Paano Hangarin ang Katotohanan (26) Ikaanim na Bahagi
Ipagpatuloy natin ang pag-uusap tungkol sa usapin ng hindi pagpapakana. Sa pang-araw-araw na buhay, madalas na nakakaranas ang mga tao ng pagpapakana mula sa iba sa iba’t ibang bagay na nangyayari sa kanila. May mga nakikipag-agawan sa iyo para sa kasikatan at pakinabang, may mga nakikipagdebate sa iyo tungkol sa tama at mali, mayroon pa ngang nakikipagtalo sa iyo dahil lang sa isang salita, may mga humuhusga sa iyo at sinisiraan ka kapag nakatalikod ka, at may mga humahadlang sa iyo at kumikilos nang hindi makatwiran sa iyo. Kapag nahaharap sa iba’t ibang pagpapakana ng mga tao, paano mo hinaharap ang mga ito? Dapat kang mahigpit na manangan sa isang prinsipyo: “Gaano man magpakana ang iba laban sa akin, hindi ako magpapakana laban sa kanila; lalayuan ko sila! Dapat kong maunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung anong aral ang nais Niyang matutunan ko. Dapat akong manindigan sa aking posisyon at dapat kong isagawa ang mga salita ng Diyos at panghawakang mabuti ang aking tungkulin. Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos ay hindi kailanman magiging mali at hindi kailanman magdudulot ng kawalan. Gaano man kataas ang tingin sa akin ng iba, hindi iyon isang korona o isang gantimpala; isa iyong kalamidad!” Kung mananangan ka sa gayong prinsipyo, mapoprotektahan ka nito mula sa paggawa ng masama at mula sa pagkondena ng Diyos. Kung, sa buong buhay mo, makapaninindigan ka sa posisyon ng isang nilikha, kung matutupad mo nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at maisasakatuparan ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos nang buong puso at isipan mo, at inilalaan mo ang lahat ng iyong iniisip sa paggawa ng iyong tungkulin—napapabayaan mo man ang pagkain at pagtulog o pinapagod mo man ang iyong isipan dahil dito—ginagawa mo nang maayos ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at natatamo mo ang paggawa ng iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, kung gayon, mamumuhay ka ng isang buhay na may halaga. Sa buhay na ito, hindi tayo dapat maghangad na gumawa ng mga dakilang bagay, na magsagawa ng anumang mga gampanin, o lumikha ng kung anong himala. Tayo ay mga hamak na tao lamang at dapat magbasa pa ng mga salita ng Diyos, maghangad na maunawaan ang katotohanan sa mga bagay na nangyayari sa atin, tuparin ang ating mga responsabilidad, at gawin nang maayos ang dapat nating gawin. Dapat nating tiyakin na nakaaayon tayo sa mga katotohanang prinsipyo sa bawat usapin, na ang tungkuling ginagawa natin ay naaayon sa mga prinsipyong hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at na kapag maingat nating sinusuri ang motibasyon, layon, at mga prinsipyo ng bawat bagay na ginagawa natin, lahat ng ito ay naaayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos, at kayang makapasa sa pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos. Bawat araw, ginagawa mo ang iyong tungkulin nang normal, nang may kapayapaan at kagalakan, palaging namumuhay sa harapan ng Diyos. Kapag mayroon kang sasabihin sa Diyos sa iyong puso, nagdarasal ka sa Kanya; kapag wala kang anumang salitang maidarasal, kaya mo pa ring lumapit sa Diyos sa iyong puso, at kapag nagdarasal ka, natatanggap mo ang kaliwanagan at gabay ng Diyos, at inaantig ka Niya. Kaya mo ring maging tapat sa Diyos kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, at umasal nang hayagan at matuwid. Napakaganda niyon! Sa pagtrato sa mga tao at pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa kanila, karaniwan ay paunti nang paunti ang iyong mga dungis at pagsalangsang. Gaano man magpakana ang iba laban sa iyo, hindi ka tumutugon nang may pagkamainitin ng ulo. Sa