patotoo, nagsasabing, “Ang lahat ng tungkol sa isang tao, pati ang buhay at kamatayan niya, ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ako natatakot!” Hindi ito kawalang-ingat o basta lang na tapang; ito ay tunay na pananalig. Ang pagkakaroon ng ganitong tunay na pananalig at ang magawang manindigan sa iyong patotoo ay iyong merito. Ipagpalagay na wala kang tunay na pananalig at sinasabi mo lang, “Hindi ako natatakot—sa pinakamalala, kamatayan lang ito,” pero kapag nahaharap ka sa pagkakaaresto, sobra kang natatakot na naiihi ka na sa iyong pantalon. Pagkatapos maaresto, ang unang pumapasok sa isip mo ay, “Pahihirapan ba ako? Magdurusa ba ang aking laman? Kung may isang de-kuryenteng bakal na pantatak na ilalapat sa katawan ko, makakaya ko ba ito? Kung matindi ang pagpapahirap, mamamatay ba ako? Kung mamamatay ako, hindi ba ako matatandaan ng Diyos? Hindi ko ba matatamo ang kaligtasan? Kung talagang hindi ko ito makakayanan, ipagkakanulo ko ang iglesia at magiging isa akong Hudas. Kung parurusahan at wawasakin ako matapos akong maging Hudas, bahala na—kahit papaano ay hindi ako magdurusa ng pasakit ngayon.” Sa ganoong kaso, hindi ba’t nawawala ang patotoo mo? Sabihin nating binabalaan ka naman ng Partido Komunista, ginagamit ang iyong pamilya para i-blackmail ka—hindi pinahihintulutan ang mga anak mo na makapasok sa unibersidad, tinatanggihan ang mga magulang mo na makaakses sa medical insurance, ipinagkakait ang lahat ng karapatan ng iyong pamilya —kapag nagkagayon ay matatakot ka at hindi magkakaroon ng tunay na pananalig. Saan mapupunta ang tapang mo? Mapangahas ka ba talaga? Kung wala kang tunay na pananalig, ang kapangahasan mo ay kawalang-ingat lamang. Kapag mayroon kang tunay na pananalig ay saka lang tunay ang iyong tapang. Bago maaresto, kung iniisip mo na, “Hindi ako hahayaan ng Diyos na maaresto,” at nagiging mapangahas ka dahil sa kaisipang ito, hindi iyon tunay na lakas ng loob o tunay na pananalig. Ipagpalagay na, bago maaresto, napagbulayan mo na ang lahat ng ito at sinasabi mo, “Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng isang tao. Kung talagang nais ng Diyos na kunin ang buhay ko, dapat akong magpasakop. Para naman sa hantungan ko sa hinaharap, iyon ay itinatakda ng isang salita mula sa Diyos. Paano man ako tratuhin ng Diyos at anuman ang hantungang ipinagkakaloob Niya sa akin, lahat ito ay pagiging matuwid ng Diyos, at magpapasakop ako. Kung isinasaayos ng Diyos na mamatay ako sa bilangguan, karangalan ko iyon—handa akong ialay ang buhay na ito sa Diyos. Gaano kalaking pagdurusa man ang maranasan ko, magkakaroon ako ng isang di-nagbabagong kredo, iyon ay na ipinagkakatiwala ko ang buhay ko sa mga kamay ng Diyos, at kahit paano ako pahirapan, wasakin, o dulutan ng pagpapahirap ni Satanas, hinding-hindi ako susuko rito. Hindi ako nag-aalala tungkol sa kung mamamatay ako. Kahit mamatay ako, nasa ilalim ito ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at pauna na Niya itong inorden. Pasasalamatan at pupurihin ko pa rin ang Diyos!” Ito ang uri ng pananalig na dapat mayroon ka; tanging sa gayong pananalig ka magkakaroon ng tunay na tapang. Ipagpalagay na, bago ka maaresto, bago talagang mangyari iyon sa iyo, nakilatis mo na ang mga usaping ito, mayroon kang tunay na pananalig sa Diyos, tunay na pagpapasakop sa Diyos, at isang tunay na pagkaunawa at pagtanggap sa mga usapin ng buhay at kamatayan, at kaya mong ganap na ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga kamay ng Diyos, at kapag tunay kang naaresto at nahaharap