Paano Hangarin ang Katotohanan (27) Ikalawang Bahagi

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng “hindi pagpapakana” ng Diyos na nagkatawang-tao sa loob ng paksa ng “hindi paghahalintulad sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan.” Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa paksa ng “hindi pag-atake sa iba.” Ang hindi pag-atake sa iba ay bahagi ng diwa at pagsasabuhay na taglay ng normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, at isa sa mga prinsipyong sinusunod ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao kapag tinatrato ang mga tao. Ibig sabihin, ang Diyos na nagkatawang-tao, sa pinakamababa, ay kayang makisama nang mapayapa sa iyo. Anumang uri ka ng tao, ikaw man ay isang taong may mas mahusay na kakayahan o mas mahinang kakayahan, o isang taong may mas mabuting pagkatao o mas masamang pagkatao, kaya kang tratuhin nang tama at pakisamahan nang maayos ng nagkatawang-taong Diyos. Kung matutuklasan Ko na mayroon kang kapintasan o pagkukulang, o na mayroon ka pa ngang masamang diwa sa loob ng iyong pagkatao, o na nakagawa ka ng isang masamang gawa, prangka Akong makikipagbahaginan sa iyo kung may pagkakataon o kung tinutulutan ng mga kondisyon. Kung matatanggap mo ito, prangka Kong ilalantad ang iyong mga problema at ituturo sa iyo ang landas para lutasin ang mga ito. Pero kung hindi mo ito matanggap, maaari Kong gamitin, sa isang angkop na panahon, ang isang problema sa tunay na buhay na natuklasan Ko para paalalahanan ka, ilantad ka, at balaan ka, para ipaalam sa iyo kung ano ang iyong problema—kung isa ba itong problema sa iyong pagkatao, sa iyong kakayahan, o sa isang tiwaling disposisyon mo. Batay sa kung anong problema ang mayroon ka, papaalalahanan at pagsasabihan kita, ipinapaalam sa iyo ang iyong mga pagkukulang o kung nasaan ang iyong problema, at pagkatapos ay sasabihin Ko sa iyo kung ano ang diwa ng ganitong uri ng problema at kung ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong may ganitong problema. Kung handa kang tanggapin ito at kaya mong maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan, sasabihin Ko sa iyo ang landas ng pagsasagawa, at kung paano tratuhin at lutasin ang ganitong uri ng problema. Hindi Ko gagamitin ang iyong mga problema at kapintasan bilang panlaban sa iyo o bilang mga kahinaan na sasamantalahin at pagkatapos, paminsan-minsan, ay mangungutya o manlilibak sa iyo o magbibitiw ng mga mapang-uyam na salita tungkol sa mga ito. Hindi Ko gagawin iyon; tatratuhin kita at ang mga umiiral mong problema nang makatarungan at obhetibo. Kung bibigyan kita ng ilang paalala pero wala kang kamalayan at hindi mo nararamdaman na ang mga sinabi Ko ay may kinalaman sa iyo, o kung sasabihin Ko sa iyo na malubha ang kalikasan ng iyong problema pero hindi mo ito tatanggapin, at tatanggihan mo ito, lalaban ka, at makakaisip pa nga ng mga palusot para makipagtalo at bigyang-katwiran ang iyong sarili, kung gayon ay titimbangin Ko ang mga bagay-bagay ayon sa sitwasyon. Kung napakahalaga ng gawaing ginagawa mo at nakaapekto ang iyong problema sa gawain ng iglesia, kung gayon ay isasaalang-alang Ko kung angkop ka ba para sa tungkuling ito. Pero kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, at ang tungkuling ginagawa mo at ang iyong mga pagpapamalas ay walang gaanong epekto sa gawain ng iglesia o sa hinirang na mga tao ng Diyos, at personal na problema mo lang ito, kung gayon ay bibigyan kita ng mga paalala at tulong nang mula sa kagandahang-loob. Kung hindi mo ito seseryosohin, hindi Ako magkikimkim ng anumang hinanakit sa iyo, at siyempre, hindi Ko susubukan ang lahat ng posibleng paraan para pilitin kang tanggapin ito. Tatratuhin Ko ang usaping ito nang lubos na makatwiran, at patuloy Akong magbibigay sa iyo ng mga paalala at tulong nang mula sa kagandahang-loob. Kung makikita Ko na ang diwa ng iyong problema ay hahantong sa mga negatibong kahihinatnan para sa iyong sarili o sa iba, kung gayon, sa udyok ng Aking konsensiya, bibigyan kita ng mga paalala at tulong nang mula sa kagandahang-loob, sa halip na panoorin ka lang