Paano Hangarin ang Katotohanan (6) Ikatlong Bahagi

Ikalimang Bilang: Kognitibong Abilidad

Ang ikalimang abilidad ay ang kognitibong abilidad. Ano ang tinutukoy ng kognitibong abilidad? Ang pangunahing diin nito ay nasa antas ng pagkaunawa ng tao sa mismong mga bagay. Para masuri ang kognitibong abilidad ng isang tao, kailangang tingnan ng isang tao ang antas ng pagkaunawa niya sa isang bagay at kung gaano katagal bago niya maunawaan ang diwa ng isang bagay. Kung napakaikli ng panahon na kailangan niya at sapat na malalim ang antas ng pagkaunawa niya, umaabot sa antas ng pagkaunawa sa diwa ng bagay, nagtataglay siya ng kognitibong abilidad. Kung ang panahon na kailangan ng isang tao para maunawaan ang isang bagay ay nasa loob ng normal na saklaw, at nauunawaan niya ang diwa ng bagay na ito mismo, malinaw na nakikita ang mga sanhi at kahihinatnan, at ang ugat at diwa ng mga problema sa loob nito, at pagkatapos ay nagkakaroon siya ng pagkaunawa sa bagay na ito sa puso niya—at higit pa roon, kung kaya niyang magbigay ng depinisyon at bumuo ng kongklusyon tungkol sa bagay na ito—ito ay tinatawag na pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Ibig sabihin, bilang isang normal na tao na nagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao, lalaki ka man o babae, kung kakaabot mo pa lang ba sa hustong gulang o nasa gitna o huling bahagi na ng buhay mo, kung ang pagkaunawa mo sa diwa ng mismong bagay na ito ay nakakamit sa loob ng normal na haba ng panahon, kung gayon, ang kakayahan mo ay maituturing na mahusay. Kung ang panahon na kailangan mo para maunawaan ang bagay na ito ay lampas sa tatlo o apat na ulit kaysa sa normal na tao—ibig sabihin, kung ang isang taong may mahusay na kakayahan ay nangangailangan ng tatlong araw, pero ikaw ay nangangailangan ng sampung araw o isang buwan pa nga—at, sa oras na malinaw mo nang natukoy ang buong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ng usaping ito, at lumitaw na ang pinsala at mga negatibong kahihinatnan na idinulot ng usaping ito, saka mo lang napagtatanto ang kabigatan ng usaping ito at kung ano ang ugat at diwa nito, kung gayon, sa pinakamainam, ang kakayahan mo ay katamtaman. Sa madaling salita, kung hindi pa nagdulot ng mga seryosong kahihinatnan ang usaping ito pero nagpapatuloy nang lumitaw ang ilang negatibong kahihinatnan, at sa gitna ng prosesong ito ka lang unti-unting nagiging kognitibo sa ugat at diwa ng usaping ito, nakabubuo ng depinisyon at kongklusyon, kung gayon, ang kakayahan mo ay itinuturing na katamtaman. Pero kung matapos na humantong sa mga negatibo o seryosong kahihinatnan ang usaping ito ay saka ka lang nagkaroon ng biglaang pagkakatanto at nakaunawa sa kung ano ang kalikasan ng usaping ito, ang kakayahan mo ay sukdulang mahina. Kung nagdulot na ng mga negatibong kahihinatnan ang usaping ito at hindi mo pa rin alam kung ano ang problema sa usaping ito o kung ano ang ugat ng problema, at hindi ka pa rin makabuo ng kongklusyon tungkol dito, kung gayon, wala kang kakayahan. Ang kognitibong abilidad ay nahahati sa apat na antas na ito. Una ay ang mga taong may mahusay na kakayahan. Ibig sabihin, kapag may isang bagay na kakalitaw pa lang at hinihinging makabuo ka agad ng kongklusyon sa loob ng ilang oras—at ito ay isang apurahang sitwasyon kung saan, kung hindi ka makapagbibigay agad ng paghusga, makabubuo ng plano para pangasiwaan at lutasin ang usapin, o makabubuo ng plano para pigilan ang lalong paglubha nito, magkakaroon ng mga negatibong kahihinatnan—kung, sa loob ng panahong ito, nagagawa mong maging kognitibo sa ugat ng usaping ito, at kaya mong agad-agad at desididong gumawa ng tumpak na paghusga, tumpak na makapagdesisyon at makabuo ng kongklusyon, at pagkatapos ay makapagdisenyo ng isang makatwirang plano para sa pangangasiwa nito, ibig sabihin nito ay mayroon kang mahusay na kakayahan. Gayumpaman, ipagpalagay na nararamdaman mo lang na may kaunting problema sa usaping ito, pero hindi mo alam kung nasaan ang problema o kung ano ang ugat nito, at sa loob ng normal na haba ng panahon para pangasiwaan ang usaping ito, wala kang mga kongklusyon, paghusga, o plano para sa pangangasiwa nito. Sa halip, pasibo mo lang na hinihintay at inoobserbahan ang patuloy na pag-usad nito, at sa pamamagitan ng patuloy nitong pag-usad ay saka mo lang sinusubukang tukuyin kung ano talaga ang diwa nito at ginagawa ang isang paghusga na hindi masyadong tumpak, at pagkatapos ay patuloy kang naghihintay at nag-oobserba, at bago pa man tuluyang matapos ang usapin, maaaring halos magawa mo lang na makilatis ang diwa ng problema o halos makakaisip ka ng solusyon, pero hindi pa rin agaran ang pangangasiwa mo. Kung ganoon, ang kakayahan mo ay sobrang katamtaman. Kung ang usaping ito ay tuluyan nang natapos at lumitaw na ang mga kahihinatnan, at ganap nang lumitaw ang diwa ng problema, at saka mo lang napagtatanto na masama ang usaping ito, at nakikita kung ano ang natatagong ugat nito—o marahil ay ni hindi mo talaga makita ang ugat kundi pasibo mo lang na tinitiis o hinaharap ang huling kahihinatnan ng usaping ito—ang ibig sabihin niyon ay mahina ang kakayahan mo. Ang isa pang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan ay na kung mangyari muli ang gayong mga usapin ay ganoon pa rin ang saloobin nila, ganoon pa rin ang pamamaraan nila ng pangangasiwa rito, at ganoon pa rin ang bilis ng pangangasiwa nila rito. Ibig sabihin, sa tuwing nangyayari ang gayong mga usapin, palagi nilang pinapangasiwaan ang mga ito sa parehong paraan, nang may ganitong parehong bilis at pagiging mahusay. Gaano man karaming bagay ang maganap, hindi nila makilatis ang diwa ng mga ito, ni hindi nila binabago nang naaayon ang alinman sa mga opinyon o pananaw nila sa mga makamundong usapin. Sila ay mga taong may mahinang kakayahan. Dahil mismo sila ay mga taong may mahinang kakayahan, wala silang abilidad na mamuhay nang nagsasarili; ibig sabihin, wala silang pananaw sa pananatiling buhay o sa buhay. Ito ay isang indikasyon ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan ay ito: Kapag naganap na ang isang usapin, at maaaring lumitaw na maging ang mga kahihinatnan, hindi pa rin nila alam kung ano ang nangyari, para bang nananaginip sila. Ito ay kawalan ng kakayahan at kawalan ng kognitibong abilidad. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang kognitibong abilidad ay pangunahing tumutukoy sa pagkaunawa sa mga diwa ng iba’t ibang tao at pangyayari at sa mga ugat ng mga problema ng mga ito; ito ang abilidad ng pag-iisip. Ibig sabihin nito na kapag nakita mo ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at pagkatao ng isang partikular na uri ng mga tao, malalaman mo ang mga problemang kinakaharap nila, kung ano ang ugat ng mga problema sa kapaligirang pinamumuhayan nila, pati na kung ano ang diwa ng mga pangyayaring kasalukuyan mong inoobserbahan at kung nasaan ang ugat na nakapaloob sa mga problema. Ang kognitibong abilidad ay pangunahing tumutukoy sa dalawang aspekto: ang pagkilatis sa diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay, at ang pagkilatis sa ugat ng mga problema ng mga ito. Ano pa ang nauunawaan ninyo tungkol sa kognitibong abilidad? Mayroon bang sinumang nakakaunawa rito bilang ang abilidad na makaunawa at matuto ng kaalaman? (Wala.) Ang kognitibong abilidad na tinatalakay natin dito ay pangunahing kinasasangkutan ng abilidad na tingnan ang mga tao at pangyayari. Kung napakababa ng pamantayan mo sa pagtingin sa mga tao at pangyayari, kung napakababaw ng pagkaunawa mo, o kung hindi mo kayang maunawaan ang diwa ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, ang kognitibong abilidad mo ay napakahina, o maaaring hindi umiiral. Kung, kahit gaano karami ang mga halatang di-tamang salita o maling pananaw na ipinapahayag ng mga tao sa paligid mo, kahit gaano karaming maling kilos ang ginagawa nila, o kahit gaano karaming malinaw na katiwalian man ang ibinubunyag nila, hindi mo matuklasan ang diwa ng problema, hindi mo alam kung anong uri ng mga tao sila, kung sila ba ay mga tamang tao, kung sila ba ay mga taong naghahangad ng katotohanan, kung kumusta ang karakter nila, o kung ano ang diwa ng gayong mga tao—kung hindi mo alam ang anuman sa mga bagay na ito—wala kang kognitibong abilidad. Kapag naharap sa sinumang tao o anumang usapin, wala kang pamantayan sa pagsusuri. Pagkatapos lumipas ng usapin, wala kang kongklusyon tungkol sa diwa ng gayong mga problema, at lalong wala kang anumang pagkaunawa rito; at, siyempre, wala kang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa gayong mga usapin o mga landas ng pagsasagawa para sa mga ito—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng kognitibong abilidad. Ang kognitibong abilidad ay pangunahing tumutukoy sa abilidad ng isang tao na maunawaan ang mga tao, pangyayari, at bagay. Dito nagtatapos ang talakayan natin tungkol sa abilidad na ito.

Ika-anim na Bilang: Ang Abilidad na Makagawa ng mga Paghusga

Ang ikaanim na abilidad ay ang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ang abilidad na makagawa ng mga paghusga ay kapag, sa tuwing nahaharap sa isang usapin, nagagawa mong husgahan kung ito ba ay tama o mali, wasto o hindi wasto, at positibo o negatibo, at pagkatapos ay ginagamit mo ang iyong paghusga para matukoy ang angkop na paraan para harapin at pangasiwaan ito. Kapag ang isang tao ay karaniwang nahaharap sa isang usapin, ito man ay isang bagay na nakita na niya noon o hindi pa, naranasan na niya noon o hindi pa, at ang usapin man ay medyo positibo o medyo negatibo, anong uri ng saloobin ang dapat niyang taglayin tungkol dito? Dapat ba niya itong tanggihan o yakapin at tanggapin ito? Kung, pagkatapos mo itong makita nang malinaw, mayroon kang sarili mong paninindigan at nagtataglay ka ng mga tumpak na pananaw na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pinatutunayan nito na mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Halimbawa, kapag naririnig mo ang isang tao na magsabi ng isang bagay, matapos itong pag-isipan, kaya mong matukoy kung ano ang kahulugan nito, kung anong layon ang gustong makamit ng nagsalita, kung bakit niya sinasabi ang mga salitang ito, kung bakit ganoon ang ginagamit niyang pagpili sa mga salita at tono, at kung bakit mayroon siyang partikular na klase ng ekspresyon sa mga mata niya kapag sinasabi ito. Makikita mo ang mga natatagong intensyon, layon, at motibo sa likod ng kanyang sinasabi. Paano mo man pangasiwaan ang mga natatagong intensyon at motibong ito pagkatapos, mapapansin mo ang ilan sa mga natatagong problemang nasa likod ng usapin na nangyayari sa mismong sandaling iyon. Alam mo kung ano ang gusto niyang gawin, kung bakit