Paano Hangarin ang Katotohanan (7) Unang Bahagi

Ang 11 Pamantayan sa Pagsusuri sa Kakayahan ng Isang Tao

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang kakayahan, pati na kung paano suriin ang kakayahan ng isang tao. Sa kabuuan, ilan ang nilista nating pamantayan para sa pagsuri sa kakayahan ng isang tao? (Labing-isa.) Muling ulitin ang labing-isang pamantayang ito. (Abilidad na matuto, ang abilidad na makaunawa ng mga bagay, abilidad na makaarok, ang abilidad na tumanggap ng mga bagay, kognitibong abilidad, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, ang abilidad na tumukoy ng mga bagay, ang abilidad na tumugon sa mga bagay, abilidad na makagawa ng mga desisyon, ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at abilidad na maging inobatibo.) Ang bawat isa sa labing-isang abilidad na ito ay bahagi ng pamantayan ng komprehensibong kakayahan ng isang tao. Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang sampu sa mga ito, na nagbahaginan tayo hanggang sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Para sa bawat abilidad, nagbahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas ng mahusay na kakayahan, katamtamang kakayahan, mahinang kakayahan, at kawalan ng kakayahan. Ang mga taong walang kakayahan ay halos walang mga kalakasan, walang mga tunay na hilig o libangan. Kapag nahaharap sa anumang bagay, wala silang mga opinyon at walang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Wala silang abilidad na tumukoy ng mga tao, pangyayari, at bagay; wala rin silang abilidad na tumanggap ng anumang bagay, at siyempre, masasabing lalong wala silang abilidad na tumugon sa mga bagay o abilidad na makagawa ng mga desisyon. Dahil ang gayong mga tao ay walang mga kalakasan, lalong hindi sila konektado sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.

Ika-sampung Bilang: Ang Abilidad na Magsuri at Magpahalaga ng mga Bagay

Tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa bahagi ng nilalaman nito. Ano ang pangunahing tinutukoy ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? Ang pagsusuri ay tumutukoy sa tinatawag ng mga tao na pagkilatis, sa usapin ng abilidad na tukuyin ang mga kaisipan, pananaw, paninindigan, at ang mga itinataguyod na tema ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay pangunahing kinasasangkutan ng mga kaisipan at pananaw ng isang tao tungkol sa mga partikular na isyu; ibig sabihin, mga bagay na nauugnay sa mundo ng kaisipan. Kung mayroon kang abilidad na tukuyin at pahalagahan ang mga bagay na ito, ikaw ay isang tao na mayroong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kung hindi mo alam kung paano makita at pundamental na hindi mo madama ang mga isyung ito na nauugnay sa mga kaisipan at pananaw, hindi ka maituturing na mayroong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—ang abilidad na ito ay walang kinalaman sa iyo. Gayumpaman, kapag nahaharap ka sa isang bagay, kung kaya mong matukoy ang pinagmulan ng bagay na ito at ang pakay sa likod nito, at kung kaya mong matukoy kung ang mga kaisipan at pananaw ba na ipinaparating at itinataguyod nito ay tama o hindi, at kaya mo ring matukoy kung ang mga kaisipan at pananaw ba na ito ay may batayan, kung ang mga ito ba ay mga positibo o negatibong bagay, at kung ang mga ito ba ay umaayon sa mga batas ng pag-unlad ng mga bagay o malapit sa mga penomenon na nakapaloob sa mga batas na namamahala sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—kung mayroon kang ganitong uri ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, pinapatunayan nito na ang kakayahan mo ay talagang mahusay. Kung ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod ng bagay na ito, o ang direksyon at mga layon na itinataguyod nito, ay naglalaman ng mga kamalian, pagkabaluktot, mga bagay na hindi naaayon sa pagkatao o sa lohika ng pag-iisip, o mga bagay na sa pundamental ay hindi umaayon sa mga obhetibong batas na namamahala sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—kung kaya mong matukoy ang lahat ng ito, at kaya mong matukoy pareho kung ano ang tama at kung ano ang hindi tama, sapat na ito para patunayan na ikaw ay mayroong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at na mataas ang