Paano Hangarin ang Katotohanan (5) Ikalawang Bahagi
Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw
Pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban nila sa Diyos
I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos
F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon
Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksa na “Paano Hangarin ang Katotohanan.” Sa panahong ito, tinatalakay pa rin natin ang nilalamang may kaugnayan sa “pagbitiw” na nasa loob ng “Paano Hangarin ang Katotohanan”, pinag-uusapan ang tungkol sa malaking paksa na “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban nila sa Diyos.” Ang unang aspekto ng paksang ito ay ang pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos. Sa aspektong ito, tinalakay natin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, na kinasasangkutan ng isang medyo komplikadong isyu: ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga likas na kondisyon, ng pagkatao, at ng mga tiwaling disposisyon. Maraming detalye rito. Kapag nahaharap ang mga tao sa mga isyu sa pang-araw-araw na buhay, palagi silang nalilito sa mga konsepto at hindi nila malinaw na matukoy kung sa aling kategorya ba nabibilang ang isang isyu o kung paano makita ang kaibhan sa pagitan ng mga ito. Halimbawa, tungkol sa ilang pagpapamalas, hindi matukoy ng mga tao kung ang mga ito ay may kaugnayan ba sa pagkatao o sa mga likas na kondisyon. At para sa ibang mga pagpapamalas, hindi matukoy ng mga tao kung ang mga ito ay mga isyu ba na may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon o sa pagkatao. Hindi makita ng mga tao ang mga kaibhan ng mga usaping ito sa isa’t isa. Madalas na itinuturing ng mga tao ang ilang problema at kapintasan ng mga likas na kondisyon bilang mga tiwaling disposisyon, o itinuturing ang ilang depekto at problema ng pagkatao bilang mga tiwaling disposisyon. Minsan, kahit na ito ay isang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, itinuturing nila itong isang pagbubunyag ng isang likas na kondisyon na hindi mababago. Samakatwid, madalas na labis na nalilito ang mga tao tungkol sa mga isyu ng likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, at hindi nila makita ang kaibhan ng mga ito sa isa’t isa. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa isang bahagi nito at siyempre ay nagbigay tayo ng ilang halimbawa, pero pakiramdam Ko ay hindi ito sapat na partikular. Ngayon, kukunin natin ang mga isyu sa loob ng tatlong kategoryang ito at pagbabahaginan natin ang mga ito nang mas partikular. Tatalakayin Ko ang ilang partikular na pagpapamalas at mga halimbawa, at pagkatapos ay kikilatisin ninyo kung sa aling kategorya nabibilang ang mga ito: mga likas na kondisyon, pagkatao, o mga tiwaling disposisyon. Kung hindi ninyo makilatis ang mga ito, sama-sama nating siyasatin ang mga ito. Ano sa palagay ninyo? (Mabuti iyon.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo nang kaunti pa tungkol sa mga likas na kondisyon, kaya siyempre, ang inyong pagkilatis sa usaping ito ay medyo mas malinaw. Gayumpaman, may ilang bagay pa rin na medyo nasa may hangganan o na kahalintulad sa mga aspekto na nasa pagkatao, at hindi pa rin matukoy ng mga tao kung ang mga ito ay dapat bang ikategorya sa ilalim ng mga likas na kondisyon o ng pagkatao. Magmumungkahi Ako ng ilang pagpapamalas o ng ilang pag-uugali at kilos, at pagkatapos ay sasabihin ninyo kung sa aling aspekto dapat ikategorya ang mga ito. Ano ang pakinabang ng pagbabahaginan sa ganitong paraan? Kapag nalaman mo na kung sa aling aspekto nabibilang ang isang pagpapamalas, malalaman mo kung paano ito haharapin at pangangasiwaan.
6. Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Likas na Kondisyon, ng Pagkatao, at ng mga Tiwaling Disposisyon
Kasigasigan sa Paggawa ng mga Bagay at Katamaran
Simulan natin sa unang pagpapamalas: ang pagiging masigasig sa paggawa ng mga bagay, na ibig sabihin ay napakasipag ng isang tao. Sa aling aspekto ito nabibilang? (Isa itong pagpapamalas ng pagkatao ng isang tao.) Kung gayon, isa ba itong merito o isang depekto ng pagkatao? (Isang merito ng pagkatao.) Ang pagiging napakasigasig at napakasipag ay isang merito ng pagkatao. Ang pagkahilig sa kaayusan at kalinisan, at pagpapanatili ng kalinisan—anong uri ng pagpapamalas ito? (Isang merito ng pagkatao.) (Isa itong mabuting gawi sa pamumuhay, nabibilang ito sa mga likas na kondisyon ng isang tao.) Isa ba itong likas na kondisyon? Hindi ba’t isa itong merito at isang kalakasan ng pagkatao ng isang tao? (Oo.) Ngayon lang ay may nagsabi na isa itong likas na kondisyon; hindi ito tama. Kinasasangkutan ito ng pagkatao ng isang tao, pati na ng mga gawi sa pamumuhay; siyempre, isa rin itong merito at kalakasan ng isang pagkatao. Ang susunod na pagpapamalas: Ang ilang tao ay tamad; mahilig sila sa kaginhawahan at namumuhi sa pagtatrabaho, at ayaw nilang gumawa. Kapag hindi gumagawa, panatag na panatag ang pakiramdam nila, pero kapag nagsisimula na silang gumawa, sumasama ang lagay ng loob nila—sila ay nababagabag, naiirita at nagagalit. Kapag may gawaing kailangang gawin, mabigat ang katawan nila, wala silang sigla, at ayaw nilang gumawa. Gayumpaman, pagdating sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, walang hangganan ang enerhiya nila. Katamaran—anong uri ng problema ito? (Masamang pagkatao.) Sa pinakamababa, isa itong depekto ng pagkatao, isang kapintasan at isang malaking problema sa pagkatao. Hindi pa ito umaabot sa antas ng masamang pagkatao. Kung ang gayong mga tao ay mahilig mag-utos at magsamantala sa mga tao, pinapagawa sa iba ang gawain samantalang sila mismo ay walang anumang ginagawa, anong uri ng problema ito? (Masamang pagkatao.) Kapag sinasabihan silang gumawa ng kaunting gawain, naghahanap sila ng lahat ng uri ng dahilan at palusot para iwasan ito; sadyang ayaw nilang gumawa. Hindi nila hayagang ipinapahayag ang mga layunin nila kundi sa halip ay gumagamit sila ng iba’t ibang pamamaraan, taktika, o kasinungalingan at pandaraya, sinusubukang ipagawa sa iba ang gawain samantalang iniiwasan nila ito para magpakatamad. Anong uri ng problema ito? (Isang tiwaling disposisyon, isang buktot na disposisyon.) Isa lang ba itong tiwaling disposisyon? Una sa lahat, ang mga taong mahilig magsamantala sa iba at mag-utos sa iba ay mayroong masamang pagkatao at ubod ng samang karakter. Ikalawa, ang mga tusong pamamaraan nila ng pag-uutos sa iba ay naglalantad ng kanilang mapanlinlang at buktot na disposisyon. Ang kanilang mga pagpapamalas ng pagkahilig na magsamantala at mag-utos sa iba ay nagpapakita na kapwa mayroon silang masamang pagkatao at na ang kanilang tiwaling disposisyon ay malubha—mapanlinlang at buktot. Kita mo, ang ilang pagpapamalas ay sumasalamin lang sa masamang pagkatao o sa isang partikular na pagkukulang sa pagkatao ng isang tao, at hindi umaabot sa antas ng tiwaling disposisyon. Gayumpaman, ang ilang pagpapamalas, batay sa pundasyon ng ubod ng samang pagkatao, ay direktang kinasasangkutan ng mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, walang pagpapamalas ang ganoon kasimple. Ang ilang pagpapamalas ay hindi lang kinasasangkutan ng isang isyu, kundi ng dalawa.
