Paano Hangarin ang Katotohanan (27) Ikaapat na Bahagi

Ang isa sa mga prinsipyo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, habang Siya ay namumuhay sa gitna ng mga tao at nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa kanila, ay ang hindi sila atakihin. Ang hindi pag-atake sa iba ay may kinalaman sa mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao at pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Bukod sa hindi pag-atake sa iba, ang Diyos na nagkatawang-tao ay may isa pang prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, at ito ay ang hindi paghihiganti. Ano ang tingin ng mga tao sa usapin ng paghihiganti? Kung ang isang tao ay inaapi o sinasaktan at pagkatapos ay makatwiran siyang gumanti o lumaban, katanggap-tanggap ba ito para sa mga tao? (Oo.) Pero para sa Diyos, isa ba itong prinsipyo ng pagtrato sa mga tao? (Hindi.) Sa sangkatauhan, sinuman ay maghihiganti, at ang lahat ay may kakayahang gawin ito; ang lahat ay may instinto na maghiganti, pati na rin intensiyon at pagnanais na maghiganti. Kung ininsulto ka nang berbal o sinaktan ka ng isang tao, kahit pa hindi ka makapaghiganti sa ngayon, maghahanap ka pa rin ng pagkakataon para makapaghiganti, para ipaalam sa kanya na mayroon kang dignidad, na hindi ka isang tao na madaling kayan-kayanin o paglaruan, na hindi ka hangal, at na mayroon kang katwiran ng normal na pagkatao, at nakadarama ng mga bagay at nakagagawa ng mga paghusga. Kung gayon, paano nabubuo ang mga kaisipang ito ng paghihiganti sa mga tao? Nagmumula ba ang mga ito sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, o mula sa pagkamainitin ng ulo ng mga satanikong tiwaling disposisyon? (Mula sa pagkamainitin ng ulo ng mga satanikong tiwaling disposisyon.) Malinaw ito. Kung ang isang tao ay inaapi, sinasamantala, o nililinlang ng iba, kapag wala siyang anumang katayuan, hindi siya magkakaroon ng pagkakataong maghiganti, at hindi ito tutulutan ng kanyang mga kondisyon, kaya ibabaon niya ang lahat ng bagay na ito sa kanyang puso, kung saan nagiging isang uri ng pagkamuhi ang mga ito. Dahil sa pagkamuhing ito, at dahil nakatanggap siya ng ganitong hindi patas na pagtrato, kaya niyang maging mapanlaban sa lipunan, sa sangkatauhan, at sa lahat ng itinuturing niyang kaaway. Kapag may katayuan ang sinumang tao, kapag tinutulutan ng mga kondisyon, at mayroon siyang pagkakataong gawin ito, may kakayahan siyang maghiganti, pinagdudusa sa kanyang pagganti ang mga taong nanakit o humamak sa kanya noon at ibinibigay sa mga ito ang nararapat sa mga ito. Pakiramdam niya ay pagkakaroon ng paninindigan ang pamumuhay nang ganito, at sa wakas ay napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa hinanakit na ito. Sa sangkatauhan, ang sinumang gumagawa nito ay hindi kokondenahin ng lipunan o ng kanyang konsensiya. Kaya, naniniwala ang mga tao na ang paghihiganti ay hindi isang di-wasto at kahiya-hiyang bagay, at hindi rin nila ito itinuturing na isang positibo o negatibong bagay. Gayumpaman, mula sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa yugtong ito ng gawain, wala kang makikitang kahit isang pangungusap sa lahat ng salitang binigkas ng Diyos na nagsasabi sa mga tao na maghiganti sa iba. Hindi kailanman sinabi ng Diyos sa mga tao, “Kung sinaktan ka ng isang tao, o kung nilinlang ka ng isang tao, dapat kang maghiganti, dapat kang gumanti sa kanya, mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Ang paghihiganti ba ay isa sa mga prinsipyo ng pagtrato sa mga tao na sinabi sa iyo ng Diyos? (Hindi.) Sa Kapanahunan ng Biyaya, ano ang sinabi ng Diyos sa mga tao tungkol sa kung paano dapat tratuhin ang iba? Nang may pagpapasensya, pagpaparaya, at pagmamahal. Ano pa? (Mahalin mo ang iyong mga kaaway, at kung sasampalin ng isang tao ang iyong kaliwang pisngi, iharap mo sa kanya ang kanang pisngi.) Ano pa? Patawarin mo