iyong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay; ang katunayan na mayroon kang abilidad na ito ay nangangahulugan na napakahusay ng iyong kakayahan. Halimbawa, kapag nagbasa ka ng isang artikulo na isinulat ng isang kapatid sa iglesia, kaya mong matukoy kung ang kanyang pagkaunawa sa mga bagay, ang kanyang pagkaunawa sa kalikasang diwa ng mga tao, at ang kanyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay umaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo, kung ang mga pananaw ba na ipinahayag sa artikulo ay baluktot, at kung ang perspektiba at paninindigan na mayroon ito ay tama ba o hindi tama—kaya mong matukoy ang lahat ng bagay na ito. Kung kaya mong sumang-ayon sa mga kaisipan at pananaw sa loob ng artikulo na tama; at kung kaya mo ring matukoy at itama ang mga walang-katotohanan na kaisipan at pananaw na nakapaloob sa artikulo, at alam mo kung bakit hindi tama ang gayong mga kaisipan at pananaw, at kung aling mga aspekto ng lohika ng pag-iisip o aling mga obhetibong batas ng mga positibong bagay ang nilalabag ng mga ito, at, sa mas malalim na antas, nakikita mo kung aling aspekto ng mga katotohanang prinsipyo ang nilalabag ng mga ito, kung saan pinagsabihan na ng Diyos ang sangkatauhan tungkol doon—pinapatunayan nito na mahusay ang kakayahan mo. Sa isang banda, kung kaya mong makita kung anong mga positibong bagay ang mayroon sa artikulong ito na karapat-dapat na matutunan, at kaya mo ring masuri kung anong positibong direksyon ang ibinibigay nito sa mga tao, pati na kung anong positibong panustos, pagtulong, at pagsuporta ang dinadala nito—at, higit pa rito, kung kaya mong malaman kung aling mga nakasasama, negatibo, at baluktot na bagay ang nilalaman ng artikulo; kung anong mga walang-katotohanan na kaisipan at pananaw ang nilalaman nito na maaaring umakay sa pag-iisip ng mga tao sa isang masamang direksyon, at kung anong mga negatibong epekto ang maaaring idulot ng mga ito sa mga tao; kung paano dapat itama ang mga walang-katotohanan na bagay na ito; at kung paano dapat punan ang ilang partikular na kakulangan para magbigay ito ng higit pang pakinabang sa mga tao—kung gayon, ito ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Halimbawa, sa pag-aaral ng sayaw, kapag inoobserbahan mo ang isang pagtatanghal ng sayaw, kaya mong matukoy kung aling mga galaw ang puno ng pagkatao, na ipinapahayag ang mga kaisipan at kahilingan sa loob ng pagkatao, at nagmumula sa perspektiba ng pagkatao, at nakabatay sa pagkatao, at labis na umaayon sa mga pangangailangan ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao; at kaya mong matukoy kung aling mga galaw, mga ekspresyon ng mukha, at mga mapagpahayag na pamamaraan ng galaw ng katawan, pati na ang mga kaisipang itinataguyod sa loob ng mga ito, ang positibo at makapagpapayaman sa espirituwal na mundo ng isang tao—nagagawa mong makita ang lahat ng bagay na ito. Hindi mo lang nagagawang sumayaw o magtanghal ng ilang simpleng galaw—sa halip, kaya mong makita ang mga kaisipang itinataguyod sa isang pagtatanghal ng sayaw; kaya mong maunawaan ang kahulugan ng mga kaisipan sa loob nito, pati na ang mga anyo ng sayaw na ginamit sa ilalim ng paggabay ng mga kaisipang ito. Kung ang mga anyo ng sayaw at ang galaw ng katawan ay kapaki-pakinabang sa mga tao, at isang bagay na dapat mong matutunan, tanggapin, at pagkuhanan—nagagawa mong makita at matutunan ang mga bagay na ito, at kaya mong tanggapin ang mga positibong elemento nito—kung gayon, isa itong pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Siyempre, kung ang sayaw ay nagpapakita ng ilang baluktot na kaisipan na hindi umaayon sa pagkatao, at kaya mo ring makita ang mga ito, at kaya mong matukoy kung nasaan ang mga kamalian, at alam mo rin kung ano ang mali sa ganitong anyo ng presentasyon, at kung ano ang mga kaisipang gumagabay sa likod nito—kung kaya mong makita at matukoy ang lahat ng ito, isa rin itong pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Pagkatapos maibigay ang dalawang halimbawang ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? Naitatag na ba ang pamantayang ito para sa pagsukat kung ang isang tao ba ay mayroong mahusay na kakayahan at abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? (Oo.)

