Paano Hangarin ang Katotohanan (3) Unang Bahagi

Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw

Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos, at sa Pagkamapanlaban ng Isang Tao sa Diyos

I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos

Ilang panahon na nating pinagbabahaginan ang paksa ng paghahangad sa katotohanan. Napakalawak ng nilalamang nasasangkot sa paksang ito, pero gaano man kalawak ang nilalaman, hindi ito maihihiwalay sa ilang isyung nakakaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay na nauugnay sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, at sa kung paano sila umaasal at kumikilos, hindi ba? (Oo.) Ang mga ito ay mga tunay na isyu sa buhay ng mga tao. Ang mga ito ay hindi hiwalay sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, ni hindi hiwalay sa normal na pagkatao ng mga tao. Ang mga isyung ito ay kinabibilangan ng mga saloobin at pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay, pati na ng lahat ng uri ng malalaking usapin na nakakaharap ng mga tao sa kanilang pag-iral at sa kanilang mga paglalakbay sa buhay. Ang nilalaman ng huli nating pagbabahaginan ay nauugnay sa isang aspekto ng pagsasagawa sa loob ng “pagbitiw” sa “Paano Hangarin ang Katotohanan”—pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos. Ano ang nasasangkot sa pagsasagawang ito? Nasasangkot dito ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Ang nilalaman ng ilang nakaraang pagbabahaginan ay nauugnay sa kung paano dapat tingnan ng isang tao ang lahat ng uri ng tao at ang lahat ng uri ng bagay nang ayon sa mga prinsipyo at pamantayan na hinihingi ng Diyos, at kung paano pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao at ang lahat ng uri ng bagay. Ang nilalaman ng ating huling pagbabahaginan ay may kinalaman sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at ipinaalam nito sa mga tao kung paano nila dapat bitiwan ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, hindi naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga ito ay mga tunay na problemang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos sa paglalakbay sa pananampalataya sa Diyos at sa proseso ng pag-iral. Hinati natin ang malaking paksang ito ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos” sa apat na aspekto: Ang una ay mga kuru-kuro at imahinasyon, ang pangalawa ay mga di-makatwirang hinihingi, ang pangatlo ay pagiging mapagbantay at paghihinala, at ang pang-apat ay pagsisiyasat at paniniktik. Sinimulan natin ang pagbabahaginan sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang unang punto sa loob ng mga kuru-kuro at imahinasyon ay nauugnay sa gawain ng Diyos—ibig sabihin, kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Nagbahaginan tayo nang kaunti tungkol dito. Ang pagbabahaginan natin tungkol sa puntong ito ay nauugnay sa kung paano tinitingnan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at kung anong mga paglihis, kuru-kuro, at imahinasyon mayroon ang mga tao sa kanilang kaalaman at mga ideya tungkol sa gawain ng Diyos; ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kung bibitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito at hahanapin nila ang katotohanan, makikilala nila ang gawain ng Diyos at magkakaroon sila ng dalisay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos. Kapag ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, dapat nilang pagnilayan at subukang kilalanin ang kanilang sarili, at dapat din nilang bitiwan ang kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, sa halip na umasa sila sa mga ito para sukatin kung ano dapat ang gawain ng Diyos, o kung ano ang epektong nilalayong makamit ng Diyos sa mga tao sa Kanyang gawain. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay mayroong direktang epekto sa buhay pagpasok ng mga tao at sa kanilang saloobin sa Diyos, kaya ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay mga bagay rin na dapat bitiwan ng mga tao. Halimbawa, nagbahaginan tayo na hindi binabago ng Diyos ang likas na kakayahan, personalidad, at mga instinto ng mga tao, at iba pa, na ang mga likas na katangian na mayroon ang mga tao noong isinilang sila at ang mga instinto ng kanilang laman ay hindi ang mga pakay ng gawain ng Diyos, at na pinapakay ng gawain Niya ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay sa loob ng mga tao na naghihimagsik laban sa Diyos at hindi kaayon ng Diyos. Kung ang nasa imahinasyon ng mga tao ay na nilalayon ng gawain ng Diyos na baguhin ang kanilang kakayahan, ang kanilang mga instinto, at maging ang kanilang personalidad, mga nakagawian, mga padron ng pamumuhay, at iba pa, ang bawat isang aspekto ng kanilang pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay ay maiimpluwensiyahan at makokontrol ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi maiiwasan na magkakaroon ng maraming baluktot na bahagi o mga sukdulang bagay. Ang mga baluktot na bahagi at sukdulang bagay na ito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at magdudulot sa mga tao na lumihis mula sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at humiwalay sa takbo ng normal na pagkatao. Halimbawa, sabihin na sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, naniniwala ka na gustong baguhin ng Diyos ang kakayahan, mga abilidad, at maging ang mga instinto ng mga tao; kung iniisip mo na ang mga ito ang mga bagay na gustong baguhin ng Diyos, anong uri ng mga paghahangad ang magkakaroon ka? Magkakaroon ka ng mga paghahangad na baluktot at mahigpit na pinanghahawakan—gugustuhin mong maghangad ng superyor na kakayahan, at tutuon ka sa pag-aaral ng iba’t ibang uri ng mga kasanayan at pagiging dalubhasa sa iba’t ibang uri ng kaalaman para magkaroon ka ng superyor na kakayahan at superyor na mga abilidad, at superyor na kabatiran at paglilinang sa sarili, at maging ng ilang kapabilidad na superyor sa mga kapabilidad ng mga ordinaryong tao—sa ganitong paraan, bibigyan mo ng pansin ang mga panlabas na abilidad at talento. Kung gayon, ano ang mga kahihinatnan sa mga tao ng gayong mga paghahangad? Hindi lang sila mabibigong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, kundi sa halip ay tatahakin nila ang landas ng mga Pariseo. Makikipagkompetensiya sila sa isa’t isa para makita kung sino ang may superyor na kakayahan, kung sino ang may superyor na mga kaloob, kung sino ang may superyor na kaalaman, kung sino ang may mas mahuhusay na kapabilidad, kung sino ang may mas maraming kalakasan, kung sino ang may mas mataas na katanyagan sa gitna ng mga tao at tinitingala at iginagalang ng iba. Sa ganitong paraan, hindi lang nila hindi magagawang isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kundi sa halip ay tatahak sila sa isang landas na humahantong palayo mula sa katotohanan.

