Paano Hangarin ang Katotohanan (7) Ikatlong Bahagi

Ikalabing-isang Bilang: Abilidad na Maging Inobatibo

Ang ikalabing-isang pamantayan para sa pagsuri ng kakayahan ng isang tao ay ang abilidad na maging inobatibo. Ang abilidad na maging inobatibo ay ang malikhaing abilidad na taglay mo batay sa pagkaunawang mayroon ka pagkatapos mong malaman ang mga pundamental, prinsipyo, at batas ng isang bagay. Ang malikhaing abilidad na ito ay tumutukoy sa pagpapabuti sa bagay na ito sa orihinal nitong pundasyon, pagpapaunlad nito, pagpapalaki ng saklaw ng impluwensiya nito, o pagbabago rito para maging isang bagong henerasyon ng isang partikular na bagay—ito ay tinatawag na abilidad na maging inobatibo. Sa partikular, nangangahulugan ito na batay sa tumpak na pag-arok sa mga obhetibong batas ng isang partikular na bagay, maaari mong ilapat ang mga ito sa tunay na buhay, palakihin at palawakin ang saklaw ng paglapat sa mga ito, at tulutan ang mga pundamental at prinsipyong ito na naaayon sa mga batas ng pag-unlad ng mga bagay na magsilbi sa mas maraming tao, para mas maraming tao ang makatanggap ng pakinabang at tulong mula rito. Sa isang banda, pinapanatili mo ang mga pundamental at prinsipyong ito, nang palaging pinapalaki ang saklaw ng kanilang impluwensiya at ang mga tagapakinig ng mga ito. Dagdag pa rito, binabago mo ang mga ito mula sa isang literal na presentasyon patungo sa isang kongkretong bagay na maaaring pagkuhanan ng mga tao ng tunay na pakinabang sa isang mas praktikal na paraan at sa pamamagitan ng pagpapalalim. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng abilidad na maging inobatibo. Kung ang isang tao, sa pundasyon ng kapaligiran ng pamilya at konteksto ng paglago na mayroon siya, at sa kaalamang nakakamit niya, ay kayang tumpak na maarok ang mga pundamental, prinsipyo, at batas ng pag-unlad ng isang bagay, alam kung paano ilapat ang mga pundamental at prinsipyong ito, at kung paano gawing mga kongkretong bagay mula sa teorya ang mga pundamental at prinsipyong ito—nang hindi humihinto sa antas ng mga salita at doktrina, kundi inilalapat ang mga ito sa tunay na buhay, ginagawa ang mga ito na bahagi ng buhay ng mga tao at ginagawa ang mga ito na mga resulta na nagsisilbi sa mga tao, tinutulutan ang mga tao na magkamit ng pakinabang at tulong mula sa mga ito, at ginagawa ang buhay ng mga tao na mas madali at mas maginhawa—kung kayang makamit ng isang tao ang antas na ito, siya ay isang taong may abilidad na maging inobatibo at isang taong may mahusay na kakayahan. Ibig sabihin, kung kaya mo, sa batayan ng pagkaunawa sa mga pundamental ng mga batas ng pag-unlad ng mga bagay at ng mga katotohanang prinsipyo, na makamit ang pag-usad, pagpapanatili, pagpapalawak, o pagpapanibago ng isang bagay—kung mayroon kang ganitong abilidad o kaya mong maisakatuparan ang anuman sa isa sa mga ito, at kaya mong tulutan ang mga pundamental at mga batas ng isang positibong bagay o ang mga prinsipyo ng katotohanan na maipatupad, magkatotoo, at mapalawak sa gitna ng mga tao—pinapatunayan nito na mahusay ang kakayahan mo. Kahit na hindi mo ito madala sa isang mas malalim na antas, sa pinakamababa, kung kaya mo itong mapanatili, mapalawak, at magawang totoo, at kaya mong mapalawak ang positibo nitong impluwensiya, pinapatunayan nito na isa kang tao na may abilidad na maging inobatibo. Kung hindi mo taglay ang abilidad na ito, at mayroon ka lang ng abilidad na maarok ang mga batas ng mga positibong bagay, pero ang abilidad na makaarok na ito ay nananatili lang sa antas ng literal at teoretikal na pag-arok, at hindi mo kayang maipatupad o magawang totoo ang mga ito sa mga tao, ni hindi mo mapagsilbi ang mga ito sa mga tao at magawang mapakinabangan nila ang mga ito, wala kang abilidad na maging inobatibo. Dapat magawa mong praktikal na gamitin at ilapat ang mga pundamental, prinsipyo, batas, at tuntunin—saka lang masasabi na mayroon kang abilidad na maging inobatibo. Tanging iyong mga nagtataglay ng abilidad na ito ang mga taong may mahusay na kakayahan. Halimbawa, ang ilang lider at manggagawa o superbisor ay kayang ipatupad agad ang mga prinsipyo at panuntunan ng sambahayan ng Diyos pagkatapos nilang maunawaan ang mga ito. Ipinapatupad nila ang mga katotohanang prinsipyo ng bawat aytem ng gawain sa hinirang na mga tao ng Diyos, na siyang tumutulong sa mas maraming tao na maunawaan ang katotohanan at para ang gawain ng iglesia ay umusad sa isang maayos na