Paano Hangarin ang Katotohanan (5) Ikatlong Bahagi

Pagsisimula Nang Magaling sa Paggawa ng mga Bagay Pero Hindi Na sa Huli

Ang paggawa ng mga bagay nang magaling sa simula pero hindi na sa huli—sa anong uri ng isyu ito nabibilang? (Isang depekto ng pagkatao ng isang tao.) Isa itong depekto ng pagkatao ng isang tao. Kapag nagsisimula ng isang proyekto, ang ilang tao ay pinaplano ito nang napakaayos, nagsisimula ng ilang malalaking pagkilos, nagtitipon ng isang grupo ng mga tao, lumilikha ng mga ulat, nagtatalaga ng mga gampanin, at gumagawa pa nga ng malalaking pagpapahayag ng determinasyon, pero habang nagpapatuloy sila, lahat ng ito ay naglalaho, at hindi nila sinusubaybayan, pinangangasiwaan o sinisiyasat kung ano ang nangyayari. Kung wala roong taong nakakaunawa sa katotohanan para mangasiwa at gumabay, maaaring ganap na matigil ang proyekto, o maaari pa ngang lumitaw ang hindi kanais-nais na mga kahihinatnan, na ganap na gugulo sa gawain. Mayroon ding mga tao na kayang magsalita ng mga doktrina nang napakaliwanag at napakalinaw, pero pagdating sa aktuwal na paggawa ng mga bagay, wala silang ideya kung paano magpapatuloy at wala silang kongkretong plano. Kapag lumilitaw ang mga espesyal na sitwasyon o mga hindi inaasahang sitwasyon, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito, at hindi rin sila nakikipagbahaginan sa iba, o nagtatanong o kumokonsulta sa mga nasa itaas nila. Kapag nagsisimula silang gumawa ng isang bagay, tila may kumpiyansa sila at magaling sila sa simula, na para bang magsasakatuparan sila ng isang napakahalagang bagay, pero habang nagpapatuloy sila, nawawalan sila ng sigla at agad na tumatakas—na para bang naglalaho sila na parang bula. Kapag may nagtatanong sa kanila, “Ano ang ginagawa mo ngayon? Kumusta na ang takbo ng gampaning iyon?” ay sumasagot sila, “Hindi ito magagawa.” Pero nabibigo silang iulat nang maaga na hindi nila kayang gawin ang mga bagay, na nakaaantala sa mga bagay sa loob ng dalawa o tatlong buwan nang walang mga resulta. Hindi ba’t nakakagalit ito? (Oo.) Ang gayong mga tao ay tunay na kamuhi-muhi! Ang ganitong uri ng tao ay may isa pang problema bukod pa sa paggawa ng mga bagay nang magaling sa simula pero hindi na sa huli: Ang lahat ng ginagawa nila ay gumugulo nang gumugulo habang mas ginagawa nila ito. Sa simula, maaaring mayroon silang balangkas sa isipan, ilang ideya, at kaunting estruktura, pero habang nagpapatuloy sila ay nagiging magulo ang mga naiisip nila. Nalilimutan niya kung bakit niya sinimulan ang gampanin o kung anong mga resulta ba ang dapat niyang makamit. Kapag may nagpapayo sa kanya na medyo maghanap, sinasabi niya, “Hindi kailangang maghanap ng anuman. Patuloy lang nating gawin ito sa ganitong paraan—ano’t anuman, wala namang taong walang ginagawa.” Kita mo, nagsisimula siyang gawin ang mga bagay nang masiglang-masigla, tulad ng sunod-sunod na pagkulog. Pero habang nagpapatuloy siya, unti-unting nauuwi sa wala ang mga bagay. Ang lahat ng ito ay pawang kulog lang pero walang ulan—walang anumang resulta. Kung hindi ka magtatanong, magsusubaybay, o magsisiyasat sa gampanin, hahayaan niya itong unti-unting matigil nang hindi natatapos, nang hindi man lang nagbibigay ng ulat. Saan napunta ang determinasyon na ipinahayag niya sa simula? Nalimutan na ito. Paano naman ang inisyal na plano na isinulat niya? Nawala nang parang bula. At paano naman ang mga ideyang iyon na mayroon siya sa simula? Naglaho na ang mga ito; nakalimutan na ang mga ito. Sadyang ganitong uri ng nilalang siya! Ang ganitong uri ng tao, kapag nakikita mo ang kanyang sigla sa simula ay tila isang taong tunay na gumagawa. Pero ang totoo, ganap siyang walang silbi; sadyang hindi siya isang tao na gumagawa ng mga bagay sa isang praktikal na paraan; isa siyang tao na hindi mapanatag. Gusto lang niyang maging bida, pero ayaw niyang magtiis ng paghihirap at natatakot siyang umako ng responsabilidad. Ang lahat ng ginagawa niya ay naiiwang hindi tapos. Anong uri ng pagkatao mayroon ang gayong mga tao? (Mababang pagkatao.) Sabihin ninyo sa Akin, ang ganitong uri ba ng tao ay kayang magsakatuparan ng anumang bagay? (Hindi.) Palagi siyang magaling sa simula pero hindi na sa huli, ganap na magulo—ito ang kanyang estilo. Anumang tungkulin ang kanyang ginagawa, nagsisimula siya nang napakasigla, nakikinig sa musika at sumasabay sa pagkanta. Pero pagkalipas ng kaunting panahon, nawawalan na sila ng interes at binibitawan na lang ang gawain at umaalis. Anong uri ng mga nilalang sila? Hindi ba’t kamuhi-muhi ang gayong mga tao? (Oo.) Walang kapararakan silang umaako ng mga gampanin na alam naman nila na baka wala silang kapabilidad na maisakatuparan, sinusubukang ipakita ang kanilang kakayahan, nagmamalaki, at gumagawa ng malalaking pahayag—hindi ba nila alam ang sarili nilang mga kapabilidad? Kung hindi nila kayang gawin ang trabaho o maghatid ng mga resulta, bakit hindi na lang sila magsabi? Hindi nila dapat antalain ang mga bagay! Sa halip ay nananahimik sila, inaantala ang gawain mo habang sinusubukan kang lokohin. Hindi ba’t mababa ang karakter nila? (Oo.) Masyadong mababa ang kanilang karakter! Maaari bang pagkatiwalaan ang gayong mga tao sa pangangasiwa ng mga bagay? (Hindi.) Karapat-dapat ba silang pagkatiwalaan? (Hindi.) Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan. Kung may ipapangako sila sa iyo, maglalakas-loob ka bang paniwalaan sila? (Hindi.) Anong uri ng mga tao sila? Hindi ba’t mga manloloko sila? (Oo.) Bagama’t hindi ka nila nililinlang para sa pinansyal na pakinabang o para sa mga seksuwal na pakay, ang paraan nila ng pag-asal at pangangasiwa ng mga bagay ay labis na kamuhi-muhi at kapoot-poot. Kaya, ano ang ugat na dahilan kung bakit labis na kapoot-poot ang mga taong ito? Mababa ang karakter nila, wala sila sa lugar sa kanilang sariling asal, mahilig silang magsalita nang mayabang, mahilig ipakita ang anumang kakayahan na pinaniniwalaan nilang mayroon sila, mahilig silang maging bida, at mahilig silang magpakitang-gilas. Hindi nila kailanman tinatapos ang anumang ginagawa nila. Kasabay nito, masyadong mataas ang tingin nila sa kanilang sarili, at hindi nila alam ang sarili nilang tayog at kung anong uri ng mga gampanin ang kaya nilang pangasiwaan. Pero sinusubukan pa rin nilang ipakita ang kanilang kakayahan, mapangahas na inaako ang anumang uri ng mahalagang gawain. Pagkatapos itong akuin, kahit kapag hindi nila ito ginagawa nang maayos o inaantala nila ang malalaking usapin, nananatili silang walang pakialam; basta’t sila ang bida, ayos lang iyon para sa kanila. Hindi ba’t sila ay napakababa at hamak na mga tao? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t napakababa ng pagkatao ng mga taong ito? (Oo.) Kung makakatagpo kayo ng gayong tao, maglalakas-loob ba kayong pagkatiwalaan siya ng malalaki o mahahalagang bagay? (Hindi.) Halimbawa, kung kailangan mong lumabas para ipangaral ang ebanghelyo at kailangan mo ng isang tao para bantayan ang iyong batang anak, anong uri ng tao ang dapat mong hanapin para makatulong? Maglalakas-loob ka bang pumili ng isang taong ganito, na walang pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi kayang manatili sa landas, at hindi katiwa-tiwala? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil maaari niyang maiwala ang iyong anak. Kung tatanungin mo siya kung paano nawala ang iyong anak, sasabihin niya, “Hindi ko alam. Nakaidlip lang ako saglit, at nawala na ang bata. Paano mo ako masisisi roon? May mga binti iyong bata at kaya niyang maglakad mag-isa—hindi siya nakatali sa akin. Hindi mo ako maaaring sisihin!” Umiiwas pa siya sa responsabilidad! Hindi ba’t isa itong walang kahihiyang tampalasan? (Oo.) Ang mga usapin ng buhay at kamatayan ay hinding-hindi maaaring ipagkatiwala sa gayong mga tao. Sa kanilang sariling asal, sila ay hindi mapanatag, at wala silang integridad o dignidad. Kapag lumilitaw ang mga problema, may lakas ng loob silang maging walang hiya at magtatwa ng mga bagay. Bagama’t ang paggawa ng mga bagay nang magaling sa simula pero hindi na sa huli ay isa lamang depekto ng pagkatao, ang partikular na depektong ito ay isang napakalubhang isyu—isa itong isyu ng integridad. Ang ilang tao ay mahilig maging bida, at masigasig silang umaako ng mga gampanin, pero hindi sila nangangahas na umako ng responsabilidad. Sa sandaling maharap sila sa mga paghihirap, agad silang umiiwas sa responsabilidad at dumidistansya mula sa sitwasyon. Ganap silang iresponsable. Partikular din silang hindi mapanatag at hindi nila natatapos ang anumang ginagawa nila. Kapag ganito na ito kalala, hindi na ito isang depekto lamang ng pagkatao—isa na itong pagkakaroon ng napakababang karakter at napakababang pagkatao. Bakit Ko sinasabi na ang gayong mga tao ay may mababang pagkatao? Ito ay dahil hindi sila mapagkakatiwalaan—hindi ka maglalakas-loob na pagkatiwalaan sila ng anumang bagay. Anumang gampanin ang ipagkatiwala mo sa kanila, agad-agad silang sumasang-ayon, pero sa sandaling tumalikod ka, naglalaho sila, at wala kang ideya kung ano ang ginagawa nila. Maaari pa ngang abutin ng ilang araw bago mo sila makitang muli. Kung hindi mo sila tatanungin kung kumusta na ang pag-usad ng gampanin, hindi sila mag-uulat sa iyo, umaakto na para bang walang nangyari. Anong uri ng mga nilalang sila? Ganap silang iresponsable! Bumabagsak pa nga sila sa pagsubok at hindi sila mapagkakatiwalaan pagdating sa isang bagay na ganito kaliit. Ano pa sa tingin mo ang kaya nilang maisakatuparan? (Wala ni