Paano Hangarin ang Katotohanan (27) Ikatlong Bahagi

Anumang mga problema ninyo ang inilalantad Ko, at anumang pamamaraan o tono ng boses ang ginagamit Ko kapag inilalantad ang mga problemang ito, ginagawa Ko ito batay sa prinsipyo at nang may layunin na tulungan kayo at suportahan kayo na tumahak sa landas ng kaligtasan. Wala Akong dalang anumang malisya—ito ay ganap na mula sa kagandahang-loob. Kahit pa ang mga salitang ginagamit Ko minsan kapag inilalantad Ko ang diwa ng problema sa loob ng isang partikular na indibidwal o uri ng tao ay hindi masyadong pino, ang Aking layunin ay hindi para mang-atake o manupil ng sinuman, kundi para himayin ang diwa ng problema upang magkaroon ng pagkilatis ang mga tao at maiwaksi nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa loob nito, walang mga pakana, walang layunin na atakihin ka o supilin ka, at walang layunin na isiwalat ang iyong mga nakakahiyang lihim o ipahiya ka. Kahit pa, kapag nagbabahagi tungkol sa ilang problema, inilalarawan Ko ang pag-uugali o ang disposisyon at diwa ng isang partikular na uri ng tao, ang paglalarawang iyon ay ganap na naaayon sa mga obhetibong katunayan. Halimbawa, kung ikaw ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, palaging kumikilos nang diktatoryal, at gumawa ka ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at sinabi Ko sa iyo, “Kung patuloy mong gagawin ito at tatanggi kang magsisi anuman ang mangyari, ito ang iyong diwa, at ang saloobin ng Diyos sa iyo ay ang isantabi ka o itaboy ka,” ang mga salita bang ito ay pag-atake sa iyo? Hindi. Bagama’t sinasabi ang mga bagay na ito sa isang partikular na konteksto, at inilalahad sa ganitong paraan, ang pagtustos at tulong na ibinibigay Ko sa iyo, at ang Aking mga inaasahan sa iyo, ay hindi nagbabago; binibigyan ka pa rin ng pagkakataon na magsisi. Kung makakaramdam ka ng pagsisisi, itutuwid mo ang iyong sarili, at magbabago ka, iaangat ka pa rin ng sambahayan ng Diyos sa anumang uri ng tungkulin na angkop sa iyo; hinding-hindi Ako hahadlang doon. Ang lahat ay nakakagawa ng ilang pagkakamali kapag nagsisimula pa lang silang manampalataya sa Diyos at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, pero ang ilang tao ay kayang magsisi, at nakagawa ng ilang mabuting bagay at nakagampan ng ilang mabuting gawa. Ipagpalagay nang inirerekomenda siya ng mga kapatid, sinasabi ng mga ito, “Tunay ngang nagsisi ang taong ito at naiiba na siya sa kung ano siya noon. Dati, mapagmataas at mapagpalayaw siya, walang wangis ng tao; gumawa siya ng ilang masamang bagay, sa gayon ay gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia at nagdulot ng mga kawalan sa mga handog sa Diyos, kaya pinaalis siya ng iglesia. Pero pagkatapos mapaalis, nakaramdam siya ng matinding pagsisisi, at ngayon ay nagsisi na siya. Nagkusa pa nga siyang magbayad para sa mga kawalan, hiniling niya sa iglesia na tanggapin siyang muli, nangako na hindi na siya kailanman gagawa ng masama, at handa siyang maging ang pinakahamak sa iglesia, at magpasakop sa anumang ipagawa sa kanya ng sambahayan ng Diyos.” Kung ang mga taong medyo malapit sa kanya ay gusto siyang irekomenda pagkatapos nilang magkamit ng lubusang pagkaunawa sa kanya, sinasabi Ko na kung tunay siyang nagsisi, at kailangan siya para sa gawain ng sambahayan ng Diyos ngayon, maaari siyang magamit muli; hindi Ako hahadlang. Kahit pa ang ilang indibidwal ay nakagawa ng mga bagay na hindi masyadong palakaibigan para sa Akin Mismo, kung natutugunan nila ang mga kondisyon para sa pag-aangat, hindi rin Ako hahadlang; bibigyan Ko sila ng pagkakataon. Samakatwid, sa mga sermon man o sa tunay na buhay, at anuman ang kapaligiran o konteksto, tatratuhin kita nang patas at makatarungan. Sa mga konteksto kung saan tinutulutan ng kapaligiran, tutulungan Ko kayo nang mula sa kagandahang-loob o itatanong Ko kung kumusta na ang paggawa ninyo sa inyong mga tungkulin. Kung ito ay sa isang espesyal na sitwasyon sa trabaho, gagawin Ko rin ang Aking pinakamakakaya para tulungan at suportahan kayo, binibigyan kayo ng patnubay, gabay, o tulong sa ilang propesyonal na gawain. Minsan, ang ginagawa Ko ay ang makipagtalakayan ng mga opinyon sa inyo at makipagpalitan ng mga ideya sa inyo. Kahit pa minsan ay sinasabi Kong, “Ang gawaing ginawa mo ay hindi katanggap-tanggap,” nagsasabi lang Ako ng totoo at nagiging diretsahan. Hindi Ko sinasabi ang gayong mga bagay para supilin kayo, kundi para makipagpalitan ng mga ideya sa inyo o makipagtalakayan ng mga opinyon sa inyo. Ginagawa Ko ang Aking pinakamakakaya para bigyan kayo ng mga pagkakataon na magsalita at gamitin ang inyong abilidad, para ang kakayahan ninyo, ang mga talento ninyo, ang kaalamang natutunan ninyo, ang sentido komun na mayroon kayo, o ang karanasang naipon ninyo ay magamit nang lubusan. Kung hindi maganda ang mga resulta, sinasabi Ko lang, “Ang gawaing ginawa mo ay hindi ganoon kaganda. Magbulay-bulay at maghanap ka pa, at tingnan mo kung magagawa mo ito nang mas maayos.” Palagi Ko kayong binibigyan ng sukdulang suporta, pagtustos, at tulong, para kapag nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan kayo sa Akin, makikinabang kayo, sa buhay man o sa proseso ng paggampan ng inyong tungkulin. Ito ang Aking prinsipyo sa gawain, at pareho rin ito sa Aking pang-araw-araw na buhay. Minsan, kapag nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap Ako sa mga tao, hindi maiiwasang pag-usapan natin ang ilang maliit na usapin sa pang-araw-araw na buhay, na may kinalaman sa mga panlabas na bagay tulad ng mga pangunahing pangangailangan, pananatiling malusog, medisina, at iba pa, at binabanggit ng ilang tao ang ilang pananaw, kasabihan, o sentido komun tungkol sa maliliit na usapin sa buhay. Tungkol sa lahat ng aspekto ng sentido komun, ipinapahayag Ko lang ang Aking mga personal na pananaw. Kung sa tingin mo ay tama ang sinasabi Ko, maaari mo itong tanggapin; kung sa tingin mo ay mali ang sinasabi Ko, hindi Ko gagamitin ang Aking pagkakakilanlan at katayuan para supilin ka, sinasabi sa iyo, “Tama ang lahat ng sinasabi Ko. Anuman ang tonong gamitin Ko, o gusto mo man o hindi ang sinasabi Ko, magagawa ba naman kitang saktan o gawan ng masama? Dapat mo itong tanggapin!” Hindi Ko ito gagawin; hahayaan Kong mangyari ang mga bagay-bagay nang natural. Halimbawa, naglagay ka ng masyadong maraming asin sa iyong niluluto, at sinasabi Ko na ang pagkain ng masyadong maraming asin ay masama sa iyong kalusugan. Hindi ito tinatanggap ng ilang tao; pakiramdam nila, kung gagamit sila ng mas kaunting asin, ang pagkain ay magiging matabang at walang lasa. Iginigiit nilang kumain ayon sa sarili nilang panlasa. Sinasabi Ko na malaya kang gawin iyon, at hindi Ako makikialam. Bagama’t ang kasabihang “ang pagkain ng masyadong maraming asin ay masama sa iyong kalusugan” ay hindi umaabot sa antas ng katotohanan, isa itong sentido komun sa buhay. Tungkol naman sa pisikal na katawang ito na nilikha ng Diyos para sa mga tao, mayroong nakatakdang dami ng asin na kailangan nito sa kada araw; ang paglampas sa daming ito ay makakasira sa katawan ng isang tao at magreresulta sa mga kahihinatnan. Sa anumang uri ng sangkap, mayroong pamantayan para sa kung gaano karami ang kinakailangan ng katawan ng tao, at kung malampasan ang pamantayang ito, hahantong ito sa mga problema sa katawan. Mayroon ding mga tao na ang palaging pakiramdam