Paano Hangarin ang Katotohanan (8) Ikatlong Bahagi

Paggamit ng Kung Mayroon bang Espirituwal na Pang-unawa ang mga Tao o Wala para Suriin ang Kakayahan Nila

Kung susuriin natin ang kakayahan ng mga tao gamit ang mga katotohanang prinsipyo sa ganitong paraan, ang mga nauugnay na pagpapamalas ay iyong mga napagbahaginan natin kanina lang. Kaya, kung gagamitin natin kung mayroon bang espirituwal na pang-unawa ang mga tao o wala para suriin ang kakayahan nila, paano natin ito dapat gawin? Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay tiyak na may espirituwal na pang-unawa, hindi ba? (Oo.) Ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa ay na kaya nilang unawain ang katotohanan, arukin ang mga katotohanang prinsipyo, at gamitin ang katotohanan para lutasin ang iba’t ibang problema na lumilitaw sa proseso ng pananampalataya sa Diyos na may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo, at pangasiwaan din ang iba’t ibang panloob na isyu sa sambahayan ng Diyos gamit ang katotohanan. Kung gayon, paano naman ang iba’t ibang isyu ng mundo sa labas? Dahil ang mga taong mahusay ang kakayahan ay may espirituwal na pang-unawa at nagtataglay ng abilidad na mangasiwa ng iba’t ibang usapin, kaya rin nilang gumamit ng ilang prinsipyo na medyo nakabatay sa pagkatao o ilang prinsipyo na malapit sa mga positibong bagay para pangasiwaan ang mga usapin ng mundo sa labas. Sa kabila ng mga panlabas na kaibahan, magkakapareho ang mga pundasyon ng iba’t ibang bagay, at ang mga prinsipyo sa loob ng iba’t ibang bagay, sa pangunahin, ay ang kayang arukin ng mga taong mahusay ang kakayahan, kaya, sa pangkalahatan ay masasabi na ang mga taong may mahusay na kakayahan ay may espirituwal na pang-unawa. Ang pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa ay hindi nangangahulugan ng kakayahang makipag-usap sa espirituwal na mundo; sa halip, nangangahulugan ito na kayang arukin ng isang tao ang mga pundamental na batas at ang mga prinsipyo ng iba’t ibang bagay. Ito ay tuwiran, simple, at malinaw na pagpapaliwanag dito. Ang maunawaan ang mga pundamental na batas ng mga bagay-bagay sa mundo sa labas at ang mga prinsipyo na may kinalaman sa katotohanan ay isang pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan. Kaya, paano natin susukatin ang pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan batay sa kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa? Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay may espirituwal na pang-unawa sa kalahati ng mga bagay, pero hindi sa natitirang kalahati, nauunawaan ang ilang parte pero hindi ang iba. Ang mga parte kung saan mayroon silang espirituwal na pang-unawa ay ang mga parte na naaabot ng kanilang kakayahan. Sa pamamagitan ng pakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang katotohanang nauugnay sa pananampalataya sa Diyos, mauunawaan nila ang mga ito, at kahit na walang tagubilin mula sa sinuman, kaya nilang alamin ang mga prinsipyong dapat maarok sa loob ng mga ito. Ang mga parte kung saan wala silang espirituwal na pang-unawa ay ang mga parte kung saan kulang ang kakayahan nila. Kung walang paggabay at tagubilin mula sa iba, wala silang mga prinsipyo ng pagsasagawa, hindi nila normal na magagawa ang kanilang tungkulin o malulutas ang mga problema, at kailangan nila ng pagdidilig, paggabay, at tagubilin para malaman kung paano gawin ang gawain at pangasiwaan ang mga problema—ang mga ito ang mga pagpapamalas ng kanilang kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Masasabi na sa pangkalahatan ay may espirituwal na pang-unawa ang mga taong may katamtamang kakayahan, pero kulang ang antas ng kanilang espirituwal na pang-unawa kumpara sa mga taong may mahusay na kakayahan—kalahati lang ang nauunawaan nila. Saan ito