Paano Hangarin ang Katotohanan (3) Ikalimang Bahagi
Tungkol sa konsensiya—ano ang sinabi natin dati na tinutukoy nito? Ito ay ang pagpapahalaga sa katarungan at kabaitan ng normal na pagkatao. Ang isang tao ay dapat na matuwid at mabait para masabing may konsensiya siya. Kaya, paano mapapabuti at maitataas ang pagiging matuwid at mabait ng normal na pagkatao pagkatapos manampalataya ng isang tao sa Diyos? Dapat itong itayo sa pundasyon ng pagkaunawa sa katotohanan. Ibig sabihin, pagkatapos maunawaan ng isang tao ang katotohanan, ang mga pamantayan ng kanyang pag-asal at pagkilos ay magiging isang positibong layon, na magkakaroon ng positibong epekto, halaga, at kabuluhan para sa kanyang sarili at para sa lahat. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan, titingnan at pangangasiwaan niya ang lahat ng bagay batay sa mga katotohanang prinsipyong itinuro ng Diyos. Sa mga mata ng iba, ang gayong tao ay napakamatuwid. Ano ang ibig sabihin ng pagiging matuwid? Ang pagiging matuwid ay nangangahulugan ng hindi pagkiling sa kaliwa o sa kanan, hindi pagkiling sa pagkamainitin ng ulo, sa mga damdamin, sa mga pribadong interes o sa mga ugnayan, o sa mga personal na intensyon, kundi sa halip ay ang pagsasagawa tungo sa pinakatama at pinakawastong layon, na siyang pinakakarapat-dapat sa pagrespeto, paghanga, at labis na pagpapahalaga ng mga tao—o, maaaring sabihin, ang pagsasagawa tungo sa isang layon na nakikita ng Diyos bilang mabuti at Kanyang sinasang-ayunan. Hindi ba’t superyor ito sa “pagiging matuwid” gaya ng tingin ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng pagiging matuwid na ito? Ganap itong alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos, at itinayo sa pundasyon ng konsensiya. Kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, nagtataglay siya ng mga paraan at prinsipyo para lutasin ang mga problema at pangasiwaan ang mga usapin, kaya hindi ba’t napakaperpekto ng konsensiya ng taong ito? Hindi ba’t napabuti ito? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t ang isang tunay na tao, ang isang tunay na nilikha, ay dapat magtaglay ng gayong konsensiya? Hindi ba’t dapat siyang magtaglay ng pagiging matuwid sa ganitong kahulugan? (Oo.) Ang isang tunay na tao ay dapat magtaglay ng pagiging matuwid sa kahulugang ito na nakaaayon sa katotohanan, sa halip na kung ano ang sinasabi ng mga tao—pagiging matatag na matuwid at walang kinikilingan, bukas at hayagan, o “ang isang tunay na lalaki ay walang itinatago at palaging naninindigan sa kanyang mga kilos.” Iyon ay pagkamainitin ng ulo, wala itong aktuwal na nilalaman, at ito ay ganap na pagpapanggap ng mga tao. Ang pagiging matuwid ay mayroong katotohanan bilang batayan nito; mayroong mga aktuwal na isinabuhay na pagsasagawa rito. Nangangahulugan ito na ang isang tao na may normal na pagkatao ay mayroong katotohanan bilang ang kanyang pinagmulan at panimula, at nagagawa niyang tratuhin at pangasiwaan ang iba’t ibang usapin nang ayon sa mga salita ng Diyos—ito ay tinatawag na pagiging matuwid. Higit pa rito, ang kabaitan ay hindi na kailangang ipaliwanag pa; sa pinakamababa, nahihigitan nito ang pamantayan ng konsensiya at katwiran. Sa loob ng kabaitan, walang pagpapaimbabaw, lalong walang kalupitan. Ito ay pagkilos nang ganap na batay sa mga paraan na kapaki-pakinabang at nakakapagpatibay sa mga tao, at na kasabay nito ay naaayon din sa mga hinihingi ng Diyos; ito ay pagkilos nang ganap na batay sa layon at mga pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pagpapalugod sa Diyos, at pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang pinakamabait at pinakamagandang bagay sa ilalim ng langit, sa buong sansinukob. Ang isang tao na mayroong mga salita ng Diyos o katotohanan bilang ang kanyang buhay ay tiyak na mayroong pinakamabait na puso, dahil nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan, at ganap nitong natutugunan ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Dahil nagtataglay siya ng ganitong uri ng pagkatao, angkop na sabihin na siya ay matuwid, at angkop ding sabihin na siya ay mabait. Ito ay dahil nagagawa niyang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at hindi niya sinusunod ang kanyang mga damdamin o wala siyang mga ambisyon o pagnanais sa kanyang paggampan sa tungkulin, at hindi niya kinikimkim sa loob niya ang mga lason ng tradisyonal na kultura, at ang kanyang pamantayan para sa pagsukat ng moralidad at pagkatao ay hindi narurumihan ng anuman sa mga pilosopiya, kaisipan, o pananaw ni Satanas—ganap itong naaayon sa katotohanan. Kaya sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang pagkatao na naglalaman ng gayong konsensiya at katwiran ay lubos nang napabuti? (Oo.) Dahil ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng katotohanan, at dahil ang diwa ng buhay na kanyang isinasabuhay ay ang katotohanan, ang kanyang pagkatao na nagtataglay ng gayong buhay diwa ay perpekto. Kung ayaw ninyong marinig ang salitang “perpekto,” maaari Ko rin itong tawagin bilang “napabuti.” Sa pinakamababa, sa mga mata ng Diyos, siya ay napabuti at minamahal ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang kaunting kamalayan sa konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan na mayroon ang mga tao para ikintal ang Kanyang mga salita at katotohanan sa kanila. Kapag ikinikintal sa iyo ang katotohanan ng mga salita ng Diyos, hindi lang napapahina o natatago ang iyong konsensiya at katwiran, bagkus ay nagiging mas normal at napapabuti ang mga ito. Gayon ang sangkatauhan na gusto ng Diyos. Huwag nating sabihing perpekto, sabihin nating napabuti. Bakit hindi sasabihing perpekto? Kung sasabihin Kong perpekto, ang ilang taong walang espirituwal na pang-unawa ay magsasabi na, “Hindi ba’t sinabi Mo na huwag maging mga perpektong tao?” Kaya kailangan Kong iwasan ang salitang ito, sakaling magkamali ng pagkaunawa ang ilang tao. Ang totoo, kapag ang isang bagay ay napabuti sa mga mata ng Diyos, sa gitna ng nilikhang sangkatauhan ay masasabi na ito ay perpekto. Ang pagiging perpektong ito ay hindi ang pagiging perpekto sa mga imahinasyon ng mga tao, bagkus ay isang maganda at mabuting bagay, isang puwersa ng katarungan, at isa ring positibong bagay, na karapat-dapat sa papuri, pag-aasam, pagmamahal, pagrespeto, at pagpapahalaga ng mga tao. Samakatwid, kung gusto mo na ang iyong konsensiya ay hindi lang manatili sa hindi pagtawid sa pinakamababang hangganan ng pagkatao sa iyong sariling asal, pero gusto mong gawing mas sensitibo at mas may kamalayan ang konsensiya mo, at ang iyong katwiran na tumugon sa mga hinihingi ng Diyos, kung gayon ay may iisang landas ka lang. Ang landas na ito ay hindi ang malampasan ang iba’t ibang kapintasan at depekto ng pagkatao, kundi ang paghahangad sa katotohanan, pagsusumikap sa iba’t ibang katotohanan na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at pag-unawa sa kung ano ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos para sa iyo pagdating sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at kung paano mo dapat tingnan, tratuhin, at pangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito. Ang Diyos ay may mga hinihinging prinsipyo at pamantayan para sa lahat ng aspektong ito. Ano ang iyong gampanin? Ito ay ang magsagawa tungo sa direksyong ito, sa layong ito, ayon sa mga pamantayang ito. Una, hanapin at unawain kung ano ang mga pamantayan para sa pagsasagawa sa katotohanan. Susunod, humingi sa iyong sarili ayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, habang kasabay nito ay binibitiwan