Kung may makita kang isang bagay at alam mo ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod nito o ang perspektiba at paninindigan nito, pero hindi mo alam kung tama ba o hindi ang mga kaisipan at pananaw na ito, kung gayon ay wala kang masyadong abilidad na tumukoy ng mga bagay. Maaaring madama mo lang na, “Talagang maganda ang sayaw na ito; talagang maganda ang artikulong ito; talagang maganda ang pelikulang ito; may artistic value ito, at mahusay ang mga teknik nito sa pagpapahayag,” nang inoobserbahan at inaaral lang ang tungkol sa bagay na ito mula sa perspektiba ng industriya o mula sa perspektiba ng kaalaman, pero hindi mo magawang matukoy kung ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod ng bagay na ito ay tama ba o hindi tama, wasto o mali, positibo o negatibo; at maaari kang magtanong ng mga katanungan tulad ng, “Ang mga kaisipan at pananaw bang ito ay naaayon sa katotohanan? Ang akto ba na ito ay alinsunod sa pagkatao? Naaayon ba ito sa mga batas ng pag-unlad ng mga bagay? Umiiral ba ang gayong mga tao? Naganap ba ang gayong mga pangyayari? Isa ba itong positibong bagay?” Kung ang bawat pangungusap na binibigkas mo ay nagtatapos sa isang tandang pananong, wala kang abilidad na tumukoy ng mga bagay. Kung alam mo lang ang teknikal, propesyonal, o batay-sa-kaalaman na mga aspekto na nasasangkot, pero pagdating sa mga bagay sa antas ng kaisipan, wala kang abilidad na husgahan kung ang mga ito ba ay tama o hindi, wasto o mali, ano ang sinasabi nito tungkol sa iyong kakayahan? Ipinapahiwatig nito na mayroon kang katamtamang kakayahan. Bagama’t mayroon kang kaunting abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, ang abilidad mo ay limitado sa pagpapahalaga sa mga kaisipan ng may-akda mula sa isang teknikal at propesyonal na perspektiba. Kaya mo lang maintindihan o maunawaan kung bakit ginawa ng may-akda ang kanyang ginawa, pero hindi mo masuri kung ang mga kaisipan at pananaw ba na itinataguyod niya ay tama o hindi, at kung ang mga ito ba ay mga positibong bagay, o kung gaano kalaki ang epekto ng mga kaisipan at pananaw na ito sa mga tao sa sandaling maipresenta ang mga ito, o kung ito ba ay isang positibong epekto o negatibong epekto, o kung ano ang mga kahihinatnang idinudulot ng mga ito sa mga tao—hindi mo alam ang anuman sa mga ito. Batay sa antas na ito, ang kakayahan ng gayong mga tao ay katamtaman lang. Kaya lang nilang magpahalaga pero hindi nila kayang magsuri, kung kaya, hindi nila kayang maabot ang kakayahan ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang ilang tao, anumang tungkulin ang ginagawa nila, ay may napakahinang abilidad na tumukoy ng mga bagay. Iniisip nila na ang anumang paraan ng paggawa ng mga bagay ay katanggap-tanggap. Ang kanilang mga pananaw at saloobin ay napakalabo at ganap na hindi malinaw. Anuman ang sabihin ng sinuman, kaya nila itong tanggapin, nang walang mga tumpak na pananaw o prinsipyo ng pagsasagawa. Bilang resulta, hindi nila nagagawa nang maayos ang anumang tungkulin. Anumang gawain ang isinasagawa nila, partikular silang malabo at hindi malinaw pagdating sa pagtukoy at pagtatakda ng mga hangganan tungkol sa pagkapositibo o pagkanegatibo, at sa pagiging wasto o pagiging mali, ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na lumilitaw sa panahon ng kanilang gawain. Kapag tinatanong sila ng mga tao ng, “Lumitaw ang ganitong