kulang? Kulang ito sa antas ng pagkaarok nila sa mga katotohanang prinsipyo—hindi nila kayang tapusin nang nakapagsasarili ang iba’t ibang aytem ng gawain. Kaya, kung susuriin natin ang mga taong mahina ang kakayahan batay sa kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa o wala, paano natin ito dapat isagawa? Madali ba itong suriin? Mayroon bang espirituwal na pang-unawa ang mga taong mahina ang kakayahan? (Wala.) Makikita mo na walang espirituwal na pang-unawa ang mga taong may mahinang kakayahan sa pamamagitan lang ng pagtingin sa kanilang mga pagpapamalas, dahil sumusunod lang sila sa mga regulasyon. Ang mga taong walang kakayahan ay walang espiritu ng tao sa totoo lang, at ang kawalan ng espiritu ng tao ay nangangahulugan na wala silang espirituwal na pang-unawa gaya ng mga hayop. Para sa gayong mga tao, hindi kinakailangang suriin kung mayroon silang espirituwal na pang-unawa o wala. Kapag ang isang taong walang espiritu ay tumitingin sa anumang usapin o nakikitungo sa iba’t ibang tao, hindi niya kayang tasahin ang mga ito, at wala siyang mga pananaw tungkol sa mga positibo o negatibong bagay. Mayroon lamang siyang ilang pagkakalkula para sa pagprotekta sa sarili niyang mga interes at pag-iwas sa mga kawalan. Kapag nagpapahayag ka ng pananaw, kung pamilyar siya sa iyo at alam niya na may mahusay kang kakayahan at dalisay na pagkaarok, at na isa kang positibong tao, nakikiayon siya sa pananaw mo. Pero kung hindi siya pamilyar sa iyo, mamaliitin ka niya. Kahit gaano pa katama o kanaaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang pananaw mo, hindi niya ito tinatanggap. Hindi niya alam na tama ito, hindi niya alam na isa itong bagay na dapat tanggapin ng mga tao, at hindi niya alam kung gaano maaaring nakabubuti ang mabuting pananaw na ito sa kanya o kung gaano kalaking tulong ang maibibigay nito sa kanya—wala siyang kamalayan sa lahat ng ito. Samantala, kapag naglalahad ng isang negatibong pananaw ang isang negatibong tao, kung ang negatibong taong ito ay dominante at isang taong tinitingala at iginagalang niya, tinatanggap niya ang negatibong pananaw kahit alam niyang mapipinsala siya rito pagkatapos. Anong uri siya ng tao? (Isang tao na walang kakayahan.) Siya ay isang taong walang kakayahan, ibig sabihin, wala siyang abilidad na kilatisin ang mga bagay-bagay. Anumang sitwasyon ang kinakaharap niya, hindi niya ito maunawaan nang malinaw at wala siyang alam na anumang prinsipyong dapat niyang panghawakan; ang ganitong uri ng tao ay kayang gumawa ng masasamang gawa kapag sumusunod sa masasama o mga buktot na tao, at kaya niyang gumawa ng mabubuting bagay kapag sumusunod siya sa mabubuting tao—wala siyang abilidad na kilatisin ang mga bagay-bagay. Kaya sinasabi Ko na siya ay isang patay na tao na walang espiritu. Ang mga taong mahina ang kakayahan, matapos mamuhay sa loob ng maraming taon kasama ang mga taong may mahusay na kakayahan o mga positibong indibidwal, ay maaaring maimpluwensiyahan ng kung ano ang naririnig at nakikita nila, at maaari silang matuto ng ilang mabuting bagay, sumunod sa ilang mabuting regulasyon, at sumunod sa ilang positibong kasabihan at paraan ng pagkilos o mga positibong kaisipan at pananaw. Gayumpaman, ang mga patay na tao na walang espiritu ay hindi man lang kayang matutunan o sundin ang mga positibong kaisipan at pananaw, ang mabubuting paraan ng pagkilos at mga regulasyon, ang magagandang daloy ng kaisipan, o ang ilang positibong estilo ng pamumuhay at positibong pangkaraniwang kaalaman sa pang-araw-araw na buhay. Kapag nagsisimula silang mamuhay nang nakapagsasarili, ang kanilang sitwasyon ng pamumuhay—na sa isang taong naguguluhan—ay ganap na nalalantad. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga patay na tao na walang espiritu.

