Paano Hangarin ang Katotohanan (5) Ikalimang Bahagi
Pagsipsip sa mga May Kapangyarihan
May isa pang uri ng tao: iyong mahihilig sumipsip sa mga may kapangyarihan. Mabuti ba o masama ang mga taong sumisipsip sa mga may kapangyarihan? (Masama sila.) Sa anong mga paraan sila masama? Ang ganitong uri ng tao ay labis na matapobre. Kapag nakakakita sila ng isang taong may katayuan, palagi silang nagsusumikap nang husto para sumipsip dito; nagkukusa sila na makipag-usap sa kanya at magbukas sa kanya, hainan siya ng pagkain, ipaglaba siya ng damit, at ipaglinis siya. Walang bagay na hindi sila handang gawin. Kung wala kang katayuan, nagpapanggap silang hindi ka nakikita, at kung magkukusa kang harapin sila, kapag nakita ka nila, agad na sumasama ang ekspresyon ng mukha nila. Mabuti ba ang gayong mga tao? Sa anong aspekto nabibilang ang ganitong uri ng problema? (Ang ganitong uri ng tao ay mababa ang karakter at may masamang pagkatao.) Ang kanilang pagkatao ay masama at ang kanilang karakter ay mababa. Gaano kasama ang kanilang pagkatao? (Wala silang integridad o dignidad.) Mabubuting tao ba ang mga taong aktibong sumisipsip sa mga may kapangyarihan? (Hindi.) Kung gayon ay anong uri ng mga tao sila? Ano ang karakter ng mga taong mahilig sumipsip sa mga may kapangyarihan? Mayroon silang dalawang magkaibang mukha kapag nakikitungo sa iisang tao. Hindi sila natatakot na makilatis ng iba at malaya pa nga nilang ipinapakita ang mga bahagi nilang ito. Ang mga taong ito ba ay may anumang integridad o kahihiyan? (Wala.) Ang mga taong ito ba na walang integridad o kahihiyan ay maaaring ikategorya bilang masasamang tao? (Oo.) Bakit sila maaaring ikategorya bilang masasamang tao? Mayroon silang dalawang magkaibang mukha pagdating sa kung paano nila tinatrato ang iba. Suriin natin ang ugat ng dalawang magkaibang mukhang ito. Mahal na mahal ng mga taong ito ang katayuan, at mahal nila ang mga taong may posisyon at kapangyarihan. Kapag nakakakita sila ng mga taong may katayuan, ngiting-ngiti sila, ganap na masunurin; mapaglangis at sumisipsip sila sa mga ito nang walang anumang pakundangan, at walang kahihiyan nilang binobola ang mga ito. Ang pakay man nila ay sumipsip sa mga taong ito, o mayroon man silang natatagong motibo na gusto nilang mapahalagahan at maangat, ang saloobin nila sa iba ay problematiko at lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Kung gayon, bakit sila mayroong ganitong uri ng saloobin sa mga taong may katayuan? (Alang-alang sa sarili nilang mga interes.) Pinatutunayan nito na mahal na mahal nila ang katayuan. Sila mismo ay walang abilidad, o walang mga kalipikasyon, mga kondisyon, o mga oportunidad para magtamo ng katayuan. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagsipsip at pakikipaglapit sa mga may katayuan, nagagawa nilang tugunan ang pagnanais nila para sa katayuan. Samakatwid, kaya nilang sumipsip sa iba at bolahin ang mga ito nang walang anumang pakundangan o kahihiyan. Napakababa ng karakter nila. Wala silang pakialam kung anong uri ng tao ang taong may katayuan, at hindi rin nila kinikilatis kung mabuti ba o masama ang pagkatao ng taong ito, o kung ang taong ito ba ay masama. Basta’t ang taong ito ay may katayuan o pera, kahit pa masamang tao ito, sisipsip pa rin sila sa taong ito. Hindi ba’t ganap silang walang mga prinsipyo? (Oo.) Para sa kanila, anuman ang sabihin ng mga taong may katayuan ay tama at mabuti, at paano man magsalita ang mga ito ay katanggap-tanggap. Basta’t ang isang tao ay may katayuan, mabuti sila sa taong iyon. Ganap silang walang mga prinsipyo at hindi normal silang mabuti sa taong iyon. Talagang wala silang integridad o kahihiyan na masasabi. Wala silang pakialam kung ano ang tingin o pagkakasuri sa kanila ng iba. Hindi mahalaga sa kanila kung ano ang iniisip sa kanila ng iba. Iniisip nila, “Gusto ko lang ang mga taong may katayuan. Gusto ko lang maging mabuti sa kanila. Ano