Paano Hangarin ang Katotohanan (4) Ikaapat na Bahagi

Ikapitong Halimbawa: Pagkahilig Kumain ng Maaanghang na Pagkain

Ang ilang tao ay isinilang sa isang lugar kung saan pangkaraniwan na ang pagkain ng sili; marahil ay dahil sa klima, o dahil may gawi ang pamilya nila at mahilig kumain ng sili, kinakain nila ito araw-araw, at madalas na nangingibabaw ang maaanghang na lasa sa pang-araw-araw nilang diyeta. Malinaw na isa itong likas na kondisyon. Alin ito sa mga likas na kondisyon? (Isang gawi sa pamumuhay.) Ang gawi nila sa pamumuhay ay na hindi puwedeng walang maaanghang na lasa sa pang-araw-araw nilang diyeta; dapat may anghang ang lahat ng kinakain nila. Gaano katindi ang pagkahilig nilang ito? Nagdadagdag pa nga sila ng anghang sa matatamis na pagkain, kumakain sila ng mga hamburger at pizza na may maaanghang na lasa, at naglalagay pa nga sila ng sili sa tsaa at kape—ganito katindi ang pagkain nila ng maaanghang na pagkain. Isa itong gawi sa pamumuhay. May tama o mali ba rito? (Wala.) Ang pagkahilig sa maaanghang na pagkain ay dulot ng kapaligiran sa pamumuhay at mga gawi sa pamumuhay ng isang tao; walang tama o mali rito. Ang ilang tao ay labis-labis ang pagkain ng maaanghang na pagkain; kung walang maanghang na pagkain, hindi sila kakain. Matatanggap mo man ito o hindi, ipinipilit nilang kumain ng maanghang na pagkain, at walang makakapagbago nito. Sa madaling salita, ang pagkahilig sa pagkain ng sili ay isang gawi sa pamumuhay, walang problema rito, at wala itong kinalaman sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Napakasukdulan naman ng gawi sa pamumuhay na ito; dapat ba itong ituring na isang negatibong bagay? Dapat ba itong punahin o kontrolin? Dapat ba tayong magtaguyod ng ilang kaalaman sa kalusugan, at ipalaganap ang ideya na ang mga prinsipyo sa pagkain at mga gawi sa pamumuhay ay dapat unahin ang kalusugan?” Makakatiyak ka ba na ang pagkain ng sili at maaanghang na pagkain ay hindi maganda sa kalusugan? Ganito sila kumain sa loob ng maraming taon, sa loob ng ilang henerasyon, at malusog talaga sila. Sa partikular, ang mga tao sa ilang lugar ay kumakain ng sili hanggang sa puntong nahihirapan na itong tanggapin ng iba. Kapag nakikita ng mga tao kung gaano kaanghang ang pagkain nila, naaasiwa ang mga ito, pero ang mga indibidwal na ito ay malakas, malusog, at maganda ang pangangatawan, mayroon sila ng lakas at tibay ng katawan na gumawa ng pisikal na gawain. Pinapatunayan nito na hindi nakakapinsala at hindi nakakaapekto sa kalusugan ang pagkain ng sili; at tila umaayon din sa mga prinsipyo sa kalusugan ang maanghang nilang diyeta. Ang pagkahilig na kumain ng sili ay isang instinto sa pamumuhay. Gusto man ito o kaya man itong tanggapin ng iba o hindi, hangga’t nasisiyahan ang isang tao rito at hindi ito nakakaapekto sa buhay o diyeta ng iba, maaari itong ipagpatuloy. Walang tama o mali rito; hindi ito isang malaking isyu, at hindi gumagawa ng anumang mga paghatol ang sambahayan ng Diyos tungkol dito. Sinasabi ng ilang tao, “Masama sa tiyan ang pagkain ng sili.” Kung nag-aalala ka na makakasama ito sa tiyan mo, maaaring piliin mo na lang na huwag nang kumain ng mga ito. Kung matagal nang kumakain ng maaanghang na pagkain ang iba at sumakit ang tiyan nila, sila mismo ang makakaramdam nito at gagawa sila ng sarili nilang desisyon. Kaya, ang bawat tao ay may kanya-kanyang panlasa—mahilig man sila sa matamis, maasim, mapait, o maanghang na lasa, isa itong personal na usapin. Paano ka man kumain o gaano katindi ka man kumain, hindi mo kailangang makonsensiya. Hangga’t tinutulutan ito ng mga kondisyon at ng kapaligiran, maaari mong isantabi ang lahat ng alalahanin at maaari kang kumain nang walang pag-aalinlangan. Kung Ako ang tatanungin, walang anumang tagubilin tungkol dito. Kung may sinumang may masasabi tungkol dito, puwede kang tumugon na, “Kalayaan ko ito, karapatan ko ito, at hindi mo kailangang makialam. Kahit na sili lang ang kainin ko, wala ka nang pakialam doon. Kung nakakapinsala man ito sa tiyan ko o hindi ay sarili ko nang responsabilidad, hindi sa iyo.” Ayos lang bang magsalita nang ganito? (Oo.) Sariling usapin mo na iyan; wala itong kinalaman sa iba, at wala rin itong kinalaman sa Akin. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil walang kinalaman sa katotohanan ang usaping ito, wala itong kinalaman sa isang tiwaling disposisyon, at hindi ito isa sa mga isyung layong lutasin ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao. Samakatwid, pagdating sa mga isyu ng mga gawi sa pamumuhay, puwede nating isantabi ang mga ito. Hindi ito isang bagay na positibo, pero hindi rin ito isang bagay na negatibo—isa lang itong pagkahilig na mayroon ang ilang tao.

