Paano Hangarin ang Katotohanan (5) Ikaapat na Bahagi

Pagiging Metikuloso at Masinsinan sa Paggawa ng mga Bagay

Ang pagiging walang ingat ay isang depekto ng pagkatao. Kung gayon, ang pagiging metikuloso at masinsinan sa paggawa ng mga bagay, at pati ang kakayahang maarok ang buod, mahahalagang punto, ang kakayahang matukoy kung nasaan ang mga problema at makilatis ang diwa ng mga problema—isa ba itong merito ng pagkatao? (Oo.) Ang saloobin ng mga metikulosong tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay medyo wasto; napakametikuloso at napakataimtim sa paggawa ng mga bagay, nagagawa nilang patahimikin ang kanilang isipan at hindi maging padalos-dalos—isa itong merito ng pagkatao. Bagama’t ang isang taong nagtataglay ng meritong ito ng pagkatao ay kayang umako ng gawaing full-time, kung masyado siyang mabagal sa paggawa ng mga bagay at hindi mataas ang pagiging episyente ng kanyang gawain, hindi gaanong magiging maganda ang mga resulta. Ano ang nasasangkot dito? Nasasangkot dito ang kakayahan, ang isa sa mga likas na kondisyon. Sa tingin mo ba, ang sinumang metikuloso ay tiyak na kayang gumawa ng mahusay na gawain? Hindi tama ang pananaw na ito. Ang ilang tao ay masyadong metikuloso sa paggawa ng mga bagay, hanggang sa punto ng pagiging medyo neurotic. Halimbawa, kapag naghuhugas ng mga gulay, hinuhugasan nila ang harap ng mga dahon at pagkatapos ay ang likuran, tinatanggal ang bawat dilaw na dahon, at tinatanggal ang bawat butas ng insekto, tinitiyak na ang mga gulay ay nahuhugasan nang ganap na malinis. Ang pagiging napakametikuloso sa paggawa ng mga bagay ay isang merito ng pagkatao, pero kung ang isang tao ay labis na metikuloso hanggang sa punto ng pagiging walang prinsipyo, at paggawa ng napakaliliit na bagay, ito ay nagiging hindi na kinakailangan at hindi episyente. Nagpapahiwatig ito ng isang mahinang kakayahan, ng kawalan ng kakayahan na magsakatuparan ng mga bagay, at kawalan ng kapabilidad na magpasan ng gawain. Ang ilang tao na metikuloso sa paggawa ng mga bagay ay naaarok ang mga prinsipyo, naaarok ang buod, ang mahahalagang punto, kumikilos nang mabilis at maliksi, nang may maagap na paghusga, at nagagawang lutasin nang mabilis ang mga problema—ito ay pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Ang pagiging metikuloso sa paggawa ng mga bagay ay hindi katumbas ng pagiging episyente sa paggawa ng mga bagay, hindi rin ito katumbas ng pagkakamit ng magagandang resulta sa paggawa ng mga bagay. Nangangahulugan lang ito ng kakayahan na manatiling nakatuon nang pasensyoso, pagiging tahimik, hindi pagiging padalos-dalos at hindi pagiging papansin at hindi pagiging walang ingat. Sa pinakamainam, isa lang itong merito ng pagkatao, at malayo ito sa mahusay na kakayahan. Ang ilang tao ay napakametikuloso sa paggawa ng mga bagay, nagmumukhang napakamaingat, hindi nagmamadali o natataranta, at napakatahimik. Gayumpaman, hindi sila episyente sa pangangasiwa ng mga usapin, hindi nila magawang bigyang-priyoridad ang mga bagay batay sa kahalagahan at kaapurahan. Kumakapit sila sa kung anong hindi mahalagang gampanin at pinagtatrabahuhan nila ito nang walang katapusan, kaya ang iba ay nakadarama ng pagkabalisa at labis na pagkayamot, gustung-gusto na sipain sila nang malakas. Masyado silang mabagal gumawa, nang hindi episyente kahit kaunti—sadyang wala silang kuwenta! Ang isang taong may normal na abilidad na mabuhay ay gumagawa ng sampu o dalawampung beses na mas mabilis kaysa sa kanila. Ginagawa nila ang mga bagay nang masyadong mabagal, at gaano man karami ang gawin nila, hindi sila makahanap ng isang pamamaraan, hindi makahanap ng mga prinsipyo, wala silang diskarte at hindi sila episyente. Ang isang gampanin na dapat ay abutin lang ng isang oras ay maaaring abutin sila ng isang buong araw, ang isang gampanin na dapat ay abutin lang ng isang araw ay maaaring abutin sila ng limang araw, at ang isang gampanin na dapat ay abutin lang ng limang araw ay maaaring abutin sila ng sampung araw, kaya kapwa ka nagagalit at labis na nayayamot sa panonood sa kanila. Ang ilang babae ay mabigat ang