Paano Hangarin ang Katotohanan (7) Ikalawang Bahagi
Pagdating sa paksa ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, kahit na hindi ito kinasasangkutan ng isyu ng paghahangad ng katotohanan para iwaksi ang mga tiwaling disposisyon, sa usapin ng mismong buhay ng tao, kung hindi mo taglay ang abilidad na magpahalaga ng mga bagay, wala kang mga pananaw sa anumang nakikita mo, ni anumang mga opinyon sa antas ng kaisipan—nang tinitingnan ang lahat ng bagay na para bang may sapin ng gasa na nakatakip sa iyong mga mata, nang hindi nakikita na mayroong problema roon—at alam mo lang ang proseso ng pagtakbo ng buong pangyayari o ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasasangkot, pero hindi mo alam kung ano ang diwa ng problema, o kung ano ang mga nauugnay na kaisipan at pananaw ng mga tao, kung gayon ay ipinapahiwatig nito na isa kang taong may mahinang kakayahan. Ito ay dahil wala kang anumang kaisipan tungkol sa lahat ng problema sa iyong buhay. Hindi mo alam kung paano isaalang-alang, pag-isipan, o tukuyin ang mga problema sa antas ng kaisipan. Hindi mo alam kung paano isaalang-alang, batay sa sarili mong edad, sa pagkahinog ng iyong pagkatao, o sa iyong mga dating karanasan, kung anong aktuwal na uri ng problema ang isang bagay, kung ano ang iyong dapat matutunan at makuha mula rito, kung ano ang epekto nito sa iyo, kung anong aral ang dinadala nito sa iyo, kung mula saang perspektiba mo dapat tingnan at pangasiwaan ang ganitong uri ng problema, o kung paano ka dapat kumilos at kung ano ang dapat mong iwasan kung muli mong makaharap ang ganitong uri ng usapin. Wala sa iyo ang lahat ng pagninilay-nilay na ito. Anuman ang mangyari sa iyo, ang pag-iisip mo ay kasingsimple ng sa isang hayop at wala kang mga pananaw. Umabot ka man ng anong edad o gaano man karami ang maranasan mo, hindi mo pa rin alam kung paano pag-isipan ang mga problema. Hindi mo alam kung paano gamitin ang sarili mong mga dating karanasan, ang iyong kaalaman, at kung ano ang iyong natutunan para pagnilayan ang mga problema sa iba’t ibang aspekto. Ang ganitong mga tao ay iyong mga may mahinang kakayahan. Para sa mga taong may mahinang kakayahan, huwag nang isipin pa ang pagkakaroon ng pagpasok sa katotohanan—maging sa maliliit na usapin sa pang-araw-araw na buhay, hindi nila mabuod ang anumang pattern. Kahit umabot sila ng kuwarenta o singkuwenta anyos, o setenta o otsenta anyos, sila ay mga taong magulo pa rin ang isip na hindi kayang magbahagi ng anumang mga karanasan. Ang gayong mga indibidwal ay mga taong mabagal ang isip, na walang mga kaisipan. Dahil mahina ang kakayahan nila at wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, umabot man sila ng kung anong edad, hindi nila kailanman tinitingnan ang anumang bagay sa antas ng kaisipan. Hindi nila alam kung paano tingnan ang mga bagay at hindi nila makilatis ang anumang bagay. Samakatwid, kapag sinusuri ang kakayahan ng isang tao, partikular na kung mayroon ba siyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, huwag tingnan ang kanyang edad o ang kanyang mga dating karanasan. Sa halip, ano ang iyong dapat tingnan? (Dapat naming tingnan kung mayroon ba siyang mga kaisipan.) Ibig sabihin, dapat mong tingnan, pagkatapos niyang maranasan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa loob ng apatnapu o limampung taon, kung mayroon ba siyang anumang personal na pagkaunawa sa antas ng kaisipan, pati na kung ang mga dati niyang karanasan ay kinasasangkutan ng halaga ng buhay ng tao, ng landas na tinatahak ng mga tao, o ng mga bagay na nauugnay sa kaibuturan ng kaisipan ng tao at sa kanyang espirituwal na mundo. Kung ang kanyang mga karanasan ay patungkol lang sa ilang usapin at hindi kinasasangkutan ng mga bagay sa antas ng kaisipan, hindi niya taglay ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Halimbawa, madalas sinasabi ng ilang tao na, “Sa aming henerasyon, namuhay kami nang salat sa yaman. Hindi madaling makakain ng masarap; nakakakain lang kami ng karne tuwing Bagong Taon o sa ibang mga pista. Ang mga tao mula sa aming henerasyon ay napakasimple at napakatotoo, at napakapayak naming manamit.” Patuloy silang nagsasalita tungkol sa ganitong mga bagay. Tumutugon naman rito ang iba ng, “Bakit ba karapat-dapat na gunitain ang henerasyon ninyo? Mayroon bang mga bagay na maaari naming makuha bilang mga kabataan at na maaari nating pag-usapan sa antas ng kaisipan?” Tumutugon sila ng, “Noong panahon namin, kapag pumupunta kami sa digmaan para makipaglaban, ilang araw kaming hindi natutulog dahil kailangan naming patuloy na magmartsa. Minsan ay hindi kami nakakakain buong araw. Pagdating namin sa kampo, dumederetso sa pagtulog ang mga bagong rekrut, pero kaming mga beterano ay kakain muna at saka matutulog. Kung hindi ay kakailanganin na naman naming lumakad muli pagkatapos ng oras ng pagkain, at magugutom kami habang nasa daan.” Sinasabi ng iba na, “Isang insidente lang ito; hindi ito maituturing na isang bagay na nasa antas ng kaisipan. Magbahagi ka ng isang bagay na karapat-dapat naming matutunan bilang mga kabataan, o ng ilang aral na makakatulong sa aming makaiwas na malihis, at makakapigil sa amin na makagawa ng mga pagkakamali o makagawa ng mabababang antas na kamalian dahil sa kahangalan.” Sinasabi nila na, “Noong panahong iyon, hindi kami katulad ng mga kabataan ngayon na mga tamad, matakaw, at mahilig sa ginhawa habang namumuhi sa gawain. Dati, gusto lang naming magtiis ng higit pang paghihirap, gumawa ng mas maraming gawain, at gumampan nang maayos para makuha namin ang atensiyon ng aming mga lider at maangat kami.” Mayroon bang anumang bagay sa antas ng kaisipan sa mga salitang ito? (Wala.) Pagkatapos itong marinig, pakiramdam mo ba ay mga salita ito ng isang espirituwal na guro, ang uri ng nakakapukaw na pananalita na sinasabi ng mga walang pananampalataya? Pinalalawak ba nito ang iyong pag-iisip, itinataas ang iyong antas ng kaisipan, pinauunlad ang iyong abilidad na maging kognitibo sa mga bagay, o tinutulungan kang makatuklas ng ilang bagong bagay o mga tamang kaisipan at pananaw na hindi mo kailanman naisip noon? (Hindi.) Kung gayon, ang gayong mga tao ba ay mayroong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? Paano mo man sila tanungin tungkol sa mga usaping kinakasangkutan ng antas ng kaisipan, wala kang makukuha sa kanila. Hindi naman talaga sa ayaw nilang magsalita; sadyang wala lang laman ang loob nila. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kahit na umabot sila ng singkuwenta o sesenta anyos, wala silang mga kaisipan o pananaw; iniraraos lang nila ang buhay nang ganito. Hindi nila alam na ang pamumuhay ay hindi lang tungkol sa paghahangad ng kinabukasan, ng isang magandang pamilya, ng isang magandang trabaho, o ng isang magandang buhay, kundi na mayroon ding mga usapin sa antas ng kaisipan na nangangailangan ng pagninilay-nilay, pagbubulay-bulay, at palagiang pagbuod sa loob ng kaibuturan ng puso. Hindi nila alam na sa landas ng buhay ng tao, mahaharap ang mga tao sa maraming di-kilalang bagay, ni hindi nila alam kung paano nila dapat harapin ang mga ito. Kapag walang nangyayari sa kanila, hindi sila nag-iisip o nagbubulay-bulay nang maaga para maiwasan nilang malihis o tumahak sa maling landas. Hindi rin nila alam kung bakit sila kumilos sa isang partikular na paraan sa ilang bagay na naranasan nila, kung ang pagkilos ba sa ganoong paraan ay wasto o mali, o kung paano sila dapat lumakad sa landas sa harapan para mamuhay nang masaya, mamuhay nang may payapang isipan, at mamuhay ng buhay na may halaga, nang hindi namumuhay nang walang