Paano Hangarin ang Katotohanan (6) Ikalawang Bahagi

Ika-apat na Bilang: Ang Abilidad na Tanggapin ang mga Bagay

Ano ang ikaapat na abilidad? Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay may ilang pagkakaiba mula sa abilidad na makaunawa ng mga bagay at mula sa abilidad na makaarok. Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay kinabibilangan, kapag may mga bagong bagay na lumilitaw, ng kung kaya mo bang makilatis kung positibo o negatibo ang mga ito, at kung anong pakinabang o pinsala mayroon ang mga ito para sa iyong buhay, gawain, at pananatiling buhay, pati na kung paano mo tinitingnan ang mga ito, paano mo tinatrato ang mga ito, at paano mo inilalapat ang mga ito. Kung mahusay ang kakayahan mo, kapag may mga bagong bagay na lumilitaw, magiging partikular kang sensitibo at partikular na may persepsiyon. Matapos mabilis na makatanggap ng impormasyon tungkol sa isang bagong bagay, magagawa mong tukuyin kung anong pakinabang o pinsala mayroon ito para sa mga tao, o kung anong mga disbentaha mayroon ito. Kung kapaki-pakinabang ito sa isang partikular na isyu sa iyong tunay na buhay, agad mong mailalapat ang mga kalakasan nito; kung mapaminsala ito, maaari mo ring iwasan ang pinsala o mga disbentaha nito para sa mga tao. Ibig sabihin, mayroon kang partikular na antas ng pagtanggap sa mga bagong bagay, at mabilis mong nakikilatis ang mga bagong bagay na negatibo, mapaminsala sa mga tao, at may mga disbentaha—ito ay pagkakaroon ng abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ang pagkakaiba sa pagitan ng abilidad na tanggapin ang mga bagay, at ng abilidad na makaunawa ng mga bagay at abilidad na makaarok, ay naririto. Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay pangunahing tumutukoy sa pagiging sensitibo ng isang tao sa mga bagong bagay at sa abilidad niyang makilatis ang mga ito. Kung mabilis mong nakikilatis ang mga bagong bagay, mabilis mong natatanggap ang mga kalakasan at pakinabang ng mga ito at nailalapat mo ang mga ito sa tunay na buhay para maglingkod sa iyong buhay o gawain, at pagkatapos ay binibitiwan o inaalis mo ang mga lumang bagay na pinalitan ng mga bagong bagay na ito, nangangahulugan ito na nagtataglay ka ng abilidad na tanggapin ang mga bagay at isa kang taong may mahusay na kakayahan. Pagkatapos nito ay ang mga taong may katamtamang kakayahan. Ang gayong mga tao ay partikular na mabagal sa pagtanggap ng ilang bagong bagay na pumalit na sa mga lumang bagay, pati na ng mga bagong opinyon at mga bagong teknolohiya. Ano ang tinutukoy ng “mabagal” na ito? Tumutukoy ito sa katunayan na kapag ang isang bagong bagay ay lumaganap na, ginagamit na nang malawakan, at naging napakakaraniwan na ang termino para dito, saka lang nila nagagawang tanggapin ito. Wala silang persepsiyon sa mga bagong bagay at hindi nila makilatis kung ang mga ito ba ay mga positibong bagay o negatibong bagay. Kahit kapag lumilitaw ang mga positibong bagong bagay, sila ay lumalaban sa mga ito at hinahamak nila ang mga ito sa puso nila; palagi silang may sariling mga kuru-kuro at sariling mga saloobin, at palagi nilang inaayon ang sarili nila sa mga makamundong kalakaran, at sarado sila at hindi tumatanggap sa mga bagong bagay, tinatanggihan ang mga ito. Kapag lumaganap na nang malawakan ang isang bagong bagay, at marami nang tao ang nakaranas at nakatanto sa mga bentaha nito, at nakinabang na ang mga tao mula rito, saka lang nila sinisimulang tanggapin at ilapat ito. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Ang pagtanggap ng gayong mga tao sa mga bagong bagay ay napakapasibo; hindi ito isang aktibong pagtanggap. Ito ay dahil, sa isang banda, hindi sila sensitibo sa mga bagong bagay; sila ay manhid, atrasado, at sarado. Sa kabilang banda, ito rin ay dahil mayroon silang mga partikular na kuru-kuro at opinyon tungkol sa mga bagong bagay, mayroong saloobin ng pangmamaliit at paghamak sa mga ito. Ang subhetibong dahilan para dito ay na katamtaman ang kakayahan nila, at katamtaman ang abilidad nilang tanggapin ang mga bagay, kaya sila ay nagiging sobrang manhid; kapag lumilitaw ang mga bagong bagay sa harap nila, wala silang kamalayan, manhid sila, at walang saloobin ng aktibong pagtanggap sa mga ito. Dagdag pa rito, likas silang partikular na atrasado, at partikular na manhid at mapurol ang isip. Dahil sa dalawang dahilang ito ay mabagal silang tumanggap ng mga bagong bagay. Kapag maraming tao na ang gumagamit sa isang bagay, tinatalakay kung ano ang mga bentaha nito, kung ano ang kaginhawahan nito, kung ano ang epekto nito sa mga tao, at kung anong mga pakinabang ang tinutulutan nitong makamit ng mga tao, at nakita na nila ang lahat ng ito gamit ang sarili nilang mga mata—at nakita na rin ang mga tao sa paligid nila na personal itong danasin sa kung anong antas—saka lang nila dahan-dahang tinatanggap ito sa puso nila at sinisimulang gamitin ito. Anong uri ng kakayahan ang ipinapahiwatig nito? Ang abilidad ng gayong mga tao na tanggapin ang mga bagay ay katamtaman. Ang pagtataglay ng katamtamang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay nangangahulugan na ang kakayahan ng isang tao ay katamtaman. Halimbawa, sa pangangaral ng ebanghelyo o sa paggawa ng kaunting propesyonal na gawain, nangunguna ang ilang kapatid sa pagsubok at paglapat ng bagong pamamaraan o propesyonal na teknik. Mabilis nilang nadarama na napakabuti na gamitin ang propesyonal na teknik na ito, dahil gamit ang teknik na ito, ang pagiging epektibo nila sa paggawa ng tungkulin nila ay medyo mabuti at tumataas din ang pagiging mahusay nila. Pagkatapos ay agad nilang itinataguyod ang bagong teknik o pamamaraang ito, hinihikayat ang ibang mga kapatid na matutunan ito at ilapat ito. Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay magaling maghanap ng mga bagong teknik at pamamaraan sa paggawa ng tungkulin nila. Napakabilis nilang nagagawang mabatid nang malinaw at tumpak na suriin ang isang bagong bagay, at sunggaban ang pagkakataong ito, at nagagawa nilang ganap na tanggapin ang isang bagong teknik o pamamaraan, at ilapat ito sa gawain sa tunay na buhay. Pagdating naman sa kung ano ang mga kalakasan at kahinaan ng bagong bagay na ito at kung ano ang mga resultang puwede nitong makamit, kaya nilang patuloy na gumawa ng mga kongklusyon at pagkatapos ay gumawa ng mga pagbabago. Sa pamamagitan ng isang panahon ng pagtuklas, unti-unti nilang naaarok kung aling mga aspekto ng teknikal na propesyong ito o ng impormasyong ito ang maaaring ilapat sa gawain ng iglesia at alin ang hindi. Pagkatapos, unti-unti nilang pinauunlad ang bagong bagay na ito sa kanilang gawain ayon sa mga prinsipyo at sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Habang lalo nilang pinauunlad ang bagong bagay na ito, lalo itong bumubuti, at sa huli ay nagbubunga ito. Ito ay isang pagpapamalas ng mahusay na kakayahan. Gayumpaman, may ilang tao, sa pangangaral ng ebanghelyo, ang mahigpit na kumakapit pa rin sa orihinal na pamamaraan, nangangaral sa isa-sa-isa o dalawa-sa-isa na pamamaraan, o umaasa lang sa dami ng bilang. Sila ay manhid at mapurol ang isip, at mabagal sa pagtanggap sa makabagong pamamaraan. Bagama’t pasalita nilang kinikilala na magandang pakinggan at maaaring isagawa ang makabagong pamamaraan, sa puso nila ay palagi silang may mga pag-aalinlangan. Natatakot sila na kung ilalapat nila ang pamamaraang ito, magbubunga ito ng hindi mabubuting resulta, kaya hindi sila nangangahas na sumubok. Hinihikayat sila ng iba, sinasabing, “Hindi mo na kailangang alalahanin pa ang lahat ng iyon. Nasubukan na namin iyon; nagbubunga ng napakagagandang resulta ang pagsasagawa sa ganoong paraan.” Pero hindi pa rin sila nangangahas na sumubok, at patuloy silang kumakapit sa orihinal na pamamaraan. Kapag maraming tao na ang gumagamit sa bagong paraan sa pangangaral ng ebanghelyo, nakapagkakamit ng mas maraming tao kada buwan at tumataas ang pagiging mahusay, saka lang sila atubiling nagdedesisyon na subukan ito, pero paunti-unting hakbang lang ang ginagawa nila at hindi sila nangangahas na ganap na baguhin