paraan—ibig sabihin, para ito ay umikot nang positibo sa loob ng saklaw ng mga prinsipyo, nang patuloy na umuunlad at umaabante, nang walang paglihis. Anong resulta ang nakikita ng mga tao mula rito? Ginagawa ng lahat ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng gawaing ito, ang lahat ay nakakaunawa sa mga prinsipyo at kumikilos ayon sa mga prinsipyo, ang gawain ay walang mga paglihis, at ang gawaing ito ay patuloy na nagluluwal ng mga bagong resulta o mga bagong piraso ng gawain. Kahit pa lumitaw ang mga espesyal na sitwasyon sa proseso, malalaman ng mga superbisor kung paano pangangasiwaan ang mga ito nang pleksible ayon sa mga pundamental, panuntunan, at prinsipyo ng gawain. Sa ilalim ng kanilang pamumuno, patuloy na umuusad ang gawaing ito sa isang maayos na paraan at halos hindi ito tumitigil. Ibig sabihin, anumang sitwasyon ang maaaring lumitaw, sinuman ang maaaring dumating para manggulo o magpakalat ng anumang mga maling kaisipan, hindi nito maaapektuhan ang maayos na pag-usad ng gawain; ang gawain ay patuloy na sumusulong. Masasabi ba na ang mga pundamental ng gawaing ito at ang mga katotohanang prinsipyo sa aspektong ito ay patuloy na napapanatili? (Oo.) Sa pamamagitan ng pagpapatupad, pagpapanatili, at pag-abante ng mga pundamental at prinsipyo ng gawaing ito, hindi naaabala ang gawaing ito; patuloy itong naipapatupad at napapanatili sa isang maayos na paraan, at kasabay nito, lumilitaw ang magagandang resulta ng gawain sa iba’t ibang panahon. Ang impluwensiya ng mga resulta ng gawaing ito ay patuloy na lumalawak, at parami nang parami ang mga taong nakikinabang mula sa mga ito. Iyong mga nakikinabang, sa katunayan, ay nakikinabang mula sa iba’t ibang prinsipyo, pundamental, at maging sa mahihigpit na panuntunan ng mga pagsasaayos ng gawain na kayang maarok at matanggap ng mga superbisor na ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng abilidad na maging inobatibo. Ibig sabihin, ang isang taong may mahusay na kakayahan ay kayang patuloy na ipatupad ang mga prinsipyo ng gawain at ang mga katotohanang prinsipyo na naaarok at natatanggap niya sa gawain na pinananagutan niya at ipatupad ang mga ito sa lahat, na siyang nagbibigay-kakayahan sa gawain na umusad sa isang maayos na paraan o sumulong. Kasabay nito, ang mga resulta ng gawain ay mailuluwal nang pana-panahon o nang iregular; tinatawag ito ng mga walang pananampalataya na “paggawa ng mga obra”—ibig sabihin, patuloy na lilitaw ang mga resulta ng gawain, at ang pagpapakita ng mga resulta ng gawaing ito ay magdudulot ng mas malaking impluwensiya at makakaabot sa mas maraming tao. Ang mga taong nagtataglay ng abilidad na ito ay kayang patuloy na palakihin ang mga resulta ng gawain sa huli, para parami nang parami ang mga taong nakikinabang. Ang gayong mga tao ay iyong mga may mahusay na kakayahan. Para suriin ang kakayahan mo batay sa iyong abilidad na maging inobatibo, kinakailangang tingnan, pagkatapos maarok ang mga prinsipyo ng gawain, ang mga panuntunan ng gawain, at ang mga katotohanang prinsipyo, kung kumusta ang iyong abilidad na magpatupad, mag-abante, at magpalawak ng mga ito; ibig sabihin, kung kumusta ang abilidad mong mapanatili ang gawaing ito. Ikalawa, kinakailangang tingnan kung ilang tao ang naaabot ng gawaing ginagawa mo, kung gaano kalaki ang saklaw ng mga naaabot, kung gaano katindi ang impluwensiya, at kung kumusta ang pagiging episyente at ang mga resulta ng iyong gawain. Kung mataas ang pagiging episyente ng iyong gawain, maganda ang mga resulta ng iyong gawain, at patuloy na lumalaki ang saklaw ng mga naaabot, mahusay ang iyong kakayahan. Kung maliit ang bilang ng mga taong naaabot, mababa ang pagiging episyente ng gawain, mahina ang mga resulta, at palaging mayroong mga pag-uulit ng gawain, paghinto, pagtatakip ng mga butas, katamtaman ang kakayahan mo. Kung napakahusay at napakabilis na naaarok ng isang tao ang mga prinsipyo ng gawain, mga pagsasaayos ng gawain, at iba pang mga aspekto, pero ang kanyang pag-usad sa pagpapatupad ay napakabagal at ang kanyang pagiging episyente ay napakababa—sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, maaaring mailabas ang mga resulta sa loob ng isang buwan, pero inaabot siya ng tatlong buwan o anim na buwan pa nga, at ang mga resultang nailalabas ay katamtaman pa rin talaga, ang bilang ng mga taong naaabot ay maliit, at ang pakinabang sa mga tao ay hindi malaki—ang gayong tao ay may katamtamang kakayahan.