Ang mga taong may espirituwal na pang‑unawa, kahit papaano, ay may katamtamang kakayahan. Kung abot‑kamay nila ang katotohanan at nauunawaan nila ito, kung gayon, sila ay mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong walang espirituwal na pang‑unawa ay tiyak na alinman sa mga may mahinang kakayahan o mga ganap na walang kakayahan—ang dalawang uring ito ng mga tao ay tiyak na walang espirituwal na pang‑unawa. Ang mga taong may mahusay na kakayahan lamang ang masasabing may ganap na espirituwal na pang‑unawa, samantalang ang mga taong may katamtamang kakayahan ay may katamtamang antas ng espirituwal na pang‑unawa. Ibig sabihin, maraming usapin kung saan nagkukulang ang kakayahan nila at hindi nila magawang makamit ang espirituwal na pang‑unawa. Tanging sa mga ordinaryong usapin lang sila makakapagkamit ng espirituwal na pang-unawa at makakapangasiwa sa mga bagay-bagay nang nakapagsasarili. Kapag nahaharap sila sa mga usaping masalimuot o sa gawaing may sari-saring aspekto, hindi nila kayang pangasiwaan ang mga bagay na ito nang nakapagsasarili dahil lampas pa sa kaya nilang abutin at unawain ang mga katotohanang prinsipyong nakapaloob dito. Samakatwid, medyo katamtaman ang antas ng kanilang espirituwal na pang‑unawa. Ang katangian ng mga taong mahina ang kakayahan ay na hindi nila maabot ang mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod lang sila sa mga regulasyon, dahil hindi nila maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at ni hindi nila maintindihan kung ano ang konsepto ng mga katotohanang prinsipyo, at naniniwala sila na mga regulasyon lang ang mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, napakalinaw na walang espirituwal na pang‑unawa ang ganitong uri ng mga tao. Ang isang malaking katangian ng kanilang kawalan ng espirituwal na pang‑unawa ay na ang mga kaisipan at pananaw na ibinubunyag nila sa kanilang pagkaunawa tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay ay pawang baluktot. Paano dapat maunawaan ang “baluktot” dito? Nangangahulugan ito ng pagiging lubusang nakahiwalay sa daloy ng pag-iisip ng normal na pagkatao at lubusang nakahiwalay sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao—ito ay pagiging baluktot. Kapag pinakikinggan mo ang lohika ng pag-iisip ng kung ano ang sinasabi ng mga taong ito, makikita mo na kakatwa ito, at sa tuwing naririnig mo silang nagpapahayag ng isang pananaw o nagsasabi tungkol sa isang bagay, makakaramdam ka ng pagkabigla. Ano ang ibig sabihin ng “pagkabigla”? Ibig sabihin, kapag naririnig mong may sinasabi sila, pakiramdam mo ay hindi ito kapani-paniwala at iniisip mo, “Paanong nagkaroon sila ng ganoong ideya? Bakit ibang‑iba ito sa iniisip ng mga normal na tao? Ang ideyang ito ay sobrang kakaiba—bakit parang walang katuturan ito?” Sa puso mo, ramdam mong partikular na nakakaasiwa at katawa-tawa ito. Ang mga taong may mga salitang palaging nakakabigla sa iba ay ang mga taong madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot—lalo silang madaling magkaroon ng pagkabaluktot. Halimbawa, tatanungin mo sila, “Kumain ka na ba?” Sasagot sila, “Medyo malamig ngayong araw.” May anumang koneksiyon ba ang dalawang bagay na ito? (Wala.) Itatanong mo, “Bakit napakanipis ng suot mo ngayon?” Sasagot sila, “Uminom ako ng isang tasa ng luya na tsaa kanina.” Mayroon bang talagang anumang koneksiyon sa tanong mo ang sagot nila? Naglalaman ba ng normal na pag-iisip at lohika ang tugon nila? (Wala.) Paano dapat tumugon ang isang taong may normal na pag-iisip at lohika? Maaari niyang sabihin, “Napakanipis ng suot ko dahil sobrang init sa loob, at isa pa, sobrang maaraw sa labas at medyo mataas ang temperatura.” O maaaring sasabihin niya na, “Napakanipis ng suot ko dahil kakatapos ko lang mag-ehersisyo at naiinitan ako.” Pero kung may isang taong magtatanong ng, “Bakit napakanipis