Paano Hangarin ang Katotohanan (26) Ikatlong Bahagi
Nakikipag-usap man Ako o pormal na nakikipagbahaginan at nangangaral, ang Aking layon sa bawat salitang sinasabi Ko, bawat bagay na tinatalakay Ko, at bawat aspekto ng katotohanang ibinabahagi Ko ay mabigyang-kakayahan kayo na malaman ang sarili ninyong mga tiwaling kalagayan, makilala ang inyong mga depekto, kakulangan, kahinaan at suliranin, at ang pinakamahalaga, malaman ang sarili ninyong mga tiwaling disposisyon at ang mga pagbubunyag ng inyong katiwalian sa iba’t ibang kaligiran at kapaligiran. Sa sandaling malaman ninyo ang inyong mga tiwaling disposisyon, magkakaroon kayo ng mas malalim na pagkaunawa sa inyong mga sarili, malalaman ninyo ang sarili ninyong sukat, magiging mas makatwiran kayo nang kaunti. At ikukumpara ninyo ang inyong sarili sa mga salita ng Diyos, at hahanapin ang mga kaugnay na prinsipyo ng pagsasagawa at mga landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos para lutasin ang sarili ninyong mga paghihirap, maging ito man ay paglutas sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ninyo sa pang-araw-araw na buhay o sa inyong mga kakulangan sa pagkatao. Unti-unti, iwawaksi ninyo ang mga tiwaling disposisyong ito at ang iba’t ibang satanikong kaisipan at pananaw na kinapopootan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, makakamit ninyo ang mga tunay na pagbabago sa inyong mga pananaw sa mga bagay-bagay at sa inyong mga buhay disposisyon. Ito ang tanging paraan na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa lahat ng salitang ito na sinasabi Ko, nakikipag-usap man Ako sa inyo sa pang-araw-araw na buhay o pormal na nakikipagbahaginan at nangangaral, bawat salita ay sinasabi batay sa inyong mga aktuwal na sitwasyon. Sinasabi Ko ang mga salitang ito dahil nakita Ko ang inyong mga pangangailangan. Bagama’t ang mga katunayang inililista Ko ay maaaring dumaan sa ilang simpleng pagpoproseso, ang mga halimbawang ito ay mga representanteng kaso na pinili batay sa mga katunayan ng inyong mga pagbubunyag ng katiwalian at inyong mga kilos. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga katunayan at halimbawang ito, inilalantad Ko ang mga tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng sangkatauhan para makapagnilay-nilay ang mga tao sa kanilang sarili, at magbubunga ito ng magagandang resulta. Samakatwid, anuman ang paksang ibinabahagi Ko, una, walang mga patibong; ikalawa, walang masasamang balak; at ikatlo, walang mga pagsubok. Lahat ng ito ay upang mas maunawaan ninyo ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos, para makamit ninyo ang pagtingin sa mga tao at mga bagay-bagay, at pag-asal at pagkilos, ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa huli ay makalapit kayo sa harap ng Diyos at magkaroon ng pagpapasakop at takot sa Kanya. Ang mga ito ay pawang mga katunayan. Kaya, kapag nakikipag-usap o nakikipagkuwentuhan Ako sa inyo tungkol sa ilang bagay na nangyayari sa pang-araw-araw na buhay, o nakikibahagi Ako sa mga pormal na pag-uusap at pagtatanong na may kaugnayan sa gawain, gaano man karaming taon ang lumipas, kapag nagbabalik-tanaw ka, may nakikita ka bang anumang masamang balak o patibong sa Aking mga salita? (Wala.) Mayroon bang anumang intensyon na samantalahin kayo? Mayroon bang anumang intensyon na mangikil sa inyo? (Wala.) Sigurado ba kayo? (Oo.) Halimbawa, may isang taong responsable sa pag-aalaga ng hayop sa isang bukid. Tinanong Ko siya kung ilang araw bago mangitlog ang isang inahing manok, at nag-isip-isip siya: “Ano ang ibig Mong sabihin sa pagtatanong nito? Sinusubukan Mo bang tingnan kung pinapakain