Paano Hangarin ang Katotohanan (27) Unang Bahagi
Tungkol sa paksa ng “pagbitiw” sa “Paano Hangarin ang Katotohanan,” nagbahaginan tayo hanggang sa nilalaman na may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa loob ng paksa ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos.” Nitong nakaraang ilang beses, nagbahaginan tayo tungkol sa “pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.” Ngayon ay ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol dito. Tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang paksa na may kinalaman sa normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba? Kaya, ano ang pinagbahaginan natin noong nakaraan? Nagbahaginan tayo tungkol sa ilang partikular na pagpapamalas na may kinalaman sa pagsasabuhay at mga pagbubunyag ng normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, gayundin sa ilang prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay sa loob ng normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, at pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung anong mga bagay ang hindi ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao pagdating sa Kanyang pagkatao. Ang pagbabahaginan tungkol sa mga aspektong ito ay tumutulong sa mga tao na mas maunawaan ang disposisyong diwa ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay, gayundin ang ilan sa Kanyang mga partikular na pagpapamalas at pagbubunyag. Kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas na ito ng Diyos na nagkatawang-tao—sa anyo man ng mga katunayan, mga halimbawa, o mga partikular na prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay—nasasaklaw ng mga ito ang lahat ng uri ng maliliit na usapin sa buhay. Tila hindi kabilang sa mga ito ang anuman sa mga dakila at nangungunang tagumpay o mararangal na kilos na karapat-dapat hangaan na umiiral sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; ang mga pagpapamalas ng Diyos na nagkatawang-tao ay pawang napakakaraniwan at napakaordinaryo. Dahil mismo namumuhay ang Diyos na nagkatawang-tao sa gitna nitong ordinaryo at tiwaling sangkatauhan, ang mga normal at praktikal na pagpapamalas Niyang ito ay, sa isang banda, ang mga hindi maiiwasang pagpapamalas ng pagkatao ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, at sa kabilang banda, isang normal na pangangailangan ng Diyos na nagkatawang-tao sa pamumuhay sa gitna ng sangkatauhan. Siyempre, ang mga normal at praktikal na pagpapamalas na ito ay nagbibigay rin sa mga tao ng ilang impormasyon o landas tungkol sa pagkakilala sa Diyos. Nagbibigay-daan ang mga ito sa mga tao na makilala ang pagiging praktikal at pagiging normal ng Diyos sa pamamagitan ng praktikal na pagsasabuhay at mga praktikal na prinsipyo ng sariling asal ng nagkatawang-taong Diyos sa gitna ng mga tao, at makilala rin ang Diyos sa langit, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na mas tumpak na maunawaan ang Diyos sa langit, at tumpak na maunawaan ang Kanyang diwa bilang isang normal at ordinaryong tao sa lupa.
Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga bagay at halimbawang ito na sinasabi Mo na may kinalaman sa normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao ay pawang napakakaraniwan; ang mga ito ay pawang napakaliit at di-kapansin-pansing mga bagay sa pang-araw-araw na buhay. Maaari Ka bang magsalita tungkol sa ilang katunayan na misteryoso at di-maarok, o tila partikular na maringal?” Dito ay sinasabi Ko, hanggang ngayon, talagang wala pang ganoon. Namumuhay ang Diyos na nagkatawang-tao sa loob ng realidad ng normal na pagkatao, at sa isang partikular na kapaligiran ng pamumuhay, at bukod sa paggawa ng gawain ng Diyos Mismo, ginugugol Niya ang natitirang oras Niya sa loob ng saklaw ng buhay ng Kanyang normal na pagkatao, nakikisalamuha sa mga kapatid o nangangasiwa ng ilang maliit na problema sa iglesia. Kaya, bukod sa mga halimbawang pinagbahaginan natin na may kinalaman sa mga prinsipyo at kredo ng Kanyang pag-asal at paggawa ng mga bagay, hindi Siya nagsasagawa ng anuman sa mga dakila at nangungunang tagumpay o pambihirang gawa na naiisip ninyo. Maaaring hindi ito inaasahan ng mga tao, at maaaring hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, pero ganito ang mga bagay-bagay sa katunayan. Ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksa ng Diyos na nagkatawang-tao ay pangunahing may kinalaman sa ilang pagpapamalas, pagsasabuhay, at mga partikular na prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang normal na pagkatao. Naiiba ito sa kung paano isinasalaysay sa mundo ang mga gawa ng mga dakilang tao at mga sikat na tao. Kapag pinag-uusapan ng mga tao sa mundo ang isang dakila, sikat, o pambihirang tao, palagi nilang pinag-uusapan kung gaano siya katangi-tangi, kapambihira, at kadakila, at pinag-uusapan nila ang karisma niya, pangunahing nakatuon sa kung gaano siya katayog at karingal. Gayumpaman, ang pinag-uusapan natin na may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao ay ganap na kabaligtaran ng sinasabi ng mundo tungkol sa mga pambihirang taong iyon at mga dakilang taong iyon. Pangunahin nating pinag-uusapan kung paanong ang Diyos na nagkatawang-tao ay normal, praktikal, ordinaryo, at hindi pambihira. Pinag-uusapan lang natin ang mga kongkretong halimbawa—maliliit na halimbawa pa nga mula sa pang-araw-araw na buhay—pinag-uusapan kung ano ang mga prinsipyo at pananaw na may kinalaman