Paano Hangarin ang Katotohanan (4) Ikatlong Bahagi
Ikalimang Halimbawa: Sadyang Pang-aakit sa Kasalungat na Kasarian
May isa pang uri ng tao na bigay-todo sa pagpapakitang-gilas sa tuwing nasa paligid ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, sinusubukang manamit nang mas espesyal at maglagay ng kolorete para magmukhang mas kaakit-akit. Halimbawa, normal pa rin ang pag-uugali at hitsura nila kapag kasama nila ang mga kapatid na lubos nang pamilyar sa kanila, pero sa sandaling may lumitaw na isang tao mula sa kasalungat na kasarian na halos kaedad nila, nasasabik nang husto ang kalooban nila at pakiramdam nila ay kailangan nilang magbihis at mag-ayos nang espesyal. Ang ilang babae ay agad-agad na naglalagay ng lipstick para maging mas matingkad ang mga labi nila, nag-aayos ng kilay nila, at kung may oras pa, nagdadagdag ng pampapula ng pisngi. Karaniwang naka-ponytail ang buhok nila, pero sa sandaling makaharap nila ang isang tao mula sa kasalungat na kasarian na gusto nila o kaakit-akit para sa kanila, pinapaganda nila ang imahe nila sa paglulugay ng buhok nila hanggang balikat. Samantala, ang ilang lalaki naman ay pinapakintab ang buhok nila, inaayos ito sa gupit na estilong Koreano, Hong Kong, o Kanluranin, inaahit ang balbas o bigote nila, nagsusuot ng salamin, nagpapalit ng mas maayos na kasuotan, at kung may pagkakataon, nagpapabango sila—ang lahat ng ito ay para akitin ang kasalungat na kasarian. Kapag nakikipag-usap sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian, madalas silang gumagamit ng ilang magarbong salita para magpakitang-gilas, layon nilang ipakita ang kanilang kultural na pagkapino, pagiging elegante, katalinuhan, at galing sa pagpapatawa. Labis nilang sinasadya ang layunin nila sa lahat ng kilos na ito—ginagawa nila ito para lang akitin ang kasalungat na kasarian. Ang ilang tao, kapag nasa paligid ng isang taong mula sa kasalungat na kasariang gusto nila, o ng isang taong mula sa kasalungat na kasarian na halos kaedad nila, ay nagiging mas masigla, mas madaldal, at mas mahusay na naipapahayag ang sarili nila, at nagiging mas buhay ang mga mata nila, at hindi na malamlam at walang sigla ang mga ito, at nagiging mas makulay rin ang mga ekspresyon ng mukha nila. Ano ang nangyayari dito? Bakit nagmumukha silang labis na apektado at hindi natural kapag nakakakita ng kasalungat na kasarian? Kapag unang nagkikita ang mga miyembro ng magkasalungat na kasarian, kadalasan ay medyo nahihiya pa sila, pero pagkatapos ng ilan pang pagkikita, nagiging mas pamilyar sila, at kumikilos sila nang mas natural. Gayumpaman, nagiging lubos na masigla at sabik ang ilang tao tuwing nakikita nila ang kasalungat na kasarian. Anong uri ng isyu ito? (Ito ay tungkol sa pang-aakit, na umaangat sa antas ng isang tiwaling disposisyon.) Anong uri ng tiwaling disposisyon ito? (Kabuktutan.) Hindi ba’t may problema sila sa pagkatao nila? (Mayroon.) Sa mahigpit na pananalita, isa itong problema sa pagkatao ng gayong mga tao. Anong aspekto ng pagkatao nila ang may problema rito? Isa itong problema tungkol sa mga pakikisalamuha sa kasalungat na kasarian. Paano ito inilalarawan ng mga walang pananampalataya? Tinatawag nila itong isang problema ng asal sa pakikipag-ugnayan sa iba, hindi ba? (Oo.) Kung ito ay kinasasangkutan ng isang tiwaling disposisyon, katanggap-tanggap na tawagin ito bilang kabuktutan; pero kung mas