saysay. Dahil ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan, hindi nila pinag-iisipan ang mga isyung ito. Kapag ang mga taong ito ay umabot ng sesenta anyos, nakaupo lang sila at ginugunita ang mga bagay, sinasabing, “Noong bata pa ako, maganda ako at may talento; napakaraming tao ang naghahabol sa akin! Hay, noong kabataan ko….” Inuungkat lang nila ang mga kuwento mula sa maluluwalhating araw nila, iyong mga bagay na hindi karapat-dapat banggitin. Ang mga taong may mahinang kakayahan, anumang edad ang maabot nila, ay hindi pinag-iisipan ang mga isyung nauugnay sa buhay ng tao, ang landas na tinatahak ng mga tao, o kung paano dapat mamuhay ang mga tao. Hindi nila pinag-iisipan kung anong uri ng mga pananaw ang dapat mayroon ang mga tao kapag humaharap sa iba’t ibang usapin. Bilang resulta, paano man sila mamuhay, hindi bubuti ang kanilang antas ng kaisipan, walang substansya ang kanilang mga kaisipan, mananatiling walang lalim ang kanilang espirituwal na mundo, at hindi sila magkakaroon ng tunay na karanasan sa buhay. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kapag nakikisalamuha ka sa gayong mga tao, sa edad na bente anyos, sila ay napakaisip-bata at napakasimple, puno sila ng sigla at napakainit ng ulo nila. Kapag trenta anyos na sila, ganoon pa rin sila kabulok. Kapag singkuwenta anyos na sila, nasa ganoong antas pa rin ang paraan ng pagsasalita nila—alam lang nila kung paano magsalita ng ilang simpleng parirala. Ang kanilang mga mukha ay may mas marami nang kulubot at tanda ng edad, at mas marami na ang kanilang puting buhok. Malinaw na may edad na sila, pero wala silang mga kaisipan o pananaw. Kapag nakikipag-usap sa iba, kailanman ay wala silang nasasabi. Nasayang ang lahat ng taon na ito ng buhay nila, at hindi sila umusad. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay ganito sa buhay, at kung nananampalataya sila sa Diyos, pareho ang kanilang mga pagpapamalas mula sa umpisa hanggang sa huli. Noong una silang manampalataya sa Diyos sa edad na bente anyos, ganito sila. Kapag trenta o singkuwenta anyos na sila, ganito pa rin sila, nang walang natamong anumang pag-usad. Ang mga bagay na sinasabi nila ay katulad pa rin ng dati. Nakaranas lang sila ng ilang bagay habang nananampalataya sa Diyos, nakaunawa lang ng ilang salita at doktrina, at nakakapagsalita lang ng espirituwal na terminolohiya nang mas kompleto. Gayumpaman, wala silang tunay na pagkaunawang batay sa karanasan. Wala pa ring lalim ang kanilang mga kaisipan, hindi nagbago ang kanilang mga pananaw sa mga bagay, hindi nadagdagan ang kanilang kaalaman sa Diyos at sa katotohanan, at hindi lumago ang pagkakilala nila sa kanilang sarili. Hindi sila sumailalim sa anumang pagbabago, tama ba? (Tama.) Ang pag-iipon ng ilang salita at doktrina o espirituwal na terminolohiya sa pamamagitan ng memorya o sa pagpapanday ng panahon ay hindi pagbabago, ay hindi pag-usad, at tiyak na ito ay hindi pakinabang. Ito mismo ang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan. Kahit gaano karaming malaking tagumpay at pagkabigo ang pagdaanan nila, o gaano man karaming hadlang, kabiguan, o pagkadismaya ang maranasan nila, hindi sila natututo ng anumang mga aral o nagkakamit ng anumang karanasan, at hindi sila makapagtamo ng anumang bagay na kapaki-pakinabang. Kapag natapos na ang isang bagay, sadyang tapos na ito para sa kanila—dumaraan lang sila sa proseso at sa huli ay wala silang nakakamit. Ang gayong mga tao ay maaaring ilarawan bilang labis na kaawa-awa. Sinasabi natin na ang gayong mga tao ay may napakahinang kakayahan dahil mismo wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Lalong hindi masasabi na mayroon silang anumang abilidad na maarok ang katotohanan, ni hindi rin masasabi na mayroon silang anumang pagbabago.