sa Kanyang sariling asal at paggawa ng mga bagay. Ang mga kaisipan at pananaw, prinsipyo, at pamamaraang ito ng sariling asal at paggawa ng mga bagay ay pawang nakabatay sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Pangunahin nating pinag-uusapan kung paano Siya umaasal at kung paano Siya gumagawa ng mga bagay. Gayumpaman, napakakaunting tao sa mundo ang nag-uusap tungkol sa kung paano umasal. Kahit pa napag-usapan ng ilang tao ang paksang ito, hindi sila nakapagbigay ng maraming partikular na halimbawa, lalong hindi nila nagawang magpahayag ng anumang prinsipyo ng sariling asal. Hindi nila pinag-uusapan kung anong mga positibong prinsipyo, positibong pamamaraan, o tamang kaisipan at pananaw mayroon ang mga sikat na tao at mga dakilang tao sa kanilang pag-asal at paggawa ng mga bagay. Pinag-uusapan lang nila ang kanilang mga nakamit, talento at kaalaman, mga kaloob, at espiritu, at kung anong uri ng nangingibabaw na posisyon ang hawak nila sa gitna ng sangkatauhan dahil sa kanilang mga nakamit, talento at kaalaman, mga kaloob, at espiritu. Ang pinag-uusapan nila ay ganap na kabaligtaran ng normal na pagkatao na taglay at dala ng Diyos na nagkatawang-tao na pinagbabahaginan natin ngayon. Ang ipinapaalam at ipinapaunawa sa inyo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang mga prinsipyo at kredo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay na isinasabuhay at taglay sa loob ng Kanyang normal at praktikal na pagkatao. Ang mga prinsipyo at kredong ito ng sariling asal at paggawa ng mga bagay ay perpektong tumutugma sa mga hinihingi ng Diyos para sa sangkatauhang nilalayon Niyang iligtas. Taglay ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ang gayong pagkatao, at taglay ang iba’t ibang kaisipan at pananaw—kasama na ang Kanyang mga prinsipyo at kredo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay—sa loob ng normal at praktikal na pagkataong ito. Dahil lang dito kung kaya nagagawa Niyang katawanin ang Diyos sa paggawa ng gawain ng Diyos Mismo, at kompletuhin ang gawain at ministeryo na dapat gampanan nang maayos ng Diyos na nagkatawang-tao sa kapanahunang ito, sa loob ng gayong pagkatao, kung kaya nagagawa Niyang ganap na ipaalam sa sangkatauhan ang kinakatawang disposisyon na nilalayon ng Diyos na ipahayag sa kapanahunang ito, at—siyempre—maging ganap na may kakayahan para sa gawain ng pagpapahayag ng katotohanan na nilalayon ng Diyos na gawin sa yugtong ito ng gawain. Kung ang pagkataong diwa na isinasabuhay, ibinubunyag, at taglay ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi itong pagiging normal, pagiging praktikal, at pagiging ordinaryo na pinagbabahaginan natin, o kung hindi Niya taglay ang mga prinsipyo at kredong ito ng sariling asal na pinagbabahaginan natin, kundi sa halip ay taglay ang pagkataong diwa ng mga sikat na tao at mga dakilang tao na pinag-uusapan at iginagalang ng mga walang pananampalataya, ano ang ibubunga nito? (Hindi Niya tayo maaakay na tahakin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.) Magbubunga ito ng isang ganap na ibang sitwasyon. Ipagpalagay na taglay ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ang pagkataong diwa ng isang di-nananampalatayang dakilang tao o sikat na tao—isang tao na matayog, pambihira, katangi-tangi, misteryoso at di-maarok. Ang ganitong uri ng tao ay walang mga hangganan sa pag-asal at paggawa ng mga bagay, palaging nagsisinungaling, at hindi umaasal o gumagawa ng mga bagay nang sumusunod sa panuntunan o nang may mabuting pag-uugali, at hindi niya alam ang kanyang lugar at hindi siya kumikilos nang tapat, at ang mga paghahangad, kaisipan, at pananaw niya ay kapareho ng sa mga walang pananampalataya—hinahangad lang ang matatayog at mariringal na bagay, at nakatuon sa mga kaloob, kaalaman, at mga abilidad na higit sa natural. Sa anong uri ng landas kayo aakayin ng ganitong uri ng tao? (Hindi niya kami maaakay sa landas ng kaligtasan. Sa kabaligtaran, ang mga sumunod sa kanya ay lalo lang magiging tiwali at buktot.) Ang gayong tao ay walang mga positibong prinsipyo ng sariling asal; ang kanyang mga pamamaraan at prinsipyo ng pag-asal ay hindi positibo, kundi sataniko. Kaya, ang mga prinsipyo at kredo ng sariling asal ng taong ito na kay Satanas ay lubhang kumakatawan sa kanyang pagkataong diwa. Ano ang mga paghahangad at landas na tinatahak ng isang taong may ganitong uri ng pagkataong diwa? Ang mga ito ay ganap na kapareho ng kay Satanas. Ang kanyang mga paghahangad at ang landas na tinatahak niya ay pawang nagmumula kay Satanas at kaayon ni Satanas. Kung gayon, hindi ba’t ang mga sumunod sa kanya ay susunod sa kanyang pamumuno, magkakaroon ng parehong mga paghahangad tulad ng sa kanya, at tatahak sa parehong landas? (Oo.) Ang mga taong iyon ay susunod sa kanyang pamumuno, tutulad sa kanyang mga prinsipyo ng sariling asal, at, tulad niya, maghahangad ng kaalaman, katayuan, pagiging higit sa natural, at matatayog at mariringal na bagay, ng lahat ng bagay na pambihira, at lahat ng tila misteryoso at di-maarok para sa mga tao. Walang sinuman ang makapagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa gayong tao; sa halip, lalala lang sila nang lalala. Ang gayong grupo ay hindi matatawag na isang iglesia, pangunahin na dahil silang lahat ay humiwalay na sa gawain ng Diyos at wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang lider na sinunod nila ay hindi itinatag ng Diyos, lalong