anuman.) Kung pagkakatiwalaan mo sila na bantayan ang isang bata, maaaring lumitaw ang mga problema sa anumang sandali. Maaaring madapa ang bata at masaktan, makakain ng isang bagay na hindi niya dapat kainin, o kapag lumalabas para maglaro, maligaw o madukot ng masasamang tao—ang lahat ng ito ay mga posibleng kalalabasan. Dahil sila ay iresponsable at napakababa ang karakter, at hindi sila nalilimitahan ng konsensiya nila sa lahat ng ginagawa nila at kumikilos lang sila para tugunan ang sarili nilang mga makasariling pagnanais, binabalewala ang lahat ng iba pa. Kapag pinagkakatiwalaan mo sila ng isang gampanin, pakiramdam nila na ang pagtanggi ay maaaring ikapahiya mo; bilang pagsasaalang-alang sa sarili nilang pride at para matugunan ang kanilang banidad, sumasang-ayon sila, pero pagkatapos, wala silang inaakong anumang pananagutan. Mayabang silang magsalita pero nabibigo namang maayos na isakatuparan ang gampanin. Ito ang ibig sabihin ng pagiging hindi mapagkakatiwalaan. Mabuti ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Ang mga tao bang magaling sa simula pero hindi na sa huli ay maaaring ihalal bilang mga lider? (Hindi.) Bakit hindi? (Maaari nilang mapinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Mismo. Kapag nagsasalita sila at nangangako, tila may kakayahan silang gawin ang kinakailangan, at handa ang mga tao na pagkatiwalaan ang mga mayabang magsalita. Pero pagdating sa aktuwal na paggawa ng mga bagay, hindi mahulaan ang mga ikikilos nila. Kahit pa pumalpak sila, hindi nila ipapaalam sa iyo; at kung lumitaw man ang anumang mga problema, hindi ka nila bibigyan ng paliwanag tungkol sa kung ano ang nangyari. Sabik kang umaasa na pangangasiwaan nila nang maayos ang mga bagay, pero sa huli ay nagugulo nila ito at ganap pa nga silang walang pakialam tungkol dito, hindi nila sineseryoso kahit kaunti ang ipinagkatiwala mo sa kanila. Sa kanilang mga kilos, may tendensiya sila na hindi mapanatag. Ang ilan sa kanila ay ginagawa ang mga bagay batay lang sa sarili nilang mga interes, libangan, at pagkamausisa; ang ilan sa kanila ay mahilig magpapansin at ginagawa lang ang mga bagay para magpapansin at makita. Ang gayong mga tao ay hindi mapanatag at iresponsable, at wala silang kapabilidad na gawin ang mga bagay nang praktikal. Ito ay labis na mapanggulo. Hindi pa natatalakay rito kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa, kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan, kung sila ba ay mapagpasakop, o mga taong naghahangad sa katotohanan—hindi pa nito natatalakay ang mga aspektong ito. Sa usapin lamang ng kanilang pagkatao, ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan. Ang gayong mga tao ba ay maaaring ihalal bilang mga lider? (Hindi.) Ang mga tao na ang pagkatao ay hindi pasok sa pamantayan ay hindi man lang karapat-dapat na linangin. Bakit? Dahil masyadong mababa ang kanilang karakter—wala silang kahit pundamental na integridad at dignidad. Samakatwid, hindi sila kalipikado na maging mga lider o na malinang bilang mga lider.

Pagiging Maingat sa Paggawa ng mga Bagay

Sunod, talakayin naman natin ang pagiging maingat sa paggawa ng mga bagay. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isa itong merito ng pagkatao.) Ang pagiging maingat sa paggawa ng mga bagay, ang hindi pagiging walang pakundangan, at ang kakayahang harapin nang kalmado ang mga usapin at hanapin ang katotohanan kapag may lumilitaw na mga usapin—isa itong merito ng pagkatao. Sa masamang lipunang ito, sa gitna ng iba’t ibang grupo ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan, kailangan mong harapin nang may pag-iingat ang paglitaw ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Kahit kapag ginagawa mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, may ilang komplikadong sitwasyon sa gitna ng iba’t ibang bagay na nakakaharap mo, at dapat mong harapin ang mga ito nang may pag-iingat. Halimbawa, kapag nakakaharap ka ng masasamang tao na nagdudulot ng mga panggugulo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, dapat ay matuto ka munang kumilatis, at pagkatapos ay harapin mo ang sitwasyon ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Isa itong saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Ano ang nasasangkot sa pagiging maingat sa paggawa ng mga bagay? Nasasangkot dito ang katwiran ng isang tao. Kapag nakakaharap ka ng mga usapin na hindi mo makilatis, kailangan mong maging maingat. Kahit pa nakakaunawa ka ng ilang katotohanan, kapag hindi mo pa rin makilatis ang natatagong diwa at ang ugat na dahilan ng ilang espesyal na usapin, kailangan mo bang maging maingat? (Oo.) Ang gayong mga sitwasyon ay lalong nangangailangan na maging maingat ka. Ang pagiging maingat ay hindi pagiging konserbatibo o paggawa ng maliliit na hakbang, at hindi rin ito hindi pangangahas na kumilos o pagiging takot na umako ng responsabilidad—hindi ito tumutukoy sa mga bagay na ito. Ang pag-iingat na binabanggit dito ay tumutukoy sa isang merito ng pagkatao. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng pag-iingat? Ito ay kapag ginagawa ang isang bagay, hinahanap mo muna ang mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay hinahanap mo ang mga partikular na hakbang ng pagsasagawa, partikular na landas ng pagsasagawa, at ang mga ninanais na kalalabasan para sa gampaning iyon o sa gawaing iyon. Ibig sabihin, hinaharap mo ang mahahalagang usapin at ang sarili mong tungkulin nang may maingat at mapagbantay na puso. Siyempre, ang ilang tao ay partikular na maingat din kapag humaharap sila sa iba’t ibang isyu na nakakatagpo nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay; hindi sila walang ingat, kundi ay napakamaingat. Hindi ito isang masamang bagay; maaari din itong tawaging isang merito ng pagkatao, hindi isang pagkukulang. Ang pag-iingat ay maaaring sabihin na isang merito ng pagkatao; ang pagkakaroon ng isang maingat na saloobin ay maaari lang maging kapaki-pakinabang sa mga tao, at hinding-hindi ito maglilimita o gagapos sa mga tao sa anumang paraan. Kung hindi ka naglalakas-loob na magsalita kapag lumilitaw ang mga usapin, kung hindi ka naglalakas-loob na gumawa ng anumang bagay o makisalamuha kaninuman—kung natatakot kang malaglagan ng isang nalalagas na dahon sa ulo—ito ay pagiging labis na maingat. Ang pamumuhay sa sarili mong maliit na mundo sa lahat ng oras, pagpapalipas ng iyong mga araw sa isang labis-labis na mapagbantay na paraan—ito ba ay pag-iingat? (Hindi.) Ang pagiging natatakot na kapag lumabas ka para mamili ay madadaya ka, natatakot na kapag nagbukas ka ng tindahan ay malulugi ka, natatakot na kapag bumili ka ng bahay ay magkakaroon ito ng masamang reputasyon, natatakot na kapag bumili ka ng computer ay magkakaroon ito ng mga virus—ang pagiging nagagapos ng labis-labis na takot kaya hindi ka naglalakas-loob na gumawa ng anumang bagay at nahihirapan ka na humakbang nang kahit isang hakbang—ang mga ito ay tiyak na hindi mga pagpapamalas ng uri ng pag-iingat na tinatalakay natin dito. Ang mga pagpapamalas na ito ay nagpapahiwatig na ang isang tao ay mangmang, walang silbi at matatakutin, kulang sa gulang, at walang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mahinang kakayahan. Ibig sabihin, kapag ang gayong mga indibidwal ay nahaharap sa masamang lipunang ito at sa mga komplikadong grupo ng mga tao, wala silang anumang mga kontra-hakbang. Palagi silang nag-aalala, natatakot, at labis na nangangamba kung kaya’t umaatras sila at hindi naglalakas-loob na umabante. Takot sila na malansi at madaya, o kaya naman ay takot sila na mapinsala o mapatay. Hindi sila naglalakas-loob na makisalamuha kaninuman o mangasiwa ng anumang usapin. Kapag pumupunta sila sa trabaho, natatakot sila na hindi sila pasusuwelduhin. Ang ilang babae ay hindi pa nga naglalakas-loob na magtrabaho sa takot na baka mamaltrato sila. Ang ilang tao ay hindi pa nga naglalakas-loob na umalis ng kanilang bahay, natatakot na baka makatagpo sila ng masasamang tao, at natatakot sila na kung bibili sila ng mga bagay ay mananakaw sa kanila ang mga ito. Sa madaling salita, takot sila sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ito ay labis-labis na pag-iingat? Ito ay pagiging labis-labis na mapagbantay. Hindi ba’t baliw sila? Ang ilang tao ay may ganitong uri ng mentalidad, buong araw silang nag-aalala tungkol sa ganito at ganyan, at ang resulta ay hindi sila naglalakas-loob na pangasiwaan ang anumang usapin o lumabas para tagpuin ang mga tao, at nagagawa lang nilang manatili sa bahay. Anong uri sila ng tao? (Isang baliw na tao.) Baliw sila; hindi sila normal, hindi sila tao. Walang anumang abilidad na gumawa ng mga paghusga, walang mga prinsipyo o pinakamababang mga pamantayan sa anumang bagay na ginagawa nila, ang ganitong uri ng tao ay isang nagreinkarnasyon na hayop, wala silang normal na pagkatao, at ang kanilang labis na pagiging mapagbantay ay hindi pag-iingat. Ano ang tinutukoy ng pag-iingat? Ang ibig sabihin ng pag-iingat ay paggawa ng mga bagay sa isang paraang ayon sa pamantayan, metodikal, at sumusunod sa tuntunin, at batay sa pundasyon ng prinsipyong ito, pagkilos nang metikuloso, at kapag may nangyayari ay pagiging kalmado, hindi nagpapadalos-dalos, walang pakundangan, o nagpapadala sa bugso ng damdamin, at pagkakaroon ng kakayahan na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at humanap ng matatalinong paraan. Ito ay tinatawag na pag-iingat, at tanging ang pag-iingat na ito ang isang merito ng pagkatao.