sa posibilidad ng kamatayan, nananatiling hindi nagbabago ang mga pagkaunawang ito sa puso mo—kung gayon, hindi matitinag ang pananalig mo. Kahit ano pa ang mga sitwasyon, kung hindi nadudurog o nagagapi ang pananalig mo, palagi kang magkakaroon ng tapang. Ipagpalagay na, bago ka maaresto, bago pa man talagang mangyari iyon sa iyo, hindi mo napag-isipan nang mabuti ang mga bagay na ito at nangangarap ka lang na nag-iisip na, “Handa akong ialay ang buhay ko. Bigay ng Diyos ang buhay ko—sa pinakamalala, mamamatay ako bilang isang martir para sa Diyos!” Sa ganoong kaso, kapag pinahihirapan ka na ng malaking pulang dragon at pagkatapos ay sinesentensiyahan ka ng sampung taon na pagkakakulong, matutulala ka: “Akala ko, ang pagkamatay na ang katapusan. Kapag naging martir ako, tatandaan ako ng Diyos. Hindi ko akalain na mabibigo akong manindigan sa patotoong iyon at, sa huli ay masesentensiyahan ng sampung taon. Sampung taon—hindi iyon sampung araw o sampung buwan! Paano ko ito magagawang tiisin?” Dahil hindi mo pa napag-isipan ang mga bagay na ito dati, magiging madali bang maunawaan ang mga ito sa pagkakataong ito? Magiging medyo mahirap ito, hindi ba? (Oo.) Kapag lumilitaw ang mga paghihirap, iniisip lang ng mga tao kung paano pangasiwaan ang mga ito at kung paano makatatakas mula sa mga ito. Kung malakas ang motibasyon mo na tumakas mula sa mga paghihirap, magiging lubhang mahina ang motibasyon mong umangkop sa mga ito sa gitna ng isang mahirap na kalagayan. Samakatwid, kapag nahaharap sa mga paghihirap, nagiging napakahirap para sa iyo na magpasakop sa gayong kapaligiran. Kaya, paano dapat lutasin ang mga gayong sitwasyon? Dapat kaagad mong hanapin ang katotohanan at pag-isipan nang mabuti ang mga usaping ito; kailangan mo ring matukoy ang landas para sa kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan. Halimbawa, kung ikukulong ka nang sampung taon, ano ang iisipin mo? “Ididiborsiyo ba ako ng misis (o mister) ko? Ilang taon na ang mga anak ko pagkatapos ng sampung taon? Hindi ko matutupad ang responsabilidad ko sa kanila—itatakwil ba nila ako at tatanggi ba silang alagaan ako sa aking pagtanda? Paano ako mabubuhay pagkatapos mapalaya? Pagkalipas ng sampung taon, matanda na ang mga magulang ko, at hindi ko matutupad ang responsabilidad ko sa kanila bilang anak—hindi ba’t gagawin ako niyon na isang hindi mabuting anak? Matatapos na ba ang gawain ng Diyos pagkatapos ng sampung taon? Wala akong anumang makakamit sa bilangguan—hindi ako makakadalo sa anumang pagtitipon, o makakapakinig sa anumang mga sermon, at hindi ko mauunawaan ang katotohanan. Hindi ba’t mapag-iiwanan na ako sa loob ng sampung taon na ito? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay natiwalag na ako? Gugustuhin pa rin ba ako ng Diyos? Kung sasailalim ako sa pagdurusang ito, matatandaan ba ito ng Diyos? Kung hindi Niya ito matatandaan at hindi ko makakamit ang kaligtasan, hindi ba’t magiging walang saysay ang paggugol ko ng panahong ito sa bilangguan? Marami ang magbabago sa loob ng sampung taon, at wala akong makakamit habang nawawalan nang marami.” Kapag naiisip mo ang mga bagay na ito, lumilitaw ang mga paghihirap. Paano mo dapat harapin ang mga paghihirap na ito? Hindi ba’t dapat mong pag-isipan kung paano makakaraos sa bawat araw? Kung hindi mo pa napag-isipang mabuti ang mga bagay na ito at hindi ka pa nakarating sa isang punto kung saan nauunawaan mo ang katotohanan at malinaw mong nakikita ang mga usapin, kung gayon, kapag nahaharap ka sa pagkakaaresto, ang iyong buhay at