angkop itong ilalarawan, isa itong problema ng asal sa pakikipag-ugnayan sa iba sa pagitan ng mga lalaki at babae na may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Kapag nahaharap sa kasalungat na kasarian, nagiging lubhang masigla, at lubhang positibo at aktibo ang ilang tao. Ang ipinapamalas ng “mga lubha” na ito ay isang problema ng asal sa pakikipag-ugnayan sa iba na may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Normal ba o hindi normal ang asal sa pakikipag-ugnayan sa iba na ito? (Hindi normal.) Kung gayon, maaari ba itong ilarawan bilang buktot? Angkop bang sabihin na buktot ito? Ayos lang bang sabihin na medyo ubod ito ng sama? (Oo.) Ang gayong mga tao ay medyo ubod ng sama. Sa tuwing may isang tao mula sa kasalungat na kasarian na gusto nila, lumalapit sila sa grupo ng taong iyon, pilit na umuupo sa tabi nito, at pisikal na nakikilapit at nakikipagtinginan dito. Sumasalamin ito sa isang problema sa karakter nila—sila ay walang disiplina, masama ang asal, at ubod ng sama. Kung mababaw ang isang tao, dapat pareho ang mga pagpapamalas niya kung nasa harap man siya ng kaparehong kasarian o ng kasalungat na kasarian—gusto lang niyang magmukhang maganda, at magustuhan, hangaan, at pahalagahan ng iba. Isa itong problema ng pagiging mababaw sa pagkatao niya. Gayumpaman, kung ang layunin niya ay ang akitin at guluhin ang kasalungat na kasarian, nagiging isyu ito ng asal sa pakikipag-ugnayan niya sa kasalungat na kasarian. Kung ang isang tao ay lubhang mababaw hanggang sa naaapektuhan na ang normal niyang pamumuhay, isa lang itong kapintasan o isyu sa isang aspekto ng pagkatao niya. Pero kung partikular na nagbibihis ang isang tao para akitin ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, para magmukhang seksi at nakakabighani, at para mapalingon sa kanya ang mga tao, kung gayon, iyon ay buktot, ubod ng sama, at nagpapahiwatig ng maling asal sa pakikipag-ugnayan sa iba. Lalong nagiging ubod ng sama ang ilang tao kapag mas maraming tao ang nasa paligid, palaging naghahanap ng pagkakataon na makaugnayan ang kasalungat na kasarian at magpakitang-gilas sa harap ng mga ito. Anuman ang uso sa mga walang pananampalataya, ganoon sila mananamit. Lalo na kapag dumadalo sa mga pagtitipon o humaharap sa kamera, kapag mas maraming miyembro ng kasalungat na kasarian ang naroroon, mas lalong gusto nilang magbihis nang maganda. Ang ilang babae ay nagsusuot ng manipis na pang-itaas, inilulugay ang buhok nila, naglalagay ng matingkad na lipstick, at nagdadagdag ng pampapula ng pisngi. Ang ilan pa nga ay nagko-contour ng ilong nila, naglalagay ng eye shadow, at nagsusuot ng kung ano-anong alahas. Nagbibihis sila sa anumang paraang makakaakit sa kasalungat na kasarian. Mas malubha ito kaysa sa pagiging mababaw. Kung ang pagiging mababaw ay isang depekto o kapintasan sa isang aspekto ng pagkatao ng isang tao, at isang maliit na isyu, ang mga buktot at ubod ng samang aspekto ng mga ugnayan ng magkasalungat na kasarian ay isang malaking isyu. Hindi nangangahulugang gumagawa ng kahalayan ang isang mababaw na tao, pero sa mga kapwa buktot at ubod ng sama, mahigit siyamnapung porsiyento ang posibleng masangkot sa kahalayan. Bakit Ko sinasabi iyon? Kung ang isang tao ay nagbibigay ng labis na pagpapahalaga sa mga pakikisalamuha niya sa kasalungat na kasarian, at lubhang nasisiyahan na magpakitang-gilas at magpapansin sa harap ng