Pagkahilig na Magsalita Nang Mayabang at Magmalaki

Pagkahilig na magsalita nang mayabang at magmalaki—maraming gayong tao. Isa rin itong kalakaran ng masamang lipunan. Maraming tao ang nagsasalita nang eksaherado, nag-iimbento ng mga bagay-bagay nang walang pakundangan, at basta na lang nagbubulalas ng kung ano-ano. Ang sinasabi nila ay talagang hindi naaayon sa mga katunayan at marami silang sinasabi na wala namang saysay. Naniniwala pa rin sila na mayroon silang kapabilidad, dahil wala silang anumang integridad at kahihiyan. Karapat-dapat bang pagkatiwalaan ang gayong mga tao? (Hindi.) May integridad o dignidad ba ang gayong mga tao? (Wala.) Ang gayong mga tao ay walang integridad at dignidad, hindi karapat-dapat na respetuhin, at hindi mapagkakatiwalaan. Kung gayon ay mapagkakatiwalaan ba sila na mangasiwa ng mahahalagang usapin? (Hindi.) Kaya, anong uri ng problema ang pagkahilig na magmalaki? (Isa itong depekto ng pagkatao.) Isa itong depekto ng pagkatao, pero kailangan mo ring tingnan ang pagkatao ng taong ito—kung masama ba ang kanyang pagkatao at kung kaya ba niyang tumanggap ng mga positibong bagay. Kung salanggapang lang siya at dahil naiimpluwensiyahan ng kanyang buhay-pamilya o ng kapaligirang panlipunan sa loob ng maraming taon ay nagkaroon siya ng masamang gawi na mahiligan na magmalaki at magsalita nang mayabang, nagsasalita nang iresponsable at nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan, isa lang itong depekto ng kanyang pagkatao. Hindi siya masama; nasa antas lang siya ng pagiging sobrang salanggapang. Kung ang gayong tao, maliban sa pagkahilig na magmalaki, ay kumikilos din sa isang labis na dominante at malupit na paraan sa pakikisalamuha sa iba, at ang pakay niya sa pagsasalita nang mayabang at sa pagmamalaki ay para supilin ang iba at para pagmukhain ang mga bagay na ipinagmamalaki niya at ikinukwento niya nang eksaherado na maging tila mas matayog, mas mahusay, at napakataas kumpara sa mga bagay na ginawa o tinaglay ng ibang mga tao, hindi na ito isang problema ng pagiging salanggapang niya. Anong uri ng problema ito? (Ito ay problema ng masamang pagkatao.) Ito ay problema ng masamang pagkatao. Kung gayon, may tiwaling disposisyon bang nasasangkot dito? (Mayroon.) Anong uri ng tiwaling disposisyon? (Isang malupit na tiwaling disposisyon.) Mayroon siyang mayabang at malupit na disposisyon. Ang ilang tao ay mahilig magmalaki dahil lang labis silang salanggapang. Ito ay idinudulot ng mga gawi nila sa pamumuhay at ng kapaligirang pinamumuhayan nila. Sadyang hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pagsasalita nang tapat, pagsasalita nang mula sa puso, pagtalakay ng mga tunay na sitwasyon, o pagsasalita tungkol sa buhay at mga wastong usapin. Wala silang ganitong kamalayan. Ang gayong edukasyon ay wala sa kanilang pamilya at paaralan, at lalong wala iyon pagkatapos nilang pumasok sa lipunan. Bilang resulta, napakalubha ng kanilang likas na pagiging salanggapang. Sila ay hindi seryoso at walang wastong asal, at mahilig lang magsalita nang mayabang at mapagmalaki para magpakitang-gilas at tingalain sila ng iba. Sa puso nila, wala silang ibang mga ambisyon, pagnanais, o pangangailangan. Kung nagpapakita lang sila ng mga pagpapamalas na ito, pagiging salanggapang lang ito; isa itong depekto ng kanilang pagkatao. Pero kung may pakay ang kanilang pagmamalaki, at sa pamamagitan ng pagmamalaki ay ipinepresenta nila ang kanilang sarili bilang may mataas na kapabilidad at napakahusay, at saka superyor, naiiba, at mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao, hindi na ito isang problema ng pagiging salanggapang. Ang pagkahilig nilang magmalaki ay ginagabayan ng partikular na pag-iisip, na itinutulak ng pagkauhaw sa katayuan, ambisyon, at pagnanais. Ginagamit nila ang pagmamalaki bilang isang paraan para supilin at pahangain ang iba, ipinapadama sa iba na mas mababa ang mga ito sa kanila at hindi kasinggaling nila, at na dapat gumalang at sumunod ang mga ito sa kanila. Ito ang kasamaan ng kanilang pagkatao. Ang pagkahilig nilang magmalaki ay may pakay na magkaroon ng bentaha: “Anuman ang mayroon ka ay mayroon din ako. Anuman ang kaya mong gawin ay kaya ko ring gawin. Anuman ang alam mo ay alam ko rin. Anuman ang nakita mo ay nakita ko rin. Hindi ako mas mababa sa iyo!” Nangyayari pa nga na kapag nakakain ka ng isang partikular na pagkain, kahit na halata namang hindi pa nila ito nakakain ay sasabihin nilang nakakain na sila nito—at hindi lang iyon, sasabihin nila na mas marami na silang nakain nito, at na ang pagkaing nakain nila ay mas masarap kaysa sa pagkaing nakain mo. Ipagmamalaki nila kahit ang mga bagay na hindi naman nangyari. Ano ang pakay ng pagmamalaki nila? Ito ay para masapawan ka, para makipagkompetensiya sa iyo, at para ipadama sa iyo na mas magaling sila kaysa sa iyo, na kasinghusay mo sila sa lahat ng aspekto. Itinutulak sila ng ambisyon at pagnanais. Kaya, ang pagpapamalas ba ng pagkatao na itinutulak ng gayong ambisyon at pagnanais ay pagiging salanggapang lang, o ito ba ay masamang pagkatao? (Ito ay masamang pagkatao.) May tiwaling disposisyon bang nasasangkot dito? (Mayroon.) Ang matulak ng ambisyon at pagnanais—isa itong tiwaling