hindi isinugo ng Diyos. Kahit na tawagin pa nilang lahat ang kanilang sarili na isang iglesia, wala itong magiging silbi; babalewalain sila ng Diyos. Gaano man nila tawagin ang kanilang sarili na isang iglesia, hindi sila kikilalanin ng Diyos, at hindi gagawa ang Banal na Espiritu sa kanila. Tuturuan ng lider na iyon ang mga tao na gawin kung anuman ang gusto niya; ipagkakaloob niya sa mga tao kung anuman ang nasa loob niya, at iyon ang makakamit ng mga tao mula sa kanya. Wala siyang katotohanan, at hindi niya mapagkakalooban ang mga tao ng anumang positibong bagay at hindi niya sila magagabayan sa tamang direksyon, kaya magiging imposible para sa mga tao na makamit ang katotohanan mula sa kanya. Sa pinakamabuti, makakakuha lang ang mga tao ng kaunting kaalaman at matututo ng ilang propesyonal na kasanayan mula sa mundong walang pananampalataya o ng ilang kapabilidad sa isang partikular na larangan mula sa kanya. Sa madaling salita, ang isang taong tulad nito, na hindi nagtataglay ng pagiging normal at pagiging praktikal, o ng dibinong diwa bilang kanyang buhay, ay hindi matatawag na Diyos na nagkatawang-tao; hindi niya madadala ang mga tao sa harap ng Diyos, ni maaakay ang mga tao patungo sa landas ng kaligtasan. Kung titingnan ang mga katunayang ito, sa sangkatauhan, mayroon bang sinuman bukod sa nagkatawang-taong laman ng Diyos na maaaring kumatawan sa Diyos para gawin ang Kanyang gawain? (Wala.) Mayroon bang sinuman na maaaring kumatawan sa Diyos para iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga tiwaling disposisyon? (Wala.) Ang buhay at pagkataong diwa na taglay ng sinumang miyembro ng ordinaryong sangkatauhan ay halos pare-pareho lang lahat—ang gayong buhay at pagkataong diwa ay pawang ginawang tiwali ni Satanas; para sa mga tao, ang mga tiwaling disposisyon ay ang kanilang buhay. Kaya, kung titingnan man mula sa perspektiba ng pagkatao ng mga tao o ng buhay diwa ng mga tao, walang ni isang tao sa buong sangkatauhan ang may kakayahan para sa gawaing ito ng Diyos na nagkatawang-tao, at hindi rin magagawa ng sinumang tiwaling tao na kumatawan sa Diyos para iligtas ang tiwaling sangkatauhan mula sa katiwalian. Natural na sinasabi rin ng mga katunayang ito sa mga tao: Walang tiwaling tao ang makapagsasabi sa sangkatauhan kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at walang tiwaling tao ang makapagsasabi sa mga tao kung ano ang katotohanan o kung ano ba talaga ang mga layunin ng Diyos. Ang ipinagkakaloob ng mga tiwaling tao sa ibang tao ay kaalaman lang, pati na rin ang iba’t ibang kasanayan, kapabilidad, o kaloob na hinahangad ng tiwaling sangkatauhan, at iba’t ibang taktika sa sariling asal at paggawa ng mga bagay, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula kay Satanas. Ang mga tao mula sa lahat ng lahi ay may iisang katangian. Ano ang iisang katangiang ito? Itinuturing nilang lahat ang mga medyo positibo, o medyo may mabuting intensiyon, konserbatibo, at tradisyonal na mga bagay sa gitna nila, bilang mga positibong bagay, at sinusubukan nilang palitan ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos ng mga ito. Naniniwala ang mga tao na sa pamamagitan ng pagkapit sa mga bagay na ito, nakamit nila ang tunay na daan at maaari silang magtamo ng kaligtasan. Ang totoo, ang mga bagay na ito ay ganap na walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Tingnan mo, sa sangkatauhan, gaano man katuso ang mga tao, gaano man kalaki ang kanilang mga kaloob o gaano man kahusay ang kanilang talento at gaano man sila kaedukado, o gaano man kabait at kamapagkawanggawa ang kanilang pagkatao sa panlabas, wala ni isang tao ang makakaunawa sa katotohanan, at wala ni isang tao ang makakakilatis kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay. Bago ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at bago ipinahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita, halos lahat ay itinuring ang tradisyonal na kultura bilang isang positibong bagay, at iginalang pa nga ng ilang tao ang tradisyonal na kultura bilang ang katotohanan. Samakatwid, paano mo man ito tingnan, kung hindi ang Diyos na nagkatawang-tao ang nagpapahayag ng mga katotohanang ito at gumagawa ng gawaing ito sa loob ng normal na pagkatao, kundi sa halip ay sinumang miyembro ng sangkatauhan ang gumagawa ng gawaing ito, aakayin lang nila ang mga tao patungo sa isang landas na lumilihis sa mga salita at layunin ng Diyos.
Tingnan natin ang isang simpleng halimbawa. Kung hihilingin sa mga tao na pumili ng mga kasuotan para sa isang programa ng sayaw, paano sila pipili? Sa teorya, alam ng lahat na kapag gumagawa ng isang programa ng sayaw ang mga mananampalataya sa Diyos, lalo na para sa isang video na ipa-publish online, ang mga damit na isinusuot nila at ang kanilang pag-uugali ay kumakatawan sa mga tao ng Diyos. Kaya, ang mga kasuotang pipiliin ay dapat na maayos at disente, hindi mga kakatwang kasuotan. Pagdating sa pagiging maayos at disente, maraming bagay ang nakapaloob dito. Batay sa mga kuru-kuro ng mga tao, anong uri ng pananamit ang itinuturing na maayos at disente? Ito ang pananamit na pinakamadalas na isinusuot ng iba’t ibang pangkat etniko, pananamit na medyo tradisyonal at konserbatibo at mukhang angkop sa lahat. Hindi ito kakatwa o masyadong sunod sa uso. Ito ang itinuturing nila na maayos at disenteng pananamit, batay sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ano ang mga pananaw ng karamihan sa mga kapatid sa iglesia tungkol sa pagpili ng mga kasuotan para sa mga programa? Tingnan mo, kapag gumagawa ng isang pelikula, ang mga pananaw na pinanghahawakan ng taong namamahala sa mga kasuotan ay aktuwal na kumakatawan sa mga pananaw ng karamihan sa mga tao. Ang mga estilo ng pananamit na pinipili niya ay pawang mga karaniwang isinusuot ng karamihan sa mga tao noong dekada otsenta at nobenta. Ang mga kulay ay kadalasang asul, khaki, o kulay-abo, na may mga pagkakaiba lang sa kung gaano kadilim o kapusyaw ang mga ito. Sa pangkalahatan, iyong dalawa o tatlong simpleng kulay lang na iyon. Bakit hindi sila pumili ng ilang matitingkad na kulay? Ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang mga mananampalataya sa Diyos ay pawang maayos at disenteng mabubuting tao, kaya dapat nilang piliin ang iilang pinakakaraniwan at pinakaordinaryong kulay na ito para sa kanilang mga damit. Tingnan mo, ang gayon kasimpleng bagay tulad ng pagpili ng estilo at kulay ng mga kasuotan ay ganap na naghahayag sa mga kuru-kuro at sa mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos sa puso ng mga tao. Ibig sabihin, nagkikimkim ang mga tao ng isang napakalubhang kuru-kuro sa loob nila; naniniwala ang maraming tao na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pananatili sa mga makalumang pamamaraan at pagpapanumbalik ng tradisyon. Ayon sa kanilang mga kuru-kuro, tanging ang mga tradisyonal, luma, atrasado, at laos na bagay ang mga positibong bagay, at tanging ang mga ito ang nakakalugod sa Diyos. Ito ba ang iniisip ng karamihan sa mga tao? (Oo.) Ito ang nasa isipan ng mga tao. Tinutukoy ng lahat ng tao ang mga tradisyonal, atrasado, luma, at makalumang bagay na iyon bilang mga positibong bagay. Samakatwid, sa paggawa ng programa, hindi man lang makagawa ang mga tao ng mga tumpak na pagpili tungkol sa mga kulay at estilo ng mga kasuotan, na isa sa mga pinakasimple at pinakapangunahing bagay. Sinusukat nilang lahat ang isyung ito gamit ang kanilang mga kuru-kuro, at partikular silang konserbatibo, gayundin ay partikular na hangal at matigas ang ulo. Sabihin ninyo sa Akin, gaano karaming kuru-kuro ba mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos! Ang mga positibong bagay na tinutukoy ng mga tao, at ang mga bagay na iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos, ay pawang tradisyonal na kultura gaya ng nasa mga kuru-kuro ng mga tao, o ang mga bagay sa sangkatauhan na tinatanggap at kinikilala ng mga makamundong tao; ganap na walang kinalaman sa katotohanan ang mga ito. Kaya sabihin ninyo sa Akin, Ako ba ay isang tradisyonalista o isang modernista? (Ang Diyos ay hindi isang tradisyonalista ni isang modernista.) Sinasabi ng ilang tao, “Sa pamamagitan ng Iyong ibinahagi, alam namin na hindi Mo gusto ang tradisyonal na kultura, dahil namumuhay Ka sa kasalukuyan. Kahit papaano man lang, hindi Ka tradisyonal, at hindi Ka kumakapit sa mga makalumang pamamaraan.” Sinasabi ninyo na hindi Ako tradisyonal, kaya Ako ba ay isang modernista? (Hindi.) Paano ninyo nasasabi na hindi Ako isang modernista? (Ang mga tao sa mundo ngayon ay napakahilig sa mga uso, pero itinuturo sa amin ng Diyos na maging maayos at disente, na sumasalungat sa mga uso.) Hindi lang ang mga tao ngayon ang mahilig sa mga uso; mahilig din sa mga uso ang mga tao noong sinaunang panahon. Mahilig sa mga uso ang lahat ng walang pananampalataya. Ang pagkahilig sa mga uso ay hindi nangangahulugang ang isang tao ay isang modernista. Kaya paano dapat sagutin ang tanong na ito? Pagnilayan ninyo ito nang kaunti. Nakita mo na ba Akong magsuot ng sinaunang kasuotan kahit kailan? Nagsusuot ba Ako ng tradisyonal na kasuotan? Nagsusuot Ako ng modernong kasuotan. May kinalaman ito sa normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa alinmang kapanahunan namumuhay ang Diyos na nagkatawang-tao, at anumang antas ng pag-unlad ang naabot ng mga tao sa kapanahunang iyon pagdating sa pangangasiwa ng mga pangunahing pangangailangan, natural na ginagamit ng Kanyang normal na pagkatao ang parehong pamamaraan na ginagawa nila para dito; hindi Siya gagamit ng mga lumang pamamaraan. Hindi ba’t ito ay isang pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Oo.) Ang Kanyang normal na pagkatao ay may pagkamakatwiran, kaya pagdating sa mga pangunahing pangangailangan, natural Niyang alam kung ano ang angkop na piliin. Ito ay sa isang banda. Sa kabilang banda, tradisyon man ito o pagiging moderno, hindi ito isang anyo, kundi sa halip ay kumakatawan sa isang namamayaning kaisipan at isang pananaw. Kaya positibo ba ang tradisyon, o positibo ba ang pagiging moderno? Sa tingin Ko, hindi positibo ang alinman sa mga ito. Alinman sa mga ito ay walang kinalaman sa katotohanan; ang mga ito ay kapwa ginawa ng tiwaling sangkatauhan sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Maging ito man ay mga tradisyonal na kaisipan at pananaw, o mga modernong kaisipan at pananaw, anumang hindi nagmumula sa Diyos ay isang negatibong bagay, hindi isang positibong bagay. Maging ito man ay mga tradisyonal na pangunahing pangangailangan, o mga modernong pangunahing pangangailangan, ang layunin ng mga ito ay palaging ang tugunan ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao. Sa alinmang kapanahunan ipinanganak ang Diyos na nagkatawang-tao, namumuhay Siya sa loob ng normal at praktikal na pagkatao, at ang Kanyang mga prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay ay hindi nagbabago. Sa lahat ng Kanyang ginagawa at sa Kanyang pagtrato sa lahat ng bagay, kumikilos Siya ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo na nagmumula sa Kanyang panloob na buhay disposisyon; hindi Niya pinapanatili o sinusunod ang tradisyon, ni sinusunod ang pagiging moderno o sinusunod ang mga uso. Samakatwid, ang mga hinihingi ng nagkatawang-taong Diyos sa mga sumusunod sa Kanya ay hindi nakabatay sa tradisyon ni naiimpluwensiyahan ng pagiging moderno. Ang iba’t ibang kaisipan at pananaw o mga katotohanang taglay at ibinabahagi Niya ay pawang nagmumula sa Diyos, mula sa dibinong diwa ng Diyos at sa buhay ng Diyos; walang kinalaman ang mga ito sa tradisyonal na kultura o modernong kaalaman.