ang kanilang mga plano at estratehiya. Ito ay pagiging masyadong mabagal sa pagtanggap sa mga bagong bagay; ito ay pagiging katamtaman ng kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay may mas masahol pang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Hindi nila malinaw na naiintindihan ang isang bagong bagay, hindi nila ito mahusgahan, at hindi nila alam kung paano ito tratuhin. Sa puso nila, sila ay lumalaban, iniisip na ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay hindi dapat tumanggap ng mga bagong bagay, at hindi dapat tumanggap ng bagong impormasyon at mga teknolohiya. Kita mo, sarado talaga ang kanilang isipan. May mga tao mula sa ilang denominasyon na hanggang ngayon ay hindi gumagamit ng kuryente, hindi nanonood ng telebisyon, at hindi gumagamit ng mga computer o anumang mga produktong elektroniko. Kapag lumalabas sila, hindi sila gumagamit ng modernong transportasyon; ni hindi sila gumagamit ng mga bisikleta. Ano ang sinasakyan nila? Mga kariton na hila ng baka o kabayo, na nambubulabog ng alikabok habang umaandar. Tinatanong ng ilang tao, “Bakit hindi ka sumasakay ng bisikleta o ng kotse?” Sinasabi nila, “Gawa ng tao ang mga bagay na iyon. Natatakot kami na hindi magugustuhan ng Diyos kung gagamitin namin ang mga iyon.” Ito ay pagkakaroon ng mahinang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ang mga taong may mahinang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay tumitingin sa maraming bagay sa maling paraan. Naiipit sila sa luma nilang mga gawi, kumakapit sa sarili nilang mga pananaw, lumalaban sa lahat ng bagong bagay. Ang pagiging lumalaban nila ay isang problema mismo sa kanilang pag-iisip at isipan. Ano ang ipinapahiwatig ng pagkakaroon ng gayong problema? Sa konserbatibong pananalita, ipinapakita nito na masyadong katamtaman ang kakayahan ng gayong mga tao. Kung patuloy silang hindi makatanggap ng mga bagong bagay, mahina ang kakayahan nila, at sarado ang isipan nila. Naniniwala silang ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, at na anumang mga salita ang sinabi ng Diyos, ang parehong mga salita lang na iyon ang sasabihin ng Diyos magpakailanman, at anumang gawain ang ginawa ng Diyos, ang parehong gawain lang din na iyon ang gagawin ng Diyos magpakailanman. Tungkol naman sa sangkatauhan at kapanahunang ito, naniniwala sila na kung ano ang una nilang nakita at naranasan ay mananatiling hindi nagbabago magpakailanman at palaging magiging ganoon. Halimbawa, 20 o 30 taon na ang nakalilipas, may partikular na kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pagkaunawa nila sa kanilang pananamit. Naniniwala sila na ang mga materyal na gawa sa bulak ay purong natural at na ang lahat ng uri ng telang gawa sa bulak ay maganda; maging ito man ay mga cotton-padded jacket, T-shirt, o panloob na damit, basta’t gawa ito sa bulak, mas maganda ito kaysa sa mga synthetic fiber. Pinanghahawakan talaga nila nang mahigpit ang paniniwalang ito. Gayumpaman, makalipas ang 20 o 30 taon, umunlad na ang industriya ng tela, at lumitaw na ang maraming telang katulad ng bulak, pati na ang iba’t ibang kasuotang gawa sa synthetic fiber. Maraming telang mas maganda kaysa sa telang bulak; mas nakakahinga ang katawan sa mga ito, mas mabilis magtanggal ng init, mas mabilis sumipsip ng tubig, at hindi nasisira ang hugis, lumiliit, o kumukupas paano man labhan ang mga ito. Dagdag pa rito, partikular na komportable at magaan na isuot ang mga ito, nang hindi nagdudulot ng anumang pinsala sa balat. Pero may ilang tao na hindi pa rin matanggap ang mga synthetic fiber. Naniniwala pa rin silang ang telang gawa sa bulak lang ang maganda dahil ang bulak ay itinatanim sa lupa, nilikha ng Diyos, at natural, samantalang ang mga synthetic fiber ay gawa ng tao. Nabibigo silang mapagtanto na bagama’t ang bulak ay inihanda ng Diyos at ang pinakamaganda, nalason na ang lupa, at lalong lumalakas sa kada henerasyon ang mga cotton bollworm na sumisira sa bulak. Hindi malutas ng karaniwang pestisidyo ang problema. Sa