gusto niya itong gawin sa ganitong paraan, ang layon na gusto niyang makamit, ang epekto na nais niyang idulot ng kanyang mga salita, at ang mga natatagong pamamaraan, pakana, at balak na nasasangkot. Makikita mo ang ilang indikasyon, nagkakaroon ka ng kamalayan na ang problema rito ay hindi isang ordinaryong problema, at maaaring magkaroon ka pa ng pakiramdam ng pagkaalerto sa puso mo. Pinatutunayan nito na mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Kung mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga, nangangahulugan ito na isa kang taong may mahusay na kakayahan. Gaano man kaganda pakinggan ang mga salita ng isang tao, gaano man umaayon sa katotohanan ang mga ito sa usapin ng doktrina, gaano man katuwid ang kanyang saloobin sa paningin ng iba, o gaano man kalalim ang pagkakatago ng kanyang layon, magagawa mo pa ring husgahan ang problema sa pamamagitan ng kanyang panlabas na mga pagbubunyag, mga penomenon, o ng kanyang sinasabi—pinatutunayan nito na mayroon kang mahusay na kakayahan at abilidad na makagawa ng mga paghusga. Halimbawa, kapag nahaharap sa isang usapin, gaano man kalayo ang narating ng usaping ito, kaya mong kumilatis sa diwa ng usaping ito at sa ugat ng problema sa pamamagitan ng pag-unawa sa proseso ng usaping ito. Ito ay pagkakaroon ng abilidad na makagawa ng mga paghusga. Halimbawa, sa iglesia, kapag may mga anticristo at masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo, tungkol sa kung sino sa mga taong ito ang pasimuno, kung sino ang mga tagasunod, kung sino ang gumaganap ng pangunahing papel sa usaping ito, at kung sino ang pasibo, gayundin kung anong uri ng impluwensiya ang idudulot ng mismong usaping ito sa mga tao, at kung anong masasamang kahihinatnan ang lilitaw kung magpapatuloy pa ang usaping ito, sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga batayang sitwasyon ng usaping ito, kaya mong gumawa ng paghusga tungkol sa buong sitwasyon. Kahit na ang paghusga mo noong panahong iyon ay may kaunting antas ng pagkakaiba sa kung ano ang mangyayari dito sa huli, sa pinakamababa, mayroon kang pananaw, saloobin, at mga tumpak na prinsipyo sa pangangasiwa sa usaping ito. Sapat na ito para patunayan na mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga tungkol sa usaping ito. Ibig sabihin, kaya mong husgahan kung sino ang nangunguna o pasimuno ng isang usapin, o kung hanggang saan aabot ang usaping ito sa hinaharap, at kung anong uri ng saloobin at mga prinsipyo ang dapat mong gamitin para harapin ito at maiwasan itong humantong sa masasamang kahihinatnan. Basta’t mayroon kang abilidad na humusga, tama ang lohika at pamamaraan ng iyong paghusga, at ang batayan ng iyong paghusga ay, kahit papaano, naaayon sa pagkatao, o higit pa riyan, naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pinatutunayan nitong mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Kahit na ang paghusga mo ay may kaunting antas ng pagkakaiba sa mismong usapin, basta’t may batayan ang iyong paghusga, ang iyong paghusga ay naaayon sa mga pattern ng kung paano umuunlad ang mismong usapin, at umaayon sa ugat at diwa ng mga kapareho o kahalintulad na problema—at, higit pa riyan, umaayon sa mga katotohanang prinsipyo—maaari ding sabihin na mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ang pagkakaroon ng abilidad na makagawa ng mga paghusga ay nagpapatunay na kaya mong pag-isipan ang mga problema. Kung ang mga paghusga mo ay umaayon sa ugat, diwa, at lahat ng ibang aspekto ng mismong usapin, pinatutunayan nito na isa kang taong may mahusay na kakayahan.

Sinumang tao o anumang mga usapin ang kinakaharap ng isang tao, kapag mayroon lang siyang tamang pag-iisip, at sa batayan lang ng paghusga kung tama o mali ang isang usapin, wasto o hindi wasto, o kung ito ay positibo o negatibo, saka siya maaaring magkaroon ng kasunod na plano sa pangangasiwa at paglutas dito. Kung ang isang tao ay hindi marunong mag-isip tungkol sa mga problema—sa partikular na pananalita, kung hindi niya kayang husgahan ang mga problema—kung gayon ay hindi rin niya kayang pangasiwaan ang mga problema, ibig sabihin, wala siyang abilidad na mangasiwa ng mga problema. Ang sinumang nangangasiwa ng mga problema ay ginagawa ito sa batayan ng paghusga kung tama ba o mali ang isang usapin; kung hindi, ang plano niya sa paglutas sa problema at ang kanyang landas ng pagsasagawa ay mawawalan ng batayan. Halimbawa, may nag-ulat sa iyo na sa isang partikular na iglesia, hindi maganda ang buhay iglesia; karamihan ng tao ay negatibo at walang pakialam, ayaw dumalo sa mga pagtitipon o gumawa ng kanilang tungkulin. Paano mo huhusgahan ang gayong penomenon? Isa ba itong problema sa tunay na buhay? (Oo.) Dahil ito ay isang problema sa tunay na buhay, kailangan mong makaisip ng isang partikular na plano ng pagsasagawa para pangasiwaan at lutasin ito. Bago lutasin ang problema, hindi ba’t kailangan mong husgahan kung ano ang ugat at diwa ng problemang ito, at kung sino-sino ang mga taong nagdudulot nito? Hindi ba’t kailangan mong husgahan ang mga ito? (Oo.) Sa pamamagitan lang ng pag-iisip ka magkakaroon ng paghusga, at pagkatapos lang ng paghusga mo matutukoy ang ugat ng problema, at batay sa ugat at diwa ng problema, saka mo matutukoy ang angkop at nababagay na mga pamamaraan sa pangangasiwa at mga plano sa paglutas sa problema. Kung