Mahilig kumain ng sili ang ilang taong nagpapatuloy sa bahay, at gusto nilang may maanghang na pagkain sa tatlong beses na pagkain nila sa isang araw. Kaya, kapag nagluluto sila, naghahanda sila ng maaanghang na pagkain tuwing oras ng pagkain. Ang ilang taong hindi pa nakakakain ng sili ay nahihirapang kainin ito at sa gayon ay nagmumungkahi na magluto na lang ng hindi maaanghang na pagkain. Gayumpaman, ayaw itong tanggapin ng nagluluto at sinasabi nito, “Hindi puwede iyan. Sanay ako sa pagkain ng maanghang; kung hindi ko ito aanghangan, hindi ako masasarapan. Dapat sanayin mong kumain ng maanghang na pagkain; pagkatapos mo itong kainin sa loob ng ilang panahon, masasanay ka na at hindi ka na matatakot sa anghang.” Ano ang problema rito? (May problema sa pagkatao niya.) Anong uri ng problema mayroon ang pagkatao niya? (Ipinipilit niya ang mga bagay sa iba.) Hindi mabuti ang pamimilit ng mga bagay sa iba. Hindi ba’t pamumuwersa ito sa iba na gawin ang ayaw gawin ng mga ito? Sinusubukan ng gayong mga tao na sila ang maging sentro ng lahat ng ginagawa nila, naniniwalang ang gusto nila ang pinakamainam, at na dapat itong tanggapin ng iba. Kung gusto nila ang isang bagay, sinusubukan nilang pilitin ang iba na magustuhan din ito; dapat palugurin sila ng lahat ng tao. Hindi ba’t makasarili at mababang-uri ito? Hindi lang nila ipinipilit ang mga bagay sa iba, pero mayroon ding kaunting pagiging mapaminsala rito. Mabuti ba ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Ang mga taong may masamang pagkatao ay hindi makakapagdulot ng pakinabang sa iba; maaari lang silang makapagdulot ng pasakit, at sa malulubhang kaso, maaari pa nga silang makapinsala. Masyadong makasarili at mababang-uri ang gayong mga tao, at magaspang din ang ugali nila nang wala sa katwiran. Kung may katwiran ang isang tao, maaari niyang sabihin, “Mahilig akong kumain ng maaanghang na pagkain, pero ang ilang tao ay hindi. Kaya, kapag nagluluto ako, hindi puwedeng sarili ko lang ang iisipin ko. Kailangang maghanda ako kapwa ng maaanghang at di-maaanghang na pagkain, para masiyahan kapwa ako at ang iba pa. Ang prinsipyong sinusunod ko kapag ginagawa ang tungkulin ko ay ang palugurin ang lahat, tinitiyak na nakakakain nang mabuti ang lahat, at ang huwag tumuon sa sarili ko lang. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkuling ito ayon sa mga prinsipyo.” Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng tao? (Medyo mabuti ang pagkatao niya.) Sa anong mga paraan ito mabuti? (Marunong siyang magmalasakit at mag-alaga sa iba. Hindi lang niya pinapalugod ang sarili niya.) Medyo mabait siya, tama ba? Ang mabuting pagkatao ay naglalaman ng kabaitan—ang pagiging mapagsaalang-alang sa iba at pag-aalaga sa mga ito. Nauugnay ba rito ang pagkatao ng isang tao? (Oo.) Anuman ang edad, kasarian, o pag-uugali ng isang tao, kung may mabuti siyang pagkatao, makikinabang ang mga tao sa paligid niya at ang mga nakakasalamuha niya. Sa mas partikular, makakatanggap ang ilang tao ng suporta at tulong mula sa kanya, habang pagmamalasakitan naman niya ang iba sa pang-araw-araw na buhay. Isa itong pagpapamalas ng mabuting pagkatao.