Para sa mga taong may mahinang kakayahan, sa usapin ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, hindi sila pasok sa pamantayan. Para naman sa mga walang anumang kakayahan, lalong wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—hindi nila kayang magpahalaga ng mga bagay, at lalong hindi nila kayang suriin ang mga ito. Kapag ibinabahagi mo ang iyong mga kaisipan at pananaw tungkol sa isang bagay, ang mga taong may mahinang kakayahan ay matitigilan habang nakikinig sila, nang walang ipinapakitang reaksiyon. Sa puso nila, iniisip nila na, “May mga kaisipan at pananaw pala rito? Paanong hindi ko nakita ito?” Kahit na kaya nilang maunawaan nang kaunti ang iyong sinasabi, kaya lang nila itong pakinggan bilang mga salita at doktrina o isang pormula. Para naman sa mga taong walang kakayahan, kapag naririnig nila ang iba na nakikipagbahaginan tungkol sa mga kaisipan at pananaw sa loob ng isang bagay, o sa diwa ng problema at sa paninindigang dapat mayroon ang mga tao tungkol dito, hindi nila ito maunawaan. Nadarama lang nila na medyo malalim ito, pero hindi nila ito maarok. Habang mas nagbabahagi ka tungkol sa mga kaisipan at pagkaunawa, mas nalilito sila. Nadarama nila na, “Paanong naging komplikado ang ordinaryong usaping ito? Bakit wala akong maunawaan na anuman tungkol sa mga kaisipan, pananaw, o paninindigan? Anong paninindigan? Kailangan lang nating manampalataya nang maayos sa Diyos at gawin nang maayos ang ating mga tungkulin, at sasang-ayon ang Diyos. Bakit kapag mas matagal nang nananampalataya sa Diyos ang isang tao ay mas nagiging komplikado ang mga bagay? Sa pakikinig sa iyo, para bang wala nang makakapasok sa kaharian!” Kaya mo bang makipag-usap sa gayong mga tao? (Hindi.) Hindi lang sa hindi mo kayang makipag-usap sa kanila, kundi kaya rin nilang magsabi ng ilang di-makatwirang bagay: “Ang mga kaisipan at pananaw bang binanggit mo ay talagang napakabuti at napakatama? Tingin ko ay hindi! Hindi kailanman kakayanin ng mga tao kung walang pera. Ang mga tao ay dapat na palaging kumain nang maayos at magtamasa ng magagandang bagay. Kung walang pera para gastusin o masarap na pagkain para kainin, paano magagawa ng sinuman ang kanyang tungkulin?” Anong klaseng lohika ito? Sinasabi nila na, “Palagi mong tinatalakay ang tungkol sa buhay ng tao, ang tungkol sa mga pagpapahalaga, kaisipan, at pananaw ng mga tao, at ang landas na tinatahak ng mga tao. Bakit hindi mo talakayin ang tungkol sa pagkain at pananamit? Bakit hindi mo talakayin ang tungkol sa pag-aalaga sa katawan mo para magawa mo nang maayos ang iyong tungkulin?” Ang iniisip nila ay ang mga bagay na ito—kaya pa rin ba nilang maarok ang katotohanan? Sadyang hindi mo kayang makipag-usap sa gayong mga tao. Kapag sinubukan mong makipag-usap sa kanila, tinatalakay lang nila ang tungkol sa pagkita ng pera. Itinuturing nila ang pagkita ng pera, pamumuhay ng kanilang buhay, paghahangad sa mundo, at paggugol ng kanilang buhay sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya bilang ang malalaking usapin ng buhay ng tao at ang landas na dapat lakaran ng mga tao sa buhay. Tungkol naman sa kung ano ang dapat hangarin o kamtin ng mga tao sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, ang mga bagay na ito ay hindi umiiral sa kanilang mga kaisipan o kamalayan. Naniniwala sila na kahit ilang taon nang nananampalataya ang mga tao sa Diyos, kailangan pa rin nilang kumain at mamuhay, at na para mamuhay nang maayos, hindi puwedeng wala kang pera—ang pagkakaroon ng pera ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng magandang buhay, at kung walang pera, hindi puwedeng magpatuloy ang buhay. Ito ang kanilang lohika; ang gayong mga tao ay may tendensiyang magkaroon ng mga baluktot na pananaw. Ang mga taong may tendensiyang magkaroon ng mga baluktot na pananaw ay walang mga tamang kaisipan o pananaw; para silang mga tao na walang kaluluwa. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng buhay ng gayong mga tao at ng buhay ng mga baboy o aso? (Walang pagkakaiba.) Kung susubukan mong turuan ang isang aso o pusa para ito ay maging masunurin at kumilos tulad ng isang bata na may mabuting asal, makakaunawa ba ito? (Hindi.) Hanggang saan ang kayang maunawaan ng isang aso? Kung sasabihan mo ito na “umupo” at pagkatapos ay bibigyan mo ito ng isang piraso ng karne, makakaalala ito. Pagkatapos niyon, sa sandaling sabihin mo ang “umupo,” kahit gaano pa ito kalayo, agad itong uupo at maghihintay na pakainin mo ito ng karne. Kayang maalala ng isang aso ang ganitong mekanikal na kilos; hangga’t ipinapaalam mo rito na ang pag-upo ay humahantong sa isang gantimpala, susunod ito. Ganoon kasimple ang mga kaisipan nito. Kaya, gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kaisipan ng mga taong walang kakayahan at ng mga kaisipan ng mga hayop? (Walang malaking pagkakaiba.) Matapos kumain ang mga hayop kada araw, lumalabas ang mga ito para maglaro. Kapag oras na para muling kumain at tinatawag mo ang mga ito para bumalik na, agad na tatakbo ang mga ito papalapit. Kung itatali mo man ang mga ito o pauupuin, susunod ang mga ito. Bakit ganoon? Dahil may pagkain na makakain. Masayang-masaya sila na sumunod sa mga utos mo para sa kaunting piraso ng pagkain na iyon. Ganito kasimple ang mga kaisipan ng mga hayop. Para sa kanila, sapat nang panghawakan ang isang regulasyon o pormula na kapaki-pakinabang sa kanila; wala na silang ibang masyadong iniisip pa. Dahil ang mga instinto na ibinibigay ng Diyos sa mga hayop ay limitado sa mga bagay na ito, na sapat na para manatili silang buhay, at hindi sila binigyan ng Diyos ng anumang atas, ang mga hayop ay hindi na kailangang isaalang-alang ang buhay, ang hinaharap, ang kanilang hantungan, o ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Hindi rin nila kailangang isaalang-alang kung anong landas ang tatahakin o ang paghahangad ng isang makabuluhang buhay, at iba pa. Pero iba ang mga tao. Pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng iba’t ibang instinto at ipinagkaloob din Niya ang katotohanan para maging buhay nila. Samakatwid, may mga hinihinging pamantayan ang Diyos sa mga tao. Kaya, dapat isaalang-alang ng mga tao ang mga isyung ito; ang paggawa lang nito ay mainam para sa pagkakamit nila sa katotohanan para maging buhay nila. Ito ang responsabilidad at obligasyon na dapat mayroon ang mga tao, at siyempre, karapatan din nila ito. Pero kung hindi mo kayang gamitin ang karapatang ito o wala kang abilidad na ito na pag-isipan ang tungkol sa mga isyu, pinapatunayan nito na napakahina ng kakayahan mo. Sa gitna ng mga buhay na nilalang sa antas ng mga tao, nabibilang ka sa kategorya ng mga may mahinang kakayahan. Hindi mo kayang mag-isip para sa sarili mo, at kahit kapag ipinapaliwanag ng iba ang mga bagay sa iyo, hindi ka makaunawa. Sa mas malulubhang kaso, nilalabanan, kinukutya, nililibak, o pinupuna mo pa nga ang iba. Kung ganito kahina ang kakayahan mo, ibig sabihin ay wala ka talagang kakayahan. Halimbawa, binabasa ng isang taong walang kakayahan ang isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at tinatanong mo siya ng, “Maganda ba ang artikulong ito?” Sinasabi niya na, “Ayos naman ito. Ang bawat talata ay tumpak na nahahati, at halos tumpak ang mga bantas. Ang unang talata ay nagpapaliwanag sa oras at lugar, ang ikalawang talata ay nagpapaliwanag sa pinagmulan ng mga karakter, ang ikatlong talata ay nagsisimulang magsalaysay sa takbo ng kuwento, at pagkatapos ay humahantong ito sa kasukdulan at kongklusyon.” Pagkatapos, kung tatanungin mo siya kung ano ang mga kaisipan at pananaw ng may-akda, sinasabi niya