disposisyon. Anong uri ng tiwaling disposisyon? (Kayabangan at kalupitan.) Mismo. May dalawang uri ng tiwaling disposisyong ito: kayabangan at kalupitan. Dagdag pa rito, mayroon ding kaunting kabuktutan. Ibig sabihin, anuman ang sabihin mo, palagi nila itong pinagbubulay-bulayan sa kanilang puso, palaging sinusubukan na baluktutin ito, at palagi itong hinaharap nang may mga buktot na kaisipan at labis-labis na mga ideya. Halimbawa, kung sasabihin mo, “Toyota ang kotse ng pamilya namin; isa itong kotse mula sa Japan,” sasabihin nila, “Walang kwenta ang mga kotse mula sa Japan. Mas maganda ang mga kotse mula sa Germany. Ang kotse mula sa Germany na dati kong minamaneho ay hindi lang napakahusay ng takbo kundi mahigit sampung taon din itong tumakbo nang hindi nasisira—hindi hamak na mas mahusay iyon kaysa sa kotse mo!” Kailangan talaga nilang sapawan ka. Kapag sinabi mo, “Ni hindi ako nakagradweyt ng hayskul,” sasabihin nila, “Nakagradweyt ako ng hayskul. Naiinggit ka sa akin, hindi ba?” Ang totoo, ni hindi sila nakatapos ng middle school, pero gusto ka pa rin nilang sapawan. Nasisiyahan sila sa pakiramdam na kinaiinggitan, tinitingala, at hinahangaan sila ng iba. Kita mo, ang tugon nila sa impormasyong natatanggap nila mula kaninuman ay palaging buktot at sukdulan. Wala silang pag-iisip ng normal na pagkatao. Kapag naririnig ng isang normal na tao na ang iba ay mayroong isang magandang bagay, maaari niyang sabihin, “Maganda na mayroon ka niyan. Maaari mo bang sabihin sa akin ang mga partikular na katangian at bentaha nito? Nais kong malaman ang higit pa tungkol dito.” Ang isang taong may normal na pagkatao ay tutugon nang ganito. Pero ang mga taong mahilig magmalaki ay walang normal na pagkatao. Iniisip nila, “Bakit mayroon ka niyon at ako ay wala? Kahit na wala ako niyon, kailangan ko pa ring sabihin na mayroon ako niyon, at higit pa rito, kailangan kong sabihin na mas maganda iyong akin kaysa sa iyo!” Kung sasabihin mo sa kanila na ilabas ito at ipakita sa iyo, sasabihin nila, “Hindi ko ito ipapakita sa iyo!” pero ang totoo ay wala talaga sila nito. Buktot ba ito? (Oo.) Sa madaling salita, kapag may anumang nangyayari sa kanila, o kapag nakakakita o nakakatanggap sila ng anumang impormasyon, ang tugon nila ay palaging sukdulan, hindi tugma sa pagkatao, at buktot, kaya mayroon ding kaunting kabuktutan sa kanilang disposisyon. Sa ibang salita, kapag normal kang nakikipag-usap o nakikipagbahaginan sa kanila, at pakiramdam mo naman ay wala kang nasabing anuman na maaaring makapukaw ng hindi makatwirang mental na reaksiyon, ang kanilang isip ay puno na agad ng napakaraming kaisipan. Naiinggit na sila sa iyo, at tutol at namumuhi sa iyo, habang gusto ka ring supilin. Ang isipan nila ay okupado ng mga bagay na ito. Hindi ba’t masasabi mo na buktot ito? (Oo.) Ang mga buktot na tao ay hindi dalisay. Ang karamihan sa mga pagpapahayag, salita, at kilos na ibinubunyag nila ay hindi tugma sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Posible na may kaunting agresyon sa kanilang mga salita; bukod pa sa pagkakaroon ng agresyon, ang ilan sa kanilang mga sinasabi ay maaaring hindi totoo, at ang ilan ay maaaring mga pagyayabang. Ito ay dahil may mga buktot na kaisipan sila sa loob nila, at sa tulak ng mga buktot na kaisipang ito, ang mga salitang sinasabi nila ay pawang mga kasinungalingan, nagmumula kay Satanas at sa mga diyablo. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao; sila ay mga hindi tao. Ang mga taong mahilig magsalita nang mayabang at magmalaki ay maaaring hatiin sa dalawang uri. Dapat silang ilarawan batay sa diwa ng kanilang pagkatao. Ibig sabihin, dapat tingnan ng isang tao kung sila ba ay salanggapang at kung ang pagkatao ba nila ay masama para mahusgahan kung anong problema ang mayroon sila. Kung mayroon silang masamang pagkatao at labis silang salanggapang, may kapabilidad na gumawa ng maraming masasamang gawa, hindi sila mabubuting tao at dapat silang ilarawan bilang masasamang tao. Gayumpaman, kung medyo nagsasalita lang sila nang mayabang at mayroon lang silang kaunting pagiging salanggapang, pero hindi nila kayang gumawa ng anumang masasamang bagay, mayroon pa rin silang kaunting konsensiya at katwiran, at kaya rin nilang gumawa ng ilang mabubuting bagay, maituturing pa rin silang mga taong may mabuting pagkatao. Hindi ito isang malaking isyu, at kung mahusay ang kakayahan nila, maaari pa nga silang ihalal na maging mga superbisor o lider o manggagawa. Bagama’t ang dalawang uri ng mga taong ito ay pawang nagsasalita nang mapagmataas at mahilig magmalaki, ang mahalaga ay kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao. Kung salanggapang lang sila, isa itong depekto ng kanilang pagkatao at hindi kinasasangkutan ng isang tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung ang pagmamalaki nila ay may intensyon at ambisyon sa likod nito, nagpapahiwatig ito ng masamang pagkatao, at kinasasangkutan nga ito ng isang tiwaling disposisyon. Sa usapin ng kanilang pagkatao, ito ay masama; ang mga tiwaling disposisyong nasasangkot dito ay kayabangan, kabuktutan o kalupitan. Kinasasangkutan ito kapwa ng mababang karakter at ng mga tiwaling disposisyon, hindi ba? (Oo.)

Pagiging Walang Ingat

Talakayin natin ang isa pang pagpapamalas: ang pagiging walang ingat. Ang pagiging walang ingat sa lahat ng bagay na ginagawa ng isang tao—sa anong aspekto ito nabibilang? (Isang depekto ng pagkatao.) Ang gayong mga tao ay tinitingnan ang lahat ng bagay sa isang di-masinsinan at pangkalahatang paraan, hindi maarok ang mahahalagang punto. Ang lahat ng ginagawa nila ay pabasta-basta. Hindi nila kayang gumawa ng metikulosong gawain, gaya ng gawaing nakabatay sa teksto o pamamahala ng dokumento. Hindi rin nila kayang pangasiwaan ang mga gampanin na nangangailangan ng katumpakan. Kapag gumagawa ng mga damit, kung minsan ay itinatahi nila ang mga hita ng pantalon sa bahagi na dapat ay sa mga manggas, kung minsan ay ginagawang maiikling manggas ang mahahabang manggas, o ginagawang 24 na pulgada ang baywang na dapat ay 26 na pulgada. Masyadong malaki o masyadong maliit ang ginagawa nilang damit. Anuman ang ginagawa nila, palagi silang pabaya, walang pakundangan, at labis na padaskol-daskol na hindi nila magawa nang maayos ang anumang bagay. Gaano ba sila kawalang-ingat? Kapag lumalabas para asikasuhin ang isang bagay, nakakalimutan pa nga nila ang mga bagay na dapat nilang dalhin. Halimbawa, kapag makikipagtagpo sa isang abogado para sa isang kaso, nalilimutan nilang dalhin ang kanilang ID card, pati na ang ebidensya na hinihingi ng abogado. Naiiwan nila ang maraming bagay. Kung minsan ay hindi pa nga nila alam kung saan nila nailagay ang mahahalagang gamit at hindi sila nagsisikap na maalala ito. Bilang resulta, madalas silang nakawawala at nakalilimot ng mga bagay, at ang mga bagay na ginagawa nila at ang kanilang pang-araw-araw na buhay ay ganap na magulo. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman taimtim sa kanilang pagtrato sa kanilang gawain o sa kanilang tungkulin. Ang anumang ginagawa nila ay palaging pahapyaw at pabasta-basta—nagkakaroon lang sila ng hindi masinsinang impresyon sa mga usaping pinagmamasdan nila, nagkakaroon lang sila ng hindi masinsinang pagkaunawa sa mga salitang naririnig nila, nagsasabi lang sila ng mga bagay sa di-masinsinan at pangkalahatang paraan, at natatandaan lang nila ang isang hindi masinsinang balangkas ng mga bagay sa kanilang memorya. Bilang resulta, hindi nila magawang pangasiwaan ang mahalaga o kumpidensiyal na gawain; hindi sila nababagay sa gayong mga gampanin. Kung ang kanilang pagiging walang ingat ay kinasasangkutan lang ng kanilang personal na buhay o kalinisan sa katawan, nang hindi naaapektuhan ang ibang mga tao o ang anumang mahahalagang usapin, isa lang itong depekto ng kanilang pagkatao—anumang mga problema ang lumitaw, puwedeng sila na lang ang umako ng pananagutan at iyon na iyon. Gayumpaman, kung kinasasangkutan ito ng tungkulin, ng mahalagang gawain, ng kapalaran at kinabukasan ng isang tao, ng kung mananatili ba o aalis ang isang tao, at iba pa, ang gayong mga tao ay hindi naaangkop na pangasiwaan ang mga usaping ito dahil masyado silang walang ingat. Sa isang banda, hindi sila metikuloso sa mga usaping ito; tinitingnan lang nila ito nang hindi masinsinan, masyadong tamad para gamitin ang kanilang utak o para gumamit ng isip at enerhiya para pangasiwaan ang mga ito. Sa kabilang banda, ang kanilang estilo at pamamaraan sa paggawa ng mga bagay ay palagiang pahapyaw at pabasta-basta, at madalas silang nakakawala at nakakalimot ng mga bagay. Kung kinasasangkutan lang ito ng personal nilang buhay, hindi ito isang malaking problema. Gayumpaman, kung kinasasangkutan ito ng mahalagang gawain o ng mga kumpidensiyal na usapin, maaari silang makagulo ng mga bagay-bagay o magdulot pa nga ng isang malaking sakuna. Halimbawa, apurahang kailangan na pumunta sa Paris ang isang tao, pero dahil sa kanyang pagiging walang ingat, nakabili siya ng tiket sa eroplano na papunta sa Roma. Tuwang-tuwa pa nga siya, sinasabi na, “Napakamura ng tiket na nabili ko ngayon!” Titingnan ito ng iba at sasabihin nila, “Siyempre mura ito—sa Paris ka dapat pupunta, bakit ka bumili ng tiket na papuntang Roma?” Ito ay pagiging masyadong walang ingat! Ang gayong mga tao ay tinitingnan ang lahat ng bagay nang may pangmamaliit at pabasta-bastang saloobin. Isang beses lang nilang sinusulyapan ang isang bagay para makakuha ng hindi masinsinang ideya tungkol dito at iyon na iyon. Ito mismo ang uri ng iresponsableng saloobin na mayroon sila. Siyempre, ang saloobing ito ay nailalarawan din ng pag-ayaw na isapuso ang anumang bagay at ng katamaran—masyado silang tamad para isapuso ang anumang bagay, para gamitin ang kanilang utak o para mag-isip kapag nangangasiwa ng anumang bagay. Ang mga taong ganito na walang ingat ay hindi naaangkop para sa mahalagang gawain, lalo na sa mga gampaning kinasasangkutan ng gawaing nakabatay sa teksto, pamamahala ng dokumento, o sa gawaing kinasasangkutan ng kumpidensiyal na mga propesyonal na kasanayan. Kung gayon, kapag naging lider ang gayong mga tao, kakayanin ba nila ang gampanin? (Hindi. Ang gawain nila ay hindi kailanman nagagawa nang maayos; palagi itong nagagawa nang hindi masinsinan at nang pabasta-basta, palagi itong naiiwan na hindi tapos. Hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain.) Ang gayong mga tao ay hindi detalyado sa kanilang paggawa; palagi silang pahapyaw at padaskol-daskol, pinapangasiwaan ang mga bagay sa isang mababaw at pabasta-bastang paraan. Ang mga salita nila ay palaging malabo, at may tendensiya silang gumamit ng mga termino gaya ng “parang,” “marahil,” “malamang,” o “posible”. Ang gayong mga tao ay walang kayang isakatuparan. Ang maraming aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, gaya ng administratibong gawain, gawain ng mga tauhan, gawaing may kinalaman sa buhay iglesia, at gawain ng ebanghelyo, ay kinasasangkutan ng mga partikular na detalye. Kapag nahaharap sa detalyadong gawain, ang gayong mga taong walang ingat ay sumasakit ang ulo at nalilito, at pakiramdam nila ay nasasakal sila; ayaw nilang makibahagi sa gayon kadetalyadong gawain. Mayroon silang tamad na saloobing ito, kaya pagdating sa paggawa ng gawain, palagi nilang iniisip, “Ayos lang na gumawa ng isang hindi masinsinang trabaho; kung tutuusin, malapit na ito sa kung ano ang sinasabi ng mga pagsasaayos ng gawain.” Palagi nilang pinananatili ang ganitong “puwede na iyan” na saloobin—maayos bang magagawa ang gawain kung ganito? (Hindi.) Kapag sinusuri nila ang mga tao, ginagawa rin nila ito nang hindi masinsinan—sinusuri nila ang mga lider at manggagawa nang hindi masinsinan, at sinusuri din nila ang mga superbisor ng bawat pangkat nang hindi rin masinsinan. Kapag may nagtatanong, “Gaano katagal nang nananampalataya sa Diyos ang superbisor na iyon?” ay sumasagot sila, “Tila mahigit tatlong taon na.” Pero ang isang taong tatlong taon nang nananampalataya sa Diyos ay maaaring hindi pa nakapagtatag ng isang pundasyon—ang gayong tao ba ay maaaring maasahan bilang isang superbisor? Sadyang hindi ito makilatis ng mga taong walang ingat. Iyon ang dahilan kung bakit ang pananalita nila ay palaging puno ng mga termino gaya ng “parang,” “malamang,” “marahil,” “posible,” at “tila”; sadyang hindi sila kailanman gumagamit ng tumpak na pananalita. Kapag may nagtatanong, “Kailanman ba ay nagsilbi na siya bilang isang lider habang nananampalataya sa Diyos?” ay sumasagot sila, “Tila hindi pa, dahil hindi ko pa narinig na binanggit niya ito.” Kita mo, hindi nila kailanman mabusising tinatrato ang anumang bagay. Kung igigiit mo na magbigay sila ng mga detalye, aasa lang sila sa mga damdamin at impresyon. Hindi nila sasabihin, “Agad akong magtatanong tungkol dito at kukumpirmahin ko.” Sadyang hindi nila ito tinatrato nang mabusisi. Sa lahat ng bagay, itinuturing nila itong ayos na hangga’t ito ay “parang tama na” o “ayos na”. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ba kailangang mamuhay ng isang tao nang napakametikuloso?” Bagama’t totoo ito sa isang aspekto—para sa mga usaping may kaugnayan sa buhay ng laman, maaari kang maging medyo hindi masinsinan—pagdating sa gawain ng iglesia, hindi ka maaaring maging hindi masinsinan. Ang pagiging hindi masinsinan sa gawain ay nakakaapekto sa mga resulta nito. Ang magagandang resulta sa anumang aytem ng gawain ay nakakamit lamang dahil sa detalyadong pagpaplano, mga pagsasaayos, mga pagsusubaybay, pangangasiwa at panghihimok. Kung isinasakatuparan ang mga gampanin sa isang di-masinsinan at pahapyaw na paraan, walang gawain na magkakaroon ng mga resulta kailanman. Samakatwid, ang pagiging walang ingat ay isang depekto ng pagkatao ng isang tao, at ang gayong mga taong walang ingat ay hindi kaya ang mahalagang gawain; sa partikular, hindi nila kayang gawin ang gawain ng mga lider at manggagawa. Anuman ang usapin, nakaririnig lang ang gayong mga tao ng isang hindi masinsinang balangkas at pagkatapos ay ipinagpapalagay na nila na nauunawaan nila ito. Halimbawa, sa gawain ng pagtatatag ng mga iglesia, kung paano magtatag ng isang iglesia, kung ilang katao ang kinakailangan para magtatag ng isang iglesia, kung ilang iglesia ang bumubuo sa isang distrito, kung ilang distrito ang bumubuo sa isang rehiyon—ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay may mga partikular na tuntunin para sa lahat ng ito, at may mga karagdagan ding partikular na tuntunin para sa mga espesyal na sitwasyon. Gayumpaman, ang mga taong walang ingat ay hindi naghahanap ni sinusubukan na matutunan ang tungkol sa mga tuntuning ito, pero sinasabi pa rin nila na alam nila kung paano magpapatuloy. Kapag hinihiling sa kanila na magbigay ng mga detalye, tumutugon sila, “Pagtatatag lang ito ng mga iglesia. Kapag may partikular na bilang na ng mga tao, magtatatag ka na ng isang iglesia.” Pero kapag tinanong sila, “Paano mismo ito dapat itatag?” hindi nila alam at hindi sila makapagbigay ng mga detalye. Kung sila ay bagong lider at hindi pa nila alam kung paano magtatag ng isang iglesia, magiging kauna-unawa iyon. Ang problema ay na hindi nila alam pero hindi rin sila mabusisi tungkol dito, at hindi sila nag-aaral, at hindi rin naghahanap. Ang gayong mga tao ba ay maayos na makagagawa ng gawain ng iglesia? (Hindi.) Para sa gayong mga tao, may dalawang salita lamang tayo—“magbitiw na!” Hindi nila kaya ang gawain ng pamumuno. Walang gawain ang mas komplikado kaysa sa gawain na kinasasangkutan ng mga tao. Kung wala kang maingat at responsableng puso, at ang iyong gawain ay hindi masinsinan at hindi ginawa nang metikuloso, kahit gaano pa kahusay ang kakayahan mo, hindi mo pa rin kakayanin ang gampanin. Ang pagiging masyadong walang ingat, paggawa ng lahat ng bagay nang hindi masinsinan, pagtuon lamang sa balangkas, pagtuon lamang sa paggawa nang pabasta-basta, hindi pagtuon sa mga detalye, hindi pagkaalam kung paano mabusising tratuhin ang mga bagay—lahat ng ito ay nangangahulugan na hinding-hindi mo talaga kaya ang gawain ng mga lider at manggagawa. Nauunawaan mo ba? (Oo.)