ang iba nang pitumpung ulit na pito. Ang bilang na “pitumpung ulit na pito” ay representatibo lamang; hindi ibig sabihin nito na ganoon talaga karaming beses. Sinasabi ito ng Diyos para patawarin mo ang lahat ng nagkasala sa iyo, para patawarin mo sila nang kahit ilang beses; isa itong prinsipyo. Pagpapasensya, pagpaparaya, pagbibigay-daan, pagmamahal sa iyong mga kaaway, pagharap ng kanang pisngi kapag sinampal ang kaliwa, at pagpapatawad sa iba nang pitumpung ulit na pito—ang mga ito ang madalas na sinabi sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung gayon, mahihinuha ba mula sa mga salitang ito ang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao? Ano ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos na sundin ng mga tao sa pagtrato sa iba? Kabilang ba sa mga ito ang mata sa mata, ngipin sa ngipin? (Hindi.) Kabilang ba sa mga ito ang pagtrato sa iba gaya ng pagtrato nila sa iyo? (Hindi.) Kabilang ba sa mga ito ang paghihiganti? (Hindi.) Wala sa mga ito ang kabilang. Bagama’t ang bawat isa sa mga bagay na ito na sinabi ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya ay isang partikular na uri ng pag-uugali at pagsasagawa, ang mga ito ay pawang mga prinsipyo sa pagtrato sa iba na sinasabi ng Diyos sa mga tao. Kaya, sa yugtong ito ng gawain sa mga huling araw, ano ang sinasabi ng Diyos sa mga tao tungkol sa pagtrato sa iba? Ang tratuhin ang mga tao nang patas, ang tingnan ang kanilang mga kalakasan at merito, hindi ang kanilang mga pagkukulang at kahinaan. Ano pa ang partikular na mayroon? Ang hindi manlinlang, makipagtalo, o umatake sa iba, at ang makipagtulungan sa iba nang may pagkakasundo. Ang mga ito ba ay pawang mga partikular na prinsipyo ng pagtrato sa mga tao? (Oo.) Anuman ang kapanahunan, wala ni isa sa mga partikular na prinsipyong ibinibigay ng Diyos sa pagtrato sa iba ang nagsasabi sa mga tao na maghiganti. Walang ni isa ang nagsasabing, “Kung sinaktan ka ng isang tao, saktan mo rin siya; kung hinampas ka ng isang tao, hampasin mo rin siya; kung sinuntok ka niya, suntukin mo rin siya; kung minura ka niya, murahin mo rin siya.” Hindi kailanman nagsabi ang Diyos ng kahit isang salita na tulad nito. Hinihingi sa iyo ng Diyos na makipagtulungan sa iba nang may pagkakasundo at tratuhin ang mga tao nang patas. Ang taong iyon ay maaaring isang tao na minamaliit mo, isang tao na nanakit o nanlinlang sa iyo noon, o isang tao na umatake o humusga sa iyo. Pero hangga’t siya ay isang tao na tunay na nananampalataya sa Diyos, dapat mo siyang tratuhin nang patas at dapat kang makipagtulungan sa kanya nang may pagkakasundo. Ito ang prinsipyo, at ito ang prinsipyo na dapat taglayin at sundin ng isang tao na may normal na pagkatao sa kanyang pagtrato sa iba. Tatanggapin ng mga tao na may konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao ang mga katotohanang prinsipyong ito at isasagawa nila ang pagtrato sa iba nang patas. Iyong mga hindi nagtataglay ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao ay ituturing ang mga salitang ito bilang isang uri ng doktrina o relihiyosong turo kapag narinig nila ang mga ito. Kung lalabagin ng isang tao ang mga interes, pride, katayuan, o dignidad ng mga tao na hindi kayang tumanggap ng katotohanan, ilalantad nila ang sarili nilang pagkamainitin ng ulo. Hindi lang sila maghihiganti at hihingi ng kabayaran mula sa kabilang panig, kundi gaganti pa nga sila sa kabilang panig nang doble, pinatitindi ang kanilang paghihiganti. Kung may sinumang nanakit sa kanila, nakasakit ng damdamin nila, nang-alipusta sa kanila sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng kawalan ng paggalang, o nagkaroon ng anumang berbal o maging pisikal na alitan sa kanila, maghihiganti sila at gagantihan nila ito nang doble. Sadyang hindi nila kayang sundin ang mga prinsipyo ng pagtrato sa mga tao na hinihingi ng Diyos.

