Paano Hangarin ang Katotohanan (6) Ikalimang Bahagi

Ikawalong Bilang: Ang Abilidad na Tumugon sa mga Bagay

Susunod, tatalakayin natin ang ikawalong abilidad—ang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang abilidad na tumugon sa mga bagay ay kung paano hinaharap ng isang tao ang isang usapin—ang usapin mang ito ay naganap na, o biglaan mang nangyari ang usaping ito, o nagbago man ang iba’t ibang salik ng usaping ito, kung paano hinaharap ng isang tao ang usaping ito ay ang kanyang abilidad na tumugon sa mga bagay. Kung gayon, ano ang pangunahing tinutukoy ng abilidad na tumugon sa mga bagay? Tumutukoy ito sa abilidad mong tukuyin, husgahan, harapin at pangasiwaan ang isang usapin. Kapag nakaharap ka ng isang tao, pangyayari, o bagay, ano ang kalikasan nito? Isa ba itong positibong bagay o negatibong bagay? Paano ba dapat harapin at pangasiwaan ang ganitong uri ng bagay? Kapag bigla itong nangyari, anong mga aral ang dapat matutuhan? Ano ang mabubuting layunin ng Diyos? Kung ang ganitong bagay ay makapipinsala sa gawain ng iglesia, paano ito dapat pangasiwaan sa paraang naaayon sa mga prinsipyo, at nagtatama sa mga kahihinatnang idinulot ng pinsala para hindi na ito magdulot pa ng pinsala sa gawain ng iglesia, at mapigilang magpatuloy ang negatibong epekto? Kung, kapag nahaharap sa isang tao, pangyayari, o bagay, kaya mong—batay sa mga prinsipyo ng pagkilatis na naarok mo at sa mga katotohanang prinsipyo na alam mo—tumpak na mahusgahan ang diwa at ugat na sanhi ng gayong mga usapin, at ang mga prinsipyo at plano sa pangangasiwa sa mga ito, ikaw ay isang taong mayroong abilidad na tumugon sa mga bagay, na nangangahulugan ding ikaw ay isang taong may mahusay na kakayahan. Halimbawa, kapag biglaang nangyari ang isang usapin sa harap mo, paano mo ito dapat harapin? Una, dapat malinaw mong makita kung saang direksyon ito maaaring humantong, kung anong mga kahihinatnan ang idudulot nito kung magpapatuloy ito, kung nasaan ang ugat na sanhi ng pangyayaring ito, kung ano ang diwa nito—dapat magawa mong makilatis at malinaw na makita ang lahat ng bagay na ito. Ilarawan ang usapin sa pamamagitan ng pagkilatis, at pagkatapos ay agad na maghanap ng plano para sa pangangasiwa nito. Kung paano dapat pangasiwaan ang usapin, kung sino ang pasimuno, kung sino ang mga tagasunod, kung sino ang partido na pangunahing responsable, kung sino ang dapat pangunahing managot, kung paano pangangasiwaan ang mga partidong responsable—dapat mong matukoy ang lahat ng isyung ito. Dagdag dito, kapag nangangasiwa ng mga problema, dapat mong paliitin ang mga kawalan at muli ring isaayos at baguhin ang mga tauhan. Sa ganitong paraan lang maaaring maitama agad ang mga pagkakamali, lubusang malutas ang mga problema, at maitama ang sitwasyon, na nagtutulot sa mga bagay na umunlad sa tama at kapaki-pakinabang na direksyon. Sa madaling salita, kung kaya mong isaalang-alang ang lahat ng iba’t ibang salik na sangkot sa usaping ito, at pagkatapos ay magkaroon ng tamang paraan para harapin ito, nang may mga tama at tumpak na prinsipyo para sa pangangasiwa nito, ito ay tinatawag na pagkakaroon ng abilidad na tumugon sa mga bagay, at nangangahulugan iyon na ikaw ay isang taong may mahusay na kakayahan. Siyempre, ang pamamaraang ito para sa pagharap sa usapin at ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa nito ay maaaring mga kongklusyon at depinisyon na nabuo mo sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pakikipagbahaginan sa mga taong nakakaalam tungkol sa sitwasyon o sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pakikipagtalakayan sa lahat. Kung kaya mo, sa pamamagitan ng pagsiyasat sa takbo ng aktuwal na sitwasyon at pagkatapos ay paghingi ng mga suhestiyon ng mga