ang mali sa pagkakaroon ng katayuan? Kayong mga walang katayuan ay hindi karapat-dapat sa kabaitan ko!” Ang ganitong mga tao ay walang mga prinsipyo o dignidad. Wala silang pakialam kung ano ang tingin sa kanila ng iba, ni kung ano ang pagkakasuri sa kanila ng Diyos. Ang mga taong ito ay may mababang karakter. Sa pagkilos sa ganitong paraan, walang nadarama ang konsensiya nila, at ang katwiran nila ay walang pamantayan para sa paghusga. Wala silang pinakamabababang pamantayan, at wala silang gulugod sa kung paano sila umasal. Kapag nakakatagpo ng isang taong may katayuan, agad silang nanliliit at nagpapakasipsip at nagiging tulad ng isang alipin, pumoposisyon bilang mapagpasakop na alipores nito. Ang sinumang may katayuan ay nagiging amo nila. Ang gayong mga tao ba ay may integridad o dignidad? (Wala.) May kapabilidad pa nga sila na makibahagi sa pinakakasuklam-suklam na pambobola sa mga taong may katayuan, at nangangahas silang gawin iyon sa harap ng gaano man karaming tao. Wala silang pakialam sa mga pananaw ng iba o kung ano ang tingin sa kanila ng mga ito, at ang pakay lang nila ay ang tugunan ang sarili nilang mga pagnanais. Ganito sila kumilos sa mga taong may katayuan. Pero ano ang nangyayari kapag nawalan ng katayuan ang taong may katayuan? Nagbabago ang kanilang mukha kapag nagkagayon. Kapag nagkagayon ay paano na nila tinatrato ang taong ito? (Agad silang nagsisimula na balewalain ito.) Agad na nagdidilim ang kanilang mukha, at ang saloobin nila ay nagiging ganap na iba: “Nawala na ang katayuan mo, at gusto mo pa rin na maging mabuti ako sa iyo? Mangarap ka!” Kung ang isang taong nawalan ng katayuan ay hiniling sa kanila na magsalin ng isang baso ng tubig, binabalewala nila ito. Kung hinihiling sa kanila nito na tulungan ito, binabalewala nila ito. Kung gusto nitong makipag-usap sa kanila nang taos-puso, sinasabi nila, “Karapat-dapat ka ba? Mayroon ka ba ng mga kalipikasyon para makipag-usap sa akin? Sino ka ba sa tingin mo?” Napakalupit ng kanilang disposisyon! Krimen ba na hindi magkaroon ng katayuan? Nagbabago ba ang isang tao kapag natanggal na siya sa kanyang opisyal na posisyon? Hindi ba’t parehong tao pa rin naman siya? Bakit ngayon ay hindi na siya karapat-dapat na makipag-usap sa gayong mga tao? Bakit hindi siya matulungan ng gayong mga tao? Kahit pa hayop iyon na nahihirapan at nangangailangan ng tulong ng tao, dulot ng konsensiya, ang mga tao ay dapat pa ring tumulong, alagaan ito nang banayad, at pagmalasakitan ito—kung gayon ay paano pa kapag para sa isang tao? Pero wala sila kahit ng katiting na kabaitang ito ng tao. Bukod pa sa mga pagpapamalas na ito, mas masahol pa ang ilang tao. Iniisip nila, “Dati ay mabait ako sa iyo dahil may katayuan ka. Ngayong nawala na ang katayuan mo, inaasahan mo pa rin na irerespeto kita at tutulutan kitang huwag mapahiya, na iiwas akong ilagay ka sa mga nakakaasiwang posisyon sa mga pag-uusap, at na susundin ko ang mga utos mo tulad ng dati? Asa ka pa! Dapat nga magpasalamat ka na hindi kita tinatapak-tapakan!” Anong uri ng nilalang nga ba sila? Kapag ang isang tao ay nahihirapan, bukod sa binabalewala nila ito, tinatapak-tapakan din nila ito kapag nakatalikod ito, naghahanap sila ng mga oportunidad para apihin at supilin ito. Anong uri ng tao sila? (Sila ay masasamang tao.) Ang kanilang tunay na mukha bilang masasamang tao ay lumilitaw sa ganitong paraan, hindi ba? Sa mga taong may katayuan, umaasal sila na parang mga mapagpasakop na alipores, metikulosong disente, binabati ang mga ito nang may ngiti. Magaling sila sa sipsip na pagsang-ayon sa ibang mga tao. Kung sasabihin ng kung sinong opisyal na maaaring itanim sa buwan ang mga patatas, sasabihin nila, “Ang sarap ng mga patatas na itinanim sa buwan!” Pero kapag ang opisyal na iyon ay nawalan ng katayuan, ganap na nagbabago ang kanilang saloobin. Anuman ang sabihin ngayon ng dating opisyal, kahit pa tama ito, hindi