F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon
1. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao

Ang gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang kanilang iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw na lumalabag sa katotohanan, sa loob ng saklaw ng kanilang normal na pagkatao, para ang kanilang konsensiya at katwiran ay manumbalik at mapabuti. Sa madaling salita, kapag mas nauunawaan mo ang katotohanan, magiging mas normal ang iyong konsensiya at katwiran, at patuloy ring uunlad ang mga ito sa isang kapaki-pakinabang na direksyon; hindi ito supernatural kahit kaunti. Ano ang ibig Kong sabihin sa salitang ito na “normal”? Kung ang mga tao ay may kamalayan sa konsensiya at pagpapahalaga sa katarungan, magiging mabait sila—kung isasaad ito gamit ang mga salita ng tao, sila ay magiging maunawain, matuwid, makatwiran, at hindi matigas ang ulo at hindi madaling mabaluktot. Ito ang epektong nilalayong makamit ng Diyos hinggil sa pagkatao ng mga tao. Habang mas lalong nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang kaakibat na epekto ay na mas lalong nagiging normal ang pagkatao nila. Gayumpaman, kung maghahangad ang mga tao ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay magdudulot ng malaking negatibong impluwensiya at negatibong paggabay sa kanilang mga paghahangad, at aakay sa kanila sa lahat ng uri ng baluktot at mapagmatigas na sinusundan, sukdulan, at walang-katotohanang mga landas. Halimbawa, sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na nilalayon ng gawain ng Diyos na itaas ang pagkatao ng mga tao, at na bigyang-kakayahan ang mga tao na lampasan ang mga instinto ng tao, ang kakayahan ng tao, at maging ang edad at kasarian ng tao. Kapag ang mga tao ay may mga kuru-kuro na tulad ng mga ito, sila ay maghahangad, magsusumikap, at mangangapa sa ganitong direksyon. Anong mga bagay ang pagtutuunan nila kung gayon? Sa isang banda, tutuon sila sa kaalaman, mga abilidad, kasanayan, kaloob, at talento; sa kabilang banda, tutuon sila sa pagiging supernatural. Alam ba ninyo kung ano ang mga pagpapamalas ng pagiging supernatural? (Nangangahulugan ba ito na, sa ilang bagay, ang mga tao ay direktang sasailalim sa mga kalitatibong pagbabago nang hindi nagbabayad ng halaga?) Tulad ito ng kapag ang isang tao ay hindi karaniwang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, pero may nangyayari sa kanya, at biglang lumilitaw sa isipan niya ang mga salita ng Diyos, o kapag ang isang tao ay hindi kailanman nagawang umawit o sumayaw, pero pagkatapos kasihan ay bigla niyang nagawang umawit at sumayaw, at mahusay pa nga siyang nakakasayaw, o kapag ang isang tao ay hindi kailanman nag-aral ng isang banyagang wika, pero bigla siyang nakakapagsalita ng banyagang wika. Supernatural ba ang mga bagay na ito? (Oo.) Halimbawa, ipagpalagay na kailangan mong lumabas para sa isang apurahang usapin, pero hindi ka marunong magmaneho, at sa pagiging desperado mo ay nagdasal ka, at agad na nag-alab ang damdamin mo, at biglang alam mo na kung paano magmaneho, at ang pagmamaneho mo ay kasingmatatag pa nga ng isang drayber na may karanasan na. May nagtanong sa iyo ng, “Paanong ang husay mong magmaneho?” Sinabi mo na, “Hindi ko rin alam. Lahat ng ito ay gawa ng Diyos; inantig ako ng Banal na Espiritu. Tingnan mo, ang mga kamay kong ito ay hindi ko na sariling mga kamay; ang mga ito ay hinahawakan ng Banal na Espiritu!” Sa aktuwal na katunayan, hindi ito ginagawa ng Banal na Espiritu; sa halip, ibang uri ng espiritu ang pumasok sa iyo at nagmamanipula sa iyo, kaya naging ibang tao ka at hindi mo makontrol ang iyong sarili. Hindi ba’t ito ay paglampas sa mga likas na kapabilidad ng isang tao? Supernatural ito, hindi ba? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng supernatural? Magandang penomenon ba ito? (Hindi, ginagawa nitong hindi normal ang isang tao.) Kung bigla mong nagagawang malaman ang isang wika, kung bigla kang nagkakaroon ng kasanayan, o bigla kang nakakaunawa ng kaunting kaalaman nang hindi nag-aaral sa loob ng ilang panahon o ginagabayan ng sinumang eksperto, iyon ay supernatural. Kung ang buhay disposisyon ng isang tao ay nagbago nang hindi niya kinakailangang hangarin ang katotohanan, maghanap, maghintay, o dumanas ng mga bagay, hindi ba’t ito ay isang katakot-takot na usapin? (Oo.) Kung marami pa ring mga kuru-kuro at imahinasyon sa iyong isipan at sa iyong kubling-malay, dapat mong bitiwan ang mga ito at hindi hangarin ang mga ito, dahil ang mga ito ay hindi tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos, at hindi umaayon ang mga ito sa mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay tiyak na hindi lalampas sa iyong normal na pagkatao, at ang epektong nakakamit ng gawain ng Diyos sa iyo ay tiyak na hindi ang pagbabago sa iyong normal na pagkatao patungo sa isang mataas at supernatural na pagkatao. Higit pa rito, hindi ka babaguhin ng Diyos mula sa isang normal na tao patungo sa isang di-pangkaraniwang tao. Sabihin na sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, lalong nagiging sensitibo ang iyong konsensiya, at nagkakaroon ka ng higit na pakiramdam ng kahihiyan. Ikaw ay nagiging mabait, nagagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at nagagawa mong pangalagaan ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, ang iyong mga salita at kilos ay hindi sumasalungat sa iyong konsensiya at katwiran, unti-unti mong nagagawang kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at nagagawa mong tukuyin ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay batay sa mga salita ng Diyos. Pinapatunayan nito na ang landas na tinatahak mo sa iyong pananampalataya sa Diyos ay tama. Pero ipagpalagay na tumutuon ka pa rin sa kung may maririnig kang tinig kapag ikaw ay nagdarasal, at naghihintay ka sa kung anong inspirasyon, sinag ng liwanag, o supernatural na pagbubunyag kapag naghahanap ka mula sa Diyos at nagsusumamo sa Diyos. Dagdag pa rito, ang iyong konsensiya at katwiran ay hindi napanumbalik o naitama sa anumang paraan, at hindi ka nakapagtaglay ng pagpapahalaga sa katarungan o hindi ka nakapagpasakop sa Diyos. Pinapatunayan nito na may mga problema sa iyong paghahangad at sa landas na tinatahak mo, at masasabi rin na hindi ka talaga tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Madalas mo ring hindi namamalayan na hinahangad mo na maging isang supernatural na tao, at madalas mong nadarama na dapat mong lampasan ang laman—hindi nagugutom kung hindi ka kumakain, at hindi napapagod o inaantok kung hindi ka natutulog o nagpapahinga sa loob ng ilang araw—at hinahangad mo pa nga na biglang makaunawa o maging dalubhasa sa mga bagay na hindi mo nauunawaan o hindi mo natutunan sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo kapag apurahan mong kailangan ang mga ito. Ang mga imahinasyong ito tungkol sa mga supernatural na bagay ay pawang nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Dahil hindi naranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, likas silang puno ng mga imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ang pinakatunay at pinakapraktikal sa lahat ng bagay. Hindi kailanman kumikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; hindi Niya kailanman ginagampanan ang ganitong uri ng gawain sa mga tao. Ginagawa lang Niya ang kaunting supernatural na gawain sa ilalim ng mga napaka-espesyal na sitwasyon at sa napakakaunting tao, pero ang gawaing ito ay pansamantala lang at isang bagay na kinakailangan sa mga espesyal na sitwasyon—hindi ito isang pamamaraan ng gawain na madalas na naipapamalas sa mga tao sa loob ng pagliligtas ng Diyos. Sa Kanyang gawain ng pamamahala, nilalayon ng Diyos na iligtas ang mga tao, na bigyang-kakayahan sila na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at magtamo ng kaligtasan, at ang batayang pamamaraan ng paggawa ng Diyos ay ang tustusan ang mga tao ng katotohanan, para magawa nilang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo pagkatapos nilang maunawaan ang katotohanan. Samakatwid, anumang mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka sa iyong isipan at sa iyong kubling-malay, gaano man kalohikal ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon o gaano man natutugunan ng mga ito ang mga espirituwal mong pangangailangan—anuman ang mga dahilan, ang mga ito ay palaging magiging mga kuru-kuro at imahinasyon, at dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag kumapit sa mga ito. Hanggang sa anumang antas man ginagawa ang gawain ng Diyos, at gaano man ito tumatagal, ang mga tao ay palaging magiging mga tao at hindi sila magiging mga anghel kailanman. Pumuti ka man mula ulo hanggang paa, nang may puting buhok, nang may mukhang pinintahan ng puti, at puting pang-itaas at puting pantalon, at kahit nagsusuot ka rin ng dalawang pakpak, hindi ka maaaring maging anghel—ang mga tao ay palaging magiging mga tao. Dagdag pa rito, ang mga “tao” rito ay tumutukoy sa mga taong may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, hindi mga ekstraordinaryong tao, at lalong hindi mga di-pangkaraniwang tao. Ang mga taong ito ay hindi talaga supernatural, pero malinaw na iba sila sa mga walang pananampalataya na hindi nananampalataya sa Diyos, dahil hindi sila gumagawa ng kasamaan, kaya nilang isagawa ang