tuwing nararamdaman mong hindi mo kayang paglabanan ang iyong pagkamainitin ng ulo, nagdarasal ka sa Diyos; kapag mahina ka, nagdarasal ka rin sa Diyos. Kapag inaantig ka nang kaunti ng Banal na Espiritu, magkakamit ka ng lakas para mapagtagumpayan ito, at malalagpasan mo ang balakid. Sa bawat pagkakataong hinaharap mo ang mga pagpapakana, pag-atake, pagganti, at iba pa ng mga tao, ito ay tulad ng pangingibabaw sa isang balakid, tulad ng pagdaig sa isang paghihirap. Sa huli, mapagtatagumpayan mo ang lahat ng pakanang ito, mapagtatagumpayan ang mga pag-atake, pagganti, at pakikipagtunggali ng mga tao laban sa iyo, hindi tumutugon batay sa pagkamainitin ng ulo o sa mga tiwaling disposisyon, kundi nagagawang manangan sa mga prinsipyo. Kung gayon, ikaw ay tunay na isang mananagumpay. Napakaganda niyon! Gayumpaman, ipagpalagay nang namumuhay ka sa pagkamainitin ng ulo at sa mga tiwaling disposisyon buong araw. Kapag may nagpapakana laban sa iyo o nagsasabi ng isang bagay na hindi maganda, dinidibdib mo ito, labis kang nababagabag dito, naiirita ka, nag-aalab sa galit ang iyong mga mata, at nagagalit ka nang husto. O, pagkatapos mong makarinig ng hindi magagandang salita, hindi ka mapakali sa iyong puso, nagkakaroon ka ng mga singaw sa bibig, nawawalan ka ng ganang kumain at uminom, at hindi ka makatulog sa gabi. Pagkatapos, lumalayo ka sa Diyos. Namumuhay ka sa pagkamainitin ng ulo o sa mga emosyon, ginugugol ang bawat araw sa pagdurusa, hindi kayang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal, hindi kayang gawin ang iyong tungkulin nang normal, ang iyong puso ay abala at sangkot sa gusot sa mga usaping ito ng tama at mali. Sa sandaling masangkot sa gusot, napakahirap para sa iyong makawala, at kung minsan ay hindi mo ito magawa sa loob ng ilang buwan. Kung ito ay isang malaking usapin, tulad ng pag-aasawa o isang kaso sa korte, mas matindi pa ang pagpapakana, at sa sandaling masangkot ka sa gusot ng mga bagay na ito, lumilipas na lang ang mga buwan—o maging ang mga taon—sinasayang ang pinakamagagandang taon ng iyong buhay. Sa huli, nasasayang ang iyong buong buhay—hindi mo nagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at hindi mo nakamit ang katotohanan. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na ikaw ay ganap nang nasira? Kung palagi kang namumuhay sa mga pag-aalitan, pagpapakana, pakikipagtunggali, at pagiging makitid ng isip, magagampanan mo pa ba nang maayos ang iyong tungkulin? Hindi mo lang hindi magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, kundi sa pagpapakana at pakikipagtunggali, makakaipon ka rin ng maraming masamang gawa. Sa pamumuhay sa mga pakana at pakikipagtunggali sa pagitan ng mga tao, gaano karaming masasamang bagay ang magagawa mo, gaano karaming mapangahas na salita, mapaghimagsik na salita, mga salitang lumalabag sa katotohanan, at mga salitang lumalaban sa Diyos ang sasabihin mo? Lahat ng ito ay inuuri bilang mga salita ng mga diyablo. Kahit pa ang ilang salita ay hindi binibigkas nang malakas, pinoproseso ang mga ito sa iyong isipan; kinamumuhian, nilalait, at isinusumpa mo ang mga tao sa iyong puso. Ang mga bagay na ito ay pawang kasinliwanag ng araw sa mga mata ng Diyos. Nakikita ng Diyos kung ano ang iyong mga balak, kung paano ka nagpaplano, at kung paano ka nagsasagawa kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay. Sa pamumuhay sa mga pakana at pakikipagtunggaling ito, hindi mo kailanman naiisip na pagnilayan ang iyong sarili at magsisi at magtapat ng iyong mga kasalanan sa Diyos, at hindi mo rin naiisip na hanapin ang katotohanan sa mga usaping ito, sa halip ay pikit-mata kang “nasisiyahan” sa mga ito. Bagama’t pagod ang katawan at isipan mo, hindi mo kailanman