ko nang maayos ang mga inahing manok? Kung gayon, paano po ako dapat sumagot nang angkop? Kung sasabihin kong nangingitlog ang mga ito ng isang itlog sa isang araw, hindi naman iyon aktuwal na nakakamit; pagsisinungaling iyon. Kung sasabihin kong nangingitlog ang mga ito ng isang itlog kada dalawa o tatlong araw, iisipin Mo kaya na hindi ko napakain nang maayos ang mga manok, at na hindi ko sila nabigyan ng masustansiyang pagkain? Kung gayon, paano ako dapat sumagot nang angkop?” Patuloy siyang nag-iisip sa kanyang puso at hindi kailanman nagbibigay ng sagot. Sa totoo lang, wala Akong ibang intensyon sa pagtatanong nito; gusto Ko lang makakuha ng ilang impormasyon tungkol sa kung paano inaalagaan ang mga manok. Pero sa sandaling magtanong Ako, binibigyan niya ito ng ibang kahulugan at patuloy na sinusubukang hulaan kung ano ang ibig Kong sabihin sa pagtatanong nito. Sabihin ninyo sa Akin, mahirap bang pangasiwaan ang gayong mga tao? Posible man lang bang makipag-usap nang normal kapag nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao? Nagiging imposible nang makipag-usap. Mayroon Akong isang ugali: Palagi Kong gustong lumibot para suriin ang mga bagay-bagay. Minsan, may natutuklasan Akong ilang problema. Kung ito ay isang isyu ng kalinisan sa kapaligiran, dapat itong linisin. Kung ito ay isang isyu sa tauhan, dapat gawin ang mga pagsasaayos. Kung ito ay isang isyu na may kaugnayan sa mga propesyonal na kasanayan, dapat tayong sumangguni at matuto. Kapag may natutuklasang mga problema, dapat itama ang mga ito. Maraming problema ang natuklasan nang hindi sinasadya at nalutas sa mga pang-araw-araw na pag-uusap; nalutas nang madali ang ilang aktuwal na problema. Kaya, hindi kailangang maging masyadong kabado ang mga tao kapag nakikipag-ugnayan sa Akin at nakikisalamuha sa Akin. Maraming problema ang natutuklasan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao at madaling nalulutas. Kailangang-kailangan ang pakikipag-ugnayan sa mga tao at pakikipag-usap sa mga tao; hindi lang ito tungkol sa pag-unawa sa sitwasyon at pagtuklas ng mga problema, kundi tungkol din sa paglutas ng mga problema kasabay nito. Hindi ba’t isang pakinabang ito? (Oo.) Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao, ang ilan ay nagsasabi ng totoo, habang ang iba naman ay nag-iisip sa napakakomplikadong mga paraan at hindi nangangahas na magsalita nang totoo, palaging iniisip kung mayroon Akong mga nakatagong kahulugan sa Aking mga salita o kung sinusubukan Kong magpakana laban sa isang tao. Kaya, sa sandaling may itanong Ako sa kanila, kinakabahan sila at pinagpapawisan ang kanilang noo. Sinasabi Ko, “Hindi naman mainit, bakit ka pinagpapawisan?” Sinasabi nila, “Maaaring hindi Ka naiinitan, pero ako ay naiinitan! Sobra akong natakot sa sinabi Mo na halos lumundag palabas ang puso ko sa aking dibdib. Ngayon ay pinagpapawisan ang aking mga palad at talampakan, kumakabog ang aking puso, at hindi ko alam ang gagawin.” Sinasabi Ko, “Hindi mo kailangang kabahan. Kaswal lang Akong nakikipag-usap, nakikipagkuwentuhan lang. Kung may problema talaga, lulutasin lang natin ito. Huwag mong isipin na sobra Akong nakakatakot, na para bang kapag may natuklasan Akong anumang problema ay papatayin Ko ang buong angkan mo. Hindi Ko ‘nilulutas’ ang mga tao; nilulutas Ko ang mga problema. Ang paglutas sa mga problema ang susi.” Anong uri ng pananalig ang dapat mong taglayin? Sa isang banda, tiyak na kumikilos Ako ayon sa mga prinsipyo, ganap na makatarungan. Hindi Ako kikilos nang may emosyon, pagkasutil, o nang arbitraryo: Hindi ako maiinis sa iyo, pagkatapos ay pipintasan