kapatid na nakakaunawa sa ganitong uri ng usapin, sa wakas ay makabuo ng depinisyon, makabuo ng kongklusyon, makatukoy ng solusyon, at maayos na mapangasiwaan ang isyu, tinatapos ang mga pagbabago sa mga tauhan, bumabawi sa mga kawalang idinulot ng usaping ito, at pagkatapos ay binabago ang gawain ng iglesia para hindi na ito mapunta sa masamang direksyon, kung gayon, ito ay tinatawag na pagkakaroon ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Kung kaya mong pangasiwaan ang mga usapin hanggang sa ganitong antas, maituturing ka na may mahusay na kakayahan. Siyempre, ang pagkakaroon ng mahusay na kakayahan ay hindi nangangahulugan na ang isang tao, kapag nahaharap sa isang usapin, ay agad-agad na nakikilatis ito, nakagagawa ng mga agarang desisyon, at napangangasiwaan ito sa isang komprehensibo at angkop na paraan—hindi palaging ganito ang kaso. Kailangan ng isang proseso para mapangasiwaan ng mga tao ang mga problema; kailangang maunawaan nila ang iba’t ibang aspekto ng usapin para makilatis nila ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang mga tao ay may laman at dugo, ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa loob ng saklaw ng pagkatao, at kinakailangan ang isang proseso. Hindi ito katulad ng paggawa ng Espiritu ng Diyos—sinisiyasat ng Espiritu ng Diyos ang buong daigdig, nang sumasaklaw sa lahat; palaging kayang makita ng Diyos ang diwa at ugat na sanhi ng lahat ng bagay at ng lahat ng problema. Kapag hindi nakikilatis ng mga tao ang mga nakatagong bagay sa likod ng mga usapin, madali silang nalilinlang at nabubulag. Dahil mismo rito, kailangang siyasatin nang malaliman ng mga tao ang tunay na kalagayan ng mga kaganapan sa likod ng mga usapin. Matapos maunawaan ang mga aktuwal na sitwasyong nakatago sa likod ng isang usapin, kung kaya mong agad na pangasiwaan ang mga problema, lutasin ang mga paglihis, baguhin nang angkop ang mga direktang namamahala at ang mga tauhan sa gawain, at magarantiya ang normal na operasyon ng gawain, pinatutunayan nito na ikaw ay mayroong abilidad na tumugon sa mga bagay. Lalo na kapag nahaharap sa mga biglaang insidente, kung kaya mong pangasiwaan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay ayon sa mga prinsipyo, pinatutunayan nito na ikaw ay isang taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may katamtamang abilidad na tumugon sa mga bagay, kapag nahaharap sila sa mga regular at karaniwang sitwasyon, ay kayang gumawa ng ilang bagay nang sumusunod sa mga proseso, at nang batay sa nakagawian, pero ang mga resultang natatamo nila ay katamtaman—wala silang naaabot na anumang pagsulong o nagagawang malaking pag-usad. Sa sandaling maharap sila sa mga espesyal na sitwasyon o mga biglaang insidente, hindi nila alam ang gagawin at hindi nila mapangasiwaan ang mga ito. Halimbawa, kapag ang ilang tao ay nangangaral ng ebanghelyo, sa mga normal na sitwasyon ay kaya nilang magkamit ng ilang tao kada buwan. Ito ay sumasalamin sa isang katamtamang kakayahan, at ang mga resulta ng pangangaral nila ng ebanghelyo ay katamtaman din, hindi partikular na maganda. Kung ang isang insidente ng mga anticristo na nanlilihis ng mga tao ay biglang lumitaw sa iglesia, ang mga manggagawa ng ebanghelyo na ito ay nalilito at hindi nila alam ang gagawin. Humihinto ang gawain ng ebanghelyo, at hindi nila alam kung dapat ba silang magpatuloy na mangaral o maghintay sa mga pagsasaayos ng gawain. Hindi nila alam na dapat hanapin ang mga prinsipyo ng gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, madalas na sinasabi, “Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi dapat huminto anumang oras at sa ilalim ng anumang mga sitwasyon.” Subalit, dahil lang naharap sa isang insidente ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao, inihinto na nila ang gawain ng ebanghelyo. Ginagawa ba nila ang tungkulin nila nang may katapatan? Hindi nila ito nagagawa. Nagpapasakop ba sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Hindi rin nila ito nagagawa. Kapag nakakaharap sila ng mga anticristo o huwad na lider na walang pakundangang gumagawa ng masasamang gawa at nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, nalilito sila. Hindi nila alam na dapat tanungin ang mga nakakaunawa sa katotohanan kung paano nila dapat pangasiwaan ang usaping ito na nakaharap nila, at lalong hindi nila alam na dapat tumingin sa mga salita ng Diyos para sa mga prinsipyo ng pagsasagawa at sa isang landas ng pagsasagawa. Wala silang ganitong abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang ilang lider ng iglesia, kapag nakakakita sila ng isang anticristo na nagpapakalat ng mga maling kaisipan para ilihis ang mga tao, ay hindi alam kung paano makipagbahaginan sa katotohanan para pabulaanan ang mga maling kaisipan. Hindi nila alam ang gagawin kundi ang patuloy na magdasal, “O Diyos, igapos Mo si Satanas, patahimikin Mo si Satanas, at pigilan Mo siyang magpakalat ng mga maling kaisipan para ilihis ang mga tao. Pakiusap, iligtas Mo ang mga mangmang at hangal na tao, at pigilan silang malihis ng anticristo. O Diyos, ibalik Mo sila!” Nagdarasal lang at hindi naghahanap sa katotohanan—malulutas ba nito ang problema? Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao at hindi nila gagawin ang tungkulin nila, wala itong silbi. Maraming bagay ang dapat gawin ng mga tao. Una, dapat nilang tingnan kung ano ang uri ng pinagmulan ng anticristong ito, kung anong mga katangian ang ipinapakita nito, at kung ano ang inaasahan nito para manlihis ng mga tao; dapat din nilang tingnan kung mayroon bang sinumang mga tao na may mahusay na kakayahan na kayang tanggapin ang katotohanan sa gitna ng mga taong nalihis na, at magmadaling bawiin ang mga ito. Ito ang gawain na dapat unahing gawin. Pero ang mga lider na ito ng iglesia ay hindi ito alam, at hindi nila alam na dapat gumawa sa ganitong paraan. Nalilito lang sila, nagdadabog ng mga paa nila sa pagkabalisa. Ang ilang walang silbing indibidwal ay umiiyak pa nga dahil sa pagkabalisa. Ano ang silbi ng pag-iyak? Mababawi ba ng pag-iyak ang mga nalihis na? Ang pag-iyak ay hindi paggawa, ni hindi nito kinakatawan na nagdadala ka ng pasanin. Isa itong pagpapamalas ng kawalan ng kahusayan. Ang mga taong may kakayahan, kapag nahaharap sa gayong mga usapin, ay kumakalma muna. Pagkatapos magdasal, maghanap, mag-analisa, at maghusga, at pagkatapos ay magbahaginan, sa wakas ay nagdedesisyon sila. Ang mga taong mahina ang kakayahan, kapag nahaharap sa mga usapin, ay hindi alam ang gagawin: Hindi nila alam na dapat manalangin at maghanap, ni hindi nila alam na maghanap ng ilang taong nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan sa mga ito; pasibo lang silang naghihintay. Ito ang pinakanakakaantala sa mga bagay-bagay. Wala kang solusyon, pero baka ang iba ay mayroon—bakit hindi ka maghanap ng iba na mahihingan ng tulong? Ang matatalinong tao, kahit habang naghihintay, ay hindi nakakalimutang tuparin ang sarili nilang tungkulin at responsabilidad. Ang pagtupad na ito sa tungkulin at responsabilidad ay aktibo, hindi pasibo. Hindi ito paghihintay sa Diyos na magbigay ng mga utos o na personal na kumilos ang Diyos para baguhin ang sitwasyon. Sa halip, ito ay puspusang pagsisikap para mabawi ang mga maaaring mabawi habang naghihintay. Para naman sa mga hindi na maaaring mabawi—gaya ng mga hangal na magulo ang isip, mga sinasaniban ng masasamang espiritu, at mga hindi mananampalataya na sumasampalataya sa Diyos para lang makigaya at