Mayroon ding maraming tunay na halimbawa na may kinalaman sa paksa ng hindi paghihiganti ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga tao. Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa kanilang pagtrato sa iba ay na dapat nilang sundin ang prinsipyo ng hindi paghihiganti, dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng ganitong uri ng normal na pagkatao, at ng ganitong uri ng pagkataong diwa, sa Kanyang tunay na buhay at kapaligiran sa gawain. Ano ang ibig sabihin na nagtataglay Siya ng ganitong uri ng pagkataong diwa? Ang ibig sabihin nito ay kaya Niyang mahigpit na sundin ang gayong prinsipyo ng sariling asal sa Kanyang pagtrato sa mga tao, at mahigpit na sundin ang prinsipyong ito ng sariling asal sa kung paano Siya namumuhay sa gitna ng sangkatauhan at sa gitna ng mga grupo ng mga tao. Ito ay dahil mayroon Siyang gayong buhay diwa, at dahil din sa mayroon Siyang gayong buhay diwa kaya mayroon Siyang gayong realidad sa Kanyang pamumuhay. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay praktikal na namumuhay sa gitna ng mga tao; aktuwal Siyang namumuhay kasama ng mga tao at nakikitungo Siya sa kanila, namumuhay Siya ng ganitong uri ng tunay na buhay—hindi Siya namumuhay nang hiwalay sa realidad. Dahil namumuhay sa katawang-tao, hindi maiiwasang makisalamuha, makipag-usap, at makitungo Siya sa mga tao. Kapag nakikisalamuha at nakikitungo sa tiwaling sangkatauhan, hindi maiiwasang Siya ay matrato nang hindi patas, hindi igalang, madiskrimina, malinlang, maapi, at mahusgahan sa mga paraang hindi tugma sa realidad. Paano Ko hinaharap ang ganitong uri ng hindi patas na pagtrato? Sa pamumuhay sa gitna ng mga tao sa mga taon na ito, nang hindi na binabanggit ang iba’t ibang uri ng hindi patas na pagtrato na dinanas Ko sa gitna ng mga walang pananampalataya, sa usapin lang ng pamilya, ng lokal na iglesia, at ng lahat ng nakatataas na lider at manggagawa at ordinaryong kapatid na maaari Kong makasalamuha, sabihin ninyo sa Akin, nagawa ba ng lahat na tratuhin Ako nang patas? (Hindi.) Talagang hindi. Katulad ninyo Ako—naging isa Akong ordinaryong mananampalataya, at naging miyembro din Ako ng isang pamilya. Noong miyembro Ako ng isang pamilya, dumanas Ako ng lahat ng uri ng hindi patas na pagtrato. Sa isang pamilya, sa magkakapatid, kung sino ang pinakadominante ay siyang nasusunod, at ang taong totoo at makatwiran ay palaging inaapi at tinatrato nang hindi patas. Sa loob ng pamilya, may naaalala Akong ilang partikular na insidente. Sa mga insidenteng ito, kung ikaw ay dominante, hindi makatwiran, at gumawa ng eksena, hindi ka aapihin o tatratuhin nang hindi patas. Pero kung ikaw ay makatwiran at hinarap mo ang mga insidenteng ito nang makatwiran, aapihin ka. Kung gumawa ng eksena ang iba at naging hindi makatwiran, pilit silang mananamantala sa iyo at aasal nang walang hiya. Hindi Ko alam kung paano umasal nang walang hiya; alam Ko lang kung paano maging makatwiran at harapin ang gayong mga usapin nang makatwiran, pero ang pagiging makatwiran ay nangangahulugang aapihin Ako. Tingnan ninyo ang mundong ito: Anumang grupo ito ng mga tao, hindi humahawak ng kapangyarihan ang pagiging patas at katuwiran. Sinuman ang kayang umasal nang walang hiya, gumawa ng eksena, at ipilit ang mga hindi makatwirang argumento ang siyang nakalalamang. Habang mas makatwiran ka, at habang mas pinahahalagahan mo ang pagiging patas, konsensiya, at pagkamakatwiran, mas mahihirapan kang magkaroon ng matatag na katayuan, at mas aapihin ka. Naging ganito rin para sa Akin sa loob ng pamilya; inapi Ako ng ibang miyembro ng pamilya. Sa lokal na iglesia, mayroon ding ilang tao na palagi Akong dinidiskrimina. Hindi Ko pinasama ang loob nila at hindi Ko sila sinaktan. Dahil lang sa Ako ay bata pa noon, kumilos nang medyo maagap at masigasig, at handang dumalo sa mga pagtitipon at makibahagi sa iba’t ibang aktibidad, ang ilang tao ay palaging nangmamaliit sa Akin at nagbibigay ng masamang tingin sa Akin. Bukod pa rito, hinusgahan nila Ako at minaliit Ako habang nakatalikod Ako, sinasabi ang lahat ng uri ng masasamang salita. Kalaunan, nang pumunta Ako sa mga iglesia sa ibang lugar at namuhay kasama ng mga lokal na kapatid doon, ganoon din ang nangyari. Anuman ang ginawa Ko, magkakaroon ng mga kuru-kuro ang ilang tao, at ang ilan ay tinuya pa nga Ako, minaliit Ako, at hinusgahan Ako habang nakatalikod Ako. Anuman ang hindi patas na pagtrato na natanggap Ko, sa paglipas ng mga taon ay hindi Ako kailanman naghiganti sa sinumang nanakit sa Akin noon. Kahit pagdating sa mga tao na nangmaliit sa Akin, at mga tao na humusga sa Akin o nagsabi pa nga ng napakasasamang bagay tungkol sa Akin, hindi