katawan sa pangangasiwa ng mga usapin. Kahit na alam na alam nila na kailangan nilang lumabas para mag-asikaso ng isang bagay sa lalong madaling panahon, ipinipilit pa rin nilang hugasan ang kanilang buhok. Sa paghuhugas ng kanilang buhok, hindi sila makahanap ng pamamaraan. Sa halip na hugasan ang kanilang buong buhok, hinuhugasan nila ang kada hibla nito, at pagkalipas ng kalahating oras ay hindi pa rin sila tapos. Hindi ba’t baliw sila? Dahil sa paghuhugas ng kanilang buhok, sa huli ay naaantala nila ang mga wastong usapin. Habang mas apurahan ang mga usapin, mas lalong hindi nila nararamdaman na dapat silang magmadali, at mas tumutuon pa nga sila sa pangangasiwa sa hindi mahahalagang usaping iyon, inaantala ang mahahalagang usapin nang hindi nakakaramdam ng pagkabalisa o pagkairita. Kung hihimukin mo sila, napakarami pa nilang mga palusot: “Paanong iiwanan ko na lang nang hindi tapos ang mga wastong bagay na ito?” Kapag nakakakita ka ng gayong mga tao, ano ang naiisip mo? Gugustuhin mo talagang sipain sila. Hindi ba’t karapat-dapat na sipain ang gayong mga tao? (Oo.) Para sa ganitong mga tao, kahit pa may gawaing kailangang gawin, hindi kailangang ipagawa sa kanila ito. Masyado silang mabagal gumawa at masyado silang walang kakayahan! Kapag nakakakita kayo ng gayong mga tao, na gumagawa ng mga bagay na kasingbagal ng suso, nababalisa ba kayo? (Oo.) Sinasabi nila, “Metikuloso ako sa aking gawain!” Sinasabi Ko naman, “Ano ang silbi ng iyong pagiging metikuloso? Ang iba ay hindi naman labis na mas hindi metikuloso kaysa sa iyo, pero mas marami silang nagagawang gawain kaysa sa iyo at mas nagagawa nila ito nang maayos. Nakapagkakamit ba ng mga resulta ang pagiging metikuloso mo? Ito ang susi. Kung metikuloso ka sa paggawa ng mga bagay at episyente ka rin at nagkakamit ng magagandang resulta, may halaga ang pagiging metikulosong iyon. Pero kung metikuloso ka lang sa paggawa ng mga bagay at sa huli ay hindi ka nagkakamit ng mga resulta ni episyente, kapaki-pakinabang ba iyon? Wala itong silbi!” Ang ilang tao ay labis na metikuloso sa paggawa ng mga damit, pero hindi kailanman tama ang kanilang sukat. Hindi nila kayang tumpak na husgahan kung kakasya ba ang mga damit sa magsusuot nito, hindi nila matukoy kung ang mga manggas ay masyado bang mahaba o masyadong maiksi, o kung ang mga damit ay masyado bang masikip o masyadong maluwag, hindi nila alam kung ano ang standard na lapad ng laylayan ng manggas, at hindi nila alam kung naaangkop ba ang kwelyo. Ang mga damit na ginawa ng gayong mga tao ay tiyak na hindi magiging pasok sa pamantayan. Kung ang isang tao ay kapwa metikuloso at may prinsipyo, ito ay tunay na isang merito ng pagkatao. Pero kung ang isang tao ay metikuloso lang at walang mga prinsipyo, hindi magawang maarok ang mahahalagang punto, at palaging pinalalaki ang hindi mahahalagang usapin at walang silbing pinag-iisipan nang husto ang mga ito, ito ay nakakainis. Ang salitang “metikuloso”, sa pangkalahatan, ay itinuturing na isang positibong termino ng karamihan ng tao, pero hindi lahat ng kaso ng pagiging metikuloso ay mga merito. Depende ito sa sitwasyon. Ang ilang tao ay metikuloso sa isang pikit-matang paraan nang walang anumang mga prinsipyo. Ito ay hindi pagiging metikuloso kundi pagiging neurotic at hindi magawang maarok ang mahahalagang punto; nagpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan, at ito ay kawalan ng kakayahang makahanap ng diskarte para gumawa ng mga bagay-bagay at kawalan ng kakayahang maarok ang mga prinsipyo. Samakatwid, sa Aking pananaw, bagama’t ang pagiging metikuloso bilang isang pagpapamalas o paraan ng paggawa ng mga bagay ay isang merito ng pagkatao, kailangan mo ring tingnan ang kakayahan ng tao. Kung hindi isasaalang-alang ang kakayahan, mabuti pa rin ang pagkakaroon ng isang metikulosong saloobin sa paggawa ng mga bagay. Kung ang isang tao ay kapwa may kakayahan at episyente sa paggawa ng mga bagay, at kayang sumunod sa mga prinsipyo, at higit pa roon ay metikuloso, ang pagiging metikuloso na ito ay tunay na magandang bonus at isang tunay na merito ng pagkatao.