katotohanan sa sandaling naunawaan nila ito, at nauunawaan nila kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang batay sa mga salita ng Diyos, at nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, sa halip na mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon at sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao. Kahit gaano na katagal na naghahangad ang mga tao ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, at kahit gaano na karami ang nakamit nila sa tingin nila, hindi ito kinikilala sa mga mata ng Diyos, at hindi tinatandaan ng Diyos ang anuman sa mga ito. Ano ang tinutukoy Ko kapag sinasabi Ko ito? Ito ay na kung, batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, pinipigilan mo ang lahat ng iba’t ibang normal na pangangailangan ng iyong laman, o nagsisikap ka nang husto na baguhin ang iyong mga instinto, kakayahan, mga abilidad, personalidad, mga padron ng pamumuhay, at mga gawi sa buhay, gaano mo man pagsikapan na pigilan at baguhin ang mga bagay na ito, kahit na magawa mong makakuha ng ilang resulta, hindi ito nangangahulugan na may nakamit kang anuman sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at higit pa rito, hindi ito nangangahulugan na isa ka nang tao na naghahangad sa katotohanan—hindi tinatandaan ng Diyos ang mga bagay na ito. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Bagama’t ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay hindi nakikita at sa panlabas ay tila hindi pinipilit ang mga tao na magsabi o gumawa ng anuman, o tumahak sa anumang uri ng landas, mahigpit na kinokontrol ng mga ito ang mga kaisipan at panloob na sarili ng mga tao, sa kaibuturan ng kanilang puso at ng kanilang kubling-malay. Bakit ganito ang kaso? Ito ay dahil ang mga bagay na minamahal at hinahangad ng mga tao ay akmang-akma sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang mga bagay na ito ay nagbibigay-layaw rin sa mga pangangailangan ng laman ng tao at tumutugon sa lahat ng uri ng mga pagnanais at pagkamausisa ng mga tao. Halimbawa, sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na layon ng gawain ng Diyos na gawin silang mga ekstraordinaryong nilikha na naiiba sa mga ordinaryong tao, at na, kapag inantig sila ng Banal na Espiritu, magagawa nilang magsalita ng ilang wika. Malinaw na lumalampas ito sa mga likas na kapabilidad ng mga tao at sa saklaw ng normal na pagkatao, pero labis nitong tinutugunan ang kanilang banidad, pagkamausisa, at pagiging mapagkompetensiya. Sa madaling salita, bago makamit ng mga tao ang katotohanan, gusto nila ang ilang supernatural na bagay, at dahil sa mga bagay na ito ay nadarama nila na importante sila at superyor at naiiba sa mga ordinaryong tao—ito mismo ang minamahal at inaasam ng tiwaling sangkatauhan. Umaasa ang lahat na mamukod-tangi sa gitna ng lahi ng tao, na maging iba sa lahat, na maging katangi-tangi at namumukod-tangi, at na tingalain at hangaan ng iba. Halimbawa, may isang penomenon sa gitna ng tiwaling sangkatauhan na kapag isang aytem lang ng isang bagay ang naprodyus, iyong mga taong mayaman at prominente ay labis na magkokompetensiya para bilhin ito. Hanggang sa anong antas nila ito gagawin? Hanggang sa antas na ang produktong ito ay mabibili sa presyo na ilang beses na mas mataas o higit sampung beses pa ngang mas mataas kaysa sa orihinal nitong presyo. Iniisip ng tao na nakabili nito na, “Tingnan ninyo, nakuha ko ang bagay na ito na nag-iisa sa mundo. Talagang makapangyarihan ako, hindi ba? Mas magaling ako kaysa sa iba, hindi ba? Wala nang iba pa na may kapabilidad ng tulad sa akin!” Sa sariling isipan niya ay nalulugod siya sa kanyang sarili, at nadarama niya na siya ay espesyal, ekstraordinaryo, at may labis na kapabilidad. Anong uri ng disposisyon ito? (Kayabangan.) Ito ay idinudulot ng isang mayabang na disposisyon. Ang ilang tao ay hindi komportable kapag nagsusuot sila ng aytem ng pananamit na kapareho ng sa ibang tao. Kapag nagsusuot sila ng isang aytem ng pananamit na hindi kayang bilhin o hindi pa nakita kailanman ng ibang tao, at naiinggit ang lahat ng nakakakita rito, ano ang nadarama nila? (Nalulugod sila sa kanilang sarili.) Labis silang nalulugod sa kanilang sarili, at iniisip nila na wala silang katulad at mas mataas sa lahat. Anong uri ng disposisyon ang nagdudulot nito? (Kayabangan.) Dulot din ito ng isang mayabang na disposisyon. Kita mo, halos isang daang porsiyento ng mga tao ang may ganitong mentalidad: Kung naging dalubhasa sila sa isang teknikal o propesyonal na kasanayan, iniisip nila na mas magaling sila kaysa sa iba at na walang sinuman ang kasinggaling nila. Kung nagiging dalubhasa rin ang ibang tao sa