uri ng kaisipan o pananaw—tama ba ito?” sinasabi nila na, “Malaya ang isipan ng mga tao. Hindi dapat makulong ang mga ito. Dapat mayroong pagkakaiba-iba—ang anumang uri ng kaisipan ay dapat tulutang maipresenta at maipahayag.” Ito ang kanilang pananaw tungkol sa pag-iral ng iba’t ibang kaisipan. Ibig sabihin, anumang mga kaisipan o pananaw ang lumitaw—ang mga ito man ay wasto o mali, tama o hindi tama—naniniwala sila na dapat tulutang umiral ang lahat ng ito, at na dapat na ipresenta nang malaya ang mga ito. Iniisip nila na, hangga’t nag-iisip sa kung anong paraan ang isang tao, hangga’t may kung anong pangangailangan ang isang tao, hangga’t may tagapakinig sa kung anong kaisipan o may mga taong nagtataguyod nito, kung gayon ay may halaga sa pag-iral nito. Napakalabo ng kaisipan at pananaw nilang ito. Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, madalas itong umiiral sa isang “gray area” nang walang mga hangganan. Ang mga taong ito ay walang mahihigpit na pamantayan o sukatan para sa paghusga kung ang mga bagay ba ay tama o hindi tama. Masasabi rin na ang gayong mga tao ay walang paninindigan, walang tunay na mga kaisipan o pananaw. Siyempre, masasabi rin na ang mga taong ito ay walang positibong adbokasiya tungkol sa anumang bagay. Kung gayon, matatanggap ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Mauunawaan ba nila ang katotohanan? Mahirap talagang sabihin. Isang problema ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kapag ang mga taong may mahinang kakayahan ay naharap sa paglitaw ng dalawang kaisipan o pananaw nang sabay, wala silang sariling opinyon; hindi nila alam kung alin ang tama at alin ang hindi tama. Kung aling panig man ang mas may puwersa, sumusunod sila sa panig na iyon. Ito ay tinatawag na kawalan ng paninindigan. Ang gayong mga tao ay mga indibidwal na naguguluhan. Hindi natin tatalakayin kung kumusta ang paghahangad ng kanilang pagkatao o kung kumusta ang kanilang karakter—sa pagsasalita lang batay sa kanilang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, para sa ganitong mga tao, katamtaman lang ang kakayahan nila. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil bagama’t binibigyang-abilidad sila ng kanilang kakayahan na magpahalaga ng ilang bagay sa antas ng kaisipan, wala silang abilidad na suriin ang pagiging totoo ng mga bagay at tukuyin kung ang mga bagay ba ay wasto o mali, tama o hindi tama. Samakatwid, ang kakayahan nila ay ikinaklasipika bilang katamtaman. Dahil pagdating sa pagsusuri ng mga bagay, ang kanilang mga kaisipan, pananaw, at paninindigan ay napakalabo, at wala silang mga positibong bagay bilang batayan o sukatan, kaya nilang gumawa ng ilang mabuting bagay pero kaya rin nilang gumawa ng ilang masamang bagay. Kaya nilang gumawa ng ilang medyo tamang bagay na kapaki-pakinabang sa iba at nakakatulong sa pagkatao, pero kasabay niyon, kaya nilang gumawa ng mga bagay na nakakapinsala sa iba at may masamang impluwensiya sa mga ito. Samakatwid, katamtaman lang ang kakayahan ng gayong mga tao. Halimbawa, ipagpalagay na mayroong isang pelikula kung saan ang mga kaisipang itinataguyod ng direktor ay medyo positibo at medyo makatao, at mga bagay na medyo umaayon sa mga pangangailangan ng pagkatao—mga pangangailangan na may katwiran sa lipunan ngayon, tulad ng demokrasya, kalayaan, mga karapatang pantao, at iba pang mga positibong bagay—at sa pamamagitan ng pelikula, binubungkal ng direktor ang mga bagay na ito mula sa kailaliman ng mga kaisipan ng tao para matulungan ang mga tao na malaman ang mga ito. Kung ang isang taong may katamtamang kakayahan ay pinanood ang pelikulang ito, kaya niyang matukoy na ang mga kaisipang iyon ay mabuti at tama. Kaya niyang makita na ang mga kaisipang iyon ay medyo sikat at iginagalang sa lipunan ngayon; kaya niyang makita ang pagiging tama ng mga kaisipang itinataguyod ng direktor. Pero kung, sa pelikulang ito, nagtataguyod din ang direktor ng ilang kaisipan na kakaunti lang ang tumatanggap—mga bagay na hindi maiisip ng karamihan sa mga nasa hustong gulang at mga tao na may abilidad na makaarok, na labis na sukdulan, at masasabi pa nga, mga bagay na bihirang nakikita at halos imposibleng mangyari ayon sa normal na mga batas ng pag-unlad ng mga bagay—kung gayon, ang mga taong may katamtaman na abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay hindi makikilatis ang mga ito kapag pinapanood nila ang pelikula. Iisipin nila na, “Ang mga partikular na kaisipang ito na itinataguyod ng direktor ay hindi mali. Kahit na ang mga bagay na ito ay nagugustuhan at tinatanggap ng maliit na bilang lang ng mga tao, dapat pa ring igalang ang mga kaisipang ito sa lipunan ngayon; dapat isapubliko ang mga ito para malaman at matanggap ng lahat ang mga ito.” Kita mo, ang mga bagay man na itinataguyod ng direktor sa parehong pelikula ay positibo, o may negatibong impluwensiya sa mga tao, tatanggapin nila ang mga ito at partikular pa ngang pahahalagahan ang mga ito. Para sa kanila, walang malinaw o tiyak na pagkakaiba sa pagitan ng tama at hindi tama. Samakatwid, kaya nilang tanggapin ang mga positibong bagay sa pelikulang ito, at kaya rin nilang tanggapin ang mga negatibong bagay. Dahil kaya nilang tanggapin ang mga bagay na ito, ilalapat din nila ang mga ito. Isasama nila ang mga bagay na ito sa mga gawa na nagpapahayag ng sarili nilang mga kaisipan at pananaw, o ikikintal nila ang mga ito sa iba sa pang-araw-araw na buhay, iniimpluwensiyahan ang iba. Siyempre, ang mga positibong bagay ay magkakaroon ng mabuting epekto sa mga tao, samantalang ang mga negatibong bagay ay tiyak na magkakaroon ng negatibong epekto sa mga tao. Samakatwid, ang gayong mga tao ay gagawa rin ng ilang masamang bagay habang gumagawa ng mabubuting bagay. Ibig sabihin, halimbawa, kapag nagugutom ka, bibigyan ka nila ng isang mangkok ng lugaw, pero hindi ito magiging malinis at mahahaluan ito ng kaunting buhangin, at ang pagkain nito sa loob ng mahabang panahon ay makakasama sa iyong kalusugan. O kaya ay bibigyan ka nila ng isang mangkok ng pagkain, pero mahahaluan ito ng mga bagay tulad ng mga langaw at lamok. Maaaring masarapan ka rito, pero naglalaman ito ng ilang bakterya na nakakasama sa katawan. Bagama’t malulutas ng gayong mga tao ang iyong gutom at mapupuno nila ang iyong tiyan, magdadala rin sila ng ilang masamang epekto sa iyong katawan. Sa gayunding paraan, kung wala kang pagkilatis, kapag nanonood ka ng isang gawa, malaki ang posibilidad na tumanggap ka ng ilang di-tamang kaisipan at pananaw mula rito, nang naililihis at nalalason ka nito. Samakatwid, ang pagtataglay ng abilidad na tumukoy ng mga bagay ay napakahalaga rin. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan, sa usapin ng kanilang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.