na maging katawa-tawa. Hindi rin kita basta-basta na lang ilalarawan, sinasabing, “Wala kang pag-asa, kinamumuhian ka ng Diyos, at isa kang taong masasawi,” lalong hindi Ko lang ibubuka ang Aking bibig at isusumpa ka, sinasabing, “Ikaw na diyablo, ikaw na inapo ni Satanas, ikaw na lumalaban sa Diyos.” Hinding-hindi Ko ito gagawin. Dahil espesyal ang Aking pagkakakilanlan, madalas Kong pinipigilan ang Aking sarili nang lubos na makatwiran: Kung paano Ko tinatrato ang isang tao at kung paano Ako nakikipag-usap sa kanya ay dapat nakadepende sa kung sino siya—ito ay isang aspekto. Dagdag pa rito, hindi Ko dapat basta-basta na lang ilarawan ang sinuman. At bukod pa rito, sa pamamagitan ng Aking tono ng boses, pagpili ng mga salita, o pagpapahayag, dapat Kong iparamdam sa kabilang panig na ang sinasabi at ginagawa Ko ay nagmumula sa kagandahang-loob, at walang malisya. Tungkol naman sa Aking layunin, sinsero Kong sinusubukan na tulungan ka; ayaw Kong makita kang lumihis ng landas, at ayaw Ko ring makita kang manghina, mag-alangan, o mawalan pa nga ng direksyon o maligaw kapag nakakaharap ka ng mga bagay-bagay. Sa halip, umaasa Ako na pagkatapos Kong makipagbahaginan at tumulong sa iyo, matitingnan mo nang tama ang iyong sarili, maiiwasan mong mahulog sa pagkanegatibo, magkakaroon ka ng tumpak na pagkaunawa sa iyong mga tiwaling disposisyon at sa mga problemang mayroon ka, at matatrato mo nang tama ang iyong sarili, at pagkatapos ay makapaghahanap ka ng landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos, at malulutas mo ang iyong mga tiwaling disposisyon at ang iyong mga problema nang paunti-unti ayon sa mga salita ng Diyos, habang nakikisama rin nang maayos sa iba at tumutulong sa kanila. Ibig sabihin, pinagsisikapan Kong tiyakin na ang sinasabi at ginagawa Ko kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao ay makakapagbigay-kakayahan sa kanila na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, malaman kung anong mga prinsipyo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, kung ano ang mga saloobin at pananaw ng Diyos sa iba’t ibang problemang mayroon ang mga tao, kung paano dapat harapin ng mga tao ang mga problemang ito para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos at mapalugod ang Diyos, at kung paano nila dapat hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga problema. Ang Aking layon ay tulungan ang mga tao na tratuhin at lutasin nang tama ang mga problemang ito kapag nakikitungo sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at kapag nabubunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na ang panghuling resulta ay nagpapasakop sila sa katotohanan at sa Diyos. Siyempre, batay sa iba’t ibang uri ng mga tao na nakasalamuha Ko sa mga taon na ito ng paggawa at pagsasalita, napagtanto Ko ang isang katunayan: Gaano man Ako kamalumanay magsalita at makipag-usap sa mga tao, gaano mang kagandahang-loob ang mayroon Ako o anumang uri ng mentalidad ang mayroon Ako sa pagnanais na tulungan ang sinuman, napakakaunting tao ang nakakaramdam o nakakaunawa sa sinasabi Ko at sa dahilan kung bakit Ko ito sinasabi, at pagkatapos, sa pamamagitan ng mga salitang sinabi Ko at nilalamang ibinahagi Ko sa kanila, ang nakakagawa ng pag-usad o nagkakamit ng tunay at praktikal na tulong sa tunay nilang buhay. Pero gaano man karami ang inaani at nakakamit ng mga tao sa huli sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa Akin, hindi nagbabago ang Aking mga prinsipyo sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, bakit hindi Mo baguhin ang Iyong pamamaraan?” Sabihin ninyo sa Akin, bakit hindi Ko binabago ang Aking pamamaraan? Dapat Ko bang baguhin ang Aking pamamaraan? Kapag nakikipag-usap sa mga tao, dapat ba Akong magsalita mula sa isang mataas na posisyon, na para bang ipinoproklama ang Sampung Utos kay Moises? Dapat bang maging parang kulog sa langit ang Aking boses, o dapat ba Akong gumamit ng isang uri ng tono, para matakot ang mga tao, madali nilang matandaan ang sinasabi Ko, at maging handa silang magsagawa at magawa nilang magpasakop? O kapag nakikipag-usap