parehong teknikal o propesyonal na kasanayan, maiinggit sila sa taong iyon at desperado nilang hinihiling na walang makakapantay nila. Bakit sila may gayong mentalidad? (Gusto nila na maging walang katulad.) Kung sila lang ang dalubhasa sa propesyonal na kasanayang ito, superyor sila sa karaniwang tao sa grupo nila. Sa pagkakaroon ng kaalaman sa teknikal o propesyonal na kasanayang ito, natatakot sila na matututunan ito ng iba mula sa kanila. Kung hihingi ng tulong ang iba mula sa kanila, tuturuan ba nila ang mga ito? (Hindi.) Tuturuan ka lang nila ng ilang simpleng bagay; pagdating naman sa mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay, hindi nila ituturo ang mga iyon sa sinuman, at hahayaan nila na ikaw na lang mismo ang umarok sa mga ito. Ano ang aktuwal nilang iniisip? “Kung ituturo ko ito sa iyo, paano ako mamumukod-tangi? Kung kaya itong gawin ng lahat, hindi ba’t magiging isang regular na tao lang ako? Kung wala sa inyo ang nakakaalam kung paano ito gawin, ako ang pinakasuperyor na tao rito, at kailangan ninyong lahat na magpalakas sa akin—sa ganoong paraan ay madarama ko na mahalaga ako, hindi ba? Hindi ba’t ako ang may pinakamataas na katayuan at ang may pinakamahusay na kapabilidad sa inyo? Ako ang pinaka-boss sa inyo, hindi ba?” Sa pagkakaroon ng kaalaman sa isang propesyonal o teknikal na kasanayan, labis silang natatakot na matututunan ito ng iba mula sa kanila, at ayaw nilang maging katulad nila ang iba. Sasama ang loob nila kung may sinuman na may propesyonal o teknikal na kasanayan o espesyalisasyon na katulad ng sa kanila, kaya palagi silang nag-iisip ng mga paraan para matuto ng isang bagay upang mahigitan ang iba. Gusto nilang maging superyor sa iba at palagi nilang gustong mahigitan ang iba para madama na importante sila. Ito ba ang tamang paghahangad? (Hindi.) Dahil mismo may gayong mga pag-aasam at paghahangad ang tiwaling sangkatauhan, natural silang nakakabuo ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at hinahangad nilang maging nakatataas kaysa sa ibang mga tao, na magkaroon ng katayuan at katanyagan, na madama na sila ay importante, na maging walang katulad, at maging superhuman pa nga o ekstraordinaryong mga tao sa mga mata ng iba. Samakatwid, dapat bitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito tungkol sa gawain ng Diyos. Pagdating sa mga detalye, paano ito dapat isagawa? Huwag maghangad ng mga superyor na kaloob o talento, at huwag maghangad na baguhin ang iyong sariling kakayahan o instinto, bagkus, sa ilalim ng iyong likas na mga kondisyon—gaya ng kakayahan, mga abilidad, at mga instinto—gawin mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at gawin ang bawat bagay ayon sa hinihingi ng Diyos. Hindi humihingi ang Diyos nang lampas sa iyong mga abilidad o kakayahan—hindi mo rin dapat pahirapan ang iyong sarili. Ayos nang gawin mo lang ang iyong makakaya batay sa nauunawaan mo at kaya mong matamo, at magsagawa ka ayon sa kung ano ang makakaya ng iyong kalagayan. Halimbawa, kung tinutulutan ka lang ng kakayahan at mga talento mo na maging angkop para sa papel ng lider ng pangkat, gumawa ka nang mahusay bilang isang lider ng pangkat, inililista kung anumang mga trabaho at propesyonal na kasanayan ang nasa loob ng saklaw ng papel na ito, isa-isang hinaharap ang mga ito, at ipinapatupad ang mga ito ayon sa mga pamamaraan at prinsipyo na itinuro ng Diyos sa iyo—sa ganitong paraan, mapapalugod mo ang Diyos. Ipagpalagay na sinunod mo ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at iniisip mo na, “Dahil may kapabilidad akong maging isang lider ng pangkat, kung mas magsisikap ako na maging mas mahusay, kung magtitiis ako ng kaunting paghihirap at magbabayad ng kaunting halaga at gagawa ang Banal na Espiritu ng malaking gawain sa akin, hindi ba’t magagawa kong maging isang lider ng iglesia o ang lider ng isang grupo ng mga tagapagpasya? Maaaring isipin ng mga tao na hindi ko kaya, pero magsusumamo ako sa Diyos—walang mahirap na makamit para sa Diyos! Ayaw kong maging isang lider ng pangkat. Magdarasal ako sa Diyos, nang hinihiling sa Kanya na hayaan akong magpasan ng mas malaking gawain, na hayaan akong maging isang lider o manggagawa.” Tama ba ang ganitong uri ng paghahangad? (Hindi, mali ito.) Bakit mo sinasabi na mali ito? (Ang gayong mga tao ay palaging gustong gumawa ng mga bagay na lampas sa sarili nilang kakayahan at mga abilidad, at hindi nila magawang tumuon sa sarili nilang gawain batay sa sarili nilang kakayahan at mga talento, nang nananatili sa kanilang wastong lugar.) Hindi naaangkop na palaging gustuhin na maging superhuman; hindi ito ang dapat hangarin ng isang normal na tao.