mga miyembro nito, may malaking posibilidad na maakit ng gayong tao ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian. Ano ang layunin ng pang-aakit sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian? Ito ay para makipagrelasyon nang hindi wasto. Kung nagagawa niyang kaswal na akitin ang isang taong mula sa kasalungat na kasarian, hindi ba’t ipinapahiwatig nito na napakakaswal niya pagdating sa pakikipagrelasyon sa kasalungat na kasarian? (Oo.) Walang dignidad ang gayong mga tao; kaswal silang nakikipaglandian sa iba at sila pa nga ang nangungunang magpakita ng motibo. Kapag mas maraming tao silang nilalandi, nagiging mas masaya sila, at hindi nila kailanman tinatanggihan ang sinuman hangga’t gusto nila ito. Anong uri ng tao ito? Kung isasantabi muna sa ngayon kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, mabuti ba ang ganitong uri ng pagkatao? (Hindi.) Anumang mga merito o kakulangan ang maaaring mayroon sila sa ibang mga aspekto ng pagkatao nila, kung sila ay labis na kaswal, hindi seryoso, at maluwag sa usapin ng kanilang asal sa pakikipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, sapat na ito mismo para ipakita na hindi mabuti ang pagkatao nila. Kung nagagawa nilang gumawa ng mali o ng hindi dapat sa anumang oras o lugar, hindi ba’t isa itong malubhang problema? (Oo.) Maaasahan ba ang gayong tao? (Hindi.) Ano ang ugat ng pagiging hindi nila maaasahan? Ito ay nasa buktot nilang kalikasan. Nagagawa nilang mag-isip ng kahalayan sa anumang oras at lugar, at nagagawa nilang akitin ang kasalungat na kasarian sa anumang oras at lugar—okupado lang ng ganitong mga bagay ang isipan nila. Kung hindi tutulutan ng kapaligiran o mga kondisyon, o kung wala silang sapat na oras para magbihis nang maganda, nakakahanap pa rin sila ng paraan; sumusulyap sila nang mapang-akit at ipinapangalandakan ang katawan nila o ang mga ekspresyon nila, nakikipagtinginan sa iba para akitin ang mga ito. Walang silbi ang gayong mga tao; talagang hindi sila maaasahan! Sila ay hindi seryoso, mapagpalayaw, at kaswal, at sa anumang oras at lugar ay magagawa nilang akitin ang iba na magkasala at gumawa ng mga pagsalangsang; walang pakiramdam ng kahihiyan ang gayong mga tao sa pagkatao nila, at hindi sila matutubos. Nakakatakot ba ang gayong mga tao? (Oo.) At hindi nila iniisip na kahiya-hiya ang mga bagay na ito; gaano man karaming tao ang nasa paligid, hayagan silang nagbibihis at nagpapakitang-gilas nang tulad nito, kumikilos nang maluwag at nang-aakit ng iba sa ganitong paraan. Ni hindi alam ng iba kung ano ang nangyayari—habang nakatutok pa rin ang iba sa normal na gawain nila, nakikipagdaldalan, o nag-uusap-usap, ang mga indibidwal na ito ay nagsimula nang makipaglandian sa isang tao sa pamamagitan ng pagsulyap dito nang mapang-akit. Tingnan mo kung gaano kasuklam-suklam at kakila-kilabot ang gayong mga tao! Wala silang anumang kahihiyan, hindi ba? Patuloy na gumagawa ng mga pagsalangsang ang mga taong walang kahihiyan, at ano ang kalalabasan nila sa huli? (Sa huli ay paparusahan sila sa impiyerno.) Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? “Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno.” Samakatwid, kung napakalubha ng mga isyu sa pagkatao mo, lubha kang nasa panganib. Kung ang masamang pagkatao ng isang tao sa isang aspekto ay isang depekto, maaaring may mga pagkakataon para ituwid ito. Gayumpaman, kung masama ang ilang aspekto ng pagkatao niya dahil likas siyang walang pakiramdam ng kahihiyan, at nagagawa niyang akitin ang iba sa anumang oras at lugar, at—kahit na hindi siya nagbunyag ng malinaw na tiwaling disposisyon—maaari pa rin siyang gumawa ng malulubhang pagsalangsang na humahantong sa malulubhang kahihinatnan, ang gayong mga tao ay walang mga limitasyon sa pag-asal nila, lubhang masama ang karakter nila, at kung gagawa sila ng ilang pagsalangsang, maaari nilang ikasira ito. Tungkol sa mga isyu ng pagkatao, hinarangan nila ang sarili nilang landas pasulong. Ito ay dahil napakasama ng pagkatao nila at napakarami ng mga pagsalangsang nila na sapat na ito para ipadala sila sa impiyerno, at magiging katapusan na ng mga bagay para sa kanila bago pa sila magkaroon ng anumang pagkakataong tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan at pagkamit ng kaligtasan. Ang kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan ay isang napakalubhang isyu na may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Sa mahigpit na pananalita, hindi ito umaangat sa antas ng isang tiwaling disposisyon; isa lang itong paraan, isang saloobin, na ginagamit ng isang tao sa pag-asal at pagharap sa ilang usapin. Ang saloobing ito ay may kinalaman sa pagkatao niya at maaaring humantong sa mga pagsalangsang, na nagpapalubha sa problema.
Ika-anim na Halimbawa: Pagturing sa Sariling mga Kalakasan Bilang Kapital
Ang ilang tao ay mahilig sumayaw at talagang mabilis matuto ng mga galaw sa sayaw. Pagkatapos ipakita ng guro nang tatlong beses, halos lubusan na nilang natutunan ang ritmo at mga galaw ng sayaw at kaya na nila itong isayaw nang tumpak. Napakagaling din nilang sumayaw, nanalo na sila ng mga parangal, at umaasa silang maghangad ng propesyong may kaugnayan sa pagsasayaw—marahil bilang isang guro ng sayaw o isang mananayaw. Sa anong aspekto ito nauugnay? (Nauugnay ito sa mga hilig at libangan nila.) Ito ang kalakasan nila; isa itong hilig at libangan nila. Napakabilis nilang matuto ng sayaw, na nagpapakita na napakagaling nila sa pagsasayaw; likas nilang naaarok nang tumpak ang ganitong uri ng bagay at madali nila itong natututunan. Isa itong kalakasan, hindi ba? (Oo.) May kalakasan sila sa aspektong ito. Pagkatapos nilang matutong sumayaw, nagagalak din sila sa pagsasayaw, sabik silang sumayaw; at higit pa rito, nagpaplano silang maghangad ng propesyong may kaugnayan sa pagsasayaw sa hinaharap, at layon nilang maging bahagi ng buhay at landas nila sa hinaharap ang pagsasayaw—nauugnay ito sa mga hilig at libangan nila. Ang pagsasayaw ay parehong kanilang kalakasan at kanilang hilig at libangan—isa itong likas na kondisyon nila. May ganitong likas na kondisyon ang ilang tao, at pagkatapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos, nagagalak din silang manood ng mga video ng pagsasayaw. Dahil dito, tinatanggap nila ang tungkulin ng pagsasayaw sa sambahayan ng Diyos, umaasang magagamit nila ang natutunan nila sa paggawa ng tungkulin nila at maging kapaki-pakinabang ito sa sambahayan ng Diyos, at na makakapaghanda sila ng sarili nilang mabubuting gawa na matatandaan ng Diyos. May matibay silang pundasyon sa pagsasayaw, at mabilis din silang natututo ng iba’t ibang uri ng sayaw. Habang gumagawa ng mga programa sa pagsasayaw ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, handa silang ituro sa iba ang lahat