ng suot mo?” at sasagot siya ng, “Kasi fleece-lined ang mga sapatos ko ngayon,” walang kinalaman sa tanong ang sagot na ito. Ang daloy ng pag-iisip at ang lohika na sinusunod niya ay hindi umaayon sa pag-iisip at lohika ng normal na pagkatao. Isa itong napakakakaibang ideya at napakakakaibang daloy ng pag-iisip na walang taong may pag-iisip ng normal na pagkatao ang makakaisip. At kaya, pagkatapos makinig sa sagot niya, mararamdaman mo na nakakaasiwa ito. Gusto mong makipag-usap sa kanya, pero hindi ka makakonekta sa kanya—palagi siyang nagbibigay ng mga walang kaugnayan na sagot, kaya nagiging imposibleng magpatuloy ang pag-uusap. Halimbawa, may isang taong nag-aaral gumawa ng mga damit, at tinanong Ko siya, “Kumusta ang pag-usad mo sa pag-aaral ng paggawa ng damit? Kaya mo bang gumawa ng padded na damit?” Anong tugon ang aayon sa normal na pag-iisip at lohika? (Alinman sa “Kaya ko” o “Hindi ko kaya.”) Sasalamin iyon sa normal na pag-iisip at lohika. O maaari din niyang sabihin na, “Minsan ay mas maganda ang ginagawa ko, at sinasabi ng instruktor na ayos ito, halos katanggap-tanggap na. Pero pagdating sa ilang mas masalimuot na parte, hindi sapat ang gawa ko at kailangan itong ulitin.” Mula ba sa isang taong may normal na pag-iisip at lohika ang ganitong mga tugon? (Oo.) Paano tumugon ang taong ito na walang normal na pag-iisip at lohika? Nagtanong Ako, “Kaya mo na bang gumawa ng ganitong klase ng padded na damit?” Sumagot siya, “Pinag-aaralan ko kung paano gumawa ng ganitong klase ng damit noong una akong dumating dito.” Tinanong Ko siya, “Kung gayon, kaya mo na ba itong gawin ngayon?” Sumagot pa rin siya ng, “Pinag-aaralan ko kung paano gumawa ng ganitong klase ng damit noong una akong dumating dito.” Naisip Ko, “Hindi Ko naiintindihan. Pinag-aaralan mo kung paano gumawa ng ganitong klase ng damit noong una kang dumating, kung gayon, kaya mo na ba itong gawin ngayon? Bakit hindi Ko maunawaan ito?” Nang marinig Ko ang tugon niya, ramdam kong nakakaasiwa ito. Tinatanong Ko siya kung kaya niyang gumawa ng ganitong klase ng damit, at sinabi niya na nag-aaral siyang gawin ito noong una siyang dumating. Hindi Ko maintindihan kung paano niya nagawang lumipat sa paksang iyon—ano ang kinalaman niyon sa kung kaya niya itong gawin o hindi? Naisip Ko, “Hindi Ko talaga kayang sundan ang ganitong paglipat ng paksa.” Kahit nang magtanong Ako nang dalawa o tatlong beses na sunod-sunod, “Kung gayon, kaya mo na ba itong gawin ngayon?” palagi siyang sumasagot ng, “Noong una akong dumating, pinag-aaralan ko kung paano gumawa nito, at ginabayan ako ng instruktor ko sa paggawa nito—ito ang pangunahin kong ginagawa.” Hindi Ko pa rin nakuha ang sagot na hinahanap Ko, at hanggang sa araw na ito, hindi Ko pa rin alam kung kaya ba niya itong gawin o hindi. Suriin ang lohika sa likod ng mga salita niya at kung bakit siya nagsalita sa ganitong paraan. (Ang tugon niya ay medyo walang kaugnayan sa tanong. Susubukang hulaan ng mga taong nakakarinig nito ang ibig niyang sabihin, pero hindi pa rin nila malalaman kung kaya ba talaga niya itong gawin o hindi.) Gusto ba niyang malaman Ko o hindi? Gusto ba niya Akong bigyan ng tumpak na sagot? Dito, nagbibigay siya ng pahiwatig: “Sinabi ko na sa Iyo na noong una akong dumating, pangunahin kong pinag-aaralan kung paano gumawa nito, at ngayon, isang linggo na ang nakalipas—kaya siyempre, kaya ko nang gawin ito. Hindi ba’t dapat naiintindihan Mo ang ibig kong sabihin? Paanong hindi Mo maunawaan?” Naiintindihan ba ninyo ang ibig niyang sabihin mula sa kanyang tugon? (Hindi.) Kung mula sa tugon niya ay makakakuha ka ng tumpak na sagot at malalaman mo kung kaya ba niya o hindi, kung gayon, magiging lohikal ang tugon niya. Pero binibigyan ka lang ng kanyang tugon ng isang malabong kahulugan at hindi mo talaga nalalaman kung kaya ba niya o hindi. Ang mga taong palaging nagsasalita nang ganito—hindi ba’t masyadong magulo ang isip nila? Kung sadya silang sumasagot sa ganitong paraan, isa itong usapin ng karakter. Kung hindi nila ito sinasadya at wala talagang koneksiyon ang tugon nila sa sagot na sinusubukan mong makuha, kung gayon, may problema sa kanilang pag-iisip at lohika. Kung mayroong problema sa kanilang pag-iisip at lohika, hindi ba’t nangangahulugan ito na mayroon silang mahinang kakayahan? Hindi ba’t madali silang magkaroon ng mga pagkabaluktot? (Oo.) Isa itong pagpapamalas ng pagiging madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot. Naisip ng taong iyon, “Sinasabi ko sa Iyo na pinag-aaralan ko kung paano gumawa nito noong una akong dumating, kaya ang hindi maiiwasang resulta ay na kaya kong gumawa nito.” Ang gusto niyang iparating ay ang sagot na “Kaya kong gawin ito.” Gayumpaman, hindi nakakakuha ng tumpak na sagot ang mga taong may normal na pag-iisip pagkatapos itong marinig. Samakatwid, ang tugon niya na, “Pinag-aaralan ko kung paano gumawa nito noong una akong dumating,” ay walang lohikal na koneksiyon sa nais niyang iparating na kaya niyang gumawa nito. Kaya, hindi ba’t magugulong salita ang naging tugon niya? (Oo.) Ang magsalita ng magugulong salita habang iniisip na kaya niyang makipag-usap nang maayos at na nasagot na niya ang katanungan—hindi ba’t sumasalamin ito sa mahinang kakayahan? (Oo.) Ito ay isang pagpapamalas ng mahinang kakayahan. Ang taong iyon ay walang pag-iisip at lohika ng normal na pagkatao. Kahit paano mo itanong, hindi niya mapagtatanto kung ano talaga ang pinakamahalagang punto ng problema o kung bakit paulit-ulit mong tinatanong ang parehong bagay. Kapag nagtanong ka nang ikatlong beses, pareho pa rin ang isasagot niya at makakaramdam pa nga siya ng pagkayamot, iisipin niya na, “Bakit ba tanong ka nang tanong? Sinabi ko na sa iyo, pero hindi mo pa rin naiintindihan at tanong ka nang tanong!” Kahit pagkatapos tanungin nang tatlong beses, hindi niya mapagtatanto na hindi malinaw ang sagot niya at hindi iyon ang hinahanap ng taong nagtanong, na dapat niyang baguhin ang pananalita niya at malinaw na ipahayag kung kaya ba niya o hindi, at hindi pahulain ang ibang tao. Hindi niya napagtatanto kung ano ang ipinaparamdam ng kanyang mga salita sa ibang tao o kung ano ang nagiging reaksiyon ng ibang tao pagkatapos marinig ang mga ito—hindi niya mapagtanto ang alinman dito. Ipinapakita nito na wala siyang kakayahan. Ilang beses ka mang magtanong, pareho lang ang isasagot niya at pakiramdam pa nga niya ay sinsero ang sinasabi niya at hindi huwad, iniisip na, “Ilang beses ka mang nagtanong tungkol sa parehong bagay, pareho pa rin ang isinagot ko—isinasagawa ko na maging matapat na tao, at sinasabi ko kung ano ang nasa isip ko.” Hindi ba’t repleksiyon ito ng mahinang kakayahan? (Oo.) Kapag nagtatanong ka tungkol kay Tom, palaging ikinukuwento ng ganitong uri ng tao sina Dick at Harry. Kapag nagtatanong ka naman tungkol kina Dick at Harry, palagi niyang ikinukuwento si Tom. Ang mga taong walang normal na pag-iisip ay may magulong mga kaisipan, at gulo-gulo ang daloy ng kanilang pag-iisip. Isa itong pangunahing pagpapamalas ng mahinang kakayahan. Sa pagbubuod, ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga tao na may iba’t ibang kakayahan. Sinusukat mo man ang kakayahan nila batay sa kanilang abilidad o kawalan ng abilidad na umunawa at gamitin ang mga katotohanang prinsipyo, o batay sa kung mayroon ba silang espirituwal na pang‑unawa o wala, ang mga ito ang mga pagpapamalas. Bagama’t nagsalita tayo sa medyo pangkalahatang mga termino, hindi ba’t sa pangkalahatan ay maitutugma mo ang mga salita Ko sa tunay na buhay? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t halos naibuod na natin ang paksa ng kakayahan? (Oo.) Dito nagtatapos ang ating talakayan sa paksa ng kakayahan.