May ilang tao rin na napakahilig sa maaanghang na pagkain na kahit kapag lumalabas sila para gawin ang tungkulin nila, partikular silang naghahanap ng mga lugar na naghahain ng maaanghang na pagkain kapag oras na ng kainan. Kung walang maanghang na pagkain, naaasiwa sila: “Hindi talaga kasiya-siya na gawin ang tungkulin ko dahil hindi ako makakain ng maanghang na pagkain dito. Gusto ko nang umuwi, kung saan makakakain ako ng maanghang na pagkain tuwing kainan—iyon ang talagang sakto sa panlasa! Kapag walang sili, walang lasa ang kahit na ano; kahit ang adobong baboy ay nawawalan ng lasa. Ano ang dapat kong gawin?” Kaya, patuloy silang naghahanap ng mga lugar kung saan sila makakakain ng sili. Kalaunan, natuklasan nila ang isang restawran na kilala sa maaanghang na pagkain, pero higit isang oras ang layo nito. Sinasabi nila, “Kahit gaano pa ito kalayo, kailangan kong makapunta! Kung hindi ako makakakain ng maanghang ngayon, hindi ko gagawin ang tungkulin ko. Kung hindi ako makakakain ng maanghang, hindi ako mapapanatag, at sadyang hindi ako makakaraos sa araw na ito!” Sinabihan sila ng isang tao, “Mapanganib sa ngayon ang kapaligiran sa labas, at napakagulo ng lugar na ito! Huwag tayong magpunta roon para kumain.” Pero hindi sila nakikinig, at sinasabi nila, “Ano ba ang dapat nating ikatakot? Ang pagkain ang mahalaga! Hindi ba’t madalas ka rin namang lumalabas? Huwag kang matakot, walang mangyayari—poprotektahan tayo ng Diyos!” Pagkatapos kumain, nasisiyahan sila. Basta’t nagagawa nilang kumain ng sili at masasarap na pagkaing hinahanap-hanap nila, nagiging maayos na ang pakiramdam nila sa lahat ng bagay, at napakasaya na nila na hindi nila mapigilang ngumiti, kahit sa pagtulog nila. Anong uri ng pagkatao ito? (Isang makasarili at mababang-uri na pagkatao.) Dagdag pa sa pagiging makasarili at mababang-uri, may isa pang katangian: Hindi nila isinasaalang-alang ang obhetibong kapaligiran o ang mga kondisyon kapag may gusto silang gawin. Basta’t nagagawa nilang tugunan ang sarili nilang mga pagnanais at kagustuhan, iyon lang ang mahalaga. Handa silang magbayad ng anumang halaga para lang sa isang kagat ng anumang pagkaing gusto nilang kainin—kahit na kailangan nilang magsumikap nang husto, gagawin nila anuman ang kinakailangan para makamit ang layon nila. Ito ba ay pagiging makasarili at mababang-uri lang? Hindi ba’t kasutilan din ito? (Oo.) Ito ay sukdulang kasutilan! Ang sinumang kasama nila ay kailangang magbayad ng halaga para sa kasutilan nila at magtiis ng mga hinanakit dahil dito. Nasusunod ang anumang sabihin nila, at nangyayari ang anumang gusto nilang gawin. Ngayon, masama ang lagay ng loob nila, kaya ayaw nilang kumain. Kapag tinanong sila kung bakit hindi sila kumakain, sinasabi nila, “Galit ako ngayon, masama ang lagay ng loob ko, kaya wala akong ganang kumain.” Kalaunan sa gabi, kapag oras na para magpahinga, hindi rin sila natutulog, sinasabing hindi sila makatulog at gusto nilang kumanta para maipahayag ang mga emosyon nila. Sinusubukan silang kumbinsihin ng isang tao, sinasabi nito, “Makakaapekto ka sa pagtulog ng iba kung kakanta ka.” Tumutugon sila, “Masama ang lagay ng loob ko ngayon. Gusto kong kumanta. Hindi ko na problema kung makakatulog man kayo o hindi. Masama ang lagay ng loob ko, pero walang nagpapagaan ng loob ko o nagmamalasakit sa akin—napakamakasarili ninyong lahat!” Hindi ba’t kasutilan ito? Talagang napakasutil nila; hindi sila umaasal nang maayos, at ginagawa nila anuman ang gusto nila. Kapag masaya sila, hindi sila nababagabag sa sinasabi ng iba, at sinasabi pa nga nila, “Isa akong taong malawak ang kaisipan. Hindi ko hilig na mamroblema sa mga bagay-bagay.” Pero kapag hindi sila masaya, kailangang maging labis na maingat ang lahat sa pananalita, hinahangad na huwag mapasama ang loob nila dahil maaari itong humantong sa malaking problema. Maaari silang mag-alboroto, magsira ng mga gamit, at tumanggi pa ngang kumain. Sa mas malulubhang kaso, maaaring gustuhin nilang isuko ang tungkulin nila, tumigil na lang bigla sa paggawa at umuwi, habang sinasabi, “Wala sa inyo ang tumatrato sa akin nang maayos; inaapi ninyo akong lahat. Walang mabubuting tao sa mundo!” Hindi ba’t kasutilan ito? (Oo.) Ang kasutilan ba ay problema sa pagkatao ng isang tao? (Oo.) Talagang napakasutil nila—kailangan silang pagbigyan ng lahat, at kapag hindi umaayon sa gusto nila ang mga bagay-bagay, agad silang nagiging mapanlaban, at sumasabog ang init ng ulo nila. Walang puwedeng kumontra sa kanila, at kailangan silang suyuin ng lahat. Kahit na hindi na sila bata, nananatiling wala sa hustong gulang ang pagkatao nila, tulad ng sa isang bata. Saanman nila ginagawa ang tungkulin nila, hindi sila kailanman sumusunod sa mga pampublikong panuntunan. Kapag masaya sila at gusto nilang magsalita, kailangang makinig ang lahat, at kung may hindi nakikinig, nagtatanim sila ng sama ng loob sa taong iyon. Kapag kinakausap mo sila, kailangan mong ngumiti; kung wala kang ipapakitang ekspresyon at tila hindi ka ganoon kahandang makinig, nagagalit sila at umiinit ang ulo nila. Sa iglesia, ginagawa nila anuman ang gusto nila, kailanman nila gusto, nang walang pagsasaalang-alang sa kung paano ito nakakaapekto sa normal na kinaugalian sa buhay ng iba. Basta’t komportable sila at maganda ang lagay ng loob nila, iyon lang ang mahalaga sa kanila, at hindi puwedeng gumawa ng anumang pagtutol ang iba. Kung may sinumang tututol para magpakita ng pagkainis o kawalang-kasiyahan, magagalit sila, at hindi nila ito papalampasin. Ang ilang taong ganito ay bata pa at may pagkatao na wala pa sa hustong gulang, pero ang iba ay nasa edad kuwarenta na, singkuwenta na, o setenta o otsenta pa nga, at ganito pa rin ang pagkatao nila sa pagtanda nila—lubhang napakasutil. Tinutulutan man ito o hindi ng kapaligiran o ng mga kondisyon, ginagawa nila anuman ang gusto nila. Halimbawa, dumating sila sa isang lugar kung saan hindi tinutulutan ng mga kondisyon ang pagligo, pero nagpupumilit silang makaligo, sinasabi nila, “Sa bahay, araw-araw akong naliligo; hindi puwedeng hindi ako makaligo.” Gayumpaman, wala sa lugar na ito ang mga wastong kondisyon; maging ang pagligo nang isang beses sa isang linggo ay mahirap. Kaya, ano ang gagawin mo? Ang isang taong may normal na pagkatao ay alam kung paano harapin at pangasiwaan ang sitwasyong ito. Kung malagkit at mainit ang panahon, ang pagkuha ng isang batya ng tubig at simpleng pagpunas sa katawan sa gabi para makatulog siya ay sapat na—isa itong paghihirap na kayang tiisin. Hindi ito imposibleng malampasan. Gayumpaman, hindi ito mapangasiwaan ng ganitong uri ng tao; kung hindi siya makakaligo, hindi siya makakatulog, makakakain, at nadarama pa nga niyang hindi niya kayang manatiling buhay, na para bang nagtitiis siya ng isang malaking kahihiyan. Gaano ba talaga siya kasutil? Napakasutil niya na hindi niya magawa nang normal ang tungkulin niya, hindi niya magawang makisalamuha sa iba o makitungo sa mga ito nang normal, at ni hindi niya kayang mamuhay nang tulad ng isang normal na tao. Para sa iba, tila may problema sa pag-iisip ang ganitong uri ng tao. Kung may maganda siyang ugnayan sa isang tao, hindi sila mapaghiwalay, na para silang iisang tao. Pero kung may masama siyang ugnayan sa isang tao o kung napasama man ang loob niya ng isang tao kailanman, kaya niyang hindi kausapin ang taong iyon habambuhay. Kapag nakikita niya ang taong iyon, napapairap siya, at agad na nagdidilim ang mukha niya, na para bang nahaharap siya sa isang kaaway—talagang sukdulan na ito. Normal ba ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Napakasutil ng ganitong uri ng tao, at hindi normal ang pagkatao niya. Ano ang ibig sabihin ng “hindi normal”? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang normal na pagkatao. Maaari bang magkaroon ng mga normal na pakikisalamuha at pakikipagtulungan sa iba ang gayong mga tao? Kaya ba nilang mamuhay nang normal kasama ang mga tao? Kaya ba nilang gawin nang maayos ang tungkulin nila? (Hindi.) Hangga’t gusto nilang makamit ang layon nila—ito man ay pagkain, pagtatamasa ng magandang pagtrato, o paggawa ng isang bagay na gusto nilang gawin—dapat itong matupad. Kung hindi, pakiramdam nila ay bumabagsak na ang langit, para bang magwawakas na ang mundo nila. Nababahala sila at nagsisimula silang maghimutok, nagrereklamo tungkol sa iba, nagrereklamo tungkol sa kapaligiran, at nagrereklamo pa nga sila tungkol sa Diyos, sinasabi