Ako kailanman naghiganti sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng hindi paghihiganti? Anong mga anyo ng pag-uugali ang bumubuo sa paghihiganti? Maraming anyo ng pag-uugali ang paghihiganti. Ang isang uri ng paghihiganti ay ang isumbat sa mga tao ang mga dati nilang maling gawa, ipaalam sa kanila na mayroon na Akong katayuan ngayon, kung ano ang naramdaman Ko noong minaliit nila Ako, hinusgahan Ako, at gumawa ng mga sarkastikong komento tungkol sa Akin noon, at na ngayong mayroon na Akong katayuan, magiging napakadali lang kung gusto Ko silang harapin at paghigantihan. Pero hindi Ko kailanman ginawa iyon, at hindi Ko rin iyon gagawin. Bakit hindi Ko iyon gagawin? Mayroon Akong mga prinsipyo sa Aking puso para sa pagtrato sa lahat ng uri ng tao. Kung masama ang pagkatao ng isang tao at isa siyang masamang tao, hindi malaking usapin kung sinasaktan niya Ako. Pero kung ginugulo niya ang iglesia, pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, nilalabag ang mga atas administratibo ng iglesia, nilalabag ang mga prinsipyo ng iglesia, o sinasalungat ang mga pagsasaayos ng gawain, dahil may mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, natural na pakikitunguhan siya nito. Kung bulag ang mga kapatid at walang pagkilatis, at gusto siyang ihalal bilang isang lider, makikipagbahaginan Ako sa kanila tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paghahalal ng mga lider. Kung may pagkilatis ang mga kapatid pagdating sa taong ito, maaari nilang hilingin sa kanya na umatras sa halalan; kung wala silang pagkilatis at inihalal nila siya, hayaan siyang sumubok na maging isang lider. Sa sandaling sapat na ang dinanas na pagdurusa ng mga kapatid, natural na makikilatis nila siya at tatanggalin siya. Sa isang banda, tinutulutan nito ang mga kapatid na matuto ng aral; matututunan nila kung paano kumilatis at kumilala ng mga tao. Sa kabilang banda, ito ay mahigpit na pagsunod sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pakikitungo sa lahat ng uri ng tao. At may isa pang punto rito na mas mahalaga pa: Ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, ay isang lugar kung saan kumikilos ang Banal na Espiritu, kung saan ang Diyos ang humahawak ng kapangyarihan; ito ang sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin na ito ang sambahayan ng Diyos? Ang ibig sabihin nito ay ang katotohanan ang humahawak ng kapangyarihan, na nangangahulugan naman na ang katotohanan ang nasusunod dito. Ang lahat ng pumupunta sa iglesia ay may angkop na kalalabasan at destinasyon. Kung ang sinuman ay pananatilihin, aalis, o mananatili, kung anuman ang kapaligirang kinaroroonan ng sinuman, at kung paano siya pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos—may takdang oras ang Diyos para sa lahat ng ito. Ang katunayan na may isang taong nanakit sa Akin, nagkasala sa Akin, nangmaliit sa Akin, o nagdiin sa Akin at nanghusga sa Akin noong nakatalikod Ako ay hindi maituturing na paglabag sa mga prinsipyo sa Aking paningin. Kung gayon, ano ang paglabag sa mga prinsipyo? Ito ay ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at paglabag sa mga atas administratibo. Ang katotohanan ang humahawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Sa malao’t madali, makakatanggap ng ganti ang masasamang tao; makakatanggap ang bawat isa ng kaparusahang nararapat sa kanya ayon sa kanyang mga gawa. Ang pakikitungo sa lahat ng uri ng tao ay usapin ng iglesia at ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa; hindi Ko na kailangang direktang gawin ito. Ito ang Aking prinsipyo sa pagtrato sa mga bagay na tulad nito. Anuman ang ginawa o sinabi ng sinuman sa Akin noon, magalang man o mapang-alipusta, angkop man o hindi angkop, kaya Ko siyang tratuhin nang patas. Hangga’t namumuhay ka ng buhay iglesia sa sambahayan ng Diyos, o kung sandali ka pa lang nananampalataya sa Diyos at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi pa umaabot sa yugtong iyon ang gawain ng Banal na Espiritu, maaari kang manatili sa sambahayan ng Diyos. Bago sumapit ang panahon para pinal na ipahayag ang mga kalalabasan ng mga tao, kaya Kong maghintay. Hindi Ko gagamitin ang iyong saloobin lang sa Akin bilang sapat na ebidensya para tukuyin ang iyong kalalabasan. Samakatwid, hindi Ako maghihiganti sa sinumang nanakit sa Akin kailanman; tatratuhin Ko siya ayon sa mga prinsipyo.