Ang susunod na antas ay mga taong may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ibig sabihin, kapag may nakikita silang anumang bagay, hindi nila alam kung aling mga kaisipan at pananaw ang tamang taglayin, ni hindi rin nila alam kung anong anggulo o paninindigan ang tamang gamitin. Ni hindi nila alam kung anong mga uri ng mga di-tamang kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan ng mga tao sa usaping ito, o kung anong mga kaisipan ang dating kumokontrol sa mga tao kapag nahaharap sa gayong mga usapin—kinasasangkutan ito ng lohika ng pag-iisip, at ang mga taong may mahinang kakayahan ay sadyang hindi ito maabot, kaya tiyak na hindi nila nagagawang magpahalaga ng mga bagay. Pagkatapos magawa ng isang tao na magpahalaga ng mga bagay ay saka lang masasabi kung kumusta ang kanyang pagpapahalaga sa mga bagay o kung mayroon ba siyang abilidad na magsuri ng mga bagay. Kung hindi man lang niya kayang magpahalaga ng mga bagay, wala talagang katuturan na talakayin pa kung mayroon ba siyang abilidad na magsuri ng mga bagay. Halimbawa, pagkatapos magbasa ng isang artikulo, sinasabi ng ilang tao: “Ang artikulong ito ay gumagamit ng mabulaklak na wika, naipapahayag nang napakahusay, at medyo nakakatawa. Kahanga-hanga ang pagkakasulat sa artikulo!” Tinatanong ng isang tao: “Anong mga kaisipan at pananaw ang nilayon ng may-akda na ipahayag sa artikulong ito? Ano ang kanyang saloobin sa ganitong uri ng mga tao, pangyayari, at bagay?” “Ay, may saloobin ba? Kinasasangkutan din ba ito ng mga kaisipan at pananaw? Hindi ko napansin iyon. Ano’t anuman, tingin ko ay mahusay ang pagkakasulat sa kanyang artikulo, at nasiyahan ako sa pagbabasa nito.” Tinatanong ng kabilang partido: “Kung gayon, aling mga kaisipan at pananaw na ipinahayag niya ang ikinatuwa mo? Alam mo ba kung aling talata o kuwento ang nagpapahayag ng kung anong uri ng mga kaisipan at pananaw ng may-akda, at kung ano ang sentrong ideya ng artikulo?” Sinasabi niya: “Hindi ko pa iyon natutuklasan.” Binasa niya ito nang dalawa o tatlong beses pa pero nararamdaman lamang niya na mahusay at masining ang pagkakasulat sa artikulo. Tungkol naman sa kung anong mga kaisipan at pananaw ang ipinapahayag nito, hindi niya ito makita. Inilalantad nito kung kumusta ang kanyang kakayahan, hindi ba? Kung babasahin niya ang artikulong ito at hindi niya makita kung anong mga kaisipan at pananaw ang ipinapaliwanag ng artikulo, sadyang masasabi na wala siyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at isa siyang taong may mahinang kakayahan. Kung ang artikulo ay naglalaman ng malinaw na wika na nagpapaliwanag na sa mga tamang kaisipan at pananaw at hindi pa rin niya ito makita, pinapatunayan nito na ang kanyang kakayahan ay sukdulang mahina. Magagawa lang niyang sabihin na, “Mahusay ang pagkakasulat sa artikulo, maayos ang daloy ng wika, at magaling ang estilo ng pagkakasulat,” pero hindi niya alam o nauunawaan kung ang mga katunayan bang tinalakay sa artikulo ay obhetibo, kung ano ang ipinaparamdam nito sa mga mambabasa, at kung ano ang maaaring matutunan at makuha rito ng mga mambabasa—kakailanganin pa rin niyang tanungin ang may-akda. Ganap nitong pinapatunayan na ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan. Paano naipapakita ang kanilang mahinang kakayahan? Naipapakita ang kanilang mahinang kakayahan sa hindi nila pagkaunawa sa kung ano ang mga kaisipan at pananaw, at sa hindi pagkaunawa sa kung paano magpahalaga ng mga bagay, at siyempre, lalong higit sa kanilang ganap na kawalan ng abilidad na magsuri ng mga bagay. Sa kabuuan, ito ay tinatawag na kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang dahilan kaya ang mga taong walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay mas malala kaysa sa mga may katamtamang kakayahan ay dahil bukod sa wala silang abilidad na magsuri ng mga bagay ay wala pa silang abilidad na