ka, hahanapan ng mali, o hahanapan ng mga depekto, at pagkatapos ay palalayasin ka at maghahanap ng isang taong gusto Ko para gawin ang gawain. Sa kabilang banda, pinakikitunguhan Ko ang lahat batay sa aktuwal na sitwasyon at sa aktuwal na problema; may mga prinsipyo. Pinahihintulutan ang mga tao na magkamali, pinahihintulutang maging hangal, mahina, at negatibo. Ngunit isang bagay ang hindi pinahihintulutan: Kung ikaw ay mapanggulo at sinasadya mong gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili. Kung hindi mo pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung palagi mong ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, hindi ka kailangan ng iglesia para gawin ang iyong tungkulin; kakailanganing hanapin ng sambahayan ng Diyos ang isang angkop na tao para palitan ka. Ito ay pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Kung paano Ako lumulutas ng mga problema, paano Ko hinahawakan ang mga isyu, paano Ako nangangasiwa ng mga tao—lahat ng ito ay ginawa ayon sa mga prinsipyo. Hindi mo kailangang mag-alala na pangangasiwaan kita kung may matuklasan Akong anumang problema sa iyo; depende ito sa kung anong problema ito, at pangangasiwaan ang sitwasyon ayon sa kalikasan ng problema. Kung ang kalikasan ng iyong problema ay hindi gaanong malubha, kung hindi mo ito sinadya, kundi idinulot ito ng isang panandaliang pagkukulang o kahangalan, lulutasin ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Matuto ka ng aral at huwag nang ulitin ang pagkakamaling iyon. Minsan, ito ay dahil ang mga tao ay kulang sa kaalaman at karanasan at hindi nila nauunawaan ang ilang propesyonal na kasanayan; sa ganoong kaso, mabilis na pag-aralan ang mga propesyonal na kasanayan at huwag maging tamad. Ngunit kung ito ay sinadya at intensyonal, kung ayaw mong gawin ang tungkuling ito at sinasadya mo pa ngang sirain ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, dapat itong pangasiwaan nang seryoso. Ang mga dapat tanggalin ay tatanggalin, at ang mga dapat paalisin ay paaalisin; walang silbi na matakot kang mapangasiwaan. Kung mayroon kayong ganitong pananalig, naniniwala na ang Diyos ay matuwid, at na tatratuhin ng Diyos ang bawat tao nang patas, kung gayon, kapag nagsasalita Ako at nangangasiwa ng mga bagay-bagay sa inyo, mas mapapanatag kayo. Kapag kinakausap kita o kapag tinatalakay Ko ang gawain o mga propesyonal na usapin, dapat kang magrelaks, malaman na hindi magpapakana ang Diyos laban sa sinuman, at hindi rin Siya magpapakana laban sa iyo; makakatiyak ka. Kung wala ka maging ng pananalig na ito, kung hindi ka naniniwala na ang Diyos ay mabait at matuwid, kung gayon, kapag sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, sumusunod sa Diyos na nagkatawang-tao, sumusunod kay Cristo—nasaan ang iyong pananalig? Paano mo magagawang maging bukas sa Kanya? Kung sa bawat pagkakataon ay nagbabantay ka laban sa Kanya, bumubuo ng mga haka-haka tungkol sa Kanya, naghihinala sa Kanya, at sumisiyasat sa Kanya, kung gayon, wala kang tunay na pananalig sa Kanya. Kung wala kang tunay na pagtitiwala, tunay na pananalig sa taong ito, kung gayon, hanggang saan mo kayang paniwalaan ang Aking mga salita? Mayroon bang anumang pahayag na kaya mong tunay na paniwalaan, tunay na tanggapin? Halos wala, hindi ba? (Oo.)
