Paano Hangarin ang Katotohanan (6) Unang Bahagi

Ang 11 Pamantayan sa Pagsusuri sa Kakayahan ng Isang Tao

Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa isang pangunahing paksa tungkol sa paghahangad sa katotohanan, “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos.” Sa loob ng pangunahing paksang ito, tinalakay natin ang pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa gawain ng Diyos, kabilang na ang mga paksa tungkol sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sa loob ng mga paksang ito, nabanggit ang mga isyung nauugnay sa kakayahan. Nagbahaginan tayo nang kaunti tungkol sa mga isyung nauugnay sa kakayahan noong nakaraan, nilutas ang ilang kuru-kuro ng mga tao. Nang marinig ito, mayroon ba kayong tumpak na depinisyon sa kung ano ang kakayahan? Ano ba mismo ang kakayahan? Paano dapat unawain ang kakayahan? Paano mahuhusgahan ng isang tao kung ang kakayahan ba ng isang tao ay mahusay, katamtaman, o mahina? Anong mga aspekto ang dapat pagbatayan sa paghusga rito? Naghanap at nagnilay-nilay na ba kayo tungkol sa mga katanungang ito? (Napagnilay-nilayan ko na ang mga ito nang kaunti. Noong huling pagtitipon, nakipagbahaginan ang Diyos na para masuri ang kakayahan ng isang tao, kailangan nating tingnan ang kanyang pagiging mahusay at epektibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Dati, wala akong masyadong pagkaunawa sa aspektong ito at napagkakamalan ko pa ngang kakayahan ang mga kalakasan. Halimbawa, kapag nakikita ko na ang isang tao ay nagkakamit ng napakahuhusay na pang-akademikong resulta o bihasa sa ilang wika, iniisip ko na ipinapahiwatig nito na mayroon siyang mahusay na kakayahan. Sa pamamagitan ng pakikinig sa pakikipagbahaginan ng Diyos, saka lang ako nagkamit ng malinaw na paghusga tungkol sa kung ano ang tunay na mahusay na kakayahan at kung ano ang maituturing lang na ilang kalakasan. Kung sa panlabas, ang isang tao ay tila napakatalas pero napakahina ng kahusayan niya sa paggawa ng tungkulin at palagi niyang hindi maarok ang mga katotohanang prinsipyo, medyo mahina ang kakayahan niya.) Ang pagsusuri sa kakayahan ng isang tao batay sa pagiging mahusay at epektibo nito sa paggawa ng mga bagay—isa itong pangkalahatang paraan ng paglalarawan dito. Bukod sa pagtingin sa pagiging mahusay at epektibo niya sa paggawa ng mga bagay, may ilang partikular na pamantayan sa pagsusuri sa kakayahan ng isang tao: Una, ang kanyang abilidad na matuto. Ikalawa, ang kanyang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ikatlo, ang kanyang abilidad na makaarok. Ikaapat, ang kanyang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ikalima, ang kanyang kognitibong abilidad. Ikaanim, ang kanyang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ikapito, ang kanyang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ikawalo, ang kanyang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ikasiyam, ang kanyang abilidad na makagawa ng mga desisyon, na maaari ding tawagin bilang ang kanyang abilidad na magpatupad. Ikasampu, ang kanyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ikalabing-isa, ang kanyang abilidad na maging inobatibo. Kinabisado ba ninyo ang mga ito? (Oo.) Ilan ang mga ito sa kabuuan? (Labing-isa.) Basahin ninyo ang mga ito nang malakas. (Una, abilidad na matuto. Ikalawa, ang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ikatlo, abilidad na makaarok. Ikaapat, ang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ikalima, kognitibong abilidad. Ikaanim, ang abilidad na makagawa ng mga paghusga. Ikapito, ang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ikawalo, ang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ikasiyam, abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ikasampu, ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ikalabing-isa, abilidad na maging inobatibo.) Para husgahan ang kakayahan ng isang tao, sa pangkalahatan, kailangan mong tingnan ang dalawang aspektong ito: ang pagiging mahusay at epektibo niya sa paggawa ng mga bagay. Sa partikular, para suriin ang kanyang pagiging mahusay at epektibo sa paggawa ng mga bagay, kailangan mong makagawa ng isang komprehensibong pagtutukoy batay sa labing-isang pamantayang ito. Sa ganitong paraan, magagawa mong tumpak na husgahan kung kumusta ba talaga ang kakayahan ng isang tao. Siyempre, para suriin ang kakayahan ng isang tao, ang unang hakbang ay ang tingnan ang kanyang mga pangkalahatang abilidad sa iba’t ibang aspekto, at pagkatapos ay ang kanyang pagiging mahusay at epektibo sa paggawa ng mga bagay. Kung nagtataglay siya ng kakayahan at abilidad sa iba’t ibang aspekto, tiyak na gagawin niya ang mga bagay kapwa nang may pagiging mahusay at epektibo. Kung ang pagiging mahusay ng isang tao sa paggawa ng mga bagay ay mataas at ang pagiging epektibo niya ay mabuti, kapag sinuri mo ang mga abilidad niya sa bawat aspekto nang ayon sa labing-isang pamantayan, tiyak na magiging magaling din siya. Ang anuman sa labing-isang abilidad na ito, kapag indibidwal na pinagbatayan, ay hindi ganap na makatutukoy kung mahusay ba o hindi ang kakayahan ng isang tao—dapat itong mahusgahan nang komprehensibo. Siyempre, sa labing-isang abilidad na ito, alin ang pinakamahahalaga? Ang pinakamahahalaga ay ang abilidad na makagawa ng mga paghusga, ang abilidad na tukuyin ang mga bagay, ang abilidad na tumugon sa mga bagay, at abilidad na makagawa ng mga desisyon—kinabibilangan ito ng abilidad ng isang tao na kumilos pagkatapos maunawaan ang isang partikular na teorya. Ang mga natitirang abilidad ay tungkol sa pagkaarok at pagkatuto, na kinabibilangan ng isipan ng tao. Susunod, isa-isa nating pagbabahaginan ang labing-isang abilidad na ito.

Unang Bilang: Abilidad na Matuto

Ang una ay ang abilidad na matuto. Ang abilidad na matuto ay hindi lang tumutukoy sa pagkatuto sa isang larangan ng kaalaman; kasama rin dito ang pagkatuto ng isang wika, ng isang partikular na teknikal na kasanayan, pagkatuto at pagtanggap ng isang bagong bagay, at iba pa—lahat ng ito ay nasa saklaw ng abilidad na matuto. Halimbawa, kapag nag-aaral ng isang teknikal na kasanayan, sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, sa pangkalahatan ay kayang maging dalubhasa ng isang tao rito sa loob ng anim na buwan at pagkatapos ay gamitin ito nang nagsasarili. Kung kaya mo ring maging dalubhasa rito at gamitin ito nang nagsasarili pagkatapos ng anim na buwan ng pag-aaral, maituturing ito bilang pagkakaroon ng abilidad na matuto. Kung doble ng sa karaniwang tao ang haba ng panahong kinakailangan mo para matuto—kung pagkatapos ng anim na buwan ay hindi ka pa rin dalubhasa rito at kailangan mo pa ng dagdag na anim na buwan para matuto—ipinapahiwatig nito ang mahinang kakayahan. Ibig sabihin, tungkol sa abilidad na matuto, kung kaya mong maging dalubhasa sa teknikal na kasanayan o kaalaman sa loob ng normal na haba ng panahon, ibig sabihin nito ay katamtaman o higit sa katamtaman ang kakayahan mo. Gayumpaman, kung lumalagpas ka sa haba ng panahong ito at kailangan mo ng doble o triple pa ngang haba ng panahon para matutunan ang teknikal na kasanayan o kaalaman kumpara sa iba, mahina ang kakayahan mo. Kung doble o triple ang haba ng panahon na ginugugol mo kumpara sa karaniwang tao at hindi mo pa rin ito matutunan, at wala kang abilidad na matuto, ano ang sinasabi nito tungkol sa kakayahan mo? Kung walang abilidad na matuto, hindi mo natutugunan kahit ang pangkalahatang pamantayan sa pagkakaroon ng normal na kakayahan ng tao. Mas masahol ka pa kaysa sa pagkakaroon ng mahinang kakayahan—wala ka talagang kakayahan. Sa anong kategorya nabibilang ang hindi pagkakaroon ng kakayahan? Ang kawalan ng kakayahan ay nangangahulugan na ang isang tao ay nabibilang sa kategorya ng mga taong may pagkukulang sa pag-iisip at mga mangmang, na walang anumang abilidad na matuto. Ito ang nasasangkot sa abilidad na matuto.

Ikalawang Bilang: Ang Abilidad na Makaunawa ng mga Bagay

Ang ikalawa ay ang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ang abilidad na makaunawa ng mga bagay ay tumutukoy sa kapasidad ng isang tao na tukuyin ang mga prinsipyo at ang diskarte sa loob ng isang bagay na nakikita niya o madalas na nakakatagpo. Halimbawa, kapag nag-aaral ng isang propesyonal na kasanayan, kung makikinig ka sa teoretikal na instruksiyon at oobserbahan mo ang mga praktikal na demonstrasyon, at sa loob ng normal na haba ng panahon ay kaya mong alamin ang diskarte at ang mga prinsipyong nasasangkot sa kasanayang ito, maituturing ito na pagkakaroon ng mahusay na kakayahan at ng partikular na abilidad na makaunawa ng mga bagay. Kung hindi mo ito kayang maunawaan kaagad, at kahit na may makipagbahaginan sa iyong muli, hindi ka pa rin makaunawa; at kahit na bigyan ka niya ng paulit-ulit na mga pahiwatig, hindi mo pa rin maunawaan kung ano ang diskarte sa paggawa ng bagay na ito at kung ano ang mga nasasangkot na prinsipyo—kung gayon, ang abilidad mong makaunawa ng mga bagay ay mahina. Marahil, pagkalipas ng ilang panahon, maaaring may kaunti kang matutunan sa pamamagitan ng pangangapa nang mabagal sa aktuwal na pagsasagawa, pero limitado ito roon. Kung, gaano kahaba man ang panahong ginugugol mo—tatlong taon man o limang taon—ang nauunawaan mo ay nananatiling nakakulong sa isang limitadong saklaw at, kapag gumagawa ng mga bagay, sumusunod ka lang sa ilang regulasyon at ilang panuntunan, nang hindi nauunawaan ang mga pundamental na sangkot at inilalapat ang mga ito sa aktuwal na pagsasagawa, ibig sabihin nito na ang abilidad mong makaunawa ng mga bagay ay mahina; ang ganitong mga tao ay may mahinang kakayahan. Halimbawa, ang ilang tao ay gumagampan ng gawain ng iglesia at, pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, nadarama nila na ang lahat ng sinabi mo ay tama at wala silang pagdududa tungkol sa ibinahagi mo. Gayumpaman, sadyang hindi nila maunawaan kung bakit kailangang gawin ang mga bagay sa ganitong paraan at hindi nila maarok ang mga prinsipyong nasasangkot. Lalo na kapag nahaharap sa iba’t ibang problema o espesyal na sitwasyon sa tunay na buhay o habang ginagawa ang tungkulin nila, hindi nila alam kung paano ilapat ang mga prinsipyo o kung paano harapin at pangasiwaan ang mga problemang nararanasan nila nang ayon sa mga prinsipyo. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ang mga taong walang abilidad na makaunawa ng mga bagay ay hindi nakakaunawa pagkatapos makarinig ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at palagi silang may mga kahilingan tulad ng “Puwede ka bang magbigay ng isa pang halimbawa?” o “Puwede mo ba itong ipaliwanag nang mas detalyado?” Pagkatapos mong magbigay ng halimbawa at magpaliwanag nang detalyado ay saka lang sila nakakaunawa nang kaunti. Pero kung may ibabahagi ka na isang mas malalim na bagay, hindi na naman sila makakaunawa at hihilingin nila sa iyo na magbigay ng isa pang halimbawa. Bakit paulit-ulit nilang hinihiling sa iyo na magbigay ng mga halimbawa? Ito ay para magpaliwanag ka ng mga kaparehong sitwasyon sa tunay na buhay sa pamamagitan ng mga halimbawa, para matandaan lang nila ang isang partikular na pamamaraan o regulasyon. Bakit nila ginagawa ito? Ito ay dahil napakahina ng abilidad nilang makaunawa ng mga bagay—maaari mo ring sabihin na wala silang abilidad na makaunawa ng mga bagay; hindi nila alam kung paano ilapat ang mga prinsipyo sa tunay na buhay o habang ginagawa ang tungkulin nila. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila, ilang partikular na halimbawa man ang ibigay mo o ilang prinsipyo man ang malinaw mong ipaliwanag, tinutukoy pa nga ang mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga espesyal na sitwasyon, maaari silang makinig nang napakatagal at hindi pa rin nila ito maintindihan. Nadarama nila na ang sinasabi mo ay teorya lang at hindi pa rin nila alam kung paano pangasiwaan ang iba’t ibang problemang nakakaharap nila sa tunay na buhay. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay. Paano man ipaliwanag ng iba ang mga bagay sa kanila, hindi ito maintindihan ng mga taong walang abilidad na makaunawa ng mga bagay—ito ay pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang mga tao bang may mahinang kakayahan ay mayroon ding mahinang kahusayan at pagiging epektibo sa paggawa ng mga bagay? (Oo.) Kung ang abilidad ng isang tao na makaunawa ng mga bagay ay mahina, tiyak na magiging mahina ang kanyang pagiging mahusay at epektibo sa paggawa ng mga bagay; hindi niya malalaman kung anong mga prinsipyo ang nasasangkot kapag nahaharap siya sa isang bagay, at hindi niya malalaman kung paano ilalapat ang mga prinsipyo sa tunay na buhay. Nagpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan. May isa pang uri ng tao na lalong naguguluhan kapag mas detalyado at partikular ang pakikipagbahaginan ng iba, hindi niya ito maunawaan. Halimbawa, kapag nakikipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pagkilatis sa mga huwad na lider at mga anticristo, pagkatapos makinig, sinasabi niya, “Bakit hindi ko ito naiintindihan? May pagbabahaginan tungkol sa mga prinsipyo, may mga ibinibigay na halimbawa, at may inililistang mga espesyal na sitwasyon, pero gulong-gulo ang lahat ng ito para sa akin. Ano ba mismo ang sinasabi rito? Anong uri ng mga tao ang dapat nating pinapangasiwaan? Dapat ba nating pangasiwaan ang mga huwad na lider, o mga anticristo? Isang anticristo ba ang lider ng iglesia natin? Ang taong iyon ay tila medyo masama—ang mga pagpapamalas ba niya ay dahil sa isang tiwaling disposisyon o sa isang masamang pagkatao? Alin ba talaga siya, isang huwad na lider o isang anticristo? Hindi ko pa rin nauunawaan.” Ni hindi niya nauunawaan kung tungkol saan ang mga katotohanang prinsipyong ibinabahagi mo; habang mas nakikinig siya, mas naguguluhan siya. Hindi lang siya nabibigong iugnay ang mga katotohanang prinsipyong ito sa mga aktuwal na sitwasyon, kundi labis din siyang naguguluhan na hindi man lang niya alam kung ano ang tema ng sinasabi mo. Hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay? (Oo.) Halimbawa, isipin ang isang sitwasyon kung saan ang lahat ay nagtipon-tipon para pagbahaginan ang iisang tema, kung saan ang bawat tao ay nag-aambag ng kanyang mga iniisip. Nakikipagbahaginan ka tungkol sa pagkaunawa mo, nagpapahayag ako ng pagkaarok ko rito; nagtatanong ang isang tao, may iba namang nagbabato ng iba pang tanong—pawang nakasentro sa temang ito. Iyong mga walang kakayahan ay nakikinig sa ganitong uri ng talakayan at hindi nila ito maintindihan. Sa puso nila, iniisip nila, “Ano ang sinasabi ninyong lahat? Bakit hindi ko ito maunawaan?” Naguguluhan sila. Hindi nila makilatis ang natatagong lohika sa likod ng mga makatwirang katanungang itinatanong ng iba o kung bakit itinatanong ang mga tanong na iyon—hindi nila matukoy ang mga dahilan sa likod nito; mas masahol pa sila sa isang tagamasid lang. Iyong mga may kakayahan, kahit sa pamamagitan lang ng pagmamasid mula sa tabi, ay natutukoy kung sino ang tama at sino ang mali, ang dahilan kung bakit nagtatanong ang isang tao ng isang partikular na tanong, kung ang mga tanong ay malalim ba o mababaw, kung paano sinasagot ang mga tanong—pero iyong mga walang kakayahan ay hindi maunawaan ang anuman dito at hindi maunawaan ang natatagong lohika sa likod nito. Ipinapakita nito na wala silang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Kapag nakikipagbahaginan ang iba tungkol sa isang bagay, hindi sila makakilatis pagkatapos makinig. Hindi nila alam kung ang sinabi ay makatotohanan ba at obhetibo, ni hindi sila makakilatis sa pinagmulan at diwa ng usapin—lubos silang naguguluhan. Tungkol naman sa kung bakit tinatalakay ang temang ito, kung bakit kailangang paulit-ulit na bigyang-diin ang mga prinsipyong sangkot sa temang ito, gayundin kung kaninong mga tanong ang tumutukoy sa mga prinsipyong ito at kung kanino ang hindi, hindi nila maunawaan o matanto ang anuman sa mga ito. Habang patuloy silang nakikinig, inaantok sila; sinisimulan nilang ituring ang kanilang sarili bilang mga tagamasid lang sa pakikipagbahaginang ito, at nalalabuan ang puso nila. Sa ibang tao, kapag mas pinagbabahaginan ang mga katotohanang prinsipyo, mas lalong lumilinaw at lumiliwanag ang isipan nila. Pero para sa mga walang kakayahan, habang mas nakikinig sila, lalo silang naguguluhan, at lalong nalalabuan ang isipan nila. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng sukdulang mahinang kakayahan? Ang gayong mga tao ay matatawag din na mga taong walang kakayahan. Anong klase ng mga tao ang mga walang kakayahan? (Mga taong may pagkukulang sa pag-iisip.) Ang mga taong may pagkukulang sa pag-iisip, mga mangmang, mga hangal—ito ang kategorya ng mga taong may pinakamahinang kakayahan. Ito ang ikalawang aspekto: ang abilidad na makaunawa ng mga bagay.

Ikatlong Bilang: Abilidad na Makaarok

Ang ikatlong aspekto ay ang abilidad na makaarok. Ang abilidad na makaarok ay kapareho ng abilidad na makaunawa ng mga bagay pero mas higit ito. Ano ang pinagkaiba ng mga ito? Ang abilidad na makaarok ay mas tumututok sa kung paano iayon ang mga prinsipyo ng katotohanan at mga landas ng pagsasagawa sa iba’t ibang isyu sa tunay na buhay at pagkatapos ay isakatuparan ang mga ito sa tunay na gawain, pagkatapos makaunawa at magpakadalubhasa ang isang tao sa mga prinsipyo at landas na ito. Naririto ang pagkakaiba. Ang mga taong may abilidad na makaarok, pagkatapos maunawaan ang mga pundamental at prinsipyo ng isang bagay, ay may landas ng pagsasagawa sa puso nila, at isang tumpak na saklaw, direksyon, at layon. Alam nila kung paano ilapat ang mga pundamental at prinsipyong ito at alam din nila ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na sangkot sa ilang espesyal na sitwasyon. Ipagpalagay na, pagkarinig sa pagbabahaginan tungkol sa ilang katotohanang prinsipyo, nakikilala ng isang tao ang diwa ng ilang problema at pagkatapos ay nagagamit niya ang katotohanan para lutasin ang ilang aktuwal na problema sa tunay na buhay. Ibig sabihin, pagkarinig niya sa mga prinsipyong ito, agad niyang nauunawaan kung paano siya dapat nagsagawa bilang tugon sa isang sitwasyon noon, at kapag muling lumitaw ang mga sitwasyon, alam din niya kung paano ilapat ang mga prinsipyo para harapin ang mga ito, at agad siyang nagkakaroon ng landas ng pagsasagawa sa puso niya; ang kanyang pagkaarok sa mga prinsipyo at pundamental ay umaakto tulad ng isang gabay na liwanag, mabilis siyang binibigyang-kakayahan na malaman kung paano pangasiwaan ang iba’t ibang isyu sa buhay o gawain, at binibigyang-kakayahan siya na magkaroon ng isang landas, direksyon, at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa ganoong kaso, ang gayong tao ay may abilidad na makaarok, na, siyempre, ay isang pagpapamalas ng mahusay na kakayahan. Sabihin nang ang isang tao, pagkatapos marinig ang ilang pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, ay alam kung paano siya dapat magsagawa at mangasiwa sa mga bagay na iyon mula sa aktuwal niyang buhay na pangkaraniwan at pangkalahatan o na naranasan na niya. Gayumpaman, hindi niya alam kung paano ilapat ang mga katotohanang prinsipyong ito sa mga espesyal, komplikadong sitwasyon, mga di-inaasahang sitwasyon, o mga di-pangkaraniwang problema at penomenon na hindi pa niya naranasan, at kailangan pa rin niyang maghanap at mag-usisa para makapagtamo ng isang tumpak na sagot o isang partikular na plano ng pagsasagawa bago malaman kung paano pangasiwaan o lutasin ang mga ito. Kung hindi, kahit pagkatapos marinig ang mga katotohanang prinsipyo, hindi pa rin niya alam kung paano pangangasiwaan ang gayong mga usapin o problema. Ipinapahiwatig nito na mayroon siyang katamtamang abilidad na makaarok; o, masasabi rin na ang gayong tao ay may katamtamang kakayahan. Ang ilang tao ay sampu o dalawampung taon nang gumagawa, at nang may ilang karanasan sa gawain na sinamahan ng malinaw na pagbabahaginan sa mga katotohanang prinsipyo mula sa sambahayan ng Diyos, alam nila kung paano pangasiwaan ang mga pangkaraniwang sitwasyon, at nakatanggap sila ng kumpirmasyon na ang pangangasiwa sa mga ito sa ganitong paraan ay tama. Gayumpaman, kapag nahaharap sa ilang komplikado, espesyal, at di-pangkaraniwang problema na hindi nila kailanman naranasan sa gawain nila, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito at kailangan nilang magtamo ng malinaw na sagot sa pamamagitan ng pag-uusisa bago sila makapagsimulang pangasiwaan ang mga ito. Kung nagbabago ang sitwasyon at lalong nagiging komplikado kaysa sa naisip nila o kaysa sa sitwasyong alam nila, nalilito sila, hindi nila alam kung paano ito dapat harapin, at lalong hindi nila alam kung paano dapat magsagawa at pangasiwaan ito sa isang paraang umaayon sa mga prinsipyo. Kapag hindi nila alam kung paano magsagawa, kumikilos man sila batay sa mga imahinasyon nila, sa sarili nilang mga ambisyon at pagnanais, o simpleng isinasantabi at binabalewala ito—paano man sila kumilos—ang katunayan na kapag nahaharap sa gayong sitwasyon ay nalilito sila at hindi nila alam kung paano ilapat ang mga prinsipyo para pangasiwaan ito ay nagpapatunay na lubhang katamtaman ang kakayahan nila. Kung kaya ng isang tao na pangasiwaan ang mga pangkalahatang sitwasyon pero hindi alam kung paano pangasiwaan ang mga espesyal na sitwasyon, nagpapahiwatig ito ng katamtamang kakayahan. Kung labis siyang nalilito kapag nahaharap sa ilang espesyal na sitwasyon na ni hindi niya mapangasiwaan ang mga isyung karaniwan niyang kayang pangasiwaan, nagpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan. Ang isang taong may mahinang kakayahan ay mayroon ding mahinang abilidad na makaarok. May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong may mahinang abilidad na makaarok at sa isang taong may sapat na abilidad na makaarok? (Mayroon.)

Ang ilang tao, paano man makipagbahaginan ang iba, ay hindi maarok ang mga prinsipyo. Nakakaunawa lang sila ng mga doktrina at regulasyon, at nakasisigaw sila ng ilang islogan, pero hindi nila alam kung paano gumawa ng tunay na gawain o lumutas ng mga problema. Kita mo, pagkatapos makinig sa pagbabahaginan, nagsasalita sila nang may labis na kalinawan at estruktura, na para bang tunay silang nakakaunawa. Pero sa aktuwal, hindi talaga nila naunawaan kung ano ang sinabi. Pagdating sa paggawa ng kongkretong gawain, nalilito sila, hindi alam kung saan magsisimula. Kapag nakararanas ng mga problema, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Hindi pa rin sila makagawa ng kongkretong gawain. Sa pagtrato at pangangasiwa sa iba’t ibang tao at usapin, wala pa rin silang mga prinsipyo. Sa puso nila, iniisip nila, “Nauunawaan ko ang mga katotohanang prinsipyo kapag nakikinig sa mga sermon—bakit hindi ko mailapat ang mga ito sa mga kapaligiran sa tunay na buhay? Bakit hindi gumagana ang nauunawaan at madalas kong tinatalakay?” Nalilito silang muli. Ang alam lang ng mga taong may mahinang kakayahan ay ang talakayin ang mga doktrina at sumunod sa mga regulasyon, pero kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila makita nang malinaw ang mga ito, ang mga doktrinang kaya nilang talakayin ay ganap na walang silbi, ni hindi nila kayang sumunod sa mga regulasyon, at hindi nila kayang lumutas ng anumang mga problema. Hindi nila alam kung paano magsagawa kapag lumilitaw ang mga paghihirap. Halimbawa, kapag may isang taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, nagsasabi ng ilang walang katuturang bagay, hindi nila makilatis kung ano ang kalikasan ng usaping ito. Hindi nila alam kung aling mga bagay ang maituturing na mga paggambala at panggugulo o kung ano ang kalikasan ng mga ito; kung gayon, lalong hindi nila alam kung paano dapat lutasin ang problema. May nagtatanong sa kanila, “Hindi mo ba alam kung paano kumilatis ng masasamang tao? Bakit wala kang mga prinsipyo pagdating sa pangangasiwa ng masasamang tao?” Sumasagot sila, “Nauunawaan ko ang mga doktrinang ito, pero hindi ko alam kung sa aling mga problema nababagay na gamitin ang mga ito para sa paglutas o kung sa aling mga tao nababagay na ilapat ang mga ito.” Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaarok, hindi ba? (Oo.) Kita mo, pagkatapos marinig ang mga prinsipyo, nagawa nilang ibuod ang mga ito sa kada punto nang napakahusay ayon sa literal na kahulugan ng mga ito, naaalala ang mga ito nang napakatumpak at binibigkas pa nga ang mga ito nang mahusay, walang nakakaligtaan na ni isang salita. Gayumpaman, sa kasamaang-palad, sa tunay na buhay, pagdating sa pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos, wala silang anumang landas ng pagsasagawa, ang alam lang nila ay sumigaw ng mga islogan, magsalita tungkol sa mga doktrina, at sumunod sa mga regulasyon. Sa tunay na buhay man o sa paggawa ng tungkulin nila, anuman ang nakakaharap nila, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan o magsagawa ayon sa mga prinsipyo. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaarok. Ang mga taong walang abilidad na makaarok ay maaaring madalas na magbasa ng mga salita ng Diyos, pero hindi nila maunawaan kung ano ang katotohanan sa mga salita ng Diyos o kung ano ang mga prinsipyo. Samakatwid, kapag may nangyayari, hindi nila mahanap ang mga nauugnay na salita ng Diyos para kilatisin at lutasin ito at kailangan nila na iba ang maghanap sa mga nauugnay na salita ng Diyos para sa kanila. Ano ang lagi nilang pinagtutuunan kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos? Hinahanap nila kung mayroon bang mga partikular na halimbawa para ipaliwanag ang usapin. Kung walang mga halimbawa, hindi nila maunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Halimbawa, tungkol sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasang diwa ng mga tao, kung walang mga halimbawang ibinibigay, hindi nila maunawaan ang mga ito. Hindi sila makapagsagawa ng pagkilatis sa pamamagitan ng pagkukumpara sa sarili nilang mga kalagayan sa mga salita ng Diyos. Kapag may isang taong nakikipagbahaginan sa katotohanan at kumikilatis at humihimay sa kanila nang ayon sa kanilang aktuwal na mga kalagayan, saka lang sila nakakaunawa. Kung walang gayong pakikipagbahaginan, hindi nila maunawaan ang mga salita ng Diyos. Ang gayong mga tao ay palaging nagrereklamo kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, sinasabing, “Bakit walang mga partikular na halimbawa? Paano ko ito dapat iugnay sa sarili ko? Ang mga salitang ito ay masyadong mahirap maunawaan; paano ko man basahin ang mga ito, hindi ko maitugma ang mga ito sa sarili ko!” Ipinapakita nito na hindi nila kayang maunawaan ang mga salita ng Diyos, lalong hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan o madala sa tunay na buhay ang mga salita ng Diyos. Ang nauunawaan nila ay simpleng mga doktrina at regulasyon lang, pero walang silbi sa tunay na buhay ang mga doktrina at regulasyong ito. Kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, wala pa rin silang landas ng pagsasagawa. Ipinapahiwatig nito na wala silang abilidad na makaarok. Mahina ba ang kakayahan ng mga taong walang abilidad na makaarok? (Oo.) Ang mga taong may pinakamahinang kakayahan ay iyong mga wala talagang anumang kakayahan; hindi maunawaan ng gayong mga tao ang iba’t ibang prinsipyong naririnig nila; hindi nila alam kung bakit ibinibigay ang ganito-at-ganyang mga halimbawa, kung bakit sinasabi ang mga partikular na bagay, o kung bakit may mga partikular na pagpapamalas ang mga tao—hindi nila maunawaan ang gayong mga bagay, hindi nila kayang maarok ang mga bagay na ito. Kahit na bigyan mo sila ng ilang halimbawa, pakiramdam nila ay nagkukuwento o nagbibiro ka lang, na para bang mga bata sila na nakikinig sa isang kuwento, interesante at nakakatuwa ito para sa kanila. Kung may magtatanong sa kanila kung nauunawaan ba nila ang narinig nila, sinasabi nilang nauunawaan nila, at kaya pa nga nilang gayahin ang nakakatawang pananalita ng iba o gayahin kung paano pagsabihan ng mga ito ang mga tao. Kung tatanungin mo sila, “Alam mo ba ang mga nauugnay na prinsipyong dapat sundin ng mga tao?” sumasagot sila, “Ha? May mga prinsipyo? Hindi ko nakuha iyon.” May abilidad bang makaarok ang gayong mga tao? (Wala.) Wala silang abilidad na makaarok at hindi nila maunawaan ang mga salita ng Diyos. Ang mga taong walang abilidad na makaarok ay kumakain at umiinom ng ilang sipi o kabanata ng mga salita ng Diyos araw-araw, sa paraang nakagawian na at batay sa iskedyul, at nag-aaral sila ng mga himno at dumadalo sa mga pagtitipon nang batay rin sa nakaiskedyul na oras. Pero sa sandaling isara nila ang mga aklat nila o itigil ang pagpapatugtog ng mga rekording ng himno, ang tanging naaalala nila mula sa kinain at ininom nila ay ilang espirituwal na parirala at ilang patay na salita, tulad niyong mga pariralang madalas na sinasabi ng mga tao—“Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay,” at “Magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay”; o, “Ang kapalaran ng tao ay inorden ng Diyos,” at “Isagawa lang ang pagmamahal sa Diyos.” Sa mga aktuwal na sitwasyon ng pagdurusa, nakapagbibigkas lang sila ng mga huwad na espirituwal na parirala, tulad ng “Nagdurusa ako dahil sa mga damdamin” o “Nagdurusa ako dahil sa laman.” Tungkol naman sa anumang mga prinsipyong nauugnay sa sariling asal, pang-araw-araw na buhay, gawain, at iba’t iba pang prinsipyo ng katotohanan, hindi nila alam o nauunawaan ang anuman sa mga ito. Ang mga bagay na ito ay wala sa puso nila at hindi nila mapagkasya sa kalooban nila. Bakit hindi nila mapagkasya ang mga ito? Dahil, sa usapin ng kanilang kakayahan, sadyang hindi maunawaan ng gayong mga tao ang mga katotohanang prinsipyong ito, at hindi nila kayang arukin ang mga katotohanang prinsipyong ito; at kaya, ang mga bagay na ito ay hindi makapag-uugat sa puso nila. Ang panloob na tinataglay ng isang tao at ang nagagawa niyang tanggapin ay nagpapatunay sa kung ano ang kaya niyang maunawaan at sa kung ano ang kaya niyang arukin. Kung ang isang tao ay wala talagang kakayahan, walang abilidad na makaarok, at hindi makaunawa sa tumpak na kahulugan ng mga salita ng Diyos, kahit na mailagay siya sa langit o sa ikatlong langit, mauunawaan ba niya ang mga salita ng Diyos? Maisasagawa ba niya ang katotohanan? Makapagpapasakop ba siya sa Diyos? (Hindi.) Mananatili siya na kung ano siya mismo. Ang kakayahan niya ay mananatiling ganoon pa rin tulad ng dati. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay kaya lang umarok ng napakalimitadong saklaw ng mga bagay. Ang mga may mahusay na kakayahan ay kayang makaarok ng mas marami, nang may higit na lalim at sa mas mataas na antas. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay nakakaarok ng higit na mas kaunti kaysa sa mga may mahusay na kakayahan; ang kaya nilang maarok ay nakakulong sa isang katamtamang saklaw, at hindi ito maaaring lumampas sa saklaw na ito dahil nalilimitahan sila ng kakayahan nila. Ang pinakamasahol ay ang mga wala talagang kakayahan. Ang gayong mga tao, kung ang kakayahan lang nila ang pag-uusapan, ay walang anumang abilidad na makaarok. Samakatwid, ang pagpapamalas nila sa tunay na buhay at sa paggawa ng tungkulin nila ay na wala silang nauunawaan; nananampalataya man sila sa Diyos nang sampung taon, dalawampung taon, o maging hanggang sa pagtanda, ang mga doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos at ang mga espirituwal na parirala na tinatalakay nila ay katulad pa rin ng mga lumang bagay na naunawaan nila noong nagsimula silang manampalataya. Ilang taon man silang nananampalataya, hindi sila nagkakaroon ng anumang pag-usad. Bakit hindi sila umuusad? Dahil wala silang abilidad na makaarok, at kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, ang mga bagay na kaya nilang matanggap ay iyong mga patay na salita lang. Kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya, ang kanilang abilidad na matuto, abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na makaarok, at iba pang mga abilidad ay hindi bumubuti. Anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga tao na may sukdulang mahinang kakayahan. Dahil mahina ang kakayahan nila at hindi bumubuti ang iba’t ibang abilidad nila, kahit na umabot sa kuwarenta, singkwenta, sisenta, o sitenta anyos ang gayong mga tao, ang abilidad nila na alagaan ang sarili nila ay mananatiling napakahina. Sa pamamagitan ng pag-oobserba sa abilidad nilang manatiling buhay at abilidad na alagaan ang sarili nila, malalaman mo kung kumusta ang kakayahan ng gayong mga tao. Ang ganitong tao ay may pagkukulang sa pag-iisip, mangmang, at hangal, at ang abilidad niyang alagaan ang sarili niya ay napakahina. Bakit Ko sinasabi na ang abilidad niyang alagaan ang sarili niya ay napakahina? Dahil ang kanyang abilidad na matuto, abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na makaarok ay pawang mahina, sobrang limitado ang karanasan, sentido komun, mga pattern, at diskarte sa paggawa ng mga bagay na kanyang natututunan sa buhay. Kahit sisenta o sitenta anyos na siya, ganoon pa rin siya. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kapag nasa edad trenta na sila, ay nagkaroon na ng kaunting kaalaman sa iba’t ibang problemang nakakaharap nila sa buhay at sa landas ng kanilang buhay, nagkakamit na ng kaunting pagkaunawa, kabatiran, at karanasan sa mga bagay na ito. Sa pamamagitan ng karanasang ito, alam nila kung ano ang gagawin kapag nakararanas ng iba’t ibang problema para makapamuhay sila nang mas mainam at maprotektahan nila ang sarili nila nang mas epektibo. Gayumpaman, para sa mga taong may mahinang kakayahan, dahil ang mga abilidad nila sa lahat ng aspekto ay mahina, kahit ilang taon na sila, nananatiling napakahina ng kanilang abilidad na manatiling buhay. Gaano ito kahina? Napakahina nito na wala silang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Maaaring sabihin ng ilan, “Tingnan Mo, magana silang kumakain, mahimbing na natutulog, at malusog ang pangangatawan nila—paano Mo nasasabing wala silang abilidad na mamuhay nang nagsasarili?” Ang abilidad na manatiling buhay na sinasabi natin ay hindi tumutukoy sa kung nakakakain o nakakatulog ba ang isang tao. Kung hindi man lang alam ng isang tao na dapat nang kumain kapag oras na ng pagkain, hindi iyon isang normal na tao kundi isang taong may kapansanan sa pag-iisip—lalong hindi kailangang isaalang-alang ang kakayahan ng gayong mga tao. Ang saklaw ng pagsusuri natin sa kakayahan ng mga tao ay pangunahing kinapapalooban ng mga itinuturing na normal sa panlabas. Hindi kasama rito ang mga taong may kapansanan sa katawan, kapansanan sa pag-iisip, sakit sa pag-iisip, o iyong mga walang kakayahang alagaan ang sarili nila. Madalas nating makita ang ilang tao na hindi man lang kayang makahanap ng anumang mga pattern, mga prinsipyo, o diskarte sa paggawa ng mga bagay sa pamamahala ng kanilang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon. Kahit gaano na sila katanda, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga aspektong ito ng pamumuhay sa paraang umaayon sa mga prinsipyo at sa pagkatao. Halimbawa, hindi nila alam kung aling mga damit ang pinakanaaangkop sa kung anong mga season at ginagaya na lang nila ang ginagawa ng iba. Kapag malamig sa labas, nagdadamit sila nang napakanipis at sinisipon sila, pero hindi nila nauunawaan kung bakit; o, nagkakasakit sila dahil sa pagkain ng maruming pagkain, pero hindi nila alam kung ano ang nagdulot nito. Hindi sila makabuo ng anumang kongklusyon mula sa mga karanasang ito. Hindi ba’t may pagkukulang sila sa pag-iisip? Hindi ba’t wala silang kakayahang mamuhay nang nagsasarili? (Oo.) Kahit gaano na sila katanda, hindi nila alam kung paano mamuhay at iniraraos lang nila ang buhay nang nalilito. Para sa isang normal na tao, kapag unang beses niyang magkaanak, maaaring wala siyang karanasan, pero sa oras na mag-anak na siya ng pangalawa, nakapagkamit na siya ng kaunting karanasan sa kung paano aalagaan at papakainin ang anak niya. Gayumpaman, ang ilang tao, kahit matapos magkaanak ng dalawa o tatlo, ay wala pa ring karanasan. Kapag tinatanong kung paano nila inaalagaan ang mga anak nila, sinasabi nila, “Hindi ko alam, iniraraos ko na lang. Ano’t anuman, kapag nagugutom ang mga bata, pinapakain ko sila, at kapag busog na sila, iyon na iyon.” Ang sinumang batang malalagay sa pangangalaga nila ay suwerte na kung mananatiling buhay. Sa kanilang antas ng abilidad na manatiling buhay, wala ni isang bata ang maiiwang buhay sa pangangalaga nila. Ang ilang tao ay hindi nauunawaan kung paano pangasiwaan ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa buhay o sa pananatiling buhay. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na manatiling buhay. Halimbawa, kapag lumitaw ang dalawang isyu nang magkasabay, nalilito sila at hindi nila alam kung ano ang gagawin o kung aling isyu ang unang pangangasiwaan. Sila ay naaaligaga, ninenerbiyos, at natatakot, at nagrereklamo, sinasabing, “Bakit sabay na nangyari ang dalawang isyung ito? Ano na ang dapat kong gawin ngayon?” Labis silang nababalisa na hindi na sila makakain o makatulog. Ganito sila kapag nasa trenta anyos sila, at maging kapag nasa sisenta anyos na sila, ganito pa rin ang tayog nila. Kapag lumilitaw ang mga sitwasyon at hindi sila makahanap ng solusyon, nagsisimula silang umiyak. Sinasabi ng iba, “Bakit ka umiiyak? Hindi naman ito malaking usapin—ang mga ito ay ilan sa mga pinakakaraniwang isyu. Kailangan mo lang bigyang-priyoridad ang mga ito at pangasiwaan ang mga ito batay sa kahalagahan.” Kung hindi kaya ng isang tao na pangasiwaan ang mga usaping ito, at hindi siya nakakakain o nakakatulog dahil sa mga ito, o kinokonsidera pa ngang magpakamatay, hindi ba’t labis siyang walang gulugod? Nagrereklamo pa nga siya, “Bakit hindi ito nangyari sa ibang tao? Bakit sa akin ito nangyari?” Nangyari ito sa iyo, kaya pangasiwaan mo ito. Kung hindi mo ito kayang pangasiwaan, magtanong ka sa isang tao sa paligid mo na nakakaunawa. Kapag nailinaw mo na ang isyu, hindi ba’t malalaman mo na kung paano ito pangasiwaan? Kapag walang nangyayari, ang gayong mga tao ay napakahusay sa pagsasalita, sunod-sunod na nagpipresenta ng mga bungkos ng doktrina. Pero kapag may nangyayari, natataranta sila, nalilito, nagsisimulang umiyak, nabablangko ang isipan nila, at nagkakagulo-gulo ang mga iniisip nila—hindi nila alam kung ano ang gagawin. Kung ang isang tao ay bata pa, wala pang masyadong pinagdaanan sa buhay at walang karanasan, normal para sa kanya na nerbyosin at matakot kapag nangyayari ang mga bagay. Gayumpaman, kapag nasa edad trenta o kuwarenta na siya, pagkatapos pagdaanan ang maraming bagay sa mundo at magkamit ng karanasan, medyo nahihinog at napapanday na siya, pinapangasiwaan ang mga bagay nang may higit na katatagan at kumpiyansa. Kapag nakikita ito ng mga kabataan, napapahanga sila, at iniisip nilang maaasahan nila ang gayong mga tao. Kung ang isang tao ay walang kakayahan at abilidad na manatiling buhay, wala rin siyang abilidad na alagaan ang sarili niya. Kung walang mga taong nasa hustong gulang o mga taong may karanasan sa paligid para umalalay at pangasiwaan ang mga bagay para sa kanya, ang lahat ng pinapangasiwaan niya ay nagiging sobrang magulo. Ang gayong mga tao ay may sukdulang mahinang kakayahan. Gaano ba mismo kahina ang kakayahan ng ilang tao? Gamiting halimbawa ang ilang housewife, na hindi alam kung gaano karaming bigas o ulam ang kailangan para sa kainan ng isang pamilya na may ilang tao—ang ilan ay dalawampu o tatlumpung taon nang nagluluto at hindi pa rin alam kung gaano karami ang ihahanda para sa bawat kainan o kung gaano dapat kaalat ang mga pagkain, at kung minsan ay hindi pa nga kayang tumpak na maarok kung tama ba ang pagkakaluto sa pagkain. Ganito kahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t walang gumaganang utak ang gayong mga tao? Utak ng baboy ang mayroon sila! Ang gayong mga tao ay walang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Wala silang landas para sa paggawa ng anumang bagay at madali silang nakagagawa ng mga pagkakamali. Kapag may nangyayari, kung walang naroroon para pangasiwaan ang mga bagay para sa kanila, ang lahat ng ginagawa nila ay nagiging labis na magulo, na sobrang nagugulo ang lahat ng bagay. Mangmang sila at may pagkukulang sa pag-iisip. Para sa ganitong uri ng tao, na may pinakamasahol na abilidad na makaarok, kahit gaano karaming pagbabahaginan ang marinig niya tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, mga doktrina lang ang nauunawaan niya. Sa tunay na buhay, hindi pa rin niya alam kung paano ilapat ang mga prinsipyong ito. Sa madaling salita, ang mga doktrinang nauunawaan niya ay hindi makapagbibigay sa kanya ng anumang mga layon, patnubay, o landas sa tunay na buhay. Ito ang mga taong may pinakamahinang abilidad na makaarok. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa abilidad na makaarok, ang ikatlong abilidad.