magpahalaga ng mga bagay. Samakatwid, pagdating sa mga bagay sa antas ng mga kaisipan at pananaw, lohika ng pag-iisip, o kung ang isang bagay ay naaayon ba sa pagkatao o sa mga obhetibong batas ng mga bagay, hindi nila makilatis ang mga ito at hindi nila alam kung paano pahalagahan ang mga ito. Ni hindi nila makita kung nagpapaliwanag ba ang artikulong ito ng anumang mga kaisipan o pananaw, lalong hindi nila matukoy kung tama ba o mali ang mga kaisipan at pananaw. Ito ay dahil lang sa nakapag-aral sila sa eskuwelahan kaya nila nagagawang magbasa ng mga bagay na nauugnay sa mga salita, kaalaman, mga teknikal na kasanayan, at mga propesyon, pero nananatili sila sa antas ng abilidad na magbasa, manood, at makinig sa mga bagay nang hindi nagagawang mapahalagahan ang mga ito. Ang gayong mga tao ay iyong mga may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay kayang makipag-usap tungkol sa mga bagay na nauugnay sa antas ng mga teknikal na kasanayan at mga propesyon o kaalaman, tulad ng kung sinong sikat na tao ang may gawa ng isang bagay, kung kaninong sikat na tao sinipi ang isang sikat na kasabihan, kung aling estilo ng pagpapahayag ang ginamit bilang inspirasyon, o kung aling teknikal na kasanayan o propesyon ang ginamit para makamit ito—kaya nilang makita ang mga bagay na ito. Gayumpaman, hindi nila nauunawaan ang mga konsepto na itinataguyod at ipinapahayag sa batayan ng antas ng mga propesyon at teknikal na kasanayan o kaalamang ito, pati na kung ano ang mga konsepto, batayan, o pundamental sa likod ng disenyo at presentasyon ng mga bagay na ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang gayong mga tao ay may iisang katangian: Hindi nila alam kung paano pagbulay-bulayan o pag-isipan ang mga isyu. Hindi nila alam kung paano tukuyin, husgahan, o alamin ang ugat na sanhi at diwa ng mga penomenong dulot ng isang bagay, o ang direksyon sa hinaharap ng pag-unlad ng mga penomenong ito at ang magiging epekto ng mga ito sa mga tao, pangyayari, at bagay. Ang gayong mga tao ay walang normal na pag-iisip. Ang mga bagay na nauunawaan nila at ang karanasan sa buhay na naaarok nila ay labis na limitado. Anumang mga komplikadong usapin ang nakakaharap nila, hindi nila maunawaan o makilatis ang mga ito. Ibig sabihin, kaya lang nilang pag-isipan ang mga salitang naririnig nila, at ang tekstong nakikita nila sa panlabas tungkol sa isang bagay, pati na ang mga panlabas na anyo at pamamaraang nasasangkot, nang naaabot lamang ang antas na ito. Tungkol naman sa mas malalalim na aspekto, gaya ng mga ugnayan, lohika, at mga impluwensiya sa isa’t isa sa pagitan ng iba’t ibang bagay, hindi sila nag-iisip tungkol sa mga ito ni wala silang kapabilidad na mag-isip tungkol sa mga ito. Ang ilang tao ay nag-iisip pa nga tungkol sa isang bagay hanggang sa puntong nawawalan na sila ng ganang kumain, hindi nakakatulog, o nalulugmok sa depresyon, at hindi pa rin nila ito makilatis. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang pamantayan kung ang isang tao ay mayroong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay nakasalalay sa, kapag nahaharap sa isang usapin, kung kaya niyang gumawa ng mga paghusga para makaisip ng ilang posibilidad tungkol sa mga komplikadong ugnayan, koneksyon, o mga impluwensiya sa isa’t isa ng iba’t ibang bagay, pati na tungkol sa mga magiging epekto na maaaring makamit ng mga ito. Kung kaya lang sabihin ng isang tao kung ano ang sinabi o ginawa ng isang tao, nang inuulit lang kung ano ang kanyang narinig o nakita nang walang anumang pagkilatis at nang hindi nagagawang makita ang anumang mga isyu, ipinapahiwatig nito na wala siyang normal na pag-iisip. Ang mga taong walang abilidad na mag-isip ay walang abilidad na magpahalaga ng mga bagay, at siyempre, wala rin silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at hindi nila alam kung paano mag-isip. Kaya, bakit natin kailangang talakayin ang abilidad na ito? Kung ang mga tao ay walang iba’t ibang abilidad para pahalagahan ang materyal na mundo, mahina ang kakayahan ng mga taong ito. Hindi nila alam kung paano mag-isip at ang pag-iisip nila ay walang lohika, kaya ang gayong mga tao ay walang abilidad na maarok ang katotohanan. Ito ay dahil ang katotohanan, sa isang banda, ay kinasasangkutan ng iba’t ibang aspekto ng mga isyu sa tunay na buhay ng mga tao; kasabay nito, kinasasangkutan din ito ng iba’t ibang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao para iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Siyempre, higit na kinasasangkutan ito ng iba’t ibang uri ng mga payak o komplikado at maraming bahagi na mga problema na nakakaharap ng mga tao sa tunay na buhay at sa mga ugnayan sa pagitan ng mga ito. Ito man ay tungkol sa iisang katotohanan o sa maraming magkakaugnay na katotohanan, walang kahit isang katotohanan na isang regulasyon; sa halip, ang mga ito ay mga prinsipyo o pamantayan para masukat ang isang kategorya ng mga bagay. Tungkol sa mga prinsipyo at pamantayan, ang mga ito ay hindi mga regulasyon o pormula tulad ng kapag ang isa ay dinagdagan ng isa ay nagiging dalawa ito. Dahil ang mga ito ay hindi mga pormula, kapag nakakaharap ng mga usapin sa tunay na buhay, dapat magawa ng mga tao na magbulay-bulay at maghanap kung aling mga problema ng pagkatao ang nasasangkot, kung ang mga pagbubunyag ba ng pagkatao sa aspektong ito ay naglalaman ng mga elemento ng isang tiwaling disposisyon, at kung anong mga kalagayan at pagbubunyag ang umiiral para sa parehong uri ng tiwaling disposisyon, pati na kung aling mga aspekto ng katotohanan ang dapat na isagawa at sundin ng mga tao para baguhin ito—ang lahat ng ito ay kailangang maunawaan ng mga tao. Kung alam mo lang ang mga salita ng katotohanan pero hindi mo alam kung anong mga prinsipyo ang sinasabi sa aspektong ito ng katotohanan, hindi mo malalaman kung paano ito iuugnay sa mga bagay sa tunay na buhay, ni hindi mo rin malalaman kung paano isasagawa ang katotohanan. Kung wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, hindi mo ito maiuugnay sa mga problema na umiiral sa iyong sarili o sa mga problemang nakakaharap mo sa tunay na buhay. Hindi mo malalaman kung ilang aspekto ng katotohanan ang nasasangkot, kung ano ang landas ng pagsasagawa at pagpasok, o kung anong mga problema ang dapat mong lutasin. Siyempre, imposibleng magagawa mong tingnan ang mga tao at bagay o umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, o na magagawa mong sumunod sa mga katotohanang prinsipyo o magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung wala kang abilidad na magpahalaga ng ilang partikular na tao, pangyayari, at bagay na nauugnay sa buhay ng tao, kung wala kang mga kaisipan o pananaw tungkol sa mga ito, at sa pundamental ay hindi mo maarok ang mga bagay na nauugnay sa antas ng kaisipan, nang walang abilidad na mapahalagahan ang mga ito at lalong walang abilidad na masuri ang mga ito, masasabi na wala kang abilidad na maarok ang katotohanan. Kung wala kang abilidad na maarok ang katotohanan at hindi mo maunawaan ang katotohanan, ano ang gagamitin mo para baguhin ang mga depekto sa iyong pagkatao at para iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon? Kung wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, hindi mo malalaman kung aling mga katotohanang prinsipyo ang nasasangkot sa usapin sa harapan mo. Siyempre, hindi mo rin malalaman kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat mong sundin. Sa ganoong kaso, kikilos ka nang bulag—sumusunod sa mga regulasyon, o kumikilos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, o kaya ay walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa. Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan ay humahantong sa ganitong mga kahihinatnan, sa ganitong mga pagpapamalas.