makalibre ng pagkain—hindi sila dapat pagkaabalahan. Para sa mga hindi nabulag, kailangang agad na magsagawa ng mga pagsasaayos para mabahaginan sila ng katotohanan at makausap tungkol sa pagkilatis sa anticristo. Hindi ba’t isa itong plano para sa pangangasiwa sa sitwasyon? Ito ay isang hakbang ng pagtugon. Ang mga taong mahina ang kakayahan ay walang gayong mga hakbang ng pagtugon; ang alam lang nila ay ang umiyak at magreklamo. Ito ay kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Kung, sa mga ordinaryong sitwasyon, nagagawa ng isang tao na gumawa ng gawain nang normal, pero sa sandaling maharap siya sa mga espesyal na sitwasyon, nalilito siya at hindi niya alam ang gagawin, ang abilidad na tumugon sa mga bagay ng ganitong uri ng tao, sa pinakamainam, ay katamtaman. Kung ang isang tao ay hindi man lang kayang pangasiwaan ang mga ordinaryong sitwasyon, ang ganitong uri ng tao ay walang abilidad na tumugon sa mga bagay. Halimbawa, kung ipadala siya sa isang iglesia para iorganisa ang paghalal sa isang lider ng iglesia, hindi niya alam kung anong klase ng tao ang dapat piliin, o kung paano sama-samang titipunin ang mga tao at ioorganisa ang halalan. Ni hindi niya nauunawaan ang mga batayang proseso para sa mga halalan. Higit pa rito, may ilang tao sa iglesia na may malulubhang tiwaling disposisyon—ang mga nabibilang sa kategorya ng mga mapang-api, siga, at salbahe—at sinasamantala ng mga taong ito ang pagkakataon para gambalain ang halalan. Sa ganitong uri ng sitwasyon, lalong hindi ito kayang pangasiwaan ng mga walang abilidad na tumugon sa mga bagay; sadyang nakukuha sila at sumusuko sila. Sa huli, nasasabi na lang nila sa mga kapatid, “Kayo na ang pumili. Sasang-ayon kami sa kung sinuman ang piliin ninyo.” Anong klaseng mga nilalang sila? Hindi ba’t wala silang silbi? Ito ay kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga taong walang abilidad na tumugon sa mga bagay ay wala ring kapabilidad sa gawain. Sa mga normal man o espesyal na sitwasyon, kapag may nangyayari, pinanghihinaan sila ng loob at umaatras; kapag may nangyayari, hindi nila alam ang gagawin at umiiyak sila. Kapag walang nangyayari, kaya nilang bumigkas ng ilang salita at doktrina, pero kapag may nangyayari at hinihiling sa kanilang pangasiwaan ang isang problema, hindi nila ito magawa. Halimbawa, kapag ang ilang indibidwal ay pabaya sa paggawa ng kanilang tungkulin, ang alam lang ng mga walang abilidad na tumugon sa mga bagay ay ang makipagtalakayan sa mga ito tungkol dito, sinasabing: “Pakiusap, huwag maging pabaya—pakiusap, gawin ninyo nang maayos ang inyong tungkulin!” Malulutas ba nito ang problema ng mga indibidwal na iyon? Dapat silang makipagbahaginan sa mga indibidwal na iyon tungkol sa problema ng pagiging pabaya. Kung hindi nauunawaan ng mga indibidwal na iyon ang katotohanan at hindi nakikita ng mga ito ang problema, dapat silang makipagbahaginan sa mga ito tungkol sa katotohanan. Kung ang mga indibidwal na iyon ay kumikilos sa ganitong paraan kahit alam ng mga ito na mali ito, dapat nilang himayin at pungusan ang mga ito. Kung ito ay dahil sa ibang isyu, dapat silang makipagbahaginan batay sa isyung iyon. Dapat silang tumukoy ng isang angkop na takbo ng pagkilos batay sa uri ng problemang lumitaw, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon. Kung hindi mo ito kayang gawin, wala kang abilidad na tumugon sa mga bagay. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung, kapag nahaharap ka sa anumang usapin, wala kang solusyon, walang paraan para harapin ito, at walang mga prinsipyo para sa pangangasiwa nito, kung gayon, wala kang abilidad na tumugon sa mga bagay. Hindi ba’t ang gayong mga tao ang may pinakamahinang abilidad na tumugon sa mga bagay? (Oo.)

Ang mga may pinakamahusay na abilidad na tumugon sa mga bagay ay ang mga tao na, kapag nahaharap sila sa mga espesyal na usapin o biglaang mga sitwasyon, ay kayang agad na husgahan at tukuyin ang mga ito, at pagkatapos ay nakakagawa ng mga medyo angkop na plano para sa pangangasiwa sa mga ito. Ang mga may katamtamang abilidad na tumugon sa mga bagay ay kayang pangasiwaan ang mga ordinaryo at nakagawiang usapin kapag nahaharap sila sa mga ito. Kaya nilang gumawa nang sumusunod sa mga proseso para mapanatili at mapamahalaan ang sitwasyon, o kaya ay magbago at magpalit ng mga tauhan—ayos naman sila sa paggawa ng ganitong uri ng gawain. Subalit kapag nakaharap sila ng mga biglaang sitwasyon, hindi nila kayang pangasiwaan ang mga ito. Kahit sabihin sa kanila ang mga prinsipyo, hindi nila mailapat ang mga ito; kahit bigyan sila ng awtoridad at hingin sa kanila na pangasiwaan ang usapin, hindi pa rin nila ito magawa. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga may mahinang abilidad na tumugon sa mga bagay ay hindi maayos na pinapangasiwaan kahit ang mga nakagawiang usapin. Ang alam lang nila ay magsalita ng mga doktrina at mahigpit na sumunod sa mga regulasyon, at sa huli, hindi nalulutas ang ugat na sanhi ng problema kahit kaunti. Sapat na ang isang anticristo na nagdudulot ng mga panggugulo at nanlilihis ng mga tao para sumuko sila sa pangangaral ng ebanghelyo; sapat na rin ang isang huwad na lider na nagsasalita ng walang katuturan para itigil nila ang gawain ng ebanghelyo. Ang mga ito ba ay mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos? Hindi. Masyadong mahina ang abilidad ng gayong mga tao na tumugon sa mga bagay. Anumang sitwasyon ang lumitaw, ang mga taong may mahinang abilidad na tumugon sa mga bagay ay hindi ito kayang pangasiwaan. Halimbawa, kung may sunog na sumiklab sa isang silid, natataranta sila at agad na naghahanap ng fire extinguisher. Pagkatapos mahanap ang fire extinguisher, hindi nila alam kung paano ito gamitin at kailangan nilang hanapin ang mga instruksiyon. Bilang resulta, lalong lumalaki ang apoy. Nangyayari ito dahil hindi nila alam kung paano gamitin ang fire extinguisher at kaya naaantala ang mga bagay, at ito rin ay dahil sa kawalan nila ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ni hindi nila kayang harapin ang gayong apurahang sitwasyon tulad ng sunog; ito ay kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Para magbigay ng isa pang halimbawa, kung ang isang bata ay nabulunan habang kumakain, at hindi ito makahinga at napapatirik na ng mata, natataranta ang mga taong ito. Hindi nila alam kung dapat ba nilang dalhin ang bata sa ospital o hindi, at hindi nila alam kung dapat ba nilang painumin ng tubig ang bata o hindi. Balisang-balisa sila na pinagpapawisan na sila at namumula ang mukha, pero sadyang hindi nila alam kung ano ang dapat gawin. Makalipas ang ilang sandali, umubo ang bata nang ilang beses at sa wakas ay muli na itong nakakahinga. Napakatagal nilang nataranta pero wala silang solusyon para lutasin ang problema. Mabuti na lang at masuwerte ang bata; kung hindi, baka namatay na ang bata sa ilalim ng kanilang pangangalaga. Ang mga taong mahina ang kakayahan ay wala talagang mga abilidad at walang magawa nang maayos. Ang kaunting doktrinang nauunawaan nila ay pawang mga regulasyon at islogan lang. Pagdating sa parehong mga tipikal at espesyal na sitwasyon, pare-pareho silang hindi kayang pangasiwaan o harapin ang mga ito. Samakatwid, sa usapin ng kanilang abilidad na tumugon sa mga bagay, ang gayong mga tao ay lalong walang-wala nito—salat sila rito. Kahit anong sitwasyon ang kanilang nakakaharap, hindi nila ito matugunan o mapangasiwaan—hindi nila maunawaan ang mga usaping ito. Iniisip nilang sapat na ang makapagbigkas ng ilang salita at doktrina at makasigaw ng ilang islogan, na nangangahulugan ito na mayroon silang kapital at kontento na sa buhay nila. Sa aktuwal, kapag may nangyayari, wala talagang saysay ang mga doktrinang alam nila. Gayumpaman, bigo silang mapagtanto na ito ay sumasalamin sa isang mahinang kakayahan—napakahina ng kanilang kakayahan, pero sila mismo ay hindi ito namamalayan. Hindi ba’t ito ay sukdulang mahinang kakayahan? (Oo.) Hindi ba’t ang gayong mga tao ay hangal? (Oo.) Ang mga hangal na tao ay utak-biya. Ano ang tinutukoy ng “utak-biya”? Ibig sabihin nito na gaano man karaming doktrina ang nauunawaan nila o gaano man karaming regulasyon ang nasusunod nila, kapag may nangyayari, wala sa mga regulasyon o doktrinang ito ang kayang makalutas sa aktuwal na problema. Pero hindi pa rin nila ito maarok, at iniisip nila, “Bakit hindi epektibo ang mga doktrina at regulasyong ito?” Kahit pa pigain nila ang utak nila, wala itong silbi—paano man sila magbulay-bulay, hindi pa rin nila matukoy kung paano pangangasiwaan o lulutasin ang problema. Ang ilang tao, kapag nangangasiwa ng mga anticristong insidente, ay hindi unang inililigtas ang mga nalihis ng mga anticristo, ni hindi nila sinusuportahan ang mga naging negatibo at ayaw nang dumalo sa pagtitipon dahil sa panlilihis ng mga anticristo. Ano ang una nilang ginagawa? Nagdaraos sila ng malalaking pagtitipon para talakayin kung ano ang mga pagpapamalas na mayroon ang mga anticristo, kung anong mga uri ng tao ang mga anticristo, ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga may disposisyon ng mga anticristo, kung paano mismo makikilatis ang mga anticristo, kung paano mismo makikilatis ang mga may disposisyon ng anticristo—sa oras na matapos nilang mapagbahaginan ang lahat ng ito, ang ilan sa mga taong nalihis ng mga anticristo ay matagal nang umalis sa iglesia, at ang ilang naging negatibo at mahina ay hindi na dumadalo sa mga pagtitipon. Napalampas nila ang pinakamainam na panahon para mailigtas ang mga taong ito, tunay na nagdudulot sa mga ito ng malaking pinsala! Sa pagbubuod, ang mga may mahinang kakayahan ay may malaking depekto din pagdating sa kanilang abilidad na tumugon sa mga bagay—wala talaga sila nito. Huwag tingnan kung gaano kagaling magsalita ang isang tao o kung gaano siya kahusay sa pagbibigkas ng mga salita at doktrina at pagtatalakay tungkol sa teolohiya sa ilalim ng mga pangkaraniwang sitwasyon—tingnan lang kung mayroon siyang abilidad na pangasiwaan ang mga problema kapag nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon; lalo na kapag lumilitaw ang mga biglaang insidente, tingnan kung mayroon siyang abilidad na makagawa ng mga paghusga at ng abilidad na tukuyin ang mga bagay, kung may mga plano siya para pangasiwaan at lutasin ang mga problema. Kung mayroon, pinatutunayan nito na isa siyang taong may sarili niyang mga opinyon at alam niya kung paano pag-isipan ang mga bagay-bagay. Pero kung wala siyang abilidad na tukuyin ang mga bagay at ng abilidad na makagawa ng mga paghusga, at kapag may nangyayari, natataranta at nababalisa siya, at nagagawa lang niyang magsalita ng mga engrandeng doktrina at sumigaw ng mga islogan, ang taong ito ay hindi makalulutas ng mga problema at wala siyang silbi. Kahit gaano pa karami ang mga paghihirap, problema, o kapintasan ng iba pang tao, pareho lang ang ginagamit ng taong ito na mga teorya para ipaliwanag at harapin ang mga ito, at patuloy siyang nakikipagbahaginan sa ibang taong ito sa ganitong paraan, pero hindi niya kailanman nalulutas ang mga problema—ito ay ganap na kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang kawalan ng abilidad na pangasiwaan ang mga problema ay siya mismong kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga walang abilidad na tumugon sa mga bagay ay salat sa kakayahan. Sa pangkaraniwang pananalita, sila ay mga hangal, mangmang, at may pagkukulang sa pag-iisip. Kahit gaano pa karaming doktrina ang nasasabi nila, wala itong silbi—sadyang hindi magagamit ang mga ito. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikawalong abilidad, ang abilidad na tumugon sa mga bagay.