Pagkahilig na Magpasikat

Pag-usapan natin ang tungkol sa isa pang pagpapamalas: ang pagkahilig na magpasikat. Sa anong uri ng isyu ito nabibilang? (Mga tiwaling disposisyon.) Halimbawa, ang ilang tao ay kayang mag-type nang napakabilis. Para maipaalam sa iba na mayroon silang ganitong kalakasan, sadya nilang tinitipa ang keyboard nang napakalakas, na para bang gusto nilang sabihin, “Pakinggan mo ang ritmo ng pagta-type ko, at malalaman mo kung gaano ako kabilis mag-type!” Ang ilang tao ay mga nagsipagtapos mula sa unibersidad, kaya nakagawian na nilang magsabi ng mga bagay tulad ng, “Noong nasa unibersidad pa kami,” “ang mga propesor namin sa unibersidad,” “ang kampus ng unibersidad namin,” at iba pa. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Pagpapasikat.) Ito ay tinatawag na pagpapasikat. Ang ilang tao ay bumibili ng bagong kotse at natatakot na hindi malalaman ng iba na mamahaling sikat na tatak ito. Pagkatapos lumabas sa kotse, hindi sila umaalis kundi sa halip, sa isang sandali ay tinitingnan nila kung may mga bakas ba ng daliri sa mga bintana, at sa susunod na sandali ay tinitingnan nila kung mayroon bang mga gasgas ang pintura. Bakit sila patuloy na tumatambay sa paligid ng kotse? Ito ay para lang ipaalam sa iba na sa kanila ang kotse. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Pagpapasikat.) Ang ilang tao ay may mamahaling telepono. Para maipakita ito sa iba, kahit wala nang charge ang telepono, nagpapanggap pa rin sila na may kausap sa telepono. Ano ang tawag dito? (Pagpapasikat.) Bakit sila nagpapasikat? Hindi ba’t banidad ang nangyayari dito? Ang ilang tao ay nagsusuot ng mink coat, at kahit na pagkatapos pumasok sa isang silid na sakto ang init, hindi nila ito hinuhubad. Kapag may nagtatanong sa kanila, “Hindi ka ba naiinitan?” sumasagot sila, “Hindi. Mink ang suot ko—sakto ang init nito!” Ipinagpapalagay nila na walang alam ang iba tungkol dito! Kapag hinuhubad ito, sinisiguro nila na maipakita ang tatak nito, ipinaparada ito sa mga tao: “Hindi lang ito mink coat, mula rin ito sa Ganito-at-ganyan, isang mamahalin na sikat na tatak. Ni hindi mo ito alam!” Kung hindi ito alam ng iba, bakit ka pa nagpapasikat? Hindi ba’t walang silbi ang pagpapasikat na iyon? Ipinaparada pa nga ng ilang tao ang kanilang sarili sa Akin, sinasabi na, “Nakasuot Ka ng duck down jacket? Dapat ay magsuot Ka ng mink coat—sakto ang init nito!” Sinasabi Ko, “Sakto nga ang init nito, pero napakabigat naman ng coat na iyon!” Nagsusuot sila ng mink coat at ipinaparada pa nga ang kanilang sarili sa harap Ko. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t mababaw ang gayong mga tao na mahilig magpasikat? Sa usapin ng kanilang pagkatao, mayroon silang dalawang problema. Ang isa ay na labis silang superpisyal. Pagdating sa mga panlabas na pag-aari at mga materyal na bagay tulad ng pagkaing kinakain nila, ang mga damit na isinusuot nila, at ang mga bagay na ginagamit nila, gusto nilang ibida ang lahat ng ito. Hindi nila mapigilan ang pagnanais na magpasikat at palagi nilang gustong ipakita sa iba ang mga bagay na ito, ipinapaalam sa iba na ang mga damit na isinusuot nila at ang mga bagay na ginagamit nila ay pawang mamahalin at katangi-tangi. Ano naman kung malaman ng iba? Kahit pa makita ito ng iba at hindi sila tingalain ng mga ito, nagpapasikat pa rin sila. Hindi ba’t mababaw ito? (Oo.) Sila ay mababaw at parang bata—ito ang isa pang problema sa mga taong mahilig magpasikat. Sabihin mo sa Akin, ano ang makakamit nila mula sa pagpapasikat nang ganoon? Ito ba ay para lang iparamdam ang presensya nila? Kailangan ba ito? Hindi ba’t hindi ito kinakailangan? (Oo.) Noong 1980s at 1990s, kung ang mga suwelas ng balat na sapatos na sinusuot ng isang tao ay naluma nang hindi pantay, papakuan nila ang mga ito ng mga iron tap, na maingay ang tunog kapag naglalakad. Kinailangan ng ilang tao na magpako ng mga iron tap sa mga bagong balat na sapatos bago pa man nila suotin ang mga ito, para lang ipaalam sa iba na nagmamay-ari sila ng isang pares ng balat na sapatos. Binigyan sila nito ng kumpiyansa at nagparamdam ito sa kanila ng kasiyahan. Naniwala silang, “Ang makuha ang atensiyon ng iba ay isang mabuting bagay. Pinatutunayan nito na kaakit-akit ako at na may saysay ang aking pag-iral. Kaya kailangan kong ibahagi sa lahat ang aking mga kahusayan, kalakasan, at ang magagandang bagay na pag-aari ko.” Talaga bang pagbabahagi ito? Ito ay tinatawag na pangangalandakan. Hindi ba’t napakaraming tao sa mundong ito na mahilig mangalandakan? (Oo.) Iniisip ng lahat ng tao na napakanormal nito, hindi ba? Walang nanghahamak sa gayong mga tao, ni tumitingin sa kanila nang kakaiba, dahil ang mundo ay puno ng gayong mga tao na nahuhumaling sa lahat ng uri ng kasiyahan na dulot ng materyal na bagay at salapi, at ng mga kasiyahang dulot ng katayuan. Samakatwid, niluluwalhati ng mundong ito ang mga bagay na ito. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba ay nasusuklam at nanghahamak sa gayong mga tao. Bakit? Ang mga nananampalataya sa Diyos, mula sa simula ng pagtatatag ng pundasyon hanggang sa unti-unting pagkaunawa sa katotohanan at sa halaga at kabuluhan ng pagiging tao, ay nagsisimulang hindi na masyadong pahalagahan ang mga materyal na kasiyahan at ang ilang superpisyal na bagay sa mundo. Nababawasan ang panloob na sigasig nila na maghangad ng mga panlabas na pag-aari, nagbabago ang mga layon at direksiyon ng kanilang paghahangad, at nag-iiba ang mga pangangailangan ng kanilang panloob na mundo. Nagkakaroon sila ng ibang perspektiba sa mga materyal na pangangailangan, nadarama na ang gayong mga bagay ay pawang hungkag at hindi matutugunan ang mga pangangailangan ng kanilang puso. Samakatwid, ang tendensiya nilang magpasikat at mangalandakan ng lahat ng uri ng bagay ay nababawasan. Sa pinakamataas, ano ang ilang bagay na ipinapasikat o pinangangalandakan ng mga mananampalataya ng Diyos? Maaaring ipangalandakan nila ang mga bagay tulad ng kanilang mga kasanayan o kalakasan. Halimbawa, ang ilang taong mahilig kumanta ay palaging