huli, kailangang sumailalim ang bulak sa espesyal na pagdedes-impeksiyon para hindi magdulot ng pangangati ang pagsusuot nito. Kapag nades-impeksiyon nang maayos, nagiging mahal ang pananamit, kaya kailangan ding lubos na tumaas ang presyo sa pagbenta. Kapag hindi ito maayos na nades-impeksiyon, hindi ito kasingganda ng pagsusuot ng pananamit na gawa sa synthetic fiber. Kita mo, napakaganda na ngayon ng kalidad ng synthetic fiber na damit; maraming propesyonal na atleta ang nagsusuot nito, at napakapositibo ng lahat ng feedback. Pero ang ilang tao, pagkatapos itong marinig, ay hindi pa rin ito tinatanggap at nananatiling kumbinsido na mas maganda ang tela na gawa sa bulak. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mangmang at matigas ang ulo? (Oo.) Ang kamangmangan at katigasan ng ulo na ito ay problema sa kanilang pagkatao. Kung gayon, kumusta ang kakayahan nila? (Hindi mahusay ang kakayahan nila.) Kapag lumitaw ang isang bagong bagay sa harap ng isang tao, ang saloobin niya sa paghusga kung tama ba o mali ito—para pagdesisyunan kung tatanggapin ba o tatanggihan ito—ay nakabatay sa kakayahan niya. Kung iniisip ng karamihan ng tao na tama ang bagong bagay, at siya ay sumusunod sa masa at pasibo itong tinatanggap, sa pinakamainam, ang gayong tao ay may katamtamang kakayahan. Kung hindi niya makilatis kung tama ba o mali ang isang bagong bagay, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa mga tao, at kung ano ang mga kalakasan at disbentaha nito kumpara sa mga lumang bagay na mahigpit niyang pinaniwalaan noon, hindi makilatis o matukoy ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga bago at lumang bagay—kung hindi niya mahusgahan ang anuman sa mga ito, pinapatunayan nito na wala siyang abilidad na tanggapin ang mga bagong bagay; ibig sabihin, wala siyang abilidad na makaarok. Ang ganitong mga tao ay may mahinang kakayahan. Sa simula, kapag may lumilitaw na bagong bagay, wala silang partikular na antas ng persepsiyon. Kapag may naririnig sila tungkol sa bagay na ito, wala rin silang anumang abilidad na tanggapin ito. Sa huli, kahit atubili nilang tanggapin ang bagong bagay, ito ay dahil lang sa tulong at panghihikayat ng iba, na kailangan pang ikumpara ang mga bentaha at kalakasan ng bagong bagay sa mga lumang bagay, tinutulutan ang mga taong ito na may mahinang kakayahan na makita ng sarili nilang mga mata na may malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bagong bagay at mga lumang bagay at na ang bagong bagay ay halatang nakahihigit sa mga lumang bagay bago ito magawang tanggapin ng mga taong ito. Gayumpaman, sa puso nila, hindi pa rin malinaw na makita ng mga taong ito kung ano ang maganda tungkol sa marami pang ibang bagong bagay at nadarama pa rin nila na ang mga lumang bagay ay maganda at dapat na panghawakan. Tanging sa mga sitwasyong wala na silang mapagpipilian ay atubili at pasibo nilang tinatanggap ang mga bagong bagay. Ang mga taong ito ay may mahinang kakayahan. Ang isang taong may katamtamang kakayahan ay isang tao na, kapag binigyan ng ilang paalala, agad na nakakaunawa, napagtatanto niyang tinitingnan niya ang mga bagay sa isang baluktot at lipas na paraan. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Sa kabilang banda, ang taong may mahinang kakayahan ay nangangailangan ng paulit-ulit na mga paalala at pahiwatig at ng kolektibong panghihikayat mula sa lahat—kasama ang ilang katunayan at kongkretong halimbawa na nagpapakita kung paanong kapaki-pakinabang ang bagong bagay na ito sa mga tao pagkatapos itong gamitin nang malawakan—bago niya ito atubiling tanggapin at gamitin. Gayumpaman, sa pribado, pinipili pa rin niya ang lumang bagay. Isa itong taong may napakahinang kakayahan. Ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan ay nangangahulugang palagi siyang bigong kilalanin ang mga positibong epekto sa mga tao ng paglitaw ng mga bagong bagay, at hindi niya makita ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga bago at lumang bagay, at palagi siyang nabibigong matuklasan o malaman ang mga bentaha at pag-unlad ng mga bagong bagay at ang mga disbentaha at pagkaatrasado ng mga lumang bagay, at gayundin na palagi siyang kumakapit sa mga lumang kaisipan at pananaw niya; samakatwid, napakahina ng abilidad niyang tanggapin ang mga bagay. Ang mga taong may mahinang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang kumilatis sa diwa o ugat ng mga problema, paano mo man ipaliwanag sa kanila ang mga bagay. Ang ilan sa mga taong iyon na may pinakamahinang kakayahan ay hindi man lang masasabi na may anumang abilidad na tanggapin ang mga bagay—kapag nahaharap sa mga bagong bagay, hindi ito usapin ng kung subhetibo ba silang handang matutunan at tanggapin ang mga ito; sa halip, ang isyu ay na wala silang anumang persepsiyon sa mga ito. Sa totoong buhay man o sa paggawa ng tungkulin, anumang mga bagong bagay ang lumitaw, anumang mga bagay ang umusad, o anumang mga bagay ang umuunlad, wala silang persepsiyon o kamalayan. Ang kamangmangan ba nila sa mga bagay na ito ay dahil sa hindi pagbabasa ng balita o ng diyaryo? Hindi, ito ay dahil ang kakayahan nila ay sadyang walang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Para bang wala silang pakultad ng pagtanggap. Tungkol sa paglitaw ng kahit anong mga bagong bagay, sila ay manhid, mapurol ang isip, at walang persepsiyon. Kahit pa nakatira sila sa isang mataong lungsod, para bang nakatira sila sa isang baryo sa liblib na kabundukan. Ganap silang walang kamalayan sa anumang malalaki o maliliit na pangyayaring nagaganap sa buhay ng tao. Samakatwid, sa loob ng saklaw ng kanilang buhay, walang anumang mga bagong bagay ang makakaimpluwensiya sa kanilang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon. Para lang silang mga hayop. Ang mga bagay na nasa isip nila ay limitado sa maliit na saklaw ng mga bagay sa loob ng buhay nila, sa mga bagay na alam nila mula sa edad noong natututo silang tingnan ang iba’t ibang bagay sa mundo. Bukod doon, ang anumang bagay mula sa mundo sa labas ay walang anumang impluwensiya sa kanila, at wala silang interes dito. Anong klase ng mga tao ang mga ito? May pagkukulang ba sila sa pag-iisip? (Oo.) Siyempre, ang mga usaping tinatalakay natin dito ay mga napakaliit at di-mahalagang aspekto ng pang-araw-araw na buhay; hindi natin tinutukoy ang mga pambansang usapin o pangunahing pandaigdigang balita. Kahit ang paglitaw ng isang napakaliit na bagong bagay ay isang bagay na hindi nila namamalayan, wala silang ipinapakitang anumang antas ng pagtanggap. Ang “pagtanggap” na ito ay tumutukoy sa kung paano binabago ng paglitaw ng isang bagong bagay ang kanilang mga kaisipan at pananaw, kung paano ito nagdadala ng ilang pag-unlad sa kanilang buhay—kabilang na ang estilo ng pamumuhay, batayang kaalaman sa buhay, at iba pa—at kung paano ito humahantong sa ilang pag-unlad at pag-usad sa abilidad nilang pangasiwaan ang mga problema sa buhay. Ang mga taong walang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay palaging pinapanatili ang kanilang nakagawian at orihinal na paraan ng pamumuhay. Halimbawa, dati ay madalas na sinasabi ng mga tao na mainam ang nilagang tokwa na may kasamang spinach, nagbibigay pareho ng iron at calcium, at may isang taong lumaki sa pagkain nito sa ganoong paraan. Kalaunan, sinabi ng ilang tao na natuklasan ng mga mananaliksik sa pagkain na ang spinach ay may oxalic acid, at ang pagkain nito nang may kasamang tokwa sa loob ng mahabang panahon ay maaaring madaling magdulot ng pagkakaroon ng mga bato sa loob ng katawan. Pagkarinig nito, iniisip ng taong ito, “Ano ang oxalic acid? May sinuman bang nakakita ng oxalic acid sa spinach? Napakaraming taon ko nang kinakain ito at wala namang nangyari. Patuloy ko itong kakainin!” Hindi niya ito tinatanggap. Ito ay isang taong wala talagang antas ng pagtanggap sa mga bagong bagay o sa mga bagong pananaw. Sa kabaligtaran, ang mga taong may abilidad na tanggapin ang mga bagay, sa sandaling nakumpirma nilang may oxalic acid ang spinach, ay iisipin kung paano matatanggal ang oxalic acid, at sa pamamagitan ng pag-aalam ng higit pa tungkol dito, natutuklasan nila na ang saglit na paglalagay ng spinach sa kumukulong tubig ay nagtatanggal sa oxalic acid. Ang mga may abilidad na tanggapin ang mga bagay, kapag nakarinig ng bagong impormasyon, ay kikilatisin, sa pamamagitan ng pag-uusisa, kung gaano katotoo ang impormasyon at kung kapaki-pakinabang ba ito sa mga tao, at saka sila nagdedesisyon kung tatanggapin ba o tatanggihan ito. Magtatanong sila, aalamin ang mga detalyeng nasasangkot, at pagkatapos ay ilalapat ang impormasyong ito sa tunay na buhay, iniiwasan ang mga disbentaha o pinsalang dulot ng naturang bagong bagay. Sa kabilang banda, iyong mga taong naguguluhan na ganap na walang abilidad na tanggapin ang mga bagay, kahit anong bagong impormasyon ang marinig nila, ay walang pakialam ni hindi nag-uusisa tungkol dito, kundi direkta nila itong tinatanggihan, kumakapit lang sa mga luma at lipas na bagay. Sa huli, ito ay dahil sa problema sa kanilang kakayahan. Pagdating sa mga bagong bagay, hindi nila alam kung paano haharapin ang mga ito o kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang arukin, ni hindi nila isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan sa kanilang buhay o gawain ng pagtanggi sa mga bagong bagay. Sa madaling salita, palagi silang nagkikimkim ng isang mapaghinalang saloobin sa mga bagong bagay at bagong impormasyon, hindi nangangahas na tanggapin ang mga ito. Ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan.

Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang lutasin nang mag-isa ang mga problemang dinaranas nila sa buhay, gaano man karami ang lumitaw. Ang gayong mga indibidwal ay walang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Anuman ang usapin, anumang paraan ng paggawa sa mga bagay ang minana nila sa mga ninuno nila noong panahong iyon ay ganoon nila patuloy na ginagawa ang mga ito; wala silang anumang binabago at mahigpit nilang sinusunod ito hanggang sa huli. Kung pupunahin mo sila, sinasabi na mali na gawin ang mga bagay nang ganoon, hindi sila makikinig at magiging sobrang matigas pa nga ang kanilang ulo, nakikipagtalo sa iyo: “Ganito namin ito namana mula sa aming mga ninuno. Ganito ito lahat ginawa ng henerasyon ng lolo ko at ng mga magulang ko, at ganito ito ipinamana!” Ang mga bagay bang ipinamana ay tiyak na tama? Hindi nila isinasaalang-alang ang tanong na ito, na nagpapatunay sa mahinang kakayahan nila. Kung taglay nila ang kakayahan ng isang normal na tao, pag-iisipan nila ang tanong na ito. Kapag nakaririnig ng impormasyon tungkol sa mga bagong bagay, magpapakita sila ng partikular na antas ng pagtanggap. Kung hindi nila ipapakita ang mga pagpapamalas na ito, ibig sabihin nito ay wala silang antas ng pagtanggap. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Gaano man sila tumanda, palagi nilang sinasabi, “Noong panahon ng tatay ko, ganito ito. Noong panahon ng lolo ko at ng lolo ko sa tuhod, ganito ito. Kaya, sa henerasyon ko, dapat ganito pa rin ito.” Ang mga taong ito ay malinaw na mga fossil. Para silang mga bulok na troso—sarado ang pag-iisip! Wala silang abilidad na tanggapin ang anumang mga bagong bagay, na nagpapakita na napakahina ng kakayahan nila. Paano mo man ipaliwanag ang mga pag-unlad ng mga bagong bagay, hindi nila tatanggapin ang mga ito. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang mamuhay nang nagsasarili. Sa panlabas, maaaring mukhang kaya nilang asikasuhin ang sarili nilang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon nang nagsasarili, pero ang mga gawi at pamamaraang ginagamit nila ay mababa ang kalidad. Hindi nila inaakma ang pamumuhay nila sa panahon o sa paglago ng iba’t ibang larangan ng sentido komun at kaalamang nakamit ng sangkatauhan. Ang gayong mga tao ay iyong may mahinang kakayahan. Bagama’t hindi sila nagugutom, giniginaw, o nagdusa ng anumang malulubhang karamdaman, kung huhusgahan batay sa perspektiba nila sa pananatiling buhay at sa estilo ng kanilang pamumuhay, ang gayong mga tao ay