Pagiging Superpisyal
Ang pagiging superpisyal—sa aling aspekto ito nabibilang? (Isa itong depekto ng pagkatao.) Tama, isa itong depekto ng pagkatao. Kung tungkol lang ito sa pagkahilig na mag-ayos nang todo-todo, para magmukhang maganda, at pagkahilig na makatanggap ng mga papuri tungkol sa pagiging kaakit-akit, maganda, gwapo, o mukhang bata—sa kagustuhang magkaroon ng mataas na pagtingin o positibong pananaw ang iba tungkol sa hitsura ng isang tao—kung gayon ay limitado ito sa pagiging isang isyu ng pagkatao. Anong uri ng isyu ng pagkatao? Malinaw na hindi ito isang merito kundi isang depekto. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang lahat naman ay may pagmamahal para sa kagandahan—paanong isa itong depekto?” Kaya bakit Ko sinasabi na ang pagiging superpisyal ay isang depekto ng pagkatao? Dahil ang pagiging superpisyal ay isang depekto, hindi lehitimo ang mga pagpapamalas nito. Ang pagiging superpisyal ay hindi tungkol sa pagmumukhang maayos, may dignidad, deboto, o seryoso, na nagbibigay sa iba ng impresyon na may dignidad at disente ang taong ito; wala ito sa antas ng pagmumukhang maayos, sa halip ay mas labis-labis ito at mas matindi kaysa sa isang lehitimong pagtuon sa pagmumukhang maayos. Kapag mababaw ang mga tao, partikular silang nagbibigay-pansin sa pag-aayos nang todo-todo at pangangalandakan ng kanilang sarili, hinihikayat ang iba na tumuon sa kanilang imahe, hanggang sa punto pa nga ng pagiging walang kahihiyan—sa madaling salita, ang mga taong ito ay naiimpluwensiyahan at nalilimitahan ng hitsura sa maraming usapin. Isa itong depekto ng pagkatao. Halimbawa, nahihiyang lumabas ang ilang tao kapag walang makeup. Nahihiya silang makipagkita sa iba maliban na lang kung nakapagpabango sila. Palaging okupado ang isip nila ng mga usaping ito, palaging gustong mag-ayos at magbihis nang maganda at nang labis-labis para maging mataas ang tingin sa kanila ng ibang mga tao at magustuhan sila ng mga ito. Ito ay pagiging labis-labis na superpisyal—sa puntong ito, ito ay nagiging isang depekto. Ang depektong ito ay lumampas na sa saklaw at mga hinihinging pamantayan ng normal na pagkatao. Ang pagiging masyadong superpisyal ay isang depekto ng pagkatao. Dito nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa pagpapamalas na ito.
Pagkahilig na Maging Bida
Ang susunod na pagpapamalas ay ang pagkahilig na maging bida. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isa itong pagkukulang ng pagkatao ng isang tao; ito ay pagkahilig na maging sentro ng atensyon, pagkahilig na magpakitang-gilas.) Kung gayon ay mayroon bang isang tiwaling disposisyon sa loob nito? (Mayroon, dahil kung mahilig ang isang tao na maging bida, gusto niyang magpakitang-gilas, gustong mamukod-tangi.) Ang pagkahilig na maging bida at kagustuhan na palaging ipangalandakan ang sarili—anong uri ng problema ito? Ito ba ay dahil mayroon silang abilidad sa pamumuno, o dahil nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin? Kung mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin, mayroong mga kapabilidad sa gawain, at kaya nilang umako ng aytem ng gawain, hindi ito pagkahilig na maging bida. Kung gayon ay anong uri ng problema ang pagkahilig na maging bida? Sa isang aspekto, isa itong depekto ng pagkatao ng isang tao. Ang ganitong uri ng mga tao ay mahilig maging bida. Saanman sila magpunta ay mahilig silang magpakitang-gilas, natatakot na hindi sila makita ng iba. Nagsasalita rin sila sa isang paraan na nagpapakitang-gilas, eksaherado, at malakas. Habang mas maraming tao ang naroroon, mas nasasabik silang magsalita, palaging gustong magkaroon ng puwang sa gitna ng karamihan. Ang pagkahilig na maging bida ay hindi makokonsiderang isang pagpapamalas ng masamang pagkatao. Hindi ito kinasasangkutan ng karakter ng isang tao, at isa lang itong depekto ng pagkatao, isang uri ng kapintasan o problema. Bakit Ko sinasabi na isa itong kapintasan o problema ng pagkatao? Dahil isa itong pagpapamalas ng kawalan ng katwiran. Ang mga taong ito ay palagiang naghahangad na maging bida, pero talaga bang may kapabilidad sila na pasanin ang gawain? Bakit palagi nilang gustong maging bida? Ito ba ay dahil itinutulak sila ng ambisyon at pagnanais? Ito ba ay dahil gustong-gusto nila ang katayuan, ang maitaas, at ang maging sentro ng atensiyon? Ito ba ay dahil mahilig silang magkaroon ng katanyagan sa gitna ng mga tao, maging superyor sa iba, at mahilig silang pamunuan ang iba? (Oo.) Hindi ba’t nalalantad ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? Anong uri ng pagkatao ito? Wala itong katwiran. Hindi ba’t isa itong depekto ng pagkatao? (Oo.) Sa isang banda, isa itong depekto ng pagkatao. Sa kabilang banda, ang ganitong uri ng tao ay hindi lang paminsan-minsang nagpapapansin o nagpapakitang-gilas; sa halip, dahil siya ay itinutulak ng ambisyon at pagnanais, mahilig sa katayuan, kapangyarihan, at pagkakaroon ng huling desisyon, mahilig siyang maging bida. Kaya, hindi ba’t kinasasangkutan din ito ng isang tiwaling disposisyon? (Oo.) Anong uri ng tiwaling disposisyon ito? (Isang mayabang na disposisyon.) Ito ay kayabangan. Ano ang nagbibigay sa kanya ng karapatan na maging bida? Ano ang nagbibigay sa kanya ng karapatan na magkaroon ng huling desisyon at pamunuan ang iba? Sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang katotohanan at mayroon akong pagpapahalaga sa pasanin.” Kahit na mayroon kang pagpapahalaga sa pasanin, kailangan pa ring tingnan kung kaya mo bang gumawa ng totoong gawain. Hindi ito ang kaso na dahil lang mayroon kang pagpapahalaga sa pasanin at gusto mong gawin ito ay kaya mo na talaga itong gawin nang maayos. Walang lohikal na koneksiyon sa pagitan ng dalawang bagay na ito. Ang kagustuhang gawin ito at pagkahilig na gawin ito ay hindi nangangahulugan na kaya mo itong gawin o na may kakayahan ka sa gawain ng pamumuno. Mahilig kang maging bida, mahilig ka sa katayuan—ibig sabihin ba niyon ay dapat kang ihalal ng lahat? Ano ang mga prinsipyo sa paghahalal ng mga lider ng iglesia? (Dapat ay nakabatay ito sa kung ang isang tao ay may kapabilidad ba sa gawain, kung siya ay isang tao bang naghahangad ng katotohanan, at kung siya ay isa bang tamang tao.) Kahit papaano man lang ay dapat na isa kang tamang tao. Dapat ay mayroon kang espirituwal na pang-unawa, may abilidad na maarok ang katotohanan, at mayroon ding kapabilidad sa gawain. Saka mo lang matutugunan ang mga kondisyon para malinang at maging kandidato para sa paglilinang. Dapat ay matugunan mo ang lahat ng kondisyong ito. Kung hindi mo matutugunan ang anuman sa mga kondisyong ito, ihahalal ka ba ng lahat na maging isang lider dahil lang mahilig kang maging bida? Hindi kailanman mangyayari iyon. Kaya kung palagi kang mahilig na maging bida, palaging mahilig na magpakitang-gilas, hindi ba’t kayabangan ito? (Oo.) Ito ay kayabangan at labis-labis na pagtingin sa sarili. Ang kayabangan, mula sa perspektiba ng pagkatao, ay kawalan ng katwiran. Kung susukatin gamit ang katotohanan, isa itong tiwaling disposisyon, at isa itong satanikong disposisyon. Ang pagpapamalas ng pagkahilig na maging bida ay kapwa isang depekto ng pagkatao at isang tiwaling disposisyon, na kinasasangkutan din ng dalawang isyu. Bagama’t ang pagkahilig na maging bida ay hindi umaabot sa antas ng pagkakaroon ng mahina o masamang pagkatao, isa pa rin itong partikular na pagpapamalas ng kawalan ng katwiran at isa ring pagpapamalas ng isang mayabang na disposisyon. Kung ang isang tao ay mahilig lang na maging bida, at hindi niya sinusupil o pinapahirapan ang mga tao, at hindi niya ginagamit ang mga pamamaraan ng masasamang tao para maghasik ng alitan o magpangkat-pangkat, isa lang itong depekto ng kanyang pagkatao. Gayumpaman, kung nagpapakita siya ng mga pagpapamalas ng masasamang tao o ng mga anticristo, at nagsasagawa rin siya ng ilang masamang gawa, kung gayon ay tumataas ang depekto ng pagkataong ito—ano ang nagiging resulta nito? Ang mahina, terible, at masamang pagkatao—ang mga aspektong ito ay ginagamit para ilarawan ang gayong pagkatao. Dagdag pa rito, ang mga pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng gayong mga tao ay kinabibilangan ng kapwa kayabangan at kalupitan; siyempre, may ilan ding mas partikular pang mga pagpapamalas. Kaya, ang pagkatao ng gayong mga tao ay dapat na ilarawan batay sa antas ng kanilang pagbubunyag sa mga tiwaling disposisyong ito. Kung mahilig lang silang maging bida, at hindi sila nagpapakita ng mga pagpapamalas ng masamang pagkatao—hindi sinusupil o pinapahirapan ang mga tao, hindi nagpapangkat-pangkat at palihim na nagtatatag ng nagsasariling kaharian, o gumagamit ng mga hindi pangkaraniwang pamamaraan para ilihis ang mga tao at pasunurin ang mga ito—kung gayon, ang pagkahilig na ito na maging bida ay isa lang depekto ng pagkatao. Pero kapag nagawa na ang gayong masasamang gawa, hindi na ito isang depekto lang ng pagkatao. Kung gayon ay ano nang uri ng problema ito? (Ito ay mahina, terible, at masamang pagkatao.) Mismo. Hindi na ito isang depekto ng pagkatao lamang, kundi sa halip, ito ay masamang pagkatao. Ang pagkahilig na maging bida ay isa lamang depekto ng pagkatao. Kung ang gayong tao ay may espirituwal na pang-unawa, isang partikular na kakayahan, at kapabilidad sa gawain, pipiliin ba ninyo siya bilang isang lider? (Oo.) Bakit ninyo siya pipiliin? (Dahil hindi siya isang masamang tao.) Ang kanyang pagkahilig na maging bida ay isa lamang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Walang elemento ng kasamaan sa kanyang pagkahilig na maging bida, at hindi siya isang masamang tao. Hangga’t natutugunan niya ang mga kondisyon ng pagiging isang lider, maaari siyang mahalal at higit na malinang. Bagama’t ang pagkahilig na maging bida ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng mahinang katwiran sa pagkatao, dahil kaya niyang gawin ang gawain, mayroon siyang kapabilidad sa gawain, mayroong espirituwal na pang-unawa, may abilidad na maarok ang katotohanan, at dagdag pa rito ay handa siyang gumawa ng ilang gawain at maging isang superbisor, maaari siyang ihalal. Bakit siya maaaring ihalal? Dahil ang pagkatao niya ay pasok sa pamantayan, gayundin ang kanyang kakayahan. Basta’t hindi siya isang masamang tao o isang anticristo, hindi niya pahihirapan o susupilin ang mga tao, at hindi siya susubok na magtatag ng isang nagsasariling kaharian, maaari siyang ihalal bilang isang lider. Pero kung ang kanyang pagkahilig na maging bida ay naglalaman ng mga elemento ng masamang pagkatao, dapat bang ihalal ang gayong tao? (Hindi.) Bago pa siya mahalal bilang isang lider, nagsisimula na siyang gumamit ng mga tusong paraan, palihim na nagpapangkat-pangkat, dinadaya ang mga boto. Para makamit ang kanyang mga layon, gumagamit siya ng mga kaduda-dudang pamamaraan, at may kapabilidad pa nga siya na mag-imbento ng mga tsismis at magsabi ng masamang bagay tungkol sa ilang mabubuting tao na medyo taimtim sa kanilang paghahangad sa katotohanan at na ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Gumagawa siya ng maraming bagay na salungat sa katotohanan at sa moralidad ng tao, gumagawa ng ilang masasamang gawa. Maaari ba ninyong ihalal ang gayong tao bilang isang lider? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil masama ang pagkatao niya.) Sa mas partikular, ito ay dahil isa siyang masamang tao; hindi niya natutugunan ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa paggamit ng mga tao. Hindi gumagamit ang sambahayan ng Diyos ng masasamang tao. Ano ang mga kahihinatnan kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay mapasakamay ng masasamang tao? Sa isang banda, sila ay pahihirapan at susupilin. Sa kabilang banda, ang iglesia ay magkakawatak-watak na parang buhaghag na buhangin at magiging magulo. Sa ganitong kaso, hindi mo ginagawa ang mga tungkulin mo kundi ay naglilingkod ka sa masasamang tao, nakokontrol ng masasamang tao, at sumusunod sa masasamang tao. Ano ang magiging mga kahihinatnan nito? Mawawasak ang pag-asa mo na magkamit ng kaligtasan. Nauunawaan mo na ba ngayon? (Oo.) Kaya, kung ang dalawang tao ay parehong mahilig maging bida at parehong may mayayabang na tiwaling disposisyon, sa anong batayan mo pipiliin ang isa sa kanila na maging isang lider? (Batay sa kanilang pagkatao.) Tama iyan, batay sa kanilang pagkatao. Ang mga pagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon, tulad ng kayabangan, panlilinlang, at katigasan ng kalooban ay unibersal; pare-pareho ang lahat ng tao sa aspektong ito. Kaya, nasaan ang pagkakaiba? Nasa pagkatao ng mga tao. Sa panlabas, ang ilang tao ay mas hindi napipigilan, habang ang ilan ay mas konserbatibo; ang ilan ay medyo magulo ang isip at walang ingat, habang ang iba ay medyo matalas at metikuloso. Ang iba ay mas extroverted at mas masayahin, habang ang iba ay mas introverted. Magkakaiba ang mga panlabas na pagpapamalas ng mga personalidad ng mga tao, at tiyak ding hindi magkakapareho ang kanilang pagkataong diwa. Ang ilang tao ay nalilimitahan ng kanilang konsensiya at moralidad, habang ang iba ay hindi. Ang ilan ay masama pa nga, walang awa, at malupit—pumapatay sila nang hindi kumukurap at nilalamon nila ang mga tao, pati ang mga buto ng mga ito. May kapabilidad silang gumawa ng anumang bagay. Samakatwid, para sa masasamang tao, ang pagpapahirap sa iba ay wala lang sa kanila. Kung mapapasakamay kayo ng masasamang tao, magiging katapusan na ng magagandang araw ninyo at pagkatapos ay mamumuhay na kayo sa kadiliman. Kung ang isang tao ay mapapasakamay ng masasamang tao, katulad ito ng pagiging napasakamay ng malaking pulang dragon. Naranasan na ba ninyo ito? (Oo.) Ang pinakaprominente at pinakahalatang mga pagpapamalas ng masasamang tao sa usapin ng kanilang pagkatao ay kasamaan, kalupitan, kawalang awa, at pagiging hindi nalilimitahan ng moralidad, at kawalan ng mga pamantayan ng konsensiya. Batay sa kanilang saloobin sa Diyos at sa katotohanan, wala silang may-takot-sa-Diyos na puso kahit kaunti. Sila ay mapangahas at walang ingat, nangangahas na gawin ang anumang bagay, nang hindi nalilimitahan ng konsensiya. Pagdating sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Sa panlabas, kaya nilang magsumikap at magtiis ng paghihirap sa kanilang mga tungkulin, at kaya rin nilang magbigay ng mga abuloy. Gayumpaman, wala sila ni katiting na takot sa kung paano nila tinatrato ang Diyos at ang katotohanan. Pagdating sa pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa nagkatawang-taong Diyos, pagpapatotoo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, pagpapatotoo sa mga gawa ng Diyos, o pagpapatotoo sa kung paanong nagbabayad ng halaga ang Diyos para sa sangkatauhan at kung paanong ginagamit ng Diyos ang dugo ng Kanyang puso at ang Kanyang buhay para iligtas ang sangkatauhan, wala silang nasasabi at ayaw nilang magsalita. Sa puso nila ay hinahamak nila ang Diyos. Pero kapag nagpapatotoo sila sa kanilang sarili, marami silang nasasabi at walang katapusan silang nagsasalita. Ang pagkahilig na maging bida ay isa lamang depekto ng pagkatao. Kung ang gayong mga tao ay hindi gumagawa ng kasamaan, at nalilimitahan sila ng konsensiya at moralidad, kung gayon ay basta nauunawaan nila ang ilang katotohanan, sa pangkalahatan ay kaya nilang timbangin ang mga usapin ayon sa mga paglilimita ng kanilang konsensiya; gumagana ang kanilang konsensiya. Halimbawa, kung may magugustuhan silang isang tao na kasalungat ng kasarian nila at gusto nila itong lapitan, dahil nalilimitahan sila ng kanilang konsensiya sa kanilang pagkatao at mayroon silang integridad at kahihiyan, natural na pipigilan nila ang sarili nila. Gayumpaman, ang masasamang tao ay walang pakialam sa gayong mga bagay. Kung gusto nila ang isang tao, puwersahan nilang lalapitan ito; kung hindi sumasang-ayon ang kabilang partido, gagawa sila ng lahat ng uri ng paraan para pahirapan, supilin, o guluhin ang taong ito. Ang mga taong nalilimitahan ng konsensiya ay napipigilan ng kanilang konsensiya; may mga partikular na pagsalangsang na hindi nila gagawin at mga partikular na limitasyon na hindi nila lalampasan dahil mayroon silang integridad at kahihiyan. Kung nauunawaan nila ang katotohanan, at ang pagtanggap nila rito ay medyo malalim at malakas, magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso. Dahil pinangangambahan at kinatatakutan nila ang Diyos, sa pangkalahatan ay hindi nila lalampasan ang ilang partikular na limitasyon. Samakatwid, ang pagkakaroon ng isang tao na nalilimitahan ng konsensiya bilang isang lider ay labis na kapaki-pakinabang para sa inyo. Kahit papaano, hindi ka niya sasaktan, lalong hindi ka niya hahadlangan o pipinsalain, at maaari rin niya kayong bigyan ng kaunting panustos at tulong. Gayumpaman, ang masasamang tao ay naiiba. Hindi lang sila gumagamit ng mga salita para ilihis ka; gumagamit din sila ng iba’t ibang paraan para pahirapan ka, apihin ka, at tapak-tapakan ka. Kung hindi mo sila susundin, kung hindi ka makikinig sa kanila, o kung makikipagtalo ka sa kanila tungkol sa isang bagay, hindi ka lang nila aatakihin kundi kokondenahin ka rin nila, ipapahiya ka, at hahangarin pa nga na supilin ka. Sa ganitong paraan, ganap kang mapapasakamay nila. Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga ordinaryong tiwaling tao at ng masasamang tao ay makikita sa kung ang kanilang pagkatao ay mabuti ba o masama, at sa kung gumagana ba ang kanilang konsensiya. Ang masasamang tao ay walang konsensiya, kaya wala rin silang integridad o kahihiyan at may kapabilidad silang gumawa ng anumang uri ng masamang gawa. Ang mga ordinaryong tiwaling tao, bagama’t ang kanilang pagkatao ay mayroon ding mga depekto at kapintasan, ay napipigilan ng konsensiya at katwiran, kaya maraming uri ng limitasyon ang hindi nila kayang lampasan. Kahit pa hindi sila nananampalataya sa Diyos, hindi sila gagawa ng mga partikular na malilinaw na kasamaan; halimbawa, hindi nila kayang gumawa ng mga akto gaya ng seksuwal na imoralidad o pagnanakaw. Pag-isipan mo ito: bago ka nanampalataya sa Diyos, habang nasa mundo ka, magagawa mo bang makibahagi sa kahalayan kung hahayaan ka ng isang tao? Ano ang tinutukoy ng kahalayan? Tinutukoy nito ang pagkakaroon ng maraming seksuwal na kapareha, o pagkakaroon pa nga ng sabay-sabay na relasyon sa ilang tao na may kasalungat na kasarian, nang hindi nakakaramdam na may ginagawang mali o ng panunumbat ng kalooban. Kaya ba ninyong gawin ang gayong bagay? (Hindi.) Tingnan ninyo ang mahahalay na babaeng iyon, ang mga kalapating mababa ang lipad, ang malalaswa—kaya nilang gawin ang gayong mga bagay. Hindi ba’t naiiba kayo sa mga taong ito? (Oo.) Nasaan ang pagkakaiba? Ito ay makikita sa kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran ba ng pagkatao. Ang konsensiya at katwiran ay nagbibigay sa iyo ng integridad at kahihiyan, kaya hindi ka gagawa ng kahalayan at mayroon kang pamantayan: “Ang pag-asal sa ganoong paraan ay hindi mabuti; hindi ako magiging ganoong uri ng tao. Magtatakda ako ng malinaw na limitasyon sa mga taong iyon. Kahit pa patayin ako sa bugbog, hindi ako makikibahagi sa kahalayan.” Kung mabebenta sa ganoong uri ng sitwasyon, sinasabi ng ilang tao, “Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa maging ganoong uri ng tao!” Ang ilang tao ay nagtitiis ng kahihiyan at kawalan ng katarungan, labag sa loob na umaayon dito, pero sa puso nila ay ayaw nila at susunggaban nila ang anumang pagkakataon para makaalis sa naturang sitwasyon. Gayumpaman, ang iba ay sila mismo ang maghahanap ng ganoong kalagayan, kahit pa subukan silang pigilan ng iba. Ginagawa nila ito kahit na wala silang kitaing pera mula rito—sadyang nasisiyahan lang sila sa pakikibahagi sa kahalayan, at wala silang anumang pakialam kung mapagkakakitaan ba ito o hindi. Hindi ba’t magkaiba ang dalawang uri na ito ng mga tao? (Oo.) Ito mismo ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkatao ng mga tao. Napakahalaga ng pagkakaiba sa pagkatao. Kung kaya ninyong makilatis ang mga pagkakaiba sa mga pagpapamalas ng pagkatao ng iba’t ibang uri ng tao, magagawa ninyong makilatis ang mga tao. Samakatwid, ang pagsusuri sa isang tao ay hindi puwedeng ganap na batay sa kanyang tiwaling disposisyon o sa kanyang mga pagpapamalas at pagbubunyag sa loob ng maiksing panahon o sa isang insidente. Sa halip, ang kanyang tunay na uri bilang isang tao ay dapat na suriin batay sa kanyang pagkatao at sa kanyang kalikasang diwa. Dito nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa pagpapamalas ng pagkahilig na maging bida.
Paggawa ng mga Bagay Nang Metodikal, Nang May Balangkas sa Isipan, at sa Isang Maayos na Paraan
Pag-usapan naman natin ang isa pang pagpapamalas. Ang ilang tao ay ginagawa ang mga bagay nang metodikal, nang may balangkas sa isipan, at sa isang maayos na paraan; kaya nilang matukoy kung ano ang unang gagawin at kung ano ang gagawin kalaunan sa pamamagitan ng pag-iisip at pagsasaalang-alang. Sumusunod sila sa mga hakbang at mayroon silang mga plano sa halip na gawin ang mga bagay nang pabigla-bigla. Anuman ang kanilang ginagawa, sumusunod sila sa mga hakbang, kahit sa pinakasimpleng gampanin gaya ng paglalaba ng mga damit. Pinaghihiwalay nila ang mga damit batay sa kulay, magkahiwalay na nilalabhan ang matitingkad at mapupusyaw na damit; alam nila kung gaano karaming tubig at sabon ang gagamitin batay sa dami ng labahan, nakakaiwas sa pag-aaksaya—ang lahat ng ito ay planado, labis na organisado, metikuloso, at matipid. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isa itong merito at kalakasan ng pagkatao.) Kung gayon ay makakatawan ba ng meritong ito na ang ganitong uri ng tao ay mayroong mabuting pagkatao? (Hindi.) Isa lamang itong merito at kalakasan ng kanilang pagkatao. Hindi ito umaangat sa antas ng pagsasangkot ng karakter ng isang tao o ng mga prinsipyo ng sariling asal, hindi rin ito kinasasangkutan ng isang tiwaling disposisyon. Isa lang itong nakagawiang estilo ng pamumuhay o isang saloobin sa buhay. Ang ilang tao ay ginagawa ang mga bagay nang may balangkas sa isipan, nang may plano; kaya nilang umarok ng mga pattern, at kapag tapos na ang gampanin, nasisiyahan ang iba rito. Ang mga ito ay mga taong may mahusay na kakayahan. Pero para sa mga may mahinang kakayahan, iba ito—ginagawa nila ang lahat ng bagay nang wala sa ayos at nang napakagulo, nang walang balangkas sa isipan o pagpaplano, sa isang ganap na magulong paraan na nauuwi sa malaking kalat. Anong uri ng problema ito? (Isang depekto ng pagkatao.) Ano ang nasasangkot sa depektong ito ng pagkatao? (Napakahinang kakayahan.) Ang gayong mga tao na may napakahinang kakayahan ay tinatawag lang na walang utak. Ang ilang tao, kapag sinasabi Ko sa kanila, “Utak-biya ka ba? Paanong hindi mo nauunawaan ang gayon kasimpleng bagay?” ay sumasagot, “Wala akong utak.” Ano ang ibig sabihin ng pagiging “walang utak”? Ang ibig sabihin nito ay kawalan ng kakayahan o pagkakaroon ng mahinang kakayahan—isa itong problema sa kakayahan. Saan nabibilang ang isyung ito? Hindi ba’t isa itong likas na kondisyon? (Oo.) Kung ang isang tao ay likas na walang utak, may silbi ba ang pagsasanay sa kanya? Ang gayong mga tao ay hinaharap ang lahat ng bagay nang walang pagpaplano o balangkas sa isipan. Inaabot sila ng buong araw sa isang simpleng gampanin, na nakakaantala sa mahahalagang usapin. Ito ay kawalan ng kakayahan o pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Madalas na inilalarawan ng mga walang pananampalataya ang mga taong may masamang pagkatao bilang walang kakayahan. Halimbawa, kapag nakita ng isang tao na ang isa pang tao ay nagkakalat, hindi malinis, o malakas na sumisigaw sa publiko, ginugulo ang iba na nag-aaral o nagpapahinga, maaaring sabihin niya na ang taong iyon ay walang kakayahan. Para sa Akin, ito ay hindi pagkaunawa sa mga pamantayan ng pag-asal at kawalan ng pagkatao—paano ito matatawag na kawalan ng kakayahan? Ang “kawalan ba ng kakayahan” ay tumutukoy rito? Ano ang tinutukoy ng “kakayahan”? Tumutukoy ito sa pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay—ito ay tinatawag na kakayahan. Kaya, ang mga tao bang gumagawa ng mga bagay nang walang balangkas sa isipan ay mahina ang kakayahan? (Oo.) Isa rin itong depekto ng pagkatao. Likas ba ang depektong ito? Madali ba itong baguhin? Maaari ba itong mabago sa pamamagitan ng pagsasanay? Mapapaakyat ba ng puno ang isang baboy? Hindi iyon kaya ng isang baboy—wala itong ganoong kakayahan. Ang kawalan ng balangkas sa isipan sa paggawa ng mga bagay ay isang problema sa kakayahan.