kamatayan ay nakasalalay sa isang kaisipan: Ang isang sandali ng pagkamatatakutin at pagkatakot, ang iisang kaisipan o ideya, ay maaaring magsanhi na ikaw ay maging isang Hudas, na ipagkanulo mo ang iglesia, at sayangin ang lahat ng mga nauna mong pagsisikap. Kung hindi mo mapag-isipang mabuti at makilatis ang usaping ito, magiging napakahirap na hindi mag-alala tungkol sa kinabukasan at kapalaran mo, at magiging napakahirap na ipagkatiwala ang buhay at kamatayan mo sa mga kamay ng Diyos at hayaan Siya na mamatnugot ayon sa Kanyang kalooban. Kung hindi mo makilatis ang mga usapin ng buhay at kamatayan at tinataglay mo pa rin ang isang mentalidad ng pagsubok sa iyong suwerte, gustong iraos lang ang mga bagay-bagay, kung gayon, kapag sumapit sa iyo ang isang sitwasyon, ikaw ay mabubunyag. Ang lahat ng naging Hudas noong sila ay maaresto, pumipirma sa “Tatlong mga Pahayag,” ay ginawa iyon sa loob lang ng isang magdamag, at sila ay tinatakan ni Satanas ng tatak ng halimaw. Ang buhay at kamatayan ng tao ay nakasalalay minsan sa iisang kaisipan. Kung wala ang katotohanan, napakahirap malampasan ang mga krisis. Kaya, ano ang tunay na kapangahasan? Kung may natutupad ang isang tao sa pamamagitan ng pagsandig sa biglaang pagbuhos ng purong lakas, tunay na kapangahasan ba iyon? Hindi—ito ay pagiging pabigla-bigla. Ang tunay na matapang na tao ay mayroong partikular na antas ng pagkilatis sa puso niya tungkol sa maraming positibo at negatibong bagay. Kaya niyang sumang-ayon sa loob niya, tumanggap, at matatag na kumilala sa mga positibong bagay, umaabot sa punto na nakakapagpasakop siya sa katotohanan at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lang magkakaroon ng tunay na tapang. Kung hindi mo taglay ang mga bagay na ito sa puso mo, kahangalan lang ang kapangahasan mo—parang isang bagong panganak na guya na hindi natatakot sa tigre. Samakatwid, sa isang bansa na lumalaban sa Diyos, ang manampalataya at sumunod sa Diyos ay hindi lang nangangailangan ng tapang kundi, ang mas importante, nangangailangan ito ng pananalig. Naglalakas-loob kang manampalataya sa Diyos hindi dahil mapangahas ka, kundi dahil may pananalig ka. Sinasabi ng ilang tao, “Sa tingin ko, nananampalataya ako sa Diyos dahil lang mapangahas ako at hindi natatakot sa pang-uusig.” Maaaring tama ang pahayag na ito. Nananampalataya ka dahil sa kapangahasan, pero batay sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kasimplehan, pinapakitaan ka ng Diyos ng espesyal na biyaya, naghahanda ng ilang kapaligiran para sa iyo, at binibigyan ka rin ng pagdidilig at panustos ng katotohanan. Sa pamamagitan nito, nakakaunawa ka at nagkakamit ng marami-raming katotohanan. Sa paglipas ng panahon, ang kapangahasan mo ay nagkakaroon ng mga elemento ng tunay na pananalig, at saka lamang lumalago ang tapang mo, at mas naglalakas-loob kang humarap sa mga kapaligiran sa hinaharap o sa pang-uusig. Kung ang isang tao ay walang tunay na pananalig at umaasa lamang sa biglaang pagbuhos ng lakas, na nagsasabing, “Naglalakas-loob akong manampalataya sa Diyos! Hindi ako natatakot sa pang-uusig o pagkakaaresto at pagkakakulong!”—hindi tatagal ang ganoong uri ng tapang. Kung walang panustos ng katotohanan, kung hindi naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran sa tunay na buhay para sanayin ka, para makapagsagawa ka, at para turuan ka kung paano harapin ang iba’t ibang bagay, ang katapangan mo ay puro kapangahasan lamang, at hindi ito tunay na pananalig. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung tunay nga itong kapangahasan lang, ginagawa ka nitong walang ingat, hangal, at mangmang na tao. Ang ilang tao na nananampalataya sa Diyos ay mayroong mga napakasimpleng kaisipan, iniisip na tuwiran lang ang mga bagay-bagay, nang hindi inaasahan kahit kaunti kung ano ang mga panganib na kaugnay sa pagsunod sa Diyos. Pero kapag nakakatagpo sila ng mga balakid, saka lang nila napagtatanto na ang pagsunod sa Diyos ay hindi isang tuwirang usapin. Kung ang kapangahasan ng isang tao ay isang merito ng pagkatao, kung gayon, kahit papaano, siya ay simple at tuwiran, hindi komplikado, at hindi siya nag-aalala sa kung ano-ano. Pero ipagpalagay na ang kapangahasan mo ay nauudyukan ng iyong intensiyon na magtamo ng mga pagpapala, at iniisip mo, “Kung mananampalataya ka sa Diyos, makakapasok ka sa langit, magtatamo ng malalaking pagpapala, at makakatakas mula sa mga sakuna at makakaiwas sa kamatayan, kaya mananampalataya ako, anuman ang mangyari!” Sa madaling salita, ang pananampalataya mo ay bunsod ng biglaang pagbuhos ng mapangahas na purong lakas; sa simpleng paraan, hindi ito pagnanais mo na manampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay paghabol sa mga pagpapala. Sa ganoong kaso, hindi na hihigit pa sa kapangahasan ang katapangan mo, at hindi ito maaaring iklasipika bilang isang merito ng pagkatao. Samakatwid, pagdating sa mga taong mapangahas, kailangan mong makita kung ano ang kanilang pagkataong diwa. Kung wala silang konsensiya at katwiran at may kapangahasan lang, kung gayon, maliit ang halaga nila at wala silang magagawa na anumang makabuluhan. Pero kung nagagawa nilang manampalataya sa Diyos at tanggapin ang katotohanan, may halaga ang gayong mga tao. Kung mapangahas ang isang tao pero walang abilidad na umarok, hindi makaunawa sa katotohanan, at nananampalataya lang sa Diyos alang-alang sa pagtamo ng mga pagpapala, at handa siyang talikuran ang kanyang pamilya at propesyon at hindi siya natatakot sa pang-uusig para makapagkamit ng mga pagpapala—kung gayon, hindi ito isang merito ng pagkatao, kundi isang maling kaisipan at pananaw. Umaayon ba sa mga layunin ng Diyos ang mga maling kaisipan at pananaw? (Hindi.) Kung matatakutin o mapangahas man ang isang tao ay may kinalaman sa kanyang mga likas na kondisyon at wala itong masyadong kinalaman sa diwa ng kanyang pagkatao.
Kung hindi tayo nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon, makikilatis ba ninyo ang mga ito nang kayo lang? (Marahil makikilatis namin ang mga simpleng pagpapamalas, pero hindi ang mga komplikado.) Ngayong napagbahaginan na ang kaibahan sa pagitan ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon, kaya na ba ninyong kilatisin ang mga ito ngayon? (Medyo nakikilatis na namin ito nang mas mabuti kaysa dati.) Kung magbibigay Ako ng ilan pang hindi karaniwang halimbawa, makikilatis ba ninyo ang mga ito batay sa ibinahagi Ko? Mahirap sabihin, hindi ba? Kaya sa susunod, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa mga isyung kaugnay sa paksang ito. Habang mas nagbabahaginan tayo, matutukoy ninyo ang ilang panuntunan sa pagkilatis ng iba’t ibang uri ng isyu. Sa usapin ng iba’t ibang pagpapamalas ng pagkatao, mga likas na kondisyon, at mga tiwaling disposisyon, sa pangkalahatan ay makikilatis ninyo ang mga pagpapamalas na napagbahaginan na. Para sa mga hindi pa napagbahaginan, tanging ang mga taong may espirituwal na pang-unawa o ang mga marunong humanap ng katotohanan ang maaaring makakilatis sa ilan sa mga ito. Ang mga may mahinang kakayahan ay maaaring mabigo at hindi magawang makilatis ang mga ito, kaya kailangan nilang mas makinig pa at mas magtanong pa. Kung hindi natin pagbabahaginan ang tungkol sa mga isyung ito, palaging mananatiling malabo ang mga ito sa inyo, at hindi rin magiging malinaw ang sasabihin ninyo; palaging magkakaroon ng puwang sa pagitan ng inyong pagkaunawa at dalisay na pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? (Oo.)