gustong iparinig sa iba ang kanilang boses. Sinasabi nila, “Pakinggan ninyo kung gaano kaganda ang boses ko!” Natatakot sila na hindi malalaman ng iba na magaling silang kumanta, at palagi nilang gustong magpasikat sa ganitong aspekto. Sa pagbubuod, ang pagkahilig na magpasikat ay isang depekto ng pagkatao. Isa itong pagpapamalas ng pagiging immature, pagiging isip-bata, at pagiging mababaw ang pagkatao. Kapag ang mga tao ay nakakaunawa lang ng ilang salita at doktrina at hindi sila tunay na nagkamit ng katotohanan o nakapasok sa katotohanang realidad, mataas ang posibilidad na ipakita nila ang kapintasan na pagkahilig na magpasikat, at ang depektong ito ng pagkatao ay hindi madaling mapagtagumpayan. Ito ay dahil, bago makamit ng mga tao ang katotohanan, ang mga bagay na kaya nilang ipasikat at ipangalandakan ay ang kanilang kapital at kumpiyansa sa sarili para sa pamumuhay. May kumpiyansa ka sa iyong sariling asal at motibasyon sa paggawa ng mga bagay dahil lang umaasa ka sa mga bagay tulad ng hitsura, tindig, mga kalakasan, antas ng edukasyon, mga kalipikasyon, o mga propesyonal na kasanayan para mabuhay. Samakatwid, ang karamihan ng tao, sa magkakaibang antas, ay nagpapakita ng kapintasan na pagkahilig na magpasikat, at hindi ito madaling mapagtagumpayan, hindi madaling paghimagsikan. Kapag ang mga tao ay nakakaunawa sa katotohanan at nakakapasok sa katotohanang realidad, mayroon silang ilang tayog, at nababawasan ang pakialam nila sa mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, nakikita nila na hindi kailangang magpasikat o mangalandakan, at na ang mga bagay na ito ay hindi kumakatawan na ang isang tao ay may pagkatao, o na ang isang tao ay may tayog; at siyempre, higit pa rito, hindi kinakatawan ng mga ito na ang isang tao ay naligtas o nagagawang magpasakop sa katotohanan at sa Diyos. Samakatwid, para sa ilang tao na dating mahilig magpasikat, habang nauunawaan nila ang katotohanan at nakakapasok sila sa katotohanang realidad, unti-unting naglalaho ang pagnanais na ito, at hindi namamalayan na napagtatagumpayan at naglalaho ang depektong ito ng pagkatao. Gamitin nating halimbawa ang isang tao na nagsusuot ng medyo mamahaling T-shirt. Kapag aksidente itong nadumihan nang kaunti, labis siyang nababalisa. Sinasabihan siya ng isa pang tao, “Bakit labis kang nababalisa? Hindi ba’t magiging maayos naman ito kung lalabhan mo lang ito?” Sumasagot siya, “Alam mo bang nagkakahalaga ng 200 yuan ang T-shirt na ito?” Pinipilit niyang banggitin ang presyo para ipaalam sa iba; saka lang siya nasisiyahan. Kung nauunawaan ng taong iyon ang katotohanan, kaya niyang harapin nang tama ang gayong mga usapin kapag nakaharap niya muli ang mga ito. Hindi niya babanggitin ang presyo, at sa puntong ito, medyo mapipigilan ang kanyang banidad. Hindi ba’t ipapakita nito na ang kanyang pagkatao ay medyo gumulang na at hindi na masyadong mababaw o parang bata? (Oo.) Kung gayon, ang kanyang pagkahilig na magpasikat, ang depektong ito ng kanyang pagkatao, ay mapagtatagumpayan na.