namumuhay lang sa naguguluhang paraan, at maaari din silang iklasipika bilang mga may pagkukulang sa pag-iisip, mga tunggak, o mga hangal. Ang ilang tao ay hindi komportable kapag tinatawag silang may pagkukulang sa pag-iisip o tunggak, pero kahit hindi sila komportable, totoo ito. Talagang ganoon kahina ang kakayahan nila. Gusto Ko talagang magsabi ng isang bagay na magiging komportable ka, pero sadyang hindi mo taglay ang kakayahan para doon. Wala kang abilidad sa bawat aspekto at wala kang tama at tumpak na mga kaisipan o pananaw na umaayon sa pag-iisip ng normal na pagkatao sa anumang usapin. Hindi ba’t kawalan ito ng kakayahan? Sapat nang kagandahang-loob na hindi ka tawaging isang walang silbing tao. Kaunti na lang, ang ganitong uri ng tao na walang kakayahan ay magiging may kapansanan na sa pag-iisip. Ang mga taong may kapansanan sa pag-iisip ay wala man lang abilidad na alagaan ang sarili nila—lubos silang umaasa sa tulong ng iba. Kapag oras ng pagkain, kailangang subuan pa sila ng kanilang mga magulang, ni hindi nila mismo alam kung busog na ba sila o hindi. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay may pagkukulang sa pag-iisip; sila ay mga tunggak, at kaunti na lang ay magiging may kapansanan na sila sa pag-iisip. Ganito kahina ang kakayahan nila. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nakakaawa ang gayong mga tao? Hindi ba’t labis silang nakakainis? Ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang abilidad na matuto, walang abilidad na maunawaan ang mga bagay, at walang abilidad na makaarok; lalong wala silang abilidad na tanggapin ang mga bagay—wala silang abilidad sa anumang aspekto. Gaano mo man sila paliwanagan o bigyan ng mga halimbawa, hindi pa rin nila kayang maintindihan o maunawaan ang sinasabi. Hindi ba’t ito ay pagkukulang sa pag-iisip? Kahit paano ka magpaliwanag, hindi sila makaunawa. Kahit magsalita ka nang napakalinaw at magpaliwanag nang lubusan, hindi pa rin nila ito maintindihan, at iniisip pa nga nilang labis na nakakaasiwa ang sinasabi mo. Wala silang pag-iisip ng normal na pagkatao at nagsasabi pa nga sila ng mga maling kaisipan para pabulaanan ka. Walang paraan para mangatwiran sa gayong mga tao; bigyan mo na lang sila ng tatlong salita, “Hindi ka mapangatwiranan!” Ganito kahina ang kakayahan nila. Hindi ka ba mababalisa at maiinis sa kanila? Kahit ano pang sabihin mo sa gayong mga tao, wala itong silbi. Paano mo man subukan na bigyang-liwanag sila, hindi sila nakakaunawa. Kahit sa isang maliit na usapin, inaabot ng isang buong araw para bigyang-liwanag sila, at kung magsasalita ka nang medyo mas malalim, hindi sila makakaunawa; kailangan mong gumamit ng mga pinakamababaw na termino at magsabi nang marami bago sila makaunawa. Kahit pagkatapos nilang maunawaan ang isang usapin, kapag lumitaw ang isang katulad na isyu, hindi pa rin nila ito naiintindihan. Hindi ba’t ito ay pagkukulang sa pag-iisip? Gayumpaman, ang ganitong uri ng taong may pagkukulang sa pag-iisip ay hindi iniisip na siya ay hangal. Sinasabi niya, “Huwag mong isipin na ako ay hangal. Kung aalukin mo ako ng sampung yuan o sampung US na dolyar, tingnan mo kung alin ang pipiliin ko—tiyak na pipiliin ko ang US na dolyar dahil alam kong mas mataas ang halaga niyon!” Sinasabi naman ng iba, “Hangal ka pa rin.” Bakit sinasabi ng iba na hangal ang gayong mga tao? Dahil ang isang ordinaryong tao ay hindi gagamit ng ganitong halimbawa para patunayang hindi siya hangal, ni hindi siya gagamit ng gayon kababang pamamaraan para ipakita ito. Dahil mismo ang gayong mga tao ay may sukdulang mahinang kakayahan, walang mga pamantayan sa pagsuri sa sinumang mga tao, pangyayari, o bagay, at hindi alam kung paano suriin ang mga ito, hindi nila kailanman itinuturing ang sarili nila bilang hangal. Ang tunay na matatalinong tao, pagkatapos patuloy na magsikap at makibaka kasama ang isang grupo ng mga tao sa loob ng tatlo hanggang limang taon, ay mapagtatanto na sa anumang grupo, may mga mas magaling kaysa sa kanila, mga nakahihigit sa kanila. Palagi nilang nadarama na hindi sapat na mahusay ang kanilang sariling kakayahan, na hindi sapat na mahusay ang kanilang mga abilidad at talino. Palagi nilang nagagawang matuklasan ang sarili nilang mga kakulangan, nakikilala kung saan sila nagkukulang kumpara sa iba, at natutukoy ang kanilang sariling mga problema; palagi nilang nakikita ang mga kalakasan ng iba. Ang ganitong uri ng tao ay matalino at may kakayahan. Samantala, iyong mga taong walang kakayahan, kapag namumuhay kasama ang isang grupo ng mga tao, ay palaging nadarama na ang iba ay mas mababa kaysa sa kanila. Nakikita nila na ang ilang tao ay hindi man lang marunong magbaybay ng ilang salita o hindi makapag-type, at minamaliit nila ang mga ito bilang may mahinang kakayahan. Ginagamit nila ang mga di-mahalaga at maliit na bagay na ito para kumpirmahin na mahusay ang sarili nilang kakayahan. May mga tao rin na, kapag nakikita na ang iba ay hindi ganoon kapartikular sa sariling kalinisan o hindi marunong magdamit nang maayos, nagsasabing mahina ang kakayahan ng mga ito. Sila mismo ay medyo mas malinis, marunong magkunwaring pino, o may kaunting kaalaman at mga kalakasan, kaya itinuturing nilang mahusay ang sarili nilang kakayahan. Ang gayong mga tao ba ay matalino o hangal? Sila ay hangal. Pansinin kung paano magsalita ang matatalinong tao: “Bakit pumalpak na naman ako? Napagtanto ko na hangal ako!” Ang mga madalas magsabi na sila ay hangal at na may mga pagkukulang sila ay tunay na matatalino. Ang mga hindi kailanman umaamin na sila ay hangal at palaging nagsasabing, “Sa tingin mo ba ay hangal ako? Subukan mong manghingi ng pera sa akin at tingnan mo kung bibigyan kita!” ay tunay na hangal. Ang kahangalan, sa kolokyal na termino, ay tinatawag na “utak-biya.” Na nakapagsasalita sila ng gayong mga kahangalan—hindi ba’t kahangalan iyon? Hindi ba’t iyon ay pagiging “utak-biya”? (Oo.) Kapag may nakikita silang isang taong may ilang kapintasan o kahinaan, o na nag-iiwan ng mga butas sa ginagawa nito, pinagtatawanan nila ito kapag nakatalikod ito, sinasabing, “Paanong napakahangal niya?” Kapag may nakikita silang isang tao na puno ng mga kalkulasyon para sa pananamantala at mga tusong pakana, itinuturing nila itong matalino at may mahusay na kakayahan. Sinusuri ng tunay na matatalinong tao ang kalidad ng kakayahan ng isang tao at kung ito ba ay matalino o hangal batay sa iba’t ibang abilidad nito. Gayumpaman, ang mga hangal na tao ay tumitingin lang sa kung sino ang mapagkalkula, kung sino ang nananamantala at palaging umiiwas sa mga kawalan, at kung sino ang mautak sa pagsisilbi sa kanilang sarili sa pamamagitan ng panlalansi, naniniwala na ang lahat ng gayong tao ay matalino at may mahusay na kakayahan. Ang totoo, ang ganitong mga uri ng tao ay pawang hangal. Sinusuri ang kalidad ng kakayahan ng isang tao batay sa kung gaano ito mapagkalkula—ang gayong mga tao ay mga hangal mismo. Kanina lang, nabanggit natin ang isa sa mga pinakahangal na pagpapamalas: Sinasabi nila, “Kung aalukin mo ako ng sampung US na dolyar o sampung yuan, tingnan mo kung alin ang pipiliin ko. Siguradong hindi ko pipiliin ang yuan—huwag mong isiping hindi ko alam na mas mataas ang halaga ng US na dolyar! Kung aalukin mo ako ng karne o tokwa, tingnan mo kung alin ang kakainin ko. Sa tingin mo ba ay hangal ako para kainin ang tokwa at hindi ang karne? Alam kong mas masarap ang karne!” Sa katunayan, ang gayong mga tao ay mga hangal. Kung talagang ayaw mong makita ng iba ang kahangalan mo, tiyak na hindi mo dapat gamitin ang gayong mga halimbawa. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Madalas bang nakagagawa ng ganitong pagkakamali ang mga hangal na tao? (Oo.) Iniisip pa nga nila, “Tingnan mo kung gaano ako kagaling sa pagbibigay ng mga halimbawa! Kita mo kung gaano ako katalino? Sa tingin mo ba ay hangal ako? Ikaw ang hangal!” Ang pinakahangal na uri ng tao ay palaging nagpapakita ng kahangalan. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa abilidad na ito: ang abilidad na tanggapin ang mga bagay.