Madalas na sinasabi ng ilang tao na, “Walang mahirap para sa Diyos”; isang katunayan ang kasabihang ito, at kaya itong maunawaan ng lahat ng tao. Pero ang ilang tao ay may baluktot na pagkaarok, naniniwala sila na ang anumang bagay na imposibleng gawin ng mga tao ay maaaring isakatuparan ng Diyos para sa kanila kung magdarasal lang sila sa Kanya, at na sa pagsandig sa Diyos sa ganitong paraan, maaaring lampasan ng mga tao ang sarili nilang mga instinto at maging superhuman sila. Ito ba talaga ang kaso? (Hindi.) Ang kasabihang “Walang mahirap para sa Diyos” ay malinaw na tumutukoy sa kapangyarihan at diwa ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at pati na rin sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay—walang bagay na hindi kayang isakatuparan ng Diyos. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na dapat lumampas ang mga tao sa normal na pagkatao at maging sobrenatural sila; gaano man kamakapangyarihan ang Diyos, ang gawaing ginagawa Niya sa mga tao ay nakabatay sa kanilang normal na pagkatao at ginagawa sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Pinamamatnugutan at pinapakilos ng Diyos ang lahat ng bagay, pinapakilos Niya ang mga tao, pangyayari, at bagay, para ang mga ito ay magserbisyo sa Kanyang pagsasakatuparan sa lahat ng uri ng bagay, nang isinasakatuparan ang mga katunayan na malapit na Niyang isakatuparan. Sa loob ng panahon kung kailan isinasakatuparan ng Diyos ang lahat ng uri ng mga bagay, ang mga tao ay nasa normal na pagkatao pa rin—walang nagbago tungkol sa kanila, at mga tao pa rin sila. Gaano man kamakapangyarihan ang Diyos, at anumang mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos para isagawa ang kataas-taasang kapangyarihan sa isang bagay o para maisakatuparan ang isang bagay, ang mga nilikhang tao ay palaging mga nilikhang tao; namumuhay pa rin sila sa normal na pagkatao at hindi supernatural sa anumang paraan. Masasabi ba ninyong lahat na mga katunayan ang mga ito? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi supernatural”? Ibig sabihin nito na, kapag pinamamatnugutan ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay, walang magagawa ang mga tao kundi ang mamuhay, manatiling buhay, gawin ang bawat bagay, at mamuhay sa kasalukuyang sandali sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Pero kapag namumuhay ka sa kasalukuyang sandali, magulo ba ang iyong kamalayan? (Hindi.) Malinaw pa rin ang isip mo. Kaya, agad bang umunlad o nagbago ang iyong kakayahan? (Hindi.) Kapareho pa rin ito sa orihinal. Agad bang nagbago ang iyong mga instinto, kung gayon? Hindi, hindi rin nagbago ang mga ito. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot, at mga pagsasaayos ng Diyos, gaano man karaming bagay ang iyong dinaranas, walang anumang pagbabago sa iyong personalidad, mga gawi, mga pattern ng pamumuhay, at sa kakayahan, mga abilidad, at iba’t ibang funsiyon ng iyong normal na pagkatao. Sadya lang na kapag dinaranas ng mga tao ang gawain ng Diyos, dinaranas nila ang lahat ng uri ng mga bagay at tao sa kani-kanilang sariling kapaligiran, na may huling resulta na, sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, nagkakamit sila ng kabatiran at natututo ng ilang aral. Kung sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan, nagagawa nilang makakuha ng ani sa usapin ng katotohanan at pagkilala sa Diyos. Sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, normal ang pag-iisip ng mga tao, hindi malabo ang kanilang kamalayan, at ang kanilang kakayahan, mga abilidad, at mga instinto ay nananatiling pareho katulad ng sa orihinal ng mga ito, nang walang anumang pagbabago. Samakatwid, ang “Walang mahirap para sa Diyos” ay tumutukoy sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ito tumutukoy sa paggawa sa mga tao na maging supernatural o pagbabago sa diwa ng mga nilikhang tao. Hindi binabago ng Diyos ang diwa ng mga tao; ang mga tao ay tao pa rin, at ikaw man ay lalaki o babae, walang anumang pagbabago sa aspektong ito. Pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng bagay, at ang Diyos ay omnipotente; ito ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at ito ang pag-aari ng Diyos. Ang “Walang mahirap para sa Diyos” ay hindi nangangahulugan na naging sobrenatural ang mga tao, ni hindi rin ito nangangahulugan na ang mga tao ay