Paano Hangarin ang Katotohanan (3) Ikaanim na Bahagi

Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos nang higit sa sampu, dalawampu, o tatlumpung taon na, pero ngayon lang nila napagtatanto na pagkatapos ng lahat ng taon na ito, medyo nagbago lang ang kanilang panlabas na pag-uugali at nakaranas lang sila ng kaunting pagkamulat sa kanilang puso, pero walang naging pundamental na pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang ilan, pagkakita ng ilang pagbabago sa pag-uugali sa kanilang sarili, ay iniisip na isa itong pagbabago sa buhay disposisyon at ipinagyayabang pa nga nila sa iba na, “Tingnan ninyo, hindi ba’t nagbago ang aking buhay disposisyon?” Sa realidad, nagbago ka lang sa pag-uugali; wala kang mga aktuwal na pagpapamalas ng disposisyonal na pagbabago at hindi ka nakapagsabuhay ng normal na pagkatao. Kung gayon ay paano malalaman ng isang tao kung nagkaroon ba ng pagbabago sa iyong disposisyon? Hindi ito pagbabasa ng mukha; hindi ito malalaman ng isang tao sa pagtingin sa iyong panlabas na hitsura, ni sa pakikinig sa iyong sinasabi, lalong hindi sa pamamagitan ng pakikinig sa iyong pagpapahayag ng mga resolusyon at kahilingan—ang mga resolusyon at kahilingan ang mga pinakahungkag na bagay. Paano malalaman ng isang tao, kung gayon? Malalaman ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin, nang walang sinumang nang-uudyok, nangangasiwa, o sumusuporta at tumutulong pa nga sa iyo, kung mayroon ka bang landas at abilidad na tingnan at pangasiwaan ang bawat usapin nang ayon sa mga salita ng Diyos, at kung mayroon ka bang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay sa loob ng iyong puso para pigilan ka sa lahat ng ginagawa mo. Kung hindi mo pa naaabot ang ganitong antas, pag-usapan natin ang isang mas mababang antas: kung mayroon ka bang kamalayan na gamitin ang mga salita ng Diyos bilang prinsipyo para sa lahat ng ginagawa at sinasabi mo. Kung hindi mo ito kayang makamit, sa kasamaang-palad, wala kang katotohanan bilang buhay mo. Ang iyong mga tiwaling disposisyon ay ang buhay mo pa rin; maaari ka pa ring kontrolin ng mga ito sa anumang oras, sa anumang lugar, nang pinapangibabawan ang iyong kamalayan at ang iyong mga kaisipan at pananaw. Sa anumang oras, sa anumang lugar, tatratuhin at pangangasiwaan mo ang sinumang tao, anumang pangyayari, o anumang bagay batay sa sarili mong mga emosyon, lagay ng loob, mga kagustuhan, paghusga, perspektiba, at mga hilig. Nasa malaking panganib ka pa rin; hindi mo pa rin kayang tuparin nang maayos nang nagsasarili ang iyong tungkulin, at hindi mo nagagawang mamuhay nang nagsasarili—palagi mong kailangang umasa sa iba, at kung wala ang suporta ng iba, babagsak ka. Nangangahulugan ito na masyadong mababa ang tayog mo; pinapatunayan nito na hindi mo nakamit ang katotohanan bilang iyong buhay. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkamit sa katotohanan bilang buhay? Nangangahulugan ito na mayroon ka lang ng isa o dalawang prinsipyo na pumipigil sa iyo mula sa paggawa ng masasamang bagay o paggawa ng malalaking pagkakamali. Ibig sabihin, kapag ang iyong pagkamakatwiran ay normal, at walang umuudyok sa iyo o sumusulsol sa iyo, hinding-hindi mo sadyang lalapastanganin ang Diyos, isusumpa ang Diyos, o gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, sa katunayan na hindi mo iyon gagawin nang sadya ay hindi nangangahulugan na hindi mo iyon kayang gawin; maaaring hindi mo ito gawin nang aktibo, pero maaari mo pa rin itong gawin nang pasibo. Ano ang tinutukoy rito ng pasibo? Nangangahulugan ito na maaaring lumitaw ang iyong mga tiwaling disposisyon sa anumang oras para kontrolin ka at para ipasabi at ipagawa sa iyo ang anumang bagay, at idulot sa iyo na tingnan ang isang tao o usapin nang may walang-katotohanang mga pananaw sa anumang oras, at pagkatapos ay gamitin ang iyong mga tiwaling disposisyon para pangasiwaan ang isang usapin o harapin ang isang uri ng tao. Halimbawa, ipagpalagay na may nagawa kang mali at iniisip mo na hindi mo puwedeng hayaan ang ang Itaas, ang mga lider, o ang sinuman na malaman ito. Anuman ang dahilan sa likod nito, ano’t anuman, may sarili kang mga maladiyablong ideya, kaya itinatago mo ito at wala kang sinasabi. Ang iyong mga tiwaling disposisyon ba ang namamahala rito, o ang katotohanan ba ang namamahala? Malinaw na ang mga tiwaling disposisyon mo ang namamahala. Pinapangibabawan ka ng mga tiwaling disposisyon mo, idinudulot na itago mo ito at wala kang sabihin, at hindi ka makaalpas. Ano ang ibig sabihin ng hindi makaalpas? Ibig sabihin nito na bagama’t handa kang isagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo, wala kang lakas para gawin iyon; sadyang hindi mo kayang mapagtagumpayan ang iyong mga tiwaling disposisyon. Nangangahulugan ito na may problema ka; hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung gusto mong itago ang mga bagay at linlangin ang iba, ganap na may kapabilidad kang gumawa ng mga gawa ng pagtatago at panlilinlang, lalo na patungkol sa ang Itaas, nang iniuulat lang ang mabubuting balita pero hindi ang masasama, nililinlang pa nga ang mga nasa itaas at nagtatago ng mga bagay mula sa mga nasa ibaba. Sinasabi mo na, “Talagang minamahal ko ang katotohanan, at isa akong taong nagsasagawa ng katotohanan. Maingat kong itinatala, pinagbubulay-bulayan, at ibinubuod ang bawat katotohanang sinasabi ng Diyos, at pagkatapos ay isinasagawa ko ito sa tunay na buhay.” Ganito ka mag-isip, mayroon kang ganitong kahilingan, pero hindi ito nangangahulugan na isinagawa mo ang katotohanan. Bakit? Dahil marami kang walang-katotohanang kaisipan at pananaw sa loob mo na umokupa na sa puso mo. Dahil dito, naging buhay mo ang mga tiwaling disposisyon. Namamahala ang mga tiwaling disposisyon mo, nang pinapangibabawan ang mga kaisipan at kilos mo. Kahit na gusto mong isagawa ang katotohanan, wala itong silbi; hindi mo maitulak ang sarili mo na gawin ito. Samakatwid, kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, kahit na ginagawa mo ang tungkulin mo, imposible para sa iyo na kumilos ayon sa mga prinsipyo—sapat nang mahusay kung kaya mong iwasan na aktibo at hayagang husgahan, labanan, o lapastanganin ang Diyos. Gayumpaman, dahil may mga tiwaling disposisyon na namumuno sa iyong puso, hindi mo maiwasang maghimagsik at lumaban sa Diyos. Marahil ay iniisip mo na