Paghamak sa Mahihirap at Pagpabor sa Mayayaman

Ang susunod na pagpapamalas ay ang paghamak sa mahihirap at pagpabor sa mayayaman. Ang ilang tao, kapag nakakakita ng isang mayamang tao, ay agad na sumisipsip dito, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Ang ganda ng balat mo. Ang ganda ng hitsura mo. Napakarangal mo, kahit ang dura mo ay mas mahal pa kaysa sa aming mahihirap na tao!” Kapag nakikipag-usap sa mayayamang tao at sa mga may posisyon at katayuan, labis silang malumanay. Pero kapag nakakakita sila ng isang magsasaka, palagi nilang gustong pagtawanan ito, at ang kanilang mga salita, direkta man o hindi direkta, ay nangmamaliit dito. Ganap na iba ang mga saloobin nila sa mahihirap at sa mayayaman. Handa silang tugunan ang mga pangangailangan ng mayayaman, hanggang sa puntong handa silang maging alipin ng mga ito. Pero sa mahihirap, iba ang istorya—kapag ang mahihirap ay nahaharap sa mga suliranin at nanghihingi ng tulong, binabalewala nila ang mga ito. Ang pagtrato nila sa mga tao na may mababang posisyon at mababang katayuan sa lipunan ay ganap na iba sa pagtrato nila sa mga may mataas na katayuan sa lipunan. Ito ay paghamak sa mahihirap at pagpabor sa mayayaman. Anong uri ng problema ito? (Isang depekto ng pagkatao.) Isa ba itong depekto ng pagkatao? Anong uri ng problema sa loob ng pagkatao ito? (Pagkakaroon ng mababang karakter.) Isa itong problema ng karakter sa loob ng pagkatao—ang pagkakaroon ng mababang karakter. Kapag nakakakita sila ng mayayamang tao, sila ay nagiging mga mapagpasakop na alipores, kumikilos sa paraang labis na nagpapakaalipin. Kapag nakakakita sila ng mahihirap na tao, gusto nilang kumilos na parang sila ang amo. Anong uri ng mga nilalang sila? Ang pagtrato sa mga tao sa ganitong paraan ay nagpapakita na wala silang mga prinsipyo! Ang mahihirap na tao ay medyo kulang lang sa pera at medyo may masahol na mga kondisyon sa pamumuhay—paano ka nila ginalit? Ang mahihirap na tao ba ay tiyak na may masamang pagkatao? Ang mayayamang tao ba ay tiyak na may mabuting pagkatao? Ang mga tao ba na nanghahamak sa mahihirap at nagpapabor sa mayayaman ay sinusukat at tinitingnan ang iba batay sa mga katotohanang prinsipyo? Malinaw na hindi. Naniniwala sila na ang sinumang may pera ay marangal at dakila, at ang sinumang mahirap ay hamak at mas mababa. Ang pamantayan ng pagsukat nila sa mga tao ay pera. Ang gayong mga tao ba ay mabubuting tao? Kumusta ang kanilang pagkatao? (Masama ang kanilang pagkatao.) Kapag nakakakita sila ng isang mayamang tao, ngumingiti sila para sumipsip; kapag nakakakita sila ng mahirap na tao, agad na sumisimangot ang kanilang mukha—napakabilis magbago ng kanilang mukha! Handa pa nga silang magbitbit ng arinola para sa isang mayamang tao, pero ni ayaw nilang magsalin ng isang basong tubig para sa isang mahirap na tao. Anong uri ng mga nilalang sila? Hindi ba’t mababa ang karakter nila? (Oo.) Mabuti ba na maging mga lider ang gayong mga tao? (Hindi.) Bakit hindi? Sa anong mga paraan sila hindi nababagay sa posisyon ng mga lider? (Wala silang mga prinsipyo sa kanilang pagtrato sa mga tao, at ang kanilang pagpili at paggamit ng mga tao ay hindi batay sa mga katotohanang prinsipyo kundi sa halip ay batay sa kung ang isang tao ay may katayuan sa lipunan at may pera. Kung magiging lider sila, iaangat nila ang mga may katayuan at pera. Kung ang mga taong ito na naaangat ay masasamang tao, ang masasamang tao ay magkakaroon ng kapangyarihan sa iglesia, at iyon ay magiging isang sakuna.) Ang gayong mga tao ay hindi nababagay na maging lider. Sa isang banda, mababa ang karakter nila, at wala silang pamantayan ng konsensiya sa kanilang ginagawa. Sa kabilang banda, kung magiging lider sila, itutulad nila ang iglesia sa isang bagay na tulad ng lipunan—ang iglesiang pinamumunuan nila ay magiging isang grupong panlipunan. Iaangat nila ang mga mayayaman at maimpluwensiya, ang mga may posisyon, katayuan, at mga koneksiyon, at ang mga namamayani sa lipunan, gagawing mga lider ng pangkat at superbisor ang mga ito, habang tinatapak-tapakan ang mga magsasaka, mahihirap na tao, at ang mga mababa ang pinag-aralan at hindi mahusay magsabi ng mga salitang kaaya-ayang pakinggan na may mabuting pagkatao, may kakayahan, at naghahangad sa katotohanan pero mababa ang katayuan sa lipunan. Hindi ba’t dahil dito ay magiging katulad lang ng lipunan ang iglesia? Ano pa ang magiging pagkakaiba? Sa lipunan, hindi ba’t ang mayayaman at mga may katayuan ang mayroong kapangyarihan? Hindi ba’t ang mga may posisyon, koneksiyon, kapangyarihan, at impluwensiya ang may katayuan at nagiging bida sa lahat ng antas, larangan, at grupo sa lipunan? Kung ang sambahayan ng Diyos ay tulad ng lipunan, magiging sambahayan pa rin ba ito ng Diyos? Hindi na ito magiging sambahayan ng Diyos at hindi na ito matatawag na isang iglesia—ito ay magiging isang grupong panlipunan. Ito mismo ang kahihinatnan ng pagiging lider ng mga taong nanghahamak sa mahihirap at nagpapabor sa mayayaman. Ang gayong mga tao ay nagiging alipores ng sinumang may katayuan. Sabihin mo sa Akin, ang mga tao bang kumikilos bilang mga alipores ay mayroong anumang mga prinsipyo? Mayroon ba silang mga hangganan sa kanilang sariling asal? (Wala.) Ang gayong mga tao ay walang mga prinsipyo o hangganan sa kanilang sariling asal. Kapag nahaharap sa isang mapanganib na kapaligiran, maaari silang maging Hudas. Kung babagsak ang kanilang bansa, magiging mga traydor sila. Kung magiging lider sila ng gobyerno, sila ay magiging mga traydor sa bansa. Ganito sila mismong uri ng nilalang! Samakatwid, hindi sila nababagay na maging lider. Ito ay dahil hindi sila gagawa ng tunay na gawain at pipinsalain nila ang mga kapatid, tinatapakan ang lahat ng mga tunay na naghahangad sa katotohanan at may pagkatao habang inaangat ang mga may masamang pagkatao, ang mga may katayuan at prominente at maimpluwensiya sa lipunan; ito ay direktang salungat sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat ng mga tao. Kung ang gayong mga tao ang mamumuno at magkakaroon ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, makakausad ba nang maayos at walang hadlang ang gawain ng iglesia? (Hindi.) Ang gawain ng iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay masisira sa kamay ng mga taong ito. Ang mga taong ito ay magsasabwatan, maggagamitan, at magsusuportahan. Ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan ay isasantabi at ibubukod—maaari pa nga na lahat sila ay maitalaga sa mga grupong B o mapaalis, kaya wala na silang malalabasan. Hindi ba’t maaaring maging ganito ang kaso? (Oo.) Paano ba ang mga ugnayan sa pagitan ng mga taong ito? Kapag nagsasama-sama sila, tinatawag nila ang isa’t isa na brother, inaakbayan nila ang isa’t isa, at nagyayabang sila tungkol sa maluluwalhating kasaysayan sa lipunan, pinag-uusapan kung ano ang magagawa nila para sa isa’t isa at pagkatapos ay itinatanong kung ano ang magagawa noong isa para sa kanila, kapwa naggagamitan. May pagkakaiba pa ba ang mga taong ito mula sa mga tao sa lipunan? Kapag magkakasama sila, hindi nila kinakain at iniinom ang salita ng Diyos, hindi sila nagbabahaginan sa katotohanan, hindi sila nagbabahaginan tungkol sa kanilang personal na pagkaunawang batay sa karanasan, hindi nila pinag-uusapan ang pagkilala sa sarili, at hindi hinihimay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa halip, pinag-uusapan lang nila kung gaano naging matagumpay ang takbo ng mga bagay para sa kanila sa lipunan, ang mga bagay na ginawa nila para maging bida sila, ang maluluwalhati nilang kasaysayan, kung sinong mga opisyal ang nakasama na nila sa pagkain at pag-inom, kung kaninong mga opisyal na sila sumipsip—ang mga ito lang ang pinag-uusapan nila. Ang mga tao bang ito ay mga mananampalataya ng Diyos? Nakikipagkompitensiya sila sa isa’t isa tungkol sa katayuan, pinagmulan, mga abilidad, mga pamamaraan, habang nagsasabwatan at naggagamitan din—ganito ang kanilang ugnayan. Kung isa kang ordinaryong tao o isang magsasaka na walang anumang magagawa para sa kanila, ang tingin nila sa iyo ay walang halaga, isang tao na ganap na hindi kapansin-pansin para sa kanila, at ikaw ay isinasantabi. Ano ang pinag-uusapan nila kapag magkakasama sila? Tinatalakay nila kung aling tatak ng damit ang naglabas ng bagong aytem, kung anong bagong kotse ang inilabas, kung sino ang bumili ng diamante na may maraming