nila, “Anong uri ng kapaligiran ang inihanda ng Diyos para sa akin, na labis akong pinagdurusa? Bakit hindi pa naranasan ng iba ang gayong mga kapaligiran at nagdusa nang ganito? Bakit ako ang nagdurusa? May pagkiling ang Diyos!” Kita mo, lumitaw na ang malademonyong kalikasan nila, hindi ba? Pasok ba sa pamantayan ang ganitong uri ng pagkatao? (Hindi.) Kailangang harapin ang gayong mga tao. Paano dapat harapin ang ganitong uri ng tao? (Ipadala siya sa isang ordinaryong iglesia.) Kung umabot siya sa puntong hindi na niya magawa ang tungkulin niya, nagdudulot lang ng mga paggambala at panggugulo kapag ginagawa niya ang tungkulin niya, kaya nasusuklam at naiinis ang lahat ng nakakakita sa kanya, at hindi siya mapakitunguhan ng iba, kung gayon, dapat siyang ipadala agad sa ibang lugar—ang ganitong uri ng tao ay katulad ng mabahong dumi ng aso. Ang kasutilan ay kinasasangkutan ng pagiging makasarili, mababang-uri, at pagiging magaspang ng ugali nang wala sa katwiran. Minsan, kinasasangkutan din ito ng pagiging labis na mapagkalkula, mabagsik, at maging ng pagiging malupit at mapaminsala. Kapag ginagawa ng ganitong uri ng tao ang tungkulin niya sa loob ng ilang panahon, lubhang napipinsala ang lahat ng tao, at natatakot ang sinumang nakakakita sa kanya. Kung susubukan mo siyang iwasan at hindi galitin, may masasabi pa rin siya: “Ano ba ang pinagtataguan mo, isang magnanakaw? Paano ko pinasama ang loob mo para iwasan mo ako?” Pero kung lalapitan mo siya at susubukan mong magsalita, hindi pa rin siya makikipag-usap nang normal sa iyo. Wala siyang normal na pagkatao, at ang mga nakikisalamuha sa kanya ay nagdurusa hindi lang ng pasalitang pinsala kundi pati na rin ng pinsala sa integridad nila, emosyonal na pinsala, at maging ng ilang pisikal na pinsala. Tunay na kasuklam-suklam ang gayong mga tao! Angkop ba silang ikategorya bilang may masamang pagkatao? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay may masamang pagkatao at sutil. Ang isang sutil na tao ay hindi lang nabibigong mapatibay ang iba, kundi dahil sa kanya ay naiinis at nasusuklam din ang mga ito, at hindi niya mapakitunguhan ang sinuman. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang tanggapin ng isang sutil na tao ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng disposisyon ang mayroon siya sa loob niya? (Katigasan ng kalooban.) Malinaw ang katigasan ng kalooban niya, pero mayroon ding isa pang bagay—ano ito? (Ang pagiging tutol sa katotohanan.) Tama iyan. Ang pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon ng pagiging matigas ang kalooban at tutol sa katotohanan—ang mga ito ay dalawang katangian ng mga sutil na tao. Ang ganitong uri ng tao ay hindi lang sutil kundi makasarili rin at magaspang ang ugali nang wala sa katwiran. Ang pagiging magaspang niya nang wala sa katwiran ay kinasasangkutan ng isang elemento ng pang-aabala sa iba nang wala sa katwiran at nang basta-basta. Kapag nakikisalamuha ka sa kanya, hindi umuubra ang pagsasalita nang mabait—iniisip niya na mayroon kang mga lihim na motibo. Kung magsasalita ka nang istrikto, iisipin niyang inaapi mo siya, pero pagkatapos makapinsala sa iba ang kasutilan niya, sasabihin pa rin niya, “Hindi ko sinasadyang saktan ka. Kung nasasaktan ka, humihingi ako ng tawad.” Bagama’t magandang pakinggan ang mga salitang ito, kapag hindi siya pinatawad ng taong nasaktan at pinuna pa siya nito, nagagalit ang sutil na tao at sinasabi niya, “Sadyang hindi mo ito mabitiwan—hindi ba’t sinasamantala mo lang ang paghingi ko ng tawad? Tingin mo ba ay madali akong kayan-kayanin dahil humingi ako ng tawad? At ngayon, tinutukoy mo pa ang mga kapintasan ko! May mga kapintasan ba ako? Kalipikado ka bang tukuyin ang mga iyon?” Hindi ba’t isa itong kaso ng hindi pagtanggap sa katotohanan? (Oo.) Sangkot dito ang tiwaling disposisyon niya. Ang mga katangiang ito sa pagkatao niya ay likas ding napapamalas sa ilang katangian ng mga tiwaling disposisyon—magkakaugnay ang mga ito. Ang mga katangian ng mga tiwaling disposisyon sa ganitong uri ng mga tao ay kinasasangkutan ng katigasan ng kalooban, pagtutol sa katotohanan, at kaunting kalupitan. Ang mga aspektong ito ay ang mga katangian ng mga tiwaling disposisyon nila.