Minsan, pumunta Ako sa isang iglesia para tingnan kung kumusta ang mga bagay-bagay. Pagpasok Ko sa silid, binati Ko muna ang lahat. Lumapit ang ilang tao, agad Akong inalok ng mauupuan, at pagkatapos ay sinabi nilang may tinatalakay sila. Habang nagsasalita sila, bigla Kong napansin na kanina lang ay may apat o limang tao sa silid, pero ngayon ay dalawa na lang ang natira. Inakala Kong marahil ay bumalik sila sa kanilang mga silid para magsuklay at mag-ayos at lalabas din kaagad, pero nanatili Ako roon nang matagal-tagal at hindi sila lumabas. Naunawaan Ko noon: Hindi nila Ako malugod na tinanggap; dumating Ako sa nakakaabalang oras. Isa Akong hindi inanyayahang bisita. Dahil sa pagdating Ko, nakadama sila ng pagkalimita at pagkaasiwa. Inisip nila, “Mayroon Ka kayang pakay sa Iyong pagdalaw?” Natakot silang mahulog sa isang bitag, natakot na malansi, natakot sa isang pakana, kaya tumanggi silang makipagkita sa Akin nang harapan at tumangging makipag-usap o makipag-ugnayan sa Akin. Hindi ito pagmamalabis, at hindi Ko rin ito dinagdagan ng anumang palamuti. Hindi Ako nagkukuwento—totoong nangyari ito. Marahil, noong binuksan Ko na ang pinto at umalis na Ako ay saka lang sila nakahinga nang maluwag, sinasabing, “Sa wakas, nakaalis na Siya! Naku, halos ikamatay ko iyon sa takot!” Naisip Ko, mayroon ba Akong ganoon kalaking “karisma” para matakot Ko ang mga tao sa ganitong antas? Sabihin ninyo sa Akin, anong problema ang ipinapahiwatig kapag nagpapakita ng ganitong mga pagpapamalas ang mga tao? Talagang hindi pa Ako nakakita ng mga taong sumasampalataya sa Diyos nang ganito. Gusto ng ganitong uri ng tao na mamuhay sa madidilim na sulok; ayaw nilang mamuhay sa liwanag, at ayaw nilang mamuhay sa hayagan at marangal na paraan. Sabihin ninyo sa Akin, kapag nakikipag-ugnayan Ako sa inyo, nakakaramdam ba kayo ng pagkailang at kaba, na ayaw ninyong makipag-usap sa Akin? O handa ba kayong makipag-ugnayan sa Akin, nagnanais na magkamit ng kaunting katotohanan, at hindi ninyo alintana kahit pa medyo kinakabahan kayo? Ano ang kalagayan ng inyong isipan? (Kahit medyo kinakabahan kami, ayos lang basta’t mauunawaan namin ang katotohanan at magkakamit kami ng kaunting pakinabang.) Karamihan sa mga tao, pagkatapos makipag-ugnayan at makipag-usap sa Akin sa loob ng dalawa o tatlong oras, ay natutuklasan na maraming salita sa Aking pakikipagbahaginan ang napakahalaga, na mga bagay na hindi pa nila kailanman narinig, kaya nararamdaman nila na ang pakikinig sa mga salitang ito sa araw na iyon ay sulit na sulit, at nagiging lalo silang handang makinig sa Aking pakikipagbahaginan. Kung paminsan-minsan ay nakikipag-usap Ako nang kaswal, medyo nadidismaya sila at nasisiyahan lamang kung may makukuha sila mula sa Aking mga salita. Para sa gayong mga tao, handa Akong makipagbahaginan tungkol sa ilang katotohanan, na isinasama ang mga bagay-bagay sa totoong buhay, para makinabang ang lahat. Ang ilang tao, kapag nakikita Ako, ay laging takot na baka tanungin Ko sila tungkol sa ilang sitwasyon, at na hindi nila malalaman kung paano sumagot at magmumukha silang labis na nakakaasiwa. Masyadong komplikado ang isipan ng gayong mga tao; hindi sila simple. Ang iba ay handang hanapin ang katotohanan, hayagang ibinabahagi anuman ang mga paghihirap nila nang walang takot na mapagtawanan—iyon ang tamang paraan. Ang prinsipyo ng ating pakikipag-usap at diyalogo ay ang buksan ang ating puso at sabihin anuman ang nasa ating isipan, ang magsalita nang tapat. Nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan Ako sa inyo sa loob ng normal na pagkatao. Dahil sa Aking pagkakakilanlan at katayuan, mas marami Akong alam kaysa sa inyo, kaya siyempre, dapat Akong magsalita nang mas marami. Kung handa kayong makinig, may makakamit kayo; kung hindi kayo handang makinig, hindi Ko kayo pipilitin. Sa mga paksang tinatalakay natin, kung mayroon kayong mga kabatiran, ideya, karanasan, pagkaunawa, o kaalaman, maaari din ninyong ibahagi ang mga ito. Ito ang tinatawag na interaksyon; ito ang normal na pagkatao. Kung sa tingin mo ay napakahalaga ng sinasabi Ko, dapat kang makinig nang mabuti. Kung hindi mo matanggap ang sinasabi Ko, titigil Akong magsalita at hahayaan kitang magsalita. Kung wala kang masabi, tatanungin kita at gagabayan kita. Halimbawa, maaari Akong magtanong, “Kumusta ang iyong buhay iglesia kamakailan? Mayroon bang anumang mga paghihirap sa paggawa ng iyong tungkulin?” Kung mayroon kang mga paghihirap, dapat mong sabihin nang tapat ang mga ito, at tutulungan kitang lutasin ang mga ito. Ito ang tinatawag na interaksyon, at ito ay isang bagay na dapat umiral sa loob ng normal na pagkatao. Hindi ba’t isa itong bagay na gusto ng lahat? (Oo.) Kung mayroon kang konsensiya at katwiran, magiging normal ang iyong pagkatao, at ang ating mga pag-uusap at pagkukuwentuhan ay maaaring maitatag sa pundasyon ng pagiging bukas, tiwala, at paggalang, na nagtutulot sa atin na magtapat at sabihin kung ano ang nasa ating puso. Kung hindi ka nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ayaw mong hanapin ang katotohanan, kung gayon ay mayroon lang isang landas para isagawa mo: Mula ngayon, matutong huwag magsiyasat, huwag subukang basahin ang Aking isipan mula sa Aking mga salita at ekspresyon, huwag magpalimita, at huwag magsalita ng mga salita ng pagsubok. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko kayang makamit ang mga bagay na ito.” Kung ganoon, itikom mo na lang ang iyong bibig. Kung sinabihan kang manahimik, pero iniisip mong nagpapakana Ako laban sa iyo at nililimitahan kita, madali lang din iyong solusyunan: Maaari ka na lang lumayo. Wala Akong mga kahilingan sa sinumang nakakatagpo Ko, at hindi Ko kailanman nililimitahan ang mga tao. Kung laging naghahanap ng mali sa Akin ang isang tao, at kausapin Ko man siya o hindi ay hindi kailanman ayos para sa kanya, maaari Ko na lang layuan ang gayong tao at iwasan ang pakikipag-ugnayan sa kanya. Kung may ilang tao na laging takot na makipag-ugnayan sa Akin, na laging iniisip na magpapakana Ako laban sa kanila, pero gusto pa ring makipag-ugnayan sa Akin para magkamit ng kaunting katotohanan, sinasabi Ko na sa gayong kaisipan, hindi mo makakamit ang katotohanan; hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan. Lagi mong iniisip ang pinakamasama sa mga tao, naniniwalang walang sinumang kasingbuti mo. Anuman ang sabihin Ko sa iyo, lagi mong iniisip na tiyak na nagpapakana Ako laban sa iyo. Hindi ka naniniwala sa Akin at wala kang anumang tiwala sa Akin. Kung ganoon, imposibleng mamuhay tayo nang may pagkakasundo; sa pinakamababa, hindi tayo magkaayon sa usapin ng pagkatao. Wala tayong mga parehong libangan o interes, walang mga parehong layong hinahangad o minimithi. Sa usapin ng pagkatao, ang landas na tinatahak mo, ang iyong kaligayahan, galit, kalungkutan, at kagalakan, at ang iyong mga gusto at interes ay iba sa Akin. Lahat ng gusto mo ay negatibo, samantalang ang mga paksang gusto Kong pag-usapan ay pawang nauugnay sa mga positibong bagay. Lagi mo Akong sinusubukang siyasatin. Anumang katotohanan ang ibahagi Ko, lagi mong pinag-iisipan kung may pakana ba sa loob nito, kung nagpapakana ba Ako, kung maaari ka bang magdusa ng kawalan o malinlang. Kung lagi mong pinagbubulayan ang mga bagay na ito, anong uri ng eksena ang lilitaw kapag nagsasalita at nakikisalamuha tayo sa isa’t isa? (Pagkailang.) Sa sitwasyong iyon, maiilang Ako sa iyo, at maiilang ka sa Akin; pareho tayong maiilang. Hindi ba’t ang pagsasama nang ganito ay magiging pagpapahirap lang sa isa’t isa? Magkakaroon ba ng anumang kaligayahan doon? Walang magiging kaligayahan doon. Kung gusto mong pakinggan ang sinasabi Ko, kung handa kang makinig, kung ang mga paksang tinatalakay Ko ay ang iyong minimithi, ang iyong pinahahalagahan sa puso mo, ang iyong hinahangad, at kayang tumugon sa mga pangangailangan ng iyong pagkatao, walang magiging pagtutol o paglaban sa ating mga puso kahit pa nakaupo lang tayo roon nang tahimik. Maaari tayong mag-ugnayan, at, sa pamumuhay nang magkasama, makakamit natin ang pagkakasundo. Ngunit ipagpalagay na ayaw mong marinig ang mga salitang sinasabi Ko at nakakaramdam ka pa nga ng pagtutol at paglaban sa iyong puso, kahit na lahat ng iyon ay napakapraktikal at kapaki-pakinabang sa mga tao. Talagang hindi mo matanggap ang mga positibong bagay na sinasabi Ko, at ang mga salita ng pakikipagbahaginan sa katotohanan na sinasabi Ko para lutasin ang mga problema, lalo na ang mga paksa tungkol sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon, at nararamdaman mo pa na bine-brainwash kita, nililinlang kita, sinusubukan kitang gamitin para ipangaral ang ebanghelyo at magkamit ng mas maraming tao para palawakin ang impluwensiya ng sambahayan ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ang may mali. Lagi kang nag-iisip sa baluktot na paraan, laging gustong baluktutin ang mga katunayan, na gawing puti ang itim, at inilalarawan mo pa nga ang mga positibong bagay na naaayon sa katotohanan bilang mga negatibo at buktot na bagay na hindi umaayon sa mga kalakaran sa lipunan. Anuman ang sabihin Ko, hindi ka naniniwala na ito ay katotohanan, na ito ay isang positibong bagay. Kung gayon, hindi tayo maaaring mag-usap; dahil walang iisang pagkaunawa, hindi tayo maaaring mamuhay nang may pagkakasundo. Hindi tayo maaaring kumain sa iisang hapag; hindi natin makakamit ang pagiging magkaisa ng puso at isipan. Kung gayon, anong uri ka ng tao? Sa tiyak na pananalita, hindi ka bahagi ng sambahayan ng Diyos; isa kang walang pananampalataya. Gaano man kawasto ang mga paksang tinatalakay Ko, o gaano man kawasto ang mga landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa, lagi kang may ibang nahihinuha sa mga iyon. Lagi mong tinitingnan, inuunawa, at binibigyang-kahulugan ang mga ito sa pamamagitan ng isang buktot na lente at mula sa isang buktot na paninindigan at pananaw; hindi mo tinatanggap ang mga tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa na sinasabi Ko. Kaya, ang pakikinig sa Aking pagsasalita ay nagpapadama sa iyo ng pagkailang. Bakit ito nagpapadama ng pagkailang? Dahil hindi ang mga ito ang mga pangangailangan ng iyong pagkatao. Ano ang kailangan mo? Ang hangarin ang kalayaan, ang yumaman, ang kumain, uminom, at magpakasaya. Ang iyong mga motto sa buhay ay “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit” at “Magpakasaya ka habang kaya mo.” Ano ang gusto mo? Gusto mo ang masasamang kalakaran, kakatwang pananamit, mga sikat na artista at tanyag na tao, at ang pagiging ekstraordinaryo at kadakilaan ng tao. Kung ganoon, hindi ka isang sinserong mananampalataya sa Diyos, hindi ka bahagi ng sambahayan ng Diyos; walang pangangailangan ang iyong pagkatao para sa mga positibong bagay. Kapag nakikisalamuha Ako sa iyo, anuman ang sabihin Ko, anuman ang gawin Ko, o paano Ko man ito gawin, para sa mga walang konsensiya, katwiran, o mga pangangailangan ng normal na pagkatao, lahat ng ito ay isang teorya, isang kasabihan, isang pamamaraan lamang. Iniisip pa nga ng ilan, “Kapag nagsasalita Ka, napakadetalyado Mo, at nagbibigay Ka pa ng mga halimbawa. Hindi ba’t isa lang itong pagtatangka na malalim na itanim ang Iyong mga iniisip at pananaw sa puso ng mga tao? Hindi ba’t isa lang itong pagtatangka na ipatanggap sa mga tao ang Iyong mga iniisip at pananaw, na i-brainwash sila, at sa paglipas ng panahon, gawin silang manhid gamit ang Iyong iba’t ibang iniisip at pananaw?” Kung talagang ganito ang nararamdaman mo, kung naniniwala kang ang mga salitang ito ay hindi katotohanan, hindi ang tunay na daan na dapat tanggapin at isagawa ng mga tao, ni mga prinsipyo na dapat sundin ng mga tao, kung gayon ay maaari mong tanggihan na tanggapin ang mga ito; kalayaan mo iyon. Maaari ka ring umalis sa iglesia. May karapatan kang pumili para sa iyong sarili, at may karapatan ka ring tumangging tanggapin ang katotohanan. Ngunit huwag mong baluktutin ang mga katunayan o gawing puti ang itim. Ang katotohanan ay katotohanan sa lahat ng oras; hindi ito maaaring tumigil sa pagiging katotohanan dahil sa pagtanggi at pagkondena rito ng ilang diyablo at Satanas, lalo nang hindi ito maaaring tumigil sa pagiging katotohanan dahil maraming tao ang hindi ito gusto o hindi ito matanggap. Ang katotohanan ay umiiral nang walang hanggan; ito ay hindi nagbabago magpakailanman. Gaano man karaming tao ang makatanggap nito, ang katotohanan ay katotohanan magpakailanman. Ang Aking mga pakikipag-usap, pakikipagtalastasan, at pakikipag-ugnayan sa inyo ay ganap na nakasalig sa pundasyon ng inyong tiwala sa Akin; isa ito sa mga pinakapangunahing prinsipyo. Upang makamit ang tiwala, ang pinakamahalagang bagay ay dapat kumpirmahin ninyong lahat sa inyong puso na sa bawat salitang sinasabi Ko, bawat tanong na itinatanong Ko, o bawat bagay na tinatalakay Ko, walang pagpapakana, walang masamang balak, walang bitag, at tiyak na walang pagsubok sa inyo. Kaya makakatiyak kayo—kapag nakikisalamuha Ako sa inyo, dapat nitong iparamdam sa inyo na kayo ay ganap na malaya at komportable. Kung nararamdaman ninyo na ang pakikisalamuha sa Akin ay hindi nagpapalaya o komportable, na kayo ay nalilimitahan o labis na naiilang, o kung hindi ay laging mapagbantay sa inyong puso, kung gayon sinasabi Ko na ito ay tunay na hindi Ko problema, kundi problema ninyo. Sa anong aspekto naroroon ang inyong problema? Dapat malinaw sa inyo mismo kung anong mga problema ang mayroon kayo at kung ano ang iniisip ninyo sa inyong puso; pagkatapos, lutasin ninyo ang bawat partikular na problema sa paraang angkop dito. Anumang mga problema ang matuklasan ninyo, lutasin ang mga ito. Kung marami kayong matuklasang problema, itala ang mga ito at pagkatapos ay isa-isang lutasin ang mga ito. Kung ang bawat problema ay hindi malulutas kaagad, kung gayon ay lutasin ang mga ito nang paisa-isa, nang dahan-dahan. Kapag nangyayari ang mga bagay na ito, dapat kang magsuri at magnilay-nilay, dapat mong tingnan kung ano talaga ang iniisip mo noong panahong iyon, sa anong mga isyu ka nag-iisip sa ganoong paraan, at anong mga pananaw ang nabubuo mo sa anong mga isyu; pagkatapos ay unti-unti mong lutasin ang mga ito. Isang araw, kapag binitiwan mo na ang mga iniisip at pananaw na ito sa iyong puso, nalutas na ang lahat ng problemang ito, at tunay mo nang nauunawaan ang katotohanan at nakikita ang halaga ng katotohanan, kung gayon ay magtitiwala ka na sa Akin. Maniniwala ka na kaya Kong tratuhin ang sinumang tao at anumang problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo at hinding-hindi Ako magpapakana laban sa iyo. Dahil dito, ang ating mga interaksyon ay maaaring maging komportable at puno ng kagalakan, maaari tayong mamuhay nang may pagkakasundo, at ang kaligayahan ay maaaring umusbong mula sa pagkakasundo nating ito. Ang magkaroon ng kaligayahan, tuwa, kapayapaan, at kagalakan—hindi ba’t mabuti iyon? (Oo.)