Paano Hangarin ang Katotohanan (4) Unang Bahagi

Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw

Pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos

I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos

F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon

Noong huling pagtitipon, patuloy tayong nagbahaginan tungkol sa paksa ng “paano hangarin ang katotohanan.” Ano ang pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan? Nagbahaginan tayo tungkol sa mga pagkakaiba sa pagitan ng mga likas na kondisyon ng mga tao at ng mga tiwaling disposisyon nila, at partikular din tayong nagbahaginan tungkol sa dalawang aspektong ito. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, mayroon ba kayong partikular na pagkaunawa sa gawaing nilalayong gawin ng Diyos at sa kung anong mga aspekto ng mga tao ang gustong baguhin ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao? (Oo. Sa pamamagitan ng huling pakikipagbahaginan ng Diyos, naunawaan ko na ang layong baguhin ng Diyos sa Kanyang gawain ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao.) Sa pagliligtas sa mga tao, layon ng Diyos na alisin sa kanila ang mga tiwaling disposisyon nila; hindi Niya layon na baguhin ang mga likas na kondisyon nila, tama ba? (Tama.) Nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan at nagtutustos sa mga tao ng katotohanan, at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng paggawa—ang pakay ng lahat ng ito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan ng Kanyang gawain, binibigyang-kakayahan ng Diyos ang mga tao na iwaksi ang mga disposisyong inaasahan nila para manatiling buhay, na ginawang tiwali ni Satanas. Sa ganitong paraan, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay ginagawa sa loob ng mga tao, na nagiging buhay nila. Ito ang panghuling resulta na layong makamit ng gawain ng Diyos. Ano ang naarok ninyo mula sa pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito? Anong nilalaman ang nag-iwan ng pinakamalalim na impresyon sa inyo? Pag-isipan muna ninyo ito sandali. (Tinulungan ako ng huling pakikipagbahaginan ng Diyos na ituwid ang walang-katotohanang pananaw na mayroon ako noon. Noon, inakala ko na babaguhin ng Diyos ang likas na kakayahan, mga abilidad, at personalidad ng mga tao, pero sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos, naunawaan ko na hindi gumagampan ang Diyos ng sobrenatural na gawain. Ang gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang iba’t iba nilang walang-katotohanang kaisipan at pananaw, na mga bagay na kay Satanas. Sa pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, napapanumbalik ang normal na pagkatao ng mga tao, at unti-unting nagiging normal ang konsensiya at katwiran nila. Kasabay nito, naunawaan ko rin ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan lang ng paghahangad sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan malulutas ang mga tiwaling disposisyon namin; kapag naging buhay namin ang mga salita ng Diyos, nakakamit namin ang maligtas ng Diyos. Nag-iwan sa akin ng malalim na impresyon ang dalawang aspektong ito ng pakikipagbahaginan ng Diyos.) Ang nilalaman ng huling pagbabahaginan ay kinabibilangan ng isang katotohanang nauugnay sa mga pangitain; kinabibilangan ito ng ilang partikular na aspekto ng gawain ng Diyos, ng mga pakay ng gawain ng Diyos, at ng mga resultang layon nitong makamit. Batay sa nilalamang napagbahaginan, lumitaw ang ilang partikular na katanungan. Kabilang sa mga tanong na ito ang kung aling mga pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay ang maituturing na mga likas na kondisyon ng isang tao, kung aling mga pagpapamalas ang sumasalamin sa karakter o pagkataong diwa ng isang tao—ibig sabihin, ang karaniwan nating tinutukoy bilang ilang pagpapamalas ng kung mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang tao—at kung aling mga pagpapamalas ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Mga partikular na katanungan ang mga ito, tama ba? Bagama’t nagbigay tayo ng ilang halimbawa noong pinagbahaginan natin ang paksang ito noong nakaraan, hindi masyadong tutok o partikular ang mga ito. Ngayon, partikular nating pagbabahaginan ang isyung ito para mapag-iba natin ang mga pagpapamalas na ibinubunyag ng mga tao na mga likas na kondisyon, iyong mga tumutukoy sa karakter nila, at iyong mga nakakategorya bilang mga tiwaling disposisyon, pinag-iiba ang mga partikular na pagpapamalas ng tatlong aspektong ito. Sa ganitong paraan, magiging mas malinaw kung paano dapat iugnay ng mga tao ang samu’t saring isyung nararanasan nila sa pang-araw-araw na buhay nila sa tatlong aspektong ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kabilang dito kung alin sa mga pagbubunyag ng mga tao ang mga likas na aspekto ng normal na pagkatao na hindi na kailangang harapin o pigilan; kung aling mga aspekto ang mga pagbubunyag ng mga problema sa pagkatao ng mga tao, at kung paano nila dapat baguhin at ituwid ang mga ito, o lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan; at kung aling mga pagpapamalas ang makakategorya bilang mga tiwaling disposisyon, at kung paano dapat unawain ng mga tao ang diwa ng mga disposisyong ito at lutasin at iwaksi ang mga ito sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan. Ang lahat ng ito ay may mga partikular na pagpapamalas, at siyempre, mayroong mga partikular na landas ng pagsasagawa na nasasangkot. Ayon sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao, pagbabahaginan natin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa para maunawaan ng mga tao kung paano harapin at lutasin ang mga isyung ito, at para magkaroon ng mga mas kongkretong saloobin at landas ng pagsasagawa ang mga tao para sa iba’t ibang problema. Mainam ba ang pagbabahaginan sa ganitong paraan? (Oo.)