omnipotente. Kahit na ang ilang indibidwal ay kayang magkamit minsan ng ilang bagay na lampas sa sarili nilang kakayahan o lampas sa mga instinto ng kanilang katawan, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang Diyos ang nagbigay sa kanila ng kaloob na ito; hindi sa ipinanganak sila na may ganitong abilidad. Ito ay dahil ang mga nilikhang tao ay walang abilidad na baguhin ang lahat ng ito na inorden ng Diyos. Magbibigay Ako ng isang simpleng halimbawa tungkol sa usapin ng instinto ng tao. Halimbawa, kapag nakakarinig ang mga tao ng isang nakakatakot na tunog, matatakot sila at likas na mamamaluktot ang katawan. Kahit gaano ka na katanda, ganito ka na simula pagkabata, at magiging ganito ka pa rin hanggang mamatay ka—ito ay instinto. Ano ang ibig sabihin ng “instinto”? Isa itong likas na funsiyon ng pisikal na katawan at hindi ito kailanman magbabago. Sa pamamagitan lang ng pagtataglay ng mga instinto mapapanatili ng isang normal na tao ang buhay at pananatiling buhay ng normal na pagkatao, kaya ang mga instinto ng tao ay hindi isang bagay na nilalayong baguhin ng Diyos. Naunawaan mo ba ito? (Oo.) Ano ang tinutukoy ng “Ang Diyos ay omnipotente”? (Tinutukoy nito ang sariling awtoridad ng Diyos at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos.) Mayroon ba itong anumang kinalaman sa mga tao? (Wala itong kinalaman sa mga tao, at hindi ito nangangahulugan na kayang gumawa ng mga tao ng mga supernatural na bagay.) Hindi ito nangangahulugan na sa ilalim ng kontrol ng Diyos, ang mga tao ay omnipotente; kahit na ang mga tao ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, hindi nila kayang magkamit ng pagiging omnipotente. Bakit ganoon? (Dahil ang mga tao ay hindi ang Diyos; ang mga tao ay mga nilikha lang, samantalang ang Diyos ay natatangi.) Tama iyan, ganoon nga ito. Ang mga tao ay palaging magiging mga tao. Hindi sila magiging ibang espesye, at siyempre, lalong hindi sila magiging Diyos; hindi magbabago ang mga katangian ng mga tao. Hindi magbabago ang mga katangian ng mga tao, kaya magbabago ba ang kanilang mga instinto? (Hindi.) Hindi magbabago ang mga instinto ng mga tao, pati na ang kanilang mga gawi sa buhay at mga pattern ng pamumuhay, o ang mga likas na personalidad na ibinigay ng Diyos. Gamiting halimbawa ang mga pattern ng pamumuhay. Ang mga tao, tulad ng karamihan ng nilalang, ay nagtatrabaho pagkatapos sumikat ng araw at nagpapahinga pagkatapos lumubog ng araw. Kapag bumabangon sila sa umaga, at nakapagpahinga nang maayos ang kanilang utak at komportable ang pakiramdam ng kanilang katawan, nagsisimula silang magtrabaho; sa gabi, kapag nagsisimula nang mapagod ang kanilang katawan, at humihikab sila at pagod na pagod na ang kanilang utak, nagsisimula silang pumasok sa isang kalagayan ng pamamahinga—isa itong napakanormal na pattern ng pamumuhay. Isa itong karaniwang katangian ng mga tao, at isa rin itong instinto ng tao, at siyempre, isa rin itong pattern ng pamumuhay na itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang pattern na ito ay natutukoy ayon sa pag-ikot ng araw, buwan, at mga bituin, at sa pagsikat at paglubog ng araw. Kung lalabagin mo ang pattern ng pamumuhay na ito, sa loob ng maiksing panahon ay maaaring walang anumang magiging malalaking problema—kapag paminsan-minsan ay napapagod ka at gusto mong matulog, maaari kang magpigil ng sarili at uminom ng kaunting tsaa o kape, at medyo maiibsan ang labis na pagkapagod ng iyong katawan—pero sa katagalan ay magkakaroon ng mga problema ang iyong katawan. Bakit ito magkakaroon ng mga problema? Dahil nilabag mo ang pattern ng pamumuhay na itinatag ng Diyos para sa mga tao. Kapag nagkakaroon ng mga problema ang katawan mo at nagpapakonsulta ka sa doktor, sasabihin nito na, “Dapat kang matulog nang maaga sa gabi, nagpapahinga na pagdating ng alas diyes, at bumabangon nang alas kuwatro o alas singko ng umaga; sa loob ng ilang buwan, magiging mabuti ka na muli.” Pagkalipas ng tatlong buwan ng pagsunod sa payo ng doktor, ang lahat ng sintomas ng pagiging hindi komportable ng katawan mo ay halos maglalaho, kaya iisipin mo na, “Lumalabas na hindi naman mga seryosong karamdaman ang mga problema sa katawan ko, kundi idinulot ang mga ito ng hindi ko pagsunod sa normal na pattern ng buhay ko.” Kita mo, hindi ba’t masasabi mo na ang mga normal na pattern ng pamumuhay ng