ay na kulang sila sa nutrisyon, kaya palagi silang kumakain ng maraming karne. Sa huli, ang labis nilang pagkonsumo ng nutrisyon ay humahantong sa mga problema sa kalusugan, at kailangan nilang gumawa ng mga pagbabago. Ang dami ng nutrisyon na kailangan ng pisikal na katawang ito na nilikha ng Diyos ay may kaugnayan sa mga proporsyon ng butil, gulay, prutas, at karne na nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan. Kung kakain ka ayon sa mga proporsyong ito, mapapanatili mo ang pundamental na kalusugan; kung babalewalain mo ang mga proporsyong ito at kakain ka nang walang pakundangan at walang pagpili nang ayon lang sa iyong mga kagustuhan, magkakaroon ka ng mga problema sa kalusugan. Sinasabi Ko sa iyo ang mga katunayang ito, pero hindi mo tinatanggap ang mga ito. Iniisip mo, “Ang pagbibigay ng mga sermon at pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan ay ang Iyong kalakasan, pero hindi Mo nauunawaan ang mga usaping ito ng pang-araw-araw na buhay. Hindi ko kailangang makinig sa Iyo, dahil wala itong kinalaman sa katotohanan.” Sinasabi Ko na maaari mong piliing hindi ito tanggapin, at maaari kang mamuhay ayon sa sarili mong mga kagustuhan, pero dapat mong malaman na kung hindi mo matatanggap ang Aking mga salita, sa malao’t madali ay magkakaroon ka ng mga problema sa kalusugan. Pagbabayaran mo ang iyong pagpili. Ipinapahayag Ko lang ang Aking mga pananaw; hindi Ko gagamitin ang Aking katayuan para supilin ka. Sa kabilang banda, kung hindi mo tatanggapin ang Aking mga pananaw, hindi kita pipilitin, at hindi Ko rin sasabihin na masyado kang hangal at matigas ang ulo dahil sa hindi mo pagtanggap ng mga positibong bagay. Ang katunayan, talagang ganoon ka, pero hindi Ko kailanman sinasabi iyon. Hindi Ako gagawa ng malaking isyu tungkol sa isang maliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay at pagkatapos ay manenermon at magmamarunong sa iyo. Hindi Ko gagawin iyon, dahil hindi Ko iyon responsabilidad. Ayaw Ko ring gawin iyon. Natupad Ko na ang Aking responsabilidad sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagbibigay ng mga sermon; ito ay nasa loob ng saklaw ng Aking ministeryo. Tungkol naman sa kung ano ang kinakain mo araw-araw, ikaw na ang bahala roon. Kung ano ang nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan at sa anong dami, at kung anong mga pagkain at espesyal na produkto ang nagkakaroon sa bawat panahon—kung paano mo gagamitin ang lahat ng bagay na ito ay sarili mo nang usapin; maaaring ikaw mismo ang maglaan nito. Kung ang konsensiya at katwiran ng iyong pagkatao ay normal at maayos, gagamitin at ilalaan mo ang mga ito nang wasto. Kung hindi maayos ang iyong katwiran, gagamitin o ilalaan mo ang mga ito sa paraang labis-labis, at ikaw lang ang aako sa anumang mga kahihinatnan na idudulot nito sa huli sa iyong pisikal na katawan. Samakatwid, lubos Akong makatwiran pagdating sa usaping ito; sinasabi Ko lang sa iyo ang Aking mga pananaw, at hindi kita pipiliting tanggapin ang mga ito. Minsan, kapag nakita Ko na mayroon kayong ilang masamang gawi sa pamumuhay, hindi Ko rin kayo pipiliting baguhin ang mga ito; magbibigay lang Ako ng simpleng paalala. Kung hindi ninyo ito tatanggapin o hindi kayo magbabago, hindi na Ako magsasalita pa. Ang totoo, ang mga gawi sa pamumuhay ay napakadaling iwasto. Ang mga gawi sa pamumuhay na mali o hindi kanais-nais ay dapat iwasto; ito ay isang saloobin ng pagtanggap sa mga positibong bagay. Ang pagkakaroon ng saloobin at kahandaang tanggapin ang mga positibong bagay ay bahagi ng pundamental na pagkamakatwiran na dapat ay naroroon sa loob ng normal na pagkatao. Hinahayaan ng ilang tao na pumasok sa isang tainga at