na, “May mga kaisipan at pananaw? Ang seksiyon ng mga salita ng Diyos na sinipi ng may-akda ay ang mga kaisipan at pananaw.” Itinatanong mo kung, “Naaangkop ba ang mga salita ng Diyos na sinipi niya? Tumpak ba ang mga kaisipan at pananaw na gusto niyang ipahayag?” Sinasabi niyang hindi niya alam. Pagkatapos ay itinatanong mo kung, “Tunay at praktikal ba ang pagkaunawang ibinahagi ng may-akda? Ang nauunawaan ba niya ay doktrina, o malapit ba ito sa realidad? Nakakapagpatibay ba ito sa iba o may halaga ba ito sa iba? Nagbibigay ba ito ng tulong o pakinabang sa mga mambabasa?” Hindi niya alam ang anuman sa mga ito at hindi niya ito makita. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng napakahinang kakayahan. Kung makikipagbahaginan ka sa kanya tungkol sa mga kamalian sa mga kaisipan at pananaw ng artikulo, kung aling mga bahagi ang praktikal at kung aling mga bahagi ang hindi, hindi pa rin niya alam at hindi niya ito maiugnay sa artikulo. Nagpapakita ba ito ng kawalan ng kakayahan? (Oo.) Kahit kapag nakikipagbahaginan ang iba tungkol sa mga problemang umiiral, hindi pa rin niya alam. Hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng kakayahan? Katulad ito ng ilang lider ng iglesia: Kapag lumilitaw sa iglesia ang masasamang tao o ang mga hindi mananampalataya, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito. Pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila nauunawaan at hinihiling nila sa iyo na magbigay ng halimbawa. Pagkatapos mong magbigay ng halimbawa, hindi pa rin nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito. Sinasabi nila na, “Pakiusap, turuan mo ako. Paano ko ba mismo dapat pangasiwaan ang taong iyon? Dapat ko ba siyang ilagay sa isang ordinaryong iglesia, ilagay siya sa isang grupong B, o paalisin siya? Paano ba ako dapat makipagbahaginan sa taong iyon? Pakiusap, ipaliwanag mo sa akin nang salita por salita. Ire-rekord ko ito at pagkatapos ay susundan ko ito nang salita por salita para pangasiwaan ang sitwasyon—sa ganoong paraan, kaya ko itong gawin.” Kung ganito sila, ano ang punto ng pakikipagbahaginan ng mga prinsipyo sa kanila? Kahit na nagbibigay ka ng mga halimbawa, hindi sila nakakaunawa at hindi nila mapangasiwaan ang usapin. Ang gayong mga tao ay sadyang walang abilidad na makaarok. Sa huli, itinatanong pa rin nila na, “Sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin tungkol sa kasalukuyang isyung ito, at gagawin ko ito.” Sinasabi mo sa kanila kung saan pupunta para pangasiwaan ang usapin, kung ano ang sasabihin sa kung kanino para maisagawa ito, at kung hanggang sa anong antas dapat pangasiwaan ang usapin para maituring ito na lubusan nang nalutas. Pagkatapos mong magpaliwanag, tila nakakaunawa sila, pero hindi pa rin nila ito mapangasiwaan, at kailangan mong maghanap ng isang tao na makikipagtulungan sa kanila para makompleto ito. Ang gayong mga tao ay labis na mabagal ang isip at walang kakayahan. Halimbawa, ipagpalagay na sinabi mo sa mga taong nag-aaral ng sayaw na ang mga step sa isang partikular na sayaw ay napakaganda at pinasunod mo sila sa isang video para matutunan nila ang mga ito. Makalipas ang ilang araw, nang itanong mo kung kumusta ang pag-usad nila, ang ilang taong mabagal ang isip ay sasabihing hindi nila matukoy kung aling mga step ang maganda. Kahit na may mga materyales sila sa pagtuturo, hindi pa rin nila ito matutunan. Hindi nila alam kung aling mga galaw ang maganda o kung aling mga galaw ang kapaki-pakinabang, at hindi nila alam kung paano pumili. Ano ang ginagawa nila sa huli? Mayroon silang isang taktika; sinasabi nila na, “Pumili ka na lang ng ilang step sa sayaw na aaralin ko, at susundan ko ang mga iyon—tapos ang kuwento.” May ganito silang diskarte; bagama’t hindi sila nakakaunawa ng mga prinsipyo, mayroon silang kaunting