Kapag tinitingnan ang mga kasuotang pinili para sa mga programa ng sayaw na ginawa ng sambahayan ng Diyos, may nakilatis ba kayong anumang prinsipyo? Bakit pinili ang mga estilo at mga kulay na iyon? Kung nauunawaan ninyo ang mga prinsipyo rito, tunay na nauunawaan ninyo ang kaunting katotohanan, at mayroon kayong espirituwal na pang-unawa; kung hindi mo man lang maunawaan ang mga prinsipyo sa gayon kasimpleng bagay, isa kang tao na magulo ang isip na masyadong mahina ang kakayahan, at hindi mo naunawaan ang katotohanan sa kabila ng pakikinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon. Bilang simula, kapag gumagawa tayo ng mga programa ng sayaw, tradisyonal ba o moderno ang mga damit na isinusuot ng mga nagtatanghal? (Moderno ang mga ito.) Pawang mga modernong damit ang mga ito—mga ordinaryo at pang-araw-araw na kasuotan pa nga. Hindi nakakaunawa ang ilang tao, sinasabi nila, “Ang mga programa natin ng sayaw ay mga artistikong programa, kaya bakit nagsusuot lang ng mga ordinaryo at pang-araw-araw na kasuotan, sa halip na mga kasuotang pang-entablado, ang mga nagtatanghal? Ang mga kasuotan na may mga bead at sequin ay partikular na magaganda. Tingnan ninyo ang mga kasuotang isinusuot sa entablado niyong mga pambansang grupo ng sayaw—magaganda, katangi-tangi, at mariringal ang mga ito, at nagniningning ang mga ito kapag natatamaan ng mga ilaw. Kung magsusuot din ng gayong mga kasuotan ang mga tagapagtanghal natin kapag gumagawa tayo ng mga programa, hindi ba’t mas magpapaganda iyon sa kanila at mas luluwalhati sa Diyos? Hindi ba’t mas maipapamalas nito ang kapangyarihan ng sambahayan ng Diyos, at mas magbibigay-daan ito sa mga walang pananampalataya o mga relihiyosong tao na makita ang lakas ng sambahayan ng Diyos?” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Una sa lahat, sabihin ninyo sa Akin ito—bakit nagsusuot ng mga ordinaryo at pang-araw-araw na kasuotan ang mga tagapagtanghal sa halip na magagandang kasuotan kapag gumagawa tayo ng mga programa ng sayaw? (Kung ang mga kapatid ay pawang magsusuot ng partikular na magagandang kasuotan kapag sumasayaw, magtutuon ang mga manonood sa mga damit at sa hitsura ng mga tagapagtanghal. Pero kung magsusuot sila ng mga ordinaryong damit at mukha silang maayos at disenteng mga tao, hindi maaakit ang mga manonood sa mga panlabas na bagay na ito, at itutuon nila ang kanilang isipan sa mga salita ng Diyos.) Tama kayo tungkol sa isang bagay—ang hindi pagsusuot ng magagandang kasuotan ay para maiwasan na magtuon ang mga tao sa anyo at panlabas na hitsura. Mayroon ding isa pang punto, na siyang pinakamahalaga: Pagsayaw o pagkanta man ito, kapag gumagawa tayo ng mga programa, ano ang layunin? (Ang magpatotoo sa Diyos.) Ito ang tanging layon. Pagsayaw man o pagkanta, ang lahat ng ito ay para magpatotoo sa Diyos. Hindi ito para itampok ang sinumang indibidwal, ni para palugdan ang sinuman; ito ay para lang magpatotoo sa Diyos. Kaya, sapat na para sa mga tagapagtanghal na magsuot ng simple, tama ang sukat, maayos at disente, at kaaya-ayang mga damit na nakakamit ang layunin ng pagpapatotoo sa Diyos. Sa kalikasan, ang mga programang ginagawa natin ay hindi mga programa ng libangan. Ano ang mga programa ng libangan? Ang mga programa ng libangan ay mga bagay na pinapanood ng mga tao para sa paglilibang sa kanilang libreng oras; ang mga ito ay para lang palugdan ang mga tao. Kapag nagpapahinga ang mga tao, nanonood sila ng isang programa para magsaya, magrelaks, makaramdam ng kaligayahan, makalimutan ang kanilang mga alalahanin, at maibsan ang kanilang stress. Pagkatapos, bumabalik sila sa anumang gawaing kailangan nilang gawin, nang hindi ito pinag-iisipan o nagkakaroon ng anumang damdamin tungkol dito. Ito ang mga programa ng libangan. Paano naman ang mga programang ginagawa natin? Sa usapin ng anyo, ang mga ito ay libangan, pero sa diwa, ang mga ito ay hindi para palugdan ang publiko, ni para magpakitang-gilas ng artistikong kasanayan. Ang layon ng mga programang ginagawa natin ay para magpatotoo sa Diyos. Halimbawa, kapag gumagawa ng mga programa ng himno, ang layunin ng mga himno ng mga salita ng Diyos ay para magpatotoo at magpakalat ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, nagbibigay-daan sa mga tao na lumapit sa harap ng Diyos; ang layunin ng mga himnong batay sa karanasan ay ang magpatotoo sa mga epektong nakamit ng gawain ng Diyos at sa mga resultang naidulot ng gawain ng Diyos sa mga tao. Sa madaling salita, anuman ang uri ng mga programang ginagawa natin, ang mga ito ay hindi purong mga programa ng libangan. Ang layunin ng mga ito ay hindi ang kumuha ng atensiyon ng mga tao o tulungan ang mga tao na magpalipas ng oras at libangin ang kanilang sarili, lalong hindi ito ang magpakitang-gilas ng artistikong kasanayan. Mayroon lang iisang layon para sa mga programang ginagawa natin, at iyon ay ang ipakalat ang mga salita ng Diyos at magpatotoo sa gawain ng Diyos, ipinapaalam sa mas maraming tao na ang Diyos ay nagkatawang-tao at nagsasagawa ng isang bagong yugto ng gawain, ipinapaalam sa mas maraming tao na ang gawain ng Diyos ay nagkamit na ng isang grupo ng mga tao, at na ang Diyos ay gumagawa at nagsasalita ngayon. Ito ang tanging layunin ng mga programang ginagawa natin. Dahil ito ang layunin ng mga programang ginagawa natin, kung nagsusuot ang mga tao ng magagandang damit at naglalagay ng makapal na makeup, at mayroon silang lahat ng uri ng kasuotan, hindi ba’t sumasalungat iyon sa layon ng pagpapatotoo sa Diyos? (Oo.) Isa iyang pagsalungat. Samakatwid, hindi tayo tumutuon sa kung ano ang isinusuot ng mga tagapagtanghal. Ano ang tanging bagay na pinagtutuunan natin? Tumutuon lang tayo sa kung ang ipinapakita ng mga programa—ang dating ng mga kapatid, ang mga galaw sa sayaw, at ang anyo ng mga programa—ay makakakuha ba ng atensiyon ng mga tao, at kung maidudulot ba ng mga ito na magustuhan ng mga tao ang mga ito at maging interesado sila sa mga ito, sa gayon ay nagbibigay sa mga tao ng isang paborableng impresyon at tumutulong sa mga tao na maging handang magsiyasat sa gawain ng Diyos, tumanggap sa mga salita ng Diyos, at kumanta ng mga himno at sumamba sa Diyos kasama ng mga kapatid—ito ang layunin na gusto nating makamit. Para makamit ang layuning ito, pagdating sa mga kasuotan at hitsura ng mga tagapagtanghal, kailangan lang nilang magmukhang maayos at disente, malinis at presentable, at magkaroon ng partikular na mabuting dating; tungkol naman sa iba pa—magagandang kasuotan, makapal na makeup, at lahat ng uri ng gayak—ang lahat ng iyon ay may mga negatibong epekto. Anong mga negatibong epekto? Kung ang mga sumasayaw na kapatid na babae ay pawang nakadamit tulad ng mga dalaga sa kalangitan, at ang mga kapatid na lalaki ay pawang nakadamit tulad ng mga guwapong lalaki o mayayamang tagapagmana, kapag nakita ito ng mga tao, iisipin nila, “Nagpapasikat kayo. Hindi ba’t nagkikimkim kayo ng masasamang intensiyon? Hindi ba’t nang-aakit kayo ng mga tao?” Kung mayroong ganitong mga kaisipan ang mga tao, hindi iyon mabuti. Ang mga kapatid ay nagdadamit nang maayos at disente, at kaaya-aya at angkop. Bagama’t, sa pangkalahatan, maaaring hindi sila magmukhang elegante, sila ay partikular na malinis, presentable, disente, at kaaya-aya. Kapag tinitingnan sila ng mga tao, nakikita nila na ang mga taong ito ay may mabuting dating, na ang mga ito ay mga mananampalataya sa Diyos, at na ang programang ginagawa nila ay isang programang nagpapatotoo sa Diyos, hindi isang bagay na baliko o masama. Tingnan mo, ang mga programa ng mga walang pananampalataya ay pawang tungkol sa pagtingin nang mapang-akit, pagpapalipad ng mga halik, o pagpapakitang-gilas ng mga katawan ng mga tagapagtanghal. Habang sumasayaw, bukod sa pagpapakitang-gilas ng kanilang sining, ipinangangalandakan din ng mga tagapagtanghal ang kanilang mga alindog, hindi nag-aalok ng kahit katiting na positibong gabay. Sa kabaligtaran, ang mga programang ginagawa natin ay naghahatid ng ganap na positibong gabay. Kahit pa gusto ng mga manonood na magkimkim ng mga di-wastong kaisipan, wala silang nakikitang pagkakataon o mga butas para gawin iyon. Kung gusto nilang suriin ang mga katawan at mga katangian ng mukha ng mga tagapagtanghal, hindi nila ito makikita nang malinaw; kung gusto nilang makita kung sino ang nagpapangalandakan ng kanilang mga alindog, hindi rin nila iyon makikita. Nakikita lang nila ang isang ekspresyon—isang ngiti—na nagpapakita ng isang ganap na maayos at disenteng tindig. Ang pinakamahalaga, ang mga programa natin ay hindi tungkol sa pagpapasikat o pagpapalugod sa sinuman, kundi para magpatotoo sa Diyos; ito ay isang pangunahing prinsipyo. Dagdag pa rito, tungkol sa mga estilo ng pananamit na pinili natin para sa pangkat ng mga mananayaw—mga T-shirt, sweatshirt, at sweatpants—maaaring medyo maging komportable ang mga tao habang sumasayaw nang suot ang mga ito, pero maaaring hindi talaga magustuhan ng ilang kabataan ang mga ito batay sa sarili nilang mga panlasa. Pakiramdam nila ay masyadong ordinaryo ang mga estilong ito, na ito ay pang-araw-araw na kaswal na kasuotan lamang, mga damit na isinusuot mo sa bahay, pero ito mismo ang maayos at disenteng mga damit. Ang mga T-shirt, sweatshirt, at sweatpants ang mga pinakakaraniwang estilo ng kaswal na kasuotan sa panahon ngayon. Bakit natin pinipili ang mga estilong ito? Napansin Ko na malamang ay hindi bababa sa ilang dekada na ngayon mula nang unang lumitaw ang ganitong estilo ng kaswal na kasuotan. Pinipili natin ang estilong ito para sa mga programa natin ngayon dahil sa pagsasaalang-alang sa katunayan na kahit sa susunod pang ilang dekada, hindi ito magiging laos o lipas na. Bukod pa rito, ang estilong ito ay angkop para sa mga taong may iba’t ibang edad at mula sa lahat ng antas ng lipunan; maging sila man ay mga ordinaryong tao o mga tao mula sa mataas na uri, lahat sila ay nagsusuot ng gayong mga damit sa bahay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Higit pa rito, ang mga damit na ito ay maluluwag at komportable para sa pagsasayaw. Kaya, sa huli ay nagpasya tayo sa ganitong estilo ng pananamit para sa mga kasuotan sa entablado. Gusto man o hindi ng mga taong nagsusuot ng mga ito sa entablado ang mga ito, ang estilong ito ay angkop para sa entablado; ibig sabihin, hindi makakahanap ng anumang kapintasan sa gayong mga damit ang mga manonood ni ang mga nagsusuot. Maaaring sabihin ng mga nagsusuot, “Ang mga damit na ito na pinili Mo para sa amin ay masyadong baduy; hinding-hindi ako magsusuot ng gayong mga damit sa aking pang-araw-araw na buhay.” Ang tugon Ko riyan ay na hindi Ako nakikialam sa kung ano ang isinusuot mo sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang isinusuot mo at ang gusto mo ay kumakatawan sa kung sino ka; kumakatawan ang mga ito sa iyong pagkatao at diwa. Kung hindi mo gusto ang simple, kaaya-aya, maayos, at disenteng mga damit, kundi sa halip ay gusto mo ang mga kakatwang damit, kung gayon ay lubos kang kakaiba. Kung mahilig kang maglantad ng iyong dibdib at likod, maglugay ng iyong buhok, at magsuot ng malaking sunglasses, palaging umaasal na parang isang sikat na tao, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi ka miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ayaw mong maging maayos at disente; kahit papaano man lang, hindi kita kaayon. Ang pagiging maayos at disente, at kaaya-aya at angkop—ito ang prinsipyo para sa pagpili ng mga estilo ng pananamit. Kung gayon, paano dapat piliin ang mga kulay ng pananamit? Sinasabi ng ilang tao, “Ang puti ay kumakatawan sa kabanalan, ang berde ay kumakatawan sa buhay, ang pula ay kumakatawan sa pagdiriwang, at ang dilaw ay kumakatawan sa pagkakaibigan, kaya dapat lang nating piliin ang mga kulay na ito.” Sinasabi Ko na ito ay kalokohan lamang; ang mga kulay ay hindi kumakatawan sa anumang bagay. Kung gayon, ano ang prinsipyo para sa kung anong mga kulay ang isusuot? Napakasimple nito; mayroon lang iisang prinsipyo: Dapat itong magmukhang malinis sa kamera. Sa partikular, ang ilang kulay ay lubos na matingkad at medyo maliwanag, at maaaring bihirang isinusuot ng mga tao ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay, pero pinili natin ang mga kulay na ito para sa epekto sa entablado at sa biswal na epekto na ibinibigay ng mga ito. Sa isang banda, ang mga kulay na ito ay medyo matingkad at maliwanag, kaya ang epekto sa entablado na ibinibigay ng mga ito ay maganda. Sa kabilang banda, ang karamihan sa mga kulay na ito ay hindi masyadong kakatwa; walang malamlam sa mga ito, at walang hindi kaaya-aya sa mga tao, kaya ang mga video na ginawa sa ganitong paraan ay may magandang epekto.
Ang kakabahagi Ko lang ay mga prinsipyo para sa pagpili ng mga kasuotan para sa programa ng sayaw. Aling mga aspekto ng mga ito ang malinaw ninyong nakita? Sabihin ninyo sa Akin, angkop ba ang mga prinsipyong ito na isinaalang-alang Ko? (Oo.) Pangunahin itong umiikot sa mga prinsipyo ng pagpapatotoo sa Diyos, hindi pagbibigay ng kahihiyan sa Diyos, at pagkamit ng pinakamagagandang resulta, hindi ba? (Oo.) Mayroon bang anumang aspekto nito na baluktot o sukdulan? (Wala.) Mayroon bang anumang elemento ng pananatili sa mga makalumang pamamaraan? (Wala.) Sa anumang paraan ay hindi ito baluktot o nananatili sa mga makalumang pamamaraan. Kaya ang mga prinsipyo ba nating ito para sa pagpili ng mga kasuotan ay sumusunod sa tradisyon, o sumusunod ba ang mga ito sa pagiging moderno? (Ang mga ito ay hindi sumusunod sa tradisyon ni sa pagiging moderno; hangga’t makakamit ng mga programang ginagawa natin ang resulta na magpatotoo sa Diyos, iyon ang pinakamabuti.) Sa wakas ay naunawaan na ninyo; ang layunin ng mga programang ito ay ang magpatotoo sa Diyos, at wala nang iba pa. Ang pagpapatotoo sa Diyos ay nangangailangan ng pagsasaalang-alang na hindi tayo dapat magbigay ng kahihiyan sa Diyos at hindi natin dapat pagmukhaing masama ang sambahayan ng Diyos. Siyempre, dapat din nating isaalang-alang na ang tela at estilo ng mga kasuotan ay dapat na komportableng isuot. Ibig sabihin, sinumang maayos at disenteng tao na makakakita sa iyo na suot ang mga damit na ito ay mag-iisip na katanggap-tanggap ang mga ito, na mukha kang isang mananampalataya sa Diyos, at na kaya mong katawanin ang mga tao ng Diyos, sa halip na magmukha kang isang walang pananampalataya, o isang sikat na artista sa pelikula o mang-aawit—at sa isang sulyap lang, masasabi ng isang tao na isa kang maayos at disenteng tao. Batay rito, sa tingin ba ninyo, ang Aking mga pananaw para sa pagtrato sa mga bagay at ang mga prinsipyong sinusunod Ko sa loob ng Aking normal na pagkatao ay kapareho ng sa inyo? (Hindi.) Tiyak na hindi pareho ang mga ito. Kaya sabihin ninyo sa Akin, matatayog at mariringal ba ang mga prinsipyong ito na sinusunod Ko? Pambihira ba ang mga ito? Ang mga ito ay hindi matatayog at mariringal kahit kaunti. Partikular na normal ang mga ito. Ang mga prinsipyong ginagamit Ko at ang mga resultang nilalayon Kong makamit sa paggawa ng mga bagay ay pawang lubos na praktikal, at hindi Ako kailanman nagpapasikat. Kung susundin natin ang paraan ng pagtingin ninyong lahat sa mga bagay-bagay, sa pagpili ng mga kasuotan para sa mga programa ay magiging tradisyonal tayo at mananatili sa mga makalumang pamamaraan, o susunod tayo sa mga makamundong kalakaran. Sinasabi ng ilang tao, “Ang smokey eye makeup, mga pekeng pilikmata, mga hikaw sa ilong at malalaking hikaw sa tainga ay sikat sa mundo. Dapat din nating bihisan ang mga kapatid para maging guwapo at maganda. Hindi lang dapat maging maganda ang kanilang mga damit, kundi dapat ding maging mapang-akit ang kanilang makeup. Hindi sila dapat malamangan ng mga mang-aawit at mga sikat na artista sa pelikula sa mundo, at dapat na magmukha pa nga silang mas elegante at mas marangya. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat na maging mas marangal kaysa sa mga iyon, kaya ito ang direksyon na dapat nating tahakin kapag binibihisan natin ang mga tagapagtanghal.” Kung gayon, bakit hindi lumalabas ang mga nagtatanghal na ito sa entablado nang may suot na kahit isang magandang bagay? Dahil narito Ako para suriin ang lahat ng bagay. Maging sila man ay mga modernista o mga tradisyonalista, isinantabi silang lahat—wala silang anumang pagkakataon para ipagmalaki ang kanilang “mga kasanayan.” Pinigilan Ko sila. Kung kayo ang sumusuri, bibigyan ba ninyo ang mga taong ito ng pagkakataon na ipagmalaki ang kanilang “mga kasanayan”? (Hindi.) Bakit hindi? (Kung bibigyan ng pagkakataon, lilihis sila sa tamang landas. Hindi nila susundin ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos.) Kung bibigyan ng pagkakataon, bibihisan nila ang mga tagapagtanghal bilang mga demonyo. Gagawa sila ng mga programa ng libangan tulad ng mga programang sikat sa lipunan, ginagawang mga programa ng libangan na nagpapalugod sa publiko ang mga programang naglalayong magpatotoo sa Diyos, at pinagmumukhang mga demonyo at multo ang mga taong itinatampok sa mga ito. Mapapanood pa ba ang mga programa kung gayon? Magbabago ang kalikasan ng mga programa; ang mga ito ay hindi magpapatotoo sa Diyos kundi magbibigay-kahihiyan sa Diyos, at karapat-dapat na isumpa at ipagbawal ang mga ito. Hindi ito magiging paggampan ng isang tungkulin, kundi paggawa ng kasamaan. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Hindi man lang ninyo naunawaan ang gayon kaliit na usapin. Ngayong nasabi Ko na ito nang mas malinaw at mas simple, biglang napagtanto ng ilang tao: “Ganoon pala iyon. Ngayon, alam ko na kung bakit pinipili ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga kasuotan para sa mga programa nito ng sayaw.” Anuman ang kapanahunan, ano ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao? Ito ay ang ituring ang salita ng Diyos bilang prinsipyo sa lahat ng bagay. Sa paggawa ng anumang aytem ng gawain o pangangasiwa sa anumang usapin, ang dapat na unang layon ninyo ay ang magpatibay ng mga tao, at ang dapat na pangalawang layon ninyo ay ang magpatotoo sa gawain ng Diyos. Ang mga ito ang dalawang prinsipyo. Kaya, sa lahat ng usapin, ang mga ito ang dalawang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Ang pagiging normal at pagiging praktikal na taglay sa loob ng normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kung gayon, ay binubuo lang din ng pagsunod sa mga prinsipyong ito. Hindi nagbabago ang mga prinsipyo; ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi sumusunod sa tradisyon ni sa pagiging moderno. Ang prinsipyong sinusunod Ko sa loob ng Aking normal na pagkatao ay ang umasal at gumawa ng mga bagay sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran. Kaya, anong mga prinsipyo ang sinusunod Ko sa paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Ito ay ang magbigay ng pakinabang sa mga tao sa lahat ng ginagawa Ko—ang paggawa ng mga bagay na nagbibigay ng pakinabang at nagpapatibay sa kanila. Dagdag pa rito, ito ay ang gawin ang gawain ng pagpapatotoo sa Diyos, pagsunod sa mga prinsipyo ng pagpapatotoo sa Diyos at pagpapakalat ng mga salita ng Diyos. Sasabihin ba ninyo na ganito ang kaso? (Oo.) Sa pamamagitan ng pagbabahaginan nang ganito, mas nauunawaan na ba ninyo Ako ngayon? (Oo.) Kung hindi Ko tatalakayin nang detalyado ang mga bagay na ito, hindi magiging malinaw sa inyo ang mga ito. Hindi man lang ninyo maarok ang gayon kasimpleng usapin. Sa katunayan, hindi ito malalim kahit kaunti; ang lahat ng ito ay lubos na praktikal at ordinaryo. Gaano ba ito kaordinaryo? Lubos itong umaayon sa pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ibig sabihin, kung mayroon kang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao, mauunawaan mo ito, pero kung wala ka nito, magiging napakahirap para sa iyo na maunawaan ito—kakailanganin Kong ipaliwanag ito nang malinaw at lubusan, sinasabi ito nang malinaw at ipinapaliwanag ito nang detalyado para sa iyo, bago mo maunawaan kung ano ang nangyayari. Napakasimpleng usapin nito, hindi man lang umaabot sa antas ng mga katotohanang prinsipyo, gayunman ay hindi pa rin ninyo ito maipaliwanag nang malinaw. Ano ang nangyayari dito? Malalim at di-maarok ba ang usaping ito? (Hindi.) Kung gayon, bakit hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw? Sa malawak na pananalita, ito ay dahil hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Sa mas detalyadong antas, ito ay dahil ang inyong normal na pagkatao at pagkamakatwiran ay nagkukulang ng ilang bagay at may mga kapintasan. Pagdating sa pagiging maayos at disente, kumakapit kayo sa tradisyon at sa mga makalumang pamamaraan. Pagdating sa normal na pagkatao, iniisip ninyo na ang pagkakaroon ng normal na pagkatao ay nangangahulugan ng pagiging taong totoo, tulad ng isang hangal. Hindi ba’t ipinapakita nito na talagang mahina ang inyong kakayahan at na wala kayong anumang abilidad na umarok? (Oo.) Iyan mismo ang problema. Sige, sapat na iyan tungkol diyan.