nalaman mong hindi maganda ang buhay iglesia sa isang partikular na iglesia pero hindi mo alam ang dahilan kung bakit, paano mo huhusgahan kung nasaan ang ugat ng problema? (Una kong iisipin na ang problemang ito ay may direktang kinalaman sa lider ng iglesia. Kung ang lider ng iglesia ay walang espirituwal na pang-unawa, ilang taon nang nananampalataya sa Diyos pero hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi kayang pangasiwaan ang anumang mga problemang nararanasan niya, at hindi alam kung paano pangunahan ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kung gayon, ang isang iglesia na may gayong huwad na lider ay tiyak na hindi magkakaroon ng magandang buhay iglesia.) Isang paghusga ito. Sa pangkalahatan, para sa mga simpleng problema, kung tumpak ang isang paghusga, maaaring tulutan ka nitong maarok ang ugat ng problema. Gayumpaman, ang ilang problema ay komplikado, at kung hindi kompleto ang impormasyong nauunawaan mo, posible na ang nag-iisa mong paghusga ay hindi ka tutulutan na maarok ang ugat ng problema. Kaya, mayroon din bang ikalawa at ikatlong mga paghusga? (Mayroon.) Pagkatapos magkaroon ng tatlong paghusga, posible na ang isa sa mga ito ay ang pinakatumpak. Anong iba pang mga paghusga ang naiisip ninyo kung gayon? (Ang naiisip ko ay na ang mga tao sa iglesiang ito, sa pangkalahatan, ay may mahinang kakayahan at mahinang abilidad na makaarok sa katotohanan, at hindi nila minamahal ang katotohanan. Kaya, hindi maganda ang mga resulta ng buhay iglesia roon.) Naaayon ba ito sa realidad ng sitwasyon? Ito ang ikalawang paghusga. Mayroon pa bang ibang mga paghusga? (Iisipin ko rin kung may masasamang tao bang nanggugulo sa iglesiang ito.) Ito ang ikatlong paghusga. Alin sa tatlong paghusgang ito ang mas naaayon sa tunay na sitwasyon at mas makatotohanan, at alin ang hungkag? (Pakiramdam ko, medyo hungkag ang ikalawang paghusga. Sa katunayan, kung ang iglesia ay may angkop na tao bilang lider na responsable sa gawain, magiging maganda ang mga resulta ng buhay iglesia. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan, tiyak na magkakaroon ng motibasyon na gumawa ng kanilang mga tungkulin ang mga kapatid. Pakiramdam ko, mas makatotohanan ang una at ikatlong mga paghusga.) Ang ikalawang paghusga ay hungkag na doktrina. Ang una at ikatlong mga paghusga ay umaayon sa tunay na sitwasyon at tumpak. Sa isang banda, ang dalawang paghusga na ito ay gumagamit ng lohikal na pag-iisip; sa kabilang banda, nakabatay ang mga ito sa ilang penomenong karaniwang natatagpuan sa tunay na buhay. Kung kaya mong makaarok ng mga pangkaraniwang penomenon, pinatutunayan nito na ang iyong pag-iisip ay tama at naaayon sa lohika. Kung hindi mo maarok ang tunay na sitwasyon, at ang iyong paghusga ay hiwalay sa tunay na buhay, pinatutunayan nitong ang iyong pag-iisip ay walang lohika at may mga problema, at na tinitingnan mo ang mga problema sa isang hindi makatotohanan at hindi obhetibong paraan. Ang una at ikatlong paghusga ay obhetibo. Ang isang sitwasyon ay na maaaring ang lider ng iglesia ay hindi alam kung paano gawin ang gawain. Siya mismo ay walang landas sa buhay pagpasok, kaya lalong wala siyang landas pagdating sa pangunguna sa iglesia at sa mga kapatid. Dahil dito, hindi bumubuti ang buhay iglesia roon. Sa katunayan, karamihan ng tao sa iglesia ay sinserong nananampalataya sa Diyos at may motibasyon, pero hindi talaga nagbubunga ng anuman ang buhay iglesia. Ang bawat pagtitipon ay sumusunod sa parehong nakagawian: pag-awit, pagdarasal, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay nagbabahagi ng ilang paimbabaw na pagkaunawa o doktrina ang lider o diyakono. Iilang tao lang doon ang nakapagsasalita tungkol sa tunay na pagkaunawang batay sa karanasan. Bukod pa roon, ang lider ng iglesia ay may mahinang kakayahan at mababaw na karanasan, at hindi niya kayang makipagbahaginan sa katotohanan para lumutas ng mga problema. Kaya’t ang buhay iglesia ay tila nakakabagot at hindi kasiya-siya. Marami nang naging mga pagtitipon pero wala namang nakakamit ang mga tao mula sa mga ito, kaya pakiramdam ng karamihan ng tao na ang pagdalo sa gayong mga pagtitipon ay mas hindi kapaki-pakinabang kaysa sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa bahay, at ayaw na nilang dumalo. Ang ilang tao, matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng isa o dalawang taon at makaunawa ng kaunting katotohanan, ay gusto nang gumawa ng mga tungkulin. Gayumpaman, ang ilang lider ng iglesia ay hindi alam kung aling mga tao ang angkop sa aling tungkulin o sa kung anong uri ng gawain sila nababagay. Hindi nila kayang makatwirang isaayos ang mga tao o gamitin ang mga tao, ni kayang gamitin ang sarili nilang mga karanasan para suportahan ang mga tao at tulungan ang mga ito na matupad nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito. Maaari itong humantong sa ilang tao na maging negatibo at umayaw na gumawa ng mga tungkulin nila. Sa katunayan, karamihan ng taong handang gumawa ng tungkulin nila nang maayos ay kayang gawin ang tungkulin nila nang maayos; sadyang kulang sila sa suporta at tulong. Kung magagawang suportahan at tulungan ng mga lider at diyakono ng iglesia ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, dadami ang bilang ng mga tao sa iglesia na handang gumawa ng tungkulin nila, at magagawa