Nakaugnayan Ko ang ilang tao sa iglesia; ang ilan sa kanila ay nakikipag-usap sa Akin nang medyo walang galang at walang pagrespeto. Nang makita Kong ganito ang saloobin nila sa Akin, hindi Ko sila pinansin. Sabihin ninyo sa Akin, nangangahulugan ba iyon na mayroon Akong masamang saloobin sa kanila? (Hindi.) Kung gayon, dapat ba ay pinungusan at dinisiplina Ko sila dahil sa saloobin nila? Hindi Ko pa talaga kailanman ginawa ang gayong bagay. Ang nangyari sa huli ay hindi na ito natiis ng ilang kapatid. Ipinagtanggol nila Ako, sinabi nila, “Paanong nagagawa ng taong ito na magkaroon ng ganitong saloobin kapag nakikipag-usap sa Diyos? Alisin siya!” Labis na nagalit ang mga kapatid. Batay sa palagiang pag-uugali ng taong iyon, inalis nila siya ayon sa mga prinsipyo. Nang makita Kong inalis siya ng mga kapatid, nalaman Ko sa Aking puso, “Tila hindi masyadong maganda ang mga karaniwang pagpapamalas ng pagkatao ng taong ito. Hindi siya pakikitunguhan ng mga kapatid dahil lang sa mayroon siyang masamang saloobin sa Akin; malamang, hindi maganda ang pag-uugali ng taong ito pagdating sa karamihan ng mga bagay.” Kumikilos ang iglesia ayon sa mga prinsipyo sa pakikitungo sa kanya; wala Akong pagtutol tungkol dito. Iginagalang Ko kung paano pinili ng mga kapatid na pakitunguhan ito, at iginagalang Ko ang pasya nila. Pero ang paggalang na ito ay hindi dahil pinakitunguhan ninyo ang isang tao na walang galang sa Akin—ang iginagalang Ko ay ang mga prinsipyo ng iglesia para sa pakikitungo ng mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, tama ba ang prinsipyong ito ng pagtrato Ko sa mga tao? (Oo.) Pagdating sa pagtrato sa mga tao, hindi Ko kailanman sinabihan ang mga lokal na lider ng iglesia na pakitunguhan iyong mga humusga sa Akin, nangmaliit sa Akin, o pasalitang nang-insulto sa Akin noon. Sa kabaligtaran, kung nag-aangat at naghahalal ang isang lokal na iglesia ng ilang partikular na indibidwal sa gitna ng mga taong iyon para maging mga direktor ng ebanghelyo o mga lider at manggagawa, hindi Ako humahadlang; binibigyan Ko sila ng pagkakataon. Partikular itong totoo para sa mga tao sa iglesia ng Aking sariling bayan—ginagawa lang nila ang anumang mga tungkulin na dapat nilang gawin. Hindi Ko binigyan ng awtorisasyon ang sinuman na maghiganti sa mga nanakit o nagkasala sa Akin noon; hindi Ko kailanman ginawa ang kahit isang bagay na tulad nito. Ano ang tingin Ko rito sa Aking puso? Kung tunay na hinahangad ng gayong mga tao ang katotohanan at nagbabago ang mga disposisyon nila, may pag-asa sila na makapagtamo ng kaligtasan. Ang masasamang bagay na sinabi nila sa Akin noon ay pawang mga problema ng kanilang pagkatao, idinulot ng mga tiwali nilang disposisyon. Noong panahong iyon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at lahat ay may malulupit na disposisyon. Hindi maiiwasan na makapagsabi sila ng ilang masamang bagay at makagawa ng ilang hindi angkop na bagay sa mga taong minamaliit nila. Sa partikular, kapag naiangat iyong mga kinaiinggitan nila o minamaliit nila, umuusbong sa mga puso nila ang inggit, paninibugho, at pagkamuhi. Pagkatapos ay pamamahalaan sila ng mga tiwali nilang disposisyon at uudyukan silang kumilos, at magsasalita sila ng mga maladiyablong salita. Dulot ito ng mga tiwali nilang disposisyon, at ng mga ambisyon at pagnanais nila. Sinamahan pa ng katunayan na wala silang ni katiting na may-takot-sa-Diyos na puso, kaya nilang sabihin ang anumang masamang bagay; sasabihin nila ang anumang makatutulong sa kanila na ibulalas ang galit nila, anumang magtutulot sa kanila na maibsan ang pagkamuhi nila, at anumang magbibigay-daan sa kanila na makamit ang mga layon nila. Anuman ang masasamang bagay na sinabi ng mga tao o anuman ang masasamang bagay na ginawa nila habang nakatalikod Ako, kung nasasaklaw ito ng normal na pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at isa itong bagay na mapapatawad ng Diyos, kung gayon, dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataon, na tinutulutan silang maiangat, malinang, at magamit, at maaari pa ngang magawang perpekto ang ilang tao. Gayumpaman, kung lumampas ang mga pagbubunyag na ito sa saklaw ng mga tiwaling disposisyon ng normal na pagkatao at kinokondena ng Diyos ang mga ito, kung gayon, dahil sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng ito, kung ano ang gagawin ng Diyos sa mga taong ito, o kung ano ang isasaayos Niya para sa kanila at kung paano Niya sila pakikitunguhan, ay nasa Diyos na. Hindi Ko kailangang mag-alala tungkol dito, at hindi Ko rin kailangang makialam. Samakatwid, kapag nakararanas Ako ng ilang hindi patas na pagtrato o nakakarinig ng mga salitang umaatake at kumokondena sa Akin, nakakaramdam Ako ng kaunting pighati o kalungkutan sa Aking puso, pero hindi Ako lalabag sa mga prinsipyo para gumawa ng anuman. Hindi Ko lang tinatandaan ang mga bagay na ito, kundi mas tinitingnan Ko rin ang pagkataong diwa ng mga taong ito na nalalantad sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali. Gayumpaman, pagdating sa kung ano ang ibibigay na hatol sa huli sa lahat ng pag-uugali at pagbubunyag nilang ito, sa kanilang pagkatao, at sa kanilang disposisyong diwa, at kung ano ang kalalabasan nila sa huli, mayroon lang Akong isang paraan ng pakikitungo rito: Ipinapaubaya Ko ang lahat ng ito sa Diyos. Ito ay dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ang kapalaran ng bawat tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga tadhana ng lahat ng tao. Hindi Ko tinutukoy ang anuman sa inyong mga kalalabasan. Bagama’t kaya Kong matalos ang lahat ng ito, matukoy at mabigyang-hatol ito sa Aking puso, at may mga opinyon Ako tungkol sa iyo sa Aking puso, hindi kita kailanman hayagang inilalarawan; hindi Ko ginagawa iyon. Kung gusto kang pakitunguhan ng iglesia, maaari Kong ibigay ang Aking mga opinyon, pero hindi Ako nakikialam o humahadlang sa pakikitungo sa iyo ng iglesia. Kasabay nito, hindi Ako nakikialam sa paggamit ng Espiritu ng Diyos ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa iyo. Tinatrato Ko ang mga tao batay sa mga prinsipyong ito, kaya ang mga hindi patas na bagay na ginawa sa Akin at ang masasamang bagay na sinabi sa Akin ng mga nakasalamuha Ko ay nagtatapos sa Akin—at hindi na nagpapatuloy pa. Ano ang ibig sabihin na hindi na nagpapatuloy pa ang mga ito? Ang ibig sabihin nito ay na sinuman ang nagsabi ng masasamang bagay tungkol sa Akin, nang-api sa Akin, nang-insulto sa Akin, o nanakit sa Akin, hindi Ko ito kailanman binanggit sa sinuman, lalong hindi Ako naghiganti sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Maraming taon na ang lumipas mula noon—maaari kayang nakalimutan Mo na ang mga taong ito?” Sa buhay ng isang tao, palaging may ilang bagay na nag-iiwan ng malalim na impresyon at hindi kailanman makakalimutan. Hindi sa nakalimutan Ko na ang mga bagay na ito, at hindi rin sa hindi Ko maramdaman ang mga ito, lalong hindi sa hindi Ko nauunawaan ang mga ito. Nagagawa Kong hindi magkimkim ng hinanakit at hindi maghiganti dahil walang mga bagay tulad ng hinanakit at paghihiganti sa Aking puso; naging prinsipyo Ko na ito sa pagtrato Ko sa mga tao. Ang isang aspekto ng prinsipyong ito ay ang pagtrato sa lahat nang patas. Ang kapalaran ng lahat ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang kalalabasan at hantungan ng bawat tao ay may kaugnayan sa kanyang nagawa, sa kanyang mga pagpapamalas, sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at sa landas na kanyang tinatahak; tinutukoy ang mga ito ng mga salik na ito. Ang ginawa ng sinuman sa Akin ay hindi isang pamantayan o salik para sa pagsukat ng kanyang kalalabasan at hantungan. Samakatwid, pagdating sa hindi paghihiganti, ang pinakamahalagang punto ay na mayroon Akong mga prinsipyo sa pagtrato Ko sa lahat ng uri ng tao. Kung sinaktan mo Ako, pininsala mo Ako, nilinlang mo Ako, o ininsulto o minura mo pa nga Ako, hindi Ako maghihiganti laban sa iyo, dahil ang paghihiganti ay hindi Ko prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, at hindi rin ito ang prinsipyong itinuturo ng Diyos sa mga tao sa pagtrato sa iba. Samakatwid, bago sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga prinsipyo ng pagtrato sa iba, ang Diyos ay mayroon ding Kanyang sariling mga prinsipyo sa Kanyang pagtrato sa mga tao. Sa mga salita ng Diyos, at sa lahat ng prinsipyong itinuturo ng Diyos sa mga tao, walang prinsipyo na gaya ng paghihiganti sa iba. Sasabihin ba ninyo na ganito ang kaso? (Oo.) Ang mga prinsipyo ba ng pakikitungo Ko sa lahat ng uri ng usapin at pagtrato sa lahat ng uri ng tao ay sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo na ibinahagi Ko sa paglipas ng mga taon? (Hindi.)

Nagagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, sa Kanyang normal na pagkatao, na hindi maghiganti—madali ba para sa mga tiwaling tao na gawin din ito? (Hindi.) Bakit hindi ito madali? (Kapag nakikipag-ugnayan sa ibang tao, ang mga tiwaling tao ay pangunahing umaasa sa mga tiwali nilang disposisyon at pagkamainitin ng ulo, kaya malaki ang tendensiya nilang maghiganti sa iba.) May malupit na disposisyon ang mga tiwaling tao, kaya hindi nila mapigilang maghiganti. Alam nila kung anong mga prinsipyo ang sinasabi ng Diyos sa mga tao para sa pagtrato sa iba, pero hindi nila kayang sundin ang mga ito, dahil mayroon silang malupit na disposisyon. Kahit pa wala kang intensiyong saktan sila kapag nagsasalita ka, kung hindi ka maingat at makapagsabi ka ng isang bagay na nakakasakit sa kanila, sasabog sila sa galit dahil sa kahihiyan at gugustuhin nilang maghiganti sa iyo. Susubukan din nilang palakihin ito para atakihin ka; dudungisan at sisiraan nila ang pangalan