karat, kung kaninong pag-aari ang nasubasta, kung kaninong stock ang bumaba o tumaas, kung kaninong kompanya ang naisapubliko, kung sino ang sumipsip sa mga opisyal ng gobyerno, kung sino ang nakipagsabwatan sa kung anong gang, o kung sino ang nagbigay ng kung ilang regalo at gumastos ng kung gaano kalaking pera para maisagawa ang isang bagay—itong mga bagay lang na ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Kung palagi nilang pinag-uusapan ang ganitong mga bagay sa iglesia, hindi ba’t magugulo at masisira nila ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia? Sabihin mo sa Akin, ang gayong mga tao ba ay maaaring mapili bilang mga lider? (Hindi.) Sila ay mga oportunista. Kapag natuklasan ninyo ang gayong mga tao sa iglesia, dapat ninyo silang ilantad at paalisin—hindi pinapanatili ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ang mga oportunista sa sambahayan ng Diyos ay naroon lang para iraos ang mga bagay-bagay at patusong makakuha ng mga pagpapala. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi sila tumatanggap ng anumang mga positibong bagay. Dagdag pa rito, ginagawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin nang walang anumang sinseridad; ayaw nilang gumugol kahit kaunti at gusto lang nilang magkamit ng mga pakinabang. Kung walang mga pakinabang, wala silang anumang gagawin. Habang ang mga kapatid ay nakatuon sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at paggawa nang masigasig, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin at nagpapakaabala sila sa mga personal na usapin, nagpapakasasa pa nga sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Madalas din silang mag-online at gumugol ng maraming oras sa pagsasaliksik ng mga bagay na hilig nila o pinakagusto nila, tulad ng fashion, pagpapaganda at pag-eestilo ng buhok, at mga mamahaling produktong pangkalusugan. Saanman sila magpunta, kumikilos sila nang arogante at nililinlang nila ang iba; hinahanap nila ang mga taong kauri nila, at kapag nakakakita sila ng isang taong katulad nila, agad nila itong nakakasundo. Hindi nila makasundo ang mga tunay na kapatid, at sa iglesia ay itinuturing silang kakatwa at hindi sila mga tao. Kapag nakakakita kayo ng gayong mga tao, dapat ninyo silang layuan. Higit pa rito, kung ang karamihan ng tao o ang inyong mga lider ay walang pagkilatis at itinuturing pa rin sila bilang mga tunay na nananampalatayang kapatid, dapat kayong kumilos para ilantad sila at paalisin sila. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Bakit dapat paalisin ang gayong mga tao? (Dahil ang gayong mga tao ay madaling nagdudulot ng mga pagkakagulo sa iglesia, nagdadala ng isang negatibong atmospera, at kayang makaimpluwensiya sa iba sa paggawa ng kanilang tungkulin at paghahangad sa katotohanan.) Mismo, sinisira nila ang atmospera ng iglesia. Sila mismo ay hindi naghahangad sa katotohanan at iniimpluwensiyahan din nila ang iba, pinipigilan ang mga ito. Para sa paggawa ng gawain na nagkakahalaga ng isang dolyar, iginigiit nila na pasahurin sila ng sampung dolyar. Ang paggamit sa gayong mga tao ay hindi man lang kasingsulit ng pag-aalaga sa isang aso. Kahit papaano, ang isang aso ay kayang magbantay ng bahay at maging tapat sa may-ari nito! Wala itong mga kahina-hinalang pagmamaniobra kapag walang nakatingin, at hindi mo kailangang mag-alala na magdudulot ito ng problema kalaunan. Ano ang magiging mga kahihinatnan kung pahihintulutan ng iglesia ang mga tao na hinahamak ang mahihirap at pinapaboran ang mayayaman? Matutulungan ba nila ang hinirang na mga tao ng Diyos? Maaari ba silang maging kapaki-pakinabang sa iba? (Hindi.) Sa sandaling mabunyag at makilatis sila ng iba, dapat silang paalisin. Kung papayagan silang manatili, manggugulo at manggagambala lang sila, magdudulot lang ng problema, at magdadala lang ng kalamidad sa iglesia. Kung maghihintay ka hanggang sa magdulot sila ng isang malaking sakuna, at pagkatapos ay saka mo lang aayusin ang kaguluhan, magiging isang napakalaking problema iyon. Ayaw natin ng problema; mas gusto nating huwag na tayong maabala. Maraming gampanin at tungkulin ang dapat gawin ng mga tao—huwag nang imbitahan ang mga problemang ito.