sa mga tao, kung palagi Akong nagsasalita sa kanila nang may tonong nagsusumpa at naglalarawan sa kanila, matututo ba ng aral ang mga tao? Matatanggap ba nila ito kung gayon? (Hindi.) Alam ba ninyo kung bakit hindi? Noon, nang ibigay ni Jehova ang Sampung Utos sa pamamagitan ni Moises, narinig ng mga Israelita ang tunog ng kulog sa langit at nakakita sila ng kidlat—napigilan ba sila nito sa paghihimagsik laban kay Jehova at sa paghusga sa Kanya? Anuman ang pamamaraang ginagamit mo sa pagsasalita, ang nilalaman ng iyong mga salita, o ang iyong motibo sa pagsasalita, pagdating sa tumatanggap, kung subhetibo silang may kahandaan at pangangailangang tanggapin ang katotohanan at mahalin ang mga positibong bagay—kung mayroon sila ng pangangailangang ito sa kanilang puso—kung gayon, anuman ang pamamaraang gamitin mo sa pagsasalita, matatanggap nila ito at madali nila itong matatandaan. Gayumpaman, kung wala sila ng pangangailangang ito sa kanilang puso, kahit pa alam nila kung ano ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay, hindi pa rin nila tatanggapin ang anumang sabihin mo at hindi nila ito isasapuso, gaano man ito katama, o gaano man kahusay ang pinagmulan at motibo nito. Samakatwid, mula sa Aking perspektiba, ang Aking prinsipyo sa paggawa ng mga bagay na ito ay na normal Akong nakikipagbahaginan sa sinuman. Tungkol naman sa kung ano ang makakamit at maaani ng isang tao mula sa Akin, at kung makakamit ba niya ang katotohanan, ang susi ay nakasalalay sa kung minamahal ba niya ang katotohanan, at gayundin sa kung mayroon ba siya ng mga pangangailangan ng normal na pagkatao. Kung likas niyang minamahal ang mga positibong bagay, kapag normal Akong nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap sa kanya nang ganito, mapagbubulayan niya ang sinabi Ko, kung ano ang mga prinsipyo sa likod ng mga salitang ito, at kung ano ang ipinag-utos Kong gawin niya; pagbubulayan niya ang mga bagay na ito pagkatapos, isasaisip ang mga ito, at pagkatapos ay magsasagawa siya ayon sa mga salitang ito. Kung walang pangangailangan ang taong ito para sa mga positibong bagay sa kanyang pagkatao, anuman ang sabihin Ko, wala itong silbi. Kahit pa pungusan Ko siya, disiplinahin siya, o ituwid pa nga siya, wala itong magagawa. Pagkatapos maituwid, maaari siyang umasal nang mabuti at masunurin sa panlabas, pero dahil wala siyang pangangailangan para sa mga positibong bagay sa kanyang puso, sa sandaling lumipas na ang mga bagay-bagay, agad siyang babalik sa dati niyang kalagayan, nang walang anumang bakas ng mga positibong salita, mga positibong bagay, o mga katotohanang prinsipyo sa kanyang puso. Samakatwid, para sa mga taong tulad nito, gaano man karami ang sabihin mo, hindi mo sila mababago para magkaroon sila ng mga pangangailangan ng normal na pagkatao. Ito ay isang aspekto. Dagdag pa rito, ang hindi pag-atake sa iba ay, sa diwa, isa sa mga prinsipyo Ko ng pagtrato sa inyo. Anumang uri ka ng tao, hinahangad mo man ang katotohanan o hindi, kahit pa ilantad Ko ang isang partikular na problema mo, ito ay para lang himayin ang diwa ng problemang ito para maunawaan at makilala mo ito nang lubusan, makagawa ka ng pag-usad sa proseso ng paggampan ng iyong tungkulin sa hinaharap, tumigil ka sa paggawa ng parehong mga pagkakamali, at tumigil ka sa panggugulo o paninira sa gawain ng iglesia—ito ay para tulungan ka, hindi para bigyan ka ng problema o humanap ng magagamit laban sa iyo. Kaya, kahit pa banggitin Ko ang mga bagay na nangyari noon, hindi ito para pahinain ang iyong kasigasigan o para saktan ka, kundi para bigyang-kakayahan ka na malaman ang diwa ng iyong mga problema, makamit mo ang isang lubusang pagkaunawa sa isang partikular na aspekto ng katotohanan, magkaroon ka ng pagkaunawa sa iyong sarili, malaman mo kung paano kumilos nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa huli ay tumpak kang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Mayroon ba kayong anumang pagkaunawa sa katunayan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi kailanman nang-aatake ng iba? (Mayroon kaming kaunting pagkaunawa.)