ng natutunan nila nang walang pag-iimbot. Kahit na mas marami silang natutunang uri ng sayaw kaysa sa iba at mas bihasa sila sa propesyon nila, hindi sila nagmamataas. Nakakasundo nila nang maayos ang iba at buong tiyaga nilang itinuturo ang natutunan nila sa mga kapatid. Ano ang ipinapamalas nito? (Isa itong pagpapamalas ng pagkatao nila.) Mabuti ba o masama ang pagkatao nila? (Mabuti ang pagkatao nila.) Sa anong mga paraan ito mabuti? (Nagagawa nilang ituro sa iba ang lahat ng nalalaman nila nang walang pag-iimbot, tinutulutan ang iba na makamit din kung ano ang mayroon sila—ito ay mabuting pagkatao.) Nagagawa nilang ituro sa iba ang lahat ng natutunan nila nang walang pag-iimbot. Ano pa ang ibang mga kalakasan nila? Hindi talaga sila nagpapakitang-gilas. Mabuti ang pagkatao ng ganitong uri ng tao. Dahil mayroon siyang kalakasan sa pagsasayaw, tumatanggap siya ng isang tungkuling may kaugnayan sa pagsasayaw sa sambahayan ng Diyos. Pero makalipas ang ilang panahon, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos na gumawa siya ng ibang naaangkop na gawain. Iniisip niya, “Sinayang ko ba ang dalawampung taong ginugol ko sa pag-aaral ng sayaw? Ngayong pinapagawa ako ng gawaing walang kinalaman sa pagsasayaw, labis akong hindi kontento! Bakit hindi na lang ako hayaang gamitin ang kalakasan ko, kung saan ako magaling, sa halip na gawin akong isang lider ng pangkat o superbisor? Hindi ito ang kalakasan ko, at hindi ko alam kung paano ito gawin. Isa itong bagay na hindi ko kailanman inasahan.” Bagama’t sa panlabas ay sinasabi niya, “Ang lahat ng ito ay bahagi ng mga pagsasaayos ng Diyos, at handa akong magpasakop,” ang totoo, anuman ang sabihin ng mga lider, ayaw niya itong tanggapin at hindi niya ito tinatanggap. Iniisip niya, “Wala kayong propesyonal na kaalaman, pero kayo ang namumuno sa amin. Ang ginagawa lang ninyo ay magsalita tungkol sa doktrina. Hindi naman kayo mas magaling kaysa sa akin!” Ano ang ipinapamalas nito? (Panloob na pagsalungat.) Anong uri ng isyu ito? Isa ba itong pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon? (Oo.) Bagama’t sa pangkalahatan ay katanggap-tanggap naman ang pagkatao niya—handa siyang makipagtulungan sa iba, maging mabait, at maging isang mabuting tao, hindi nanggagambala at nanggugulo o nagdudulot ng perwisyo o problema—at sa usapin ng personal niyang pagnanais, handa siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at gawin nang maayos ang tungkulin niya, pagdating sa katayuan niya, o sa mga usaping hindi umaayon sa sarili niyang mga kuru-kuro at pagnanais, may pagpapasakop ba siya? Nagpapakita ba siya ng anumang mga pagpapamalas ng paghahanap sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ipinapamalas niya? (Ang ipinapamalas niya ay paglaban, pagrereklamo, at kawalan ng pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.) Tama iyan. Kaya, paano maibubuod ang uri ng problema ng mga pagpapamalas na ito? (Isang tiwaling disposisyon.) Bagama’t sa panlabas ay tila mabait ang pagkatao niya at hindi siya hayagang sumasalungat, nagpoprotesta, o nanghuhusga sa mga lider, ang saloobin niya tungkol sa mga usaping ito ay isang pagbubunyag sa tiwaling disposisyon niya. Anong uri ng tiwaling disposisyon ang ibinubunyag niya? (Isang mayabang na disposisyon.) Tama iyan, kayabangan. Iniisip niya na may kasanayan siya sa isang partikular na larangan at na mabuti naman ang pagkatao niya, kaya ginagamit niya ito bilang kapital para labanan ang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng mga lider ng iglesia. Hindi niya hinahanap ang katotohanan at gusto niyang gawin ang anumang tungkuling gusto niya. Kahit na itinatalaga siya ng iglesia sa isang naaangkop na tungkulin, hindi niya ito matanggap, at kung may isang bagay na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon niya, kahit na isa itong pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, tumatanggi siyang magpasakop. Ang mga ito ay mga pagbubunyag ng paghihimagsik at ng isang mayabang na disposisyon. Tingnan ang seryeng ito ng mga pagpapamalas na ipinapakita niya: Mula sa mga kalakasan ng mga likas na kondisyon niya, hanggang sa pagkatao niya, at sa wakas ay sa tiwaling disposisyon niya—sumasaklaw ang mga pagpapamalas niya sa tatlong magkakaibang aspektong ito. Ang mga kalakasan ng mga likas na kondisyon niya ay isang bagay na taglay na niya mula nang isinilang siya, at walang dapat punahin doon. Anuman ang kasanayan niya, hindi ito nangangahulugan na wala siyang tiwaling disposisyon, ni hindi nito maipapakita kung mabuti ba o masama ang karakter niya. Gayumpaman, ang pakiramdam ng pagiging nakahihigit ng isang tao na dulot ng mga partikular na likas na kondisyon, o ang pagpoposisyon at paglalarawan na ipinapataw sa kanya ng makamundong pampublikong opinyon, ay maaaring magbaluktot sa pagkatao niya. Ano ang ibig sabihin ng pagbabaluktot na ito? Nangangahulugan ito na dahil nagtataglay ang isang tao ng ilang likas na kondisyon na tinitingnan nang medyo paborable ng iba, at nakakatanggap siya ng paghanga at pagpapahalaga mula sa ilang tao sa lipunan, nakakabuo siya ng maling paglalarawan sa sarili niyang halaga at posisyon. Iniisip niya na napakagaling niya, na nakahihigit siya sa iba, at nagsisimula siyang mangmaliit ng mga tao, palaging naniniwala na tama siya at na lahat ng tungkol sa sarili niya ay mabuti, at gusto niyang pakinggan at sundan siya ng ibang mga tao. Kung gayon, mali ang lahat ng pananaw at posisyon niya sa mga bagay. Kung may ganitong mga maling pananaw at posisyon, susundan ng isang tao ang mundo at ang masamang sangkatauhan. Ano ang ipinapahiwatig ng pagsunod sa masamang sangkatauhan at sa masamang mundo? Ang ipinapahiwatig nito ay na mamumuhay ka ayon sa mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw na nagmumula sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhang ito, at na gagamitin mo ang mga walang-katotohanang kaisipan, pananaw, at kasabihang ito para pag-ibahin at ilarawan ang lahat ng bagay. Halimbawa, sabihin nating may hitsura ka, maganda ang mukha at katawan mo—mga likas na kondisyon ang mga ito, na ipinagkaloob ng Diyos. Walang mali rito; sadyang isa itong katunayan. Gayumpaman, sa ilalim ng maling pagpoposisyon ng lipunang ito at ng masamang sangkatauhang ito, dahil sa katunayang ito ay maaari kang maging mayabang at maluwag, mababaw, at mapagmalaki. Ibig sabihin, dahil sa pagtataglay ng mga likas at nakahihigit na kondisyon, na sinamahan ng pagkondisyon, panunukso, at paghubog ng iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw mula sa lipunan at sangkatauhang ito, nagiging baluktot ang pagkatao mo. Ano ang ibig sabihin ng “baluktot”? Ang pagtataglay mo ng mga likas na kondisyong ito ay ganap na normal—ang pagiging maganda ay hindi naman ekstraordinaryo; hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, ni nangangahulugan na marangal ka. Ang ibig sabihin lang nito ay maganda ang hitsura mo, mukha kang presentable, at na maaaring gustuhin ng mga tao na mas sulyapan ka pa; hindi ka nakakainis o hindi kaaya-aya sa iba, at iyon lang iyon. Gayumpaman, sa isang panlipunang kapaligiran kung saan ang mga kaisipan ng pagiging maganda, pagiging kaakit-akit, at elegante at sosyal na estilo ay iniidolo, sukdulan kang itinutulak ng kalakarang ito, ginagawang mapagmalaki, maluwag, at mababaw ang pagkatao mo. Ang pagkakaroon ng magandang hitsura ay isang likas na kondisyon. Ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang likas na kondisyong ito hindi para gawin kang mapagmalaki, maluwag, o mababaw, kundi sa halip, nais Niyang tingnan mo ito nang normal: “Salamat sa Diyos sa pagkakaloob sa akin ng likas na kondisyong ito, ng hitsurang ito. Ito ay biyaya at kaloob ng Diyos. Dapat akong maging mapagpasalamat sa Diyos. Wala akong maipagyayabang.” Nang may gayong likas na kondisyon, ang dapat gawin ng isang tao ay ang tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos nang ayon sa mga turo ng Diyos. Gayumpaman, matapos tumanggap ng iba’t ibang kaisipan at pananaw mula sa lipunan at kay Satanas, nakikita niya ang pagiging maganda at kaakit-akit bilang isang anyo ng kapital. Pagkatapos ay ginagamit niya ang kapital na ito para magkamit ng pabor mula sa bawat tao sa bawat grupo, sinasamantala ang likas at batayang kondisyong ito para matamo ang gusto niya. Ginagamit pa nga ng ilan ang likas na kondisyong ito para gumawa ng mga bagay na labag sa batas, labag sa mga limitasyon ng moralidad, o salungat sa pagkatao. Ang dahilan kaya naglalaman ng ilang baluktot at sukdulang bagay ang pagkatao ng isang tao ay dahil sa nagpapalalang impluwensiya ng ilang maling pananampalataya, maling kaisipan, at maling pampublikong opinyon mula sa lipunan at sa masamang sangkatauhan. Dahil ang mga tao ay likas na walang katotohanan at abilidad na kumilatis, likas nilang tinatanggap ang mga pampublikong opinyon, kasabihan, at teoryang ito na mula sa lipunan at sa masamang sangkatauhan. Tinatanggap nila ang mga negatibong bagay na ito na para bang tama ang mga ito, at sa ilalim ng gabay ng mga walang-katotohanan at masamang kaisipan at pananaw na ito, hindi naiaangat o nadadalisay ang konsensiya at katwiran nila, kundi sa halip ay nababaluktot at napipinsala. Kung hindi pupurihin o hahangaan ng lipunang ito ang mga guwapong lalaki at magagandang babae, at kung walang mga panlabas na kaisipan na tumutukso o humuhubog sa iyo—kung, saan ka man magpunta, walang humahanga sa iyo dahil sa maganda mong hitsura, walang tumatrato sa iyo nang espesyal, o walang tumutukso o gumigipit sa iyong gumawa ng iba’t ibang bagay—makikita mo na ang pagkakaroon ng likas na magandang hitsura ay ganap na normal at hindi nararapat na ipagyabang. Ang ibig sabihin nito ay gagawin mo ang mga bagay na dapat mong gawin batay sa iyong likas at pundamental na kondisyon, at hindi mo gagawin ang mga bagay na hindi mo dapat gawin dahil lang mayroon ka ng ganoong nakahihigit na likas na kondisyon. Gayumpaman, dahil sa tukso at katiwalian ng panlabas na kapaligiran, naniniwala kang ang pagkakaroon ng likas na magandang hitsura ay isang ekstraordinaryong bagay at na ginagawa ka nitong mas mahusay kaysa sa sino pa man. Dahil wala kang anumang pagpipigil sa sarili, ginagamit mo ang nakakaakit mong hitsura para akitin ang iba, umaalpas ka sa pagpipigil ng konsensiya at katwiran at lumalampas sa mga limitasyon ng sariling asal. Sa iba’t ibang kapaligiran, nagagawa mong magbunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon, sinasamantala ang nakahihigit mong likas na kondisyon at gumagamit ng iba’t ibang taktika para matamo ang mga pakinabang na ninanais mo. Ito ang ugnayan sa pagitan ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Minsan, may partikular na ugnayan sa pagitan ng tatlong aspektong ito, at siyempre, minsan ay may kinakailangang ugnayan sa pagitan ng unang dalawa o ng huling dalawa. Nauunawaan mo ba? (Mas nauunawaan na namin ngayon nang kaunti.) Ano ang dapat mong malaman bilang pinakabatayan? Ang anumang likas na kondisyon ay hindi naman mali; isa lang itong batayang kondisyon ng pagkatao ng isang tao. Pagdating sa mga pagkatao ng mga tao, may mabuti at masama, positibo at negatibo. Kaya, paano umuusbong ang isang tiwaling disposisyon? Umuusbong ito kapag, batay sa kanilang mga natural at likas na kondisyon, nakokondisyon ang isang tao ng iba’t ibang kaisipan at pilosopiya ni Satanas, at humahantong ang pagkokondisyong ito sa pagbubuo ng iba’t ibang maling pananaw, na siyang nagiging isang uri ng buhay diwa na inaasahan ng tao para manatiling buhay. Ito ang isang tiwaling disposisyon.
Kanina lang, nagbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Naglista tayo ng sampung likas na kondisyon, at nagbahaginan din tayo kanina tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas na nauugnay sa pagkatao. Ngayon naman, magbuod tayo: Anong iba’t ibang pagpapamalas ng pagkatao ang pinagbahaginan natin? (Sa usapin ng pagkatao, may mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao at ng masamang pagkatao. Kakabigay lang ng Diyos ng ilang halimbawa. Ang ilang tao ay likas na may partikular na kalakasan sa isang partikular na larangan at may kasanayan sa isang partikular na teknikal na propesyon, at nagagawa nilang turuan ang iba nang walang anumang pag-iimbot. May ilan ding taong hindi nananamantala ng iba. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng medyo mabuting pagkatao. Nagbigay rin ang Diyos ng mga halimbawa ng mga pagpapamalas ng masamang pagkatao. Halimbawa, ang pagkakaroon ng mababang-uri at ubod ng sama na pagkatao, at palagiang pagkahilig na mag-usisa para tsumismis kapag nakatalikod ang iba; at, sa usapin ng asal sa pakikipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, pagiging kaswal, at kawalan ng dignidad at integridad; at ang pagiging makasarili at mababang-uri, at pagkahilig na manamantala ng iba, pati na pagiging labis na mapagkalkula sa mga pakikisalamuha sa iba, nang walang kahit katiting na konsensiya o katwiran—ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng masamang pagkatao.) Sa mga pagpapamalas ng masamang pagkatao, ano ang pinakamalubha? Aling uri ng tao ang pinakahindi ninyo gusto? (Iyong mga walang pakiramdam ng kahihiyan at labis na kaswal sa mga pakikisalamuha nila sa kasalungat na kasarian.) Kaswal, mapagpalayaw, at walang pakiramdam ng kahihiyan. Ang isang mas edukadong paraan ng pagsasabi nito ay na “hindi marunong mahiya” ang mga taong ito. Sa madaling salita, sila ay “walang kahihiyan,” o ang mas tumpak, “ganap na walang pakundangan.” Walang may gusto sa gayong mga tao.