Paano Hangarin ang Katotohanan (8) Ikalimang Bahagi

Pagiging Mapag-alboroto

Ang pagiging mapag-alboroto, pagiging madaling magalit—sa anong aspekto ito nabibilang? (Isang depekto ng pagkatao.) Maaari ding tawagin na pagiging madaling magalit ang pagiging mapag-alboroto—itinuturing ba ito na depekto ng pagkatao? (Hindi.) Paano ito dapat tingnan? Itinatago ng isang taong hindi mapag-alboroto ang kanyang masamang hangad sa likod ng isang ngiti, palaging nagsasalita nang malumanay at palakaibigan, hindi kailanman nakikipagtalo sa sinuman, at palaging sinasabi ang gustong marinig ng iba—mabuti ba ito? (Hindi.) Kung may magsasabi na magaspang ang taong ito, sasabihin niya, “Ang pagiging magaspang ay mabuti; ang mga taong magaspang ay hindi nagdudulot ng gulo.” Kung may magsasabi na kalbo siya, sasabihin niya, “Ang pagiging kalbo ay mabuti; matatalino ang mga taong kalbo.” Ibig sabihin, kahit ano pa ang sabihin ng iba o paano man sila tratuhin ng iba, hindi sila kailanman mawawalan ng pasensiya o magagalit—mabuti ba ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Pagdating sa kung sinong mga tao ang talagang gusto nila, kung ano ang mga kaisipan at pananaw nila sa mabubuting tao at mabubuting bagay at masasamang tao at masasamang bagay, at kung sinasang-ayunan ba nila ang mabubuting tao at kinasusuklaman ang masasamang tao, o sinasang-ayunan ang masasamang tao at kinasusuklaman ang mabubuting tao, wala silang malilinaw na pananaw o paninindigan sa mga bagay na ito, at hindi sila nagkokomento sa anumang bagay. Ano man ang usaping kinakaharap nila, palagi nilang binabalewala ito nang nakangiti, at lubos silang madaling pakisamahan at hindi sila nagagalit. Isa ba itong merito ng pagkatao? (Hindi.) Ang pagiging hindi mapag-alboroto ay hindi isang merito ng pagkatao, kaya, isa bang depekto ng pagkatao ang pagiging mapag-alboroto? Matutukoy ba ng pagiging hindi mapag-alboroto o mapag-alboroto ng isang tao kung ano ang pagkatao niya? (Hindi.) Halimbawa, nakikita ng ilang tao ang isang tao na nagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin at wala silang pakialam, nakikita nila ang isang tao na nanggugulo sa gawain ng iglesia at hindi sila nagagalit; at sasabihin pa nga nila na, “Ayos lang iyan, uunlad ka rin—huwag kang magmadali. May masisidhing layunin ang Diyos para sa atin; dapat nating suklian ang pagmamahal at biyaya ng Diyos, at hindi tayo puwedeng maging pabasta-basta. Pagtuunan mo ito ng pansin sa susunod.” May ugali ba na hindi mapag-alboroto ang mga taong ito? (Mayroon.) Kapag nakakakita ang ilang tao ng isang tao na hindi nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sinasabi nila, “Maaari mo bang subukang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Napakaganda kung maisasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos. Dapat tayong maging mabubuting tao—kung hindi tayo mabubuting tao, hindi tayo magugustuhan ng Diyos. Sa paraan ng ating pag-asal, sa pinakamababa, dapat nating pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—pagtuunan ito ng pansin sa hinaharap.” May ipinapakita bang pagkagalit dito? (Wala.) Hindi sila mapag-alboroto, hindi ba? May mga taong hindi kailanman nagagalit anuman ang nangyayari. Kapag nakikita nila na madalas nag-uulat ng pekeng bilang ang ilang tao para linlangin ang Itaas at ang sambahayan ng Diyos habang nangangaral ng ebanghelyo, sinasabi nila, “Kung karamihan sa mga tao ay nag-uulat ng pekeng bilang gaya nito, ito ang daloy ng gawain ng Banal na Espiritu—dapat tayong magpasakop dito!” Pinapabulaanan sila ng isang tao, sinasabing, “Ang pag-uulat ng pekeng bilang ay pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos; hindi ko kayang gawin iyon.” Sasagot sila, “Bakit hindi? Nag-uulat ang ibang mga tao ng pekeng bilang, magagandang balita lang ang iniuulat at hindi ang masasama. Bakit masyado kang hangal?” Kapag nakakakita sila ng mga taong nag-uulat ng pekeng bilang, natutuwa sila. Kapag nakakakita sila ng ilang tao na kumakapit sa mga prinsipyo at tumatangging mag-ulat ng pekeng bilang, nagagalit sila at nagngangalit, hinahampas nila ang mesa, at sinasabing, “Bakit hindi ka nag-uulat ng pekeng bilang? Gusto mo bang labanan ang daloy ng Banal na Espiritu? Kung hindi ka mag-uulat ng pekeng bilang, tatanggalin kita! Paaalisin kita!” Ano ang palagay mo sa pagkawala ng kanilang pasensiya sa ganitong paraan? (Masama ito.) Ito ay isang pagsabog ng buktot na galit. Ang hindi mawalan ng pasensiya kapag nararapat at arbitraryong mawalan nito kapag hindi nararapat, pagtawag sa masasamang bagay bilang makatarungan, pagtawag na daloy ng Banal na Espiritu ang pag-uulat ng pekeng bilang at labis na pagpuri dito, at maging ang pagtataguyod dito—hindi ba’t ubod ito ng sama? (Oo.) Kapag nakikita nila na may isang taong tumatangging mag‑ulat ng pekeng bilang, hinahampas nila ang mesa, nagagalit sila, at nanlilisik ang mga mata nila, gusto nilang tanggalin o paalisin ang taong ito—ito ay “dumadagundong na galit!” May “Operasyon ng Kulog” ang malaking pulang dragon; ang pagpapakita ng puwersa ng diyablong iyon ay tinatawag na “Operasyon ng Kulog,” at ito ang “dumadagundong na galit” ng mga taong ito. Kung tatanggi kang mag‑ulat ng pekeng bilang, at hinahampas nila ang mesa at pinapakawalan nila ang kanilang dumadagundong na galit laban sa iyo, sa gayong sitwasyon, maglalakas-loob ka bang kumapit sa mga prinsipyo, mag‑uulat lang ng totoong bilang at tatangging mag‑ulat ng mga pekeng bilang? Maglalakas-loob ka bang tumayo at punahin at ilantad sila, sasabihing: “Pinipilit mo ang mga tao na mag‑ulat ng pekeng bilang—isa kang diyablo! Tinatawag mo pa nga na daloy ng Banal na Espiritu ang pagsunod sa mga anticristo sa pag-uulat ng mga pekeng bilang. Hindi ba’t ito ay paglalapastangan sa Banal na Espiritu at sa Diyos? Hindi mo tinutukoy ang kaibahan ng tama at mali at nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu, subalit iniisip mo na isa kang makatarungang anghel. Hindi mo pinahihintulutan ang sinuman na sumalungat sa hinihingi mo na mag-ulat ng pekeng bilang, at