Paano Hangarin ang Katotohanan (6) Ikaanim na Bahagi

Ika-siyam na Bilang: Ang Abilidad na Makagawa ng mga Desisyon

Ngayon, talakayin natin ang ikasiyam na abilidad—ang abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay labis na sumusubok sa kakayahan ng isang tao; hindi ito taglay ng katamtamang tao. Ang mga taong tunay na nagtataglay ng kakayahan at abilidad na makagawa ng mga desisyon ay ang mga nasa antas na gumagawa ng mga desisyon. Kaya, ano ang pangunahing tinutukoy ng abilidad na makagawa ng mga desisyon? Tinutukoy nito kung paanong, kapag lumilitaw ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay at hindi makilatis ng karamihan ng tao ang mga ito, ang ilang tao ay kayang kilatisin at pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng problema at pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng tao, batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang abilidad na ito na pangasiwaan ang mga problema ay tinatawag na abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ang mga may abilidad na ito na pangasiwaan ang mga bagay ay may abilidad na makagawa ng mga desisyon; ang mga walang abilidad na ito na pangasiwaan ang mga bagay ay walang abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ano ang nauugnay sa abilidad na makagawa ng mga desisyon? Nauugnay rito ang abilidad ng mga tao na makaarok, abilidad na makagawa ng mga paghusga, abilidad na tukuyin ang mga bagay, at abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga ito ay kolektibong tinatawag na abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ang mga may abilidad na makagawa ng mga desisyon ay nagagawang parehong husgahan ang diwa ng mga problema at tukuyin ang mga katangian ng mga problema. Siyempre, ang mas mahalaga, kaya nilang maarok ang mga prinsipyo at patnubay para sa pangangasiwa ng iba’t ibang problema. Tanging ang mga kayang gawin ang mga bagay na ito ang mga taong may abilidad na makagawa ng mga desisyon. Halimbawa, sabihin natin na ang lahat ng tao ay sunod-sunod na nagsasalita tungkol sa kung ano-anong penomenon, katunayan, pati na mga umiiral na salik, sitwasyon, kondisyon at iba pa. Batay sa nabanggit kanina na iba’t ibang salik at kondisyon, ang mga may abilidad na makagawa ng mga desisyon ay nagpapasya sa huli kung paano mismo kikilos, kung ano dapat ang mga paraan at direksyon ng pagkilos, kung ano ang pinakamainam na antas na maaaring maabot, at kung ano ang pinakamababang antas na katanggap-tanggap—may batayang pamantayan sila. Pagkatapos, batay sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan nila, pinangangasiwaan nila ang mga problema. Ang mga mayroong abilidad na ito ay ang mga taong may abilidad na makagawa ng mga desisyon, at ang gayong mga tao ang may pinakamahusay na kakayahan. Anumang uri ng propesyonal na kasanayan ang nakakaharap nila, o anumang uri ng problema ang pinangangasiwaan nila, at kung ang problemang natuklasan ay may iisang aspekto o maraming aspekto, simple o komplikado, maaari nilang gamitin ang iba’t ibang impormasyon na lumilitaw mula sa lahat ng aspekto para husgahan ang diwa ng problema, pagkatapos ay suriin ang ugat na sanhi ng problema, at sa wakas ay magpasya kung paano kikilos batay sa problema at sa mga umiiral na kondisyon. Ang desisyong ito ay pangunahing nagagawa batay sa kung ano ang maaaring makamit sa ilalim ng mga umiiral na kondisyon, at ang landas ng pagkilos na napagpasyahan nila ay ang pinakamainam na solusyon. Ang mga kayang pangasiwaan ang mga problema sa ganitong paraan ay mga taong may abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ang mga taong may ganitong uri ng abilidad na makagawa ng mga desisyon ay ang mga may napakahusay na kakayahan. Ang gayong mga tao lang ang nababagay na maging mga lider at nababagay na gumawa ng tungkulin sa isang grupo ng mga tagapagpasya. Ang mga taong may mahina o katamtamang kakayahan, kapag nahaharap sa anumang uri ng problema, ay kaya lang ikulong ang sarili nila sa mismong usapin at magsabi ng ilang mababaw na salita, at ganap na hindi nila kayang lutasin ang problema. Kahit na konsultahin nila ang iba at siyasatin ang isyu, sa huli ay hindi pa rin sila makabuo ng depinisyon at hindi nila alam kung paano kikilos. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng mga desisyon. Gaano man kakomplikado ang kasalukuyang sitwasyon o gaano man kahirap ang problema na kasalukuyang kailangang pangasiwaan at gaano man kalaki ang hadlang na maaaring makaharap sa paggawa nito, ang mga taong may abilidad na makagawa ng mga desisyon ay kaya itong pangasiwaan nang maayos nang naaayon sa mga prinsipyo, at ang pangangasiwa nila rito ay medyo naaangkop at maaasahan. Ang gayong mga tao ay ang mga may abilidad na makagawa ng mga desisyon. Kapag ang mga may katamtamang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay nahaharap sa mga ordinaryong sitwasyon at ilang pangkaraniwang pangyayari sa iglesia, kaya nilang pangasiwaan ang mga ito. Pero kung makaharap nila ang ilang espesyal na tao, pangyayari, at bagay, nalilito sila, hindi alam kung paano haharapin o pangangasiwaan ang mga ito. Pagkatapos ng maraming pagsasaalang-alang, hindi pa rin sila makagawa ng malinaw na paghusga o makagawa ng desisyon. Ang mga taong may abilidad na makagawa ng mga desisyon ay alam na dapat hanapin ang mga katotohanang prinsipyo na pumupuntirya sa pinakabuod ng problema. Ang mga taong walang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay hindi alam kung nasaan ang pinakabuod ng problema, kung paano maghanap, o kung ano ang hahanapin. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Kung, sa pamamagitan ng paghahanap, nalalaman ng isang tao kung ano ang gagawin, ipinapahiwatig nito na mayroon siyang katamtamang kakayahan. Para sa mga taong may mahinang kakayahan, kahit na maunawaan nila ang ilang katotohanang prinsipyo sa pamamagitan ng paghahanap at maramdaman nila noong oras na iyon na alam nila kung paano pangasiwaan ang usapin, hindi pa rin nila ito magawa kapag oras na para pangasiwaan ito. Naguguluhan sila: “Bakit hindi ko mailapat ang mga katotohanang prinsipyo na kakaunawa ko lang? Ano ang wala sa akin?” Muli, nalilito sila, at sa huli, hindi pa rin nila malutas ang problema. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng mga desisyon; ito ay pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang mga taong may pinakamahinang kakayahan ay ginagawa lang ang anumang sabihin mo sa kanila. Kung hindi mo sasabihin sa kanila kung ano ang gagawin, hindi nila alam kung paano sila kikilos. Kapag ang mga tao sa antas na gumagawa ng mga desisyon ay nagbibigay ng awtorisasyon at atas o nagtatagubilin sa kanila na isagawa ang isang gampanin, magagawa lang nila ito sa anumang paraang sinabihan silang gawin ito. Gayumpaman, kung bakit mismo dapat gawin ang gampanin sa ganoong paraan, kung anong mga resulta ang dapat makamit ng gampanin, o kung ano ang dapat gawin at paano ito dapat pangasiwaan kung lumitaw ang mga hindi inaasahang sitwasyon na naiiba sa orihinal na senaryo, hindi nila alam ang anuman sa mga bagay na ito, at kailangan nilang magtanong-tanong, at hintayin ang iba na tumulong na malutas ang isyu. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ang gayong mga tao ay tulad ng mga robot—maaari lang silang manipulahin at kontrolin ng iba, at wala silang awtonomiya. Ang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay ganap na imposible para sa ganitong uri ng tao na walang kakayahan—sobrang layo niya sa abilidad na makagawa ng mga desisyon, sadyang hindi nila maabot ang ganitong abilidad. Ang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay kailangan lang hatiin sa tatlong antas: mataas, katamtaman, at mababa. Ang mataas, katamtaman, at mababa ay tugma sa mahusay, katamtaman, at mahina. Ni hindi na nga nararapat na pag-usapan pa ang tungkol sa abilidad na makagawa ng mga desisyon pagdating sa mga taong walang kakayahan; anuman ang kanilang ginagawa, hindi sila makagawa ng mga desisyon. Halimbawa, hindi nila alam kung ano mismo ang naaangkop na isuot pagdating ng taglagas at medyo lumamig na ang panahon, at kung ano ang naaangkop na isuot pagdating ng taglamig at naging sobrang lamig na ang panahon—ni hindi nila taglay ang pinakabatayang pangkaraniwang kaalaman na ito, kaya hindi ba’t magiging isang biro na hilingin sa kanila na gumawa ng mga desisyon tungkol sa mga pangunahing usaping nauugnay sa gawain ng iglesia? Ang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay ganap na imposible para sa mga taong walang kakayahan. Ang abilidad na makagawa ng mga desisyon ay pangunahing naaangkop sa mga nasa antas ng mga lider, manggagawa, at superbisor. Napakakaunti ng mga taong may mataas na abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ano pa ang nasasangkot sa abilidad na makagawa ng mga desisyon? Sangkot dito ang mga kahihinatnan ng usapin na ginawan mo ng desisyon—kung ang mga kahihinatnan bang iyon ay magiging kapaki-pakinabang sa mga tao o magkakaroon ng negatibong epekto, at kung ang mga ito ba ay magkakaroon ng mabuting epekto sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan o pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo—dapat mo itong tukuyin. Hindi totoo na ang kakayanan lang na gumawa ng mga desisyon, pagiging desidido, at mabilis na makapagpasya ay katulad ng pagkakaroon ng abilidad na makagawa ng mga desisyon. Nakadepende rin ito sa kung tama ba ang solusyon at ang layon at direksyon na napagpasyahan mo. Kung ang mga resultang nakakamit ay positibo, tunay na mayroon kang abilidad na makagawa ng mga desisyon. Kung ang mga resultang nakakamit ay negatibo—nanlilihis sa mga tao, nagdudulot sa kanila ng malaking pinsala, o sumisira sa kanila—iyon ay hindi anumang uri ng abilidad na makagawa ng mga desisyon. At kaya, ang paniniwala ng mga tao na ang lahat ng nangungunang personalidad at prominenteng personalidad ay may abilidad na makagawa ng mga desisyon, at na ang lahat ng nangungunang personalidad ay nagtataglay ng medyo mataas na kakayahan at medyo mataas na abilidad na makagawa ng mga desisyon, ay hindi isang tumpak na pananaw; ito ay isang ganap na maling opinyon. Kung tama ba ang mga desisyong ginagawa mo ay nakadepende rin sa kung ano ang mga prinsipyo, layon, at direksyon sa likod ng mga ito. Kung ang mga layon at direksyon ay kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, at kung ang mga ito ay nagbibigay ng positibong tulong at kapaki-pakinabang sa pag-asal ng mga tao, pagsasagawa sa katotohanan, pagtamo sa kaligtasan, pagbabago sa disposisyon, at pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, tunay na mataas ang abilidad mong makagawa ng mga desisyon. Pero kung gagawa ka ng mga bulag na desisyon na mauuwi sa malubhang pananakit sa mga tao, nagdudulot sa kanila ng malaking pinsala, inililihis sila, nagdudulot sa kanila na mapalayo sa Diyos at mawala ang direksyon nila, ito ay pamiminsala sa mga tao at hindi masasabi na ikaw ay may abilidad na makagawa ng mga desisyon. Dito nagtatapos ang talakayan natin tungkol sa abilidad na makagawa ng mga desisyon.