sila makikinig. Kahit pa may tunay na pagkaunawa ang dating opisyal na ito, babalewalain nila ito at tatanggi silang tanggapin ito, nakikita lang ang opisyal na ito bilang hindi kaaya-aya. Sa puso nila ay iniisip nila, “Wala kang katayuan, kaya walang halaga ang anumang sinasabi mo. Kahit pa tama ang sinasabi mo, ano ang silbi nito? Kahit pa mayroon kang katotohanang realidad, ayaw ko pa rin sa iyo. Nasisiyahan lang ako na tapakan ang mga taong walang katayuan—kung hindi ko sila tatapakan, sayang ang pagkakataon!” Anong uri sila ng nilalang? Kung wala kang katayuan, hindi ka kaaya-aya para sa kanila. Kahit gaano ka kabuti sa kanila, wala itong silbi. Paano mo man sila ituring na kapantay mo at paano mo man sila tratuhin ayon sa mga prinsipyo, hindi nito mababago ang saloobin nila sa iyo. May pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Ano ang pagpapamalas ng kawalan nila ng pagkatao? Hindi ba’t ito ay kalupitan? (Oo.) Ang disposisyon ng mga taong mahilig sumipsip sa mga may kapangyarihan ay labis na malupit, at para sa Akin ay labis na kasuklam-suklam ang gayong mga tao. Sa mga mata ng gayong mga tao, kapag may katayuan ka, ang iyong mga kapintasan at depekto ay nakikitang lahat bilang mga merito at mga kalakasan. Pero kapag wala kang katayuan, ang mga kalakasan at merito mo ay nakikitang lahat bilang mga kapintasan at depekto. Walang halaga ang anumang sabihin mo, at ayaw nila ang lahat ng tungkol sa iyo. Palagi ka nilang gustong apihin, tapakan, at supilin. Mayroon silang malupit na disposisyon, hindi ba? (Oo.) Inaapi nila ang mga walang katayuan sa anumang paraang gusto nila. Pakiramdam nila ay isang kasalanan ang hindi pang-aapi sa maaamong tao. Kahit pa hindi mo sila galitin, aktibo ka nilang hahanapan ng kapintasan, aapihin, at tatapakan, minamaliit ka nang may labis na paghamak. Na para bang ang kawalan ng katayuan ay isang kasalanan, ginagawa kang hindi karapat-dapat na mabuhay o malagay sa kanilang presensiya; na para bang ikaw ang nagdala ng problema sa iyong sarili at nararapat kang malasin kung wala kang katayuan. Anong uri ng mga nilalang sila? Ang gayong mga tao ba ay dapat na pahintulutang manatili sa iglesia? (Hindi.) Ang mga tao bang partikular na mahilig sumipsip sa mga may kapangyarihan ay maaaring mapili bilang lider? (Hindi.) Bakit hindi? Sadyang ganito sila umasal sa mga taong may katayuan—kung sila mismo ang magkakamit ng katayuan, hindi ba’t magiging diktador sila, gagawin ang kanilang sarili na pinakamataas? Magiging malaking sakuna iyon! Babalewalain nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga atas administratibo ng iglesia, at ang mga mungkahi ng mga kapatid, at susupilin pa nga nila iyong mga walang katayuan anuman ang sabihin o gawin ng mga ito. Sisirain nila ang iglesia. Ang ganitong mga tao ay may napakatinding pagnanais para sa kapangyarihan, at kapag nakuha na nila ang gusto nila, ang mga kahihinatnan ay hindi lubos maisip. Ang mga taong sumisipsip sa mga may kapangyarihan ay napakalupit at labis na mababa ang karakter. Ano ang mga pangunahing katangian ng kanilang tiwaling disposisyon? (Kalupitan.) Kabuktutan, kalupitan, at pagtutol sa katotohanan. Ang napakabuktot ay kung paano sila gumagamit ng dalawang ganap na magkaibang mukha sa pakikitungo sa iisang tao, nagbabago nang napakabilis. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Kahit pa hindi sila galitin ng mga taong walang katayuan, nagkukusa silang atakihin, apihin, at yurakan ang mga ito. Hindi ba’t malupit ito? (Oo.) May katayuan man o wala iyong isa pang tao, hindi nila magawang kumilos nang ayon sa mga prinsipyo o tratuhin ang mga ito nang patas. Kapag sinasabi mo sa kanila, “Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan, at ang mga tao ay tinatrato nang patas,” tinatanggap ba nila ito? (Hindi.) Pumapasok lang ito sa isang tainga at lumalabas sa kabila, at iniisip nila, “Anong patas? Ang mga tao ay mataas lang o mababa, marangal o hamak. Ang mga may katayuan ay marangal; iyong mga walang katayuan ay walang silbing basura!” Ito ang kanilang lohika at prinsipyo sa pagtingin at pagtrato sa mga tao. Hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang prinsipyo at sinasabi pa rin nila ang kanilang baluktot na katwiran. Hindi ba’t tutol sila sa katotohanan? (Oo.) Hinaharap nila ang katayuan at kapangyarihan gamit ang sarili nilang lohika at mga prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo, at ang sarili nilang mga perspektiba para sa mga makamundong pakikitungo, at ginagamit nila ang sarili nilang mga prinsipyo at pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo para pangasiwaan ang mga usaping ito, sa halip na ang mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa kung paano tratuhin ang mga tao. Hindi ba’t ito ay hindi pagtanggap sa katotohanan, hayagang pagtutol sa katotohanan? Sa puso nila, iniisip nila, “Kung may katayuan ka, ikaw ang amo sa puso ko.” Ang Diyos at ang katotohanan ay walang puwang sa puso nila. Anong uri ng disposisyon ito? Ang pagiging labis na dominante at hangal na matigas ang ulo—hindi ba’t ito ay hindi pagtanggap sa katotohanan? Hindi ba’t ito ay pagiging tutol sa katotohanan? (Oo.) Ganoong disposisyon mismo ito. Sa usapin lang ng kanilang pagkatao, ang gayong mga tao ay may mababang karakter, labis na kasuklam-suklam, at hindi karapat-dapat na pakisalamuhaan. Pero sa usapin ng kanilang disposisyon, hindi lang ito isang usapin ng kung karapat-dapat bang makisalamuha sa mga ito. Ang mga taong ito ay may malupit at buktot na mga disposisyon, at hindi sila mga pakay ng pagliligtas. Lahat sila ay parurusahan at mamamatay; ang mga gawa nila ay katumbas ng isang krimeng may parusang kamatayan. Ang mga taong ito ay pikit-matang nagpapalakas sa mga may kapangyarihan at nagpapakita ng mapagpaaliping asal ng mga alipores, na kasuklam-suklam. Sa posisyon ng mga lider ng iglesia, mapanganib ang gayong mga tao. Kung pipiliin ninyo ang gayong mga tao bilang mga lider ng iglesia, mahaharap kayo sa kalamidad. Ang ilang lider ng distrito, dahil hangal sila at hindi makakilatis ng mga tao, ay itinatalaga pa nga ang ganitong uri ng tao bilang kandidato na maging lider ng iglesia, na nagreresulta sa pagkalinlang ng mga kapatid sa iglesia. Ang ganitong uri ng mga tao, na mahusay sumipsip sa iba, at magpalakas sa mga may kapangyarihan, at sa panlabas ay mukhang napakasigasig at sumusunod sa bawat salita ng mga lider, ay madaling napipili bilang mga kandidato. Ito ay dahil ang ilang lider at manggagawa ay gusto ang mga sumisipsip sa kanila, at ang mga mapagpalugod, at hindi nila makilatis ang mga kahihinatnang idudulot sa iglesia ng ganitong uri ng mapagpaimbabaw na tao sa sandaling ito ay maging isang lider. Madalas, kapag napili ang gayong mga tao at nagkamit sila ng katayuan, agad na lumalabas ang kanilang mapaminsalang bahagi at nagsisimula silang guluhin ang iglesia. Pinagsisisihan ito ng mga lider na pumili sa kanila kapag nakita nila na ang mga taong pinili nila ay masasamang tao, pero hindi nila malunasan ang mga kahihinatnang idinulot sa iglesia ng mga pagkilos nila. Ito ang ganap na kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga lider at manggagawa ng mga tiwaling disposisyon at pagkilos nila nang walang mga prinsipyo. Iyong mga nagpipitagan sa katayuan at kapangyarihan ay hindi mga taong nagmamahal sa katotohanan. Sumisipsip sila sa sinumang may katayuan, at ngumingiti sila nang may pagsisipsip sa tuwing nakakakita sila ng mga lider at manggagawa. Hindi kinakaya ng ilang lider ang tuksong ito; labis silang nasisiyahan kapag nakakakita sila ng mga taong ngumingiti nang may pagsisipsip at gusto nilang iangat ang mga ito para maipakitang-gilas ang sarili nilang kapabilidad. Ang totoo, kapag ang mga taong iyon ay sumisipsip sa kanila at nginingitian sila nang may pagsisipsip, mayroong masasamang motibo ang mga ito, pero iniisip ng mga lider na ito na ang mga taong ito ay tunay na mabuti. Sa sandaling maging lider ang mga taong ito, hindi nagpapasakop ang mga ito kahit kanino, at binabalewala ng mga ito ang mismong mga lider na nag-angat sa kanila. Saka lang napagtatanto ng mga lider na iyon na hindi mabuti ang mga taong ito, at na mga maling tao ang inangat nila. Sa gayong sitwasyon, ano ang dapat gawin? Hindi ba’t dapat na malunasan ang sitwasyong ito? (Oo.) Paano ito dapat lunasan? (Ang mga taong ito ay dapat na agad na ilantad at pagkatapos ay tanggalin.) Ang mga taong ito ay hindi kayang gumawa ng tunay na gawain; sila ay mga tao lang na magulo ang isip na ang alam lang ay sumipsip at maglangis sa mga may kapangyarihan. Dapat silang tanggalin agad ng mga lider, at dapat magsisi ang mga lider na sa oras na iyon ay kapwa bulag ang mga mata at ang puso nila at hindi nila nagawang kumilatis ng mga tao, kaya nakapili sila ng maling mga tao. Ngayon ay may oras pa para agad na lunasan ang sitwasyon. Nagagawa mo na bang kilatisin ngayon ang gayong mga tao na sumisipsip sa mga may kapangyarihan? (Oo.) Hindi mabuti ang gayong mga tao.
Pagkakaroon ng Napakahusay na Memorya
Ngayon ay pag-usapan naman natin ang mga pagpapamalas na kinasasangkutan ng mga likas na kondisyon. Ang pagkakaroon ng napakahusay na memorya—sa anong aspekto nabibilang ang pagpapamalas na ito? (Mga likas na kondisyon.) Ang pagkakaroon ng napakahusay na memorya, pagkatanda nang tumpak sa mga bagay, pagkabisado nang napakalinaw at napakatumpak sa mga artikulo, sa mga sipi ng mga salita ng Diyos, mga himno, o sa isang pagsasaayos ng gawain—sa anong aspekto ito dapat mapabilang? (Mahusay na kakayahan—isang likas na kondisyon.) Isa itong likas na kondisyon. Tungkol naman sa kung aling partikular na aspekto ng mga likas na kondisyon ito nabibilang, sa tingin Ko ay hindi ito dapat mapabilang sa kakayahan. Kung ito ay pagkakaroon lang ng mahusay na memorya, kakayahang makaalala ng mga bagay, makaalala ng marami, makaalala nang tumpak, at makaalala ng mga bagay nang mariin, sa pinakamainam ay nabibilang ito sa kategorya ng mga likas na kalakasan, talento, at abilidad. Pagdating naman sa kung mahusay ba o hindi ang kakayahan ng isang tao, depende iyon sa kung gaano kagaling ang kanyang abilidad na makaarok. Kung ang isang tao ay may napakahusay na memorya, nagagawang magkabisado ng isang seksyon ng mga liriko, ng isang bahagi ng kaalaman at doktrina, o ng isang propesyonal na kasanayan nang napakahusay, nang napakabilis, at nang napakadiin, pero ang kanyang nakakabisado ay mga bagay lang na nakagawian na at hindi naiaangkop, na hindi kinasasangkutan ng mga katotohanang prinsipyo at na hindi mailalapat o maipapatupad sa tunay na buhay o gawain—kung mayroon lang siyang mahusay na memorya—isa lang itong kalakasan at abilidad sa loob ng kanyang mga likas na kondisyon, hindi ito umaabot sa antas na nasasangkot na ang kanyang kakayahan. Gaya ng tinalakay natin kanina, ano ba ang kakayahan? (Pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay.) Kung mayroon kang mahusay na memorya at mahusay ring kakayahan, anong uri ng mga pagpapamalas at katangian ang dapat mayroon ka? Ito ay na, pagdating sa mga bagay na naririnig mo, batay sa kakayahang makaalala nang tumpak, kaya mo ring maarok ang mahahalagang punto, mahanap ang mga prinsipyo, makahanap ng isang landas ng pagsasagawa at ng isang plano ng pagpapatupad, at pagkatapos ay nagagawa mong aktuwal na ilapat ang mga ito sa tunay na buhay at gawain, ginagawa ang mga bagay nang episyente at epektibo. Ang ibig sabihin nito, ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyong kinabisado mo ay hindi nananatili sa teoretikal na antas, kundi ipinapatupad sa paggampan ng iyong tungkulin at nagiging iyong katotohanang realidad, nagtatamo ng mga resulta sa gawain na kayang makita ng mga tao at pinapabuti ang pagiging episyente ng gawain. Hindi lang ito pagkakaroon ng mahusay na memorya kundi pagkakaroon din ng mahusay na kakayahan. Hindi ito ang kaso kung saan ang pagkakaroon ng isang mahusay na memorya ay katumbas ng pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Sa halip, ang pagkakaroon ng abilidad na makaarok, ang kakayahang hanapin ang katotohanan at hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan kapag may mga nangyayari sa iyo, at ang pagpapatupad ng gawain nang walang paglihis at ang paggawa nito nang tumpak, mabilis, at epektibo—ito lang ang pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Ang mahusay na kakayahan ay hindi tungkol sa pagkaunawa ng ilang doktrina at pagkatapos ay kakayahang maglitanya ng maraming doktrina. Sa halip, ito ay tungkol sa pagkaunawa at pagkaarok ng ilang katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay ang kakayahang mailapat ang mga ito nang pleksible sa iyong gawain at tungkulin, ginagawa ang mga ito na bahagi ng iyong tunay na buhay, at binabago ang mga ito para mula teorya ay maging realidad ito, na nagtutulot sa mga katotohanang prinsipyo na magkaroon ng epekto at magtamo ng mga resulta sa mga tao, na nagdadala sa mga tao ng mga pakinabang at bentaha. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kakayahan. Kung naiipit ka sa antas ng pagkaunawa sa mga salita at doktrina at hindi mo maipatupad ang gawain, at hindi mo mahanap ang mga prinsipyo o ang mga pamamaraan—ibig sabihin, kung ang aspektong ito ng katotohanang prinsipyo ay palaging nananatili lang bilang isang teorya para sa iyo, at wala kang paraan, walang metodo, at walang landas para gawin itong realidad—ito ang ibig sabihin ng hindi pagkakaroon ng kakayahan o ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Gaano man kahusay ang iyong memorya, kahit pa nahihigitan nito ang memorya ng mga ordinaryong tao hanggang sa punto na halos nagiging isang ekstraordinaryong abilidad na ito, hindi iyon nangangahulugan na mayroon kang mahusay na kakayahan. Ano ang tinutukoy ng mahusay na kakayahan? Paano sinusuri ang kakayahan? (Hinuhusgahan ito batay sa kung kaya ba ng isang tao na maunawaan ang mga prinsipyo ng gawain at wastong maipatupad ang mga prinsipyong iyon para magkamit ng mga resulta.) Hinuhusgahan ito batay sa pagiging episyente at epektibo, tama ba? (Oo.) Ang ilang tao ay kayang tandaan nang mabilis at tumpak ang mga pagsasaayos ng gawain, at kaya rin nilang maunawaan ang mga ito sa teorya. Gayumpaman, pagdating sa pagpapatupad, kung may magtatanong sa kanila, “Paano dapat gawin ang gawaing ito? Mayroon ka bang mga ideya, plano, o hakbang?” sumasagot sila, “Wala, hindi ko alam kung paano ito gawin.” Ito ay kawalan ng kakayahan. Sa pinakamainam, isa lamang itong kalakasan sa isang larangan. Naaalala Ko na noong una tayong magbahaginan sa paksang ito, tinalakay natin ang isyung ito. Maaaring nalimutan na ninyo, at sa pagkakataong ito ay kinategorya ninyong muli ang napakahusay na memorya bilang kakayahan. Ang palaging maling pagkaunawa sa mga kalakasan at talento ng isang tao, at ang palaging pagkakategorya ng isang partikular na kalakasan o talento bilang mahusay na kakayahan, ay isang matinding pagkakamali. Kung nalutas ang isyung ito at nauunawaan ninyo kung ano ang kalakasan, kung ano ang talento o abilidad, at kung ano ang tunay na kakayahan, magiging kapaki-pakinabang ito para sa pagkilatis ng mga tao at para sa inyong sariling paglago sa buhay. Kahit papaano man lang, makakatulong ito na medyo mapigilan ninyo ang inyong mayabang na disposisyon, para hindi na kayo magkakamali ng paniniwala na mayroon kayong napakahusay na kakayahan dahil lang magaling kayong umawit o sumayaw. Kaya, puwede pa rin ba ninyong suriin ang usaping ito sa ganitong paraan ngayon? (Hindi na.) Kung gayon, ano ang aktuwal na kailangang taglayin ng mga taong magaling kumanta para magkaroon sila ng mahusay na kakayahan? (Kailangan nilang magkaroon ng abilidad na makaarok, malaman kung anong paraan ng pagkanta ang naaayon sa mga prinsipyo, at magkaroon din ng talas ng pandama.) Napakahalaga ng talas ng pandama. Kita mo, ang lahat ng taong ito ay nakakaalam ng kaunting teorya sa musika, pero magkakaiba ang epekto ng kanilang pagkanta. Ang ilang tao ay kayang mangapa at humanap ng isang landas para sa pagkanta. Nakikinig sila sa iba’t ibang kanta, iba’t ibang melodiya, at iba’t ibang estilo ng pagkanta mula sa iba’t ibang tao, at pinakikinggan nila kung anong mga teknik sa pagkanta ang nakakaantig at kasiya-siya. Nakakahanap sila ng isang partikular na pakiramdam mula sa prosesong ito at pagkatapos ay patuloy silang kumakapa at nagsasanay batay sa pakiramdam na iyon. Pagkalipas ng ilang panahon, nadarama nila na bumuti na ang kanilang pagkanta, at ang iba ay handang makinig dito. Unti-unti, ikinukumpara nila ito sa mga teorya at kinukumpirma nila na ang landas na ito ng pagsasagawa ay tama. Nagagawa nilang matuklasan ang landas ng pagsasagawa para baguhin ang kanilang paraan ng pagkanta at itama ang dati nilang mga maling paraan ng pagkanta. Pagkatapos ay nagagawa nilang higit pang ipatupad at ilapat sa sarili nilang pagkanta ang mabubuti, tama, at positibong mga elemento na natuklasan nila. Kaya nilang madama kung anong paraan ng pagkanta ang tama at kung anong paraan ang hindi tama, at kung anong paraan ng pagkanta ang nagbibigay ng magandang pakiramdam at kung anong paraan ang nagbibigay ng pangit na pakiramdam. Ito ay pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Kung mayroon lang silang teoretikal na kaalaman pero hindi nila kayang ilapat ang teorya sa kanilang aktuwal na pagkanta, at baluktot ang kanilang pagkaarok, hindi mahusay ang kanilang kakayahan. Tingnan mo ang ilang taong kumakanta—kapag tinutukoy ng iba na gumagamit sila ng huwad na boses, kaya nila itong tanggapin, at pagkatapos ng isa o dalawang taon ng pagsasanay, naitatama nila ito. Bagama’t hindi pa sila napakahusay sa pagkanta, kumakanta na sila gamit ang kanilang tunay na tono at boses. Sa kabilang banda, ang ilang tao ay kumakanta gamit ang isang huwad na boses, at malinaw ito sa sinumang nakakarinig sa kanila, pero iniisip pa rin nila na kumakanta sila gamit ang kanilang totoong boses, ang kanilang tunay na tono at boses, hindi nila makilatis ang pagkakaiba. Nagpapakita ito ng kawalan ng kakayahan at ng kawalan ng talas ng pandama, ng kawalan ng abilidad na makadama ng mga bagay. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng kakayahan at kalakasan. Kung mahusay ka sa pagkanta, kalakasan mo iyon; isa itong likas na kondisyon. Gayumpaman, kung mahusay ka bang kumanta at kung kaya mo bang madama ang diwa, mga prinsipyo, at mga esensyal sa larangang ito, sa propesyong ito, ay isang usapin ng kakayahan. Kung kaya mong madama ang diwa, mga esensyal, at mga prinsipyo, maaari kang maging isang mang-aawit, isang magaling na bokalista. Kung mahilig kang kumanta, kung mabilis mo itong natututunan, at tumpak mong napagdadalubhasaan ang melodiya, ritmo, at pitch, matatawag lang itong likas na kalakasan at pagiging mahusay sa partikular na propesyonal na kasanayang ito. Gayumpaman, dahil sa napakakatamtaman at napakalimitado mong kakayahan, palagi kang mananatiling nalilimitahan ng pagiging mahusay lang dito. Hindi mo magagawang maabot ang antas ng pagiging dalubhasa sa mga esensyal at hindi mo magagawang maging isang tunay na mang-aawit at magaling na bokalista. Ito ang limitasyon na ipinapataw ng iyong kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay may potensyal at maaari pang humusay, habang iyong mga may katamtaman o mahinang kakayahan ay walang potensyal o pagkakataon pang humusay. Kaya, nasaang larangan man ang iyong mga kalakasan, kung mahina ang kakayahan mo, tiyak na malilimitahan ka ng iyong kakayahan. Gaano man kahusay ang talento mo sa isang partikular na larangan, gaano mo man ito kagusto, o gaano man kalaki ang interes mo, hindi ka magkakaroon ng potensyal na humusay dahil sa iyong mahinang kakayahan, dahil hindi mo kayang higitan ang kakayahan mo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ngayong nasabi Ko na ito, mawawalan ba kayo ng kumpiyansa sa pagkanta? Tinatalakay Ko lang ang kasalukuyang usapin, gamit ang isa sa inyong mga kalakasan bilang halimbawa para pagbahaginan ang pagkakaiba sa pagitan ng kakayahan at mga kalakasan. Gayumpaman, hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na maging mga tunay na magagaling na bokalista kayo, na kumanta kayo nang may mataas na antas ng katumpakan, na makabuo kayo ng isang partikular na estilo ng pagkanta, o magkamit kayo ng malaking tagumpay sa pagkanta. Hindi hinihingi ang mga ito. Gamitin lang ninyong mabuti ang inyong umiiral na kakayahan at mga kalakasan—ayos na iyon. Hangga’t may pagpapahayag ng mga tunay na damdamin at sinseridad, sapat na iyon. Sa puntong ito, huwag kayong panghinaan ng loob o sumuko dahil lang sinabi Ko na ang ilan sa inyo ay may mahinang kakayahan o may napakakatamtamang kakayahan at hindi na gaanong maaaring humusay pa. Hindi iyon kinakailangan. Panghihinaan ba kayo ng loob? (Hindi.) Dapat ninyong harapin ang usapang ito nang tama. Kung hindi Ko ginamit ang mga sitwasyon ninyo bilang mga halimbawa, baka hindi ninyo ito maintindihan, baka hindi kayo magkaroon ng lubusang pagkaunawa, at hindi ninyo isapuso ang anumang sinabi Ko. Para matulungan kayong makaunawa nang lubusan, kinailangan Kong magbigay ng ilang halimbawa para magkaroon ng mas mahusay na pagkaunawa ang lahat. Sa ganitong paraan, ang inyong pagkaunawa sa pagkakaiba sa pagitan ng kakayahan at mga kalakasan ay magiging mas tumpak din. Ayos lang ba sa inyo ang ganitong paraan ng pagbabahaginan? (Oo, ayos lang.) Mabuti naman na ayos lang sa inyo. Harapin ninyo ito nang tama. Magsanay kayo ayon sa nararapat. Ang pagsasapuso mo rito, at ang pagsasanay tungo sa isang mabuting layon at direksiyon ay palaging magiging mas mainam kaysa sa hindi pag-usad o sa pananatili sa mga dati mong gawi. Bagama’t ang kakayahan mo ay limitado o mahina, kailangan mo pa ring magsumikap na magsanay at magpunyagi para makamit ang pinakakaya mo sa loob ng saklaw ng iyong limitadong kakayahan. Dapat nating ilaan ang buong puso natin at ang buong pagsisikap natin, gawin ang tungkuling ito at isakatuparan ang gawaing ito nang may saloobin ng responsabilidad at katapatan. Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mong sundin. Hindi ka dapat maging negatibo o sumuko dahil lang walang potensyal na umunlad ang iyong kalakasan at hindi mo magagawang maging bida sa hinaharap. Hindi iyon katanggap-tanggap, at malinaw na hindi iyon ang katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin sa pagtrato sa usaping ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Sa loob ng bawat isa sa tatlong larangang ito—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon—maraming partikular na detalye na kailangang maunawaan. Kailangan ba nating pagbahaginan ang mga usaping ito? (Oo.) Para sa maraming aspekto, mababaw lang ang pagkaunawa ng mga tao at hindi nila ito kayang ipaliwanag nang malinaw. Maaaring mayroon silang ilang kalakasan at pagkatapos ay iniisip nilang marangal ang kanilang karakter, naniniwala na sila ay kagalang-galang at walang mga tiwaling disposisyon, na may mabuti silang pagkatao at mahusay na kakayahan. Ang lahat ng ito ay nagmumula sa kawalan ng abilidad ng mga tao na kilatisin nang malinaw ang mga isyung ito. Habang mas maraming nasasangkot na detalye sa ganitong uri ng mga isyu, mas marami ang kailangang pagbahaginan; hindi ito matatalakay sa isa o dalawang sesyon lamang, kundi nangangailangan ito ng maraming pagbabahaginan. Sige, dito na natin ititigil ang pagbabahaginan ngayon. Paalam!
Oktubre 14, 2023