Bukod sa hindi pag-atake sa iba, paminsan-minsan ay hinihikayat din ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao. Ang ilang tao ay hindi pa husto ang tayog at marupok; hindi sila ganoon katatag pagdating sa kanilang pagkatao, kulang sila sa pagtitiyaga sa paggawa ng mga bagay-bagay, o madalas silang nalilimitahan ng lahat ng uri ng bagay, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, at hindi nila magampanan nang normal ang kanilang mga tungkulin. Sa gayong mga sitwasyon, bibigyan Ko sila ng kaunting panghihikayat para makita nila ang landas sa hinaharap, para hindi na nila masumpungan ang kanilang sarili na nakakulong sa loob ng isang usapin at nalilimitahan nito. Kapag naririnig mo ang mga salitang ito ng panghihikayat, maaari mong maramdaman na ang sinasabi Ko ay hindi mo maaabot, pero ang Aking layon ay tulungan kang bitiwan ang mga pasaning dulot ng iyong mga kaisipan at kuru-kuro, hindi na malimitahan ng mga bagay na iyon at iwanan ang mga ito, at pagkatapos ay ibigay ang iyong buong lakas sa iyong tungkulin para matugunan ang mga layunin ng Diyos. May ilang tao na tumahak na sa mga landas ng kabiguan noon, o na nakagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, o na nagkaroon ng ilang malinaw na mapaghimagsik na pag-uugali, at may ilang tao pa nga na nagdulot ng mga paggambala at panggugulo sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, nagdudulot ng ilang kawalan sa gawain ng iglesia. Kung paminsan-minsan Kong binabanggit ang mga bagay na ito sa Aking pagbabahagi, ang Aking layunin ay hindi para pahinain ang iyong kasigasigan, at hindi rin Ako nagkikimkim ng hinanakit; sa halip, ang Aking layunin ay gamitin ang mga katunayan ng iyong kaso bilang isang halimbawa para paalalahanan ang iba na huwag gawin ang parehong mga pagkakamali—ang Aking layunin ay ang malinaw na makipagbahaginan tungkol sa isang aspekto ng katotohanan, para hayaan ang mas maraming tao na makakuha ng mga aral mula rito, at para hayaan ang mas maraming tao na makakita mula rito na ang landas na tinahak mo ay mali at kung paanong mali ito, at pagkatapos ay para balaan ang mas maraming tao na huwag tahakin ang parehong landas, at para paalalahanan sila kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang sundin sa paggawa ng mga bagay-bagay. Lalo na kapag nagbabahagi tungkol sa iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao at naglalantad ng mga ito, ang mga halimbawang ibinibigay Ko o ang isang partikular na kalagayang ibinabahagi Ko ay maaaring may kinalaman sa maraming tao, o maaaring may kinalaman sa ilang partikular na tao at bagay. Ang layunin ng pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito ay hindi ang humanap ng pagkakataon na ilantad kayo at ipahiya kayo; tungkol naman sa mga katunayang binabanggit Ko o sa mga kalagayang inilalantad Ko, may kaugnayan lang ang mga ito sa paksa at sa aspekto ng katotohanang pinagbabahaginan natin. Maaaring hindi kita kilala nang personal, at hindi Ko alam na nangyari ang gayong bagay sa iyo, pero ang halimbawang ibinigay Ko o ang kalagayang inilantad Ko ay nagkataong nangyari sa iyo, at naitutugma mo ang iyong sarili rito. Kapag naitutugma ng ilang tao ang kanilang sarili sa gayong mga bagay, iniisip nila, “May nagsumbong ba tungkol sa akin? Paano Mo nalaman na nangyari ang bagay na ito sa akin, at na mayroon akong ganitong problema at nasa ganito akong kalagayan?” Sinasabi Ko na talagang hindi Ko alam na nangyari ang ganitong uri ng bagay sa isang partikular na tao o na nasa ganitong uri siya ng kalagayan, pero nasasaklaw ng mga katotohanang ibinabahagi Ko—o kabilang sa mga problemang inilalantad Ko—ang kalagayang ito, ang ganitong uri ng problema, o ang partikular na uring ito ng halimbawa. Dahil ang ganitong uri ng kalagayan at ang partikular na uring ito ng halimbawa ay kumakatawan, at sapat na makakapagbigay-kakayahan sa mga tao na makilala ang ilang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at na makilala ang diwa ng isang partikular na uri ng tao, kapag nagbibigay ng mga halimbawa, hindi Ko maiiwasang magbanggit ng ilang partikular na insidente na nangyari sa iglesia o magtalakay ng ilang partikular na kalagayan. Dahil dito, hindi maiiwasan na may ilang tao, pangyayari, at bagay na masasangkot. Pero wala Akong kahit katiting na layunin na atakihin ang ilang partikular na tao; ang Aking layon ay paalalahanan at hikayatin lang ang mga tao, tinutulutan ang karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos na makinabang. Kapag nagbibigay Ako ng ilang halimbawa habang naghahatid ng mga sermon at nagbabahagi, hindi ito nakapuntirya sa sinumang partikular na tao kahit kaunti; ito ay para lang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan at para ilantad ang diwa ng isang partikular na problema, para mas maging malinaw sa inyo at mas maunawaan ninyo ang diwa ng problema. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa diwa ng problema, napagtatanto mo man na mayroon kang ganitong problema, o nakikilatis mo man ang mga tao, pangyayari, at bagay na may kinalaman dito, magagawa mong magsagawa ayon sa mga kaukulang katotohanang prinsipyo, gamitin ang mga ito para lutasin ang mga problema sa loob ng iyong sarili, at magkamit ng pagpasok sa katotohanang realidad. Anuman ang uri ng problema na ibinabahagi Ko, isa man itong problema na umiiral sa loob mo o isang problema na umiiral sa loob ng iba, ginagawa Ko lang ito para makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at para tulungan kayong mas maunawaan ang diwa at realidad ng isang partikular na uri ng problema; hindi ito nakapuntirya sa sinumang partikular na indibidwal o sa anumang partikular na uri ng tao. Siyempre, posible rin na ang pinagbatayan para sa halimbawang ibinibigay Ko kapag nagbabahagi Ako tungkol sa isang problema ay isang bagay na nangyari sa iyo, at ginamit Ko ang usaping ito para magbigay ng isang halimbawa. Pero sa pagbibigay ng halimbawang ito, hindi Ako naglalantad ng isang problema na sa iyo lang; sa halip, ang iyong problema ay kumakatawan sa mga problemang nakikita sa lahat ng tao—sa buong sangkatauhan. Siyempre, ang layunin ng paglalantad sa problema ay para lang lutasin ang problema, hindi para atakihin ka. Kaya, kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, dapat mo itong tratuhin nang tama; ito ang Aking trabaho. Ang Aking trabaho, sa isang banda, ay ibigay sa inyo ang lahat ng katotohanan, ang lahat ng aspekto ng katotohanan, at sa kabilang banda, ito ay ang ilantad ang mga problema sa loob ninyo, ang iba’t ibang kalagayan ng tiwaling sangkatauhan, at ang lahat ng tiwaling disposisyon sa loob nila, pati na rin ang mga problemang may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon. Ito ang Aking trabaho. Dahil ang Aking trabaho, bukod sa pagtutustos ng katotohanan, ay sumasaklaw rin sa paglalantad sa realidad ng katiwalian ng tiwaling sangkatauhan, pagdating sa gawaing ito, mabuti ang Aking mga layunin. Gusto Ko kayong tulungan at suportahan, paalalahanan at tustusan, para malinaw ninyong makita ang diwa ng problema at magawa ninyong maghimagsik laban sa inyong mga tiwaling disposisyon, para hindi na kayo mamuhay sa loob ng inyong mga tiwaling disposisyon, kundi magawa ninyong baguhin ang inyong sarili, bitiwan ang kasamaan na nasa inyong mga kamay, magsisi sa Diyos, at magsagawa ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, nagkakamit ng pagpapasakop sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos.