Paano Hangarin ang Katotohanan (3) Ikalawang Bahagi

Ang mga taong namumuhay sa normal na pagkatao ay nalilimitahan din ng maraming instinto ng katawan at ng maraming pangangailangan ng katawan. Halimbawa, minsan ay maaaring inaantala ng mga tao ang paggawa sa kanilang mga tungkulin sa loob ng ilang araw dahil sila ay masyadong pagod o may sakit at nangangailangan sila ng pahinga; minsan, dahil sa isang tensiyonadong kapaligiran, maaaring makaramdam sila ng takot at hindi nila magawang kumalma para gumawa ng kanilang mga tungkulin; o maaaring madalas silang makaramdam ng pagkakautang at kalungkutan sa puso nila dahil, sa kanilang limitadong kakayahan at mga abilidad, hindi nila kayang maging mahusay sa isang partikular na uri ng gawain o ng tungkulin—ang lahat ng ito ay mga normal na pagpapamalas na nabibilang sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Kung minsan ay maaaring nalilimitahan ang mga tao ng mga damdamin at pangangailangan ng katawan, at minsan ay maaaring sumasailalim sila sa mga limitasyon ng mga instinto ng katawan, o sa mga limitasyon ng oras at personalidad—ito ay normal at natural. Halimbawa, may ilang tao na labis na introvert mula pa noong bata sila; hindi sila mahilig magsalita at nahihirapan silang makipag-ugnayan sa iba. Kahit nasa hustong gulang na sila sa edad na trenta o kuwarenta, hindi pa rin nila mapangibabawan ang personalidad na ito: Hindi pa rin sila magaling magsalita o mahusay sa mga salita, hindi rin sila magaling sa pakikipag-ugnayan sa iba. Pagkatapos nilang maging lider, medyo nagiging limitasyon at hadlang sa kanilang gawain ang personalidad nilang ito, at dahil dito ay madalas silang nababagabag at nadidismaya, kaya’t nararamdaman nilang nalilimitahan sila. Ang pagiging introvert at hindi pagkahilig na magsalita ay mga pagpapamalas ng normal na pagkatao. Dahil ang mga ito ay mga pagpapamalas ng normal na pagkatao, maituturing ba na mga pagsalangsang sa Diyos ang mga ito? Hindi, hindi mga pagsalangsang ang mga ito, at tatratuhin ng Diyos nang tama ang mga ito. Anuman ang iyong mga problema, depekto, o mga kapintasan, hindi isyu ang mga ito sa mga mata ng Diyos. Tinitingnan lang ng Diyos kung paano mo hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa daan ng Diyos sa ilalim ng mga likas na kalagayan ng normal na pagkatao—ang mga ito ang tinitingnan ng Diyos. Kaya, sa mga usaping nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo, huwag hayaan na paghigpitan ka ng mga pangunahing kondisyon tulad ng kakayahan, mga instinto, personalidad, mga kagawian, at mga pattern ng pamumuhay ng normal na pagkatao. Siyempre, huwag mo ring igugol ang iyong enerhiya at panahon sa pagsubok na pagtagumpayan ang mga pangunahing kondisyong ito, o sa pagsubok na baguhin ang mga ito. Halimbawa, kung mayroon kang introvert na personalidad, at hindi ka mahilig magsalita, at hindi ka mahusay sa mga salita, at hindi ka magaling makipag-ugnayan at makisalamuha sa mga tao, wala sa mga bagay na ito ang mga problema. Bagama’t mahilig magsalita ang mga extrovert, hindi lahat ng sinasabi nila ay kapaki-pakinabang o naaayon sa katotohanan, kaya ang pagiging introvert ay hindi isang problema at hindi mo kailangang subukang baguhin ito. Maaaring sabihin mo na, “Kung isa akong ordinaryong tagasunod, hindi magiging problema para sa akin na magkaroon ng introvert na personalidad; pero ngayon ay isa na akong lider, kaya hindi ba’t dapat kong baguhin ang introvert na personalidad ko?” Kung talagang gusto mo itong baguhin, maaari mong subukang pag-aralan kung paano makipag-ugnayan sa iba, o gumawa ng tuntunin para sa kung gaano karami ang sasabihin mo, kung gaano karaming usapin ang pangangasiwaan mo, at kung ilang uri ng mga tao ang pakikitunguhan mo sa isang araw. Kung talagang mayroon ka ng abilidad na baguhin ang iyong likas na personalidad, siyempre, hindi awtomatiko na isa itong masamang bagay sa usapin ng paggawa mo sa gawain ng Iglesia. Gayumpaman, kung ipinanganak ka na may introvert na personalidad at hindi ka magaling sa mga salita, at hindi ka mahusay na makihalubilo, at hindi ka marunong makipag-usap o makisalamuha sa iba, walang makapagbabago nito. Ang ilang tao ay may introvert na personalidad, ayaw nilang makisalamuha o makipag-usap sa iba, at dagdag pa rito, wala silang gaanong nasasabi. Palagi nilang nadarama na tama lang na magsabi ng isang bagay na kapaki-pakinabang, at na hindi na kailangang magsabi pa ng mga bagay na hindi kinakailangan, kaya ayaw nilang magsabi ng marami. Para sa ilang tao, maaaring ito ay dahil masyado pa silang bata at walang karanasan sa buhay at salat sa pananalita; para sa ibang mga tao, maaaring hindi na sila bata at mayroon na silang karanasan sa buhay, pero mayroon pa rin silang ganitong introvert na personalidad. Kung susubukan mong baguhin ang ganitong uri ng personalidad at gagamit ka ng lahat ng uri ng pamamaraan para baguhin ito, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, hindi mo ito kailanman mababago sa buong buhay mo, dahil hindi ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng gawain. Ang iyong mukha o hitsura man ay kamukha ng sa tatay mo, sa nanay mo o sa sinumang iba pang kamag-anak, hindi magbabago ang hitsurang ito, at higit pa rito, ang personalidad mo, sa partikular, ay hindi magbabago. Sinasabi ng ilang tao na, “Mahirap baguhin ang isang introvert na personalidad, kaya madali bang baguhin ang isang extrovert na personalidad?” Ganoon din kahirap na baguhin ang isang extrovert na personalidad. Mahilig magsalita ang mga extrovert at marami silang gustong sabihin; kung hihingin mo sa kanilang huwag magsalita o na bawasan ang pagsasalita, hindi nila magawang kontrolin ang sarili nila, at kung may sinumang magbabawal sa kanila na magsalita, para bang pinagkaitan mo sila ng kanilang buhay. Kung makikipag-ugnayan ang isang introvert sa isang extrovert, maiimpluwensiyahan ba nila ang isa’t isa? Maaaring medyo maimpluwensiyahan nila ang isa’t isa sa umpisa; alang-alang sa reputasyon, ang dalawang taong ito ay makikisama at magiging mapagparaya sa isa’t isa, o magiging matiisin at maunawain sa isa’t isa. Pero sa paglipas ng panahon, makikilala nila ang isa’t isa at magtatamo sila ng malinaw na ideya sa personalidad ng isa’t isa, at hindi na kailangan pang kumilos nang masyadong matiisin at mapagsaalang-alang sa isa’t isa, kaya mabilis silang babalik sa kanilang mga orihinal na kalagayan. Kung orihinal kang mayroong introvert na personalidad, introvert ka pa rin ngayon; kapag nagsasalita ka at nakikipag-usap, nagbibigkas ka lang ng kaunting salita o pangungusap, at wala ka nang iba pang nasasabi. Kung may magtatanong ng, “Lumabas ka ba?” Sasagot ka ng, “Oo.” Pagkatapos, kung tatanungin niya na, “Kailan ka bumalik?” sasagot ka, “Ngayon lang.” Hindi mo sinasabi kung ano ang nangyari, at hindi mo sinasabi kung ano ang gustong marinig ng taong iyon. Sa kabaligtaran, walang tigil na naglilitanya ng mga salita ang mga extrovert, na parang isang machine gun, at kahit na sumabat ka sa kanila, pagkalipas ng ilang saglit ay magpapatuloy sila sa pagsasalita. Madali bang mabago ang personalidad ng isang tao? (Hindi.) Ito ay isang bagay na mayroon ang bawat nilikhang tao nang ipanganak sila. Wala itong kinalaman sa mga tiwaling disposisyon o sa diwa ng pagkatao ng isang tao; isa lang itong kalagayang nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at isang paraan ng pagharap ng isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay. Ang ilang tao ay mahusay sa pagpapahayag ng kanilang sarili, samantalang ang iba ay hindi; ang ilan ay mahilig maglarawan ng mga bagay, samantalang ang iba ay hindi; ang ilan ay mahilig magsarili ng kanilang mga iniisip, samantalang ang iba ay ayaw na magkimkim ng kanilang mga iniisip, bagkus ay gustong ipahayag nang malakas ang mga ito para marinig ng lahat ang mga ito, at saka lang sila nagiging masaya. Ang mga ito ang iba’t ibang paraan ng pagharap ng mga tao sa buhay at mga tao, pangyayari, at bagay; ang mga ito ang mga personalidad ng mga tao. Ang personalidad mo ay isang bagay na taglay mo noong ipinanganak ka. Kung bigo kang baguhin ito kahit pagkatapos ng maraming pagtatangka, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, maaari ka nang tumigil ngayon; hindi mo kailangang magpakapagod nang husto. Hindi ito mababago, kaya huwag mo itong subukang baguhin. Anuman ang orihinal mong personalidad, iyon pa rin ang iyong personalidad. Huwag subukang baguhin ang iyong personalidad alang-alang sa pagkakamit ng kaligtasan; ito ay isang walang-katotohanang ideya—anumang personalidad ang mayroon ka, isa iyong obhetibong katunayan, at hindi mo ito mababago. Sa usapin ng mga obhetibong dahilan para dito, ang resultang nais na makamit ng Diyos sa Kanyang gawain ay walang kinalaman sa iyong personalidad. Kung makakamit mo man ang kaligtasan ay wala ring kaugnayan sa iyong personalidad. Dagdag pa rito, kung ikaw man ay isang taong nagsasagawa ng katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ay walang kinalaman sa iyong personalidad. Kaya, huwag mong subukang baguhin ang iyong personalidad dahil lang sa gumagawa ka ng ilang tungkulin o naglilingkod bilang isang superbisor ng isang partikular na aytem ng gawain—maling kaisipan ito. Ano ang dapat mong gawin kung gayon? Anuman ang iyong personalidad o likas na mga kondisyon, dapat mong sundin at isagawa ang mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, hindi sinusukat ng Diyos kung sumusunod ka sa Kanyang daan o kung makakamit mo ang kaligtasan batay sa iyong personalidad, o sa kung ano ang taglay mong likas na kakayahan, mga kasanayan, mga abilidad, kaloob, o talento, at siyempre ay hindi rin Niya tinitingnan kung gaano mo napigilan ang iyong mga instinto at pangangailangan ng katawan. Sa halip, tinitingnan ng Diyos kung, habang sinusundan mo ang Diyos at ginagawa ang iyong mga tungkulin, isinasagawa at dinaranas mo ba ang Kanyang mga salita, kung mayroon ka bang kahandaan at determinasyong hangarin ang katotohanan, at sa huli, kung nakamit mo ba ang pagsasagawa sa katotohanan at pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang tinitingnan ng Diyos. Naiintindihan mo ba ito? (Oo, naiintindihan namin.)

Kapag kumikilos ang ilang babae, mabilis nilang nagagawa ang mga bagay, kasingbilis at kasinglakas sila ng isang kidlat, at gumagawa sila ng mabibilis at maririing desisyon; ang personalidad nila ay katulad mismo ng sa isang lalaki. Ano ang sikat na terminong ginagamit para ilarawan sila sa panahon ngayon? Malalakas na babae. Ang “malalakas na babae” ay hindi na ang tunggak at malalaking magaspang ang galaw na dating tinutukoy ng mga tao gamit ang terminong ito. Hindi ito isang mapangutyang termino; sa halip, isa itong papuring termino. Pero paano itinuturing ng Diyos ang papuring terminong ito? Kasingbilis at kasinglakas mo ang isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya ka sa iyong mga kilos, pero ano ang mga prinsipyo ng iyong pagsasagawa at ang batayan sa mga kilos mo? Ito ba ay ang katotohanan? Ito ba ay ang mga salita ng Diyos? Ito ay susi. Kung ang isang lalaki ay mabagal at metikuloso sa kanyang mga kilos, sa mga salita ng mga walang pananampalataya, para siyang isang babae na nakagapos ang mga paa—ang ilan ay gumagamit pa nga ng mapangutyang termino, sinasabi na siya ay “medyo binabae”—pero paano siya tinitingnan ng Diyos? Ang isang tao man ay kasingbilis at kasinglakas ng isang kidlat at matapang at determinadong mapagpasya sa paggawa ng mga bagay, o kumikilos tulad ng isang babaeng nakagapos ang mga paa at medyo binabae sa kanyang mga kilos, mga problema ba ang alinman sa mga bagay na ito? (Hindi.) Ang pagiging kasingbilis at kasinglakas ba ng isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya ay isang kalakasan? (Hindi, hindi tiyak iyon.) Kaya, isa bang kahinaan ang kumilos nang tulad ng isang babaeng nakagapos ang mga paa? (Hindi rin, hindi tiyak iyon.) Bagama’t ang isa sa dalawang termino na “malalakas na babae” at “medyo binabae” ay papuri at ang isa naman ay mapangutya, ang diwa ng dalawang uri ng pag-uugali o paraang ito ng paggawa ng mga bagay ay hindi dapat husgahan batay sa mga literal na kahulugan ng mga ito. Ano ang dapat gamitin para husgahan ito? (Kung ang isinasagawa ng isang tao ay ang salita ng Diyos o hindi.) Ang batayan ng kanyang mga kilos, at pati na rin ang epektong nilalayon niyang makamit, ay dapat na gamitin para husgahan ito. Kung ang batayan ng kanyang mga kilos ay ang salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, halos 90 porsiyento ang katiyakan na wala siyang ginagawang mali. Kung bukod sa ginagawa niya ang mga bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kundi higit pa rito, ang epektong nilalayon niyang makamit ay ang ipagtanggol ang patotoo sa Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang pagpapatibay sa mas maraming kapatid, makakatiyak tayo nang 100 porsiyento na wala siyang ginagawang mali. Huwag nang isipin kung siya ba ay matapang at determinadong mapagpasya o tulad ng isang babae na nakagapos ang mga paa—huwag nang isipin kung paano siya kumikilos sa panlabas—hindi iyon importante. Ang importante ay kung ang mga katotohanang prinsipyo ang batayan ng kanyang mga kilos, at kung ang layon ba ng kanyang mga kilos at ang epektong nilalayon niyang makamit sa pamamagitan ng kanyang mga kilos ay ang pangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia, at ang pagpapatibay sa mas maraming tao. Kaya, importante ba ang anyo ng kanyang mga kilos? (Hindi.) Ikaw man ay isang malakas na babae o parang isang babaeng nakagapos ang mga paa, hindi ito ang tinitingnan ng Diyos; hindi ito ang pamantayang ginagamit ng Diyos para suriin ang mga tao. Kaya, kung ang isang babae ay tila isang malakas na babae, at sa kanyang mga kilos, siya ay kasingbilis at kasinglakas ng isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya, karapat-dapat ba itong purihin at hangaan? (Hindi.) Ang pagiging kasingbilis at kasingsigasig ba ng isang kidlat, at pagiging matapang at determinadong mapagpasya ba ay isang prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay? (Hindi.) Ikaw man ay isang lalaki o babae, ang pagiging matapang at determinadong mapagpasya at pagiging kasingbilis at kasinglakas ng isang kidlat ay hindi isang prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay. Kaya, ano ang isang prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay? (Dapat gawin ng isang tao ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at ang epektong nilalayon ng isang tao na makamit ay dapat na ang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at patibayin ang mas maraming tao—ito ay isang prinsipyo.) Isa itong kongkretong prinsipyo. Kung kikilos ka ayon sa prinsipyong ito, isinasagawa mo ang katotohanan; kung hindi ka kikilos ayon sa prinsipyong ito, sa Aking mga mata, ang pagpapahayag na pinakamainam na tumutukoy sa iyong pagiging matapang at determinadong mapagpasya, sa iyong pagiging kasingbilis at kasinglakas ng isang kidlat ay “pagiging walang pakundangan habang gumagawa ng masasamang bagay.” Malinaw na ang pagiging walang pakundangan habang gumagawa ng masasamang bagay ay hindi pagkilos batay sa mga katotohanang prinsipyo; bagama’t mukha kang mapagpasya at hindi nag-aalinlangan sa iyong mga kilos, at na mayroon kang tindig ng isang lider o hari, sa realidad ay wala kang pakundangan habang gumagawa ng masasamang bagay. Ano ang mga kahihinatnan ng pagiging walang pakundangan habang gumagawa ng masasamang bagay? Nagdudulot ito ng mga pagkagambala at kaguluhan, at sinasabotahe nito ang gawain ng iglesia. Kaya, matatandaan ba ito ng Diyos? (Hindi.) Hindi lang ito hindi matatandaan ng Diyos, kundi kokondenahin din Niya ito. Kaya, sinasabi mo na ikaw ay isang malakas na