Ang ilang tao, pagkatapos makaunawa ng ilang prinsipyo o pundamental, ay nauunawaan lang ang literal na kahulugan noong oras na iyon at hindi man lang nila ito maiugnay sa mga tao, pangyayari, o bagay sa kanilang gawain na kinasasangkutan ng anumang mga prinsipyo o pundamental na ito. Pinapakinggan lang nila ang mga prinsipyo at pundamental bilang mga regulasyon o doktrina, at pagkatapos marinig ang mga ito, hindi sila gumagawa ng mga plano sa puso nila at hindi nila alam kung paano ipatupad ang mga ito o kung paano ilapat sa tunay na buhay ang mga pagsasaayos ng gawain at ang mga pundamental o prinsipyong nauunawaan nila. Sa pundamental ay hindi sila makabuo ng anumang mga koneksyon sa pagitan ng tunay na buhay at ng mga pundamental o prinsipyong ito. Pagdating sa tunay na buhay o gawain, isinasantabi nila ang mga prinsipyo, pundamental, at ang mga batas ng pag-unlad ng mga bagay, hindi nila magawang ilapat ang mga ito, at ginagawa lang nila kung ano ang gusto nilang gawin. Huwag na muna nating pag-usapan ngayon kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao, o kung kumusta ang kanilang karakter, o kung sadya ba nilang hindi ginagawa ang isang bagay, o kung ayaw ba nilang gawin ang isang bagay—sa usapin lang ng kakayahan, ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan. Saanman sila magpunta, kaya nilang magsalita ng maraming doktrina, magtalakay tungkol sa ilang pundamental, at makipagtalakayan sa iba tungkol sa ilang diumano’y mga batas ng pag-unlad ng mga bagay. Tila napakataas ng antas ng kaisipan nila at mayroon silang abilidad na makaarok, at mukha silang may ilang kakayahan. Gayumpaman, kapag itinalaga sa kanila ang isang aytem ng gawain, lumilipas ang isa o dalawang buwan nang walang mga resulta, at walang mga ulat na naririnig mula sa kanila. Noong oras ng pagpapahayag ng kanilang determinasyon, napakahusay nilang magsalita, pero pagdating sa aktuwal na paggawa nito, hindi nila alam kung ano ang gagawin. “Napakalinaw na ipinaliwanag ng ang Itaas ang mga prinsipyo, kaya ano na ang dapat kong gawin ngayon? Sino ang dapat kong italaga bilang superbisor, bilang tagapangaral, at sino ang dapat mangasiwa sa mga panlabas na usapin? Hindi ko alam ang gagawin! Pero nagsabi ako ng mga mapangahas na pahayag at ipinahayag ko ang aking determinasyon, kaya kailangan ko itong gawin!” Labis silang balisa na nagkakaroon sila ng panloob na init at nagkakasingaw sila sa bibig, hindi sila makakain o makatulog, na nauuwi sa pagiging magulo ng kanilang hitsura at pagka-stress, pero hindi pa rin nila alam kung ano ang gagawin. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan. Huwag nang isipin kung paanong, kapag nagsasaayos ng gawain para sa kanila, taimtim silang nanunumpa at ipinapahayag nila ang kanilang determinasyon, nang nagsasabi ng mga mapangahas at engrandeng salita nang may labis na kasiglahan—kailangan mong makita kung kaya ba nilang gawin ang gawain, kung mayroon ba silang mga hakbang at plano, at kung nauunawaan ba nila kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi sila nakakaunawa o hindi nila ito kayang gawin, mayroon silang mahinang kakayahan. Kung nakakaunawa lang sila ng mga doktrina pero hindi nila mailapat ang mga prinsipyo, at kumikilos lang sila nang bulag at walang pakundangan, nagpapakita rin ito ng mahinang kakayahan. Hangga’t hindi mo kayang ipatupad ang mga prinsipyo, pundamental, o mga batas ng pag-unlad ng mga bagay nang epektibo at sa tunay na buhay, ikaw man ay balisa at nagugulumihanan o gumagawa ng mga walang-pakundangang maling gawa, ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mahinang kakayahan. Tumpak ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ang ilang tao ay kumikilos nang bulag, samantalang ang iba ay hindi alam kung paano ito gawin at hindi nangangahas na gawin ito—ni hindi nila alam kung saan magsisimula. Ang mga partikular na pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan, sa usapin ng kanilang abilidad na maging inobatibo, ay na hindi nila alam kung paano maglapat ng mga pundamental at prinsipyo sa partikular at tunay na gawain; kaya lang nilang mag-ulit ng mga salita, matuto ng mga doktrina, at magmemorya ng mga regulasyon. Ang pagkakabisado lang ng mga doktrina at regulasyon ay walang silbi at hindi indikasyon na mayroon kang abilidad na maging inobatibo. Kung mayroon ka mang abilidad na maging inobatibo o wala ay nakikita sa kung kaya mong ipatupad sa tunay na buhay ang mga pundamental, prinsipyo, at tuntuning ito, nang ginagawa nang maayos ang gawaing nauugnay sa mga pundamental at prinsipyong ito, para ang mga pundamental at prinsipyong ito ay hindi nananatiling mga salita at doktrina, regulasyon, at pormula, kundi naipapatupad sa buhay ng mga tao at nailalapat sa mga tao, nang tinutulutan ang mga tao na magamit ang mga ito at makakuha ng pakinabang at tulong mula sa mga ito, ginagawa ang mga ito na maging isang landas para sa pagsasagawa sa buhay, o isang gabay, direksyon, at layon para sa pamumuhay. Kung ang isang tao ay wala ng ganitong abilidad na maging inobatibo at alam lang kung paano maglitanya ng mga salita at doktrina at sumigaw ng mga islogan, at hindi niya magawang gamitin ang mga prinsipyo at pundamental na ito kapag oras na para gawin ang kanyang tungkulin, iyong mga sumusunod sa gayong lider o superbisor ay hindi magkakamit ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa aspektong ito ng katotohanan. Ang gayong mga lider o superbisor ay mga taong may mahinang kakayahan, hindi kayang gawin ang gawain, at dapat na iulat at tanggalin kapag natukoy. Para suriin kung kayang pasanin ng isang tao ang isang aytem ng gawain, dapat mo munang makita, pagkatapos niyang mabasa ang mga pagsasaayos ng gawain at maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, kung kaya niyang isaayos at ipatupad ang mga ito at patakbuhin ang gawain. Gaano man karami ang mga tao sa isang iglesia, kung mapapatakbo nila ang lahat ng aytem ng gawain ng iglesia, at gaano man karaming gawain ng mga tao ang pananagutan nila—limampu man o isandaan—kaya nilang mapalago ang gawain, nang tinitiyak na ang lahat ay may sarili nilang lugar at kayang gumawa at gawin ang kanilang tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay ang gayong tao ay maaaring makonsidera para sa halalan bilang isang lider o superbisor. Siyempre, dapat mo ring makita kung kumusta ang kanyang karakter, kung siya ba ay isang tamang tao, at kung siya ba ay isang taong naghahangad ng katotohanan—mahalaga na malaman ang mga bagay na ito! Ang isang lider o manggagawa, sa pinakamababa, ay dapat magtaglay ng kakayahan at tayog sa mga aspektong ito para akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos papasok sa katotohanang realidad, at para ang lahat ay makagawa at makagampan ng kanilang tungkulin nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain o sa mga katotohanang prinsipyo—sa ganitong paraan, maaaring makinabang ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kanya. Kung hindi siya nagtataglay ng ganitong abilidad, hindi siya maaaring mapili. Kung pipiliin mo ang gayong tao, bagama’t ang pagpapakatamad nang hindi gumagawa ng anumang gawain araw-araw habang sumusunod sa kanya ay maaaring magdala ng ginhawa sa iyong laman, madarama mo ba na may katuparan ka sa iyong espiritu? Kung gumugugol ka ng ilang oras araw-araw sa mga pagtitipon sa pakikinig sa kanya na mangaral ng mga doktrina pero hindi ka gumagawa ng aktuwal na gawain, ito ba ay paggawa ng iyong tungkulin? (Hindi.) Araw-araw siyang nangangaral sa iyo ng mga doktrina, at bagama’t maaaring napapayaman ang iyong mga tainga, hindi mo ginagawa ang tungkulin mo at sumusunod ka lang sa kanya nang iniraraos lang ang mga bagay nang walang tunguhin. Sa ganoong kaso, ikaw ay kanyang nailihis at nahadlangan. Kung patuloy kang makikinig sa kanya na magsalita ng mga tuyong salita at doktrinang iyon, at sa huli ay hindi ka gagawa ng iyong tungkulin o nagpapakita ng katapatan, at wala kang tunay na karanasan sa katotohanan, nang hindi nag-aalay ng katapatan sa kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, nang hindi pinapatakbo ang gawain o hindi nagkakamit ng anumang mga resulta—para kapag humingi ang Diyos sa mga tao ng mga resulta, wala kang maipresenta—hindi ba’t nagdusa ka ng kawalan? Samakatwid, kung inakala mo dati na ang gayong mga tao ay mga kandidato para maging lider, agad na baguhin ngayon ang iyong pananaw at alisin ang gayong mga tao mula sa iyong listahan ng mga kandidato. Hindi sila dapat mapili bilang mga lider. Saan nagkukulang ang mga taong may mahinang kakayahan at walang abilidad na maging inobatibo? Nagkukulang sila