nawawalan ka pa nga ng pasensiya. Wala kang kahit katiting na pagpapahalaga sa katarungan. Bukod sa hindi mo inilalantad at kinokondena ang masasamang bagay, hinahayaan mo ring sumiklab nang todo ang galit mo sa mga kumakapit sa katotohanan at tumatangging mag‑ulat ng pekeng bilang, pinapakawalan mo pa nga ang iyong ‘dumadagundong na galit’ laban sa kanila. Hindi ba’t ito ay sadyang paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t ang pag-uugaling ito ay kapareho ng kalikasan ng ginagawa ng malaking pulang dragon?” Kaya, kung titingnan muli kung ang pagiging mapag-alboroto ba ay talagang isang depekto ng pagkatao o merito ng pagkatao, hindi ito maaaring gawing pangkalahatan. Depende ito sa kung anong mga sitwasyon ang nagsasanhing mawalan ng pasensiya ang isang tao at sa anong mga sitwasyon sila hindi nawawalan ng pasensiya, pati na sa kung bakit karaniwan na mapag-alboroto ang taong iyon. Depende ito sa kung ano ang hinahangad ng taong iyon, kung mayroon bang mga prinsipyo sa kanyang sariling asal ang taong iyon, at kung ano mismo ang saloobin niya sa katotohanan, pati na ang saloobin niya sa Diyos, sa gawain ng Diyos, sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sa gawain ng iglesia. Kung alang-alang sa pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo, pangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sa pangangalaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos, palagian siyang mapag-alboroto kapag nahaharap sa iba’t ibang masamang tao, pangyayari, at bagay, kung gayon, isa itong merito ng kanyang pagkatao. Pero kung hindi siya kailanman nabubugnot o nagagalit kapag nahaharap sa iba’t ibang masamang bagay o sa mga bagay na lumalaban sa Diyos, na para bang walang kinalaman ang mga ito sa kanya, kung gayon hindi ito isang depekto ng kanilang pagkatao—ito ay masamang pagkatao, isang ganap na kawalan ng pagpapahalaga sa katarungan, at siyempre, nabibilang ito sa kategorya ng mga tiwaling disposisyon. Kung gayon, paano dapat tingnan ang ugali? Ang pagiging hindi mapag-alboroto ng isang tao ay hindi palaging nangangahulugan na mabuti ang pagkatao niya, at ang pagiging mapag-alboroto ng isang tao ay hindi palaging nangangahulugan na masama ang pagkatao niya—nakadepende ito sa kung saan nakatuon ang kanyang pag-aalboroto. Kung ang kanyang pag-aalboroto ay nakatuon sa mga bagay na masama, madilim, at hindi umaayon sa katotohanan—kung nakatuon ito sa mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia—at madalas siyang nagagalit at nawawalan ng pasensiya dahil sa pakiramdam ng pagkabalisa, pagkabagabag, at pag-aalala tungkol sa mga bagay na ito, kung gayon, hindi ito masamang pagkatao. Ito ay pagiging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ito ay isang merito ng pagkatao. Sa kabaligtaran, kapag nahaharap sa mga negatibong bagay na ito, kung hindi siya nagpapakita ng pagkagalit, hindi kumikilos para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang patotoo ng Diyos, at hindi kumakapit sa mga katotohanang prinsipyo at hindi kumikilos para pigilan at limitahan ang mga bagay na ito, sa halip ay pinahihintulutan ang mga pagkagambala at kaguluhang ito na lumaki at kumalat nang walang pigil, kung gayon, bagama’t tila hindi mapag-alboroto ang gayong mga tao, sa katunayan, ubod ng sama ang karakter nila. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Ganito nga.) Paano dapat tingnan ang isyu ng pag-aalboroto? Depende ito sa kung saan nakatuon ang pag-aalboroto ng isang tao; dapat mong tingnan kung kumusta ang karakter ng taong iyon, kung ano ang kanyang hinahangad at kung ano ang landas na tinatahak niya, at kung ano ang saloobin niya sa katotohanan, sa Diyos, sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tumpak ba ang ganitong paraan ng pagtingin dito? (Oo.) Kung ang isang tao ay walang pagpapahalaga sa katarungan, pero madaling magalit, madaling sumiklab, at napakamainitin ng ulo kapag nakikisalamuha sa mga tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay, palaging nagpupuyos sa galit, at madalas na nakikipagtalo at nakikipagpaligsahan sa iba sa maliliit na usapin, gumagamit pa nga ng maruming wika, hindi ito isang depekto ng pagkatao—ito ay ubod ng samang karakter. Kung titingnan ito sa usapin ng mga tiwaling disposisyon, malupit ang disposisyon ng taong ito, at walang sinumang nangangahas na galitin siya. Hindi siya nawawalan ng pasensiya para lang sa pangangalaga sa mga makatarungang layunin, pangangalaga sa mga positibong bagay, pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo, o pangangalaga sa mga interes at gawain ng sambahayan ng Diyos, sa halip, para sa pangangalaga sa lahat ng sarili niyang mga interes, reputasyon, katayuan, banidad, mga materyal na pag-aari, pera, at iba pa. Ang pag-aalboroto ng gayong tao ay maaaring iklasipika bilang ubod ng samang karakter. Ang pag-aalboroto ay dapat tingnan batay sa sitwasyon, isinasaalang-alang kung saan nakatuon ang pag-aalboroto ng isang tao at ano ang mga intensiyon sa likod nito. Kung, upang mapangalagaan ang sarili niyang mga interes o maprotektahan ang kanyang reputasyon at katayuan, maaari talaga siyang mawalan ng pasensiya at magwala dahil lang sa isang komento, kung gayon, ubod ng sama ang karakter niya. Kung sa pangkalahatan ay lubos siyang mapagpaubaya pagdating sa mga usaping kaugnay sa kanyang mga personal na interes—halimbawa, kapag paminsan-minsang gumagawa ng mga komento ang mga tao na pumupuntirya sa kanya at medyo nakakasakit sa kanyang pride, o kapag medyo sinasamantala siya ng mga tao, kadalasan ay pinapalagpas niya ito at hindi siya nawawalan ng pasensiya—kung hindi niya binubusisi ang maliliit na bagay at kaya niyang magpaunlak habang nakikisama sa iba, subalit nawawalan siya ng pasensiya kapag may nakikita siyang isang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia at nagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, hindi ito masamang karakter. Sa halip, ito ay ang pagpapahalaga sa katarungan na nararapat taglayin ng pagkatao; ito ay isang merito ng pagkatao.

Pagiging Madaling Magtampo

Ang pagiging madaling magtampo—sa anong uri ng problema ito nabibilang? (Isang depekto ng pagkatao.) Ito ay isang depekto ng pagkatao. Anong uri ng mga tao ang madaling magtampo? (Mga taong makitid ang isip.) Ang mga taong makitid ang isip, maramdamin, at ang mga bata ay pawang madaling magtampo. Kapag nahaharap sila sa maliit na isyu, agad-agad silang nagagalit, tumatangging makipag-usap sa iyo, tumatangging makita ka, at hindi sasagot sa tawag mo. May di-sadyang nasabi ka sa kanila na nakakasakit sa kanila, at nagsisimula silang magtampo, hindi ka nila pinapansin nang matagal, at kahit kapag tinatanong sila tungkol dito, wala silang anumang sinasabi. Tinatanong mo sila, “Ano ang problema? Kung may problema, lutasin natin ito. Kung may pagkakautang ako sa iyo, babawi ako. Kung may nasabi akong nakasakit sa iyo, patawad, at puwede kong gawin ang anumang kailangan mong ipagawa sa akin.” Pero nananatili pa rin silang tahimik, nagtatampo. Hindi ba’t mapanggulo ang gayong mga tao? (Oo.) Ito ay hindi normal na pagkatao. Ang mga problemang nauugnay sa pagkatao na hindi umaabot sa antas ng mga isyu patungkol sa karakter ay pawang nabibilang sa mga depekto ng pagkatao. Ang depekto ay nangangahulugan na wala sa isang tao ang isang bagay na dapat naroroon sa loob ng normal na pagkatao—ang saloobin o pamamaraan ng isang tao sa pag-asal at pangangasiwa ng mga usapin ay hindi normal o wala pa sa hustong gulang at hindi nakakatugon sa pamantayan ng katwiran para sa normal na pagkatao. Ito ay isang depekto. Ang pagiging madaling magtampo, sa isang banda, ay nakakairita sa iba, at ayaw nilang makisalamuha sa gayong mga tao. Dagdag pa rito, ang pagiging madaling magtampo ay parang batang wala pa sa hustong gulang. Sa pangkalahatan, tanging ang mga batang nasa mga sampung taong gulang ang umaasal nang ganito—walang ganitong mga pagpapamalas ang mga taong nasa hustong gulang. Kapag maganda ang ugnayan ng gayong tao sa iyo, para kayong magkakambal. Pero kapag nasira ang samahan ninyo, nagiging mapanlaban siya, nagtatampo, at tumatangging makipag-usap sa iyo, ibinabalik ang lahat ng ibinigay mo sa kanya, at tuluyan ka nang hindi kakausapin. Subalit, hindi mo alam—baka isang araw ay muli kayong magkasundo at maging magkasinglapit gaya dati. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng kawalan ng hustong gulang. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ng kawalan ng hustong gulang ay tinutukoy na mga depekto ng pagkatao. Ang pagiging madaling magtampo ay isang depekto ng pagkatao. Ang mga taong madaling magtampo ang pinakamalamang na umaantala sa mga bagay-bagay kapag gumagawa ng isang tungkulin. Hindi mo kailanman nalalaman kung kailan sila magtatampo sa loob ng maraming araw dahil may sinabing isang bagay ang isang tao na nakasakit sa kanila. Gaano man kahalaga ang tungkulin, kaya nilang huminto nang walang anumang sinasabi. Maaaring isipin mo na normal pa rin nilang ginagawa ang kanilang tungkulin, pero ang totoo, matagal na pala nilang hininto ang kanilang gawain. Samakatwid, mahalaga na hindi magtalaga kahit kailan ng mahalagang gawain sa mga taong madaling magtampo, lalo na ng mga gampanin na nasa mga kritikal na yugto, dahil lubha silang sutil, palaging emosyonal, at madaling magtampo, walang pagkamakatwiran, na madaling magtutulak sa kanila na abandonahin ang kanilang gawain habang ginagawa ang kanilang tungkulin. Kung talagang kailangang sila ang gumawa ng gawaing ito o walang ibang puwedeng pumalit sa kanila, kung gayon, kapag itinatalaga sa kanila ang gawain, kailangang mayroon kang isang taong mangangasiwa sa gawain nila. Kung may ibang tao na puwedeng pumalit sa kanila, kung gayon, hindi dapat italaga sa kanila ang medyo mahalagang gawain. Halimbawa, ang ilang tao ay medyo may kakayahan at kaya nilang pangasiwaan ang gawain ng isang lider ng iglesia, pero kapag may sinabi ang isang kapatid na nakakasakit sa kanila, nagtatampo sila: “Hihinto na ako! Puwede ninyong hayaang maging lider ang sinumang gusto ninyo. Uuwi na ako para mamuhay ng sarili kong buhay—tapos na ako rito!” Sa sandaling magsimula silang magtampo, kaya nilang sukuan ang kanilang tungkulin at umalis, at walang nakakaalam kung kailan sila babalik. Maaasahan ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Ibinubunton nila sa tungkulin at sa gawain ng iglesia ang kanilang galit, isinusuko ang kanilang tungkulin sa anumang oras. Hindi ba’t ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng hustong gulang? (Oo.) Ang pagtrato sa tungkulin nila at sa gawain ng iglesia na parang isa itong laro ng bata, gaya ng bahay-bahayan—iyon ay isang pagpapamalas ng kawalan ng hustong gulang. Kapag naglalaro ng bahay-bahayan ang mga bata, isa lang itong laro—kung sasama ang loob nila, hihinto sila sa paglalaro; hindi ito nakakaantala sa anumang bagay. Pero ang pagtrato sa gawain ng iglesia o tungkulin gaya ng isang batang naglalaro ng bahay-bahayan, ang paghinto kung kailan nila gusto—hindi ba’t naaantala niyon ang mga bagay-bagay? Hindi lang nito naaantala ang sarili nilang mga usapin—kung sila ay isang lider ng iglesia, naaantala ang gawain ng iglesia dahil sa kanila. Kung gumagawa sila ng isang mahalagang tungkulin, naaantala ang mahalagang tungkulin na iyon. Samakatwid, kapag pumipili ng mga taong gagamitin, kailangan mong isaalang-alang kung mayroon ba silang problema ng pagiging madaling magtampo. Kung mayroon nga silang ganitong problema, malubha ba ito? Gaano ito kalubha? Isusuko ba nila ang kanilang gawain? Kapag nagtatampo sila, magdadabog ba sila, uuwi, hihinto sa paggawa ng kanilang tungkulin, tatangging bumalik kahit sino pa ang tumawag sa kanila? Ang mga ganitong uri ng tao ay napakahirap pangasiwaan. Huwag na huwag mo silang gamitin—sila ang uri na madaling mairita. Hindi gumagana ang panunuyo sa kanila, hindi gumagana ang pagdidisiplina sa kanila, at paano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, nahihirapan silang tanggapin ito. Kapag sila mismo ang nakapagtanto at nakaunawa rito sa kanilang sarili ay saka lang sila makakabawi at makakabalik sa normal na katwiran. Samakatwid, maliban sa pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon, kung marami ring depekto o kapintasan ang pagkatao ng isang tao, kung gayon, sa sandaling makatagpo siya ng isang bagay na hindi kaaya-aya, maaari itong magtulak sa kanya na maging sobrang negatibo na hindi na siya makakabawi. Kahit na mayroon siyang kaunting determinasyon at handa siyang hangarin ang katotohanan para magkamit ng kaligtasan, at kahit na mayroon siyang pag-iisip na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin at maging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha, kapag lumitaw ang mga suliranin o mga di-kaaya-ayang sitwasyon, hindi na siya makakasulong. Kaya naman, kung nais ng isang tao na hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, dapat niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ang anumang mga depekto o kapintasan na maaaring umiiral sa kanyang pagkatao. Kung hindi ka nagtataglay ng isang puso na may napakalaking pagnanais sa Diyos o kung hindi ka nananabik sa katotohanan, at hindi ka handang malagpasan ang mga depektong ito ng pagkatao o kulang ang determinasyon mo para gawin ito, kung gayon, marami kang hamon na haharapin. Kung hindi mo man lang kayang baguhin o lampasan ang mga personal na depektong ito, mas lalo pang magiging mahirap na iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon.

Pagiging Mahilig Magsamantala

Pag-usapan naman natin ngayon ang tungkol sa pagiging “mahilig magsamantala”—anong klaseng problema ito? (Isang depekto ng pagkatao.) Isa ba itong depekto ng pagkatao? Ang pagiging mahilig magsamantala ay isang problema ng karakter. Kung ang isang tao ay nagsasamantala sa bawat sitwasyon, kahit sa isang maliit na bagay gaya ng isang gulay, piraso ng papel, o maliit na bote ng tubig, problema ito sa kanyang karakter—ubod ng sama ang karakter niya. Hindi ito depekto ng pagkatao. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang gayong mga tao ay may ubod ng samang karakter at walang integridad. Kapag namimili sila sa isang tindahan, palagi nilang sinusubukang tumawad at humingi ng deskuwento. Kapag bumibili sila ng gulay sa palengke, walang katapusang nakikipagtalo sila para sa ilang sentimos lamang. Kapag tumutuloy sila sa isang hotel at nakakakita ng mga libreng gamit gaya ng mga disposable na tuwalya, sipilyo, at toothpaste, inuuwi nila ang lahat nang walang iniiwang kahit isang gamit, natatakot na mapalagpas ang anumang bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Mahilig ba silang manamantala dahil mahirap sila?” Hindi, sadyang may ganitong uri ng karakter ang ganitong uri ng tao. Hindi kapos sa pera ang pamilya nila, pero gayumpaman, iginigiit pa rin nilang magsamantala. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, sinasamantala pa nga ng ganitong uri ng tao ang sambahayan ng Diyos. Hindi kumakain ang ilang tao sa sariling bahay pero palagi silang pumupunta sa tahanang matutuluyan para makakain nang libre, nagkukunwaring naroon sila para tumulong sa paggawa ng mga bagay-bagay para sa tahanang matutuluyan. Palihim nilang ginagamit ang mga pag-aari ng mga kapatid. Iniiwasan nilang gamitin ang sarili nilang mga gamit at palagi nilang ginagamit ang mga pag-aari ng iba. Hindi nila sinusuot ang sarili nilang mga damit at palagi nilang sinusuot ang sa iba. Kapag may nakikita silang naglalaba, hinihiling nila rito na isabay sa paglalaba ang dalawang gamit nila at sa huli ay binibigyan nila ito ng pito o walong pirasong labahan—malinaw na ito ay pananamantala. Sadyang mayroon silang ganitong uri ng karakter. Kahit malinaw na may pera ang pamilya nila, nanghihiram pa rin sila ng pera sa mga kapatid. Kapag tinanong kung kailan nila ito babayaran, sasagot sila, “Babayaran ko ito kapag may pera na ako. Kung wala akong pera, paano ko ito mababayaran? Wala akong pera—buhay lang ang mayroon ako!” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Malinaw na hindi nila gustong magbayad at wala talaga silang balak—gusto lang nilang magsamantala, ginagamit ang pera ng ibang mga tao para sa sarili nilang pagtatamasa at para gumastos nang gumastos. Ito ang layon nila. Kapag may nakikita silang isang tao na may biniling bagong gamit, lubha silang nagiging interesado at palagi nilang iniisip na hiramin ito. Kung kailangan ito ng may-ari at ayaw nitong ipahiram iyon, sapilitan pa rin nila itong hinihiram. Ginagamit nila ito hanggang sa maging luma o masira ito at hindi pa rin nila ito isinasauli, itinuturing itong parang pag-aari nila. Ang ganitong uri ng tao ay nagsasamantala kahit saan, nanghihiram ng mga gamit at hindi kailanman isinasauli ang mga ito. Isa ba itong depekto ng pagkatao? (Hindi.) Ito ay kawalan ng integridad at ubod ng samang karakter. Nakakita na ba kayo ng ganitong uri ng tao? (Oo.) Marami-rami silang ganito. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang magsagawa ng katotohanan ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Anong uri ng tao ang karamihan sa mga indibidwal na ito? Hindi ba’t mga tampalasan sila? Gaano man sila magsamantala ng iba, walang nararamdamang pang-uusig sa sarili ang konsensiya nila. Sabihin ninyo sa Akin, may konsensiya ba sila? (Wala.) Anong uri ng tao ang mga walang konsensiya? Huwag na nating sabihin kung mabubuti o masasamang tao ba sila—sa pinakamababa, wala silang mga pinakapangunahing pamantayan at kondisyon ng pagkatao na kinakailangan para maisagawa ang katotohanan. Pinagbahaginan natin dati na upang maisagawa ang katotohanan, sa pinakamababa, kailangang mayroong konsensiya ang isang tao. Kabilang sa konsensiya ng isang tao ang pakiramdam ng kahihiyan. Mayroon bang pakiramdam ng kahihiyan ang mga taong palaging nagsasamantala sa iba nang walang nararamdamang pang-uusig sa sarili sa kanilang konsensiya? (Wala.) Maisasagawa ba ng mga taong walang pakiramdam ng kahihiyan ang katotohanan? (Hindi.) Gumagawa sila ng kasamaan nang walang anumang nararamdaman at nang walang anumang panunumbat mula sa kanilang konsensiya. Samakatwid, ang paggawa ng mga makatarungang gawa at ang pagtahak sa tamang landas ay hindi nila gusto dahil hindi nangangailangan ng mga gayong bagay ang pagkatao nila. Ano ang mga pangangailangan nila? Ang pangangailangan nila ay ang protektahan ang sarili nilang mga interes mula sa anumang kawalan habang kinukuha rin ang mga interes ng iba at ginagamit ang mga ito para pagsilbihan ang sarili nila. Ang pagkatao nila ay walang pakiramdam ng paninisi o panunumbat sa sarili para sa gayong pag-uugali, ni pakiramdam ng kahihiyan. Kaya naman, napakahirap para sa ganitong uri ng tao na maisagawa ang katotohanan. Ang kredo nila sa pag-asal ay: Ang anumang makabubuti sa sarili nila, sa mga usapin man ng materyal o sikolohikal, ay hindi dapat isuko kahit katiting. Tungkol naman sa magaganda at mahahalagang gamit ng iba, palagi nilang gustong ariin, agawin, o sapilitan pa ngang angkinin ang mga ito. Sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, aagawin nila ang magagandang gamit ng iba. Talagang hindi nila puwedeng hayaan ang sarili nila na mapalampas ang pagkakataon, at kung mapalampas nga nila ito, habang-buhay nila itong pagsisisihan. Ito ang kredo nila sa pag-asal. Dahil sila ay pinamamahalaan ng kredong ito, nakakaramdam sila ng pagkamakatarungan at kapanatagan kapag sinasamantala nila ang iba at inaangkin ang mga pakinabang ng iba bilang kanilang pag-aari, nang may matinding pakiramdam ng tagumpay. Kapag nabigo silang makapagsamantala o napalagpas nila ang pagkakataon na gawin iyon, pakiramdam nila ay nabigo sila at iniisip nilang hangal sila. Kapag nakakapagsamantala sila, maganda ang pakiramdam nila, natutuwa at panatag sila. Pero kapag nakakita sila ng pagkakataon na makapagsamantala pero hindi nila ginawa, nalulungkot sila at hindi sila mapalagay: “Kung hindi ko ito sasamantalahin, sayang lang. Kung may ibang gagawa nito, hindi ba’t lugi ako?” Tingnan ninyo—kaya bang maging isang mabuting tao ng isang taong pinamumunuan ng ganitong kredo? (Hindi.) Kapag isinasagawa ang katotohanan, kailangang bitiwan ng mga tao ang maraming bagay, tulad ng kanilang pinahahalagahang pakiramdam ng pride, katayuan, at iba pang mga sikolohikal na bagay, pati na ang ilang materyal na bagay. Ang lahat ng ito ay kinapapalooban ng mga personal na interes, at ang pagsasagawa sa katotohanan ay nangangailangan na maghimagsik ang mga tao laban sa mga bagay na ito, at lagpasan, iwaksi, at bitiwan ang mga ito. Ang mga taong mahilig magsamantala ay hindi talaga kayang gawin ang alinman dito. Hindi nila kayang bitiwan ang kanilang pride o katayuan, at lalong hindi nila kayang isuko ang anumang materyal na mga interes. Kapag isinasagawa ang katotohanan, hindi nila kayang gawin ang alinman dito. Kung gayon, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? (Hindi.) Samakatwid, lubhang mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Gusto nilang angkinin ang lahat ng sikolohikal at materyal na magagandang bagay at kailanman ay hindi kayang bitiwan ang mga ito, na direktang sumasalungat at lumalabag sa mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan. Tingnan na lang ninyo ang mga talagang mahilig magsamantala—gaano sila katindi? Kapag bumibisita sa tahanan ng iba, sinisiguro pa nga nila na makainom ng kaunting tubig ng mga ito at kumain ng kaunting pagkain ng mga ito bago umalis. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang isagawa ng mga taong may ganitong uri ng karakter ang katotohanan? (Hindi.) Ang pamantayan nila sa pagsukat sa lahat ng bagay ay nakabatay sa prinsipyo ng kung makakapagsamantala ba sila at makakapagkamit ng mga pakinabang. Ang personal na pakinabang ang prinsipyo ng pagsukat nila sa lahat ng bagay. Ang kanilang sariling asal ay nakatuon lamang sa pagsasamantala sa iba. Basta’t hindi sila nalulugi at nakakapagsamantala sila, pakiramdam nila ay sulit ito. Naniniwala sila na sa pag-asal, dapat makapagsamantala ang isang tao, at na matalino at mautak lamang ang isang tao kung madalas siyang nakakapagsamantala—kung hindi marunong magsamantala ang isang tao, hangal ang taong iyon! Ang pamantayan nila sa sariling asal ay ang magsamantala lang at hindi kailanman tumanggap ng mga pagkalugi. Ginagawa nilang pamantayan sa pag-asal ang ganitong pakikitungo—kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? (Hindi.) Mayroon bang anumang puwang sa puso nila ang katotohanan? May kapangyarihan ba ito sa puso nila? (Wala.) Kung gayon, anong mga katotohanan ang kaya nilang isagawa? (Wala talaga.) Wala talaga silang maisagawang anumang mga katotohanan—masyadong mababa ang karakter nila, na nagiging dahilan para hamakin sila ng iba. May ilang tao na gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos; nagbibigay ang sambahayan ng Diyos ng ilang gamit para sa kanilang pang-araw-araw na paggamit, at madalas silang humihingi ng dagdag pa gamit ang dahilan na naubusan na raw sila, samantalang ang totoo ay may kaunti pang natitira sa kanila. Bakit palagi silang humihingi ng dagdag pa? Iniisip nila, “Kung hindi ko sasamantalahin ito at may ibang magsasamantala, hindi ba’t ako ang malulugi?” Tingnan ninyo—anong uri ng karakter ito? Ang pamantayang ginagamit ng ganitong uri ng tao sa pagsukat sa lahat ng bagay ay nakabatay sa prinsipyo ng kung makakapagsamantala ba siya at makakapagkamit ng mga pakinabang. Ang puso niya ay ganap na nilalamon ng mga pag-iisip tungkol sa mga interes. Gaano ka man makipagbahaginan sa kanya tungkol sa mga positibong bagay o sa katotohanan, tumatanggi siyang tanggapin ito, na walang kinalaman sa kakayahan niya o sa kung nakakaunawa ba siya—sadyang may problema sa kredo niya sa kung paano siya umasal. Ganap na hindi niya tatanggapin o isasagawa ang mga positibong bagay, ni hindi siya susunod sa mga katotohanang prinsipyo. Lubhang mababa ang karakter niya. Sabihin ninyo sa Akin, kinakailangan bang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa ganitong uri ng tao? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil hindi niya kailanman isasagawa ang katotohanan.) Wala siyang pakiramdam ng konsensiya sa kanyang pagkatao at hindi siya nagtataglay ng mga batayang kondisyon para sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang puso niya ay nakatuon lang sa pagsasamantala at pagkakamit ng mga pakinabang. Maaaring sabihin na ang ganitong uri ng tao ay sadyang hindi karapat‑dapat na makarinig sa katotohanan at hindi karapat-dapat makinig sa mga sermon tungkol sa pagtatamo ng kaligtasan. Kita ninyo, hindi ninyo lubos na naunawaan kung anong uri ng problema ang pagkahilig na magsamantala, hindi ba? Inakala pa nga ninyo na isa itong depekto ng pagkatao. Isa ba itong depekto ng pagkatao? (Hindi.) Nauunawaan na ninyo ngayon, hindi ba? Anong uri ng problema ito? (Isa itong problema ng karakter—mababa ang karakter ng ganitong uri ng tao.)

Tendensiya na Magkawanggawa

Pag-usapan naman natin ngayon ang tendensiya na magkawanggawa. Kung walang mga motibo sa likod ng tendensiya ng isang tao na magkawanggawa, at isa lang itong pag-uugali o karaniwang kaugalian sa kanyang pang-araw-araw na buhay, dapat ituring ang tendensiyang ito na magkawanggawa bilang isang merito ng pagkatao. Ang pagbibigay, kahit papaano, ay mas mabuti kaysa sa pagtanggap. Sa pinakamababa, ang isang taong may tendensiyang magkawanggawa ay may pusong nakikisimpatiya sa iba, at may isang elemento ng kabutihan sa kanyang pagkatao, at hindi siya kuripot at hindi niya masyadong binibigyang-importansiya ang mga materyal na bagay. Higit pa rito, kapag nagtataglay siya ng medyo masaganang mga materyal na bagay, ipapamigay niya ang mga sobrang gamit, o iyong mga hindi na niya nagagamit pero nababagay na gamitin ng iba, ginagawang medyo mas maginhawa at komportable ang buhay ng mga tao. Batay sa motibo sa likod ng mga kilos na ito, sa pinakamababa, ang mga taong may tendensiyang magkawanggawa ay may mabait na pagkatao, at nagpapakita sila ng mga esensiyal na pagpapamalas ng pakikisimpatiya at pagkahabag sa iba—isa itong merito ng kanilang pagkatao. Ang gayong mga tao ay mayroong medyo mabuting karakter, higit na mas mabuti kaysa sa masasamang tao na mahilig magsamantala sa iba at basta-bastang nang-aagaw ng mga pag-aari ng iba—sila ay mayroong medyo mas mataas na integridad. Nagkakawanggawa sila at tumutulong sa iba nang hindi naghahanap ng anumang kapalit, hindi naghahangad ng papuri mula sa iba o na mag-iwan ng magandang reputasyon. Ganito lang talaga ang saloobin nila sa pag-asal o ang kanilang paraan ng pamumuhay. Halimbawa, kapag nakikita nilang kulang sa damit ang isang tao, agad nilang ibinibigay ang kanilang sobrang damit para maisuot ng taong iyon. Kapag nakikita nilang mahirap ang pamilya ng ibang tao at madalas na hindi nakakakain nang sapat, ibinibigay nila sa mga ito ang ilang bigas ng kanilang pamilya para magkaroon din ng sapat na makakain ang mga ito. Kapag bumibili sila ng bagong kompyuter at nakita nilang halos hindi na magamit ang kompyuter ng iba, ibinibigay nila ang luma nilang kompyuter para magamit ng taong iyon. Nagkakawanggawa sila nang hindi naghahanap ng anumang kapalit—sadyang ganito ang karakter nila. Isa itong merito ng pagkatao at maaari ding iklasipika bilang isang pagpapamalas ng mabuting karakter. Ang pag-uugali ng may tendensiyang magkawanggawa ay hindi naman talaga masama, pero ang ilang tao, dahil may tendensiya silang magkawanggawa, ay madalas na nag-iisip, “Mabait ako, marangal ako, mapagbigay ako. Maraming buhay ng mga tao ang napabuti pagkatapos matanggap ang kawanggawa at tulong ko. Isa akong pakay ng pagliligtas ng Diyos. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang isang tulad ko, anong uri ng tao ang ililigtas Niya?” Madalas nilang itinuturing ang sarili nila bilang “isang mabuting tao na may tendensiyang magkawanggawa.” Ipagpalagay natin na may nagsabi sa kanila, “Hindi mabuti ang pagkatao mo. Marami kang ginagawa na lumalabag sa katotohanan, at hindi mo minamahal ang katotohanan.” Pagkarinig nila rito, magagalit sila. Ano ang problema rito? Ang pamilya ng ilang tao ay medyo may-kaya, at pawang nakatanggap na ng mga pabor mula sa kanila ang mga kapatid sa paligid nila. Kaya madalas na pinag-iisipan ng mga taong iyon, “Sobrang ganda ng naging pagtrato ko sa mga taong ito sa iglesia—lahat sila ay nakatanggap ng kaunting tulong mula sa akin. Hindi ba’t may prestihiyo at katayuan ako sa puso ng mga taong ito? Hindi ba’t ako ang may pinakamahusay na kakayahan at pinakamabuting pagkatao sa iglesia? Hindi ba’t dapat akong maging lider? Hindi ba’t dapat makinig sa akin ang lahat ng kapatid?” Anong uri ng isyu ito? Hindi ba’t isa itong isyu ng mga tiwaling disposisyon? (Oo.) Dahil lamang sa mayroon silang kaunting mabuting pag-uugali, hindi na nila alam ang sarili nilang tunay na sukat; itinuturing nilang kapital ang pag-uugaling ito, palaging nagnanais na maging lider ng iglesia, at lumalaki ang kanilang ego, iniisip na sila ay katangi-tangi. Hindi nila iniuugnay sa kanilang sarili ang mga tiwaling disposisyong inilantad ng mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang tendensiya nilang magkawanggawa ay nangangahulugang mabuti silang tao, na wala silang anumang mga tiwaling disposisyon, na tama ang lahat ng ginagawa nila, at na dapat silang maging lider at huwaran sa iglesia, at na dapat silang tularan ng lahat ng kapatid. Ano ang mga pagbubunyag na ito? (Mga tiwaling disposisyon.) Umabot na ito sa antas ng mga tiwaling disposisyon. Bagama’t isang merito ng pagkatao ang tendensiyang magkawanggawa, kung hinuhusgahan ng isang tao ang sarili niya bilang isang mabuting tao na tiyak na maliligtas dahil dito, tama ba ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw? Itinuturing niya ang kanyang mabuting pag-uugali ng may tendensiyang magkawanggawa bilang pagkakaroon niya ng mabuting karakter at marangal na integridad, at itinuturing pa nga itong pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Isa itong mabigat na pagkakamali. Ito ay kayabangan at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. Ang tendensiya ng pagkakawanggawa ay masasabing isang mabuting pag-uugali. Sa pinakamainam, ang taong may tendensiyang magkawanggawa ay mayroong medyo mabuting karakter, higit na mas mabuti kaysa sa mga mahilig magsamantala. Gayumpaman, hindi mo puwedeng sabihin na mabuti kang tao, na wala kang mga tiwaling disposisyon at na nagtataglay ka ng katotohanang realidad, at na kalipikado kang maging lider ng iglesia at mangibabaw sa iba at magbigay ng mga utos, dahil lamang sa mayroon ka nitong mabuting pag-uugali ng tendensiyang magkawanggawa. Ito ay isang mayabang na disposisyon. Bagama’t may tendensiya kang magkawanggawa at tumulong sa iba—gumagawa ng ilan sa mabubuting kilos na ito—na isang merito ng pagkatao, hindi nito pinatutunayan na wala kang mga tiwaling disposisyon. Kung itinuturing mong parang kapital ang tendensiya mong magkawanggawa at tumulong sa iba at nagkakaroon ka ng ambisyon na maging lider ng iglesia at itinataas mo ang sarili mo sa iba, isa itong isyu ng mga tiwaling disposisyon. Nakikita mo na ba ngayon ang pagkakaiba? Ang pagkakaroon ng mabuting karakter ay hindi nangangahulugan na walang mga tiwaling disposisyon ang isang tao. Sa pangkalahatan, ang ilang tao ay nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa iba nang medyo maayos—hindi nila sinasamantala ang iba at nagkakawanggawa pa nga sila at tumutulong sa iba—mayroon silang ilang merito ng pagkatao. Gayumpaman, pagkatapos gumugol ng ilang panahon kasama sila, natutuklasan mo na labis silang mayabang, na mahilig silang magmalaki, at na kung minsan pa nga ay nagsisinungaling sila at labis silang mapanlinlang. Kung pupunahin mo sila, tatanggi silang tanggapin ito at medyo malupit sila, hinahampas pa nga nila ang mesa at sinasabing, “Nananampalataya ako sa Diyos sa loob ng napakaraming taon—sino ba ang hindi nakatanggap ng kawanggawa mula sa akin? Tanungin ninyo ang mga kapatid—mayroon ba akong sinumang sinamantala? Pininsala o sinaktan ko ba ang sinuman?” Isa ka bang mabuting tao kung hindi ka nakapaminsala ng iba? Hindi ba’t ang hindi pamiminsala sa iba ay ang pinakamaliit na dapat gawin ng isang tao? Anong katwiran ang mayroon ka para maging mapagmalaki? Ang hindi makapaminsala o makapanakit ng iba ang nararapat gawin ng isang tao—hindi ito kapital. Ang hindi pagsasamantala sa iba ay hindi nangangahulugan na naisasagawa mo ang katotohanan at nakakapagpasakop ka sa Diyos. Dapat kang matutong magnilay sa sarili mo at dapat magawa mong tanggapin ang pamumuna at tulong ng iba—saka ka lamang magiging isang taong may katwiran. Pinupungusan ka ngayon dahil nagbunyag ka ng tiwaling disposisyon at hindi umaayon sa katotohanan ang mga kilos mo. Hindi ito pagtatatwa sa katunayan na isang positibong bagay ang iyong mabuting pag-uugali ng tendensiyang magkawanggawa, o pagtatatwa sa iyong karakter. Sa halip, isinasagawa ang pagpupungos at paglalantad dahil nakagawa ka ng pagkakamali at lumabag ka sa mga katotohanang prinsipyo. Kung kaya mo itong tanggapin, isa kang tao na nagmamahal sa katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan. Kung hindi mo ito tatanggapin, ang tendensiya mo na magkawanggawa, sa pinakamainam, ay isang merito ng pagkatao. Pero dahil nangingibabaw ang kayabangan, kalupitan, at kabuktutan sa loob ng iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan, at kaya ikaw ay lubusang mababang-uri at walang kuwenta. Kapag nahaharap sa pagpupungos, ang ganitong uri ng mga tao ay gumagawa ng malaking eksena, nagkukuwento tungkol sa kanilang mga kalipikasyon, at ipinangangalandakan ang kaunting mabuting pag-uugali nila. Umaasal sila na parang mga baliw na aso, nagwawala. Ang katiting na magandang imahe na mayroon sila ay ganap na naglalaho, at lubusang nalalantad ang kanilang kalikasan. Malinaw itong nakikita ng lahat at sinasabi, “Ang taong ito ay mayroong malubhang tiwaling disposisyon—isa siyang masamang tao, palaaway siya! Buti na lang at hindi siya napili bilang lider ng iglesia. Kung naging lider siya ng iglesia, hindi niya makakayanan ang kahit katiting na pamumuna—kung may magtatangkang magtanggal sa kanya, hinding-hindi niya tatantanan ang taong iyon at makikipaglaban siya hanggang kamatayan. Labis na mapaminsala iyon!” Kung titingnan mo lang ang isang mabuting pag-uugali nila o ang isang kalidad ng pagkatao nila, sadyang hindi mo makikita kung ano ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kung ano ang saloobin nila sa katotohanan, o kung kaya ba nilang magpasakop sa katotohanan. Kapag nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon at pagkatapos ay sumasailalim sila sa paglalantad at pagpupungos, unti-unting lilitaw at malalantad ang saloobin nila sa katotohanan. Samakatwid, hindi ganap na matutukoy ng karakter ng isang tao, o ng mga merito at pagkukulang ng kanyang pagkatao, kung tinatanggap ba niya ang katotohanan. Kung titingnan ang kanyang karakter o ang mga merito at pagkukulang ng kanyang pagkatao, imposible ring makita kung ano ang saloobin niya sa katotohanan. Kapag nagbubunyag siya ng tiwaling disposisyon, o kapag nahaharap siya sa paglalantad at pagpupungos, saka lang mabubunyag ang saloobin niya tungkol sa katotohanan, at saka lang malalaman kung minamahal ba niya ang katotohanan, kung kaya ba niyang isagawa ang katotohanan, at kung gaano kalaki ang pag-asa niya na mailigtas sa huli. Mula sa tendensiya ng gayong mga tao na magkawanggawa at tumulong sa iba, makikita mo kung anong mga merito at depekto ng pagkatao ang mayroon sila. Pagkatapos, mula sa sunod-sunod nilang mga problema—gaya ng pagiging mayabang at mapagmagaling nila, at pagnanais na maging lider at mangibabaw sa iba dahil lang sa tendensiya nilang magkawanggawa at tumulong sa iba—malinaw mong makikita ang saloobin nila sa katotohanan; at batay sa saloobin nila sa katotohanan, malinaw mong makikita kung makakamit ba nila ang kaligtasan. Sa pamamagitan ng mga pag-uugaling ito, makikilatis mo ang mga merito at pagkukulang ng kanilang pagkatao, makikilatis ang kanilang karakter, at kasabay nito ay matututunan mong tukuyin ang kaibahan sa pagitan ng pagkatao at ng isang tiwaling disposisyon, pero hindi mo ganap na matutukoy kung maliligtas ba sila sa huli o kung ano ang magiging katapusan nila. Ang paghusga kung maliligtas ba ang isang tao ay medyo mas masalimuot—kailangan mo ring tingnan kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan, magnilay sa sarili, at magkaroon ng taos-pusong pagsisisi kapag nagbubunyag siya ng tiwaling disposisyon; dapat itong husgahan batay sa mga aspektong ito.