Ikawalong Halimbawa: Mga Instinto ng Tao

Ang mga likas na kondisyon ay kinabibilangan ng isa pang aspekto, at iyon ay ang instinto ng tao. Halimbawa, pagkatapos manampalataya ng ilang tao sa Diyos, nakikita nila ang matinding pang-aapi, mga pang-aaresto, at malupit na pagtrato ng gobyerno ng CCP sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kinikilabutan, nababagabag, nangangamba, at natatakot sila. Minsan, nanghihina pa nga ang mga binti nila, at palagi nilang gustong magbanyo. Ano ang ipinapamalas nito? (Instinto.) Isa itong likas na reaksyon. Sa loob ng normal na pagkatao, pagdating sa ilang kagimbal-gimbal na kaganapan, mga sitwasyong kinasasangkutan ng sariling buhay ng mga tao, o mga usaping maaaring magdulot ng panganib sa sarili nila, ito man ay sa pagkarinig ng impormasyon o kapag nahaharap sa realidad, magkakaroon sila ng ilang likas na reaksyon—mangangamba at matatakot sila. Kasabay nito, likas na magpapakita ng ilang normal na reaksyon ang katawan nila, tulad ng pagiging hindi mapakali, mga pagkibot ng kalamnan, pansamantalang pagkabingi o pagkabulag, pati na ng pagkatuyo ng bibig, panghihina ng mga binti, labis na pagpapawis, kawalan ng kontrol sa pag-ihi o pagdumi. May posibilidad bang mangyari ang mga reaksyong ito? (Oo.) Ang mga reaksyong ito, na kontrolado man ng nervous system o dulot ng iba pang dahilan, sa ano’t anuman, ay mga pagtugon sa laman na dulot ng panlabas na salik, at ang mga reaksyong ito ay sama-samang tinatawag bilang instinto. May mga limitasyon ang abilidad ng katawan na magtiis; kapag lampas na ito sa mga limitasyon ng tapang ng isang tao, magpapakita ang katawan ng ilang likas na reaksyon. Maaaring makita ng iba ang mga reaksyong ito bilang mga kahinaan, o maaaring magmukhang katawa-tawa, kaawa-awa, o karapat-dapat sa simpatya ang mga ito, pero hindi mapagkakaila na ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mga instinto ng isang tao. May mga tao rin na, kapag nahaharap sa panganib, ay hahawak sa ulo nila at iiyak, luluha, o hihiyaw pa nga nang malakas; ang iba ay maaaring mamaluktot sa isang madilim na sulok para magtago—ang lahat ng gayong pagtugon ay mga likas na reaksyon. Ang mga likas na reaksyong ito, ito man ay pag-iyak, pagtawa, o labis na pagkatakot kaya gumagawa na sila ng kahiya-hiyang bagay—may anuman bang tama o mali sa mga ito? (Wala.) Kung gayon, para sa mga natatakot kapag nababalitaan nila ang tungkol sa pang-aaresto ng gobyerno sa mga mananampalataya, maaari ba nating sabihin na duwag at walang pagkatao ang mga taong ito? (Hindi.) Tama ba ang pahayag na, “Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat may kasamang pananalig; hindi dapat matakot ang isang tao!” (Hindi.) “Kahinaan ito, isang pagpapamalas ng karuwagan at kawalang-kakayahan. Nagpapakita ito ng kawalan ng pananalig sa Diyos, at ipinapakita nito na hindi sila marunong umasa sa Diyos. Hindi isang mananagumpay ang gayong tao!” Maaari ba nating sabihin ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Isa lang itong pisyolohikong reaksyon na nagaganap kapag nahaharap ang isang tao sa mga panlabas na sitwasyon.) Isa itong normal na pisyolohikong reaksyon, hindi isang pagpapamalas na itinutulak ng isang tiwaling disposisyon. Nangangahulugan ito na kapag may ganitong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang mga tao sa gayong mga sitwasyon, hindi ito dahil sa impluwensiya ng isang tiwaling disposisyon, ni hindi rin ito dahil sa napapangibabawan sila ng kung anong kaisipan o pananaw sa loob ng pagkatao nila. Ang mga reaksyong ito ay hindi isang bagay na pauna mo nang naisip; hindi ito ang kaso na kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon, bigla kang nagkakaroon ng kung ano-anong mga kaisipan, at pagkatapos, habang mas pinag-iisipan mo ito, natataranta ka, nanginginig ang katawan mo, o nawawalan ka pa nga ng kontrol sa pag-ihi o pagdumi mo. Hindi iyon ang dahilan sa likod ng mga reaksyong ito. Sa halip, ito ay dahil pagkatapos marinig ang tungkol sa mga kaganapan o balitang ito, nang hindi mo napag-iisipan, nang walang anumang pagpili o pagproseso ng impormasyon sa isipan, ang katawan mo ay natural na gumagawa ng ilang likas na pisyolohikong reaksyon. Kaya, ang ganitong uri ng natural na reaksyon ay dulot ng mga instinto ng laman. Wala itong tama o mali, walang kaibahan sa pagitan ng kalakasan at kahinaan, at tiyak na walang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo. Sinasabi ng ilang tao, “Paano man mang-aresto ang gobyerno, hindi ako natatakot!” Kung gayon, sasabihin Ko na isa kang hangal dahil diyan. Kapag pinahirapan ka ng malaking pulang dragon, tingnan natin kung matatakot ka o hindi—sa panahong iyon, magiging imposible para sa iyo na hindi sumigaw. Ano ang iisipin mo kapag umabot na sa rurok ang pasakit? “Mas gugustuhin kong mamatay na lang. Kung mamamatay ako, makakalaya na ako, hindi na ako masasaktan.” Ang lahat ng ito ay mga likas na reaksyon ng laman, at hindi isyu ang anuman sa mga ito. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi ako natatakot; kung may hahampas sa akin, hahampasin ko rin siya, at kung hindi ako mananalo, tatakbo na lang ako palayo.” Pero kapag tumakbo ka at may tumutok ng baril sa iyo, manghihina ang mga binti mo, maduduwag ang puso mo, at hindi ka na makakasigaw ng “hindi ako natatakot.” Kapag buhay mo na ang nakataya, matatakot ka ring mamatay—ito ang likas na reaksyon mo. Dahil mga likas na reaksyon ang mga ito, anuman ang mga pagpapamalas ng isang tao, o anumang mga pagbubunyag ng kahinaan ng tao mayroon ang isang tao, hindi ito maituturing na mali, ni hindi rin ito kahiya-hiya, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Natural, hindi mo dapat subukang pigilan ang mga reaksyong ito, at hindi rin dapat kutyain ng mga nanonood ang mga ito, dahil pare-parehas lang ang lahat ng tao—ang lahat ay binubuo ng laman at dugo. Ganito ang mga likas na reaksyon ng laman at dugo; ganito ka, ganito sila, ganito ang lahat. Tulad ito ng kapag nakatagpo ng isang lobo ang isang tao; ano ang una niyang likas na reaksyon? “Takbo! Tumakbo ka nang napakabilis!” At habang tumatakbo, lumilingon siya para tingnan kung naabutan na ba siya ng lobo, nag-aalala siya: “Paano kung maabutan ako nito? Paano kung kagatin nito ang leeg ko—mamamatay ba ako? Kung may baril o bakal na pamalo lang sana ako.” Naiisip lang niya ang mga bagay na ito habang tumatakbo siya. Pero anuman ang naiisip mo, ang una mong likas na reaksyon ay tiyak na ang mabilis na takasan ang panghahabol nito, ang tumakbo nang mabilis sa pinakamalayo hangga’t makakaya mo, ang umiwas na maabutan at malapa. Likas na reaksyon ang lahat ng ito. Ano ang iyong likas na reaksyon? Ito ay tungkol sa pagligtas sa sarili mo, pagprotekta sa sarili mong buhay, at pagtiyak na hindi nalalagay sa panganib ang buhay mo. Mukha mang duwag, hindi katanggap-tanggap, o kahiya-hiya ang mga likas na reaksyong ito sa isang nanonood, ang totoo ay hindi kahiya-hiya ang mga ito, dahil ang mga ito ang mga normal na pagpapamalas ng mga tao na sa laman at dugo; mga natural na pagbubunyag ang mga ito. Ang isang likas na reaksyon ay sadyang isang natural na pagbubunyag, at walang kahiya-hiya rito. Halimbawa, tatawa ka kapag nakarinig ka ng isang biro. Kahit na may pagkain o tubig sa bibig mo, tatawa ka pa rin, dahil isa itong likas na reaksyon. Ang likas na reaksyon ay isang likas na funsiyon na ipinagkaloob ng Diyos, na natural na mangyayari at magaganap kapag tama ang mga kondisyon. Kaya, pagdating sa mga likas na reaksyon, mga natural na pagbubunyag ang mga ito. Maaaring ang mga ito ay mga pagbubunyag ng isang kahinaan o depekto ng pagkatao, o maaaring ang mga ito ay mga pagbubunyag ng isang natural na pagpapamalas ng laman mo. Sa ano’t anuman, dahil isa itong likas na reaksyon, walang tama o mali. Kung nahihiya ka, ipinapakita nito na wala kang kabatiran at na medyo mababaw ang pagkatao mo—gusto mong mag-iwan ng magandang impresyon sa iba. Kung susubukan mong pigilan ang mga likas mong reaksyon, pinapatunayan nito na hangal ka at na may isyu sa katwiran mo. Sa mga espesyal na mapanganib na kapaligiran at sitwasyon, kahit na labis ka nang takot na nakaihi ka na sa pantalon mo, hindi mo ito dapat tingnan bilang isang kahiya-hiyang bagay. Sa katunayan, isa itong pagpapamalas ng normal na pagkatao. Magkakaroon ang sinuman ng mga pagpapamalas na ito sa gayong mga sitwasyon—maging ang mga sikat o dakilang tao ay hindi natatangi. Sa malulupit na sitwasyon, walang mga superman—isa ka lang ordinaryong tao, hindi ka katangi-tangi, at hindi maipagyayabang. Kahit na takot na takot ka kaya naihi ka na sa pantalon mo, at malaman ito ng iba, hindi ito isang kahiya-hiyang bagay, dahil sa ganitong paraan, hindi ka titingalain o iidolohin ng mga tao, at kahit papaano man lang, magiging ligtas ka. Dapat ay malinaw na ito ngayon, tama ba? Ang mga likas na reaksyon ng tao ay napakanormal at natural. Halimbawa, kapag marumi ang buhok mo at nangangati ang anit mo, likas mo itong kakamutin. Kahit na mapuno ng dumi ang mga kuko mo pagkatapos at isipin ng mga tao na hindi ka kaaya-aya o na marumi ka, ano ang magagawa mo? Kapag marumi ang buhok mo, mayroon itong dumi, dahil ikaw ay laman at dugo, gawa sa alikabok, at dapat mong kilalanin ang katunayang ito. Sinasabi lang sa iyo ng sitwasyong ito na marumi ang buhok mo at kailangan na itong hugasan. Kapag nangangati ang anit mo, likas na reaksyon ang pagkakamot. Ang likas na reaksyon ay isang natural at normal na pagtugon, isang normal na pagpapamalas sa ilalim ng mga likas na kondisyon at ng nervous system na nilikha ng Diyos. Kahit na minsan ay maaaring makadama ka ng pagkapahiya, pagiging hindi kaaya-aya, o kawalang-dignidad dahil sa mga pagpapamalas, hindi mo dapat subukang baguhin o pigilan ang mga ito. Sa isang banda, ang paggawa niyon ay nakakatulong sa iyo na tratuhin nang tama ang mga instinto ng tao; sa kabilang banda, nakakapagpatibay at kapaki-pakinabang din ito sa pag-asal mo. Sa sandaling makapagkamit ka ng partikular na pagkaunawa at kamalayan sa aspektong ito, kapag nakikisalamuha at humaharap sa iba, kung ang ilang aspekto ng instinto ng laman ng tao ay natural na napapamalas at nabubunyag, hindi mo kailangang sadyang pagtakpan ang mga iyon. At kung, minsan, talagang lumilitaw ang isang kahiya-hiyang sitwasyon, hindi na kailangang magpaliwanag, o magkunwari o magpanggap, dahil isa itong pagbubunyag ng normal na pagkatao, at isa rin itong likas na reaksyon ng tao—ang lahat ng ito ay nasa saklaw ng kung ano ang kayang tanggapin ng isang normal na tao. Halimbawa, kapag kumakain ang mga tao ng munggo, natural na naglalabas ng hangin ang katawan nila, at likas silang didighay o uutot. Isa itong napakanatural na bagay. Madalas maramdaman ng mga kabataang lalaki at babae na kahiya-hiya ang gayong mga pagpapamalas, pero ang totoo ay wala namang kahiya-hiya rito. Isa lang itong normal na likas na reaksyon ng katawan, at wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng pag-asal o pagkilos. Bagama’t maaaring hindi ito maunawaan ng ilang tao o hindi sila masiyahan dito, tiyak na hindi ito umaabot sa antas ng kawalan ng mga limitasyon sa sariling asal ng isang tao, pagiging hindi napalaki nang maayos, pagiging magulo, sutil, makasarili, o pagkakaroon ng katakot-takot o masamang pagkatao—hindi na ito kailangan pang paabutin sa ganitong antas. Ang isyung ito ay hindi kinasasangkutan ng sariling asal, at tiyak na wala itong kinalaman sa isang tiwaling disposisyon. Hindi na kailangan pang palakihin ang usapin. Dapat na harapin nang tama ang mga bagay na ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.