mo ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, tuntunin, regulasyon, at iba pa sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon na hindi naaayon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Pagkatapos, hayaan ang mga salita ng Diyos na unti-unting maging mga prinsipyo mo ng pagsasagawa. Habang natututong bumitiw, huwag kalimutan: Ang layon ng pagbitiw ay hindi para gawin kang isang taong hungkag ang puso; gusto ng Diyos na ang buhay mo ay magkaroon ng nilalaman. Ano ang tinutukoy ng nilalamang ito? Tinutukoy nito ang mga hinihinging prinsipyo ng Diyos para sa iba’t ibang usapin. Siyempre, ayaw ng Diyos na gawin ng mga tao na mga hungkag na teorya ang iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawa, nang pinag-uusapan lang ang mga ito pero hindi isinasagawa ang mga ito. Sa halip, umaasa Siya na magagawa ng mga tao na mariing gawin ang mga katotohanang prinsipyong ito bilang bahagi ng kanilang buhay, at dalhin ang mga salita ng Diyos sa kanilang tunay na buhay. Gamiting halimbawa ang paggawa ng isang tungkulin—anong pamantayan ang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa aspektong ito? Ito ay ang umasal sila sa isang praktikal na paraan at nang ayon sa kanilang wastong posisyon. Ibig sabihin, sa paggawa ng tungkulin mo, dapat kang maging praktikal, hindi ka dapat maging pabasta-basta o padalos-dalos, hindi mo dapat na iraos lang ang mga bagay-bagay, o gampanan ito para makita ng iba, at hindi ka rin dapat magpakitang-gilas; siyempre, ang lalong mas mahalaga ay na dapat kumilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang kumilos sa paraang sinasabi sa iyo ng Diyos, at dapat kang umiwas sa paggawa sa mga bagay na sinasabi ng Diyos na huwag mong gawin. Kung hindi mo magawang ganap na umiwas sa paggawa sa mga bagay na iyon, magsimula ka sa pagbabawas sa paggawa ng mga iyon, maghimagsik ka laban sa sarili mong mga pagnanais at sa sarili mong mga kagustuhan, at unti-unti mong ganap na iwasan ang paggawa ng mga ito—hindi ba’t madali itong makamit? (Oo.) Sa proseso ng paghahangad ng kaligtasan, dapat mong lutasin at bitiwan ang iba’t ibang tiwaling disposisyong inilalantad ng mga salita ng Diyos. Siyempre, ang pagbitiw sa mga tiwaling disposisyong ito ay hindi ang pinakalayon. Ang pinakalayon, sa paunang kondisyon ng pagbitiw sa mga tiwaling disposisyong ito, ay ang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos. Ang pagtanggap sa mga ito ay hindi alang-alang sa pagbabago ng iyong lagay ng loob, ni hindi ito alang-alang sa pagbibigay-kakayahan sa iyo na mamuhay nang may dignidad; ito ay alang-alang sa pagwawaksi sa iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang pinakalayon, dahil magagawa mo lang magtamo ng kaligtasan pagkatapos mong maiwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon.
Ang pinakamalaking balakid sa pagtatamo ng mga tao ng kaligtasan ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang iyong mababang pinag-aralan, katandaan, o hindi matatas na paraan ng pagsasalita at kawalan ng abilidad na ipahayag ang iyong sarili—wala sa mga ito ang pinakamalalaking balakid sa kaligtasan. Ang iyong mahinang mga propesyonal na kasanayan sa iyong tungkulin at ang iyong kawalan ng abilidad na maintindihan ito—hindi rin ito ang pinakamalaking balakid sa iyong kaligtasan. Kung gayon ay ano ang pinakamalaking balakid sa kaligtasan? Ito ay ang mga tiwaling disposisyon mo. Siyempre, ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng tao na inilalantad sa mga salita ng Diyos ay hindi madaling lutasin para sa mga tao. Ito ay hindi dahil ayaw ng mga tao na bitiwan ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ni hindi dahil lipas na ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at siyempre, lalong hindi ito dahil sa mga depekto o kapintasan sa kanilang pagkatao, ni hindi rin dahil ang mga tao ay manhid, mabagal ang reaksiyon, at iba pa—wala sa mga ito ang ugat ng problema. Kung gayon ay bakit? Ito ay dahil lamang sa ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay nag-ugat na sa kanilang puso, hindi dahil lamang nais ng mga tao ay magagawa na nilang iwaksi ang mga ito, kung kaya ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay madalas na lumalabas para magdulot ng mga kaguluhan at mga problema habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, ipagpalagay na isa kang lider ng iglesia, at may ginawa kang mali at pinungusan ka. Sa ganoong kaso, dapat mo itong tanggapin, aminin mo na may ginawa kang mali, maging handa kang magsisi, at baligtarin mo ang maling pamamaraang iyon at kumilos ka nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Isa itong napakasimpleng usapin, pero hindi mo ito kayang gawin. Pinagbubulay-bulayan mo na, “Pinungusan ba ako nang ganito dahil hindi sila nalulugod sa akin at gusto nila akong tanggalin?” Lumilitaw sa puso mo ang mga reklamo at maling pagkaunawa, at sinusubukan mo pa ngang makipagtalo sa Diyos na, “Dahil hindi Ka nalulugod sa akin at gusto Mo akong tanggalin at itiwalag, sige, linawin natin ito. Nagsimula akong manampalataya sa Diyos sa edad na labingwalo, naging lider ako sa lahat ng mga taon na ito, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon, at isinuko ko ang pag-aasawa at pagpapamilya—paano mabibilang ang mga ito?” Habang mas nagkakalkula ka, mas lalo kang nag-iinit. Ito ba ay kawalan lang ng abilidad na bumitiw? Hindi. Bakit hindi mo magawang bitiwan ang mga bagay na ito? May ugat na problema rito. Kapag pinupungusan ka, pakiramdam mo ay naagrabyado ka, nagrereklamo ka at nakakaramdam ka ng pagtutol sa iyong puso, at sinusubukan mo ring makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo, at hinihiling mo pa nga sa iba na ipagtanggol ka. Bakit ka kumikilos nang ganito? (Dahil mayroon kaming mga tiwaling disposisyon.) May iisang dahilan lang, iisang ugat na sanhi: May mga tiwaling disposisyon ka na hindi pa nalulutas. Sasabihin ng ilan sa inyo na, “Dahil ba ito sa hindi sapat ang aking likas na kakayahan at abilidad at hindi ko kayang gawin ang gawain?” Posible na, para sa ilan sa inyo, isa ito sa mga dahilan; dahil sa mahinang kakayahan ay hindi mo kaya ang gawain, at hindi mo rin nauunawaan ang katotohanan, kaya gumagawa ka ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Talaga bang dahil lang ito sa mahina ang kakayahan mo? Isang aspekto lang iyon. Ang ugat na problema ay na may isyu sa iyong konsensiya. Ang isyung ito sa iyong konsensiya ay direktang nauugnay sa iyong mga tiwaling disposisyon. Gumawa ka ng mga bagay na nagdulot ng mga paggambala at panggugulo at pinungusan ka—paano mo dapat harapin ito? Paano mo hinaharap ang usapin ng kawalan mo ng kakayahan para sa gawain? Kung kaya mong isagawa ang katotohanan, hindi mga problema ang mga ito, at kaya mong harapin ang mga ito nang tama. Pero paano umaasal ang karamihan ng tao kapag nahaharap sila sa ganitong mga bagay? Sinusubukan nilang makipagtalo, nagrereklamo sila, nagiging negatibo sila, at nagsasalita pa nga sila nang may pagkamainitin ang ulo, “Hindi ba’t dahil lang ito sa iniisip mo na mahina ang kakayahan ko at na wala akong kapabilidad? Hindi ba’t ibinigay sa akin ng Diyos ang kakayahang ito? Pero nagrereklamo ka na hindi ko kayang gawin ang gawain! Kung hindi ka nalulugod sa akin, dapat ay sinabi mo nang maaga pa lang!” Kung ginamit ang medyo mas malulupit na salita habang sila ay pinupungusan, iniisip nila na, “Wala na ba akong pag-asa na magkamit ng mga pagpapala? Nanganganib ang katayuan ko sa buhay na ito, at marahil ay wala na rin akong pag-asa sa mundong darating.” Mayroon ba silang anumang intensyon na hanapin ang katotohanan? Kaya ba nila sa puso nila na magpasakop? Hindi madali para sa kanila na magpasakop. Sa pinal na pagsusuri, ang lahat ng pagpapamalas na ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Mahina ang kakayahan mo at hindi mo kayang gawin ang gawain—isa lang iyon sa mga likas na kapintasan o depekto ng pagkatao; hindi iyon isang problema. Kahit na matindi ang mga likas mong kapintasan at depekto at hindi mo kaya ang gawain, hindi ka inaayawan o kinamumuhian ng Diyos kahit kaunti. Pero, bukod sa hindi mo kaya ang gawain, hindi mo nakikilala ang sarili mong mga problema, at nagrereklamo ka rin, at nakadarama ka ng paglaban, at sa huli ay nagiging negatibo ka at tinatalikuran mo ang gawain mo—ano ito? Ito ay mga tiwaling disposisyon. Ito ang kailangan mong lutasin. Tama ba? (Oo.) Pagkatapos malutas ang mga tiwaling disposisyon mo, magiging angkop kang gamitin sa gawain na kaya ng iyong kakayahan at ng mga kondisyon ng iyong pagkatao. Pero, kung hindi mo lulutasin ang mga tiwaling disposisyon mo, at hindi mo kayang magsagawa ayon sa katotohanan, hindi mo magawang magpasakop sa pagpupungos, o magpasakop sa paglalantad, gaano man kahusay ang kakayahan mo, gaano man kasuperyor ang mga kondisyon ng pagkatao mo, hindi ka magiging angkop na gamitin. Nauunawaan mo ba? (Nauunawaan.) Sabihin sa Akin, ano ang punto ng pinagbahaginan natin ngayon lang? (Sa pananampalataya sa Diyos, ang pinakamahalagang bagay ay ang makilala ang sariling mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang dapat na bigyang-diin ay ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, hindi ang mga panlabas na depekto o kakulangan ng pagkatao ng isang tao. Kapag nahaharap tayo sa mga sitwasyon, palagi tayong nagiging abala sa mga panlabas na usapin, sa pundamental ay hindi natin magawang lutasin ang mga esensiyal na problema, at hindi rin natin magawang makamit ang pagpapasakop sa pagpupungos o ang pagpapasakop sa mga kapaligirang inihahanda ng Diyos.) Kung malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, at sa mga usaping nakakaharap mo, naaarok mo ang mga katotohanang prinsipyo, at alam mo kung paano pangasiwaan ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, magiging angkop kang gamitin sa paggawa ng tungkulin mo. Mataas man o mababa ang kakayahan mo at gaano man karami ang talento mo, kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, kahit saang posisyon ka ilagay, hindi ka magiging angkop na gamitin. Sa kabaligtaran, kung limitado ang iyong kakayahan at mga abilidad, pero nauunawaan mo ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, kabilang na ang mga katotohanang prinsipyong dapat mong maunawaan at maarok sa loob ng saklaw ng gawain mo, at nalutas na ang iyong mga tiwaling disposisyon, ikaw ay magiging isang taong angkop na gamitin. Nauunawaan mo ba? Maaaring kailangan muna ninyong pagbulay-bulayan ang mga salitang ito nang ilang panahon para ganap na maunawaan ang mga ito.
Sa kasalukuyan, ang karamihan ng tao ay umaasa pa rin sa mga kaloob at sumusunod pa rin sa mga regulasyon sa paggawa ng kanilang tungkulin. Basta’t hindi sila nagkakasala o gumagawa ng kasamaan, naniniwala sila na natupad na nila ang kanilang tungkulin. Hindi sila tumutuon sa paghahangad sa katotohanan at sa pagninilay sa kanilang sarili para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang karamihan ng tao ay nagiging abala lang at naiipit sa mga pamamaraan at pag-uugali, pero hindi sila tumutuon sa paghahanap sa katotohanan at sa pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo. Kontento na sila sa paggawa lang ng kung ano ang kaya nila, nang sinusubukang huwag magdulot ng mga paggambala o panggugulo, o na huwag manabotahe ng mga bagay, at iyon na iyon. Ang karamihan ng tao ay hindi pa nakakaranas ng pagpupungos o paglalantad, ni hindi pa sila nakakaranas ng pagkastigo at paghatol, lalong hindi pa nila nararanasan ang yugto ng matitinding pagsubok, kaya ang mga tiwaling disposisyon ng karamihan ng tao ay hindi pa nagsisimulang magbago. Hindi ito magandang balita, pero isa itong katunayan. Magbibigay Ako ng isang halimbawa, at pagkatapos ay malalaman ninyo kung ano ang nangyayari. Tingnan mo, karamihan ng taong gumagawa ng mga tungkulin ngayon ay mga ordinaryong tagasunod; wala silang katayuan, at wala pa sila sa punto kung saan ginagampanan nila ang isang aytem ng gawain habang mayroong katayuan at kapangyarihan. Ang batayang prinsipyong isinasagawa ng karamihan ng tao ay ang maging masunurin at mapagpasakop. Iniisip nila na, ano’t anuman, ang mga lider ay nakikipagbahaginan ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng ang Itaas, kaya ginagawa lang nila kung ano ang hinihingi ng mga lider, sa paraang hinihingi sa kanila ng mga lider na gawin ito, at iniisip nila na hindi na kailangang kilatisin ang tama o mali o na siyasatin kung ito ba ay naaayon sa katotohanan, at na basta’t hindi sila nakakagawa ng mga pagkakamali, ayos lang ito. Ito ba ay pagkakaroon ng mga katotohanang prinsipyo bilang ang buhay ng isang tao? (Hindi.) Kung gayon ay sa ilalim ng anong mga sitwasyon matitiyak na mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay? Ito ay kapag napili ka bilang isang lider para gumawa ng gawain ng iglesia; ito ang pinakanagbubunyag sa mga tao. Kung ikaw man ay may mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin at gaano man karami sa iyong mga tiwaling disposisyon ang naibubunyag mo ay makakapagpatunay kung mayroon ka bang katotohanang realidad, at kung ikaw ba ay nababagay na maging isang lider o manggagawa. Kung magbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon, paano mo ito dapat tratuhin? Dapat mo bang buksan ang sarili mo at magbahagi ka tungkol sa katotohanan, o itago ang sarili mo at magbalatkayo? Ito rin ang panahon kung kailan pinakanabubunyag ang mga tao. Karamihan ng tao sa iglesia ay hindi magawang tingnan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo; sa halip, tumitingin at nagkokomento sila sa mga bagay ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at batay sa kanilang mga kagustuhan. Iniisip ng karamihan ng tao na, “Hangga’t hindi ako nakakagawa ng malalaking pagkakamali sa aking tungkulin, at pinapanatili kong tumatakbo ang gawain gaya nito, sapat na iyon. Kung makakagawa ako ng malaking pagkakamali at mabubukod ako para sa pagninilay-nilay sa sarili o malilipat sa isang grupong B, sadyang malas lang ako kung ganoon.” Ano ang inilalarawan ng sitwasyong ito? Bagama’t nagagawa mong maging masunurin at mapagpasakop sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, nang ginagawa ang anumang ipinapagawa, hindi ito nangangahulugan na mayroon kang katotohanan bilang buhay mo, at hindi ito nangangahulugan na isa kang taong nagpapasakop sa Diyos. Kapag ikaw ay napili bilang isang lider at natamo mo ang ganoong katayuan, mabubunyag ka. Bakit? Kapag may katayuan ka na, gagawin mo ang anumang gusto mo, ikaw ang mamamahala sa lahat ng bagay, igigiit mo ang ganap na pangingibabaw, at magtatatag ka ng nagsasariling kaharian; kikilos ka batay sa pagkamainitin ng ulo, batay sa iyong mga tiwaling disposisyon, at batay sa sarili mong mga pagnanais at ambisyon. Kaya, hindi ka pa rin angkop na gamitin. Hanggang ngayon, masasabi na siyamnapu’t siyam na porsiyento ng mga tao ang nasa ganitong uri ng kalagayan at kondisyon. Bagama’t karamihan ng tao ay ginagawa ang kanilang tungkulin sa loob ng maraming taon at sa panlabas ay naging medyo masunurin at mabuti ang asal, nangangahulugan ba ito na wala na silang mga tiwaling disposisyon? (Hindi.) Ang kanilang pag-uugali ay hindi na imoral, sa panlabas ay mabuti ang asal nila, at mukha silang may kaunting anyo ng isang banal, pero hindi nagbago kahit kaunti ang kanilang mga tiwaling disposisyon dahil hindi nila aktibong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Kapag lumilitaw ang mga problema sa kanilang gawain, sila man ay pinupungusan ng mga lider o ng ang Itaas, ang pinakamaiisip nila, “Sige, kung sasabihin nila sa akin na itama ito, itatama ko ito. Magtitiis na lang ako ng kaunti pang paghihirap, gugugol ng kaunti pang panahon, at magmamadali akong gawin itong muli.” Mayroon lang silang ganitong uri ng saloobin at mentalidad. Hindi ito kumakatawan sa pagpapasakop sa katotohanan, at hindi ito kumakatawan sa tunay na pagpapasakop. Saan nagmumula ang ganitong mentalidad? Nagmumula ito sa katunayan na, sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang mga tao ay may positibong pag-aasam, pag-aasam na maging mabubuting tao, pag-aasam na maging mga nilikhang pasok sa pamantayan. Ang hangaring ito ay nagdudulot ng ganitong uri ng mentalidad sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao at sa kanilang paggampan sa kanilang tungkulin; sa pananalita ng tao, ito ay: “Huwag magdulot ng gulo, umasal tayong lahat nang mabuti.” Ano ang tinutukoy ng “umasal nang mabuti”? Isa ba itong katotohanang prinsipyo? Hinihimok ka lang nito na sumunod, tumalima sa mga tuntunin, at huwag magdulot ng gulo. Ito ang pinakamababang hinihingi sa mga tao, at malayo ito sa pagiging isang katotohanang prinsipyo. Kung gayon ay ano ang katotohanang prinsipyo? Ito ay na dapat mong aktibong hanapin ang mga layunin ng Diyos. Kapag nagbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon, kapag mayroon kang mga makasariling pagnanais o nagbubunyag ka ng pagkamainitin ng ulo, kapag ang mga tiwaling disposisyon ay nagdudulot na lumitaw sa loob mo ang isang kalagayan, dapat aktibo mong ikumpara ang mga pagpapamalas na ito sa mga salita ng Diyos. Nang may kaliwanagan, gabay, pagtulong, pagsuporta ng Diyos at maging ng mahigpit na paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, unti-unti, nababago mo ang saloobin mo sa mga salita ng Diyos, tumataas nang tumataas ang antas ng pagtanggap mo sa mga salita ng Diyos, at mas kinikilala mo at nagsasabi ka ng Amen sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay tinatanggap mo ang mga salita ng Diyos sa sarili mo, binibitiwan mo ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw, at hindi ka na kumakapit sa pamana ng tao; nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at nagagawa mong pangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at baguhin ang iyong perspektiba, paninindigan, at pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay, ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang landas sa paglutas sa iyong mga tiwaling disposisyon. Kung gayon, mayroon na ba kayo ngayong ganitong uri ng aktibong pagsasagawa? Tingin Ko, siyamnapu’t siyam na porsiyento ng mga tao ay wala nito. Ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng karamihan ng tao ay tungkol sa pagdanas ng isang kapaligirang pumilit sa kanila na kumilos sa isang partikular na paraan at sa pagkakamit ng “pagpapasakop sa Diyos” sa mga kilos nila. Tuwang-tuwa sila sa sarili nila, iniisip nilang mayroon silang katotohanang realidad. Bagama’t nagsulat ka ng isang artikulo ng patotoo, ang totoo ay tungkol ito sa pagyayabang, pagpapatotoo sa sarili mo, at pagtatatag sa sarili mo: “Tingnan ninyo, may patotoo ako. Hindi ko binigo ang Diyos. Pinanghawakan ko ang tungkulin ko sa kapaligirang ito!” Ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng ibang tao ay tungkol sa kung paanong, pagkatapos na mapungusan, nagnilay-nilay sila at nagkaroon ng pagkatanto, napagtanto nila na pabasta-basta sila at na hindi nila napalugod ang Diyos, at ngayon ay handa na silang magsisi. Kahit na may panahon ng pagpapakita ng pagsisisi, kung saan tila hindi na sila nagiging pabasta-basta, nagbago ba ang mga tiwaling disposisyon nila? Hindi. Kapag walang nakakakita, napakayabang pa rin nila at mapangdikta. Ang paninindigan, perspektiba, at mga pananaw nila sa pagtingin at pagharap sa mga tao at bagay ay hindi talaga batay sa mga salita ng Diyos. Kaya hindi pa talaga nagsisimulang magbago ang mga tiwaling disposisyon nila! Kaya, ano ang pagbabagong binabanggit mo? Pagbabago lang ito sa pag-uugali, estilo ng pamumuhay, at maaaring sa tono, paraan ng pagpapahayag, at estilo ng pakikitungo mo sa iba at pangangasiwa sa mga usapin. Lumakas din ang pananalig mo; nagagawa mong hanapin ang katotohanan pagkatapos na dumaan sa maraming pagkakataon ng pagkakapungos sa iba’t ibang kapaligiran, at ngayon ay nauunawaan mo na ang maraming katotohanan, at mas matatag na kaysa dati ang determinasyon mong sumunod sa Diyos—nagbago na ang lahat ng aspektong ito. Dahil sa mga pagbabagong ito, ang mga tao ay nagkakaroon ng higit na kumpiyansa na magkamit ng kaligtasan, nagiging mas handang hangarin ang katotohanan, at nagkakaroon ng higit na pag-asa at nagiging mas positibo tungkol sa pagsunod sa Diyos. Anumang mga pagsubok o kapighatian ang makaharap nila, hindi sila magiging masyadong negatibo na tatalikuran na nila ang pananalig nila. Gayumpaman, ang mga ito ay mga pagbabago lang sa kung ano ang panlabas na isinasabuhay sa normal na pagkatao. Ang mga medyo positibo at maagap na kaisipan at pananaw na ito ay unti-unting umookupa sa puso ng mga tao. Ang mga pagbabagong ito ay mga tanda na nagigising at muling nabubuhayan ang puso nila. Ibig sabihin, ang mga tao ay nagiging mas maagap at mapagmithiin, at mas nag-aasam ng mga positibong bagay, nagiging mas tiwala sa paghahangad sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa Kanyang mga hinihingi. Natural na mayroon din silang mas malinaw na konsepto tungkol sa pinakamahalagang gawaing ginagawa ng Diyos—ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Batay sa mga kondisyong ito, maraming tao ang gumagawa ng mga tungkulin nila sa mas praktikal na paraan, sa paraang mas tumatalima sa mga tuntunin, at mas masunurin kaysa dati. Bumubuti ang kahusayan sa mga tungkulin nila, partikular na sa teknikal na gawain, na umuusad na nang mas mabilis ngayon. Hindi na sila kasingbagal ng dati, noong inaabot ng isang linggo o higit pa ang mga gampaning pang-ilang araw lang dapat—ngayon ay may mga resulta na sa loob lang ng ilang araw. Siyempre, mabuting balita ito. Pero ano ang masamang balita? Ito ay na ang mga ibinubunyag at ipinapakita ninyo ay mga pagbabago lang sa pag-uugali, kaisipan, at mentalidad, at ilang tanda ng medyo positibo, maagap, at optimistikong elemento na napukaw sa inyong isipang di-malay. Gayumpaman, ang mga tandang ito ay hindi nangangahulugan na nagsimula nang magbago ang mga tiwaling disposisyon ninyo. Hindi masyadong maganda ang balitang ito, hindi ba? (Hindi.) Bagama’t hindi ito masyadong maganda, isa itong di-maiiwasang proseso para magkamit ng kaligtasan ang tiwaling sangkatauhan. Ganito kakaawa-awa at kahirap ang mga tao, ganito sila kawalang-gulang, at ganito kabagal ang pag-usad ng kanilang buhay pagpasok at ang pagwawaksi nila ng mga tiwaling disposisyon. Ang pundamental na dahilan sa mabagal na pag-usad na ito ay dahil ang gayong sangkatauhan ay walang pakultad na tanggapin ang katotohanan, at ganito sila kamanhid sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa anumang bagay na nagmumula sa Diyos.