Ika-sampung Bilang: Ang Abilidad na Magsuri at Magpahalaga ng mga Bagay

Ang susunod na abilidad ay ang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Alam ba ninyo kung ano ang ibig sabihin nito? Isa itong hindi pangkaraniwang paksa. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay nangangahulugan na kung, kapag hinaharap ang isang tao, pangyayari, o bagay, kaya mong masuri at mapahalagahan ang mga kalakasan, merito, at mahahalagang aspekto nito mula sa impormasyong naoobserbahan at naaarok mo, at pagkatapos ay ilapat ang mga ito sa iyong sariling buhay at sa iyong pag-asal at mga pagkilos. Kung hindi mo kayang masuri at mapahalagahan ang isang bagay, hindi mo malalaman kung ano ang mga merito at kakulangan nito, hindi mo mauunawaan ang susi rito, at hindi ka magkakamit ng anumang pakinabang mula rito. Nangangahulugan ito na wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Gayumpaman, kung kaya mong magsuri at magpahalaga sa mga bagay, at matuto ng isang bagay na kapaki-pakinabang mula sa ilang usapin at ilapat ito sa iyong tunay na buhay, at kung ang natutunan mo ay kayang magbigay ng partikular na dami ng pagtulong sa iyong buhay bilang tao at sa iyong pagpili ng landas sa buhay, pinatutunayan nito na mayroon kang partikular na abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kapag mas mataas ang abilidad mo sa aspektong ito, mas pinatutunayan nito na mayroon kang mahusay na kakayahan. Magbigay tayo ng isang simpleng halimbawa: ang pagtingin sa isang pinta. Kahit na hindi ka nag-aral ng sining, kung kaya mong maobserbahan ang komposisyon ng isang pinta at maintindihan ang kahulugang nilalaman nito mula sa perspektiba ng pagkatao—at ang perspektiba mo ay higit na napakatumpak at nauugnay sa pagiging tao—at kaya mong makita ang ilang kongkretong bagay na nauugnay sa pagiging tao sa loob nito at pagkatapos ay ilapat ang mga bagay na ito sa iyong sariling buhay o gawain, pinatutunayan ng pagpapamalas na ito na mayroon kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang saklaw ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay tumutukoy sa ilang medyo kongkretong bagay, hindi sa mga abstraktong bagay. Ang mga abstraktong bagay ay kinabibilangan ng mga kulay, mga gawang sining, at iba pa. Dahil ang mga bagay na ito ay hindi nauugnay sa pagiging tao, hindi sapat na kongkreto, at malayong-malayo ang mga ito mula sa normal na pag-iisip ng tao at sa ilang bagay na nasa buhay ng tao, at hindi malapit na nauugnay sa buhay, hindi natin ikinakategorya ang mga ito sa loob ng saklaw ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Para sa ilang bagay na medyo malapit sa buhay, na naglalaman ng ilang natatagong kahulugan o na nauugnay sa pagiging tao, kung nagagawa mong suriin, kilatisin, at ilapat ang mga ito; kung nakikita mo ang mga merito ng mga ito gayundin ang mga disbentaha ng mga ito, at mayroon kang sarili mong mga kaisipan at pananaw sa mga ito, at kaya mong maunawaan ang mga aspektong kapaki-pakinabang sa pagkatao ng mga tao; at kung kaya mong kilatisin ang anumang baluktot at hindi pleksibleng mga elemento na labag sa katotohanan kapag naroroon ang mga ito; kung gayon, ito ay tinatawag na pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Kung hindi mo masuri ang mga bagay na ito at, kapag tumitingin ka sa isang kongkretong bagay, kaya mo lang makilatis ang mga kalakasan at disbentaha nito sa usapin ng doktrina pero hindi mo makita kung sa aling mga aspekto ng pagkatao mismo ito nauugnay sa pang-araw-araw na buhay, ang iyong abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay katamtaman. Kung titingnan mo ang isang gawang sining at, pagkatapos itong paulit-ulit na suriin, hindi mo pa rin alam kung ano ang sinusubukan nitong ipahayag, o kung bakit ito ginawa ng lumikha nito sa ganitong paraan, at ang gawang sining man ay nauugnay sa pagkatao o hindi, hindi mo makita kung ano ang mga esensyal na bagay na nilalaman nito, at hindi mo makita ang susi rito, nangangahulugan ito na wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Ang kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay nangangahulugan na wala kang mga pananaw sa anumang bagay at madali kang nalilihis ng mga kalakaran sa lipunan o ng mga partikular na negatibong bagay na isinusulong ng mga tao—ibig sabihin, maaari mong ituring ang isang bagay na likas na negatibo na parang ito ay positibo, at tanggapin ito. Ang kahihinatnan nito ay na malalason ka nito, at kung ang bagay na ito ay mananatili sa iyo sa loob ng mahabang panahon at magiging malalim na nakaugat sa iyo, makahahadlang at makasasagabal ito sa pagtanggap mo sa katotohanan. Magbigay tayo ng isa pang halimbawa tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Halimbawa, sabihin nang ang raw footage ng isang pelikula ay may haba na tatlong oras, at pagkatapos itong i-edit, ang haba ng pelikula ay naging dalawang oras at apatnapung minuto. Ito ba ang karaniwang haba ng isang pelikula? (Hindi.) Ano ang ipinapahiwatig nito? (Ipinapahiwatig nito na ang mga gumawa ng pelikula ay walang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay.) Ano ang partikular na kahulugan ng kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay para sa isang pelikula? (Ibig sabihin nito na hindi sila makapili ng mas magandang footage, at hindi makagawa ng mga tumpak na paghusga tungkol sa kung aling footage ang dapat panatilihin at kung alin ang dapat alisin.) Hindi nila alam kung anong tema ang layon ng pelikula na iparating o kung aling mga eksena ang malapit na nauugnay sa tema. Bilang resulta, hindi sila makapagdesisyon kung ano ang pananatilihin at kung ano ang aalisin. Ibig sabihin, hindi nila alam kung aling mga eksena at mga punto sa kuwento ang hindi kailangan, at bahagya lang na nauugnay sa tema at maaaring alisin, at kung aling mga eksena at punto sa kuwento ang pinakanauugnay sa tema at kailangang panatilihin. Dahil wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay, sa panahon ng pag-eedit ay “nagpapakita sila ng awa,” nadarama na ang ganito at ganyang eksena ay hindi maaaring tanggalin. Sa huli, matapos ang labis na pagsisikap, inaalis lang nila ang mga eksenang may mga halatang isyu o mga footage na hindi maganda ang pagkakakuha. Tungkol naman sa nilalaman na hindi malapit na nauugnay sa tema, pinapanatili nila ang lahat ng iyon. Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Hindi malinaw ang pagkaunawa nila sa depinisyon ng isang pelikula; tungkol naman sa mga partikular na anyo at mga teknik ng pagpapahayag ng pelikula at sa pagkakaugnay-ugnay sa pagitan ng bawat eksena, pati na kung aling mga eksena ang tunay na mga eksena ng pelikula, hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. At kaya, sa panahon ng filming, puno sila ng kumpiyansa; sa panahon ng pag-eedit, puno ng pagkabagabag ang kanilang mukha; at pagdating sa pag-review, labis-labis silang nag-aalala. Pagkatapos ng review, pakiramdam nila na siguradong-sigurado sila kung paano magpapatuloy dahil, sa pamamagitan ng gabay ng ang Itaas, natutuhan nila kung aling mga eksena ang dapat tanggalin, at malakas ang loob na tinanggal ang mga ito. Gaano nila napaiksi ang pelikula sa huli? Napaiksi nila ito sa haba na isang oras at apatnapung minuto. Labis na sumasama ang loob ng mga cameraman: “Hindi ba’t pag-aaksaya ito sa mga bunga ng pagtatrabaho namin? Anim na buwan kaming nagpakapagod sa pagshu-shoot ng napakaraming footage, pero naging walang-awa ka, pinatanggal mo ang ganito at ganyan—pelikula pa rin ba ito?” Ang tugon Ko ay na tama mismo ang pagbabawas nang napakarami—ganito dapat ang isang pelikula. Ang mayroon ka noon ay hindi isang pelikula; sa pinakamainam, isa itong drama sa telebisyon. Ang katotohanan ay hindi maabot ng mga taong may mahinang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay—ang pakikipagbahaginan sa kanila sa katotohanan ay hindi magkakamit ng anumang resulta. Pagdating sa anumang mga bagay o anumang mga ideya at pananaw, hindi nila masuri kung alin ang umaayon sa mga pangangailangan at pamantayan ng normal na pagkatao, kung alin ang labag sa normal na pagkatao, kung alin ang tunay at praktikal, kung alin ang hungkag at imahinasyon lang, kung alin ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, at kung alin ang labag sa mga layunin ng Diyos. Pagdating sa isang pelikula, kung aling mga eksena ang gumaganap ng sumusuportang papel sa tema, diretsahan sa punto at direktang nagpaparating ng tema, at mahalaga sa pagpapahayag ng buod ng tema, at kung alin ang walang kaugnayan at hindi kinakailangan—hindi nila makilatis ang mga bagay na ito, at hindi nila maunawaan ang anuman sa mga ito. Pagdating sa pag-edit, palagi silang “nagpapakita ng awa” at atubiling magtanggal ng footage. Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Kung, pagkatapos ma-shoot ang materyal, sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga ideya na layong iparating ng pelikula at ang direksyon na layon nitong masabi, alam mo kung aling mga eksena ang hindi dapat maisama, kung aling mga eksena ang walang sapat na epekto, at kung aling mga eksena ang reserba lang na hindi kailanman nilalayong gamitin kundi inihanda lang bilang reserba kung sakaling lumitaw ang ilang espesyal na sitwasyon—kung sa puso mo ay naisaalang-alang mo ang mga usaping ito, at mayroon kang mga plano para sa pangangasiwa sa mga ito at mga solusyon, tinatawag itong pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Kung hindi mo magawa ang anuman sa mga bagay na ito, at ang mga perspektiba at pamamaraang ginagamit mo para isaalang-alang at tingnan ang mga problema ay walang batayan, at hindi ka makabuo ng tamang kongklusyon sa huli, nangangahulugan ito na wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Siyempre, karamihan ng tao sa iglesia ay walang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay hindi lang tungkol sa kung gaano mo nakikilatis ang isang piyesa ng gawang sining, ang isang nilikhang sining, o isang bagay na nagsisilbi bilang espirituwal na panustos o isang pilosopikal na teorya tungkol sa pagkatao ng mga tao—ang susi ay na dapat magkaroon ka rin ng tumpak na pananaw sa mga bagay na ito. Sa isang banda, ang pananaw mo ay dapat umaayon sa mga katunayan at sa mga pangangailangan ng pagkatao. Sa kabilang banda, ang nauunawaan at naaarok mo ay dapat umaayon sa mga positibong bagay at sa mga batas ng lahat ng bagay; hindi ito dapat maging hungkag at baluktot, at sa huli, ang mahalaga ay ang pag-ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung bukod sa nakikita mo kung anong mga ideya at pananaw ang ipinaparating, kung hindi ka lang naiipit sa antas na iyon, nakikita mo rin kung ang mga ideya at pananaw ba na ito ay aktuwal na tama, kung aktuwal na umaayon ba ang mga ito sa mga pangangailangan ng pagkatao, kung aktuwal na dalisay ba ang mga ito, at kung aktuwal na naaayon ba ang mga ito sa katotohanan—kung kaya mong gawin ang lahat ng bagay na ito—isa kang taong may mahusay na abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Ang mga taong may mahusay na abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay ang mga may mahusay na kakayahan. Kung hindi mo kayang makamit ang lahat ng bagay na ito o katamtaman mo lang na nakakamit ang mga ito, ang abilidad mo na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay katamtaman lang. Kung pundamental mong hindi maintindihan ang mga usaping ito—halimbawa, kung hindi mo maunawaan ang anumang mga gawang audio-visual, mga akdang pampanitikan at masining na gawa, likhang-sining, at iba pa, kung abstrakto o kongkreto man ang mga ito, at nakikita mong ganap na hindi maarok ang mga ito, tulad ng isang banyagang wika, at wala kang kapasidad sa loob ng pagkatao mo na suriin at pahalagahan ang gayong mga bagay, kung gayon, wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay; ikaw ay isang taong walang kakayahan. Kung, sa pamamagitan ng pag-oobserba sa dating o sikolohikal na kalagayan at sa kabuuang ekspresyon ng kalagayan ng pag-iisip ng isang karakter sa loob ng isang eksena nang may mga partikular na kulay, partikular na ilaw, at isang partikular na kapaligiran, nalalaman mo ang magiging epekto ng eksenang ito sa isipan ng mga manonood, kung gayon ay nagtataglay ka ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Gayumpaman, ang mga taong walang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay hindi ito makita. Sinasabi nila, “Ano naman kung ang ilaw ay malamlam o hindi, o kung ang mga kulay ay maganda o hindi? Hindi ba’t ganoon pa rin naman ang karakter? Paano mo nalalaman kung ano ang kalagayan ng isipan niya? Bakit hindi ko ito makita?” Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. Paano mo man ito ipaliwanag sa kanila, maaaring sabihin nilang nauunawaan nila, pero sa aktuwal, sa puso nila ay hindi pa rin nila ito naiintindihan. Ang larangang ito ay palaging mananatiling banyaga sa kanila. Ang mga taong walang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay, anumang uri ng gawain ang ginagawa nila o anumang uri ng akdang pampanitikan o masining na gawa ang tinitingnan nila, ay hindi maipahayag ang sarili nilang mga kaisipan at pananaw. Lalo na para sa gawain o mga likha na nangangailangan ng pagpapahayag ng malalim na kahulugan, nagpapahayag ng tema, o nagtutustos ng espirituwal na gabay, hindi nila ito magawa nang maayos at hindi nila kayang maging mahusay para sa gayong mga gampanin. Kung nagtataglay ka ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay at, dagdag pa roon, nauunawaan mo rin ang katotohanan, kung gayon, para sa gawain ng sambahayan ng Diyos na nauugnay sa pelikula, panitikan, at sining, na kinasasangkutan ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay, kaya mo itong gawin nang maayos, maging mahusay rito, at tuparin nang maayos ang ganitong uri ng tungkulin. Kung wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay, mayroon kang mahinang kakayahan at hindi mo kayang maging mahusay para sa ganitong uri ng gawain. Sinasabi ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nakikinig sa katotohanan at nauunawaan ko ang mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin ba niyon na kaya kong maging mahusay para sa ganitong uri ng gawain?” Hindi pa rin iyan sapat. Kahit na nakakaunawa ka ng kaunting katotohanan, kung wala ang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay bilang pampuno, makakagampan ka lang ng gawain tulad ng pangangaral ng ebanghelyo o pagdidilig sa iglesia. Gayumpaman, para sa gawaing kinasasangkutan ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay, hindi ka magiging mahusay rito. Samakatwid, kung ang ilang tao ay maling napili para sa ganitong uri ng gawain at ngayon ay napagtatanto nila na wala silang potensyal sa larangang ito at likas na wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay, dapat agad silang magbitiw, sinasabing, “Hindi ko kayang gawin ang gawaing ito. Ang pagkatao ko ay hindi nagtataglay ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay.” Siyempre, nagtataglay ka man ng abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay o hindi, ito ay isang pamantayan ng pagsusuri sa kakayahan ng isang tao. Bagama’t hindi ito pangunahing pamantayan, para sa ilang espesyal na gawain, ang abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay ay kinakailangan din. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga sa mga bagay. May isa pang abilidad, ang abilidad na maging inobatibo, na pagbabahaginan natin sa susunod.

Ang pagbabahaginan ba sa ganitong paraan ay mas nagpapalinaw ng mga bagay para sa inyo? (Oo.) Kung nagsasalita lang Ako gamit ang mga pangkalahatang termino, sinasabing, “Ang kakayahan ng isang tao ay sinusuri batay sa kanyang pagiging mahusay at epektibo sa paggawa ng mga bagay,” magagawa lang ninyo na bigkasin ang doktrinang ito, pero hindi pa rin magiging malinaw sa inyo kung anong mga partikular na aspekto ang tinutukoy ng kakayahan. Kalaunan, naisip Ko na mas mainam na magbahaginan nang mas partikular; kapag nagkamit kayo ng kalinawan sa paksang ito, magagawa ninyong tumpak na suriin at malinaw na maunawaan ang sarili ninyong kakayahan. Makakatulong ito sa inyo na malaman kung paano lulugar at hindi magkaroon ng labis na pagtingin sa sarili ninyong mga abilidad. Ang pagtingin nang malinaw at pag-unawa sa sarili ninyong mga abilidad, pagtukoy sa kung ang inyong kakayahan ba ay mahusay, katamtaman, mahina, o hindi umiiral, at pagtukoy sa kung saang grupo kayo nabibilang—ang paghahanap sa inyong wastong lugar sa ganitong paraan, ay nagbibigay-kakayahan sa inyo na kumilos at umasal nang may mabuting pag-uugali. Sa isang banda, binibigyang-kakayahan kayo nito na magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa inyong sarili. Sa kabilang banda, sa usapin ng paglutas sa inyong mga tiwaling disposisyon, nagbibigay rin ito ng partikular na dami ng tulong para sa pagbabago sa inyong mayabang na disposisyon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayon. Paalam!

Nobyembre 4, 2023