mo habang nakatalikod ka, at magsasabi sila sa iba ng masasamang bagay tungkol sa iyo, sinasabing masyado kang ambisyoso at mapanlinlang, samantalang hindi naman talaga iyon ang kaso. Nakapagsabi ka lang ng isang bagay nang hindi sinasadya na nakasakit sa kanila; wala kang anumang malisya, gayumpaman ay kaya nilang maghiganti sa iyo. Tingnan mo, hindi ba’t nakakatakot ang malupit na disposisyon ng mga taong tulad nito? (Oo.) Ang ilang tao, para maghiganti sa iba, ay kayang maging hindi makatwiran, umasal nang walang hiya, at magwala pa nga at gumawa ng eksena; hindi ito alinsunod sa mga prinsipyo. Madalas na ganito kumilos ang mga tiwaling tao, hindi ba? Paano Ako kumikilos kapag nahaharap sa posibilidad ng paghihiganti? Paano man Ako tratuhin ng iba, hindi Ako naghihiganti sa kanila, ni umaasal nang walang hiya. Kahit kailan, hindi maaaring magbago ang Aking mga prinsipyo ng sariling asal. Dapat Akong maging makatwiran, at dapat Akong umasal at gumawa ng mga bagay sa loob ng saklaw ng pagkamakatwiran ng pagkatao. Hindi Ako maaaring gumamit ng mga pamamaraan na walang pagkatao para maghiganti sa iyo dahil lang sa hindi ka makatwiran at wala kang pagkatao; hindi iyon magiging angkop. Dapat Kong panghawakan nang mahigpit ang Aking trabaho at panghawakan nang mahigpit ang Aking mga prinsipyo ng sariling asal. Hindi Ko aabandonahin ang Aking mga prinsipyo ng sariling asal dahil lang sa wala kang pagkatao at hindi ka umaasal gaya ng dapat iasal ng isang tao. Aasal pa rin Ako gaya ng nararapat; nananatiling hindi nagbabago ang Aking mga prinsipyo ng sariling asal. Ganitong-ganito Ako umasal sa bahay. Pagdating sa mga bagay tulad ng paghuhugas ng mga pinggan, pag-aayos ng bahay, at paglilinis, gaano man gumawa ng eksena ang iba o gaano man sila hindi makatwiran, ginawa Ko pa rin kung ano ang dapat Kong gawin, at hindi Ako kailanman naghiganti sa sinuman dahil nakatanggap Ako ng hindi patas na pagtrato. Sa huli, anong titulo ang ibinigay sa Akin ng mga magulang? Sinabi nilang Ako ay marangal. Hanggang sa araw na ito, malinaw Kong naaalala ang mga salitang ito. Ito ang Aking prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, at nananatili itong hindi nagbabago hanggang sa araw na ito. Hindi lang Ako umasal nang ganito sa bahay, kundi kalaunan, noong pumunta Ako sa iba’t ibang iglesia at nakisalamuha sa mga kapatid, hindi rin nagbago ang prinsipyong ito. Sabihin ninyo sa Akin, tinutukoy ba ito ng pagkataong diwa? (Oo.) Kaya ba ninyong makamit ito? (Hindi.) Mahirap ito, hindi ba? Hindi mo ito kayang makamit kahit pa ubusin mo ang lakas mo sa pagsubok. Gusto lang ng mga tao na ipaglaban ang kanilang pride at pangatwiranan ang kanilang panig, gayumpaman ay nakakalimutan nila ang mga hangganan at prinsipyo ng sariling asal. Walang sinuman ang kailanman ay sumunod sa mga hangganan at prinsipyo ng sariling asal. Bakit walang sinuman ang sumusunod sa mga ito? Dahil ang buhay sa loob ng mga tao ay walang normal na pagkatao at mga prinsipyo. Ang buhay ng mga tao ay ang mga tiwali nilang disposisyon, na nagmumula kay Satanas. Anuman ang gawin mo, ang prinsipyong namamahala at gumagabay sa iyong pag-uugali ay palaging nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Anumang pangangatwiran ang gamitin mo o anuman ang batayan ng iyong mga kilos, nagmumula ang lahat ng ito sa mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, ang pakikipag-ugnayan sa mga tao ayon sa mga prinsipyo ay masyadong mahirap para sa mga tiwaling tao. Tingnan mo, hindi ba’t ang mga bagay na ito sa buhay na tinatalakay Ko ay tila napakaordinaryo? Pero ang pag-asal nang ganito sa gitna ng tiwaling sangkatauhan ay inilalarawan bilang pagiging marangal. Ang katangiang ito ng pagiging marangal ay isang bagay na wala man lang ang karamihan sa mga tao at hindi nila kayang makamit, lalong hindi sila makapagpapakita ng anumang pagbibigay-daan. Masyado silang nagkukulang sa kakayahang makipag-ugnayan sa iba ayon sa mga prinsipyo, dahil sadyang wala ang mga bagay na ito sa tiwaling pagkatao. Hindi sa hindi kayang panghawakan nang mahigpit ng mga tao ang mga prinsipyo, kundi sa halip ay wala silang mga prinsipyo. Anuman ang sabihin o gawin mo, o anuman ang makaharap mo, nabubunyag ang mga tiwali mong disposisyon. Ang iyong mga personal na kagustuhan, mga damdamin, interes, banidad at pride, pag-aasam ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, ang mga ambisyon at pagnanais mo, at maging ang pagnanais mong maghiganti at magpahirap sa mga tao, ay pawang nagpapakita. Ang mga bagay na ito ang kumokontrol at namamahala sa kung ano ang sinasabi at ginagawa mo, na nagpapakita na ang iyong puso ay ganap na inookupa