pagkatuso. Hindi ba’t para lang silang mga robot? Maaaring mayroon silang kaalaman at edukasyon, pero wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng kakayahan. Hindi nila alam kung bakit nila dapat matutunan ang sinasabi mong aralin nila. Para sa mga bagay na sinasabi mo sa kanilang huwag aralin, hindi nila alam kung ano ang mali sa mga ito o kung bakit hindi nila dapat aralin ang mga ito. Kahit matapos pagsabihan, hindi pa rin nila ito makita. Sabihin mo sa Akin, may kakayahan ba ang gayong mga tao? (Wala.) Ang kawalan ng abilidad na maging kognitibo sa mga bagay sa sarili nila, at ang kawalan ng abilidad na matukoy at mahusgahan ang tama sa mali nang nagsasarili—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng kakayahan. Tulad ng mga baka o kabayo, palagi nilang kailangan na akayin sila ng isang tao—hindi ba’t mga kasangkapan lang sila, kung gayon? Kung may kakayahan ka, kakailanganin mo pa rin ba ng isang tao na aakay sa iyo? Para saan pa at may utak ka? Walang kuwenta ang utak mo. Sa tumpak na pananalita, wala kang kakayahan. Kailangan mong makinig sa iba at akayin ka nila—isa ka lang kasangkapan. Gaano man katagal aralin ng ganitong mga tao ang isang partikular na propesyon o ilang prinsipyo mang nauugnay rito ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan o maarok ang mga ito. Sa huli, hindi nila alam kung paano ilapat o ipatupad ang mga prinsipyong ito. Ang mga ito ang uri ng mga tao na mayroong pinakamahinang kakayahan—iyong mga walang kakayahan. Sinasabi ng ilang tao na, “Huwag mong isipin na dahil lang wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at palagi silang sumusunod sa pangunguna mo sa paggawa ng kanilang tungkulin, nangangahulugan ito na may mahina silang kakayahan. Sa katunayan, wala lang silang kakayahan pagdating sa pag-arok sa katotohanan. Pagdating sa mga usaping kinasasangkutan ng sarili nilang mga interes, palagi silang nag-iisip ng bawat paraan para protektahan ang sarili nila mula sa pagdurusa ng anumang kawalan. Sa mga bagay na ito, matalas sila—tiyak na hindi sila mga taong mabagal mag-isip. Sa iglesia, tila mabagal silang mag-isip, pero kung babalik sila sa mundo, hindi sila magiging mabagal na mag-isip. Sa mga bagay na ikinasisiya nila, mayroon silang mga kaisipan at mga nilikhang gawa; marahil ay maaari silang magkaroon ng kung anong tagumpay.” Mayroon ding mga tao na gumagawa ng mga walang-pakundangang maling gawa sa iglesia, at sinasabi ng lahat na mayroon silang mahinang kakayahan, pero sila mismo ay hindi kumbinsido: “Sinasabi mong mayroon akong mahinang kakayahan, pero kung ako ay nasa mundong walang pananampalataya, magagawa ko pa ring kumita ng pera at maghanapbuhay. Maaari pa rin akong umunlad—hindi tiyak na magiging mas masahol ako kaysa sa iba!” Sinusukat ba ng mundong walang pananampalataya ang lahat ng bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Sumasandig ba ito sa mga salita ng Diyos bilang pundasyon? Kung hindi, kahit na maging matatag ang kanilang mga nilikhang gawa sa mundong walang pananampalataya, hindi nito pinapatunayan na mayroon silang kakayahan. Halimbawa, ang ilang tao ay nagpipinta, at sa unang sulyap, ang mga kulay, komposisyon, ilaw, mga proporsiyon ng mga pigura, at iba pang mga aspekto ng kanilang mga pinta ay tila napakaganda. Gayumpaman, kapag nagpipinta sila ng ilang sinaunang banal sa sambahayan ng Diyos, lumilitaw ang mga problema. Sinasabi Ko na, “Ang mga gawa ng pintor na ito ay mabentang-mabenta sa mga walang pananampalataya dati, at pinahalagahan ng mga tao ang mga ito. Pero bakit labis Akong naaasiwa sa depiksiyon ng pintor na ito kina Abraham, Job, at Noe? Bakit nagmukhang nabibilang sa iisang pamilya ang tatlong taong ito na nagmula sa magkakaibang kapanahunan? Ang mga iyon ay mga sinaunang Israelita, at