dahil ang alam lang nila ay kung paano kumilos bilang teorya lang ang alam pero walang aksyon habang hindi kailanman nalalaman kung paano ilapat ang kanilang mga ideya sa gawain sa tunay na buhay, at dahil hindi nila kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Ano ang magiging mga kahihinatnan kung magiging mga lider ang gayong mga tao? Ganap lang nilang guguluhin ang gawain. Kung magseserbisyo sila bilang isang lider ng iglesia sa mainland China, aakayin lang nila ang buong iglesia patungo sa pagkasira. Hindi lang sila mismo mabibigo na makamit ang katotohanan, kundi ang buhay ng mga inaakay nila ay magdurusa ng kawalan. Kung kaya mong agad na matukoy ang gayong mga tao at tanggalin sila, mapipigilan ang ilang sakuna, at hindi na kakailanganing magkaroon ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Pero kung mananatili kang isang tagasunod sa ilalim ng gayong mga tao at tatanggapin mo ang kanilang pamumuno, malamang na masira nila ang pag-asa mo na magtamo ng kaligtasan, at pagkatapos ay mawawala ang pagkakataon mong maligtas. Samakatwid, ang abilidad na maging inobatibo ay isang napakahalagang abilidad para sa isang lider o manggagawa o superbisor. Kung wala kang batayang kakayahan at abilidad para gawin ang gawain, kailangan mo talagang maging maingat at huwag basta-bastang kumilos nang dahil sa kasigasigan, at hindi mo dapat palaging gustuhin na mamukod-tangi at palaging gustuhin na maging isang lider o superbisor. Ang paggawa niyon ay hindi lang nakakahadlang sa iyong sarili kundi nakakahadlang din sa iba na makamit ang kaligtasan. Kung hahadlangan mo lang ang iyong sarili, sariling kamatayan mo lang ang idinulot mo, pero kung hahadlangan mo ang mga kapatid, hindi ba’t pinipinsala mo ang maraming tao? Maaaring wala kang pakialam sa sarili mong buhay, pero ang iba ay may pakialam sa kanilang buhay. Higit pa rito, ang paghadlang sa sarili mong pang-araw-araw na buhay at pinansiyal na tagumpay ay hindi isang malaking usapin, pero ang paghadlang sa gawain ng iglesia ay hindi isang maliit na usapin. Kaya mo bang pasanin ang gayong responsabilidad? Kung ikaw ay tunay na isang taong may konsensiya at nadarama mo na ang usaping ito ay may bitbit na malaking responsabilidad, na ang paghadlang sa gawain ng iglesia ay hindi isang bagay na kaya mong panagutan, hinding-hindi ka dapat humantong sa paggamit ng anumang kinakailangang paraan para magpakitang-gilas at makipag-agawan sa pamumuno. Kung wala kang kakayahan at tayog, huwag palaging sikapin na mamukod-tangi. Huwag hadlangan ang gawain ng iglesia o hadlangan ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagpasok sa katotohanan at pagkamit ng isang mabuting hantungan para lang matugunan ang pagnanasa mo para sa awtoridad—ito ay isang kabuktutan! Dapat ay mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili. Gawin mo ang kaya mong gawin at huwag palaging asamin na maging isang lider. Bukod sa pagiging isang lider, marami pang ibang mga tungkulin na maaari mong gawin. Ang pagiging isang lider ay hindi ang iyong eksklusibong karapatan, ni hindi ito dapat ang maging hangarin mo. Kung mayroon kang kakayahan at tayog na maging isang lider, at mayroon ka ring pagpapahalaga sa pasanin, mas mainam na hayaan ang iba na ihalal ka. Ang ganitong pagsasagawa ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa lahat ng nasasangkot. Kung wala kang kakayahan na maging isang lider, dapat kang magpakita ng kaunting kabaitan at panagutan mo nang kaunti ang kinabukasan ng iba. Huwag palaging makipag-agawan para maging isang lider at huwag hadlangan ang iba. Ang pagnanais na maging isang lider at mamahala sa gawain ng iglesia sa kabila ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan ay nagpapakita ng kawalan ng katwiran. Kung wala kang kakayahan at tayog, gawin mo na lang nang maayos ang sarili mong mga tungkulin. Ang tunay na pagtupad sa iyong mga tungkulin ay nagpapakita na mayroon kang kaunting katwiran. Gawin ang anumang gawaing kaya mo ayon sa iyong abilidad; huwag magkimkim ng mga ambisyon at pagnanais. Huwag lang hangarin na matugunan ang mga personal mong pagnanais habang pinapabayaan ang gawain ng iglesia—nakakapinsala ito kapwa sa iyong sarili at sa iglesia. Ito ang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan sa usapin ng abilidad na maging inobatibo.

Ang lahat ng taong may mahinang kakayahan ay kulang sa abilidad na maging inobatibo—kung gayon, iyong mga walang kakayahan ay lalong wala nito. Ang gayong mga tao ay hindi talaga maunawaan ang mga pundamental ng mga bagay, ang mga batas ng pag-unlad ng mga bagay, o ang mga katotohanang prinsipyo kapag naririnig nila ang mga ito. Kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, kahit na nakikita nila na ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila maiugnay ang mga prinsipyo sa kanilang saklaw ng paglapat o sa mga tao at usapin na sinasangkot ng mga ito. Iniisip pa nga nila na, “Masyadong detalyado ang pagbabahaginang ito tungkol sa katotohanan, at masyado itong marami. Pagkarinig sa mga salitang ito, kaya kong maunawaan na ang mga ito ay mga prinsipyo, pero hindi ko alam kung ano ang depinisyon ng mga prinsipyo o kung hanggang sa anong saklaw ang nililimitahan ng mga prinsipyo.” Kung hindi man lang nila alam ang depinisyon ng mga prinsipyo, tiyak na hindi nila alam kung paano ipatupad o isagawa ang mga ito. Halimbawa, kapag may nangyayari na kailangang pangasiwaan, sinasabi sa kanila ng iba: “Dapat kang magsagawa ayon sa mga prinsipyo.” Sinasabi nila: “Ni hindi ko alam kung paano magsagawa ayon sa mga prinsipyo. Hindi ko alam kung sa aling prinsipyo nauugnay ang usaping ito.” Kahit matapos ipaliwanag ng iba sa kanila ang prinsipyo na dapat nilang isagawa sa pangangasiwa sa usaping ito, hindi pa rin nila alam kung ano ang gagawin. Ang gayong mga tao ay may labis na mahinang kakayahan; ni hindi nila kayang maunawaan ang wika ng tao, at lalong hindi sila nababagay na gamitin. Hindi ba’t ipinapakita nito na ang gayong mga tao ay labis na walang kakayahan na hindi na sila matutulungan? Ang mga taong wala nang magagawa na walang kakayahan ay hindi nagtataglay ng pag-iisip at ng abilidad na makaunawa ng mga bagay ng normal na pagkatao, lalong hindi sila nagtataglay ng lohika ng pag-iisip. Samakatwid, ang mga taong nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo o sa iba’t ibang pundamental at tuntunin ay walang paraan para makipag-usap sa mga walang kakayahan; hindi sila makabuo ng kasunduan, at siyempre, wala silang parehong wika. Bakit hindi nila magawang makipag-usap? May isang esensiyal na problema, at iyon ay na ang mga abilidad ng dalawang uri ng mga taong ito na maging kognitibo, tumukoy, humusga, umunawa, at tumanggap ng iba’t ibang bagay ay wala sa parehong antas o sa parehong landas—para silang dalawang linyang paralelo na hindi kailanman magsasalubong. Ito ay pagsasalita sa medyo abstraktong mga termino. Sa mas kongkretong pananalita, ang kakayahan ng dalawang uri ng mga taong ito ay malayong-malayo sa isa’t isa at hindi magkapantay. Samakatwid, hindi sila kailanman magkakaroon ng parehong abilidad na gumawa ng mga paghusga, abilidad na tumukoy ng mga bagay, o kognitibong abilidad tungkol sa parehong usapin. Ibig sabihin, ang kayang makilala ng mga taong may mahusay na kakayahan o katamtamang kakayahan ay hindi talaga kayang makilala ng mga walang kakayahan—lalong hindi nila ito maaabot, at hindi nila ito maaabot magpakailanman, na para bang wala silang ganoong kapabilidad. Halimbawa, kapag umedad na ang isang inahing manok, natural itong nangingitlog. Kahit na mababa ang produksiyon nito, mangingitlog pa rin ito dahil mayroon itong ganoong kapabilidad. Gayumpaman, gaano man kahusto ang pagpapakain sa isang tandang, hindi nito kayang mangitlog dahil wala itong ganoong kapabilidad. Sinasabi ng tandang: “Bagama’t wala akong kapabilidad na mangitlog, kaya kong tumilaok sa umaga!” Ilang beses ka mang tumilaok o gaano man kalakas ang boses mo, hindi ito nangangahulugan na kaya mong mangitlog. Bagama’t ang inahing manok ay hindi tumitilaok, mayroon itong kapabilidad na mangitlog. Bakit Ko ibinibigay sa inyo ang halimbawang ito? Dahil ang mga taong walang kakayahan ay magsasabi ng gayong baluktot, walang-katotohanan, at ilohikal na pangangatwiran—ito ay tinatawag na kawalan ng kakayahan. Samakatwid, kapag ang mga taong may mahusay na kakayahan, katamtamang kakayahan, o maging mahinang kakayahan ay nakikipag-usap at nakikipagtalakayan ng mga usapin sa mga taong walang kakayahan, nakakaasiwa ito. Sa mga taong may mahinang kakayahan, maaari ka pa ring makipag-usap tungkol sa ilang usapin na simple at madaling maunawaan. Pero sa mga taong walang kakayahan, walang may kayang makipag-usap sa kanila, dahil wala silang abilidad na makaarok at wala silang mga kaisipan o pananaw tungkol sa anumang bagay. Ito ang paglalarawan o paliwanag sa mga taong walang kakayahan. Kapag may ipinaparating ka sa kanila, kahit na ipaliwanag mo ito sa kanila nang lubusan at malinaw, at maaaring sabihin nilang nauunawaan nila, gayumpaman, kapag nangyari muli ang parehong bagay, hindi pa rin sila makaunawa at muli silang magsasabi ng baluktot at walang-katotohanang pangangatwiran. Sabihin sa Akin, kaya bang maunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Wala silang abilidad na tumukoy o maging kognitibo sa mga bagay—paano nila mauunawaan ang katotohanan? Ang sabihing kaya nilang maunawaan ang katotohanan ay sadyang magiging katawa-tawa. Ang mga taong walang kakayahan ay walang abilidad na maging inobatibo, kaya ang mga pagpapamalas nila sa aspektong ito ay ganito. Dahil hindi nila nauunawaan ang anumang mga pundamental o prinsipyo, wala silang mga pagpaplano sa anumang ginagawa nila. Walang plano o mga hakbang ang kanilang isipan, at lalong hindi nila kayang ipatupad ang anumang mga pundamental o prinsipyo. Ganap na palpak ang anumang ginagawa nila, ganap na magulo. Ang gayong mga tao ay kaya lang gumugol ng pisikal na pagsisikap at gumawa ng mga manwal na gampanin. Bahagya lang nila kayang harapin ang isang simple at iisang trabaho; kung tutuusin, mga ordinaryong tao sila, na kayang gumawa ng iisang gampanin, pero kapag umangat ang sitwasyon sa antas ng pag-ako ng isang aytem ng gawain, hindi na nila ito kaya. Ang gayong mga tao ay hindi kayang gumawa ng anumang mahalaga o labis na teknikal na gawain. Kaya lang nilang harapin ang ilang maliit na trabaho gaya ng manwal na pagtatrabaho, gawaing bukid, o pag-aalaga ng mga hayop, at maging sa mga ganoon, kailangan nila ng isang superbisor sa paligid nila para subaybayan at suportahan sila. Minsan, kapag masama ang lagay ng loob nila, kailangang may magtuwid sa kanila; at kapag minsan ay nadadala sila sa mga pagkabaluktot o nagiging negatibo sila, kailangang may gumabay sa kanila sa kanilang mga paraan ng pag-iisip. Kahit sa maliliit na gampanin, kailangang may magsuri sa ginagawa nila; kung hindi, lilitaw ang mga problema at pagkakamali, at kakailanganing ulitin ang gawain. Kung hindi sila nag-aaksaya ng mga materyales, nag-aaksaya sila ng enerhiya, o ng tubig, kuryente, at gas. Sa mga Kanluraning bansa, palagi silang iniuulat ng iba at pinagmumulta ng pulis. Kung walang nagbabantay sa kanila, hindi man lang nila kayang magawa nang maayos ang maliliit na trabaho—sadyang ganito sila kaproblematiko at kakaawa-awa. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay sadyang walang silbi at mga hangal? Maaari pa rin ba silang magamit bilang mga tao? Sa katunayan, sa sambahayan ng Diyos, ang gayong mga tao ay kaya lang gumugol ng kaunting pisikal na pagsisikap. Pagdating sa gawain ng iglesia, hindi nila ito kayang gawin; hindi nila kayang gawin ang anumang bagay. Kahit sa mga trabahong nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, hindi nila makompleto ang mga ito nang sila lang at kailangan pa rin nila ang iba para magturo, mangasiwa, at magsuri sa kanilang ginagawa. Pero kapag gumagawa sila ng mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, pakiramdam pa rin nila ay mas mababa ito sa kanilang mga talento, na sila ay labis-labis na kalipikado, at nagiging tutol sila, nagrereklamo pa nga: “Tingnan mo ang mga taong iyon na gumagawa ng teknikal na gawain sa kompyuter, nagsusulat ng mga artikulo, umaawit at sumasayaw, o umaarte—napakaglamoroso nila! Pero ang kaya ko lang pangasiwaan ay ang pagpapatuloy sa bahay at pagluluto, nang humaharap sa grasa at usok buong araw. Sa loob ng ilang taon, magmumukha na akong babaeng losyang. Tingnan mo kung gaano ako kakaawa-awa!” Palagi nilang nadarama na labis silang kaawa-awa sa paggawa sa gawaing ito, pero hindi sila kailanman humihinto para pag-isipan kung bakit ang ganitong uri lang ng gawain ang kaya nilang gawin. Hindi nila sinusukat kung tunay ba silang may kapabilidad na mangasiwa ng ibang gawain. Mahina ang kakayahan nila kaya palaging sumasama ang loob nila kapag gumagawa ng ilang gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap. Kung tunay na mahusay ang kanilang kakayahan, hindi sasama ang loob nila. Napakahina na ng kakayahan nila kaya ang nagagawa lang nila ay mga pisikal na gampanin, pero nadarama pa rin nila na mas mababa ito sa kanilang mga talento. Hindi ba’t mga hangal sila? Ang gayong mga tao ay tunay na hangal. Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi man lang kayang gawin nang maayos ang mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap. Kapag nagluluto, maaaring sobrang dami o sobrang kaunti ng iniluluto nila, at kahit gaano pa sila katagal na magluto, hindi pa rin nila alam kung anong pattern ang dapat nilang sundan sa paggawa niyon. Gayumpaman, nadarama pa rin nila na ang gayong mga gampanin ay mas mababa sa kanilang mga talento, na sila ay labis-labis na kalipikado, at iniisip nila na hindi sila dapat gumagawa ng mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap. Naniniwala sila na dapat silang nagtatrabaho sa isang opisina bilang isang sekretarya, na pumapasan ng kung anong aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, o kahit papaano ay naglilingkod bilang isang lider ng iglesia. Hindi ba’t ito ay ganap na kawalan ng katwiran? Sabihin sa Akin, para sa anong gawain ka may kakayahan? Kung wala kang kakayahan sa anumang uri ng gawain, at binigyan ka ng mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap habang tinutustusan ka pa rin ng sambahayan ng Diyos, hindi ba’t ito ay pagtataas sa iyo? Pero nananatili kang hindi kontento. Hindi ba’t masyadong mahina ang iyong katwiran? (Oo.) May ugnayan ba sa pagitan ng katwiran at ng kakayahan? (Mayroon.) Ang hindi pagkakilala sa sarili ng isang tao, ang hindi pagkaalam sa kung ano ang antas ng kakayahan niya, ang palagiang pag-iisip na mataas ang kanyang kakayahan—hindi ba’t ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mahinang kakayahan? (Oo.) Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay malalaman kung paano susuriin ang kanilang sarili, at pagkatapos magsuri, malalaman nila ang antas ng kanilang kakayahan. Kapag natukoy na nila kung ano ang kanilang kakayahan, mahahanap nila ang lugar nila sa iglesia. Mapapanatag sila anuman ang ginagawa nila, at magagawa nilang makatwirang harapin ang tungkuling ginagawa nila. Kahit na maitalaga sila sa mga gampaning nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, magiging payapa sila at mararamdaman nilang may katwiran sa paggawa niyon; magpapasakop at sasang-ayon sila rito mula sa kaibuturan ng kanilang puso, nang tinatanggap ang trabahong ito at ang gampaning ito. Ito ay tinatawag na pagkakaroon ng pagkamakatwiran. Kung ang isang tao ay hindi kailanman napapanatag kapag ginagawa ang kanyang tungkulin, na palaging nararamdaman na naaagrabyado siya, at iniisip na anumang gampanin na pinapagawa sa kanya ay mas mababa sa kanyang mga talento, hindi ba’t wala siyang katwiran? (Oo.)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.