ng mga tiwaling disposisyong ito. Kaya, kapag nagdurusa ka ng kawalan, hindi mo malunok ang iyong galit; iginigiit mong lumaban para makita kung sino ang mananaig bago ka sumuko. Ano ang nangyayari sa huli? Para mabawi ang iyong pride, maibalik ang iyong dignidad, at maprotektahan ang sarili mong mga interes, lalabagin mo ang mga hangganan ng konsensiya at hibang na makikipag-agawan at makikipag-away sa kabilang panig, at maghihiganti pa nga nang walang konsensiya, gagamit ng mga nakakahiyang paraan. At kapag naghiganti ka, mumurahin mo siya hanggang sa magdilim ang paningin mo. Habang mas minumura mo siya, mas nararamdaman mong hindi nito naiibsan ang iyong pagkamuhi; habang mas minumura mo siya, mas tumitindi ang iyong galit; habang mas minumura mo siya, mas lumalalim ang iyong pagkamuhi, at pagkatapos ay oras na para magkasakitan. Sa sandaling sumiklab ang pisikal na away, nagiging magkaaway kayo; pagkatapos ay hindi na maisasalba ang sitwasyon, wala nang paraan para umatras. Kaya, ang paghihiganti, sa pangunahin, ay eksklusibong saklaw ng tiwaling sangkatauhan. Ang katunayan na kaya mong maghiganti ay nagpapatunay na walang kontrol sa iyo ang iyong konsensiya at katwiran. Bukod pa rito, ang ilan sa inyo ay sadyang hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Kaya, kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon, hangga’t pinipinsala ng kabilang panig ang iyong mga interes o sinasaktan ang iyong pride, hindi lang sa hindi mo siya kayang tratuhin ayon sa mga prinsipyo, kundi walang habas ka ring naghihiganti, nilalabag ang mga hangganan ng konsensiya at moralidad para gawin ito, iniisip pa nga na partikular na makatwiran ang iyong paghihiganti. Patuloy mong pinapalitan ng masasamang gawa ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga prinsipyo ng sariling asal. Ang isinasabuhay mo ay ang mukha at anyo ng isang diyablo, gayumpaman ang pakiramdam mo pa rin ay na nanalo ka at nagkamit ng kalamangan. Ang totoo, ano ang tingin dito ng Diyos? Anong uri ng pag-uugali at anong paraan ng pag-asal ang mga positibong bagay sa paningin ng Diyos, at kinikilala ng Diyos? Ito ang pinakakritikal at pinakamahalagang bagay. Sa panlabas, dahil ang ilang tao ay napakatuso, mahusay magsalita, alam kung paano protektahan ang kanilang banidad at pride, alam kung paano maghanap ng mga pagkakataon para maghiganti sa mga tao, at alam kung paano gumawa ng eksena at umasal nang walang hiya, hindi sila kailanman nagdurusa ng mga kawalan anuman ang makaharap nila, at natatamasa nila ang kaginhawahan at kagaanan, hindi kinakailangang dumanas ng anumang pasakit. Kaya nilang gumanti sa sinumang nang-iinis o nananakit sa kanila, kapwa nagkakamit ng panlabas na prestihiyo at mga aktuwal na pakinabang, hindi kailanman tinutulutan na makaranas ng dagok ang kanilang pride. Gayumpaman, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan o tatratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, at kaya pa nga nilang gumawa ng mga bagay na lumalabag sa mga hangganan ng konsensiya at moralidad. Ang paghihiganti at pananakit sa mga tao para protektahan ang sariling pride at mga interes—sa paningin ng Diyos, ang mga ito ay pawang masasamang gawa. Maaaring naprotektahan mo ang iyong banidad at pride at napanatili ang iyong mga makalamang interes, pero hindi ka kailanman umasal o nagtrato ng mga tao ayon sa mga prinsipyong itinuturo ng Diyos. Kaya, ano ang tingin dito ng Diyos? Hindi mo kailanman nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa Kanyang harapan. Masyado kang tuso at masyadong mapagpakana. Nakikipag-agawan ka para sa panlabas na prestihiyo, mga aktuwal na pakinabang, at mga personal na interes, at nakikipaglaban ka para sa iyong pride. Para sa kapakanan ng pagprotekta sa iyong banidad at pride, hindi mo kailanman isinasapuso ang mga prinsipyo ng sariling asal na itinuturo sa iyo ng Diyos, at hindi mo kailanman sinusunod ang mga ito. Samakatwid, kahit na ang mga makalamang interes ng ilang tao ay tila hindi nakaranas ng anumang kawalan, at tila namumuhay sila ng isang partikular na matagumpay, kahanga-hanga, at kagalang-galang na buhay, wala sila ni katiting na nagbibigay-buhay na katotohanan ng mga salita ng Diyos; hindi nila ito nakamit. Wala rin silang kakayahang maarok ang mga bagay-bagay; hindi nila ito maarok at hindi nila ito nauunawaan. Hindi ba’t ito ay pagdanas ng kawalan pagdating sa buhay ng isang tao? (Oo.) Hindi nila nakamit ang katotohanan, dumanas ng kawalan ang kanilang buhay, at hindi sila pinagpapala ng Diyos, gayumpaman ay pakiramdam pa rin nila ay napakatalino nila, at na hindi sila dumanas ng anumang kawalan. Ang gayong mga tao ang pinakahangal!