4. Kung Ano ang mga Likas na Kondisyon

Dalawang beses na nating napagbahaginan dati ang tatlong isyu ng mga likas na kondisyon, ng pagkatao, at ng mga tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi natin partikular na ipinaliwanag sa tutok na paraan kung alin sa tatlong isyung ito nabibilang ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng mga tao, nagbigay naman tayo ng ilang halimbawa noong pinagbahaginan natin ang bawat isyu. Sa mga nakaraang pagbabahaginan, kapag tinatalakay ang tatlong isyung ito, nagbabahaginan din tayo tungkol sa diwa ng mga isyung ito o sa mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa na nasasangkot. Ngayon, tungkol sa tatlong isyung kakabanggit Ko lang, gusto Ko munang talakayin ng lahat kung ano ang tinutukoy na mga likas na kondisyon. Maaari kayong magbahaginan nang pangkalahatan tungkol dito para magkaroon muna kayo ng batayang konsepto. (O Diyos, ang mga likas na kondisyon ba ay tumutukoy sa kakayahan, mga abilidad, likas na personalidad, at mga instinto ng isang tao?) Napagbahaginan na natin dati ang nilalamang ito, kaya dapat ay pamilyar na kayong lahat dito. May dagdag pa ba? Ang mga kalakasan at hitsura ba ay itinuturing na mga likas na kondisyon? (Oo.) Paano naman ang pinagmulang pamilya ng isang tao? (Oo, likas na kondisyon din ito.) At ang mga pang-araw-araw na ginagawa at gawi sa pamumuhay, tama ba? May iba pa ba? (Ang mga hilig at libangan din.) May kaunting pagkakaiba sa pagitan ng mga hilig at libangan at ng mga kalakasan. Ang pagdaragdag ng mga hilig at libangan ay nagbubukas ng higit na mga partikular na detalye. Ilista natin ang mga ito nang sunod-sunod: Ang una ay pinagmulang pamilya. Ang ikalawa ay hitsura. Ang ikatlo ay personalidad. Ang ikaapat ay mga instinto. Ang ikalima ay kakayahan. Ang ikaanim ay mga kalakasan. Ang ikapito ay mga hilig at libangan. Ang ikawalo ay mga abilidad. At pagkatapos ay mga gawi sa pamumuhay at mga pang-araw-araw na ginagawa sa pamumuhay. Ang huling dalawang ito ay magkatulad pero may ilang partikular na pagkakaiba. Sa kabuuan ay sampu ang lahat ng ito. Sige at basahin ninyo ang mga ito. (Una: pinagmulang pamilya. Ikalawa: hitsura. Ikatlo: personalidad. Ikaapat: mga instinto. Ikalima: kakayahan. Ikaanim: mga kalakasan. Ikapito: mga hilig at libangan. Ikawalo: mga abilidad. Ikasiyam: mga gawi sa pamumuhay. Ikasampu: mga pang-araw-araw na ginagawa sa pamumuhay.) Ang lahat ng ito ay mga likas na kondisyon ng mga tao. Hindi ba’t dapat din tayong partikular na magbahaginan tungkol sa mga likas na kondisyon? Kung walang pagbabahaginan, magagawa ba ninyo ang mga wastong pag-iiba nang kayo-kayo lang? (Hindi.) Sa anong mga sitwasyon ninyo hindi magagawa ang mga pag-iiba-iba? (Minsan, kapag nakakakita kami ng ilang partikular na pagpapamalas sa isang tao, hindi namin matukoy kung sumasalamin ba ang mga iyon sa personalidad o mga instinto ng taong iyon, o kung ang mga iyon ba ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon.) (Isa pa, ang mga gawi sa pamumuhay at ang mga pang-araw-araw na ginagawa sa pamumuhay—inakala ko dati na nabubuo ang mga ito batay sa nakuhang mga kondisyon at kalagayan ng pamumuhay; hindi ko napagtanto na maaaring mga likas na kondisyon ang mga ito.) Kita mo, kapag hinimay natin ang ilang detalyado at partikular na nilalaman sa loob ng isang pangunahing tema, sa panlabas, tila alam mo ang mga partikular na detalyeng ito, pero sa tunay na buhay, medyo napaghahalo-halo mo ang mga ito; hindi pa rin lubos na malinaw sa iyo kung paano pag-ibahin ang mga ito, tama ba? (Tama.) Kailangan pa rin nating partikular na magbahaginan tungkol sa isyung ito.

5. Ang Pagkakaiba at Kaugnayan sa Pagitan ng mga Likas na Kondisyon, Pagkatao, at mga Tiwaling Disposisyon

Tungkol sa tatlong aspektong kakabanggit lang natin—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon—maglista tayo ng ilang partikular na nilalaman para sa mga likas na kondisyon at isa-isa nating pagbahaginan nang detalyado ang mga ito. Hindi na natin ililista ang pagkatao at mga tiwaling disposisyon. Habang nagbabahaginan tungkol sa mga partikular na nilalaman at pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, tatalakayin din natin ang ilang pagpapamalas ng pagkatao at ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kapag pinagbahaginan natin ang mga ito, matutukoy at mapag-iiba ninyo kung nabibilang ba ang mga ito sa mga likas na kondisyon, na hindi kailangang baguhin, o kung nabibilang ba ang mga ito sa mga problema sa karakter ng mga tao o sa mga tiwaling disposisyon nila, na kailangang lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Sa pamamagitan ng partikular na pagbabahaginan gamit ang mga partikular na halimbawa at isyu, magiging mas malinaw ang mga kaibahan, tama ba? (Oo.)

Unang Halimbawa: Paglaki Nang Mahirap at Paglaki Nang Mayaman

Ang ilang tao ay nagmula sa mahihirap na pamilya at hindi maalwan ang pamumuhay. Namumuhay sila sa gipit na sitwasyon; palagi silang kinakapos at kailangan nilang kalkulahin at planuhin ang bawat paggastos. Ang pamamaraan nila pagdating sa paggastos ng pera ay ang tipirin ang bawat barya hangga’t maaari. Isinilang sila sa gayong mga pamilya at sa ilalim ng gayong mga kondisyon. Alin sa tatlong aspektong ito na napagbahaginan natin ang kinabibilangan nito? Ito ba ay isang likas na kondisyon, pagkatao, o isang tiwaling disposisyon? Isa itong aspekto ng pinagmulan nilang pamilya, na isang likas na kondisyon, tama ba? (Oo.) Mabuti ba o masama ang pinagmulang pamilyang ito? (Sa perspektiba ng tao, masama ito.) Nahihirapan silang makaraos, napakahirap ng pamilya nila, hindi maalwan o masagana ang pamumuhay nila—ang lahat ng ito ay mga isyung may kinalaman sa pinagmulan nilang pamilya. Bagama’t ang ganitong uri ng tao ay isinilang sa isang mahirap na pamilya, hindi pa kailanman nakakain ng caviar, hindi kailanman nakapagsuot ng damit na may tatak, hindi kailanman nakaranas ng iba’t ibang luho, at hindi pa kailanman nakagamit ng anumang bagay na mamahalin o nakaugnayan ang sinumang mayayamang indibidwal o mga sikat na tao, nagtataglay naman siya ng konsensiya at katwiran. Kapag nakikisalamuha sa iba, hindi siya kailanman nananamantala. Kapag nakikita niya ang isang taong nagtatamasa ng magagandang bagay o kapag nakakakita siya ng mayamang tao, bagama’t nakakaramdam siya ng inggit, hindi niya kailanman naiisipang nakawin o kamkamin ang mga pag-aari ng iba. Aling aspekto ang tinutukoy ng pagbubunyag ng ganitong uri ng tao? (Ang karakter niya, ang pagkatao niya.) Tumutukoy ito sa pagkatao niya. Mabuti ba o masama ang pagpapamalas ng pagkatao niya sa aspektong ito? (Mabuti at matuwid ang pagkatao niya.) Hindi pa ito maituturing na matuwid; nangangahulugan lang ito na hindi niya sinasamantala ang maliliit na pakinabang at hindi niya binobola ang mayayaman. Nagagawa niyang tratuhin nang tama ang gayong mga usapin. Kumusta ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Medyo mabuti ang pagkatao niya.) Isa itong obhetibong pahayag; medyo mabuti ang pagkatao niya, ibig sabihin, sa usapin ng karakter niya, medyo may integridad at dignidad siya. Bagama’t mahirap at hindi mataas ang pinagmulan niyang pamilya, hindi niya hinahamak ang mahihirap at pinapaboran ang mayayaman, ni sinasamantala ang iba. May isa pang uri ng tao: Isinilang siya sa isang mayamang pamilya, o gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “isinilang nang may pilak na kutsara sa bibig.” Hindi niya kailanman kinailangang mag-alala tungkol sa pagkain o pananamit, at nakukuha niya ang lahat ng bagay; nakakain niya ang anumang pagkaing gusto niyang kainin. Lubhang mabuti ang kalagayan ng pamilya niya, at napakaganda ng pagtrato sa kanya ng mga magulang niya. Aling aspekto ang tinutukoy nito? (Tumutukoy rin ito sa pinagmulan niyang pamilya.) Ang pinagmulang pamilya ng isang tao ay isang likas na kondisyon. Bagama’t ang ganitong uri ng tao ay may lubhang mabuting pinagmulang pamilya, nang may maalwan na buhay at walang alalahanin tungkol sa pagkain o pananamit, at nakakita na ng magagandang bagay at naranasan na ang mga maibibigay ng mundo, kapag nakikisalamuha sa iba, kung may makikita siyang isang taong mas mahusay at mas may kakayahan kaysa sa kanya, o kaya ay kapansin-pansin na bihasa sa isang larangan, o kaya ay may katanyagan sa mga tao, nagseselos siya at pinipiga niya ang utak niya kakaisip kung paano mamaliitin ang taong ito. Aling aspekto ang tinutukoy ng mga pagpapamalas na ito? (Tingin ko, tumutukoy ang mga ito kapwa sa mga tiwaling disposisyon at sa pagkatao.) Tama iyan. Ang mga pagpapamalas na ito ay tumutukoy kapwa sa pagkatao at sa mga tiwaling disposisyon niya. Kapag nakakita ang ganitong uri ng tao ng isang taong mas magaling kaysa sa kanya, siya ay nagseselos, namumuhi, at gusto niyang supilin, pahirapan, at ibukod ito; gusto niya itong higitan. Kung may ganito lang siyang mga kaisipan pero hindi naman siya kumikilos batay sa mga ito, isa siyang taong may di-mabuting pagkatao—masama ba ang pagkatao niya? (Oo.) Kung, batay sa masamang pagkatao na ito, nakakaramdam siya ng pagtutol kapag may nakikita siyang mas mahusay kaysa sa kanya, hinuhusgahan niya ito nang patalikod, at kumikilos pa siya nang tuso para supilin ito, ang mga ito ay mga partikular na pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon. Ano ang diwa ng tiwaling disposisyong ito? Ito ay kalupitan. Tumutukoy ang mga pagpapamalas na ito kapwa sa pagkatao at sa isang tiwaling disposisyon. Bagama’t maganda ang kalagayan ng pamilya ng ganitong uri ng tao at kumakain at nagdadamit siya nang maayos, at maaaring asahan mo na nagtataglay siya ng kabatiran at nagpaparaya sa iba, kapag nakikisalamuha sa mga tao, palagi niya silang gustong samantalahin at palagi siyang masyadong mapagkalkula. Kapag lumalabas siya kasama ang ibang mga tao, palagi niyang binubusisi kung sino ang gumastos nang mas malaki at kung sino ang nagbayad para sa mga gastusin sa biyahe, ayaw niyang gumastos ng kahit isang karagdagang barya. Kapag gumagawa kasama ang iba, palagi niyang kinakalkula kung sino ang may mas maraming ginawa at kung sino ang mas kaunti ang ginawa, at palagi siyang nag-iisip ng mga paraan para magpakatamad. Aling aspekto ang tinutukoy nito? (Tumutukoy ito sa pagkatao niya.) Aling aspekto ng pagkatao? (Pagkamakasarili at pagiging mababang uri.) Pagkamakasarili at pagiging mababang uri, pagkahilig na manamantala ng iba, kawalan ng integridad at dignidad—tumutukoy ito sa karakter niya. Kapag nakikisalamuha sa mga tao, mapagkalkula siya at mahilig siyang manamantala ng iba, kahit na isang barya lang naman ang makakamit na pakinabang, at naghahanap siya ng bawat pagkakataon para makalamang. Ito man ay galing sa isang pampubliko o pampribadong pinagmulan, o mula man sa mga bata o matatandang tao, sinasamantala niya ang lahat ng tao. Sinuman ito, hindi siya nagpapapigil, at nananamantala siya sa tuwing may pagkakataong lumilitaw. Labis siyang mahigpit at mapagkalkula sa mga pakikisalamuha niya sa iba. Halimbawa, noong huling beses ay hiningan mo siya ng pabor, at ngayon, pakiramdam niya ay may pagkakautang