nila nang normal ang tungkulin nila. Dahil hindi marunong ang mga lider at diyakono ng iglesia na gumawa ng gawain, ang buhay iglesia ay nagbubunga ng hindi magagandang resulta at nananatiling hindi nalulutas ang ilang problema sa loob ng mahabang panahon, at pagkalipas ng ilang panahon, maraming tao ang nagiging negatibo at nawawalan na ng anumang motibasyon; naaapektuhan nito ang hinirang na mga tao ng Diyos sa paggawa nila ng kanilang tungkulin. Kung hindi maganda ang mga resulta ng buhay iglesia, ito ay pangunahing dahil ang mga lider at diyakono ng iglesia ay hindi marunong gumawa ng gawain ng iglesia. Ito ay isang sitwasyon. Ang isa pang sitwasyon ay kapag ang mga anticristo at masasamang tao ang may hawak ng kapangyarihan at nagdudulot ng mga pagkakagulo sa iglesia, at nangyayari ito paminsan-minsan. Kapag ang mga lider ng iglesia ay hindi marunong gumawa ng gawain, at may mga anticristo at masasamang tao ring may hawak ng kapangyarihan, palaging bumubuo ng mga paksiyon, nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian, at pinahihirapan at sinusupil ang iba, dahil dito, may ilang kapatid na sinserong nananampalataya sa Diyos at handang gumawa ng tungkulin nila ang sinusupil, pinahihirapan, at ibinubukod. Gusto nilang gawin ang tungkulin nila pero wala silang pagkakataon, kaya sila ay nagiging negatibo at mahina. Ang mga taong ito na sinserong nananampalataya sa Diyos ay hindi nasisiyahan kapag nakikipagtipon sa mga anticristo at kasabwat ng mga ito. Palaging gusto ng mga anticristo na humawak ng kapangyarihan at itatag ang kanilang sarili. Kapag dumadalo sa mga pagtitipon ang mga sinserong nananampalataya sa Diyos, gusto nilang mas makaunawa pa sa katotohanan at ibahagi ang kanilang mga karanasan, pero sinusupil sila ng mga anticristo at hindi sila binibigyan ng pagkakataon ng mga ito. Dahil dito, nagiging magulo ang buhay iglesia; nahahati-hati ang mga tao at hindi na kasiya-siya ang mga pagtitipon. Ang kaunting sigasig at pagmamahal na mayroon ang mga tao ay nawawala, at ayaw na nilang gumampan ng kanilang tungkulin. Ang hindi magagandang resulta ng buhay iglesia ay maaaring dahil sa alinman sa mga kadahilanang ito. Ito ang maaari ninyong isipin at husgahan. Kung ang kongklusyong nabubuo mo sa pamamagitan ng paghusga ay may kaugnayan sa tunay na sitwasyon, kahit bahagya lang itong nauugnay o tumutukoy lang sa isang posibleng problema, ito pa rin ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na makagawa ng mga paghusga. Sa pinakamababa, ang kongklusyon at opinyong nabubuo mo sa pamamagitan ng paghusga ay may kaugnayan sa tunay na sitwasyon, at hindi doktrina, hungkag, o isang bagay na hindi umiiral kailanman. Pinatutunayan nito na mayroon kang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Kung ang mga kongklusyong nabubuo mo tungkol sa bawat usapin ay hindi umaayon sa mga normal na pattern ng pag-unlad ng mga bagay o sa kung ano ang kinalalabasan ng anumang usapin sa tunay na buhay, at purong imahinasyon lang, hungkag, hindi makatotohanan, at hindi totoo, at walang kaugnayan sa mga tunay na sitwasyon, nangangahulugan ito na wala kang abilidad na makagawa ng mga paghusga o madalas kang nagkakamali sa paghusga. Kung gayon, paano naman ang ikalawang paghusga na nabanggit ninyo kanina, na ang hindi magagandang resulta ng buhay iglesia ay dahil sa mahinang kakayahan ng mga tao sa iglesiang ito at sa hindi nila pagmamahal sa katotohanan—anong uri ng paghusga ito? (Ito ay isang pagkakamali sa paghusga.) Ito ay tinatawag na pagkakamali sa paghusga. Kung hindi mo ganap na maarok ang mga sitwasyong madalas na nangyayari sa gayong mga usapin—ibig sabihin, ang iilang pinakaposibleng mangyari na sitwasyon—at isang sitwasyon lang ang naiisip mo sa pamamagitan ng paghusga, o nakakaisip ka ng mga posibleng sitwasyon pero naiisip mo rin ang mga imposibleng sitwasyon, ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang iyong abilidad na makagawa ng mga paghusga ay katamtaman. Ang isang taong may katamtamang abilidad na makagawa ng mga paghusga ay may ilang kaisipan tungkol sa isang usapin pero hindi siya makatiyak. Sa gayong mga kaso, hindi tumpak ang paghusgang ginagawa niya. Kung ang mga paghusga ng isang tao ay minsang tama at minsang mali, at ang ilan ay umaayon sa tunay na sitwasyon samantalang ang iba ay hindi, pero ang mga hindi tumpak na paghusga ay medyo mas madalas, ipinapahiwatig nito na mahina ang kanyang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ipagpalagay na ang mga kongklusyong nabubuo niya sa pamamagitan ng paghusga ay ganap na hungkag, hindi talaga naaayon sa mga pattern ng pag-unlad ng mga bagay, at lalong hindi umaayon sa mga karaniwan o madalas na nangyayaring penomenon, ganap na walang kaugnayan sa mga katunayan. Ang mga paghusga niya ay walang iba kundi mga pantasya, walang anumang koneksyon ang mga ito sa mga pattern ng pag-unlad ng mga bagay o sa pagkataong diwa mismo, at ganap na hindi tugma ang mga ito sa konteksto sa tunay na buhay at sa nakapalibot na kapaligiran. Ibig sabihin, ipagpalagay na ang mga paghusga niya ay nakahiwalay sa realidad—ang naiisip niya sa pamamagitan ng paghusga ay hindi maaaring mangyari kailanman sa tunay na buhay, at ang sinasabi niya ay hindi talaga ang diwa ng problema. Kung gayon, ang taong ito ay walang abilidad na makagawa ng mga paghusga.

Para masuri kung ang isang tao ay mayroong abilidad na makagawa ng mga paghusga, ang pangunahing bagay ay ang tingnan kung tumpak ang mga paghusga niya sa iba’t ibang uri ng tao at sa iba’t ibang uri ng bagay. Halimbawa, sabihin natin na nakakita ka ng isang taong umiiyak at hindi mo alam kung bakit. Nakikita mong umiiyak siya nang labis na naaagrabyado at napakalungkot, at paminsan-minsan din siyang nagdarasal at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi siya tumutugon sa sinumang kumakausap sa kanya. Hiniling sa iyong husgahan kung ano ang nangyayari sa taong ito, at sinabi mong, “Maaaring nangungulila siya sa kanyang tahanan. Nagkasakit ang kanyang ina kamakailan, kaya gusto niyang umuwi.” Tumpak ba ang paghusgang ito? May ilang taong nagsasabi, “Maaaring siya ay nakakaramdam ng pagkanegatibo. Kadalasan, kapag umiiyak ang mga tao, ito ay dahil nasaktan ang damdamin nila. Halimbawa, umiiyak ang mga tao kapag inaapi o niloloko sila. Kapag nahaharap siya sa isang isyu at hindi tinrato nang patas, palagi siyang umiiyak, at ayaw niyang makipag-usap o makisalamuha sa iba. Ito ay isang pagpapamalas ng pagkanegatibo.” May iba namang gumagawa ng ganitong paghusga: “Dati-rati, madalas siyang nangangaral ng ebanghelyo at gumagawa ng tungkulin niya sa labas, pero ngayon ay matagal na niyang ginagawa ang tungkulin niya sa loob, at maaaring hindi siya sanay rito at pakiramdam niya ay nasasakal siya.” May iba pa bang mga posibilidad? Sinasabi ng ilang tao, “Baka hindi siya nakakain ng karne kahapon, kaya nalungkot siya at umiiyak.” Sinasabi ng iba, “Kahapon ay lumapit siya sa akin para kausapin ako. Akala ko ay dumaraan lang siya, kaya sinulyapan ko siya at hindi ko siya kinausap. Maaari kayang nagalit siya dahil doon? Umiiyak kaya siya dahil dito?” Paano dapat husgahan ang usaping ito sa paraang umaayon sa aktuwal na sitwasyon? Madali ba itong husgahan? (Maaari akong makagawa ng ilang paghusga. Ang ilang dahilang kababanggit lang ngayon—pangungulila sa tahanan, nasaktang mga damdamin, o mabigat at nasasakal na lagay ng loob—ang lahat ng kalagayang ito ay posibleng magdulot sa isang tao na umiyak. Gayumpaman, ang maliliit na bagay tulad ng hindi makakain ng karne o hindi mapansin kapag kinakausap ang isang tao ay hindi dapat sapat para mapaiyak ang isang tao.) Ano ang mga dahilan na maaaring magpaiyak nang husto sa isang tao? Mga hinanakit, kalungkutan, pangungulila sa isang tao o bagay, o pakiramdam ng pagkakautang. Kaya, dapat mo siyang tanungin: “Bakit ka umiiyak? Umiiyak ka ba dahil hindi ka tinrato nang patas at nalulungkot ka, o dahil pinagninilayan mo ang sarili mo at pakiramdam mo ay napakalaki ng pagkakautang mo sa Diyos?” Sa pamamagitan ng ganitong taos-pusong pakikipag-usap sa kanya, malalaman mo kung bakit siya umiiyak. Sa madaling salita, hindi posible na umiiyak siya dahil hindi siya nakakain nang mabuti o hindi siya nakakain ng karne, ni posible na umiiyak siya dahil hindi siya pinansin ng ibang mga tao o dahil tiningnan siya nang masama. Siyempre, sa ilalim ng mga tipikal na sitwasyon, ang pagdurusa ng kaunting paghihirap ay hindi makapagpapaiyak sa isang tao, at ang paminsan-minsang pagiging hindi masyadong maganda ng lagay ng loob ay hindi rin makapagpapaiyak sa kanya. Ang mga bagay na maaaring magpaiyak sa isang tao ay karaniwang ang ilang nabanggit lang na sitwasyon kanina. Maaari mong husgahan ang dahilan kung bakit siya umiiyak batay sa mga karaniwang sitwasyong iyon, at pagkatapos ay makakagawa ka ng paghusga batay sa mga karaniwan at palagiang pagpapamalas niya—tulad ng katunayan na sa pangkalahatan ay hindi siya umiiyak maliban kung nahaharap siya sa isang malungkot na bagay o isang bagay na nakakasakit sa kanya, na hindi siya madaling maluha, at na umiiyak lang siya kapag nagsasalita tungkol sa mga partikular na nakalulungkot na usapin at bagay na partikular na umaantig sa kaluluwa niya, o kapag nakagawa siya ng mali o nakagawa ng mabigat na pagkakamali at pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos—sa pamamagitan ng paghusga batay sa kontekstong ito, malalaman mo halos kung bakit siya umiiyak. Ang isang sitwasyon ay na iiyak siya kung may malubhang karamdaman o namatay ang isang kapamilya, ang isa pa ay kung siya mismo ay nagdusa sa isang malubhang karamdaman at labis na nagdadalamhati. O kaya naman, maaaring umiyak siya dahil may nagawa siyang mali at kaya nakagawa siya ng pagsalangsang, at pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos, gusto niyang gawin ang pinakamakakaya niya para magbago pero mayroon pa rin siyang mga kahinaan at hindi niya mapagtagumpayan ang mga ito; kapag nagsama-sama ang masasalimuot na emosyong ito, hahantong ito sa pag-iyak niya. Ang mga paghusgang ito ay medyo naaayon sa aktuwal na sitwasyon. Sa pamamagitan ng paghusga batay sa kanyang mga palagiang pagpapamalas at mga katangian ng kanyang personalidad, matutukoy mo ang ugat na sanhi kung bakit siya umiiyak ngayon. Sa ganitong paraan, magiging medyo mas tumpak ang paghusga. Sa isang banda, sa pamamagitan ng pag-unawa sa tayog ng gayong mga tao at sa ilan sa mga problemang kasalukuyan nilang nararanasan, at sa kabilang banda, sa mga depekto sa mismong pagkatao nila, gayundin sa ilan sa katiwalian at mga kahinaan na madalas nilang ibinubunyag, sa pangkalahatan ay mapaliliit mo ang saklaw, at mahuhusgahan mo kung ano ang ugat na sanhi ng problema ng taong ito sa loob ng saklaw na ito. Ang paggawa ng paghusga sa ganitong paraan ay magiging medyo tumpak.

Ngayon ay tapos na tayong magbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan, katamtamang kakayahan, at mahinang kakayahan sa usapin ng kanilang abilidad na makagawa ng mga paghusga, hindi ba? (Oo.) Mayroon ding kategorya ng mga taong may pinakamahinang kakayahan. Anuman ang mangyari o anuman ang makita nilang gawin ng isang tao, hindi alam ng gayong mga tao kung paano gumawa ng paghusga. Bakit hindi? Dahil ang kanilang kakayahan ay napakahina, wala silang abilidad na makagawa ng mga paghusga, at hindi nila alam kung paano maghusga ng mga bagay. Halimbawa, ipagpalagay na may narinig silang isang tao na nagsasabi ng isang negatibong bagay. Pagdating sa kung ano ang diwa at kalikasan ng negatibong pahayag na ito, hindi nila alam kung saan ibabatay ang paghusga nila—wala silang ideya. Ito ay hindi pagkaalam kung paano pag-isipan ang mga problema at hindi pagkaalam kung paano husgahan ang mga bagay. Kapag nakikita nila ang isang taong gumagawa ng isang bagay, hindi nila mahusgahan kung ano ang kalikasan ng usaping ito, o kung kumusta ang karakter ng taong ito batay sa diwa ng usapin; hindi nila alam kung paano husgahan ang mga bagay na ito batay sa kanilang karanasan ng pag-asal, at lalong hindi batay sa mga salita ng Diyos. Samakatwid, wala silang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ano ang ugat na sanhi ng kawalan ng kakayahan na husgahan ang mga bagay? Ito ay na ang ganitong uri ng tao ay hindi alam kung paano pag-isipan ang mga problema, at pagdating sa pagtingin sa mga tao at bagay, hindi nila alam kung aling aspekto ng mga ito ang dapat tingnan, kung paano tingnan ang mga ito, o sa kung anong batayan titingnan ang mga ito. At, hindi nila alam kung anong mga kongklusyon ang bubuuin pagkatapos, kung paano bumuo ng mga kongklusyon, o kung paano harapin at pangasiwaan ang ganitong uri ng tao o usapin kapag nakabuo na sila ng kongklusyon. Ang kanilang isipan ay blangko o malabo. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ang pangunahing problema ng mga taong walang abilidad na makagawa ng mga paghusga ay na hindi nila nauunawaan o naiintindihan ang anuman sa mga prinsipyo, at wala pa nga silang karanasan sa pag-asal. Samakatwid, kapag nakikisalamuha sila sa iba’t ibang uri ng mga tao, hindi nila alam kung anong mga uri ng tao ang karapat-dapat na makaugnayan at kung anong mga uri ang hindi; hindi nila alam kung sinong mga tao ang mga medyo mabait at mayroon ding ilang kalakasan na maaari nilang matutunan para mapunan ang kanilang mga kakulangan at ang mga makakatulong at magiging kapaki-pakinabang sa kanila; kung aling mga uri ng tao ang maaaring pagtiisan at makasundo nang labag sa loob; at kung aling mga uri ng tao ang may gayong napakasamang pagkatao na ang pakikipag-ugnayan sa kanila ay madaling makapagdulot ng gulo o mga alitan, at kaya dapat layuan ang mga iyon—wala silang alam tungkol sa lahat ng ito. Sa madaling salita, ang mga taong ito na walang abilidad na makagawa ng mga paghusga ay walang alam at hindi kayang husgahan ang sinumang tao o anumang usapin. Pero may sarili rin silang pamamaraan, isang nakatakdang panuntunan na sinusunod nila. Sinasabi nila, “Kahit sino pa ang kasama kong mangasiwa ng mga bagay o kinakausap ko, binabalewala ko lang siya sa pamamagitan ng pakikipagbiruan. Hindi ako nagtatanim ng sama ng loob sa kahit sino. Siya man ay isang mabuti o masamang tao, tunay man siyang nananampalataya sa Diyos o hindi nananampalataya, minamahal man niya ang katotohanan o tutol rito—nakakasundo ko siya, at wala akong sinumang napapasama ng loob. Kapag nakikita ko ang masasamang tao, iniiwasan ko sila; kapag nakikita ko ang maaamong tao, inaapi ko sila.” Ito mismo ang kanilang maladiyablong lohika. Hindi nila alam kung aling mga uri ng tao ang dapat nilang makaugnayan, kung aling mga uri ng tao ang dapat nilang layuan, at kung aling mga uri ng tao ang hindi nila kailanman dapat makaugnayan o pakitunguhan. Hindi nila inilalapat ang pinakakaunting pagkilatis at pare-pareho ang turing nila sa lahat ng tao, pare-pareho ang pagtrato nila sa lahat. Kahit sino pa ito, basta’t wala silang magandang opinyon sa taong iyon, itinuturing nila ang taong iyon bilang tagalabas o kaaway. Gaano man kabuti ang isang tao, basta’t wala silang napapakinabangan mula rito, tinatrato nila ang taong iyon nang may pagkamapagbantay. Hindi nila binubuksan ang kanilang puso sa sinuman at mapagbantay ang pagharap nila sa lahat ng tao. Ang gayong mga tao ba ay may mahusay na kakayahan o mahinang kakayahan? (Mahinang kakayahan.) Dahil mahina ang kanilang kakayahan, paanong may ganoon pa rin silang mga kaisipan? Ang gayong mga tao ay sadyang makitid ang pag-iisip. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong walang kakayahan at ng mga may kapansanan sa pag-iisip? Ang mga taong walang kakayahan ay may pagkukulang sa pag-iisip at tunggak. Bukod sa pagpapakain sa sarili at pagbibihis, pagpapanatili ng reputasyon, at pagkikimkim ng ilang kalkulasyon para makapanamantala at hindi magdusa ng anumang mga pagkalugi, wala silang anumang kakayahan. Sa kabilang banda, ang mga taong may kapansanan sa pag-iisip ay wala man lang anumang mga kalkulasyon para sa pagprotekta sa sarili nilang mga interes o pananamantala—sadyang wala talaga silang mga kaisipan. Ang mga taong may pagkukulang sa pag-iisip at tunggak, bukod sa pagkakaroon ng ilang kalkulasyon, ay ganap na walang abilidad na manatiling buhay, walang kakayahan, at walang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Samakatwid, walang mga prinsipyo sa pagtrato nila sa sinumang tao; bumabatay lang sila sa kanilang mga damdamin. Basta’t nararamdaman nilang hindi ka mabuti sa kanila, iiwasan ka nila, makakaramdam sila ng paglaban sa iyo, at kamumuhian ka nila sa puso nila, at tatanggihan ka. Kahit gaano pa kabuti ang loob mo para sa kanila o paano mo man sila tulungan, basta’t hindi nila ito malinaw na napapansin, hindi nila mararamdamang palakaibigan ka sa kanila o na hindi ka talaga mapaminsala sa kanila. Hindi nila matukoy kung tama ba o mali, wasto ba o hindi wasto, positibo ba o negatibo ang mga tao, pangyayari, at bagay—hindi nila mahusgahan ang mga bagay na ito. Nagtataglay lang sila ng ilang kalkulasyon. Kapag nakapanamantala na sila, masaya sila; kapag hindi sila nakapanamantala, pakiramdam nila ay nagdusa sila ng pagkalugi, natrato nang hindi patas, at pinagtawanan ng iba, at nagpapasya sila na sa susunod ay hindi na nila hahayaan ang iba na makapanamantala, o hahayaan ang iba na makapagpakitang-gilas o mangibabaw sa harap nila—hindi nila bibigyan ng anumang mga pagkakataon ang iba. Sabihin mo sa Akin, ang pagkakaroon lang ba ng ganitong mga kalkulasyon sa isipan nila ay matatawag na pagkakaroon ng kakayahan? Medyo mas mainam lang ito kaysa sa pagiging may kapansanan sa pag-iisip, pero pagdating sa mga abilidad, wala silang ganoon—wala silang anuman sa iba’t ibang abilidad para sa pangangasiwa ng iba’t ibang uri ng usapin. Sila ay sadyang tunggak at may pagkukulang sa pag-iisip. Ang gayong mga tao ay walang kakayahan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang tanging bagay na mayroon ang mga taong iyon na wala ang mga may kapansanan sa pag-iisip ay ang mga kalkulasyong ito; ang mga may kapansanan sa pag-iisip ay wala man lang ng mga iyon. Kapag naririnig ito ng gayong mga tao, hindi sila kumbinsido; sinasabi nila, “Sinasabi mong wala akong abilidad na makagawa ng mga paghusga? Pagtabihin mo ang ilang US na dolyar at ginto, at tingnan mo kung hindi ko matutukoy ang mga iyon. Kaya kong mapag-iba ang mga iyon! Dilaw ang ginto, at papel na pera ang US na dolyar! Pagtabihin mo ang platinum at pilak, at tingnan mo kung hindi ako makagawa ng paghusga! Magkaiba ang pagkaputi ng platinum at pilak—kaya kong matukoy iyon!” Hindi ba’t kahangalan ito? Malaking kahangalan ito. Kaya lang nilang mapag-iba ang mga bagay na ito, pero gusto na nilang magpakitang-gilas tungkol dito at patunayang hindi sila hangal. Napakarami na nilang ginawang kahangalan, napakaraming bagay na nagpapakita ng kawalan ng kakayahan—bakit hindi nila tinatalakay o sinusubukang maunawaan ang mga iyon? Ito mismo ay dahil wala silang kakayahan, dahil napakahina ng kanilang kakayahan, at hindi nila matukoy o mapag-iba ang mga bagay na ito, kaya nila binabanggit ang isa o dalawang bagay na hindi kayang gawin ng mga taong may kapansanan sa pag-iisip, para patunayang wala silang kapansanan sa pag-iisip, para patunayang may kaunti silang talino at kakayahan. Hindi ba’t kahangalan ito? Higit nitong pinatutunayan ang kanilang kahangalan. Kompleto na rin ngayon ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan. Ano ang pangunahing sukatan kung ang isang tao ba ay mayroong abilidad na makagawa ng paghusga? Ito ay kung mayroon ba siyang pag-iisip ng normal na pagkatao. Kung wala kang pag-iisip ng normal na pagkatao, hindi mo magagawang husgahan ang anumang bagay. Kung mayroon kang pag-iisip ng normal na pagkatao, maaaring maging mali pa rin ang mga paghusga mo, pero sa pinakamababa, ipinapakita nito na mayroon ka ng abilidad na makagawa ng mga paghusga at taglay mo ang abilidad na mag-isip ng normal na sangkatauhan. Ang mga paghusgang ginagawa mo ay hindi haka-haka, hindi palagay, hindi gawa-gawa, ni hindi rin pagbuo ng hinuha. Sa halip, ang mga ito ang iba’t ibang kongklusyon at opinyon na nabubuo sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa lahat ng aspekto ng isang usapin. Ito ang tinatawag na abilidad na makagawa ng mga paghusga.