sinusubukan mo lang na linlangin ang ang Itaas at magtago ng mga bagay mula sa ang Itaas at linlangin ang Diyos sa mga sitwasyon kung saan ikaw ay pasibo o sa mga sandali ng pagkadesperado, at na sinusupil mo lang ang mga tao o nagbubunyag ka lang ng pagkamainitin ng ulo sa mga sandali ng pagkadesperado. Talaga bang ito ay dahil sa mga pansamantalang sandali ng pagkadesperado? Hindi, ito ang resulta ng pamamahala ng malalim na nakaugat na mga tiwaling disposisyon mo. Hindi ito maiiwasan. Bakit hindi ito maiiwasan? Dahil ang mga katotohanang nauunawaan mo ay isang uri lang ng kagustuhan, isang uri lang ng pananampalataya para sa iyo; hindi pa naging buhay mo ang mga ito. Mayroon ka mang kaalaman o mataas man o mababa ang iyong kakayahan, sa pinakamababa, ang katotohanan ay hindi naging buhay mo. Ibig sabihin, ang katotohanan ay hindi ang namamahala sa loob mo; ang namamahala sa loob mo ay mga satanikong disposisyon at mga pilosopiya ni Satanas. Kapag napapangibabawan ka ng mga satanikong disposisyon, namumuhay ka ayon sa mga satanikong disposisyon, at namumuhay ka pa rin sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Kapag hindi napipinsala ang iyong mga interes at pride, kapag hindi nasasangkot ang iyong katayuan, kasikatan, at pakinabang, handa kang magsagawa ng kaunting katotohanan. Pero sa sandaling masangkot ang iyong kasikatan, pakinabang, katayuan, o hantungan, mariin at mahigpit kang sinasakmal at kinokontrol ng mga tiwaling disposisyon mo. Wala ka pa ring tunay na pagpapasakop sa Diyos; isang daang porsiyento pa rin ang posibilidad na ipagkanulo mo ang Diyos at ang katotohanan. Batay sa mga penomenong ito, nalutas na ba ang mga tiwaling disposisyon mo? Naiwaksi na ba ang mga ito? Naging buhay mo na ba ang katotohanan? Kapag may nangyayari, kung ang mga katotohanang nauunawaan mo ay hindi kayang mapagtagumpayan ang mga tiwaling disposisyon mo, hindi kayang mapagtagumpayan ang iyong mga pagpili at kagustuhan, hindi mapagtagumpayan ang iyong mga pagnanais, ambisyon, katayuan, at reputasyon, kung gayon ay ang mga katotohanang nauunawaan mo ay hindi ang iyong buhay. Kapag ang katotohanan ay naging iyong buhay, natural mong magagawa na mapagtagumpayan ang mga tiwaling disposisyong ito. Kung hindi mo kayang pagtagumpayan ang iyong mga tiwaling disposisyon, ipinapakita nito na ang katotohanan ay hindi pa namamahala sa iyo, at na hindi pa ito naging buhay mo. Sinasabi mong minamahal mo ang katotohanan, pero ito lang ang iyong pag-aasam at ang iyong kahilingan; hindi ito kumakatawan sa iyong buhay. Ang mga taong may normal na pagkatao ay pawang may mga positibong pag-aasam. Ang pag-aasam ba na maging isang mabuting tao ay nangangahulugan na isa kang mabuting tao? (Hindi.) Ang pagmamahal ba sa katotohanan, pagiging patas, at pagiging matuwid, ay nangangahulugan na tinataglay mo ang katotohanan, pagiging patas, at pagiging matuwid? Hindi—hindi mo tinataglay ang mga bagay na ito, inaasam mo lang ang mga ito. Ano ang tinutukoy ng pag-aasam? (Isang kahanga-hangang kahilingan ng isang tao.) Tama, isa lang itong kahilingan. Wala itong kinalaman sa kung paano ka aktuwal na umaasal, hindi ba? (Wala nga.)

Mayroon na ba kayo ngayong katotohanan bilang inyong buhay? (Wala.) Paano malalaman ng isang tao kung mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay? Malalaman ito ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa kung ang mga katotohanang nauunawaan mo ay kayang mapagtagumpayan ang mga tiwaling disposisyon mo kapag ang iyong mga interes ay sumasalungat sa katotohanan, kapag ang iyong mga interes ay magdurusa na ng mga kawalan o malalagay na sa banta. Kung kaya ng mga ito, ikaw ay isang taong mayroong katotohanan bilang iyong buhay. Kung hindi, pinapatunayan nito na napakababa ng tayog mo. Gaano kababa? Wala kang katotohanan bilang iyong buhay. Ito ang realidad. Sinasabi ng ilang tao na, “Kung wala kaming katotohanan bilang aming buhay, bakit nagagawa pa rin naming talikuran ang lahat ng bagay para gawin ang mga tungkulin namin sa sambahayan ng Diyos? Bakit nagagawa pa rin naming magdusa at magbayad ng halaga para sa Diyos?” Sinasabi pa nga ng ilang tao na, “Nagtataglay na ako ng kaunting debosyon; naging mananagumpay na ako.” Ang totoo, ang gayong mga pahayag ay narurumihan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Hindi mali para sa mga tao na magkaroon ng mga resolusyon at adhikain. Ang pag-aasam ng mga tao para sa liwanag, para sa katarungan, at ang pag-aasam din nila para hangarin ang katotohanan, magtamo ng kaligtasan, at iba pa—ang mga kahanga-hangang kahilingang ito ay maaaring makapagbago sa ilan sa kanilang kamalayan, sa direksyon ng landas na tinatahak nila, at siyempre, sa ilan sa kanilang mga pag-uugali, at sa panlabas, sa ilang aspekto ng kanilang tindig at ng kanilang paraan ng pamumuhay. Ano ang tinutukoy rito ng pagbabago? Halimbawa, ipagpalagay na kasalukuyan kang may pananalig, napakaganda ng kalagayan mo, hindi ka negatibo, at partikular na maayos ang takbo ng tungkulin mo. Dahil dito, nadarama mo na ikaw ay napakatapat, at na may pag-asa kang maisakatuparan ang kahilingan mong magkamit ng kaligtasan, at ayos lang sa iyo na magtiis ng anumang paghihirap. Pero hindi nagtatagal ang magagandang panahon. Sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, nahaharap ka sa ilang hadlang at pagkabigo, napupungusan ka, lumilihis ka nang maraming beses, at naililigaw at nasusupil ka pa nga ng mga anticristo, nang nagdurusa ng maraming pagkaagrabyado. Pagkatapos ay nakadarama ka ng pagiging hindi komportable sa puso mo. Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo alam kung bakit nangyari ang mga bagay na ito, at hindi ka nakakakuha ng anumang mga kasagutan mula sa pagdarasal sa Diyos, kaya nababagabag ka. Sa isang malaking antas, ang paglitaw ng ganitong mga bagay ay nagdudulot ng partikular na dagok at pagkawasak sa kapasyahan mo ng pag-aasam sa katotohanan at sa liwanag. Pagkatapos magdusa sa pagkawasak na ito, ayaw mo nang gawin ang tungkulin mo, nang nadarama mo na wala itong saysay. Ano ang nangyayari dito? Paanong nagbago ka nang napakabilis? Bakit tila ganap na ibang tao ka na kumpara dati? Kung mayroon kang tayog, at mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay, hindi magbabago ang debosyon mo. Pero dahil wala kang katotohanan bilang iyong buhay, ang iyong panloob na kalagayan, mentalidad, at ang iyong motibasyon na manampalataya sa Diyos at gugulin ang sarili mo ay palaging hindi matatag at pabago-bago sa pagitan ng mainit at malamig. Sa mga panahon kung kailan maayos ang takbo ng lahat ng bagay at maganda ang lagay ng loob mo, mayroon kang motibasyon, marami kang nasasabi sa tuwing nagdarasal ka, handa kang basahin ang mga salita ng Diyos, labis kang nagsisikap sa iyong tungkulin, at ayos lang sa iyo na maging abala o mapagod, at na magtiis ng anumang paghihirap. Pero sa sandaling maging medyo di-paborable ang mga bagay, nagiging negatibo at mahina ka, nang nawawala ang motibasyon na gawin ang tungkulin mo. Kapag napapalampas mo ang isang pagkain o