pinagninilayan ang iyong sarili at hindi ka kailanman nagdarasal sa Diyos at hindi mo tinatanggap ang pagdidisiplina at gabay ng Diyos, hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos sa iyong puso, at hindi hinahayaang maghari ang Diyos. Hindi ka kailanman nagpapasyang isagawa ang mga salita ng Diyos. Pinatutunayan nito na hindi ka isang taong sinserong nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan. Ang mga taong sinserong nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ay nakatuon sa kanilang puso sa kung paano isagawa ang katotohanan at isabuhay ang wangis ng isang tao, pinahahalagahan ang pagsang-ayon ng Diyos nang higit sa lahat. Nagbibigay-daan ito sa kanila na iwasan ang mga pakikipagtunggali at pagpapakana; ang kanilang puso ay madalas na nakakalapit sa Diyos at kaya nilang mamuhay sa harapan ng Diyos. Bilang resulta, ang kanilang mga tungkulin ay nagbubunga nang mas sagana, nararamdaman nila na ang pamumuhay sa ganitong paraan ay may halaga at may nagagawang kontribusyon sa sangkatauhan, at sa gayon ay mayroon silang tunay na kapayapaan at kagalakan sa kanilang puso. Dahil natutupad nila nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, bawat araw na nabubuhay sila ay may tunay na halaga at kabuluhan. Ngunit kung namumuhay ka sa iba’t ibang uri ng mga pakikipagtunggali at pagpapakana, kung gayon ay nag-iipon ka ng mga kasalanan sa bawat araw na ikaw ay nabubuhay. Hindi ka lang nabibigong isabuhay ang halaga at kabuluhan na dapat taglayin ng isang nilikhang tao, kundi nag-iipon ka rin ng mga kasalanan para sa iyong hinaharap. Sa puso ng Diyos, lalo ka Niyang itinataboy, at lalo Siyang nadidismaya sa iyo. Kung nakikita ng Diyos na ang Kanyang pagmamalasakit at mga inaasahan para sa iyo ay malapit nang mapunta sa wala, ano ang mararamdaman ng Diyos tungkol sa iyo? Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay nagdudulot sa Diyos ng lumalaking pagkadismaya, nagdudulot sa Diyos ng lumalaking panlulumo, hanggang sa isang araw ay tunay na hindi ka na bumalik at nais ka nang sukuan ng Diyos, kung gayon, sabihin mo sa Akin, anong halaga at kabuluhan mayroon ang iyong buhay at pananalig sa Diyos? Anong pag-asa ang natitira sa iyong buhay? Dahil lang sa nagpapakana ang iba laban sa iyo at hinuhusgahan ka nila, para ipaglaban ang iyong pride, at para bawiin ang iyong sariling karangalan at dignidad, nasasangkot ka sa alitan sa mga tao at naaantala ang iyong mga nararapat na gawain. Kung minsan, dahil lang sumama ang loob mo sapagkat may nagsabi ng isang bagay na hindi maganda o tumingin sa iyo sa isang partikular na paraan, na nagdulot sa iyong mapahiya at nasaktan ang iyong pagpapahalaga sa sarili, nagkakaroon ka pa ng sama ng loob sa iyong puso at walang katapusan kang nasasangkot sa mga alitan sa kanila. At ano ang nangyayari sa huli? Sinasayang mo ang lahat ng iyong mahalagang oras sa mga bagay na ito, sinisira ang iyong pagkakataon na makamit ang kaligtasan at hindi nakakamit ang kahit katiting na katotohanan. Bilang resulta, itinataboy ka ng Diyos, hindi ka na Niya pinapansin, at ikaw ay ganap nang nasira. Kaya, ano ang sinusubukan Kong sabihin sa inyo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na ito? Ang pagpili kung paano umasal, ang pagpili ng paraan ng pag-asal, ay napakahalaga. Sa pamumuhay kasama ng mga tao, madalas na haharapin ng bawat tao ang mga pakana, pakikipagtunggali, mga pakinabang at kawalan sa mga personal na interes, at iba’t ibang tinig ng papuri, pamumuna, paghusga, at pagkondena; haharapin ng lahat ang mga bagay na ito. Nabuhay na rin Ako sa mundong ito hanggang sa edad na ito, at hindi rin Ako namumuhay nang hiwalay sa mundo. Hinaharap Ko rin ang mga bagay na ito, ngunit ang Aking puso ay hindi magpapakana. Tingnan ninyo Ako—paano Ako namuhay? Ang mga bagay na ito ay hindi nakaaapekto sa Aking buhay o sa Aking gawain kahit katiting. Bawat araw, nakatuon lamang Ako sa paggawa ng Aking gawain. Sa pamumuhay hanggang ngayon, hindi Ako naapektuhan ng panlabas na kapaligiran. Ang Aking pagkakakilanlan at katayuan, ang Aking halaga sa mga mata ng mga tao—wala sa mga ito ang naapektuhan. Hindi lang iyan, kundi nag-aalala pa nga Ako na baka magkamali kayo ng akala na Ako ay napakataas, labis na ekstraordinaryo, at ibang-iba sa iba, kaya kailangan Kong magbigay ng ilang aktuwal na halimbawa ng Aking pagiging normal, pagiging praktikal, at pagiging ordinaryo sa isang mas partikular na paraan upang hindi ninyo Ako idolohin at hindi kayo magkaroon ng ilang hindi makatotohanang imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Akin. Pagkatapos Kong sabihin ang mga ito, saka lang nakikita ng ilang tao na Ako ay isang ordinaryo at normal na tao lamang, at pagkatapos ay nagiging wala silang pakialam sa Akin. Hindi mahalaga sa Akin ang mga bagay na ito. Hangga’t natatanggap mo ang mga salitang ito na sinasabi Ko, sapat na iyon; wala na Akong ibang mga hinihingi. Kung gugugulin ninyo ang buong araw nang tinititigan Ako, sinisiyasat Ako, binabasa ang Aking ekspresyon, hindi Ako magiging komportable. Hindi Ko gusto na iniidolo Ako o sinusuyo Ako ng mga tao, at lalong hindi Ko gusto na palagi Akong dinudumog ng mga tao. Gusto Ko ng katahimikan. Nakikita mo, hindi ba’t nabuhay Ako nang maayos sa mga taon na ito? Kung gayon, bakit hindi ninyo subukang mamuhay sa parehong paraan? Tingnan mo kung kaya mong mabuhay nang hindi nakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, nang hindi nakikipag-agawan para sa katayuan, nang hindi pinoprotektahan ang iyong sariling dignidad, nang hindi nakikipaglaban para sa anumang awtoridad sa pananalita. Kung ikaw ay kumikilos, namumuhay, umaasal, gumagawa ng mga bagay-bagay, at gumagampan ng iyong tungkulin ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos, tingnan mo kung magiging ano ang iyong buhay—tingnan mo kung magkakamit ka ng kagalakan at kung magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso. Subukan mo ang ibang paraan ng pamumuhay, magsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at magkaroon ng malilinaw na layon, at pagkatapos ay makikita mo ang isang maliwanag na kinabukasan. Kung palagi mong kinakalkula kung sino ang nagpapakana laban sa iyo, kung sino ang nakaaapekto sa iyong katayuan, kung sino ang may mas mataas na reputasyon kaysa sa iyo, kung sino ang nagsasalita tungkol sa iyo kapag nakatalikod ka, at iba pa, namumuhay sa gitna ng mga bagay na ito, kung gayon ay walang landas pasulong para sa iyo, kundi kadiliman lamang. Palagi kang maliligaw, makadaramang, “Nakakapagod ang buhay ko, walang kaligayahan, wala akong mga pagpapala!” Hindi mo tinatamasa ang mga pagpapalang ibinibigay sa iyo ng Diyos, kundi patuloy kang naghuhukay papasok sa impiyerno. Sabihin mo sa Akin, maaari ka bang magkaroon ng mga pagpapala? Maaari ka bang magkaroon ng kagalakan at kapayapaan?
Ano ang pakiramdam ninyo sa pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito? (Mabuti.) Sa anong paraan ito mabuti? (Nararamdaman namin na malulutas nito ang mga paghihirap na kinakaharap namin sa totoong buhay at ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag namin. Itinuro din ng Diyos ang ilang partikular na landas para sa amin: kung paano iwasan ang pakikipagtunggali at pagpapakana laban sa iba, at kung paano maging malaya mula sa mga paglilimita ng mga tao, pangyayari, at bagay at mamuhay sa liwanag.) Ano ang pangunahing layon ng pagbabahagi tungkol sa mga prinsipyong ito? Hindi lang ito para tulungan kang makatakas sa isang buhay ng pakikipagtunggali sa iba; ang susi ay ang bigyan ka ng kakayahang mamuhay sa loob ng normal na pagkatao at mamuhay ng isang buhay ng normal na pagkatao. Kung kumikilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit mo ang pagpapasakop sa Diyos, magagawa mong buhay mo ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, makakamit mo ang kaligtasan, at matatakot ka sa Diyos at iiwas sa kasamaan: Maaari kang maging gayong tao. Nauunawaan ba? (Oo.) Hindi lang ito para makatakas sa isang buhay ng pagpapakana at pakikipagtunggali sa iba; kung para lang doon, hindi mo makakamit ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, kung hindi makakamit ang katotohanan, ano ang layon ng pagsasagawa ng isang tao? Hindi ba’t magiging hungkag pa rin ito? Sa pamumuhay sa lipunang ito, kasama ng mga tao, palagi kang magkakaroon ng sarili mong mga iniisip at pananaw kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay; imposibleng wala kang anumang iniisip o pananaw, na para kang namumuhay nang hiwalay sa mundo. Ang gayong sitwasyon ay hindi umiiral. Kapag walang nagpapakana laban sa iyo o nakikipagtunggali sa iyo, nagagawa mong hindi magpakana laban sa iba o makipagtunggali sa iba. Ngunit kapag may nagpapakana laban sa iyo o nakikipagtunggali sa iyo, ano ang ginagawa mo? Malulutas ba ang problema sa pamamagitan lamang ng pagsigaw ng mga islogan tulad ng “Hindi ako makikipagtunggali sa kanila, hindi ako magpapakana laban sa kanila”? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat lutasin ang problema? May mga taong sumisigaw ng mga islogan, na nagsasabing, “Hindi ba’t masyado na akong matanda para magpakana pa? Napakalayo na ng narating ng gawain ng Diyos, pero nagpapakana pa rin ako? Ano ang silbi ng pagpapakana tungkol sa mga bagay na iyon?” Malulutas ba ng mga salitang ito ang problema? (Hindi.) Karamihan sa mga tao, kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, ay hindi pa rin makabitaw sa kanilang puso at nagpapakana at nakikipagtunggali pa rin sa iba. Kaya paano dapat lutasin ang problemang ito? Dapat itong lutasin sa pamamagitan ng paglutas sa mga isyu ng mga iniisip at pananaw ng mga tao, at ng kanilang mga tiwaling disposisyon, ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos mong makatanggap ng isang tamang kaisipan o pananaw, nagbabago ang iyong perspektiba, saloobin, at paninindigan sa gayong mga usapin. Magiging iba ang iyong mga damdamin tungkol sa gayong mga usapin; mararamdaman mo na ang pakikipagtunggali sa iba ay walang kabuluhan—sinasayang nito ang iyong lakas, hinahadlangan ang gawain, nagdudulot ito ng pagkabalisa ng kalooban, at walang kagalakan o kapayapaan dito. Pagkatapos, kapag nabasa mo ang pagkondena sa gayong mga usapin sa mga salita ng Diyos, ang pananaw sa mga usaping ito sa iyong puso ay ganap na magbabago, magiging iba ang iyong kalagayang emosyonal, mababawasan ang iyong udyok na makipagtunggali sa iba, mapapawi ang iyong galit, at mawawala ang iyong pagkamainitin ng ulo. Kung nakikipagtunggali sa iyo ang iba, walang tigil kang ginagalit, hindi ka maaapektuhan, dahil nararamdaman mong hindi ito malaking bagay at hindi kailangang makipagtunggali sa kanila. Maging ang mga nakamasid ay hindi na makatiis, nagsasabing, “Ganoon ka nila tratuhin, paanong wala kang nararamdaman? Hangal ka ba?” Sasabihin mo, “Dati, labis kong sineseryoso ang gayong mga usapin; para bang gumuguho na ang langit. Kung hindi ko lilinawin ang mga bagay-bagay sa kanila, o kung hindi sila magbibigay ng paliwanag, tiyak na hindi ko ito basta-basta palalampasin. Ngunit ngayon ay iba na. Hindi na ako nagpapakana o nakikipagtunggali sa iba, hindi dahil mas matanda na ako, kundi dahil sa mga salita ng Diyos ay nakilatis ko na ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Ang kanilang pag-uugali ay ang tipikal na mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang masamang tao, isang anticristo, isang Satanas, gaya ng inilantad sa mga salita ng Diyos. Mayroon din ako ng mga pagpapamalas na ito dati, ngunit ngayon, sa mga salita ng Diyos, nakikita ko na ang ganitong uri ng tunay na mukha, ang ganitong uri ng disposisyon, ay napakapangit at kasuklam-suklam; kinapopootan ito ng Diyos! Ngayon, ako mismo ay napopoot dito, at sa aking puso, ayaw kong mamuhay sa tiwaling disposisyong iyon. Kaya kapag nakikipagtunggali silang muli sa akin, naiinis lang ako at nasusuklam sa kanila, at wala akong interes o pagnanais na makipagtunggali. Sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko na rin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at alam ko na kung paano tratuhin ang gayong mga tao.” Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sa isang banda, inilalantad at inilalarawan ng mga salita ng Diyos ang gayong mga tao; sa kabilang banda, sinasabi ng Diyos sa mga tao na ang prinsipyo sa pagtrato sa iba ay ang tratuhin sila nang patas. Kung sila ay mga tunay na kapatid, at nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, dapat natin silang tratuhin nang may pagmamahal, pagbahaginan ang katotohanan upang malutas ang kanilang mga pagsalangsang at tiwaling disposisyon, upang hindi na sila lumaban sa Diyos o sumalangsang. Marahil sa pamamagitan ng tulong, malulutas ang kanilang mga problema. Kung hindi sila tumatanggap ng tulong, kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, ngunit kayang gampanan ang kanilang tungkulin at hindi ginugulo ang gawain ng iglesia, kung gayon ay dapat silang pahintulutang manatili sa iglesia nang ginagawa ang kanilang tungkulin. Kung hindi nila ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at nakikipagtunggali at nagpapakana pa rin sila sa iba, na nagdudulot ng kaguluhan, kung gayon ay dapat silang alisin ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagtrato sa mga tao. Hindi ba’t magiging payapa na ang ating mga puso kung magkagayon? Ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo at landas para sa pagharap sa masasamang elemento. Kung paano kilatisin at harapin ang mga taong ito, kung paano tratuhin ang mga taong ito—may mga prinsipyo at landas sa mga salita ng Diyos para sa lahat ng ito. Kung nagsasagawa ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, madali at masaya itong malulutas, hindi nila mararamdaman na ito ay isang mahirap na usapin, hindi magugulo ang kanilang puso kahit kaunti, at malulutas ito nang napakanatural. Kung nakaharap nila ang gayong mga usapin ilang taon na ang nakalipas, hindi sana nila malalampasan ang mga ito, hindi nila malalaman kung paano lulutasin ang mga ito. Ngunit ngayon, na may ilang taon na sila ng karanasan sa buhay, ang usaping ito ay hindi na mahirap para sa kanila; kaya na nila itong lutasin. Bigla nilang natutuklasan na lumago na ang kanilang tayog at tunay na silang nagbago. Ano na ang nararamdaman ng karamihan sa mga taong ito kapag nagkagayon? “Dati, palagi kong nararamdaman na mahina ang aking kakayahan, at madalas akong maghimagsik laban at lumaban sa Diyos, na para bang hindi na ako maliligtas. Ngayon, sa pamamagitan ng paglutas sa usaping ito, pakiramdam ko ay wala akong mga paghihirap, na kaya kong lumutas ng mga problema, at may pag-asa ako.” Anong pag-asa? (Ang pag-asa na makamit ang kaligtasan.) Kapag nakikita mo ang pag-asa na makamit ang kaligtasan, liwanag ba o kadiliman ang nakikita mo sa hinaharap? (Liwanag.) Tinutupad nito iyong kasabihan—tinatawag ako ng liwanag. Tama? (Oo.) Kapag naaabot na ng iyong tayog ang antas na ito, tunay mong mararamdaman na ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi talaga nangangailangan ng pagsigaw ng mga islogan; ganoon lang ito kadali at kasaya. Hangga’t tinatanggap mo ang mga salita ng Diyos, hangga’t tinatanggap mo ang mga katotohanang prinsipyong nagmumula sa Diyos, ganoon lang kadali ang pagsasagawa ng katotohanan, at lumalago ang iyong tayog nang hindi mo napapansin. Kapag nararamdaman mong lumago na ang iyong tayog, na ikaw ay nagbago na, na ang iyong mga taon ng pananampalataya sa Diyos ay nagbunga at hindi nasayang, pagkatapos, kung may magsasalita ng mga mapangahas na salita, magsasabing, “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos? Sa loob ng 20 taon na nananampalataya ako sa Diyos, ang tanging ginawa ko ay magdusa at magsumikap; napakarami ko nang tinalikuran at ginugol, ngunit wala akong tinamasang ni isang pagpapala—pawang walang katapusang pagkapagod lamang!” hahamakin mo sila sa iyong puso, “Ang taong ito ay walang konsensiya, at nagsasalita lamang ng mga salitang maladiyablo! Sa pagtingin sa kung gaano sila kaaba-aba, tunay ngang wala silang nakamit na anuman—ang tanging magagawa nila ay maging hindi makatwiran at maging hadlang, at ang tanging mga bagay na masasabi nila ay mga mapangahas na salita!” Palagi nilang sinasabi, “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos?” Kung gayon, ano ba talaga ang inaasahan mong makamit sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? Umaasa ka bang makamit ang materyal na biyaya at mga pagpapala, o umaasa ka bang makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan? Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat pumili ng isa sa mga landas na ito. Ano ba talaga ang landas na lalakaran mo sa iyong pananampalataya sa Diyos, ang landas ba ng paghahangad ng biyaya at mga pagpapala, o ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Kung ikaw ay isang taong naghahangad ng katotohanan, at isinasagawa mo ang lahat ng katotohanang nauunawaan mo at ginagawa mong realidad mo ang mga ito, kung gayon ay nakamit mo na ang buhay na walang hanggan, at, sa pagkaranas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, hindi nasayang ang iyong pananampalataya. Kung nakatuon ka lamang sa pagtatamasa ng biyaya ngunit hindi mo nakakamit ang katotohanan at buhay, at nagrereklamo ka laban sa Diyos, sinasabing, “Ano ba ang nakamit ko?” pinatutunayan nito na hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan. Gaano man karaming biyaya ang iyong tinatamasa, kung wala kang nakamit na kahit katiting na katotohanan, kung gayon ang iyong pananalig ay labis na kaawa-awa; ipinapakita nito na ikaw ay isang taong bulag. Ngayon, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang tustusan ang mga tao ng buhay, nagsasalita Siya ng mga bagong salita araw-araw, napakarami na maaaring kainin, inumin, at tamasahin ng mga tao ang mga ito magpasawalang hanggan. Napakaraming katotohanan na dapat isagawa at pasukin; maraming katotohanan ang hindi lubos na mararanasan kahit sa buong buhay. Iyong mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ay nagkamit na ng napakarami, at nang napakasagana. Ngunit kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi minamahal ang katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan, palagi nilang mararamdaman na wala silang nakamit na anuman. Ang mga nagtatamasa ng katotohanan ay tunay na nakadarama na sila ay napuspos nang lubos ng mga salitang ito. Ngayon, sa katotohanan man o materyal na mga pagpapala, sagana ang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao; masasabi na ang sambahayan ng Diyos ay isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot. Ang mga salita ng Diyos na kinakain at iniinom sa mga pagtitipon ay napakasagana; ang mga patotoong batay sa karanasan, mga pelikula, mga himno, mga sayaw—lahat ay naroon, nang masagana. Ang mga materyal na bagay—pagkain, damit, at mga bagay para sa pang-araw-araw na paggamit—ay sagana rin. Dagdag pa, ang pagseserbisyo ng malaking pulang dragon na inihanda ng Diyos, ang mga pagganap ng mga anticristo at mga huwad na lider, at ang pagpapakita ng iba’t ibang uri ng mga negatibong bagay sa harap ng mga tao araw-araw, ay nagpapahintulot sa mga tao na matuto ng mga aral at lumago sa pagkilatis. Kung hindi mo matututunan ang isang buong aral sa isang pagkakataon, patuloy na maghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran, mga tao, mga pangyayari, at mga bagay para sa iyo, aalisin lamang ang mga ito kapag sapat na ang iyong natutunan. Samakatwid, kung kaya mong tanggapin ang gawain ng Diyos, kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, dumadalo ka sa isang masaganang piging. Ang ilang taon ng pananalig ay magdudulot sa iyo ng malaking pag-usad at tunay na pagbabago. Personal na pinastol, diniligan, at pinangunahan ng Diyos ang Kanyang hinirang na mga tao sa loob ng mga taon na ito. Lahat ng kayang tumanggap ng katotohanan ay nararamdaman na napakarami na nilang nakamit, at nagkaroon na sila ng ilang tunay na pagbabago. Sa partikular, ang mga gumagawa ng kanilang tungkulin nang full-time ay mas lalo pang nagbago. Mararamdaman mo na kapag sumusunod sa Diyos, ang landas ay lumiliwanag nang lumiliwanag, at mayroon kang tunay na pananalig sa pagkakamit ng kaligtasan at pagpasok sa kaharian ng langit. Ngunit kung palagi kang tumatangging tanggapin ang katotohanan, at sa puso mo, ayaw mong isagawa ang katotohanan, hindi mo mararamdaman na mayroon kang anumang pag-asa na maligtas. Patuloy mong tatanungin ang mga nasa paligid mo, “Sa tingin mo ba ay mayroon akong espirituwal na pang-unawa?” Kung may magsabi, “Tila wala kang espirituwal na pang-unawa,” iisipin mo, “Tapos na, wala na akong pag-asa!” Ang totoo, hindi sa wala kang pag-asa; kundi hindi mo hinahangad ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at kaya mo ring isagawa ang katotohanan, unti-unti kang magkakamit ng espirituwal na pang-unawa. Sa sandaling magkaroon ka ng espirituwal na pang-unawa, dadami nang dadami ang katotohanang mauunawaan mo, at makakapagbahagi ka ng ilang patotoong batay sa karanasan sa bawat aspekto. Mararamdaman mong ikaw ay napayaman at masagana sa iyong kalooban, at mararamdaman mong napakarami mong nakamit mula sa pagsunod sa Diyos. Tama? (Oo.) Kung ang isang tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan at hindi niya ito tinatanggap bilang kanyang buhay, sa kanyang puso ay palagi siyang makadarama ng pagkaligaw at kawalan ng direksyon, nang walang tunay na pananalig. Palagi niyang tatanungin ang mga nasa paligid niya kung mayroon ba siyang anumang pag-asa na makamit ang kaligtasan. Ang ilan ay patuloy ring nagtatanong sa iba kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa, ginagawa ang pagkakaroon o hindi pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa bilang katibayan sa kung mayroon ba silang pag-asa. Sabihin mo sa Akin, hangal ba ang gayong mga tao? (Hangal.) Mayroon ka mang espirituwal na pang-unawa o wala, dapat kang magsumikap para sa katotohanan—at hindi lamang magsumikap na maunawaan ito, kundi magsumikap ding isagawa ito. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ba’t magkakaroon ng pag-asa na matamo ang kaligtasan? Hindi ba’t gayon nga? (Oo.) Dapat ninyong isaalang-alang ang isyung ito.
Iyon lang para sa ating pagbabahaginan ngayon. Paalam!
Setyembre 7, 2024