mga tao ay hindi puwedeng labagin? (Oo.) Ang pattern na ito ng pamumuhay ng mga tao ay katulad ng sa ibang mga nilalang; lahat ng ito ay nagtatrabaho pagkatapos sumikat ng araw at nagpapahinga pagkatapos lumubog ng araw. Siyempre, may ilang nilalang, tulad ng mga kuwago, na nagpapahinga sa araw at lumalabas at nagiging aktibo sa gabi; ang kanilang pattern ng pamumuhay ay iba kumpara sa mga tao at sa ibang mga nilalang, pero kung gusto mong labagin ang ganitong pattern ng mga ito, magiging imposible iyon. Dagdag pa rito, ang ilang nilalang ay nagha-hibernate kapag taglamig. Ang mga tao ba ay may ganitong pattern? (Wala.) Wala, hindi kailangang mag-hibernate ng mga tao. Ang buhay ng mga tao ay mayroong isang pattern—nagpapahinga sila sa loob ng isa o dalawang araw kada linggo, nagtatrabaho sila pagkatapos sumikat ng araw at nagpapahinga pagkatapos lumubog ng araw, at palagian nilang pinapanatili ang ganitong normal na pattern ng pagtatrabaho at pagpapahinga, at sa ganitong paraan ay maaaring mapangalagaan ang kanilang buhay at mapanatili ang kanilang pananatiling buhay. Ang mga tao ay may sarili nilang mga pattern ng pamumuhay, at ang mga pattern ng pamumuhay na ito ay itinatag ng Diyos. Ang lahat ng ito ay makabuluhan at ang lahat ng ito ay para sa layunin ng pagpapanatili sa normal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Samakatwid, hinding-hindi lalabagin ng gawain ng Diyos ang mga pattern ng buhay at ng pananatiling buhay ng tao gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao, at dapat mo ring bitiwan ang kuru-kuro at imahinasyong ito. Kung pipilitin ng mga tao na labagin ang mga pattern na ito na itinatag ng Diyos para sa kanila, o kung palaging gustong baguhin ng mga tao ang mga ito dahil pinapamahalaan sila ng ilang ideya tungkol sa mga supernatural na bagay, magiging kahangalan iyon. Kung iniisip mo na ang pagbabago sa mga ito ay mag-aangat sa iyong buhay at magpapabuti sa iyong pagkatao, subukan mong baguhin ang mga ito at tingnan mo kung gaano ka katagal na mabubuhay, tingnan mo kung paano magbabago ang mga bagay sa mga susunod na araw, at kung aangat ba ang iyong normal na pagkatao, at kung ikaw ba ay magiging superhuman o isang anghel. Kung naniniwala ka na ang gawain ng Diyos ay dapat na may supernatural na elemento, at na dapat nitong baguhin ang iyong mga pattern ng pamumuhay, at gusto mo ring pilit na baguhin ang mga ito para ikaw ay maging lampas sa karaniwan, maaari mo itong subukan. Maaari na pagkatapos mong sumubok sa loob ng ilang taon, talagang nabago mo nga ang mga pattern ng iyong pamumuhay at pananatiling buhay. May isang sitwasyon lang kung saan maaari itong mangyari, at iyon ay na ang iyong pisikal na katawan ay hindi na iiral, at sa puntong iyon ay tunay kang magiging supernatural at magiging usok, at ikaw ay magiging isang “selestiyal na nilalang” at magiging imortal. Kung gusto mong mapanatiling normal at malusog ang iyong pisikal na katawan, at magawang tanggapin ang gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita habang nasa isang normal na kalagayan, hindi mo dapat hangarin na maging isang diumano’y superhuman o hangarin ang isang diumano’y angat na pagkatao batay sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon; sa halip, dapat kang mamuhay sa normal na pagkatao, panatilihin mo ang pattern ng buhay at pananatiling buhay ng iyong normal na pagkatao, at panatilihin mo rin ang mga instinto ng iyong normal na pagkatao. Huwag humingi nang hindi makatwiran sa Diyos; ang mga di-makatwirang hinihinging ito ay pawang nagmumula sa iyong mga imahinasyon at kuru-kuro. Ang iyong mga instinto, mga pattern ng pamumuhay, at iba pa ay hindi ang nilalayong baguhin ng Diyos, at ang mga ito ay hindi rin mga bagay na nilalayon Niyang baguhin sa Kanyang gawain. Ang isang taong naligtas ay tiyak na hindi isang taong puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at lalong hindi siya isang superhuman o isang di-pangkaraniwang tao. Sa halip, isa siyang taong may normal na pagkatao, at konsensiya at katwiran, isang taong nagagawang makinig sa mga salita ng Diyos, at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo; isa siyang tao na kayang magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, na hindi supernatural kahit kaunti, at na ang pagkatao niya ay partikular na normal at praktikal.