ang estruktura ng buto ng kanilang hitsura ng mukha ay dapat sumalamin sa mga katangian ng grupong etnikong iyon. Kahit na hindi niya alam ang personalidad ng bawat pigura, sa pinakamababa, dapat niyang maunawaan kung ano ang estruktura ng buto at ang mga katangian ng etnisidad na iyon. Sa alinmang kapanahunan nabibilang ang taong iyon na ipinipinta niya, ang mga katangiang etniko ng taong iyon ay dapat na bigyang-diin at gawing halata sa pamamagitan ng kanyang buhok, mga katangian ng mukha, kulay ng mata, at hugis ng mukha nito.” Pero paanong ang mga pigurang ito na ipininta niya mula sa magkakaibang kapanahunang ito, kahit na magkakaiba ang edad ng mga ito, ay pawang may estruktura ng buto na hindi kamukha ng kanilang grupong etniko? Lahat sila ay may parihabang mukha; ang mga mas bata ay mas kaunti lang ang kulubot sa mukha at mas maitim lang ang buhok, habang ang mas matatanda ay mas marami ang kulubot sa mukha, mas maitim ang balat, at mas maraming puting buhok. Ang mga katangian ng mga pigurang ito ay halos pare-pareho lahat: malapad, parihabang mukha, matatangkad, at partikular na matitipuno. Sinasabi Ko, “Bakit magkakamukha ang lahat ng pigurang ito? Masyado silang magkakatulad at walang mga katangian na bukod-tangi.” Ang pintor mismo ay hindi napapansin ang problema. Marahil ay nakapagpinta na siya ng napakaraming ganitong uri ng gawa, naging masyado nang pulido ang kanyang teknik, at naging pirmido na ang kanyang estilo. Sa tuwing nagpipinta siya ng mga pigura, halos palaging pareho ang hugis ng mukha ng mga lalaki, at hindi niya makuha ang mga natatanging katangian ng mukha ng iba’t ibang karakter. Hindi ba’t medyo mahina ang kanyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? (Oo.) Kapag natapos na niya ang kanyang pinta, hindi niya alam kung ang mga katangian ng mukha na ipininta niya ay umaayon sa mga katangian ng buto ng grupong etnikong iyon; hindi siya sigurado tungkol sa mga katangiang iyon. Masasabi ba ninyong katamtaman o mahina ang kanyang kakayahan sa larangang ito? (Mahina.) Maitatama ba niya ito pagkatapos siyang bigyan ng mga suhestiyon ng iba? Minsan, binigyan Ko siya ng mga suhestiyon, pero nang makita Ko ang gawa niya kalaunan, ganoon pa rin ito. Sa puntong iyon, wala nang dapat pang sabihin—ang higit pang pagpapaliwanag ay hindi pa rin niya maaarok.
Pagdating sa mga isyung nauugnay sa abilidad ng mga tao na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga tao sa iba’t ibang antas ng kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay hindi lang kayang magpahalaga ng mga bagay kundi kaya rin nilang suriin ang mga ito. Iyong mga may mas mahusay pang kakayahan, kapag nahaharap sa mga tamang kaisipan at pananaw, ay itataguyod ang mga ito at ibabahagi o itutustos ang mga ito sa iba, at kapag nahaharap sila sa mga maling kaisipan at pananaw, kaya nilang matukoy at maitama ang mga ito. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay may partikular na abilidad na magpahalaga ng mga bagay pero wala silang abilidad na magsuri ng mga bagay—hindi nila kayang tumukoy ng mga bagay sa antas ng kaisipan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang umunawa ng mga bagay sa antas ng kaisipan, kaya hindi masasabi na mayroon silang anumang abilidad na tumukoy ng mga bagay. Ang mga taong walang kakayahan ay hindi kayang maunawaan ang mga bagay na ito kahit kaunti. Kahit na may magpaliwanag sa kanila ng mga ito, hindi pa rin nila kayang maunawaan kung ano ba talaga ang mga kaisipan at pananaw na tinatalakay. Para sa kanila, katulad ito ng pakikinig sa isang kuwento tungkol sa ibang planeta—ganap nila itong hindi maarok. Ang mga ito ang iba’t ibang katangian na ipinapakita ng mga tao na may iba’t ibang kakayahan sa usapin ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.