nababawasan nang kaunti ang pagtulog mo, pakiramdam mo ay napakalaking paghihirap nito, at lumilitaw ang mga reklamo sa puso mo: “Bakit ako dapat magdusa? Ni hindi nga ako kumikita ng pera mula sa paggawa ng tungkulin ko, hindi ito sulit!” Kita mo na, ganap na iba ang mentalidad mo. Bakit nangyari ang gayon kalaking pagbabago? Ito ay dahil wala kang katotohanan bilang buhay mo, at umiiral pa rin sa loob mo ang mga tiwaling disposisyon. Kapag masigasig ang mga tao, nadarama nila na wala silang mga ambisyon o pagnanais, o mga hinihingi sa Diyos. Sa realidad, namamahala pa rin sa loob nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; nananatiling hindi nagbabago ang mga bagay na ito. Kapag positibo ang mga tao, labis silang masigasig at partikular na masigla, at walang makakapigil sa kanila. Kapag negatibo sila, lugmok na lugmok sila, at walang sinumang makakapagpabangon sa kanila. Palagi silang umaabot sa mga sukdulan, at ganap silang hindi matatag. Ipinapakita nito na may kulang sa kanilang normal na pagkatao. Ano ang wala sa kanila? Wala silang katotohanan bilang kanilang buhay—iyon ang kulang. Ang iyong kalagayan ay pabago-bago sa pagitan ng mainit at malamig, negatibo sa isang sandali at positibo naman sa susunod. Ano ang nagdudulot nito? Ito ay ang mga tiwaling disposisyon mo na nagdudulot ng gulo. Ngayon ay ipinapaisip ng mga ito sa iyo ang isang bagay, bukas naman ay isa pang bagay; ano’t anuman, ang mga kaisipang ito ay palaging umaayon sa iyong mga kagustuhan, sa iyong pagkamainitin ng ulo, at sa iyong kasalukuyang kalagayan, lagay ng loob, at mga emosyon. Pero iba ito kapag ang mga tao ay mayroong katotohanan sa loob nila. Kung ang katotohanan ay magiging buhay mo, palagi kang bibigyang-kakayahan nito na magkaroon ng tumpak at tunay na depinisyon sa iyong ginagawa, at hindi ito kailanman magbabago. Hindi ka magiging mainit at malamig, at hindi ka magiging negatibo at mananatiling lugmok dahil sa isang kabiguan at pagbagsak, o dahil sa kaunting pagpupungos o kaunting hadlang. Hindi ka rin magiging labis na positibo na kumikilos na parang isang masigasig na kabataan, na nananatiling gising sa loob ng tatlong araw at gabi. Sa halip, magkakaroon ka ng normal na pagkamakatwiran. Tama ba? (Oo.) Sa sandaling nauunawaan na ng mga tao ang katotohanan at ang katotohanan ay naging buhay nila, nagiging malinaw sa kanila ang mga pangitain. Alam nila kung bakit nila kailangang sumunod sa Diyos, kung bakit nila kailangang gawin ang kanilang tungkulin, kung anong mga resulta ang dapat nilang makamit sa paggampan ng kanilang tungkulin, at ang layunin, kabuluhan, at kahalagahan ng pagtitiis ng mga paghihirap na ito. Nauunawaan nila ang lahat ng katotohanang prinsipyong ito nang lubusan sa kanilang puso, nang walang kalituhan o kalabuan. Kung kaya, nagdurusa sila nang kusang-loob at nang walang reklamo, mayroon silang mga tuntunin at prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila, at hindi sila kailanman nawawalan ng pananalig sa Diyos; kapag nakadarama sila ng pagkanegatibo, hindi sila nagrereklamo tungkol sa Diyos o hindi nila Siya tinatalikuran, at kapag nakadarama sila ng pagkapositibo, wala silang mga karagdagang hinihingi sa Diyos, at normal na normal ang kalagayan nila. Ganito ba kayo ngayon? (Hindi.) Ano ang dapat gawin kung gayon? (Mula ngayon, dapat kaming tumuon sa paghahangad sa katotohanan para lutasin ang aming mga tiwaling disposisyon; wala nang iba pang landas.) Wala nang iba pang landas maliban sa paghahangad sa katotohanan. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo: kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at kung ang mga tiwaling disposisyon mo ay palaging nananatiling namamahala bilang iyong buhay, hindi ka magkakaroon ng magandang hantungan; sa pinakamainam, ikaw ay magiging isang trabahador. Pero kung hinahangad mo ang katotohanan, magiging malaki ang pag-asa mo na magtamo ng kaligtasan, at magiging malaki rin ang mga pagpapala na matatanggap mo sa huli. Kung hinahangad mo ang katotohanan, makakaalpas ka mula sa gapos ng mga tiwaling disposisyon, ang mga tiwaling disposisyon ay hindi na magiging buhay mo, at dahil dito ay tunay kang makakakita ng pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at nananatiling hindi nalulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, at gusto mong umasa lamang sa pagpipigil sa sarili at sa kalakasan ng kalooban para gumawa ng mabubuting bagay at huwag gumawa ng kasamaan, mahirap sabihin kung magagawa mo bang makarating sa dulo ng landas. Naunawaan mo ba? (Naunawaan ko.) Ano ang pinakamalaking problema na kailangang lutasin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? (Mga tiwaling disposisyon.) Ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon ang pinakamahalagang bagay. Huwag isipin na, “Full-time na akong gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, full-time na ginugugol ang sarili ko, kaya isa na akong mananagumpay!” Sinasabi ng Diyos ang tungkol sa pagbubuo ng isang grupo ng mga mananagumpay—ano ang ibig sabihin ng mga mananagumpay? “Ang mga ito ay ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon” (Pahayag 14:4). Ang mga ito ay mga mananagumpay sa simpleng kahulugan ng salita. Ang isang tao ay hindi maaaring makontento sa pagiging isang mananagumpay lang. Ang pagiging mananagumpay sa ganitong simpleng kahulugan ay hindi nangangahulugan na ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay naiwaksi na, at hindi ito nangangahulugan na ang isang tao ay mayroong katotohanan bilang kanyang buhay. Iyong mga naliligtas sa huli ay hindi lang mga mananagumpay—hindi ito ganoon kasimple. Ang mga mananagumpay ay iyon lamang mga napagtatagumpayan ang sekular na mundo, si Satanas, ang masasamang kalakaran, at ang masasamang rehimen—ito ang mga mananagumpay. Kung nakakaunawa ka lang ng ilang katotohanang prinsipyo, at kaya mong pansamantalang mapagtagumpayan ang laman at mga damdamin, o hindi ka nalilimitahan ng iba’t ibang walang batayang tsismis, o hindi ka nagugulo ng masasamang tao o ng mga hindi mananampalataya, hindi pa rin nito natutugunan ang pamantayan ng isang mananagumpay. Ang pagkakaroon lamang ng kaunting maliliit na karanasang ito ay hindi labis na mahalaga. Ano ang mahalaga? Ang pagkakaroon ng katotohanan bilang buhay ng isang tao ay ang pinakamahalagang bagay. Paano magagawa ng isang tao ang katotohanan bilang kanyang buhay? May iisang landas lang: Dapat mong higit pang basahin ang mga salita ng Diyos, at higit pang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan mo lang makakamit ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos at na magkakaroon ka ng katotohanan bilang iyong buhay. Kung gagamitin mo ang katotohanan para gabayan ang buong buhay mo, ang pang-araw-araw mong buhay, at ang mga prinsipyo ng iyong pagkilos at pag-asal—kung magsasagawa ka sa ganitong paraan—magkakaroon ka ng katotohanang realidad. Kapag taglay mo ang katotohanang realidad, ang iyong mga dating satanikong disposisyon ay maisasantabi. Bago ka magdesisyon kung paano kikilos, pagbulay-bulayan mo muna, “Ang iniisip ko ay hindi kumakatawan sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat kong makita kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos.” Kung magbubulay-bulay ka sa ganitong paraan sa bawat pagkakataon, at kung magsasalita at magsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos sa bawat pagkakataon, hindi ba’t unti-unting papasok sa iyong buhay ang katotohanan? Ang maraming maliliit na patak ay bumubuo ng isang karagatan. Hayaan ang katotohanan na unti-unting pumasok sa puso mo para baguhin ang iyong pang-araw-araw na buhay, ang iyong mga pananaw, ang iyong kasalukuyang katayuan ng pag-iral, at ang iyong kalagayan. Habang unti-unting nagbabago at napupunta sa mabuting direksyon ang kalagayan mo, patuloy na mababawasan ang posibilidad ng paggawa mo ng kasamaan at pagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, patuloy na mababawasan ang posibilidad na magpakitang-gilas ka, habang patuloy na madaragdagan ang iyong mga patotoo ng pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag lumitaw ang mga kritikal na usapin ng tama at mali, napagtatagumpayan ng mga katotohanang prinsipyo ang iyong mga satanikong tiwaling disposisyon, at ang iyong mga personal na kagustuhan, hilig, at plano. Saka ka lang magiging isang tunay na mananagumpay, isang tao na mayroong katotohanan bilang kanyang buhay, at isang tao na kayang magtamo ng kaligtasan. Kung hindi, kung kikilos ka lang batay sa mga kagustuhan mo, iniisip na, “Mabuti ang pagkilos sa ganitong paraan, ginagawa ko ang mga bagay na ito nang masaya at kusang-loob at wala akong mga reklamo,” ano ang silbi niyon? Wala kang mga reklamo, pero ano ang mga prinsipyo ng iyong pagsasagawa? Ang pagsasagawa mo ay ganap na nagmumula sa mga kagustuhan ng iyong mga tiwaling disposisyon, nagmumula sa mga maling kaisipan at pananaw, nagmumula sa mga makasariling intensyon, nagmumula sa mga ambisyon at pagnanais, nagmumula sa mga damdamin, at nagmumula sa pagkamainitin ng ulo—ganap itong ginagabayan ng iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ay isang buhay na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, hindi isang buhay na nagbubunyag ng katotohanan. Bukod sa hindi ito tinatandaan ng Diyos, kokondenahin din Niya ito. Dapat mong subukan ang lahat ng magagawa mo para ang isinasabuhay mo, ang mga salitang sinasabi mo at ang mga bagay na ginagawa mo, at ang mga kaisipan at pananaw na ibinubunyag mo ay pawang naaayon sa katotohanan; para ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw na iyon na nabubuo ng mga tiwaling disposisyon ay mabawasan nang mabawasan sa iyong puso; at para ang iniisip mo sa iyong puso at ang iyong mga pananaw tungkol sa mga usapin ay pawang nauugnay sa katotohanan, at pawang naaayon sa katotohanan. Dapat kang maghangad at tumuon sa aspektong ito, at pagkatapos ay dadami nang dadami ang mga pagbabago sa loob mo, at bubuti nang bubuti ang kalagayan mo. Sa panahon ngayon, maraming tao ang kayang magsalita ng mga salita at doktrina, nang binibigkas ang mga ito nang malinaw at lohikal, pero pagdating sa pagsasalita tungkol sa katotohanang realidad, wala silang nasasabi, at hindi nila kayang magpahayag kahit kaunti ng praktikal na pagkaunawa. Ano ang nangyayari dito? (Wala kaming katotohanan.) Ang iyong buhay ay ang buhay pa rin ng mga tiwaling disposisyon, ang buhay ni Satanas, at hindi ito ang buhay ng katotohanan.

Naunawaan ba ninyo ang kakatapos lang nating pagbahaginan? Kung tunay ninyong kinikilala na ang inyong mga tiwaling disposisyon ay hindi pa naiwaksi at na namumuhay pa rin kayo ayon sa mga tiwaling disposisyon, magiging negatibo ba kayo? (Ngayon lang, nang marinig kong sinabi ng Diyos na hindi pa nagbabago ang aming mga tiwaling disposisyon, nakaramdam ako ng malaking agwat sa puso ko, nang iniisip na palagian kong kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos sa lahat ng taon na ito, at tumuon ako sa pagsasagawa sa katotohanan sa mga partikular na sitwasyon—kaya paanong hindi pa rin nagbabago ang mga tiwaling disposisyon ko? Medyo nadismaya at naging negatibo ako. Pero sa pamamagitan ng unti-unting pagbibigay-gabay at pakikipagbahaginan ng Diyos, naunawaan ko na nagpapakita lang ako ng ilang panlabas na mabuting pag-uugali, pero namamahala pa rin sa kalooban ko ang mga tiwaling disposisyon ko; talaga ngang wala pang naging anumang pagbabago. Sinabi ng Diyos na kapag gumagawa ng mga bagay, dapat munang magbulay-bulay ang mga tao, at na gaano man kaganda ang mga ideya nila, hindi kinakatawan ng mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, at na dapat nilang makita kung ano ang sinasabi ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, at magsanay sila sa paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa tuwing may ginagawa sila, at pagkatapos ay unti-unting magbabago ang kalagayan nila. Pagkatapos kong marinig ang pakikipagbahaginan ng Diyos, tila nakakita uli ako ng pag-asa, at nadama ko na mayroong landas, at hindi na ako negatibo.) Mali ang maging negatibo; hindi ka dapat maging negatibo sa ilalim ng anumang mga sitwasyon. Ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ay ang dakilang usapin ng pagtatamo ng kaligtasan. Habang mas tiwaling disposisyon ang isang bagay, mas dapat kang tumuon sa paglutas nito. Dapat gawin mo ang lahat ng makakaya mo at ibigay mo ang buong atensiyon mo rito. Hindi ka maaaring maging negatibo, at hindi ka maaaring sumuko. Bagama’t nagsisimula na kayo ngayon na tumuon sa paghahangad sa katotohanan, minsan ay hindi pa rin ninyo alam kung paano magsagawa. Ang pakikipag-usap sa inyo ngayon tungkol sa landas ng pagsasagawa ay mas kapaki-pakinabang para sa inyong buhay pagpasok, at kasabay nito, maaari itong magdulot na lumitaw ang isang pakiramdam ng krisis sa inyo, at magbigay-kakayahan sa inyo na tumuon sa katotohanan, at maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Huwag maging kampante, at huwag makontento sa kasalukuyan ninyong sitwasyon. Naging masunurin at maganda lang ang asal ninyo, at medyo mas makatwiran na kayo kaysa dati, pero malayo pa rin kayo sa pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ninyo! Madaling makita ang mga katunayan, kaya ano ang silbi ng pagiging negatibo? Ang pagiging negatibo ay hindi nakakapaglutas ng mga aktuwal na problema. Dapat ninyong hanapin kung saan nagmumula ang problema at simulan ninyong subukan na lutasin ito mula roon. Hindi pa huli na magsimula ngayon. Kailan magiging huli na ang lahat? Magiging huli na ang lahat kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos. Mayroon ba kayong determinasyon na pumasok sa katotohanang realidad at makamit ang katotohanan bilang inyong buhay? (Ngayon ay mayroon na kaming ganitong determinasyon.) Ang totoo, hindi mahirap ang pagpasok sa katotohanang realidad. Pag-isipan ito, nasabi na ang maraming salita ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at labis na detalyado at partikular ang mga ito. Tila marami ang nilalaman, pero hindi nagbabago ang mga prinsipyo, at hindi nagbabago ang landas ng pagsasagawa. Kapag nagbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, sadyang sunggaban ang ideya o kaisipang iyon, at magbulay-bulay sa iyong puso, “Isa itong tiwaling disposisyon, kaya paano ko ito dapat lutasin? Hindi ko pa ito nalutas dati. Nananampalataya ako sa Diyos sa loob ng napakaraming taon na, pero tumuon lang ako sa mga panlabas na kilos at sa pagpapakitang-gilas, at hindi ko kailanman pinagbulay-bulayan ang katunayan na mayroon pa rin akong mga tiwaling disposisyon. Ngayon ay bigla kong natuklasan na mayroon akong gayong kaisipan sa loob ko. Saan nagmula ang kaisipang ito? Mula sa isang tiwaling disposisyon. Kung gayon ay paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito?” Magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at magtanong-tanong din sa mga tao sa paligid mo na mayroon nang mga karanasan; aakayin ka nila na hanapin ang katotohanan at lutasin ang problema. Kapag magkakasama ang lahat, dapat ninyong suportahan at tulungan ang isa’t isa, at maging maunawain kayo sa isa’t isa. Magkakapareho ang tayog ng lahat ng tao, at walang dapat tumingala o mangmaliit sa sinumang iba. Kung ang lahat ay nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa tulad nito, at unti-unting lumalago ang tayog ng lahat, sa huli, kayong lahat ay magkakasamang magtatamo ng kaligtasan at makakapasok sa kaharian, hindi ba’t magiging mabuti iyon? (Oo.) Sige, dito na natin tapusin ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!

Setyembre 9, 2023