Ngayon ay nagbahaginan tayo tungkol sa mga usapin ng kakayahan. Makikilatis na ba ninyo ngayon kung ano ang kakayahan ng mga tao? (Halos nakikilatis na namin ito.) Kung hindi ninyo ito makilatis, huwag kayong magmadali at danasin ninyo ang mga bagay-bagay. Sa pang-araw-araw na buhay, makakaharap ninyo ang mga usaping ito. Matutong ilapat sa tunay na buhay ang mga salitang mula sa pagbabahaginan natin, paunti-unting itinutugma ang mga ito sa mga pagpapamalas ng mga tao—kinikilatis ang iyong sarili at ang iba, kinikilala ang iyong sarili at ang iba. Unti‑unti, masusukat mo ang mga bagay na ito at magkakaroon ka ng pamantayan sa paggawa nito. Lalong magiging malinaw ang mga prinsipyo sa pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa pag-asal at pagkilos mo. Marami na tayong napagbahaginan tungkol sa iba’t ibang aspekto ng pagkilatis sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Alinmang mga pagpapamalas o alinmang mga pagbubunyag ng pagkatao ang pinagbabahaginan natin, wala sa mga ito ang hungkag na mga salita—ang lahat ng bagay na ito ay maaaring maranasan, makita, at maramdaman sa tunay na buhay. Kaya, kailangan mong matutunang tingnan ang iba’t ibang bagay at uri ng tao sa pamamagitan ng pagtutugma ng mga salita ng Diyos sa mga ito. Kapag natuto kang itugma sa tunay na buhay ang iba’t ibang kalagayan at usapin mula sa ating pagbabahaginan, saka ka lang unti-unting makakausad sa pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa pag-asal at pagkilos mo, magkakaroon ng tumpak na pagkaunawa sa iba’t ibang usaping nauugnay sa katotohanan, at unti‑unting makakaarok sa iba’t ibang katotohanang prinsipyo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Bagama’t ang mga usaping tinalakay natin ay pangunahing ginagamit para kilatisin ang iba’t ibang kalagayan at pagbubunyag na ipinapakita ng mga tao, at hindi direktang nagbibigay-kakayahan sa iyo na makaunawa at makapasok sa katotohanan, ang mga usaping ito ay pawang makakaapekto sa pag-unawa mo sa katotohanan, pati na sa iyong pagpasok sa katotohanang realidad. Samakatwid, sa mga kuru-kuro ng mga tao, bagama’t maaaring tila may kinalaman lang sa pagkatao, mga likas na kondisyon, o ilang halatang tiwaling disposisyon ang mga usaping ito, ang bawat usapin at pahayag ay nauugnay sa pagpasok ng mga tao sa katotohanan. At kaya, ang mga usaping ito ay mga bagay na dapat mong harapin sa landas ng pagpasok sa katotohanan—hindi mo puwedeng iwasan ang mga ito. Ang iba’t ibang usapin at pagpapamalas ng pagkatao, positibo man o negatibo, ay pawang mga bagay na kakaharapin at makakatagpo mo sa iba’t ibang kapaligiran sa pang-araw-araw na buhay. Kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin, kung hindi mo makilatis ang alinman sa mga ito at ginagawa mong pangkalahatan ang lahat ng ito, tinitingnan ang mga katotohanang prinsipyo mula sa ating pagbabahaginan bilang mga regulasyon o doktrina, hinding-hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad. Bakit ganoon? Dahil hindi mo kailanman mauunawaan kung ano ang katotohanan.
Sige, iyon na ang lahat para sa pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Nobyembre 25, 2023