ka sa kanya. Susubukan niya ang lahat para itulak kang suklian ang naging pabor niya sa iyo, at dapat ay mas malaking pabor ito kaysa sa ginawa niyang pabor para sa iyo; saka lang niya madarama na patas na kayo. Hindi ba’t ito ay pagiging masyadong mapagkalkula? (Oo.) Ito ay pagiging masyadong mapagkalkula, lubhang mahigpit sa iba, at labis na mapagpakana. Bagama’t wala na siyang mahihiling pa pagdating sa pagkain at pananamit, at nagtatamasa siya ng mas magandang buhay sa lahat ng aspekto kung ikukumpara sa iba, sa tuwing nakikita niya ang isang taong may gamit na hindi pa niya nakikita noon, gusto niyang gamitin ito saglit at subukan ito. Pakiramdam niya ay kailangan niyang magkaroon ng anuman ang mayroon ang ibang tao. Kung wala siya nito, hindi komportable at hindi balanse ang puso niya, hanggang sa puntong nawawalan siya ng ganang kumain at hindi na siya makatulog; kapag napasakanya na ang bagay na ito ay saka lang siya nasisiyahan. Anong uri ng isyu ito? (Isa pa rin itong isyu ng pagkatao.) Ang mga partikular na pagpapamalas na ito ay mga isyu ng pagkatao niya, hindi ng mga likas na kondisyon niya. Ang mga likas na kondisyon ay tumutukoy lang sa pinagmulan niyang pamilya at sa mga sitwasyon ng pamilyang nagagawa niyang matamasa, samantalang ang mga paraan niya ng pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay ay tumutukoy sa pagkatao niya. Ang mga pagbubunyag at pagpapamalas niya, tulad ng kanyang mga saloobin, pamamaraan, at motibasyon sa kanyang pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay, ay tumutukoy sa isyu ng karakter niya; hindi pa ito umaabot sa antas ng mga tiwaling disposisyon. Siya ay makasarili, mahigpit, masyadong mapagkalkula, mapagpakana, at mahilig manamantala ng iba—ang mga ito ba ay mga pagpapamalas ng mabuti o masamang pagkatao? (Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng masamang pagkatao.) Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mababang karakter at masamang pagkatao. Nakikita at nadarama ba ng iba ang mga pagpapamalas na ito ng masamang pagkatao? (Oo.)

Ikalawang Halimbawa: Magandang Hitsura at Matataas na Pang-akademikong Kalipikasyon

Ang ilang tao ay may magandang mukha at ipinanganak nang may mga malaki, maningning, at matalinong mata na mukhang buhay na buhay at puno ng damdamin. Simula pagkabata, labis na silang kinagigiliwan. Sa aling aspekto ito napapasailalim? (Tumutukoy ito sa hitsura nila.) Ang hitsura ay nabibilang sa mga likas na kondisyon, tama ba? (Oo.) Ang pagkakaroon ng malalaking mata at magandang mukha, likas na nagtataglay ng kalamangan ng magandang hitsura—isa ba itong aspekto ng mga tiwaling disposisyon? (Hindi.) Tumutukoy ba ito sa mga isyu ng pagkatao? (Hindi.) Hindi ito tumutukoy sa pagkatao o sa mga tiwaling disposisyon, kaya walang kailangang baguhin. Ang mga likas na kondisyon ay taglay na mula pagkasilang; ipinanganak sila nang may ganitong hitsura, at hindi sila nagpaganda o nagpabago ng hitsura. Sadyang ganito na sila. Bagama’t likas silang maganda, palagi silang naguguluhan kapag nahaharap sa masasalimuot na isyu sa pang-araw-araw na buhay at hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito. Wala rin silang pagkilatis tungkol sa mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi malinaw sa kanila kung sino ang puwede nilang makaugnayan at kung sino ang dapat nilang iwasan. Hindi nila alam kung sino ang masama at kung aling mga ugnayan ang maaaring magdulot ng problema. Sa edad na bente anyos o higit pa, hindi nila alam ang mga bagay na ito, at kahit trenta o kuwarenta anyos na sila, kahit na may kaunti na silang karanasan sa buhay, hindi pa rin nila alam. Kahit na malaki at puno ng damdamin ang mga mata nila, napakagulo ng isip nila. Anong uri ng problema ito? (Problema ba ito sa likas na kakayahan nila?) Hindi masyadong mahusay ang likas na kakayahan nila. Hindi nila kailanman mahanap ang mga prinsipyo kapag nakikisalamuha sila sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, at hindi nila makilatis ang iba’t ibang uri ng mga tao. Madalas silang nadadaya, nagagantso, at napaglalaruan ng iba. Kumusta ang kakayahan ng ganitong uri ng tao? (Medyo mahina ang kakayahan niya.) Hindi mahusay ang kakayahan niya. Ang pagkakaroon ng mga matang puno ng damdamin ay hindi tiyak na nangangahulugan na marunong ang isip niya. Bagama’t sa usapin ng likas na kondisyon niya ay maganda ang hitsura niya, hindi naman mahusay ang kakayahan niya. Gayumpaman, mayroong isang bagay: Noong nasa paaralan pa siya, mahusay siya sa pag-aaral ng mga kaalaman mula sa mga aklat-aralin; kaya niyang makabisado nang mabilis ang literatura at kapag nag-aaral ng matematika, pisika, at kimika, o ng isang bagong wika, mabilis niyang naaarok ang paksa. Madali siyang nakapasok sa unibersidad, kumuha siya ng master’s degree, at nagkamit siya ng Ph.D. Saan dapat ito mapasailalim? Puwede ba itong mapasailalim sa mahusay niyang kakayahan? (Hindi.) Kung gayon, saan ito napapasailalim? (Napapasailalim ito sa mga kalakasan niya, na siyang mga likas na kondisyon niya.) Tumpak iyan. Ang ganitong uri ng tao ay mahusay sa pag-aaral, pagkuha ng kaalaman, at mga pang-akademikong paksa. Mabilis siyang umarok ng kaalaman mula sa mga aklat-aralin at ng mga bagay na teoretikal at batay sa mga regulasyon, tulad ng mga aspektong nauugnay sa mga propesyonal na kasanayan at teknolohiya o mga pormula at regulasyon para sa matematika, pisika, at kimika, at natatandaan niya nang mabuti ang mga ito. Ang ganitong uri ng tao ay mahusay sa pag-aaral ng mga bagay na ito at may angking galing siya sa mga ito. Kaya niyang maunawaan ang mga ito sa isang sulyap lang, at partikular siyang mahusay sa mga pagsusulit at pagsagot ng mga tanong; pagdating sa pagsagot ng mga tanong, madali niya itong nagagawa—sa ganito niya pinakamahusay na magagamit ang mga kalakasan niya. Masasabi mo na ang ganitong uri ng tao ay panatag sa karagatan ng kaalaman. Kumakatawan ba sa kakayahan niya ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Kinakatawan lang ng mga ito na mayroon siyang partikular na kalakasan. Ang ganitong uri ng tao ay nagpapakita ng partikular na mahusay na paggampan sa larangan ng kaalaman, hinahayaan ang mga tao na makita na namumukod-tangi ang kalakasan niya sa larangang ito. Dahil may ganito siyang kalakasan, at dahil nagkamit na siya ng ilang tagumpay—nakapagkamit ng master’s at doctorate degree, at nakapagtamo ng mataas na antas ng edukasyon—kumpara sa ibang mga tao, nakikita niya ang sarili niya bilang maalam na indibidwal, iskolar, at intelektuwal na mataas ang antas. Kapag mas marami siyang nababasang aklat, mas lalo niyang nararamdaman na isa siyang bantog na indibidwal, isang nakahihigit na tao, at na ang iba pang mga tao ay ordinaryo, walang kaalaman, hindi makaunawa o makakilatis sa isip niya, at hindi niya kapareho ng antas. Dahil dito, madalas niyang nadarama na nakahihigit siya sa iba at itinuturing niya ang sarili niya bilang natatangi at ekstraordinaryo. Anong pagpapamalas ito? (Isang tiwaling disposisyon). Aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon? (Pagmamataas.) Dahil sa mayabang na tiwaling disposisyon niya, lalo niyang hinahamak ang masa at ang mga tao mula sa iba’t ibang kalagayan ng pamumuhay pagkatapos niyang magkamit ng mataas na antas ng edukasyon. Dahil sa kanyang mataas na pinag-aralan at diploma, pagkatapos manampalataya sa Diyos, palagi niyang gusto na siya ang may huling salita sa iglesia at inaasam niyang maging isang lider. Sa tuwing may halalan, umaasa siyang mahalal siya. Kung hindi siya mahahalal, nagiging negatibo siya at sumusuko siya sa kawalan ng pag-asa. Anuman ang sabihin ng mga lider at manggagawa, ayaw niya itong pakinggan at gusto niya itong labanan. Anumang tungkulin ang italaga sa kanya, nasusuklam siya sa pagtatalagang ito at nanghuhusga siya nang palihim. Sa puso niya, iniisip niya, “Wala ka naman masyadong kaalaman. Walang lohika ang mga salita mo. Sa kaibuturan ng puso ko, hinahamak kita bilang isang lider ng iglesia. Hindi ako papayag na mapasailalim sa iyo! Huwag mong isiping mas magaling ka kaysa sa akin. Magkumpara tayo—tingnan natin kung sino ang mas magaling. Tingnan natin kung sino ang kayang bumigkas ng mas maraming salita ng Diyos at kung sino ang kayang magbahagi ng mas mahusay na pagkaunawa. Kung hindi kasinghusay ng sa akin ang pakikipagbahaginan mo, hindi ako papayag na mapasailalim sa iyo! Kahit na nahalal ka bilang lider, hindi ko kailangang pakinggan, ipatupad, o sundin ang lahat ng iniuutos mo sa akin!” Anong pagpapamalas ito? (Isang tiwaling disposisyon.) Isa itong partikular na pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Tumutukoy ba ito sa pagkatao? Dahil ang ganitong uri ng tao ay may likas na kalakasan at, batay sa pundasyong ito, nag-aaral nang husto, nagtatamo ng maraming kaalaman, at nagkakamit ng katayuan sa lipunan, nadarama niya na siya ay nakahihigit sa iba, bukod-tangi, at gusto niyang magsalita mula sa posisyon na mas mataas kaysa sa lahat at kumilos nang mapaghari-harian; sa gitna ng mga tao, gusto niya palagi na siya ang namumuno, na pakinggan siya ng iba—may problema ba ang ganitong uri ng tao sa kanyang konsensiya at katwiran? (Oo, mayroon.) Anong uri ng problema ito? Dahil sa kalakasan niya, naging napakadali para sa kanya na magtamo ng mataas na antas ng edukasyon sa pamamagitan ng pag-aaral. Problema ba ang mismong kalakasang ito? Ang kalakasan bang ito mismo ay isang aspekto ng mga tiwaling disposisyon? Isa ba itong pagpapamalas ng di-mabuting pagkatao? (Hindi.) Gayumpaman, dahil may ganito siyang kalakasan, nagtamo siya ng maraming kaalaman at nagkamit ng mataas na antas ng edukasyon, umaayon sa pagsusuri at depinisyon ng lipunan para sa katayuan. Dahil dito ay naniniwala siyang dapat siya ang may huling salita sa iglesia, maging nakatataas sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at maging mas mataas sa lahat. May anumang katwiran ba ang gayong pagkatao? Mabuti ba ang gayong pagkatao? (Hindi mabuti ang pagkatao niya.) Sa anong mga paraan hindi mabuti ang pagkatao niya? (Wala siyang katwiran at konsensiya; palagi niyang gustong maging mas mataas kaysa sa iba.) Ang palaging pagnanais na maging mas mataas kaysa sa iba, sa isang banda, ay dahil sa isang tiwaling disposisyon. Sa kabilang banda, mula sa perspektiba ng pagkatao, hindi ba’t medyo walang hiya ito? (Oo.) Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang lipunan. Kinukumpara ba ng sambahayan ng Diyos ang mga pang-akademikong kalipikasyon kapag naghahalal ng mga lider? (Hindi.) Saan ibinabatay ng sambahayan ng Diyos ang halalan ng mga lider? Batay ito sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba? (Oo.) Sa sambahayan ng Diyos, ang halalan ng mga lider ay batay sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa kung sino ang may mas matataas na pang-akademikong kalipikasyon. Alam ba niya ang mga prinsipyo para sa paghahalal ng mga lider? Alam niya, pero tinatrato niya ang mga prinsipyong ito bilang mga burukratikong pahayag lang at bilang mga teorya lang, at hindi niya alam kung paano isagawa o ilapat ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Palagi niyang ipinapakalat ang ideya na tanging ang mga may mataas na pang-akademikong kalipikasyon lang ang may mahusay na kakayahan, nakakaunawa sa katotohanan, at nakakapamuno sa iba. Dahil mayroon siyang matataas na pang-akademikong kalipikasyon, may ilang kaalaman, at katayuan sa lipunan, dahil iniisip niya na kumikilos ang sambahayan ng Diyos katulad ng sa lipunan, ginagamit niya ang kanyang kaalaman at matataas na pang-akademikong kalipikasyon bilang kapital para subukang magkaroon ng huling salita sa sambahayan ng Diyos. Gusto niyang palitan ang mga prinsipyo para sa paghahalal sa mga lider sa sambahayan ng Diyos gamit ang sarili niyang mga paraan ng pagtingin sa mga tao at pagharap sa mga bagay-bagay at gamit ang sarili niyang mga pamamaraan, perspektiba, at pananaw sa posisyon at katayuan sa lipunan. Hindi ba’t wala itong katwiran? (Oo.) Ano ang isa pang paraan para ilarawan ang kawalan ng katwiran? (Ang pagiging walang kahihiyan.) Sa madaling salita, ito ay kawalan ng kahihiyan; ang isa pang paraan para ilarawan ito ay na ang ganitong uri ng tao ay may napakahinang pagkamakatwiran. Kita mo, bagama’t nakatanggap siya ng diumano’y mas mataas na edukasyon at nakapagbasa ng maraming aklat, wala sa mga aklat na iyon o sinumang guro o edukador ang nagturo sa kanya kahit kailan kung paano kumilos para magkaroon ng katwiran. Pagkatapos matuto ng maraming bagay mula sa mga aklat, sa halip ay nadarama niyang nagkamit siya ng kapital at na nakahihigit siya sa mga ordinaryong tao. Bagama’t ang kalakasan niya ay hindi isang negatibong bagay at isa itong likas na kondisyon, ang kalakasang ito ay madaling hahantong sa isang partikular na kahihinatnan—dahil dito, siya ay nagiging mayabang at palalo, nawawalan ng kanyang katwiran, at nagiging labis na mapangahas at walang kahihiyan. Kahit na marami na siyang nabasang aklat at marami na siyang natamong kaalaman, hindi niya nauunawaan ang kahulugan ng salitang “kahihiyan.” Samakatwid, pagkatapos magkamit ng ilang pang-akademikong kalipikasyon, ginagamit niya ito bilang kapital para magpakitang-gilas kahit saan, at gusto niya itong gamitin para magkamit siya ng katayuan sa sambahayan ng Diyos at maging siya ang may huling salita. Iniisip niya, “Mayroon akong matataas na pang-akademikong kalipikasyon at mabilis kong natututunan ang mga bagay-bagay, ibig sabihin, may mahusay akong kakayahan. Dagdag pa rito, labis akong maalam, marami na akong naranasan sa mundo, at mabilis akong mag-isip, kaya kalipikado akong pamunuan ang iba.” Ang ipinapahiwatig nito ay na ang kaalaman at mga kalakasan niya ang katotohanan. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng kawalan ng katwiran. Ang ganitong uri ba ng tao, na walang katwiran, ay may integridad? May dignidad ba siya? (Wala.) Ang kawalan ng integridad at dignidad—isa ba itong pagpapamalas ng mabuting pagkatao o ng kasuklam-suklam at napakababang pagkatao? (Isa itong pagpapamalas ng kasuklam-suklam na pagkatao.) Walang mabuting pagkatao ang gayong mga tao. Ang pinakapinapahalagahan nila ay ang kanilang mga pang-akademikong kalipikasyon, katayuan sa lipunan, personal na halaga, at posisyon. Gamit ang mga ito bilang kapital nila, sukdulan ang kanilang pagiging mayabang at palalo, at gusto nilang sila ang may huling salita. Isa itong pagpapamalas ng kasuklam-suklam na pagkatao. Ang isyung ito ay kinabibilangan ng dalawang aspekto: Ang isa ay tumutukoy sa pagkatao nila at ang isa pa ay sa tiwaling disposisyon nila. Ang perspektiba nila sa mga isyu at ang kanilang saloobin at mga pananaw sa pangangasiwa ng mga isyu ay nauugnay sa pagkatao nila. Dahil sa ganitong uri ng pagkatao, nakakabuo sila ng mga partikular na pagkilos, pagpapamalas, at pagbubunyag, na siyang mga pagpapahayag ng isang tiwaling disposisyon.