lumabas sa kabila ang mga positibong bagay. Hindi nila sineseryoso ang mga ito, at kumakapit pa nga sila sa kanilang mga maling paraan ng pagsasagawa at mga maling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Namuhay na ako nang ganito sa loob ng napakaraming taon at wala namang naging anumang mga kahihinatnan.” Ito ay isang problema ng disposisyon. Anong uri ng disposisyon ito? Ito ay disposisyon ng pagiging matigas ang ulo at matigas ang kalooban, at hindi pagtanggap sa mga tamang pananaw o mga positibong bagay. Sinasabi Ko sa iyo, nagpapahiwatig ito ng isang tiwaling disposisyon, at dapat mo itong baguhin at iwaksi. Ang iyong mga maling paraan ng pagsasagawa at ang saloobin mong iyon na matigas ang kalooban ay dapat itama; saka ka lang magkakaroon ng tunay na pagbabago.

Ang ilang tao ay mahilig mang-atake ng iba; hindi ito mabuti. Kung makikita Ko kayong gumawa ng mali, makatwiran Kong ipapahayag ang Aking mga pananaw at papaalalahanan Ko kayo nang mula sa kagandahang-loob. Ito ang Aking paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Dagdag pa rito, kung ang ilang problema ay nangangailangan ng paglalantad sa inyong mga tiwaling disposisyon, direkta Kong ilalantad ang mga ito; ito ay pagiging responsable sa mga tao. Kapag inilalantad Ko ang mga problema ng mga tao, inilalantad Ko ang diwa at tunay na kalikasan ng mga problema; hindi Ako naglalapat ng mga regulasyon at hindi Ko masyadong pinalalaki ang mga bagay-bagay. Ginagawa Ko ito dahil nasa loob ito ng saklaw ng Aking gawain, inilalantad Ko kung ano ang dapat ilantad, at hindi Ako nagsasalita nang mas kaunti kaysa sa kung ano ang kailangang sabihin. Samakatwid, mayroon Akong mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Sa isang banda, sa pang-araw-araw na buhay, tinatrato Ko ang mga usaping ito batay sa prinsipyo ng pagkamakatwiran, ipinapaalam sa iyo kung ano ang Aking mga pananaw. Kung magbibigay-pansin ka, isasapuso mo ito, at mayroon kang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao, tatanggapin o haharapin mo nang tama ang mga kaisipan at pananaw na ito, nang hindi Ko na kinakailangang mangaral ng isang sermon tungkol dito. Sa kabilang banda, sa gawain, hindi Ko iiwasan ang inyong mga problema, at hindi rin Ako magpipigil sa pagsasalita sa takot na mapahiya Ko kayo. Ilalantad Ko ang inyong mga problema at ang inyong mga tiwaling disposisyon, para maunawaan ninyo ang mga problema sa bagay na ito at maiwaksi ninyo ang inyong mga tiwaling disposisyon. Ang Aking layon ay bigyang-kakayahan kayo na tumahak sa isang landas na tama. Mayroon man kayong problema sa buhay o sa gawain, kung may kinalaman ito sa mga tiwaling disposisyon o sa katotohanan, hindi Ko iiwasan ang problema; malinaw Akong makikipagbahaginan sa inyo tungkol dito. Paano man Ako magbahagi o paano Ko man harapin ang isang problema, mayroon Akong mga pamamaraan at prinsipyo Ko. Kapag oras na para tuparin Ko ang Aking responsabilidad, inaako Ko ang paggawa nito. Hindi Ako natatakot na ipahiya kayo; ilalantad Ko ang inyong mga problema at mga tiwaling disposisyon para maunawaan ninyo ang mga ito. Ito ang Aking responsabilidad. Kung ang inyong mga problema ay walang kinalaman sa mga tiwaling disposisyon o mga katotohanang prinsipyo, mayroon kayong kalayaan at karapatan na gumawa ng mga pagpili at magsagawa ayon sa gusto ninyo; hindi Ako makikialam. Samakatwid, ilantad Ko man ang inyong mga problema o hindi, hindi ito kinasasangkutan ng pag-atake sa inyo, paglimita sa inyo, o pang-aapi sa inyo. Sa pang-araw-araw na buhay, para sa mga usaping walang kinalaman sa mga prinsipyo, tulad ng mga pangunahing pangangailangan, binibigyan Ko kayo ng sapat na kalayaan upang pumili para sa inyong sarili. Gayumpaman, kung may kinalaman ito sa isang usapin ng prinsipyo—ibig sabihin, kung may kinalaman ito sa mga tiwaling disposisyon, o may kinalaman sa inyong saloobin sa paggawa ng gawain, sa paggawa ng inyong tungkulin, sa Diyos, o sa katotohanan—kung gayon ay dapat Akong makipagbahaginan tungkol dito. Tingnan mo, paano Ko man gawin ang isang bagay, pinag-iisipan Ko ito, hindi ba? Mayroon Akong mga prinsipyo. Para sa anumang bagay na walang kinalaman sa katotohanan, sa inyong saloobin sa Diyos o sa katotohanan, o sa inyong saloobin sa gawain ng iglesia at paggawa ng inyong tungkulin, hindi Ako nakikialam; iniintindi Ko ang sarili Kong usapin. Lalo na pagdating sa mga usapin ng personal na pagpili at personal na kagustuhan, hindi Ako kailanman nakikialam. Halimbawa, gusto ng ilang sister na panatilihing mahaba ang kanilang buhok, itirintas ito, o itali ito paitaas, at gusto ng ilang brother na panatilihing maikli ang kanilang buhok o ahitin ang kanilang mga ulo; mayroon kayong kalayaan na gawin iyon, at hindi Ako kailanman nakikialam. Ang ilang kapatid ay mapili sa pagkain at mahilig kumain ng isang partikular na uri ng pagkain, o mayroon silang isang partikular na gawi sa pamumuhay na hindi mabuti; hindi rin Ako kailanman nakikialam sa mga bagay na ito. Kung ang masamang gawing ito sa pamumuhay ay nakakaapekto sa kanilang kalusugan, sa paggampan nila ng tungkulin, o sa gawain ng iglesia, dapat Ko silang paalalahanan at tulungan, o patulungan sa mga kapatid. Gayumpaman, hindi tinatanggap ng ilang tao kapag tinutulungan sila ng mga kapatid, sinasabi pa nga nila na pakiramdam nila ay nalilimitahan at napepresyur sila; sa huli, tahimik silang umaalis sa iglesia nang hindi nagsasabi sa sinuman, at ang mga kapatid ay pawang nakakaramdam ng pagkadismaya. Sinasabi Ko, “Mali na makaramdam ka ng pagkadismaya. Hindi tayo nakikialam sa kalayaan ng mga tao. Kung gusto nilang umalis, hayaan sila; iyon ang kanilang pinili. Hindi Ako nakakaramdam ng pagkadismaya kahit kaunti.” Bakit hindi Ako nakakaramdam ng pagkadismaya? Dahil pakiramdam Ko, ang pagtulong sa kanila ay Aking obligasyon, isang bagay na dapat Kong gawin sa Aking pagkatao. Ang tulong na ibinibigay Ko sa kanila ay hindi isang uri ng pabor o kawanggawa; sadya lamang na pagkarinig tungkol sa kanilang sitwasyon, obligasyon Kong ipagkatiwala sa inyo ang pagtulong sa kanila. Ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang full-time sa iglesia. Kung ang kanilang masamang gawi sa pamumuhay ay nakakaapekto sa kanilang kalusugan at nagkakaroon sila ng mga problema sa kalusugan, hindi ba’t dapat silang tulungan ng mga kapatid dahil sa pagmamahal? Ito ay pundamental na panlipunang moralidad para sa mga tao. Pero kung hindi nila tatanggapin ang ganitong uri ng tulong, at makakaramdam sila ng pagkasuya o presyur sa kanilang puso, hindi natin sila pipilitin, at hindi tayo makikialam sa kanilang kalayaan. Kung gayon, bakit nakakaramdam ng pagkadismaya ang ilang tao kapag umaalis sila sa iglesia? Nakakaramdam ka ng pagkadismaya dahil pakiramdam mo, ang pagtupad sa iyong responsabilidad at obligasyon sa kanila ay isang uri ng pabor sa kanila. Hindi nila ito pinahalagahan, hindi nila tinanggap ang pabor na ito, at hindi nila ginawa ang gusto mo, na nakasakit sa iyong damdamin at sa iyong pride. Gaya nga ng kasabihan, tinanggihan niya ang kagandahang-loob mo, kaya nakakaramdam ka ng pagkadismaya. Hindi Ako nakakaramdam ng pagkadismaya kahit kaunti. Ang paraan ng pag-arok Ko rito ay naiiba sa paraan ninyo. Sinasabi Ko na dapat Akong kumuha ng aral mula sa usaping ito at huwag na muling gawin ang ganitong uri ng kahangalan sa hinaharap. Ang bawat isa ay may sarili niyang mga adhikain. Hindi mo maaaring isailalim ang mga tao sa iyong kontrol at asahan pa rin na makaramdam sila ng kaligayahan at purihin ka nila, hindi ba? Iyon ay magiging ganap na katawa-tawa. Dapat mong bigyan ng kalayaan ang mga tao at hayaan silang pumili nang malaya. Kung pakiramdam nila ay tama ang sinasabi mo, maaari nilang piliing tanggapin ito at magsagawa ayon sa mga salitang ito; kung pakiramdam nila ay mali ang sinasabi mo, maaari din nilang piliing hindi ito tanggapin. Mayroon silang karapatang pumili. Hindi mo sila dapat piliting tanggapin ang iyong kagandahang-loob. Kung tatanggapin ba nila ito o hindi ay isang usapin ng saloobin; mayroon silang kalayaan na gawin iyon. Sa pinakamataas, maaari kang makipagbahaginan tungkol sa mga problemang mayroon ang mga taong tulad nila, at maaari kang makipagbahaginan tungkol sa mga aral na nakuha mo mula sa ganitong uri ng tao at sa diwa ng mga problemang nakita mo sa kanya, na tumutulong sa iyo na matutunan kung paano kilatisin ang mga tao, kung paano tingnan ang mga tao, at kung paano tratuhin ang mga taong tulad nito ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at hindi na gumawa ng mga kahangalan. Saan kayo nagkakamali, kung gayon? Sinuman ang tulungan ninyo, kumikilos kayo batay sa mga damdamin, at iniisip pa nga ninyo, “Tingnan ninyo kung gaano kalaking pagmamahal ang mayroon ako, at kung gaano ako kamapagmahal.” Ito ay hindi pagkilos ayon sa mga prinsipyo, kundi pagtrato sa mga tao batay sa inyong sariling kalooban at mga kagustuhan; ito ay paggawa ng mga bagay-bagay batay sa mga damdamin. Sinuman ang kausapin o pakitunguhan Ko, nagsasalita at kumikilos Ako batay sa mga prinsipyo; hindi kasama rito ang mga damdamin. Sa pagsasalita at pagkilos, kumikilos Ako nang ganap na batay sa konsensiya at kagandahang-loob, at ito ang paraan na dapat Kong gamitin sa lahat. Sa partikular, sa mga kapatid na normal na gumagawa ng kanilang tungkulin, ganito mismo Ako dapat kumilos. Ito ay Aking obligasyon at responsabilidad. Hangga’t tinutupad Ko ang responsabilidad na ito, sapat na iyon. Maaari nilang piliing tanggapin, o maaari nilang piliing tanggihan; hindi Ako namimilit ng mga tao. Kung tatanggapin nila, masaya Ako; kung hindi, hindi Ako nalulungkot. Ang ginagawa Ko lang ay ang ilan sa mga bagay na dapat Kong gawin ayon sa mga prinsipyo; tinutupad Ko lang ang Aking responsabilidad. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Anuman ang kapaligiran, kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, kaya Kong tratuhin ang lahat ng uri ng tao at lahat ng uri ng bagay ayon sa mga prinsipyo. Kahit pa, sa buhay, nagbibigay Ako ng ilang tulong sa mga tao o nagsasabi ng ilang bagay na nakakapagpatibay sa mga tao, bahagi rin ito ng paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo; hindi ito pagkilos batay sa mga damdamin. Tungkol naman sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, tulad ng paglalantad sa kalikasang diwa ng mga tao, paglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at paglalantad sa iba’t ibang pagbubunyag ng katiwalian at mga tiwaling kalagayan ng mga tao sa mga partikular na usapin, pati na rin sa diwa ng iba’t ibang problema, kumikilos din Ako ayon sa mga prinsipyo; hindi Ako kumikilos batay sa mga damdamin, ni kumikilos nang may kalooban ng tao. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga tao, palagi silang kumikilos batay sa kung sino ang kanilang pinakikitunguhan, at sa sarili nilang lagay ng loob at mga kagustuhan. Nagpapakita sila ng ilang pabor sa mga taong nagugustuhan nila at nakakasundo nila, at nagbibigay ng ilang pakinabang sa mga taong ito, habang inaatake at ibinubukod nila ang mga taong hindi nila gusto at hindi nila makasundo; hindi nila kayang tratuhin ang mga tao nang patas. Kumikilos sila batay sa mga damdamin o kaya naman ay gumagawa sila ng masasamang gawa; sa madaling salita, hindi sila gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kapag nakikipag-ugnayan Ako sa mga kapatid sa iglesia, sinuman sila, kaya Ko silang tratuhin ayon sa mga prinsipyo. Gayundin, kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa mga walang pananampalataya, mayroon din Akong mga prinsipyo at hangganan. Kahit pa magsabi sila ng ilang mapanlabang salita, o mga salitang hindi magalang, hindi pino, o walang respeto, hindi Ako gaganti. Kung kailangan Kong makipag-ugnayan sa kanila para magawa ang mga bagay-bagay, makikipag-ugnayan Ako sa kanila; kung hindi Ko kailangang gawin ang mga bagay-bagay, pipiliin Kong iwasan at tanggihan sila. Kung ang isang tao ay may mababang karakter at palaging gustong manamantala sa iba at manghingi ng mga pakinabang, at, kahit pa tulungan Ko siya, hindi pa rin niya ito magawang tratuhin nang tama o hindi niya magawang magbago—na nangangahulugang masama ang kanyang pagkatao—kung gayon ay lumalayo na lang Ako sa kanya. Sa madaling salita, nakikipag-ugnayan man Ako sa mga kapatid o sa mga walang pananampalataya, kaya Kong kumilos ayon sa mga prinsipyo; sa pinakamababa, nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao ayon sa mga hangganan ng konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kaya ba ninyong makamit ito? (Hindi.) Sinuman ang makasalamuha ng mga tiwaling tao, palagi nilang pinoprotektahan ang sarili nilang mga interes, o tinatrato ang mga tao batay sa mga damdamin at mga kagustuhan, nang walang mga prinsipyo. Kung ito ay isang kapatid na pakiramdam nila ay nakakasundo nila at mayroon silang magandang ugnayan, maaari nila itong tulungan, pakitaan ng pagmamahal, bigyan ng mga bagay-bagay, at maaari silang magkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan dito. Pero kung ang taong ito ay gumawa ng isang bagay na nakakasakit sa kanilang damdamin, sinasabi nila, “Hindi ko na siya kailanman kikitaing muli, at hindi na ako kailanman makikipag-ugnayan muli sa kanya. Talagang pinagsisisihan ko ito! Napakabuti ko sa kanya noon at tinulungan ko siya nang labis, pero ganito pa rin niya ako tratuhin. Ingrato siya, isang walang utang na loob na hamak!” Hindi nila magawang kumilos ayon sa mga prinsipyo para tratuhin ang mga tao nang patas. Kapag mabuti sila sa sinuman, ginagawa nila ito dahil sa mga damdamin, at kung masama sila sa sinuman, ito ay dahil sa kanilang personal na kagustuhan; ang lahat ng ginagawa nila ay para lang palugdan ang kanilang mga damdamin. Samakatwid, kung tutulungan nila ang isang tao at bibigyan ito ng pakinabang, pero ang taong iyon ay hindi lang walang utang na loob kundi sinasaktan din ang kanilang damdamin, labis silang malulungkot at masasaktan, at magrereklamo sila, pakiramdam nila ay nawalan ng saysay ang kanilang mga pagsisikap. Hindi sila magiging handang tanggapin ito, at hindi na nila ito gagawin muli kailanman. Sabihin ninyo sa Akin, kung maharap Ako sa ganitong uri ng sitwasyon, paano Ko ito haharapin? Una, hindi mo maaaring suriin ang usaping ito mula sa perspektiba ng paggawa ng mga tao ng mga pabor para sa isa’t isa; hindi mo maaaring husgahan ang ganitong uri ng sitwasyon batay sa mga damdamin. Dapat mong kilatisin ang mga taong tulad nito batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo; dapat mong kilatisin ang kanilang pagkatao at ang landas na kanilang tinatahak, pati na rin ang kanilang saloobin sa Diyos, sa katotohanan, at sa kanilang tungkulin, sa halip na kilatisin at tingnan sila batay sa mga damdamin. Ang pagtingin sa isang tao sa ganitong paraan ay lubhang mas tumpak. Ito ay hindi pagsuri sa isang tao o sa isang usapin batay sa mga damdamin o sa iyong mga personal na pakinabang at kawalan, kundi pagsuri sa mga ito batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pagtingin sa isang tao o sa isang usapin sa ganitong paraan ay tumpak at alinsunod sa mga prinsipyo. Kapag tinitingnan mo ang mga tao at mga bagay sa ganitong paraan, hindi ka malulungkot at masasaktan dahil ang isang taong tinulungan mo noon ay walang utang na loob, at hindi ka rin makakaramdam ng matinding pasasalamat sa isang tao dahil nakatanggap ka noon ng pabor mula sa kanya; sa halip, magagawa mo siyang tratuhin nang tama ayon sa mga prinsipyo. Mayroong isang karaniwang kasabihan: “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Ang mga ordinaryong tao ay namumuhay pa rin sa loob ng lohika ng gayong mga kaisipan at pananaw ng tradisyonal na kultura. Hindi nila tinitingnan ang mga bagay o mga tao batay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, ni tinatrato ang mga tao ayon sa mga prinsipyo. Naniniwala sila na, pagdating sa kung paano mo tratuhin ang mga tao, bukod sa hindi pandadaya sa kanila, pamiminsala sa kanila, pananakit sa kanila, pagmumura sa kanila, o paggawa ng masasamang bagay sa kanila, dapat ka ring maging mabuti sa kanila. Sa partikular, kung may nagpakita sa iyo ng pabor, dapat mo itong suklian nang doble; kung hindi, ikaw ay walang utang na loob. Ang pagtrato ba sa mga tao sa mga paraang ito ay maituturing na pagiging mabuti sa mga tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang tunay na pagiging mabuti sa mga tao? Ito ay hindi ang pagmamahal, pag-aalaga, at pag-aasikaso sa isang tao batay sa mga damdamin ng tao, kundi ang paggawa ng mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo ayon sa mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay hindi makamit ang paggawa ng mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo; ang mga tao ay gumagawa lang ng mga bagay-bagay batay sa mga damdamin, hindi batay sa mga prinsipyo. Ang paggawa ng mga bagay-bagay batay sa mga damdamin at ang paggawa ng mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo ay lubhang magkaiba; ang mga ito ay dalawang magkaibang landas. Ang paggawa ng mga bagay-bagay batay sa mga damdamin ay nahahaluan ng kalooban ng tao—kapag tinutulungan mo ang isang tao, ito ay para palugdan ang mga pangangailangan ng iyong mga personal na damdamin; hindi iyon pangangasiwa sa mga usapin nang walang kinikilingan. Kung ang taong ito ay nakakaramdam ng matinding pasasalamat sa iyo, patuloy kang magiging mabuti sa kanya; kung hindi niya ito pinapahalagahan at sinusugatan niya ang iyong puso at sinasaktan ang iyong damdamin, hindi mo na siya tutulungan. Kung gayon, hindi ba’t kumikilos ka nang walang mga prinsipyo? (Oo.) Ito ay pagkilos nang walang mga prinsipyo. Kung gayon, ano ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo? Ito ay ang pagtupad sa iyong responsabilidad bilang isang tao, pagtulong sa iba kung kinakailangan, at pagtulot sa kanilang tanggapin ito sa anumang paraan na gusto nila. Kung handa silang tanggapin ang iyong tulong, napakaganda niyan; kung hindi sila handang tanggapin ito, hindi mo dapat sabihin na hindi sila pinagpala, at hindi ka rin dapat makaramdam ng sama ng loob, kalungkutan, o pagkabigo, kundi dapat mo pa rin silang tratuhin nang tama. Ito ay paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Pagkatapos ng pagbabahaginan tungkol sa nilalamang ito, nauunawaan na ba ninyo ang prinsipyong ito ng “hindi pag-atake sa iba”? (Oo.)