babae, at na sa iyong mga kilos ay kasingbilis at kasinglakas ka ng isang kidlat, at matapang at determinadong mapagpasya ka, pero kapaki-pakinabang ba iyon? (Hindi.) Tanging ang paghahanap sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang matatawag na isang tunay na abilidad; ito lang ang pagsasagawa sa katotohanan at paghahangad sa katotohanan, at ito lang ang dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao. Ipagpalagay nang sinabi mo na, “Sadyang ganito ang personalidad ko at hindi ito mababago, kaya ano ang magagawa ko?” Mayroong madaling solusyon. Isa ka mang taong mabilis o mabagal kumilos ay hindi isang problema; huwag magpalimita rito. Hindi rin kailangan na magsikap ka nang husto para baguhin ang iyong pamamaraan ng paggawa ng mga bagay dahil gusto mong kumilos nang ayon sa mga prinsipyo. Anuman ang iyong pamamaraan, kung ang batayan ng iyong mga kilos ay ang mga katotohanang prinsipyo, at ang epektong nakakamit mo ay ang pagtatanggol sa patotoo sa Diyos, sa mga interes ng Diyos, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gayon ay mabubuting gawa ang mga ito, at matatandaan ng Diyos ang mga ito. Sa kabaligtaran, ikaw man ay kimi sa panlabas at nag-aatubili tulad ng isang babaeng nakagapos ang mga paa, o kasingbilis at kasinglakas ng isang kidlat tulad ng isang lider o hari—anuman ang panlabas na anyo ng iyong mga kilos—kung hindi ka kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagdudulot ka ng mga pagkagambala at kaguluhan, at ang mga ito ay masasamang gawa, at ang mga ito ay kokondenahin ng Diyos at hindi matatandaan ng Diyos. Ito ang prinsipyo para sa paghusga kung ang isang tao ay mabuti ba o masama. Naiintindihan mo ba ito? (Oo.) Kaya, ngayong natapos na tayong magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, mayroon na ba kayong kaunting pagkaunawa sa kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Mayroon.) Ngayong nauunawaan na ninyo ang mga ito, alam ba ninyo ang ilan sa mga paglihis na mayroon ang mga tao sa kanilang proseso ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? Malinaw na rin ba sa inyo kung paano kayo dapat magsagawa? (Oo, malinaw na.)

Ang layunin ng pag-unawa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, sa isang banda, ay ang pigilan ang mga tao na mamuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito at tumahak sa maling landas sa buhay. Sa kabilang banda, ito ay para bigyang-kakayahan ang mga tao—habang binibitiwan nila ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito—na mamuhay sa loob ng normal na pagkatao at tuparin ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin nang may kaluwagan at kagalakan, at huwag pilitin ang kanilang sarili na gumawa ng mga bagay na hindi nila kayang gawin. Kung may isang bagay na kaya mong makamit at nararapat mong gawin, gawin mo ang lahat ng makakaya mo sa paggawa nito; kung ang isang bagay ay lampas sa iyong kakayahan at abilidad, maghanap ka ng isang tao na makikipagtulungan sa iyo rito o humingi ka ng tulong sa ibang mga kapatid, at gawin mo ito sa pinakaabot ng iyong abilidad—ang mga ito ang mga prinsipyo. Sa pagbubuod, ang dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa usaping ito ay na, sa panahon kung kailan gumagawa ang Diyos, ang pagkatao ng lahat ng tao ay unti-unting umuunlad sa isang mabuting direksyon sa proseso ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos, at sa loob ng saklaw ng likas na batayang mga kondisyon ng kanilang pagkatao, sa halip na maging baluktot, sobrenatural, o hindi normal. Samakatwid, kung ang tungkuling ginagawa mo ay kinasasangkutan ng isang teknikal o propesyonal na kasanayan, kung gayon, para magawa nang maayos ang tungkuling iyon, dapat kang magsikap para masipag na matutunan at saliksikin ang teknikal o propesyonal na kasanayang iyon. Hindi ka dapat bulag na maghintay na kumilos ang Diyos batay sa mga kaisipan at pananaw gaya ng “Ang Diyos ay omnipotente, at anumang imposibleng magawa ng mga tao ay kayang maisakatuparan ng Diyos kung magdarasal lang tayo sa Kanya” at mga imahinasyon tungkol sa mga supernatural na bagay, nang hindi gumugugol ng pagsisikap para ikaw mismo ang matuto ng kasanayan. Dapat mong ibigay ang iyong buong puso, ang iyong buong lakas, at ang iyong buong isipan sa paggawa niyong nasa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng iyong kakayahan, at pagdating sa kung ano ang lampas sa iyong kakayahan at mga abilidad, huwag mong pahirapan ang iyong sarili, huwag kang magpabigat sa sarili mo, huwag mong dagdagan ang pasanin mo, o gipitin ang iyong sarili sa anumang paraan, kundi sa halip ay huwag kang mahigpit sa iyong sarili. Gamiting halimbawa ang pag-aaral ng mga kasanayan sa pagkokompyuter. Sabihin nating tumatanda ka na, at batay sa iyong edad, sa iyong kakayahan, at sa iyong mga kasalukuyang kondisyon, ang pag-aaral lang na mag-type ay isa nang malaking tagumpay para sa iyo. Kung kaya mo ring matutong kontakin ang mga kapatid at gumawa ng gawain sa internet, ayos na ayos na iyon. Gayumpaman, hindi ka kailanman nasisiyahan at mayroon ka pa ring pagnanais para sa higit pa—gusto mong matuto kung paano magsulat ng mga program at panatilihin ang seguridad ng network, gumawa ng kung anong gawain na tanging ang mga network engineer at tauhang pang-high-tech ang nakakagawa. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Hindi mo kayang matutunan ang mga bagay na ito, kaya nagiging negatibo ka at nagrereklamo ka tungkol sa Diyos: “O Diyos, bakit hindi ko matutunan ang mga bagay na ito? Bakit Mo ako binigyan ng ganitong uri ng kakayahan? Napakatanda ko na—bakit hindi Mo ako kayang gawing bata uli? Hindi ba’t omnipotente ang Diyos?” Mali na magkaroon ka ng gayong mga kaisipan at gumawa ng gayong mga paghingi. Ano ang ibig sabihin ng “ginagawa ang anumang nasa kapangyarihan ng isang tao, at hindi lumalampas sa kakayahan, mga abilidad, at mga likas na gawi ng isang tao?” Anuman ang tinutulutan ng iyong kakayahan at mga abilidad na makamit mo, iyon ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Anuman ang hindi mo kaya, hindi iyon hinihingi ng Diyos sa iyo, at hindi mo rin iyon kailangang hingin sa sarili mo. Kung hindi mo kayang gawin ang isang bagay, may iba na kaya itong gawin; hindi hinihingi ng Diyos na ikaw ang gumawa nito. Sinasabi mo na, “Matanda na ako—hindi ko alam kung paano mag-upload ng mga video, hindi ko rin alam kung paano panatilihin ang seguridad ng network, at lalong hindi ko alam kung paano magsulat ng mga program,” pero pinipilit mo pa rin na matutunan ang mga bagay na ito—tinanong mo ba kung kailangan ng sambahayan ng Diyos na gawin mo ang gawaing ito? Ginawa mo ba nang maayos ang sarili mong gawain? Ginawa mo ba nang maayos ang gawain na tinutulutan ng iyong kakayahan na makamit mo? Kung hindi mo ito nagawa nang maayos, at pinipilit mo pa ring subukang gawin ang mga bagay na lampas sa iyong maaabot at hindi mo maarok, at na ni hindi mo kailanman magagawang matutunan sa iyong buong buhay, sa tingin mo ba ay nakikibaka ka laban sa iyong sarili, o laban sa Diyos? Hindi ba’t labis itong mapanggulo? (Oo.) Palagi mong gustong higitan ang iyong sarili at maging superhuman, pero hindi hiningi ng Diyos na gawin mo iyon. May iisang dahilan lang kung bakit gusto mong maging superhuman, at iyon ay na gusto mong magpakitang-gilas at hindi ka tatanggap ng pagkatalo o susuko sa katandaan. Hindi ito para sa paggawa ng iyong tungkulin nang maayos kaya ka nagtitiis ng paghihirap at nagbabayad ng halaga; hindi mo ginagawa ang tungkulin mo nang ayon sa prinsipyo ng pag-asal nang may mabuting asal at nang mahigpit na kumakapit sa iyong wastong lugar. Gusto mong patunayan na hindi ka pa matanda sa pamamagitan ng paghamon sa sarili mong kakayahan at mga abilidad. “Kaya ko pa rin ito,” iniisip mo. “Kasinghusay ako ng iba, kaya kong gawin ang anumang kayang gawin ng ibang mga tao!” Makabuluhan ba ito? (Hindi.) Hindi ito makabuluhan. Ang lahat ng iginugugol mong pagsisikap na ito ay walang silbi at walang halaga. Kung ibibigay mo ang iyong buong puso, ang iyong buong isipan, at ang iyong buong lakas sa wastong paggawa ng mga bagay na siyang tinutulutan ng sarili mong mga kondisyon na makamit, malulugod ang Diyos. Huwag mong hamunin ang sarili mo, ni subukang lampasan ang kakayahan mo. Alam ng Diyos kung kumusta ang kakayahan at mga abilidad mo. Matagal nang paunang itinakda ng Diyos ang kakayahan at mga abilidad na ibinigay Niya sa iyo. Ang palaging pagnanais na higitan ang mga ito ay pagiging mapagmataas at pagkakaroon ng labis na kumpiyansa sa sarili; ito ay paghahanap lang ng gulo at hindi maiiwasang mauuwi ito sa kabiguan. Hindi ba’t pinapabayaan ng gayong mga tao ang kanilang mga wastong gampanin? (Oo.) Hindi sila umaasal sa paraang sumusunod sa tuntunin, at hindi nila pinanghahawakan nang mahigpit ang mga wastong posisyon nila para tuparin nang maayos ang mga tungkulin ng isang nilikha—hindi nila sinusunod ang mga prinsipyong ito sa kanilang mga kilos, kundi lagi nilang sinusubukang magpakitang-gilas. May isang kasabihan na may dalawang bahagi: “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan.” Para saan ang ginagawang ito ng “matandang babae”? (Para magpakitang-gilas.) Gustong ipakita ng matandang babae sa iyo, na para bang sinasabi niyang: “Bilang isang matandang babae, hindi ako ordinaryo—papakitaan kita ng isang espesyal na bagay.” Ayaw niyang hamakin siya, kundi gusto niya na tinitingala at pinagpipitaganan siya; gusto niyang hamunin ang kanyang mga limitasyon at lampasan ang sarili niya. Hindi ba’t pagkakaroon ito ng mapagmataas na kalikasan? (Oo.) Kung may mapagmataas kang kalikasan, hindi ka nananatili sa limitasyon mo, ayaw mong umasal nang naaangkop sa katayuan mo. Gusto mong laging hamunin ang sarili mo. Anuman ang magagawa ng iba, gusto mo ring magawa. Kapag ang iba ay gumagawa ng mga bagay na nagiging dahilan para sila ay mamukod-tangi, nagkakamit ng mga resulta, o nakapag-aambag, at nakakatanggap ng papuri ng lahat, ikaw ay nayayamot, naiinggit, at hindi nasisiyahan. Kaya gusto mong talikdan ang mga kasalukuyang gampanin mo para gawin ang gawaing magpapaningning sa iyo, gusto mo ring tingalain ka. Subalit hindi mo kayang gumawa ng gawaing nagtutulot sa iyo na mamukod-tangi, kaya hindi ba’t pagsasayang lang ito ng oras? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa iyong wastong mga gampanin? (Oo.) Huwag mong pabayaan ang mga wastong gampanin, dahil hindi maganda ang kalalabasan ng pagpapabaya sa mga iyon. Hindi lang ito nakakaantala sa mga bagay at nagsasayang ng oras, na nagdudulot na hamakin ka ng iba, kundi nagdudulot din ito na kasuklaman ka ng Diyos, at sa huli, pinapahirapan mo ang sarili mo kaya ka labis na nagiging negatibo. Anuman ang edad ng isang tao—siya man ay bata, nasa katanghaliang edad, o matanda—mayroon siyang mga limitasyon pagdating sa kanyang kakayahan at mga talento; walang taong perpekto. Kalimutan na ang pagiging isang perpektong tao, kalimutan mo ang pagkaalam kung paano gawin ang lahat ng bagay, ang magawa ang lahat ng bagay, at ang maunawaan ang lahat ng bagay—mapanggulo ito kung mayroon kang ganitong uri ng disposisyon.

Sa loob ng gawain ng Diyos, bakit kapag nagsasalita Siya sa lahat ng uri ng mga tao tungkol sa anumang paksa o anumang uri ng isyu, paulit-ulit Siyang nagsasalita tungkol sa parehong bagay nang tinutugunan ang iba’t ibang kalagayan at sitwasyon? Iniisip ng mga walang espirituwal na pang-unawa na, “Ang pagsasalita sa ganitong paraan ay masyadong detalyado at masyadong mahaba; nauunawaan na namin.” Maaaring nauunawaan mo na, pero ang iba ay maaaring hindi pa; at kahit nauunawaan mo na, kaya mo bang lutasin ang mga problema ng iba’t ibang kalagayan? Kung hindi mo kaya, nangangahulugan ito na hindi mo pa ganap na nauunawaan, kaya huwag magpanggap na nauunawaan mo na. Magkakaiba lahat ang mga kalagayan ng mga tao. Sa sandaling natalakay na ang lahat ng kalagayan ng bawat uri ng tao, at kapag natalakay na ang lahat ng iba’t ibang kalagayan—ibig sabihin, sa sandaling natalakay na ang lahat ng kalagayan ng lahat ng uri ng mga tao sa loob ng isang partikular na malaking isyu, at nauunawaan na ng lahat ang aspektong ito ng katotohanan—saka lang naipaliwanag nang malinaw ang isyung ito. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ito ay na nagkakaroon ng iba’t ibang problema ang lahat ng tao habang namumuhay sa ilalim ng sarili nilang mga kondisyon; magkakaiba ang mga problema ng lahat ng tao, at ang mga personalidad ng mga tao, ang kanilang mga kalakasan, at ang mga bagay kung saan sila mahusay, ay magkakaiba rin. Samakatwid, ang lahat ng tao ay may sari-sarili nilang mga personal na kondisyon, sari-sarili nilang mga paghihirap, at sari-sarili nilang magkakaibang kaisipan at pananaw. Gayumpaman, gaano man naiiba ang sariling mga kondisyon ng mga tao, at gaano man naiiba ang kanilang mga abilidad, mga kakayahan, antas ng pagtingin, mga personalidad, at mga gawi, magkakapareho ang mga tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng mga tao. Ibig sabihin, gaano mang magkakaiba ang iba’t ibang kondisyon ng pagkatao ng mga tao, nagtataglay ang mga tao ng pare-parehong mga karaniwang katangian. Bakit nagtataglay ang mga tao ng pare-parehong mga karaniwang katangian? Dahil pare-pareho ang disposisyong diwa na sinasandigan ng mga tao para sa pananatiling buhay. Samakatwid, pagkatapos malantad ang mga kalagayan at problema ng lahat ng uri ng mga tao, ang kailangang gawin ng mga tao ay ang magsagawa ayon sa mga katotohanan at prinsipyong hinihingi ng Diyos, at pagkatapos ay malulutas ang mga karaniwang problema ng sangkatauhan. Anuman ang iyong personalidad o kakayahan, gaano man kahusay ang iyong kapabilidad, at ikaw man ay lalaki o babae, o isinilang ka man sa Kanluran o sa Silangan, o ikaw man ay mula sa Timog o sa Hilaga, hangga’t ang iyong mga tiwaling disposisyon ay nalulutas sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan, malulutas ang mga paghihirap mo. Nangangahulugan ito na ang lahat ng iba’t ibang kalagayan na lumilitaw sa mga tao sa konteksto ng mga karaniwang problema ng mga tao ay maaari ding malutas. Bakit lumilitaw ang iba’t ibang kalagayan sa mga tao? Ito ay dahil magkakaiba ang mga likas na kondisyon ng pagkatao na tinataglay ng bawat tao. Halimbawa, kung naninirahan ka sa Timog, at mayroon kang ilang gawi at padron ng pamumuhay ng mga taga-timog, at nagkakaroon ka rin ng ilang personalidad at estilo ng pamumuhay na partikular sa mga taga-timog, kung gayon, nang may ganitong uri ng pinagmulan, magkakaroon ka ng ilang partikular na kuru-kuro at imahinasyon, mga partikular na kaisipan at pananaw, at mga partikular na kalagayan. Kung isinilang ka sa Hilaga, magkakaroon ka ng personalidad at mga gawi ng pamumuhay ng mga taga-hilaga, o ng ilang kalagayan na lumilitaw mula sa mga kaugalian, kultural na pinagmulan, mga pamamaraan ng edukasyon, at iba pang gayong mga bagay na likas sa mga taga-hilaga. Sa ganitong paraan, ang mga kalagayan na lumilitaw sa mga tao na namumuhay sa Timog at sa Hilaga ay magkakaiba. Gayumpaman, ang ugat na sanhi at diwa ng mga kalagayan na lumilitaw mula sa iisang problema ay magkakapareho, kaya maaaring malutas ang lahat ng ito gamit ang mga parehong katotohanan. Dahil ganito ang kaso, hindi mahalaga kung ikaw ay mula sa Hilaga o sa Timog, o mula sa Silangan o sa Kanluran; hangga’t ikaw ay isang nilikhang tao, lahat ng problema mo ay maaaring malutas gamit ang mga katotohanan. Naunawaan mo ba? Komplikado ba ang isyung ito? (Ngayong narinig ko nang maipaliwanag ito, pakiramdam ko ay hindi na ito komplikado.) Bakit mo nasasabi na hindi komplikado ang isyung ito? (Bagama’t magkakaiba ang sariling mga kondisyon, mga pinagmulan, at mga personalidad ng mga tao, at natural itong nagpapalitaw sa magkakaibang kalagayan, magkakapareho ang ugat na sanhi ng iba’t ibang kalagayang ito, at magkakapareho ang tiwaling diwa ng mga tao. Gaano man karaming tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng mga tao, maaari itong malutas gamit ang mga parehong katotohanan; samakatwid, maaaring malutas ng mga katotohanan ang mga problema ng bawat tao.) Hindi mahalaga kung ang mga tao ay mula sa Timog, sa Hilaga, sa Silangan, o sa Kanluran, hindi mahalaga kung sila ba ay lalaki o babae, bata o matanda, at hindi mahalaga kung ano ang sarili nilang mga kondisyon, magkakapareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang iba’t ibang kalagayan, mga kaisipan at pananaw, at mga saloobin sa katotohanan na pinapalitaw ng mga tiwaling disposisyong ito ay may parehong katangian. Ano ang parehong katangiang ito? Ang lahat ng bagay na lumilitaw mula sa mga tiwaling disposisyong ito ay kay Satanas at hindi nakaaayon sa katotohanan; siyempre, para maging mas partikular, maaaring sabihin na ito ay salungat sa katotohanan. Samakatwid, anuman ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga lahi, relihiyon, o kultura ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga tao man ay mayroong dilaw, puti, kayumanggi, o itim na balat, lahat sila ay mga tiwaling tao, at ang lahat ng tao ay may parehong diwa ng paglaban sa Diyos. Isa itong bagay na pare-pareho silang mayroon. Samakatwid, saang bansa man nagmula ang mga tao o anuman ang kanilang lahi, kolektibo silang tinatawag bilang mga tiwaling tao. Ibig sabihin, superyor o mababa man ang mga lahing ito ng mga tao, mahirap o mayaman man ang mga ito sa usapin ng kulay ng kanilang balat, ng kanilang hitsura, mga gawi sa buhay, o kultura ng lahi, at anumang edukasyon ang natanggap nila, ano’t anuman, ang mga tuntuning sinasandigan nila para sa kanilang pananatiling buhay ay nagmumula kay Satanas, hindi tugma sa katotohanan, at lumalaban sa Diyos. Kahit na ang mga tao ay nabibilang sa isang marangya at marangal na lahi na may matayog na relihiyosong pinagmulan, ang diwa nila ay sa mga tiwaling tao pa rin, sila ay sa uri pa rin ni Satanas na lumalaban sa Diyos, mga tiwaling tao pa rin sila, lahat sila ay lumalaban sa Diyos, sila ang lahat ng mga hinahatulan at kinakastigo sa loob ng gawain ng Diyos, at ang mga tao sa kanila na kayang tumanggap sa katotohanan ay ang mga nilalayong iligtas ng Diyos. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na bago ka maligtas, gaano man katayog ang iyong kultural na pinagmulan, pinag-aralan, at relihiyosong pinagmulan, ang iyong diwa ay lumalaban pa rin sa Diyos at mapanlaban sa Diyos. Kaya naman, hindi mababago ang diwa ng mga tao dahil sa kanilang kulay ng balat, relihiyon, bansa ng kapanganakan, o sa kanilang pinag-aralan o kultural na pinagmulan. Gayundin, anuman ang lahi ng isang tao, hindi siya magiging marangal o mababa sa mga mata ng Diyos dahil sa kanyang sariling mga kondisyon. Kaya sa mga mata ng Diyos, ano ang pamantayan para sa pagsusuri kung ang mga tao ba ay marangal o mababa? May isang pamantayan lang, at iyon ay kung tinatanggap mo ang katotohanan o hindi. Kung tinatanggap mo ang katotohanan, anuman ang iyong lahi o ang kulay ng iyong balat, marangal ka. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kahit sabihin mo na, “Puti ang aking balat, blond ang aking buhok, at asul ang aking mga mata, at maharlika ang pamilya ko sa loob ng maraming henerasyon,” walang silbi iyon! Kahit na marangal ka sa gitna ng sangkatauhan, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, sa mga mata ng Diyos ay isa ka pa ring tiwaling tao, katulad ka ng sinumang tiwaling tao—walang pagkakaiba. Ilang miyembro man ng lahi ng tao ang tumitingala sa iyo, nagpipitaganan sa iyo, at nagbibigay ng mga handog sa iyo, wala itong silbi at hindi nito babaguhin ang iyong katayuan, pagkakakilanlan, at diwa sa mga mata ng Diyos. Ang pamantayan ng Diyos para sa pagsusuri sa sangkatauhan—na siyempre ay ang likas na mataas na panukat din at pamantayan ng Diyos para sa pagsusuri sa sangkatauhan—ay ang suriin sila gamit ang katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan at isinasagawa mo ang katotohanan, marangal ka; kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, ang matandang laman mong ito ay isang tiwaling tao; hindi ito nagkakahalaga ng kahit isang sentimo, at ni hindi ito kasinghalaga ng isang langgam sa lupa. Sa eksepsiyon ng mga mikroorganismo na hindi nakikita ng mga tao, ang mga langgam ay medyo maliit sa gitna ng lahat ng bagay na may buhay. Ang kanilang mga pattern ng pamumuhay, mga tuntunin sa pananatiling buhay, at mga likas na gawi ay ganap na sumusunod sa mga batas na itinakda ng Diyos. Ang kanilang trabaho-at-pahinga na iskedyul ay nagbabago ayon sa klima at sa pabago-bagong temperatura ng apat na season, at hindi nila kailanman aktibong babaguhin ang mga pattern at tuntuning ito. Pero iba ang mga tao. Palaging gusto ng mga tao na baguhin ang kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay at ang mundo, palagi silang may mga ambisyon, at palagi silang nakikibahagi sa mga pagkakanulo at paghihimagsik. Bagama’t ang mga langgam ay walang pakultad na tanggapin ang katotohanan, ni kapabilidad na maarok ang katotohanan, sa pinakamababa ay hindi lumalaban sa Diyos ang mga ito. Iba ang mga tao; aktibo silang kikilos para atakihin at labanan ang Diyos. Samakatwid, sa mga mata ng Diyos, ang mga taong hindi nakamit ang katotohanan at hindi naligtas ay walang halaga. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Ang pagsusuri at paglalarawan sa mga tao batay sa katunayang ito ay ganap na nakaaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga isyung ito, dapat magkaroon ang mga tao ng tamang pananaw at pagkaunawa sa diwa ng sangkatauhan at sa epekto na nilalayong makamit ng gawain ng Diyos. Pagkatapos mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, hindi ba’t hindi ka na masyadong malilimitahan kapag ipinapangaral mo ang ebanghelyo sa mga tao o kapag nakikipag-ugnayan at nakikipagbahaginan ka sa kanila, anumang uri sila ng tao—mayroon man silang relihiyosong pinagmulan o wala, mayroon man silang posisyon at katayuan sa lipunan o mababang panlipunang katayuan, at sila man ay puti o taong may kulay? (Oo.) Kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang ito, ang palagi mong tendensiya ay ang tingalain ang mga taong may ibang lahi, o madama na hindi mo sila maarok, at hindi mo alam kung paano makipagbahaginan o makisalamuha sa kanila. Hindi ba’t ang pagkaunawa sa mga katotohanang ito ay nakakatulong sa inyo sa pakikipag-ugnayan sa mga taong iyon? Tutulungan kayo nito na tingnan ang buong lahi ng tao mula sa tamang paninindigan at mula sa tamang pananaw. Ito ang pakinabang ng pagkaunawa sa katotohanan. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, magiging tama ang perspektiba mo sa mga bagay at ito rin ay magiging medyo malawak, at hindi masyadong makitid. Kung hindi, palagi kang walang kumpiyansa bilang isang lider o manggagawa. Una, madarama mo na wala kang karanasan sa buhay. Ikalawa, madarama mo na hindi pa sapat ang iyong mga naging karanasan. Ikatlo, madarama mo na hindi ka mahusay sa pagsasalita at hindi mo makilatis ang mga kalagayan ng karamihan ng tao; sa partikular, kapag nakakakita ka ng mas matatanda, matatakot at kakabahan ka, at hindi ka maglalakas-loob na magsalita. Sinasabi ng ilang tao na, “Lalo na kapag nakikita ko na ang mga matagal nang relihiyosong mananampalataya ay may kaunting kaalaman sa Bibliya, hindi ko alam kung paano ipangaral ang ebanghelyo sa kanila, at natatakot ako at nadarama ko na mas mababa ako sa kanila.” Nakakaunawa ka ng napakaraming katotohanan, kaya ano ang ikinakatakot mo? Hindi ba’t ito ay kawalan ng abilidad na kumilatis ng mga usapin? Sa sandaling naunawaan na ng mga tao ang katotohanan, dapat magawa nilang lutasin ang mga usapin at problemang ito, at hindi na sila malilimitahan ng mga bagay na ito.

Anong mga aspekto ng katotohanan ang naunawaan ninyo sa pamamagitan ng mga paksang pinagbahaginan natin ngayon? Malinaw na ba sa inyo ang gawain ng Diyos, at kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, ang mga pamamaraan ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao, at ang mga aspekto ng mga tao na binabago ng Diyos? (Oo.) Ngayong malinaw na sa inyo ang mga bagay na ito, hindi ba’t mas nadarama na ninyo ang kahalagahan ng pagsasagawa ng katotohanan at ng pagsusuri sa lahat ng bagay ayon sa katotohanan? (Oo.) Hindi ba’t mas lalo ninyong iniisip na labis na mahalaga na hangarin at unawain ang katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya kayang makilatis ang anumang usapin, hindi niya kayang makilatis ang lahat ng uri ng mga tao, at hindi niya kayang makilatis ang mga tao mula sa lahat ng bansa at etnisidad, kung kaya’t siya ay isang hangal, isang tunggak. Kapag ang ilang indibidwal ay nakakakita ng mga taong nakasuot ng salamin, ipinagpapalagay nila na ang mga ito ay mga propesor o mga intelektuwal, kung kaya nadarama nila na nalilimitahan sila at hindi sila naglalakas-loob na magsalita, at sa tuwing nakakakita sila ng matatangkad na tao na may magandang hitsura, pakiramdam nila ay mas mababa sila sa mga ito. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, hindi ba’t halos hindi na maaapektuhan ang mga tao ng mga bagay na ito? Sa isang banda, hindi nila lilimitahan ang kanilang sarili; sa kabilang banda—hanggang sa isang partikular na antas—pagbubutihin nila ang kanilang saloobin at pananaw pagdating sa pakikitungo sa mga tao at bagay, at magkakaroon din sila ng kaunting kabatiran tungkol dito. Magiging kapaki-pakinabang ito para sa paggampan sa kanilang tungkulin, lalo na pagdating sa paggampan ng gawain ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas.